Chapter 18
Hindi alam ni Errol kung ano ang gagawin o ano ang mararamdaman. Umiwas siya ng tingin kay Ivan at umatras ng ilang hakbang.
“Errol...” saad ng matangkad na lalaki na tila nag-aatubili.
Sumasagi sa isipan ni Errol ang mga naganap noong huli nilang pagkikita. Bumalik ang sikip sa dibdib na kanyang naramdaman. Pilit siyang nagpakatatag. Ayaw niyang umiyak. Ayaw niyang makita siya ni Ivan na umiiyak. Hindi na. Naninikip ang kanyang lalamunan ngunit pinilit niyang magsalita na parang wala lang. “Ang ganda ng suot mo. Ang ganda ng mga flowers. Para sa nobya mo?”
Hindi nakasagot si Ivan. Inabot niya ang mga bulaklak kay Errol. “Sorry.”
Pinilit ni Errol na ngumiti. “Kalimutan mo na yon.” Hindi tinanggap ni Errol ang mga bulaklak.
“Errol...”
“Ah, sige ha. Uuwi na ako.” Tumalikod na si Errol at mabilis na naglakad.
Ilang segundong natulala si Ivan sa pagkakatayo. Ilang sandali pa ay humakbang siya at mabilis na naglakad at tumakbo papunta kay Errol. Agad niya itong niyakap. “Errol, sorry, sorry. Nabigla lang ako nun. Nabigla lang ako.” Hinigpitan ni Ivan ang pagyakap.
Nagtatalo ang diwa ni Errol. Gusto niyang kumawala mula sa pagkakayakap ni Ivan, ngunit gusto niya rin itong maramdaman. Pumikit siya. Naghahalo ang galit, tampo, at ang pananabik niya kay Ivan. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon, kung ano ang dapat na reaksiyon. “Ivan, hindi ako makahinga.” Naramdaman niyang niluwagan ni Ivan ang yakap, marahil dahil sa pilit na pagkalas niya. Ilang sandali pa ay inalis na ng lalaki ang mga bisig sa likod niya, pagkatapos ay inabot sa kanya ang mga bulaklak.
Ngumiti si Errol. Pilit niyang kinukubli ang kirot sa dibdib. Pilit niyang tinatagan ang sarili. Gusto niyang umiyak. Sumisigaw ang kanyang damdamin. Gusto niyang ibulalas lahat ng nararamdaman, ngunit -- “I don’t deserve the flowers.” Marahang tinulak ni Errol ang kamay ni Ivan na nakahawak sa bouquet.
“Errol... Bakit?” Nangingilid ang luha sa mata ni Ivan. “Hindi mo ba ako mapapatawad?”
“Hindi sa ganun.” Humarap si Errol sa dagat at dinama ang mahinang hangin na nagmumula rito. “Hindi ko alam... Ang sakit grabe.” Pumeke si Errol ng tawa, ngunit hindi rin niya napigilan ang pagbagsak ng kanyang luha. Umiling ito. Naglakad ito palapit sa dalampasigan, tanaw ang noo’y madilim nang look. Narinig niya ang mga yapak papalapit sa kanya.
“Errol, sorry na.” Mahina at malambing ang boses ng binata.
“Tama ka naman.” Naninikip ang lalamunan ni Errol. Parang may kung anong bagay na bumabara sa loob. Maanghang ang kanyang mga mata. Masikip ang dibdib. “Tama ka. Bakla ako.” Ang impit sa boses ni Errol, indikasyon ng paninikip ng lalamunan. “Gusto kita. Pinagnasaan kita. Tama ka. Sana mapatawad mo ako. Bakla lang ako eh.” Hindi siya humarap sa kausap. Nakatuon lang ang atensiyon sa dagat, pinakikinggan ang hampas ng alon sa dalampasigan.
“Errol, hindi... Hindi ganun. Galit lang ako nun.”
Dinig ni Errol ang pagkabasag ng boses ng katabi. “Sana, Ivan, naalala mo na kahit ganito ako, hindi naman kita pinagsamantalahan.” Lumunok si Errol upang mawala ang bara sa kanyang lalamunan. Tumingala siya upang pigilan ang mga luha. “Alam mo naman na hindi ako ganon.” Yumuko ulit ang binata.
“Errol, ‘wag ka na magalit, o. ‘Wag ka na umiyak. Nasasaktan ako, eh.”
Humarap na siya kay Ivan. “Ivan, salamat!” Ngumiti siya. “Sa maikling panahon na nakilala kita naging makulay ang buhay ko kahit papaano. Salamat dahil kahit papaano ay napasaya mo rin ako.” Hinayaan niya lang na dumaloy ang mga luha.
“Errol...”
“Alam ko napapalapit ka sa akin at gusto mo ako protektahan dahil naaalala mo si Jed sa akin. Hindi ako si Jed, Ivan. Hindi ako ang kapatid mo. Magkaiba kami.”
Umiba ng tingin si Ivan. Yumuko ito at tapos ay binalik din ang tingin sa kanya.
“Hindi na kita makakalimutan. May puwang ka na dito.” Hinawakan ni Errol ang kanyang dibdib. “Pero sa tingin ko hanggang dito na lang ang ating pagkakaibigan. Pinapalaya na kita sa anumang responsibilidad mo sa akin bilang iyong kaibigan, bilang tinuturing mong kapatid.” Habang binibigkas ni Errol ang mga salitang iyon ay tila pinupunit ang kanyang puso, ngunit pinilit niyang bigkasin ang bawat salita na buo at hindi gumagaralgal ang boses.
“Errol, ‘wag ganyan...” Hinawakan ni Ivan ang kamay ni Errol, ngunit naramdaman niya na tinanggal ni Errol ang pagkakahawak niya.
“I hope you find your happiness, Ivan. Di ba gusto mo ako sumaya?”
Tumango si Ivan.
“Di ba gusto mo ako makitang ngumiti noon?”
Tumango ulit si Ivan.
“Ngumiti ka naman.” Kumunot ang noo ni Errol bunga ng pag-iyak. “Ngingiti ako pag ngumiti ka.”
Namumula ang mata ni Ivan, ngunit ngumiti din siya.
Ngumiti rin si Errol. “Salamat, Ivan.” Biglang niyakap ni Errol si Ivan at kumalas kaagad. “Salamat. Ingat ka lagi ha.” Tumalikod si Errol at mabilis na naglakad papalayo. Pinahid niya ang mga pisngi.
Chapter 19
Nakatayo si Errol sa isang madilim na silid. Tanaw niya ang kumikinang na bagay na iyon na dahan-dahang lumutang sa ere at dahan-dahang dumapo sa katawan ng isang nilalang na hindi niya mamukhaan. Unti-unting pumasok ang makinang na bagay na iyon sa katawan ng nakakulob na binata hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin.
Nagising siya sa lakas ng hilik ni Nathan, iniisip ang ibig sabihin ng panaginip. Ngunit dahil sa antok ay nakatulog siya ulit. Kinabukasan ay pumasok siya sa trabaho na hindi man lamang sumasagi sa isipan niya ang kakatwang panaginip. Naging abala na rin siya.
Natapos ang Hunyo. Dumaan ang Hulyo at Agosto na nagpatuloy sa kanyang buhay si Errol na pinag-igihan ang kanyang trabaho. Si Ivan naman ay tumatambay minsan sa shop ni Diana. Minsan ay dumadalaw sa bahay ni Liz. Si Cindy at Marie ay laging nag-uusap tungkol sa kalagayan ng kompanya. Gaya ng kanilang kinatatakutan ay mukhang papalugi na nga ang kompanya. Ilang beses na rin nag-aklas ang mga manggagawa.
Kahit may agam-agam si Errol sa lagay ng kanilang kompanya at sa mga naririnig na tsismis ng iilang empleyado ay pinagbutihan lang nito ang kanyang trabaho. Ganoon pa rin ang pakikitungo nilang dalawa ni Nathan sa isa’t isa. Kapag nadadatnan niyang nasa room nila ang nobya nito ay tumatambay si Errol sa malapit na karinderia at nakikinood ng TV.
Nagkakaroon pa rin ng mga pangitain si Errol na pinagsasawalang bahala na niya dahil tila wala namang nangyayari. Minsan ay biglang bumubulaga si Melchor. Minsan habang umiihi siya ay biglang lumilitaw ang matanda na ikinasisindak ng binata. Madalas silang nag-uusap tungkol sa nagbabadyang lagim sa hinaharap, mga bantang ikinauumay na rin ni Errol.
“Ano ba yan, lo? Hanggang ngayon ayaw niyo pa ituro ang pagteteleport!”
“Apo, wala sa mga palad mo ang kakayahang iyon.”
“Sige na, lo. May trabaho pa ako.”
* * *
Dumating ang buwan ng Setyembre. Lihim na nagkikita sina Cindy at si Mr. Imperial.
“Sir, pinatawag ninyo ako,” saad ni Cindy.
“Isa ka sa mga pinagkakatiwalaan ko sa kompanya.”
“Actually, sir, I’m thinking of quitting soon. Hindi na ho talaga maganda ang lagay ng kompanya, and Miss Sandy isn’t doing anything about it.”
“I know. Kaya nga sinet ko ang meeting na ito. Pero ‘wag ka muna umalis. I want you to feed me inside info.”
“As you wish, sir. Alam ninyo namang kahit papaano ay may utang na loob din ako sa inyo.”
* * *
Isang umaga ay nagising si Cindy na basang basa ang kanyang kama. Nagtataka ito. Tinawag na lang niya ang kapatid na lalaki upang tulungan siyang buhatin ito papalabas.
“Ate, nakaihi ka?” Humagalpak ang kapatid ni Cindy sa kakatawa.
“Wag ka na ngang nang-aasar! Tulungan mo na lang ako.” Binilad nila ang kama sa labas. Ngunit dahil hindi ito tuluyang natuyo ay inamag ito. Kaya naman bumili na lang si Cindy ng bagong kutson.
* * *
Madalas pa rin magkita sina Cassandra at Lucio, mga pagkikitang nauuwi sa mga plano at sa pagtatalik. Nitong huling pagkikita ay masigla ang mukha ni Cassandra.
“Lucio, darling, maghanda ka na. Kikilos tayo pagkatapos ng buwang ito.”
“As you wish, my lady!” saad ni Lucio
“But first I need a few of your men to do something for me.”
----------------------
Note: Sa pagsapit ng equinox sa Setyembre ay matatapos na ang waiting period ng ating dark sorceress. Uunti-untiin na natin sila. Ang epekto ng mga ekinoks at solstisyo sa kapangyarihan nina Melchor at Cassandra ay ipapaliwanag ni Magda sa Chapter 39. Kaya kalmaaaaaa. Magiging malinaw ang lahat sa tamang panahooooon...
Bueno, magpatuloy tayo.
Chapter 20
Mainit ang ulo ni Bryan na nagmamaneho isang gabi. Kakagaling niya lang sa away nila ni Cindy. Nagagalit siya sa nobya dahil puro trabaho na lang ang inaatupag nito. Madalang na silang lumabas nitong mga huling buwan. Bago sila maghiwalay ni Cindy ay nasigawan niya ito.
Sa gitna ng init ng ulo niya ay may itim na kotseng sumingit sa lane niya, bagay na lalong nagpabwisit sa kanya. Binilisan niya ang takbo ng sasakyan at binangga ang puwitan ng kotseng nasa harap na huminto. Nakita niyang lumabas ng kotse ang matabang lalaking nagmamaneho. Lumabas na rin siya.
“Ano’ng problema mo!” Dinuro siya ng matabang mama.
“Ikaw, ano’ng problema mo?” bulalas ni Bryan.
“Tingnan mo nga yang likod ng kotse ko!”
“Eh, tarantado ka eh! Sisingit singit ka.” Nanlilisik ang mga mata ni Bryan sa kausap.
“Bakit, iyo ba ‘tong kalsada? Bayaran mo yang nasira!”
“Magkano ba pagpapaayos niyan? Limang libo?” Kumuha si Bryan ng pera sa kanyang pitaka at tinapon sa mukha ng lalaki. “Ayan! Paayos mo yang bulok mong kotse!”
“Gago ka pala eh!” Tinulak ng lalaki si Bryan.
Hinimas ni Bryan ang balikat at agad sinipa ang matabang lalaki na ikinatumba nito. Lumapit siya dito at akmang hihilahin ito sa kwelyo nang sipain din siya nito. Nagngingitngit si Bryan. Hindi niya alintana ang mga bumubusinang kotse sa likod. Inundayan niya ng suntok ang mukha ng lalaki.
Biglang yumanig ang paligid. Natumbang muli ang matabang lalaki at napahawak sa lupang yumyanig. Ilang banggaan ang naganap. Ang mga nakahintong kotse ay kusang gumalaw dahil sa malakas na pag-uga ng lupa. Ilang poste ang bumagsak. Dinig ni Bryan ang mga sigawan. Hindi niya alintana ang lindol at nakalakad pa ito papunta sa lalaki. “Gago! Pulutin mo ang mga perang pambayad mo sa pagpapaayos ng kotseng singbulok ng mukha mo! Tarantado!”
Pumasok si Bryan sa kotse niya at hinintay na humupa ang lindol.
Chapter 21
Napabuntong-hininga na lang si Errol habang naglalakad pauwi mula sa babaan. Hindi niya kasabay si Nathan pauwi dahil may dinaanan ito. At mas gusto niyang hindi ito kasabay. Habang nasa daan ay sumagi sa isip niya ang kalagayan ng pinagtatrabahuan. Ilang beses nang natigil ng naantala ang kanilang trabaho dahil sa pagrarally ng unyon. Wala rin naman siyang magawa kundi pagbutihin ang kanyang trabaho kahit na minsan ay nahahawa na siya sa pagiging bugnutin ni Nathan na ilang beses na ring nagbantang magreresign.
Sa isang karinderia ay umupo siya at kumuha ng basong nilagyan niya ng tubig. Tiningnan niya ang pitakang hindi na lalagpas sa limang daan ang laman. Oo nga pala. Isang linggo ng delayed ang kanilang sweldo, isang bagay na nagpapainit sa ulo ng mga katrabaho niya. Huminga siya nang malalim at inangat ang tingin sa tinderang nakangiti. “Aling Ruth, isang pinakbet nga at kanin.”
Habang kumakain ay nakaramdam siya ng pagyanig. Natabig ang basong puno ng tubig at nabasa ang kanyang pantalon. “Leche naman, o.” Napahawak siya sa mesa habang minamasdan ang ugoy ng bombilyang nakasabit sa kisame at ang paghinto sa pagkain ng ibang naroon. Unti-unti ring humina ang paggalaw ng lupa
“Psst.”
Nilingon niya ang pinanggalingan ng sutsot. Nakita niya ang lolo niya sa tapat ng isang poste. “Lo, kumain ka na ba?”
“Hindi na mahalaga.”
“Hindi, mahalaga ang pagkain. Tingnan niyo lalo kayong pumayat.”
Umiling ang matanda at nagsalita. “Sumanib na ang mga bato sa mga nakatakda!” bulalas nito kay Errol.
“Tapos, lo? O, wala naman. Tahimik ang paligid,” pamimilosopong sagot ni Errol. “Nako, lo, niloloko niyo yata ako.”
“Ang pagyanig ng lupa...”
“Natural lang yun kasi nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas.” Tinitigan lang siya ng matanda.
“Kailangang mahanap natin sila bago tayo maunahan ni Cassandra.”
“Teka, lo, akala ko ba konektado kayo sa mga bato? Bakit kailangan pa hanapin?”
“Sa totoo lang, Errol, maraming bagay na ngayon ko lamang natutuklasan. Maaaring hindi lubos ang ating koneksiyon sa mga bato.”
“Bakit kasi walang user guide yang mga batong yan?”
“Ngunit mararamdaman natin ang enerhiya ng mga ito kapag ginamit ng humawahawak sa mga ito ang kapangyarihan.”
“Sure ka diyan, lo? Nako, diskumpyado na talaga ako sa inyo. Baka niloloko niyo lang ako. Kagaya niyan, di niyo pala talaga alam ang tungkol sa mga bato. Pa’no ngayon yan?”
“Kaya nga kailangan nating magmasid at makiramdam.”
“Nako, lo, hindi niyo ako maasahan diyan. Busy ako sa work. Tingnan niyo nga, o, lagi na akong ginagabi sa pag-uwi. GPS-enabled ba ‘yung mga bato, lo?” Isang hampas sa kanyang batok. “Aray, lo!”
“Hindi ito biruan. Seryosong bagay ito!”
Hinimas ni Errol ang ulo. “Pa’no kita tutulungan eh maski ikaw di mo naman talaga kabisado ang mga hiyas?”
“Naiintindihan ko ang iyong agam-agam. Minsan iniisip ko kung dapat pa ba kitang isali sa gulong ito.” Yumuko si Melchor at umiba ng tingin.
“Lo...”
“Tama ka. Ako man ay maraming di alam tungkol sa alamat ng mga hiyas. Bueno...” Inikutan si Melchor ng mga orbe.
“Lo, sandali!”
“Bakit?” Nalusaw ang mga orbe sa paligid ni Melchor.
“Teka, lo, medyo natatae ako.” Hinimas niya ang sikmura.
Sumimangot si Melchor kasabay ng paglitaw muli ng mga orbeng inikutan siya.
“Sandali, lo!”
“Bakit?”
“Hindi ako sigurado pero parang nakita ko ang... Ang asul na hiyas parang nagliliwanag.”
Sandaling tiningnan ni Melchor ang apo at maya-maya pa ay tumingin ito sa paligid at pumikit.
“Pero baka imagination ko lang.” Nagtaka siya dahil hindi siya pinansin ng matanda noong sandaling iyon na nanatili lang na nakapikit. “Lo?”
Dumilat si Melchor. “Sa tingin ko alam ko na kung nasaan ito. Hawakan mo ang kamay ko.”
“Lo, pwede ba ituloy ko muna ang pagkain ko? Nagugutom pa ako.” Hinawakan ng lolo niya ang kamay niya at wala na siyang nagawa nang makitang umiba na ang paligid niya.
Chapter 22
Mag-isang umuwi si Cindy. Bumuntong-hininga ito habang inaalala ang alitan nila ng nobyo. Naging mas abala kasi ito dahil sa mga dagdag na gawaing iniatas sa kanya ni Mr. Imperial, bagay na hindi naunawaan ni Bryan. Hindi niya mahindian ang matandang lumpo. Masama na ang lagay ng kompanya. Iilan sa mga empleyado ay nagresign na rin dahil sa mga problema. Si Miss Sandy naman ay palaging wala. May mga linggong hindi ito nagrereport.
Nasa gitna ng malalim na pag-iisip si Cindy nang makaramdam ito ng mahinang pagyanig ng lupa. Agad itong napakapit sa malapit na puno. Tumigil din sa pagyanig ang lupa. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang may mapansin siyang dalawang lalaking sumusunod sa kanya. Nilingon niya ang mga ito. Binilisan niya ang paglalakad. Ngunit maya-maya pa ay nasa gilid na niya ang mga ito.
“Sino kayo?” Magkabilang nilingon ni Cindy ang mga ito. “Ano’ng kailangan ninyo?”
“Sorry, miss ganda, napag-utusan lang,” saad ng lalaking nasa kaliwa.
“Wag kang papalag kundi bubutasan ko ang tagiliran mo,” saad ng nasa kanan.
Kinakabahan si Cindy. “Sino nag-utos sa inyo?”
“Tumahimik ka!” pagaralgal na bulalas ng isang lalaki.
Maya-maya pa ay may pumaradang van. Hinila ng dalawang lalaki si Cindy papasok.
Nagpumiglas si Cindy. “Bitiwan niyo ako!” Hinila niya ang mga kamay na hawak ng dalawang lalaki sa magkabilang gilid. Nang ipapasok na siya ng mga ito ay inapak niya ang mga paa sa apakan ng sasakyan at nagpumiglas.
Sinuntok ng isang lalaki si Cindy sa sikmura at nawalan ito ng malay dahil sa sobrang sakit.
Nagising si Cindy sa maliit na kama sa isang bodega. Nagkalat ang mga karton at sirang mwebles sa sulok ng amoy usok at amag na silid na naiilawan ng iisang bombilyang nagbigay ng mapusyaw na maladilaw na liwanag dito. Maliban sa sikmura ay wala namang sumasakit sa kanya. Natatakot ang dalaga. Sa pakiwari niya ay hindi naman siya namolestiya. Tumayo siya mula sa kama, ngunit lumapit ang isa sa tatlong lalaking nakabantay sa kanya.
“Gising na pala si miss byutipul,” saad ng lalaking mukhang manyak kay Cindy. Lumapit ito sa kanya.
Naramdaman ni Cindy ang kamay ng lalaki sa kanyang pisngi. Nanginginig siya sa takot. “Ano’ng gagawin ninyo sa akin?” Nanginginig ang mga labi ng dalaga.
“Wag ka mag-alala. Hindi kita sasaktan. Paliligayahin lang kita,” saad ng lalaki habang ngumunguya ng bubble gum. Nilapit nito ang mukha sa leeg ni Cindy. “Ang bango mo. Nakakalibog. Tinitigasan ako sa’yo.” Ngumisi ito.
---------------------
Ano'ng gagawin ninyo kay Cindy!!!
Ganda-ganda pero sana naman more kilig moment sakanila ni ivan at erick
ReplyDeleteTinapos ko ang Book1 hanggang dito ng isang araw omgg!! Can't wait for next updates. Salamat Author ☺️
ReplyDelete-neal
Tinapos ko ang book 1 hanggang dito ng isang buong araw omg!! worth it :) Cant wait for next updates. Another fav. author 💖
ReplyDeleteWala pa pong update? huhu...
ReplyDelete