Followers

Monday, August 31, 2015

Just Because... I Do


Just Because... (I Do)
James Silver
Fiction

Tik! Tak! Tik! Tak! Rinig na rinig ko ang tunog ng orasan sa sobrang katahimikan. Hindi na kasi ako makatulog nang magising ako mula sa isang masamang panaginip. Palagi na lang ganito ang nangyayari kaya madalas akong puyat. Hindi ko alam kung bakit pabalik-balik ang panaginip na iyon. Naguguluhan ang isip ko sa tuwing mangyayari ito. Maya maya pa ay narinig ko na ang tilaok ng mga manok sa labas. Kailangan ko nang tumayo at maghanda sa pagpasok ko sa bago kong trabaho.

Paglabas ko ay nakita ko na naman yung isang lalake na madalas na nakatambay sa harap ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit sya palaging nakatingin sa akin. Hindi naman sya mukhang magnanakaw. Maayos naman sya magdamit at mukhang may pinag-aralan. Natatakot lang ako dahil hindi ko sya kilala. Tok! Tok! Tok! Nang katukin nya ang gate namin. Lumingon ako at tiningnan ko sya ng masama. Bigla naman syang naglakad papalayo. Isa pa yang pagkatok nya sa gate namin. Lagi nya yang ginagawa sa tuwing lalabas ako. Gusto ko na nga sya ipabarangay eh, pero wala naman syang ginagawang masama sa akin. Ganun lang sya.

"Magandang umaga sir Ian!" bati sa akin ng isang Janitress na kahit hindi ko kilala ay palagi akong binabati. Ngingitian ko na lang sya at binabati din ng "good morning".

"Sir kailangan daw po ng quotation ng supervisor ng G.A. para daw maaprove yung request nila. Pakifax na lang daw before 10 a.m." sabi ni Mariz na kasamahan ko rin sa trabaho.

Kahit na medyo pagod na ako sa trabaho ay pinilit kong tapusin lahat ng ipinapagawa sa akin. Baguhan lang ako kaya hindi ako dapat magpakita ng katamaran. Wala pa talaga akong ka-close sa kanila kahit isa dahil hindi naman ako ganoong ka-friendly. Si Mariz lang ang madalas ko makausap dahil magkatabi kami ng pwesto. Pareho lang kami ng posisyon sa kompanya pero sir ang tawag nya sa akin dahil siguro mas matanda ako sa kanya.

Uwian na. Nakakaramdam na naman ako ng pagkahilo. Marahil siguro sa pagod at maghapong nakaharap sa computer. Nagtaxi na lang ako para mapabilis ang byahe ko. Sandali lang ang naging byahe kaya mabilis akong nakarating sa bahay. Pagkababa ko naman ng taxi ay nandun na naman yung lalake. Tok! Tok! Tok! Pagkatok nya na naman sa gate nang makita nya ako. Sabay agad syang umalis. Dahil sa madalas nya namang gawin ay hindi ko na sya pinansin pa. Basta wag lang syang gagawa ng masama sa akin at sa mga magulang ko. Dahil siguradong sa kulungan ang bagsak nya.

Pagkapasok ko ng bahay ay dumiretso ako sa kwarto ko para makaidlip kahit sandali bago ako kumain. Talagang nahihilo na naman ako eh. Maya maya pa ay kumatok na ang mommy ko para yayain akong kumain.

"Anak kain na!" sabi ni mommy.

"Opo! Nandyan na po!"

Pagpunta ko sa dining area ay nandun na si mommy, daddy at si ate. Mukhang masarap ang ulam kaya parang ginanahan akong kumain.

"Halika na bunso kain na!" sabi ni daddy.

Yan ang isang bagay na gustong gusto ko pag nasa bahay ako. Kahit na 25 years old na ako ay ako pa rin ang baby sa loob ng bahay na 'to.

Nang makaupo na ako ay agad na tumayo si ate para ikuha ako ng pinggan at ipaghanda ng pagkain. Minsan medyo OA sila sa pag-aasikaso sakin pero ok lang dahil medyo may pagkaisip bata talaga ako. Madalas din ako maglambing sa mommy at daddy ko. Kung minsan pa nga ay tumatabi pa rin ako sa pagtulog sa kanila. Si ate naman ay hindi nakakalimot na bumili ng pasalubong sa tuwing uuwi sya sa bahay. Flight stewardess kasi sya kaya hindi sya madalas na nandito.

"Bunso binilhan kita ng sapatos!" sabi ni ate.

Hindi pa man ako nakakapag-umpisa kumain ay agad kong hinanap ang sapatos na binili nya at sinukat iyon.

"Wow! Ate ang ganda. May imported na naman akong sapatos hahaha." tuwang tuwa ako sa magandang sapatos na binili nya. Sabay lumapit ako sa kanya at niyakap ko sya.

"Haynaku, damulag ka na. Tsk! Ambilis mo kasi lumaki eh dapat kasi nagslow-down ka naman kahit konte. Tignan mo oh, mas malaki ka pa kesa kay ate." sambit ni ate habang ginugulo ang buhok ko. 

"Sinong damulag?" sabay gulo ko rin ng buhok nya. Sabay bigla nya akong binatukan.

"Itigil nyo na nga yang harutan nyo at nasa harap tayo ng pagkain." si mommy.

Umupo na ako at kumain na kaming lahat. Pagkatapos naming kumain ay nagkwentuhan muna kami bago namin iniligpit ang hapag kainan. 

"Rizza may balak ka bang magboyfriend aba! Tumatanda ka na wala ka pa ring asawa ah!" Tanong ni daddy.

"Eh kasi naman daddy madami akong manliligaw dati eh. Pero tinakot nyo lahat kaya ayan wala na tuloy may lakas ng loob." sagot ni ate.

"Dati pa 'yon ah, nung hindi ka pa tapos ng college. Pero ngayon iba na, dapat magboyfriend ka na para makapag-asawa ka. Bahala ka ikaw rin tatanda kang dalaga." si daddy.

"Basta bahala na. Nandito naman ang crush ko eh. Si bunso." Sabi ni ate.

"Maghanap ka na ng boyfriend para hindi ako ang palaging pinagtitripan mo." ako.

"Magkaka-boyfriend din ako noh. Wala ba kayong tiwala sa ganda ko?" Pagmamayabang nya.

Mahaba pa ang naging kwentuhan namin at nang matapos kami ay agad kaming nagsiakyat sa kanya kanya naming kwarto. Pagpasok ko sa kwarto ko ay tumambay muna ako banda sa may bintana. Malamig ang simoy ng hangin. Ber months na naman kasi. Gustong gusto ko ang ganitong pakiramdam. Nakakaginhawa sa pakiramdam ang hanging amihan. Pagkatapos ko magmunimuni ay agad kong pinatay ang ilaw at humiga sa kama. Ipinikit ko na ang aking mga mata.

Nakakasilaw na liwanag. Papalapit ng papalapit. Nakakabulag na liwanag. At matinding ingay na nakakabingi.

Muli akong nagising sa parehong panaginip na laging dumadaan sa aking pagtulog. Pero hindi katulad ng dati ay tanghali ako nagising ngayon. Pagkatingin ko ng orasan ay bigla akong napabalikwas nang makita kong alas syete pasado na. "shit!" sabi ko. Halos magkandarapa ako sa pagbaba ko ng hagdan habang sumisigaw.

"MA! MA! Tulungan mo ako, malelate na ako!" pagtawag ko kay mommy.

At agad na naglabasan sa kwarto si mommy at si ate. Pumasok si mommy sa kwarto ko at kinuha ang mga susuotin ko para plantsahin. Si ate naman ay nagmamadaling maipaghanda ako ng pagkain. Ganon sila pag nagsisisigaw na ako dahil alam nilang pag nalate ako sa trabaho ay hindi na ako tutuloy sa pagpasok. Ewan ko ba, ayaw na ayaw kong nalelate. Para kasing nakakaramdam ako ng matinding kahihiyan pag nahuhuli ako sa kahit anong lakad ko. Para rin akong nakakaramdam ng bigat sa dibdib ko. Pumasok na ako sa banyo para maligo. At paglabas ko ay agad akong kumain at nag-tooth brush.  Nagbihis at para akong tipaklong na patalon talon habang inaayos ko ang necktie ko. Pagkatapos ko ay mabilis akong tumakbo palabas ng gate.

"WOOoh shit!" nabigla ako nang makita ko yung lalake na palaging nasa tapat ng gate namin. Pinilit ko syang iwasan pero huli na at nagkabanggaan na nga kami. Napaupo ako sa lupa at ganon din sya. Naramdaman kong napaupo ako sa malambot na ewan.

"Ay! Tae!" inis kong sinabi. Nakakahiya. Tinitigan ko ng masama yung lalake. 

"Bakit ba kasi lagi kang nandyan, bwiset naman eh." gusto ko syang murahin ng murahin sa sobrang inis ko.

"Sorry!" sabi nya na may baritonong boses.

Ngayon ko lang napansin ng husto ang itsura nya. Matangos ang ilong. Malamlam ang mata. Ang kilay nya na para bang inahit dahil maayos at hindi masyadong nakakalat, hindi katulad ng sa akin na may kakapalan. Manipis ang labi nya na may kapulahan. Gwapo. Moreno. Nakaramdam ako ng kaba habang kinikilatis kong mabuti ang mukha nya.

Tumayo ako at agad na bumalik sa bahay. Pagpasok ko ng gate ay narinig ko na naman yung pagkatok nya. Inis na inis na ako kaya naligo ulit ako pero hindi na ako pumasok. Nagtext na lang ako kay Mariz na hindi ako makakapasok dahil may sakit ako. Mago-overtime na lang ako sa Lunes.

Nagmukmok na lang ako sa kwarto ko. Ganito talaga ako pag naiinis ako. Wala namang nangistorbo sa akin. Tiningnan ko ang cellphone ko at nakita ko ang reply ni Mariz na nagsasabing "Ok po sir!" Nakakainis din yung babae na 'yon. Tsk! Nararamdaman ko kasi ang edad ko pag tinatawag nya akong sir.

Nakahiga lang ako sa kama. Naiisip ko yung mukha nung lalake. Bigla na namang pumintig ang puso ko. Madalas itong nangyayari sa tuwing makikita ko sya. Pero iba ngayon dahil naiimagine ko na ng malinaw ang mukha nya. Ano ba 'to. Pero nakakainis talaga sya. Makakahabol pa sana ako sa opisina kung hindi sya pahara-hara sa daan. Bwiset sya madapa sana sya.

Hindi ko napansin ang oras. Hapon na pala, nakaidlip ako. Lumabas ako ng kwarto at pagbaba ko ay nakita ako ni mommy na nakasimangot.

"Oh! Bakit nakabusangot ka dyan?" tanong nya.

"Nakakainis kasi eh hindi ako nakapasok dahil dun sa lalakeng laging nandyan sa tapat." inis kong sagot kay mommy.

"Ah, yun ba? Hayaan mo na, wala naman syang ginagawang masama diba. Baka naman gusto nya makipagkaibigan sayo, hindi mo lang pinapansin." 

"Ewan ko sa kanya. Eh kung gusto nya makipagkaibigan sa akin dapat ina-approach nya ako diba? Eh hindi naman eh. Ang wirdo nun noh? Hindi kaya member yun ng akyat bahay?" sabi ko kay mommy.

 "Hindi naman siguro. Eh kung akyat bahay sya dapat matagal nya na tayong ninakawan diba? At tsaka wag ka ngang nanghuhusga ng tao. Hindi natin alam, baka mamaya may napakahalagang papel pala sila sa buhay natin sa hinaharap tapos pinag-isipan mo ng masama." 

"Ah, ewan. Basta naiinis ako." sabay busangot ko ulit.

"Hmm! Bunso naman eh. Napakasungit mo, kumain ka na nga." biglang sabat ni ate.

Habang kumakain ako ay naiisip ko parin 'yong mukha nung lalakeng 'yon. Hindi ko sya maialis sa utak ko simula nung mapagmasdan kong ,mabuti 'yong mukha nya. Lintek! Nahipnotismo yata ako nun ah, hindi kaya budol-budol 'yon?

Pagkatapos kong kumain ay pumunta ako ng sala. Nakita ko si ate na nanonood ng tv. Kinuha ko ang remote sa kanya dahil manonood ako ng anime. Pagkakuha ko ay pinalo nya ako ng throw pillow.

"Tsk! Ano ba yan bunso bulbulin ka na nanonood ka pa rin nyan?" sabay palo ulit ng unan.

'Wakapaks!" sabi ko sa kanya. Sabay bigla syang lumapit sa akin at hinatak ang tenga ko. Pagkatapos 'non ay umakyat na sya sa kwarto nya.

Alas kwatro na dapat pinapalabas na 'yon eh. Nadismaya ako sa panonood dahil hindi ko nakita 'yong paborito kong anime "bwiset".

Kagaya ng paulit ulit na nangyayari ay nagigising ako sa parehong panaginip. Dahil sa matagal na ring pabalik balik kaya nasanay na rin ako. Mabuti nga at parang alarm sya ng katawan ko na gumugising sa akin. Mantika kasi ako matulog eh, hindi ako kayang gisingin kahit sampung alarm pa itapat mo sa tenga ko.

Walang pasok kaya kahit gising na ako ay nanatili lang ako sa higaan. Naiisip ko na naman yung lalake. Hindi katulad kahapon na naiinis ako. Ngayon ay hindi, nararamdaman ko na naman ang pagbilis ng kabog ng dibdib ko. Pero alam kong walang kasamang takot ang kabang nararamdaman ko. Ang totoo, parang natutuwa ako sa nararamdaman ko. 

Lumabas ako ng gate. Umaasa akong makikita ko 'yong lalake. Para kasing napakasarap tingnan ng mukha nya. Pero titingnan ko lang sya sandali tapos papasok na ako agad. Kunyari naiinis akong makita sya. Kaso paglabas ko wala sya. "sayang" sabi ko sa sarili ko. Naghintay pa ako ng kaunti baka nalate lang sya, sabado kasi kaya baka wala rin syang pasok at tinanghali ng gising. Inilinga-linga ko ang paningin ko. Tumingin pa ako doon sa likod ng puno na nasa harap ng bahay namin baka nagtatago lang sya. Pero wala talaga sya.

"Hmp! Bwiset!" sabi ko.

Lumipas ang ilang linggo at hindi pa rin nagpakita yung lecheng lalake na 'yon na nanggulo ng isip ko. Sa mga nakalipas na linggo kasi ay hindi ko na mialis sa isipan ko ang mukha nya. Sana hindi ko na lang sya tinitigan ng husto nung araw na 'yon para hindi ko sya hinahanap. Pakiramdam ko ay in-love ako sa kanya. Alam ko naman kasi sa sarili kong posibleng mangyari sa akin 'yon dahil hindi lang naman sa babae ako nagkakagusto eh. Nakakainis lang kung kelan kasi gusto ko na sya makita eh, dun naman sya nawala.

Isang araw habang papalabas ako ng gate para pumasok na sa trabaho ay narinig ko yung Tok! Tok! Tok! Sa gate namin. Natuwa ako dahil nandyan sya. Putek! Lumakas ng husto 'yong kabong ng dibdib ko. At anlaki laki ng ngiti ko. Bubuksan ko na ang gate para lumabas. Inayos ko ang sarili ko at medyo sumimangot ng kaunti, para naman hindi masyadong halata na excited ako. Paglabas ko ng gate ay wala na naman akong naabutan. Nadismaya talaga ako. At para akong lantang talong na pumasok sa trabaho.

"Ano bang problema mo?" sabi ko sa isip ko. Dahil wala akong ganang kumain. Wala na ako palagi sa mood. Pati si mommy ay napapansin na ang kakaibang ikinikilos ko. Palagi na akong nasa gate namin dahil may hinihintay ako. 

"Bwiset! Bwiset!" gigil na gigil kong sigaw sa utak ko nang bigla kong marinig ang Tok! Tok! Tok! napashet ako. Wala na akong panahon para mag-inarte pa kaya mabilis kong binuksan ang gate para maabutan ko yung gumawa noon. Paglabas ko ay nakita ko yung lalake na tumatakbo papalayo. Hinabol ko sya pero mabilis talaga sya. Pero kahit na hindi ko sya naabutan ay medyo nakaramdam ako ng tuwa dahil lumingon pa sya hanggang sa makalayo. Bumalik ako ng bahay na may ngiti sa mukha. 

Naging madalas na naman ang pagkatok nya sa gate namin. Hindi katulad ng dati na naaabutan ko sya sa labas, ngayon ay parang wala na syang balak na magpang-abot kami dahil tumatakbo syang matulin pagkatapos nya kumatok. "Siraulo!" lagi ko na lang nasasabi sa utak ko sabay ngiti. 

Paglabas ko ng gate, ay nakakita ako ng isang rose sa lupa. Pinulot ko iyon at may nakasabit na note dito. "Hi! I'm Raven Hortizuella" yun lang ang nakalagay. Inilabas ko ang ballpen ko at nagsulat din ako dun sa note. "Ian Paolo Sison (smiley)" ang isinulat ko. Inilapag ko ulit ang rose sa lupa at tsaka ako tuluyang pumasok sa trabaho. 

Nagpunta kami ni mommy sa mall, dahil bibili daw sya ng panghanda sa birthday ko. Nakakainis hindi man lang kasi ako sinurprise. Pinagod pa akong magbuhat ng mga ihahanda sa sarili kong birthday. Pagbalik namin ng bahay ay nakita ko si Raven na sumisilip doon sa gate. Napangiti ako dahil sa wakas ay wala na syang kawala sa akin. May dala syang isang bungkos ng rose. Malamang hindi nya kami napansin kaya kumatok pa rin sya sa gate. Nang lumingon sya ay nabigla sya dahil nasa likuran nya na kami. Napangiti naman si mommy at ngumiti rin si Raven. Nagtaka ako sa kanilang dalawa. Kinuha na ni mommy ang mga pinamili namin at sya na lang ang nagpasok sa loob ng bahay.

"Oh! Pano maiwan ko na kayo ah." habang nakangiting pumasok sa loob si mommy.

"Hoy! Bakit lagi kang kumakatok sa gate namin ah?" tanong ko kay Raven.

"Huh! Ah, eh. Wala lang hehehe." nahihiya nyang sagot.

Napakunot ang noo ko sa walang kakwentakwenta nyang sagot. Ibinigay nya sa akin 'yong isang bungkos ng rose. Hindi ko na tinanong kung para saan 'yon dahil baka bawiin nya pa. Sobra kaya ang kilig ko, baka maunsyame pa.

"Lakas rin ng trip mo eh noh." Nagsusungit na ako dahil naalala kong napraning ako sa kanya dahil matagal ko syang hindi nakita.

"Ako nga pala si Raven, pasensya ka na ah. Wag ka sana magagalit sakin"

"Ian ang pangalan ko."  

"Alam ko. Sige mauuna na ako. Sorry ulit dun sa nangyari dati ah." sabay katok ng tatlong beses sa gate namin.

"Bakit mo ba palaging ginagawa yan? Ang ingay kaya." tanong na may pagsusungit.

"Basta. Sige ingat ka palage" biglang nalungkot ang mukha nya habang papaalis.

Pumasok na ako sa loob ng bahay at dumiretso ako sa kwarto. Inilapag ko ang mga rosas sa maliit na lamesa sa kwarto ko. Bigla akong tumalon sa kama ko at ipinulupot ko sa akin ang kumot ko. Kinikilig ako na ewan. Sobrang saya ko dahil nakausap ko na sya ng matino sa wakas. Sa kakaikot ko sa kama hindi ko napansin na nasa pinakagilid na pala ako. 

"Aray ko puta!" Nang malag-lag ako sa kama.

Kinabukasan bago ako pumasok ulit ay narinig ko na naman yung katok ni Raven. Parang musika na sa tenga ko sa tuwing maririnig ko iyon. Hindi lang iyon ang ikinatutuwa ko. Ang tindi kasi ng effort na inilalaan nya para gawin iyon araw araw. Mukhang may matinding dedikasyon si gago. Eh kung may gusto sya sa akin, dapat kasi sabihin nya na. Hindi ko naman sya pahihirapan eh. Paglabas ko sa gate ay nadoon pa rin sya. Salamat naman at hindi sya tumakbo ngayon.

"Hi! Goodmorning!" bati nya.

"Good Morning din." medyo seryoso ang mukha ko.

"Ah papasok ka na ba? Gusto mo ihatid kita? Dala ko yung sasakyan ko ngayon eh." alok nya.

"Wag na. Magko-commute na lang ako." pagtanggi ko.

"Please! Para alam kong safe ka sa pagpasok mo."

"Hala ka! Hala ka!" Nagiinit ang mukha ko sa sinabi nya. "Shit! Baka nagba-blush ako. Lalakeng lalake pa man din ang dating ko tapos bigla akong magba-blush, damn. Ang ganda namang birthday gift neto."

Binuksan nya na ang pintuan ng kulay grey nyang sasakyan. Kinikilig ako sa ginagawa nya. Para lang akong may cerebral palsy sa imahinasyon ko sa sobrang kilig. Pagkasakay ko ay tahimik lang syang nagumpisang magmaneho. Ako man ay hindi rin makapagsalita. Wala kaming napag-usapan hanggang sa dumating na ako sa trabaho ko. Pagka baba ko ay agad akong nagpasalamat at umalis na sya.

Buong araw lang akong nakangiti sa trabaho. Napapansin nga iyon ng mga katrabaho kong nag-uumpisa ko nang maging ka-close. Nagtatanong sila pero wala naman akong maisagot. Masaya lang ako, ang palagi kong sinasabi sa kanila.

Paguwi ko ng bahay, akala ko ay maaabutan ko sya pero wala sya. Sabi ko sarili ko ay "ok lang, napakilig nya naman ako ng buong araw eh". Papasok na sana ako ng gate ng biglang 

"Hi Ian!" si Raven.

Napangiti ako kaagad dahil ansarap pakinggan ng napakalambing nyang boses.

"Hello Raven kumusta?" habang nakangiti ako.

Biglang bumukas ang gate at lumabas si mommy.

"Pasok muna kayo dito sa bahay. Bakit ba dyan kayo nag-uusap. Anak pakainin mo ng handa mo si... ah yang kasama mo." si mommy.

Napangiti ako kay mommy at niyaya ko na nga si Raven na pumasok na sa bahay. Pagpasok namin ay agad na naghanda si mommy ng makakain at maiinom. Panay ang ngiti ni mommy at ni daddy sa akin habang nag-uusap kami ni Raven. Ipinagtataka ko iyon sa kanila dahil kahit minsan ay hindi ko pa nabanggit sa kanila ang tungkol sa sexual preference ko. Pero ok na rin at least mukhang hindi ko na kailangang magtago pa sa kanila.

"Happy birthday." sabi ni Raven.

"Salamat."

Maga-alas syete na rin ng gabi umuwi si Raven. Inaaya ko nga sya na dito na lang kumain kaso tumaggi sya. Sa susunod na lang daw. Inihatid ko sya sa labas at bago sya maglakad papalayo ay kumatok muna sya sa gate kahit na nakikita ko. Ngayon ay nakikita ko ng personal ang ginagawa nyang pagkatok sa gate. Tok! Tok! Tok! Ngumiti sya sakin at tsaka tuluyang umalis.

Halos isang buwan din ang lumipas at patuloy sa pagdalaw sa akin si Raven. Nakakatuwa nga kasi parang nanliligaw na sya sa akin. Hahaha. At take note formal courting kasi sa loob ng bahay namin. Wala naman akong nakitang masamang reaksyon sa mga kasama ko sa bahay. Maliban kay ate na nagiinasim dahil sa inggit. 

"Ian, pwede bang maging tayo?" seryoso nyang tanong.

Sa loob ng utak ko ay halos magtatatambling na ako sa sobrang tuwa. "Shit, tama ba ang narinig ko? WWWWWWWWAaaaahh!" 

"huh?" parang gusto ko ipaulit sa kanya ang itinanong nya.

"Sabi ko, kung pwede bang maging tayo." pagulit nya sa tanong.

"Huh? Ah! Eh, Oo" halos mautal utal kong sagot.

Nakita ko ang labis na kaligayahan sa mukha nya. At syempre ramdam na ramdam ko iyon sa loob ko. Sa wakas kami na nga. Tsk! Ambagal dapat kasi matagal na kami kung medyo binilisan nya lang ng konte ang panliligaw. Nahihiya naman kasi ako mag-approach pag dating sa mga ganyang bagay. Niyakap ako ng mahigpit ni Raven. Shit ambango pala nya. 

Nagising na naman ako bigla sa panaginip ko. Medyo matagal ko ring hindi napanaginipan ito. Pero eto at bumabalik na naman. Ang akala ko ay umaga na pero pagkatingin ko sa cellphone ko ay alas dos pa lang ng madaling araw. Muli akong humiga at tsaka natulog.

Tanghali na ako nagising dahil napuyat ako. Kaya heto para na naman akong langaw na mabilis na paikot ikot sa bahay. Pagkatapos ko gawin ang lahat ay agad akong tumakbo sa gate. Paglabas ko ay akala ko nandun si Raven pero wala. Hindi ko na sya msyadong inisip dahil malelate na talaga ako. Pagdating ko sa opisina ay nakareceive ako ng text mula kay Raven. 

"Tart, sorry tinanghali ako ng gising kaya hindi na ako nakadaan dyan. Malelate na rin kasi ako sa trabaho eh."

"Ok lang tart, dito nako office."

Kinailangan kong mag-overtime sa trabaho. Itinext nga ako ulit ni Raven na nandoon daw sya sa bahay, pero pinauwi ko na lang sya dahil sabi ko gagabihin ako. Agad naman syang nagreply na ok lang daw.

Grabe sobrang sakit ng ulo ko. At nararamdaman ko na naman ang matinding hilo. Kaya ipinasya kong umuwi na at bukas na tapusin lahat ng trabaho ko. Dahil hindi ko na talaga kaya. Paglabas ko ay halos patay na lahat ng ilaw sa building. Yung elevator naman, nasa pinakataas pang floor kaya naghagdan na lang ako. Lalo akong nahihilo sa pagbaba ko sa hagdan. hanggang sa wakas ay nakalabas na ako ng building. Ah, shit hindi ko talaga siguro kayang magpagod ng husto, tsk! Nasa kalsada na ako at nag-aabang ng masasakyan. Ng biglang.

"Hold-up 'to. Ilabas mo ang wallet mo."

"Kuya please, wag po." hinang hina kong sagot nang bigla na lang naramdaman ko ang malakas na palo ng isang matigas na bagay sa ulo ko. Nawalan ako ng malay.

Pagkagising ko ay nasa ospital na ako. Wala nang masamang panaginip. Ayos na ang lahat. Nakita ko sila mommy na alalang alala sa akin. Panay naman ang tapik ni daddy sa balikat ni Raven. Nginitian ko silang lahat. At sinabing "Ok nako, nagbalik na ako". Sabay biglang iyak nila mommy.

"Sigurado ka? Wala bang masakit sayo?" Tanong ni Raven sa akin sabay abot ng kamay ko para haplusin. Nginitian ko sya ng pagkatamis tamis at tsaka ako tumango.

"Ok na Ok na ako tart. Ok na Ok." sabay bigla na lang tumulo ang masagana kong luha. Salamat at hindi sya napagod sa paghihintay. Salamat at hindi sya sumuko. Totoo ngang naaalala ng puso ang hindi kayang tandaan ng utak. Ang sarili kong emosyon ang tumulong sa akin para maiparamdam ko ang nakalimutang sabihin ng mga labi ko. Kinalas ko ang kamay ko mula sa pagkakahawak nya. At hinagilap ko ang lamesa sa gilid ko. At ginawa ko ang isang bagay na matagal ko nang inimbento para sa aming dalawa. At alam kong matagal nya nang gustong marinig mula sa akin. Kumatok ako ng tatlong beses sa ibabaw ng lamesa habang nakatingin sa mukha nya. Bigla na lang nakita ko ang pangangatal ng bibig nya at kasabay noon ay ang pag-agos ng luha sa mapupungay nyang mga mata.

"Hindi ako napagod antayin ka tart. I Love You Too." sabi nya. At niyakap nya ako ng mahigpit.

Wakas. . . .

(Iniisip ko kung ipa-publish ko ba 'yung YNL., Ano kaya????)



5 comments:

  1. Bakit ganon, nagkaamnesia xa at c raven lng ang d nya maalalaa...kaya nung aftr nyang mahold-up at mapukpok sa ulo, nagbalik na alaala nya...???

    ReplyDelete
  2. Galing talaga! More stories please...

    ReplyDelete
  3. Mars i think yun ung tinatawag na selective amnesia.

    Ang galing mo tlaga!!

    -hardname-

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails