This chapter says what it says and doesn’t say what it doesn’t say. Be careful when coming up with assumptions. Hehe. I decided to post it this early because I’m going to be so preoccupied later today. Unti-unti niyo na bang nakikilala ang ating mga bida?
Maraming salamat sa mga nagbabasa at nagko-comment.
Join our discussion group. Ask questions. Post your feedback.
-------------------
Chapter 18
Bulaklak
Nagising si Ivan sa tunog ng kanyang alarm clock. Alas sais. Medyo napuyat ito kagabi dahil sa pambihirang trapik na bunga ng kakaibang pangyayari kagabi. Ngunit wala naman siyang panghihinayang dahil nag-enjoy naman siya kagabi kasama ang bago niyang kaibigan. Kinuha niya ang cellphone sa side table at tinext siya. “Good morning! Bangon na. See you later. Mwah!”
Agad namang nagreply ang tinext na si Errol. “Wrong send ka.”
Natawa naman si Ivan. “Para sa’yo yun! Hahaha”
“Ganun ba? Hehe. Good morning din, Ivan.”
“What’s for breakfast?”
“Yung adobong natira kagabi.”
“Masarap pa ba?”
“Oo naman. Ininit ko.”
“Parang ako lang pala ang agahan mo.” Ngumisi si Ivan.
“Sira!”
“Kita tayo later.”
“Sige. :)”
Pagkatapos ng palitan nila ng text messages ay bumangon na si Ivan at nag-unat unat. Nakaboxers lang siya at litaw na litaw ang magandang hubog ng kanyang katawan. Hinawi niya ang kurtina sa bintana at tumingin sa maliwanag na paligid. Mula sa kanyang bintana ay tanaw niya ang malawak at tahimik na subdivision nila. May mangilan-ngilang taong naglalakad, mga ilang kolehiyalang papasok ng paaralan na napapatingala sa kanya. Nginitian naman niya ang mga itong halatang kinilig sa nasaksihang kakisigan.
Nilanghap ng binata ang preskong simoy ng hangin nang mga ilang minuto hanggang sa isara na niya ang bintana. Naglakad ito patungo sa parte ng kanyang kwarto na may mga larawan. Medyo magulo ang kwarto ni Ivan. May mga karton na nasa gilid na hindi pa nabubuksan. May gitara sa gilid katabi ng maliit ng mesang may laptop at speakers. May flat screen TV sa harapan ng kanyang higaan. Sa isang sulok ay may basurahang puno.
Madalas si Ivan ang naglilinis ng silid niya. Ayaw niyang ginagalaw ng mga katulong ang kanyang kwarto. Ngunit ang dalas na iyon ay minsan sa isa o dalawang buwan lamang. Kaya naman minsan kinukumbinsi siya ng isa sa kanyang mga katulong na maglinis sa loob ng kanyang silid, ngunit ayaw niya naman.
Seryosong pinagmasdan ni Ivan ang larawan ng isang binatilyong nakangiti. Tila ay napako ang tinging ito sa larawan hanggang tumulo na lang ang luha ng binata at suminghot ito. Pinahiran niya ang kanyang pisngi sa pamamagitan ng kanyang mga daliri pagkatapos ay maingat na inilapag ang larawan sa pwesto nito.
Pumasok nang tahimik si Ivan sa banyo, binuksan ang ilaw, at humarap sa salamin na tila ay sinisipat ang itsura nito. Nagflex ito ng braso at tiningnan ang umbok ng kanyang biceps. Pagkuwa’y ngumiti ito sa sariling repleksiyon. Pagkatapos ng pagsipat sa sariling kaanyuan ay nagsipilyo na ito at pumasok sa shower.
Bumaba ang binata na nakaboxers lang at tumungo sa kusina. Tahimik ang kusinang may kalakihan. Maayos ang mga kubyertos. Malinis ang mga nakasarang cabinets na kulay dark brown tulad ng countertops. Ang backsplash sa lababo ay kulay puti. Makintab ang counters at cabinet doors pati na rin ang island ng kusinang naiilawan ng sinag na nanggagaling sa bintana.
“Good morning, Manang Jean.” Ngumiti ito sa kasambahay.
“O, gising ka na pala,” saad ni Manang Jean na naglilinis sa kusina. “Nako itong batang ito, hindi man lamang nagbihis.”
“Si Lindy po?”
“Ah, namalengke. Maagang umalis ‘yon. Hanggang ngayon wala pa!”
“Bakit? Wala na po ba tayong mga gulay at karne?” tanong ni Ivan kasabay ang pagbukas ng fridge sa dirty kitchen.
“Nako, iho, nung isang araw pa tayo naubusan.”
“Ganun po ba?”
“Teka, may inihanda akong almusal.”
“French toast at oatmeal na naman po?” Nakita ni Ivan ang pagtawa ni Manang at natawa na lang rin.
“Di ba ‘yun naman talaga inaalmusal mo?”
“Alam na alam nyo po ha.”
“Aba! Kung ilang taon ka na, eh, ganon na rin ako katagal dito, iho.”
“Hayaan nyo, manang, may loyalty award kayo sa pasko,” saad ni Ivan pagkatapos ay ngumisi.
“Nako itong batang ito puro kalokohan. Magbihis ka nga. Nakasalawal ka lang.”
“Bakit, manang? Di ba noong bata pa ako lagi niyo naman akong nakikitang nakasalawal?”
“Iba naman yon. Ngayon bente kwatro anyos ka na.”
“Manang ha. ‘Wag niyong sabihin...”
“Na ano?” tanong ni Manang Jean na nakataas noo sa matangkad na kausap.
“Nako, manang, pinagnanasaan niyo yata ako, eh,” saad ni Ivan habang tinuro ang hintuturo sa magkabilang kamay sa katawan nito.
“Loko-loko ka!” Binatukan ni Manang Jean si Ivan. “Parang nanay mo na ako, ha!”
“Manang, joke lang,” natatawang saad ni Ivan habang sinasalo ang mga hampas ng may-edad na babae. “Ito naman di na mabiro.”
Nagulantang na lang ang dalawa sa narinig na sigaw mula sa pintuan sa kusina.
“Manang Jean! Bitawan niyo si Ser Ivan!”
Natigilan naman ang dalawa.
“Manang, bakit niyo siya sinasaktan?” Nakasimangot ang babae.
“Nako, isa ka pa. Bakit ngayon ka lang?” tanong ni Manang na nakapamewang sa mas batang babae.
“Ah, hehe, kasi, eh, trapik po.” Nilapag naman ng babae ang mga pinamili sa countertop.
“Talaga?” Nakakunot ang noo ni Manang Jean.
“Oo, Manang, ay grabe,” nanlalaking matang sagot ni Lindy. “Kahit tingnan niyo pa dun sa main road.”
“Ahem,” basag ni Ivan sa pag-uusap ng dalawa.
“Ser Ivan, good morning po.”
Nakita naman ni Ivan na nagpapakyut ang babae sa kanya. Nginitian niya naman ito. “Trapik ba talaga?” Hinintay ni Ivan ang kanyang sagot ngunit nakatulala ito sa kanyang mukha. Nakita niya ang tingin nitong sa kanyang bumaba mula sa kanyang mukha tungo sa kanyang katawan hanggang sa... Kita niyang napalunok ito at napakagat ng labi.
“Huy!” Hinampas ni Manang ang ulo ng dalaga na nagulantang.
“Manang naman, eh.”
“Tinatanong ka ng amo mo!” bulyaw ni Manang Jean dito.
“Trapik talaga, ser.” Ngumisi ito.
“Dun ka na nga sa laundry area,” saad ni Manang.
Palakad na ang babae paalis ng kusina, ngunit humirit pa ito. “Nag-almusal ka na, ser?”
“Sa laundry area ka na!” sigaw ni Manang tapos ay hinampas sa puwet ang babae.
“Hmmppp, basag trip talaga itong matandang ito. Che!”
Nakita naman ni Ivan na lumabas na ng kusina ang babae. Napangiti na lang ito.
“Ikaw naman kasi bakit ganyan lang ang suot mo?” Tiningnan siya ng matandang babae mula ulo hanggang paa.
“Manang, tinatamad pa akong magbihis, eh.”
“Kaya ayan iyong babaeng iyon pinagpapantasyahan ka. Alam mo namang --”
“Kasalanan ko ba kung talagang hot lang ako, Manang?”
“Hay nako. Sige na at may gagawin pa ako, iho. May nakahain na sa dining table.”
“Opo, sige na po.”
“Siya nga pala. Tumawag si Ma’am Daniella.”
“Tumawag po si mommy?”
“Oo, kaninang madaling araw.”
“Kamusta na daw siya?”
“Kakalapag lang daw ng eroplanong sinakyan niya.”
“Umuwi siya? Ba’t di man lang nagpasabi?”
“Di ko alam, iho. Tanungin mo na lang. Baka umuwi siya dito.”
“Di naman ‘yun umuuwi dito tuwing nagbabakasyon ‘yun dito sa atin. Naghohotel ‘yun si mama, eh.”
“O, siya sige. Basta nasabi ko na sa’yo.”
Nang makalabas ng garden si Manang Jean ay tumungo si Ivan sa dining table na nasa tabi ng dirty kitchen. Madilim ang bahaging ito ng bahay. Madilim at malungkot. Kaya naman ayaw niyang kumain dito. Kinuha niya lang ang natakpang agahan at inamoy ito. Ang bango ng toast. Mainit pa ang oatmeal. Kinuha niya ang plato at dinala sa kusina kung saan maliwanag. Kumuha rin siya ng gatas sa refrigerator nila at binuhos ito sa isang baso. Doo’y kumaing mag-isa ang binata.
Habang kumakain ay naging seryoso ang mukha ng lalaki. Maya-maya pa ay namula na ang mata nito at suminghot ito. Pinipigilan nitong wag maluha ngunit tumulo na rin ang luha niya. Agad na namula ang gilid ng mga mata at ang ilong ng binata. Bigla nitong iniwan ang pinagkainan at bumalik sa kanyang kwarto at nagbihis.
“O, ba’t nakabihis ka na? Pupunta ka na ba sa convenience store mo?” tanong ni Manang Jean na nag-iispray sa mga orchids sa hardin.
“Manang, may lalakarin lang po.”
“Okay ka lang ba, iho?”
“Okay lang po ako.”
“Sige, ingat ka.”
Matrapik nga ang daan. Di malaman ni Ivan bakit naging sobrang bigat ng trapiko ng mga oras na iyon. Halos isang oras na itong nasa sa isang kalye at tila bahagya lang gumalaw ang mga sasakyan. Sa inip ay niliko nito ang sasakyan sa isang kalsada nang makatiyempo at mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Nagpaliko-liko ang binata hanggang marating nito ang malawak na daang wala gaanong mga sasakyan. Tumigil ang binata sa isang flower shop at bumili ng isang kumpol ng mga puting bulaklak at agad na bumalik sa kotse. Halos isang oras pang nagpaliko-liko ang binata hanggang marating nito ang isang memorial park. Walang gaanong tao. Bumukas ang gate nito ang ipinasok na ng binata ang kulay silver-gray nitong kotse. Tumigil ito sa tapat ng isang musuleo.
Mula sa kotse ay lumabas ang binatang naka white polo at jeans. Dala-dala ang mga bulaklak ay tinungo nito ang mausoleum. Tahimik itong naglakad sa loob ng malawak na musuleo at inilagay ang mga bulaklak sa isang lalagyan matapos kunin ang mga natuyong kumpol at itapon. Tahimik nitong tiningnan ang isang lapidang gawa sa ginto na may nakaukit na pangalang Jed Hansen de la Torre. Nakalagay dito na ipinanganak ito noong March 29, 1994 at pumanaw noong January 6, 2014. Tumatangis na tiningnan pagkatapos ay hinaplos ng binata ang lapida. Nagulat na lamang ito nang marinig ang pamilyar na boses ng isang babae sa gilid nito.
“No flowers for your dad again?”
Lumingon si Ivan sa pinanggalingan ng boses.
“Mom?”
“You cry too much for a big guy,” saad nito na lumampas at tinungo ang isa pang lapida at tiningnan ito nang walang emosyon. Kumuha ito ng tissue sa kanyang bag at pinunasan nito ang lapida. “Hindi ba ito nililinisan dito? Sayang naman yung binabayad natin for maintenance.”
Nakatingin lang si Ivan sa babaeng nakashades ng Gucci at nakatali ang buhok nang mahigpit na tila umiinat sa kanyang noo. Nakasuot ito ng itim na 3/4-sleeve top at itim na pencil skirt at itim na high heels na makintab. Nakasabit sa bisig nito ang puti nitong bag. Nakapearl earrings ito at red lipstick.
“Titingnan mo lang ba ako?” tanong ng babaeng kahit may edad na ay mukhang nasa thirties lamang ito. “Hindi mo ba ako ibebeso?”
Bumeso naman si Ivan sa ina. “Pa’no mo nalamang andito ako?”
“I didn’t. Isa talaga ito sa plano kong puntahan sa pagbisita ko dito sa Pilipinas. I didn’t know that you would be here.”
“How are you, ma?”
“I’m fine. Things have been difficult since your dad left us, pero okay lang. Alam mo naman.”
“Uuwi ka ba sa bahay?”
“No, I booked a hotel room.”
“Bakit ayaw niyong tumigil sa bahay?”
“Son, you know...” Sandaling tumigil ang babae at -- “I never liked that house.”
“Pero...”
“No but’s!” Inangat ng ina ni Ivan ang kanyang palad at hinarap ito kay Ivan.
Tiningnan ni Ivan ang ina nang taimtim pagkatapos ay binaling nito ang tingin sa lapidang kanina’y iniyakan.
“I see you still can’t get over your baby brother’s death,” saad ng babae na inemphasize pa ang salitang baby.
“Ma... Please.” Umiwas lang si Ivan.
“What?” tanong ng babae na sinulyapan ang dalawang lapida. “I was just stating a fact. Another fact you have to accept is they’re gone.”
“Yeah, because...” Suminghot si Ivan na tila sinisipon.
“Because?” .
“Ma, let’s just not talk about this.” Pinahiran ni Ivan ang mga pisngi.
“Yes, we should.” Tinanggal ng ina ni Ivan ang suot niyang sunglasses at seryosong tumitig kay Ivan.
“Ma!” Nakita ni Ivan na biglang nag-iba ang ekspresyon sa mukha ng ina.
“Don’t ‘Ma’ me,” saad nitong nakaturo ang hintuturo sa kausap.
“Ano ba, ma?”
“Let’s not talk about your weird shit? Is that it?” Tumaas ang tono ng ina ni Ivan. “I know why you’re crying. Kasi hanggang ngayon you feel guilty about what happened.”
“Ma, please...” saad ni Ivan na naluluha ulit.
“Please? Ever since your dad passed away, ako na ang umako ng halos lahat ng businesses niya. I’m supposed to feel great about all the money I’ve inherited, but not. You know why I went home?” Taimtim na tumitig ang ina ni Ivan sa kanya.
“Ma, kung ayaw niyo naman i-manage ang lahat ng negosyo ni dad, bakit di niyo na lang ibenta?” garalgal na tanong ni Ivan.
“Are you crazy?” Naniningkit ang mga mata ni Daniella. “Your dad didn’t work hard for all his businesses only to be sold to someone else. His businesses are his legacy.”
“Pero, ma, hindi naman natin kaya imanage lahat ang mga ‘yun. We’re not dad.”
“Hindi mo kaya kasi you’re mediocre. Kuntento ka na sa ganito. You’re lucky, your dad bought you a small store and gave you a piece of land just so you could have something under your name, son. But don’t worry, mapupunta din naman lahat sa iyo ito when it’s my turn to...”
“Ma, please just stop.” Umirap si Ivan.
“Stop? I’ll stop when you gather yourself together and just man up just like your dad always wanted. Kayong magkapatid ang dahilan kung bakit nangyari ito.”
“Ma, nangyari na ‘yun. Hindi ko ‘yun ginusto. Wala akong ginusto dun.”
“Wala nga ba? Alam kong minahal mo lang ang kapatid mo. I was okay with it, but something was weird about how you treated each other.”
“Mabait si Jed, ma. Alam mo ‘yan.”
“Pero hindi ibig sabihin na --”
“Ang dumi lang talaga ng isip niyo ni dad.”
“Aha, so it’s our fault now.”
“Jed needed love na hindi niyo kayang ibigay ni dad because you were both...”
“And so you loved him. Brotherly love?”
Umiwas ng tingin si Ivan. Hindi siya makasagot.
“Ivan, son, I don’t know what happened between you and your brother, but your dad and I decided to do something about it.”
“Kaya he wanted to take Jed to the States kahit ayaw niya.”
“He did what he was supposed to do.”
“So it was your fault then. Bakit sa akin niyo sinisisi ang aksidente?”
“Because it wouldn’t have happened if you acted like a real brother to Jed.”
“Hindi ako ang nagdrive ng sasakyang ‘yun, ma!”
“Does it matter who was behind the wheel?”
“At ang pinakamasakit wala ako nung gabing yun! Hindi ko man lang siya nailigtas.”
Narinig ni Ivan ang pagbuntonghininga ng kanyang ina. Sinuot nito ang kanyang shades. “Bye, Ivan, I can’t have this conversation. Tumataas lang ang presyon ko.”
“Ma, I can drive you to your doctor.”
“No, I rented a car. Thanks, Ivan.”
“Ma, hindi ka ba dadalaw sa bahay?”
“Sinong dadalawin ko doon? Si Jean?”
“Ma...”
“Besides the traffic is so bad. Mahirap magdrive around the city ngayon. Ano ba’ng nangyayari sa bansang ito?”
“Hindi ba pwedeng magdinner lang man tayo?”
“Hindi ako umuwi for a family reunion, son. I came here for business reasons.”
“Pero, ma, tayo na lang dalawa --”
“These are difficult times. Kahit ang pagkakataon ay salungat sa gusto mo. Look, when our plane landed at the airport, nagkakagulo ang mga tao.”
“Bakit?”
“Oh, you have no idea what’s going on? Ano ba’ng mga pinagkakaabalahan mo lately at tila wala ka yatang alam sa mga nangyayari?”
“Mom, what are you talking about?”
“Naka-full alert ang bansa. This morning, the city of Manila and Malacanang received so many threats of terrorism. Nasa news ‘yan!”
“Hindi ko alam. Kaya pala iba ‘yung traffic.”
“What else would I expect from you?”
“Pero, ma, di ka ba talaga titigil sa bahay kahit sandali?”
“Take care of yourself, son.”
Tiningnan na lang ni Ivan ang ina nito na naglakad patungo sa itim na kotse. Hindi na ito sumulyap pa sa kanya. Nakatingin lamang ang binata sa umandar na kotse at sinundan ito ng tingin hanggang mawala ito sa kanyang paningin. Namumula ang mata ng lalaki.
Hindi matanggap ng binata na siya ang sinisisi ng kanyang ina, ang natitira niyang pamilya, sa pagkawala ng kanyang ama at nakababatang kapatid. Bumalik si Ivan sa sa tapat ng lapida ng kapatid at hinaplos ito. “Bye, Jed.”
Suminghot ang binata at lumabas na ng musuleo. Pasado alas diyes na ng miyerkules ng umaga. Hindi niya namalayang halos isang oras pala siyang nanatili sa loob ng musuleo. Pumasok na siya ng kotse at nagdrive. Masikip pa rin ang traffic sa mga pangunahing lansangan. Halos mag-iisang oras nang nasa parehong kalye ang binatang nais puntahan ang tindahan nito. Habang nasa daan ay malalim ang iniisip ng binata. Bumagabag sa kanya ang pag-uusap nila ng kanyang ina. Sa gitna ng kanyang pag-iisip ay may mga alaalang sumagi sa kanyang isipan.
Mahigit sampung taon na rin noong unang makita ni Ivan na inaapi ng isang binatilyo ang musmos na kapatid.
“Hoy, bakit mo inaaway kapatid ko?” saad ng noo’y binatilyong si Ivan habang hawak ang kwelyo ng isa ring binatilyo at pinandilatan at inambahan ito ng kanyang kamao. Tumakbo ito papalayo. Nilingon naman ni Ivan ang noo’y siyam na taong gulang na kapatid na gusot-gusot ang damit at magulo ang buhok at tinulungan itong kunin ang mga nagkalat nitong gamit sa sahig ng koridor. Nakatingin lang ang ibang estudyante.
“Matagal ka na bang inaaway nun?”
Hindi umimik si Jed.
“Jed, tinatanong kita.”
“Kuya, kasi...”
“Kung hindi ko pa naabutan, di ko pa malalaman.”
“Kuya, okay lang ako.” Pinapagpag ng batang Jed ang kanyang nadumihang pantalon.
“Ano’ng pangalan ng panget na ‘yun?”
“Kuya, okay na.”
“Anong pangalan niya!”
“Tom.”
“Pag inaway ka ulit ng Tom na ‘yun, sumbong mo sa akin ha. Ako bahala sa’yo.”
Sumagi rin sa alaala ni Ivan ang pakikipagsuntukan niya sa dalawang kalalakihan sa labas ng isang paaralan. Nasuntok niya ang isa sa ulo habang nasipa naman ang isa sa tagiliran. Halatang sanay siya sa basag-ulo. Nakauniporme pa siya noon. “Gago kayo! Ba’t niyo binugbog ang kapatid ko? Mga gago kayo! Walang kalaban-laban ‘yung tao binugbog niyo.”
“Gago! ‘Yang baklang ‘yan nanghihipo!” sigaw ng lalaking mangiyak-ngiyak habang hawak ang kanyang pisnging nagkapasa.
Tinadyakan naman ulit ito ni Ivan at pinandilatan ito. “Ulol! Hinipuan ka? Ginawa mo pang bakla kapatid ko? Eh, kung patayin kita?” Agad naman niyang nakitang papalapit ang kasama nito. Nilingon niya ito. “O, ano? Lalaban ka? Ha!” Nakita niya namang umiwas ang binata at hinila ang nakahandusay na kasama.
“Tol, dali na,” saad nito.
Hinila sa buhok ng nagpupuyos sa galit na si Ivan ang nakahandusay. “Hoy, kayong dalawa ha. Ampapangit niyo. Kahit sinong bakla di kayo pagkakainteresan, putang ina niyo!” Tinulak ni Ivan ang dalawang binatilyo “Umalis na kayo. Baka mapatay ko kayo, eh.”
Nagtinginan ang ibang mga estudyanteng naglalakad na galing sa paaralan sa nasaksihan.
Lumapit naman noon si Ivan sa kapatid. “Jed, okay ka lang ba?”
Umiiyak ito habang hawak-hawak ang dumudugong labi. Agad namang kumuha ng face towel ang binata mula sa backpack nito at dinampi sa pumutok na labi ng binatilyo. Inalalayan niya ito sa pagtayo. Paika-ika itong naglakad.
“Ano ba kasi nangyari?”
“Nasagi ko kasi yung pundilyo ng pantalon niya nung nagpapractice kami ng sayaw,” humihikbing saad ni Jed.
“Gagong mga ‘yun. Panget naman!” saad ni Ivan na nakauniporme din. “Halika na, Jed.” Inakbayan nito ang humihikbing kapatid at inalo ito.
“Salamat, Kuya Ivan.”
Ngumiti si Ivan sa kapatid, hinigpitan ang akbay dito, at marahang binangga ang ulo niya sa ulo ito.
Isa pang alaala ang nagbigay ngiti sa lumuluhang si Ivan.
“Jed,” saad niya noon na seryosong kinausap ang kapatid na tinatrabaho ang term paper sa kwarto nito.
“Kuya, ano kasi may ginagawa pa ako.”
“Mamaya na ‘yan. Tumingin ka nga sa akin.”
“Bakit, kuya?”
“Ah,” Tumigil sandali si Ivan na tila nagdadalawang isip. “May itatanong kasi ako.”
“Ano ‘yun?” tanong ni Jed na nakatuon ang atensiyon sa tinatype na term paper.
“Bakla ka ba talaga?”
Sandaling katahimikan ang namayani sa kwarto ni Jed. Tanging ang mabilis na pagtama ng kanyang mga hintuturo sa keyboard ang maririnig.
“Jed?”
“Kuya?”
“Ano, gay ka ba talaga?”
“Kuya, kasi...”
“Alam mo pwede mong sabihin ang kahit na ano kay kuya.”
“Kuya...”
“Hindi ako magagalit. Hindi magbabago ang tingin ko sa’yo.”
Tumango ang binatang kausap ni Ivan at biglang naluha. “Kuya, sorry.”
Inilapit naman ni Ivan ang silya rito at inakbayan ito at inalog. “Di mo naman kasalanan maging ganyan.”
“Salamat, kuya. Maswerte talaga ako at ikaw naging kuya ko.”
“Sus, eto naman.” Kinurot ni Ivan ng marahan ang tenga ng kapatid.
“Aray!”
“So teka. Ibig sabihin lalaki gusto mo?”
Tumango si Jed ngunit nakatingin ito sa computer screen.
“May crush ka bang lalaki?”
“Kuyaaa!” bulalas ni Jed na giniya ang katawan pakaliwa nang akmang kikilitiin siya ng kuya niya sa tagiliran.
“Nagtatanong lang naman eh,” saad ni Ivan na natawa.
“Kuya, wala.”
“Talaga?” tanong ni Ivan na biglang kiniliti ang kapatid dahilan upang mangisay ito sa katatawa.
“Kuyaaaa...” Natawa na nang husto si Jed.
“Singpogi ko ba yang crush mo?”
“Kuya Ivan, wala nga.”
“Dapat kasing pogi ko yan ha.” Di pa rin tumigil si Ivan sa pagkiliti sa kapatid.
Isa pang tagpo ang pumunit ng ngiti sa mukha ng emosyonal na nagmamaneho.
“Ano’ng plano mo sa kapatid ko?” tanong ng nakapamulsang si Ivan na sa pagkakataong ito ay mas matipuno na ang katawan.
“Po?” tugon ng binatang may dalang backpack na sinabit nito sa isang balikat. Malinis ito tingnan. Clean cut ang buhok. Singputi ni Ivan pero mas payat at mas maliit nang kaunti.
“Ano’ng plano mo sa kapatid ko?” Nilakasan ni Ivan nang bahagya ang boses at nilagay sa mga bulsa ng shorts nito ang mga kamay.
“Ah...”
Bigla namang dumating si Jed. “Kuya, nag-uusap pala kayo ni Sam.” Agad namang pinakilala ni Jed ang bisita sa kuya nito. “Sam, kuya Ivan ko nga pala.”
Tumango si Ivan sa bisita ni Ivan sinipat ito mula ulo hanggang sapatos. “Nice shoes!”
“Kuya naman eh. Tinatakot mo bisita ko,” saad ni Jed.
“Pwede ba akong umupo dito kasama niyo?”
“Kuya naman, eh.”
“Okay, sige sige. Aalis na ako.”
Nang makapasok ng bahay si Ivan ay pinagmasdan niya ang dalawang nasa patio at tila masayang nag-uusap. Nang matapos silang mag-usap ay kinausap niya ang kapatid.
“Mukhang nagkakaigihan na kayo nung Sam, ha.”
“Kuya, magkaibigan lang kami.”
“Talaga lang ha.”
“Nagseselos na ako dun ha.”
“Bakit naman?”
“Hindi tayo masyadong nakakapagbonding eh. Laging ‘yun na lang kasama mo.”
“Kuya naman. Eh, lagi naman tayong magkasama dito sa bahay.”
“Eh, sa namimiss ko kapatid koooo...” saad ni Ivan sabay yakap sa kapatid nang mahigpit.
“Kuya, di ako makahinga.”
Di nila namalayan noon na nakita pala sila ng ama nila.
“What are you two doing!”
“Ah, dad!” gulat na saad ni Ivan.
Ngunit mukhang ginawang pangpalipas oras lang pala ng Sam na iyon ang kapatid niya at iniwasan na nito si Jed noong nagkanobya.
“Tahan na. Andito na si kuya,” saad ni Ivan na niyakap ang kapatid. “Sabi ko naman sa iyo lolokohin ka lang nun.”
“Naiintindihan ko naman. Tanggap ko na, kuya. Masakit lang kasi.”
“Ssshhh. Tahan na. Andito na ako.”
“Kuya, salamat ha.”
“Okay lang. Di kita iiwan. Tahan na.”
Matagal silang nagyakapang magkapatid noong gabing iyon.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Ivan nang maalala ang huling memorya niya kay Jed.
“Ma, tinext ako ni Jed habang nasa school ako. Ano ba’ng nangyari?”
“Calm down, son! Calm down.”
“Pa’no ako kakalma? Bakit di na niya sinasagot ang mga tawag ko?”
“I don’t know, Ivan. I don’t know!”
“Ma, you have to tell me the truth. San dadalhin ni dad si Jed?”
Balisa ang ina ni Ivan.
“Senyora Daniella, may tawag po sa telepono,” saad ni Manang Jean.
Agad na kinuha ni Daniella ng telepono. Kinausap nito ang tao sa kabilang linya. Walang anu-ano’y bigla na lang itong sumigaw at humagulhol. “Noooooo!”
“Ma! Ano’ng nangyari?”
“Your dad and Jed...”
“Ano, ma?”
“They’re...”
“Ma!”
“Gone!”
“What?” Nasapo ni Ivan ang mukha at -- “Hindi! Ma, what happened?”
Humagulhol si Daniella habang si Ivan naman ay tahimik na umiyak.
“Let’s go!” saad ni Daniella.
Parang kahapon lamang nangyari ang trahedya sa pamilya nina Ivan, ang araw na nagbago sa mga buhay nila. Pagkatapos matanggap ang masamang balita ay pinuntahan nila ang lugar ng aksidente, ngunit wala na doon ang mga katawan ng ama at kapatid ni Ivan. Nadatnan na lamang nila ang isang ten-wheeler truck na bumangga sa kotse ng ama na wasak. Maraming mga tao sa pinangyarihan ng aksidente. Kinausap ni Daniella ang mga pulis at sinabi ng mga ito na nasa isang ospital ang mga biktima. Nang marating ang nasabing ospital ay nadatnan na lamang nilang wala ng buhay ang duguang katawan ng dalawa. Napakasakit ng araw na iyon para sa mag-ina.
Nakatingin si Ivan nang diretso sa masikip na kalsada. Mugto ang kanyang mga mata. Nagulat siya nang biglang may kumatok sa bintana ng kanyang kotse. Isang batang nagbebenta ng sampaguita. Bumunot ang binata ng isang daang piso at inabot ito sa bata. Isinabit niya naman ang mga sampaguita sa tapat ng kanyang kotse. Maya-maya pa ay tumunog ang kanyang telepono.
“Papunta na ako diyan. Natrapik lang. Kamusta diyan?” saad ni Ivan sa kausap at sandaling nakinig sa sagot nito. “Ah, sige. Salamat. Maaasahan ka talaga.” Pagkatapos ay binaba na ang telepono.
Lumiko si Ivan sa isang makipot at lubak-lubak na daan at nagpaliko-liko pa sa mga masikip na daan hanggang makarating sa di gaanong matrapik na kalsada. Lumiko-liko pa ito hanggang makarating sa isang tindahang may pangalang I&J Convenience Store. Agad naman siyang binati ng guard. Tumango naman ang binata.
“Good morning, Sir Ivan,” saad ng sales clerk.
“Boss, buti andito ka na. Medyo maraming customers than usual.”
“Thanks, Clark, maaasahan ka talaga. Kamusta nga pala kapatid mo?”
“Ayun nadisgrasya sa motor.”
“Talaga? Ano’ng nangyari?”
“May nabangga silang sasakyan nung nagkablackout.”
“Seryoso ba lagay?”
“Mabuti na lang nga, Sir, hindi kasi kung nagkataon malaking gastos. Mga galos at sugat lang.”
“Ah, mabuti naman kung ganon.”
“Boss, okay ka lang ba?”
“Yup, yup. Bakit?”
“Kasi po parang mugto po mga mata ninyo.”
“Ah, wala to. Puyat lang. Teka, ‘yung inventory natin last week, pwede ko ba makita?”
“Sure, sa office niyo po sa loob.”
Pumasok sila sa isang maliit na opisina. Nagkulong si Ivan sa maliit na silid habang sinusuri ang inventory. Dinalhan na ito ng pananghalian ng kanyang assistant. Matapos ang ilang oras ay nag-unat-unat ang binata. Pagkatapos ay naalala nito ang sinabi ng kanyang ina tungkol sa nangyayari sa lungsod. Agad naman nitong nagsearch sa kanyang laptop. Aktibo ang wireless internet sa kanilang tindahan kaya naman nakapagsaliksik ito sa internet. Napakunot ang noo ng binata sa mga pahinang nabasa.
itutuloy
All Rights Reserved
©Peter Jones Dela Cruz
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
Thanks for the update mr. Author, mganda yung story very detailed, pero preffered ko yung story ni ivan at errol itself, ahha but anyways thanks.
ReplyDeleteKelan po next chapter sir? Haha salamat sa pag update :)
ReplyDeleteWag kayong mag-alala. Maraming moments sina Errol at Ivan sa mga susunod na chapters.
ReplyDeleteThanks for the update boss :)
ReplyDeleteNice...tnx d2...
ReplyDeleteNext chaptr npo... hehehe