Author's note...
Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin! Also kuya Peter! At pati na rin po sa ibang writers ng blog! :D
Minsan, iniisip ko kung nasa theme pa ba ako ng title? Loving You... Again, pwedeng bang ibahin iyung title? Kahit nameless story na lang? Haha! Heto na po ang Chapter 43.
Minsan, iniisip ko kung nasa theme pa ba ako ng title? Loving You... Again, pwedeng bang ibahin iyung title? Kahit nameless story na lang? Haha! Heto na po ang Chapter 43.
Chapter 1 | Chapter 2 | Chapter 3 | Chapter 4 | Chapter 5 | Chapter 6 | Chapter 7 | Chapter 8 | Chapter 9 | Chapter 10 | Chapter 11 | Chapter 12 | Chapter 13 | Chapter 14 | Chapter 15 | Chapter 16 | Chapter 17 | Chapter 18 | Chapter 19 | Chapter 20 | Chapter 21 | Chapter 22 | Chapter 23 | Chapter 24 | Chapter 25 | Chapter 26 | Chapter 27 | Chapter 28 | Chapter 29 | Chapter 30 | Chapter 31 | Chapter 32 | Chapter 33 | Chapter 34 | Chapter 35 | Chapter 36 | Chapter 37 | Chapter 38 | Chapter 39 | Chapter 40 | Chapter 41 | Chapter 42
Chapter 43:
Dilenma
Aulric's POV
“A-Ako po si Dart Aguire, sa pag-iisip, sa katawan, at sa
kaluluwa,” pagpapakilala niya. “Che! Ahh! Ako po ay pinatay ng t-taong, hahh,
nag-utos sa akin para ilaglag a-ang anak ni Isabela Dominguez. Hahh!” Maririnig
mo pa siyang umiiyak saglit. “H-Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa. M-Malapit na
talaga akong m-mamatay. Siya ay w-walang iba kung hindi s-si Sharina Bourbon.
K-Kaya pinagawa niya sa aking ang b-bagay na ito, hahh, dahil sa nagseselos
siya kay A-Aulric,” patuloy pa rin nitong sinasabi pero sa mapang-asar na tono.
Maririnig mo pa na tumatawa siya ng konti. “N-Nagseselos siya, d-dahil sa m-may
relasyon siya k-kay Zafe, N-Nevill-” Biglang may maririnig kang kalabog hudyat
niya bumagsak na siya at malamang, namatay na siya.
Dear, Dart Aguire. Hi, si Aulric ito mula sa mundo ng mga
buhay. Nais ko sanang magpasalamat sa iyo dahil sa pinatunayan mo sa iyung mga
huling hininga na inosente ako sa pagkakalaglag sa anak ni Isabela Dominguez.
Malaki talaga ang naitulong mo dahil napasaya mo hindi lang ako, kung hindi ang
lahat ng mga mahal ko sa buhay. Isang hiling lang, salamat din sa pagbunyag ng
sikretong relasyon namin ni Zafe. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako, o
magagalit, hindi talaga ako sigurado kung ano ang aking mararamdaman dahil
hindi ko talaga alam. Nangako pa naman ako kay Zafe na lalabas kami bilang
magkasintahan. Pero isang bagay lang ang siguradong-sigurado ako. Kung nasaan
ka man naroroon, diyan ka na lang habang buhay, o habang patay. Hindi kita
kaano-ano o kilala, pero hindi kita mahal. Kaya dapat bang ‘nagmamahal’ ang
final address ko sa iyo? Hindi bale na nga. Hindi nagmamahal sa iyo mula sa
mundo ng mga buhay, Aulric Melville.
Hindi ako nagpahalata, pero sa simula pa lang, alam ko na
ang nilalaman ng tape. Ang ibig kong sabihin, napakinggan ko ito nang tumawag
sa akin si Attorney at na-record iyun ng aking phone. Gusto ko sanang ipa-edit
ang nilalaman ng tape pero hindi pumayag si Attorney sa sinabi ko. Baka
idahilan daw na kesyo na-edit ay hindi na totoo ang nilalaman ng tape. At muli,
babalik na naman kami sa simula. Sa simula na siguradong makukulong ako dahil
sa kulang ang aking ebidensya para depensahan ang aking sarili. Pero ayos na
ito hindi ba? Hindi ako makukulong, hindi ako makukulong. Iyun lang naman ang
importante sa akin ngayon, sa ngayon.
Hindi ko naman maigalaw ang aking ulo upang lingunin ang
mga tao sa likod ko. Si nanay, Tito Henry, Derek, Zafe, at lalong-lalo na si
Sharina na may pakana nitong lahat. Siya pala talaga ang gumawa ng bagay na ito
sa akin? Hay! Maliban lang siguro kay Colette, baliw na baliw pala talaga itong
si Sharina kay Zafe. At lumampas na siya sa kanyang mga hanggananan. Pero
ngayon, nagbago na ang takbo ng mga pangyayari. Siya na ngayon ang susunod na
uupo sa aking inuupuan sa korteng ito.
Matapos akong mahatulan na hindi guilty, dahil malinaw na
malinaw na ngayon na wala talaga akong kinalaman sa pagkakalaglag sa anak ni
Isabela, inimbitahan kami ni Tito Henry, at ni nanay, pati na rin si Derek, sa
restaurant na pagmamay-ari ng pamilya ni Jin, ng mga magulang ni Zafe.
Pinaunlakan naman ito ni Tito Henry ang paanyaya nila kaya pumunta kami.
Mukhang alam ko na kung anong meron sa pagtitipon na ito.
Halos matatapos na namin kainin ang aming dessert, pero
wala pa ring nagsasalita sa amin. Tanging pagnanakaw lang ng tingin ang
ginagawa ng bawat isa at nakakairita na. Hindi ko na matagalan ang katahimikan
ng mga tao sa mesang ito.
“Zafe, samahan mo nga ako sa CR,” pakiusap ko sa kaniya na
nasa kabilang dulo ng mesa.
Tumango si Zafe. Tatayo na sana kami nang maramdaman ko ang
kamay ni Tito Henry sa pulsohan ko na mukhang pinipigilan akong umalis. Ganoon
din si Zafe na hinawakan din sa pulsohan ng kanyang papa.
“Mas importante po ang pantog ko sa inyong lahat. Gusto
niyo po ba akong umihi dito?” pasarkastikong tanong ko.
“Bakit pa kailangan kasama si Zafe? Hindi mo ba kayang
umihi mag-isa?” tanong naman ni Tito Henry.
Inikot ko na lang ang aking paningin at umupo. Ganoon din
si Zafe. Mag-uusap pa naman sana kami doon. At wala kaming gagawin na kakaiba.
Wala na dahil hindi na kami hinayaan ng mga magulang namin. Pero iyung pantog
ko, totoo na naiihi na. Hay! Tapusin niyo na kaya ang kalokohang ito?! Maawa
kayo sa akin.
“So Aulric, kailan nagsimula ang, relasyon niyong ito ng
anak ko?” pakumpas na tanong ng papa ni Zafe. Tiningnan pa ako nito ng seryoso
at mukhang hindi na siya tumatanggap ng pilosopong sagot. Paano kaya kung
pilosopohin ko ito?
“Zafe, kailan nga ba iyun?” pagpasa ko ng tanong kay Zafe
sa tonong palandi. “Hindi ko kasi alam kung kailan tayo, naging tayo. Kasi
unang-una, hindi naman naging tayo.”
“So ngayon, itinatanggi niyo ba na nagkaroon kayo ng
relasyon ng anak ko?”
Nagkatinginan kami ni Zafe. Gusto kong itanggi sa
pagmumukha niya na wala talaga kaming relasyon. Kasi naman, bakit inunahan kami
ni Dart Aguire na mag-confess sa aming mga magulang? Bwisit!
“Hindi pa po opisyal ang relasyon namin,” sagot ni Zafe.
“Bago niyo po narinig iyung mga huling sinabi ni Dart Aguire, ang relasyon po
namin ni Aulric ay komplikado sa pagitan naming dalawa.”
“Talaga? Anong klaseng komplikado na relasyon? At hanggang
saan naman?” tanong naman ni Tito Henry. “Nagse-sex din ba kayo ni Aulric?”
Parang mahihimatay ako sa walang prenong tanong ni Tito
Henry. Grabe! Bakit ganyan ang mga tanong ninyo? Pwede bang hinay-hinay lang?
“Sasagutin ko ba?” pagpasa ulit ni Zafe ng tanong sa akin
pero sa tonong humihingi talaga siya sa akin ng consent. Parang gusto kong
mahimatay ngayon sa ginawa niya.
Napailing na lang ako. Wala na akong magagawa sa
pagkakataong ito. Malalaman din at malalaman din naman ng aming mga magulang
itong lihim na relasyon namin. So ano? Sasabihin ko ba sa kanila na ang
relasyon namin ni Zafe ay it’s complicated with benefits? Che! Sigurado namang
hindi sila maniniwala sa sasabihin namin ni Zafe.
“Beyond that,” sagot ko sa kanila nang hindi ko man lang
tinitingnan sa mata. Nahihiya kasi ako lalong-lalo na kay nanay. Alam kong
nagugulat siya sa kanyang mga naririnig ngayong araw dahil hindi niya ito
inaasahan.
“Anong sabi mo?” tanong naman ng papa niya. Bingi?
“Yes. Kami po ni Aulric ay umabot na sa ganoong lebel ng
relasyon,” sagot naman ni Zafe. “At ginusto po namin parehas iyun dahil-”
“Zafe, maawa ka sa ating dalawa at hanggang diyan ka lang
muna!” pagpapatigil ko. Mukhang sasagutin na niya kasi agad ang pangalawang
tanong na hindi pa tinatanong ng mga magulang namin.
Kita kong napailing ang mga magulang namin, at ang Tito
Henry ko, at mukhang hindi makapaniwala sa kanilang narinig, kahit na mukhang
inaasahan na nila kanina ang mga isasagot namin ni Zafe. Dart, Dart, Dart,
mabuti na lang talaga at patay ka na! Mamamatay na nga lang, gumawa ka pa ng
isa pang problema para sa akin!
“Aulric, Emma, Derek, umuwi na tayo,” pautos na sabi ni
Tito Henry at tumayo. “Zachary, Fe, salamat sa pag-imbita sa amin. Sa tingin ko
ay sa ibang araw na lang tayo mag-usap lahat, kapag maayos na tayong
nakapagpahinga lahat. Siguradong pagod na pagod na lahat kami, at malamang ay
kayo na din. Sa uulitin na lang.”
Naunang tumayo si nanay, at si Derek. Kahit na mukhang
sumusobra na si Tito Henry sa pag-uutos sa akin dahil hindi ko pa naman siya
opisyal na bagong tatay, tumayo na rin ako at sumunod. Sumunod naman kami kay
Tito Henry nang naglakad na ito palabas.
“Mama, papa, Sir Henry, pwede po bang makausap si Aulric?”
pakiusap ni Zafe.
Napatigil kami ni Tito Henry sa paglalakad.
“Bilisan niyo,” tipid na seryosong sagot ni Tito Henry at
naglakad ulit paalis.
“Sa labas na kayo mag-usap at hindi sa CR,” tugon naman ng
papa niya.
Lumapit si Zafe sa akin at lumabas ng restaurant kasama ko.
Nakahinga na din ako ng maluwag matapos makalayo sa kanya, at aking magulang.
Hindi ko na talaga matagalan ang pressure na kanina ko pa nararamdaman simula
nang nahatulan ako sa korte. Yey! Naabswelto na ako! Pero may isang panibagong
kaso na naman! Pero ngayon, ang mga hurado ay ang aming mga tumatayong
magulang.
“Aulric, congratulations pala,” bati ni Zafe sa akin. “Sabi
ko naman sa iyo, makakatulong sa iyo ang laman nung tape ni Dart Aguire.”
“Yeah. Salamat sa kaniya dahil ibinulgar din niya ang
komplikado nating relasyon,” medyo pagalit kong wika. Humugot ako ng
buntong-hininga. “Ngayon, ano na ang gagawin natin? Sabay na ba tayong
magpapakamatay dahil mukhang tutol na tutol ang mga magulang natin sa ating
level negative 2 na forbidden relationship?”
Kumunot ang noo ni Zafe. “Level negative 2 na forbidden
relationship natin? Hindi ba’t, kapag pinagasama mo ang dalawang negative,
positive iyun?”
“Sorry. Nakalimutan ko na ang rules ng multiplication at ng
negative integers na kapag iminultiply mo ang negative sa isa pang negative,
positive ang lalabas na resulta,” iling ko. “So, ano? Masaya ka na ba at in
advance na nangyari ang ipinangako ko sa iyo?”
Napakagat ng labi si Zafe. “Ang totoo, hindi ako masaya.
Mukhang magkakaroon na tayo ng restriction sa isa’t isa, at hindi ko gusto
iyun. Gusto ko pa naman na mag-celebrate tayo in an intimate way.”
“Ako din naman. Kaya lang, may patay na hindi dinala ang
sikreto natin sa hukay niya!” sigaw ko sa ere para mailabas ang aking
frustration. “At mukhang magiging totoong komplikado talaga ang relasyon natin
sa mga susunod na araw. Pati na rin sa eskwelahan. Pero ano pa ba ang magagawa
natin? Nandito na. Unless kung itanggi mo ako sa mga magulang mo.”
“Hindi Aulric. Ipaglalaban kita sa mga magulang ko.”
Hinawakan niya ang mga kamay ko. “Mas maganda na ang nangyaring ito kesa sa
makulong ka.”
Umiling ako. “Ano pa kaya ang mas malala na mangyayari sa
mga susunod na araw?”
Hinayaan kong halikan ni Zafe ang aking mga kamay habang
nakatingin siya sa akin. Natuwa naman ako sa ginawa niya hanggang sa narinig ko
ang pagbusina ng sasakyan ni Tito Henry. Nakakabitin ang ginagawa ni Zafe.
Gusto kong humalik sa labi niya kasi nasa mood ako ngayon. Napakainit pa naman
ng ginawad niyang halik sa kamay ko. Naramdaman ko pa nga ang dila niya na
dumampi sa aking balat.
“Well, Zafe, tigilan mo na iyan,” wika ko. “At salamat na
hindi mo ako, o tayo, naglaglagan sa ating mga magulang. Dahil diyan, I love
you.”
Tumigil nga siya sa paghalik at nanlaki ang mata niyang
tumingin sa akin. “Ikaw din. I love you too,” sabi niya habang nakangiti ng
matamis. “Kita na lang tayo sa susunod.”
Nginitian ko din siya. “Ikaw din.”
Binitawan na ni Zafe ang aking mga kamay at naglakad na ako
papunta sa kotse ni Tito Henry. Alin ang mas maganda? Iyung scene namin sa
kulungan kung saan nagsabi ako ng I love you sa kaniya bago siya tuluyang
umalis, o iyung ngayon bago ako umalis? Sa tingin ko, mas maganda iyung scene
ngayon dahil kapag umalis ako, alam ko sa sarili ko na malaya na ako. Hindi
nakakulong, at hindi na titingnan ng masama ang mga cellmate ko para hindi nila
ako biglang atakihin.
Pumasok ako sa kotse ni Tito Henry sa bandang likod. Habang
umaandar ang kotse, tumingin ako sa labas ng bintana at nakita ko si Zafe na
nakatingin sa akin. Tinaas niya ang isa niyang kamay at kumaway. Itinaas ko din
ang aking kamay at kumaway pabalik sa kaniya kahit na alam kong hindi niya
makikita ang aking ginawa. Tinted kasi ang sasakyan ni Tito Henry. At least
naman, maramdaman niya. Maramdaman niya na mahal ko talaga siya.
Habang nagmamaneho si Tito Henry pauwi sa amin, naging
tahimik pa rin ang kapaligiran. Kahit si Derek ay napipi na din. Mukhang takot
din siya magsalita, o sinabihan siya ni Tito Henry na huwag magsalita. Parang
gusto kong magreklamo ngayon sa ginagawa ni Tito Henry. Sila na ba ulit ni
nanay? Pwede ko bang ipa-cancel muna ang magandang relasyon nila? Panira.
Nang halos malapit na kaming umuwi ni nanay, napansin namin
na medyo marami ang tao sa kalsada papunta sa amin. Kita kong nagsisitakbuhan
ang isa naming kapitbahay pasalungat sa aming direksyon. Nang tiningnan ko
naman ang langit, nanghina ako sa aking nakita. Parang may nakikita akong kulay
dilaw na naglalabas ng maitim na usok. Hindi maaari! May sunog sa amin!
“Ang bahay ko!” sigaw ni nanay.
Nauna pa sa akin si nanay na lumabas ng kotse. Medyo malayo
na siya mula sa amin nang lumabas ako ng kotse. Mukha kasing may gagawin si
nanay na hindi ko magugustuhan kaya hinabol ko siya.
Habang papalapit sa nakikita kong apoy at usok, mas lalo
akong bumilis sa paglapit kay nanay dahil mukhang tama ang aking iniisip. Medyo
nahihirapan pa nga akong makalapit dahil naman sa mga taong nagpa-panic at
tumatakbo na pasalungat sa aking direksyon. Naaningag ko naman ang trak ng
pulang trak ng bumbero, pati na rin ang kulay pula at asul na ilaw mula sa
malayo. Nang makita ko ang nasusunog na bahay ng kapit-bahay namin, doon ko
nakumpirma na nasusunog din ang aming bahay. Tatakbo pa sana si nanay papasok
ng bahay nang pinigilan siya ng mga bumbero. Dahil sa pagpigil ng mga bumbero,
naabutan ko si nanay at napigilan din siya.
“Aulric, bitawan mo ako!” pagpupumiglas pa rin ni nanay na
naluluha. “Iyung mga gamit ng nanay at tatay ko. Aulric, nasa loob pa iyun.
Kailangan nating makuha iyun!”
“Hindi na po pwede nanay!” pagmamatigas ko. “Kung ano po
ang mga bagay na iyun, huli na po ang lahat at nasusunog na.”
“Hindi pwede Aulric. Iyun na lang ang natitirang alaala ng
mga magulang ko!”
Maya-maya ay natigil na din sa pagpupumiglas si nanay.
Napaluhod siya sa lupa habang parehas namin tinitingnan ang nasusunog naming
bahay. Nakayakap pa rin ako ng mahigpit kay nanay dahil baka ay maisipan niyang
ulit na tumakbo papasok sa mga naglalagablab na apoy. Iyak ng iyak si nanay
habang binibigkas ang pangalan ni Lolo at Lola, at humihingi ng tawad.
Sa wakas, dumating na din sa eksena sina Tito Henry at
Derek. Kumalas ako ng yakap kay nanay at si Tito Henry naman ang yumakap sa
kaniya. Inalo niya si nanay hanggang sa kumalma na siya.
Nang naapula na ang apoy, dumami naman ang mga taong
lumapit para tingnan ang nasusunog naming bahay, at pati na rin sa aming
kapitbahay. Ang mga bombero naman ay sinisikap na paalisin ang mga tao dahil sa
magsasagawa pa sila ng imbestigasyon kung ano talaga ang nangyari. Natulala
naman kaming mag-ina. Parehas siguro kaming nag-aalala kung ano na ang
mangyayari sa buhay namin. Paano na kami? Saan na kami titira? Alam kong
nandito ang eks niya na si Tito Henry, hindi bale na nga. Hay! Hindi maganda
ang mga sunod-sunod na nangyaring ito ahh! Kakatapos ko lang mapatunayan na
inosente ako sa isang krimen, may panibago na naman kaming kinakaharap na
problema ni nanay. Baka naman maya-maya ay may mambintang sa akin na ginawa ko
ang panununog ng aming bahay?
“A-Aulric, pasensya na,” nakayukong paghingi ng tawad ni
Randolf na kasama na namin. “Huli na ako nang nakita kong nasusunog na ang
inyong bahay at, nandito na rin lang kayo.”
Humugot ako ng malalim na hininga. “Okay lang. Wala na
tayong magagawa. Sunog na iyung bahay namin.”
“Teka, kung nandito ka pala, ibig sabihin-”
“Oo. Napatunayan ko na inosente ako,” pagputol sa sasabihin
niya.
“Umm, congratulations. Dapat mag-celebrate tayo. Kaya lang,
sunog naman ang bahay niyo.”
“Salamat,” wala sa emosyon kong saad.
“Pero Aulric, may sasabihin ako sa iyo,” pabulong na wika
ni Randolf at mas lumapit sa akin. “Sinadya ang panununog na ito. May nakita
akong tao na lumabas mula sa bahay ninyo, at mukhang iyung mga taong iyun ang
may kagagawan kaya nangyari ang lahat ng ito. Sinubukan kong habulin ang isa sa
kanila, pero hindi ko sila naabutan. Ni hindi ko nga namukhaan kung sino ang
mga taong iyun. Pero may palatandaan ako sa mga taong ito.”
Kumunot ang aking noo. “Anong palatandaan?” pabulong na
tanong ko. Sino naman kaya ang mga taong ito?
“Iyung isa sa kanila, nakita kong naghubad ng damit habang
tumatakbo. Marahil siguro ay naiinitan. Tapos nakita ko ang tattoo sa halos
buong likuran ng taong ito. Ang disenyo ng tattoo ay matinik na pabilog na
tangkay. At sa gitna naman ng tangkay ay may kulay itim na rosas.”
May pumasok na ideya sa utak ko. “Mga kasamahan iyun ni
Nestor.” Bakit naman nila gagawin iyun?
“Ha? Iyung dati mong matalik na kaibigan?”
Pailing na patango akong sinagot ang tanong niya.
“Nakakainis! Bakit naman kaya nila ginawa ang bagay na iyun? Makausap nga iyung
taong iyun kapag nagkapanahon ako.”
“Aulric, Emma, tara na,” sabi ni Tito Henry. “Umalis na
tayo sa lugar na ito. Doon kayo sa amin tumira pansamantala. Medyo malalim na
ang gabi at nang magpahinga kayo.”
Inikot ko ang aking paningin na bumaling kay Randolf. “Sige
na. Heto na iyung future step-tatay ko na nakahanap na ng pagkakataon para
mapasagot si nanay,” pabirong siko ko sa kaniya. At mukhang magsisisi pa ata
ako kung bakit magiging step-tatay ko si Tito Henry.
“Okay. Mag-ingat kayo.”
Umalis na kami sa lugar na iyun. Habang naglalakad paalis,
napatingin ulit ako sa bahay namin na sunog na sunog na. Hindi ko alam pero ano
ba ang dapat tingnan ko? Wala namang magandang alaala sa akin ang bahay namin.
Maliban na lang sa mga araw na masaya kami ni nanay na wala dito si tatay. Hay!
Pero si nanay, may mga bagay na naiwan sa bahay at paniguradong nasunog na ito.
Ano kaya ang mga bagay na iyun?
Pagdating sa bahay ni Tito Henry, hinanap ko agad ang
limousine na ginamit niya nang una kaming magkita. Hinanap ko din iyung
gwardyang kasama niya noon. Pero parehas na hindi ko sila nahanap.
“Tito Henry, asaan po iyung limousine ninyo? Pati na rin po
iyung mga gwardya?” tanong ko habang naglalakad kami papasok sa bahay niya.
“Binenta ko na. Iyung gwardya naman, umuwi na sa kanila.
Hindi ko na kasi parehas na kailangan ang dalawa,” normal na sagot ni Tito
Henry. Walang bahid ng galit o kung ano sa boses niya, hindi gaya kanina.
Nakapasok na kami sa bahay. Gaya nang kila Zafe, sa tantya
ko ay magkasinglaki lang ang mga bahay nila. Pero wala silang chandelier sa
kisame. May mga ilang halaman pa na nakalagay sa malalaking paso, sa kaliwa
naman ng sala ay ang kainan, sa kanan ay nandoon ang kanilang telibisyon at ang
kanilang sofa. Napakapresko naman ng mga kulay na nakikita ko na sa tingin ko
ay mapapakalma ang sinomang papasok. Pero hindi si nanay na patuloy pa ring
nagdadalamhati sa pagkasunog ng bahay namin.
“Sumunod kayo sa akin. Doon kayo sa kwarto ko matulog,”
wika ni Tito Henry.
“H-Hindi. Huwag,” pagtanggi ni nanay habang humihikbi.
“Paano ka? Saan ka matutulog?”
“Emma, huwag ka ng makipagtalo. Doon ako sa kwarto ni Derek
matutulog ngayong gabi, at kayo ni Aulric ay doon sa kwarto ko. Tara na.”
Wala ng nagawa si nanay at sumunod na lang sa sinabi ni
Tito Henry. Pagdating sa kwarto niya, pumasok na kami at umupo sa kanyang kama.
Agad na binuksan ni Tito Henry ang aircon kaya bahagyang lumamig ang kwarto
niya.
“Emma, Aulric, matulog na kayo. Maaga pa tayo bukas para
bumili ng mga damit ninyo. Malalim na ang gabi kaya magpahinga na kayo.
Magandang gabi,” paalam ni Tito Henry. Pinatay na muna niya ang ilaw bago
umalis.
Iniwan ko muna si nanay nang nakitang may CR din pala ang
kwarto ni Tito Henry. Sa bowl, nilabas ko na ang lahat ng naipon sa pantog ko,
pagkatapos ay naghugas ng kamay bago bumalik kay nanay.
“Nanay, humiga na po tayo,” sabi ko kay nanay sa malambing
na tono. “Napakalambot po ng kama ohh.” Tumalon-talon pa ako para mapatunayan
ang sinasabi ko. “Mukhang matagal-tagal tayong mahihimbing nito. Napakalamig pa
ng kwarto ni Tito Henry. Hindi gaya sa atin na medyo mainit kapag natutulog.”
Ngumiti si nanay nang tiningnan ako. “Sige na anak. Mauna
ka ng matulog.”
“Ay! Hindi po pwede iyan,” nguso ko. “Sabay na po tayong
matulog nanay. Mamaya niyo na po isipin iyung nangyari kanina. Kung may mga
importanteng bagay kayo na naiwan sa bahay, pasensya na po. Mukhang nasunog na
iyun.” Nilaro-laro ko ang aking daliri. “At kung anong mga bagay po iyun,
nalulungkot din po ako para sa inyo.”
Humugot ng malalim na hininga si nanay. “Sige na ng anak.
Matulog na nga tayo ng sabay.”
Natuwa ako sa sinabi ni nanay. Kunyari ay excited akong
humiga kami ng sabay sa kama ni Tito Henry. Pero dilat pa rin ang aming mga
mata at hindi ako makatulog. Nakikita ko kasing dilat ang mga mata ni nanay.
“Nanay, pwede ko po bang malaman kung ano po ang bagay na
naiwan niyo sa bahay na nagpapaalala sa mga magulang niyo po?” pagbasag ko sa
katahimikan namin.
Humugot ulit ng malalim na hininga si nanay. “Umm, isa
iyung singsing na nagmula pa sa lola mo. Wedding ring iyun na binigay sa kaniya
ng lolo mo, na binigay sa akin. Wala namang espesyal sa singsing, kahit
mamahaling bato ay wala ito, pero para sa akin ay napakahalaga ng bagay na
iyun. Dahil daw sa singsing na iyun, nagkakilala ang lola’t lolo, at habang
buhay silang nagsama hanggang sa mawala sila sa mundong ito. Noong bata pa ako,
binigay iyun sa akin ng lolo mo para ipamana, at ipamana sana, sa iyo. Sabi
kasi ng lolo mo, kapag nakita ko daw ang lalaking makakasama ko habang buhay,
ibigay ko iyun sa kaniya. At sabihin ko din daw sa taong iyun na ipamana sa
magiging anak namin pagdating na panahon.”
“Pero paano po iyan? Hindi naman po talaga kayo minahal ni
tatay?” wala sa lugar kong tanong.
Natawa na lang si nanay. “Iyun lang. Alam ko talaga na
hindi ako minahal ng tatay mo. Kaya hindi ko naibigay sa kaniya ang singsing at
baka itapon niya lang iyun. Napagpasyahan ko na ako na lang mismo ang
magbibigay sa iyo ng singsing na iyun. At ipapangako mo sa akin na ibibigay mo
sa iyung makakasama habang buhay ang singsing, at ipasa ang singsing na iyun sa
magiging anak mo.” Natahimik ng saglit si nanay. “Aulric, kayo ba ni Zafe,
seryoso ba kayo sa relasyon ninyo?” At matagal ko ng inaantay na tanungin ito
ni nanay.
“Mukhang,” hindi ko siguradong sagot.
“Mukhang? Bakit naman mukhang?”
“Mukhang, dahil sa amin kasing dalawa, ako kasi ang hindi
sigurado kung itutuloy ko ba ang relasyon namin. Siya kasi, seryoso na, maging
kami.”
“Bakit naman hindi ka sigurado? May mga bagay ba na
pumipigil sa iyo?”
“Marami kasi akong bagay na iniisip noon nanay. Gaya ng,
napakalaki ng agwat namin ni Zafe pagdating sa buhay. Mayaman siya, mahirap
ako. Lalaki siya, lalaki din ako. Mahal niya ako, ako naman ay hindi sigurado
kung mahal ko siya. Pero, ewan! Napakakomplikado kasi,” pakumpas kong wilka.
“Gusto mo ba talaga siya anak?”
“Mukhang, parang, oo,” magulo ko pa ring sagot. “Noon kasi
nanay, kapag nakikita ko siyang naglalaro ng basketball, tumitigil ako para
manuod. Ina-admire ko siya habang naglalaro dahil pinakaayaw ko talaga ang
basketball. At habang nasa ganoon akong stage, parang may bagay na pumana sa
akin, at gusto ko na si Zafe. Noong una, inisip ko kung ano naman ngayon kung
gusto ko ang isang lalaking katulad niya? May problema ba doon? At tsaka, may
pagkakataon ba na magiging kami ng lalaking ito? Iniisip ko talaga na wala
akong tyansa. Kaya okay lang itong nararamdaman ko sa kaniya. Hanggang sa,
nangyari ang ganito, nangyari ang ganyan, nagkakilala kami ni Zafe, and things
went out of control. And voila, ako ang hinahabol ni Zafe, at nagsisimula na
rin akong habulin siya.” Humugot ako ng malalim na hininga. “Opo nanay, gusto
ko siya. Ngayon naman, inaalala ko kung ano na ang mangyayari pagkatapos. Ngayong
nalaman niyo na higit na kami ni Zafe sa, magkasintahan at nag-aasawahan na
kami.”
“Alam mo anak, wala namang problema sa akin na maging kayo
ni Zafe. Kung mahal mo talaga siya, at mahal ka niya, bakit hindi? Kesa sa
mahal mo nga, pero hindi ka naman mahal? Hindi ba? Gaya ko. Nagpakatanga sa
tatay mo. Pero bakit naman kasi kayo nag-anuhan ni Zafe? Baka mabuntis ka niyan
sa ginagawa mo?”
“Napakasarap po kasi sa pakiramdam kaya, umabot na kami sa
parteng iyun. Masakit nga lang ang ilang parte ko ng katawan, pero buhay pa rin
naman ako.” Humugot ako ng malalim na hininga. “Akala ko naman, iyung agwat ng
pamumuhay ni Zafe ang magiging problema namin ngayon. Iyun pala, mas malala pa
doon.”
“Bakit anak? Ano ba ang problema?” tanong ni nanay.
“Ang totoo po niyan, kayo po, at si Tito Henry. Kayo po ang
problema,” diretso kong sagot. “Unless lang kung hindi na nagiging maganda ang
relasyon ninyo sa isa’t isa, babalik na lang po kami sa unang problema namin ni
Zafe.”
“Hindi kita maintindihan anak. Kami ang problema? Ano naman
kung magiging kami ni Tito Henry mo? May problema ba talaga doon?” muli niyang
tanong na may pagkunot sa noo.
“Kung tama po kasi ang pagkakaunawa ko, iyung pamilya ni
Zafe ang isa sa dahilan kaya bumagsak iyung dating negosyo ni Tito Henry.
Ngayon, kung magpapakasal kayo ni Tito Henry, siyempre, magiging step-father ko
siya. At dahil sa may relasyon kami ni Zafe, at si Zafe ay anak ng mga magulang
niya, as a step-farther, siguradong hindi papayag si Tito Henry. Baka pati na
rin ang mga magulang ni Zafe, hindi payag sa relasyon namin.”
“So, kung hindi ba kami magkakatuluyan ng Tito Henry mo,
mababawasan ang problema niyong dalawa?”
“Nanay, kung gusto niyo pong makatulong sa problema namin
ngayon, ituloy niyo na lang po ang pagpapakasal ninyo ni Tito Henry, kahit ano
man ang mangyari. Okay lang po na isipin ninyo ang inyong personal na
kaligayahan. Kung iniisip niyo kami ni Zafe, well, we can manage.”
“We can manage?” panunuya ni nanay na ginagaya pa ang tono
ko ng pagsasalita. “Anong gagawin ninyong dalawa? Magtatanan kayo?”
Natawa ako sa sinabi ni nanay. “Kung may bayag si Zafe na
gawin ang bagay na iyun, bakit hindi? Siyempre, sasama talaga ako kung saan
niya ako gustong itanan. Imagine, noong nakulong ako, naniwala pa rin siya sa
akin na hindi ko magagawa iyung ginawa ko kay Isabela, kahit na alam kong may
agam-agam siya. Noong bumisita siya sa akin, ilang linggo iyun bago ako nakalabas
ng kulungan. Pero tuwang-tuwa talaga ako nang bumisita siya. At alam mo ba nay,
dalawang beses ko pa lang siyang sinabihan ng ‘I love you’. Kapag kasi sinasabi
ko ang mga salitang iyun sa kaniya, iyun iyung mga oras na siguradong-sigurado
ako na mahal ako ng taong ito. Kaya deserve niyang marinig ang mga salitang
iyun sa akin. At sana, hanggang sa huli, mahalin ako ni Zafe.”
“Sana nga anak. Bihira pa naman sa mga katulad mo ang
magmahal ng tao.” Narinig kong humikbi si nanay.
“Nanay, umiiyak na naman po kayo,” nguso ko.
“Oo anak. Umiiyak na naman ako. Napakarami kasi na mga
nangyari ngayong araw. Pero itong mga bagay na naririnig ko mula sa iyo,
nasisiyahan ako. Akala ko kasi, hindi ko maaabutan na makita kang magmahal ng
iba maliban lang sa akin. Alam kong matagal ka ng naghihirap dahil sa mga
ginagawa ng tatay mo. At dahil doon, nagbago ka. Kahit nga kay Randolf noon,
ayaw mo sa kaniya dahil ayaw mong makakita ng tao maliban lang sa akin. Kaya
anak, kung magiging kami ng Tito Henry mo, huwag kang mag-aalala. Tutulong ako
para pumayag si Henry sa relasyon ninyo ni Zafe.”
“Nanay, hindi niyo na po kailangan gawin iyan. Gaya nga ng
sabi ko kanina, kaya namin ito. Pero salamat po sa mga sinabi ninyo. Kumonti na
ang mga aalahanin kong tao. At, tumigil na po kayo sa pag-iyak. Hindi ko po
kayo sasamahan na umiyak. Hanggang sama lang ako pero hindi iiyak.”
Natawa kami parehas ni nanay. Mabuti naman at okay lang
para kay nanay ang relasyon namin ni Zafe. Nabawasan na talaga ang mga taong
aalahanin ko kapag nalaman nila ang relasyon namin ni Zafe. Ngayon, si Tito
Henry na lang at ang mga magulang ni Zafe.
Habang nag-uusap pa kami ni nanay tungkol sa mga ibang
bagay, hindi ko na namalayan na nakatulog ako. Pero natulog akong masaya dahil
napasaya ko si nanay. Alam kong hinding-hindi makakalimutan ni nanay ang mga
mahahalagang bagay na nawala niya sa sunog ngayon. Pero ngayong gabi, o
hating-gabi, nakalimutan niya iyun. Nandito pa rin naman kasi ako para kay
nanay. At hindi lang ako. Pati si Tito Henry na handang saklolohan si nanay.
Hay!
Emma’s POV
Dali-dali akong nagising nang maalala kong kailangan ko
pang pumunta sa pwesto ko para sa aking negosyo. Pagkagising ko, dali-dali kong
tinungo ang kusina para maghanda ng mga kakailanganin ni Aulric pagkagising
niya. Pero bumangga lang ako sa isang matigas na pader. Teka? Nasaan ako? Bakit
ang dilim ng kwarto ko? At bakit ang lamig ng kwarto ko? Bahay ko ba ito?
Bigla kong naalala na nasunog nga pala ang bahay namin. At
pagkatapos noon, dinala kami ni Henry sa bahay niya upang magpahinga at dito na
muna sa bahay niya makituloy. Oo nga pala. Nasa kwarto nga pala kami ni Henry.
Napalingon ako nang may makitang liwanag mula sa kung saan.
Nagmula ito sa pintuan ng kwarto at nakita kong dumungaw si Henry.
“Magandang umaga Emma,” bati niya sa akin. “Si Aulric,
gising na ba? Halika na sa labas. Mag-agahan na tayo.”
Dahan-dahan na lumapit ako sa kaniya. “Tulog pa siya.
Hayaan na muna natin siyang matulog,” halos pabulong kong sabi.
“Ahh! Ganoon ba? Tara na. Kumain na tayo.”
Dahan-dahan na lumabas ako sa kwarto niya at dahan-dahan
ding isinara ang pintuan. Sinundan ko si Henry na bumaba na pagkalabas ko.
Habang naglalakad, napagmasdan ko ang bahay niya na ngayon ko lang nabisita. Napakaganda
nito at, mas malaki pa sa bahay nila noon. Ilang taon na ba ang nakalipas
simula nang hindi ko siya binisita? Napakarami na talagang nangyari sa buhay
niya simula nang nawalan na ako ng koneksyon sa kaniya.
Imbes na sa loob kami ng bahay kumain, dinala ako ni Henry
sa labas. Dito, nadatnan ko si Derek na kumakain ng kanyang agahan. Nakaupo
siya sa isang bakal na upuan na may magandang disenyo. Nakalagay naman ang
pagkain niya sa isang maliit na mesa na may malaking payong na nakabukas sa
itaas nito.
“Tita Emma, magandang umaga po,” nakangiting bati ni Derek
sa akin.
“Magandang umaga din Derek.” Nahagip ng mata ko ang
nakahain na pagkain sa harapan niya.
“Emma, umupo ka na diyan para makapag-almusal ka na,” turo
sa akin ni Henry sa tapat ng pagkain na nakita ko. “At, Derek.” Umubo-ubo si
Henry.
Nanlaki ang mata ni Derek nang tumingin siya sa amin ni
Henry. “Ahh! Oo nga pala. May naalala pa pala akong gawin. Salamat sa
pagpapaalala papa. Aalis na po ako.” Dala-dala ang kanyang kinakain, dali-daling
nawala si Derek sa paningin namin nang pumasok na siya sa bahay.
Umupo ako sa upuan na tinuro ni Henry. Umupo naman siya sa
inuukupa ni Derek at may katulong naman na naghain sa kaniya ng pagkain. Gusto
ko sanang simulan na ang pagkain nang may naalala ako.
“Luto ko iyan Emma. Hindi ba, iyan ang paborito mong agahan
palagi, kung tama ang pagkakaalala ko? Iyung bersyon ko ng iskarmbol na itlog.
Lagi mong hinihiling noon na sana, magpakita ako sa bahay ninyo at ipagluto
kita nito,” sabi ni Henry nang mapansin niya na hindi ako makaimik sa nakikita
ko. “Ayaw mo na ba niyan? Gusto mo bang ipaghain na lang kita ng ibang
pagkain?”
“A-Ahh! Hindi, hindi,” natataranta kong sabi. “Okay lang
ito. Salamat. Ano lang kasi, ang aga-aga Henry, sinisimulan mo na ako. At
naaalala mo pa pala ang mga gusto ko.”
Ngumiti siya sa akin. “Emma, may pagkakataon na ako. Bakit
hindi ko sunggaban agad? At, kahit na medyo tumanda ka na, napaka-cute mo pa
rin.”
“Hoy Henry, hindi mo ba alam na may nagbago na sa mga ayaw
at gusto ko? Ayokong may tumawag sa akin na matanda. Kahit si Aulric pa ang
nagsabi sa akin ng ganyan, hindi ko pinapalampas ang pagkakataon na parusahan
siya. Gayahin mo nga si Zafe. Ang tawag niya sa akin kapag nakikita ako, Tita
Ems. Sa palayaw pa lang na binibigay niya, nakakabata.”
Biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Henry. Saka ko lang
naisip na hindi ko dapat banggitin ngayon ang ilang mga bagay na may kinalaman
kay Zafe, at pati na rin kay Aulric.
“Pasensya na,” paghingi ko ng dispensa. Umiwas ako sa
tingin niya na mukhang nagagalit sa akin.
“Ahh! Wala iyun Emma. Hindi ka dapat humihingi ng tawad.
Actually, bagay nga sa iyo ang palayaw na binigay ni Zafe sa iyo. Hayaan mo.
Hindi na kita tatawagin na matanda,” wika niya.
Binalingan ko ulit siya ng tingin at nakita kong nakangiti
na ulit siya.
“Alam mo, kumain ka na. Tikman mo nga ang niluto ko kung
masarap ba gaya ng dati? At bago nga pala ang lahat…”
Pinatunog ni Henry ang kanyang daliri. May lumabas naman na
katulong mula sa loob ng bahay dala-dala ang isang bote ng ketchup, na paborito
ko kasama sa niluto ni Henry. Nilagay ng katulong ang bote sa tabi ni Henry.
“Hindi masarap ang pagkaing niluto ko kapag wala si Papa
Ketchup.”
Habang nilalagyan ni Henry ng ketchup ang kanin ko, para
akong bata na pumapalakpak habang ginagawa niya iyun. Sa tuwing ginagawa niya
ito, masayang-masaya ako dahil alam kong magiging masarap ang agahan ko.
Pagkatapos niyang lagyan ng ketchup, tinikman ko agad ito
kasama ng kanin na nilagyan niya ng ketchup. Napakasarap nga ng pagkaing niluto
niya. At muli, naiyak na naman ako.
“Ohh? Bakit ka na naman umiiyak Emma?” tanong sa akin ni
Henry. Tumayo siya mula sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa akin para aluin
ako.
“Napakasarap talaga ng p-pagkain na ito kapag nanggaling sa
iyo. W-Wala talagang katulad,” sabi ko sa pagitan ng aking mga paghikbi. “Hindi
mo ba alam na noon, nag-request ako dati kay Ike na ipagluto niya ako ng
ganito? Tapos, sumagot si Ike sa akin kung bakit kailangan ba niyang gawin ang
bagay na ito? Sinabi ko na ito kasi ang paborito kong pagkain. Kaya ginawan
niya ako ng ganito, kasama pa iyung ketchup. Tapos, tinikman ko ang luto niya.
Masarap naman iyung niluto ni Ike. Pero sa loob ko, parang may kulang. Hindi ko
talaga alam kung ano ang kulang sa niluto niya. Tapos, ilang taon ang
nakalipas, sinubukan kong gumawa ng ganito para sa sarili ko at baka nga,
masarapan ako. Pero, kahit sa sarili kong gawa, parang may kulang pa rin. Isip
ako ng isip kung ano ba ang kulang sa niluto ko? Bakit hindi ko magaya ang
paraan mo ng pagluluto nitong pagkaing ito?”
“Iyun ba? Ganoon ba talaga kasarap ang pagkain na luto ko?
Alam mo kasi Emma, ginawa ko ang pagkaing ito na may pagmamahal. Habang
niluluto ko ang pagkaing ito, iniisip ko na masisiyahan ang makakakain ng luto
ko. Dahil kasi, ito lang ang tanging bagay na kaya kong lutuin. Kaya kapag
nakakain mo ito, masayang-masaya na ako dahil ako pa lang ang nakakakita ng mga
ngiti mo kapag kumakain.”
“Alam ko, alam ko. Ikaw lang ang nakakakita ng ngiti ko
kapag kinakain ko ito,” pagsang-ayon ko habang pinupunasan ang aking mga luha.
“Pasensya na talaga. Oras ng pagkain, umiiyak ako.”
“Okay lang. Heto, ito ang gamitin mong pamunas sa luha mo.”
Inabutan ako ni Henry ng isang panyo at kinuha ko naman ito.
Pinunas ko sa mga luha ko ang panyo na ginamit niya.
Hanggang sa mapagtanto ko na naman ang panyong ginagamit ko. Ito iyung panyo na
binigay sa kaniya na ako ang gumawa. May project kasi kami noon sa T. L. E. na
gumawa ng panyo. Siyempre, ginawan ko ng panyo si Henry at pati na rin si Ike.
Kulay bughaw ang base nito na may disenyo na parang aso na hindi mo
maintindihan. Lobo kasi ang gagawin ko sanang disenyo sa panyo, kaya lang ay
hindi ko kaya. Medyo luma na ito at mukhang malapit na magretiro, pero malinis
pa rin ang panyo.
“Henry, bakit ginagawa mo sa akin ito?! Ilabas mo na kaya
iyung mga bagay diyan na nagpapaalala sa ating nakaraan para isang iyakan ko na
lang?! Paano ako makakakain nito kung iyak ako ng iyak habang binibigay mo sa
akin ang mga bagay na nagpapaalala sa nakaraan natin?! Sadista ka ba at
ginagawa mo sa akin ito?!” pasigaw na reklamo ko.
Rinig kong natawa siya. “Hindi naman. Hindi ko kaya
inaasahan na iiyak ka ng ganito,” pagtanggi niya. “Huwag ka ng mag-alala. Wala
na akong mga bagay dito sa bulsa ko, sa damit ko, o sa kung saang parte pa ng
katawan ko. Kaya tapusin mo na ang iyung pag-iyak, at kumain na tayo ng
matiwasay. Okay?”
Niyakap ko si Henry ng mahigpit. Muli ko na naman naalala
ang pag-iibang anyo ni Henry sa paningin ko. Pero isinawalangbahala ko lang ito
at niyakap pa siya ng mahigpit. Naramdaman kong niyakap din niya ako pabalik.
Tama, magtiwala dapat ako kay Henry. Alam kong ginawa niya sa akin ang bagay na
iyun noong una, pero ngayon, kailangan kong magtiwala ulit sa kaniya. Kahit
halos huli na ang lahat sa amin, magsisimula ulit kami. Kailangan hayaan ko na
lang sa nakaraan ang mga masasakit naming alaala. Dahil ang mahalaga ay ang mga
bagay na nangyayari sa amin ngayon. Tsaka, bakit ko ba siya tatanggihan?
Hanggang ngayon, mahal pa rin niya ako. Hanggang ngayon din, mahal ko pa rin
siya. Naudlot man ang kwento ng pag-ibig namin, pwede pa rin namin iyun ituloy
ngayon, hindi ba?
Aulric’s POV
Pagkadilat ng aking mata, hinanap ko agad ang aking nanay
na katabi kong matulog. Nakita kong wala na siya sa tabi ko. Mukhang kanina pa
siya gising at hindi na lang niya ako inabalang gisingin.
Nang bumangon ako, nag-unat-unat muna ako tsaka pina-absorb
ko muna sa utak ko na nasa bahay kami ni Tito Henry. At hindi lang iyun ang
dapat i-absorb ng utak ko. Ipina-absorb ko din sa utak ko na halos alam na ng
lahat na may relasyon kami ni Zafe, kahit ang mga magulang niya. At isa pang
bagay, hindi ako makukulong! Hurray! Pero nakakainis! Hindi ko makakalimutan
talaga na umiyak ako ng todo sa harap ni Zafe. Iyung taong iyun, hindi niya
sana ipagkalat ang bagay na iyun kahit kanino.
Agad na kinuha ko ang aking phone na nasa tabi ng kama ni
Tito Henry, para malaman kung anong oras na. Pagkakita sa oras, nakita ko din
na may mga mensahe para sa akin. Karamihan nito ay mula sa mga kaibigan ko sa
club, kaibigan ko sa ganito, kaibigan ko sa ganyan, kaya hindi ko na
pinag-aksayahan na basahin ang lahat ng ito dahil iisa lang ang mababasa ko.
Congratulations sa iyo Aulric! At tsaka, congratulations din sa inyo ni Zafe!
Sana, magtagal ang relasyon ninyo! Anong ibig sabihin ng mga mensahe na ganito?!
Makalipas ng ilang segundo, nahanap ko na din ang text na
gusto kong basahin. Ang text na galing kay Zafe.
“Good morning. Nakita ko sa balita na nasunog ang bahay
ninyo kaya pumunta ako para, patuluyin sana kayo ng nanay mo sa amin. Pero nang
pumunta ako, sabi ni Randolf ay kinuha na kayo ni Sir Henry. Ayos lang ba kayo
diyan? Mag-text ka sa akin kung para malaman ko. Siya nga pala. Ni-loadan ko
pala ang sim mo kaya wala kang rason na wala kang load kaya hindi ka
makapag-reply sa akin,” basa ko sa text niya.
“Unfortunately, buhay pa ako,” reply ko. Ilang segundo ang
nakalipas ay nakatanggap na agad ako ng reply niya.
“Mabuti naman! Mahal kita.”
“Ang aga! Tumigil ka!”
“Bakit? Hindi mo ba ako ma-replyan na mahal mo din ako?
Okay lang. Mahal pa rin kita.”
“Kaya ko pero ayoko. Baka kapag dito sa text, sabihin ko
nga ang mga salitang iyun. Pero sa isip ko, pinapatay na kita.”
“Oo nga pala. Hindi ko nakakalimutan iyung nangyari sa atin
bago iyung trial. Umiyak ka na parang magugunaw na ang mundo mo kapag
makukulong ka.”
“At ano ang gusto mong ipahiwatig sa sinasabi mo ngayon?”
“Wala naman. Miss na miss lang kita ngayon. Tara! Magkita
tayo tapos mag-victory quickie. Kung hindi, ipapakalat ko iyung video mo habang
umiiyak.”
“Break na tayo.”
“Teka? Anong sabi mo?!”
“Hindi mo ba nabasa ang text ko? Break na tayo! Hindi na
kita mahal!”
“Ha?! O sige na?! Hindi ko na ipagkakalat iyung pag-iyak
mo! Pasensya na! Patawarin mo na ako! Miss lang kita kulitin! Hindi ka na ba
pwedeng biruin?!”
“Hindi na. Pero kahit ganoon, break na tayo!”
“Aulric, napaka-unfair mo! Magkita tayo ng personal tapos
sabihin mo sa pagmumukha mo na break na tayo?! Huwag ganito?!”
Tinawagan ko ang phone niya at sinagot naman niya ulit ito.
“Break na tayo,” muli kong sabi.
“Seryoso ka ba talaga sa sinasabi mo?!” hysterical niyang
tanong.
“Bina-blackmail mo kasi ako! Tsaka hindi kita minahal para
lang i-blackmail mo! Tapos, gaganituhin mo ako? Ayoko na kaya break na tayo.
Sige lang. Ipagkalat mo lang iyung pag-iyak ko sa harapan mo dahil break na
talaga tayo.” Ibinaba ko ang aking phone at humagikhik.
Muli namang nag-ring ang phone ko at sinagot ko naman ito.
“Oo na! Pasensya na! Hindi ko na iyun uulitin! Kaya
patawarin mo na ako! Please lang!” hysterical na pakiusap niya.
“Pero Zafe, there was never an us!”
“Hayop! There was never an us? Nakuha mo iyan sa isang
pelikula ano?”
“Nakuha ko mula sa isang pelikula? Hindi kaya. Original
line ko kaya iyun. Tsaka totoo naman. There was never an us. Naging tayo ba
talaga?”
Rinig kong tumatawa si Zafe sa kabilang linya. “Oo nga
pala. Wala palang, tayo. Pero paano iyan? Umakto tayo sa harapan nila na, may
tayo talaga? Kung sinabi mo kaya sa kanila na ang relasyon natin ay it’s
complicated with benefits-”
“Hindi sila maniniwala. Natural,” pagputol ko.
“So iyung kanina, nagbibiro ka lang hindi ba? Na break na
tayo?” tanong niya.
“Iyung kaninang pamba-blackmail mo sa akin? Seryoso ka ba
doon?” pagbalik ko sa kaniya ng isa pang tanong.
“H-Hindi ako seryoso doon. Promise. Mamatay man,” pagtanggi
niya.
“Then, hindi rin ako seryoso sa sinasabi ko kanina na break
na tayo.”
Rinig kong nakahinga si Zafe ng maluwag sa kabilang linya.
“Mabuti naman. Akala ko, break na talaga tayo.”
“Pero subukan mong totohanin ang pamba-blackmail mo sa akin
kanina. Magbe-break talaga tayo. At hindi lang iyun. Baka ibaon na kita sa lupa
kasama ang mga sikreto na alam mo tungkol sa akin. Gusto mo ba iyun?” pananakot
ko sa kaniya.
“H-Hindi na. Peace na tayo pwede? So, ayos ka ba diyan? Si
Sir Henry ba, pinamili ka na ba niya ng mga damit? Pwede ko palang ibigay sa
iyo itong mga ilan kong damit na hindi ko pa naisusuot.”
“Na magmumukha akong sampayan dahil medyo malaki para sa
akin? Wow, Zafe, salamat,” panunuya ko.
“Grabe ka naman. Buti nga at naisipan kong bigyan kita ng
ilang mga damit ko. Tsaka, mukhang babagay naman sa iyo itong mga damit na
ibibgay ko sa iyo. Lalo na’t maaamoy mo ako sa mga damit na ibibigay ko.”
“Ehh? Thanks, but no thanks. Mas gusto ng mga brand new na
damit,” kunyareng pag-iinarte ko.
“Okay. Tapos, binyagan natin ang mga damit mo. Paliguan
natin ng ating pawis.” Bakit ba kailangan mong sumingit ng mga ganyang biro?
“Taglibog ka na naman. Pwede bang magtigil ka muna? Hindi
ngayon ang tamang panahon para sa mga ganyan mong biro.”
Rinig kong natawa si Zafe sa kabilang linya. “Oo nga pala.
Kumain ka na ba ng agahan?”
“Salamat sa pagtatanong. Hindi pa ako kumakain dahil
tumawag ka.”
“Ikaw kaya ang unang tumawag sa ating dalawa?”
“Oo nga pala.”
“Bumaba ka na kaya para kumain. Saka na tayo mag-usap.
Marami naman tayong panahon para mag-usap hindi ba? Maliban na lang kung
pinagbabawalan ka na ni Sir Henry na mag-usap tayo?”
“Hindi naman. At tsaka, paano naman magiging batas si Tito
Henry sa akin? Ni hindi ko pa nga siya step-father?”
“Oo nga pala. Sige na. Ibaba mo na ang phone mo para
makakain ka na. Kain ka ng madami.”
“Sige. Ibababa ko na ang phone.”
Nagsinungaling ako. Hindi ko ibinaba ang phone. Hinihintay
ko na siya muna ang magbaba ng kanyang phone.
“Nandyan ka pa rin hindi ba?” nag-aalangan niyang sabi.
Hindi ko alam pero parehas kaming natawa matapos niyang
magsalita. Para akong, o kaming baliw.
“Anong ginagawa mo? Bakit hindi mo pa rin ibinababa?”
natatawang tanong ko.
“Anong ako? Ikaw kaya ang nagsabi na ibababa mo na ang
phone mo. Siguro, gusto mo lang iparinig sa akin na masaya ka na ngayon sa
kabila ng mga nangyayari sa iyo.”
Sumeryoso ako bigla. “Huh? Anong gusto ko na iparinig sa
iyo na masaya ako? Anong ibig mong sabihin sa bagay na iyun?”
“Oi, teka, wala akong ibang ibig sabihin sa sinasabi ko.
Ang gusto ko lang kasi sabihin, masaya ako na masaya ka ngayon. Siguro naman,
alam mo na kapag malungkot ka, malungkot din ako.”
“Hindi ko alam ang bagay na iyan,” walang amor kong wika.
Sa isip ko kasi, baka tumatawa pa nga siya habang nakikita niya akong umiiyak.
“Well, ngayon ay dapat malaman mo. Mahal kita, Aulric.”
“Oo na. Mahal din kita.” Agad na ibinaba ko ang aking
phone.
Pero imbes gumulong-gulong sa higaan, dahil kinikilig ako,
nawala lahat iyun nang makita ko si Tito Henry na nakatayo mula sa pintuan at
nakatingin sa akin ng seryoso. Hindi ko napansin na nandyan na pala siya sa
pintuan, at siguro ay narinig niya ang ilang mga parte ng pag-uusap namin ni
Zafe. Kumatok ka naman bago pumasok? Iyun sana ang sasabihin ko sa kaniya. Kaya
lang, naalala ko kwarto niya itong tinutulugan ko.
“Bumaba ka na para kumain,” malamig niyang sabi at isinara
ang pintuan.
Humugot na lang ako ng buntong-hininga at tumingin ulit sa
aking phone nang may napansin ako. May natanggap akong mensahe mula sa isang
hindi kilala number. Tiningnan ko ang mensaheng ito at nagulat ako.
“Congratulations! Nakatakas ka sa iyong pagkakakulong.
Malas ko naman. Hindi ko akalain na makakapagsalita pa si Dart para lang linisin
ang pangalan mo. Pero hindi pa ito ang huli Aulric. Makakaganti din ako sa iyo
balang araw. Maghintay ka lang,” basa ko sa mensahe.
Ano ba namang mensahe itong galing kay Sharina? Hindi pa
pala siya tapos sa kanyang mga masasamang binabalak? At tsaka, makukulong na
siya pero may mga plano pa rin si Sharina laban sa akin? Maliban na lang kung
magkakaroon ng negosasyon sa pagitan ng kanilang mga pamilya. After all,
magkakaibigan ang mga pamilya nila. Posibleng mangyayari iyun. Hay! Mukhang
wala akong magagawa kung hindi ang paghandaan siya.
Pagkalabas sa kwarto ni Tito Henry, agad na pinuntahan ko
ang hapag-kainan sa bahay niya. Umupo ako sa isa sa mga upuan na naroon at
hinanap ko agad si nanay. Pero hindi ko siya makita.
“Si nanay?” tanong ko kay Derek na kumakain, katapat ko.
“Nasa likod. Nagde-date sila ni papa,” sagot niya. Okay?
Nagde-date pala.
Habang nakaupo, pinagsilbihan ako ng katulong nila. Gusto
ko sanang pagsilbihan ang sarili ko, kaya lang ay tinamad bigla ako. Hinihintay
ko kasi si Tito Henry na lapitan niya ako, at sermonan tungkol sa dobleng
pinagbabawal na pag-ibig namin ni Zafe. Pero umalis siya agad at mukhang
pumunta na agad sa likod ng kanilang bahay.
Habang nag-aagahan, ibinalik ko ang mode ng utak ko sa
reyalidad. Inaalala ko na agad ang mga dapat kong gawin sa unibersidad ngayong
nagbalik na ulit sa normal ang lahat. Sa Lunes, papasok na ako, at marami akong
subjects na kailangan kong habulin. Mga isang semester ba naman akong
nakakulong. At higit sa lahat, ang mga nakakailang na tingin ng mga tao nang
nalaman nilang may relasyon kami ni Zafe.
“May dumi ba ako sa mukha Derek?” tanong ko nang napansin
ng dalawa kong mga mata ang pagtingin niya sa akin.
Kita kong nagulat siya sa aking pagtanong at itinuloy niya
ang kanyang pagkain. “Wala naman.”
“May gumugulo ba sa isip mo?”
“Marami.”
“Then, simulan mo na ang pagtatanong?”
Natigil siya sa pagkain at tiningnan niya ako. Kahit hindi
ako direktang nakatingin sa kaniya, ramdam kong sinusuri niya ang buo kong
pagkatao. Marahil, bumabalik din kay Derek, iyung mga oras na nakikita niya
kaming magkasama ni Zafe. At ang isa doon ay iyung nakita niyang nakahubad si
Zafe, at ako naman ay parang tanga sa suot kong damit na mas malaki pa sa akin
ng konti. Monopoly Stripping Game?
“Imposible,” iling niya. “Hindi ko alam pero,
napakaimposible talaga. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala.”
“Hindi makapaniwala sa ano?”
“Na may relasyon kayo ni Zafe. Iyung mga kilos niyo, iyung
paraan niyo ng pagsasalita, iyung lahat-lahat sa inyo. May relasyon ba talaga
kayo?”
Humugot ako ng malalim na hininga. “Alam mo, may kakilala,
o may kilala akong tao na sobrang gwapo. Lalaking-lalaki siya, pati sa kanyang
kilos. Pero hindi mo aakalain na sumusubo siya ng titi, or the other way
around, ang taong ito. Tapos sinipa ko siya sa itlog niya nang nakursunudahan
ako.” Napatawa ako saglit. “At alam mo Derek, hindi naman porke’t parehas
kaming lalake, may isa na magiging babae. Sino ba kasi ang sumulat ng rules na
ganoon?”
“Pero hindi ba, ayon sa Bibliya-”
“Hindi, hindi, hindi,” pagputol ko. “Huwag mong idamay ang
fictional na librong iyun. Baka ang susunod mong gawin ay mag-recite ng isang
bible verse.”
“P-Pasensya na. Kami kasi Aulric, maka-diyos ang pamilya
namin,” kibit niya ng balikat. “Simula kasi noong bumagsak ang negosyo ni papa,
naging relihiyoso na kami. Pero hindi nga? Hindi ka ba naniniwala kay God?”
“Kay God, oo. Sa Bibliya, hindi.”
May naalala ako at dali-daling inubos ang aking pagkain.
Pagkatapos, kinuha ko ang phone ko at binuksan ang Wi-fi detector nito. Natuwa
ako nang nakita kong meron pala sila Tito Henry.
“Ano ang password?” tanong ko kay Derek na tapos na sa
kanyang kinakain.
Kinuha ni Derek ang napkin sa tabi niya at pinunasan ang
kanyang bibig. “Iyung Wi-fi ba? Sandali. Tingnan ko muna.” Kinuha din niya ang
kanyang phone at pinindot ito saglit. “PLDT Wi-Fi Harshebroocke. All caps
lahat, walang space, at iisang word lang iyung Wi-Fi.” Bale
‘PLDTWIFIHARSHEBROOCKE’.
Habang tina-type ang password ng Wi-fi, narinig kong
tumunog ang phone ni Derek.
“Aulric, anong gagawin mo nga pala kapag naka-Wi-fi ka na?”
tanong niya.
“Ano pa ba? Magpapaliwanag sa buong unibersidad para hindi
na nila ako tanungin gaya ng ginawa mo ngayon lang,” paliwanag ko. “Tsaka,
nakakapagod ang ganoon lalo na kung paisa-isa ang mga magtatanong. Oo nga pala,
may group sa Facebook iyung unibersidad natin hindi ba? Kasali ka ba doon? Add
mo ako at doon ko ilalagay ang mga nais kong sabihin ngayon.”
“Sa tingin ko Aulric, hindi na kailangan iyan.”
“Bakit?” kunot-noong tanong ko.
Ibinigay ni Derek ang phone niya sa akin. Tiningnan ko
naman kung anong meron. Nanlaki ang mata ko nang makita na post pala ito ni
Zafe sa Facebook group ng unibersidad, at tungkol ang post na ito sa relasyon
namin. Iyung mga nais kong ipaliwanag sa mga tao sa unibersidad, ipinaliwanag
na niya. At sa dulo pa ng post, sinabi na naman ni Zafe na mahal niya ako. Aw!
Ako din. Mahal din kita. Pero ang ire-reply ko sa post mo ay hindi kita mahal.
“Pero anong ibig sabihin nito? Payag ang mga magulang ni
Zafe sa relasyon namin?” tanong ko sa sarili.
Kapwa nakarinig kami ni Derek, ng yapak na papalapit sa
amin. Nilingon namin kung sino. Si Tito Henry lang pala hawak-hawak ang kanyang
phone.
“What is this?” mahinahong tanong niya habang nakatingin sa
akin ng diretso.
Kapwa napatingin kami ni Derek sa isa’t isa. “Smartphone?”
parehas naming sagot nang nilingon namin si Tito Henry.
“No. Not the smartphone. I am pertaining to Zafe’s latest
post sa group ng Bourbon Brother’s University? Ngayon, sagutin niyo ulit ang
tanong ko. What is this post all about?” Member din pala siya sa group na iyun.
“Pagde-declare po ni Zafe na mahal niya ako?” sagot ko
ulit.
“At alam mo ba ito Aulric? May kinalaman ka ba sa
pagpo-post ni Zafe ng ganito?” muli niyang tanong.
“Well, gagawin ko po sana iyang ginawa niya. Pero hindi po
kasama ang pagsasabi ng ‘I love you’ sa dulo ng post,” natatawa kong paliwanag.
“Wait lang. Replayan ko lang po iyung post ni Zafe ng isang malutong na ‘I hate
you’. Derek, isali mo nga ako sa group.” Binalik ko kay Derek ang phone niya at
kinuha niya naman ito.
“Sa post na ito, naka-like din ang magulang niya. At ang
ibig sabihin nito ay pumapayag sila sa relasyon ninyo which is unusual.”
“Natural po na unusual ang relasyon namin. Congratulations
to me. Kayo na lang po ang problema sa relasyon namin.”
“Aulric, alam mo naman siguro ang history ng pamilya namin
sa pamilya ni Zafe hindi ba?”
“Yes, pero wala ako, o kaming pakialam po ni Zafe doon.”
“Iyung mag-asawa na iyun, trinaydor ako. Kaya bumagsak ang
negosyo ko,” galit na sabi ni Tito Henry, pero sa katamtaman lang na tono. Kita
kong nakakuyom na din ang kanyang kamao at mukhang susuntukin ang kahit sino na
masuntok niya.
“Noted.”
“At hindi malayong gawin iyun sa iyo ni Zafe pagdating ng
araw.”
“Hereditary fallacy, noted.”
“Hereditary fallacy? Aulric, iyung relasyon ninyo ay
napaka-unusual, na pagdating sa mayayaman ay pampalipas lang ng libog. Marami
akong kilala na mayaman na lalaki diyan na nakikipagrelasyon ng palihim sa mga
kaibigan din nilang mayayaman.”
“At iniisip niyo po na ganoon kami ni Zafe? Matanong ko
lang po kayo Tito. Kung sakaling lalaki pa rin po ang magiging karelasyon ko,
at hindi iyun si Zafe, papayag po ba kayo? Paano kung iyung kaibigan ko po sa
lugar namin? Paano po kaya kung si Randolf? Papayag po ba kayo?”
“Anak, may malalim na relasyon kayo ni Randolf?” pagulat na
tanong ni nanay. Hindi ko napansin na narito na pala siya sa loob ng bahay.
“Nanay naman? Wala po. Ang sinasabi ko lang, paano kung
hindi po si Zafe ang taong iyun? Papayag po ba si Tito Henry, o hindi?”
Nanahimik si Tito Henry at kinuyom pa lalo ang kanyang
kamao. Lumapit na si nanay sa kaniya at hinawakan siya sa kamay.
“Alam ko po na may trust issues kayo sa pamilya niya. Pero
sa inyo na pong mga matatanda iyun. Problema niyo na iyun, hindi sa amin.
Kaming dalawa po ni Zafe ang nagmamahalan, hindi po kayo kasama.”
“Huwag mong sabihin na hindi kami kasama! Kasama ako dahil
concerned ako sa iyo as your stepfather!” balik na sigaw ni Tito Henry.
“Aulric, ilang buwan o linggo from now, magiging isang pamilya na tayo. At
ikaw, na anak ni Emma, ay magiging anak ko na din. Magiging responsibilidad na
kita. Kaya kung ano ang bawat desisyon mo, bawat galaw mo, maaapektuhan kami.
Kasi iisang pamilya na tayo. At bilang stepfather mo, ayokong isang araw,
magising ka na trinaydor ka ni Zafe. Ayokong magising ka na iniwan ka na niya.
Alam mo ba na si Zachary ay matalik kong kaibigan. Lahat ng bagay,
pinagkakatiwalaan ko siya kahit ang negosyo ko. Pero isang araw, ginawa niya
ang bagay na hindi ko inaasahan. Trinaydor niya ako. At dahil doon, bumagsak
ang negosyong ipinundar ng pamilya ko. Hindi ko iyun natanggap. Ano ba ang mali
na ginawa ko? Naging masamang kaibigan ba ako kay Zachary? Hindi ehh. At ang
sakit-sakit ng ginawa niya sa akin. Napakabuti ko sa kaniya, tapos ganito ang
igaganti niya sa akin? Ang traydurin ako?”
“Interesting story,” wika ko na walang kaamor-amor.
“Aulric,” sabi ni nanay na sa tono ay nanaway.
“Hindi po nanay. Interesado po ako sa kwento ni Tito Henry.
Sa totoo lang po, nakaka-relate ako. Naaalala niyo po ba si Nestor? Iyung dati
ko pong, best friend? Ang problema nga lang, hindi niya ako po trinaydor. Pero
pakiusap po Tito Henry. Huwag niyo pong iisipin na ganoon din ang gagawin ni
Zafe sa akin. At kung sasaktan niya ako, wala na po kayo doon. Okay lang na
kimkimin ko na lang sa loob ko ang sakit na maidudulot sa akin noon, kasi kaya
ko po iyun. Siguro nga po, pakakasalan niyo si nanay at magiging isang pamilya
na tayo, pero sana, iyung buhay pag-ibig ko ay sa akin na lang. Alam ko po na
dapat ay makialam ang mga magulang sa love life ng kanilang mga anak. Pero
ngayon po, wala kayong karapatan. Nakabase po kasi kayo sa personal ninyong bad
experience sa kaniyang papa. Mas maa-apreciate ko po kung tinatanong niyo na
lang ako, kung masaya ba ako sa kaniya, o malungkot. Kasi po, masaya ko pong
ikikwento sa inyo ang takbo ng relasyon namin ni Zafe.”
Hindi nakasagot si Tito Henry sa akin. Pero kahit ganoon,
kitang-kita ko sa mata niya na hinding-hindi niya matatanggap ang paliwanag ko.
Gusto niya talagang makialam sa relasyon namin.
Humugot si Tito Henry ng buntong-hininga. “Derek, pahiramin
mo si Aulric ng mga damit mo. Lalabas tayo para ibili kayo ng mga damit.”
Kasama si nanay, umakyat sila ni Tito Henry papunta sa
kwarto niya. Ganoon din si Derek na hindi na nagsalita at ginawa na ang
pinapagawa ng papa niya. Kaya naiwan akong mag-isa sa hapag-kainan. Napakatalinong
desisyon Tito Henry. Pero mapag-uusapan at mapag-uusapan pa rin natin ang bagay
na ito Tito Henry. Hindi natin habang buhay na maiiwasan ang sigalot sa pagitan
nating dalawa.
Jin’s POV
Humugot ako ng malalim na hininga at binuksan ang locker ko
sa Basketball Clubroom. Sa locker ko, nahagip ng aking mga mata ang isang
maliit na litrato. Litrato namin ito ni Aulric last year, noong nasa Drama Club
pa ako. Ito iyung, nakasuot siya ng damit pambabae, at ako naman si Santa
Claus. At ano nga ang ginagawa namin? Ni re-reenact iyung kanta ni Stan Rogers.
Iyung ‘I Saw Mommy Kissing Santa Claus’. Maalala ko, bakit nga pala nandito pa
rin ang litratong ito? Hindi ko pa pala ito naitatapon? Ito sana iyung gagawin
kong inspirasyon since first kiss ko ito with Aulric. Pero ngayon, dapat ay
itatapon ko na ito since wala na talaga akong pag-asa kay Aulric. As in, zero
percent na ang pag-asa na magiging kami. Oo, mahal ko siya. Pero sa tingin ko
ay hanggang pagkakaibigan na lang kaming dalawa. Kung mahal niya si Zafe, at
kung mahal ko talaga siya, hindi ba dapat, maging masaya na lang ako para sa
kaniya? And, who knows. Baka mahanap ko din ang tao na para sa akin. Marami
namang ibang tao dito sa unibersidad.
“Si Aulric ba iyan? Iyung nakasuot ng pambabae na damit?”
tanong ni James na katabi ko na pala at tinitingnan din ang hawak kong litrato.
Kailan pa siya dito sa tabi ko?
“Oo. Siya nga,” sagot ko.
“Hmm, bakit may ganyan kang litrato sa locker mo? Teka,
hindi kaya, may gusto ka sa kaniya dati?”
“Oo. Pero dati iyun. Ngayon, wala na. May Zafe na siya
ehh.” Nilukot ko ang litrato at itinago sa bulsa ng shorts ko.
“Sumusuko ka na ba?”
“Matagal na.”
“Dapat, hindi.”
“Bakit naman?”
“Kasi may pagkakataon ka pa. Alam mo ba na hangga’t hindi
pa kasal ang isang babae sa isang lalaki, ay may pagkakataon pa ang mga 3rd
party na makigulo? Kahit nga siguro kasal na, pwede mo pang sirain ang relasyon
nila.” May balak ba itong si James na manira ng ibang relasyon? Hindi ba’t may
Kristel na siya?
“Dapat, hindi na pala sila nagpakasal sa simula pa lang
kung ganoon. Hindi pala faithful ang mag-asawa sa isa’t isa, nagpakasal pa
sila,” litanya ko.
“Kaya dapat, hindi mo sukuan si Aulric. Subukan mo pa rin
na agawin siya kay Zafe,” suhestyon ni James.
“Salamat na lang James. Pero tanggap ko na magiging sila ni
Zafe, kahit hanggang sa huli pa.”
“Hmm, napakabait mo namang tao. Okay.”
Lumabas si James sa locker na humahaginit. Ako naman ay
tinuloy ang pag-aayos sa aking sarili para susunod kong klase. Ano kaya ang
nangyari kay James? Hindi ko alam pero, naging masaya ata siya habang nag-uusap
kami? May nakakatuwa ba sa mga sinabi ko? Ohh, baka naman, nakakatuwa lang na
nagpaparaya ako? Pero, ano naman ang nakakatuwa doon? Hindi ko makuha.
「Some days ago…
“Pasensya na po,” iling ng lawyer ni Sharina. “Wala na po
akong magagawa. Mukhang, makukulong po talaga ang anak ninyo.”
“B-Bakit naman po!” tanong ni Tito Marcus.
Ininom ng lawyer ni Sharina ang nakahaing tsaa sa harapan
niya. “Dahil po kasi sa isang natatangging ebidensya na wala tayo. Wala pong
nakakita sa anak ninyo sa pagitan ng mga oras na sinabi ng kalaban ko. Ano nga
ba ito? Kahit si Sharina ay walang maisip na pwedeng tumestigo na wala siya sa
pinangyarihan ng krimen nang mga oras na iyun.”
“Pero ang gumawa-gawa ng ebidensya? Pwede ba iyun?”
“Marcus, hanggang diyan ka lang,” pagpapatigil ni Tito
Antoine. “Hindi dapat tayo umabot sa ganoon. Masama ang magplanta ng ebidensya,
mapatunayan lang ang anak mo.”
Nilingon ni Tito Marcus si Tito Antoine. “Pero ang anak ko,
makukulong siya kapag hindi ginagawa. Tapos, iyung Aulric na iyun,
gumagawa-gawa ng ebidensya para igiit na pumatay ang anak ko?”
“Huwag kang magsalita ng ganyan!” sigaw ni papa.
“Napatunayan na ng korte na inosente si Aulric base sa mga ebidensyang nakalap.
Kung inosente ba talaga ang anak mo, dapat ay patunayan din niya ang sarili
niya sa korte. Kung hindi, makulong siya base sa ginawa niyang kasalanan.”
Nilingon ni Tito Marcus si papa nang may galit. “Manahimik
ka diyan Louie! Palibhasa kasi, hindi niyo alam kung gaano ito kasakit sa akin
dahil hindi naman ang mga anak ninyo ang nasa kalagayan ni Sharina. Si Sharina
na lang ang natitira sa akin, tapos mawawala pa siya? Hindi ako papayag na
makulong siya. At kung makulong man siya, magpapakamatay na lang ako.”
“Nababaliw ka na ba?!” kunot-noong tanong ni Tito Antoine.
Sinuntok pa nito ang lamesa para ipahiwatig na nadidismaya siya sa naririnig sa
kapatid. Nagkikiskisan din ang kanyang mga ngipin sa galit.
“Oo nga. Hindi naman kasi nakapatay ang mga anak namin kaya
hindi namin nararamdaman iyang sakit mo!” sigaw naman ni papa. Teka? Sobra na
ata iyung sinasabi ni papa.
“Anong sabi mo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Tito
Marcus. “Walang pinatay ang anak ko! Naniniwala ako sa sinasabi ng anak ko na
wala siyang buhay na pinatay! Isa siyang mabuting bata gaya nang kung paano
siya pinalaki ng mga magulang niya!”
“Umm, kayong lahat? Pwede po bang kumalma lang kayo?”
pakiusap ng lawyer ni Sharina.」
Maliban kay Aulric, maraming bagay ang dapat kong pagtuunan
ng pansin. Halimbawa na lang dito ay ang pamilya ko. Mukhang,
magkakawatak-watak kami dahil sa pagsubok na ito, o dahil sa ginawa ni Sharina.
Ako, naniniwala ako na sa sobrang pagseselos niya kay Aulric ay nagawa niya ang
bagay na ito. Kung napigilan ko lang sana siya, o kung nalaman ko ang mga
gagawin niya. Maaagapan ko ang mga nangyayari ngayon sa pamilya namin.
Nang lumabas na ako sa locker, sakto naman na lumabas din
si Zafe sa gym. Nagtaka ako kung bakit paalis na siya gayong oras ng practice
niya ngayong araw na ito. At hindi lang iyun. Padabog itong naglakad paglabas.
“Anong nangyari?” tanong ko kay James na nagpa-practice.
“Wala naman,” sagot sa akin ni James. “Wala naman siyang
sinabi na kahit ano. Hindi ba?” Tumingin pa si James sa kanyang mga kaibigan at
nagkibit-balikat lang sila. “Basta, lumabas na lang siya. Baka naman may
mahalagang bagay pa siya na kailangan gawin?”
“Pero bakit nagdadabog siya palabas?”
“Nagdabog? Mukhang hindi naman,” anang isang kasamahan ni
James.
Ipinagpatuloy na nila James ang kanilang ginagawa. Hindi na
ako nag-usisa pa at lumabas sa gym. Imahinasyon ko lang ba na padabog na
naglakad si Zafe? Pero narinig at nakita ko ang mga nangyari. Nagdadabog siya.
Hmm, kailangan pa naman niyang magpraktis dahil malapit na ang laro namin.
Ngayong araw na ito, nasa Schoneberg Academe kami para sa
huling laro namin. Sa huling laro na ito, malalaman kung sino ang
pinakamagaling sa lugar namin. Nakakatuwa! Ito kasi ang unang sabak ko sa
torneyo, at maraming uri ng magagaling na manlalaro sa lugar namin. May mga
mandaraya, at may, magagaling talaga. Bwisit talaga iyung mga nakalaro namin sa
URS. Magagaling mandaya. Pero kahit ganoon, buti at nanalo pa rin kami. Salamat
na lang kila Zafe at Ricky.
Sa ibang usapan naman, napapansin ko nitong mga nakaraang
araw na hindi ako kinakausap ni Zafe. Si Ricky lang ang nakakausap ko, pero
kahit si Ricky ay parang may tinatago sa akin. Ano kaya iyun? Ano ba ang meron
at nagiging ganito sila sa akin? Dahil ba ito sa kapatid ako ni Sharina at
dapat nila akong iwasan? Palagay ko ay hindi naman hindi dahil doon. Nitong mga
nakaraang araw, nakakausap ko naman ng matino si Aulric at wala siyang
sinasabing masama, o aksyon na nagpapahiwatig na dapat niya akong iwasan. Kahit
din si Isaac, walang pahiwatig sa kaniya o kung ano na dapat akong iwasan. Sa
totoo lang, hindi niya alam kung bakit ganoon sila Zafe at Ricky sa akin. Kahit
siya, nagtatanong kung ano ba talaga ang meron. Pero hindi siya sinasagot ng
mga ito.
Humugot ako ng malalim na hininga habang nakatingin sa mga
taong nasa ibaba. Nasa rooftop ako ng isa sa mga building ng Schoneberg
Academe, isa sa mga paborito kong lugar sa bawat eskwelahan. Ang ibig kong
sabihin, bawat lugar na may rooftop ay paborito ko. Kahit iyung sa unibersidad
namin. Kapag napupunta kasi ako sa rooftop, lagi kong pinag-iisipan ang mga
bagay-bagay, at maraming bagay ngayon ang tumatakbo sa isip ko. Hindi ko lagi
itong ginagawa dahil sa busy ako, pero ngayon na hindi, ginagawa ko. Pwede ko
naman kasi gawin ang pag-iisip ng malalim sa mga lugar na nag-iisa ako. Pero
iba talaga kapag nasa rooftop. Nakakahinga ako ng maluwag, at dahil na din sa
mahangin din dito.
Bumalik na ako kung saan ang locker namin sa Schoneberg
Academe. Hindi ko na naman nahagip si Zafe, at pati na rin si Ricky.
“Huh? Hindi nga?” bulalas ni Isaac na may kinakausap sa
phone. “Sige. Oo. Sasabihin ko. Bye.”
“Anong problema?” tanong ko.
“Si Ricky, hindi makakapaglaro ngayon. May LBM siya,”
paliwanag niya. Nakakabahala naman. Nabawasan ang mga magagaling sa kupunan
namin.
“Paano? Paano siya nagkaroon ng LBM?”
Nawala ang emosyon sa mukha ni Isaac. “Si Shai, nagluto
kasi at, hindi niya alam. Pero palagay ko ay kasalanan niya. Nagpa-panic kasi
siya habang kausap ko sa phone.”
“Huh? Ano iyung narinig ko na hindi makakasali si Ricky
dahil may LBM siya? Totoo ba iyun?” tanong ng Coach namin na lumapit na sa
amin.
“Umm, opo Coach. Totoo po iyung narinig ninyo,” sagot ni
Isaac.
Napakamot sa ulo si Coach. “Hmm, paano na ito? Nabawasan na
ang lakas natin sa ating team?”
“Huwag kayong mag-alala Coach. Nandito pa naman sa team
natin sila Jin, James, at Zafe. At pati na rin ako. Hindi tayo matatalo,”
confident na wika ni Isaac. Inakbayan pa niya ako.
“Hmm, sana lang. Ang susunod niyo pa namang makakalaban ay
ang mga kampyon.” Lumingon-lingon si Coach. “Sila James, at Zafe? Asaan sila?”
“Nandito lang po iyung mga taong iyun,” sagot ng isang
kasamahan ni James. “Baka gumala-gala pa po.”
“Kung sino man ang nakakakita sa kanila, pakitawagan na.
Magwa-warm up na tayo at malapit ng magsimula ang laro. Okay?”
“Opo coach.”
Umalis na si Coach ang mukhang pumunta na siya sa court.
“Tara na Jin. Mag-warmup na tayo,” yaya ni Isaac.
“Umm, Isaac, iyung pinapatanong ko kung may problema ba
sila Zafe sa akin, naitanong mo na ba?” tanong ko.
“Hmm, umiiwas talaga sila kapag tinatanong ko iyan,” iling
niya. “Hindi ba talaga kayo nag-away? Bakit ganoon sila?”
Humugot ako ng malalim na hininga. “Hay! Ewan ko ba. Ni
hindi nga kami masyadong nagkakasalubong. Tara na nga.”
Habang nagwa-warmup na kami ni Isaac sa court, sakto naman
at dumating na si Zafe sa court. Pawisan siya at halatang nakapag-warmup na
siya bago makarating dito. Kasunod naman niyang dumating ay si James, at ang
mga kasama niya.
“Zafe, mabuti naman at nandito ka na. Mabuti rin at
nakapag-warmup ka na,” salubong sa kaniya ni Coach. “At kayo James, mag-warmup
na kayo. Magsisimula na ang laro.”
Lalapit sana ako kay Zafe nang sinalubungan niya ako ng
isang nakakatakot na tingin. Hindi ako nakalapit sa kaniya ng tuluyan dahil sa
ginawa niyang iyun. Teka nga? Galit ba siya sa akin? Ano ba ang ginawa ko para
tratuhin niya ako ng ganito?
“Isaac,” malamig na tawag ni Zafe.
Lumapit naman si Isaac sa kaniya. Kasabay niya ay lumapit
naman si James at ang mga kaibigan niya sa akin.
“Handa ka na ba?” tanong ni James sa akin.
“Sa laro, oo naman. Handa na ako,” sagot ko.
“Ano?! Hindi nga?!” rinig kong sigaw ni Isaac at tumingin
siya sa akin. “Ginawa niya iyun?” Anong ginawa ko?
“Basta, sumunod ka na lang,” malamig na wika ni Zafe.
Nakita kong lalapit pa sana si Isaac sa akin nang inakbayan
siya ni Zafe at mukhang pinipigilan siya na lumapit sa akin. Pero ilang segundo
ang nakalipas, lumapit na ang dalawa sa amin.
“Tandaan mo Jin. Hindi ako aatras sa pustahan natin,”
malamig na wika niya sa akin. Anong pustahan?
Magsasalita pa sana ako nang humarang si James sa harapan
ko. Ano ito?
“Mas lalo namang hindi aatras si Jin. Sisiguraduhin namin
na mananalo siya,” sabi ni James. “So, si Isaac ang kakampi mo? Kawawa ka
naman. Hindi mo kasama ang best friend mo na si Ricky. Kaya si Isaac lang ang
kakampi mo ngayon.” Hindi ko maintindihan. Ano ang meron? Pwede bang may
magpaliwanag sa akin?
“Kahit dalawa pa kayo na kumampi kay Jin, wala akong
pakialam. Mananalo ako sa pustahan natin.” Tumalikod na sila Isaac at Zafe sa
amin at umalis.
“A-Anong pinagsasabi nila? James? Ano iyun?” tanong ko sa
kaniya.
Humarap siya sa akin. “Nakipagpustahan tayo kay Zafe. Kung
sino ang team na may pinakamaraming puntos sa larong ito, siya na ang magiging
boyfriend ni Aulric,” paliwanag niya sa akin. “Pagkakataon mo na ito Jin. Kapag
nanalo tayo, magiging sa’yo na si Aulric. At huwag kang mag-alala. Tutulungan
ka namin.” Tinapik-tapik pa niya ako sa balikat.
Tumigil ang mundo ko sa mga sinabi sa akin ni James. Kaya
pala hindi ako pinapansin ni Zafe, dahil sa akala niya ay may pustahan kami pagdating
kay Aulric? At bakit naman siya naniwala? Tarantado ba siya?! Bakit siya
pumayag?! Kung mahal niya talaga si Aulric, hindi niya magagawa ang bagay na
ito. Maliban na lang kung may sinabi si James sa kaniya.
Lalapitan ko sana si James nang biglang nagsalita ang
announcer at pinapasimulan na ang laro.
“Pwesto na, pwesto na!” sigaw ng Coach namin.
Lumapit si James sa akin na may ngiti. “Tara na Jin.
Magsisimula na tayo.” Tumapik pa siya sa balikat ko.
Ano ba ang gagawin ko sa mga oras na ito? Dapat ba akong
tumakbo na lang at abandonahin ang larong ito? Pero, isa itong opisyal na laro.
Hindi dapat ako umalis. Mapapahiya na naman ang pamilya namin sa ginagawa ko.
Pero ano ba ang pakialam ko? Hindi naman kasi ako kasali sa pustahan na
sinasabi nila. Wala akong alam.
Ahh! Alam ko na. Maglalaro ako, pero isasauli ko din sa
kaniya si Aulric. Mali kasi itong ginagawa namin. Kaya dapat, gawin ko ang
nararapat. Gagawin ko ang tama. Maglalaro na lang ako, para sa eskwelahan
namin.
Natapos na ang 3rd quarter ng laro at kasalukuyang
nagpapahinga ang kupunan namin. Kasalukuyang nangunguna ang kupunan namin sa
iskor na 85-59. Pero, palagay ko ay matatalo kami ngayon dahil sa ginagawa
namin. Bigay-todo kasi kami maglaro. Iyung tipong, may totoong premyo ang
naghihintay sa amin kapag natapos ang larong ito. At siguro, nahahalata ng mga
kalaban namin na nagbabakawan kami pagdating sa bola. Si Isaac, si Zafe lang
ang pinapasahan. Si James naman at ang kasama niya, kami lang ang nagpapasahan.
Kanina, sinubukan kong pasahan ng bola si Zafe. Pero, hindi niya tinatanggap
iyun at sadyang pinapapalya niya na kunin ang bola.
“Ano ba ang ginagawa ninyo?!” sigaw sa amin ng Coach namin.
“Bakit parang nagbabakawan kayo?!”
“Hindi naman Coach,” wika ni James. “Baka imahinasyon niyo
lang iyun. Nagbabakawan ba tayo Zafe? Hindi naman ‘di ba?” Inakbayan pa niya si
Zafe para patunayan na magkaibigan sila kuno.
“Naninibago lang po kasi kayo coach. May bagong plano lang
po kasi kaming sinusubukan,” pagsuporta ni Zafe sa sinasabi ni James. Hangal.
“Bagong plano?! Talaga?!” sigaw ulit ni Coach. “So hindi
niyo ngayon sinusunod ang plano natin sa larong ito?!”
“Oo coach. May sarili kaming plano. At mukha namang
effective ang plano namin. Hindi ba?” sabi ni James.
“Alam niyo ba ito Isaac, Felix, Jin?”
“Ang totoo Coach-”
“Opo. Alam na alam po namin,” pagputol ng kasamahan ni
James kay Caleb. “Ang galing po ng plano namin ano?!”
“Talaga?! Effective sa mga pagmumukha niyo?! Kung ganoon,
ipapa-substitute ko kayo, Isaac, Felix!” galit pa rin na wika ni Coach.
“Teka Coach? Hindi po pwede iyan,” angal agad ni James.
“Kapag pinalitan po ninyo sila Isaac at Felix, hindi na po magiging epektibo
ang plano namin. Masasayang lang po ang pinagplanuhan namin.”
“Kung ganoon, sinasabi ko sa inyo. Matatalo kayo sa laro
niyo ngayon.”
“Coach, hindi naman po totoo iyun. Kita mong tambak ang
score ng kalaban, mababaligtad pa ba nila iyan?” angal naman ng kasamahan ni
James.
“Puwes, ganito. Kapag natalo kayo sa larong ito, umalis na
agad kayo sa Basketball Club,” malamig na wika ni Coach.
“Coach naman, hindi pwede iyan,” angal naman ni Zafe.
“Hindi niyo ba alam na ngayon pa lang, nakikita kong
matatalo kayo? Matatalo kayo dahil sa ginagawa niyong plano na hindi ko alam.
At dahil diyan sa ginagawa niyo, alam na ng kalaban niyo kung paano kayo
talunin. Mga hangal kayo! Minamaliit niyo ang mga kalaban niyo! Nakalimutan
niyo na mga kampyon ang kalaban natin ngayon! Kung balak niyo talagang manalo,
dapat, sinunod niyo ang sinasabi ng coach ninyo! Dahil kami ay mas matanda sa
inyo, mas marami din kaming karanasan pagdating sa Basketball. Ngayong pagod na
pagod kayo at meron pang lakas ang mga kalaban niyo, ano ang plano ninyo?”
Narinig namin ang isang pito hudyat na tapos na ang break
namin. Tumayo na kami at pumunta na sa court. Wala man lang binigay na
direksyon sa amin si Coach para sa quarter na ito. Tama, mga hangal kami.
Siguro, okay lang na matalo kami ngayon. At least, makakaalis ako sa Basketball
Club, at babalik ako sa Drama Club. Mas maganda pa doon.
Gabi na nakauwi na ako sa mansyon namin. Agad na sinalubong
ako ni papa pagkapasok pa lang sa pintuan.
“Anong nangyari sa iyo? Sinuntok ka daw ni Zafe?” usisa
agad sa akin ni papa. “Masakit ba? Saan ka sinuntok?” Hinawakan agad ni papa
ang mukha ko at hinahanap at pinalingon sa kaliwa at sa kanan.
“Papa, okay lang po ako,” wika ko. “Hindi naman po masakit
iyung pagkakasuntok sa akin. At tsaka, nararapat lang sa akin iyun.”
Tumigil si papa sa paghawak sa mukha ko. “Ano ba kasi ang
nangyari doon? Balita ko, natambakan niyo na nga ang kalaban ninyo. Pero
pagdating sa 4th quarter, natalo pa kayo. Pagkatapos noon, sinuntok ka pa ni
Zafe.”
Napailing ako. “Papa, pwede po bang hindi ko na lang
sabihin sa inyo kung, ano ba talaga ang nangyari? Medyo pagod po ako at,
masakit po ang aking paa dahil sa laro.”
“Jin, ikaw na ba iyan?” tawag sa akin ni Tito Antoine na
bumababa mula sa pangalawang palapag. “Tamang-tama. Pagkatapos mong magbihis,
pumunta ka agad sa hapag-kainan.”
“Po?”
“Antoine, hindi na kailangan,” wika ni papa. “Hindi dapat-”
“Louie, huwag ka ng kumontra,” pagputol ni Tito Antoine.
“Kailangan ng malaman ito ni Jin agad hangga’t maaga pa. Nakataya dito ang pangalan
at kinabukasan ng kompanya natin. Or, kung gusto mo ay ipaliwanag mo na sa
kaniya habang nasa pintuan pa lang kayo?” Tumungo na si Tito Antoine sa
silid-kainan.
“Bakit papa? Anong meron?” tanong ko sa kaniya.
Umiwas si papa ng tingin. “Jin, umakyat ka na at
magpahinga.” Naglakad si papa patungo sa silid-kainan.
“Papa, ano po iyun?” muling tanong ko sa mas mataas na
tono, na nagpatigil sa kaniya sa paglalakad. “Ano po ang sinasabi ni Tito
Antoine na nakataya dito ang pangalan at ang kinabukasan ng kompanya natin?”
Humugot ng buntong-hininga si papa at humarap sa akin. “Si
Marcus, tinanggap ang alok ng mga Dominguez. Hindi nila ipapakulong si Sharina.
Iuurong nila ang mga sinampa nilang kaso sa kaniya sa isang kondisyon. Ibibigay
ni Tito Marcus mo ang lahat ng shares niya sa kompanya.”
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Hindi ko na
pinagpatuloy ang sasabihin ni papa dahil alam ko na ang susunod niyang mga
sasabihin. Umakyat agad ako sa kwarto ko at ni-lock ang pintuan. Hindi ko
akalain na darating talaga ang panahong ito. Ang panahon na, iiwanan ko ang
aking pangarap.
Geoffrey’s POV
Habang naglalakad papunta sa morgue, kinikilabutan ako.
Kahit na may mga instances na may mamamatay sa tuwing may operasyon kami o
misyon, o papupuntahin kami sa lugar na ito para mag-imbestiga, kinikilabutan
talaga ako. Hindi ako sanay. Kung ano-ano na kasi ang iniisip ko. Baka
makatapak ako ng patay, o kung ano, o nilalapastangan ko sila, ewan. Mababaliw
ako sa lugar na ito kapag nagtagal ako. Kaya kailangan kong magmadali.
Bakit nga pala ako nandito? Well, ayon kasi sa kasamahan
ko, nandito daw si Christian. Kaya kung asaan ang mahal ko, pupuntahan ko.
Kahit na nandito siya sa morgue, pupunta ako. Huwag lang siya ang makita kong
nakahiga sa mesa.
Nadatnan ko si Christian na nakatayo sa tabi ng mesa at
mukhang nag-iimbestiga siya sa isang bangkay. Kung hindi ako nagkakamali, ito
ang bangkay ni Dart Aguire. Iyung naging susi para mapawalang-sala si Aulric.
At ngayon, napunta na ang bintang kay Sharina Bourbon, at nahatulad na din
siya.
“Geoffrey,” tawag sa akin ni Christian matapos akong
mapansin. Lumapit siya sa akin at binigyan ng isang mabilis na halik sa labi.
“Anong ginagawa mo rito? Hindi ba, tapos na siya?” tanong
ko habang nakaturo sa bangkay. “Ang ibig kong sabihin, tapos na ang kaso niya.
Nahatulan na ng korte si Sharina Bourbon, kaya wala ng problema. Well, hindi
nga lang siya nakakulong. Salamat sa magulang niya na mahal na mahal siya.”
“Alam ko. Pero, may kailangan kang makita. Suotin mo.”
Hinagisan niya ako ng ilang pares ng plastik na guwantes at hair net.
Ginawa ko ang sinabi niya. “Bakit? May nalaman ka bang
bago? Gusto ko pa naman na maaga tayong umuwi para, mag-celebrate ng konti.
Christian, may na-achieve ako, kahit papaano sa trabaho ngayon at gusto kong
makakuha ng konting reward mula sa taong mahal ko. Well, alam kong marami pa
din akong hindi na-achieve sa trabaho, pero pakialam ko ba. Basta sa akin, may
nagawa ako at isang malaking bagay iyun para sa akin. Pero kung ayaw mo, okay
lang sa akin. Mag-iisip na lang ako na mas mahal mo ang trabaho mo kesa sa
akin,” nguso ko.
Natawa si Christian. “Ano ka ba? Hindi naman. Siyempre,
ikaw lang ang mahal ko.” Sumeryoso bigla ang mukha niya. “Pero ngayon Geoffrey,
pwede bang seryoso muna tayo? Medyo seryoso talaga ang bagay na ito at,
kailangan mo ding malaman.”
Sumeryoso din ang aking mukha. “Okay. Ano iyun?”
“Parang may mali sa mga bagay-bagay involving kay Dart
Aguire. Narinig ko mula sa iyo na kaya napawalang-sala si Aulric ay dahil sa
nai-record pa niya ang kanyang mga huling sandali at nakapag-confess pa siya sa
kanyang hawak na mini-tape. Tama?”
“Yup, tama. Ayon sa salaysay nila Aulric, pupuntahan sana
nila ang taong ito nang mapansin ng isa sa kanila na bukas ang pintuan sa bahay
ni Dart Aguire. Nang pumasok sila, nakita nila ang bangkay ni Dart Aguire.
Halos gumuho ang mundo ni Aulric dahil ang tanging witness niya para
mapatunayan na inosente siya ay patay na. Pero may nakita silang hawak-hawak na
mini-tape sa kamay nito. At ang laman ng tape na iyun, ang kanyang mga huling
habilin bago siya mamatay ng tuluyan,” pagbabalik-tanaw ko. “At hindi ko alam
na may karelasyon din pala siyang lalaki, at hindi din alam ng iba. Nako! Nang
tiningnan ko ang mga mukha ng mga magulang nilang dalawa, bigla ko tuloy naisip
ang tungkol sa atin. Paano kaya kung malaman nila? Paano kung malaman ng buong,
kapulisan?”
“Geoffrey, lumalayo ka na sa topic.”
Tumungo ako. “Yeah, alam ko. Pero hindi ko magawang maialis
sa isip ko. Nakita ko din kasi ang mga sarili natin sa kanila. Although ang
pagkakaiba, hindi ka naman siguro anak ng isang mayamang tao na nagmamay-ari ng
maraming ari-arian hindi ba?”
“Hmm, hindi. Ano ka ba?” Nginitian niya ako ng matamis.
Muli namang sumeryoso ang kanyang mukha. “Balik tayo sa topic, heto ang mga
nalalaman ko kaya, nag-imbestiga pa ako dahil may mga nakikita akong mali. Nang
inimbestigahan ko ang puso ni Dart Aguire, nalaman kong lampas sa puso ang
saksak niya.”
Bigla akong may naisip. “Lampas sa puso? Hindi ba’t,
nakakamatay ang ganoong, saksak?”
“Eksakto. Kaya iyung mga huling statement ni Dart Aguire sa
kanyang tape, marahil ay hindi niya boses iyun,” pag-aanalisa ni Christian.
“Paano siya nakakapag-iwan ng ganoong mensahe kung sa pagkakasaksak pa lang sa
kaniya ay siguradong mamamatay siya?”
“Hindi Christian. Boses nga daw talaga iyun ni Dart Aguire.
May ilang mga tao ang nagkumpirma. Oo nga. Paano nga ba?”
“Si Aulric kaya ang may gawa nito?” hula niya.
“Hindi Christian. Imposible. May alibi si Aulric. Noong mga
panahon na patay na si Dart Aguire, kasama ni Aulric ang kanyang mga kaibigan
na may plano pa lang na pumunta sa bahay niya.”
“Pero kung boses nga talaga ni Dart Aguire ang nasa tape,
at tinuro niya si Sharina ang pumatay sa kaniya, at dahil doon, napatunayan
namang inosente si Aulric, pero iba ang findings natin dahil dapat ay hindi na
siya makakapagsalita sa saksak na natamo niya dahil patay na siya, anong ibig
sabihin nito?”
ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment