Love. Sex. Insecurity.
[Book 2 : Chapter 9]
By: Crayon
****Kyle****
7:16 pm, Wednesday
May 30
Pasado alas-siyete na pala. Napatingin ako sa aking relo matapos lumabas ni Aki ng opisina. Hindi ko na namalayan ang pagtakbo ng oras.
Ipinikit ko saglit ang aking mata dahil medyo pagod na rin ito sa pagtingin sa aking laptop. Noon ko naramdaman ang gutom. Naalala kong biskwit nga lang pala ang kinain ko kaninang lunch.
Parang bumalik naman sa akin ang pakiramdam ko kanina habang sinasabi ni Aki na hindi ako kasama sa kanilang lunch out. Napakaliit na bagay lamang kung tutuusin pero hindi ko mapigilang magdamdam. Pakiramdam ko kasi ay outcast ako. Hindi siguro matagalan ni Aki na kasama akong kumain.
Itinigil ko na ang pag-iisip na iyon at bumalik na ako sa aking ginagawa. Patapos na din naman ako at maari ko na lang iuwi ang aking report sa bahay para ma-review ko kung may kailangan akong baguhin pa.
Pasado alas-otso na nang pasyahin kong umuwe. Naisip ko na kumain o kaya ay maglibot muna bago umuwe. Ayaw ko naman kasi makipagsiksikan sa dami ng taong pauwe ngayon. Tiyak na trapik pa dahil araw ng sweldo.
Dinala ako ng mga paa ko sa may bandang Greenbelt. Nagugutom ako pero hindi ko alam kung ano ang gusto ko kainin. Tumingin-tingin ako sa mga nakahilerang kainan at coffee shop nang makuha ng pangalan ng isang shop ang aking atensyon. Yung pangalan kasi ng shop ay isa sa paborito kong pagkain. Bigla tuloy ako nag-crave lalo na nung ma-realize ko na halos dalawang taon ko pala tiniis na hindi kumain ng paborito kong cake.
Pumasok ako sa shop na iyon. Maganda ang interior ng shop, hindi mukhang crowded kahit na maraming tao ang nasa loob. Gusto ko din ang earth colors na nagbigay kulay sa loob nito. Hindi rin maipagkakaila na pinoy ang may ari dahil sa mga muwebles na pinoy na pinoy ang dating. Karamihan sa mga couches ay gawa sa rattan. Nakaganda rin sa lugar ang mga halaman sa maliliit na paso.
Nang makarating ako sa counter ay agad akong umorder ng dalawang slice ng blueberry cheese cake nila. Bumili din ako ng iba pang cakes na ipina-take out ko para maiuwi sa bahay.
"Iyon lang po ba sir? Drinks niyo po?", tanong sa akin ng kahera.
"Water na lang.", tipid kong sagot.
"Ok po, first time nyo po ba dito sir?", usisa ng kahera. Medyo naguluhan naman ako sa tinanong niya.
"Ah oo, bakit?", hindi ko mapigilang itanong.
"Ay wala naman po. Medyo pamilyar lang po kasi ang mukha nyo.", tumango na lamang ako sa sagot ng babae at kinuha na ang aking order.
Nakakita naman ako ng maari kong upuan sa tabi ng dingding sa gilid ng shop malapit sa counter. Doon ko inilapag ang aking mga gamit.
Napansin ko ang ang pagtingin sa akin ng ilang tao. Medyo na-conscious naman ako kaya pinasya kong pumunta muna sa restroom para tingnan kung okay pa ang itsura ko. Baka kasi mukha na akong taong grasa dahil sa pagtatrabaho sa maghapon.
Matapos magbanyo at masigurong mukhang tao pa ako ay bumalik na ako sa aking pwesto. Pero ganun pa din ang eksena, parang mas madami pa nga ata ang tumitingin sa aking direksyon. Hindi ko na lang iyon pinansin at nilantakan ko na ang aking order dahil gutom na din talaga ako.
Nang matikman ang inorder kong blueberry cheese cake ay hindi ako makapaniwala sa aking nalasahan. Siguro mahigit dalawang taon na ng huli akong kumain ng blueberry cheese cake pero hindi ako maaaring magkamali. Ito yung cheesecake na paborito kong kainin sa bahay nila Renz. Hindi ko alam kung paanong pareho ang lasa nito sa kinakain ko noon pero hindi na ako nagpapigil pa at kinain ko agad ang unang slice ng cake. Habang kumakain ay narinig ko naman ang isang customer na nagtanong sa waiter.
"Excuse me kuya, siya ba yung nasa picture sa wall?", tanong ng isang customer habang nakaturo sa akin. Hindi ko pinahalatang narinig ko ang kanilang pinag-uusapan.
"Ay sir, hindi ako sigurado. Hindi din kasi namin kilala yung lalaki sa litrato ang alam lang namin kaibigan yun ng may ari nitong shop. Pero magkamukha nga sila ano?", sagot naman nung waiter. Hindi ko tuloy mapigilan ang magtaka.
Pasimple ako tumingin sa pader sa aking gilid, para tingnan yung litratong tinutukoy nung waiter. Muntik naman akong mapatalon sa aking nakita.
"Shit!", medyo may kalakasan kong sabi ng makita ko ang litratong pinaguusapan nung waiter at customer. Lalo namang napatingin sa direksyon ko ang ibang tao at kita sa mukha nila ang samu't saring ekspresyon, may nalilito, natatawa, nangingilala, naguguluhan, at namamangha.
Nakasabit kasi sa dingding sa tabi ko ang isang larawan ng lalaking chubby na kumakain ng blueberry cheese cake. Ang nakakagulat lang ay mukha ko ang nasa larawang iyon. Hindi ko nga alam na may ganoon pala akong picture, hindi ko na matandaan ang kuhang ito. Kaya hindi ko rin maisip kung sino ang maaaring maglagay nito dito. Tatawagin ko na sana ang manager ng shop para magtanong, nang biglang bumalik yung waiter kanina kasama ang isang lalaki.
"Ayun sir oh, kamukha di ba?", malakas na wika nung waiter. Agad naman akong lumingon sa direksyon nito.
"Hi Kyle!", nakangising bati nung lalaking kasama nung waiter.
"Yes Renz, ikaw ba may kagagawan nito?", nakakunot noo kong tanong sa kanya habang nakaturo sa picture ko sa dingding.
Bigla naman umingay sa paligid ko. Mukhang naliwanagan ang mga taong nakapaligid sa akin na kanina lang ay nalilito. Narinig ko pa ang komento ng ilang kumakain sa shop na iyon.
"Oh sabi ko sayo siya yon eh! Cute siya dun sa picture pero mas hot siya ngayon! Anu kayang pangalan niya.", sabi ng isang babae sa kabilang table.
"Tol, nakakagwapo pala ang blueberry cheese cake nila dito umorder ka pa nga ng lima.", biruan ng magkakabarkada sa may bandang likod ko.
Lumapit naman sa akin si Renz. "Gusto mo dun ka na sa may loob ng office ko?", tanong niya sa akin.
"Hindi na dito na lang tayo. Eto din yung gawa ni Tita di ba?", tanong ko sa kanya patungkol sa kinakain kong cheesecake.
"Oo, namiss mo ba?", nakangiting tanong ni Renz.
"Sobra! Andyan ba siya?"
"Wala eh, kakaalis lang ni Mommy."
"Sayang naman, bakit hindi mo sinabi sa akin na may shop ka na pala?", usisa ko kay Renz.
"Sabi ko di ba may business na ako. Ano pasado ba sa panlasa mo?", nakangisi niyang tanong marahil ay nasisiyahan sa amusement na alam kong makikita sa aking mata.
"Oo, maganda. Eh eto anong ginagawa nito dito?", pagbabalik ko ng atensyon niya sa larawang nakapaskil sa aking gilid.
"Bakit maganda naman ah? Madami ngang nagtatanong kung sinu yung cute na nasa picture eh.", sagot ni Renz.
"Arggghhh, ipatanggal mo na please nakakahiya eh. Mukha akong may tama sa ulo sa picture na yan."
"Hindi ah ang cute-cute mo nga eh.", natatawang sabi ni Renz.
"Ayaw, picture na lang ni Gelo ilagay mo diyan.", pangungulit ko pa din kay Renz.
"Hindi pwede baka iyon pa ikalugi ng negosyo ko. Iyan kayang picture mo ang swerte ng buhay ko.", hindi na ako nakipag argumento pa at bumalik na lang ako sa pagkain ng cheese cake.
"Gusto mo ipag-take out pa kita?", alok sa akin ni Renz.
"Hindi na nakabili na ako eh.", sabay nguso sa mga dala kong pagkain.
"Kakagaling mo lang ba sa trabaho?"
"Oo, nagpapalipas lang ako ng trapik. Kayo, hanggang anong oras ba kayo bukas?"
"Usually hanggang 9pm lang. Pasara na din kami ngayon."
"Hmmm... nagbabagong buhay ka na talaga ngayon ha?"
"Siyempre, kelangan magbusiness para may pampakasal na tayo.", natawa ako sa sinabi niya pero agad ding nawala ang tawang iyon ng maalala ko kung sinu pa ang isang taong nagsabi ng kaparehong linya sa akin noon.
****Renz****
8:47 pm, Wednesday
May 30
Hindi ko inaasahan ang pagkikita namin ngayon ni Kyle. Nasa loob ako ng aking opisina ng tawagin ako ng isa sa aking mga waiter.
Mukhang kagagaling niya lamang sa trabaho dahil sa suot niyang long sleeves na bagay naman talaga sa kanya.
"Gusto mo uminom pagkatapos?", tanong ko kay Kyle. Gusto ko kasi siyang makabonding ng mas matagal.
"Ha? May pasok pa ako bukas eh tsaka may kailangan pa ako tapusing report ngayon sa bahay.", pagtanggi niya sa aking paanyaya.
"Hmmm ok, sige next time na lang kapag di ka na gaanong busy.", malungkot kong sabi.
"Oo, gusto mo this friday na lang. I'll see you after work. Libre ko.", nakangiti niyang imbita sa akin. Para naman akong lulutang sa aking kinauupuan dahil sa tuwa.
"Sige! Text mo na lang ako.", nakangiti kong sagot.
Mga fifteen minutes pa kaming nagkwentuhan bago siya nagpaalam sa akin.
"Ihahatid na kita hanggang sa terminal para hindi ka mahirapan sumakay pa-Cubao.", sabi ko kay Kyle.
"Huwag na nakakahiya naman baka may mga kailangan ka pang gawin dito tsaka hindi pa kayo nakakapagsara oh.", atubiling sagot ni Kyle sa akin.
"Ok lang naman sa akin. Pauwe na din talaga ako ng mga oras na to tska andito naman yung manager ng shop. Kaya na niya i-supervise ang pagsasara ng shop. Diyan ka lang, kukunin ko lang yung mga gamit ko tsaka susi ko, ok?", dire-diretso kong sabi para hindi na makatanggi pa si Kyle. Tumango na lamang siya bilang sagot.
Agad akong bumalik sa aking maliit na opisina sa shop para kunin ang aking mga gamit. Gumagawa kasi ako ng inventory para sa buwan na ito kanina. Balak ko ay sa bahay na lamang tapusin iyon para maihatid ko si Kyle. Nag-iwan lamang ako ng ilang bilin sa aking manager bago namin lisanin ang shop.
"Ok na ako, tara na!", yaya ko kay Kyle. Ngumiti lamang siya bilang tugon. Wala sa sarili kong hinawakan ang kanyang kamay at hinila siya palabas ng shop. Huli na ng ma-realize ko ang aking ginawa. Mainit at malambot ang kamay ni Kyle, kahit na biglaan ang aking ginawang paghablot dito ay hindi ko naman naramdaman na nagreklamo o pumalag siya kaya hinigpitan ko na lamang lalo ang hawak sa kanya. Nakita ko rin ang ilang matang nakatingin sa magkasugpong naming mga kamay pero walang naglakas-loob na magkomento.
Nang makarating kami sa parking lot ay ipinagbukas ko pa siya ng pinto bago ako umupo sa driver's seat. Napakasaya ng pakiramdam ko ng mga sandaling iyon. Wala sa sariling napapasipol pa ako habang umaatras ang aking kotse. Tahimik lamang si Kyle at nangingiti habang tinitingnan ako.
"Gwapo ba?", puna ko sa kanya ng mapansin kong nakatingin pa din siya sa akin kahit na umaandar na ang aming sasakyan.
"Oo, kahit naman noon eh.", natatawa niyang sagot.
"Pero mas gwapo ka na ngayon.", sagot ko naman sa kanya.
"Hahaha tado, hindi ko pa pala naitanong, may girlfriend ka na ba? Asawa? Live-in partner?", seryosong tanong ni Kyle sa akin.
"Wala pa.", nakangisi kong sagot.
"Boyfriend? Fling? Fu-bu?", dagdag na tanong ni Kyle.
"Wala nga po.", natatawa ko nang sagot sa kanya.
"Weh?! Ikaw pa mawalan ng ganun?! Imposible!", nang-aasar na sagot ni Kyle.
"Hahahaha single nga ako for the last two years."
"Bakit?", naguguluhang tanong sa akin ni Kyle.
"Kasi may matabang jellyfish ang nangako sa akin noon na babalikan niya ako kapag ok na siya. And i held onto that promise, kaya matiyagang naghintay sa buhanginan yung starfish. Kahit na minsan naiinip na siya at napapagod, naghintay pa din siya dahil alam niyang tutupad sa pangako yung matabang jellyfish. Worth it naman yung paghihintay nung starfish kasi sobrang saya niya nung makita niya uli yung bespren niyang jellyfish.", parang bata kong pagkwekwento kay Kyle. Nakita ko naman siyang ngumiti ng matamis sa kwentong iyon.
Nakita kong sinandal ni Kyle ang ulo niya sa headrest at ipinikit ang kanyang mata. Marahil ay pagod na siya kaya hindi ko na siya kinulit pa. Hinayaan ko na siyang matulog at gigisingin ko na lang siya kapag dating sa terminal.
May tatlumpung minuto din naming tinakbo mula Makati hanggang Cubao, matrapik din kasi talaga sa Edsa. Nang magising si Kyle ay saktong nasa terminal na kami ng bus.
"Salamat sa libreng sakay Renz. Ingat ka pag-uwe.", pagpapaalam sa akin ni Kyle.
"Ikaw din, ingat ka. Hinay-hinay sa tulog baka lumagpas ka sa bababaan mo.", sagot ko sa kanya.
Pababa na si Kyle ng kotse ng kabigin ko ang braso niya paharap muli sa akin. Halata naman ang pagkagulat sa mukha niya at ang pagtatanong sa kanyang mata.
Dumukwang ako papalapit sa kanyang mukha at binigyan siya ng isang damping halik sa noo. Hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko na hindi siya halikan. Wala naman siguro masama kung sa noo ko siya halikan dahil magkaibigan naman kami.
"Ingat ka uli pag-uwi, kita na lang uli tayo sa friday.", abot tenga ang ngiti ko sa kanya ng sinabi iyon.
Hindi na siya nakapagsalita pa at tumango na lang habang nakangiti rin. Lumabas na siya ng kotse at nakita ko siyang naglakad papunta sa nakapilang bus.
Ako naman ay pinaandar na rin ang kotse upang makauwi na sa bahay.
****Kyle****
9:43 pm, Wednesday
May 30
Hinalikan ako ni Renz matapos ang dalawang taon naming hindi pagkikita at hindi ko ikakaila na kinilig ako sa ginawa niya. Hindi ito ang unang beses na hinalikan niya ako pero isa ito sa iilang halik na natanggap ko mula sa kanya na may kasamang emosyon. Ramdam ko ang sincerity, concern at care sa halik niya sa aking noo kanina.
Dahil sa aking nararamdaman ay hindi ko na nagawa pang makatulog sa bus. Paulit-ulit kong binabalikan ang aming pag-uusap kanina, lalo na nung tanungin ko siya tungkol sa love life niya. Ganito pala ang pakiramdam na nararamdaman mong may gusto din sayo ang taong crush mo. Sobra akong kinikilig. Pero pinigil ko ang aking sarili baka kung saan na naman kasi ako dalhin ng aking malikot na pag-iisip. Baka mag-assume na naman ako ng mga bagay-bagay. Basta isa lang ang sigurado ako ng mga sandaling iyon, labis ang kilig na nararamdaman ko.
Hindi ko namalayan ang pagdating ko sa bahay. Matapos batiin sila Mama at ibigay ang aking pasalubong ay dumiretso na ako sa aking kwarto. Nag-log in ako sa aking facebook, hindi para hanapin si Lui kundi para tingnan kung online na si Renz.
Pinagsabihan ko ang aking sarili dahil sa pakiramdam ko ay nawawala na naman ako sa kontrol. Hinalikan lang ako ni Renz sa noo pero parang nakalimutan ko na lahat ng di magandang nagyare sa amin noon.
Hindi naman ako nabigo sa aking pakay dahil naka-online na din si Renz. Pinasya kong hindi muna siya i-message at hinintay ko na siya ang unang magsend ng message. Habang naghihintay ay nagpalit na ako ng aking damit na pantulog at nagwash up na din ako.
Nagto-toothbrush na ako ng marinig ko ang pamilyar na tunog mula sa aking laptop.
Renz: jellyfish?
Ako: po?
Renz: kanina ka pa nakadating ng bahay?
Ako: kadarating lang po, ikaw bakit gising ka pa?
Renz: gumagawa pa ako ng inventory report ng shop eh.
Ako: pareho pala tayo, may gagawin pa akong report kaya hindi pa rin ako pwedeng matulog.
Renz: may skype ka ba? Skype na lang tayo. Gusto kita makita eh.
Binigay ko sa kanya ang aking skype account para makapag video call kami. Maya-maya ay nakita ko na ang gwapong mukha ng aking kaibigan. Naka-pantulog na siya. Topless at boxer shorts. Napalunok ako ng maalala ang magandang katawan ni Renz. Biglang uminit ang aking pakiramdam.
Renz: ui sira pala yung mic ng headset ko, ngayon ko lang napansin.
Ako: panu yan hindi naman ako pwede makipag-chat sayo magdamag kasi may gagawin akong report.
Renz: ok lang yan, basta iwan mong bukas yung cam mo.
Ako: ok, bakit ganyan ang ayos mo? Di ba nakapaglaba ang kasama niyo sa bahay ha?
Renz: hahaha ganito naman ako talaga kapag matutulog ah? Ang cute mo sa panjama mo, hahaha
Nakaramdam naman ako ng hiya, spongebob pa kasi yung design na suot kong panjama at may terno pang pang-itaas.
Ako: sama mo!
Nakita ko naman ang pagtawa ni Renz. Namiss ko ang ganito niyang hitsura. Naalala ko tuloy yung mga kulitan namin noon.
Ako: tumigil ka na sa kakatawa, gawin na natin yung mga dapat nating gawin para makatulog na tayo.
Nagsimula na ako sa pagrereview ng report ko, nakalimutan ko na halos na nakabukas nga pala ang webcam ng laptop ko at pinapanuod ni Renz ang mga kilos ko habang gumagawa ng report. Makalipas ang isang oras ay naisipan kong silipin si Renz.
Laking gulat ko ng makitang nakangisi siya sa screen at tila tuwang tuwa siya sa kanyang pinapanood.
Ako: hoy!!! Anong ginagawa mo jan? Nanonood ka ng porn no?!
Renz: hindi pinagmamasdan lang kita, ang cute mo pala kapag nagtatrabaho no?
Ako: tado ka! Ako pa pinagtitripan mo! Pano ka matatapos sa report mo kung ayaw mo pa magsimula.
Renz: gumagawa ako ng report ko tingnan mo oh!
Saka nakita kong itinapat ni Renz ang spreadsheet na ginagawa niya sa cam para ipakita sa akin na may ginagawa siya.
Ako: kuha lang ako ng kape.
Renz: ok.
Bumaba ako sa kusina para makapagtimpla ng kape, panlaban sa antok. Pinili kong dalhin na lang ang tasa ng kape pabalik sa aking kwarto. Nakabukas pa rin ang window ng skype at kita ko ang itsura ni Renz habang gumagawa ng report.
Sinadya kong hindi tumapat sa cam ng aking laptop para hindi niya ako mahuling pinagmamasdan siya. Hindi ko naman mapigilang mapahagikgik habang pinagmamasdan si Renz. Ang cute niya kasing tingnan, hindi ko pa siya nakita sa ganitong ayos. Sanay ako sa Renz na puro party at kasiyahan lang ang inaatupag. Habang gumagawa siya ng report ay mukha siyang isang highschool student na nagsasagot ng isang mahirap na math exam.
Nagpasya akong bumalik na sa aking kinauupuan kanina para matapos ko na ang aking ginagawang report.
Renz: bakit ngingiti-ngiti ka?
Bati sa akin ni Renz ng makita niya akong nakabalik na.
Ako: wala naman, bumalik ka na sa ginagawa mo para makatulog na tayo.
Bandang ala-una na ng umaga ng piliin ko na matulog na, hindi ko na natapos pa ang aking report. Pero okay lang dahil konti na lamang naman ang kailangan kong baguhin at magagawa ko naman itong ipasa kay Aki mamaya. Sinilip kong muli si Renz bago ko ipikit ang aking mata.
Napangiti naman ako ng makita kong nakahiga na ang kanyang ulo sa kanyang lamesa at mukhang mahimbing nang natutulog. Ginaya ko na lamang siya. Iniwan kong bukas ang aking laptop at dumukdok na lang ako sa aking lamesa may ilang oras pa ako para matulog bago pumasok muli sa trabaho.
...to be cont'd...
ayee! kilig much! more pa please mr. author ganda po ng kwento
ReplyDeleteang cute.kakakilig naman.
ReplyDeleteGervy
"graabbbeeeee... ang sarap lang talaga ma in-love.. kahit sino maging partner ni kyle, pasado lahat...
ReplyDelete-arejay kerisawa
galing tlg...
ReplyDeletemarc
Wow napakakilig nman sana gan0n din mangyari skin ehehe
ReplyDeleteJulmax