By Michael Juha
Email: getmybox@hotmail. com
FB: getmybox@yahoo. com
Disclaimer:
Ang kuwentong ito ay
pawang kathang-isip lamang bagamat "inspired" sa internet
sensation na si Carrot Man. Hindi po ito ang totoong kuwento ng buhay niya.
At hindi po intensyon ng may-akda na saktan ang damdamin ng mga taong
maaaring maapektuhan sa kuwentong ito. Ang litrato na ginamit dito ay hindi po
pag-aari ng may-akda. Credit to the real owner, Ms. Edwina Bandong.
***
Humagulgol ako
pagkatapos kong basahin ang kanyang sulat. Hindi ko na napigilan pa ang aking
sarili na tumangis. Para akong namatayan ng isang mahal sa buhay. Ang sakit
pala. Mas masakit pa sa pagtaksil sa akin ng aking huli kong naging kasintahan.
Kinagabihan ay wala
akong ginawa kundi ang mag-inom. Gusto kong makalimot. Gusto kong iwaglit siya
sa aking isip. Napakamalas ko talaga sa pag-ibig. Palagi na lang na ako ang
iniiwan.
Kinabukasan naman nang
magising ako, naalala ko ang sinabi ni Jeyrick na lugar ng kanyang Tito, ang
Bontoc. Agad akong nagtungo sa nasabing lugar. Iniwan ko muna si Har-Jey sa
isang kaibigan ni Jeyrick sa Bauko, binigyan ko lang ng perang pambili ng
pag-kain sa aso at sweldo na rin niya.
Nang nasa Bontoc na ako,
nagtanong-tanong ako. Ipinakita ko na lang ang mga litrato ko sa kany sa aking
cell phone. Naka-ilang araw din akong naglagi sa lugar dahil wala akong lead
kung kung saan ako magsimula sa paghahanap, kung saang banda ng Bontoc nakatira
ang kanyang Tito. Hanggang sa wakas ay natumbok ko rin ito nang aksidenteng
napagtanungan ko ang isa ring kamag-anak ng Tito niya. Ngunit laking
pagkadismaya ko dahil wala raw doon sina Jeyrick at hindi nila alam kung nasaan
ang kanyang mga pamangkin. Nanatili pa rin ako ng ilan pang araw. Pagsapit ng
isang linggo ay sumuko na ako. Bagamat gumuho ang aking mundo, umalis ako ng
Bontoc na dala-dala pa rin ang pag-asang mahanap siya.
Huminto muna ako sa
palengke ng Bontoc, nagpagasolina sa aking sasakyan at bumili na rin ng mga
makakain. Nagkataon namang dumaan ang isang batang newspaper vendor at nilalako
niya ang kanyang paninda sa akin. Noong una ay hindi ako interesadong bumili sa
mga newspaper na nilalako niya. Ngunit nang napansin ng aking mga mata ang
gilid na bahagi ng front page ng tabloid na dala-dala niya, halos himatayin ako
sa matinding sigla nang namukhaan ko kung sino ang nasa litratong iyon. Si
Jeyrick! At ang nakasulat sa caption ay: “Guwapong Carrot man, pinagkaguluhan
sa social media!”
Sa sobrang excitement ko
ay napasigaw ako sa bata na kasalukuyang aalis na sana. “Sandali!” ang sigaw
ko. Halos hindi ako magkandaugaga sa aking nakita. Agad akong dumukot ng mga
newspapaers niya kung saan ay naroon ang mukha ni Jeyrick. “A-ano ba ang
kuwento nitong nasa litrato? Boy?” Ang tanong ko.
“Ah, Igorot po iyan Sir.
May taga Maynila na napadaan sa kanyang tinatrabahuhan at nagkataong na-kyutan,
hayan kinunan ng litrato at pinost sa facebook. Maraming nagkagusto kaya
pinagkaguluhan po.” Ang sagot ng bata.
“Oh God! Ito iyong lupa
namin kung saan nagtatrabho pa si Jeyrick! At ito iyong huling araw na nagtrabaho
siya sa farm bago siya umalis!” ang sigaw ng utak ko. Muli kong binalikan sa
aking isip ang mga insidente ng pagtatrabaho ni Jeyrick sa carrot farm. Doon ko
naalala nang isang beses ay may ikinuwento si Jeyrick sa akin na grupo raw ng
mga babaeng patungo sa Sagada at panay raw ang pagkuha ng litrato sa kanya. At
may nagvideo pa. Nahiya nga raw siya kaya hindi na lang niya pinansin. Kahit
nga raw malayo na siya sa kanila ay kinunan pa siya ng litrato, kahit abala
siya sa paghahakot ng carrots galing sa farm patungo sa truck. Iyon lang. Tapos
niloko ko nga na siguro ay may crush sa kanya. Tinanong ko rin siya kung ano
ang naramdaman niya na may nakapansin sa kanyang kapogian. Tumawa lang naman
siya, ayaw patulan ang sinabi ko. Halos hindi nga makatingin sa akin sa hiya
habang binitiwan ang isang ngiting nahihiya. “Wala iyon… wala sa akin iyon.”
ang sagot niya. Guwapo naman kasi talaga si Jeyrick. Ako nga na isang lalaki,
nabakla. Kahit nga tomboy ay maging babae uli kapag nakita siya. Lalo na iyong
mga babae...
“Kailan pa ito na-upload
sa internet, Boy? N-natagpuan na raw ba si Carrot man? Taga-saan kaya ang taong
nag-post ng litrato niya? Saan na napost ang mga litrato niya?” ang sunod-sunod
na tanong ko sa bata.
“Eh… di ko po alam kung
natagpuan na eh. Noong isang linggo pa ito na-post sa facebook. Di ko po alam
ang nagpost.” Ang sagot ng bata na dali-daling umalis pagkatapos kong mabayaran
sa binili kong mga newspapaer.
Binasa ko na lang ang
articles tungkol kay Jeyrick. Napag-alaman kong sa facebook pala nagsimulang
ipinost ang litrato niya. At noong araw mismo na umalis siya! Binasa ko pa ang
iba pang kuwento tungkol kay Jeyrick at nalaman ko na nahanap na raw siya ng
team ng taga GMA. Nasa Barlig pala siya, sa poder ng kanyang lolo. Napag-alaman
ko rin na may nai-scheduled na palabas na raw sa segment ni Jessica Soho. Hindi
ko lubos maisalarawan ang aking naramdaman. Para bang, sa isip ko ay
napakabilis naman. Parang sa isang iglap lang ay biglang nag-iba ang takbo ng
isip niya. Ang bilis niyang magbago. Iyon kasi ang alam ko sa kanya. Simpleng
tao lang, simpleng pamumuhay ang palagi niyang binanggit na gusto niya, at ang
sabi pa niya ay kung bibigyan siyang pagkakataong yumaman, hindi niya ito
tatanggapin. Para tuloy nagbago rin ang pagtingin ko sa kanya. Iyong taong
hinahangaan ko dahil sa pagmamahal sa kalikasan, sa pagiging simpleng tao na
hindi nasisilaw sa tukso ng pera at katanyagan.
“Anong nangyari?” sa isip ko lang.
Ngunit sa kabilang banda
naman, may isang parte rin ng utak ko na pilit umintindi sa kanyang naging
desisyon. Syempre, wala na siyang mga magulang. Pito silang lahat na
magkakapatid na pakakainin. Malaking pera ang kailangan niya. Kung may balak pa
siyang papag-aralin ang mga kapatid niya, magagawa na niya. Pati siya ay maaari
na ring mag-aral. Ang masakit lang ay hindi ako kasama sa mga plano niya. Wala
ako sa tabi niya upang sana ay makatulong, makapagbigay payo sa kanya.Kahit
hindi ko naranasan ang maging bahagi ng showbiz, alam ko ang kalakaran nito.
Kapag magaling ka, guwapo ka, galing ka sa mayamang pamilya, sikat at
makapangyariha ang angkan, tatagal ka sa showbiz. Iyong iba nga na talagang may
talent, biglang nawawala sa sirkulasyon kapag napag-initan ng industriya.
Ganyang ang showbiz. Gamitan.
“Sana ay tuloy-tuloy
lang ang pagsuporta pa rin ng mga tao sa kanya. Kasi, habang may mga
sumusuporta pa sa kanya, masarap at mabango siya sa industriya.” Ang bulong ko
na lang sa aking sarili. Tila may naghilahan sa aking isip. Ang isang bahagi ay
nagnanais na hanapin siya at suportahan. May isang bahagi rin na gustong
manahimik na lang at hayaan siya sa kanyang tagumpay. Hindi ko alam kung ano
ang gagawin.
Kinabukasan ay pinanuod
ko ang interview niya kay Jessica Soho. Doon ay ipinakita ang background kung
paano siya nadiskubre. Doon ko na-confirm na yung kinuwento nga niya sa akin na
isa sa grupo ng mga babaeng kinunan siya ng litrato at video. Ipinakita rin
doon ang background ng mga Igorot, ang kanlang kultura at iyong araw-araw na
pamumuhay niya. Pati ang iilan sa kanyang pamilya, kaibigan, background sa
pag-aaral ay ipinakita rin.
Kinabukasan naman,
nakita ko muli siya sa pang-umagang palabas ng GMA. Naroon siya kasama ang
kanyang lolo. Doon ko napagtanto na patungo na sikat na sikat na si Jeyrick.
Pati sa social media ay marami ang nagkagulo sa kanya. At may mga fans na rin
siya. At base sa mga tweets at posts ng mga fans niya sa internet na nasa
Maynila na pala siya.
Hanggang sa naging model
na rin siya ng kung anu-anong mga items, kagaya ng pantalon, underwear,
sapatos, relo, fastfood chain, at iba pa. At sa sunod pang mga araw ay nakita
ko na rin siya sa noon-time show, at sa isang sitcom. Full-blooded na artista
na siya.
Parang nagkalabo-labo na
ang aking naramdaman. May panghihinayang na tila hindi ko na siya maabot pa, at
panghihinayang na sa isang iglap lang ay mistulang nagbago ang kanyang pananaw.
“Good luck na lang sa iyo, Jeyrick. Hindi na kita maaabot pa…” ang sabi ko sa
aking sarili. Ang tangi ko na lang pakunsuwelo sa aking sarili ay si Har-Jey.
Ang aso na ibinigay niya sa akin. Kahit papaano, sa pamamagitan ni Har-Jey,
buhay pa rin sa aking alaala ang maiksing sandal na nagkasama kami ni Jeyrick,
iyong pagkakataong minahal ko siya at iyong hindi ko malimutang unang karanasan
ko sa pakikipagtalik sa isang kapwa lalaki – sa kanya. Kaya kay Har-Jey ko na
ibinuhos ang aking pagmamahal. At nakakatuwa rin namang aso si Har-Jey dahil
may ugali rin ito. Iyong marunong magtampo. Kagaya nang may pusa na dumayo sa
bahay ko at kinarga ko ito. Natatawa na lang ako dahil nang tinawag ko si
Har-Jey, hindi siya lumapit, bagkus ay tinalikuran pa ako! Tuwang-tuwa talaga
ako sa ipinakita ng aso. Sabi ko nga sa aking sarili kung ganoon din ba kung
magtampo si Jeyrick. Hindi kasi namin naranasan ang ganyang magtatampo siya. Sa
bilis ng mga pangyayari sa amin, hindko alam kung paano ba talaga siya
magtampo…
Sa aking nasaksihan sa
bigla ring pagsikat ni Jeyrick ay tuluyan ko na siyang iginive-up. Iginiit ko
na lang sa isip na sadya hindi talaga kami para sa isa’t-isa. Tinawagan ko ang
aking ama at sinabi sa kanyang ako na ang mag-handle sa project na kasalukuyang
nagsimula na sa mga initial na pag bulldozer at paghanda sa lupa para sa
itatayong building. Tuwang-tuwa naman ang aking ama sa naging desisyon ko.
Kahit papaano raw ay hindi na mahati pa ang kanyang panahon sa iba pa niyang
inaasikasong business. Kahit papaano ay may tuwa rin naman akong nadarama.
Nagkabalikang-loob kami ng aing papa. “Siguro, itong hotel/resort na ito ay
siyang nakatalaga para sa akin. Hindi si Jeyrick.
Kahit inasikaso ko ang
construction ng hotel/resort, hindi ko giniba ang bahay kung saan kami unang
nagkakilala ni Jeyrick. Naroon pa rin ang lahat na mga gamit na siyang ginamit
namin ni Jeyrick. Ang banyo, ang drum, ang mga lutuan, ang higaan, ang maliit
na refrigerator… At ito ang nagsilbi ko pa ring tirahan, tirahan namin ni
Har-Jey. Sabi ko sa sarili, habang may nararamdaman pa ako kay Jeyrick, doon pa
rin ako titira. At kung sakaling makapag move on na ako, hinid ko pa rin siya
sisirain, gagawin ko pa rin itong parang isang bagay na palaging magpaalala sa
akin na sa isang bahagi ng buhay ko, naranasan kong magmahal sa isang kapwa
lalaki, isang Igorot na ang pangalan ay Jeyrick.
Lumipas pa ang ilang
buwan, isang taon, dalawang taon… tuluyan nang sumikat si Jeyrick. Parang siya
iyong sumunod na phenomenon ng kasikatan ng AlDub. Lalo pa siyang pumogi, at
pumuti. Naging endorser din kasi siya ng isang sikat na beauty clinic. Pati ang
ngipin niya na dati ay may itim-itim dahil sa pagkakain niya ng nganga ay
pumuti na rin, at may braces pa. Ang kanyang buhok ay makabago na rin crew cut.
Kumbaga ay may total makeover siya. Kung titingnan siya ay parang walang bahid
na galing siya sa probinsya, na dumaranas siya ng hirap ng pagtatanim ng
carrots, o magbilad sa araw upang kumita lang ng kapiranggot na pera. Tila isa
rin siya sa mga artistang galing sa mayayamang angkan. At iyong mga fans niya
sa social media ay halos mag-alay na lang ng buhay dahil sa matinding
pagi-idolo sa kanya.
Mayroon na rin siyang
sariling higanteng tarpaulin na nakapaskil sa malalaking highway at
intersection ng Maynila. Tinitingala na siya. Ang taas na niya. Hindi ko na
siya maaabot.
May ka love-team na rin
siya na talaga namang patok din sa masa dahil ang babae ay galing sa mahirap na
pamilya sa probinsyia rin ngunit matalino, maganda, at sexy. Kung titingnan sa
pisikal na anyo ay bagay na bagay sila. Si Jeyrick ay may pagkamahiyain ngunit
ang babae naman ay may pagka-bubbly kaya doon sila nagko-complement sa
isa’t-isa. Halos sila na lang ang laman ng mga commercials sa TV dahil kahit
saang patalastas ay naroon sila. Ang sabi-sabi pa nga ay magkasintahan na raw
sila ngunit hindi lang nila inaamin. Ang sakit sakit… mistulang dinurog ang
aking puso.
Dahil nawalan na nga ako
ng pag-asa, sa trabaho ko na lang ibinaling ang aking oras at atensyon.
Sinubukan ko ring manligaw. Si Jean, naging best friend ko na chief
engineer/project manager ng aming kino-construct na hotel/resort. Kasing edad
ko lang at kahit panlalaki ang kanyang trabaho ngunit napakagandang babae niya.
Matangkad, morena, sexy at makinis. Maraming lalaking lihim na humahanga sa
kanya. Hindi lang dahil engineer siya kundi napakagaling na napakaganda pa. Sinabi
ko sa kanya ang aking nakaraan, mga kagaguhan sa buhay, bisyo, at ang pag-iwan
sa akin ng huli kong naging nobya. Syempre, hindi ko sinabi ang tungkol sa amin
ni Jeyrick. Hindi rin naman siguro angkop na sasabihin ko pa iyon. Ang tawagan
namin ni Jean ay “sweetheart”
Isang araw, lumuwas ako
ng Maynila upang makipagmeeting sa mga investors. Nang nasa loob ng lobby na
ako ng hotel ay nagulat ako dahil nagkagulo ang mga tao sa labas. Iyon pala ay
naroon si Jeyrick sa loob din ng hotel kasama ang kanyang ka love team at
makakasalubong ko!
Hindi ko lubos
maisalawawan ang aking nadarama sa pagkakataong iyon. Ang lakas ng kalampag ng
aking puso. Halos huminto ang aking paghinga.
Nang nasa halos harap ko
na sila, nakita ko si Jerick na kumaway sa mga fans niya sa labas, nakangiti sa
kanila. Para akong natulala sa nakita sa kanya. Sobrang guwapo na niya.
Flawless!
Pinilit kong kumaway
upang sana ay mapansin. Ngunit kahit na kumaway rin siya sa kinaroroonan ko,
hindi niya ako napansin. Hanggang sa nakalampas na lang siya sa aking
kinaroroonan at parang isang tuod na lang akong nanatiling nakatayo at
pinagmasdan siya hanggang sa nakapasok na siya sa kanyang van. Ang sakit,
sobra. Akala ko ay naka move-on na ako. Hindi pa rin pala.
Ipagpatuloy ko na lang
ang aking paglakad. Nang dumaan ako sa front desk, nasumpungan kong tanungin
kong anong room si Jeyrick naka-check in. Ngunit ayaw niyalng ibigay gawa ng
may order daw sa kanila ang manager niya na huwag ibigay ang room number. Hindi
na ako nakikipag argumento pa sa front desk. Iyan yata ang policy nila. Ako man
siguro kung may magtanong ng number ko or room, ayaw kong ibigay ito.
Wala na akong nagawa
kundi ang dumiretso sa aking kuwarto. Nang nasa aking kuwarto na ako, may
naisipan ako. Dali-dali akong bumaba sa front desk at nagpatulong na i-print sa
kanilang printer ang isang litrato na nasa cp ko, si Har-Jey, ang aso namin ni
Jeyrick na sa pagkakataong iyon ay malaki na. Nakatingin siya sa camera nang
kinunan ko. Ang cute niya sa litratong iyon. Nang ma-print na ito, nanghiram
ako ng pentel pen at sinulatan ang ibaba ng litrato, “Miss ka na niya... Ikaw
ba ay miss mo na rin siya?”
Inilagay ko iyon sa loob
ng isang malaking envelope atsaka ipinkisuyo sa front desk na ibigay kay
Jeyrick kapag dumaan doon. Tumalima naman ang taga front desk. Pinakita ko rin
sila sa litrato namin ni Jeyrick nang naroon pa siya sa lupa namin at
nagtatanim pa ng carrots, para lang maniwala sila na magkakilala kami ni
Jeyrick.
Dali-dali akong bumalik
sa aking kuwarto upang maghanda na sa meeting na gaganapin sa meeting room ng
hotel. Nang naroon na ako sa meeting room halos wala ako sa aking tamang
katinuan habang nakipag-meeting sa mga investors ng hotel/resort project namin
na sa pagkakataong iyon ay halos tapos na. Kahit ang aking ama ay napansin ang
aking pagka-tulala na kahit sa presentation ko at sa mga tanong na ibinabato
nila ay nawawala ako sa focus. Nanghingi na lang ako ng dispensa na hindi maganda
ang aking pakiramdam.
“Son… alam mo ba itong
Igorot na sumikat sa internet na tinaguriang carrot man at ngayon ay artista na
at pinagkaguluhan ng maraming tao at mga fans?” ang hindi ko inaasahang tanong
ng aking ama.
Mistulang may bumara sa
aking lalamunan sa sobrang excitement na narinig ko ang tanong na iyon mula sa
bibig niya. “Y-yes pa. N-naririnig ko naman po, nakikita ko sa mga
entertainment news… Bakit po?” ang tanong kong kunyari ay inosente.
“Parang namukhaan ko
siya ah. Hindi ba siya iyong kasama mo noon sa bahay-bahayan mo noon sa lupa
natin at natandaan ko pang binulyawan ko at tinakot na kakasuhan dahil sa
pagtatanim nila ng carrots sa ating lupa nang walang paalam?”
“Ah… s-siya nga po pa.”
“Sabi ko na nga ba eh!”
ang sambit niya na tila na-excite.
“Opo pa...”
“So, may contact pa ba
kayo?”
“Wala na po pa. Simula
nang pinaalis niyo siya, wala na kaming contact. Iyon din ang time na iyon kung
saan ay kumalat ang mga litrato niya dahil may nag-upload pagkatapos siyang
kunan habang ngata-trabaho sa ating lupa.”
“Tingnan mo nga naman
ang suwerte. Di ba, e kung hindi ko siya pinaalis sa lupa natin, walang
mangyayari sa buhay niya sa pagtatanim ng carrots, di ba? At ikaw... wala din
sana tayong pinakamagandang resort sa buong cordillera ngayon!” ang
pagmamayabang pa niya.
Hindi na lang ako
umimik. Binitiwan ko ang isang hilaw na ngiti. May punto naman din siya bagamat
hindi ako sang-ayon sa kanyang sinabi.
“Minsan kasi, ang akala
natin, nakasasama sa atin ang gusto ng mga magulang para sa atin. Pero in the
long run ay mare-realize din natin na nakabubuti rin pala ito!”
Tahimik na lang ako.
Ayaw ko kasing makipag-argumento sa aking ama. Kasi, sa sarili ko, kung ginawa
lang sana naming farm ang aming lupa, mas environment-friendly pa ito, hindi
masisira ang natural na kalagayan ng paligid at hindi ma-contaminate ang
original na way of life at pamumuhay ng mga Igorot. Sa bagong hotel kasi namin,
nag-iba na ang focus ng mga tao. Parang nagsimula nang mawala o
ma-impluwensiyahan ng mga dumadayong turista ang kanilang tradisyon, ang
kanilang values, ang kanilang pagmamahal sa kalikasan.
“Hmmm.” Nag-isip siya
sandali. “Sa sunod na buwan ay mago-opening na tayo sa ating resort at naisip
ko lang na siya ang gawin nating mag-promote sa ating hotel. Siguro naman ay
may sentimental value ang lugar natin para sa kanya dahil una, Igorot siya.
Pangalawa, ang lupa natin ang bumuhay sa kanyang pamilya sa mahabang panahon at
wala tayong siningil sa kanila na kahit kaunting bayad sa paggamit nila sa lupa,
at pangatlo, dahil sa pagtrabaho niya roon ay sumikat siya.”
Na-excite naman ako sa
aking narinig. Akala ko kasi ay kung ano na naman ang nasa isip niya. “Good
idea po! Para makilala ang ating hotel/resort.”
“So that’s it! Contact
them!” ang utos niya.
“Eh… s-ila bang dalawang
mag-love team ang ating kausapin?” ang tanong ko.
“A-ano sa palagay mo?”
“P-puwedeng si Carrot
man na lang po. Siya lang naman ang taga-roon eh.”
“Ah…” nahinto siya.
“Silang dalawa ang gusto ko para mas masaya.”
“O-ok po. Fine.” Ang
sagot ko.
“Puwes. What are you
waiting for! Simulan mo na ang pagcontact sa kanila.”
“Opo...”
At iyon ang ginawa ko.
Ibayong saya ang nadarama ko sa pagkakataong iyon. Inutusan ko agad ang aking
staff na i-contact ang manager ni Jeyrick.
Hindi naman nahirapang
kuntakin ang manager ni Jeyrick Nagkasundo ang aming grupo sa grupo ni Jeyrick,
na magmeeting na isinagawa naman kaagad paglipas ng isang linggo.
Nakapagdesisyon akong hindi na sasali pa sa negotiation. Balak kong ipadaan na
lang ito sa aking staff. Ganyan naman talaga ang kalakaran sa showbiz. Ang
manager ang makikipag-usap sa kliyente. Ngunit sa last minute ay tinawagan ako
ng aking staff na darating din daw si Jeyrick dahil marami siyang gustong
malaman, lalo na’t nasa lugar daw nila ang hotel/resort.
Bigla akong kinabahan
naman na-excite. “Sasali ako sa negotiation.” Ang nasabi ko sa aking staff.
Excited ako habang
naghintay ang aming grupo sa pagdating ng grupo nina Jeyrick sa isang five-star
hotel ng Makati. Hindi ko ma-imagine ang aking sarili na makita siya. Todo
corporate outfit ako. Grey coat, white na polo at ang neck tie ay kulay yellow.
Ang slacks ko naman ay kulay itim na pinaresan ng itim na sapatos. Nagpagupit
din ako, Kinopya ko ang gupit ng buhok niya, crew cut. Guwapo.
Maya-maya lang ay
dumating na sila. Ang manager niya, ang manager ng ka love team niya, ang
babaeng artista na ka-love team niyang na natsismis na girlfriend niya, at
syempre siya.
Mistulang natulala ako
sa aking pagkakita kay Jeyrick. Para akong lumutang sa ulap na hindi ko mawari.
Naka-stone-washed na maong, plain na puting t-shirt, at naka baseball cap.
Bagong gupit din ang buhok. Talagang level-up ang kaguwapuhan niya. Dagdagan pa
sa lalo pang pagganda ng kanyang katawan na halatang naggi-gym.
“Hello Mr. Harold
Soriano!” ang pagbati sa akin ng kanyang manager at manager ng ka love team
niyang artista sabay abot ng kanilang kamay sa akin. Ipinakilala ko rin sa
kanila si Jean na kasama ko, pati na ang aking mga staffs na nag-handle sa
meeting na iyon. Kinamayn din nila siya.
“H-hello. Welcome.” Ang
sagot ko habang tinanggap ang pakikipagkamay nila. Pagkatapos nilang
makipagkamay sa akin, sumunod naman sa pakikipagkamay si Jeyrick na tila hindi
makatingin sa akin. Pinisil ko pa nang malakas ang kanyang kamay. Ngunit parang
casual lang ang kanyang pagtanggap sa aking pagpisil. Iyong parang hindi talaga
niya ako kilala. Pagkatapos naming magkamay ay kinamayan ko naman ang kanyang
ka-love team habang siya ay kinamayan si Jean.
“Take your seat!” ang
sabi ko sa kanila.
So iyon. Naupo kaming
lahat at nagsimula nang mag-explain ang aking staff. Ginamitan pa niya ng
overhead projector para klaro, ipinakita ang specific area ng hotel/resort kung
ano ang mga mangyayari sa araw ng okasyon, saan magsisimula, kung ano ang
gagawin, ano ang program at dapat na ihanda, ang speech ni Jeyrick, etc.
Habang nagi-explain ang
aking staff, palihim kong tinitingnan-tingnan si Jeyrick. Iyon bang sa isip ay
sana, nararamdaman pa rin niyang magkaibigan kami, na kahit sa maiksing panahon
ay naging close din naman.
Noong una ay parang wala
lang talaga sa kanya. Pansin ko ngang tinitingnan-tignan pa niya si Jean kaysa
sa akin. Ngunit isang beses ay nahuli kong nakatitig pala siya sa akin at nang
mahuli ko ay agad ring ibaling niya ng tingin sa monitor kung saan ipinapalabas
ang presentation.
Ramdam ko ang kilig sa
pagkahuli ko sa kanyang iyon. Ngunit kung gaano kasarap ang pagnamnam ko sa
kilig na nadarama ko ay siya namang sakit nang ang babaeng ka love team niya ay
inilapit ang kanyang mukha sa tainga ni Jeyrick at bumulong.
Nakatingin naman si
Jeyrick sa akin habang bumubulong ang babae. Pagkatapos ay pigil silang
nagtatawanan. Yumuko si Jeyrick habang tumatawa ng pigil. Nang hinawakan naman
ng babae ang kanyang kamay, napatingin muli sa akin si Jeyrick. Hindi ko alam
kung para saan ang tingin niyang iyon. Pero sa isip ko lang ay baka nag-isip
siya kung ano ang magiging reaksyon ko sa pagkakitang hinawakan ang kamay niya
ng kanyang ka love team. Ewan ko lang. Pero dedma lang ako. Kunyari ay focused
lang ako sa pakikinig sa explanation ng aking staff bagamat tila mamamatay ako
sa inggit ng pagka-sweet nilang dalawa.
Maya-maya naman ay
tumayo si Jean at nagpaalam, “Mag-CR muna ako, sweetheart.” Ang sabi niya.
“Ok sweetheart.” Ang
sagot ko, sabay tingin kay Jeyrick na sa pagkakataong iyon ay tumitig na talaga
kay Jean at sinundan pa niya ng tingin hanggang sa paglalakad nito patungo sa
CR. Hindi ko rin alam kung ano ang nasa isip niya. Kung naakit ba siya kay
Jean, o kung gusto lang niyang kilatisin kung sino iyong babaeng tumawag sa
akin ng sweetheart.
Nang natapos na ang
presentation, nagtanong ang aking staff kung may gusto ba silang i-klaro. May
mga tanong slang dalawa ni Jeyrick tungkol sa program. Ngunit iyon lang. Purely
business lang talaga ang mga tanong at walang ni ano mang bahid na personal na
bagay. Kahit picture-taking ay hindi namin ginawa sa mismong meeting dahil nga,
syempre, ang meeting na iyon ay hindi naman para doon at napagkasunduang gawing
confidential muna ang arrangement naming iyon.
Natapos ang meeting na
nagkasundo ang aming grupo at kanilang grupo sa activity na gagawin. Umalis
sila na maayos na nagpaalam at nagpasalamat. Nasa formal protocol ang lahat. Ni
wala silang time na kumain sa inihanda naming pamiryenda. Ang masaklap, habang
nagalalakad sina Jeyrick at ka love team niya palabas ng function room ay
nag-holding-hands pa sila. Doon na nabuo sa isip ko na may relasyon talaga
silang dalawa. Kitang-kita sa kanilang mga kilos at galaw. Hindi ako
naniniwalang wala silang relasyon. Kahit si Jean at ang mga staffs ko ay ganoon
din ang nasa isip.
Gabi na nang nakarating
ako sa hotel. Nakahiga na ako at handa nang matulog nang nagtext-alarm ang
aking cell phone. Binuksan ko ang message. Wala sa aking directory ang numero.
“Hi…” ang text niya.
“Hi! Who’s this?” ang sagot
ko rin.
“Jeyrick.” Ang sagot.
Bigla akong napabalikwas
sa kama at tila nawala ang pagod at antok ko sa nalamang si Jeyrick ang nagtext
sa akin.
“Huh! Sure ka?” ang
sagot ko. Baka kasi niloloko lang ako.
“Si Jeyrick nga ito.”
“Paano ko malalaman na
ikaw nga?”
“Binangga namin ang SUV
mo sa palengke ng Bauko.”
“Siya nga!” ang excited
na sigaw ng utak ko. Ngunit gusto ko pang makasiguro. “Ano pa…?”
“Hindi ka kumakain ng
chocolate cake.”
Napangiti naman ako.
Pero gusto ko pa rin siyang tanungin. “Ano pa?”
“May aso kang puti at
itim ang kulay at ang pangalan ay Har-Jey?”
Tila lumutang naman ako
sa kilig na naalala pa talaga niya ang mga iyon. “Ano pa?” ang pagtanong ko
uli.
“May malaking balat ka
sa kaliwang umbok ng iyong puwet.”
Doon na ako humagalpak
sa tawa. Parang gusto kong umiyak sa sandaling iyon.
Hindi pa man ako
nakapagreply ay may text siya uli. “Hindi pa ba sapat na maniwala kang ako si
Jeyrick?”
“Hahaha! Pilyo ka.
Syempre, naniniwala ako. Ikaw lang ang nakakaalam na may balat ako sa puwet
maliban sa mama at papa ko at yaya ko!” Ang sagot ko. Naalala ko kasi ang
ginawa niyang pag-alaga noong nabalian at napilayan ako. Siya ang tumutulong sa
akin kahit sa pagpalit ng aking damit. Syempre, iyong bagay na iyon na ilang
beses ding nangyari sa amin.
“Kumusta ka na?”
“Ok lang. Ikaw, sikat ka
na… Di na kita maaabot pa. Napaka-swerte ko na ang pinakasikat na celebrity pa
talaga ang nagtext sa akin.”
“Woi, sobra ka naman!
Ganoon pa rin naman ako. Wala namang nagbago.”
“Actually, malaki ang
pagbabago mo, marami na rin siguro ang nagbago sa iyo. Pero okay lang. Nice
naman ang nangyari. Nakamit mo ang ruruk ng tagumpay. Masaya ako para sa iyo.”
Ang sagot ko na may bahid na pagtatampo.
“Salamat sa iyo. Kung
hindi dahil sa pagtatrabaho ko sa lupa ninyo ay hindi ko maaabot ang ganito.”
“Wala iyon. Sadyang
nakatadhana ka para diyan.”
“Baka nga…”
“Akala ko ay nalimutan
mo na ako.”
“Hindi mangyari iyan.
Ikaw pa… Di ba sabi ko sa iyo, na kahit saan man ako mapadpad, ipinangako kong
hindi kita malilimutan. Matagal ko nang balak hanapin ka, kaso di ko alam kung
nasa Bauko ka pa rin. At hindi na rin ako nakadalaw pa roon sa sobrang abala sa
mga projects.”
“Naintindihan ko. Masaya
na ako na hayan nagkita tayo, nagtext ka ngayon, at sa darating na buwan ay
magkasama tayo sa pagbukas ng resort.”
“Oo nga… excited na
ako.”
“Ako rin.”
“See? Tama lang pala na
umalis ako, di ba? Narito na ako ngayon, at ikaw, malaki ang naiambag sa aming
lugar, lalo na sa pagbibigay ng trabaho sa mga tao sa pamamagitan ng inyong
hotel/resort, at sa mga turista na dadayo sa aming lugar na siyempre,
magpasigla sa mga maliliit na taong magnenegosyo.”
“Hindi ka ba
nanghinayang na umalis sa Bauko, iniwan mo ako?”
“Sa nakita kong tagumpay
mo ngayon, at tagumpay ng mga taong umaasa at tumitingala sa ginawa mong
proyekto, hindi. Wala akong pinagsisihan. Ikaw ba ay nanghinayang?”
Tila tinusok naman ang
aking puso sa kanyang sagot. Para kasing may iba na, hindi na niya ako talaga
maramdaman kagaya ng dati. Kaya “Hindi rin…” ang sagot ko.
“Ok Harold… break ko
lang sa set. Magpatuloy uli kami sa aming taping. Ingat ka palagi.” Ang huli
niyang text.
“Ok. Ikaw rin. Ingat ka
lagi. Good night.”
Labis akong natuwa sa
nangyaring pagtext niya. Bagamat may mga bagay pa sana akong itatanong,
pinigilan ko na lang ang aking sarili. Ni hindi ko nga rin naitanong kung
natanggap niya ang litrato ni Har-Jey.”
Kinabukasan, ang una
kong ginawa ay ang puntahan ang front desk kung naibigay niya ang litrato ni
Har-Jey na may nakasulat na “Miss ka na niya. Miss mo na rin ba siya?” Kinabahan kasi ako nab
aka iba ang makapulot niyo at babatuhin siya ng intriga, akoo pa ang magiging
dahilan upang ma-eskandalo siya.
“Sir… sorry po kasi sa
backdoor sila dumaan eh! Ipinakisuyo ko na lang po sa isang reporter na dadalo
raw sa kanilang press conference sa araw na iyon.”
“Hindi ka siguradong sa
kanya ibinigay iyon?”
“H-hindi po, Sir eh.”
Ang halatang namutla nang front desk officer. “S-sorry po talaga sir…”
(Itutuloy)
I Have mixed feelings on this episode. Do ko alam kung kiligin ako o matuwa. Basta may reservation pa rin ako. Anyways, successful na silang dalawa
ReplyDeleteSana magkatuluyan sila
Thanks sir Mike.