Followers

Tuesday, December 29, 2015

Enchanted: Broken (Chapter 27-29)

Maraming salamat sa mga sumusubaybay at sa mga naghihintay. I-she-share ko lang ang isang video ng isang Thai movie na gusto ko mapanood, pero ewan kung saan ito mapapanood. Dapat dun ko ito pinost sa previous update. Haha. Yung bida kasing beki ay nakikita ko sa kanya si Errol, tapos yung sweet moments nila dito parang naiimagine ko silang dalawa ni Ivan. Medyo mas lean nga lang yung guy dito kesa sa physical description natin kay Ivan.



Anyway, ang susunod na update ay sa weekend. Hinihiling ko lang sa iba na kaunting galang naman po kapag nagtatanong tungkol sa update. Tao po ako. Hindi makina. Minsan pagod. Kung may mga tanong kayo, message me on my Facebook account.

https://www.facebook.com/bombi84

Please don't hesitate to drop your comments below. Again, if you have questions, if there's something you don't understand, and if you're confused about something, never ever hesitate to ask me. Sa uli-uli, maraming salamat.


--------------------------------


Chapter 27
Shorts


Habang minamaneho ni Ivan ang kotse pauwi ay di nito mawaglit sa isipan ang bagong kaibigan. Kahapon ay mas naging malapit sila sa isa’t-isa, napagkwentuhan ang mga pribadong buhay at mga personal na bagay, mga bagay na hindi niya naibahagi sa ibang tao. Napapangiti si Ivan, ngunit sa kabilang banda ay nagtataka rin ito kung bakit ganoon na lang ang trato niya sa binatang hindi naman niya kaanu-ano. Oo, magaan ang loob niya dito. Naaalala niya ang kanyang nasirang kapatid sa tuwing nakikita niya ito. Gusto niya itong protektahan. Gusto niya maging kuya dito. Ngunit nagtataka siya kung bakit tila mas malalim pa ang kanyang pakikitungo kay Errol kaysa simpleng turingang magkaibigan o magkapatid.

Nang makita niya itong umiiyak dahil sa hindi nasukliang pag-ibig para sa matalik na kaibigang si Erik, nais nitong kunin ang kanyang kamay at sabihin sa kanyang sana siya na lang ang ibigin nito. Ngunit kaya ba niyang umibig sa kapwa lalaki? Ang mga iniisip ni Ivan ay nagbigay sa kanya ng mga tanong. Ang kalituhan ay nagpabagabag sa kanya. Bakla ba siya? Pero nagkaroon rin naman siya ng mga kasintahang babae. Nakipagtalik na rin naman siya sa mga babae.

Hindi kaya awa lang ang nararamdaman niya? Maaaring gusto niya lang sumaya si Errol, at kaya nitong ialay ang sarili makita lamang ang bagong kaibigang ngumiti.

Nang makita niyang naestatwa sa pagkakatayo si Errol nang makita siyang walang saplot ay napagtanto ni Ivan na wala pa ngang karanasan ang binata sa kapwa lalaki at iyon ang unang beses na makakita ito ng hubad na lalaki. Ibig sabihin kahit si Erik ay hindi pa nito nakitang ganoon. Bakit tila gusto niyang maging siya ang unang makapagbigay ng kaligayahan kay Errol? Tila ba ay gusto niyang maging pag-aari ang bagong kaibigan.

Kanina ay inaakit niya ito ngunit hindi ito bumigay. Dahil doon ay tumaas ang respeto ni Ivan kay Errol. Napangiti siya habang naiisip niya ang mga reaksiyon ni Errol. Alam niyang hindi ito sanay sa mga ganoong bagay. Kung ibang tao lang ‘yun ay malamang sinunggaban na siya.

Sanay na rin si Ivan na pagpantasyahan, hindi lamang ng mga babae, ngunit pati na rin ng mga lalaki. Noong nasa kolehiyo ito ay nakakatanggap ito ng mga indecent proposals sa mga mayayamang estudyante at maging sa mga propesor nito. Nakakatanggap din ito ng mga malalaswang mensahe sa Facebook galing sa mga silahis na nais siyang matikman. Ngunit wala siyang pinapansin sa mga ito.

Pero bakit ba tila iba si Errol sa kanila? Noong mga nakaraang araw ay gusto niya lang itong makilala at maging kaibigan. Ngunit nitong huli ay gusto na niyang maging parte siya ng kanyang buhay, bilang matalik na kaibigan, bilang kapatid, o bilang kasama. Nalilito si Ivan sa mga tumatakbo sa kanyang isipan. Hindi siya kailanman nagkagusto sa kapwa lalaki. Pero kanina nang gusto niyang ialay ang kanyang sarili kay Errol, hindi siya nagsisinungaling. Gusto niyang angkinin ni Errol ang pagkatao niya.

Ngunit higit pa doon, gusto niyang makitang ngumiti ito, at makita ang ningning sa mga mata nitong malamlam, mga ningning na hindi pa niya nasisilayan. Batid ni Ivan na sa likod ng maaliwalas na mukha ni Errol ay may nakakubling lungkot. Gusto niyang mapasaya ito. Ngunit paano?

Dahil sa malalim na pag-iisip ay hindi napansin ni Ivan ang pagtawid ng isang babae. Nataranta ito at agad na inapakan ang preno. Bumaba siya kaagad sa kotse. Nakita niya ang maputlang babae na may hawak na mga paper bags. Mukhang galing ito sa pamimili sa malamang tanging bukas na pamilihan sa bahaging ito ng lungsod.

“Miss, okay ka lang?” tanong ni Ivan na agad itong tinulungan upang kunin ang ibang natapong dala.

“I’m fine,” sagot ng babae na naka flip flops, puting mini-skirt, at pink na tank top.

“I’m sorry,” saad ulit ni Ivan na napatingin sa maamong mukha ng babae at natigilan.

“No, kasalanan ko rin. I crossed the street na hindi pa green ang pedestrian light. Buti na lang there are no cops around right now.”

Hindi nakasagot si Ivan. Natulala lang ito sa mukha ng babae.

“What?”

“Wala. You’re beautiful,” saad ni Ivan na nakangiti dito. Teka, hindi pa nga pala siya naliligo. Naisip niya, sayang, dapat pala naligo na lang siya kina Errol. Oo, nga pala. Bigla nang nawaglit si Errol sa isip niya. Teka, instant crush ba ‘to sa babaeng kaharap?

“I get that all the time,” nakangiting saad ng babae sa mahinhin nitong boses na tunog Amerika. “Can you help me put my stuff in my car?”

“Sure, sure.”

Nang mailagay nila ang lahat ng naibili ng babae sa kanyang kotse ay ngumiti ito kay Ivan. “Thanks!”

Tumango si Ivan, ngunit hindi kaagad ito umalis.

“Anything else?” tanong ng babae.

“Pwede malaman ang pangalan mo?”

“Oh, please!” Umiling ito at kinumpas nito ang palad sa harap ni Ivan. “Can’t guys come up with a new style?” Umirap ito.

“I’m Ivan.” Ngumiti si Ivan at nagpa-cute.

Sumimangot naman ang babae. “It’s Diana.”

“Thanks!”

Ngumiti nang sarkastiko ang babae at hinawi ang buhok nito. Pagkatapos ay tiningnan nito ang suot ni Ivan. “What are you wearing?”

Doon lamang napagtanto ni Ivan na nakashorts nga lang siya ni Errol at wala pang underwear. Pinahiram lang din pala siya ni Errol ng pinakamalaki nitong t-shirt na sa kanya ay hapit. Napakamot na lang si Ivan sa ulo. “Sige, Diana. Have a nice day. Sorry ulit.” Nahihiya si Ivan na naglakad pabalik sa kotse niya. Narinig niya lang itong may sinabi bago sinara ang kanyang kotse.

“All right, thanks.”

Nang makabalik sa kotse ay pinaandar na ito ni Ivan. Natawa siya sa nakakabwisit na tagpo. Pinalo na lang niya ang manibela habang natatawa sa sarili. Pero hindi rin mawaglit sa isipan niya ang itsura ng babae, ang maamo nitong mukha, ang malumanay nitong boses na kahit na nagtataray ay tila naglalambing pa rin, at ang maputi nitong balat na masarap hawakan. Tila ay natuwa si Ivan sa mga naiisip. Lalaki pa rin pala siya.


------------------------------------


Chapter 28
Benda


Nakaupo si Don Mariano sa kanyang wheelchair malapit sa anak na may tinitingnang spreadsheets sa kanyang laptop. Nakatingin ang matanda sa hardin nang tanungin niya ang abalang dalaga. “How’s the company?”

“Dad, the company’s fine.”

“Are you sure?” Nakatuon pa rin ang atensiyon ng matanda sa hardin.

Kumunot ang noo ni Sandy na umasik. “Why?”

“I’m still the owner of the company, Sandy, which means I have access to our records, and --”

“What are you trying to say?”

“We’re losing money.”

Hindi alam ni Sandy kung maiirita sa mga sinasabi ng ama o maiirita sa mabagal na pagsasalita nito. “I can handle it.”

“Can you?”

“Don’t you trust me?”

“Hindi kita ilalagay sa posisyon kung hindi kita pinagkakatiwalaan.”

“Then leave the job to me.”

“What are you going to do about our huge losses in the last 6 months?”

“I’m going to meet with our accountants and financial analysts tomorrow. I’ll also have meetings with our investors and partners planned.”

“You should have done that a long time ago. Masyado ka kasing abala sa ibang bagay.”

Kumunot ang noo ni Sandy. “Dad, can you just stop pestering me? Can’t you see, I’m doing something right now, and this is for the damn company, for your company!”

“I didn’t mean anything... Ang gusto ko lang ay --”

“Just shut up! Pagod na ako sa paulit-ulit mong pagchecheck sa lagay ng kompanya. Kung gusto mo, go back to the company, and I’ll be very glad to relinquish the position.”

“Cassa... Sandy, hanggang ngayon ba hindi mo pa rin makuhang magustuhan ang pagpapatakbo ng kompanya?”

“We’ve had this conservation, dad. I’m not having it again.”

“I’m just worried about our future, your and your sister’s as well.”

“We’re big girls. We can handle ourselves. Besides, don’t lay all the blame on me, dad. The company was in pretty bad shape before you got sick.”

“I know, but I had hoped that you could fix it.”

“Well, since mukhang alam mo na naman, all right, I can’t fix whatever the hell your company is in. I told you before, running your business wasn’t my cup of tea. Dapat binenta mo na lang kasi ang kompanya noong mataas pa ang value nito.”

“I already sold 3 of our businesses, but I can’t let Hedgeworth Pharmaceuticals go. Tinayo at tinaguyod namin ng mama mo ‘yan.”

“Dad,” -- tumayo si Sandy at binagsak ang isang palad sa mesa, dahilan upang malalingon si Don Mariano sa sindak -- “I was a doctor before you pulled me into this mess.” Inayos ni Sandy ang salamin sa mata. “And dammit, I was doing a pretty good job as a physician!”

“I’m sorry.” Tulala si Don Mariano na sandaling tumingin sa nagngangalit na si Sandy.

“Ate, ano ‘yung narinig kong nagsisigawan?” Lumapit ang isang babae sa kanila na may hawak na mga pinamili.

Lumingon si Sandy sa pinanggalingan ng boses. “Diana, where have you been?”

“I bought groceries.”

Kumunot ang noo ni Sandy at nilagay ang kanyang mga kamay sa kanyang baywang. “Bakit ikaw ang bumili? May mga katulong tayo.”

“Ba’t ka ba nagagalit? Don’t you realize ang hirap maghanap ng bukas na mall ngayon? Look, gusto ko lang makatulong dito sa bahay. Sa Amerika, I do all these things.” Nilapag ni Diana ang mga pinamili sa sahig.

Kinalma ni Sandy ang sarili. Pumikit ito at hinarap ang isang palad kay Diana. “All right, okay, I’ll just go to my room. I’m having a rough day.” Sinara ni Sandy ang laptop at binitbit ito papasok ng bahay. Sinundan siya ng kapatid.

“A rough day?” Nakangising umiling si Diana. “Inside our house?”

Walang eskspresyon na tiningnan lang ni Sandy ang biglang umismid na kapatid.

“What’s wrong with you?”

“What’s wrong with me?” Tumawa ng sarkastiko si Sandy. “What’s wrong with you? Look at you. Ganyan ba magdamit lahat ng babae sa Amerika?”

“Ano namang masama sa suot ko, ate?”

Umirap si Sandy. “I can’t talk with you right now. Maybe you and dad can talk. That old man is giving me a migraine!”

“Ate Sandy! Daddy natin ‘yan.”

“By law, not by blood!”

“Bakit ganyan ka kung makapagsalita?”

“Why? Hindi naman talaga natin kaanu-ano ‘yan?” Tinuro ni Sandy ang matandang tahimik na nakaupo sa labas at nakatunganga sa hardin.

“Ate, konting respeto naman! Hindi ka talaga nagbago. Bastos ka pa rin hanggang ngayon.”

Sa pagkabigla sa narinig ay biglang nilipat ni Sandy ang laptop sa nakabendang kamay at ginamit ang nalibreng kamay para sampalin ang kapatid. “Don’t talk to me that way!” Pino at matining ang boses nitong nakaduro sa nabiglang dalaga.

“Why?” Nakahawak sa nasampal na pisngi si Diana. “Because you’re older? Ganyan naman lagi ang rason mo! You’re older, you’re right, so I should respect you? Is that it?”

“You have no idea what I have sacrificed for this family!” Dilat na dilat ang mga mata ni Sandy sa kapatid.

“Right, I have no idea. But what I know is we’re lucky he kept us. Kung tutuusin, sampid na lang tayo dito.”

Nagkuyom ng kamao si Sandy. Nagpupuyos itong nakatutok nang matalim kay Diana.

“You have no right na sigaw-sigawan kami ni dad na akala mo kung sino ka. Akala ko pag-uwi ko dito ay ibang Ate Sandy na ang madadatnan ko, but you’re still the same old, grumpy bitch!”

Nagpatay-sindi ang mga ilaw sa sala. Napatingala si Diana sa mga ito pagkatapos ay tumingin kay Sandy na galit ang ekspresyon sa mukha.

“You don’t talk to me that way, Diana! Oo, he’s our stepfather, but we have the same rights as he does to be in this house. Kung gusto mo, you can talk to our lawyers.”

Nagpatay-sindi pa rin ang mga ilaw.

“What are you doing?” tanong ni Diana na ginala ang tingin sa bahay at tinitigan ang mga ilaw na nagpapatay-sindi. “Stop this!”

“Why should I? Natatakot ka?” Umismid si Sandy.

“Stop this, ate. Stop this!”

Lumapit pa si Sandy sa kapatid. “Last night, you asked me kung ginagamit ko pa ito” -- pinakita ni Sandy ang kamaong pinalibutan ng itim na enerhiya -- “oo, ginagamit ko pa!” Nanlalaki ang mga mata ni Sandy na tila gustong sindakin ang kapatid.

“Ate, baka makita ka ng mga maids.”

“Wala akong pakialam! Now, you listen to me. You have no right to tell me what I should and should not do in this house. Hindi ko pinakikialaman ang personal life mo. Hindi ko pinakikialaman kung sino ‘yang dinidate mo.”

Nagulat si Diana at natulala. “I didn’t mean to...”

Inilapit pa ni Sandy ang mukha sa kapatid. “I don’t give a shit about your queer” -- sinipat nito ang kapatid mula ulo hanggang paa -- “whereabouts.” Nilampasan ni Sandy ang kapatid at umakyat sa kwarto nito. Doon nito pinagpatuloy ang ginagawa. Kahit nakabenda ay nagtatrabaho ito. Ilang oras na nitong sinusuri ang mga libro ng kompanya nang tumunog ang kanyang telepono. “Yes?”

“Ma’am, inform ko lang po kayo na may ilulunsad na welga bukas ang ilan sa mga trabahante sa mga planta natin,” saad ng lalaki sa kabilang linya.

“What? Bakit ngayon ko lang nalaman ‘yan?”

“Kanina ko lang din po nalaman. May nagforward kasi sa akin ng text.”

“Alam mo ba sino ang pasimuno niyan?”

“Malamang ang lider ng unyon, ma’am.”

“Saan magrarally ang mga pulubing ‘yan?”

“Sa baba po ng building bukas ng umaga.”

“Ano!” Agad na tinigil ni Sandy ang tawag at nagdial. Nang sumagot ang kabilang linya ay nagsalita ito. “Cindy, do you know about tomorrow’s rally?”

“What rally, miss?” sagot ni Cindy sa kabilang linya.

“I received a tip that some of our laborers will launch a protest tomorrow.” Tumayo si Sandy mula sa pagkakaupo at palakad-lakad sa loob ng kanyang silid.

“I’m sorry, miss, but I didn’t know anything about that.”

“You’re the HR manager. You ought to deal with this!”

“Miss, with all due respect, matagal ko ng gustong kausapin ang mga tao natin sa planta, but it was you who didn’t approve of a dialogue.”

“I don’t need your opinion right now, Miss Gatchalian! Do your job tomorrow.”

“Miss, I insist that we negotiate with --”

Pinutol na ni Sandy ang tawag. Nanggagalaiti na naman ang mukha nito. Sinarado nito ang laptop. Naglakad ito papunta sa larawan ang ama. “Papa! Hirap na hirap na ako sa posisyong ito. Pero kakayanin ko ito.” May narinig na katok si Sandy. “Pasok!”

“Ate Sandy...”

“What are you doing here?”

Marahang naglakad papasok si Diana. “I just want to say sorry.” Maamo ang boses nito habang nakatingin ng diretso sa nakakatandang kapatid.

“It’s okay. I’m just having a really rough day. Running a company isn’t as easy as everybody thinks.”

“I’m sorry, ate.”

“Nabigla lang rin ako kanina. Pasensiya ka na at napagbuntunan kita ng init ng ulo.”

“Pero sana, ‘wag mo na pagsalitaan si dad nang ganun. May sakit sa puso siya. Alam mo naman, di ba?” Malumanay ang pagkakasabi ni Diana.

Tumango si Sandy at inangat ang isang kamay upang himasin ang braso ng kapatid. Ngumiti ito ng pilit. “Tomorrow, may magrarally na mga trabahante.” Tumalikod si Sandy at naglakad papunta sa bintana.

“Pa’no yan, ate?”

“We will fix it. We will talk with them. ‘Wag mo na lang iparating ito kay papa.”

“Okay, okay. If you need anything, magpasabi ka lang.”

“Teka, nga pala. Bakit ka umuwi?” tanong ni Sandy na nakatanaw sa labas ng bintana. “I thought next year pa ang bakasyon mo.”

“I miss you. I miss dad. I miss this place.”

“You’re still cheesy.” Ngumisi si Sandy.

“Ate,” saad ni Diana habang ginala ang tingin sa silid ni Sandy.

“What?” tanong ni Sandy na hindi ginawaran ng sulyap ang kapatid.

“Don’t you think your room needs a little spicing up?”

“Why?”

“My God! It’s so dreary and gloomy.”

“I like it this way. Nakakarelax. Nakakatulog ako nang mahimbing,” sagot ni Sandy sa iisang tono ng boses nito.

“Okay.” Lumapit si Diana sa kapatid at hinawakan ang nakabendang braso. “Do you want me to fix this?”

Lumingon si Sandy at ngumiti. Nakita niyang nilapat ng kapatid ang mga palad nito sa kanyang balikat. Nakadama si Sandy ng init na nagmumula sa kamay ng kapatid. Unti-unting nawala ang kirot na nadarama niya dito. Nakita niya ring nilapat ng kapatid ang hintuturo sa mga galos nito. Napangiti si Sandy. Maya-maya ay tinanggal na nito ang bendang suot at ginalaw-galaw ang kanina’y nakabendang braso. Kinapa rin nito ang pisnging kanina’y may galos pa. Nagngitian ang magkapatid. Niyakap ni Sandy si Diana.

“Thank you, Diana.” Ngumiti lang si Sandy, ngiting may kasamang matalim na tingin sa kawalan.


----------------------------------


Chapter 29
Kamote


Pasado alas tres na ng hapon ng Huwebes. Dinala ni Errol ang laptop sa sala. Kasalukuyan siyang nagchecheck ng news sa internet upang alamin ang latest updates tungkol sa nangyaring blackout dalawang araw na ang nakalipas. Ngunit sa paghahalughog nito ay wala itong makitang artikulong may malinaw na paliwanag tungkol sa nangyari. Wala pa ring balita galing sa NBI o DOST, ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon.

Ang nabasa lang na interesante ni Errol ay tungkol sa diametro ng apektadong lugar. Ayon sa datos ng mga imbestigador batay na rin sa mga nakuhang pahayag mula sa mga residente at mga aerial surveys noong Martes ng gabi ay tinatantiyang nasa 30-40 km ang diametro ng apektadong bahagi ng NCR. Apektado ang buong bahagi ng Makati, Pasay, Mandaluyong, Pateros, at San Juan at ang malaking bahagi ng Manila, Taguig, Paranaque, at Pasig. Naapektuhan rin ang maliit ng bahagi ng Quezon City.

Tiningnan ni Errol ang mapa ng mga apektadong lugar na halos bumuo ng hugis bilog na ang sentro ay nasa Makati. Hindi kaya gustong destabilisahin ng mga terorista, kung terorismo man ang dahilan ng panandaliang pangyayaring iyon, ang lungsod?

Nagbigay ng pahayag ang pamahalaan ng iba’t ibang apektadong lungsod pati na rin ang Malacanang na karamihan sa mga terror threats ay pawang kalokohan lamang. Sa Facebook, tila balik na sa dati ang mga netizens, balik sa pagpopost ng kung anu-ano -- mga sariling larawan, larawan ng kanilang kinakain, at mga posts tungkol sa kanilang mga kapritso sa buhay.

Tiningnan ni Errol ang litrato nila ni Ivan kahapon. Napangiti siya. Sobra tatlong daang likes na. Ang gwapo talaga ni Ivan. Ang linis niya tingnan sa polo niya kahapon. Natawa nang bahagya si Errol nang maalala ang itsura ni Ivan kaninang umaga habang paalis ito ng bahay nila. Nakapangalumbaba si Errol habang tinitingnan ang picture nila ni Ivan. Naalala niya ang emosyonal nilang pag-uusap habang nakatanaw sa palubog na araw. Bumuntong hininga ang binata habang inalala ang tagpong iyon na tila nagdulot ng pagkislot ng isang bahagi ng kanyang puso. Ngunit natawa siya nang mabasa ang ilan sa mga commento.

Bromance! <3

Bagay kayo!

Bro, new girlfriend?

Boyfriend kamo!

Kaya pala di nagpaparamdam, may date. :D

Nakita ni Errol na sinagot ni Ivan ang ilan sa mga ito. Kinilig si Errol sa ibang comment. Tiningnan niya ang profile ni Ivan. Marami siyang pictures na may kasamang mga babae. Iba’t-ibang babae. Baka mga kaibigan lang o kamag-anak. Ngunit ilan sa mga litrato ang nagpaselos sa kanya. Teka, bakit naman siya nagseselos? Hindi naman sila. Natawa na lang si Errol sa sariling takbo ng pag-iisip.

May nakita si Errol na album ni Ivan nung nasa Boracay sila. Napakagat-labi ang binata habang iniisa-isa ang mga larawan ni Ivan na walang pang-itaas. Ang hot niya talaga. Tinitingnan ni Errol ang mga larawan ng kaibigan nang may kumatok. Dahil malapit lang naman ang pinto sa sa kinauupuan niya ay madali nitong nabuksan ito. Ngumiti si Errol sa bisitang may dalang kamote cue. “Favorite ko yan!”

“Alam ko. Madalas kaya tayong kumain nito noon.” Nilagay ni Erik ang dala sa mesa katabi ng laptop ni Errol.

“Upo ka, Erik. Ano’ng atin?”

“Wala lang. Gusto nga kitang bisitahin.”

“Wala naman akong sakit.”

“Basta, gusto lang kitang makita.”

Hindi alam ni Errol kung paano sasagutin si Erik. Bumalik siya sa kanyang laptop. Napansin niyang nasa Facebook pa pala siya.

“Si Ivan na naman.”

“Alam ba ni Ma’am Shanice na pupunta ka dito?”

“Iniiba mo naman ang usapan.”

“Teka, kuha lang ako ng pinggan.” Tumungo si Errol sa kusina at bumalik na may dalang plato at dalawang tinidor. “Teka, wala kaming soft drinks. Bibili muna ako sa labas.”

“’Wag na. Ako na,” saad ni Erik sa natural na mababa at malambing nitong boses.

“Hindi. Bisita kita.”

“Basta ako na.” Tumayo si Erik. “Kabisado ko naman ‘tong sa inyo, eh.”

Doon lang napansin ni Errol ang suot ng matalik na kaibigan. Mahilig ito sa lumang jeans at t-shirt na medyo maluwang. Hindi ito gaya ni Ivan na laging malinis manamit at laging maporma. Ngunit kahit ganon ay gwapo at makisig pa rin ito. Hindi kasing kisig ni Ivan, pero athletic ang katawan ni Erik na walang kataba-taba. Athlete din naman kasi siya. Mahilig ito sa iba’t-ibang sports. Magaling din ito sa martial arts. Pero hindi ito mahilig makipagbunuan.

Bumalik si Errol sa paggawa ng slides para sa lessons niya sa susunod na araw. Ilang minuto pa ay nakabalik na si Erik na may dalang isang litro ng Coke.

“Kuha muna ako ng baso,” saad ni Errol.

“Ako na,” saad ni Erik. Bumalik si Erik sa sala na may dalang dalawang baso. Binuksan nito ang bote ng Coke at nilagyan ang kanilang mga baso. “Meryenda time.”

“Erik, seryoso, alam ba ni Ma’am Shanice na pupunta ka dito?”

“Hindi.”

“Baka magalit ‘yun sa’yo.”

“Bakit naman siya magagalit?”

“Erik, girlfriend mo ‘yung tao.”

“Hindi ibig sabihin dapat alam niya lahat ng galaw ko.”

Nakatingin si Errol sa kaibigang naghihimutok. Kumuha siya ng isang kamote gamit ang kanyang tinidor. Habang nginunguya ito ay nagsalita siyang muli. “Akala mo hindi ko napapansin ha.”

“Ang ano?” tanong ni Erik habang ngumunguya ng kamote.

“Minsan iba ang titig sa akin ni Ma’am Shanice.”

“Anong mga titig, Rol?”

“Kapag kinukulit mo ako o kapag lumalapit ka sa akin. Basta ‘yung mga titig niya parang iba, parang naiirita na ewan.”

“Sa isip mo lang yan. Mabait naman si Shanice.”

“Oo naman. Pero syempre girlfriend mo siya at alam niyang malapit tayo sa isa’t-isa.”

“Kaya ba umiiwas ka sa akin?”

“Anong umiiwas? Pumayag nga ako na pumunta ka dito.”

“Rol, wag ka na nga magmaang-maangan.”

“Bakit naman ako iiwas?”

Umiling naman si Erik. “Sino date mo sa Sabado?”

Nakakunot-noong lumingon si Errol sa kausap na nakangiti. “Bakit, may ano ba sa Sabado?”

“Feb. 14? Valentine’s Day?”

Oo, nga pala. Hindi naman inaalala ni Errol ang Araw ng mga Puso dahil para sa kanya ito ay isa lamang ordinaryong araw. Para lang ito sa mga taong may pag-ibig. Hindi para sa kanya. “Eh, di wala!”

“Ito naman. Nagtatanong lang.”

“Nakakainis kasi ‘yung tanong mo. Hindi ko na nga naalala na Valentine’s Day na pala sa Sabado. Wala namang halaga sa akin ang araw na yan.”

Sandaling tumahimik ang dalawa. Pinagpatuloy ni Errol ang paggawa ng powerpoint presentation para sa susunod na araw habang kumakain ng kamote. Wala na rin siyang maisip sabihin sa kaibigan. Alam niyang magdedate sila ni Shanice. Sino pa nga ba ang sasamahan nito?

“Si Ivan sino kaya date nun?” tanong ni Erik.

“Nako, di ko alam.”

“May girlfriend ba siya?”

“Sabi niya wala, pero di ako naniniwala.”

“Bakit naman?”

“Sa itsura nun, I’m sure meron ‘yun. Ayaw lang sabihin.”

“Bakit ganyan ang tono mo? Nagseselos ka?” tanong ni Erik sa malambing pa rin nitong tono.

“Bakit naman ako magseselos?”

“Gusto mo na ba si Ivan?”

Humarap si Errol kay Erik. Napansin niya na taimtim itong nakatingin sa kanya na tila nangungusap ang mga mata. Agad na umiwas ng tingin si Errol. “Ilang beses mo na akong tinanong niyan.”

“Hindi mo naman kasi sinasagot ng maayos.”

“Alam mo kahapon ka pa. Ang weird mo, Erik.”

“Sagutin mo na lang kasi.”

“Magkaibigan kami. Tsaka wala pang isang linggo kaming magkakilala.”

“Pero parang close na kayo.” Umiba ng tingin si Erik.

“Ano ba ‘to? Paulit-ulit.” Nagkamot si Errol ng ulo.

“Ang sungit mo na. Dati hindi ka naman ganyan.”

Bakit ba sa bawat buka ng bibig ni Erik ay tila pinaparamdam nito kay Errol ang paglalambing nito? Binabalewala na lang ito ng huli. Ayaw na niyang mag-isip. Noong naging magkasintahan ang matalik na kaibigan at ang kasamang guro ay nagdesisyon na si Errol na ilayo na ang loob sa kaibigan para na rin matahimik ang kanyang kalooban. Para hindi na rin siya umasa. Naranasan na ni Errol ang pait na dulot ng pag-aasam na mahalin siya ng kaibigang babae naman ang gusto.

“Hindi ka ba hahanapin ni Ma’am Shan?”

“Hindi pa naman siya nagtetext. Teka, si Ivan yung pinag-uusapan natin.”

“Ah, eh, kasi, Erik, may ginagawa ako.”

“Nakakadistorbo ba ako?”

“Hindi. Hindi naman.”

Tumahimik ulit ang dalawa. Pinakikiramdaman ni Errol ang kaibigan. Bakit ba parang ang lambing lambing nito nitong mga huling araw? Hindi malaman ni Errol kung ano’ng iniisip ng kanina’y kausap. Hindi naman ito ganito noon. Barkada ang turing nito sa kanya. Hindi nga lang niya alam na noo’y may lihim siyang pagtingin dito, pagtingin na pilit na niyang kinakalimutan. Kinakalimutan sa tulong ng bagong kakilala.

Si Errol ay bumalik sa paggawa ng slides. Paminsan-minsan ay kumakagat ng kamote at umiinom ng soft drinks. Si Erik naman ay tahimik na nakatingin kay Errol at kumakain rin ng kamote. Ilang minuto ang nagdaan na walang umimik sa dalawa. May nais mamutawi sa bibig ni Erik ngunit hindi nito masabi. Alam niyang mahal siya ng kaibigan. Nararamdaman niyang nagsusungit lamang ito upang itago ang totoo nitong nararamdaman.

Hindi rin malaman ni Erik kung ano bang gagawin sa sitwasyong ito. Ayaw niyang mawala si Shanice sa kanya, ngunit ayaw niya rin makitang lumalayo sa kanya ang loob ng matalik na kaibigan. Nang sinabi ni Errol na napansin nito ang pagdududa sa kanya ni Shanice, ang totoo ay napansin niya rin ito. Nararamdaman niyang may ibang pakiramdam ang kasintahan sa namamagitan sa kanila ni Errol. Kaya naman sa kabilang banda ay naiintindihan ng binata kung bakit kailangang dumistansya ni Errol sa kanila.

Nagsalitang muli si Erik. “Kamusta kayo kagabi ni Ivan?”

“Ang kulit niya, grabe.”

Nakita ni Erik ang ngiti sa mga labi ng kaibigan. Si Ivan na nga ba ang nagpapangiti sa kanya? May naramdamang kirot si Erik sa dibdib. “Dun ba siya natulog sa kwarto mo?”

Tumango lang si Errol na nakatuon pa rin sa ginagawa.

“Tabi ba kayong natulog?”

Tumango si Errol.

“Grabe. Ang tagal na nating magkaibigan pero hindi pa tayo natulog na magkatabi.”

“Oo, nga eh,” kaswal na sagot ni Errol na hindi tumitingin kay Erik. “’Wag ka mag-alala. Wala kaming ginawa. Syempre nirerespeto ko ‘yung tao. Alam mo naman na hindi ako ganun, di ba?”

Tumango si Erik. Oo nga naman. Sa tinagal-tagal nilang magkaibigan ni Errol ay ni minsan hindi ito nagtangkang magsamantala. Nagtaka ito nang makitang pangiti-ngiti ito habang nagtatype sa laptop niya. Sinundot niya ito. “Bakit pangiti-ngiti ka diyan?”

“Wala,” saad nitong nakangiti pa rin.

“Ano’ng iniisip mo ha?” Sinundot muli ni Erik ang kausap.

“Wala nga.”

“Meron yan!”

“Kasi nakashorts lang si Ivan kagabi.”

“Di mo siya pinahiram ng t-shirt?”

“Di daw siya nagt-t-shirt pag natutulog, eh.”

“Ibig sabihin magkatabi kayo habang nakahubad siya.”

“Wala lang pang-itaas.”

“’Yun nga. Buti nakayanan mo.” Ngumiti si Erik.

“Alam mo, Erik. Ang kulit ni Ivan. Parang walang dull moment pag siya kasama mo.”

Nakita ni Erik na nakangiti si Errol habang sinasabi iyon. Bakit ba parang hindi niya gusto ang narinig? “Pero pag ako nangungulit sa’yo ayaw mo.”

“Hindi ah. Pero, Erik,” saad ni Errol na nakatingin sa kanya, “ang hot niya.”

Kita ni Erik na tila kinikilig si Errol. “Crush mo na talaga siya, ha. Alam ba niya yan?”

“Sa tingin ko alam niya o may pakiramdam siya. Inaakit niya nga ako.”

“Pero di ka naman niya binabastos?”

“Hindi naman. Mabait si Ivan, Erik. Alam mo, kahit ilang araw pa lang kaming magkakilala parang close na close na kami.”

Ramdam ni Erik ang sinseridad sa sinabing iyon ni Errol. Ang tanging sagot niya lang ay, “Halata nga eh. Nagseselos na nga ako.” Nakita ni Erik na kumunot ang noo ng kausap.

“Nagseselos? Ikaw talaga kahapon pa yang selos selos na yan. Korni!”

“Parang may bago ng best friend ang best friend ko kasi.”

“Syempre ikaw pa rin ‘yung best friend ko.” Binalik ni Errol ang tingin sa laptop niya. “Pero may girlfriend ka na, Erik. Hindi na pwede yung dati. Syempre kailangan mo ring paglaanan ng oras yung relasyon ninyo ni Ma’am Shanice.”

Hindi malaman ni Erik ang isasagot. Oo nga naman. Hindi naman dahil best friends sila ni Errol ay dapat lagi na rin silang magkasama.

“Ang bait ni Ivan. Kapag magkasama kami parang kaming dalawa lang ang tao sa mundo.”

Ramdam ni Erik na galing sa puso ang sinabing iyon ng kaibigan, kaya sa malumanay nitong tinig ay tinanong niya ito. “May nararamdaman ka na ba sa kanya?” Nakita niyang sandali itong natahimik, ngunit nagsalita rin.

“Kanina pagkaalis niya parang nalungkot ako. Erik, parang gusto ko siya laging nakikita.”

“In love ka na ba sa kanya?”

“Hindi ko alam. At ayoko.”

“Ayaw mo na?”

“Ayokong mahulog sa kanya.”

“Bakit?”

“Kasi alam kong hindi niya ako sasaluhin.”

“Natatakot ako, Erik. Ayaw ko itong nararamdaman ko. Naramdaman ko na ito noon, at...”

Nakita ni Erik na sandaling tumigil ang kaibigan sa pagsasalita. May pumigil dito na tapusin ang gustong sabihin at alam niya ang nais tukuyin nito. Nakita niya rin ang pamumula ng mata ng kaibigan. Kaya naman ay nilapit niya ang pagkakaupo dito at hinagod niya ang likod nito.

“Sana, Erik, pwede, ano?” Sumulyap si Errol kay Erik, ngunit umiba din kaagad ng tingin. “Sana pwede.”

Walang maisagot si Erik kaya naman hinimas niya na lang ang likod ng kaibigan.

“Pero” -- tumawa ng pilit si Errol -- “ganito lang ako, eh.”

Nakita ni Erik na tumulo na ang luha ng kaibigang kanina lamang ay masaya at kinikilig.



“Halika nga dito.” Niyakap ni Erik ang umiiyak na kaibigan. “Mahal naman kita, eh.”

“Bilang kaibigan. Alam ko. Kaya naman nagpapasalamat ako sa’yo, Erik, kasi kahit nung nalaman mo kung ano ako, hindi ka lumayo. Nandiyan ka lang.”

Bilang isang kaibigan? Siguro nga tama si Errol. Mahal niya ito bilang isang kaibigan. Ngunit bakit siya nagseselos kay Ivan? Bakit tila mas higit pa doon ang nararamdaman niya para sa kaibigan? “Lagi lang akong andito para sa’yo, Rol. Kahit mag-asawa at magkapamilya ako, andito lang ako. Alam mo naman yun, di ba?”

Inilayo na ni Errol ang katawan niya at tumango sa sinabi ni Erik. “Alam mo, Erik, namimiss din kita.”

Napangiti si Erik sa narinig at may nangingilid ding luha sa mga mata nito. “Sabi ko na nga ba, eh.”

“Ayaw ko lang ipahalata sa’yo kasi iba na kasi ang sitwasyon ngayon. Hindi na gaya noong estudyante pa lang tayo.”

“Wala namang nag-iba.”

“Meron, Erik, meron.”

“Kung iniisip mo si Shanice, alam naman niya kung ano tayo, na bago ko siya nakilala, naging matalik na tayong magkaibigan.”

“Kasi, Erik...”

“Rol?” Nakita niyang sandaling tumigil ito at hindi makapagsalita, ngunit binuka din nito ang bibig.

“I fell in love with you.”

Ilang minutong katahimikan ang dumaan.

“Alam ko, Errol. Hindi ako manhid.”

“College pa lang tayo nung una kong naramdaman ‘yun.” Gumagaralgal ang boses ni Errol. “Sorry, Erik. Sorry...”

Muling niyakap ni Erik ang kaibigan at nagsalita habang umiiyak. “Hindi ka dapat magsorry. Ako ang dapat magsorry kasi hindi ko nasuklian ‘yung nararamdaman mo para sa akin.”

“Okay lang, Erik. Inaasahan ko naman ‘yun. Wala naman akong sinabi sa iyo noon kasi natatakot ako na baka magalit ka sa akin.”

“Matagal ko na ring nahahalata, Rol. Pero hinihintay ko lang din na manggaling sa iyo.”

“Pero okay na ako, Erik. Tanggap ko na na hanggang magkaibigan lang tayo.”

Hinigpitan ni Erik ang yakap sa kaibigan. May gusto itong sabihin ngunit may pumipigil sa kanya.

“Kaya ayoko mainlove, eh. Tanggap ko na na ganito lang ako. Tanggap ko na na tatanda akong mag-isa. Kaya kung anuman itong nararamdaman ko kay Ivan, hindi ko na rin ito papansinin.”

“’Wag kang magsalita ng ganyan. Andito ako. Hindi kita iiwan.”

“Erik, bubuo ka ng pamilya mo. Magiging okay lang naman ako.” Bumitiw si Errol sa pagkakayakap ni Erik at ngumiti dito. “Andito pa naman sila nanay.”

“Grabe! Nag-iyakan na tayo. Baka dumating si tita, isipin non inaaway kita.”

“Ikaw kasi!” Pinunasan ni Errol ang pisngi at bumalik sa ginagawa.

“Alam ko na.”

“Ano?”

“Gala tayo. Kain tayo ng fish balls.”

“Gaya ng dati?” Ngumiti si Errol.

Tumango si Erik.

Namasyal sa malapit na park ang dalawa at kumain ng kung anu-anong street food. Umupo sila sa isang bench at pinag-usapan ang kung anu-ano katulad ng dati. Masayang tingnan ang dalawa. Tila nanumbalik ang dati nilang pagsasamahan. Pinag-usapan nila ang kanilang mga plano, ang mga gagawin sa darating na bakasyon, at ang mga iilang taon na kilala nila. Gabi na nang mapagpasyahan nilang umuwi. Hinatid ni Erik si Errol sa kanilang bahay at pagkatapos ay umuwi na rin.

Nang makauwi si Erik ay chineck nito ang Facebook at hinanap ang account ni Ivan. Nag-iwan siya ng mensahe dito. “Pare, pwede ka ba makausap? Importante lang. Ito nga pala ang number ko 0929xxxxxxx.”


itutuloy

20 comments:

  1. Salamat po sa pag update sir author. :)
    May tanong lang po ako.

    Kung kaya naman po palang mag-teleport ni Sandy kung saan-saan, eh bakit di nalang sya mismo yung nagnakaw nung mga bato sa National Museum?

    Hahaha pasensya na po sa tanong ko hehe.
    -jcorpz

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nilapatan ni Melchor ang mga bato ng salamangkang harang laban sa mga nilalang na katulad ni Damian (na may dark magic). Medyo tricky ang talakayang ito, pero abangan mo sa Chapter 37.

      Gayunpaman, kahit walang dagdag na salamangka ay maaalerto si Melchor kapag may mangyari sa mga bato, dahil may psychic connection siya sa mga ito bilang tagaingat, kaya natunton niya yung dalawang magnanakaw.

      Walang psychic connection si Cassandra sa mga bato kaya kailangan niyang gumamit ng clever spells para makita ang mga ito. Ngunit yun nga kapag gumagamit siya ng sorcery, naaactivate ang protective enchantment ni Melchor sa mga bato kaya kailangan niyang mag-utos ng mga regular/normal na tao para nakawin ang mga bato.

      Hala, spoiler na. Hahaha. More of this sa Chapter 37 kung saan mag-uusap si Cassandra at ang kanyang magiging kakuntsaba upang tugisin si Melchor.

      Delete
    2. Nothing will stand in the way of our dark sorceress. Hahaha. I love Cassandra's character.

      Delete
    3. Wow! Hala! Sorry! Hahaha nakapagbigay ka pa tuloy ng spoiler mr. Author. Salamat! Haha ngayon alam ko na! Makakatulog na ko nang mahimbing. Ay di pa pala! Kasi kailangan ko pang basahin yang chapter 37. Hahaha XD
      Salamat uli ng marami mr. Author! Sana di ka magsawang magpost ng mga updates nitong story mo! :)

      -jcorpz

      Delete
    4. Wag kayong mag-alala. Hindi ko kayo iiwanan sa ere.

      Delete
  2. Ayun nakahabol naulit

    Hay! Errol wala akong masabi. Hehe

    Author kelan ang next chapter?

    ReplyDelete
    Replies
    1. I will try to post the next update sa Linggo. Patatawanin ko kayo sa Chapter 31.

      Delete
    2. Sige sige author ill wait for it

      Delete
    3. Thank you sa patuloy na pagsubaybay.

      Delete
  3. Kawawang Errol. Push mo lang yan Errol. Darating din angbo anahon. Thanks sa update.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hay ganun talaga. Minsan may mga gusto tayo na di natin nakukuha. hehe Salamat!

      Delete
  4. Ay bakiy my umeeksena,. Mukhang my third party agad kina ivan at errol, haha. Pero parang mas gusto ko na si Erick kesa k Ivan. Oo mas gusto ko yung itsura ng Ivan na nabuo sa isip ko kaso mas nararamdaman ko yung pagkasinscere ni Erick. Team Erick n b ko? Haha. THANks sa update Sir Peter. TC

    -RavePriss

    ReplyDelete
    Replies
    1. May mahalagang papel si Diana sa hinaharap. Magpapasalamat rin ang mga fans ni Ivan kay Diana. Hehehe. I like Erik, too. Ang hirap magcomment na alam ko na yung mga mangyayari. Basta sa end ng Book 2 may marerealize tayo kay Erik at sa pagmamahal niya kay Errol.

      Delete
  5. Nung sinulat ko yang part na masinsinang nag-usap sina Erik at Errol ay naiyak ako. Visceral ang part na yan para sa akin. Keep your comments coming, guys!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Naiyak din po ako!!! Sinabayan ko pa nung kanta ni jason mraz na I won't give up. :(


      -M

      Delete
  6. Merry Christmas 🎄 author and advance happy new year....

    ReplyDelete
  7. Kala ko b weekend ang update? Weekend n

    ReplyDelete
  8. ehhh!!! bakit nay eksenadora! okay na sana yun, kinikilig na ako tapos yun.. Sir Author sana si Erik at Errol na lang.. haha

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails