Followers

Wednesday, March 9, 2016

CARROT BOY

Part 1:

By Michael Juha
Email: getmybox@hotmail. com
FB: getmybox@yahoo. com

Disclaimer:
Ang kuwentong ito ay pawang kathang-isip lamang bagamat "inspired" sa internet sensation na si Carrot Man. Hindi po ito ang totoong kuwento ng buhay niya. At hindi po intensyon ng may-akda na saktan ang damdamin ng mga taong maaaring maapektuhan sa kuwentong ito. Ang litrato na ginamit dito ay hindi po pag-aari ng may-akda. Credit to the real owner, Ms. Edwina Bandong.

***

Ako si Harold, 21 ang edad at masasabi kong naranasan ko na ang lahat ng luho simula nang ako ay isinilang. Mayaman kasi ang pamilya ko. May mga lupain ang aking ina sa Cebu, at ang aking ama naman ay may lupain din sa Cordillera region. Kung tutuusin ay wala na siguro akong mahihiling pa sa buhay. Nakapagtapos ako ng Accountancy sa isa sa pinaka prestihiyosong paaralan sa Pilipinas at natapos ko na rin ang aking Master’s Degree in Business Management sa isa sa pinakamagaling na unibersidad sa Amerika. Ngunit kung gaano ka rangya ang aking kinagigisnang buhay, kabaligtaran naman ang kuwento ng aking love life.

Hindi naman sa hindi ako guwapo. Kahit papaano ay biniyayaan din naman ako nito. May dugong Espanyol ang aking ama at ang aking inay naman ay may dugong Latino. Sadya lang sigurong mailap ang pag-ibig sa akin. Sa edad kong ito ay nakailang babae na ako. Lahat sila ay humantong sa hiwalayan. Either may mga bagay na hindi kami magkasundo, o sadyang hindi pa lang talaga ako mature para sa isang seryosong relasyon. Ewan. Sabi nila ay may pagka-masungit daw ako, mataas ang pride, may hindi kanais-nais na ugali, temparamental, mainitin ang ulo. At parang may kung anong hinahanap ko rin sa isang relasyon na hindi ko pa nakita sa mga nakarelasyon ko na.

Ang pinakahuli kong nakarelasyon ay si Myra. Anak mayaman din, anak ng family friend namin. Akala ko nga ay siya na ang babaeng aking pakakasalan. Mabait kasi siya. Siya lang ang nakakaunawa at nakakintindi sa ugali ko. Siya ang nakapagpatino sa akin. Ngunit biglang nagbago ang lahat nang nitong huli ay nalaman kong may iba pala siya. At ang pinakamasaklap pa, best friend namin ang lalaking bago niyang minahal. Ang sakit, sobra. Siguro ay ganyan lang talaga. Minsan akala mo ay nagmahal ka, hindi pala. 

Kaya upang malimutan ko siya, naisipan kong magpakalayo-layo ng Maynila. Sa Maynila kasi ay hindi ako makapag move on, hindi ako makapag-isip ng maayos. Para akong mababaliw to the point na kung hindi ako magpakamatay, baka babalik na naman ako sa pagiging drug addict. Ayaw ko na noon.

Kaya minabuti kong umiwas muna sa mga lugar kung saan ay naaalala ko pa ang sakit ng pagtataksil nila. At dahil may lupa naman ang aking ama sa Cordillera kung kaya ay doon ko naisipang magtungo. Kakaiba kasi ang Cordillera. Mataas ang lugar, parang mahirap puntahan, mahirap abutin. Natuwa naman ang aking ama sa aking naging desisyon. Nakikita kasi niya ang aking paghihirap dahil sa nangyari sa love life ko. Nang sinabi ko sa kanyan na magpakalayo-layo ako, at sa Cordillera ang tunog ko, hinamon niya ako na dahil nakatengga lang daw ang lupa namin doon at walang pakinabang, gawin ko raw itong productive. Maganda raw kung ito ang target ko upang magiging abala ako at madali kong makalimutan si Myra. At ma-develop ko pa ang lupa namin doon. At ang mungkahe niya ay resort ang ipapatayo ko. Tutulungan niya ako sa capital at kung ano pa ang kailangan kong suporta. Maganda raw kasi ang lupa namin doon. Malapit sa mga tourist spots, nadadaanan ng mga turistang tutungo sa Sagada. Isa pa, may flowing water daw sa mismong sakop sa aming lupa. Kaya talagang maganda ang lugar. May mga kaibigan nga raw ang aking am na gustong bilhin ang lupang iyon ngunit hindi niya ito ibinenta gawa ng namana pa raw niya iyon mula sa kanilang kanunu-nunuan.

Pinapaalalahanan din ako ng aking ama na mahirap tahakin ang lugar at malayo ito sa kabihasnan. Baka raw hindi ko kaya. Ngunit buo na ang aking isip. Ang sagot ko sa kanya ay mas maigi pang maghirap ang katawan ko kaysa ang puso at isip ang mato-torture. Mas masakit iyon. Kaya iginiit ko sa aking isip na isa iyong challenge para sa akin. At gusto ko talagang i-prove sa sarili na kaya kong manatili roon at gawin ang project na iminungkahi ng aking ama.

Tuwang-tuwa naman ang aking ama. Biniro pa nga niya ako na magpustahan kami. Siguro ay paraan niya iyon upang mas lalo pa akong ma-challenge. Tinanggap ko ang hamon niya.

Anyway, sa tanang buhay ko ay hindi ko pa napuntahan ang lugar. Ngunit dahil sa tindi ng aking pagnanasang makalimot kung kaya ay naglakas-loob akong pumunta kahit nag-iisa. May GPS naman kasi ang aking SUV kung kaya ay kampante akong makarating.

Pagkatapos ng ilang oras na nakakahilo at nakakapagod na paglalakbay ay narating ko rin ang munisipyo ng Bauko. Ito ang lugar ng aking kanuno-nunuan sa father’s side. Hindi pa ganyan ka-unlad ang kanilang munisipyo. Kung ikumpara mo sa Maynila, wala pa ito sa kalingkingan. Masyadong primitive pa ang kanilang lugar. Halos mabibilang mo lang ang mga sasakyan at mga luma pa, may iilang kunkretong buildings. Huminto muna ako sa isang gas station upang magpakarga ng langis. Pagkatapos ay timumbok ko ang palengke.

Maliit lang ang palengke ng Bauko na halos ang mga paninda ay galing lang din sa mga prudukto ng lungsod. Kakaunti lang ang mga tao at alikabukin pa ang paligid gawa ng hindi pa sementado ang kanilang paligid, isang imahe ng lugar na napag-iwanan ng panahon.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Sa wakas ay narating ko rin ang lupa ng aking mga ninuno. Bagong lugar, bagong buhay, bagong pag-asa…” ang bulong ko sa aking sarili.

Tinumbok ko ang isang maliit na restaurant at ipinarada ang aking sasakyan sa harap nito. Nang nasa loob na ako ng restaurant ay nilapitan ako ng isang waitress at binigyna ako ng menu. May nakita akong mga pangalan ng pagkaing nakalista kagaya ng pinikpikan, kiniig, at iba pang pagkaing exotic sa Cordillera. Ngunit dahil hindi ko alam kung paano ito niluto, regular na pagkain na lang ang aking inorder. Regular na kanin, piniritong itlog, at inihaw na isda.

Naghintay na ako sa aking order nang biglang may narinig akong isang malakas na kalampag. Napatingin ako sa pinagmulan nito. At laking pagkadismaya ko nang ang aking SUV pala ay binangga ng isang truck na kasalukuyang nagba-backing! Nagtatakbo akong lumabas at tinumbok agad ang driver nang nakabanggang truck na kasalukuyang huminto na. Agad kong puwersahang binuksan ang gilid na pintuan ng driver’s seat nito at kinuwelyuhan ang driver, puwersahang hinila palabas hanggang sa nalaglag siya sa lupa.

“Tangina mo! Bakit mo binangga ang sasakyan koooo!!!” ang galit kong sigaw.

“S-sir pasensya na po, s-sorry po sir, h-hindi ko po sinadya…” ang pagmamakaawa niya habang pinilit na tumayo, hawak-hawak ko pa rin ang kuwelyo ng kanyang damit.

“Hindi mo sinadya? Gago ka ba? Ang laki-laki ng sasakyan ko hindi mo nakita yan? Bat mo binanggaaaa! Hindi mo ba alam kung gaaano ko kamahal ang sasakyang iyan? Hindi mo kayang bumili ng ganyan!” ang sigaw kong inangat na ang aking isang kamao upang paulanan na sana ng suntok ang kanyang mukha.

Akmang pagsusuntukin ko na sana ang driver nang bigla namang humarang ang kanyang pahinante. “Sir… ako na lang po ang suntukin ninyo. Ako po ang nag-signal sa kanya sa kanyang pag backing ngunit nalihis po ang aking atensyon at hindi po naging maayos ang pagsignal ko sa kanya.” Ang sambit ng pahinante.
At sinuntok ko pa siyang muli. “Tangina mo!” ang sigaw ko.

Natumba ang nasabing pahenante. Nang tiningnan ko siya, putok ang kanyang mga labi. Nakita kong pinahid ng kanyang braso ang dugo sa kanyang bibig.

“Ano? Gusto mo pa ba???!!!” ang sigaw ko.

“B-bayaran na lang po namin S-sir ang pagpapaayos ng sasakyan mo.” Ang sambit niya habang nanatiling nakaupo sa lupa, nakatingin sa akin, ang mga mata ay nagmamakaawa.

“May pera ba kayo? Ni pambili ng damit ay wala kayo! May limang libo ba kayo?!”

Nagkatinginan ang dalawa. Tumayo ang pahinante at nanginginig na binunot ang kanyang wallet. Ganoon din ang driver. Hinugot din niya mula sa likurang bulsa ng kanyang pantalon ang kanyang wallet at nagbibilang sila. Maya-maya, nagsalita ang driver, “S-sir… limang daan na lang po ang pera namin eh. P-puwede bang limang daan na lang po?”

“Huwag na! Salamat na lang. Aanhin ko ang five hundred! Baka ako pa ang may kasalanan kung magugutom kayo! Putang-ina talaga!” ang sabi ko na lang sabay walk out. Tiningnan ko ang aking sasakyan at inusisa ang nabanggang bahagi. Meyo nayupi nag kaunti ang tagiliran nito.

Sa inis ay hindi ko na sila nilingon pa. Dumiretso na ako sa loob ng restaurant at nang naupo na ako, nilapitan ako ng waitress. “Sir… ako na lang po ang manghingi ng pasensya sa dalawang iyon. Mga suki po namin sila, sila ang nagdi-deliver sa amin dito ng mga gulay. Mababait po ang dalawang iyon Sir. Pasensya na po talaga.”

Hindi na ako kumibo bagamat nagmamaktol ang aking isip. “Wala akong paki! Pareho kayong mga tanga!”

Habang kumakain ay tinawagan ko ang childhood na barkada ng aking ama, si Tito Manuel. Wala kasi talaga akong alam kung saan ang lupang iyon at paano puntahan.

Na-contact ko rin siya at maswerte naman dahil nasa Mountain Province siya sa araw na iyon. Sa Amerika na raw kasi siya nakatira sampo ng kanyang pamilya. Nagkataong nagbakasyon lang siya at nag-stay sa isang hotel. Sasamahan daw niya ako, hintayin ko lang siya sa restaurant na iyon.

Wala pang isang oras ay dumating ang kaibigan ng aking ama, nakasakay ng tricycle. Tuwang-tuwa siya nang makita niya ako. Sanggol pa lang daw ako nang nakita niya sa Maynila. Nagkuwentuhan muna kami sandali. Kinumusta ang aking ama. Ikinuwento rin niya sa akin ang mga araw na magbarkada pa lang sila, ang mga kabulastugan at mga nakakatawang karanasan nila.

Maya-maya lang ay nagyaya na siyang puntahan na namin ang lugar. Nagmamadali daw siya gawa nang kinabukasan na ang balik niya ng Maynila dahil kinagabihan ay flight niya na rin pabalik ng Amerika. Siya man ay halos hindi na rin alam ang daan patungo roon. Marami nang pagbabago. Matagal panahon na raw ang huli niyang pagpunta rito.

Halos ma-discourage na ako sa aming pagtumbok pa lang sa lugar. Bagamat gilid ng kalsada ang border ng lupa, napakahirap palang lakarin ang kabuuang area nito. Hindi lang dahil malawak ito kundi ang terrain ay hindi patag at puno pa ng mga kahoy. Ngunit doon ako nagulat nang may nakita akong bahay na nakatirik sa mismong lupa namin at sa baba naman ng slopes ay halatang sinasaka dahil malinis ang lupa at may mga nakahilerang garden plots at may mga pananim pa akong nakikita sa bandang dulo. Pati ang kaibigan ng aking ama ay nagulat.

“B-bakit tila may nagbubungkal na ng lupa, Tito? At bakit may bahay?”

“Hindi ko rin alam eh. Siguro dahil walang nag-alaga kaya ang akala nila ay nakalimutan na ng may-ari. O ba kaya ay akala nila, gobyerno ang may-ari nito. Hindi natin sila masisisi.” Ang sagot lang niya at inilihis an gusapan. “Anyway, kung gagawin mong resort ito, medyo malaki-laking trabaho pa, ang pagpa-plano, pag assess sa potential nito, at ang viability sa return of investment. Pero saganang akin lang, maganda talaga ang prospect kung gagawin mo itong hotel/resort. Tama ang iyong ama, wala pang magandang hotel o resort dito. Maraming turista ang dumadayo at dumadaan sa lugar, iyong mga tutungo sa Sagada at sa mga rice terraces dito. Alam mo naman, halos land-locked na itong area natin kaya kailangan talaga ang hotel para sa mga dumadaang turista.” Ang sabi niya.

Medyo na-inspired naman ako sa sinabing iyon ng kaibigan ng aking ama. Kaya mas lalo pang nabuo ang aking isip na by hook or by crook, gagawin ko talaga itong hotel/resort. Isang magandang tourist attraction sa lugar.

Sa hotel na tinutuluyan ng kaibigan ng aking itay ako nagpalipas ng gabi. Nang naroon na ako, sinuri ko ang mismong hotel. Sa nakita ko, mas lalo pa akong na ginanahan. Sa sarili ko lang, malayo ang hotel na iyon sa sa plano kong ipapatayo. “Gusto kong first class ang gagawin kong hotel/resort.” Ang sabi ko sa kaibigan ng aking ama.

“Syempre… dalhin mo rito ang mga nakikita mong excellent ameneties at services ng Maynila. Siguradong makikilala ang lugar na ito ng mga turista.” Ang sagot niya.

Kinabukasan, maagang-maaga pa lang ay inihatid ko na ang kaibigan ng ama ko sa terminal ng bus patungo ng Maynila. Pagkatapos ay bumalik ako sa aming lupain. Ipinarada ko ang aking sasakyan sa gilid ng kalsada sa mismong gulod kung saan ay nakita ko ang mga taong nag-harvest ng pananim sa aming lupa na nasa baba nito.

Lumabas ako ng aking sasakyan at tinahak ang matirik na daan pababa. Nang nakita nila ako, silang lahat na nasa sampung katao ay nahinto sa kanilang ginagawa at nakatingin sa akin. Nilapitan ko sila.

Doon ko na nakita kung ano ang mga itinanim nila; carrots. At malawak ang bahagi ang kanilang tinamnan, siguro ay nasa dalawang ektarya. “Alam niyo bang illegal ang inyong ginawang pagtatanim sa lupa na hindi ninyo pag-aari?” ang galit na sigaw ko sa kanila.

Kitang-kita ko sa kanilang mga mukha ang pagkagulat. Lahat sila ay hindi makapagsalita, halatang nabigla na kinabahan. Lumapit sa akin ang isa sa kanila. “S-Sir… a-ako po ang nag-saka dito sa lupa ninyo. Matagal na po. Inumpisahan it ong aking mga magulang at ipinagpatuloy ko lang po. H-hindi po kasi alam ng mga magulang ko kung sino ang may-ari ng lupang ito kung kaya ay hindi namin alam kung kanino at saan magpapaalam. Itong mga kasama ko po ay mga tumutulong lang sa akin at naghahati-hati kami sa kita kung mayroon man po. Dito po kami nabubuhay.”

“Di ba ikaw iyong pahinante noong truck na bumangga sa sasakyan ko?” ang tanong ko. Namukhaan ko kasi siya.

“O-opo.”

“Ang liit pala talaga ng mundo. Binangga mo na ang sasakyan ko, at ngayon, inangkin mo ang lupa ng mga magulang ko?!”

“H-hindi naman po namin inangking ang lupa ninyo Sir. Hindi lang po namin alam kung saan magpaalam eh. Kasi nakita p ong mga magulang ko na wala naman pong nag-alaga sa lupa kung kaya ay minabuti na lang po nilang tamnan po ng carrots.”

“Ah so sa inyo rin ang bahay na iyan?!” Agn pagturo ko sa bahay na semi-concrete na may dalawang palapag, ang unang palapag ay nakikita pa ang mga hollow blocks, na walang finishing, ang pangalawang palapag naman ay kahoy na halatang bago pang idinagdag na bagong yero ang atip.

“O-opo…”

“Mukhang pinagkakitaan talaga ninyo ang lupa namin, ano?”

Hindi na umimik ang lalaki. Yumuko na lang ito na ang mukha ay tila iiyak o hindi malaman ang gagawin o sasabihin. Ang mga kasama naman nila ay tila mga tuod na nakatayo na lang doon at hindi malaman ang gagawin.

“Ito na ang huli ninyong pagbungkal sa lupa ko dahil gagawin ko itong hotel/resort. Pagkatapos ninyong i-harvest iyan at ibenta, tapos na.” at baling ko sa pahenante, “Iyang bahay ninyo ay ipagiba niyo na rin dahil kung hindi ninyo gigibain iyan, ako ang magpapagiba niyan. Nagkaintindihan ba tayo?” ang sabi ko.

Tumango ang pahenante.

“Ano nga ang pangalan mo?”

“Jeyrick po.” Ang sagot niya. Doon ko na napansin ang porma ni Jeyrick. Siguro ay nasa 18 lang ang edad niya, matangos ang ilong, mahaba na straight ang buhok na halatang hindi inayos, mistulang nagdidikit pa ang mga ito sa lagkit, may makakapal na kilay at mapulang mga labi. Halos 5’10 ang tangkad niya, Moreno, suot ang putiking maong at grey sweatshirt na may hood. Lalaking-lalaki ang tindig, iyong walang pakialam sa kanyang porma o pananamit pero rock pa rin kung tingnan. Iyon ang impression ko sa kanya.

Ngunit bale wala sa akin iyon. Tumalikod na ako at umalis. Nang nasa sasakyan na ako sa itaas ng gulod, natanaw ko na silang bumalik sa kanilang pagtatarabaho. Ramdam kong nalungkot silang lahat. Pinagmasdan ko pa ang kanilang pagpapatuloy sa pag-harvest ng mga carrots. Doon napansin ang kasipagan nila, lalo na kay Jeyrick na kitang-kita ang kanyang kasipagan, sa pagha-harvest hanggang sa pagbubuhat ng malalaking basket ng carrots patungo sa itaas ng gulod kung saan naman nakaparada ang kanilang truck.

Maya-maya ay umalis na ako. Ang unang pumasok sa isip ko ay ang paggawa ng temporayong bahay sa may gulod, hindi kalayuan sa bahay ng nina Jeyrick upang personal kong ma-monitor na wala na silang gagawin pang pagtatanim at na i-demolish na nila ang bahay nila at aalis sila. Naisip ko rin na magandang experience iyon para sa akin. Para lang akong nag-camping.

Nang makarating na ako ng hotel ay nagtanong ako sa taga front desk kung may kilala silang karpentoro. May naibigay naman sa akin. Kinausap ko siya at nakipagmeeting ako upang mabigyan ng instruction para makagawa agad ng temporaryong bahay na kasya lang sa akin at may mga basic na amenities kagaya ng maliit na paliguan, palikuran at kusina. Nagpagawa rin ako ng parking lot para sa aking sasakyan. Ipinapatag ko talaga ang isang bahagi ng burol para lamang makaparking ang aking SUV.

Dahil may pera naman at may mga kinuha siyang kasama upang mapabilis ang paggawa ng sinabi kong bahay, nagsimula kaagad sila. Sila na rin ang nagcontact sa hardware kung saan sila nakakabili ng mga gamit para sa paggawa. Pinangako sa akin ng carpentero na matatapos nila kinabukasan ang bahay.

Sa panig ko naman ay bumili ako ng generator, mga portable na lutuan, comforter, at iba pa. Nag-imbak din ako ng tubig gorceries, toiletries, at bumili ng maliit na refrigerator.

Natapos kinabukasan ang bahay at kinagabihan ay doon na ako tumira. Sa unang gabi ko sa bahay ko ay hinid ako mapakali. Kampante naman ako sa lugar dahil kilala naman ang lugar na tahimik at walang masasamang loob. Ngunit siguro ay naninibago lang ako. Mula sa aking munting bahay ay natatatanaw ko ang bahay nina Jeyrick. Habang bombilya ang gamit kong ilaw, sa bahay naman nila ay iyong lampara lamang. Minsan ay may naririnig akong tawanan ng mga bata, minsan ay may naririnig akong tila nagkukuwentuhan.

Kinabukasan ay nagising ako sa ingay mula sa bahay nina Jeyrick. Alas 8 ng umaga nang tiningnan ko ang aking relo. Gising na halos silang lahat at si Jeyrick ay nagwawalis, gamit ang walis-tingting sa paligid ng bahay nila. Habang nagwawalos sila ay tinalakan niya ang kapatid niya yata upang gumising at makapagsaing habang ang maliliit na mga kapatid naman ay nagtatakbuhan, naglalaro.

Kinuha ko na rin ang aking lutuan at nagluto ng aking makakain. Unang beses ko iyon na magsaing para sa sarili. Nagprito ako ng itlog at hotdog. Nang matapos na akong magluto, sinilip kong muli ang bahay nina Jeyrick .Tahimik na sila. Marahil ay kumain na.

Kumain na rin ako. Gusto kong matawa sa aking sarili. Sa buong buhay ko, noon lang ako nakatiking ng sarili kong luto o inihandang pagkain. It’s either ang mga katulong namin ang nagluluto o bibili ako ng pagkaing luto na. Nakakapanibago and at the same time ay nakaka-proud din. Kahit papaano, maging independent din ako. Sa isip ko, tuloy-tuloy na ang pagbabago ko, at ang makamit ang target na uukit ng sariling pangalan.

Muli kong sinilip ang bahay nina Jeyrick. Nakita ko ang mga maliliit na kapatid niyang naglalaro sa harap ng bahay. Doon ko unang nakita sa personal ang klase ng pamumuhay ng mga mahihirap. Iyong ganyang mga bata na naglalaro sa lupa, ang dumi-dumi! “Paano kayang hindi nagkakasakit ang mga iyan?” sa isip ko lang.

Nang ibinaling ko ang aking tingin sa may taniman ng carrots, narooon pala si Jeyrick. Naghaharvest siya. May isang lalaking kasama. Itinuloy nila ang paghaharvest ng carrots. Bale hinihila nila isa-isa ang mga ito, tapos pinuputulan ng bahagi ng mga dahon atsaka itinambak. Kapag ganoong sapat na ang natambak nilang carrots si Jeryk naman ang taga-hakot nito patungo sa kanilang truck.

Sa buong umaga na iyon ay wala akong ginawa kundi ang silipin sila at bantayan.

Maga-alas 12:00 ng tanghali ay nagluto na naman ako. Ganoon pa rin. Pinirito. Wala naman kasi akong ibang alam na luto kundi pinirito. Habang nagluluto ako, paminsan-minsan ko namang sinilip sila. Pansin kong tapos na sila sa kanilang trabaho sa umagang iyon. Nagpahinga si Jeyrick sa harap ng kanilang bahay. Nakaupo sa isang bangko. Pansin kong malungkot siya at malalim ang iniisip. Ewan kung ano ang kanyang iniisip ngunit sa pagkakataong iyon naman kasi ay wala akong pakialam sa kanya. Ang nasa isip ko lang ay ang tapusin na nila ang pagharvest ng carrots at lumayas na sila sa lupa namin. Ang laki na kaya ng pakinabang nila sa lupa na hindi naman sa kanila. Maswwerte sila na hindi ko sila siningil sa ilang taong pinagkakikitaan nila ito.

Nang ibinaling niya ang kanyang mga mata sa aking bahay, dali-dali akong nagtago. Ayaw kong makita niyang binabantayan ko siya. Nang sinilip ko siyang muli, nakita kong inaliw siya ng kanyang mga kapatid ngunit kahit nakisaya siya sa kanila, nahahalata ko pa rin ang lungkot sa kanyang mga kilos.

Alas 12:30 ng kakain n asana ako ay may nag- “Tao po! Tao po!”

Agad akong dumungaw sa aking bintana. Nakita ko ang kapatid na lalaki ni Jeyrick, iyong sunod sa kanya. Nasa 15 siguro ang edad. Dala-dala niya ang isang mangkok na tinakpan ng plato tila may laman itong ulam. “Bakit?” ang sigaw ko.

“S-si Kuya Jeyrick po, sabi sa akin na ihatid ko raw po sa inyo po.”

“Ano iyan?” ang mataray kong tanong.

“Ulam po. Pinikpikan po!”

“Bakit niya ako bininigyan ng ulam?” ang tanong ko uli.

“G-gusto lang po niya.”

“Ay ayoko niyan! Hindi ako kumakain ng ganyan! Ibalik mo sa bahay ninyo iyan. Baka mas kailangan niyo pa ang ulam na iyan! Marami akong ulam rito!” ang sigaw ko. At nilakasan ko pa talaga ang pagsigaw upang marinig ng kuya niya.

Walang nagawa ang bata kundi any tumalikod at bumalik sa kanilang bahay, dala-dala pa rin ang mangkok.

Hindi ko na alam kung ano ang nangyari pagkatapos noon. Nang hapon na iyon ay nagtungo ako sa munisipyo upang ipaalam ang aking project at makipag-meeting sa mayor. Doon ay siya pa ang nagmungkahi na ang architect at engineer ng munisipyo ang gumawa ng plano para raw ma-highlight din ang mga talento ng mga taga Bauko, Mountain Province. Napasarap ang aming discussion tungkol sa project. Tuwang-tuwa siya dahil sa wakas daw ay magkaroon sila ng isang five-star na hotel at magandang resort na siguradong dadayuhin ng mga turista. Inimbitahan pa niya ako sa isang maliit na bar ng lungsod at doon ay nag-inuman kami.

Maga-alas 12 na ng hatinggabi nang ako ay nakauwi. Habang ipinarada ko ang aking sasakyan sa makipot nitong daanan, hindi ko namalayan na lumampas na pala ang isang gulong nito sa patag na daan hanggang sa tuloy-tuloy itong gumulong-gulong pababa ng burol. Iyon ang huli kong natandaan.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nawalan ng malay ngunit nang nagising ako, medyo madilim ang paligid at tanging lampara lamang ang nagbigay ilaw rito.

“Ahhhh!” ang ungol ko nang pinilit kong bumangon. Masakit ang aking ulo, kaliwang siko at kaliwang binti nang iginalaw ko ang aking katawan.

“O-okay ka lang Sir?” ang narinig kong tanong. Nang inaninag ko ang mukha ng taong nagsalita, nakita ko si Jeyrick.

“S-saan ako naroon?”

“Nasa bahay niyo po, Sir. Pasensya na, hindi kita nadala ng ospital. Wala na kasing dumadaan na sasakyan. Inilabas na lang kita sa iyong sasakyan atsaka dinala rito sa bahay mo. Kumusta ka na?”

“O-okay lang…”

“Bukas ay dadalhin ka namin sa ospital…”

“Huwag na.. huwag na. Okay lang ako. Naka-seat belt naman ako di ba?” ang sagot ko.

“Opo. Pero mas mabuti kasi Sir kung masusuri ka ng doktor. B-baka may bali ka, o ano, maggamot kaagad ito.”

“Hindi na. Malakas ako” ang sagot ko. “Kaya ko ito.” Pakiramdam ko kasi ay wala namang malaking damage sa aking katawan. Nagagalaw ko ang aking mga kamay, maliban sa aking kaliwang binti at kaliwang siko, Nahihilo pa rin ako, gawa siguro ng aking nainum nang nakaraang gabi.

“Kung mamarapatin po ninyo Sir, marunong po akong maghilot. Nakakapa ko po kung may bali sa buto o pilay.”

Hindi ako nakakibo agad. “Magaling ka ba talaga?”

“Sabi nila po…”

“Okay…”

Dali-dali siyang dumungaw siya sa bintana at tinawag ang kanyang kapatid. “Jeymar! Dalhin mo nga rito ang langis?”

Maya-maya ay dumating ang kanyang kapatid, iyong nagdala ng pagkain sana sa akin. Dala niya ang isang bote na may lamang nangingitim na liquid.

Kinuha niya ang bote mula sa kanyang kapatid. Pagkatapos ay binuksan ito at nilagyan ang kanyang palad ng laman nito.

Mistula naman akong nandiri sa aking nakita. Una ay ang langis na galing sa bote, mukha siyang marumi, may nakikita akong kung anu-anong nasa loob nito. May parang buhok, may parang mga bato, may parang mga maliliit na sanga ng kahoy. Tapos, iyong kanyang kamay. Alam kong ganoon naman talaga ang kulay ng balat niya ngunit parang mukhang marumi.

“A-ano ang laman ng bote ng langis?” ang tanong ko.

“Mga halaman at ugat po ito ng kahoy, Sir sa gubatclamang matatagpuan. Nakakagamot po ito ng kung anu-anong karamdaman. Kaya po siya inihalo rito sa langis. Kapag hinihilot po kasi ay dapat may oil dahil ang balat ay papasukan pong hangin kapag hindi lalagyan ng oil.”

“Wala bang iba? Like lotion or vicks?”

“Wala po Sir…”

“Okay, sige… iyan na lang.” ang pagpayag ko rin. Wala naman akong choice.

Kaya itinuloy niya ang kanyang ginawa. Ang una niyang hinilot ay ang aking noo. Hinagod niya iyon patungo sa gilid. Pagkatapos roon ay ibinaba niya ang kanyang paghilot sa aking leeg.

Halos magkaparehas lang naman sa masahe ang kanyang ginawa, ang kaibahan lang ay mas marami ang paghagod ng kanyang kamay at daliri. Sa masahe kasi, minsan ay pinapalo-palo o tinatampal-tampal ang iyong balat ng palad ng masahista.

Nang matapos na siya sa aking leeg, tinanong niya ako. “Maari po bang tanggalin po ninyo ang inyong t-shirt?” ang tanong niya.

Tumalima ako. Doon na ako magsimulang umaray. Masakit kasi ang aking siko. Pinilit kong hilahin ang dulo ng aking t-shirt kahit halos hinid ko kaya ang sakit. Tinulungan niya ako hanggang natanggal ito sa aking katawan.

Hinilot muna niya ang aking kaliwang kamay. Nang ang siko na ang kanyang pinisil, nalaman kaagad niyang may pilay ito. “Pilay ito, Sir. Ngunit nagagamot naman ito ng hilot.” Ang sabi niya.

Talagang nagtyaga siya sa paghilot sa parteng iyon. Maya-maya lang ay kaya ko na ang sakit at naaangat ko na ito nang bahagya.

“Lalagyan natin iyan ng salumbaba.”

“A-ano iyon?”

“Iyong tela po na ilagay sa siko mo at itali sa iyong leeg upang huwag magalaw ang iyong siko.”

“Ah sling...”

“Opo...”

Nang matapos na siya roon ay hinilot naman niya ang aking dibdib at pagkatapos ay ang tiyan. Sa totoo lang, halos hindi ko maisalarawan ang aking naramdaman. Nasarapan ako sa kanyang paghihilot. Ang galing ng kanyang mga kamay na halatang eksperto sa paghanap sa mga pressure points at litid ng mga buto at ugat, at muscles. Ang sarap ng aking pakiramdam habang hinihilot nyia ako.

Nang matapos na siya sa aking dibdib at may bandang tyan, pinaupo niya ako. Doon ko na muling naramdaaman ang sakit ng aking kaliwang binti. “Arrrggghh!” ang sigaw ko.

“Sa tingin ko Sir ay may bali kayo sa binti. Makikita ko iyan maya-maya pagkatapos ko rito sa iyong likod.” Ang sambit niya. Hinilot niya ang aking likod at ganoon uli ang aking naramdaman. Ang sarap niyang maghilot.

Nang matapos na siya roon. “Sir, pede nating tanggalin ang pantalon mo?”

“Kailangan pa ba?”

“Mas maigi po para masalat ko kung may bali ang mga buto mo sa binti o wala.” Ang sagot niya.

Kaya tumalima uli ako. Dahil sa sakit ng aking kaliwang binti at kaliwang siko kapag gumalaw ako ay humiga na lang ako at siya na ang nagtanggal ng butones at zipper ng aking pantalon. Para akong naiilang na hindi mawari habang dumadampi ang kanyang kamay sa aking pagkalalaki nang gawin niya ang pagtanggal ng butones at zipper. Pagkatapos noon ay dahan-dahang hinila niya ang aking pantalon pababa.

Nang brief na lang ang natirang saplot sa aking katawan ay sinimulan na niyang hilutin ang aking ibabang katawan, simula sa hita na talaga namang ikinakakiliti ko. Hindi kasi sanay ang katawan ko sa hilot. Iyong hinahagod niya ang kanyang mga daliri habang idinidiin ito sa laman ng aking hita. Tila mamatay ako sa sobrang kiliti. Kinagat ko pa ang aking unan upang huwag lang tumawa o bumigay. Iyong pakiramdam na gusto mong yumakap ng tao at durugin siya sa iyong lakas dahil sa sobrang kiliti, o di kaya ay manghablot ka ng buhok o mangagat ng sobrang lakas.

“Arrrgggghhhhhh” ang pinakawalan kong ungol sa bawat pagdiin at paghagod niya sa aking hita. Hanggang sa hindi ko na namalayan na tumigas na pala ang aking pagkalalaki na agad ko ring tinakpan ng aking palad. “Tangina! Tinigasan ako. Ang mahina kong sambit sa kanya.” Sa sobrang hiya ko.

“Nilingon niya ako at nagkasalubong ang aming mga tingin. Kahit may kadiliman, kitang-kita ko ang kanyng pagngiti at ang dalawang dimples sa kanyang magkabilang pisngi. Ewan, pero pakiramdam ko ay mas lalo akong nalibugan sa aking nakitang pagngiti niya. Nakakabighani kasi ang kanyang muka. Maamo, kaakit-akit. Noon ko lang na-appreciate ang ganda ng kanyang mukha. Ang kanyang kapogian. “Sensya na Sir. Need ko lang kasing lakasan talaga para maganda dama mo ang resulta… ngunit kung ayaw mo, okay lang, hihinaan ko.”

“No-no-no… O-ok lang. Okay lang. Ituloy mo lang.” ang sagot ko.

Hindi na siya umimik. Naka-focus na lang siya sa kanyang pagmamasahe. Dedma lang siya sa naghuhumindig kong pagkalalaki sa ilalim ng aking brief.

“Ilang taon ka na, Jeyrick?” ang tanong ko.

“18 po Sir…” ang maiksi niyang sagot habang patuloy pa rin siya sa paghihilot.

Iyon lang. Hindi na ako nagtanong pa. Hindi ko kasi alam kung saan ko ilulugar ang sarili. Parang awkward. Nagalit ako sa kanya sa una, at papalayasin ko pa siya sa lupa namin, ngunit heto naman, magkakaroon yata ako ng utang na loob. Sa isang banda rin, naisip ko na iyong ginawa niyang pagsagip sa akin ay kabayaran na niya iyon sa paggamit nila sa lupa namin ng walang kapalit.

Natahimik na lang kami sa puntong iyon. Hanggang sa di ko na napigilan ang aking sarili at, “ARRGGGGHHHH!” ang sigaw ko.

“Iyan ang bali, niyo, Sir. Ito yata ang nagdaganan ng sasakyan mo nang mahulog kayo sa burol.”

“Shit!” ang sambit ko.

“K-kaya mo bang gamutin ito?”

“Kaya po. Lalagyan natin ito ng braces na kahoy atsaka tapalan ang apektadong parte ng mga dahon upang maibsan ang sakit at pamamaga. Kaso, hindi ka puwedeng maglakad o tumayo ng mga ilang araw…” ang sambit niya.

“M-may hospital ba rito?” ang tanong ko. Medyo natakot na kasi ako sa sinabi niyang bali.

“Nasa syudad ang magandang hospital rito, Sir. Mga limang oras pa ang biyahe. Nasa Baguio City mismo. Gusto mong magpa-ospital?”

Napaisip ako. Malayo rin pala. Tiningnan ko siya. “S-sige, titingnan ko bukas kung magpapa-ospital ako. O baka oobserbahan ko muna. Kung lalala siya, saka ako magpa-ospital.”

Natapos ang kanyang paghilot sa akin na hindi niya ako iniwan. Dahil may alas 4 pa naman iyon ng medaling araw, doon na siya nahiga sa sahig, sa ibaba ng aking kama. Iyon ang huli kong natandaan at nahimbing na ako, dala ng sarap ng pakiramdam ng paghilot niya sa akin.

Nagising ako ng may alas 7 ng umaga. Nakahiga pa rin si Jeyrick sa sahig naka-baluktot na nakatagilid, ang dalawang kamay ay inipt ng kanyang hita. Malamig kasi at wala pa siyang kumot at unan. Doon ko naalala ang nangyaring aksidente sa akin ng nakaraang gabi at ang pagsagip ni Jeyrick sa akin pati na ang paghilot niya sa akin.

Tila may kakaibang naramdaman ako para sa kanya, sa ayos niyang iyon. Pagkahabag ba, paghanga, di ko lubos maipaliwanag. Ang alam ko ay may ugali akong pagka-matapobre, istrikto, mayabang, spoiled, at ni minsan ay hindi ako naaawa sa mga tao. Iyan ang sabi nila. Ang paniniwala ko kasi tungkol sa mga mahihirap ay dahil kagagawan din nila ito, dahil mga tamad sila, o di kaya ay mga bobo, mahihina ang mga utak dahilan upang hindi makapaghanap ng matitinong trabaho dahil sa kabobohan. Ang iba naman ay may bisyo, sugal, inum, walang klarong direksyon. At ang malala pa ay mahirap na nga, sila pa itong anak nang anak, ang iba ay may mahigit pa sa isang dosenang mga anak. Kaya lalo silang naghihirap. At hindi sila dapat kaawaan dahil deserve nilang maging mahirap.

Ngunit tila nag-iba ang pananaw kong iyon kay Jeyrick. Napakabait pala niya, at napakasipag. At habang tinitigan ko siya, lalo pang humanga ako sa kanyang angking kaguwapuhan. Napakaamo ng kanyang mukha. Napaka-inosente! Tila sa isang anghel na walang kamuwang-muwang.

Nang bigla siyang nagising at nagkasalubong ang aming mga tingin, tila binuhusan naman ako ng malamig na tubig. Para akogn nakaramdam ng hiya. Mistula rin siyang nagulat na nakatingin ako sa kanya. Parang nagkahiyaan kaming dalawa ay sabay na ibinaling namin ang aming mga paningin sa magkaibang direksyon. “Ay… sensya na po Sir. Mukhang nahuli akong gumising.” Ang sambit niya habang tumihaya at umunat.

Nang tiningnan ko naman ang harapan niya nang nasa ganyan siyang pag-unat, bumulaga sa aking paningin ang malaking bukol sa kanyang harapan. At nang inunat pa niya ang kanyang kamay sa kanyang harapan kasabay sa pagdiin ng palad niya sa kanyang malaking umbok, mistula naman akong kiniliti. Gusto kong tumawa sa aking napansin. Ngunit hindi ko na lang ito ipinahalata sa kanya.

Pagkatapos ay nagmamadaling tumayo siya. “Punta muna ako sa bahay, Sir.”

Nagulat man sa pagmamadali niya, sumang-ayon na rin ako. Ngunit tinanong ko na rin siya. “A-ano ang gagawin mo sa bahay mo?”

“M-magluto ako ng agahan natin...” nahinto siya, “K-kumakain ka ba ng Etag?” ang tanong niya.

“A-ano iyan?”

“Huwag na lang po... m-magprito na lang ako ng itlog, at... m-may isda rin naman, p-puwedeng i-prito rin.”

Napangiti naman ako. “Kahit ano, Jeyrick subukan kong kainin. Kahit iyong pinikpikan pa.” ang sambit ko, pahiwatig sa ibinigay niyang pinikpikan na hindi ko tinanggap.

Napangiti rin siya. At ewan ko ba, tila nagkaroon na ako ng matinding allergy sa ngiti niya. Para kasing may kakaiba. Parang feeling ko ay kakaibang saya siyang naramdaman sa ngiting iyon bagamat parang may talinghaga ring dala. Iyon bang sinabayan pa talaga niya ng paggalaw ng kanyang kilay na animoy kinindatan ako. Ewan ko, basta ang ngiti niyang iyon na yata ang pinakamagandang ngiti na nakita ko sa tanang buhay ko. OA mang sabihin pero kung intensyon niya talagang pakiligin ako, kahit alam niyang lalaki ako, nakuha niya ang gusto niya. Baklang-bakla ako sa pagngiti niya. At hindi lang baklang-bakla, lumulutang pa ako sa ikapitong alapaap kung saan man iyon. Masakit ang aking pilay at bali ng buto ngunit nagtatalon ang aking damdamin sa tuwa na hindi ko mawari kung bakit.

Dali-dali siyang nagtatakbo patungo sa kanilang bahay. Sinundan ko siya ng tingin habang palabas ng kuwarto.


(Itutuloy)

8 comments:

  1. Nakakarelate ako sa kwento dun kay carrot man sa klase ng pamumuhay. Ang ganda ng story nila hahahhaha

    Banana Man

    ReplyDelete
  2. Nakaka excite naman to! Sana masundan agad hahaha.

    -44

    ReplyDelete
  3. omg wow ang gnda ng kwento nkakainspired nman

    ReplyDelete
  4. Ay bitin. Update agad Sir ha?

    ReplyDelete
  5. Sa bauko po may malaking regionall hospital doon at kompleto na po sila ng kagamitan dun. Ang pangalan ng hispital ay Luis hora regional Hospital

    ReplyDelete
  6. Wowwwww ... ang bilis.
    Ehhehe..

    Idol babe mike.. Buti tapos ko na nabasa sa fb.

    ReplyDelete
  7. Teban bago dp mo?

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails