Followers

Monday, March 21, 2016

Loving You... Again Chapter 42 - Light Conceals Darkness and Vice Versa




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin! Also kuya Peter! At pati na rin po sa ibang writers ng blog! :D

Yup, heto na ang Chapter 42. Medyo filler para ma-cover iyung nangyari kay Ethan noon. Well, heto na ulit ang Chapter 42.











Chapter 42:
Light Conceals Darkness and Vice Versa
































































Zafe’s POV



          Kasalukuyang tinitingnan ni Derek ang litrato ng mga estudyante sa unibersidad.  Nandito kami ngayon sa loob ng Journalism Clubroom kasama si Aulric, Kurt, Hela, Derek, pati na rin si Jin. Bakit ba kailangan pa niyang sumama?



          “Hoy, bakit ka ba nandito?” naiirita kong tanong kay Jin.



          “Anak ako ng may-ari ng eskwelahan na ito kaya kung saan ko gustong pumunta, pupuntahan ko,” walang angas na sagot ni Jin.



          “Hoy, pwede huwag nga kayong mag-away dito,” agad na saway ni Aulric. “At ikaw Zafe,  tigilan mo na iyan. Hayaan mo na kasama natin si Jin. Malay mo. Makatulong siya sa atin na mahanap iyung nag-frame up sa akin.”



          “Jin, pagpasensyahan mo na iyan talaga si Zafe,” pagpaumanhin ni Kurt. “Kapas kasi naiirita siya sa isang tao, sinasabi niya talaga ng harap-harapan. Pwede mo namang sapakin ang taong iyan kung gusto mo.”



          Mas lalo akong nairita nang dumagdag pa si Kurt. Natigil lang ako nang maramdaman ang paghawak ni Aulric sa pulso ko. Matalim ang tingin sa akin ni Aulric at medyo masakit din ang pagkakahawak niya sa aking pulsohan. Humugot na lang ako ng butong-hininga at pinahupa ang inis na aking nararamdaman.



          Ilang minuto ang nakalipas, tahimik pa rin ang kwarto. Hindi pa rin nakikita ni Derek ang taong nag-frame up kay Aulric. Medyo nababagot na ako dahil binibilang ko na ang mga bagay-bagay. Binibilang ko kung ilang beses nagnanakaw ng halik si Hela kay Kurt, kung ilang beses ba tinitingnan ni Jin ang kanyang phone, at kung ilang beses ng nililipat ni Derek ang pahina ng malaking librong hawak niya. Ito kasi ang litrato ng lahat ng mga estudyante sa unibersidad. Saang taon at saang kurso na kaya naghahanap si Derek?



          “Nakita ko na,” kalmadong sabi ni Derek matapos makita ang kanyang hinahanap.



          Nakahinga din ako ng maluwag matapos maring na nagsasalita na si Derek. Akala ko kasi, baka napipi na siya sa kahahanap doon sa malaking librong hawak niya.



          Kinuha muna ni Kurt ang hawak ni Derek at tiningnan ang litrato ng tinuturo niya. Pinasa naman niya ito kay Aulric at tiningnan din niya ang tinuturo ni Kurt. Kita kong nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Aulric matapos makita ang tinuturo ni Kurt. Inilagay ni Aulric ang kamay niya sa bandang bibig ng taong ito.



          “Siya nga ang taong ito,” pagkumpirma ni Aulric.



          “At nakuha ko na ang pangalan niya,” dugtong ni Kurt. Agad niyang tiningnan ang impormasyon nito sa kompyuter. “Ang pangalan niya ay Dart Aguire, isang taon na lang bago magtapos, ulila, at nakapasok din sa unibersidad dahil sa espesyal na imbitasyon.”



          “Teka Kurt, hindi ba, magkakompetensya iyung magulang niya at iyung magulang mo?” tanong ni Hela.



          Hindi makapaniwalang tumingin si Kurt sa kaniya. “Huh? Talaga? Hindi ko alam iyun.” Nagpatuloy siya sa pagtipa sa kompyuter.



          “May history iyung magulang ng Dart na ito at ang magulang ni Kurt?” tanong ko na din.



          “Yeah.” Tiningnan kami ni Hela na parang nagtataka kung bakit hindi namin alam ang sinasabi niya, “Ahh! Siguro, mga bata pa kayo noon kaya hindi niyo naaalala.”



          “Wala akong TV sa bahay noon,” sabat ni Aulric. “Pero ngayon, meron na.”



          “So, noon kasi, iyung mga magulang ni Kurt at ang magulang ng Dart na ito ay parehas ng timeslot sa TV kapag naghahatid ng mga nagbabagang balita sa telebisyon natin. Well, sa napakabata kong pag-iisip, masasabi kong kampi ako sa mga magulang ni Kurt.” Tinapik ni Hela ang balikat ni Kurt. “Hanggang sa natagpuan na lang na patay ang mga magulang ni Dart sa sarili nitong pamamahay. Si Dart lang ang natira. Kung tama ang pagkakaalala ko, nasa isang field trip siya kaya wala siya sa kanilang pamamahay. Sabi ng mga tao noon, ninakawan daw ang mag-asawa. At nang pumalag, pinatay. May mga bagay kasi na nawala sa bahay nila ayon sa mga police report na nababasa ko. Palagay naman ng ibang mga tao noon, may malaki kasing balita sana na ie-expose ang mga magulang ni Dart kaya pinatahimik nila ito.”



          “Salamat Hela. Naiintindihan ko ang mga sinasabi mo.” Bumuntong-hininga si Aulric. “Pero masyado ng huli ang maawa ngayon sa kanya. Kung siya talaga ang nag-frame up sa akin, pagbabayaran niya ang kanyang ginawa.”



          Umaktong nalungkot ang mukha ni Hela. “Aw! Sayang naman. Bakit niya kaya nagawa ang bagay na iyun sa iyo? Well, tama ka. Kailangan niyang magbayad sa ginawa niya sa iyo, kung totoo.”



          “Teka nga, Hela?” sabat ni Derek. “Kanino ka ba pumapanig?”



          “Aba, sa hustisya.”



          “Tama na iyan. Huwag kayong mag-away,” sabi ni Kurt. “At nakita ko na kung nasaan ang taong ito base sa kanyang schedule ngayon. Nasa isang P. E. class siya ngayon. Sa gym.”



          “Okay. Puntahan na natin,” sabi ni Jin.



          Kasama si Aulric, Jin, Derek, Kurt, at Hela, sabay-sabay kaming naglakad papunta sa gym. Bigla naman kaming nag-trending ngayon dahil halos lahat ng nakakakita sa amin ay pinag-uusapan kami. Hay! Siguro nagtataka ang mga taong ito kung bakit kasama namin si Aulric maglakad. Well, papatunayan lang naman niya ang sarili niya na inosente siya at hindi niya nilaglag ang anak na dinadala ni Isabela.



          Pagdating namin sa gym, agad na ginala namin ang aming mga tingin upang mahanap si Dart Aguire. Nakakailang balik na ang aking ulo pero hindi ko makita ang hinahanap namin. Ganoon din ang iba.



          “Aulric, Jin, Derek, Kurt, Hela, Zafe, anong meron?!” tanong ni Sir Arthuro mula sa kabilang parte ng gym. Luminga-linga pa ito sa paligid at lumakad papalapit sa amin. Mukhang substitute teacher siya sa klaseng hinahawakan niya. “May kailangan ba kayo sa klase ko?”



          “Opo,” nakangiting sagot ni Jin. “May hinahanap po kami. Ang pangalan niya po ay Dart Aguire. Nandito po ba siya?”



          Kumunot ang noon ni Sir Arthuro. “Dart Aguire? Teka, habang nag-a-attendance ako kanina, may nagsabi sa akin na may sakit siya. Nasa sarili nitong bahay at, nagpapagaling. Sa una ko ngang klase, wala na din siya ehh.”



          Pinatunog ni Aulric ang kanyang dila ng isang beses. “Ganoon ba?”



          “Bakit niyo naitanong? May atraso ba si Dart sa inyo? May atraso ba siya sa iyo Aulric?” natatawang tanong ni Sir Arthuro. “Siya nga pala. Congratulations dahil nakalabas ka pa. Karaniwang tao na inaakusahan ng kasong pagpatay ay hindi nakakalabas. Siguro, mahal ang binayad niyo para doon sa napakagaling na lawyer na nagpalabas sa iyo.”



          “Sabihin na lang po natin na ganoon na nga. At, opo. Napakagaling po nung lawyer ko. Salamat kay Sir Henry,” nakangiting tugon Aulric. “So Sir Arthuro, salamat po sa oras ninyo. Mauuna na po kami.”



          Aalis na sana si Aulric nang pinigilan siya ni Sir Arthuro. Humarap siya ulit dito.



          “Oo nga pala. Bago ko makalimutan, kung mapatunayan mo ang sarili mo na inosente ka, congratulations. Gusto kong sabihin sa iyo Aulric na, hindi ako naniniwala sa kanila. Alam ko na may ginawa kang masamang bagay sa anak ko, pero sa tingin ko, alam mo ang iyung hangganan. Sa mundong ito at bansang ito, kapag gumawa ka ng masamang bagay na lampas sa iyong boundaries at napatunayan iyun, makukulong ka talaga. Pero kung hindi, lalabas at lalabas din ang totoo.”



          Bahagyang ngumiti si Aulric. “ Salamat sa suporta ninyo Sir Arthuro. Opo. Tama po ang sinasabi ninyo. Lalabas at lalabas din ang totoo.”



          “At huwag mong kakalimutan. Kasali ka pa rin sa Drama Club. May role ako para sa iyo pagdating ng Nobyembre. Kaya umatend ka ng mga club meeting pagkatapos ng kaso mo.”



          “Sige po Sir Arthuro. Aalis na po kami,” paalam ni Aulric. Tumalikod na siya at naunang umalis.



          Nagpaalam din kami kay Sir Arthuro at sumunod kay Aulric.



          “Nakahalata kaya si Dart na pupuntahan ka kaya umabsent siya?” naitanong ni Derek. Huminto naman kaming lahat at nagharap-harap.



          “Oo nga. May punto si Derek,” sabi ko.



          “Imposible,” komento ni Hela. “Baka naman coincidence lang ang nangyayari na absent siya? Ang ibig kong sabihin, baka ngayon, ngayon lang niya nabalitaan na nakalabas ka na ng kulungan. Na-TV ba ang paglabas ni Aulric kaya halos lahat ng mag-aaral sa unibersidad na ito ay nagulat nang nakita siya?”



          “So, ano na ang gagawin natin?” tanong ni Jin. “Pupuntahan na ba natin ang taong ito sa bahay niya? Kurt, ibigay mo nga sa akin ang address ng bahay ni Dart.”



          “Umm, Jin, pwede ako na lang ang gagawa ng bagay na iyun?” hiling ni Aulric. “At huwag kayong pupunta sa bahay ng taong iyun hangga’t hindi niyo ako kasama. Pwede ba?”



          “Pero Aulric, wala na tayong panahon. Kailangan kwestyonin natin agad ang taong ito nang sa ganoon ay mabawasan na ang ating mga problema,” sabi ko.



          “Zafe, huwag kang magmadali. May oras pa tayo. Hindi naman ako ibabalik sa kulungan kinabukasan. At guys, may mga klase pa tayo. Bumalik na tayo, lalong-lalo na ako at baka bumagsak pa ako.”



          “Okay. Mauna na din kami ni Hela,” tugon ni Kurt. “Aulric, kunin mo sa Clubroom ko ang address niya. Maghihintay ako kung handa ka ng puntahan ang taong ito. Iyun ay kung hindi na siya magpakita kahit kailan.”



          Nagpaalam na si Hela at Kurt sa amin at umalis. Sweet na sweet pa ang dalawa habang naglalakad paalis.



          “Ako din. Aalis na ako,” paalam ni Derek.



          “Derek, maraming-maraming salamat sa iyung tulong mo ngayon,” puri ni Aulric.



          Lumakad paalis si Derek na may ngiti sa mukha. Bahagya siyang kumaway at lumakad na siya paalis. Sumunod naman si Jin na hindi na nagpaalam at iniwan kami ni Aulric. Well, wala akong pakialam sa kaniya.



          “Tara na. May sarili pa tayong mga klase.”



          Naunang naglakad paalis sa akin si Aulric. Matapos humugot ng malalim na hininga, nagpasya na din ako na pumunta sa susunod kong klase at naglakad na. Hindi pa ako nakakalayo sa gym, may nakipag-usap pa sa akin.



          “Hindi mo dapat sinasamahan o dinidikitan man lang ang taong iyung. Isa siyang kriminal,” sabi ni Colette na mukhang kanina pa nakasunod sa amin.



          “Colette, hindi pa napapatunayan na kriminal si Aulric. Kaya huwag mong pangunahan ang korte,” tugon ko. Inirapan ko siya at naglakad na papunta sa klase ko.



          Sinabayan ako ni Colette na maglakad. “Bakit ba? Malinaw na malinaw naman ang mga ebidensya. May fingerprints si Aulric sa mga bagay-bagay, gaya nung syringe na ginamit para ipasok ang isang bawal na bagay na magpapalaglag sa dinadala ni Isabela. Hindi na nga dapat pinag-iisapan iyun ng korte at dapat hatulan na siya.”



          “Hay! Bakit Colette? Nandoon ka ba sa bawat hearing ng kaso? Hindi mo ba nabasa sa pahayagan ni Kurt na frame up ang nangyari kay Aulric. Wala siyang kasalanan.”



          “Pero kahit na. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sa iyo kapag nalaman nila na nakikipagkaibigan ka sa isang kriminal? Masisira ka kapag nadikit ka kay Aulric.”



          “Alam mo kung kanino ako masisira, sa kakadikit mo. Kaya Colette, pwede bang huwag mo akong araw-arawin sermonan kung ano ang mga dapat at hindi dapat kong gawin? Hindi kita magulang.”



          “Pero kung nandito ang magulang mo, tiyak na ganoon din ang gagawin nila.” Tumigil siya sa paglalakad.



          Napatigil din ako at hinarap siya. “Iyun lang. Alam mo ang problema Colette, wala ang mga magulang ko ngayon. Kaya gagawin ko ang gusto ko. At pwede ba, humanap ka ng ibang taong laging didikitan. Nakadikit ako sa kriminal. Baka naman masira ka kapag lagi kang dumidikit sa akin?” pasarkastikong wika ko.



          Tumalikod ako at tumuloy na sa aking pinupuntahan. Itong si Colette, napakakulit. Bakit ba kailangan ay araw-araw niya akong pagsabihan at kulitin tungkol sa mga nangyayari sa buhay ko? Pinapakita talaga niya na concerned pa rin siya sa akin at mahal niya pa rin ako. Pero pasensya na siya. Noon iyun at hindi na ngayon.



Aulric’s POV



          “Aulric, nagmamadali ako kung mababasa mo ang text na ito. Last load ko na kasi at baka makain pa. Kaya hindi na ako magpaligoy-ligoy pa. Sa library, may bagay kasi si Caleb na gusto niyang pag-usapan at gusto kong pakinggan mo siya. Mamaya nga pala, antayin mo ako sa kotse ni Ricky. Samahan mo akong mamili ng mga groceries,” basa ko sa text ni Shai.



          Pagkabukas ng library, sinalubong ako ng napakalamig ng hangin mula sa loob ng kwarto. Iginala ko ang aking tingin at nakita ko si Caleb na nakaupo at may hawak na librong binabasa. Lumapit ako sa pwesto niya at umupo sa parehas na mesa. Nang nagtagpo ang aming mga tingin, ngumiti siya ng bahagya at ibinaba ang binabasang libro. Hinagod ko naman ang aking lalamunan. Parang may kung anong meron sa lalamunan ko. Hindi ko malaman. Kahapon ko pa naman nararanasan ito. Baka may sore throat ako?



          “Aulric, kumusta?” bati ni Caleb. “Congratulations at nakalabas ka na.”



          “Yeah. Pero parehas naman nating alam na hindi pa ako tuluyang nakakalaya hindi ba?” tugon ko. “So, anong meron at tinawag mo ako? Kailangan mo ba ang tulong ko?”



          Bahagyang umiwas ng tingin si Caleb at seryosong tumingin sa aking mga mata. “Kilala mo ba si Nestor?” Mukhang alam ko na ang problemang ito.



          Pinatunog ko ang aking dila. “Huhulaan ko. Kaibigan mo siya, at gusto mo ng kumalas. Pero ayaw ka niyang payagan.”



          Nagulat si Caleb. Tumungo siya at tumango-tango. Tinakpan ng dalawa kong kamay ang aking bibig. Sinasabi ko na nga ba.



          “Ano ba iyan. Hindi ko akalain na may mga kaibigan pala si Nestor na katulad mo. Alam mo ba na masama talaga ang reputasyon ng mga kaibigan mo sa lugar namin?” panenermon ko sa kaniya.



          Nag-angat siya ng tingin. “Well, habang kaibigan ko kasi sila Knoll, naging kaibigan ko na rin sila. Bale, noong mga high school pa lang kami,” paliwanag niya.



          Tinaasan ko siya ng tingin. “At bakit mo naisipang kumalas sa kanila? Bakit ngayon pa? May ginawa ba silang masama sa iyo?” tanong ko.



          Humugot muna siya ng malalim na hininga. “Wala silang ginawa sa akin. May ginawa kaming masama sa isang tao. Binugbog namin si Ethan Zarate.”



          Kumunot ang aking noo. “Ethan Zarate? Iyan ba iyung bassist ng bandang ‘The Antagonist’? Iyung sa ibang school? Kayo ang gumawa noon?”



          “Oo. Kami ang gumawa noon,” pag-amin niya. “Habang nandoon kasi kami sa tambayan namin, may isang lalakeng nakasuot ng maskarang leyon.”



          Medyo natawa ako pagkarinig ng linyang iyun. Maskarang Leyon? Siya kaya si Mr. Lion? Si Tito Henry kaya, siya si Mr. Wolf? Kung hindi ko kaya alam, ano naman kayang klaseng hayop ang gagawin niyang maskara kung sakali? Iyun kayang parang mga siberian husky?



          “Bakit? Seryoso ako. Nakamaskarang leyon na tao,” giit pa ni Caleb. Ginagalaw-galaw pa niya ang kanyang kamay at mukhang ginuguhit ni Caleb ang maskara ng leyon sa mukha niya.



          “Alam ko, alam ko,” natatatawa kong sabi. “May naalala lang kasi ako. Alam mo iyung si Mr. Wolf, paano kung magsuot din siya ng maskara. By the way, si Tito Henry si Mr. Wolf. Siya ang benefactor ko kaya nakapasok ako sa unibersidad na ito.”



          Patango-tango lang si Caleb. “Ahh, ganoon ba?”



          Medyo sineryoso ko na ang aking pagmumukha. “Okay. Ipagpatuloy mo.”



          “So, kinausap kami ng lalaking ito. Pinakiusapan niya kami na bugbugin namin si Ethan Zarate kapalit ng isang kilong shabu. Hinagis niya ang shabung ito sa pagmumukha ni Nestor at napapayag niya ito. Tapos, may mga sinabi pa siyang kondisyones na kapag dumating siya sa eksena ay tigilan na namin ang aming ginagawa. At umalis na siya. So, kinabukasan ay isinagawa na namin ang plano. Inantay namin si Ethan na makauwi sa kanila at inabangan. Then, ginawa namin ang bagay na iyun sa kaniya. Tapos na. Ngayon, na-realize ko na siguro ay napakasama ko ng tao. Palagay ko’y tama na ang pagkakaibigan namin ni Nestor. Kaya kinausap ko siya na ayoko na siyang maging kaibigan. Pero pinagbantaan niya ako. Kapag daw kumalas ako sa kanila, baka ikanta ko sila, o sila ang kakanta sa ginawa namin kay Ethan,” mahabang kwento ni Caleb. Hay! Problema talaga si Nestor, noon, at magpakailanman.



          “Alam mo ba na si Nestor, kapag daw kumalas ka sa kaniya, may dalawang paraan para makalabas ka. Una, may ibigay ka sa kaniya para payagan ka niya. Pangalawa, magpakamatay ka o magtago-tago ka na habang buhay. Kaya maliban doon sa kinausap mo siya, sumubok ka ba ng ibang bagay para mapakiusapan siya? Halimbawa na lang, suhulan siya. Ginawa mo na ba iyun?” tanong ko.



          “G-Ginawa ko na rin iyun. Pero hindi siya pumapayag,” iling niya.



          “Mukhang demanding. Siya nga pala, ako din, magiging demanding ako para ayusin itong problema mo. Una sa lahat, gusto kong bigyan mo ako ng isang milyong piso.”



          “A-Aulric, kahit may ganyan na kalaking pera ang mga magulang ko, mahirap ang makapaglabas ng ganyang kalaking pera.”



          “Relax. Nagbibiro lang ako. Ang gusto ko lang ay masali ako sa circle of friends ninyo ni Knoll.”



          “Ha? Teka, hindi mo ba alam na dineklara ka ng kasali sa circle of friends namin?”



          Nanlaki ang aking mata. “Ohh! Well, asaan ang ibang miyembro ng circle of friends natin? Bakit hindi nila ako nilalapitan o kinukumusta? Gaya ng, oi, Aulric, nakalabas ka na pala ng kulungan. Kumusta ka?”



          “H-Hindi sila makaharap sa iyo dahil nahihiya sila. Bigyan mo sila ng panahon. Kahit makulong ka at dahil kaibigan ka pa rin namin, bibisitahin ka namin.”



          Tinaliman ko si Caleb ng tingin. “Okay.  Iibahin ko na ang demands ko. Maghintay ka ng tamang panahon. Sa ngayon, mag-iisip ako ng pwedeng maging solusyon diyan sa problema mo. At tatawagan na lang kita kapag may naisip na ako. Huwag kang mag-alala. Makakakalas ka kay Nestor bago ako makulong.”



          “Salamat Aulric,” nakangiting wika niya. “By the way, parang sa tono ng pananalita mo kanina, kilalang-kilala mo si Nestor.”



          “May history kasi kami.” Tumunog ang phone ko at tiningnan ko ito. “Mukhang oras ko na para umalis. Aalis na ako.”



          Hindi na ako nagpaalam at tumayo. Lumabas na ako ng library at saktong-sakto na nakasalubong ko si Shai kasama ang asawa niyang si Ricky.



          “Ahh, Aulric, just in time.” Nakahinga ng maluwag Shai nang makita ako.



          “Paano, iiwanan ko na kayo,” wika ni Ricky. “Aulric, congratulations pala sa iyo. Nakalabas ka ng kulungan temporarily at, sana mapatunayan mo na ngayon ang sarili mo na hindi ikaw ang gumawa ng bagay na iyun kay Isabela. Pasensya ko na nga lang kung hindi kami nakasalubong sa iyo.” Nilagay ni Ricky ang isa niyang kamay sa kabilang bewang ni Shai. “Kami ng asawa ko, at ni papa ay may pinuntahan.”



          “Naiintindihan ko Ricky. May mga sarili kayong buhay at wala akong magagawa doon,” walang amor kong tugon. “Tara na ba Shai?”



          Hinalikan na muna sa labi si Ricky ng mabilis. Pagkatapos ay sabay kaming naglakad papunta sa parking lot. Doon, sumakay kami sa kotse ni Ricky para pumunta sa mall.



          “So, kumusta iyung pakikipag-usap mo kay Caleb?” agad na tanong niya. “Matutulungan mo ba siya?”



          “Mukhang oo, mukhang hindi,” sagot ko. “May naisip na kasi akong paraan para tulungan siya. Kaya lang, hindi ko alam kung papayag naman iyung isang party sa plano kong ito. Mamaya ko pa malalaman. Kung pumayag, lahat ay magiging masaya.”



          “Great! Tapos suhulan mo siya ng napakalaking halaga! Mga, mga isang milyon. Tapos gamitin mo ang pera para tumakas sa bansang ito.”



          Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. “Ginawa ko na iyan Shai, salamat.”



          Kumunot ang noo niya. “Ang tumakas sa bansang ito? Bakit nandito ka parin?”



          “Hindi. Ang maghingi ng suhol ng mga isang milyon. Ano ka ba? Haharapin ko ang kaso kong ito para lang mapatunayan sa lahat na hindi ako ang gumawa ng bagay na iyun kay Isabela. Kung sino man ang may kagagawan ng lahat ng ito, mukhang kilala ako at pati na rin si Isabela. Mukhang alam niya kasi ang konting hindi magandang history namin ni Isabela.”



          “Si Sharina iyan,” sabi niya habang pinaikot ang kanyang tingin habang nag-iwas ng tingin. “Kaibigan niya si Isabela, tsek. Baka naikwento ni Isabela ang konting history ninyo, tsek.”



          Binunggo ng kamay ko ang kanyang balikat. “Hoy, tumigil ka. Huwag kang mag-isip ng ganyan. Kaibigan niya iyun at sigurado naman ako na hindi aabot sa ganoong lebel lalong-lalo na si Sharina herself. Siguro, kung siraan si Isabela habang nakatalikod ang tao, pwede pa. Pero kapag ganoon na, seryosong usapan talaga iyun Shai. Buhay ang nawala Shai. Isang buhay na hindi pa lumalabas sa sinapupunan ng kanyang ina. Baka mamaya, sa kakaisip mo ng ganyan, kapag nalaglag ang anak mo, isipin mo na ako ang may kasalanan.”



          Napalingon siya sa akin. “Ay! Hindi naman ganoon.”



          “May epekto pa naman sa utak ng tao ang ganyang klaseng pag-iisip. Halimbawa na lang ay kung si Sharina talaga ang may gawa noon kay Isabela, baka taasan mo ang depensa mo sa iyong mga kaibigan. Baka isipin mo na may balak kaming ilaglag ang anak mo kung sakali.”



          “Hindi naman. Ang totoo, nagtitiwala ako sa inyong lahat na hindi niyo gagawin ang bagay na iyun sa akin. Pinagkakatiwalaan ko kayo.”



          Naalala ko bigla ang mga sikretong tinatago namin mula sa babaeng ito. “Salamat,” walang amor kong tugon.



          Habang nasa biyahe, hinagod ko na naman ang aking lalamunan. Arghh! Hindi na talaga ako komportable habang hinahagod ang aking lalamunan.



          “Okay ka lang?” tanong ni Shai.



          “Hindi,” sagot ko. “Iyung lalamunan ko, kanina pa, parang may bumabara dito.”



          “Baka Sore Throat na iyan. Tamang-tama. Habang naggo-grocery tayo, bibilhan na kita ng gamot para diyan sa sore throat mo.”



          “Hay! Salamat Shai.”



          “Walang problema. Kaibigan mo naman ako,” nakangiti niyang wika.



          Nang nakarating na kami sa mall, sinimulan na namin ang aming mga grocery. Medyo mahaba ang listahan na kailangan ni Shai. Karamihan ay mga ingredients para sa paparating na pasko, at bagong taon, na naman. Napakabilis talaga ng panahon. Sa susunod na taon, third year na ako at isang taon na lang. Makakapagtapos na ako. Iyun ay kung hindi ako makukulong ng mahabang panahon sa kasong kinakaharap ko.



          Habang nag-iisip ako, nahagod ko ulit ang aking lalamunan. Hindi na talaga ako komportable sa nararamdaman kong ito. Ano kaya ang nangyayari sa akin?



          "Pare, may sore throat ka?” tanong ng kung sinong tao sa harapan ko. “Tsumupa ka siguro kaya nagkaroon ka ng ganyan.”



          "Ano ba ang pakialam mo pare kung nagka-sore throat ako sa kakatsupa sa boyfriend ko?“ wala sa sarili kong sabi. Umubo naman ito ng ilang beses saka hinagod ang lalamunan. Wrong timing dude.



          "Aulric, hindi nga?“ gulat ni Shai. "Tsinupa mo si Zafe? Asdfghjkl! Akala ko ba... Nangako ka pa nga sa sarili mo na kahit kailan, hinding-hindi mo hahayaan ang sarili mo na gumawa ng makamundong hangarin kay Zafe. God! Gaano kalaki best? At kailan mo pala siya naging boyfriend? Pero iyung pangatlong tanong ko ang sagutin mo. Gaano kalaki?“



          "Manahimik ka nga Shai! It's none of your business,“ balik ko sa kaniya. Hinagod ko ulit ang aking lalamunan dahil hindi na talaga ako komportable sa aking nararamdaman.



          "It's my business. Best friend mo ako. Imagine, si Zafe, kinain mo ang kanyang ano? Ay!“ kinikilig na saad ni Shai. Babae, anong nangyayari sa iyo? Hindi kaya tayo mag-best friend.



          "Magtigil ka nga Shai. Magpapakamatay na ako dahil sa nangyaring iyun. Bwisit!“



          "Pare, pinalala mo lang ang sitwasyon. Hindi kita kausap,“ sabat ng taong bigla akong kinausap. Hindi pala niya ako kausap sa lagay na iyun?



          "Nakaharap ka sa akin? Hindi mo ako kau-“



          "Aulric, tell me more about your experience with your crush? Nasarapan ka ba?“ kinikilig na pagputol ni Shai saka umangkla sa akin at naglakad paalis.



          Agad na kumalas ako kay Shai. “Anong nangyayari sa iyo kanina? At ano ang nangyari kanina?” agad na tanong ko. “Hindi ko maintindihan. Kinikilabutan ako.”



          “Ako nga din. Bigla akong nawala sa sarili,” sagot ni Shai. “Baka may script lang na hindi nasunod at pinilit na lang. Ang galing. Pero ako, seryoso ako sa iyo nang itinanong ko sa iyo kung gaano kahaba ang ano ni Zafe. So tsinupa mo pala siya kaya nagka-sore throat ka?”



          Sineryoso ko siya ng tingin. “Mukhang seryoso din ako kanina nang sinabi ko na tigilan mo iyan Shai. Halika na nga! Ipagpatuloy na natin ang ginagawa natin.” Tinulak ko na ang aming push cart para hanapin ang susunod na kukunin namin sa mall na ito.



          “Oo nga pala Aulric. Ni minsan ba sa buhay mo, nagkaroon ka ng best friend?” tanong ni Shai habang sabay kaming naglalakad.



          “Yeah. May best friend ako, once,” sagot ko. “Pero ako mismo ang lumayo sa best friend kong ito dahil, kailangan ko siyang layuan. Isa siyang masamang tao.”



          “Bakit? Ano ba ang nangyari kaya nasabi mong isa siyang masamang tao? Kaya lumayo ka sa best friend mo?”



          Huminto ako sa pagtulak nang makita ang isa sa mga bagay na nasa listahan ni Shai. Nilagay ko ito sa push cart at nagpatuloy ulit sa paghila. “Baka ang magandang itanong mo, sino ang best friend ko?”



          “Okay. Sino?” tanong niya.



          “Si Nestor,” walang amor kong sagot.



          “Si Nestor? You mean, iyung masamang kaibigan ngayon ni Caleb na Nestor?”



          “Yeah.  Bata pa lang kami, naging best friend ko na siya. Magkasundo kami sa mga bagay-bagay, basta. Mga bagay-bagay na masasami mo talagang best friend ang isang tao. Gaya mo at ni Camille. Hanggang sa nagkagulo-gulo na ang lahat, nalaman ko na may koneksyon si tatay at Nestor sa mga ilegal na bagay, kaya tinigil ko na ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya. At simula noon, lumayo na ako sa kaniya,” mahabang kwento ko. “Kung magtatanong ka kung kailan ko siya huling nakita, noong pumunta sa court nila si Zafe, at nilampaso sila ni Ricky. Nakuha nila ang court, at balita ko’y naibalik ulit kila Nestor ang pagmamay-ari nito.”



          Nakita kong tumango si Shai pahiwatig na nakukuha niya ang kwento ko. Ilang minuto ang nakalipas, dumaan ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Habang naghihintay sa counter, biglang may naalala si Shai.



          “Teka? Kung tama ang pagkakaalala ko, iyang Nestor na iyan, sa URS nag-aaral. At kasama din siya sa Basketball Club ng school na iyun. Iyung mga maduduming maglaro,” nakakunot-noong sabi ni Shai.



          “Yeah, sila iyun,” pagkumpirma ko. “Pero paano kaya nila nagagawa iyun? Nakakapandaya sila ng harap-harapan sa bawat laro?”



          “Baka naman binabayaran ang mga referee? Kahit ano naman kasing tuligsa mo sa nakikitang kadayaan ng mga naglalaro sa court, sa referee pa rin ang huling desisyon. Hay! Sana maging ayos ang Ricky ko kapag nakalaro sila.”



          Nang naiplastik na ang mga pinamili namin, bumalik na kami sa kotse. Nang umandar na ito, wala na kaming mga bagay na napag-usapan ni Shai. Kapwa-busy kami sa pagtingin sa bintana ng kotse sa pwesto namin. May mga sariling bagay kaming pinag-iisipan ngayon. Ako naman ay meron din. Ahh! Sa tingin ko ay ngayonko na gagawin ang bagay na iyun.



          Nang mahagip ng mga mata ko ang isang kompyuter shop, biglang may naisip akong ideya. Dito na ako bababa.



          “Manong, bababa na po ako,” sabi ko sa driver namin.



          “Aulric, napakalayo pa natin ahh? Bababa ka na agad?” baling sa akin ni Shai. Huminto naman ang sasakyan.



          “Oo. May mga kailangan pa akong gawin. Hindi mo naman ako kakailanganin para buhatin ang mga pinamili mo hindi ba?” Tinuro ko ang mga pinamili namin sa likod.



          “Umm, oo naman. Nandyan naman si manong driver para tulungan ako. Sige. Mag-ingat ka.”



          Bumaba na ako sa kotse. “Ingat ka din.”



          Muling humarurot ulit ang sasakyan ni Shai. Humugot lang ako ng buntong-hininga at naglakad ng mga ilang metro hanggang sa maabot ko ang ang kompyuter shop na nakita ko. Napatigil naman ako saglit sa paglalakad nang may makitang pumarada na kotse sa harap ng kompyuter shop. Tiningnan ko lang ito at nag-antay kung bababa ba ang mga taong ito sa kotse nila. Walang bumaba. Napakasigasig ng mga taong ito. Magkano kaya ang sweldo sa kanila?



          Nagpatuloy ulit ako sa paglalakad. Nang binuksan ko ang pintuan ng establisyimento, ramdam ko ang lamig ng lugar. Napakarami namang improvements sa shop na ito. Hindi ako regular sa shop na ito, pero kahit papaano ay nakatapak na ako dito ng mga ilang beses. Dito ako natutong magkompyuter sa pamamagitan ng pagtingin sa mga tao dito noon. Pero alam niyo na, biglang may nangyari at tinigil ko.



          Pumunta na ako sa counter at inabala ang bantay na mukhang may sariling ginagawa sa kanyang monitor. Pagkakita sa akin, binigay ng bantay ang kanyang buong atensyon sa akin. Ngumiti ito sa akin at mukhang masayang-masaya ang taong ito. Hindi ko alam kung bakit. Kung tama ang pagkakatanda ko, Larson ang pangalan ng bantay na ito. Ang laki na niya. Hindi nga lang kami ganoon magkakilala.



          “Gusto niyo po bang mag-rent ng PC?” tanong nito sa akin.



          “Ahh, yes,” sagot ko. “Pero may ilang request lang ako kung maaari.”



          “Request? Ano po iyun? Party sa Dota 2, duo sa League of Legends, sa Smite, Heroes of Newerth, at Heroes of the Storm? May ekstrang bayad po iyun.” Ano daw?



          Kumunot ang aking noo. “Hindi ko alam kung ano ang mga iyun, pero sigurado akong hindi iyun ang kailangan ko. Ibang bagay ang aking kailangan. Makikinig ka ba?”



          May kinuha siya sa kanyang counter na isang mini-pad at isang ballpen. “Ahh! Mukhang alam ko na iyan. Ano po iyun?”



Geoffrey’s POV



          Kasalukuyang nasa isang undercover mission ako ngayon. May tinitiktikan kasi akong, mga grupo ng tao na may kinalaman sa kaso ng aking hinahawakan. Wala ngayon si Christian dahil nasa ibang misyon siya. At napakaboring ng misyon kong ito dahil wala nga si Christian. Wala akong makausap, wala akong makausap, wala akong makausap. Seryoso, gusto ko siyang kausapin ng kahit anong mga bagay dahil iyun ang kailangan ko ngayon.



          Interesado ba kayo sa kaso ng hinahawakan ko ngayon? Dahil kung hindi, ikikwento ko pa rin. Kasalukuyan kasing may isang sikretong droga ang kumakalat sa aming bayan. Ang mga drogang ito ay kakaiba, at napakalaki ng ginagawang pinsala kahit na walang pisikal na pinsala ang nangyari. Ang ibig kong sabihin, mental na pinsala. Sa utak para malinaw. Baka hindi niyo ako maintindihan.



          Nito kasing isang araw, isang kasamahan naming pulis ang nabiktima ng drogang ito. At anong nangyari sa kasamahan naming ito, nawala lahat ang kanyang alaala. As in, lahat, lahat. Alaala ng asawa niya, ng mga anak niya, ng sarili niya, ng mga kamag-anak niya, ng lahat. Nawala din daw ang mga impormasyon na hawak ng kasamahan namin. Mga impormasyon para malaman kung saan, sino, paano, ang drogang ito na kumalat sa aming lugar.



          Para sa asawa ng kasamahan naming ito, napakahirap ng kanyang kalagayan. Bumalik kasi sa pagkabata ang kasamahan. Naging kalebel tuloy siya ng mga kanyang mga anak. At walang nakakaalam kung maibabalik pa ba ang memorya ng kasamahan naming ito.



          Napabuntong-hininga ako. Naisip ko kung paano kapag isa sa amin ni Christian ay mabiktima din ng drogang ito? Tapos, parehas pang hindi alam ng mga magulang namin ang aming relasyon. Paano namin maibabalik ang aming pagmamahalan? Iyung mga masasayang alaala namin? Paano kung imbes na sa akin mapunta dapat si Christian, paano kung sa ibang tao na? Makakaya ko ba? Isipin ko pa nga lang, nasasaktan na ako.



          「Some hours ago…



          “Well, ang magagawa mo na lang ay maging positibo na babalik ang alaala ng isa’t isa,” sagot sa akin ni Luke habang nagtitipa siya sa kaniyang kompyuter. Nagtanong kasi ako sa kaniya kung paano kaya kung mangyari din sa kaniya ang nangyari sa isang kasamahan namin na nawalan ng alaala.



          “Mukhang mahirap,” wala sa sarili kong saad.



          “Ano ka ba Geoffrey? Ganoon talaga. Siyempre, hindi lahat ng bagay ay madali. Tsaka, imposible na hindi magbalik ang alaala ng isang tao. I’m sure, may ilang bagay na nakabaon sa kanilang utak, kaya sooner or later, maaalala nila ang lahat. Take for example ay ang computer na ito. Hindi mo ba alam na kahit i-permanent delete ko pa ang mga files ko dito, makukuha at makukuha ko ito. Depende na lang kung hindi na kayanin nung application na aking ginagamit ang pag-recover sa nabura ko.”



          Kumunot ang aking noo. “Paano naman nangyari iyun? Dahil may backup ka?”



          Inikot ni Luke ang kanyang mata saglit. “Hindi. Wala akong backup. Sabihin na lang natin na aksidenteng nabura ko ng permanente ang ipapasa kong report bukas. At dahil sa isang application na ginamit ko, naibalik ko ito. Nasusundan mo ba ako?”



          Tumango ako. “Pero paano? Wala akong masyadong alam sa mga computers. Ang alam ko lang ay gumamit ng Microsoft Word.”



          “Kapag may ginawa ka kasing file at binura mo ito ng permanente, hindi totoo na nabura na ito ng permanente. Sabihin na lang natin na ang file na binura mo ay may iniwang piraso sa iyung hard drive, o SD card. Tapos gamit ang isang application, makukuha mo ulit iyun. Salamat sa pirasong memorya na iniwan nung file,” paliwanag niya.



          “Pero malaki ang pagkakaiba ng tao at ng computer. Ang tao, walang application para maibalik ang kanyang mga alaala.”



          Kinuha ni Luke ang ballpen sa harap niya at nilagay sa pagitan ng kanyang tenga. “Alam mo Geoffrey, may sagot diyan sa tanong mo. Bakit hindi mo siya dalhin sa mga lugar kung saan para sa iyo ay pinaka-memorable sa inyong dalawa? At kung wala siyang maalala, subukan mo ulit na lumipat sa iba. Tapos paulit-ulit mong gawin iyun. Siguradong isa sa mga attempt mo, siguradong may maaalala ang taong iyun. Hindi basta-basta nakakalimutan ng katawan ang mga hilig at gusto niyang gawin. Ang hangin na pumapalo sa kanyang balat sa tuwing tumatakbo siya, ang lamig ng ice cream na kinakain niya kasama ang mahal niya, ang bawat kilitian nila sa isa’t isa, hindi makakalimutan ng katawan iyun. Kasi ang nararamdaman ng katawan mo, napakasarap sa pakiramdam. Kaya ang bagay na iyun, maiiwan sa katawan, may ibang parte na mapupunta sa iyung utak bilang alaala, pero sa katawan, hindi na maiaalis iyun. Lalo na kung paulit-ulit na ginagawa.”



          “Huwag mong sabihin na kung sakaling makalimutan ka ng girlfriend mo ise-sex mo siya agad?” tanong ko.



          Nag-iba ang timpla ng mukha niya. “Hindi iyan ang dapat mong itanong, pero napakainteresanteng gawin sa isang taong may amnesia.” Natawa siya ng bahagya. “Sino kayang tarantadong tao ang ginawa na ang bagay na iyan?”」



          Bigla akong may naisip sa pagbabalik-tanaw ko sa pag-uusap namin ni Luke. Tama. May dapat akong gawin para kay Christian at nang hindi niya ako makakalimutan kahit mawala ang alaala niya. Hindi sapat iyung kwintas na binigay ko sa kaniya, kaya simula bukas, mag-aaral akong magluto para ipagluto siya. Lagi siya kasi ang nagluluto sa apartment ko kaya siguradong maaalala ko siya kapag nakain ko ang luto niya. Ako naman iyung lamon ng lamon.



          Naputol ang paglipad ng isip ko nang tumunog ang aking phone. Base sa tunog na binigay nito, isa itong mensahe.



          Tiningnan ko ito at nalaman na gustong makipagkita sa akin ni Aulric sa isang computer shop. At may mga kakaibang instructions ang kanyang text sa akin ngayon.



          “Tanungin mo ang bantay tungkol sa akin at huwag na huwag kang magpapahalata na napansin mo ako, o kilala mo ako. Malalaman mo na lang kapag andoon ka na,” basa ko sa text niya.



          Kumunot ulit ang aking noo ng ilanag segundo at ibinaba ko na ang aking phone. Sinumulan ko naman paandarin ang aking kotse at lumisan na sa lugar na iyun. Siguro, sa ibang araw ko na gagawin ang surveillance ko sa ilang mga tao. Baka wala akong mapala sa aking ginagawa.



          Nang maipark ko na ang nirentahan kong kotse sa tapat ng establisyimentong pinapunta sa akin ni Aulric, agad na napansin ko ang dalawang lalaki sa hindi kalayuan na nakatayo sa kanilang kotse marahil. At hindi lang basta-basta ang dalawang lalaki na nakita ko. Mga, kasamahan ko sa pulisya ang mga ito, at kilala nila ako. At kung tama ang pagkakatanda ko, mga tauhan ito ng mga Dominguez. So itong mga taong ito ay sinusundan si Aulric? Gusto bang maniguro ng pamilya Dominguez na hindi siya makakatakas sa batas?



          Nagkibit lang ako ng balikat at nilampasan ang dalawang taong ito. Nakita naman nila ako pero parang wala lang sa kanila. Ang totoo, baka hindi nila ako nakilala. May suot kasi akong bonnet sa ulo, shades sa mata, at face mask. Umubo pa ako ng ilang beses para hindi sila maghinala sa kasuotan ko.



          Pagkapasok sa computer shop, pumunta agad ako sa counter ng bantay. Nadatnan ko itong busy sa kaniyang computer, at parang nakita ko na ang bantay na ito. Hindi ko lang matandaan kung saan. Dito kaya sa computer shop na ito? Ehh, kung tama ang pagkakaalala ko, unang beses ko pa lang na napunta sa lugar na ito.



          “I’m sorry, holdap ba ito?” tanong ng bantay matapos mapansin ang matagal na pagkatengga ko sa counter niya. Ilang segundo ba akong nakatingin sa kaniya?



          Nagulat ako ng konti. “Umm, hindi. Hindi ito holdap. Actually, kabaligtaran iyun ng aking karaniwang ginagawa,” balik ko.



          “Okay. So, magre-rent po ba kayo ng PC?”



          Natulala na naman ako ng mga ilang segundo matapos ang tanong niya. “Pare, nagkita na ba o nagkakilala na ba tayo noon?”



          Napahagikgik ang bantay. “Sabi ng taong halos hindi ko makilala dahil may nakasuot na bonet, shades, at face mask.”



          Hinawakan ko ang aking bonnet para sana makilala niya ako ng mabuti pero naalala ko na hindi ko dapat hubarin ito. “Umm, pasensya na. H-Hindi ko kasi pwedeng tanggalin ang mga ito. Pero sinisiguro ko sa iyo na hindi ako masamang tao.” Ibinalik ko ang aking kamay sa counter. “Sa tingin ko, sa ibang araw na lang ako magpapakilala, o ano. May mga mas importante akong bagay na kailangan tapusin.”



          “So, magre-rent ka ba ng PC?” muling tanong niya.



          “Yes.”



          “Pangalan?”



          “Geoffrey.” Kumunot ang aking noo. “Bakit mo nga pala itinanong ang pangalan ko?”



          “So ikaw ang taong hinihintay ni Aulric.”



          “Aulric? Ahh! Oo. Ako ang taong hinihintay ni Aulric.”



          Lumabas ang taong ito sa counter. “Sumunod ka sa akin.” Sumenyas pa siya sa akin.



          Tahimik lang akong sumunod sa kaniya. Patuloy ko pa rin iniisip kung saang parte ng buhay ko nakita ang taong ito. O baka naman may kamukha siya? Hindi ko talaga alam.



          “Larson ang pangalan ko,” pagpapakilala niya habang binubuksan ang PC na gagamitin ko. “Nice to meet you Geoffrey.”



          “Okay. Ikaw din. Nice to meet you.”



          Nginitian ako ni Larson. “Umupo ka na at mag-antay na bumukas na ng tuluyan ang PC. Kung may mga kailangan pa kayo, punta lang kayo sa counter at tawagan ako. Okay?”



          “Okay.”



          Matapos umalis ni Larson, umupo na ako sa PC na gagamitin ko. Napailing pa ako matapos sundan pa rin ng tingin si Larson habang bumabalik ito sa kanyang counter. Naisip ko kasi na sa ginagawa ko ay baka pinagtataksilan ko na si Christian. Pero wala naman akong gusto sa Larson na iyun, tama? Para lang kasing, may bagay sa kaniya na, talagang bumabagabag sa akin. Ano kaya iyun?



          Nang bukas na ang PC, wala akong sinayang na oras kung hindi magbukas ng isang browser. Habang naglo-load, may napansin akong parang application sa desktop. Ang pangalan nito ay Geoffrey at Aulric. At may icon ito ng isang chat bubble. Agad na ni-load ko ito at nalaman na isa itong chatroom para sa aming dalawa ni Aulric.



Nelville: Hi. Mabuti naman at nakarating ka na din sa wakas. Akala ko hindi ka na dadating. Naka-open time pa man din ako at wala na akong pambayad sa mga susunod na oras.



Geo: Well, nandito na ako. So ano ang atin ngayon. Kailangan mo ba ang tulong ko para sa kaso mo? Para mapatunayan na inosente ka?



Nelville: Umm, hindi. Iba ang agenda ko ngayon kaya gusto kong hingin ang tulong mo.



Geo: Ano iyun?



Nelville: Pwede ka bang maging mata sa loob ng inyung kapulisan para sa isang sindikato?



          Nanlisik bigla ang aking mata sa aking nabasa. Anong kalokohan ang pinagsasasabi ng taong ito?



          Huminga muna ako ng malalim ng mga ilang beses bago ako sumagot sa tanong niya. Baka kasi masira ang keyboard kapag magta-type ako.



Geo: BIGYAN MO AKO NG MARAMING VALID NA ARGUMENT PARA GAWIN IYAN ANG GUSTO MO?!



Nelville: And, gaya nga ng inaasahan ko.



Geo: AULRIC, PARA SA AKIN, NAPAKABIGAT NG HINIHINGI MO! ANO TAYO?! MAGKAPAMILYA? EHH, NAGING KAIBIGAN LANG NAMAN KITA MATAPOS MAKATAKAS KA SA ISANG KASO NG PAGPATAY?! AT ALAM MO BA ANG MGA NANGYAYARI SA KAPULISAN NAMIN HABANG SINUSUGPO ANG DROGA, MAY MGA NAPAPAHAMAK, MAY NAWAWALAN NG MEMORYA, AT AYOKO NG DUMAGDAG PA KAPAG MAYROON PANG MATA SA KAPULISAN ANG MGA SINDIKATO! KAYA IYANG MGA REBUTTAL MO SA AKIN, SIGURADUHIN MO LANG NA MAGUGUSTUHAN KO!



Nelville: Okay. Sa totoo lang, hindi ko alam na ganyan na pala ang lagay ng mga kapulisan ngayon sa lugar natin. Pasensya na. Pero kasi, ikaw lang ang alam kong matatakbuhan sa ngayon.  At hindi para sa akin ang bagay na hinihingi ko. Para ito sa kaibigan ko, na accidentally, may naging kaibigan siya na hindi karapat-dapat. At ang kaibigan niyang ito, may gustog hinging kapalit bago siya makakalas.



Geo: BAGAY BA NA MAKAKATUMBAS SA BUHAY NG KAIBIGAN MO?! GAYA NG, MAGING MATA AKO PARA SA SINDIKATONG ITO?!



Nelville: Eksakto. Pero hindi lang naman sila ang makikinabang. Sigurado akong makikinabang ka din.



          Bigla akong nagkainteres sa mensahe ni Aulric. Pinahupa ko ang galit sa aking sistema. Mukhang may naisip siyang paraan para lahat ay hindi malulugi sa gagawin niya. Or so I think na may malulugi talaga pagdating ng panahon.



Geo: Sige nga. Gusto kong malaman iyang plano mo. Makikinig ako.



Aulric’s POV



          Nakahinga ako ng maluwag matapos sundan ang naka-disguise na si Geoffrey papalabas ng pintuan ng shop. Para akong nakapasa sa ginawa kong presentation, at sa kabutihang palad, pumayag si Geoffrey sa plano ko. Mabuti naman. Ngayon, ang kailangan ko na lang gawin ay tawagan si Caleb, at isagawa na ang aming plano sa tamang panahon.



          Kinabukasan ng gabi, kasama si Caleb, naglakad na kami papunta sa hideout ni Nestor. Parehas kaming tahimik na naglalakad, dahil sa wala kaming mutual na mapag-uusapan ni Caleb. Alangan naman pagalitan ko pa siya ulit dahil sa naging kaibigan niya si Nestor kasi, iyun ang topic na naiiisip ko ngayon. Wala ng iba.



          Mga ilang minuto ang lumipas, huminto na kami ni Caleb sa isang building na may mukhang may tatlong palapag. Sa pinakababa nito ay parang bentahan ng hardware. Sa pangalawa ay hindi ko alam. Baka dito na iyung taguan nila Nestor.



          “Nandito na tayo,” deklara ni Caleb. “Nandito iyung taguan nila Nestor ngayon.”



          “Hindi nakakagulat,” pailing na komento ko. “Handa ka na sa gagawin natin?” tanong ko kay Caleb.



          “Umm, sigurado ka ba Aulric? Gagana ba ang planong sinasabi mo?”



          “Ang totoo, hindi ko alam. Ang alam ko lang kasi, nakahanda na ang lahat. At tayo na lang ang hinihintay para matupad na ang plano. So, papasok na ba tayo para makipagnegosasyon, o tatakbo ka na lang para makita mo pa sila araw-araw na nagdo-droga hanggang sa gumamit ka na din?”



          Hindi nakasagot si Caleb at napalunok siya. Imbes na nagsalita siya, sinagot na lang niya ako sa pamamagitan ng pagtango. Tumayo siya ng tuwid at naglakad na papasok sa hardware. Sumunod naman ako sa kaniya at nilagay ang aking mga kamay sa mga bulsa ko. Yan! Tama iyan. Kung umatras ka pa ay masisira talaga ang plano ko. Siguradong magagalit si Geoffrey sa akin.



          Pagkapasok ko sa hardware, nadatnan ko si Caleb na kinausap ang isang trabahador. Napakainit na tiningnan ako ng ilang mga trabahador sa hardware na iyun hanggang sa pinakilala ako ni Caleb na kasamahan niya. Rinig ko naman na pinahintulutan ako nung kinakausap niya na pumasok sa kung saan man kami pupunta. Kaya naglakad na kami at sinundan ang kinakausap ni Caleb.



          “Hay! Mabuti na lang at pinayagan ka nilang makapasok,” bulong sa akin ni Caleb habang naglalakad. Ang hindi alam ni Caleb, ang mga taong ito ay naging mga dati ko ding kaibigan. Kaya madali lang akong pinayagan na makapasok.



          Sa pangalawang palapag ng gusali, nadatnan namin sila Nestor na sinasagawa ang kanilang karaniwang ginagawa sa shabu. Gulat na napatingin sa akin si Nestor matapos magtagpo ang aming mga tingin. At hindi lang siya ang nagulat. Ako din. Nagulat din ako nang sa isang banda ng kwarto, nakita si Dart Aguire. Ang magiging key witness sa pagpapatunay na inosente ako. Akala ko ba ay may sakit siya?



          “Best, napasyal ka sa taguan ko?” bati sa akin ni Nestor. “Kumusta ka? Anong ginagawa mo dito sa taguan ko? At may kasama ka pala. Ikaw iyan Caleb hindi ba?” Tumayo ito sa kanyang kinauupuan.



          Lumingon sa akin si Caleb na nagulat. “B-Best?”



          “Ex-best friend,” mabilis na bulong ko kay Caleb. “Wala naman best. Gusto lang naman kita kausapin tungkol sa, pagpapatanggal ng membership ni Caleb sa inyong club. Ayaw na niya kasi sa club niyo at gusto niyang sumali at maging full-pledged member sa club namin. Pwede ba nating pag-usapan ito sa mas, ano nga ba ang salita para dito?” Dahan-dahan na isa-isa kong tiningnan ang mga adik na sabog. “Mas pribadong lugar?”



          “Hmm. Sige,” pagpayag ni Nestor. “Sumunod kayo sa akin.”



          Lumakad si Nestor papunta sa isang kwarto. Nauna naman ako maglakad kay Caleb na halos isasarado ko ang pintuan sa pagmumukha niya kung hindi siya pumasok agad sa kwartong pinuntahan ni Nestor. Ang bagal-bagal kasi. Mukhang pina-process pa niya kasi sa utak niya na magkaibigan kami ni Nestor. Hindi ba’t nasabi ko na sa kaniya kahapon na may history kami? Ano ba ang inaasahan niya?



          “Umupo kayo,” yaya ni Nestor.



          Umupo kami sa isang malaking sofa na nakaharap sa mesa ni Nestor. Si Nestor naman ay nakaupo sa pang-isahang sofa at inilapag pa ang kanyang paa sa mesa.  Para siyang katulad sa mga mangungutang na kapag hindi mo binayaran ay lamang-loob na lang ang ipambabayad mo. Kulang na lang ay iyung mga bantay niya na nakapwesto lang sa labas. Marahil ay hindi pa niya kailangan ng mga bantay. At ang dami na talagang nagbago sa kaniya simula ng tinigil ko ang pakikipagkaibigan sa kaniya.



          “Ngayon, tungkol sa pagkalas ni Caleb sa akin, gusto kong sabihin sa iyo Aulric na hindi na mauulit iyung nangyari sa iyo noon. Binigyan lang kita ng exception dahil naging mag-best friend tayo. Kaya ang paraan na lang ngayon para kay Caleb ay una, magpakamatay siya sa harap ko ngayon din, pangalawa, may ibibigay siya sa akin na isang, napakahalagang bagay na napakahirap makuha maliban sa mga ginto. Hindi ko kasi kailangan ng pera dahil marami na ako noon. Ang kailangan ko ay, bagay na makakatulong talaga ng malaki sa akin maliban sa pera,” paliwanag ni Nestor.

         

          “Ako na ang bahala dito. Huwag kang sumabat gaya ng nakasaad sa plano,” bulong ko kay Caleb.



          Tumango siya hudyat na naiintindihan niya ang aking mga plano.



          “So ikaw Aulric ang magiging bibig ni Caleb ngayon? Tsaka teka nga pala. Paano mo naging kaibigan ang taong ito? At Caleb, paano mo naging kaibigan si Aulric?”



          “Ahh! Napakahabang storya niyan,” sagot ko. “Kulang ang isang araw para ikwento ko sa iyo ang lahat. Pagsasayang lang ng oras ang magkwento.”



          “Sige na Aulric. Magkwento kayo. Gusto ko kasing makapag-catch up sa mga nangyayari sa buhay mo. Ang latest lang sa akin ngayon ay ikinulong ka ng mga Dominguez dahil nilaglag mo daw ang dinadalang bata ng babae nilang anak. Ano nga ang pangalan ng anak nila? Sabina? Avila? Gabriella? Umbrella? Isabela?”



          “Hay nako! Ikaw talaga best! Saka na iyan. May mas importante tayong pag-uusapan. At pro-tip lang, mahalaga ang oras sa atin ngayon. Baka nga magpasalamat ka pa kung straight to business na ang pag-uusapan natin ngayon?”



          Sumeryoso ang mukha ni Nestor. “Ano ang ginawa mo naman ngayon?”



          “Ohh! Relax. Easy lang. Huwag kang magmukhang seryoso. Dahil sa kwartong ito, ako dapat mukhang seryoso dito.” Seryoso ko ring tiningnan si Nestor sa mata. “Ngayon, sisimulan na ba natin ang negosasyon? O magpasakalye muna tayo at magkwentuhan?”



          “Makikinig ako.”



          “Great!” masaya kong wika. “So, ang agenda namin ni Caleb ay i-revoke mo ang kanyang membership sa friendship club ninyo.”



          “At gaya ng sabi ko kanina, kailangan ay may kapalit ang pagkalas niya sa akin. Hindi ko kailangan ng pera, basta isang bagay na makakatulong talaga sa akin.”



          “Narinig ko ang sinabi mo. Ngayon, anong oras na ba?” Tumingin ako sa orasan na nasa bisig ni Caleb. “Mga sampung minuto na lang pala bago mag-ikawalo ng gabi. Meron na lang pala tayong sampung minuto para mag-usap.”



          “Ano?!” Napatayo si Nestor.



          “Ohh? Bakit ka tumayo?” tanong ko. “Umupo ka lang. Kailangan ay matapos ang negosasyon natin.”



          “Wala ka sa karapatan magsalita ng ganyan best. Hindi ko na itutuloy ang negosasyon na ito!”



          “Ay! Nakakalungkot naman. Ibibigay ko pa naman sana ang bagay na kailangan na kailangan mo,” nguso ko. “Sige na Caleb. Alis na tayo. Mukhang hindi naman interesado si Nestor sa ibibigay natin sa kaniya.”



          Akmang tatayo na kami nang pinigilan kami ni Nestor.



          “Sandali?!” sigaw niya.



          “Bakit? Akala ko ba, hindi ka na interesado? Nagsasayang lang tayo ng panahon kung paulit-ulit lang ang mga nangyayaring ito. Susulong, uurong, susulong, uurong, ano ba talaga?”



          “Umupo na tayo at magnegosasyon. Gusto kong marinig kung ano iyang ibibigay niyo sa akin na kailangan na kailangan ko.” Umupo ulit si Nestor.



          “Okay. Upo na ulit tayo Caleb.” Umupo ulit kami Caleb.



          “Ngayon, ano ang bagay na ito?”



          “Gaya ng sinabi ko kanina, may mga sampung minuto na lang tayo bago mag-ikawalo ng gabi. Ngayon ay, ilang minuto na lang? Mga walong minuto na lang. Sa walong minuto na iyun, may mga pupuntang pulis dito at ire-raid ang lugar na ito,” paliwanag ko.



          Biglang bumukas ang pintuan at pumasok ang isa niyang tauhan. “Boss, sinabi ba nung mata natin sa kapulisan na may raid na mangyayari dito? May nakita kasi akong mga parak sa labas.”



          “Ohh! Hindi kayo binigyan ng espiya niyo ng babala na may magre-raid na pulis dito?”



          Kiniskis ni Nestor ang kanyang mga ngipin. “Sa tingin ko ay simulan niyo ng lisanin ang lugar na ito. Umakyat kayo sa pangatlong palapag at may sikretong daanan ito papunta sa kabilang building. Sa likod kayo lumabas naiintindihan niyo? At gawin niyo ng mabilis ang sinasabi ko,” utos nito sa kanyang tauhan. “Lakad na!”



          “Pero kayo boss? Paano kayo?”



          “Basta lumakad na kayo!” sigaw ni Nestor. Boss na boss talaga siya.



          “Opo boss!” Lumabas agad ang kanyang tauhan sa kwartong ito.



          “Ipagpatuloy mo na best.”



          “At diyan papasok ang aking offer para sa iyo. Caleb.”



          May kinuha si Caleb sa kanyang bulsa at binagay ito sa akin. Isa itong maliit na kard na may isang cellphone number.



          “Ito ang cellphone number ng magiging bagong mata ninyo sa kapulisan dito sa bayan natin. Wala itong paltos at, nabayaran na namin ni Caleb. Medyo malaki-laki ang binayad ni Caleb para lang sa taong ito. At kahit nga iyun alkansya niya ay naubos na din para lang dito. Hindi ba Caleb?” pabiro kong tanong.



          Bahagyang ngumiti si Caleb at tumango-tango.



          “Ngayon, may mga ilang patakaran ang pulis naming ito para maging mata ninyo ito. Unang-una, kapag pumalya siya at nilaglag niya kayo, ako, at ako lang ang habulin mo. Huwag kang mag-alala. Kapag nakulong ako, hindi ka mahihirapan na ipapatay ako kasi baka nasa kulungan ka na din at baka ikaw pa nga ang pumatay sa akin. Pangalawa, sa text lang siya pwede magpadala ng mensahe. Pangatlo at huli, strictly business lang ang ite-text niyo sa isa’t isa. Pasensya na pero hindi mo kailangan kilalanin ang impormante naming ito,” mahabang paliwanag ko. Inangat ko ang aking kamay na may hawak na ticket papunta kay Nestor. “So, ito ang ticket ni Caleb para makakalas siya sa inyo. Siguradong may limang minuto na lang tayo bago pa magsimula ang operasyon ng mga pulis dito. Kapag kinuha mo ito, mangako ka na hinding-hindi ka na makikipagkita kay Caleb, pisikal man, o virtual hangga’t maaari. At si Caleb naman, mangangako siya na hindi ka niya ilalaglag at kakalimutan na lang niya ang lahat ng ito na para bang isa lang itong magandang panaginip. At, voila! May bagong mata ka na sa kapulisan na mas accurate pa kesa sa nauna. Ngayon, kukunin mo ba ito? O mag-aantay ka pa ng mahabang panahon para makakuha ng kapalit? Napaka-crucial ng oras ngayon Nestor. Baka kapag hindi mo kinuha itong kard na ito, baka may isang tauhan mo na magtraydor sa iyo at magugulat ka na lang na ni-raid na kayo ng mga pulis. Ang sarap pa naman ng shabu tapos biglang susulpot ang pulis sa pintuan. At doon na matatapos ang mga maliligayang araw ninyo.”



          Nagkaroon ng saglit na katahimikan sa pagitan namin. Maya-maya ay dali-dali niyang kinuha ang kard at inilagay agad sa mga contacts niya. Mukhang tatawagan pa niya ito para makasigurado. Wow, naniwala talaga siya sa akin? Ang ibig kong sabihin, sa sinasabi ko na may limang minuto na lang kami bago magpunta ang pulis dito sa lugar nila? Ang totoo, may sampu pang minuto bago magpunta ang mga pulis dito. Sampung minuto pa lang naman kasi bago mag-ikawalo ng gabi. At ang operasyon ng mga pulis ay sa ikawalo pa ng gabi. Hindi man lang niya iyun napansin habang nilalagay sa contacts niya ang numerong binigay sa akin ni Geoffrey. Wala bang orasan sa phone niya?



          “Sige. Nangangako ako na hindi na makikialam sa buhay ni Caleb. Itatrato ko na lang siya na para bang wala sa akin. Pwede na ba iyun?” sabi ni Nestor.



          “Okay. Sa tingin ko ay ayos na ang lahat dito. Salamat sa pakikipagnegosasyon sa amin best friend. Nawa’y maging maligaya ka sa iyong pagsya-shabu. Kita na lang tayo ulit.” Tumayo na kami ni Caleb.



          “Salamat din dito,” pagpapasalamat niya sa kard na hawak niya. “Pero best friend, sabay na tayong umalis sa lugar na ito. Ilang minuto na lang at baka mahuli kayo. Ayoko naman na matapos pumayag sa isang magandang offer ay mahuli kayo. Baka may gamit ka pa sa akin.”



          “Ang sweet mo naman,” ngiti ko. “Pwede bang mauna ka na at i-guide mo kami palabas?”



          “Walang problema. Sumunod kayo sa akin.” Naunang naglakad si Nestor palabas.



          Sumunod kami kung saan pumunta sa si Nestor. Umakyat nga kami papunta sa pangatlong palapag, at mula dito ay tumulay kami papunta sa kabilang building gaya ng sinabi niya. Bumaba naman kami papunta sa unang palapag at naghiwalay na nang lumabas na kami ng gusali. Maya-maya ay nakita namin ni Caleb na nagsimula ng gumalaw ang mga pulis. Hudyat iyon na nagsimula na ang kanilang operasyon. Pasensya na kayo. Wala kayong mahuhuli ngayon.



          “So ngayon, opisyal ka ng malaya kay Nestor,” sabi ko habang naglakad na kami palayo sa lugar. “Congratulations Caleb. At sa susunod naman, piliin mo talaga ang iyong mga nagiging kaibigan. Sana ay hindi na maulit ito.”



          “Salamat Aulric,” nahihiyang wika ni Caleb. Nakatungo siya habang nagsasalita. “At pasensya na kung nadamay ka pa dito.”



          “Huwag kang magsalita ng ganyan. Gusto ko lang talaga na idamay ang sarili ko. Nagkataon lang na may kaibigan akong pulis at, swerte ko lang na pumayag ito sa mga sinasabi ko. Kaya umuwi ka na sa inyo. Magsaya ka na dahil malaya ka na.”



          “Salamat ulit Aulric.” Pumara naman siya ng isang taxi. “Sakay ka na. Ako ang magbabayad para sa ating pamasahe.”



          “Hindi na,” pagtanggi ko. “Gusto ko munang maglakad-lakad. At malapit lang naman ang bahay ko dito.”



          “Okay kung iyan ang gusto mo. Mag-iingat ka.” Sumakay na siya sa taxi at humarurot na ito paalis.



          Humugot ako ng isang malalim na hininga. Napakaimposible ng mga nangyayari, pero naging posible ito. Mabuti na lang talaga at napaka-cooperative ni Geoffrey. Doon dapat magpasalamat si Caleb at hindi sa akin. Pero, bahala na.



          Naglakad na ako pauwi nang may narinig akong putok ng baril mula sa mga pulis na nagre-raid. Napalingon ako pabalik at nagtataka kung bakit nagbabarilan naman sila doon. Malinis na iyung lugar nang lumabas kami. May nahuli kaya ang mga pulis? May napatay kaya sila? Sana naman ay hindi iyung Dart Aguire ang napatay nila at sana ay nakatakas iyun. Kailangan ko pa naman siyang buhay bukas dahil papatunayan pa niya sa lahat na inosente ako sa binibintang sa akin ng pamilya ni Isabela.



Zafe’s POV



          “At sa ibang balita naman, nahuli ng mga kapulisan ang isa sa mga pinaka-most wanted na kriminal na nagtatago sa Rizal. Sa isang raid sa Rizal, nahuli si-“



          “Mukhang umiskor na naman ang pulis laban sa kasamaan,” komento ko sa balita na naririnig ko sa radyo ng aking kotse. “Sana naman ay umiskor din tayo laban sa, pamilya ni Isabela.”



          Kasalukuyang nagmamaneho ako papunta sa tinitirhan ni Dart Aguire. Kasama ko ngayon si Aulric, na nakaupo sa kabilang upuan. Kasama ko din sila Derek, at Jin na nakaupo sa likuran.



          “Hay! Sana nga,” walang amor na tugon ni Aulric.



          “Mukhang napakaganda ng araw ngayon para manghuli ng mga masasamang tao. Alam niyo ba na sa Pransya, nahuli na rin nila sa wakas ang isang serial killer na isa sa mga most wanted criminal sa kanilang bansa?” balita ni Derek.



          “Talaga? Balita ko nga din na sa Russia, nahuli na din nila sa wakas ang isa sa mga most wanted criminal na tinutugis nila,” balita din ni Jin. “Araw ba ngayon ng mga mabubuting tao?”



          “Hay! Walang ganyan Jin. Araw-araw, araw ng mga masasama, at araw din ng mga mabubuti,” pangongontra ni Aulric.



          “Huwag ka naman mangontra ngayon Aulric,” saway ko. “Dapat ay maganda at positibo ang ora na pumapalibot sa atin. Sabi nga ng mga Chinese, para pumasok swerte sa atin.”



          Inikot ni Aulric ang kanyang paningin. “Oo na. Naiintindihan ko. Mag-drive ka na lang.”



          Hay! Nako! Isang normal na naman na araw kasama si Aulric. Sarap pisilin ang kanyang pisngi dahil nagsusungit. Pero hindi pwede iyun dahil may dalawang asungot sa likod ko.



          Ilang minuto ang lumipas, nakarating na din kami sa tinitirhan ni Dart Aguire, ayon sa binigay na address sa akin ni Kurt. Bumaba na kami sa sasakyan at sama-samang pumunta sa pintuan ng apartment ni Dart.



          “Okay. This is it. Narito na tayo,” wika ko. Hindi ko alam pero excited ako sa mga magaganap ngayon.



          “Teka, bakit parang bukas na ang pintuan?” Tinuro ni Derek ang nakaawang pintuan. Sinundan namin ito ng tingin.



          “Oo nga no. Baka naman lumabas siya at, naiwan niyang nakabukas ang pintuan,” sabi ni Jin.



          “Hay nako! Mag-isa na nga siya sa buhay, tapos iniiwanan pa niyang bukas ang kanyang pintuan. Baka mapapadali ang buhay niya sa kaniyang ginagawa,” komento ni Aulric.



          Pero habang nag-uusap sila, may nakita akong bagay sa pagitan ng nakaawang na pinto na biglang nakapagpakaba sa akin. May nakita akong parang kulay pula na likido. Walang babala na binuksan ko ang pinto at nagulat kami sa aming nakita. Nakita namin na nakahiga na si Dart Aguire sa sarili nitong dugo.



          “Hindi, hindi, hindi!” sigaw ni Aulric.



          Akmang lalapitan ito ni Aulric pero mabuti na lang at napigilan siya nila Derek at Jin.



          “Bitawan niyo akong dalawa! Bitawan niyo ako!” pagpupumiglas pa niya.



          “Aulric, tumigil ka!” pagpigil ni Jin. “Hindi mo dapat hawakan ang katawan niya!”



          “Tama si Jin. Baka isa na naman itong frame up kaya huwag mo ng hawakan,” dagdag ni Derek.



          “Pero hindi pwede ito. Siya na lang ang natitirang tao na makakapagpalabas sa akin sa kulungan. Kaya bitawan niyo na ako at gigisingin ko siya!” pagpupumiglas pa rin ni Aulric.



          Gumuho ang mundo ko sa aming natuklasan. Parang nanghina ang mga buto ni Aulric sa paa kaya napaluhod siya. Natigil na rin siya sa pag-aamok at sinuntok-suntok na niya ngayon ang pader sa bahay ni Dart. Agad na nilapitan ko siya saka niyakap para aluin. Kita kong halos iiyak na si Aulric, pero pinigilan niya ang kanyang luha dahil nangingibabaw sa kaniya ngayon ang galit. Sino kaya ang taong pumatay kay Dart?



          “Wala na tayong magagawa. Tatawagin ko na ang mga pulis para papuntahin na sila dito. Isa na itong crime scene kaya bantayan natin ang lugar na ito, at siguraduhin na walang bagay ang magagalaw,” mga panuto sa amin ni Jin habang tinatawag na niya ang mga pulis sa pamamagitan ng kanyang telepono.



          “Hey, guys, may parang hawak si Dart sa kanyang mga kamay,” sabi ni Derek. Maingat na lumapit siya sa bantay at siniyasat ng mabuti ang hawak nga nito. “Hindi ba isa itong mini-tape?”



          Maingat din na lumapit dito si Jin. “Isa nga itong mini-tape,” pagkumpirma ni Jin.



          Kumalas sa pagkakayakap si Aulric at lumapit kila Jin. “Mini-tape? At ano naman kaya ang laman?” tanong niya.



          “Hindi natin alam. Pero mas mabuti na papuntahin na natin iyung mga pulis para malaman ang nilalaman ng tape. Kung mga huling salita niya iyung laman ng tape, at may kinalaman ito sa iyo Aulric, magiging malaki ang impact nito sa kaso mo,” paliwanag ni Derek.



          Pagsapit ng gabi, pagkatapos maihatid sila Jin at Derek sa kanila, ihinatid ko na si Aulric sa kanilang lugar kung saan ko siya karaniwang ibinababa. Nakuha na ng mga pulis ang tape na nakita namin. Kaya lang ay hindi pa namin ngayon malalaman kung ano ang nilalaman nito. Bukas pa namin malalaman na sakto naman na bukas din ang huling pagdinig sa kaso ni Aulric. Bukas na rin din siya hahatulan.



          Nang huminto ang sasakyan, tiningnan ko si Aulric na kanina pa tahimik at nakatulala. Parang humiwalay ang kanyang kaluluwa nang makita niya ang bangkay ni Dart. Siguro, binabalak pa niyang ibalik ang kaluluwa ni Dart para lang tumestigo ito para sa kaniya.



          “Aulric, nandito na tayo,” tapik ko sa kanyang balikat.



          Nagulat naman siya at bumalik sa uliran. “Ahh! Oo nga pala. Nandito na ako.” Muli na namang natulala si Aulric matapos ang ilang segundo. “Ano kaya ang mangyayari sa akin bukas?” tanong niya sa sarili.



          Magiging okay din ang lahat. Iyun ang gusto kong isagot sa kaniya. Pero paano naman magiging okay ang lahat kung sa huli ay makukulong naman siya? Tama ba na iyun ang isagot sa kaniyang tanong? May posibilidad din kasi na baka basura ang nilalaman nung tape na hawak-hawak ni Dart Aguire at hindi okay iyun. Siyempre, kapag walang nakuhang ebidensya si Aulric, makukulong talaga siya dahil lahat nung mga ebidensya ay siya talaga ang tinuturo. Wala na siyang palusot maliban lang kay Dart Aguire, kung siya nga ba talaga ang nakita ni Derek.



          “Aulric, maging positibo ka lang. Isipin mo na lang na makakatulong sa iyo ng malaki ang laman nung tape na iyun ni Dart Aguire. At pagkatapos noon, magiging okay na ang lahat. Tapos na ito,” sagot ko.



          “Pero ang tao sa likod ng lahat ng ito, hindi natin alam kung sino. Hindi pa tapos ang lahat kung ganoon. Maaaring gawin niya ulit ito, at maulit na naman ito. Hanggang sa wala na akong makuhang ebidensya, at makukulong ako. Sino kaya ang taong sa lahat ng mga nangyayaring ito? Ano ba ang ginawa ko sa kaniya?! Bakit hindi niya ako harapin ng harap-harapan at makipagsuntukan na lang sa akin ng patas? Ohh kaya, harap-harapan niya akong barilin sa ulo para maging masaya na siya kapag namatay na ako.”



          “Aulric, napag-usapan na natin iyan hindi ba. Huwag kang magsalita ng ganyan,” saway ko.



          “I can’t help it Zafe!” sigaw niya. “Kasi, kapag ganito at buhay pa ako, nangyayari ang ganito sa buhay ko, mas mabuti na lang na pinatay na agad ako ng taong nasa likod ng lahat ng ito! Si nanay, nahihirapan na din sa mga nangyayari! Mabuti na lang kapag patay na ako dahil, wala na akong aalahanin pa. Kasi nga, patay na ako! Kung sino man kaya ang taong ito, natutuwa kaya siya sa mga nangyayari?  Palagay ko, oo. Kaya malaman-laman ko lang talaga kung sino ang tao sa likod nitong lahat, humanda siya sa akin at pahihirapan ko talaga siya!” Kita ko sa mga mata at nginpin niya na nagngingitngit sa galit.



          “Aulric, unang-una, wala naman sigurong tao sa lahat ng mga nangyayaring ito. Baka, nagkataon lang na may pumasok na magnanakaw sa bahay niya at pinatay siya. Baka ganoon. Kapag ganyan ang pag-iisip mo, gumagawa ka na naman ng mga imaginary na kaaway kahit wala naman talaga na mas lalong magpapahirap sa iyo.”



          “Pero ano na ang gagawin ko kung makulong nga ako bukas?” Nagsimula ng tumulo ang mga luha niya. “Ano ang gagawin ko kung maiwanan ko si nanay? Paano kung hindi nga sila nagkatuluyan ni Tito Henry? Paano kung pagkatapos noon ay may nangyari namang masama sa kaniya habang nasa loob ako ng kulungan? Zafe, ayokong makulong. Parang gusto ko ng magpakamatay kapag nagpatuloy pa ang buhay ko ngayon.”



          Napagtanto ko na nasa pinakamahinang estado na si Aulric. Agad na kinabig ko siya papalapit sa akin. Niyakap ko siya ng mahigpit at hinayaan ang luha niya na tumulo sa suot ko. Ngayon ko lang nakita si Aulric na ganito. Umiiyak siya para sa kaniyang nanay. At alam kong hindi para sa akin. Tanggap ko iyun na hindi niya iyun gagawin sa mga oras na ito.



          “Aulric, kung makukulong ka bukas, pwedeng mangako ka sa akin ng isang bagay?” mahinang boses na pakiusap ko.



          “Ano iyun?” mangiyak-ngiyak na tanong niyang.



          “Huwag kang magpakamatay. Siguro nga, matatapos na ang lahat sa pagkakakulong mo, pero Aulric, makakalaya ka naman. Maging mabait ka sa loob, sundin mo ang sinasabi nila, at sinasabi ko sa iyo, mapapabilis ang sentensya mo sa kulungan. Makakalaya ka ng mas maaga.”



          “At paano ka naman? Hihintayin mo ba ako sa mahabang panahon hanggang sa makalaya ako? Hindi mo gagawin iyun hindi ba?”



          Kumalas ako at tiningnan siya sa mata. “Aulric, kung iyun ang kailangan, gagawin ko. Hihintayin kita hanggang sa makalaya ka. Kung pilitin man ako ng mga magulang ko na magpakasal, tatanggihan ko para sa iyo.”



          Sumeryoso ang mukha ni Aulric. “Nangangako ka ba ngayon Zafe? Kaya mo bang maghintay sa akin hanggang sa makalabas ako ng kulungan?”



          “Iyun ay kung makukulong ka nga Aulric. Alam mo Aulric, naniniwala pa rin ako na kung ano man ang laman ng tape na iyun ni Dart Aguire, naniniwala akong isasalba ka noon. At kung hindi ka nga makukulong bukas, mangako ka sa akin. Magpapakilala tayo sa ating mga magulang bilang magkasintahan.”



          “Oo. Nangangako ako,” pagpayag niya.



          “Halika rito.”



          Ipinatong ko ang aking noo sa noo niya. Sunod naman na lumapat ang aming mga labi sa isa’t isa. Ngayong gabi, ang marahil ay huli naming halik. Ngayong gabi din, ang unang beses na nakita kong mahina si Aulric.



          Pagkatapos ng halik na iyun, lumabas na ng sasakyan si Aulric. Lumakad na siya pauwi sa kanila. Hindi man lang kami nagpaalam sa isa’t isa dahil parehas namin sigurong iniisip na, hindi dapat kami magpaalam dahil hindi pa ito ang huli, kahit na parte ng isip namin ay sinasabing huli na ito. Siguro, mas mabuti na ang ganito. Magiging ayos din ang lahat.



          Humugot ako ng buntong-hininga matapos makita ko ang sarili sa salamin. Ngayong araw, ngayon na malalaman kung makakatulong ba kay Aulric, o hindi, ang nakalagay sa tape ni Dart matapos makita namin siyang patay. Alam kong halos bumibigay na si Aulric kahapon, kahit ako. Nawawalan na din ako ng pag-asa. Paano kung hindi makatulong ang tape na iyun sa kaniya? Ito na ba ang katapusan ng kwento namin? Hihintayin ko ba siya sa ilan taon niyang pagkakakulong? Hanggang kailan naman ako maghihintay?



          Bumaba na ako para pumunta sa aming garahe kung saan nakapark ang aking sasakyan. Nang dumaan ako sa sala, nadatnan ko sila mama at papa na parehas na busy sa kanilang ginagawa. Oo nga pala. Libreng oras pala nila ngayon kaya nandito sila.



          “Anak, saan ka pupunta?” tanong sa akin ni papa matapos ibaling ang tingin sa akin. Ibinaba nito ang ulo ng laptop at tumayo mula sa kanyang kinauupuan.



          “Pupunta po ako sa trial ni Aulric. Ngayon na po kasi malalaman kung inosente ba siya, o hindi,” pakumpas kong paliwanag.



          “Aulric? Hindi ba iyun iyung taong pumunta dito sa bahay at pinilosopo ka Zach?” tanong ni mama. Mula sa remote, pinindot nito ang mute para patahimikin ang TV. Binalingan din kami ng tingin.



          “Oo, Fe. Siya nga,” sagot ni papa. “At bakit ka naman pupunta?”



          “Interesado po ako kung ano ang magiging kalalabasan. Iyun lang po,” walang amor kong sagot.



          “Hmm, ganoon ba?” Binalingan niya ng tingin si mama. “Ang mabuti pa’y sumama tayo. Bigla rin akong naging interesado sa kaniya. Hindi ko akalain na magagawa nung taong iyun ang pumatay. Manang-mana talaga siya sa kaniyang tatay. Sumabay ka na sa amin Zafe.”



          Napakunot-noo ako sa akin narinig habang sila mama at papa ay umakyat na para magbihis marahil. Tama ba iyung narinig ko? Manang-mana ba si Aulric sa tatay ni Zafe? Pero ano ba iyung ugali ng tatay ni Aulric? Hindi ko iyun alam. Basta, ang alam ko, may pumatay sa tatay niya. Siguro, tatanungin ko na lang si Aulric tungkol sa tatay niya, iyun ay kung maitatanong ko pa. Pero kilala ba ni papa ang tatay ni Aulric? Hindi ko din iyun alam. Hindi bale na. Baka guni-guni ko lang iyun.



          Pagdating sa korte, medyo maraming tao ang dumating. Karamihan ay mga magulang ng mga estudyante sa unibersidad. Nandito din ang magkakapatid na Bourbon kasama ang kanilang mga anak, maliban lang kay Dexter. Marahil ay interesado din sila sa kahihinatnan ni Aulric pagkatapos nito. Natutuwa kaya sila kung makukulong si Aulric? Teka, ano ba itong iniisip ko? Zafe, hanggang sa huli, maging positibo ka naman. Hindi makukulong si Aulric, hindi makukulong si Aulric. Magiging ayos din ang lahat. Mapapatunayan ng tape na inosente si Aulric.



          Nang nagsimula na ang sesyon, tinanong muna si Aulric kung guilty ba siya o hindi. Muling sinagot ni Aulric na hindi siya guilty. Pagkatapos noon, medyo naging maingay sa korte dahil sa sinabi niya. Naririnig ko ang mga masasakit na salita na binabato ng mga tao kay Aulric. Kahit ang mga magulang ko, may sinasabi din. Napakakapal daw ng kanyang mukha para itanggi pa ang bintang sa kaniya gayong maraming ebidensya ang tinuturo siya. Wala na siyang mapapatunayan pa. Bakit? Totoo naman ang sinasabi niya hindi ba?



          Halos tumulo ang luha sa aking mga mata habang naririnig ang kanilang mga bulungan. Pero pinigilan ko iyun. Nakikita ko naman si Tita Ems na lumilingon-lingon sa lahat ng direksyon. Marahil ay naririnig din niya ang mga bulungan ng tao tungkol sa kaniyang anak. Magiging masakit ito para sa kaniya. Naiinis ako. Gusto kong sumigaw na manahimik silang lahat. Dahil alam ko ang totoo. Hindi ginawa ni Aulric ang bagay na binibintang sa kaniya. Frame up ang nangyari sa kaniya.



          Muling nagpatuloy ang sesyon nang hinampas ng judge ang kanyang maso. Ang maso na nagpapakulong ng mga inosente, at hindi. Ngayong napagtanto ko na nangyayari ang pagpapakulong sa mga inosente, inisip ko kung ilang beses na bang nagkamali ang masong iyun na magpakulong ng inosente? Iniisip ko tuloy na hindi din pulido ang hustisya sa ating mundo. Mukha kasing masyadong komplikado ang mga bagay. Kailangan imbestigahan ang bawat isa, mga kaibigan mo, mga kakilala mo, mga witness, at kung ano-ano pang ebidensya, at kung ikaw ang tinuturo nito na may kasalanan, yari na. Paano na iyan?



          Kita kong naglakad sa harap ang lawyer ni Aulric. Tumayo ito sa gitna at tiningnan kaming lahat na nasa korte. Pinunasan na muna nito ang kanyang salamin at humugot ng buntong-hininga. Magsasalita na ang lawyer niya.



          “Bago muna ang lahat, magandang umaga sa inyo sa mga taong nasa korte ngayon,” bati nito sa lahat. “Mukhang napakarami ata ng tao ngayon kesa nung mga nakaraang sesyon. Hindi ko alam kung anong meron pero mukhang alam ko na kung bakit.” Lumakad ito sa harapan ng side nila Isabela. “Lingid sa kaalaman ninyo, iginigiit ng kliyente ko na frame up ang nangyari sa kaniya. Kung tatanungin niyo ako kung naniniwala ba ako sa kliyente ko, o hindi, bilang kanyang depensa, naniniwala ako. Sa kanyang kalmadong pagsagot sa aking katanungan kung ginawa niya ba ang bagay na ito sa kay, Isabela Dominguez, nakikita kong totoo ang kanyang sinasabi. Na hindi niya ginawa ang bagay na ito sa kaniya. Ngayon ay halos malapit na tayo sa kasukdulan ng kasong ito. Mamaya ay malalaman na kung makukulong ba ang kliyente ko o hindi. At kung makukulong siya, madadagdag na naman siya sa listahan ng mga inosenteng tao na makukulong, ng halos, hindi ko alam. Habang buhay ba? Hay! Napakahirap talaga ng trabaho namin.” Naglakad ulit siya papunta sa harapan ni Aulric. “Ngayon, nalaman namin sa isa sa mga kaibigan ni Aulric na nagpapatunay na frame up nga ang nangyari. Nag-imbestiga siya at ang mga kaibigan niya, at nalaman nila kung sino ang taong ito. Ang pangalan niya ay Dart Aguire. Anak ng yumaong isa sa mga magagaling na newscaster sa Pilipinas kung tama ang pagkakaalala ko. Sa kasamaang palad naman, patay na din po siya. Hindi kami nagkaroon ng oras para iharap sa inyo ang taong ito dahil pinatay po siya. Isa na naman pong misteryo kung sino ang pumatay. Si Aulric ba, o ang tao na tunay na may kasalanan sa gulong ito. Kung sasabihin ninyo na ang kliyente kong si Aulric ang gumawa, pasensya na. May mga patunay ang kliyente ko na hindi siya ang gumawa ng bagay na iyun. Hay! At least iyun, napatunayan talaga na inosente ang kliyente ko.”



          Pumunta ulit sa pwesto nila ang lawyer ni Aulric. Kumuha muna ito ng bote ng tubig at ininom ang kalahati. Pagkatapos, may bagay naman itong kinuha at inilagay sa harapan ng judge. Isang cassette player. Sa isang kamay naman ng lawyer ni Aulric, may hawak siyang isang tape. Matapos isaksak ang casette binuksan niya ang bunganga nito. Heto na.



          “Pero may nakita ang mga pulis na isang bagay malapit sa bangkay ni Dart Aguire,” pagpapatuloy ng lawyer ni Aulric. “Isang tape recorder. At hindi lang ito isang blankong tape. Ito ang mga huling salita ni Dart bago siya namatay. Maaari pong manahimik muna tayo at pakinggan ang nilalaman ng tape.”



          Ipinasok na ng lawyer ni Aulric ang tape sa bunganga nito. Ilang sandali lang, may maririnig kang tunog mula dito. Tunog ng paghihirap ni Dart Aguire bago siya mamatay.



          “A-Ako po si Dart Aguire, sa pag-iisip, sa katawan, at sa kaluluwa,” pagpapakilala niya. “Che! Ahh! Ako po ay pinatay ng t-taong, hahh, nag-utos sa akin para ilaglag a-ang anak ni Isabela Dominguez. Hahh!” Maririnig mo pa siyang umiiyak saglit. “H-Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa. M-Malapit na talaga akong m-mamatay. Siya ay w-walang iba kung hindi s-si Sharina Bourbon.”



          Nagulat ang lahat sa narinig, maliban lang kay Aulric na nakatingin lang sa harap. Marahil ay alam na niya ang nilalaman ng tape. Pero ako ay gulat na gulat, at tuwang-tuwa. Sa wakas, siguradong makakalaya nito si Aulric.



          Wala pang isang segundo, ang mga mata ng tao ay nakatingin kay Sharina. Kahit siya mismo ay nagulat din. Siya ang gumawa ng lahat ng ito?



          “K-Kaya pinagawa niya sa aking ang b-bagay na ito, hahh, dahil sa nagseselos siya kay A-Aulric Melville,” patuloy pa rin nitong sinasabi pero sa mapang-asar na tono. Maririnig mo pa na tumatawa siya ng konti. “N-Nagseselos siya, d-dahil sa m-may relasyon siya k-kay Zafe, N-Nevill-“ Biglang may maririnig kang kalabog hudyat niya bumagsak na siya at malamang, namatay na siya.



          Mas lalo naman naging maingay ang korte sa mga naririnig nila. Kahit ako ay nagulat dahil hindi ko ito inaasahan. Kung saan-saan na lumilipad ang mga paningin ng mga tao. Napaaga pa ata na mabunyag ang sikreto namin ni Aulric. Hindi maaari.



          “Zafe, totoo ba ito?” tanong ni papa na diretsong nakatingin sa akin.



          Napipi ako bigla. Hindi ko alam ang sasabihin. Ano na ang gagawin namin ni Aulric? Mukhang napaaga pa ata ang pagtupad sa kanyang ipinangako, at wala din niyang consent.



ITUTULOY…

2 comments:

  1. Wow.
    Super na excite nman ako n abangan ang nxt chapter. Ang galing mo author.!
    Salamat s update na pasabog.
    -jomz r-

    ReplyDelete
  2. grrrrrr bat napaaga nmn..., malayo sa inaasahan kong pag amin nil.. grrrrr

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails