Followers

Sunday, December 13, 2015

Enchanted: Broken (Chapter 19-20)

Lagi ko itong nakakalimutang isulat sa note sa posts. May mga maliliit na detalye sa iilang chapters na parang wala lang pero mga "foreshadowing" o mga hints yun ng mga mangyayari sa hinaharap. Mga Easter eggs kumbaga. Hindi ko lang alam kung na-identify niyo ba. Hehe. That's why I encourage you to read the chapters carefully. Don't skip the narratives. I think some people just read the dialogues and skip the exposition and descriptive narrative. The narrative is just as important as the dialogues. Maraming salamat sa mga patuloy na sumusubaybay.


------------------------


Chapter 19
Tisyu


Dahil sa masikip na trapiko ay alas otso y media na nakarating si Errol sa paaralan. Nang makarating ito sa paaralan ay maraming absent at tila nagkalat ang mga estudyante sa koridor. Maingay din ang mga silid. Tila walang nagkaklaseng guro.

“Hi, Sir Errol. Okay ka na ba?” tanong ng nakasalubong ni Errol na guro.

“Okay lang ako, Ma’am Gina. Sina Sir Manny?”

“Andun sa cafeteria.” Nginuso nito ang lugar na tinutukoy.

“Sige.” Pumunta si Errol sa faculty room at nadatnan itong walang tao. Malamang nasa cafeteria ang lahat. Kaya naman matapos ilapag ang bag ay tinungo na nito ang cafeteria kung saan nagkukumpulan ang mangilan-ngilang estudyante at guro.

“Sir Errol na mahaba ang hair, mushta na?” masiglang tanong ni Manny na pumapapak ng chicharon.

“Hi, Sir!” saad naman ni Shanice.

Bumati pa ang ibang mga guro at estudyante. Tumango naman si Errol sa mga ito at umupo katabi sina Shanice at Manny. “Bakit andito kayo?”

“Hay, nako, may class suspension memo kaya,” sagot ni Manny.

“Talaga? Bakit?” tanong ni Errol.

“Palagay ko may kinalaman ‘yung nangyari kagabi, eh,” sabat naman ni Shanice.

“Oo nga, ‘no?” saad ni Manny.

“Ano’ng nangyari kagabi?”

“’Yung madatnan ka naming yakap-yakap nung yumming si Ivan.”

“Sira! Ano nga?” .

“Kasi yung city-wide blackout daw kagabi ang terror attack,” saad ni Shanice habang pinapakita kay Errol ang isang Facebook post.

“Actually, kagabi pa kumakalat ang tweets na ‘yan. At ngayong umaga kung anu-ano na ang laman ng balita,” saad ni Manny na binuksan din ang telepono.

“Hindi kasi ako nanood ng balita kagabi.”

“Bakit? Grabe kayo ni Ivan. Inabot talaga ng madaling araw? Kaya ka siguro nahuli, ano?” tanong ni Manny. Natawa naman si Shanice.

“Andito pala kayo,” singit ng isang lalaking inatras ang isang silya.

“Sir Erik, you’re here. Halos magkasabay lang kayong dumating nitong si Sir Errol,” nakangising saad ni Manny.

Inilapit ni Errol ang upuan nito kay Manny.

“Hi, bhe.”

“Ma’am, nasa school tayo,” saad ni Erik.

“Oo nga pala.”

“Nako, maniwala kayo sa mga policies na ‘yan.” Umirap naman si Manny.

“Teka, ano nga ‘yung nangyari kagabi?”

“Wala pang nakakaalam,” saad ni Erik sa mahinahon nitong tinig, “pero iniimbistigahan na daw.”

“Weird kasi ‘yung blackout kagabi. Pati ‘yung cellphones natin di gumana,” saad ni Shanice.

“May mga nabasa ako na baka daw inatake ang telcom companies kagabi,” saad ni Manny.

“Kung inatake ang telcom companies bakit ‘yung cellphones talaga natin ang namatay? Di ba dapat nawalan lang tayo ng signal?” tanong ni Errol.

“Oo nga, ‘no?” nagtatakang sagot ni Shanice.

“So ano ‘yun? Nawala lang ang ilaw pati power ng electronic gadgets?” Kumagat ng chicharon si Manny.

“Baka sinasalakay na tayo ng aliens,” nakangising saad ni Erik.

Bigla namang napatingin si Errol sa nakangising kaibigan at pinagmasdan ang mukha nito hanggang sa marinig nitong sumingit si Shanice. Agad inalis ni Errol ang tingin sa kanya.

“Oo nga. May kumakalat na tweets na may nakita daw’ng UFOs kagabi.”

“Talaga, ma’am? Nakunan ba ng video?” tanong ni Manny.

“Di nga gumagana gadgets kagabi,” sagot ni Shanice.

“Teka, nawala ang kuryente at nawala ang power ng mga electronic gadgets. Parang may destructive electromagnetic interference na naganap sa lugar natin.” Nakita naman ni Errol na natulala sa kanya ang mga kasama.

Sumimangot si Manny na humarap kay Shanice. “Ano daw?”

“Eto na si Einstein.” Tinapik ni Erik ang balikat ni Errol. “Kaya dito ako nangongopya dati sa physics, eh.”

“At sa chem?” natatawang saad ni Errol ngunit ginalaw nito ang balikat upang ipahiwatig kay Erik na alisin nito ang kamay na nakapatong sa kanyang balikat. Nakita ni Errol na umiwas naman ng tingin si Shanice.

“Teka, so ano ang dahilan nun?” tanong ni Manny kay Errol.

“Di ko alam. Electromagnetic pulse o kaya naman isang high-tech na device na kayang magcreate ng EM field na nag-iinterfere sa electronic signals o frequencies o wavelengths. Di ko talaga alam,” saad ni Errol na napakunot noo at nagpapalit-palit ng tingin kay Manny at Shanice. Ayaw niyang tingnan si Erik.

“Ma’am Shan, pakitranslate,” saad ni Manny.

“Nako, wala akong alam diyan.” Umirap naman si Shanice kay Manny.

“Tingnan niyo to.” Pinakita ni Erik ang isang Facebook post sinasabing may nakitang “bright lights over Manila.”

“May pictures o videos ba?”

“Wala ngang gumaganang camera o cellphone kagabi, di ba?” Pinandilatan naman ni Shanice si Manny.

“Ay, oo nga. Nagagalit?” saad ni Manny.

“Pero, andaming nagcocomment at nakita rin daw nila,” saad ni Erik.

“Ano daw ‘yun?” tanong ni Manny.

“Walang makapagsabi. May mga nagcocomment ng UFO sightings,” sagot ni Erik.

Biglang naalala ni Errol ang mga ilaw na nakita sa animo’y pangitain noong gabi ng nakaraang Lunes. Napaisip ito. Hindi kaya alien ‘yun? Naisip niyang baka gusto siyang kunin ng alien, ngunit naisip niya rin kung gaano ka nakakatawa ang iniisip.


Numipis na ang tao sa eskwelahan. Nagsiuwian na ang ibang guro at estudyante. Ang iba naman ay nanatili ubang makipagtsismisan o upang iwasan ang matinding trapiko. Ang apat na guro naman ay nanatili sa cafeteria at pinag-usapan ang kung anu-ano. Doon na rin sila nananghalian. Isang breaking news sa telebisyon ang nagpatigil sa kwentuhan ng magkakaibigan.

Nakatanggap na naman ng isang terror threat ang Lungsod ng Manila. Dahil dito ay naglabas ng pahayag si mayor sa telebisyon. “We advise the public to stay indoors as much as possible. We will investigate on this matter. Work and classes are suspended today and tomorrow. We will give you an update regarding this situation. Your safety is our priority,” saad ng gumagaralgal na mayor.

Bumuntong hininga naman si Shanice. “Hay nako. Seryoso talaga ito.”

“Parang bigla akong kinabahan, Ma’am. I’m scared,” saad ni Manny na biglang kumunot ang mukha.

“Actually, mas nakakatakot ang mukha mo, Sir.” Ngumisi si Erik.

“Ah, talaga, Sir Erik, ha. Porke’t gwapo ka...”

Natatawa si Errol nang biglang maramdaman ang pagvibrate ng cellphone nito sa bulsa. Sinagot naman niya ang tawag. “Hi, Ivan, napatawag ka.” Napangisi si Errol nang marinig ang malutong na hiyaw ni Manny. Nakita niya namang ngumisi si Shanice at nakipag high-five kay Manny. Si Erik naman ay umiba ng tingin.

“Oo, kumain na ako,” saad ni Errol sa kausap sa telepono.

“Uuuy, kinakamusta kung kumain na. Ma’am Shan, kinikilig ako. Oh my God!” Parang nangingisay si Manny. Si Shanice naman ay napangiti lang.

“Mamaya? Nako, ‘wag na. Grabe ang trapik sa labas,” saad ni Errol. Pinakinggan niyang muli ang kabilang linya. “Baka maabala ka pa. ‘Wag na. Kasama ko naman mga katrabaho ko.”

“Hay nako. Ma’am Shan, hawiin mo nga ang buhok ni Sir Errol. Naapakan ko na.”

Hindi na pinansin ni Errol ang kaharutan ni Manny. “Okay sige. Hihintayin kita dito?” ... “Okay sige” ... “Ivan, salamat!”

“Oh my Gooooooood! Ma’am Shan, kinikilig akoooo...”

“Tumigil ka nga, Sir Manny! May mga students pa, o,” saad ni Shanice.

“Grabe, concerned talaga sa’yo ‘yung Ivan, ha,” saad ni Erik na seryosong sinulyapan si Errol.

“Ewan ko nga ba dun,” sagot ni Errol na kunyari chinicheck ang inbox niya upang hindi niya malingon si Erik.

“Nako, Sir Errol, ha. Ikaw na. Ikaw na talaga.”

“Sir Manny, sabi ko nga ‘wag na kasi matrapik. Sabi naman niya okay lang daw.” Tiningnan ni Errol ang telepono kung may iba pa siyang mensahe.

“Concerned na concerned ‘yang Ivan sa’yo ha,” saad ulit ni Erik na ang isang siko ay nakapatong sa mesa.

“Nakikipagkaibigan lang.” Ngumiti naman si Errol. Ayaw nitong bigyan pa ng ibang kahulugan ang pagiging mabuti ni Ivan.

“Ang swerte mo talaga, Sir Errol. Sana may Ivan din ako,” saad ni Manny na nakangisi.

“Nung Sabado niya nga lang nakilala ‘yun,” sabat ni Erik.

“Hayaan niyo na si Sir Errol. Tingnan niyo nagbo-bloom.” Ngumiti naman si Shanice.

“Ma’am Shan...” Pinamulahan si Errol.

“Hala, hala. Umaarte?” Inirapan lang ni Manny ito.

“Guys, CR muna ako ha,” saad ni Errol saka tumayo.

“Hala, magpapaganda?”

“Iihi lang.”

“Teka, punta muna ako ng faculty room. May kukunin ako,” saad din ni Erik.

Naglakad papuntang restroom si Errol. Ngumingiti ito habang naglalakad. Nasalubong ito ng iilang estudyante.

“Oy, si sir ngumingiting mag-isa...” saad ng isang babaeng estudyante.

“In love ‘yan si sir,” saad naman ng kasama nito.

“In love kanino?”

“Dun malamang sa gwapong naghatid sa kanya noong isang araw.”

“Ano nga ulit pangalan nun, sir?”

“Oy, kayo ha. Tsismosa kayo.” Umirap si Errol.

“Ay, masungit agad?” sagot ng estudyante.

“Sige ka, sir, mababawasan ang cuteness mo,” saad ng pangalawa.

“Di pa ba kayo uuwi?” tanong ni Errol sa kanila.

“Hinihintay ko kasi sundo ko, sir. Tapos sasabay na lang itong tatlong pulubi.” Nagtawanan ang apat na babae.

Natawa na rin si Errol. “Mga loko-loko talaga kayo.”

Dumiretso na sa paglalakad si Errol hanggang makarating sa restroom na walang tao. Umihi ito sa isang urinal. Habang umiihi ay inalala nito ang mga pangyayari nitong mga huling araw, ang pagkikita nila ni Ivan at ang kanilang agad na pagiging malapit sa isa’t-isa. Hindi niya mawari kumbakit ibang klaseng concern ang pinapakita ng bagong kaibigan sa kanya. Ayaw man isipin ni Errol ay tila nahuhulog na nga siya sa binata. Ngunit sa kabilang banda, gaya ng lagi niyang sinisiksik sa utak niya, ay ayaw niyang bigyan ng kahulugan ang pagiging maalalahanin ni Ivan. Ayaw niyang umasa. Ayaw niyang masaktan.

Pagkatapos umihi ay nanalamin si Errol. Medyo oily na ang mukha niya. Kumuha naman siya ng tissue sa banyo at pinahid niya ito sa mukha niya. May biglang pumasok sa banyo. Hindi niya naman ito nilingon hanggang sa magsalita ito.

“Close na talaga kayo nung Ivan ha.”

Nagulat si Errol at napalingon. “Sir Erik?”

Ngumiti lang si Erik kay Errol. Isang matamis na ngiti, ngunit tila malamlam ang mga tingin nito.

“Akala ko pupunta ka ng faculty room?”

“Napadaan lang.” Inaayos ni Erik ang buhok sa harap ng salamin.

“Sir Erik, baka hinihintay ka na ni Ma’am Shan.” Umiwas ng tingin si Errol at tumitig lang sa sariling repleksiyon.

“Wag mo na akong i-sir.” Mahina at mababa ang tila nanlalambing na boses na iyon.

“Nasa school pa tayo.”

“Sus, parang di naman tayo magkaibigan.” Sinipat ni Erik ang mukha sa salamin.

“Si Ma’am Shanice nga sinaway mo nung tinawag kang bhe.”

“Kanina ‘yun. Marami pang students.”

Sandaling katahimikan. Patuloy na tinitingnan ni Errol ang sarili sa salamin pagkatapos ay naglakad papalabas. Ayaw niyang manatili sa lugar na iyon kasama si Erik. Naramdaman na lang niyang may pumigil sa kanya, ang kamay ni Erik sa kanyang braso. Napalingon naman si Errol. “Erik, bakit?”

“Pupunta ba si Ivan sa inyo mamaya?”

“Di ko alam. Pero ihahatid niya daw ako.”

Yumuko si Erik. “Grabe yang new friend mo ha.”

“Bakit naman?”

“Wala lang. Parang ang concerned niya sa’yo.”

“Baka ganon lang talaga siya. May problema ba?”

“Wala naman.” Humarap si Erik sa salamin.

Lumingon si Errol sa kausap at doon niya nasilayan ang ngiti nito. Sa ngiting iyon ay hindi mapigilang humanga ni Errol sa kasama. Tila ay nanumbalik ang noo’y masasayang tagpo sa kanilang pagkakaibigan, mga yugtong hindi na niya malamang mabalikan dahil ayaw na niyang pahirapan pa ang sarili. Lalaki si Erik. Hindi ito mahuhumaling sa kanya. Kinabahan na lang siya nang maramdaman niya ang paglapat ng kamay ng lalaki sa kanyang balikat. Unti-unting inalis ni Errol ang kamay ni Erik sa kanyang balikat, ngunit naramdaman niyang hinigpitan niya ang kanyang hawak sa kanyang balikat. “Erik, balik na tayo.” Nakita na lang niyang humarap ang makisig na binata sa kanya at inabot ang kabilang balikat niya at masinsinan siyang tiningnan. Biglang nakaramdam ng kabog sa dibdib si Errol.

“Gusto mo ba si Ivan?”

Umiling si Errol. Nakita nito ang lungkot sa mga mata ng kaibigan. Bakit ba ganito ito ngayon? Umiba naman ng tingin si Errol.

“Uy.” Yinugyog ni Erik si Errol ng kaunti. “Tinatanong kita.”

“Erik, kasi mahigpit yung hawak mo.”

“Rol, may gusto ka na ba sa kanya?”

“Ah, eh... Erik...”

“Magsabi ka nga ng totoo.”

“Kasi...”

“Ano?”

“Masakit talaga ‘yung pagkakahawak mo.” Naramdaman ni Errol na niluwagan ni Erik ang hawak sa kanya.

“Rol...” Binuka ni Erik ang bibig, ngunit sandali itong natigilan habang nakatingin kay Errol. Tinikom na niya ang bibig.

Nagulat na lang si Errol nang bigla siyang yakapin ng kaibigan nang mahigpit. “Erik, hindi ako makahinga.”

“Namimiss na kita, Rol. Namimiss ko ‘yung dating closeness natin.”

“Close pa rin naman tayo, Erik. Close na close nga tayo, o,” saad ni Errol na medyo naasiwa sa naging akto ng binata. Bigla siyang nagulat nang maramdaman ang mga haplos ng binata sa likod niya. Ano ba ang ibig sabihin ng mga haplos na iyon?

“Rol, sorry ha.”

“Sorry saan?”

“Sorry kung hindi ako naging mabuting kaibigan sa’yo.”

“Ha? Ano bang sinasabi mo?”

“Alam ko nasaktan kita.”

“Erik, ang drama mo ha. Naninibago ako. Seryoso ka pero hindi ka madrama.”

“Errol,’ wag kang mawawala ha.”

“Di naman ako mawawala.”

“Baka kalimutan mo na ako dahil kay Ivan.”

“Syempre hindi. Friends pa rin tayo?” Naramdaman ni Errol mas humigpit ang yakap ni Erik.

“Friends na lang?”

Kumunot ang noo ni Errol. “Bakit?”

“Di ba best friends tayo?”

“Oo nga pala. Teka, Erik, baka may makakita sa atin.” Naramdaman niyang niluwagan ni Erik ang yakap hanggang kumawala ito. Nagulat siya nang biglang ilapit ni Erik ang kanyang mukha sa kanya at hinalikan siya sa noo. “Erik?”

Lumabas si Erik ng palikuran.

Narinig ni Errol ang pagsinghot nito. May sipon ba siya? Parang wala naman siyang sipon kanina sa cafeteria. Bumalik si Errol sa tingin niya sa salamin. Nagulat at nagtaka siya sa akto ng kaibigan. Bakit ganun ‘yun? Ngunit sa kabilang banda ay nakaramdam siya ng kislot sa damdamin. Hindi niya maikakailang may naramdaman siyang sarap sa yakap ng binata. Hindi na ito gaya ng dati niyang kaswal na mga yakap sa kanya. Para bang may halo itong... Ngunit ayaw na itong isipin ng binata. Alam niyang malabong mangyaring ganon ang turing sa kanya nito. Dahil kung ganun man ay dapat noon niya pa ito naramdaman mula sa kanya.

Oo, inaamin niya sa sarili na namimiss niya rin ang dati nilang turingan, kulitan, at tawanan. Ngunit nagbago na rin ang turingan nila, binago niya sa pag-usad ng panahon. Tinanggap na ni Errol na hanggang kaibigan lang ang turing sa kanya ni Erik. Oo, mahal niya ito. Minahal niya ito nang lihim. Ngunit malamang sa tagal na pagkakakubli ng pagmamahal na ito ay napanis na rin ito at lumamlam. O lumamlam nga ba? Bakit biglang may tumulong luha sa mata niya?

Nang bumalik si Errol sa cafeteria ay tanging si Manny na lang ang nadatnan niya. “Oy, nasan na sila?”

“Umalis na,” saad ni Manny habang pangiti-ngiting nagtetext.

“Talaga?” Hinila ni Errol ang katabing upuan at umupo.

“Oo, nagmamadali nga, eh. Baka may date.”

“Ah, ganun ba?” Bumuntong-hininga si Errol. “Ikaw, di ka pa uuwi, sir?”

“Ateng, magmemeet kami ng katext ko!” Nanlalaki ang mata ng nakangising si Manny.

“Sino na naman yan?”

“Basta, tingnan mo FB niya.” Hinarap ni Manny ang telepono sa kausap. “Gwapo, di ba?”

“Tapos gwapo din ang hanap?” Natawa si Errol.

“Dude, gwapo naman ako, ah.”

Humagalpak sa tawa ang dalawa. Napalingon naman ang ibang nasa cafeteria pa.

Biglang naisip ni Errol kung ano ang Facebook ni Ivan. Kinuha niya ang kanyang cellphone at hinanap ang Ivan de la Torre. Maraming magkasingpangalan niya, pero wala siya doon sa isa sa kanila. Tinigil niya ang paghahanap.

“Sige, sir. Alis na ako,” saad ni Manny na nagagalak.

“Iwan mo na ako?”

“Sir Errol! Magmemeet kami ng textmate ko.”

“Okay sige. Ingat ka na lang.” Ngumiti si Errol at pinagmasdan ang mabilis na paglalakad ni Manny. Biglang naging tahimik ang paligid. Ang dating maingay at maaliwalas na paaralan ay naging malungkot at tahimik.

Nagsiuwian na rin ang mga estudyante hanggang sa si Errol na lang mag-isa. Kaya naman ay umalis siya sa cafeteria, dinaanan ang kanyang bag sa faculty room, tumungo sa guard post kung saan siya umupo, at naghintay. Halos isang oras na siyang naghihintay nang may magtext.

“I miss you,” text ni Erik.

Nagulat si Errol sa text kaya naman ay -- “Magkasama lang tayo kanina.”

“Namimiss ko ang dating Errol.”

Kumunot ang noo ni Errol. “Haha. Nagbago ba ako?”

“Magkasama na ba kayo ni Ivan?”

“Di pa. Dito pa ako sa school.”

“Pinapaghintay ka pala niyan ha.”

“Baka natrapik lang.”

“Andiyan pa ba si Sir Manny?”

“Umalis na kanina pa.”

“Mag-isa ka na lang?”

“Oo.”

“Sunduin na lang kita.”

“’Wag na. Grabe kayo umalis lang kaagad kanina.”

“Kasi ayoko makita yung Ivan.”

“Bakit naman?”

“Nagseselos ako sa kanya.”

“Weh. Bakit?”

“Inaagaw ka na niya sa akin.”

Umirap si Errol. “Corny!”


Biglang may ibang text na pumasok. Galing ito kay Ivan. “Sir, papunta na ako diyan. Wait for me.”

“Sige. :)”

“Labyu!”

Ano daw? Labyu daw! Anong labyu? Kinilig si Errol sa nabasa. Ngunit iniisip nitong baka pinagtitripan na naman siya ng palabirong binata kaya hindi na niya pinatulan. Hindi na nagtext si Erik o si Ivan. Baka naging abala na rin si Erik. Baka may date sila ni Shanice. Dumaan pa ang isang oras. Halos mag-aalas kwatro na.

“Ser, di ka pa ba uuwi?” tanong ng gwardiya.

“May hinihintay pa po,” sagot ni Errol na nabuburyong na.

“Mukhang kayo na lang isa dito.”

“Okay lang.”

Maya-maya pa ay may pumaradang sasakyan. Nakita na ni Errol ang kotseng ito.


------------------------


Chapter 20
Haka-haka


“So kayo na ulit ni Bryan?” tanong ni Marie na kumakain ng bokayo sa harap ng mesa ni Cindy na may tinatype sa kanyang laptop.

“Di ko matiis, eh,” sagot ni Cindy na nakangiti.

“Nako, ikaw talaga.” Umirap si Marie. “Sabagay sanay na ako sa’yo.”

Ngumisi lang si Cindy na maaliwalas ang mukha.

“Nako ‘tong babaeng ‘to.”

“Wag ka nga, Marie. Maganda ang mood ko.”

“Hmmm. Mukhang alam ko na ang nangyari kagabi.” Tinulak ni Marie ang platito ng bokayo kay Cindy. “Tikman mo, masarap.”

“Teka, ano kaya sa tingin mo bakit may mga sundalo kaninang umaga sa building?” Kumagat si Cindy sa piraso ng bokayo.

“Hay nako. Kasi may mga reports na may kakaibang pangyayari sa rooftop kagabi,” nanlalaking matang saad ni Marie.

“Talaga? Ano naman daw?”

“Hay nako. Hindi mo talaga tiningnan lang man sa news?”

“Hindi, eh.”

“Kasi busy kayo ng jowa mo kagabi.”

Natawa si Cindy. “So anong nangyari sa rooftop kagabi?”

“Kasi nga may mga witnesses sa mga kalapit building na nakakita ng mga kakaibang lights kagabi sa rooftop habang walang ilaw ang buong lungsod.”

“Talaga? Ano daw yung mga ilaw na yun?”

“Walang makapagsabi. Walang may picture o video nun, eh.”

“Ang weird nung power outage kagabi kasi pati yung cellphones di gumana.”

“Balita nga na maraming namatay sa hospitals dahil yung mga makina di gumana kasi nawalan ng kuryente.”

“Grabe pala, Marie. Teka, di ba bago yung citywide blackout nawalan din tayo dito ng kuryente dito.”

“Oo nga, ano? Kinikilabutan naman ako. Pero ito nakakaaliw.”

“Ano?”

“Di mo ba nakita boss mo?”

“Si Miss Sandy? Bakit, anong meron sa kanya?”

“Late pumasok at may benda at mga galos.”

“Ha? Okay lang ba siya? Ano daw nangyari?”

“Naaksidente daw siya kagabi. Well, actually maraming naaksidente kagabi dahil sa mga banggaan. Eh, bigla ba naman mamatay ang lahat ng poste ng ilaw at mga kotse.”

“Ano kaya ang cause ng citywide blackout?”

“Tsismis kanina” -- lumunok si Marie -- “ng mga clerk na nilusob na daw tayo ng mga terorista.”

“Mukhang tahimik naman. Magulo nga lang ang trapik. Mukha wala namang sumabog.”

“Pero balita na, ang daming bomb threats sa buong lungsod. Nako hindi ka talaga nanood ng balita. Nagchukchakan lang kayo ng Bryan mo.”

Natawa na lang si Cindy. “So iniimbestigahan na ba?”

“Well, alas kwatro na ng hapon. Mukhang hindi na naman bumalik yung mga sundalo at NBI. Pero parang may nabitbit daw sila.”

“Ano?”

“Isang lumang libro.”

“Weird.” May biglang naalala si Cindy. “Kahapon may bitbit si Miss Sandy na lumang libro.”

Umirap si Marie. “Talaga?”

“Oo, tatanungin ko nga kung ano ‘yun, pero mukhang wala sa mood kahapon, eh.” Pinunasan ni Cindy ng wet wipes ang kamay at bumalik sa pagtatype.

“Nako, ‘yang boss mo talaga weirdo.” Tumayo si Marie bitbit ang wala nang lamang platito. “Balik ko muna itong platito.”

Biglang nakarinig ng mga kabog mula sa labas ng opisina ang dalawa. Dahil dito ay lumabas sila ng silid. Nakita nilang may mga nagtakbuhang empleyado.

“Nigel, what’s wrong?” tanong ni Cindy.

“Kasi may mga taga gobyerno na naman, Ma’am.”

“Anong sangay?” tanong ulit ni Cindy.

“Taga DOST daw, eh. Titingnan daw ang lugar. Magka-conduct daw ang ocular check.”

“Talaga? Kanina taga NBI at military, ngayon taga DOST. This is so weird,” saad ni Marie. “Halika, makiusyoso tayo.”

Pumunta sa lobby ng 10th floor sina Cindy at ang iba pang nakiusyosong empleyado. Nakita naman nilang tinatanong ng mga taga-DOST at NBI ang dalawa sa kanilang engineers. Nang matapos silang tanungin ay lumapit si Cindy sa mga ito.

“Ano daw?”

“Ma’am Cindy, nagtanong po sila tungkol sa outage dito sa 10th floor kahapon ng alas kwatro.”

“Bakit daw?”

“Di ko po sigurado, ma’am. Baka tungkol ito dun sa malawakang blackout kagabi.”

“May lead na ba sila kung ano’ng dahilan nun?” tanong ni Marie na biglang sumingit sa usapan.

“Wala pa po daw, Ma’am.”

“Ah, sige.”

“Mukhang walang may idea kung anong nangyari kagabi,” saad ni Cindy.

Pumasok na sila sa loob ng kanilang mga opisina. Habang naghihintay si Cindy na matapos ang araw ay sinipat niya ang mga files na nasa mesa niya. Ang ilan doon ay mga application letters at resume. Binuksan niya ang ilan sa mga ito. Binasa niya rin ang mga resignation letters. Sa loob ng isang taon ay mahigit dalawampung empleyado na ang nagbitiw.

Biglang nakatanggap ng text si Cindy. Galing ito kay Bryan. Napangiti si Cindy habang binabasa ang text at nakangiti itong nagreply. Maya-maya pa ay lumabas ito ng opisina at nakita ang nakapaskil na announcement sa white board. Nakasaad dito na walang trabaho sa susunod na araw alinsunod sa memo galing sa lokal na pamahalaan.

Lumingon si Cindy sa pintuan ng opisina ng boss. Gusto niya itong kamustahin ngunit nagdadalawang-isip siya.


--------------------------



All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz

9 comments:

  1. Salamat po sa update!! Isa ang kwentong ito sa mga inaabangan ko palagi..
    Sana more on part naman po nila errol at ivan, thanks:) !!!

    ReplyDelete
  2. Ayaw niyo talaga kay Erik ha. Pagsisisihan niyo yan. Haha. Maraming moments sina Ivan at Errol sa mga susunod na chapters. ;)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha hindi naman po, actually nakakakilig din naman si erik its just that iba talaga yung kilig pag si ivan.. Anyway thank you author 😄

      Delete
    2. Yes! Gusto yan. Sana marami pa silang cheesy moments. Wala pa ung moment na natulog sila ng nagkasama.

      -hardname-

      Delete
  3. Sa ngayon wala pa kong kakampihan kasi medyo nakakarelate ako sa past nila ni erik eh hahaha BTW salamat nga pala sir sa pag update. Kelan po next chapter? Hehe

    -jcorpz

    ReplyDelete
  4. Nice 😀. Nabwisitlang ako kay Eric 😱

    ReplyDelete
  5. thnx sa update... silent reader

    ReplyDelete
  6. maraming salamat sa inyong lahat na nagbahagi ng feedback at opinyon. thank you kasi nagtiyaga kayong magbasa, naglaan kayo ng oras para dito, oras na pwede niyo namang ilaan sa ibang bagay, pero heto kayo nagbabasa at nagbabahagi ng inyong saloobin. maraming maraming salamat. i may post chapters 21 and 22 tonight or tomorrow.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails