Followers

Tuesday, December 1, 2015

Loving You... Again Chapter 34 - Assumptions




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin!

Hello ulit guys the second time around. Pasensya na kung hindi ako nakapag-post ng isang buong buwan. Busy ako nitong mga nakaraang araw dahil sa pagiging gamer ko kaya sinisingit ko na lang ang time na magsulat. Lalong-lalo na iyung League of Legends at Dragon Nest na kinain ang maraming oras ko. Salamt po pala sa mga patuloy pa ring nagbabasa nito. Well good news, mag-post po ako ng next chapter bukas, at bukas, at bukas, at finally, bukas. Ilang bukas na ba iyun? Next post ko po ay mga bagong taon na. So Advance Merry Christmas and a Happy New Year. Sa mga nag-aabang ng next chapter ni Ren, chapter 47 po iyun. At dahil sobrang busy ko, ang masasabi ko lang sa Mr. Assuming ni Bluerose ay maganda, kung si Chris na ang nakatuluyan ni Geo. No hate, just frank. Enjoy po! :D











Chapter 34:
Assumptions























































Zafe's POV



          Practice makes perfect. Isa sa mga kasabihan na pinaniniwalaan ko. Dahil sa pagpa-praktis, gumaling ako sa aking paglalaro ng basketball. Ang ginagawa ko sa praktis ay pasa dito, takbo dito, tapos lampasan mo ito, talon doon, tira diyan, at pasa na naman, takbo na naman, nakawan mo naman, talon na naman, tira na naman, at paulit-ulit na iyung nangyayari. Boring? Alam ko. Pero kailangan. Dahil dito kaya gumaling ako. May iba naman na hindi pero wala akong pakialam sa kanila.



          Sa ibang bagay naman, nag-a-apply ang kasabihang ito sa sining ng pagsisinungaling at sa iba pang negatibo na bagay. Kung dati, kakabahan ka kapag nagsisinungaling, unti-unti mong matututunan na sumagot ng isang diretsong kasinungalingan. Kung dati sa lie detector ay mabubuko ka, matutunan mo din na hindi mabuko. Ganoon din sa ibang bagay. Si Ricky, hindi siya magaling mang-akit ng mga babae noong una. May mga instances na nasasampal siya ng babae. Hanggang sa isang araw, nagawa niya iyun ng tama at bumigay ang babae sa kaniya.



          Pagdating naman sa buhay, may mga pangyayari na paulit-ulit lang na nangyayari. Pero mas marami pa ring nangyayari na paulit-ulit pagdating sa routine practice.



          Pero naiisip niyo ba, bakit minsan, may mga bagay sa buhay ang laging nauulit? Dahil ba isa itong tradisyon gaya ng Pasko? Dahil ba sa mga pinili nating daanan? At kung may mga bagay naman na nagawa natin ng tama, bakit nauulit na naman? Para paaalahanan tayo? Ang maisasagot ko lang, siguro, ewan, hindi ko alam. Napakahiwaga kasi ng buhay. O baka coincidence lang iyun. Pero kung paulit-ulit nga na mangyayari, magsasawa ba ako?



          Nang pinasa ko ang bola, tumama ang bola sa kanyang ulo at bumagsak siya. Medyo malakas pa naman ang pagkakapasa ko.



          “Isaac, okay ka lang?" tanong ko habang papalapit sa kaniya.



          “Okay lang ako," sagot niya.



          Nilahad ko ang aking kamay para tulungan siya. Kinuha naman niya ito at nakatayo. Naglakad naman siya papunta sa bench at pinalitan kaming dalawa sa court.



          “Parang tulala ka kanina. Ang layo ng iniisip mo kaya siguro hindi mo nasalo ang bola," usisa ko.



          “May problema kasi ako Zafe," sagot ni Isaac.



          “Anong klase namang problema?"



          “Family problem. Nag-aaway kasi iyung mga kaibigan kong sila Camilla at Knoll." Teka? Family problem ba talaga iyun?



          Lihim na natawa ako sa aking narinig. Nakita naman niya na ginawa ko iyun at tiningnan ako ng masama.



          “Pasensya na kung natawa ako," paghingi ko ng dispensa. “Naalala ko lang kasi ang mga kaibigan ko. Tsaka sigurado ako na napakalalim ng pagkakaibigan ninyo kaya natatawag mo iyan na family problem. Naiintindihan kita."



          Bumuntong-hininga si Isaac. “Salamat naman at naiintindihan mo ako. Hindi katulad ni Aulric na naninigaw sa aming katahimikan," nakasimangot na saad niya.



          Natawa ulit ako. “Baka naman may ginawa kayong masama sa kaniya? Magkakaganoon iyun kapag may bagay na nakakainis. Teka? Nanahimik kayo? Hindi niyo pa pinapaalam ang mga bagay-bagay kay Aulric?"



          “Akala naman kasi namin, kakampihan nila Aulric sila Camilla kapag nalaman niya ang problema namin. Pero hindi pala. Nasa gitna siya." Si Aulric nga talaga iyan.



          “Alam mo, kung anong problema ang pinagdadaanan ninyo, magiging okay ang lahat. Basta nagawa ng magkabilang panig ang parte nila. Magiging ayos din ang lahat."



          Ngumiti naman siya. “Salamat Zafe. Sana nga, maging okay ang lahat."



          Tatayo na sana si Isaac nang maalala ang isang bagay. Sa buong linggo, hindi ko nakakasabay sa pagkain si Aulric. Well, noong isang beses ay nasabayan ko siya pero ibang kaso iyun. Pagkatapos noon, wala na akong pagkakataon dahil mabilis na natutunan ni Ricky ang problema niya sa Math. Nakikiusap pa nga ako na magkunyari pa siyang bobo para magkaroon ako na asarin si Aulric. Pero tinanggihan niya ako. Iyung best friend ko, nagbago na. Tinatanggihan na ako. Ano kaya ang ginawa ni Shai sa kaniya?



          “Sandali lang Isaac? May mga bago ka bang mga balita tungkol kay Aulric? Iyung tuwing nagsasabay kayo sa pagkain?" tanong ko.



          “Well, hindi ba magkatabi kayo, or tayo sa klase palagi? Bakit hindi mo siya tanungin?" tugon niya.



          “Hindi naman kasi lahat, sinasabi o pinapaalam ni Aulric. Ang ibig kong sabihin, may mga side ba siya na hindi pinapakita sa akin pero pinapakita niya sa inyo? Iyung ganoon. Ituring mo itong tsimisan ng mga lalaki."



          “Tsimisan ng mga lalaki? Bago iyun ahh?"



          “Well, kung ayaw mo magsalita, okay lang naman sa akin. Hindi naman kailangan."



          “Napansin ko lang, kilala pala ni Aulric si Derek Blaine Lord-Melbone Harshebroocke Clamor. Napakahaba naman ng pangalan." Memorize niya din?



          “Magtatanong nga din ako kung bakit kilala mo din siya gayong hindi naman siya sikat."



          “Dating magkasyoso sa business ang mga magulang namin. Dati iyun," paliwanag niya.



          “Well, si Aulric naman, kaibigan daw kasi ng nanay niya ang papa ni Derek kaya magkaibigan na din sila. Ang bilis naman."



          “Kanina kasi, pinapaalahan niya si Aulric tungkol sa gagawin nila sa mansyon ni Jin bukas ng mga 12pm. Tuturuan daw sila ni Aulric sa Math."



          Nagliwanag ang aking mukha at tinapik si Isaac sa balikat. “Ganoon ba? Salamat Isaac. Napakalaki ng naitulong mo sa akin."



          Kumunot ang noo niya. “Okay? Walang anuman."



          “Sige na. Balik ba sa practice. Nakapagpahinga ka na."



          Tumakbo na si Isaac at sumali ulit sa practice game ng club. Nakaramdam naman ako na may binabalak ni Derek. Dumagdag ba ang aking mga kaaway? Ang swerte ko lang doon kay Dexter dahil hindi siya nag-stay dito at may girlfriend na siya. Napaka-unusual naman kasi na magpapaturo si Derek ng Math kay Aulric, gayong dati siyang best in Math sa klase namin noon. Bumobo ba siya?



          “No, hindi, huwag, nein, iye, at kahit ano pang equivalent ng salitang hindi sa iba't ibang wika, ulit," pagtanggi ni Ricky habang nagmamaneho ako para ihatid siya pauwi. Parang alam ko na ang magiging flow ng usapan na ito?



          ”Pero bakit?"



          “Busy ako bukas. Pupunta si Shai sa bahay ko at manonood kami ng Frozen," paliwanag niya.



          “Frozen? Frozen na animated? Bata ka ba?"



          Kumunot na nakatingin si Ricky sa akin. “Frozen na animated? May ganoon ba? Hindi ko alam na may animated version ang pelikulang iyun."



          “Teka? Iisang Frozen lang ba ang pinag-uusapan natin?"



          ”Hindi ko alam. Ewan," kibit-balikat pa niya.



          “Balik tayo sa pinag-usapan kanina-"



          “Sinabi ko na kanina. No, hindi, huwag, nein, iye, at kahit ano pang equivalent ng salitang hindi sa iba't ibang wika. Ikaw na lang. Diskartehan mo. Ikaw ang may gusto sa tao. Hindi ako," pagtanggi pa rin niya.



          “Ano ba iyan? Nagbago ka na. Ayaw mo na ako samahan sa mga lakad ko. Best friend pa man din kita," simangot ko.



          “Hindi porke't best friend tayo ay obligado na akong sumunod sa mga gusto mo. May sarili din akong buhay Zafe," paliwanag niya.



          “Yan! Ganyan! Nagtatampo na talaga ako. Paano kung isama natin si Shai?"



          “No, hindi, huwag, nein, iye, at kahit ano pang equivalent ng salitang hindi sa iba't ibang wika. Ikaw na lang. Diskartehan mo. Ikaw ang may gusto sa tao. Hindi ako. And nice try Zafe. Gagamitin mo pa si Shai. Give me a little space would you? Kung kailan nasisiyahan ako sa mga ginagawa ko ngayon, saka ka naman nagiging atribida."



          Bumuntong-hininga ako. “Sige na. Ako na lang mag-isa. Doon ka na lang sa Frozen mo," singhag ko. Tinigil ko naman ang kotse nang nasa tapat na kami ng gate ng bahay nila.



          “Salamat sa paghatid. Mag-ingat ka Zafe," paalam ni Ricky saka bumaba ng kotse.



          “Ayoko na kitang ihatid. Magpahatid ka na lang kay Shai sa susunod," pagalit kong saad saka pinaandar ang sasakyan.



          Bumuntong-hininga ulit ako habang nagmamaneho. Nakakatampo talaga. Mas gusto na niyang kasama si Shai sa akin. Pero on the other hand, okay na rin iyun. Sana naman, totoo iyung nararamdaman niya kay Shai na gusto niya ito. Pero sinabi niya ba kanina? Hay nako! Sigurado ako na may gusto iyun kay Shai. Well, hindi naman kawalan si Ricky. Kaya ko na ito.



          Kinabukasan, gumising ako ng maaga dahil sa assumption ko na siguradong aalis si Aulric sa bahay niya ng mga 10am. Ang natural ko kasing gising tuwing sabado ay 10am. At ngayon ay 8am pa lang.



          Matagal kong ibinabad ang aking buong katawan sa shower at nakapag-isip din ako ng mabuti. Maayos ko din nilinis ang aking katawan para naman hindi ma-turnoff si Aulric sa akin. Sinabon ko ang aking katawan ng mabuti, naglagay din ako ng shampoo sa aking buhok. Naglagay pa ako ng aking pinakagustong pabango sa aking katawan. Konti lang ang nilagay ko sa katawan dahil gusto ko kasi na maamoy ni Aulric ang buhok ko at ang sabon na aking ginagamit sa katawan. Compatible kasi ang pabango ko sa amoy ng aking shampoo at ng sabon at siguradong mababaliw si Aulric sa amoy ko. Bibigay siya at bigla niya akong sasakmalin. Iyun ay kung gagawin talaga ni Aulric iyun. Masyado siyang matigas. Pero magandang katangian niya iyun.



          Pagkatapos maglagay ng pabango ay kinuha ko ang aking manipis na checkered kong polo. Sinadya ko naman na hindi ibotones ang pinakahuling botones sa taas para sa gagawin kong combo mamaya. At kumuha ako ng condom sa lihim kong lalagyan sa aking aparador at inilagay sa aking bulsa. Para maging handa. Pero magagamit ko kaya talaga ito kay Aulric?



          Nang handa na ang lahat, kinuha ko na ang aking mga gamit at sumakay na sa aking sasakyan at umalis. Dahil sa alam ko na kung saan ang bahay niya, doon ako sa tapat ng bahay nila nag-park. Hindi ko naman alintana ang mga matang nakatitig sa aking sasakyan. Titigan niyo lang, okay. Gasgasan niyo ang baby ko, huwag.



          Tumingin ako sa bintana kung nagising ko ba si Aulric at kung dumungaw na siya sa bintana. Pero sarado ang bintana ng kanyang kwarto.



          Tumingin ko naman ako sa orasan ng aking phone. Ilang minuto pa lang bago mag-ikasampu.



          Bumaba ako sa sasakyan at pumunta sa pinakamalapit na tindahan. Naabutan ko ang mga katropa ni Randolf na tumatambay. Nagkipagkumustahan naman ako sa kanila ng konti at nilibre sila ng inumin at pagkain. May iba naman na humingi sa akin ng pahintulot na hawakan ang baby ko. Pumayag naman ako basta hindi nila magasgasan ang kotse ko at biniro ko sila na ipapa-salvage ko kapag hindi sumunod. Nagtawanan na lang kami sa sinabi ko at hinawakan naman nila ang baby ko. Sa kabutihang palad, hindi siya nagasgasan. Mabuti naman.



          Maya-maya, may lumabas naman sa bahay nila Aulric. Si Aulric nga mismo ang lumabas at isang medyo matandang babae. Nanay niya siguro ito.



          Nagpaalam naman ako sa kaibigan ko at naglakad papunta kay Aulric. Napakaganda talaga ng araw na ito dahil hindi masyadong mainit at natatabunan naman ng mga ulap si haring araw.



          “Mano po tita," magalang na bati ko pagkatapos magmano.



          “Umm, kilala ba kita?" tanong ng nanay niya na marahil ay nagtaka kung bakit may nagmano sa kaniya.



          “Ahh! Pasensya na po. Hindi niyo pa pala ako kilala. Ako po si Zafe Neville. Ako po iyung kausap ninyo noong isang buwan. Iyung kaibigan ng anak ninyo," paliwanag ko.



          Medyo nanlaki ang mata ng ginang. “Ohh! Ikaw pala iyun. Salamat naman at inaalagaan mo ang anak ko."



          “Ano nga pala ang ginagawa mo dito?" agad na tanong ni Aulric. “May lakad ba tayo? Busy kasi ako dahil may lakad ako."



          “Hindi mo ba alam? Pupunta tayo sa bahay ni Jin at tuturuan sila ni Derek sa Math," sagot ko. “Kaya sumabay ka na sa kotse ko." Pinagbuksan ko pa siya ng pinto at yumuko pa.



          Wala naman siyang nagawa kung hindi pumasok. Sigurado ako na magpapaka-streetwise itong si Aulric. And that is a wise decision.



          “Kayo po tita, sumabay na po kayo sa amin," yaya ko sa nanay niya.



          “Nako! Hindi na lang ako sasabay," pagtanggi niya. “Nakakahiya sa iyo. Napakagwapo mo palang bata ka. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko na-"



          “Nay?!" galit na pagputol ni Aulric. Naririnig pala niya ng usapan namin dahil binuksan niya ang bintana ng aking sasakyan.



          “Tumahimik ka anak! Hindi pa ako tapos magsalita," agad na balik ng nanay ni Aulric sa kaniya. “Ay! Ano nga ba ang sinasabi ko? Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko na tanungin ka kung may alam kang mga nakakahiyang istorya si Aulric na hindi pa niya sinasabi sa akin."



          “Actually, meron po. Aksidente pong nahalikan ako ng anak ninyo sa labi. Iyun na po ata ang pinakanakakahiyang storya na alam ko kay Aulric," nakangisi kong kwento.



          Tiningnan ko naman ang dalawa at hindi makapaniwala ang mga ito sa sinabi ko. Totoo naman iyun ahh?



          “Nako! Nakakahiya nga!" natatawang sabi nanay niya. “Gusto ko pang malaman kung may iba pa pero may kailangan pa akong puntahan. Sige na. Mauna na kayo ng anak ko. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap Zafe."



          “Sige po. Mag-ingat po kayo." Pumasok naman ako sa kotse.



          “Kayo din."



          “Mag-ingat din po kayo nay. Aalis na po kami," paalam ni Aulric.



          Kumaway ang nanay niya sa amin at naglakad na paalis. Isinara ko naman ang bintana ng aking sasakyan. Sunod naman ay inilagay ko ang seatbelt ni Aulric para hindi siya makatakas.



          “Ano bang iniisip mo at ikiniwento mo kay nanay na nahalikan kita sa labi? Siraulo ka ba?" pagalit na tanong ni Aulric.



          “Nagtanong lang naman ang nanay mo kung meron ba. Siyempre, sinagot ko ang tanong niya. At nakakahiya talaga iyun," paliwanag ko. “Gusto mo bang may ikwento pa ako na isang nakakahiyang storya?"



          “Ano na naman?"



          Inilapit ko ang aking mukha sa kaniya at humalik sa labi ni Aulric. Nagulat naman siya gaya ng inaasahan ko at agad na tinigil ang halik saka tinulak ako.



          “Siraulo ka ba? May mga tao sa paligid at baka makita tayo!" asik niya.



          “Huwag kang mag-alala. Tinted ang lahat ng salamin ng sasakyan ko. Walang makakakita sa atin." Muling inilapit ko ang aking mukha. “Kahit na may gawin pa tayong kababalaghan sa likod ng kotse, at kahit na maglaplapan pa tayo."



          Tumigin ako ng senswal sa kaniya at nang-aakit. Mukhang naaamoy niya ang aking mga pabango dahil sa maya't maya niyang paghinga na parang mauubusan siya ng hangin. Wala kasing lalabasan ang amoy ko sa kotse dahil nakasara na ang labasan. Wala itong gagawin kung hindi papasok sa ilong ni Aulric at lalabas ulit. Papasok ulit sa ilong niya at lalabas. Paulit-ulit ang magiging proseso hanggang sa bibigay ang kanyang utak at uutusan siyang sakmalin ko. Pero mukhang ako ata ang bibigay. Naaamoy ko din kasi ang amoy ni Aulric. Napakabango ng sabon at ng shampoo niya. Mukhang kakaligo lang din niya. Pero alin ang mas matapang? Ang amoy ko, o ang amoy niya?



          Nahuli ko naman ang mata niya na kung saan-saan tumitingin. Mukhang tumitingin siya sa ibabang parte ng mukha ko. Bumigay ka na. Halikan mo ang labi ko hangga't gusto mo.



          Dahan-dahan naman na inilapit ni Aulric ang mukha niya. Pero bigla akong nagising aking pagpapantasya dahil sa ginawa niya



          “Hindi mo ngayon oras hijo," saad ni Aulric at marahang sinampal niya ako sa pagmumukha gamit ang isang bagay. “Kala mo, hindi ko alam. May nakuha na naman akong condom sa pagmumukha mo."



          Kumunot ang noo ko. “Teka? Paano mo ba talaga nakukuha iyan nang hindi ko napapansin?" Kinapa ko ang aking bulsa. Napansin ko naman na nawawala ang condom na nakalagay sa isa sa mga bulsa ko. “Iyan nga iyung condom ko." Ang bilis naman ng kamay niya. Mas mabilis kaya iyan sa ibang bagay?



          “Magic trick. Hindi ko na sasabihin kung paano dahil may batas akong sinumpaan pagdating sa paggawa ng magic tricks." Magkatulad sila ni Sharina na magaling gumawa ng magic trick.



          Pinatunog ko na lang ang dila ko. Tiningnan ko naman siya ng diretso pero nag-iwas siya ng tingin at diretsong tumingin sa harapan. Napansin ko pa siya na bumuntong-hininga. Ano kaya ang mga bagay na tumatakbo sa utak niya? Tungkol kaya sa nangyari kanina? Nagsisisi ba siya? Ako, handa kong dumihan ang baby ko basta madumihan ko lang itong si Aulric. Gusto kong mahawakan iyung puwet niyang malambot.



          “Pwede bang umalis na tayo? Tingnan mo. Huwag mo akong sisihin kapag nagasgasan itong anak mo," naiinis niyang saad matapos niyang mahuli ako na nakatingin sa kaniya at hindi pa gumagalaw ang kotse.



          “Hindi anak ko. Anak-"



          “Bwisit, paandarin mo na!" pagputol niya sa sasabihin ko.



          “Okay. Ito na. Paaandarin na."



          Nagsimula ko ng paandarin ang kotse at nagmaneho.



          “At gaya nga ng sinabi ko, baby mo din itong baby ko. Dito tayo gagawa ng mga memories, mga anak, at kung ano-ano pa. Napaka-exciting hindi ba?" pagpapatuloy ko sa aking sinasabi kanina.



          “Tigilan mo nga iyan! Ano tayo, mag-asawa na? Baby mo, baby ko?" singhag ni Aulric. “At pwede bang huwag kang magsalita tungkol sa ating dalawa ngayon? Naaalibadbaran ako."



          “O baka naman nag-iinit?" tanong ko habang diretsong nakatingin sa kalsada. “Nanghihina ka na ba Aulric? May nilagay akong chloroform sa pabango ko kaya manghihina ka. At pagsasamantalahan kita habang nanghihina ka. Papainitin natin ang mga baby natin para masaya."



          “Kung naglagay ka nga talaga ng chloroform sa pabango mo, yari tayong dalawa. Walang labasan ang amoy ng chloroform dito sa kotse mo kaya maaapektuhan ka din ng chloroform na ginawa mong pabango kung ginawa mo nga. Madidisgrasya tayo." Ay! May point nga siya. “Pwede bang huwag ka ng magbiro at magsalita? Dumiretso na tayo sa bahay ni Jin. At gusto ko pang mabuhay para sa nanay ko. At pwedeng huwag mo siyang tawaging tita."



          Tawa na lang ang itinugon ko. Pagkatapos ay inabot ng kanang kamay ko ang kaliwang pisngi niya saka pinisil ito na may gigil. Ang cute niya kasi talaga kapag nagsusuplado.



          Dumating na kami sa mansyon nila Jin. Pinapasok naman kami ng guard na nagbabantay sa gate at nag-park sa katabi sa mga kotse na nasa mansyon. Nagpakitang gilas naman ako sa galing kong mag-parallel park. Tumigin pa ako sa kaniya at ngumiti ng matamis pagkatapos.



          “Ang galing ko hindi ba?" tanong ko sa kaniya.



          Bababa na sana si Aulric nang nauna akong bumaba at pumunta ako sa pintuan ng kotse kung saan si Aulric bababa. Pinagbuksan ko siya ng pinto.



          “Nandito na po tayo aking mahal na prinsipe," nakayuko kong saad at inilahad ko pa ang aking isang kamay para hawakan niya kapag bababa siya.



          Iwinaksi ni Aulric ang kamay ko at bumaba. “Ang totoong prinsipe, kayang alagaan ang sarili niya at hindi humigingi ng tulong sa iba."



          Tumayo naman ako ng tuwid at ngumiti. “Iyan ang gusto ko.



          “Tara na nga!"



          Nagsimula na kaming maglakad papunta sa pintuan ng mansyon kasama ang mga gamit namin. Binilisan pa ni Aulric ang paglalakad dahil medyo malayo ang pintuan ng mansyon. Hindi ata siya sanay na medyo malayo ang pintuan ng mansyon ng pamilya nila Jin at nagmamadali siya. Karaniwan kasi sa mga tao na pumupunta dito ay naglalakad lang at ine-enjoy ang mga bulaklak na makikita sa gilid ng daanan.



          Pagkarating sa pintuan ng mansyon, kumatok si Aulric ng ilang beses hanggang sa may nagbukas ng pinto. Pagkagulat ang agad na nakita kong ekspresyon sa nagbukas ng pinto. Si Jin.



          “Zafe, ano ang ginagawa mo dito?" nagulat na tanong ni Jin.



          “Para turuan ka sa aralin mo. Tuturuan kita na may mga bagay na hindi mo talaga makukuha," sagot ko. “Kapag mali ang solusyon mo sa Math."



          “Ahh? Ganoon ba? Hindi ko talaga inaasahan na sasama ka Zafe."



          “Ako din naman. Hindi ko nga akalain na sasama siya. Pero mas maganda na kasama ko si Zafe magturo para hindi ako mahirapan. O pwede na rin na siya na lang ang magturo sa inyo magdamag," saad ni Aulric.



          “Tumulong ka kaya. Sabi nga nila, two heads are better than one," wika ko. “Siya nga pala. Nabalitaan ko na kasama natin si Derek. Nandito na ba siya?"



          “Wala pa. Pero sigurado ako na papunta na iyun," paliwanag ni Jin. “Ayan na siya. Nasa gate." Tumuro si Jin sa likod namin.



          Lumingon kami sa likod at nakita si Derek dala ang kanyang mamahalin na sasakyan. Tatak mamahalin pa rin ang sasakyan niya. Magkatulad kami ng brand pero hindi ko alam ang model ng sasakyan niya. Kulay itim sa kaniya habang sa akin ay kulay pula. Salong-salo sigurado ng sasakyan niya ang init. Pero na-bankrupt ba talaga ang pamilya niya? May mga ganyan pa silang mamahalin na sasakyan. O baka naman may backup sila na pera.



          “Zafe, nandito ka rin pala," nagulat na saad ni Derek. Parehas sila ni Jin na nagulat. Iisa lang kaya ang iniisip ng dalawa?



          “Yeah. Nandito ako para tulungan si Aulric," paliwanag ko. “Ano? Magsisimula na ba tayo?"



          “Pasok na kayo. Doon tayo sa library," pagpapaunlak ni Jin.



          Pumasok na kaming lahat sa mansyon. Habang naglalakad ay tumingin naman ako sa mga magarbong disenyo ng mansyon nila. Gusto ko sanang ilarawan kung gaano ito kaganda, pero walang makakatalo sa pagtingin ni Aulric ng diretso. Sana naman kahit minsan, tumingin-tingin si Aulric sa mga chandelier sa taas ngayon. Mukha kasing pwedeng lumambitin. Not unless kung maaabot namin ang mga chandelier.



          Pagdating namin sa library, doon na nagpakita ng reaksyon si Aulric. Marahil ay namangha siya sa mga matatangkad na bookshelf ng library. Ako nga din, namangha. Napakadami namang libro sa library nila.



          Lumapit kami sa napakalaking lamesa na pabilog sa gitna ng library nila. Napapaligiran naman ito ng mga matatangkad na bookshelf.



          “Kapag nagkalindol siguro dito sa lugar niyo at isa-isang nagtumbahan ang mga bookshelf, safe kayo kapag nasa gitna dahil magkakaroon ng domino effect ang mga bookshelf. Kapag matumba ang isa, damay din ang lahat. Ang gagawin niyo na lang ay magtago sa ilalim ng napakalaking lamesa na ito para hindi naman mabagsakan ng chandelier," pag-aanalisa ko habang iginala ang aking tingin sa library nila.



          “Magaling na pag-aanalisa Mr. Neville," puri sa akin ng isang pamilyar na boses. Hinanap ko naman ito at nakita si Sir Louie na nasa entrada ng library. Lumingon naman kaming lahat sa entrada.



          “Papa, nandito po pala kayo," saad ni Jin. Lumapit naman siya sa kanyang papa at nagmano.



          “Magandang araw po sa inyo Mr. Louie Bourbon," magalang na bati ni Derek.



          “Magandang araw po," magalang din na bati namin ni Aulric.



          “Magandang araw din naman Derek, Mr. Neville, at Mr. Melville," bati nito sa amin habang lumalapit sa gitna kasama si Jin. “Mr. Melville, finally. Nagkita na rin tayo."



          “The pleasure is mine. Salamat nga po pala sa pagtanggap sa akin doon sa restaurant na pinagtatrabahuan ko dati," tugon ni Aulric.



          “Walang anuman. Sakto naman kasi na nangangailangan ng tauhan ang restaurant kong iyun at pinasok kita."



          “May isa po pala akong katanungan. Noong mga panahon pong iyun, may mga bagay po ako na pinapasabi kay Jin. Pinapasabi ko po dati na huwag niyang sabihin na magkaibigan kami. Pinapasabi ko din po na isa akong mabait na uportunista na naghahanap ng trabaho kaysa naman si Jin ang akitin ko. Sinabi din niya po ba iyan sa iyo?"



          Tumawa naman ng napakalakas si Sir Louie. Nagkatinginan na lang kami ni Derek dahil hindi kami maka-relate sa pinag-uusapan ng dalawa.



          “Ikinatutuwa kong sabihin sa iyo na sinabi iyun ng anak ko," saad niya matapos tumawa. “Tinawag ka nga niyang komplikadong kaibigan dahil tingin niya ay magkaibigan kayo pero para sa iyo ay hindi. Marahil nasabi niya ang bagay na iyun dahil naguguluhan siya sa kung ano ang itatawag niya sa iyo. Ikaw ba naman na isipin mo na hindi kayo magkaibigan pero humihingi ka sa kaniya ng pabor. Pero ang ikinakatawa ko ay ang pagdagdag mo sa iyong bilin na isa kang mabait na uportunista na naghahanap ng trabaho kaysa naman akitin ang anak ko. Nakakatawa."



          Ngumiti naman si Aulric. “Mabuti naman po. Ikinagagalak ko din pong ipaalam sa inyo na opisyal na din po kami na magkaibigan ni Jin."



          “May balak ka pa bang akitin ang anak ko?"



          “Hindi po. Nagbibiro lang naman po kasi ako na aakitin ko ang anak ninyo. Mahalaga po kasi sa akin ang makakuha ng trabaho noon kesa po magdagdag ng alalahanin. Ang straightforward ko po ano?"



          “Siyang tunay. Pero naakit mo na ang anak ko," pabirong tono na wika ni Sir Louie.



          “Papa, hindi po totoo iyan. Tigilan niyo mga po iyan," pakiusap ni Jin.



          “Jin, huwag kang mag-alala. Kitang-kita naman kasi na nakikipagbiruan ang papa mo sa akin," ngiti ni Aulric.



          “Oo nga Jin. Nagbibiro lang naman ako," saad ni Sir Louie habang sinisiko si Jin sa tiyan. “Alam mo, bakit hindi ka kumuha ng mga kailangan mong pagkain sa kusina? Dalhin mo na rin ang ref dito sa loob ng library kung kaya mo."



          “Papa talaga. Sige po. Kukuha na po ako," saad ni Jin saka lumabas sa library.



          Marahang kinuyom ko ang aking mga kamay. Napakalayo ng agwat namin ni Jin. Kapag nagpahayag ng nararamdaman si Jin kay Aulric, siguradong hindi na siya mapapasaakin. Dagdag pa dito na may consent pa ata ito ni Sir Louie.



          “Mga bata, bakit hindi na muna tayo maupo habang hinihintay si Jin at magkamustahan?" paanyaya ni Sir Louie na sinunod namin agad. “Ikaw Derek? Kumusta naman ang pamilya mo? Si Henry, kumusta siya? Mukhang mayaman pa rin ata kayo pagkatapos ng inyong bankruptcy? Ano ang sikreto ng pamiya niyo? Ano naman ang bagong business ang pinagkakaabalahan ng papa mo ngayon?"



          “Nako po Sir Louie, hinay-hinay naman po sa pagtatanong," natatawang tugon ni Derek. “Unang-una po, okay lang si papa. Pangalawa, opo, mukhang mayaman pa po kami. Pangatlo, hindi ko po alam ang sikreto ng pamilya ko kung bakit mayaman pa rin po kami. Pang-apat at panghuli, sa totoo lang po, hindi ko po alam kung ano po ang business na pinagkakaabalahan ni papa."



          “Ganoon ba? Baka naman may underground business ang papa mo at hindi niyo lang alam?" pagbibiro ni Sir Louie. “Kung hindi niyo nababalitaan, laganap ang bentahan ng droga sa lugar natin. Patago pero mabilis kumakalat ang mga masasamang taong ito dahil may backup sila na maraming pera."



          “Alam ko po ang sinasabi ninyo," sabat ni Aulric. “Nitong bagong taon lang po, namatay po ang nagtatago kong tatay dahil sa droga. Natagpuan siya ng mga pulis sa Bloomingdale Subdivision. Nakapagtataka naman po na iba ang ginagamit na pangalan ng tatay ko para makuha ang bahay na iyun. Dagdag pa dito ang kanyang driver's license na iba din ang kanyang pangalan pero legal."



          Nagulat naman kami sa kwento ni Aulric. Hindi ko alam na may ganoong bagay siya na pinagdadaanan.



          “Pasensya na Aulric," agad na paghingi ni Sir Louie ng dispensa. “Hindi ko alam na nakaka-relate ka pala masyado sa biro kong iyun. Alam niyo, mag-iba na agad tayo ng topic. Ikaw naman Zafe? Kumusta ang pamilya niyo?"



          “Umm, mabuti naman po ang lahat," sagot ko.



          Dumating na din sa wakas si Jin kasama ang ilang mga katulong nila. May bitbit naman silang cooling box. Si Jin naman ay may bitbit na ilang mga tsitsirya. Maliban sa cooling box, may mga hinahatak ding blackboard ang mga katulong at ipiniwesto sa likuran ni Aulric.



          “Mukhang dumating na din sa wakas ang anak ko. Bueno mga bata, pupunta na ako sa aking appointment. Mag-enjoy kayo at matuto sa library na ito. Pasensya na sa mga nasabi ko kung na-offend ko man kayo. Aalis na ako," paalam ni Sir Louie. Tumayo naman siya at nagsimulang lumakad palabas.



          “Paalam din po," sabay naming saad.



          “Mag-ingat ka pa," dagdag ni Jin.



          “Maligayang kaarawan din sa iyo Aulric," bati pa ni Sir Louie kay Aulric bago siya tuluyang nakalabas ng library.



          Nagulat na naman kaming lahat sa aming nalaman. Hindi ko din alam na kaarawan pala ni Aulric ngayon.



          “Happy birthday pala Aulric," sabay naming bati.



          “Nako! Nakakahiya pala sa iyo! Wala pa kaming regalong naibibigay sa iyo. Pasensya na Aulric," paghingi ni Jin ng dispensa.



          “Oo nga. Ilang taon ka na pala? Ano ang gusto mong regalo?" sunod-sunod kong tanong.



          “Iyung phone na binigay niyo sa akin noong pasko, okay na iyun. Huwag na kayong bumili ng ginto pangregalo sa akin at ipupukol ko iyun sa inyo," naiinis na saad ni Aulric.



          “So ako pala, pwede pa bang magbigay ng regalo sa iyo?" tanong ni Derek.



          “Nice try Derek. Pwede bang magsimula na tayong mag-aral?" nakukunsuming ng pakiusap ni Aulric habang inilatag na ang kanyang mga gamit. “Ang malas ko naman kasi. Alam pala ni Sir Louie ang kaarawan ko at sinabi pa niya."



          “Sige guys. Magsimula na tayo," saad ko.



          Nagsimula namang magturo ng Math si Aulric sa kanila. Ako naman ay inoobserbahan ang mga taong ito at si Aulric kung may mali siyang itinuro at iko-correct ko. Inisa-isa naman ni Aulric ang mga parte ng Math kung saan nahihirapan ang dalawa. Ang galing niya magturo sa dalawa. Siyempre, si Aulric iyan. Pinakamagaling siya sa klase namin. At ako din naman. Nakapagtataka nga lang itong si Derek na best in Math dati noong kaklase ko pa siya. Gisahin ko kaya ang taong ito sa paraan na hindi ko siya mababastos?




          “Derek, kung natatandaan ko dati, noong magkaklase tayo, best in Math ka sa klase. Pero ngayon, bakit ka nabobo sa Math?" diretsong tanong ko.



          “Ahh! Hindi mo ba nabalitaan Zafe? Noong isang buwan, naaksidente ako. Bumangga ang isa kong sasakyan sa poste. Medyo malubha ang naging lagay ko noon pero buti na lang at naagapan iyun ng mga doktor namin. Ang problema nga lang, medyo naparami ang tinanggap na anaesthesia ng katawan ko kaya may posibilidad na bumobo ako," paliwanag ni Derek. Damn it! Pwede ngang rasong iyun. Pero hindi ako magpapaloko na may agenda siya.



          “Teka? Nakakabobo pala talaga ang anaesthesia? Kaya pala," wika ni Aulric.



          “Bakit Aulric? Naaksidente ka ba dati at nabobo ka pagkatapos dahil sa anaesthesia?" tanong ko.



          “Hindi. Pero noong tinuli ako sa doktor, tinurukan din ako ng anaesthesia. Pero buti nga at bumalik ang talino ko ngayong nagkokolehiyo ako." Tumingin naman si Aulric sa papel ni Derek. “Okay. Very good. Tama ang solusyon na ginamit mo. Nakukuha mo na rin Derek."



          Napapansin ko naman na nagnanakawan kaming tatlo ng tingin kay Aulric. Nahuhuli ko din silang dalawa na nakatingin sa akin at sila sa isa't isa. Marahil ay nalaman nila na katulad ako nila. Isang potential na suitor ni Aulric.



Jin's POV



          Naiinis ako sa nangyayari ngayon. Bakit kasi kasabay kong mag-aral si Derek? At bakit nandito din si Zafe? Sabi ni Aulric, nandito daw siya para tulungan siya kung sakali. Pero wala naman siyang ginagawa.



          Ilang beses naman akong nakakanakaw ng tingin kay Aulric. Ilang beses na din naman akong nahuhuli nila Zafe at Derek na nakatingin sa kanila. Siguro, tigilan ko na ang ginagawa kong ito. Baka makakuha pa sila ng maling ideya kung bakit ako tumitingin sa kanila.



          “Nako Jin. Hindi mo talaga makukuha ang gusto mong sagot kapag ganito ang solusyon mo," saad ni Zafe. “Buti na lang at napansin ko ang mga gestures mo. Mali pala ang sagot mo." Hindi ko pala namalayan na nakatingin na siya sa papel ko.



          “Pasensya na talaga. Hindi kasi ako mapakali sa nangyayari ngayon. Alam niyo kasi, kayo pa lang ang mga unang taong pumasok sa mansyon namin. Maliban sa mga kaibigan ng papa at ng mga tito ko of course," paggawa ko ng kwento.



          “Magandang dahilan. Pero hindi dapat makakaapekto ang nararamdaman mo sa magiging solusyon ng problema mo," diretsong saad ni Aulric matapos nakitingin sa papel ko. Ano kaya ang gagawin ko? Ahh! Alam ko na.



          “Alam ninyo, gutom na ako. Hindi kasi nagiging maayos ang aking pag-iisip kapag gutom. Magluluto lang ako sa kusina namin."



          “Oo nga. Magandang ideya Jin. Hindi naman kasi healthy para sa katawan natin na puro tsitsirya lang ang kinakain natin," gatong ni Derek.



          “Kung ganoon, sasama ako na gagawa ng tanghalian natin" saad ni Aulric. Huh? Sasama sa akin si Aulric?



          “Tutulong din ako," dagdag ni Zafe. Huwag ka na nga!



          “Paano ako? Sino ang magtuturo sa akin?" tanong ni Derek.



          “Zafe, maiwan ka na dito," utos ni Aulric. “Tutal naman, ikaw iyung halos walang ginagawa kanina pa."



          “Pero-"



          “Walang pero," pagputol ni Aulric kay Zafe. “Mahiya ka naman sa kanila. Libre na nga ang tsitsirya at tanghalian, ikaw pa itong walang ginagawa. Unless kung wala kang hiya. Tsaka kung tayong dalawa ang tutulong kay Jin na magluluto ng tanghalian natin, ano iyun? Pang-isang dosena ba ang pakakainin natin? Bigyan mo nga ako ng dahilan kung bakit gusto mong sumama?"



          “Malakas akong kumain. Kulang pa ang pang-isang dosena."



          “Umm, ako din. Malakas din kumain," dagdag ni Derek habang kinakamot ang ulo.



          “Ohh, ngayon? Ang punto dito ay kung sino magtuturo kay Derek? Hangin? Huwag ka na nga magdahilan Zafe. Naiirita na ako sa iyo kanina pa," nakukunsuming saad ni Aulric habang nagkakamot ng ulo.



          “Maid na lang kaya ang pag-utusan niyong gumawa ng tanghalian natin?" pagdadahilan pa ni Zafe.



          “Ahh, hindi. Mas gusto ko kasi na ako ang maluluto. Para special," pagdadahilan ko.



          “Narinig mo siya? Para special. Alam mo Zafe, uumbagan na talaga kita kapag binuka mo pa iyang bibig mo," banta ni Aulric.



          “Umm, guys, pagkain lang ang pinag-uusapan natin. Pwede bang huwag na kayong magtalo? Pwede ba?" kinakabahang pakiusap ni Derek.



          Inikot na lang ni Zafe ang mata niya at itinaas ang kamay tanda ng pagsuko. Mabuti naman at hindi na siya sasama.



          “Tara Aulric. Sumunod ka sa akin," saad ko.



          Lumabas na kami ni Aulric sa library. Medyo malayo-layo pala ang lalakarin namin mula dito sa library papunta sa kusina.



          Habang naglalakad ay tahimik lang kami ni Aulric. Walang nagsasalita sa amin at ang ingay ng aming mga yapak ang maririnig mo sa buong mansyon. Nakaramdam naman ako pagkakaba. Nandito kasi si Aulric at tutulungan niya akong gumawa ng pananghalian. Pero ang totoo, hindi ako marunong bukod sa scrambled egg. Nag-e-expect kaya sila ng isang engrande na pagkain?



          “Jin," tawag sa akin ni Aulric.



          Hinawakan naman niya ang balikat ko at bewang. Nagulat naman ako nang bumalik ang aking uliran dahil malapit na sana akong bumangga sa pader ng mansyon namin.



          “Ayos ka lang ba? Lumalabo na ba ang paningin mo kaya hindi mo napansin na pader na babanggain mo?" usisa pa niya. “Unless lang kung ang kusina ninyo ay nasa likod talaga ng pader."



          “N-Nako! Pasensya na! Hindi ko napansin. Lumabo kasi bigla ang aking salamin," pagdadahilan ko. Kinuha ko naman ang aking salamin at pinunasan ang lens nito gamit ang suot kong damit. Sinuot ko naman ulit ito pagkatapos.



          “Baka ang mata mo na ang lumalabo."



          Hinarap ko siya. “Siguro nga. Lumalabo na ang mata ko. Nako! Isang masamang senyales iyun para sa akin. Magpakonsulta nga ako agad sa doktor ko mamaya."



          “Mabuti pa nga."



          “Tara. Dito ang daan papunta sa kusina."



          Nagpatuloy naman kaming maglakad sa ibang daan papuntang kusina. Wala pang isang minuto ay nakarating na kami.



          “So, ano ang lulutuin natin?" agad na tanong ni Aulric.



          “Scrambled egg sana ang lulutuin ko. Kaya lang Aulric, parang lumalabo ang paningin ko," paliwanag ko. “Pwede bang ikaw na ang magluto ng scrambled egg? Ako na lang ang magsasaing."



          “Naiintindihan ko ang kalagayan mo. Walang problema para sa akin."



          “Magsuot ka ng apron para hindi ka madumihan."



          Nako naman. Nagsinungaing ako. Ang totoo, hindi naman lumalabo ang paningin ko. Baka kasi magtaka siya na nakakakita ako ng maayos. Pero ano ang gagawin ko? Heto na ako.



          Habang ako naman ay nagsasaing sa rice cooker, si Aulric naman ay naghahanda ng mga rekados para sa gagawing scrambled egg. Bagay sa kaniya ang suot na puting apron. At medyo mabilis siyang maghiwa ng mga rekados.



          “Siya nga pala Jin. Gusto ko talaga itong itanong sa iyo. Sino ba iyung babaeng nagugustuhan mo ngayon?" biglang naitanong niya. “Iniisip ko pa naman noong isang araw na si Isabela ang babaeng iyun. Kaya lang, nakita ko naman na nakikipaglandian si Isabela kay Ricky. So hindi siya ang babaeng iyun." Shit! Naalala pala niya iyun? Ano ang isasagot ko?



          “Ang totoo niyan, wala siya dito sa lugar natin. Ang ibig kong sabihin, hindi siya sa Rizal nakatira. Sabihin na lang natin na meron akong long-distance relationship," paliwanag ko.



          “Mukhang mahirap iyan. Malayo kayo sa isa't isa," saad ni Aulric habang binibiak ang mga itlog saka binati. Tayo kaya iyun.



          “Ganoon talaga. Pero kakayanin ko ito."



          Bigla naman bumukas ang pintuan at niluwa nito si Sharina na kakagising pa lang. Parang tuluyan naman siyang nagising matapos makita si Aulric ang naghahanda ng mga rekado para sa lulutuin naming scrambled egg.



          “Ay! Hindi ko alam na may bisita pala tayo sa bahay," saad ni Sharina. “Magandang hapon Jin, Aulric." Naglakad siya sa ref at kumuha ng malamig na tubig.



          “Magdadagdag pa ba ako ng itlog para sa kaniya?" agad na tanong ni Aulric sa akin.



          “Sharina, g-gusto mo ba?" tanong ko.



          “Well, sige," pagpayag ni Sharina. “Mukhang napakadami ng niluluto mo Aulric. Pagsasaluhan niyo ba iyan ni Jin?" Sinamaan ko agad si Sharina ng tingin hudyat na tigilan ang bibig niya at baka may kung ano ang masabi pa niya. Nagkibit-balikat naman siya.



          “Hindi. Para sa aming apat sana ang scrambled egg na ito. Nandito din kasi sila Zafe at Derek. Kung nagtatanong ka naman kung bakit ako nagluluto, mukhang biglang lumalabo daw ang paningin ni Jin at baka may kung anong aksidente pa ang mangyari," paliwanag ni Aulric habang nagbiak pa ng isa pang itlog at binati na naman ang mangkok.



          “Ahh? Ganoon ba? Sige. Aalis na ako. Mukhang naistorbo ko ang pag-uusap ninyo. At Aulric, bagay sa iyo ang puting apron na iyan."



          Dali-daling lumabas si Sharina at bumulong pa siya sa akin ng good luck. Halos itulak ko naman siya paalis ng kusina.



          “So sa iisang mansyon kayo nakatira?" tanong ni Aulric habang nilalagay na niya ang mga binating itlog sa kawali na may mantika at nagsimula na itong kumanta.



          “Oo. Nasa iisang mansyon kami," sagot ko. “At sa laki ng mansyong ito, may lima lang ang nakatira. Mga tatlumpu naman ang aming mga katulong."



          “Iyung syota mo pala? Pwede bang malaman ang pangalan niya? Kapag kasi naiisip ko na hindi ko alam kung sino iyun, mag-a-assume ako na ako iyun," natatawang biro niya habang naglalagay ng mga rekado sa nilulutong itlog.



          Kinabahan naman ako sa pag-a-assume niya. “Okay lang. Lagi ka lang mag-assume diyan. Ang kaso, confidential iyan."



          “Wow! Confidential. Makikilala ba namin siya kapag nagkaroon na ng party at iaanunsyo ng pamilya niyo kung sino siya?"



          “Iyan ay hindi ko alam. Maiba nga ako. Ilang taon ka na pala Aulric? Hindi ko alam na kaarawan mo ngayon," mabilis kong pag-iiba sa usapan.



          “Umm, 19 na ako," sagot niya. “Pero ayoko na kayang magbilang ng edad pagkatungtong ko ng 18. Nakakatanda."



          Inamoy ko naman ang niluluto ni Aulric. Ang bango. Siguradong napakasarap nito.



          “Tawagan mo na nga sila. Oras na para kumain," sabi ni Aulric.



          “Okay."



          Naglakad naman ako palabas ng kusina. Sa daan naman, nakasalubong ko si Isabela. Mukhang binibisita niya palagi dito si Sharina.



          “Magandang hapon Jin," mabilis na bati ni Isabela.



          Ngiti na lang ang itinugon ko dahil mabilis siyang pumasok sa kusina. Pagdating ko sa library, nakita ko naman si Sharina na nasa pintuan ng library. Mukhang sinisilip niya si Zafe.



          Ginulat ko si Sharina. “Pumasok ka kaya!"



          “Ay! Bwisit!" nagulat na saad niya. “Gago ka Jin. Bakit mo ako ginulat?" Babatukan sana ako ni Sharina kaya lang ay nakailag ako.



          “Bakit ka ba nakasilip lang diyan? Pumasok ka kung gusto mong kausapin si Zafe."



          Humugot si Sharina ng malalim na hininga. “Huwag na. Nag-iimbestiga na lang kasi ako kung totoo ang sinasabi ni Zafe na pag-aaral lang ang aatupagin niya. Kapag niloko talaga niya ako at nagkaroon siya ng syota, lagot talaga siya sa akin at sa magiging syota niya. Papahirapan ko sila hanggang sa gumapang na lang sila sa lupa." Nakakatakot naman ito si Sharina.



          “Bahala ka nga diyan. Handa na ang ulam doon sa kusina. Pumunta na kayo sa hapag para makakain na. O gusto mong sumabay ka na lang kay Zafe na pupunta?"



          Sinubukan na naman niya akong batukan. Pero hindi na naman ito tumama at nailagan. Nilabas ko pa ang dila ko para asarin si Sharina bago pumasok ng library.



          “Handa na daw ang pagkain," anunsyo ko. "Tara na sa mesa. Iwanan niyo na lang ang mga gamit niyo.



          Tumayo naman sila at lumabas ng library. Nakita naman ni Zafe si Sharina na naghihintay pa rin sa labas at binati ng magandang hapon. Simula noong naghiwalay sila ni Sharina noong pasko, pinaghihinalaan niya talaga na may iba si Zafe. Oo nga ano? Paano kaya kung si Aulric ang taong iyun? Papatulan ba ni Zafe ang ugali ni Aulric? Mukha namang hindi.



Aulric's POV



          Habang hinahanda ang pagkain namin sa mesa, bigla naman pumasok si Isabela sa kusina.



          “Hindi ko pala alam na nandito ka pala sa mansyon ni Jin," saad ni Isabela.



          “Nandito ka pala. Mukhang magdadagdag ako ng itlog na lulutuin. Ilan ang gusto mo?" diretso kong tanong.



          “Hmm, siguro naman, okay lang ang isa. Hindi naman ako pota para kumain ng dalawa o tatlong itlog." Napakaberde ng pag-iisip ng babaeng ito.



          Napakunot ako ng noo. “Anong pota at itlog ang pinagsasasabi mo? Lasing ka pa ba o nananaginip? Gusto mo bang ipagtimpla na rin kita ng kape para magising ka sa katotohanan?"



          “Wala. Salamat na lang sa pag-aalala. Aalis na ako," naiinis niyang saad saka umalis ng kusina. Ano ba ang problena ng babaeng iyun?



          Bumuntong-hininga na lang ako at ipinagpatuloy ang paghahanda ng pagkain. Kung ano man ang problema ng babaeng iyun, wala na akong pakialam. Para lang ipagluto siya ng itlog, nao-offend na. Pota ba talaga siya?



          Maya-maya ay sabay na silang pumasok kasama si Sharina. Kita ko naman na napanganga si Zafe sa nasaksihan.



          “Si Isabela nga pala? Asaan?" tanong ni Sharina.



          “Umuwi na siya Sharina. Ipagpaalam daw kita para sa kaniya," sagot ko.



          “Ganoon ba? Kung ganoon, kumain na tayo."



          “Oo nga. Gutom na gutom na nga ako," saad ni Zafe.



          Habang nagsisimula na silang umupo sa kanilang upuan, si Zafe naman ay nakatayo lang at tinitingnan ako. Marahil ay gusto niya akong tabihan.



          Umupo naman agad ako sa gitna kung saan dapat ang head ng bahay umupo. Si Zafe naman ay umupo na lang sa kanan ko.



          “Pwede naman siguro hindi ba?" tanong ko kay Jin na nasa kaliwa ko.



          “P-Pwede naman. Pero ikaw ang magle-lead ng prayer," paliwanag ni Jin.



          “Okay. Magdasal na muna tayo."



Shai's POV



          Napabuntong-hininga naman ako matapos mag-roll ang end credits ng pinapanood naming Frozen. Mabuti naman at natapos na. Ang dami na kayang namatay.



          “Nakakagutom hindi ba Shai?" tanong ni Ricky.



          “Oo. Nakakagutom. Nagutom ako sa parteng kinakain ng mga wolf iyung isa sa mga bida," natatawang paliwanag ko.



          “Sige. Magluluto lang ako ng pagkain para sa pananghalian natin."



          Umalis naman si Ricky sa sala habang ako ay nililigpit ang kalat namin. Ang loob ko naman ay nagtatatalon sa tuwa dahil mukhang gumaganda na ang development naming dalawa. Kaya lang, sigurado akong masisira ang development na iyun dahil sa isang sikreto na alam ko pero hindi nila alam.



          Nang natapos na ako magligpit, pinuntahan ko naman ang kusina kung saan siya naghahanda ng pananghalian namin. Nakita naman niya ako na nakatitig sa kaniyang ginagawa. Mukhang magluluto siya ng adobong manok. Teka? Pag-usapan na kaya namin ang bagay na iyun? Gusto kong malaman na niya agad na alam ko ang isa niyang sikreto para hindi na kami gaanong magsakitan.



          “Ricky, may lihim ka pa bang tinatago sa akin?" diretsong tanong ko.



          Natigil naman siya sa ginagawa at bumuntong-hininga. “Wala. Wala akong tinatagong sikreto sa iyo," sagot niya habang pinagpatuloy ang kanyang ginagawa.



          “T-Talaga? Alam mo kasi, may alam akong isang bagay na hindi niyo pa ata alam na alam ko kung ano iyun. At hindi ko pa sinasabi iyun sa kaniya dahil nakita ko naman na hindi iyun natuloy. Alam mo naman ang sinasabi ko hindi ba?"



          “A-Ano ba iyun? Spill it."



          “Ricky, gusto kong manggaling sa iyo ang confession. Swerte niyo lang at ako pa lang ang nakakaalam. Well, maliban lang sa Journalism Club obviously. Pero mag-aantay pa ba kayo na malaman iyun ni Aulric mula kay Kurt?"



          Natigil naman siya at nagkatinginan kami. Maya-maya ay nag-iwas siya ng tingin at umiling.



          “Alam mo na pala. Bakit ko pa kailangan mag-confess? At kapag nag-confess ako, sasabihin mo ba ito kay Aulric?" pakumpas niyang saad.



          “Well, para gumaan ang pakiramdam mo ng kahit konti. Nagtatago ka ng sikreto sa akin. At parehas tayo. Nagtatago tayo ng sikreto kay Aulric."



          Umiling-iling si Ricky. “Sige. Sasabihin ko. But please? Pwede bang pagkatapos lang nitong tikmang ang lulutuin ko. Sigurado akong makakalimutan mo ang sikretong alam mo kapag natikman mo ito."



          Hinayaan ko naman siya magluto. Excited naman ako para matikman ang luto niya.



          Nang kumain na kami, natikman ko ang adobo ni Ricky. Napakasarap nito. Ilang beses ko naman siyang pinuri dahil ang sarap niya magluto.



          Nang natapos na kaming kumain, kiniwento ni Ricky ang tunay na nangyari noong araw na iyun. Kiniwento niya na plano iyun ni Zafe sa simula pa lang pero nagpasya na siyang hindi iyun ituloy. Kiniwento naman niya na lahat iyun ay totoo pati na iyung nagkita kami. Sinabi niya na totoo ang ngiti niya sa akin, pati ang pagkuha niya ng litrato. Pinakita naman niya sa aking ang litrato na hindi pa niya binubura dahil iyun daw ang pinakamagandang kuha niya. Dahil doon, dinagdag naman niya ang pagkuha niya ng litrato na isang bagay na hindi niya nakuha mula kay Zafe.



Zafe's POV



          Medyo malalim na ang gabi pero nasa library pa rin kami at tinuturuan ni Aulric sila Jin at Derek. Si Sharina ay nakisali na din at pinapanood, ata ako. Dito nga pala siya nakatira kaya dapat mag-ingat ako sa mga kilos ko.



          “Guys, break na muna tayo saglit. Naiihi kasi ako," wika ni Aulric na biglang tumayo.



          “Aulric, samahan na kita," pagprisinta ni Sharina.



          Lumabas naman ang dalawa. Turn ko na muna sana para turuan sila Derek at Jin nang biglang may magandang ideya na naisip si Derek.



          “Guys, wala bang gustong isumpresa si Aulric ngayon? Birthday niya at mukhang tayo lang ang nakakaalam," sabi ni Derek.



          “Mukhang hindi magandang ideya iyan Derek kung siya nga mismo ay halos walang pakialam," paliwanag ni Jin.



          “Well, let's break his walls. I-celebrate natin ang birthday niya. Kung para sa kaniya na ang birthday ay wala lang, para sa atin, isa itong importanteng araw kung kailan tayo pinanganak," paliwanag ko naman.



          “Magandang punto iyan Zafe," puri ni Derek. “Umorder na tayo ng cake para i-celebrate ang birthday niya bago umuwi. Kung hindi siya matutuwa, tayo na lang. At gusto ko kasing kumain ng cake ngayon." Kinuha ni Derek ang phone niya at marahil ay umoorder ng cake.



          “Ako din. Bigla akong nagutom nang mabanggit ang cake. Teka, bakit hindi na rin tayo umorder ng pansit at mga barbecue? Oorder na rin ako. Kung inumin naman ang problema, sagot mo na iyun Jin hindi ba?" tanong ko habang kinukuha din ang aking phone tsaka umorder na ng mga pagkain.



          “P-Pero, huwag-"



          “Huwag ka naman killjoy dyan Jin," pagputol ni Derek kay Jin. “Game ka ba o hindi?"



          “S-Sige. Ako na ang bahala sa mga inumin natin," pagpayag ni Jin sa wakas. Napakamot na din siya sa ulo at umalis para kumuha ng mga inumin.



          Nakapag-order na kami ng pagkain. Mga ilang minuto pa ang kailangan lumipas para dumating ang mga pagkain.



          Nang bumalik na sila Aulric at Sharina, nagpatuloy na sila sa pag-aaral. Napapansin ko naman na hindi tumitingin sa akin si Aulric. Hay nako! Napakasuplado talaga niya. Pero iyan talaga ang isa sa nga bagay na nagustuhan ko sa kaniya. Ang cute niya kaya.




          Tumunog na ang doorbell ng mansyon nila Jin.



          “Ako na," pagprisinta ko.



          Tumayo ako saka lumabas ng library. Medyo naligaw ako palabas kaya medyo nagtagal ako bago makarating sa labas.



          Pagdating sa labas, naabutan ko ang isang katulong na papasok na ng mansyon at dala-dala ang mga pagkain na inorder namin. Binayaran ko ang lahat ng pagkain na inorder namin. Iyun talaga ang binabalak ko kaya nagprisinta ako na salubungin ang mga inorder namin. Para ako ang magbayad. Para magmukha naman na walang kontribusyon ang mga katunggali ko. Maliban lang sa kontribusyon sa ideya by default.



          Idinaan na muna sa kusina ang mga pagkain na inorder namin. Pagkatapos ay sinindihan ko ang chocolate cake na inorder ko. Teka? Favorite ba ni Aulric ang chocolate? May allergy kaya si Aulric sa mga tsokolate? Nag-assume pa naman ako na lahat ng tao ay favorite ang chocolate cake maliban lang sa mga taong may allergy. Pero bahala na. Siguro naman, walang allergy si Aulric sa kahit ano maliban lang sa akin.



          Bumalik na ako sa library na parang walang nangyari. Nag-aaral pa rin sila pagbalik ko.



          “Zafe, ang tagal mo naman. Naligaw ka ba?" tanong ni Aulric habang patuloy na nakatingin sa ginagawa ni Derek.



          “Oo. Naligaw ako palabas ng mansyon," sagot ko. “Napalaki talaga ng mansyon niyo Jin."



          “Ano naman ang ginawa mo sa labas? At bakit ikaw ang tumitingin? Hindi ba bahay ito nila Jin?"



          Natigil ako at nag-isip ng palusot. Damn! Kailangan ay hindi niya mahalata. Surprise iyun. May surprise bang nahahalata? Wala di ba?



          “Baka magulang niya iyun na ine-expect niya at dumating nga? Pumupunta din kasi iyung pamilya ni Zafe dito sa mansyon," sagot ni Jin. Teka? Pwede ba iyung sagot na iyun?



          “Oo. Ganoon na nga," pagsuporta ko sa sinasabi ni Jin.



          “Hmm, ganoon ba?" saad ni Aulric na mukhang may panghihinala sa boses.



          “Ang mabuti pa Aulric, bilisan na natin ang pag-aaral. Malapit na akong umuwi sa amin," saad ni Derek.



          “Mabuti pa nga."



          Binigyan kami ni Sharina ng nanghihinala na tingin. Hindi niya din naman kasi alam ang pinaplano naming tatlo. Sana nga ay gumana ang pinaplano namin.



          Nang matapos na ang pag-aaral, may dumating na mga katulong para iligpit ang ilang kalat na ginawa namin sa library. Metikoloso daw kasi ang mga magulang nila Jin at Sharina kaya pinapanatili nilang malinis ang library. Paborito din kasi nila itong lugar para magpahinga habang nagbabasa ng mga libro.



          Habang naglalakad paalis, sinadya naman namin na pumunta sa kusina at sinumpresa si Aulric. Lumaki ang mata ni Aulric saka umiling. Si Sharina naman ay nagulat na tiningnan si Aulric.



          “Sinasabi ko na nga ba. Buti na lang at nakapagpaalam ako kay nanay na medyo mahuhuli ako na umuwi sa amin," saad ni Aulric. “Inaasahan ko na wala ng sumpresa gaya ng mga regalo pwede? Itong mga pagkain lang ha?"



          “Hayaan mo. Wala na," paniniguro ko. Pero may regalo ako sa kaniya mamaya.



          “Happy birthday pala Aulric. Hindi ko alam na kaarawan mo pala," bati ni Sharina.



          “Salamat Sharina. Pahamak kasi ang tito mo at binunyag na kaarawan ko ngayon."



          Lumapit naman si Derek sa lamesa at kinuha ang chocolate cake ni Aulric na may mga kandila. Walang nakaukit sa chocolate cake niya dahil impromptu ang sumpresa namin kay Aulric. Kami pa nga ata ang nasumpresa matapos malaman na kaarawan niya pala ngayon.




          “Tama na ang daldal. Heto ang birthday cake mo Aulric," saad ni Derek habang lumalapit kay Aulric. “Make a wish tapos hipan mo na ang kandila."



          Napakamot sa ulo si Aulric. “Ay nako! Ito pa naman ang parte na ayaw ko. Ang mag-wish. Ngayon, anong magandang i-wish? Hmm, taasan niyo ang grades niyo sa Math at nang matuwa ako. Okay na iyun." Hinipan naman niya ang kandila. “Ayan! Nag-wish na ako na mag-improve kayo. Kapag hindi kayo nag-improve, uumbagan ko kayo!" banta pa niya.



          “Yey! Nag-wish na siya," masaya kong saad kasabay ng aming pagpalakpak. Napakasimple naman ng wish niya.



          “Hayaan mo Aulric. Tataasan ko ang grades ko sa Math para naman matuwa ka," wika ni Derek. “Paano ba ito guys? Kainan na!"



          Pinagsaluhan namin ang pagkain na mga inorder namin. si Aulric ay bahagyang nakangiti. Ibang klase nga siya ng tao. Hindi siya malawak ngumiti dahil birthday niya. Pero ano ba itong pakiramdam na ito? Hindi niya ako tinitingnan sa mata. May problema ba?



          Maya-maya ay natapos na kaming kumain. Kinuha naman ni Aulric ang mga natirang pagkain para ibigay sa nanay niya. Since para naman daw sa kaniya ang pagkain, hindi naman siguro masama na kunin niya iyun lahat? At tsaka busog na busog ako sa aming kinain.




          “Zafe, pwede mo ba akong ibaba doon sa karaniwan kong binababaan? Alam kong may regalo ka sa akin. Pero may regalo din ako sa iyo," nakangiting saad ni Aulric. Teka? May regalo din siya para sa akin? Ano kayang klaseng regalo iyun?



          “Sige ba. Walang problema."



          Hininto ko naman ang sasakyan kung saan ko siya karaniwang binababa.



          “Bumaba ka din para makuha mo ang regalo ko. At para makuha ko din ang regalo mo," saad ni Aulric.



          “T-Teka? Hindi pwede. Dito ko lang maibibigay ang regalo ko sa sasakyan sa ngayon. Bakit pa ba natin kailangan bumaba?" tanong ko.



          “Kung ganoon, regalo ko muna ang mauuna. Halika na. Bumaba na tayo."



          Bumaba naman siya sa sasakyan. Naguguluhan naman ako kung bakit may regalo din siya para sa akin. Baka naman ibibigay niya iyung dapat na regalo sa akin noong pasko ngayon? Pero bakit pa kailangan lumabas? At saan kaya galing ang regalo niya? Baka galing sa kanyang magic trick?



          Nang lumabas na ako, sumenyas naman siya na lumapit ako sa kaniya sa bangketa. Humugot ako ng malalim na hininga at lumapit sa kaniya. Pagkalapit ko ay sinalubong ko ang kanyang kamao na tumama sa aking tiyan.



          “Tarantado ka! Akala mo, hindi ko malalaman?!" nagagalit na tanong ni Aulric.



          Biglang sumama ang pakiramdam ko. Parang umangat ata ang mga kinain ko sa aking tiyan at naisuka ko ito sa gilid ng bangketa. Nasapo ko pa ang aking tiyan sa sakit na suntok na iginawad sa akin ni Aulric. Tinapik pa niya ang likod ko habang nagsusuka pero pati ang pagtapik niya ay masakit din. Hindi maaari! Alam na niya?



          Nang mahimasmasan ako, hinabol ko ang aking hininga. Kumuha naman si Aulric ng isang bote na may tubig mula sa kotse ko at ibinigay sa akin. Pagkakuha'y itinungga ko ito agad. Mukhang naisuka ko ata ang kinain ko kanina. Nakaramdam din ako ng panghihina.




          “Paano mo nalaman?" tanong ko nang mag-angat ako ng tingin at sumandal sa aking sasakyan para suportahan ang aking pagtayo. Nakaramdam din ako ng pagkahilo.



          “Kanino pa sa tingin mo? Sa iyo?" sarkastikong sagot ni Aulric. “Nako naman! May mga rason pa naman ako para magustuhan ka, pero may negative points ka na naman! Alam mo ba kung ano ang sinabi sa akin ni Sharina kapag nalaman niya na may kinikita ka daw na iba? Pahihirapan niya ang buhay ng taong iyun na halos lahat ng galit niya ay itutuon sa taong iyun. Napaka-ironic lang dahil mukhang ako iyung taong iyun. O meron bang iba? Sabihin mo nga Zafe, may iba pa ba?!"



          “Bakit hindi mo siya labanan gaya ng karaniwan mong ginagawa?"



          “Gaya ng ano? Bugbugin siya? Putang ina Zafe. Iyung babaeng iyun, mukhang makikipagsabayan nga sa init ng ulo ko. At lamang na lamang siya sa ibang aspeto na walang-wala ako. Kahit nga pagsamahin pa natin ang yaman natin, hindi tayo makakaligtas sa galit ng babaeng iyun! Hindi palagi Zafe, idadaan ko na lang sa dahas. At napaka-unreasonable na dadaanin ko sa dahas si Sharina. Nagmahal nga lang kasi siya. Kaya lang, loka-loka siya. Alam mo, dapat diniretso mo na lang siya na ako pala ang dahilan kaya ayaw mo sa kaniya. Baka magbago pa ang isip noon at isipin ni Sharina na ang baba ng standards mo para hindi ka niya habulin. Alam mo ang pinakaayaw kong mangyari, kapag nadamay ang nanay ko dito sa pagmamahalan natin. I can't risk it Zafe. My mother comes first above all else."



          Ito ba ang sinasabi ni Ricky sa isa sa mga posibleng mangyari kapag nalaman ni Aulric? Pero mabuti na rin ang ganito na nalaman na niya. Kaya lang, wrong timing. Busog na busog ako tapos sinuntok pa niya ako sa sikmura.



          “I'm sorry," paghingi ko ng dispensa. “Iyun ang plano ko noong una. But I realize na mali iyun kaya tinigil ko na."



          Pinatunog ni Aulric ang dila niya habang umiiling. “Pasensya na Zafe. Mukhang hindi ko matatanggap ang sorry mo. Pero matatanggap ko na isa kang napakalaking sinungaling! Pag-aaral daw. Anong pag-aaral? Pag-aralan akong bumigay?! Birthday na birthday ko pa naman! Ay oo nga pala. Wala akong pakialam kung kaarawan ko ngayon. Diyan ka na nga!"



          Kinuha na ni Aulric ang mga gamit at pagkain na dinala niya saka lumakad pauwi sa kanila. Sinubukan ko naman siyang sundan pero nanghihina pa rin ako.



          Itinaas ko ang aking kamao at balak suntukin ang bagay na masusuntok ko. Lumayo muna ako sa kotse dahil ayoko naman na ang baby ko ang suntukin ko. Sinuntok ko na lang ang pader. Argh!



ITUTULOY...

2 comments:

  1. Sa wakas nabuhay si sir Seyren, haha. Namiss ko yung kasupladuhan ni Aulric at sa wakas bumigay n rn xa kaso my balakid, haha

    Sana di masyadong matagal nxt update, salamat sa update sir Seyren.

    -RavePriss

    ReplyDelete
  2. Salamat sa sunod2 n upadate.busog much.hehehehe

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails