Followers

Thursday, March 3, 2016

Unconditional - Chapter 9

Hi, guys!

Pasensya na kung medyo natagalan ang chapter na ito. Busy rin kasi sa office at sa pagtapos ng thesis ko. Sana magustuhan niyo!

Let me know your thoughts through the comments.

Happy Reading!

--


Chapter 9

Marco.

Inintay kong matapos si Janine sa kanyang dance practice bago ko ito yayaing magmerienda para naman ma-orient ako sa mga nangyari sa buhay ni Kyle sa loob ng tatlong taon kong pagkawala. Sinabihan ako nitong intayin ko lamang siya sandali dahil magpapalit lamang daw siya ng damit na siya namang sinunod ko. Habang naghihintay ay napukaw ang atensyon ko ng dalawa nitong kasama sa troupe: isang lalaki at babae na tila ba ay nagkakamabutihan. May sinasabi iyong lalaki doon sa babae na dahilan para mapahagikgik ang huli. Napangiti na lamang ako dahil mahirap mang aminin ay hinihiling kong sana ay dumating din kami sa point ni Kyle kung saan gagawin namin ang ginagawa ng dalawang taong nasa harap ko.

Bigla namang niyakap ng babae iyong lalaki na siyang dahilan para mapangiti ito. Hindi ko mapigilang mainggit at mag-alala sa mga nakita ko. Naiinggit ako dahil matagal ko na rin kasing gustong may makasamang tao na kung saan ay magagawa ko iyon—ang yakapin ito, halikan, lambingin. Pero ang mas ikinakatakot ko ay ang posibilidad na baka hindi pa pala ako handa para sa ganoong uri ng relasyon, much more sa isang relasyon kasama ang isa pang lalaki. Ngunit isang bagay naman ang sigurado ko: mahal ko si Kyle. Binuro ng maraming taon itong natutulog kong damdamin at hindi ko maiwasang hindi mainis sa sarili ko dahil nagpakatanga ako sa mga panahong mahal pa niya ako. Sinaktan ko pa siya dahil sa pagiging gago ko at sarado ang isip. Iniwan ko pa ito kung kailan nasa kalagitnaan siya ng isa sa mga pinakamababang bahagi ng buhay niya. Nasaktan ko ito sa loob at sa labas. Umabot pa nga sa muntikan niyang pagkamatay ang kagaguhang ginawa ko rito.

Dahil dito ay iniisip ko kung tama nga ba itong mga ginagawa ko. Marami ng nagsabi sa akin sa London na dapat daw ay tuluyan ko ng kalimutan si Kyle at hayaan itong mamuhay ng tahimik. Ngunit tila ba mas nangibabaw pa rin ang kung anuman ang nararamdaman ko sa kanya at ang kagustuhan kong ibalik ang dati naming samahan at itama ang mga nagawa kong mali noon.

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang makaramdam ako ng kalabit sa aking balikat. Nang lumingon ako ay nakita ko si Janine. Nginitian ako nito at naupo sa tabi ko.

“Ang sweet nila, noh?” sabi ko sa kanya, sabay turo doon sa dalawang taong naglalandian sa harap namin. Nagulat naman ako nang mapairap siya.

“Nako, iyang dalawang naglalandian! Si Charie ‘yan at si Anton. Girlfriend ‘yan ni Isaac!” pagpapaliwanag niya sa akin na tinanguan ko. “Ay wow,” ang tanging naging reaksyon ko dahil obvious naman na hindi lamang magkaibigan ang dalawang ito. “Diyos ko, ewan ko ba sa babaeng ‘yan. Ang ayos-ayos na ng boyfriend niya naghanap pa ng iba. At ‘yang si Anton pa! Tsk, tsk,” napapailing na opinyon nito.

“Si Isaac ba sobrang crush ni Kyle?” tanong ko dito na medyo nahihiya.

Napangisi naman ito dahil sa naging tanong ko. “Ay nako, seloso ka pala! Pero to be honest, oo. Si Kyle kasi bihirang magka-crush ‘yan. Sobrang mapili. Ang dami ko ng ni-refer diyan dati pero wala siyang natipuhan. Well, may karapatan naman siya maging choosy. Pero si Isaac kasi ‘di ba? Iba ‘yung pagdadala niya sa sarili niya, eh. Bonus na lang ‘yung mukha talaga siyang mabait at malinis,” paliwanag niya.

“Pero siguro dahil straight ‘yun at may Seb naman siya hindi –“

“Huh? Sino si Seb?” gulat kong tanong. Hindi ko akalaing nagkaboyfriend pala itong si Kyle!

“Boyfriend niya. I mean, ex niya,” sagot niya. Base sa tono ng pananalita niya ay tila nararamdaman kong parang ayaw nitong magkwento, ngunit nagpumilit ako.

“Anong nangyari sa kanila? Bakit sila nagbreak? Nasaan na siya ngayon?” sunud-sunod na tanong ko.

“Teka lang! Ayoko magkwento eh…” nag-aalangang pilit niya sa akin.

“Please! Nangako kang tutulungan mo ako. Kailangan kong malaman kung ano mga nangyari kay Kyle habang wala ako. Para na rin maintindihan ko siya,” pagpaptuloy ko. Panandalian siyang natigilan, clearly ay nagdedebate sa sarili niya kung dapat ba niyang ikwento sa akin ang nangyari sa relasyon ni Kyle at kung sino man iyong Seb na iyon.

Bumuntong-hininga na lamang ito.

“So ano nga ba nangyari sa kanila?” maingat na tanong ko rito.

Napansin kong tila nawala ang normal na saya sa mukha nito. Bumagsak ang mga balikat nito at tila nabalot ng lungkot ang mga mata niya.

“Seb and Kyle… siguro sila na ‘yung pinaka-ideal na couple na kilala ko. Sobrang mahal na mahal nila ‘yung isa’t-isa. Iyong tipong kitang-kita mo talaga sa mata nila. Bigla na lang liliwanag kapag magkasama sila. Iba ‘yung aura nila. Sobrang saya ni Kyle noon. Sobrang minahal niya si Seb, kaya naman ganoon na lang siya nasaktan noong…” pagsasalaysay ni Janine bago ito matigilan na siyang dahilan para mapatingin ako sa kanya.

Hindi ko inaasahang makita siyang lumuluha.

“Anong nangyari?” concerned kong tanong.

“He died,” halos bulong na sagot niya.

“What?!” hindi ko makapaniwalang reaksyon.

“Yes, it’s only been two months, Marco. At ang masakit pa roon, hanggang ngayon hindi alam ni Kyle kung nasaan si Seb. Wala na siyang balita mula sa family nila. Ni hindi man lang siya nakapagbigay ng respeto sa labi niya. Tumawag na lang ‘yung kuya ni Seb one day at saka binalita kay Kyle ang nangyari. Kung nakita mo si Kyle noon, oh God, sobrang wasak niya. He had to stay at Luke’s para may magbantay sa kanya, para wala siyang gawin masama sa sarili niya. Palaging sinasabi ni Kyle na papaano pa siya mabubuhay kung ‘yung dahilan niya para mabuhay eh wala na,” umiiyak na pagpapatuloy ni Janine.

Nanatili akong tahimik dahil sa pagkabigla sa mga nalalaman ko.

“So you see, sana bigyan mo pa ng oras si Kyle. Huwag mo siyang madaliin kasi kahit ngayon, kahit mention lang ng pangalan ni Seb, natutulala pa rin siya. Hindi pa siya nakakarecover, Marco. Sana maintindihan mo iyon. But at least I’m happy na may isa pang taong magbabantay sa kanya,” pakiusap niya sa akin.

“Of course, of course. Naiintindihan ko,” pag-aasure ko rito.

“Sorry ang drama ko. Sobrang lungkot lang kasi. Anyway! Huwag tayong ganito! Ikaw naman magkwento! Paano ba kayo nagkakilala ni Kyle?” pilit ngiti niyang tanong.

“Boring naman ‘yung kwento namin,” saad ko sa kanya.

“Nako, for sure hindi iyan. Gusto ‘yung mga ganyang love story, eh. At saka tingin ko maraming nangyari sa inyo kasi noong first day sobrang galit sa’yo ni Kyle,” sagot niya na siyang ikinatahimik ko.

“Oh, bakit ka natahimik diyan?” tanong nito.

“Marami kasing nangyari, eh,” simpleng sagot ko. “Huwag na lang nating pag-usapan,” dagdag ko pa na siyang dahilan para hampasin niya ako. “Aray!” protesta ko. “Ang daya mo talaga! Ako nga nagkwento tapos ikaw ayaw mo? Ang unfair mo! Sige ka, hindi na kita tutulungan!” banta nito sa akin kaya naman wala na akong nagawa.

“I almost killed him,” malungkot kong pagsisimula.

--

Flashback.

“Nakakainis lang kasi siya lang ‘yung nagde-desisyon para sa future ko! Ni hindi man lang niya ako tinatanong kung ano ang mga gusto kong plano sa buhay,” paglalabas ko ng sama ng loob sa kaibigan kong si Lora na siyang unang dumating sa mga kaibigan ko. Kasalukuyan kaming nasa loob ng kwarto ko gawang hinihintay pa namin sina Luke at Kyle makarating dito para sa sleepover namin sa bahay.  

“Siguro gusto lang ng mama mo talaga kung ano sa tingin niya ang makakabuti sa iyo. Magulang mo siya, eh,” pagrarason nito na siyang dahilan para mapailing na lamang ako. “Pero hindi man lang niya ako sinabihan. Binigla niya ako, eh. Hindi ako handa. Masaya na ako dito, eh. Ayokong umalis!” pagpapatuloy ko. Hinagod lamang nito ang likod ko bilang tugon.

“Alam na ba ni Kyle?” tanong niya na siyang ikinatigil ko. Umiling lamang ako at bumuntong-hininga. “Hindi pa. Isa pa iyang inaalala ko. Sigurado akong malulungkot iyon,” pag-amin ko kay Lora. “Speaking of Kyle, nasaan na ba sila ni Luke?” tanong ko, sinusubukang palitan ang napag-usapan namin. “Sabi ni Luke nandiyan na daw sila sa kanto,” sagot nito matapos basahin ang text ni Luke sa phone niya.

--

“Okay, wait lang medyo may tama na ata ako,” rinig kong bulong ni Luke kay Kyle na siyang tinawanan ko. “Ang hina mo talaga!” pang-aasar ko dito ngunit gayonpaman ay nararamdaman ko na rin ang tama ng alak at ang init ng katawan. Ito kasing si Lora ay napakaraming alam na drinking game na hindi ko rin alam kung saan niya napulot. Ang kasamaan pa noon ay ang ilang mga huling shots ni Kyle ay ako na ang sumasalo bilang alam kong hindi ito gaanong mahilig uminom.

“Guys,” si Lora. “Matagal na tayong magkakaibigan. And sa totoo lang, sobrang nagpapasalamat ako at kayo ang mga naging kaibigan ko,” pagsisimula nito. Lahat naman kami ay napukaw ang atensyon sa sinabi nito bilang bihira itong magseryoso. “Kaya gusto ko sanang magkaroon tayo ng isang bagay na lalo pang magbubuklod sa ating lahat,” dagdag pa nito.

“Anong pinagsasasabi mo?” tanong ni Kyle.

“Dahil matagal na tayong magkakaibigan, siguro panahon na para magsabi tayo ng isang bagay—isang sikreto—tungkol sa mga sarili natin na hindi alam ng ibang tao o ng ilan sa atin. Ano sa tingin niyo?” tanong nito. Nagulat naman ako sa biglang naging reaksyon ni Kyle.

“Lasing ka na nga! Ayoko niyan. Matutulog na ako!” pagtutol nito kaya naman pinigilan koi to.

“Sino sa atin ang hindi pabor?” tanong ko sa kanilang tatlo. Wala naman akong nakitang reaksyon mula kay Luke at Lora. “See? Ikaw lang ang KJ! Tama si Lora. Matagal na tayong magkakaibigan kaya dapat may tiwala tayo sa isa’t-isa,” pagrarason ko. BUmuntong-hininga si Kyle at napasabunot sa buhok niya na siyang lalo ko pang pinagtaka.

“Bakit mo ‘to ginagawa, Lors?” nagmamakaawang tanong nito sa babae. “Para sa’yo din naman ‘to, para sa atin. Guys, ‘di ba tatanggapin naman natin lahat kahit anong marinig natin kasi magkakaibigan tayo?” tanong nito na siyang sinang-ayunan naming dalawa ni Luke. At habang sinasabi ni Lora iyon ay hindi ko mapigilang hindi maging curious sa kung anuman itong ikinane-nerbyos ni Kyle.

“Ako na lang mauuna,” sambit ni Luke. “Sa tingin ko maghihiwalay na ang parents ko,” sagot ni Luke na siyang ikinagulat naming lahat. Magsasalita na sana ako nang biglang pinigil ako ni Luke. “Relax, guys. Hindi ako iiyak. Wala naman akong pakialam na. Matagal ko ng naramdaman na mangyayari ito eventually,” resigned na dagdag pa nito.

“Sorry hindi namin alam,” pakikisimpatya ni Kyle. “Okay lang. Basta alam ko ikaw rin may kailangan kang sabihin,” sagot niya na siya pang lalong nakapagpataka sa akin.

“Okay, ako naman…” pagsisimula ni Lora. “Remember the time noong nagalit kayo kay Jasper kasi nagcheat siya sa akin? Well, nagsinungaling ako,” saad ni Lora na siyang nakagulat sa amin lahat. Magrereact na sana kami nang bigla niya kaming putulin. “Yes, sisihin niyo na ako pero hindi talaga ako masaya sa kanya at that time. Naisip ko lang na kung may tatlong lalaki namang pprotekta sa kasinungalingan ko, okay na. Alam kong mali at napaka-immature pero ayon. I am coming clean about this na,” dagdag niya pa. For some reason ay naintindihan naman namin ito.

“Okay lang ‘yan, Lora. At least naging honest ka sa amin. Ito rin naman ang point ng activity na ‘to, ‘di ba?” tanong ko sa kanilang lahat na siyang sinang-ayunan naman nila.

“O, Kyle. Ikaw na. Wala ka bang sasabihin kay Marco? Siya na lang hindi nakakaalam,” si Lora.

“Anong sinasabi nila? May hindi ba ako alam, Kyle? Kahit ano pa ‘yan, sabihin mo na. Nakakatampo ka, ha,” sabi ko sa kanya. Alam kong may itinatago ito sa akin at kahit pa tila ako na ang huling makakaalam ay hindi ko na lamang pinahalata ang inis ko at imbes ay inencourage ko pa ito dahil kilala ko siya. Kapag nakita niya ang inis sa akin ay malamang hindi ko na malalaman kung anuman iyon.

“Guys, huwag niyo naman gawin ‘to oh. Please,” pagmamakaawa nito. Napapansin kong tila ba nanginginig na siya at mangiyak-ngiyak na. Malamang dahil sa alak na rin, pero ano bang meron at nagkakaganito ito.

“Kyle, bestfriend mo si Marco. Dapat niyang malaman,” utos ni Luke.

“Pero…” si Kyle.

“Kung ano man iyan, sabihin mo na. Makikinig ako. Ano ba ang problema?” tanong ko rito. Napakagat naman ito ng labi.

“Hay nako, Kyle! Kung hindi mo sasabihin ako na lang!” banta ni Lora.

“Tangina naman! Huwag ganyan!” pabalang na sagot niya kay Lora.

“Dammit, Kyle! Sabihin mo na kasi!” utos ni Luke.

“Bakla ako, okay! O, masaya ka na?! Marco, ayan na! Alam mo na! Putangina!” galit na bulyaw nito sa aming lahat.

--

“I stopped talking to him that time. Noon, hindi ko pa alam kung bakit pero sa totoo lang, wala naman talaga akong problema sa sexuality niya, eh. Ang kamalian ko is that parang napa-realize ko na meron. Iyon ang mali ko, kaya naman all this time he thought na hindi ako pabor sa orientation niya, na hindi naman totoo. That was the least of my problems. Ngayon na-realize ko na takot lang pala talaga ako. Pinilit kong ininhibit ‘yung mga damdamin na nagpupumilit lumabas. Ang tanga ko, Janine. Kung naging matapang lang pala ako dati eh di sana masaya pa siguro kami ngayon. Sana hindi na nangyari si Seb. Sana hindi na siya nasaktan,” paglalabas ko ng sama ng loob.

“Ano bang naging reaksyon mo after that?” tanong nito.

“Like what I said, I stopped talking to him for a few days. Tapos bigla ko na lang siya binisita na parang walang nangyari. I never dared talk about it. What’s worse, pinilit kong magka-girlfriend that time, kasi nga defense mechanism ko. Hindi ko pa alam noong time na iyon na may gusto siya sa akin kaya naman wala akong idea na ‘yung ginagawa ko was killing him inside,” sagot ko. Tumango naman ito para iparating sa akin na tila naiintindihan niya ang nangyari.

“Iyon ba ‘yung sinasabi mong you almost killed him?” tanong niya. Napangiti ako ng mapait dahil doon.

“No, I meant that in the literal sense,” nanginginig kong pag-amin rito. “I really did, dahil pinabayaan ko siya. Kahit pa pinakita kong walang problema, alam kong napansin niya ‘yung pag-iwas ko. Kahit sinasamahan ko siya, lumalayo ako, dumidistansya ako. Kapag kumakain kaming barkada, kay Luke ako tatabi or kay Lor. Kahit sino maliban sa kanya. Hindi na rin ako sumasama sa mga sleepovers, lalo na kapag sa kanila, Likewise, tinigil ko na rin ang pagho-hold ng sleepovers sa amin. But I overdid it. I was ignoring him kahit magkasama kami, and iyong isang beses na ginawa ko, muntik na siyang mamatay dahil pinabayaan ko siya.

Nasa school siya noon. Ginabi siya. Hindi ko pa alam noon na may inaayos pala siya sa office niya sa school paper. Around 9 pm na noon. Nagkataon namang nasa area ako at alam kong alam niya iyon. Nasa bahay ako ng groupmate ko na katapat lang ng school namin, gumagawa kami ng art project noon. Sa kanila ako natulog. Tinawagan niya ang cellphone ko, paulit-ulit. Hindi ko sinagot… The next day… kinabukasan,” natigilan ako dahil hindi na kinaya ng emosyon ko at tuluyan na akong naiyak.

“Sorry, sorry,” paghingi ko ng paumanhin. Naramdaman ko ang paghagod ni Janine sa likod ko.

“Huwag mo ng ituloy kung hindi mo na kaya,” pag-aalo nito sa akin. Umiling ako. “No, no. Kailangan ko. Kailagan ko na ring ikwento. Matagal ko na ‘tong tinago, eh… Kinabukasan noon, tinawagan ako ng kuya Ian niya, sinabing nasaksak si Kyle pauwi at dinala sa ospital. Pinagalitan ako ng kuya niya, sinisi ako sa nangyari. Kundi pa daw may nagmagandang loob na tulungan siya baka daw hindi na siya naihabol sa ospital.

Janine, he called me for help! Tinawagan niya ako dahil nasaksak siya, dahil alam niyang ako ang pinakamalapit na tao roon! Alam kong napakahirap para sa kanya gawin iyon dahil nga hindi ko siya pinapansin na, pero dahil nga naghihingalo na siya sa kalye, ako na ‘yung tinawagan niya kasi akala niya tutulungan ko siya. At ang gago ko dahil sa takot ko, sa pride ko! Pinabayaan ko siya. Nakita mo na ba ‘yung tagiliran niya? Hanggang ngayon nandoon pa rin ‘yung peklat niya. Iyong peklat na kagagawan ng katarantaduhan ko!” litanya ko rito.

“Ngayon alam mo na kung bakit galit na galit si Kyle sa akin. Alam mo na kung bakit ganito na lang ang kagustuhan kong mapatawad niya ako,” pahayag ko.

Hindi ko mapigilang hindi magbalik-tanaw sa nangyari sa aming dalawa matapos noon.

--

Flashback.

“Kuya Ian! Please naman, hayaan mo naman akong makita si Kyle!” pagmamakaawa ko sa kapatid niyang kitang-kita pa rin sa mukha ang galit sa akin. “Marco, pwede bang tigilan mo na ang kapatid ko?! Hiningan ka niya ng tulong pero hindi mo siya pinansin dahil diyan sa lintik na pride mo! Nangako ka sa amin, sa pamilya namin, na bilang bestfriend ni Kyle eh aalagaan mo siya, pprotektahan mo siya. Kyle’s been nothing but good to you, tapos ito ang susukli mo sa kanya? And for what? Dahil gay siya? That is so fucking stupid!” pangaral nito sa akin.

“Kuya, please,” nanghihina ko pa ring pagpupumilit.

“Ian, sige na. Hayaan mo na si Marco,” rinig kong utos ng boses ng nanay niya mula sa likod ko Nang mapalingon ako ay nakita ko ang awa nito para sa akin.

“But ma!” pagtutol ni Kuya Ian.

“Pabayaan mo na lang ‘yung bata, anak. Marco, pumasok ka na.” utos sa akin ni tita. “Thank you po, tita!” masayang-masayang pagpapasalamat ko rito. Kaya naman wala na akong sinayang na oras at pumasok na sa kwarto ni Kyle sa ospital.

Hindi ko mapigilang hindi maawa sa kalagayan niya nang madatnan ko siya. Kahit pa mukhang malakas naman ito ay kitang-kitang may iniinda itong sakit. Nang magtama ang aming mga mata ay nakita ko roon ang pinagsamang lungkot at galit nito para sa akin.

“Anong ginagawa mo rito?” simpleng tanong nito sa akin.

“Hindi ko rin alam,” nakayukong sagot ko.

“Anong klaseng rason ‘yan, Marco? Umalis ka na lang kung guguluhin mo lang ako,” pagtataboy nito sa akin. Alam kong may ideya na ito sa pakay ko ngunit alam kong alam rin nito na mahina ako sa mga ganitong bagay.

“I’m sorry, okay? Sorry dahil ang gago ko. Sorry dahil iniwasan kita. Sorry dahil hindi ako ‘yung dumating para tulungan ka. Sorry dahil pinabayaan kita. Sorry dahil walang kwenta akong bestfriend. Sorry, Kyle. Sana mapatawad mo ako,” mangiyak-ngiyak kong paghingi ng tawad rito.

“Ano bang ginawa ko sa’yo at tinrato mo ako ng ganito? Wala naman ‘di ba? Dahil ba iyon sa nalaman mo sa sleepover? Kung dahil lamang doon, that’s total bullshit!” napataas ang boses ni Kyle dahil sa sinabi niya. Magsasalita na sana ako ngunit pinutol niya kung anuman ang sasabihin ko.

“Bakit ka ba nagkakaganyan, Marco?! Putangina, alam mo na kahit ganito ako, ni minsan, wala akong ginawa sa’yo. I never took advantage of you, Marco. Akala mo ba hindi ko napapansin ‘yung mga pag-iwas mo sa akin? Putangina, Marco ramdam na ramdam ko na nandidiri ka, pero dahil bulag ako, dahil bestfriend kita, isinantabi ko lahat ng mga agam-agam ko and instead thought better of you! Na baka dahil paranoid lang ako, at dapat hindi kita pag-isipan ng ganon... pero all this time, it was you!” galit na bulyaw nito sa akin na siyang dahilan para magpantig ang tenga ko.

Ikaw ang sumira sa atin, dahil noong inamin mo ‘yang lintik na pagkatao mo, hindi na ‘yung dating Kyle ang nakikita ko!” balik ko rito, at nang mapagtanto ko kung ano ang nasabi ko ay ginusto ko itong bawiin, pero huli na ang lahat. Nakita ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Kyle na siyang lalong nakapagpasama sa nararamdaman ko.

“Kung hindi mo naman pala ako tanggap, eh bakit ka nagpanggap pa, ha? Marco, ako naging totoo ako sa’yo, pero ikaw ginagago mo lang pala ako! Wala akong ginawa para sirain ang pagkakaibigan natin, Marco. Ikaw ang sumira sa atin! Nagpakatotoo lang ako, at hindi ko na kasalanan kung hindi mo nagustuhan ‘yon... Ang sakit-sakit lang kasi, Marco, na ‘yung taong unang-una kong pinapahalagahan, siya pa ‘yung taong mag-aabandona sa akin! And for what, Marco? For what?” sumbat nito sa akin.

At doon ko na naamin sa kanya ang tunay kong saloobin.

“Kyle, napaparanoid ako na baka dahil sa pagkatao mo... may iba ka ng nararamdaman para sa akin. Lahat ng mga pagpapahalaga mo, lahat ng mga gestures mo, hindi normal para sa magkaibigan gaya natin! Noong una, aaminin ko, na baka dahil sobrang close natin kaya ka lang ganyan, pero noong aminin mo ang katotohanan sa akin... iba na ‘yung mga naiisip ko... Tapatin mo nga ako, Kyle. May nararamdaman ka ba para sa akin?” pag-amin ko rito.

At dito na ako kinabahan. Kung anuman ang maging sagot niya ay hindi ko alam kung paano ako magre-react. Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin. Hindi ko alam kung paano koi yon maiintindihan. Nang mapansin ko ang pagyuko niya ay lalo akong natakot, lalong bumilis ang tibok ng puso ko.

Don’t, sabi ng utak ko.

“Oo, eh,” mahinang pag-amin nito.

At nang makumpirma nga ang hinala ko ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Nagpapanic ang utak ko, bumilis sa normal ang tibok ng puso ko. May naramdaman akong kakaiba sa loob-loob ko na ngayon ko lang naramdaman sa tanang buhay ko.

“Kailan pa?” ang tangi ko na lang nasabi.

“Eversince noong inalagaan mo ako noong grade 6 pa tayo,” sagot niya na siyang ikinagulat ko.

“Ganoon ng kataga?” kalmado kong tanong na siya ring ikinagulat ko.

“Patawad,” sambit nito.

“Ayokong saktan ka,” nanghihina kong sagot sa kanya. Napabuntong-hininga siya at tahimik na umiyak. Kahit pa nakayuko ito ay alam kong umiiyak ito dahil sa paggalaw ng mga balikat niya at tahimik na mga hikbi.

“Wala ba talaga kahit kaunti, Marco?” tanong nito na siyang tuluyang nakapagpatahimik sa akin.

Wala, pagpupumilit ng utak ko.

“Huwag mo ng sagutin iyan. Kalimutan mo na lang ang narinig mo,” sabi nito bago mapatawa ng mapait. Doon ko biglang naalala ang matagal ko ng dapat inamin sa kanya, ang bagay na hindi ko nasabi sa kanya noong sleepover.

“Siguro mabuti na lang rin kung magkanya-kanya na lang muna tayo,” pagsisimula ko.

“Anong sinasabi mo? Marco, kung tungkol ito sa sinabi ko… sorry, pero huwag namang ganito, oh. Please,” pagmamakaawa niya.

“Dapat matagal ko na kasing sinabi ‘to sa’yo, pero natakot ako, at saka hindi ko na nagawa dahil nga sa nangyari sa atin… Kyle, aalis na kami ni mama papuntang London. Doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral ko. Aalis ako the day after our graduation,” pagsasalaysay ko na siyang ikinagulat niya.

“Ano?!” hindi niya makapaniwalang tanong.

“Pag-aaralin ako ni tita Stella doon. Gusto na rin ni mama kasi gusto niyang magtrabaho sa ibang bansa. Alam mo namang mahirap ‘yung buhay namin bilang single parent lang siya. Hindi ko rin gusto ‘to noong una pero sa tingin ko mas makakabuti ‘tong pag-alis ko bago pa tayo tuluyang magkasiraan,” mapait kong pahayag.

“Huwag mo naman akong iwan, oh… Please,” umiiyak niyang pagmamakaawa. At habang kaya ko pa, habang may lakas pa ako ng loob, umalis na ako.

Ayokong saktan pa kita, Kyle.Dahil alam kong gago ako, na ‘yung taong palaging nandiyan sa akin, lagi ko na lang binabalewala! Kaya lahat ng makakaya ko ginawa ko para ipahalata sa’yong walang nagbago sa pagkakaibigan natin. Mas makakabuti pa sa atin kung lalayo ako.

“I’m sorry,” ang huli kong sabi bago ako lumabas ng kwarto niya.

--

“Hanggang graduation hindi ko kinausap si Kyle. The same thing went for him—hindi rin niya ako kinausap. I was convinced back then na sira na talaga ‘yung friendship namin, na wala na akong magagawa para maisalba iyon. Pero pagdating ko sa London, nakita ko ‘yung dad ko. It was the first time na nagkita kami. At doon ko nalaman na kaya gusto umalis ni mama ay para makita ko si papa. Alam niya kasing kapag sinabi niya sa akin ang totoong rason ay hindi ako papayag. I used to hate the fact that she named me Marco Antonio. Antonio pangalan ng dad ko.

Pero deep inside, natuwa ako. Alam ni Kyle kung bakit noong high school nag-aaral ako ng Spanish kapag may free time ako. Dahil pangarap ko one day, makikita ko si papa at makakausap. Si papa rin ang nagparealize sa akin na huwag akong matakot. Kinwento ko sa kanya lahat ng nangyari sa amin ni Kyle. Sabi niya sa akin mahal ko na daw. Noong una ayokong maniwala pero sinabi niya rin na kapag nagmahal ka, kadalasan may kasama talagang takot, takot makasakit, takot masaktan. Ito daw ‘yung dahilan kung bakit mahirap aminin sa mga sarili natin na nagmamahal tayo. Ang dami kong natutunan sa kanya. Kaya rin ako bumalik dito dahil sa advice niya,” pagkkwento ko kay Janine.

“Pero ngayong alam ko na broken pa siya, gagawin ko ang lahat para tulungan siya makabawi. I will be there for him kahit ipagtabuyan pa niya ako,” pagtatapos ko.

“Masaya ako na may isa pang taong magbabantay sa kanya,” sagot ni Janine.

“Of course. Lahat naman gagawin mo kapag mahal mo, eh,” sagot ko sa kanya.


5 comments:

  1. Such a nice story. Ngayong mas nakilala ko na si Marco, masasabi kong ndi gaanong masama yung ginawa nya k Kyle. Talagang ang suffer lng sya sa confusion and in denial stage. At sa pagbabalik nya ngayon makikita mong pure yung intention nya to Love Kyke although konti p rn syang doubt. At yung k Seb ndi ko alam kung weird lng ba ko dahil naiisip kong buhay pa sya at tinatago lng ng family nya k Kyle or si Seb mismo ang my gusto. Anyway thanks po sa update, kudos to you sir A. LIM

    ReplyDelete
  2. so ayun pala ang dahilan,sana bumalik ang dati nyong samahan para maging masaya na si kyle. pero paano naman si isaac kung nahulog na pala sya kay kyle?

    bharu

    ReplyDelete
  3. Ayeeeee.. Buanga diay kaau ni Marco.. Nah kung mao iyang plano mglisod sya ug madugayan pa. Dabeg buhi si Kyle.

    ReplyDelete
  4. Sir A! Matagal na po akong hindi nakakabisita dito ulit. I am just very happy na nakita ko ulit yung bagong story niyo at saktong nagbabalik-loob na ako bilang reader ng MSOB! Iba pa rin talaga ang mga kuwento niyo sir! Lagi po akong mag aabang ng mga updates niyo! Woohoo! - Ken

    P.S. Sana lang if ever may paraan para ma contact ko kayo or something. Huhuhuhu.

    ReplyDelete
  5. Huhuhu! Sir A! Grabe kinikilig po talaga ako dito lololol
    Siguro mga ilang beses ko na nireread yung mga posted chapters fjsjfkdkxkc

    Excited lang po talaga ako sa next update niyo! :"D Avid reader here of your works huhuhu. Sana may kasunod na to! -Ken

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails