Followers

Friday, March 11, 2016

CARROT BOY 6: Last Part



By Michael Juha
Email: getmybox@hotmail. com
FB: getmybox@yahoo. com
Disclaimer:
Ang kuwentong ito ay pawang kathang-isip lamang bagamat "inspired" sa internet sensation na si Carrot Man. Hindi po ito ang totoong kuwento ng buhay niya. At hindi po intensyon ng may-akda na saktan ang damdamin ng mga taong maaaring maapektuhan sa kuwentong ito. Ang litrato na ginamit dito ay hindi po pag-aari ng may-akda. Credit to the real owner, Ms. Edwina Bandong.
***
Sobrang lungkot ang nadarama ko sa reaksyon ni Jeyrick sa aking sinabi. Alam kong galit na galit siya. Simula nang maging magkaibigan kami, noon ko lang siya narinig na nagmura. Hindi niya ugali ang ganoon. Ayaw niya ang ganoon. Ngunit marahil ay dahil sa tindi ng kanyang galit ay nagawa niya iyon.
Masakit... halos ikamatay ko ang ginawa kong saktan siya. Iyon nga lang makikit akong malungkot siya ay para nang tinusok ang aking puso. Ano pa kaya iyong pinagsasabihan ko siya ng masama.
Ngunit wala na akong magagawa. Sa isip ko ay iyon ang pinakamagandang gawin upang magalit siya sa akin at huwag na niya akong hanapin pa. Kaya pinanindigan ko ang mga sinabi ko. At upang hindi talaga ako matuksong kumuntak sa kanya, pinalitan ko ang aking numero. Hindi na rin ako nagpupunta pa ng Maynila upang maiwasan ko ang tukso na makipagkita sa kanya. Doon na ako naglalagi sa hotel/resort namin sa Bauko.
Kahit sobrang sakit ang aking nadarama, pinilit ko pa ring gawing normal ang aking buhay. Pinilit kong iwaglit si Jeyrick sa aking isip. Kahit minsan ay natulala na lang ako o may matinding udyok sa aking isip na tawagan siya o pupuntahan sa kanyang apartment sa Maynila, pinigil ko ang aking sarili.
Sa parte naman ni Jeyrick, tila hindi naman apektado ang kanyang trabaho at career bilang isang artista. Naroon pa rin siyang kasali sa sitcom ng TV kung saan ay mainstay siya. Naroon pa rin siya sa variety show ng TV station na iyon at may role pa rin siya sa isa sa mga tele-serye ng estasyon. At wala akong napansing malungkot siya o kakaiba sa kanyang mga kilos.
Minsan nga, pinanuod ko siya sa isa sa mga sit-com niya, ang galing pa rin naman niyang magpatawa. Parang normal lang talaga. . Base sa nakikits ko, larawan siya ng masaya at kuntentong actor. Sa isip ko nga ay naka-adapt na talaga siya sa kalakaran ng industriya. Siguro, kagaya ng mga beteranong celebrities, na-master na rin niya iyong art ng pagbabalatkayo at pagkukunwari. "Full-blooded actor na talaga siya." Sa isip ko lang. Masakit lang dahil samantalang siya ay nakakapag move-on na, ako naman itong nasasaktan at lihim na umiiyak.
Tungkol naman sa intriga sa kanya at sa akin, unti-unti rin itong namatay. Hindi na kasi ako nagsalita pa. Natuto na ako. Si Jeyrick din ay hindi na rin nagsalita. Kapag may nakikita akong media ay umiiwas ako. Kapag tumatawag sila o pupuntahan ang hotel namin, pinapaalis ko o kaya ay hindi ko sisiputin. Binigyan ko rin ng instruction ang aming mga guwardiya na kapag may media na naghahanap sa akin ay titimbrehan ako upang makaiwas.
Lumipas pa ang tatlong buwan, sa variety show ng network kung saan ay main stay si Jeyrick at iyong kalove-team niya, nasumpungan kong panuorin silang dalawa. Miss na miss ko na kasi siya. Nasa loob ako ng maliit na bahay ko sa likod ng hotel, iyong bahay kung saan kami nagsama ni Jeyrick sa maikling panahon. Nag-iinum ako ng basey habang sinasariwa ang mga masasayang alaala namin ni Jeyrick sa loob ng bahay na iyon.
Ngunit lalo lang akong nasaktan sa tagpong iyon. Nang matapos na ang kanilang sayaw ay halos magyakapang magkaharap ang dalawang maglove-team. Nahinto silang dalawa. Nagtitigan. Naka-focus talaga ang camera sa kanilang mga mukha. Habang nasa ganoon silang ayos ay kitang-kita kong seryoso ang mukha ni Jeyrick na nakatitig sa babae. Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan sa postura nilang iyon. Parang may nakaambang isang bagay na masakit na maaaring hindi ko kakayanin. At iyon nga, halos kasabay sa pagbitiw ni Jeyrick ng salita ay ang pagbagsak din ng aking mga luha. "Zainah... mahal kita."
Mistulang dinurog ang aking puso sa aking narinig. Bagamat napuno sa ingay ng mga taong natuwa at kinilig sa entablado sa sinabing iyon ni Jeyrick, mistula naman akong sinakal at hindi makahinga.
"Mahal din kita, Jeyrick..." ang sagot naman ng kanyang ka love team.
Mas lalo pang naghiyawan ang mga tao.
Wala na akong nagawa pa kundi ang patayin ang TV at muling nag-inom, ibinuhos ang lahat ng sama ng loob sa pag-iiyak.
Nasa ganoon akong pag-iiyak at pagkaawa sa aking sarili nang bigla namang may kumatok na sinabayan pa ng pag-iingay ni Har-Jey, iyong ingay ng aso na kapag nakakakita ng taong kilala ay gustong kumawala at at maglupasay na yayakap sa tao.
Dali-dali kong pinahid ang aking mga luha. Tinumbok ko pa ang lababo upang hugasan ng tubig ang aking mukha upang hindi mahalata, isininga ko rin ang sipon na bumara sa aking ilong gawa ng pag-iiyak habang patuloy pa rin ang pagkakatok. May kaunting kaba rin akong naramdaman. "Di kaya si Jeyrick?" sa isip ko.
Nang mapahiran ko na ng tuwalya ang aking mukha at pakiramdam ko ay hindi na pansin ang aking pag-iyak, "Sino iyan?" ang sigaw ko sa patuloy pa ring kumakatok na bisita. Parang na-excite ako na baka si Jeyrick nga. Ngunit laking pagkadismaya ko dahil si Jean pala ang kumatok.
"Okay ka lang ba, sweetheart?" and tanong niya kaagad nang binuksan ko na ang pinto.
"Anong atin at napadalaw ka?" ang may halong pagkainis na sabi ko sa kanya sabay talikod at baka mahalata niya ang aking namagang mga mata. Alam niya kasi ang bahay ko at minsan ay dinadalaw din niya ako para lang mag-usap kami.
"Napanuod mo ba sa TV si Jeyrick ngayon ngayon lang?" ang tanong niya.
"Ah... hindi eh." Ang pagtanggi ko pa.
"Ay sayang... Official na magsyota na sila ni Zaina!" ang sigaw niya. "Kilig na kilig ang mga staff natin sa kanila!"
"G-ganoon ba?" ang malabnaw kong sagot.
"Hindi k aba masaya para sa kanila?"
"Okay lang..." ang sagot ko pa ring may pagka-sarkastiko.
"Ay sorry, malungkot ka pala." Ang pagbawi rin niya.
Kunyari ay nagreact ako. "Huh! Bakit naman ako malungkot? Di ba masaya sila? Ba't ako malungkot kung masaya sila? Ano ba sila sa buhay ko? Mababawasan ba ang timbang ko kung magsyota sila? Magugunaw ba ang mundo kung magsyota sila? Hindi naman, di ba? Kaya bakit ako malungkot kung mag-on na sila?." ang sabi ko.
"Ito naman, kung maka-react, wagas. Huwag ka na ngang magsinungaling sa akin, Harold. Klarong-klarong mugto iyang mga mata mo, o. Umiiyak ka. At hayan, nag-iinum ka pa. So anong okasyon? Masaya ka?" Kapag nainis kasi sa akin si Jean ay Harold ang itatawag nito sa akin.
"Kung mag-inum ba ako ngayon ay para na sa kanila agad? Hindi ba puwedeng para muna sa ikauunlad ng ekonomiya? Atsaka, gusto ko lang mag-inum. Walang kinalaman ang pag-inum ko sa idol ninyo."
"At idol na lang namin ngayon? Anong nangyari sa idol 'natin'? At sabi mo pa nga, ikaw itong number 1 fan ni Jeyrick. Anyari?" ang pang-ookray pa ni Jean.
"Basta, walang kinalaman ang kalungkutan ko sa mga artista, okay?" ang sagot ko na lang. "At kung iyan lang ang ibabalita mo sa akin, okay lang ako. Magpahinga na ako kaya hala, alis na. Tsupiiii!" ang pang-ookray ko rin sa kanya. Ganyan naman kasi kami kapag nagbibiruan o naghaharutan.
Ngunit hindi tumayo si Jean. Nanatili itong nakaupo. Naging seryoso ang mukha. "Okay... sorry. Pero seryoso..." kinuha niya ang kamay ko at hinawakan ito. "Alam mo ba kung bakit hindi kita sinagot sa iyong panliligaw sa akin?"
Nagulat naman ako sa bigla niyang pagsingit sa issue. "Anong kinalaman noon sa pagiging magsyota nila ng idol ninyo?"
"Mayroon. Malaki."
"Ano???" ang naguluhan ko pa ring tanong.
"Sagutin mo muna ako kung bakit hindi kita sinagot?"
"Syempre, hindi mo ako mahal. Ibabasura mo ba ako kung mahal mo ako?"
"Ito naman, basura agad? Grabe naman to. Sa guwapo at yaman mong iyan? E, di natsugi na ako sa trabaho ko niyan."
"O, e di bakit nga? Dami pang pasakalye ah." Ang sambit ko.
"Kasi... nililigawan ko si Maila, ang front desk natin."
Doon na lumaki ang aking mga mata na napalingon sa kanya. "T-tomboy ka?"
Tumango si Jean.
"So sinagot ka niya kaya hindi mo na ako sinagot?"
Umiling si Jean.
"Bakit di ka niya sinagot?"
"May boyfriend na raw siya. At ang sabi pa niya, hindi raw siya pumapatol sa tomboy..."
"G-ganoon ba?"
"Ang sakit no? Sobra..."
"A-ano ngayon ang plano mo?"
"Wala... wala naman akong magagawa, di ba? Siguro ay iiyak na lang sa tago, mag-inom na mag-isa sa kuwarto." Ang sabi niya. Ewan kung iyon ay patutsada rin niya sa akin.
Tahimik.
"Seryoso ka ba talaga? Tomboy ka?" ang pagbasag ko sa katahimikan.
Tumango siya.
"Kaya pala panlalaking trabaho ang napili mo. Akalain mo, napakaganda mo, babaeng-babae kung kumilos ngunit may pusong lalaki pala!" ang sabi ko.
"Di ba? Kagaya mo, guwapong-guwapo, lalaking-lalaki kung kumilos at magsalita, ngunit na in-love sa isang lalaking artista."
Tila hinataw ang aking ulo sa kanyang sinabi. "A-ano??? Ano'gn pinagsasabi mo d'yan?" ang tanong kong nagulat pa rin sa kanyang sinabi.
"Iyan ang punto ko, sweetheart. Kung bakit ko sinabi sa iyo ngayon kung ano ako, iyan ay dahil... sabihin na nating may kaunti akong alam sa inyo ni Jeyrick."
"A-ano ang ibig mong sabihin?"
"Hindi mo mai-deny sa akin iyan. Una, iyong intriga sa inyo sa showbiz, iyong litrato ng aso na si Har-Jey. Totoo naman si Har-Jey di ba? Sinabi mo sa akin na bigay iyan ni Jeyrick sa iyo. Ang tunay na lalaki ay hindi magsasalita ng miss-miss ng mga sentimental value sa kapwa lalaki. Pangalawa, itong bahay ninyo na talagang hindi mo ipinabuwag. Nahirapan kaming magplano sa building ng hotel nang dahil dito ah! Kung alam mo lang sumakit ang mga ulo naming mga engineers sa instruction mong ito, kung paano gawan ng paraan. At pangatlo at pinakamatinding pruweba na hindi mo maikaila sa akin... noong opening ng hotel, pinuntahan kita rito para yayain sanang manood tayo ng concert. Ngunit nang sinilip ko ang loob ng bahay mo sa guwang ng pinto, nakita kong parehong hubo't-hubad kayo ni Jeyrick. Nakatihaya ka sa kama, ang dalawang paa mo ay nakapatong sa mga balikat ni Jeyrick na nakadagan naman sa iyo habang naglapat ang inyong mga labi. Ano iyon? Naglalaro kayo ng holen?"
Hindi ako nakaimik sa narinig. Tila na-shock ako sa sinabing iyon ni Jean.
Kaya kapag dumalaw si Jeyrick dito at minsan ay ginagamit niya ang helicopter natin, alam ko na... may milagro" ang sambit niya tumawa pa.
Tahimik.
"Bistado na kita, sweetheart. Pero promise, walang nagbabago sa pagiging best friend mo sa akin. At... nararamdaman kita. Kasi nga, pareho tayo ng naranasan. Kung nasaktan ako, alam ko, mas nasaktan ka. At naawa ako sa iyo dahil alam kong sinasarili mo lang ang lahat. Kaya narito ako. My shoulders are strong. Baka gusto mong sumandal, okay lang... Sino lang ba ang magdadamayan kundi tayong nasa parehong kalagayang ito, di ba?" ang sambit ni Jean.
Doon na muling nagsiunahan sa pagbagsak ang aking mga luha. Iyon bang nakahanap ako ng kakampi ngunit naawa rin ako sa aking sarili kung bakit naramdaman ko pa ang ganoon. Nakakahiya man ngunit humagulgol na lang ako.
Niyakap ako ni Jean. "Ganyan talaga, sweetheart. Ang sakit... pero wala tayong magagawa. Minsan ay talagang mapaglaro ang pag-ibig."
Medyo natuwa rin ako sa paglahad ni Jean sa kanyang nalalaman tungkol sa amin ni Jeyrick. Kahit papaano ay naibsan ang bigat ng aking dinadala dahil naipalabas ko ito kay Jean.
SA SUNOD na mga araw ay mas lalo pa akong nalungkot. Nawalan ako ng gana sa trabaho at sobrang depressed. Parang gusto ko na ring gumive-up sa aking katungkulan sa hotel dahil hindi ko na kayang magconcentrate pa. Parang gusto kong pumunta sa pinakamalayong lugar na walang nakakaalam kung sino ako, at walang makakahanap sa akin. Parang nanumbalik iyong naramdaman ko nang pinagtaksilan ako ng aking girlfriend na si Myra, kung saan ay napunta ako ng Cordillera, sa lugar kung saan nag-krus ang aming landas ni Jeyrick.
"Ganoon uli?" ang sabi ni Jean. Hindi k aba nagsawa niyan? Magiging vicious cycle na yan sa buhay mo sweetheart. Sabi nga nila you have to break that cycle. Face and conquer your fear! Kasi kagaya nang kung pupunta ka uli ng ibang lugar, paano kung ma-in love ka uli doon at kagaya ngayon ay magkaaberiyang muli ang inyong relasyon? Tutungo ka na naman sa malayong lugar? Hanggang kailan mo tatakbuhan ang hamon ng iyong buhay? Walang buhay na perpekto, di ba? Wala ring relasyon na perpekto. Pero binigyan tayo ng kakayahan upang harapin at lutasin ang kung ano mang gusot. At kung hindi man malutas, may kakayahan din tayogn tumanggap na hindi lahat ng bagay ay maaari nating makamit. Harapin mo, sweetheart kung ano man ang problema. Alam ko, kaya mong lutasin iyan."
"Wala namang kalutasan ang kaso namin ni Jeyrick, di ba?"
"Eh kung aalis ka at pupunta na naman sa malayo, malulutas ba?"
"At least malayo ako sa mga bagay na nakakapagpaalala sa akin."
"Tapos iiwanan mo kami? Paano na lang kami rito? Ang hirap kaya kung wala ka. Sa iyo kami lahat kumukuha ng lakas at kaalaman sa pagpapalakad ng hotel."
"Alam ko naman na magaling kayo eh. Takot lang kayong gumawa ng hakbang dahil nandito pa ako. Pero kapag wala na ako, makakaraos din kayo. Baka mas gagaling pa ang pagpapalakad ninyo rito kapag wala na ako rito."
"Pero kami ba ay hindi mo ma-miss?"
"Syempre, ma miss din..."
"Kaya huwag kang ganyan, Harold ka! Ma-miss mo kami tapos mag-isip ka ng ganyan? Nakakainis ka." Ang inis na sabi na ni Jean. "Malampasan mo rin iyan, promise. Tutulungan ka namin." Dugtong niya.
Kaya pinilit ko na lang ang aking sarili na tiisin pa rin ang lahat. Ngunit sa isip ko ay kapag hindi ko na talaga kaya pa ay tuluyang aalis ako.
Ilang buwan pa ang lumipas ngunit wala pa ring pagbabago ang aking naramdaman. Tila mas lalo pang tumindi ang sakit sa aking puso. Iyon na rin ang panahon na nagsimula na akong magplano na aalis. Nag-isip na ako kung saang lugar naman, kung ano ang dapat na ihanda.
Isang araw, nabigla uli ako nang mabasa ang headline ng isang pahayagan. "Carrot man, Jeyrick Sigma... nagpakamatay?"
Nagkagulo ang mga staff ng hotel at pati si Jean ay nagreport sa akin tungkol sa balita. "Anong nangyari?" ang tanong ko kay Jean.
"Hindi na raw nila kasi mahanap si Jeyrick at may sulat kamay siya na iniwan sa kanyang apartment na tinutuluyan na animoy isang suicide letter!" ang sagot ni Jean.
"Anong nakasaad sa sulat niya?"
"Heto o, basahin mo..." ang sabi ni Jean habang iniabot sa akin ang diyaryo.
Binasa ko ang nakasulat, "Salamat sa lahat ng mga taga-suporta at kaibigan. Gusto kong sabihin sa inyo na napakalaki ang utang na loob ko sa inyo dahil sa ibinigay ninyong suporta. Nabago ang buhay ko nang dahil sa inyo, naranasan kong tikman ang mundo ng showbiz, ang mamuhay sa mundo kung saan ay abot-kamay ang lahat na kailangan at gusto... Hindi ko ito malilimutan. Kahit papaano ay na-enjoy ko ang mga ito. Hindi ako nagsisi. Subalit, ang totoo ay hindi ako naging masaya. At sana ay patawarin ninyo ako kung ano man ang gagawin ko sa aking buhay. Sana ay huwag ninyo akong ikondena o husgahan sa gagawin kong desisyon. Huwag na rin ninyo akong hanapin. Pagod na ako sa mundong tinatahakan ko ngayon. Saan man ako naroroon, siguradong mapayapa na ako. Muli... salamat sa lahat. –Jeyrick."
"At heto, may mga interview rin sa mga kasama niya, sa kanyang manager, personal assistant, at lahat sila ay nagsabi na nitong mga nakaraang araw daw bago nawala si Jeyrick ay nagparamdam na siya sa kanila na pagod na raw siya, na kung sakaling may gagwin ma siyang malaking desisyon sa knyang buhay na hindi nila ikatuwa ay manghingi raw siya ng patawad at pang-unawa."
Hindi na ako nakakibo pa. Dali-dali akong pumasok sa aking opisina gawa nang hindi ko kayang pigilan ang aking mga luha. Sumunod sa akin si Jean. "Hindi ko mapatawad ang aking sarili Jean kung may mangyaring masama kay Jeyrick. Ako ang may kasalanan ng lahat. Baka dinamdam niya ang mga sinabi ko!"
"Diyos ko naman, sweetheart. Hindi mo kasalanan iyon! Di ba masaya naman siya sa kanyang mga shows? Baka iba ang dahilan!"
"Ewan ko ba. Feeling ko ay may kinalaman ang ginawa ko sa kanya sa kanyang desisyon eh. Baka kinimkim lang niya ang lahat. Baka nagkunwari lang siyang masaya ngunit nasasaktan siya." Ang sabi ko.
Sa lumipas pa na mga araw ay ininterview rin ang kanyang ka love team at sinabi niyang wala naman daw silang tampuhan ni Jeyrick. Masaya naman daw si Jeyrick at walang binanggit na problema. Iyon nga lang daw, nanghingi ito ng patawad sa kanya. Tinanong daw niya kung saan at bakit, pero ang sagot lang daw niya ay, "Basta... patawarin mo ako kung ano man ang mga nagawa kong hindi maganda at kung ano pa ang gagawin ko sa aking buhay."
Pati ang mga kapatid ni Jeyrick na nasa Baguio na at nag-aaral ay walang alam kung ano ang nangyari sa kanilang kuya at kung nasaan siya. Pero bago raw siya nawala ay nagdeposito raw ito ng malaking halaga sa banko nila, para raw iyon sa kunsumo nila at pang-tuition hanggang sa kanilang pagtapos ng pag-aaral. Nagsabi raw ito sa kanila na kung mawawala man siya ay huwag nang hanapin. Basta hindi raw niya kami pababayaan..."
Nayanig ang buong industriya ng showbiz sa misteryosong pagkawala ni Jeyrick. Lahat ng mga tao ay naalarma at nalungkot.
"Sana ay publicity stunt lang nila ito. Di ba may pelikula siya na katatapos lang at malapit nang ipalabas?" ang sabi naman ni Jean.
"Sana nga Jean, sana nga." Ang sagot ko.
Dahil doon ay gumawa rin ako ng sariling paraan sa paghahanap sa kanya. Pinag-aralan ko ang mga lugar na nabanggit niya sa akin, ang mga sinasabi niya sa mga kasama niya sa trabaho. Pinuntahan ko rin ang mga lugar na alam kong mayroon siyang kamag-anak, pati na sa kanyang mga kapatid. Kung sinu-sino na lang ang aking tinawagan.
Ngunit bigo ako sa aking paghahanap sa kanya. Pati ang mga kamag-anak niya at mga kapatid ay hindi alam kung nasaan siya. Kahit si Jeymar ay nanghingi ng dispensa sa akin dahil wala raw siyang alam talaga bagamt nangako siya na tatawagan kaagad ako kapag may impormasyon na siya tungkol sa kanyang kuya.
Hindi ako mapakali. Palaging bumabagabag sa aking isip ang ang alaala n Jeyrick. Bawat araw na hinahanap ko siya at bigo ako sa aking pag-uwi, pakiwari ko ay unti-unting gumuguho ang aking mundo. Halos napabayaan ko na rin ang aking trabaho. Mabuti na lang at nariyan sina Jean at mga key personnel ng hotel na mapagkakatiwalaan.
Lumipas pa ang isang buwan ay hindi pa rin mahanap kung nasaan si Jeyrick, at kung talagang nagpatiwakal man ay wala ring nakitang bangkay. Pati ako ay kinulit na rin ng mga areporters. Pero syempre, dahil wala naman akong alam at nagkaroon na rin ako ng galit sa kanila dahil sa nangyari kay Jeyrick na nagkaroon tuloy kami ng problema, umiwas ako sa kanilang panayam.
Lumipas muli ang ilan pang mga buwan. Wala pa ring balita tungkol kay Jeyrick. Tila tinamad na kasi ang mga taga-showbiz. Nagsawa na rin siguro. Ngunit ang mga kapulisan na gustong malaman kung ano talaga ang nangyari sa kanya ay patuloy pa ring naghahanap. At syempre, ako. May mga teyoriyang baka raw nakidnap siya, o kaya ay pinatay, o hinostage at scripted lang ang mga huling sulat niya.
Sa panig ko naman ay lalo pa itong nagpatuliro sa aking isip. Imbes na nagplano akong lumisan at muling magsimula sa panibagong lugar upang tuluyan ko na siyang malimutan, napagdesisyunan kong manatili na lang muna roon hanggang wala pang kasagutan kung ano ba talaga ang dahilan ng pagkawala ni Jeyrick.
Isang araw nang napadalaw ako sa Food and Beverages department, nahuli kong nagkagulo ang mga taga restaurant group, ang iba ay nagtatalon na parang kinilig at nagtitili na nag-uumpukan. Parang may sikretong plano o bagay na nalaman na hindi ko mawari.
"What's the noise about?" ang sigaw ko sa kanila. Hindi nila alam na nasa likuran lang pala nila ako.
Bigla naman silang nagulat at natahimik, mistulang nakakita ng multo. "N-no Sir. W-we're just happy. Sorry, Sir." Ang sambit ng isang waiter.
"And what are you happy about?" ang tanong ko uli.
"Er... m-my wife sir. M-my wife. S-she is pregnant!" ang pagsingit naman ng isa pa na tila nanginginig na nag-explain. "Ikinikuwento ko po sa kanila, Sir. S-sorry po. Ako po ang dahilan ng ingay." Ang dugtong pa niya.
"Ah... ok." Ang sagot ko naman. Alam kong hindi totoo iyon. May hinala kasi ako na may pakulo na naman silang gagawin sa birthday ko kinabukasan. Palagi namang ganyan. At kadalasan, si Jean ang may pakana ng pasorpre-sorpresa. Iyan din ang nagustuhan ko kay Jean. Kahit mga ordinaryong empleyado namin, hindi siya nawalan ng pakulo para sa kanila. Kaya lalo pang napamahal ang mga empleyado sa amin dahil nagkakaisa kami, nagtutulungan. Para lang kaming isang malaking pamilya sa hotel/resort.
Pinuntahan ko si Jean sa kanyang opisina. Siya kasi ang HRD head. "Nakita ko kanina, Jean..." sa opisina kasi, lalo na kung seryoso, Jean ang tawag ko sa kanya, imbis na sweetheart at siya naman ay Boss ang tawag sa akin. "...may pinagkaguluhan ang mga tao natin sa F&B. If it is about your surprise para sa birthday ko bukas, please stop it. I think this is not the right time to celebrate. Remember, nagluluksa pa rin ang puso ko, at pakisimpatiya niyo na lang sa akin." Ang sambit ko.
"Ah... okay kung iyan ang gusto mo. No problem. Pero may hihilingin lang ako sa iyo kung ayaw mo sa ganoon."
"Ano?"
"Let's go sky diving!" ang masigla na sabi ni Jean.
"Sky diving?" ang tanogn kong nagulat sa kanyang proposal. Alam ko kasing sports-minded si Jean at ang isa sa gustong sport niya ay ang skydiving.
"Oo, ang sagot niya. Skydiving! Kahit man lang d'yan ay may mai-offer ako para sa birthday mo."
"B-bakit naman sa lahat ng puwedeng mong pa-birthday ay iyan ang naisipan mo?"
"Nagluluksa kamo ang puso mo? E di, sa sky-diving, kahit panandalian lang, malilimutan mo ang kirot. Atsaka kung patay na talaga si Jeyrick, i-dedicate mo sa kanya ang pag-skydive nating ito. Parang iyong sa paglipad mo mula sa taas ay sinabayan ka rin niya. At isa pa, sa birthday mo, ayaw mo bang magkaroon ka ng panibagong experience? Dapat ganyan ang attitude! Atsaka, sabi mo no need ng surprise. Kaya wala nang surprise d'yan. Excitement na lang. Iyung adrenalin natin ang gumagana!"
Napaisip naman ako sa kanyang sinabi. Mukhang exciting nga. "S-sige, payag ako. Pero kaya ko kaya iyon? Kung drag racing lang sana yan ay pede. Pero iyan, di ko pa na-try."
"Puwes ngayon ma-try mo na. Sure ako, gugustuhin mo nang palagi ito kapag na-try mo. Iisang parachute lang tayo sa first jump na ito. Ako ang magdala. Sa susunod, hiwalay na tayo."
"Mas mabuti!" ang sagot ko.
"Yeheeey!" ang masayang sigaw ni Jean.
"Okay. Sige bukas..." ang sagot ko.
"May isa pa akong sasabihin sa iyo" ang dugtong ni Jean nang tatalikod na sana ako.
"Ano?"
Inilapit niya ang kanyang bibig sa aking tainga at bumulong. "Magsyota na kami ni Maila!"
Bigla naman akong napasigaw. "Ano???"
"Yes, sweetheart. At kahapon lang. Di ba nakakakilig?"
"Akala ko ba ay may boyfriend na yun?"
"Hiniwalayan niya. Marami daw pala silang girlfriend noon. Palibhasa, guwapo at mestizo."
"Tsk tsk..." ang sabi ko.
"Di mo man lang ba ako i-congratulate?"
"E, di congratulations!"
"Bitter naman iyang pag-congratulate mo."
"Sweetheart. Alam mo namang nagluluksa ako, di ba? Ngayong kayo na pala, syempre naiisip ko rin yung sa akin. Masakit iyon."
"Kaya nga eh. Sorry. Kaya ko lang naman sinabi dahil best friend kita."
"Salamat. Pero tandaan mo, walang forever! Maghiwalay din kayo. Promise." ang sambit ko sabay walk out. Biro lang naman ang akin. Ganyan naman kami kung magbiruan ni Jean. May asaran bagamt sweet din sa isa't-isa.
"Inggit ka lang!" ang sigaw naman niyang pahabol.
Maaga akong nagising kinabukasan. Medto na-excite kasi ako sa sinabi ni Jean na skydiving. Maya-maya lang ay nag-ring na ang aking intercom. "Happy 25th birthday sweetheart!" ang pagbati ni Jean sa akin.
"Salamat!" Ang sagot ko naman.
Maya-maya lang din ay may kumatok na. "Sweetheart, buksan mo ang pinto!" ang sigaw ni Jean.
Nang binuksan ko ay naroon siya at ang mga department managers sa ibaba ng bahay ko, kinantahan ako ng happy birthday. May dala-dala silang isang bilog na cake. Pagkatapos ay ipinahipan sa akin ang kandila sa ibabaw nito.
"Carrot cake iyan boss!" ang sabi nila nang nahipan ko na ang ilaw.
"Langya kayo! Sa lahat ng cake ay carrot cake pa ang inihanda ninyo!" ang sagot ko.
Tawanan.
Sinabi rin nilang nakahanda na raw ang aming agahan at naroon na ang mga trabahante, naghintay sa akin sa dining hall upang sabay kaming kumain. "Walang surprise iyan ha?" ang tanong ko.
"Wala po boss, purong kainan lang po at greeting. Wala ring program bagamat puwede kayong mag-speech kung gusto ninyo, puwede ring hindi na lang." Ang sagot naman ng F&B Manager.
"Ah, no need na lang tayo sa speech."
Ordjinaryong selebrasyon lang talaga. Kinantahan ako ng happy birthday at pagkatapos ay ang kainan na. May isang streamer ng birthday greeting akong nakita na nakalambitin sa dingding. Iyon lang.
Alas 12:30 matapos ang aming pananghalian nang nakasakay na kami ng helicopter para sa aming skydiving. Medyo malayo-layo raw ang napili nilang spot na ang sabi sa akin ni Jean ay una na nilang na-survey at napuntahan ang drop point. Nasa dulo daw ito ng Cordillera at maganda ang spot dahil ang babagsakan ay isang patag na pinalibutan ng bukid. Excited ako, syempre. Pero ang bulong ng isip ko ay para kay Jeyrick iyong ginawa ko, na sana, kung talaga mang patay na siya ay sasamahan niya ako sa aking paglipad, at mahanap ko man lang ang kanyang mga labi. At kung buhay man siya ang pag-skydive kong iyon ang simbolo ng aking walang humpay na paghahanp sa kanya, na kahit saan man siya narooon, kahit sa himpapawid pa, kahit saang sulok ng mundo, ay hahanapin ko pa rin siya.
"Handa ka na, sweetheart?" ang tanong sa akin ni Jean habang nasa 12 thousand feet na taas na kami at natumbok na ang lugar. Nasa katawan na namin ang skydiving gear namin at naka-lock na rin ang mga katawan namin.
"Handa na!" ang sigaw ko. Maingay kasi ang helicopter kaya malakas an gaming boses.
"Hindi ka kinabahan?"
"Medyo!" ang sagot ko habang tiningnan ang ibaba namin na napakalayo ngunit napakanda namang tananawin na may patag at pinaligiran nga ng mga kahoy at bukid.
"Okay lang yan!" ang sagot ni Jean na binuksan namin ang pinto ng helicopter atsaka nagbilang, "3 - 2 – 1... Jumppppppp!!!"
Sabay kaming bumulusok pababa, "Ahhhhhhhhhhhhhh!!!"" ang sigaw namin na nagtatawanan pa. Talaga namang exciting na nakakatakot, ngunit ang taas ng aking adrenalin sa puntong iyon. Parang ang sarap lumipad. Ang sarap tingnan ng kabundukan at paligid! "Wwwoooooohhhh!" ang pagsisigaw namin na halos sasabog ang aking dibdib sa magkahalong kaba, excitement, takot, at appreciation sa ganda ng experience."
Pagkatapos ng may isang minuto ay pinakawalan na ni Jean ang aming parachute. Nabigla ako sa mabilis na paghinto ng momentum ng aming pagbaba at dahan dahan na ito habang nasa patayong posisyon naman kami.
Nakita ko sa baba ang damuhan, iyong tila mga bermuda grass na pinaligiran naman ng mga malalaking kahoy. Nasa mataas na lugar pa rin ito. Ang ganda ng lugar na ito! Parang isang paraiso!" ang sambit ko kay Jean habang pinagmasdan namin ang unti-unting naming pagbaba sa patag habang ang helicopter naman na sinakyan namin ay umiikot-ikot sa aming lugar na babagsakan. Ang lugar kasi ay pinalibutan ng maraming puno at may damuhan, may apat na kabayo pa akong nakita na nasa kuwadra, at may mga nakatanim ding mga bulaklak!
Nang sa wakas ay nag-landing na kami at nakatapak na sa lupa, agad na inayos ni Jean ang parachute habang ang aking mga mata ay abala sa magagandang tanawin. Napansin ko ang helicopter na nag landing sa di kalayuan.
"Ang ganda ng tanawin, sweetheart!" ang sigaw ko.
Nang matapos na si Jean sa pagtiklop sa parachute ay tinumbok niya ang pinaka-sentro ng lupang puno ng bermuda grass. Doon ko napansin ang itinuro niya. Isang puntod!
Nang nilapitan pa namin ay doon ko na nabasa ang isang lapida na nakahiga sa puntod. "In memory of Carrot Man, Jeyrick Sigma. Rest In Peace"
Biglang nanlaki ang aking mga mata napalingon ako kay Jean. "A-ano ito, Jean???" ang pagtaas ng aking boses habang ramdam ko ang aking luha na biglang namuo sa aking mga mata.
"Puntod ni Jeyrick. Nakasaad daw sa kanyang huling habilin na dito niya gustong ilibing."
Doon na ako naglupasay. "Oh my Goddddd!!! Jeyrickkkkk!!!" ang pagsisigaw at pananaghoy ko. "Bakit mo ako iniwan!!! Hindi ko naman intensyon na saktan ka. Patawarin mo ako, Jeyrickkkkkkkk!!!"
Niyakap ako ni Jean. "Sorry, Boss."
"Ang sakit naman ng sorpresa mo sa akin, Jean. Kung alam ko lang na ganito, sana ay pumayag na lang ako sa inyong sorpresa sa hotel! I don't like this! Sobrang sakit!!!"
"Sensya na talaga, Boss. Ang alam ko kasi, sabi mo, gusto mong Makita kahit man lang ang puntod niya, masaya ka na." Ang malungkot na sagot ni Jean.
"Ang sakit palaaaaa! Shittttt!!!"
Hindi na kumibo pa ni Jean. Nanatili niya akong niyakap.
"Bakit naman daw dito niya naisipang ipalibing ang kanyang bangkay?" ang tnanong ko.
"Upang wala raw makakakita kahit sino, maliban sa mga taong malalapit sa kanyang puso. Iyan daw ang habilin niya. Hindi kasi accessible ito ang lugar na ito sa sasakyan. Kailangan pang maglakad ng apat na oras bago marating ito. Kaya ito ang naisipan niyang himlayan."
"Bakit hindi ko alam, Jean! Bakit hindi mo sinabi agad sa akin ito??? Sobrang sakit! Alam mo ba! Parang dinurog ang puso ko sa sakit, Jean!!!"
"Pasensya na talaga, Boss. Hindi rin naman kasi namin alam, eh. May tumawag lang sa hotel at hinanap ka. Nagkataon namang wala ka kaya ako na lang ang pumunta rito, kasama ang isang security. Sabi ko, ipapakita ko ito sa iyo ngayon, sa iyong kaarawan.
"Ang sakit naman ng pa-birthday mo! Parang gusto mo na rin akong patayin eh! Sino ba iyong taong tumawag sa inyo???!!!
Nilingon ni Jean ang aming likuran. "Hayun pala siya, o..." ang pagturo ni Jean sa kanya.
Nang nilingon ko ang taong itinuro niya, doon na ako muntik nang himatayin. Isang lalaking naka-kulay grey na maruming sweatshirt na may hood na nakatakip sa kanyang ulo. Mahaba ang kanyang buhok at nakasuot ng maruming maong at naka-bota ng itim, dala-dala niya ang isang tiklis na puno ng carrots. Iyon iyong porma ni carrot man nang madiskubre siya sa interent. Habang nakangiti siya sa akin, bumakat naman ang kanyang dimples sa magkabilang pisngi. Iyong ngiti nakakabighaning pamatay na ngiti ni Jeyrick na nakabighani ng aking puso at nakabihag ng puso ng mga taong nakakita sa kanyang litrato nang unang lumabas ito sa internet.
"Puntod lang iyan ng pagkamatay ni carrot man, iyong artista... hindi sa akin." ang sambit niya sabay latag sa tiklis ng mga carrots na dala niya.
"J-Jeyrick???" ang sigaw kong gulat na gulat at biglang na-disorient sa aking nakita. "Ikaw ba iyan??? Buhay ka???" ang sigaw ko. Natakot kasi ako na baka pinaglaruan lang ako ng aking isip.
Ngunit lalo pa siyang ngumiti. Iyong signature niyang mahiyaing ngiti. May hinugot siya mula sa kanyang likuran at nang bumulaga ito sa aking mga mata, nakita ko ang isang kumpol ng mga mapupulang rosas.
Wala akong sinayang na pagkakataon at nagtatakbo na ako patungo sa kanyang kinatatayuan hanggang sa nagyakapan kami, inangat pa niya ang aking katawan at inikot-ikot na tila sabik na sabik sa akin.
Pagkatapos naman ay walang kiyeme kaming naghalikan kahit sa harap pa ni Jean.
"Happy birthday." Ang sambit ni Jeyrick sa akin nang matapos na kaming maghalikan.
"H-hindi ka galit sa akin?" ang tanong ko. "H-hindi ka galit na inaway kita at sinabihan na magpakasal kami ni Jean?"
"Sinabi sa akin ni Jean ang lahat. Alam kong ginawa mo lang iyon dahil ayaw mong masira ang career ko. Ikaw kasi, hindi mo man lang sinabi ng diretsahan sa akin. Sukang-suka na rin ako sa showbiz sa mga panahong iyon. Kung sinabi mo lang sana agad, hindi na sana hahantong pa sa ganito..."
"Eh... ikaw naman kasi. Hindi mo naman sinabing ayaw mo na sa showbiz. Kitang-kita ko nga, kilig na kilig ka s aka love team mo eh! Tapos, may mahal kita, mahal kita pa kayo, sabay halikan."
Napangit siya. "Wooohhh! Selos ba iyan? Syempre, iyon ang sabi ngmanager para raw mas lalong main-love sa amin ang mga fans, tataas ang rating ng programa, kikita ang network, ang manager namin, at kami..."
"Ganyan talaga ang showbiz." Ang sambit ko.
"Gagawin ang lahat nang dahil sa pera at kasikatan." Ang dugtong niya sa sinabi ko.
"So bakit bigla mong tinawagan ang hotel? Akala ko ba ay ayaw mo nang matunton ka pa ng mga tao."
"Wala eh, namiss kita eh. Di ko na kaya... Tapos, sabi ni Jean, sa birthday mo na lang daw sabihn ang lahat. Kaya heto. Sensya na..."
Napangiti naman ako kay Jean. Ikaw sweetheart ha, kahit kailan hindi ka talaga nawawalan ng pakulo sa birthday ko. Salamat sa napakagandang regalo na binigay mo..."
"Ako pa boss." Ang sagot naman ni Jean. "Pero mayroon pa kaming surprise..." ang sambit ni Jean. Tinungo namin ang gulod kung saan naman ay nakikita ang ibabang parte ng lupa. Doon ko nakita ang kabuuan ng lupa na may maraming pananim. May nakita akong mga cabbage, may mga pechay, lettuce, mga cauliflower, broccoli, at may mga carrots din! At sa isang gilid ay bahay-kubo.
"Ikaw ang nagsaka rito?" ang tanong ko kay Jeyrick.
"Oo..."
Sa iyo rin ang bahay na iyan?"
Tumango uli siya.
Umakyat kami sa sitting area niya sa labas ng bahay. Maganda ito, yari sa narra, at bagamat random ang pagka latag ng mga kahoy ngunit mas lumabas ang pagka-natural ng mga ito, magandang tingnan. Nang tiningnan ko naman ang atip, ito ay yari sa kogon.
Nasa ganoon akong paghanga sa kanyang pagkagawa ng bahay nang bigla namang sumulpot ang tatlong lalaking empleyado ng hotel. Namukhaan kong mga waiters sila ng restaurant. May dala-dalang pagkain. "Happy birthday boss!" ang sabayang pag greet nila sa akin.
Natawa naman ako. "Namukhaan ko kayo. Kayo iyong nag-uumpukan sa may restaurant kahapon na nag-iingay at sinita ko, ano?"
Nagtawanan naman sila. "O-opo sir. Natuwa lang kasi kami nang malaman namin na kami ang pupunta sa lugay ni Jeyrick. Kaya iyong mga babaeng kasama namin sa work ay kinilig, nagsisigaw. Papicture daw po kami para makita nila!"
"Mga salbahe kayo, di niyo sinabi sa akin?"
Tawanan.
Tiningnan ko si Jeyrick na nilapitan ng mga waiters na gustong makikipag-selfie at litrato. Pumayag naman si Jeyrick. Game na game siyang nag-pose sa kanila na nakangiti, may "V" sign at thumbs up sign pa siya.
"Confidential lang ito ha? Hindi makakarating sa media. At isang lugar lang dapat ang background, wala nang iba para hindi mahalata kung saang lugar ito." ang paalala ko sa kanila. Hindi na rin ako sumali. Natakot na ako na baka may mga intriga na naman kapag nagkataong kumalat ang litrato nila.
"Opo sir. Sa amin lang po ito. Makakaasa po kayo. Yeheeeyyyy!" ang sigaw naman ng tatlong waiters.
"Paano kayo nakapunta rito?" Ang tanong ko uli sa kanila nang matapos na silang magselfie-selfie kay Jeyrick.
"Sinabi po sa amin ni Jean, Boss kung paano pumunta rito at kung anong mga kalsada ang baybayin. May GPS naman ang sasakyan natin kaya hindi kami nahirapan. Doon kami nahirapan nang naglakad na kami ng may apat na oras mula sa pinaparkingan ng service van! Ang hirap palang tahakin dito!" ang sagot ng isa.
Tawanan.
"Paano kayo makakabalik niyan?"
"Sasakay na po kami sa helicopter pabalik ng van boss!" ang sagot naman ng isa sa kanila. Tapos, land trip na pabalik ng hotel. Apat na oras uling biyahe."
"Wow! Ang layo din pala!" ang sabi ko.
Kumain muna kami sanadali, kasama ang piloto ng helicopter. Nang matapos ay nagmamadaling nagpaalam sina Jean at mga waiters. "Enjoy your birthday sweetheart! Alam kong ito iyong pingarap mong pa-birthday! Iyong solong-solo ninyo ang mundo." ang sambit ni Jean.
"Salamat ng marami sweetheart! Maaasahan ka talaga!"
"Babalik ang helicopter bukas, same time!" ang pahabol ni Jean.
Nang kami na lang ni Jeyrick ang naiwan, doon na niya ikinuwento na talagang wala raw siyang plano na tatagal siya sa showbiz. Kaya nag-ipon siya ng pera para makabili ng lupa upang gawing sariling sakahan. Kinumpirma rin niya na pakulo lang ang lahat sa kanila ng kanyang kalove-team. Pati ang pagsabi niya ng I love you, gimmick lang daw upang kumita ang kanilang pelikula. "Kaya ayaw ko na roon. Gagawin nila ang lahat upang kumita, kahit niloloko nila ang mga tao. Dito na ako. Dito ay malaya akong gumalaw, walang taong masasaktan, walang taong manghusga sa akin kung ako ay magkamali. Hindi ko kailangang magbihis nang naaayon sa gusto ng mga tao sa paligid o kumilos ayon sa tama para sa kanila upang hindi matsismis, hindi ma-issue o i-bash ng mga tagasuporta ng mga katunggali. Dito ay walang kumpitensya. Tahimik akong mamumuhay. Dito ay sariwa rin ang hangin, ang mga pagkain, at ang lahat sa paligid. Dito, ang lahat ay totoo, hindi kagaya sa Maynila na polluted na ang lahat, pati ang pag-iisip at pag-ugali ng tao." Ang sabi niya.
"Kahanga-hanga ka talaga. Akala ko ay nalimutan mo na ang pagiging mahirap at magsasaka..."
"Hindi mangyayari iyan..." ang sagot niya. Tumayo siya at pumasok sa bahay. "Halika sa loob."
Sumunod ako sa kanya. At sa loob ng bahay niyang iyon ay pinakawalan namin ang nag-aalab at nag-uumapaw naming kasabikan para sa isa't-isa.
"Miss na miss na kita." Ang bulong niya nang matapos na kami sa aming pagniniig.
"Miss na miss na rin kita... sobra" ang sagot ko.
Nang mabaling ang aking paningin sa isang bahagi ng dingding, doon ako napangiti. "Itinago pala niya!" ang sigaw ng isip ko.
Tumayo ako at nanghingi sa kanya ng pentel pen. Naroon kasi ang isunulat kong tanong sa papel na inilagay ko sa ilalalim ng cake noong handa ko n asana siyang ligawan. "Mahal kita. Mahal mo rin ba ako?" Sinadya pa niyang isilid iyon sa isang plastic upang hindi madumihan o mabasa.
At may sagot na rin siyang isinulat. Binasa ko ito, "Oo, mahal din kita. Kaso... may iba ka na kaya hahayaan na lang kita." Tapos nakangiting tiningnan ko siya.
Nang iniabot na niya ang pentel pen, dinugtungan ko iyon ng sagot. "Tsismis lang po iyon, ikaw lang talaga ang nag-iisa kong mahal..."
Tawanan.
Binasa ko rin ang katabing litratong nakasilid din sa plastic. Iyon iyong ibinigay ko sa kanya, iyong kay Har-Jey na may nakasulat na, "Miss ka na niya. Miss mo na rin ba siya?" At may nakasulat din sa ibaba noon. "Oo, sobrang miss ko na siya..."
Hindi ko na dinugtungan pa iyon. Niyakap ko na lang siya ay hinalikan sa bibig.
"Ibinigay din pala iyan sa iyo ng reporter?"
"Oo... pagkatapos niya akong takutin na kapag di ko siya binigyan ng pampadulas, ibubunyag daw niya sa media. Hindi ako nagbigay. Kasi... handa n asana akong talikuran ang showbiz sa puntong iyon. Kaso, inaway mo pa ako. Kaya pinilit kong magpakatatag. Kaso hindi ko na talaga masikmura kaya iyon..."
Muli ko siyang niyakap. "Sorry..."
Niyakap na rin niya ako, hinalik-halikan ang aking buhok. "Wala iyon..."
Ngayon ay nagsama na kami ni Jeyrick sa kanyang munting paraiso. Syempre, kasama namin si Har-Jey. Ako ang katulong niya sa pagsaka.
Mahirap ang aming kalagayan. Nabubuhay lamang kami base sa aming mga pananim at alagang mga hayop. Ngunit pinatunayan ni Jeyrick na walang hihigit pa sa kaligayahang kapiling mo ang taong gusto mong makasama sa habambuhay.
Sa Hotel naman ay tuluyan na akong nagresign. Inirekomenda ko si Jean na maging kapalit bilang General Manager. Pumayag naman ang aking ama. Maliban kasi sa akin ay si Jean lang ang nakakaalam sa pagpapalakad sa hotel. At napakagaling pa niya. Napilitan ding pumayag ang ama kong magpakalayo-layo dahil natupad ko naman ang kasunduan namin na kapag napalago ko ang hotel, hindi na siya makikialam pa kung ano man ang gagawin ko sa aking buhay.
Kahit papaano ay kumikita rin naman ang sakahan namin ni Jeyrick dahil may mga dumadayo na mga taong bumibili o nakikipagbarter sa aming produkto. At hindi kami natatakot na kumalat muli sa media na buhay pa si Jeyrick. Ang mga dumadayo kasi roon ay simpleng mga tao din lang. Hindi marunong gumamit ng cell phone, hindi alam ang internet, at hindi halos nakakapanuod ng TV dahil wala naman sila nito, at walang signal sa lugar.
Kaya masaya kami sa buhay namin. Totoo nga ang sinabi nila na hindi pera o kasikatan, o kapangyarihan ang sagot sa hinahanap na kaligayahan. Ang susi ay nasa pagiging kuntento sa ano mang kahit na maliliit na bagay na mayroon ang isang tao. Importante rin ang pagmamahal – sa pamilya, at sa taong gusto makapiling sa habambuhay. Ang kaligayahan ay nasa tao, wala sa pera, o sa kapangyarihan, o sa mga bagay na gustong makamit... Sabi nga ni Jeyrick, "Ang langit ay dapat binubuo, ginagawa, pinaghihirapan; hindi lang basta pinapangarap..."
Alam kong marami pang pagsubok ang darating sa buhay namin ni Jeyrick. Ngunit kung nalampasan namin ang mga problemang unang sumubok na sa aming pagmamahalan, naniwala akong kaya naming lupigin ang lahat nang ito.
***
"Paano iyan kung sakali lang ay may makadiskubre na naman sa iyo rito?" ang tanong ko kay Jeyrick habang nakaupo kasi sa bangko sa labas ng kanyang bahay, inaakbayan niya ako at sabay naming pinanuod ang paglubog ng araw.
"Okay lang para sa akin. Kung ang litrato ko ay makakapagbigay ng inspirasyon sa kanila upang lalong magsikap, mahalin ang trabaho, at makuntento sila sa buhay, matutuwa ako. Ngunit hindi na nila makikita pa sa TV o sa sinehan si carrot man, ang celebrity na nakilala nila na muntik nang masilaw sa pera at malunod sa kasikatan. Wala na siya. May iba nang pumalit sa kanya..."
"Sino?" ang tanong kong nag-iinosentehan.
Tinitigan niya ako, ang kanyang mga mata ay mapupungay habang hinawakan niya ang dalawa kong kamay at iginiya ang mga iyon sa kanyang dibdib. "Ang taong mahal mo, at ikaw lang ang minahal... si Carrot Boy. "
(Wakas)

14 comments:

  1. wow ang gnda ang srap ulit ulitin

    ReplyDelete
  2. Salamat sa napakagandang wakas.

    ReplyDelete
  3. Sobrang ganda ng ending...malawak n
    imahinasyo.bravo writer...sana next time mas mhaba..

    ReplyDelete
  4. Nakakatuwa ang ending sila paren hanggang huli. Nice mr author.

    -44

    ReplyDelete
  5. maraming salamat mr. author sa isang kwentong napakaganda...

    sana maraming kwento ka pang isusulat para sa blog na ito para may mabasa naman kaming mga avid fan readers nyo.... salamat talaga ng marami..

    jose....

    ReplyDelete
  6. Nice job mister author.

    ReplyDelete
  7. ang cute lang hehe. :)))

    -nagtatagongGeo

    ReplyDelete
  8. nice one again Mike! wala pading kupas ah, he he he. congratz! ! !

    ReplyDelete
  9. Nakssss.. Astig.. Na kwento... Ang galing

    ReplyDelete
  10. ganda nito sir mike,simple lng pero rock:)

    -Yum My

    ReplyDelete
  11. I'm so living this story ,natapos ko from part 1 to finale in one sitting . Thanks to the author for such an inspiring and heartwarming story.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails