Followers

Wednesday, December 31, 2014

PARA SA MGA AMATEUR WRITERS NA GUSTONG MAISAAKLAT ANG KANILANG MGA AKDA!


Tama po! If you dreamed of having your own book, this is the answer. Sa minimum cost lamang ay puwede na po kayong magpaprint ng book na matatawag na "quality" at "standard".

Self-publishing po ang tawag dito. Pero unlike the conventional self-publishing na kailangang gumastos ng malaki at kailangang maramihan ang i-print upang maging mura lang ang per book cost (na aabot din sa hindi kukulang sa 50K ang overall cost), ang MSOB book ay tumatanggap ng kahit minimum na 25 copies lamang sa mamabang presyo.

At de kalidad ang libro, hindi newsprint ang gagamitin, may copyright ninyo (tutulungan kayo namin na mag-apply ng copyright), at may ISBN (International Serial Book Number). Ito ay upang talagang katanggap-tanggap ang book ninyo as a standard book.

Nakapagprint na po kami ng books, at katunayan, may mga books na kami na pumasa sa evaluation ng National Book Store, kagaya ng "Santuwaryo: Tatlong Kuwento Ng Pag-ibig" (on display na sa NBS), at mga books na soon to be displayed at National Book Stores na "Ang Kuya Kong Crush Ng Bayan", "MSOB Anthology 2", at "Munting Lihim".

Heto po ang specifications:

1) Size: 5.5” x 8” (ito lamang ang size na puwede naming gawin)

2) Cover: Softbound

3) Inside pages: Bond paper, white (hindi newsprint)

4) Binding: Perfect binding

5) Minimum no. of copies: 25

6) Rate per book:

60 pages = Php120
80 pages = Php130
100 pages = Php140
120 pages = Php150
140 pages = Php160
160 pages = Php170
180 pages = Php 180
200 pages = Php 190
220 pages = Php200

7) MSOB will handle in the application of ISBN for your book for a fee of Php500.00

8) We will assist you to obtain a copyright para sa book mo

How to calculate:

Assuming that -
a) Your book has 60 pages, and
b) You want to print 25 books

120.00 x 25 = 3,000.00
Add ISBN Fee = 500.00

Total = 3,500.00

For 3.5K, you will have already 25 quality books complete with copyright and ISBN.

Heto ang procedure:
i. Submit your manuscript (MS) via email. Edited, at naka layout sa size na 5.5" x 8"
ii. Kasama sa manuscript ay ang mga title page, copyright page, acknowledgement page, etc. (we can give a sample on this)
iii. Submit your image in high resolution, ready to print, again naka layout para sa cover ng book, including the spine and bleed

We will start this project po by December, 2014.

For more information, please pm me, or send me email at getmybox@hotmail.com

-Michael Juha-

Sunday, December 21, 2014

Beat of my Heart Chapter 21&22




AUTHOR'S NOTE

Hello sa lahat!!

Salamat pala nang marami sa nagbigay ng comments mula chapter 12 up to 20! 
Kina Angel (Salamat sa comment. Sa pagbibigay ng magagandang comment. At sa pagbibigay ng pwedeng mangyari.). Kuya Alfred of T.O (yeah, kuya. I'm really little. Lol. Nasa 5 flat lang yata ang height ko. xD)Valintin Olingay, Papa JC Sy (Yes!! Isang malaking YES po. Taga-bicol po ako. Third district ng Albay. Kayo po ba?), Kris De Leon, Gilrex Laurente, Shai (Uhmm. actually, dakilang extra lang talaga si Austin sa istoryang ito. May sarili na kasi po siyang kwento *wink*), Chapter 9 anonymous (lol, bakit hindi ka kaya magbigay ng pangalan, kuya?? Pwede?), Mark_03, sa mga kuyang Anonymous ng chapter 13- 20, at panghuli kay Marc Abellera (lol. hindi ko rin kayang magkaroon ng ganoon na nanay.. ayoko.haha).

SALAMAT NANG MARAMI!!
            

Kay Mama Lalie. Salamat sa papuri. Kay Faustino at kay JM Perez na hina-harass kong magbigay ng comment via fb chat. Haha. (Hina-harass nga ba?)


Pang-unawa at pasensya na ulit sa kaguluhan ng chapters na ito. Masyado ring korni para sa akin. At pasensya na sa ka-tsungahan ng bida sa istoryang ito.

Nandito rin pala si Joen at Vin bilang dakilang extra. xD

Well. Be the judge na lang po. xD

Bago ko pa makalimutan. Salamuch kay Kuya Carlos. Kay Kuya Rye at sa ibang co-RA's ko.
Kay sir Mike at kuya Ponse. Thanks sa privilige.         

Enjoy po!! Sana :)

Advance MERRY CHRISTMAS at HAPPY NEW YEAR na rin po!!



CHAPTER TWENTY-ONE

"HABANG pinagmamasdan ko kayong dalawa, naisip ko na may common denominator na tayong tatlo," natatawang sabi ni Coby.
            Mula sa kanyang ginagawa, bumaling si Vienne dito. Napatingin rin dito si Brax na abala sa harap ng kung ano na ginagamit nito sa banda na nasa loob ng bahay nina Coby. Tinigil nito ang ginagawa.
            Niyaya sila ng huli na pumunta sa bahay nito para mag-unwind. Umiinom ng light beer ang dalawa samantalang siya ay pinagkakaabalahan ang pagpapak sa pulutan ng mga ito. Siyempre, hindi rin maiiwasan na pati siya ay uminom. Iyon nga lang ay may hangganan siya. Ayaw naman niyang matawag na killjoy ng dalawang kasama niya.
            "Tama ka r'un," sang-ayon dito ni Brax saka tumayo. Tinungo nito ang lamesa kung saan nakapatong ang bote ng beer na iniinom nito.
            "At hindi `yon nakaka-proud," aniya.
            Natawa naman si Coby. Tinabihan siya ni Brax sa mahabang sofa. Ipinatong nito ang ulo sa balikat niya.
            "In some way. Hindi siya nakakatuwa pero kung titingnan mo ang ibang aspeto niyon, mas mabuti nga."
            "Sus! Coby, may pinaghuhugutan ka talaga."
            "Vienne, hindi ko maiwasan. Alam mo naman ako, bitter."
            "Halata nga," ani Brax.
            "Isa lang ang masasabi ko sa `yo, Brax. Slowly, matatanggap mo rin `yan."
            "Sana nga pero alam ko na mabagal ang magiging proseso bago ko matanggap na naghiwalay na ang mga magulang ko. At dahil iyon sa isang babae."
            Hinawakan niya ang kamay nito nang maramdaman ang tensiyon doon. Nagagalit na naman ito.
            "Brax.." aniya.
            "I'm okay. Hindi ko lang talaga kasi matanggap."
            "Naiintindihan ko. Pero kagaya nga ng sabi ko sa `yo, walang magagawa ang paghihigani at galit."
            "Hindi ko alam kung paano haharapin ito."
            "Nandito lang ako. Nandito lang kami ni Coby," aniya sabay tingin kay Coby.
            Isang nakakaunawang ngiti ang iginanti nito sa kanya.
            "Maiwan ko muna kayong dalawa dito," paalam nito. "May kukunin lang ako."
            Binalingan niya si Brax nang makaalis si Coby.
            "Okay ka na ba, Brax?"
            "I'm okay. Nahihiya ako sa `yo, Vienne. Alam kong may problema ka rin sa mama mo pero hindi kita madamayan dahil sa sitwasyon ko."
            "Naiintindihan kita."
            "Ano na lang ang gagawin ko kung wala ka sa tabi ko, mahal ko. Walang iwanan, ah. Pangako `yan."
            "Oo, walang iwanan."
            Niyakap siya nito nang mahigpit. Pinigilan niya ang sarili na maiyak. Walang iwanan. Hindi ko alam, Brax. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko masasabi ang ganoon sa `yo. Nanatili akong malakas para sa atin pero ang lakas ko.. parang unti-unting hinihigop dahil sa nalaman ko. Mapapatawad mo ba ako kapag nalaman mo ang isang bagay na dahilan ng nararanasan natin pareho ngayon?
            Tumulo na ang luha niya.
            Lumayo sa kanya si Brax saka siya tinitigan. "Bakit ka umiiyak?" Nag-aalalang tanong nito.
            "Wala. Napuwing lang ako."         
            Hindi naniniwalang tingin ang ibinigay nito sa kanya. "That's a lame excuse, Vienne. Bakit ka ba umiiyak? Sabihin mo sa akin. Makikinig ako."
            "Wala nga, Brax."
            Bumuntung-hininga lang ito. "Ikaw ang bahala kung ayaw mong sabihin sa akin. Makikinig ako, alam mo iyon."
            "Alam ko iyon."
            "Napansin ko nitong mga nakaraang araw, puro problema ang hinarap natin. Ikaw sa mama mo, ako naman sa magulang ko. Malalampasan natin `to, right?"
            "Oo naman."
            Walang iwanan. Oo naman.
            Sana mapanindigan niya ang mga sinasabi niya dito. Isang linggo na rin ang nakakalipas mula nang mangyari ang komprontasyon sa pagitan niya at ng mama niya. Ngunit, nanatiling sariwa pa rin iyon sa isipan niya. Paulit-ulit na umaalingawngaw na parang tunog ng isang kampana. Parang echo na paulit-ulit na naririnig niya. Hindi lang isang beses kundi marami pa.

            "Ikaw! Isa kang pagkakamali! Simula nang mabuhay ka, pagkakamali ka na! Pareho kayo ng hinayupak mong ama! Pareho.."

            Napapikit siya.

            "Ikaw ang bunga ng ama mo! Ikaw ang may kasalanan ng lahat! Ikaw ang dahilan ng kamiserablehan ko! Tuwing nakikita kita, naaalala ko ang kagaguhan ng ama mo! Layuan mo si Brax! Ayokong maging kaibigan mo siya! At lalong ayoko na maging boyfriend mo siya dahil wala akong anak na bakla. Kung hindi mo gagawin ang sinabi ko. Lumayas ka na dito! Hindi kita kailangan."

            Siya ang dahilan kung bakit miserable ang mama niya. Kahit kailan ay hindi siya nito matatanggap. At ang masakit pa. Darating ang araw na lalayuan niya si Brax dahil sa aksidenteng nalaman niya.
            "Ano na naman ang naiisip mo, Vienne?" Untag ni Brax sa pananahimik niya.
            "Pwede mo ba akong halikan, Brax."
            Nagulat ito sa sinabi niya. Hindi iyon bago sa kanya. Tuwing may namamagitan kasi sa kanilang halik ay ito ang nag-i-initiate niyon. Tuwing siya naman ang humihingi ng halik ay sa kwarto lamang nito. Hindi sa kung saan-saan na lugar. Para kasi sa kanya ay isang intimate na bagay iyon na alam niyang pwedeng mag-lead sa mas masidhing bagay.
            "Sigurado ka ba, Vienne?"
            "Sigurado ako." Gusto kong maramdaman ang labi mo sa labi ko. Kung ito man ang magiging huli, gusto ko na i-enjoy ang buhay na kasama ka. "Mahal na mahal kita, Brax. Tandaan mo iyon."
            "Mahal din kita. Mahal na mahal. Tumitibok na ang puso ko para sa `yo. Wala nang iba pa."
            "Ganoon din ako."
            Isang mainit na halik ang pinagsaluhan nila. He savored the moment. Ipinikit niya ang mata. Mula sa kanyang labi, bumaba ang labi nito sa kanyang leeg na nagdulot ng init sa buo niyang pagkatao.
            Bago pa sila mapunta sa kung saan, itinigil na niya iyon. Lumayo siya kay Brax.
            "Bakit?" Takang tanong nito.
            "Hindi dito, Brax. Huwag dito."
            Ngumiti ito. "Kung ganu'n, umalis na tayo dito. Let's find a private place where we can do private things," anito.
            Tumayo ito pagkatapos nitong sabihin iyon. Hinila siya saka sila naglakad papunta sa pintuan para lumabas. Pipihitin na sana ni Brax ang seradura ng bumukas ang pintuan. Tumambad sa kanila si Coby. May pagtataka sa mukha.
            "Saan kayo pupunta?"
            "Uuwi na kami," ani Brax.
            "Umiinom pa tayo kaya nga ako kumuha ng inumin," anito sabay muwestra ng dalang bucket na may lamang limang bote ng alak.
            "Tama na `yon, Coby. Bawal akong uminom ng marami. Magda-drive pa ako," palusot nito.
            Lihim na lamang siyang napapangiti. Tiningnan siya ni Coby.
            "Ikaw, Vienne? Sigurado ba kayong dalawa?"
            "Oo."
            "Baka may gagawin lang kayong iba kaya agad-agad aalis kayo." Anito. Isang tingin na hindi naniniwala ang ibinibigay sa kanila.
            "Wala ka nang pakialam kung may gagawin man kami," ani Brax, mahihimigan na ang pagka-asar sa boses.
            Inaatake na naman ito ng pagiging hot-tempered.
            "Ang bilis mo talagang magalit!" Palatak ni Coby. "Sige na nga. Umalis na kayo. Ako na lang ang mag-isang iinom ng mga `to."
            "Uy, `wag mong ubusin `yan," agad na sabi niya.
            "Okay lang `yon. Sige, ba-bye na," ani Coby saka umalis sa daraanan nila.
            Nilampasan nila ito.
            "Sige! Enjoy kayo, ah!"

IMBES na dumiretso sa bahay ni Brax, nauwi sina Vienne sa pamamasyal sa park na nasa vicinity lang ng village nina Coby. Nakaupo sila sa isang bench at pinagsasawa ang mata sa pagtingin sa mga batang naglalaro sa playground.
            Habang tinitingnan iyon ni Vienne, naiisip niya na sana bumalik na lang siya sa pagkabata. Iyong mga panahon na wala siyang naiisip na problema kundi puro paglalaro lang. Paglalaro na kasama ang lalaking katabi niya. Ang lalaking mahal na mahal niya.
            "Gusto mo maglaro?" Tanong sa kanya ni Brax. Napatingin siya dito.
            "Maglaro? Sa edad natin na `to, maglalaro pa tayo?"
            "Oo naman. Teenagers pa lang naman tayo kaya pwede pa."
            "Sige ba," aniya saka tumayo.
            Natawa si Brax saka sumunod sa kanya. Nagtungo sila sa seesaw at sumakay doon. Habang nakasakay doon ay tawa nang tawa si Vienne. Ang sarap bumalik sa pagkabata. Walang pasisidlan ang kasiyahan. Sana palagi na lang ganito..
            Nang magsawa sa seesaw ay nagtungo naman sila sa swing. Siya ang sumakay at si Brax naman ay pumwesto sa kanyang likuran para itulak ang kinauupuan niya.
            "`Yong mataas, Brax! Isa pa!" Sigaw niya.
            Ipinikit niya ang mata at dinama ang hangin na humahaplos sa kanyang pisngi. Ang saya lang. Ang saya-saya lang.
            Mula sa swing, sa slide naman sila nagpunta. Nagpabalik-balik sila doon na parang mga bata talaga. In-enjoy niya ang moment na kasama si Brax.
            "Ang saya ko, Brax! Sana palagi na lang ganito. Sana bumalik na lang tayo sa pagkabata para huwag na tayong mamroblema pa."
            "Ang saya nga, Vienne, lalo na kapag ikaw ang kasama ko. Hinding-hindi ako magsasawa na makasama ka. Walang iwanan, ah."
            Hindi siya sumagot. Um-slide na siya. Bumalik siya sa swing at patayong sumakay doon at itinulak ang sarili sa pinakamataas na lebel. Habang nandodoon ay hindi niya mapigilan ang pagtulo ng kanyang luha. Hinayaan niya iyon. Alam niya na hindi siya mapapansin ni Brax sa kadramahan niya dahil pagkatapos nitong um-slide ay nagtungo ito sa malapit na tindahan para bumili ng pagkain gaya ng sinabi nito.
            Ayaw na niyang magsalita ng tapos. Ayaw na niyang bigyan pa ng false hope si Brax tungkol sa relasyon nila dahil alam niya na matatapos din ito dahil sa kanya. Mahal niya si Brax pero kailangan niyang iwanan at lumayo dito para matahimik ang konsensya niya. Hindi niya kayang makita na nasasaktan si Brax ngunit sa paglilihim niya, alam niya na mas masasaktan niya ito.

            Mahal na mahal kita, Brax. Ngunit hindi sasapat ang pagmamahal ko sa `yo para malunasan ang sakit na nararamdaman mo lalo na at alam ko na ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya mo. Mahal kita.. mahal na mahal.

            "Vienne!" Tawag sa kanya ni Brax na nagpataranta sa kanya. Puno ng luha ang pisngi niya at ayaw niyang makita nito iyon. Habang mabilis pa rin ang paggalaw ng swing ay pinunasan niya ang luha.
            Sa hindi inaasahan na pagkakataon. Nawalan siya ng balanse. Napabitiw siya sa hinahawakan at tila papel na tumilapon mula sa kinatatayuan at bumagsak sa lupa. Naramdaman niya ang kirot sa kanyang ulo nang tumama iyon sa isang bato saka siya nawalan ng malay.


SOBRANG pag-aalala ang bumangon sa puso ni Brax nang makita si Vienne sa mabilis na pagpapagalaw ng kinatatayua nito na swing. Tila wala itong pakialam kung malakas o mahina ang pagpapagalaw nito niyon. Nasa malalim na naman itong pag-iisip. Tumakbo siya palapit dito at tinawag ito nang malakas.
            Alam niya na narinig siya nito dahil sa reaksyon nito. Tila nataranta at pinunasan ang pisngi. Umiiyak siya. Ang agad niyang naisip sa ginawa nito. Bakit? Isang katanungan na gusto niyang mabigyan ng kasagutan.
            Bumangon ang takot sa kanyang puso nang tila papel na tumilapon si Vienne mula sa kinatatayuan at bumagsak sa lupa. Hindi niya ito naabutan bago pa bumagsak. Muli, tumakbo siya palapit dito para madaluhan ito. Lumakas ang tibok ng puso niya. Kasunod ang sobrang pag-aalala nang makita niya ang dugo na umaagos mula sa sugat nito sa likuran ng ulo nito.
            "Vienne. Vienne." Tawag niya dito.
            Wala itong malay..

"ANO ba ang nangyari?"
            Mula sa kanyang kamay na may dugo, umangat ang tingin ni Brax sa katabing si Coby. Nang mangyari ang aksidente ni Vienne ay ito agad ang tinawagan niya. Tila nawala siya sa sarili sa nangyari kanina at si Coby ang umasikaso ng lahat. Hindi niya kaya na makita na nasasaktan si Vienne. At ang nangyari kanina, umiiyak si Vienne. Hindi niya alam kung bakit ito umiiyak at napapansin niya nitong mga nakaraang araw na tila marami ang bagay na bumabagabag dito. Hindi man iyon sabihin sa kanya ni Vienne ay alam na niya. Hindi sila naging magkaibigan kung hindi niya ito kilala.
            Ang mga problemang dumating sa kanila ni Vienne ay sunod-sunod. Ang paghihiwalay ng magulang niya. Ang pagkakaroon ng hinala ng mama ni Vienne sa relasyon nila. Nangangamba siya na baka sa mga susunod na araw ay may dumating na naman. Alam niya na ang mga suliraning iyon ang dahilan kaya nangyari ang aksidente nito ngayon.
            "May iniisip siya, malalim. Umiiyak si Vienne kanina nang tawagin ko siya. Dahil doon kaya siya nataranta. Na-out balance at nahulog sa swing."
            "Ano ba kasi ang ginagawa n'yo sa park?"
            "Doon kami nauwi imbes na umuwi." Tipid niyang sagot.
            "Hindi sa nagiging ewan ako, Brax, pero nang maging kayo ni Vienne. Napansin ko na sunod-sunod ang naging problema n'yo."
            "Ano ba ang sinasabi mo? Na kasalanan ng relasyon namin kaya kami nagkakaganito. Na malas iyon kaya nangyayari ang lahat na kamalasan namin." Asar na sabi niya.
            "Hey! Hindi iyon ang ibig kong sabihin," anito, sabay taas ng dalawang kamay bilang tanda ng pagsuko.
            "Huwag ka na nga lang magsalita kung ganoon lang na bagay ang sasabihin mo." Hindi pa rin nahuhupa ang iritasyon niya sa sinabi ni Coby.
            Tumayo siya mula sa upuan saka naglakad-lakad. Pabalik-balik sa hallway ng ospital kung saan nila dinala si Vienne para magamot ang natamo nitong sugat.
            "Uy, sorry. Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin," mapagkumbabang paumanhin nito.
            Napabuntung-hininga siya. Kinalma ang sarili. "Wala nang kaso sa akin iyon. Okay na ako. Sa susunod, huwag mo nang sasabihin ang ganoon, Coby. Kasi, para sa `kin, ang relasyon namin ni Vienne ang isa sa pinakamagandang bagay na nangyari sa akin, sunod sa pagiging kaibigan niya sa `kin. Minsan nga naiisip ko, ano na lang ako kung wala si Vienne sa tabi ko. Nasanay at mabubuhay ako na kasama siya sa tabi ko. Kaya, sobra ang pag-aalala ko para sa kanya. Alam ko na kakayanin namin ang mga problema. May tiwala ako sa kanya at ganundin siya sa akin."
            Napamura si Coby. "Shit na malagkit lang! Ang keso mo na dinagdagan mo pa ng kakornihan. Sige! Ikaw na ang inlove! Kayo na ang inlove."
            Napangiti na lamang siya sa sinabi nito. Natigil sila sa pag-uusap ng lumabas ang doctor na gumamot kay Vienne. Isang mabilis na pag-uusap ang namagitan saka sila nito iniwanan.
            Pinuntahan niya si Vienne sa kamang hinihigaan nito. Nakapikit ang mata. Himbing na himbing sa pagtulog.
            Marahan niyang hinaplos ang pisngi nito saka hinalikan doon.
            "I love you, bie."
            Gumalaw si Vienne saka nagmulat ng mata. Nagtama ang tingin nila. Binigyan niya ito ng isang ngiti saka dinaluhan para makaupo.
            "Pasensya na, nagising kita," aniya. "Okay ka na ba?"
            Tumango ito. "Walang kaso, Brax. Okay na din. Medyo makirot lang ang ulo ko. Pasensya na, Brax, ah."
            Umiling siya. "Walang kaso sa akin iyon. Sa susunod huwag ka nang sasakay ng swing. Lagi ka na lang nawawala sa sarili tuwing nag-iisip ka ng malalim. Pwede mo bang sabihin sa `kin kung bakit ka umiiyak kanina?"
            Nag-iwas ito ng tingin. "Pwede bang huwag na nating pag-usapan, Brax."
            Huminga siya nang malalim. "Ikaw ang bahala. Kasangga mo ako, alam mo naman `yon, `di ba? Ako ang sundalo mo, Vienne."
            "Hindi ko nakakalimutan `yon, Brax. May mga bagay lang kasi na hindi ko pa masasabi sa `yo sa ngayon. Hindi pa.."
            "Naiintindihan ko. Maghihintay ako na sabihin mo sa `kin `yon."
            "Salamat, Brax."
            Niyakap niya ito nang mahigpit saka hinalikan sa tuktok ng ulo.


"ANONG nangyari sa `yo, apo?"
            Nag-aalalang tanong ni Lola Cons kay Vienne nang makita nito ang gasa sa likuran ng ulo niya. Magkakatabi silang tatlo nina Brax at Coby na nakaupo sa mahabang sofa. Nakapwesto naman si Lola Cons sa paborito nitong pwesto, sa tumba-tumba na upuan.
            "Nahulog po ako sa swing," nahihiyang sagot niya. Hindi siya makatingin ng diretso dito dahil sa katangahan na nangyari sa kanya. Wala naman siyang masisisi dahil siya naman ang may kasalanan. At bumabagabag pa rin sa kanya ang mga bagay na nakita na hindi dapat.
            "Bakit ka nahulog? Ano ba naman `yon? Mabuti na lang at hindi ka nabalian? Kumusta na ba ang pakiramdam mo?" Sunod-sunod na tanong nito. Mariringgan ng pag-aalala ang boses.
            "Nawala na naman po siya sa sarili, lola," pagsalo sa kanya ni Brax.
            Tiningnan niya ito saka nginitian.
            "Ano ba naman kasi `yon? Pinag-aalala mo ako ng masyado. Ano ba kasi ang iniisip mo? At bakit nasa swing ka? Naglaro ka ba?"
            Nahihiyang tumango siya. "Opo, gusto ko po kasing bumalik sa pagkabata." Palusot niya na nagpatawa kay Coby.
            Siniko ito ni Brax. "Umayos ka nga. Seryoso tayo dito."
            "Pasensya naman. Ngayon ko lang kasi nalaman na isip-bata pala si Vienne."
            "Adik ka."
            Napailing na lang si Vienne saka bumaling kay Lola Cons na palapit sa kanya.
            "Ingatan mo ang sarili mo, Vienne, apo. Paano na lang kung wala na ako? Sino ang mag-aalaga sa `yo?"
            "Ako lola," maagap na sagot ni Brax na nagpangiti kay Lola Cons.
            "Aasahan ko iyon, Brax."
            "Makakaasa po kayo, lola. Ako po ang sundalo ng buhay ni Vienne. I'll be here to protect him no matter what happened."
            Lihim na napangiti si Vienne. Ngunit hindi maipagkakaila ang nadarama niyang kalungkutan.
            I'll be here to protect him no matter what happened.
            Aasahan ba niya iyon?


CHAPTER TWENTY-TWO

EKSAKTONG isang buwan na ang relasyon nina Vienne at Brax. Ang pangambang dulot ng mama ni Vienne ay pansamantalang nawala sa kanya ng madestino ito sa probinsya ng isang buwan para sa trabaho nito. Wala itong uwian kaya malaya siya na magawa ang gusto niya ng walang kokontra at pupuna sa kilos niya. Ngunit kahit na natutuwa siya, hindi niya maiwasan ang mangamba dahil sa isipin na baka kasama nito ang isang tao..
            "Palagi na lang malalim ang iniisip mo," ani Brax.
            "Pasensya naman," aniya.
            Nasa isang restaurant sila. Doon nila ise-celebrate ang first monthsary nila. At thank God dahil nalampasan nila kahit na marami ang problema na dumaan. At alam niya na may darating pa, iyong mas matindi.
            "Monthsary natin, bie. Kaya naman ide-demand ko ang buo mong atensyon. Stop thinking things na magbibigay lang sa `yo ng problema. Alam ko na marami `yan pero huwag mo munang isipin."
            "Sige! Ikaw ang boss, vie."
            Bie at Vie. Iyon ang naging tawagan nila ni Brax sa hindi niya alam na dahilan. Basta pagkatapos niyang mahulog sa swing ay 'bie' na ang naging term of endearment ni Brax sa kanya. At bilang ganti, tinawag niya rin iyong 'vie'. Kung ito ay nagsisimula sa letrang 'B' ang tawag sa kanya, sa kanya naman ay letrang 'V' ang umpisa. Parang nagpalitan lang sila ng pangalan. Corny pero ano ang magagawa niya? Gusto rin naman niya.
            "Pagakatapos nating kumain. Manonood tayo ng sine. Pagkatapos natin mag-sine, wala na tayong pupuntahan. Ikaw na bie ang mag-isip kung saan mo gustong pumunta."
            "Sa sea side, gusto mo?"
            "Pwede rin. Ikaw nga ang boss. Pero kung ako ang masusunod, mas gusto ko na umuwi na tayo at gawin ang dapat gawin," pilyong sabi nito.
            Natawa na lang siya. "Ma.."
            "Huwag mo nang ituloy. Alam ko na ang sasabihin mo. At sige, aaminin ko ganoon nga ako pero dapat maging proud ka dahil sa `yo lang `yon," agad na pagputol nito sa sasabihin sana niya.
            "E di salamat kung ganoon." Pagbibiro niya.
            "Alam mo bie. Ikaw na ang lahat sa akin. Kapag dumating at sana huwag ngang dumating ang araw na magkalayo tayo hindi ko makakaya `yon."
            "Ako rin naman, eh. Ikaw na din ang lahat sa `kin. Pero, Brax.."
            "Pero? Ano `yon?"
            "Wala namang forever, hindi ba?"          
            Tumango ito. "Wala ngang forever pero para sa akin meron. Ikaw kasi ang forever ko."
            "Ang cheesy mo. Takte lang! Kinikilig ako."
            Tumawa ito. "Kiss mo ako."
            "Sa bahay na lang. Ikaw talaga. Gusto mong pagtinginan tayo ng mga tao?"
            "Pwede rin. Hindi naman nila tayo kilala." Anito. Sabay lapit sa kanya at hinalikan siya sa labi. Isang mabilis na halik na alam niya ay walang makakapansin. Ngunit, hindi pala. May dalawang pares ng mata ang nakatingin sa kanila ni Brax saka nagtinginan at nag-ngitian. Kimi niyang nginitian ang mga iyon saka bumaling kay Brax.
            "May nakakita sa pag-kiss mo sa akin."
            "Sino?"
            "`Yong dalawang lalaki d'un sa dulong mesa."
            Pasimpleng tiningnan ni Brax ang mga iyon. Bumaling ito sa kanya. "Kilala ko ang mga `yon."
            "Talaga?"
            "Oo."
            "Sino sila?"
            "Si Vin at Joen. `Wag kang mag-alala, Vienne, pareho rin natin sila."
            "Paano mo sila nakilala?"
            "Through Hyde."
            "Kay Hyde."
            "Yeah. Kapatid ni Hyde si Vin. Tumugtog kami sa kasal ng dalawang `yan."
            Hindi makapaniwalang tiningnan niya si Brax. "Ki-kinasal sila?"
            "Oo! Paano? Hindi ba bawal `yon dito sa bansa natin."
            "Basta kinasal silang dalawa. Hindi ko alam kung paano nangyari basta kinasal."
            "Alisin mo nga ang kunot sa noo mo. Nabubwisit ka na naman."
            "Kulit mo kasi."
            "Nagtatanong lang naman ako, ah."
            "Ikaw ba, Vienne? Gusto mo bang makasal sa `kin."
            Natawa siya. "Ang tanong mo naman. Teenager, first year student, dependent sa magulang, hindi pa nakakapagtapos at wala pa tayong trabaho. `Wag kang advance, Brax."
            "Nagtatanong lang naman ako." Panggagaya nito sa tono niya kanina. "Hindi naman masama na mangarap. Ang sarap kaya lalo na kapag kasama mo ang taong mahal mo at mahalaga sa `yo."
            "Alam ko `yon. Hindi naman ako close sa ganoon pero masyadong advance. Marami pa tayong kakainin na bigas."
            "Kahit kunwarian? Hindi pwede."
            "Pwede naman. Sino magkakasal? May singsing ka?"
            "Engagement muna," anito sabay labas ng kuwintas kung saan nakasabit ang dalawang singsing.
            Hinubad nito iyon saka kinuha ang isang singsing. Inabot nito ang kanang kamay niya at isinuot ang singsing sa kanyang palasingsingan. Pangalawang singsing na iyon na ibinigay nito sa kanya.
            "Ang cheesy mo talaga."
            "Ganoon talaga. Huwag ka nang kumontra." Ibinigay nito sa kanya ang singsing na para dito. "Isuot mo sa `kin `yan."
            "Sige ba. Masusunod."
            Nang maisuot niya iyon kay Brax ay hinawakan nito ang kamay niya.
            "Itong mga suot natin na singsing ang magiging bond na materyal na bagay sa `ting dalawa `liban sa pagkakaibigan natin na matagal. Sa oras na tanggalin natin ang mga singsing, ibig sabihin n'un wala na tayong pagmamahal sa isa't-isa."
            Napangiwi siya. "Masyado ka namang makaluma. Malamang, tatanggalin ko ito kapag maliligo, alangan naman hindi. Ibig bang sabihin niyon hindi na kita mahal dahil hinubad ko lang ito kapag ganoon?"
            "Sarcastic ka na naman. Dapat ako `yong ganoon, hindi ikaw."
            "Eh kasi naman, para kang ewan."
            "Basta. Kapag nawala o hindi ko makita na hindi mo suot ang engagement ring natin, ibig sabihin n'un, hindi mo na ako mahal."
            "Ang moody mo talaga! Bipolar!"
            "`Asar ka lang kasi."
            "Sus. Bilisan mo na ngang kumain. Masyado ka na naman. Pikon. Moody. Bipolar."
            "Sige. Sabihin mo na ang lahat na gusto mong sabihin. Laitin mo pa ako. Basta ang alam ko, mahal mo ako."
            Napangiti siya. "Mabuti naman at alam mo."
            "Gusto mo bang puntahan sina Vin at Joen?" Tanong nito maya-maya.
            "Huwag na."
            "Ipapakilala lang kita. Ayaw mo talaga?"
            Umiling siya. "Hindi na."
            Ngunit hindi naman ito nagpatinag. Nang matapos sila sa pagkain, hinawakan siya ni Brax sa kamay saka hinila patungo sa dalawa.
            "`Yong moreno si Vin `yon, si Joen naman `yong matangkad." Sabi nito.
            Nang makalapit siya ay natigilan siya. Gwapo na ang dalawa sa malayuan ngunit mas gwapo pa kapag sa malapitan. Lalo na si Joen. Ang gwapo!
            "Hello sa inyo!" Kiming bati niya.
            "Hello rin!" Ani Vin.
            Habang pinagmamasdan niya ang mga ito. Parang nakikita niya ang sarili kay Vin at kay Joen naman si Brax.
            "Ipapakilala ko lang po siya sa inyo," ani Brax. Inakbayan siya nito saka hinapit palapit dito. "Vin, Joen, si Vienne ho, partner ko."
            "He-hello," muling bati niya.
            "Parang ikaw din, Vin, mahiyain," ani Joen sabay sundot sa tagiliran ni Vin.
            "Parang ikaw naman si Brax. Mayabang."
            Napangiti siya. Sinabi na nga ba niya. Hindi siya nagkamali.
            "Hindi naman ako mayabang," ani Brax. "Kahit tanungin n'yo pa si Vienne."
            "Hindi po. Mabait si Brax," aniya.
            "Ganoon ba. Eh, katulad din siya ni Joen."
            "Ang galing mong mang-insulto, Vin."
            "Sige po. Aalis na kami. Ipinakilala ko lang si Vienne sa inyo."
            "Halata nga," natatawang sabi ni Joen nang bumaling ang dalawa sa kanila.
            "Twenty-three pa lang ako. Twenty-four naman si Joen kaya huwag n'yo na kaming i-po." Ani Vin.
            "Pasensya na ho."
            "Be positive lang kayong dalawa! Makakayanan n'yo ang mga darating na pagsubok." Pahabol ni Vin bago sila umalis ni Brax.
            Natigilan na lang siya sa sinabi ni Vin. Kung makapagsalita ito ay parang may parating talaga silang problema. Well, meron naman talaga at iyon ay dahil sa mama niya at sa sekreto nito. Siguro kaya nasabi nito iyon dahil sa alam nito ang pinagdadaanan ng may hindi pangkaraniwan na relasyon na katulad ng sa kanila.


ANG kasiyahan na nadarama ni Vienne ay may hangganan. Iyon ang itinatanim niya sa sarili kahit na sabihin pang masaya siya sa piling ni Brax. Nagdiwang sila ng monthsary ngunit ang kabuuan niya ay hindi magawang maging masaya ng tuluyan. Alam niya kasi na darating at darating ang problema sa kanilang dalawa. At iyon nga ay sa pamamagitan ng pagdating ng mama niya. At ang pagbabalik ng papa ni Brax.
            Habang nasa hapag, hindi mapakali si Vienne kasalo ang mama at lola niya. Ang aura na nakapaligid sa kanila ay masyadong stiff, hindi katulad kapag sila lang ng lola niya na carefree at walang katapusan na kwentuhan. Idagdag pa sa kaba niya ang pagsunod ng nanunuring tingin ng mama niya.
            "Kumusta ang pag-aaral mo, Vienne?" Ang tanong nito na labis na nagpagulat sa kanya.
            "O-okay lang po. Wa-wala naman pong problema. Na-nagagawa ko ho ang dapat gawin."
            Hindi niya maiwasan ang kabahan. Ito ang unang pagkakataon na nagtanong ito tungkol doon. Nakakapanibago. Kahit nga ang pagtingin nito sa grades niya ay hindi nito magawa.
            "Mabuti naman. Kung matataas ang grades mo, malaki ang posibilidad na pwede kang mailipat ng school."
            "Li-lilipat ng school? Bakit po `ma? Aalis ba tayo?"
            "Pinag-iisipan ko pa lang, Vienne." Malamig nitong tugon. "Kung sakali, ililipat kita sa SAU o hindi naman kaya sa Schoneberg."
            "Hi-hindi na ho kailangan `yon."
            "Huwag kang tatanggi. Ako ang masusunod sa ating dalawa," anito. "Aalis na ako. Tapos na akong kumain."
            Tumayo ito saka umalis sa harap ng hapag. Napasunod ang tingin niya rito. Napatingin siya sa lola niya nang mawala sa kanyang paningin ang mama niya.
            "`La? Bakit po ako lilipat?"
            "Hindi ko alam sa mama mo, Vienne. Kahit ako nabigla rin sa sinabi niya. Maganda naman sa dalawang school na nabanggit ng mama mo, ah. Private pa. Alam kung kaya mo makipag-sabayan doon."
            "`La, okay na ho ako sa URS. Kumportable ho ako doon."
            Ngumiti ang lola niya. "Kumportable ka o ayaw mo lang iwanan si Brax?"
            Natigilan siya. "Ka-kasama na ho siya doon."
            "May hindi ka ba sinasabi sa `kin, Vienne, apo?"
            "Wa-wala naman ho."
            "Sigurado ka ba?"
            "Oho."
            Of course, alam niya kung ano ang ibig nitong ipahiwatig. Subalit para sa kanya bago niya iyon sabihin dito, gusto niyang kasama si Brax. Nahihiya na rin siya sa nobyo niya. Nag-isang buwan ang relasyon nila na hindi niya pa ito napapakilala sa lola niya. Kahit nga sa lola niya, nahihiya at nagi-guilty siya sa pagsisinungaling. Ngunit alam niya na mabisang paraan para sabihin dito ang totoo kapag kasama niya si Brax.
            "Maghihintay ako para sabihin mo ang totoo, Vienne."
            Hindi siya umimik. Itinuon niya lang ang pansin sa pagkain.
            Tskk.. panibagong problema na naman. Ayaw niyang umalis at lumipat sa ibang school. Ayaw niyang lumayo kay Brax. Ayaw niya. At kung sakaling magkakalayo man silang dalawa.. hindi pa ngayon. Hindi.

WALANG imik si Brax habang kasalo ang mga magulang niya sa pagkain. Pagkarating na pagkarating niya ay agad niyang napansin ang kotse ng papa niya na naka-park sa garahe nila. Kung dati ay may excitement siyang nadarama tuwing dumarating ito, ngayon ay wala. Nananatiling malaki ang galit niya sa ama pati sa babae nito. Hindi niya ito mapapatawad sa ginawa nitong pang-iiwan sa kanila at sa pananakit nito sa mama niya.
            Kaya nga nagtataka siya sa presensya nito ngayon sa bahay nila. Ang kapal lang ng mukha nito na bumalik pagkatapos ng ginawa nito. Kung hindi lang dahil sa mama niya baka nasagot niya ito. Kanina pa niya gustong magback-out at magtago sa kwarto niya para huwag makita ang mukha ng ama niya.
            "Kumusta ang pag-aaral mo, Brax?" Tanong nito.
            "`Ayos lang," balewalang sagot niya.
            "Matataas ba ang grades mo?"
            "Okay lang."
            Hinawakan ng mama niya ang kanyang kamay. Isang pahiwatig na ayusin niya ang pagsagot sa tanong ng papa niya.
            "Gusto mo bang lumipat ng school?"
            "Hindi na kailangan. Masaya na ako sa school ko."
            Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. Walang nagsalita at tila nakikiramdam sa isa't-isa. Binilisan niya ang pagkain. Nang matapos ay agad siyang tumayo. Walang paalam sa mga ito.
            Narinig pa niya ang pagtawag sa kanya ng mama niya ngunit hindi niya ito pinansin.   
            Nang makarating siya sa kanyang kwarto, agad niyang kinuha ang cellphone para ma-text o kaya nama'y matawagan si Vienne. Kay Vienne lamang niya nararamdaman ang kapanatagan tuwing kausap niya ito. Tuwing kasama niya ito, ang lahat ay parang nasa tamang lugar. Kug pwede nga lamang na tumira na sila sa isang bahay ay ginawa na niya. Pero ayos lang naman, kaharap lamang ng bahay nila ang bahay nito kaya palagi silang nagkikita. Laging buo ang araw niya tuwing nasisilayan ito.
            "Napatawag ka," anito sa kabilang linya.
            "Gusto ko marinig ang boses mo," pacute niyang sabi kahit hindi naman sila magkaharap.
            "Sus! Alam ko na kung bakit ka napatawag. Tungkol ito kay Tito Bruce, hindi ba?"
            "Psychic ka na ba?"
            "Hindi ko kailangan maging psychic para hindi maisip ang bagay, Brax. I know you well."                   
            "Well. Oo nga. Nakakabwisit lang kasi. Ang kapal ng mukha ni papa na pumunta at magpakita pa sa `min after what he did. Hindi na siya nahiya. Nakakaasar lang si mama, niloko na at lahat-lahat pero kung umakto parang walang nangyari at okay na ang problema sa pagitan nilang dalawa. Lastly, galit ako. Galit na galit sa third party ng lahat ng ito."
            Natahimik siya nang hindi marinig si Vienne.
            "Vienne? Dyan ka pa ba?"
            "Na-nandito pa ako."
            "May problema ka ba?"
            "Wala," anito. "Brax, may tanong ako."
            "Ano?"
            "Ano ang gagawin mo kapag nalaman mo kung sino ang babae ng papa mo?"
            "Baka mapahiya ko." May katiyakan niyang sagot.
            Dumaan ang katahimikan sa pagitan nila. Kasunod ang malalim na paghugot ng hininga ni Vienne.
            "Sigurado ka ba talagang okay ka lang? Ano ba ang nangyari sa pagdating ni tita?"
            "Wala naman. Si lola, parang may alam na kung ano tayo. Tinanong niya ako pero hindi ko sinabi ang totoo. Ang gusto ko kasi, kasama ka kapag inamin natin kay lola kung ano tayo. Nahihiya na rin kasi ako sa `yo, Brax."
            "Huwag," sabi niya. "Ako naman ang nagsabi sa `yo na huwag muna nating sabihin dahil sa nangyari dati, hindi ba?"
            "Oo. Pero one month na tayo. Isa pa, nahihiya na rin ako kay lola. Hindi ako sanay na may tinatago sa kanya."
            "Okay. Paplanuhin natin `to. Bukas o kaya sa isang araw sabay nating sasabihin kay Lola Cons ang totoo."
            "Okay."
            "`Wag kang mag-isip ng kung anu-ano, Vienne. Sige ka, baka tumanda ka kaagad," pagbibiro niya.
            "Puro ka kalokohan."
            "Tandaan mo na kaya natin ang mga pagsubok, ah. One month and counting na tayo, Vienne. At pwedeng mag-lead on ito sa forever."


ITUTULOY.. 


FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails