Followers

Tuesday, August 25, 2015

Loving You... Again Chapter 26 - What Is Love




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin!

May ililinaw lang akong ilang bagay sa storyang ito. Nangyari po ang storya ni Aulric bago nagsimula ang kwento ni Ren. From Chapters 24 to 31 (Siguro), flashback ito ng ilang mga characters kaya may mga nakalagay na 2 years ago... 1 month ago or etcetera. Iyun lang thank you.


Love Is... na akda ni Rye Evangelista. At dahil hindi ko pa tapos basahin ang storya dahil tumigil ako sa Chapter 20, parte pa lang ang masasabi ko. Nakakatawa lalong-lalo na si Eri. Naging bestfriend ba naman agad ang fiancee ni Brett. And ohh... mukhang makikiagad pa ata itong si Brett sa love story nira Riel at Red. Hindi na ako makapag-antay na basahin pa ang mga natitirang chapters pero priorities first. Maganda ang flow ng storya sa unang 20 chapters na nabasa ko kaya basahin niyo rin po. Ingat peeps.
 











Chapter 26:
What Is Love
















































Shai's POV



          Sinimulan ko ng iligpit ang mga gamit ko. “Okay Ricky. Tapos na ang pagtuturo ko sa'yo ngayong araw."



          “Hay, salamat naman Shai! Natapos na din ang session na ito!" saad ni Aulric.



          “Oo nga Aulric. Tara na at may pasok pa tayo. Sabay na tayo," nakakalokong wika ni Zafe na nililigpit na din ang gamit.



          “Pasensya na Zafe pero mag-uusap na muna kami ni Aulric, privately," sabat ko.



          “Paano naman ang report namin?"



          “Sabi mo kanina, handa ka na kung handa ako. Akala ko ba, kanina ka pa handa?" tanong ni Aulric.



          “Sige Shai. Salamat sa pagtuturo," saad ni Ricky habang nililigpit din ang gamit.



          “Tara na Shai. Mag-usap na tayo privately as you said." Tumayo si Aulric at nauna nang naglakad paalis.



          “Ingat kayo guys!" paalam ko.



          Sinabayan ko sa paglalakad si Aulric papunta sa library. Mas maganda kasi makipag-usap ng sarilininan kapag sa library kami pumunta. Hay nako! Parang kelan lang. Sa simula, hindi kami magkaibigan ni Aulric. Hindi nga talaga kami magkaibigan. Alam niyo naman ang ugali ni Aulric. Hindi niya hilig talaga makipagkaibigan sa ibang tao lalo na't marami siyang pinagdaanan. Pero sa era na ito, madami-dami na kami na kaibigan niya. Hindi lang ako. Pero ibang storya na iyun.



          「7 months ago...



          “Kriiiiing!"



          Nagising agad ako pagkarinig ko sa tunog ng alarm clock at pinatay na ito. Buti na lang at naimbento ang alarm clock para gisingin ang isang katulad ko na mahimbing na mahimbing kung matulog. Hay nako! Makakakita na naman ba ako ng mga nakakairitang tao sa mundong ito? Sino na naman kaya ang kaasaran ko sa araw na ito? Mas maganda na lang kasi na matulog at hindi na pumasok sa eskwelahan.



          Wala na rin akong nagawa kung hindi ang bumangon at inayos ang aking saliri. Buhok, tsek. Uniporme, tsek. Poise, tsek. Sustansya, hmm... nope. Ano ba iyan. Kailangan, perpekto ang unang araw ng klaseng ito. Pero hindi naman kailangan na ganoon ka-perpekto. Pero kasi, bakit hindi pa lumalaki ang boobs ko? Alam kong 18 years old ako at hindi inaalala ang ganitong klaseng problema. Pero hindi talaga lumalaki ang boobs ko. Paano kaya nagkakaroon ang ibang babae ng ganoong kalaking boobs? Hindi kaya dahil sa sex? Ay! Never mind na nga lang! Hindi naman kasi ako malandi kaya bakit kailangan pang lumaki ng boobs ko? Habang buhay na bang dating pinaniniwalaan na model ng mundo ang dibdib ko?



          Hindi ko na inalala ang boobs ko at naghanda na para pumasok sa eskwelahan. Dumaan pa ako sa Starbucks para bumili ng paborito kong kape para sa umagang ito bago ako pumunta sa bago kong paaralan. Hindi ako makakapasok kapag hindi ako umiinom. Alam ko kasing magiging boring ang unang araw ng klase namin. Kaya kailangan ko ng energy kahit na hindi naman kailangan.



          Bago ang lahat, ipapakilala ko ang sarili ko. Ako si Shai Lyn. Isa ata ako sa mga main character sa storyang ito. Ewan ko ba. Bakit ba may POV ako? Kapag ba may POV, main character na agad? Hay! Hindi bale na nga.



          Moving on- Habang naglalakad ay bigla akong bumangga sa taong nasa harapan ko na biglang huminto at natapunan ako ng aking mainit na kape. Tumama pa ito sa mukha ko at sa aking uniporme. Medyo masakit iyun para sa mukha ko pero nainda ko ang init. Nako naman! May tangang tao na biglang huminto sa harapan ko at parang tangang hinangaan ang arko ng eskwelahan. Parang ignorante lang na ngayon lang nakapasok sa prestiyosong eskwelahan na ito.



          Dahan-dahan na humarap ang taong ito sa akin. Pinagmasdan pa ako mula ulo hanggang paa. Wala na ang magandang buhok ko na siyempre natapunan ng kape, ang magandang uniporme ko na alam ko naman na lahat ng kababaihan sa eskwelahan ay suot din ito, at ang huling bagay na hindi ko na lang pag-uusapan.



          “Bakit ka nakatayo sa gitna ng daan kung saan dumadaan ang karamihan ng mga tao?!" pasigaw na tanong ko. Napatingin naman ang ilang estudyante sa amin.



          “Pasensya na," magalang na paghingi ng dispensa ng ignoranteng taong ito. “Kung gusto mo, bayaran ko na lang ang-"



          “What did you say?!" pagputol ko sa sasabihin ng lalake. “Aba! Grabe! Bayaran na lang daw? Seryoso ka?! Alam ko naman na may mga taong mas mayaman pa sa akin sa eskwelahang ito. Pero iyung bayaran talaga?! Lalake, you can't buy a perfect fashion! Pero ibang usapan na pagdating sa mga damit at kolorete. Hindi mo ba alam na nawala ang poise at grace ko sa ginawa mo?! Nasira iyun lahat noong binangga mo ako! At hindi lang iyun ang nawala. Nawalan na din ako ng gana na ibangon ang sarili ko!"



          “Then I guess, tumatanggap ka ng sorry?" tanong pa nito.



          Tinaas ko na lang ang dalawa kong kamay tanda na pinapakalma ko ang aking sarili. Nag-inhale, exhale, inhale ulit, at exhale ulit ng mga ilang beses.



          “Okay Shai. Pasensyahan mo na ang ignoranteng taong ito at huwag ka munang gumawa ng gulo sa unang araw pa lang ng klase dahil hindi iyun maganda. Uniporme lang ito, kape lang ito, naaayos din naman ulit ang lahat. Everything will be fine," bulong ko sa aking sarili. “Okay. Fine. Tinatanggap ko na iyang sorry mo. So go on your way, okay lang ang lahat para sa akin. At para din sa iyo. Sorry kung kinuha ko pa ang atensyon ng mga tao para makagawa ng ingay. Bye."



          Mahinahon na lumakad na ako paalis. Grabe naman kasi. Kung inatake ng pagkaignorante ang taong iyun, kailangan pa talaga na sa gitna ng entrada ng eskwelahan? Kaya hindi umaasenso ang bansa natin dahil sa mga taong katulad nila.



          Dumiretso ako sa comfort room para ayusin ang aking sarili. Pagkadating ay binuksan ko ang gripo at nilagyan ng tubig ang parteng namantsahan. Dapat may gawin ako kesa naman hayaan ko ang mantsa sa uniporme ko. Pero kahit anong gawin ko ay hindi na ito maaalis.



          Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa isang maliit na problemang pinalaki na kinakaharap ko. Unang araw pa lang ng college, sira na agad ang araw ko.



          Bumukas naman ang pintuan ng comfort room at niluwa nito si Kristel kasama ang kaibigan niya na si Jert. Nako! Mas lalong lumala ang araw na ito para sa akin.



          “Hi Shai. So how was your disastrous day?" sarkastikong tanong ni Kristel.



          “By adding an adjective in your question, hindi ka naman siguro ganoon kabobo kung ano ang sagot. Alangan naman magsinungaling ako na okay lang ang araw ko," sarkastikong sagot ko habang pinagpatuloy ang aking ginagawa.



          Natawa si Jert ng payak. “Yeah right. Napaka-disastrous nga ng unang araw mo sa eskwelahan. Kawawa ka naman. Gusto mong ibigay ko sa iyo ang isa ko pang uniporme?"



          “Salamat na lang Jert. Alam kong para akong lalake kung umasta pero hindi bagay sa akin ang uniporme ng mga lalaki. At tsaka bakit nandito ka sa CR ng mga babae? Lalake ka hindi ba?"



          “Oo nga Jert. Bumalik ka nga sa CR ng mga lalake?" dagdag ni Kristel.



          “Ay! Pinapapunta talaga ako sa CR ng mga lalaki. Baka mamaya kung ano ang magawa ko?" baklang-bakla na wika ni Jert habang naglalakad paalis ng CR.



          Naglabas ng lipstick si Kristel sa kanyang bag at humarap sa salamin para ayusin ang kanyang labi. “Oo nga pala. Nabalitaan mo na ba na dito din mag-aaral ang long-time crush kong si James?"



          “Nakikita kong naghahabol na naman tayo sa taong ayaw sa atin hindi ba? Hindi ka na ba natuto Kristel?"



          “Wala ka pa ring bang boyfriend hanggang ngayon Shai? Balita ko, karamihan sa mga lalaki sa eskwelahang ito, mahilig sila sa mga babaeng maraming nutrisyon ang dibdib. Malas mo lang at wala ka. Inggit ka ba sa akin Shai? Siguro, dahil sa umaasta ka na parang lalake kaya akala ng katawan mo ay lalake ka talaga. Mukhang nakalimutan ng sandamakmak mong hormones na babae ka. Kaya ang dibdib, kulang sa nutrisyon." Tinitira na naman ang dibdib ko. Nakakainis.



          “Hindi ko kasi kaya ang ginagawa niyong pakikipaglandian sa ibang tao para lang makakuha ng libreng pagkain gayong mayaman naman tayo," paliwanag ko. “Mahirap ba kayo para gawin ang mga bagay na iyan? Wala kayong pera? Kaawa-awa naman kayo."



          “Ano ka ba? Dapat habang maaga, pinapraktis mo na ang charm mo sa ibang tao para gumanda ang karisma mo sa kalalakihan. Dapat kasi, ginagamit mo ang utak mo Shai."



          “Ilang kalalakihan na ba ang pumasok diyan sa butas mo?" diretso kong tanong.



          Tumigil ito sa ginagawa at gigil na hinawakan ang kwelyo ko. “Anong sinasabi mo? Sinasabi mo na ba marami ng pumasok na lalaki sa akin? Sinasabi mo ba na isa akong pokpok?"



          “Magiging isa akong prankang judgmental shit ngayon Kristel. Kapag pinagpatuloy mo ang ganyan, iisipin ko na ganoon nga talaga ang nangyayari sa'yo," diretsong saad ko.



          Biglang binitawan ako ni Kristel nang makarinig siya ng mga babaeng papasok sa CR. Akala ko, gusto niyang mag-trending sa unang linggo ng eskwelahan. Inayos na lang namin ang aming mga sarili para hindi halatang nag-aaway.



          “Well, hindi bale na. At least naman kasi, hindi patag na patag ang aking hinaharap," saad ni Kristel.



          “Wala akong pakialam sa patag na hinaharap ko. Ang importante naman ay siguradong walang ups and downs ang buhay ko. Tsaka Kristel, may curves ka ba?" Tumayo ako ng maayos at tiningan ang aking kalahating repleksyon. Tiningnan ko naman si Kristel. “Ano ba iyan! Mukhang tumaba ka ata Kristel. Kumakain ka ba ng taba para tumaba din ang boobs mo? Nako! Halata nga. Wala ka kasing curves habang ako naman ay meron!"



          Napatingin naman si Kristel sa sarili niya mula ulo hanggang paa. “Gosh! Oo nga! Nako! Magugustuhan pa kaya ako ng mga lalaki nito? Kailangan kong mag-diet mamaya." Inayos ni Kristel ang boobs niya. “Pero hindi bale na! Boobs pa lang, masarap na! Malas lang ang mga babaeng kapatagan ang dibdib."



          Inirapan ako ni Kristel at lumabas ng comfort room. Naiinis na talaga ako! Sirang-sira na talaga ang araw ko! May mas lalala pa ba? At boobs pa talaga ang tinitira sa pagkatao ko? Bwisit!



          Hindi ko naman tuluyang naalis ang mantsa ng kape sa uniporme ko. Pero ayos na iyun kaysa ma-emphasized pa iyung mantsa. Baka isipin ng mga tao ay pabaya ako at hindi ko ginagawan ng paraan. Oo nga pala. Wala din pala akong kaibigan na pumunta sa prestiyosong eskwelahan na ito.



          Nang lumabas na ako ng comfort room nakita kong dumaan ang inspirasyon ng buhay ko. Si Ricky Rizal. Isa siyang magaling na basketball player sa lugar namin. Hindi gaanong katangkaran at may katamtamang laki ng kamay. Sa basketball, magaling siya sa pagpasa at pag-dribble ng bola. Hindi siya gaanong maputi dahil palagi siyang nakikita ni haring araw. Maganda ang hugis ng mata niya at lagi itong alerto na akala mo'y 360° ang nakikita.



          May history kami noon pero naaalala pa ba niya ako? Bata pa lang kasi kami noon. Mahalaga ang history namin noon pero hindi ngayon. Naging kaklase ko siya noong grade school pa lang kami. Kapag may bata na inaaway ng iba pang bata, darating siya para protektahan ang inaaway. Kahit na hindi ako ang taong inaaway, naaastigan ako sa kaniya. Alam niyo iyun. Boyfriend material kasi para sa akin ang mga taong ganoon. Iyung pinoprotektahan ang isang tao laban sa iba pa. Pero bata pa kami noon. Bakit kailangan na agarang landian ko si Ricky? Grade school students pa lang kami, hello!



          Ilang taon na ang nakalipas, high school students na kami at mukhang umaatake na ang pagkamanyakis ni Ricky. Ang ibig kong sabihin, lalake siya, paano ko ba i-describe? Nabalitaan ko na gustong-gusto ni Ricky ang mga babaeng malaki ang hinaharap at hindi patag. Nakikita ko pa nga siya na hinahawakan ang mga ganoong klaseng kababaihan. Siyempre, iyung mga babae naman ay tuwang-tuwa. Nahawakan sila ng isang Ricky Rizal. Nakipag-sex na kaya siya sa mga babae? Hay! Siguro nga! Ano ba ang magagawa ko?



          Nang naalis na sa paningin ko si Ricky, naisip ko na hanapin na lang ang classroom ng una kong klase. Dapat alalahanin ko na muna ang aking pag-aaral.



          Iyung babae naman kanina, siya si Kristel May Reyes. Kasabayan ko siya at laging may giyera kapag nakakasalubong ko. Pero iyung giyera namin sa isa't isa, hindi naman umaabot sa punto na magsasabunutan kami. Natakot ata na makipagsabunutan sa akin nang nakita niya akong sinapak ang isang babae noong mga high school pa kami. Nakita kaya ni Ricky ang ginawa kong iyun kaya hindi ako nagiging girlfriend material para sa kaniya?



          Talking about Kristel, hindi ko siya childhood friend pero obviously a childhood enemy. Ewan ko ba! Siguro ay ayaw niya sa akin, ayaw ko din naman sa kaniya. Meron kasing vibe sa kaniya na hindi ko gusto. Kaya ganoon kami palagi. Pero buti na lang at pinigil ko ang aking sarili na sampalin siya. Good job Shai!



          Nakapasok na ako sa room ng unang klase ko at umupo sa bandang likuran. Kahit na walang dahilan para kabahan, kinakabahan ako. Alam mo iyun. Sa hallway na nga lang, kinakabahan ako at baka may magpaligo sa akin ng isang timba ng ice cube. Minsan kasi na nangyari sa akin iyun dati noong high school pa ako. Kaso, may dalawang unfortunate event na nangyari. Una ay nailagan ko ang ipinaligo sa akin na mga ice cube. Naramdaman ko kasi na parang may kakaiba sa hallway dahil nakatingin sila sa akin. Pangalawa, umiyak na parang mga bata ang mga taong gumawa sa akin ng kalokohan na iyun. Puro pa lalaki ang may pakana. Ipinatawag pa nga ang aming magulang para pag-usapan ang mga nangyari. Sa huli, iyung mga nagkasala sa akin ang pinagalitan at ang kanilang magulang pa ay sinermunan sila ora mismo. At hindi lang iyun. Sinermunan pa ako ng mga magulang ko dahil hindi tama para sa isang babae ang mga ginagawa ko. Bilang respeto sa mga magulang ko, hindi na lang ako nagsalita at hinayaan sila. Pero actually, hindi ako nakikinig sa kanila. Ay teka! Lumalayo na ako ang aking sinasabi. Pasensya na.



          May umupo namang isang lalaki sa tabi ko. Nang umupo na ang lalaki, nagkatinginan kami. Napaantada ang lalaki nang nakita ako. Naalala ko naman kung sino ang lalaki. Isa ito sa mga taong nagtangka na paliguan ako ng ice cube. Siya si Andrew Nassau.



          Katamtaman ang kulay ng balat at natural ang height sa mga kaedaran niya. Katamtaman din ang laki ng katawan at napaka-intimidating nito kung makatingin sa mga binu-bully niya. Pero kapag tumitingin ito sa akin, tumitiklop siya.



          “Mahabaging langit. Pinabayaan niyo na po ba ako?" tanong ni Andrew na tumingala pa.



          “Hi Andrew," nakangiting bati ko. “Hindi ko inaasahan na magiging kaklase kita sa eskwelahang ito. Dito mo rin pala balak mag-aral."



          “Mas lalo naman ako. Hindi ko ito inaasahan. Ikaw pa naman ang isa sa mga babaeng hinding-hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko."



          “Salamat sa pamumuri mo."



          “Walang anuman." Tumingin-tingin siya sa paligid. Base naman sa galaw ng labi niya napamura pa siya sa kanyang sarili.



          “Bakit mo minumura ang sarili mo?" concerned na tanong ko.



          “Ayoko kitang katabi," diretso niyang sagot.



          “Hah! Natatakot ka pala talaga sa akin."



          “Bakit? Sino ang hindi? Shit naman! Ikaw lang pala talaga dito sa klase ang kakilala ko?"



          “Kung ganoon, dito ka na lang."



          “Ayoko nga sabi. Natatakot ako sa'yo."



          “Oh! Come on Andrew. Hindi ako nangangagat. Nanununtok lang ako ng mga taong may malaking atraso sa akin. Huwag kang mag-alala. We should stick here together," mungkahi ko.



          “Tama ka! Stick together! Sa taong magiging dahilan ng bangungot ko sa buhay," sarkastikong saad ni Andrew.



          Binigay ko ang aking matamis na ngiti. “Wala ka pa namang ginagawang masama sa akin Andrew. Hindi naman kasi ako isang bayolenteng babae."



          “Huwang kang ngumiti! Hindi ko pinagkakatiwalaan ang ngiti mo."



          Nawala ang ngiti sa labi ko. “Gusto mo ba na maging masamang tao ako? Naiirita na ako! Ang hirap pala maging friendly," seryoso ko ng saad.



          “Ano ba ang magagawa ko kung ganito ako? May ginawang masama ako sa'yo, may ginawa kang masama sa akin? Sa tingin mo, ganoon lang kadali na makipagkaibigan sa'yo?"



          Napabuntong-hininga na lang ako dahil sa mga sinasabi ni Andrew. Tama siya. Mukhang hindi madali ang makipagkaibigan sa iyong kaklase na dati mong kaaway. Pero hindi ba dapat ay kalimutan na nila ang nakaraan? College students na kami at kailangan, umasta kaming sibilisado at hindi katulad sa mga barbaro. Nasa isa pa naman kaming prestiyosong eskwelahan.



          “Alam mo Andrew, ang totoo niyan ay ayokong manggulo sa mga tao. Violence is so messy. Pero sana, maintindihan mo na naging mga bully kayo sa school natin. At ang mga bully ay isa sa mga ayokong tao sa mundo. I want to erase them from our reality. Pero ano ba ang magagawa ko? Nandiyan na sila sa ecosystem. Hinding-hindi na sila mawawala. At dahil din sa mga bully, may mga tao din na nakakahanap ng pag-ibig sa pamgbu-bully lang," paliwanag ko. “Teka? Iyung kaibigan mo ba na si Knoll, sila pa rin ba ni Camilla?"



          “Yeah. Sila pa rin."



          “See. Kahit nga si Knoll. Parang kailan lang na pinagtatanggol ko si Camilla mula sa kaniya. Ngayon, naging sila. Ang akin lang naman Andrew, kalimutan na natin iyung mga nangyari noong high school students pa tayo. Ngayong magkaklase pa tayo sa course na napili natin, hindi kaya ito na ang tamang panahon para makilala mo ako ng lubusan? Makilala ang anghel na katauhan ko?"



          “Ano ba talaga ang gusto mo?" naiinis na tanong ni Andrew.



          “Ceasefire na muna tayo. Gaya mo, wala pa akong kakilala sa klase na ito. Ang swerte ko at ang swerte mo. Pwede kitang pakopyahin kapag may mga quizzes tayo," paliwanag ko.



          Nagliwanag ang mukha ni Andrew. “Totoo ba iyan? Pakokopyahin mo ako kapag may quizzes tayo?"



          “Oo naman. Basta wala kang gagawin na kalokohan, okay tayong dalawa."



          “Okay. Payag ako. Deal!" Inilagay ni Andrew ang kanyang palad niya sa harapan ko.



          Nakipagkamay ako. “Good!"



          Naging maayos ang mga sumunod na minuto sa buhay namin ni Andrew. Medyo nailang pa nga siya pero okay lang iyun. Madalas na kinakausap na niya ako at binubulungan niya ako ng mga kalokohang bagay tungkol sa mga prof. Noong una, hindi talaga ako sumasang-ayon sa mga ganitong bagay. Pero nakakatuwa pala kasi. May point naman kasi ang mga sinasabi ni Andrew.



          Nang oras na ng tanghalian, niyaya ko siya na sabay kumain sa cafeteria. Habang kumakain sa cafeteria ay nakita kami ng ilan pa niyang kaibigan. Si Caleb, si Isaac, at si Knoll na kasama ang girlfriend niya na si Camilla. Nagulat ang tatlo nang makita ako at parang gusto nilang tumakbo.



          “Ohh! Shai! Nandito ka rin pala!" masayang saad ni Camilla. Lumapit siya sa akin at nakipagbesohan.



          “Hi Camilla," bati ko. “Hindi ka pa ba niloloko nitong boyfriend mong si Knoll?"



          “B-Bakit ko naman siya lolokohin Shai? Gusto ko nga siya h-hindi ba?" namumulang saad ni Knoll. “At tsaka bakit ka ba nandito? Kasama mo pang kumain si Andrew. Anong ginawa mo sa kaibigan namin? Ginayuma mo ba siya?"



          “Ako nga dapat ang magtanong niyan sa'yo Knoll. Anong ginamit mong gayuma kay Camilla para magustuhan ka?"



          Tumayo si Andrew nang napansin na hindi maganda ang takbo ng pag-uusap namin. “Guys, relax! Huminahon naman kayo. Ang totoo niyan, magkaibigan na kami ni Shai. Hindi naman pala siya ganoon kabayolente kapag naging kaibigan mo. Huwag mo lang baliin ang batas niya."



          “Tama ka diyan Andrew. Kaya nga siya ang pumoprotekta sa akin kapag inaaway niyo ako," pagsang-ayon ni Camilla.



          “Alam niyo, bakit hindi kayo maupo at sabayan niyo kaming kumain? Mag-usap tayo nang magkakilala tayong anim ng mabuti," yaya ko sa kanila.



          Tumango-tango si Isaac. “Hmm, may punto ang sinasabi ni Shai," pagsang-ayon niya.



          “Oo nga boss. Wala na tayong ibang kakilala sa eskwelahang ito bukod sa kanila. At tsaka swerte nga natin dahil kasya tayo sa lamesa," pagsang-ayon din ni Caleb nang lumingon ito kay Knoll. Si Knoll kasi ang leader ng grupo.



          “Bakit mo nasabing kasya tayo sa lamesa Caleb? Anong gagawin natin sa lamesa? Tatayuan?" sarkastikong wika ni Knoll.



          “Babe, sige na. Gutom na ako at gusto kong makilala mo si Shai. Mabait naman iyan," suyo ni Camilla sa katipan.



          Bumuntong-hininga si Knoll. “Hay! Sige na nga! Basta ha! Ikaw ang tumabi kay Shai at hindi ako! Mamaya ay batukan pa ako niyan!"



          Umupo naman silang lahat at pumunta sa kani-kanilang gustong pwesto. Habang kumakain ay nagkamustahan ang mga magkakaibigan. Pagkatapos ay harap-harapan na nagtatanungan sila kung may nakita pa silang ibang tao dito sa eskwelahan na naging classmate nila na kapalagayan nila ng loob maliban sa akin.



          “Hindi naman siguro ako bingi ano para hindi marinig ang mga sinasabi ninyo?" pagsingit ko sa usapan nila bigla.



          “Sinasabi lang naman namin ang katotohanan. Hindi kasi maganda ang makipagplastikan alam mo ba iyun?" tugon ni Knoll.



          Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. “Sinasabi niyo bang nakikipagplastikan ako sa inyo?" Pinagpatuloy ko ang aking pagkain.



          “Boss, hindi kaya ikaw lang ang nag-iisip ng ganyan?" naitanong ni Caleb nang natapos na niyang nguyain ang kinakain.



          “Parang hindi naman nakikipagplastikan si Shai sa atin. Natatandaan niyo ba na may isang babae na nakipagplastikan sa kanya noon? Sinampal niya," kwento ni Andrew.



          “Babae ka nga ba talaga Shai?" tanong ni Isaac.



          “Huwag naman kayong ganyan guys. Siyempre, babae si Shai," pagtatanggol ni Camilla.



          “Basta ako, hindi ako sigurado kung babae si Shai. Ang patag ng dibdib ehh. Buti na lang at hindi nahawa si Camilla," walang prenong paliwanag ni Knoll.



          Biglang nag-iba ang lasa ng kinakain ko nang narinig ko ang mga sinasabi ni Knoll. Halos sabay-sabay naman nag-antanda ang mga kalalakihan maliban lang kay Knoll.



          “S-Shai, napansin ko na may mantsa ang uniporme mo? Ano ba ang nangyari sa'yo?" tanong ni Shai. Halatang iniiba niya ang usapan para hindi ako magalit sa boyfriend niya. Mahal niya nga talaga ang nobyo niya. Pero mas nakakainis iyung sagot sa tanong niya.



          “May tangang tao kasi na tumayo sa gitna ng entrada ng eskwelahan. Habang umiinom ng kape, nabangga ako. Hayun! Natapon ang kape sa pagmumukha ko. Ang init pa naman. Nako! Nag-init talaga ang ulo ko! Swerte pa naman nung tao at unang araw pa lang ng klase. Kung hindi, sa ospital ang bagsak niya," nanggigigil na kwento ko.



          “B-Buti naman at hindi mo ginawa mo iyun. Baka mamaya, anak iyun ng isang mayor. Wala pa naman itong sinasanto," natatakot na saad ni Andrew.



          “Oo. Naalala ko nga iyung sinuntok niya sa mukha iyung mayabang na anak ni gob. Tuwang-tuwa pa nga tayo dahil mukhang may mangyayaring masama kay Shai. Pero imbes na nagalit si gob, nagpasalamat pa iyun sa kaniya," diretsong kwento ni Knoll.



          “Boss, hinay-hinay lang sa pagsasalita," ninenerbyos na saad ni Caleb.



          “Bakit ba Caleb. Totoo naman ang mga sinasabi ko."



          “Pero Shai, natakot talaga ako sa maaaring gawin sa iyo ni gob noong ginawa mo iyun sa anak niya. Inisip ko nga na baka bukas ay paglalamayan ka na namin... ang ibig kong sabihin, ako," saad ni Camilla.



          Inikot ko ang aking mga mata. “Paglamayan talaga Shai? Bakit? Ganoon ba kahalang ang kaluluwa nila para gawin sa akin ang bagay na iyun?"



          “Alam mo Shai, karamihan sa mga pulitiko ay ganyan. Natatandaan mo ba ang balita na si gobernor ay pinagbintangan na pumatay sa kanyang kalaban sa pwesto? Malay ba natin na totoo ang ibinibintang sa kaniya at capable pala siya na gawin ang bagay na iyun," paliwanag ni Isaac.



          “Isaac, hindi pa naman napapatunayan na ginawa niya talaga iyun," pagdipensa ko sa kasalukuyang gobernador namin.



          “Kahit na ba Shai. Hindi mo alam kung may kasamaang tinatago ang isang tao. Kahit ang mga pinakamababait na tao ay may kasamaan din na tinatago sa sarili. Hindi natin alam ang mga kaya nilang gawin," paliwanag ni Andrew.



          “At balik naman doon sa lalaking bumangga sa akin, ang kapal ng mukha! Babayaran pa daw ako sa nagawa niya! Nako! Alam kong may mga taong mas mayaman pa sa akin pero hindi ganoong klaseng tao! Hindi ako mukhang pera!"



          “Nako naman Shai. Baka naman nataranta lang iyung tao nang tiningnan mo sa mata. Kahit ano na lang ay gagawin para lang hindi mo awayin. Alam mo iyun. Iyung mga ganoong klase ng tao na ayaw ng gulo," diretso na namang saad ni Knoll.



          “Boss," ninenerbyos na namang saad ni Caleb. Wala na ba siyang kayang gawin kung hindi ang nerbyosin sa mga sinasabi ni Knoll?



          “Oo nga pala guys. Nabalitaan niyo ba na may holdaper daw na nambibiktima malapit sa eskwelahang ito?" mabilis na pag-iba na naman ni Shai sa usapan.



          “Knoll, gusto mong hindi na magkaanak kay Camilla?" diretso kong tanong nang hindi ko man lang pinapakinggan ang sinasabi ni Camilla. Sinamaan ko pa ng tingin si Knoll.



          “Boss naman kasi! Huwag mong ilabas ang masamang ugali ni Shai!" bulyaw ni Caleb.



          Kinurot ni Camilla ang katipan at binulungan na tigilan na ang pinagsasasabi. Nakipag-argue naman si Knoll pero nanaig ang kagustuhan ni Camilla nang marinig niya ang mahiwagang salita.



          “P-Pero nga pala. Nahuli na daw noong isang taon ang holdaper na iyun Camilla," pagpapatuloy na saad ni Isaac sa sinasabi ni Camilla.



          “Talaga Isaac? Hindi mo ba nabalitaan na may nabiktimang dalawang kababaihan bago nagbukas ang klase?" pagsalungat ni Andrew.



          “Teka, hindi ko ba nasabi sa inyo na isa sa mga babaeng nabiktima ay iyung nakakatanda kong kapatid?" wika ni Caleb. Napatingin kami sa kaniya. Sa wakas ay may nasabing iba si Caleb.



          “Magkwento ka pa Caleb. So ano ang nangyari sa kapatid mo? Umuwi ba siya ng buo?" sunod-sunod na tanong ko.



          “Oo. Umuwi si ate na buo. Ang sabi ni ate, naglalakad lang daw sila sa isang eskinita malapit sa eskwelahang ito nang may lalakeng nanutok sa kanila ng baril sa tagiliran. Siyempre, natakot si ate at sinunod ang sinasabi ng holdaper. Binigay nila ang lahat sa holdaper pwera lang ang puri nila. Hindi daw nila namukhaan ang holdaper dahil nakatakip ng bonnet ang mukha. Ang tanging features na masasabi lang ni ate ay ang holdaper ay katamtaman lang ang tangkad, medyo matanda at naglalaro ang edad sa trenta hanggang korenta dahil sa boses daw."



          “Sana mahuli na iyang holdaper na iyan," natatakot na saad ni Camilla na hinawakan pa ang braso ni Knoll.



          “Kaya babe, lagi kang dumikit sa akin para maprotektahan kita. Buti na lang at literal na tayong magkadikit," assuring na saad ni Knoll.



          Nabahala ako sa sinasabi ni Knoll. “Sandali lang Knoll. Ano ang course mo? Ikaw Camilla. Ano ang course mo?" tanong ko sa dalawa.



          “Home and Restaurant Management ang course ko," sagot ni Camilla.



          “Culinary," tinatamad na sagot ni Knoll.



          “Ano ba itong si Knoll. Makasabi naman na literal na magkadikit. Akala mo naman ay literal talaga na magkadikit. Akala ko iisa lang ang course ninyo. Nakita niyo na ba ang schedule ninyong dalawa? Kaya niyo bang maghintayan kung sakaling ang isa sa inyo ay may klase at ang isa ay bakante?" sermon ko sa dalawa.



          “Bakit? Pwede ko namang ihabilin sa kanila si Camilla." Tinuro ni Knoll ang kanyang mga kaibigan.



          “Boss, pasensya na pero hindi namin magagawa iyan. Napagpasyahan kasi namin na sumali sa ilang clubs sa eskwelahan," ninenerbyos na saad ni Caleb. Lagi na lang siyang ninenerbyos.



          “Ahh! Oo! Ako nga rin pala. Balak ko nga palang sumali sa basketball club," saad din ni Isaac.



          “Ha? May balak ba kayong sumali sa club nang hindi niyo man lang sinasabi sa akin? Ikaw Andrew, may sasalihan ka bang club?" tanong ni Knoll dito.



          “Sa totoo lang, namimili pa ako ng club na sasalihan," sagot ni Andrew.



          Nasabunutan ni Knoll ang kanyang sarili. “Bakit niyo naman kasi naisipang sumali sa isang club ngayon?"



          “Babae," sabay-sabay na sagot ng tatlo.



          Palihim akong natawa sa sinasabi ng mga lalaking ito. Well, hindi sa hindi makakahanap ang mga lalaking ito ng kanilang tunay na pag-ibig. Baka dahil kasi sa naiingit sila kay Camilla at Knoll kaya naisip na maghanap na rin ng katipan. May hitsura naman ang tatlo kaya good luck na lang!



          “Ako. Tanungin mo ako kung may club na sasalihan," saad ko habang tinataas ang aking isang kamay.



          Mas lalong sinabunutan ni Knoll ang sarili. Dahil kasi sa ayaw niya talaga sa akin. Pero wala na siyang magagawa. Wala siyang choice.



          “Wow! Tamang-tama pala Shai. Wala kang sasalihan na club," nasisiyahang saad ni Camilla.



          “Boss, huwag ka ng malungkot. Hindi naman siguro lalasunin ni Shai ang pag-iisip ni Camilla para paghiwalayin kayo. Tunay naman ang pagmamahalan niyo Camilla hindi ba?" wika ni Caleb.



          Napabuntong-hininga si Knoll. “Oo na! Basta Shai, huwag mo namang sirain ang matibay naming relasyon ni Camilla."



          “Teka? Andito din pala si Ricky. Iyung schoolmate natin," saad ni Andrew habang tumuro sa isang direksyon.



          Bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ang sinabi ni Andrew. Awtomatikong napalingon ako sa tinuro ng lalaki. Sa hindi kalayuan, nakatayo si Ricky na may hawak ng isang tray ng pagkain. Kasama nito ang best friend niyang si Zafe. May kausap silang dalawang lalaki sa isang lamesa at mukhang may pinag-aawayan sila base sa ekspresyon na makikita mo sa mukha nila. Tiningnan ko ang mga mukha ng kinakausap nila. Biglang kumulo ang dugo ko nang makita kong iyung taong naging dahilan ng pagkasira na magandang araw ko ang kausap nila.



          Mga ilang minuto ang nakalipas, umalis na sila Zafe at Ricky. Umupo na lang sila ulit sa lamesa. Kapansin-pansin naman na masama kung makatingin si Zafe sa taong sumira ng araw ko. Ano kaya ang relasyon nila sa isa't isa? Pero parang gusto kong makipag-join forces sa kaniya kung sakaling may balak siyang masama.



          Ibinalik ko naman ang aking atensyon sa aking mga kinakausap. Nagtaka na lang ako dahil si Andrew na lang pala ang natitirang nakaupo.



          “Asaan na sila?" tanong ko sa kaniya.



          “Umalis na sila kaya pumunta na sila sa susunod nilang klase. Busy ka kasi sa kakatingin mo sa crush mo kaya hindi mo na sila napansin. Nagpaalam pa nga si Camilla sa'yo pero hindi mo siya pinansin," sagot ni Andrew. Napansin ko na natawa siya.



          Kumunot ang noo ko. “Bakit ka natatawa?"



          “Nakakalimutan ko talaga na babae ka nga pala Shai. May iniibig ka rin palang lalaki. At si Ricky pa talaga."



          Mukhang namula ako sa sinabi ni Andrew. “Bakit ba lahat ng mga tao, sinasabi iyan? Babaeng-babae naman talaga ako. Matapang nga lang ako kung kumilos."



          “Wala bang sinasabi ang magulang mo tungkol diyan sa kinikilos mo?"



          Humugot ako ng malalim na hininga. “Ang totoo niyan Andrew, marami. Pero hindi ko sila pinapakinggan. Hindi kasi nila tanggap na ganito ako umasta. Lagi nilang sinasabi na umakto ako ayon sa aking sekswalidad. Maging mahinhin umasta, sa pagkilos, tigilan ko daw ang prumotekta ng ibang tao dahil lalaki lang daw ang gumagawa ng ganoon. Sayang lang daw at babae ako. Baka nga daw na isa talaga akong lalaki na nakakulong sa babaeng katawan na ito. Bakit ganoon sila mag-isip? Hindi ba nila gusto na ganitong klase ako ng babae?"



          Namangha si Andrew. “Oh! Akala ko, wala."



          “Noong sinapak ko iyung anak ni gob, galit na galit talaga sila sa akin. Pinapahamak ko daw ang pamilya namin. Baka bukas, makalawa, matagpuan na lang ang bangkay ng buong pamilya namin na lumulutang sa ilog. Ano naman ang problema doon? Asshole naman kasi ang anak ni gob. Wala na pala siyang karapatan sapakin. Sino ba sila? Mga tao lang din naman ang mga taong iyun."



          “Napakadelikado nga naman ng iniisip mo. Pero kung sa bagay. Tama ka. Alam ko naman na reasonable ang ginagawa mo Shai. Alam ko na mga asshole lang na tao ang sinasapak mo. Katulad namin dati. Pero kung hindi dahil sa'yo, hindi kami magbabago. Tinuruan mo kami na hindi maganda ang mam-bully ng ibang tao. Sana, ipagpatuloy mo iyang ganyang ugali mo. Wala ka kasing sinasanto kahit iyung SSG President natin noon. Pero Shai, kailangan mong malaman ang masakit na katotohanan sa mundong ito. Hindi lahat, magpapasapak sa'yo. Hindi lahat, okay lang iyung ginagawa mo. May iba diyan na siguradong gaganti. Siyempre, hindi nila kasi tanggap ang ginagawa mo."



          “Naisip ko na din naman iyan. Pero kasi, bakit hindi nagbabago ang mundong ito? Ang sarap talaga pagsasapakin ng mga taong sa puwet dumaan nang pinanganak. Alam ko naman na hindi habang buhay na magagawa ko ang bagay na ito. Gusto ko na nga lang na manahimik diyan sa isang tabi at pagsasaksakin naman ang mga tao sa isip ko. Kung hindi ko naman kasi sasapakin, may magtatatama ba ng mga mali nila? Mag-aantay na lang ba ako na may gagawa noon maliban lang sa akin? Bigla ko pa nga naisip na magiging bayani ba ako sa pinaggagagawa kong ito? Ay nako! Huwag na lang! Ayokong maging isang kilalang bayani na nananapak lang ng mga asshole na tao ang ginagawa ko. Naisip ko naman na siguro ganito talaga ang buhay. Napakaboring ng mundo kung walang mga masasama at pawang kabutihan lang o ang kabaliktaran."



          Napabuntong-hininga ako matapos ang mahabang litanya na iyun. Hindi lang naman iyun ang na-realize ko. Na-realize ko na siguro, kailangan ko ng itigil ang ginagawa kong ito. Paano kung ito ang dahilan kaya hindi ako magustuhan ni Ricky? Hindi naman masama ang magbago hindi ba? Lalo na kung para naman sa minamahal mo? Teka nga lang pala. Wala pa pala kaming koneksyon ni Ricky sa isa't isa. Imposible!



          “Shai, mauuna na ako. May pupuntahan pa kasi ako," paalam ni Andrew. Tumayo na siya at dali-daling umalis.



          “Sige Andrew. Mag-ingat ka."



          Koneksyon. Koneksyon pala huh? Tiningnan ko ulit ang table na inokupa nila Ricky. Kahit na lamang na lamang na si Ricky lang ang tiningnan ko dahil sa presensya niya, hindi ko naiwasan na sundan ang nanlilisik na tingin ni Zafe sa isang direksyon.



          Ahh! Dito rin pala siya nag-aaral. Bigla kong naalala na maliban doon sa tangang lalaki na naging dahilan ng maagang pagkasira ng araw ko, nakaupo din doon ang dating karibal ni Zafe sa babaeng nagngangalang Colette. Kung tama ang pagkaalala ko, siya si Kurt. Mga batikan na newscaster ang mga magulang niya dahil sa ilang achievements na nagawa nito sa larangan ng broadcasting. Naalala ko bigla ang mga usap-usapan sa eskwelahan namin tungkol sa lalakeng ito. Kung ang mga magulang niya ay katotohanan ang ibinabalita, kabaligtaran naman daw ang anak. Maganda sana kung totoo talaga pero wala pang nakakapagpatunay sa mga sabi-sabi kahit hanggang ngayon. Nili-link kasi siya ng mga ilang estudyante sa mga nangyayaring kalokohan sa dating high school. Pero wala naman nakapagptunay. Para safe, isusumpa ko na lang na hindi ko daanan ang dinadaanan niya. Lalayo ako sa taong iyan hangga't maaari. Kahit sa CR pa. Lalake siya, babae ako. No excuses.



          Tumayo na si lalakeng sumira ng araw ko at umalis. Dali-dali din naman akong tumayo at sinundan itong nakakairitang lalaki. Habang tahimik siyang sinusundan, bigla itong tumalikod at mukhang susuntukin niya agad ako sa pagmumukha. Kapwa nagulat kaming dalawa sa nangyari. Bigla kong nahawakan ang braso niya para mapigilan siya. Alam kong napakatangang desisyon na hawakan ang braso niya para patigilin iyung suntok niya pero tumigil din siya. Nagkatinginan kami.



          “My gosh! Nanununtok ka ng babae?" maarteng tanong ko. Mukhang seryoso siyang suntukin ako kanina.



          “Depende sa kung anong klase siyang babae, yes. Susuntukin ko siya," sagot ni nakakairitang lalaki. Ibinaba ko ang aking kamay at ganoon din siya. “Iyung first impression mo ba sa akin, mas lalo bang lumala?"



          “Kung tumama iyun sa akin, yes."



          “Ano ba ang kailangan mo?" malumanay na tanong ni nakakairitang lalaki. “May klase pa ako na hinahabol. Mas maganda na iyun na lang ang habulin ko kesa makipag-usap sa iyo. Hindi ako pumunta sa eskwelahang ito para manggulo. Pumunta ako dito para mag-aral." Ohh! Hinaharangan ko pala ang isang napakadakilang hangarin ng isang estudyante.



          “Well, go on your way then. Ayoko naman na maging hadlang sa iyong magandang hinahangad. Mag-uusap na lang tayo sa ibang pagkakataon."



          “Salamat naman."



          Naghiwalay kami ng tinahak na daan ni lalakeng nakakairita. Naalala ko din kasi na may klase pa kami ni Andrew. Muntikan na talaga niya akong nasuntok. Buti naman at nakapagpigil siya. Grabe si lalake.



          Pero in some sort, parang magkapareha kami nung lalaki. Basta-basta na lang nanununtok sa likuran kapag pakiramdam nami'y may sumusunod sa likod ko. Sino nga ang nasuntok ko noon? Mukhang si Andrew ata.



          Nang nakarating na ako sa susunod naming klase, pinipigilan ko ang aking pagtawa dahil sa naalala. Nakita naman ako ni Andrew at naguluhan siya sa nangyayari sa akin. Naalala ko kasi na si Andrew nga talaga iyung nasuntok ko noon. Bumagsak siya dahil nagulat siya sa ginawa ko. Sinusundan kasi niya ako noon para alamin kung sino ba ako. Iyun kasi ang isa sa mga unang taktika na ginagawa ng kalaban sa isang gyera. Alamin mo kung sino ang iyong mga kaaway. Pero nakaraang gyera namin iyun.



          “Anong nangyari sa'yo? Pinansin ka na ba ni Ricky?" natatawang tanong ni Ricky.



          Pailing ko na lang siyang sinagot. Ayoko naman diretsahang sabihin sa kaniya na naalala ko iyung araw na nasuntok ko siya.



          Habang naglalakad pauwi kasabay ang aking mga kaibigan na dati kong mga kaaway, featuring Camilla, nakarinig ako ng mga talbog ng bola. Napagtanto ko na nadaanan ko ang malaking basketball gym ang eskwelahan. Napahinto naman ako sa paglalakad.



          “May naglalaro na pala?" nasabi ni Isaac na huminto na din.



          “Siyempre naman. Perks na pagiging miyembro ng basketball club," sagot ni Andrew na huminto na din kasama ng iba.



          “Tara boss. Manood tayo," yaya ni Caleb.



          “Umm... ayoko Caleb. Siguro, kayo na lang ang manood. Uuwi na kami ni Camilla," pagtanggi ni Knoll. Nagsimula ng maglakad paalis sila Camilla at Knoll.



          “Sige Knoll at Camilla. Kita na lang tayo bukas," saad ko.



          “Sige Shai, Andrew, Caleb, Isaac. Alis na kami. Good luck na lang Shai kung makakita ka ng bagong pag-ibig," paalam ni Camilla. Bagong pag-ibig huh? Marahil ay alam niya.



          Pumasok kaming tatlo sa basketball gym at namangha sa mga naglalaro sa court. Naglalaro ngayon sila Zafe at Ricky kalaban ang basketball team ng eskwelahan na pinamumunuan ni Captain James Miranda.



          “Wow! Kung sasali pala sa basketball team si Zafe at Ricky, parang gusto ko na ding sumali. Siguradong mananalo ang school natin kapag kakampi natin siya," manghang saad ni Isaac.



          “Sa pagkakaalam ko, ilang taon na din nang hindi nagiging champion ang school na ito sa basketball. Mukhang malaking-malaki talaga ang tsansa na tayo ang magiging champion ngayong taon," pag-aanalisa ni Andrew. “Iyun ay kung paglalaruin talaga nila si Zafe at si Ricky sa court."



          “Teka? Kasisimula pa lang ng klase. Open na ba ang sumali sa mga club ngayon?" tanong ko.



          “Palagay ko hindi. Mukhang sinusubukan ata ni Zafe kung gaano kagaling ang mga kasalukuyang starter players ng school," sagot ni Caleb.



          “Ano ba iyan! Naging inspirado tuloy ako na magpraktis pa para naman ay makasama ako sa starting players ng school. Gusto ko ding makalaro si Zafe. Tama na iyung laging kami ang nakakalaban niya," hindi mapakaling saad ni Isaac.



          “Parang gusto kong sa basketball club na lang sumali para maging kaibigan ko si Ricky," masayang wika ni Andrew.



          “Bakit parang may ulterior motive ka sa sinasabi mo Andrew? Ano iyun?" tanong ko.



          Pansamantala namang natigil ang laro dahil sa na-out of bounds ang bola... ng sadyaan sa tingin ko. Tinapon kasi ni Zafe ang bola doon sa lalaking nakakairita pero nailagan nito ang bola. Mukhang may hindi tama sa mga nangyayari? May relasyon kaya sila? Anong klaseng relasyon naman?



          Natapos na laro nila Zafe at umalis na kami palabas ng gate. Hanggang-hanga naman ang tatlo sa napanood at kasalukuyang ginagaya kung paano maglaro si Zafe. Idol kasi ng mga ito si Zafe noong high school pa lang.



          Nahagip naman ng mata ko si lalaking nakakaasar na naglalakad din pauwi marahil. Kausapin ko na kaya siya ngayon?



          “Guys, mauna na kayo," saad ko. Napahinto silang lahat sa paglalakad.



          “Huh? May gagawin ka pa ba? May nakalimutan ka ba?" tanong ni Andrew.



          “May pupuntahan lang ako Andrew," nakangiting sagot ko.



          “Kasama ka pala namin Shai?" walang kamuwang-muwang na saad ni Isaac.



          “Nakalimutan mo bang magkasama tayo ng halos ikaapat ng parte ng oras mo Isaac?"



          Biglang naguluhan si Isaac at Caleb sa narinig. Saka lang nila napagtanto na kasama nila ako sa ikaapat ng parte ng oras nila ngayon.



          “Bakit ka nga pala kasama namin?" natatakot na tanong ni Caleb.



          “Seryoso nga talaga kayo?!"



          “Hay nako! Tigilan niyo na nga iyan. Parang sumama lang sa atin si Shai sa ikaapat na parte ng oras natin ngayon." Maya-maya'y kinilabutan si Andrew. “Nakakapangilabot nga!"



          “Gusto niyo bang mag-away na naman tayo?!"



          “Alam niyo, napagtanto ko tuloy na ayos din palang kasama si Shai kapag hindi niya tayo binabantayan na parang may gagawin tayong masama sa susunod na segundo," wika ni  Isaac.



          “Oo nga. Sumasang-ayon ako sa sinasabi mo Isaac," patango-tangong pagsang-ayon ni Caleb.



          “Gusto niyo na bang tumuloy umuwi o antayin kong ma-absorb ng utak niyo na kasama niyo talaga ako kanina pa?" hostile na tanong ko.



          “Sige, sige. Mag-ingat ka Shai. Aalis na kami," paalam ni Andrew na nagsimula ng maglakad kasama ang mga kaibigan niya habang kinakawayan ako.



          Hinanap ko si lalaking nakakairita. Nang makita ko siya, lumapit agad ako dito pero bago pa ako makalapit, inakbayan agad ito ni Zafe.



          “Zafe, nang-aasar ka ba?" seryoso kong tanong ni lalaking nakakairita.



          “Ako? Hindi naman," sagot ni Zafe.



          “Alam mo ba na hanggang ngayon, hindi pa ako nag-iisip na may ibig sabihin ang mga ginagawa mo sa akin. Gaya ng paghalik mo sa labi ko ng tatlong beses sa restaurant, at itong pag-akbay sa akin. Hindi pa ako nag-iisip na bakla ka o kung ano man." Ano? Hinalikan siya ni Zafe sa labi? Torrid ba ang pagkakahalik ni Zafe sa kaniya?



          “Ganoon? So okay lang pala na akbayan kita habang naglalakad ka pauwi sa inyo?"



          “Anong okay doon? Bakit? Magkaibigan ba tayo?"



          “Ang sakit mo magsalita ahh!"



          Biglang huminto sila sa paglalakad at ganoon din ako. Dumikit ako sa pader para hindi mapansin ng mga ito. Kaya lang, ewan ko ba kung hindi pa nila ako napapansin gayong hindi naman ako ganoon na nakatago. Pader lang ang tanging taguan ko. Ahh! Alam ko na! Kung hindi ako magiging isang pader, iisipin ko na isa talaga akong pader.



          “Sabihin mo sa akin. Magkaibigan ba tayo para umakbay ka sa akin habang naglalakad ako pauwi?!" mas seryoso pang tanong ni lalaking nakakairita at nakatingin ng diretso sa mga mata ni Zafe.



          Nag-iwas ng tingin si Zafe. “Hindi," naisagot na lang niya.



          “Kung ganoon, tigilan mo iyang ginagawa mo. Marahil ay nahalikan mo nga ako ng tatlong beses. Para sa akin, walang ibig sabihin ang mga halik na iyun. Nakikipaglokohan ka lang sa akin. At may gana ka pa talagang akbayan ako. Hindi iyun nakakatuwa Zafe sa totoo lang. Pinalaki ako ng nanay ko ng maayos. Pero lumalabas ang masamang ugali ko kapag hindi ko gusto ang isang tao. Kagaya ng ginagawa ko sa'yo sa resto, sinusuntok kita sa sikmura sa tuwing nagtatangka ka. Huwag mo akong subukan na hanggang sa eskwelahan, makikipaglokohan ka sa akin. Hindi ako magdadalawang-isip na gawin iyun kung kinakailangan. Dahil itong ginagawa mo sa akin, hindi na nakakatuwa. Binababoy mo ako. Ikaw naman, tuwang-tuwa sa ginagawa mo. Hindi mo iniisip kung ano ang magiging epekto nito sa akin. Isang piece of advice Zafe. Karamihan sa mga inaabusong tao, diyan pinapanganak ang mga mamamatay-tao. Kaya kung pinapahalagahan mo pa ang buhay mo, umayos ka Zafe. Hindi ako takot sa'yo. Mas takot pa ako sa sarili ko dahil hindi ko alam kung hanggang saan ang pwede kong gawing kasamaan sa ibang tao."



          Biglang nagpatuloy ng maglakad si lalaking nakakairita. Iniwan niya si Zafe na nakatingin lang sa kaniya. Gusto ko sanang pumalakpak dahil sa sinasabi ni lalaking nakakairita. Parang magkapareha kami ng perspektibo sa mundo.



          Bumaling si Zafe pabalik sa eskwelahan ngunit napahinto siya nang nagpang-abot ang tingin naman. Nako! Nakita niya ako!



          “Anong tinitingin-tingin mo diyan?" naiiritang tanong sa akin ni Zafe.



          Tinikom ko na lang ang aking bibig at mabilis na umiling. Nagpatuloy ng maglakad si Zafe paalis. Halatang bad trip na bad trip ito kay lalaking nakakairita. At ang mga narinig ko kanina, paminta ba si Zafe? Paminta din ba si lalaking nakakairita?



          Bigla kong naisip na hindi ko na lang dapat ipagpatuloy na kausapin si lalaking nakakairita. Sa takbo kasi ng pag-uusap nila, parang wala ng pag-asa si Zafe na maging kaibigan si lalakeng nakakairita. Unless kung may hindi inaasahang pangyayari ang mangyari. Siguro, kaibiganin ko na lang ng mabuti si Isaac para magkaroon kami ng konting koneksyon kay Ricky.



          Kinabukasan, lunch break na noon at nagpunta kami ni Andrew sa library. May klase kasi sa ganitong oras ang iba at niyaya ako ni Andrew na pumunta sa library. Kumuha na lang ako ng ilang libro na naglalaman ng ilang tula.



          Pinatunog ni Andrew ang kanyang dila. “Nako, nako, nako! May nabiktima na naman iyung notorious na holdaper malapit sa lugar na ito." Nagbabasa kasi siya ng Manila Bulletin.



          Tiningnan ko ang hawak niyang pahayagan. Hindi ito ang latest na issue. Baka ito iyung issue na kung saan kapatid ni Caleb ang nabiktima.



          “Andrew, hindi iyan ang latest issue ng dyaryo. Tingnan mo naman ang date," pagpuna ko.



          Sinunod nga nito ang sinabi ko at nagulat. Pagkatapos ay lumipat ng ilang pahina papunta sa comic section. Mukhang kumukuha siya ng dyaryo sa library pala lang basahin ang comic section ng dyaryo.



          “Oo nga no. Nabasa ko na pala ang comics na ito."



          Tumayo si Andrew para marahil ay kunin ang latest issue ng Manila Bulletin. Sa hindi kalayuan naman, nakita ko si lalakeng nakakairita kasabay na tumayo si Zafe. Nagpang-abot kami ng tingin saglit at umalis din palabas ng library. Anong nangyari sa kanila? Friends na ba ulit sila?



          Nabaling naman ang atensyon ko sa taong may laptop at bumilis ang kabog ng puso ko. Si Ricky. Nag-iisa lang siya. Teka, pagkakataon ko na ito. Gusto ko siyang kausapin. Pero ano ang pag-uusapan namin? Anong topic? Mahilig kaya siya sa poets?



          Gumalaw na ang paa ko papalapit sa kaniya. Bahala na. It's now or never! Hindi naman masamang subukan hindi ba?



          “Hi. Ikaw si Ricky tama?" mga paunang salita ko.



          “Yes. Ako si Ricky," diretsong sagot niya nang hindi tumitingin sa akin at nakatoon pa rin sa bukas na laptop. “Bakit?"



          “Ako nga pala si Shai," pagpapakilala ko sa kaniya.



          "Hello Shai," mabilis na bati niya sa akin pero wala pa rin sa akin ang atensyon.



          “Umm... anong ginagawa mo?" tanong ko. Pambihira! Ano bang klaseng tanong ito? Si Isabela ba ako ng Phineas and Ferb?



          “Ano ba ang kailangan mo? Pasensya na at busy pa ako sa ngayon. May mas importante pa kasi akong ginagawa," pakumpas na saad niya pero hindi pa rin nakatingin sa akin. Mukhang walang patutunguhan ang pag-uusap naming ito. Kapag pinagpatuloy ko pa ay magmumukha pa akong papansin.



          “Sige. Sa susunod na lang."



          Malungkot na umalis na ako sa harapan niya at bumalik sa lamesa kung saan nagbabasa si Andrew ng comics. Diretso naman akong tiningnan ni Andrew at mukhang kanina pa niya ako tinitingnan.



          “Babae ka ba talaga Shai?" natatawang tanong ni Andrew. "Aray!"



          Binatukan ko siya ng malakas sa ulo at umupo na lang sa tapat niya. Nasapo nito ang parteng binatukan ko at napangiwi siya sa sakit. Ano ba namang klaseng tanong iyun?



          “Tama bang itanong sa akin iyun na alam mo na ang sagot?" naiiritang tugon ko. Binuksan ko na lang ang librong kinuha ko.



          “Sinubukan mo bang ibahin ang boses mo na para bang gusto mo siyang kainin ng buo? Iyung malanding boses?"



          “Hindi ko sinubukan at hindi ko susubukan. At isa pa, hindi naman ako malandi para gawing malandi ang boses ko."



          “Subukan mo iyun. Tiyak na papansinin ka ni Ricky."



          “Kita mo nga na mukha siyang seryoso na nakatingin sa laptop. Siguro ay sa ibang araw na lang."



          Nagkibit-balikat si Andrew. “Ikaw. Bahala ka. Baka maunahan ka pa ng ibang babae diyan. Mahirap iyang ganyan Shai. Mamaya, malaman mo na lang na may girlfriend na pala si Ricky na sineseryoso. Ewan ko na lang kung hindi ka maglupasay. Sa oras na iyun ko lang mapapatunayan na babae ka nga."



          “Tigilan mo nga iyan!" naiirita kong saad. “Sa tingin mo Andrew, virgin pa kaya si Ricky?"



          “Hindi na," diretso niyang sagot.



          “Huh? Paano mo nalaman? Hindi ka na ba virgin?"



          “Virgin pa ako. Ano ka ba? Wala pa akong girlfriend since birth. Kasi nga, bully ako hindi ba? Knoll is an exception kasi na-in love siya sa kanyang binubully. At balik tayo sa tanong mo, hindi malayo na hindi na virgin iyan. Maraming naging babae din iyan si Ricky. At mukhang pinatos na niya ang mga babaeng iyun. Kaya hindi na siya virgin," paliwanag ni Andrew.



          “Your being judgmental lang hindi ba?"



          “Parang ganoon na nga. Pero ewan ko talaga kung virgin ba talaga si Ricky o hindi," hindi na siguradong sagot ni Andrew. "Bakit ba?"



          Napatingin na lang si Andrew sa dibdib ko. Agad ko itong tinakpan na animo'y nakahubad ako sa harapan ni Andrew. Kahit na nakatakip din ang libro sa dibdib ko, iniisip ko na parang nakakakita siya ng tagusan. Natawa na lang siya sa ginawa ko.



          “Tigilan mo nga iyan! Kung ako ay hindi ka sigurado na babae ako, ako naman ay sigurado na lalake ka! Mamaya ay may kung ano kang kakayahan."



          “Huwag ka kasing conscious na yung dibdib ang unang tinitingnan ng lalaki. Siguro may ilan na gumagawa nun. Pero kung iyung dibdib talaga ang unang tinitingnan sa'yo ni Ricky, huwag ka ng umasang mamahalin ka ng tao. Siguradong gagawin ka lang na pampalipas-libog ka lang ng tao," paliwanag ni Andrew.



          “Wow! Parang nasaktan naman ako sa sinabi mo. Salamat sa pagpapaliwanag sa akin ng isang masakit na katotohanan."



          “Ikaw Shai, ano ang gagawin mo kung ganoon lang ang turing sa'yo ni Ricky?" tanong ni Andrew.



          “Well, humanap ng iba o seryosohin na lang ang pag-aaral," sagot ko.



          “Kung ako na lang kaya?"



          Natameme ako sa nasabi ni Andrew. Tiningnan ko ang mata niya kung may bahid ito ng pagbibiro. Inaantay ko na sasabihin niyang nagbibiro lang siya. Seryoso ba siya sa sinasabi niya?



          “Natahimik ka? Ano ka ba? Biro lang iyun. Binabasa ko kasi iyung sinasabi nung bida sa comics na to," natatawa niyang... palusot kaya iyun?



          “Ahh! Okay! Alam ko naman na hindi mo din ako seseryosohin Andrew kung sakali."



          “Try me." Nagbibiro na naman siya.



          “Okay. Sige na. Binabasa mo na naman iyung part ng comics. Ipagpapatuloy ko na itong pagbabasa ng tula."



          Natawa na lang siya at pinagpatuloy ko ang aming ginagawa. Paano kaya kung malaman ko na ang hinahanap ko pala ay hindi ang taong hinahanap ko? Paano kung ako ang nahanap pero hindi ko lang pinapansin?



          Nagpatuloy ang buhay namin nila Andrew, Knoll, Caleb, Isaac at Camilla. Pati na rin si lalaking nakakairita kasama sila Zafe at Ricky. Napapansin ko na laging nagsasama ang tatlo pero parang outcast si lalaking nakakairita. Mukhang close na close sila pero hindi ganoon ka-close. Ano ba ang relasyon ng tatlong ito?



          Isang araw, napagpasyahan kong makipagkaibigan kay lalaking nakakairita. Base kasi sa obserbasyon ko nitong mga nakaraang araw, medyo may koneksyon na siya kay Ricky. Kahit na malabo pa rin para sa akin kung ano ang relasyon nila Zafe, okay na iyun. Sapat na iyun. Hindi ko na concern iyun.



          Napag-alaman ko na Aulric Melville ang pangalan ni lalaking nakakairita. Kaklase kasi siya ni Isaac na kumukuha din ng kursong Business Administration.



          Kasalukuyang nakatayo ako sa gilid ng daanan kung saan siya dadaan papunta sa unang klase niya. Kailangan ay magawa ko na ito agad. Pero paano kung tanggihan niya ako? May plan B pa naman ako pero ayoko sana na umabot sa ganoon.



          Nakita kong papalapit na siya sa kinatatayuan ko. Humugot na ako ng buntong-hininga dahil ito na ang moment of truth.



          Masigasig na inangat ko ang aking kamay. “Hi! I'm Shai Lyn," pagpapakilala ko. “Aulric Melville, gusto kong makipagkaibigan sa iyo kung pwede?"



          Kitang-kita ko sa mukha niya ang pagkagulat. Hindi siya nagsalita at marahil ay nag-iisip kung may nainom ba ako, may ginawa siyang gayuma na hindi niya alam, o kung anong napaka-imposible na naiisip niya. Baka ang susunod ay iniisip niya na baka sabihin ko na destined kami para sa isa't isa. Hindi kaya! Mas bagay sila ni Zafe kung sakali.



          “Pwede bang pag-isipan ko muna iyan? Bigyan mo ako ng panahon," tugon ni Aulric.



          “Ano? Panahon? Ano ba ang iniisip mo? Na sa susunod na segundo ay yayayain kitang magpakasal sa akin?"



          “Hindi. Pero kailangan ko pa rin ng panahon."



          “Bakit ba kailangan mo pa ng panahon? Parang nakikipagkaibigan lang. Sige na nga. Ilang araw ba?"



          “Sampung dekada." Nagpatuloy na siyang naglakad at nilampasan ako.



          “Okay. Sampung ara- WHAT?! Sampung dekada?" Hinabol ko si Aulric at sinabayan na maglakad.



          “Sampung dekada. Sapat na iyun."



          “Niloloko mo ba ako? Huwag ka nga mag-isip ng sampung dekada para lang sa alok kong makipagkaibigan sa'yo. Pwede mo naman akong tanggihan agad-agad kung ayaw mo talaga." Huminto si Aulric at hinarap ako. Napahinto din ako.



          “Kapag ba tumanggi ako, hindi mo ba ako ipapabantayan 24/7 at magbabalak ka ng masama sa akin?" tanong niya.



          “Ano bang kalokohan ang iniisip mo lalake?!" bulyaw ko sa kaniya.



          Tiningnan ni Aulric ang kanyang mga daliri at binilang. Ano ba itong taong ito? Akala niya ba na panaginip ang moment na ito?



          “Sampu nga. Hindi ako nananaginip," rinig kong bulong niya. Seryoso ba ang taong ito?!



          Hindi lang iyun ang ginawa niya. Kinurot at sinampal pa niya ang kanyang sarili. Inuntog pa niya ang ulo sa pader. Baliw ba ang taong ito?



          “Hindi ako naniniwala na katotohan na ito," saad ni Aulric.



          “Gusto mo bang sampalin kita sa mukha para mapatunayan na hindi ka nananaginip?!" bulyaw ko.



          “Sige. Sampalin mo ako sa mukha," pagpayag niya. Hay nako! Makikipagkaibigan lang ako sa taong ito, ang dami pang kailangang gawin.



          Bumuntong-hininga na lang ako at ubod na lakas siyang sinampal.



          “Hoy! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" rinig kong sigaw ng isang boses sa likod ko. Si Zafe sa tingin ko. Lagot! Mukhang magkakaroon ng isang malaking misunderstanding dahil sa ginawa ko! Kailangan kong tumakas!



          Bumalikwas na ako ng takbo palayo kay Aulric. Masyadong delikado kung magpapaliwanag pa ako na hindi ganoon ang nangyari. Bakit ba ganito? Parang makipagkaibigan lang kay Aulric, ang dami ko ng pinagdadaanan. Sa lunch break na nga lang!



          Dumating na ang lunch break pero mukhang mahihirapan akong makalapit kay Aulric. Kasalukuyan na kumakain kami ng tanghalian ni Camilla, at ang mga kaibigan ng boyfriend niya, at ang puwesto namin ay hindi kalayuan sa puwesto nila Aulric. Mahigpit kasi siyang binabantayan ni Zafe. Paano na? Kapag ba tinuloy ko na makipagkaibigan kay Aulric, hindi na kaya magagalit itong si Zafe? Mukha kasing big deal sa kaniya iyung ginawa kong pagsampal kay Aulric. Wala na akong magagawa kung hindi ang gawin ang pangalawa kong plano.



          “Alam mo ba kung ano ang sinalihan ni Aulric na club at ano ang oras ng club meeting?" tanong ko kay Isaac.



          “Ang pinag-uusapan niyo ba ay si Aulric Melville?" sabat ni Caleb.



          “Caleb, kilala mo pala siya?"



          “Parehas kasi kami na nasa Drama Club. Ang daily activity namin ay mga bandang 4pm."



          “Ganoon din ang schedule ni Zafe kung gusto mong tanungin," dagdag ni Isaac. Ahh iyun nga! Iyun nga ang tamang pagkakataon.



          Papunta si Aulric ng Drama Clubroom nang bigla akong sumulpot sa harapan niya at nagulat siya.



          “Tatawag sana ako ng maraming santo para burahin ka sa mundong ibabaw na ito!" nagugulat na saad ni Aulric.



          “Ehh, di magtawag ka!" pag-uudyok ko. “So ano? Napagdesisyunan mo na ba iyung tinanong ko sa'yo kanina?"



          “A-Anong tanong?" painosente niyang tono. Pwedeng bang hindi Aulric ang itawag ko sa taong ito dahil bagay sa kaniya ang palayaw na lalaking nakakairita?!



          “Grabe! Kabata-bata pa lang, may memory lapses ka na? Uminom ka nga ng memory plus!" naiinis na saad ko.



          “Aulric, anong nangyayari dito?" tanong ng isang boses na papalapit sa likod niya. Lalake ito maganda ang pagkakagupit ng buhok pati tabas ng mukha at charming pa kahit na may suot itong salamin sa mata. Parang pamilyar sa akin ang taong ito.



          “Jin, wala naman," sagot ni Aulric. Tela kang? Jin? Jin Bourbon?



          “Dali na. Punta na tayo sa Club Meeting. Kailangan daw ay nandoon ang lahat sabi ni professor Arthuro."



          “Pwede bang hindi muna ako pumunta sa Club Meeting? Ikwento mo na lang sa akin kung ano ang pinag-usapan niyo. May pag-uusapan lang kami ng babaeng ito."



          “Huh? Hindi pwede iyan! Baka magalit sa'yo iyun. Ano naman ang idadahilan ko?" tanong ni... Jin.



          “Sabihin mo na lang na mas importante pa ito kaysa sa Club Meeting," sagot ni Aulric.



          “Sino ba to? Kaibigan mo ba?"



          “Ahh! Hindi. Siya iyung tangang babaeng natapunan ng sarili niyang kape habang nakaharang ako sa entrada ng eskwelahan dati," paliwanag ni Aulric. Kumulo ang dugo sa paliwanag niya. Tarantado lalaking to!



          “Bakit? Bina-blackmail ka ba niya? Kinikikilan ka ba niya?" tanong nung Jin. Bakit naman ako mamba-blackmail at mangingikil dahil lang sa natapunan ako ng sarili kong kape?!



          “Umm... parang ganoon ata iyun. Pero kaya ko na to Jin!" confident na wika ni Aulric. Hoy! Baka ano ang isipin ng tao sa sinasabi mo!



          “Okay. Pero sa mga susunod na meeting, sumali ka na ha! Aalis na ako. Bye," paalam ni Jin at tumakbo na palayo sa amin.



          “Mukhang gusto kong tumawag ng mga santo para burahin ang eksistensyalidad mo sa mundong ibabaw!" naiirita ko ding saad kay Aulric.



          “Ngayon? Anong ang agenda natin? Sino ka nga pala ulit?" May memory lapses ba talaga siya?



          “Shai, Shai Lyn ang pangalan ko," ang pagpapakilala ko ulit.



          “Okay. Shai, paano mo pala nalaman ang pangalan ko? Natatandaan ko na wala akong sinasabihan. Iyung isa naman, basta lang nalaman." Wala siyang memory lapses. Mukhang sa akin lang meron.



          “Kilala mo ba si Isaac Lindon?"



          “Ahh! Iyung katabi ko. Teka? Kaibigan mo ang taong iyun?" hula niya.



          “Yeah. Kaibigan ko nga iyun," pagkumpirma ko.



          “Okay. So hindi mo ako hinukay," saad niya na may pahukay gesture.



          “Anong hukay ang sinasabi mo? Background check ba ang ibig mong sabihin?"



          “Oo. Iyung ganoon. Teka nga lang? Mag-usap tayo sa lamesa na iyun." Tinuro ni Aulric ang lamesa sa hindi kalayuan. “Nakakapagod makipag-usap kapag nakatayo."



          Naglakad kami papunta sa mesa at umupo.



          “Ngayon, ano ang kailangan mo at bakit gusto mong makipagkaibigan sa akin?" tanong ni Aulric. Akala ko hindi niya natatandaan.



          “Bakit? Ayaw mo ba na maging kaibigan ako?" sinsero kong tanong.



          “Ayoko magkaroon ng mga kaibigan," walang amor niyang sagot.



          “Teka? Ehh, di kaano-ano mo sila Zafe at Ricky? Teka nga pala? Si Jin Bourbon ba iyung kanina na anak ng isa sa may-ari ng eskwelahan na ito? Kaano-ano mo sila? Hindi ba kayo magkakaibigan?"



          “Obviously, hindi. Friends with benefits ko lang naman sila. Pero iyung walang friends doon sa salita. Benefits lang. Nakuha mo ba?" Nakapag-isip ako ng masama sa sinabi niya. Nako po! Nakikipag-sex pala siya kay Ricky? Bakla pala si Ricky? At hindi lang kay Ricky. Kay Zafe din at kay Jin?



          “Ang ibig mo bang sabihin ay fuck buddy pero wala iyung buddy?"



          “Parang ganoon- Teka?! Hindi ganoong meaning ang ibig kong sabihin. Literal na meaning ang kunin mo," pagklaro niya.



          Nakahinga ako ng maluwag. “Ahh! Okay. Akala ko ay nakikipag-threesome ka sa kanila." Handa ko pa naman siyang iligpit kung sakaling totoo.



          “Sasabihin ko sa'yo kung bakit ayokong makipagkaibigan sa'yo Shai. Unang-una, masama lagi ang experience ko sa mga naging kaibigan ko. Nandyan iyung mga taong nakikipagkaibigan lang sa akin dahil may kailangan. Tapos kapag hindi ko naibigay, magrereklamo at magsasabi ng kung ano-ano na makakapanira pa ng pagkatao ko. Well, tiniis ko iyun ng mga apat na taon ata sa buhay ko. Noong una, masakit. Pero nasanay na ako. Ngayon, parang ayoko na kahit sabihin na nasasanay na ako. Pangalawa, hindi maganda ang unang pagtatagpo natin. Natapunan kita ng mainit na kape noong unang araw ng pasukan at galit na galit ka talaga sa akin. Gusto ko sanang ayusin ang gusot nating iyun, kaya lang ay mas lalong lumala nang nagsalita pa ako. At kung makipagkaibigan ako sa'yo, baka magulat na lang ako na may gusto kang gawing masama sa akin. Ay mali! Hindi na ako magugulat," paliwanag niya.



          “Ehh, di kalimutan natin ang nakaraan. Hindi naman lahat ng mga simula ay napakaganda. Kung nababasa mo ang bibliya, maganda ang simula ng librong Genesis. Pero nung kinain ni Eba ang mansanas ng karunungan, nagkagulo-gulo na ang lahat."



          “May... point ka... pero dapat ba talagang gamitin na reference ang bibliya? Tsaka ano ang ulterior motive mo? Sigurado naman ako na meron kang motibo kung bakit gusto mong makipagkaibigan sa akin," saad niya habang nakatingin ng diretso.



          Napahinto na muna ako at nilunok ko ang mga paliwanag niya at nakiramdam. Walang halos buhay kung makatingin sa akin si Aulric. Wari'y kahit anong sasabihin ko ay magiging okay sa kaniya. Naramdaman ko tuloy na napakasama ko namang tao. Marami na siguro siyang napagdaanang sakit nang dahil sa mga letseng tao na nakipagkaibigan lang sa kaniya dahil may gustong makuha. Totoo naman kasi na gagamitin ko lang si Aulric para lang makalapit kay Ricky. Hindi ko itatanggi iyun. Pero kung kaibiganin ko talaga si Aulric? Hindi naman masama kung maging package ang pagiging mabuting kaibigan ko sa kaniya.



          “May gusto ako kay Ricky kaya ginagawa ko ang bagay na ito. Gusto kong mapalapit sa kaniya nang sa ganoon ay... malaman ko kung... magkakaroon ba ako ng pag-asa... na... maging... kami." Bigla akong napayuko sa hiya dahil sa mga sinasabi ko. Alam kong hindi naman ito si Ricky pero bigla talaga akong tinamaan ng hiya. Para kasing confession ang ginagawa ko. Teka lang? Confession nga ito!



          “Kayo bang mga fangirl ni Ricky ay naghahanap na ng ibang paraan para maging malapit sa kaniya? Parang gusto ko tuloy humingi ng talent fee dahil mukhang maraming tao ang mangangailangan sa akin ngayon," tugon ni Aulric. “Piece of a harsh advice Shai, sigurado akong hindi ka mapapansin ni Ricky at hinding-hindi magiging kayo. Marami ding babae ang nagkakandarapa sa kaniya para lang makuha ang atensyon niya. Iyang nararamdanan mo para kay Ricky, passing infatuation mo lang iyan. At kung magkakaroon kayo ng relasyon, hindi rin iyun magtatagal. Hayaan mo lang iyan. Mawawala din iyang nararamdaman mo sa taong iyun."



          Nang tumayo si Aulric, sinabayan ko siya at binigyan ng malutong na sampal sa mukha. Mukhang hindi umepekto ang sampal kong iyun sa kaniya at tiningnan lang ako ng diretso. Ganoon pa rin siya kung makatingin sa akin. Walang nagbago. Hindi siya nagagalit sa ginawa ko.



          “Ang dami mong sinasabi! Akala mo kung sinong maraming alam!" sigaw ko.



          “Sinasabi ko lang ang totoo. At hindi ko ba sinabi sa iyo bago ako magsalita? It's a piece of a harsh advice. Hindi ko sinabing gawin o maniwala ka sa mga sinasabi ko. Opinyon ko lang iyun. Bago ka muna magpasya na habulin si Ricky, bakit hindi mo kaya tanungin ang sarili mo ng ilang mga tanong? Ano ba ang pagmamahal, para sa iyo, at para kay Ricky?"



          Tiningnan ko lang si Aulric habang lumalakad paalis. Wala akong maisagot sa tanong niya. Hindi ko alam. Ano nga ba ang pagmamahal para sa akin? Ano nga ba ang pagmamahal para kay Ricky? Hindi ko alam. Pero gusto kong malaman kung ano iyun. Bakit gusto kong habulin si Ricky?



          Hinabol ko si Aulric na papalayo sa akin. Hinawakan ko ang balikat niya at napahinto ko siya.



          “May sagot ka na ba?" tanong niya.



          “Wala. Wala akong maisagot," sagot ko. “Pero gusto kong malaman. Gustong-gusto ko malaman kung ano ba ang sagot sa mga tanong na iyun. Kaya sa kabila ng nga sinasabi mo, gusto ko pa ring makipagkaibigan sa'yo. Hahabulin ko pa rin si Ricky."



          Narinig kung natawa siya ng marahan. “Akala ko, ikaw ang maaawa sa akin. Iyun pala, ako ang maaawa sa'yo. Bueno, bahala ka. Magkaibigan na tayo simula ngayon at good luck. Sana mahanap mo ang nga sagot sa tanong mo bago pa mahuli ang lahat."



          Sumunod na araw, ipinakilala ako ni Aulric bilang kaibigan kila Zafe at Ricky. Agad na nagreklamo si Zafe kung bakit ako ay naging kaibigan niya samantalang sila ang madalas na nagsasama. Hindi nga talaga sila magkaibigan sa lagay na ito? Gulo ha!



          “Teka? Ikaw iyung babaeng sumapak kay Aulric hindi ba?" wika ni Zafe nang maalala niya ako. Sapak? Grabe naman. Sampal kaya iyun.



          “Ano ka ba Zafe. Nagpapagising lang ako sa kaniya nun. Baka kasi panaginip iyung nangyari na iyun sa buhay ko," sabat ni Aulric.



          Disregarding Zafe at Aulric na nag-aaway na, tumingin ako kay Ricky na nakatingin din sa akin.



          “Hi," nakangiting bati ko. “Shai Lyn nga pala. Ikaw si Ricky Rizal tama ba?" Inilahad ko ang aking kamay.



          Kinuha ni Ricky ang kamay ko at nakipagkamay. “Ricky Rizal. Ang ganda naman ng ngiti mo Shai."



          Medyo namula ata ako sa sinabi niya. “Salamat. Matanong ko lang. Considered ba tayo as friends since lagi kayong magkasama ni Aulric at nag-uusap? Narinig ko kasi na hindi niya daw kayo mga kaibigan."



          “Ahh! Okay lang iyun Shai. Hindi ka naman siguro hawak ni Aulric sa leeg para siya ang magdesisyon para sa iyo kung sino ang kakaibiganin mo hindi ba?"



          “Well, hindi naman." Napatingin ako sa relo. Malapit na ang susunod naming klase. “Sige guys. Una na ako. May klase pa ako. Bye," paalam ko sa kanila.



          “Baka iyung tao ang dapat mag-ingat sa'yo," pang-aasar ni Aulric. Pasensya lang Shai. Pasensya.



          Tumawa lang ako ng marahan. “Ganoon ba Aulric? O sige. Maiwan na kita diyan."



          Tuwang-tuwa ako na umalis sa bench na iyun. Iyun ang bench na naging opisyal kaming magkaibigan ni Ricky. Doon din nagsimula ang aking love story. Ano nga ba ang pagmamahal para sa mga katulad namin?」



ITUTULOY...

2 comments:

  1. Yung story parang medyo malapit sa story ni Ren pero malayo. Ay ang gulo. Haha. Basta may pagkakahawig.

    ReplyDelete
  2. I agree na nagulo dahil sa haba ng flashback, Ito'y naaangkop na tawaging subplot at dahil na rin sa sobrang detalyado ang pagkakalahad, nakakalimutan na ng nagbabasa yun mismong kwento. Sana na prioritize ng author Kung ano.nga ba ang mas mahalaga, yung main story or ang subplot. Karapatdapat kayang Gawan ng sa riling kwento si Aulric, contrabida Lang naman siya sa buhay ni Ren. Sa ngayon, bitin na bitin na ang kwento ni Ren....

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails