Followers

Tuesday, February 16, 2016

Unconditional - Chapter 7

Here is chapter 7!

Comments are appreciated. :)


Happy Reading!

--

Chapter 7

“Anong ginagawa mo dito?” ngiting tanong ni Isaac, na parang wala lang sa kanyang makita ko siya sa ganoong ayos. Ngunit hindi ko gaanong narinig ang kanyang tanong gawang tulala pa rin ako sa ayos niya. Kitang-kita ang magandang hubog ng katawan nito, ang mga butil ng tubig na unti-unting bumababa patungo sa—

“Uy! Kyle, natulala ka na naman! Bakit ka napadaan?” pag-uulit nito. Nakaramdam naman ako ng pamumula sa mukha ko sa kadahilanang natulala na naman ako sa kanya. “Ah eh… ano, ito room ko?” mukhang tangang sagot ko rito. Napakunot naman siya ng panandalian bago tuluyang magliwanag ang mukha. “Ay talaga ba?! Nice! Nice! Yehey! Halika pasok ka!” galak na galak nitong reaksyon bago ako tuluyang anyayahang pumasok sa loob ng kwarto namin.

“Wow, what are the chances, no?” tanong nito habang walang kaarte-arte itong pumarada sa harap ko at nagtuyo ng buhok. “Uy, Kyle! Bakit ang tahimik mo? Hindi ka ba masaya na ako roommate mo?” medyo alangang tanong nito sa akin.

Masaya pero parang aatakihin ata ako sa puso kung araw-araw eh ganito ang makikita ko, sabi ko sa loob-loob ko.

“Hindi, ah. Masaya nga eh at least hindi ko na kailangang mag-adjust,” medyo nahihiya kong sagot dito. Tumango ito at biglang tinanggal ang twalyang nakapulupot sa loob ng baywang niya na siyang dahilan para mapatakip ang mga kamay ko sa mga mata ko.

“Uy!” hindi ko mapigilang reaksyon habang nakapikit at nakatapal ang dalawang kamay ko sa mukha. Hindi ko inaasahang marinig ang paghagikgik niya.

“Hahaha! Grabe ka, naka-shorts naman ako sa loob. Ganoon ba kapangit katawan ko na ayaw mong makita ‘to?” biro niya. At doon ay tuluyan ko na ngang tinanggal ang pagkakatakip ng mga kamay ko at tuluyan ng idinilat ang aking mga mata. Nang makita kong totoo nga ang sinabi niya ay medyo nakahinga naman ako ng maluwag kahit papaano.

Hindi pa rin ba niya gets?!, tanong ko sa sarili ko.

“Mapagbiro ka talaga,” ang tanging nasabi ko na lang. Binigyan lamang ako nito ng isang ngiti bago tuluyang nagsuot ng tshirt na siyang ikinagpasalamat ko.

“Bakit ka nga ba lumipat ng kwarto? Alam ko dito nga ang dorm mo pero alam ko rin na doon ka sa may apatan sa isang kwarto nagsstay,” pagsisimula nito ng usapan. “Uhm, ano… well, kinailangan kasi ni Luke ng kasama sa bahay niya kaya naman nagvolunteer na lang ako kaya hindi ko na rin tinuloy iyong contract ko doon for the sem. Kaibigan naman ni mama si Ate Gina kaya naging madali lang naman ‘yung proseso,” pagsisinungaling ko sa kanya.

Panandalian niya akong tiningnan bago tumango.

“Pero what are the odds, ano? Kaninang umaga pinansin mo pa ‘yung dami ng dala ko. Kung alam ko lang na ikaw pala magiging roommate ko, baka inagahan ko pa paglipat,” ngiting saad niya. Wala rin na naman akong masabi kasunod doon. Hanggang ngayon, I am still trying to wrap my head about the fact that I’ll be sharing a room with my long-time college crush for the next six months! And given how we interacted earlier, kung ganito na ang mangyayari sa amin araw-araw ay malamang nga ay maaga akong atakihin sa puso.

“You don’t seem happy. May problema ka ba? Isa ba ako sa mga problema mo?” mapanuri nitong tanong na agad ko namang pinabulaanan.

“No, wala! Of all people, sa’yo pa ba ako magkakaproblema?” pagkontra ko sa sinabi nito. Napansin ko naman na ang binigay niyang ngiti matapos kong sabihin iyon ay tila peke, na tila ba may mali. Hindi ko na lamang iyon pinansin.

“Wala naman pala, eh! Sorry kasi first time kong magdo-dorm and hindi ko rin kasi alam kung paano ka makasama sa ganitong set-up. Gusto mo bang pag-usapan ang house rules natin?” tanong niya.

“Grabe, hanggang dito pa ba naman may rules? Iba talaga kapag SC president!” pang-aasar ko dito na medyo ikinatuwa ko sa loob-loob ko dahil isa iyong senyales na medyo nagiging komportable na rin ako kahit papaano sa magiging set-up namin.

“Sorry for being considerate!” sarkastikong pabalik niya.

“Pero hindi nga, ano nga? Okay lang naman. Ano bang nasa isip mo na sa tingin mo ay dapat akong paalalahanan?” seryoso kong bawi rito.

“Hmm, basta ayoko lang ‘yung makalat. Mag-ingay ka diyan all you want pero huwag ka lang magkalat. Iyong mga pinagkainan, sa labas mo na lang itapon para hindi tayo langgamin at mangamoy ang kwarto. Iyon lang naman,” ngiting sagot niya. “Oh! Also, kung may ginagawa man akong hindi ka sanay, huwag mo na lang ako pansinin, because I tell you, I can be weird at times…” pag-amin niya.

“Totoo ba? Gaya ng ano?” interesadong tanong ko sa kanya. Medyo may katagalan ko ng kilala itong si Isaac pero ngayon ko pa lamang ito nakausap sa personal na lebel. Kadalasan ay puro org matters lamang o projects ng SC ang mga topics of conversation namin.

“Well, kapag nagrereview ako masalita ako. Maglalakad-lakad ako sa kwarto habang minememorize ‘yung mga inaaral ko. Tapos, mahilig rin ako magpractice ng speeches ko for SC: agendas for GA, council reports, et cetera. Huwag mo na lang ako pansinin kapag ganoon… Ano pa nga ba? Oh, also… I sleep in my underwear so kung medyo naiilang ka or mawe-weirduhan ka, sorry na lang pero it’s non-negotiable,” pagtatapos niya at hindi maiwasang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa laman ng huli niyang sinabi.

Yup, aatakihin ka na nga sa puso, sabi ko sa sarili ko.

“Wala ka bang nakakalimutan?” paninigurado ko dito.

“Huh? Wala na naman. May ayaw ka ba sa mga sinabi ko?” tanong niya, seryoso at curious at the same time.

“I mean about the sleeping thing… Isaac, alam mo naman na ano ako ‘di ba?” paghi-hint ko rito. It took about three seconds bago magliwanag ang mukha niya. “Ah! So that explains kung bakit parang ilang na ilang ka kanina. Pero Kyle, matagal ko na namang alam ‘yan, at hindi naman issue sa akin ‘yan. I’m your friend, and you’re mine as well. Roommates tayo for the next six months and magkakakitaan din tayo one way or another hahaha,” si Isaac.

“But seriously? I don’t see any issue with that, look all you want in fact. I don’t really care. Basta I’ll do my own business. I don’t see the point of this conversation kasi tanggap naman kita, Kyle eh. Hindi naman ako close-minded kaya ouch. Ang sakit-sakit,” pagkukunwari nitong nasaktan. Nakahinga naman ako ng maluwag at lalo pa akong humanga sa laki ng pang-unawa ni Isaac sa akin. Isa talaga siya sa mga taong masasabi mong pwedeng gawing role model mo sa buhay.

“Thanks,” nakangiti kong sagot rito.

“No problem. Ikaw naman? Anything I should be aware of? Any weird habits?” tanong niya.

“Wala naman. Pero medyo aga-agahan mo ang gising mo kasi matagal talaga akong maligo. Sorry na lang pero it’s non-negotiable,” panggagaya ko rito na siyang ikinatawa na lamang niya.

I really am happy na siya ang magiging roommate ko. Isa si Isaac sa mga taong maituturing kong totoo, no matter what others think about him. Mature ito para sa kanyang edad at ang mga sinabi niya kanina ay lalo pang nakapagpatibay kung gaano ito kabait at kung gaano kalaki ang kanyang pang-unawa. Now I know kung bakit ba sobrang threatened ni Ethan sa—

Ethan, Tangina. Hindi ko na naman maiwasang matigilan tuwing maiisip ko ang pangalan niya, ang nangyari sa kanya… lahat-lahat. Miss na miss ko pa rin siya, at kahit kailan, kahit anong gawin kong dasal ay ni minsan ay hindi ito nagparamdam sa akin na siyang lubos na ikinatatampo ko. Gusto ko man lang malaman na kahit sa isang simpleng paraan na okay na siya, na nasa mas mabuting lugar na siya, na masaya na siya, na—

“Okay ka lang ba, Kyle?” seryosong tanong ni Isaac na siyang nakapagpatigil sa pagmumuni-muni ko.

“Ay sorry. Oo naman, may naalala lang ako,” pagdadahilan ko.

“Ah, okay. Sige ayusin ko lang ‘tong mga gamit ko, ha? Pahinga ka muna,” pahayag niya na siyang tinanguan ko na lamang.

--

Wala pang dalawang oras ay sinimulan na nga ni Isaac magpaikot-ikot sa kwarto at magrecite ng kung anu-anong mga terminologies na wala akong ideya kung anuman ang ibig sabihin ng mga iyon. Habang ginagawa niya iyon ay kitang-kita ko sa kanya ang matinding concentration at focus sa kanyang ginagawa. Medyo nakaramdam ako ng kaunting hiya matapos kong makita kung gaano dedicated si Isaac sa kanyang studies. Napaisip ako na kaya ko rin naman gawin ang kanyang mga ginagawa ngunit pinipili ko lamang na hindi.

Matapos niyang mag-aral ay dumiretso naman ito sa pagbabasa ng kanyang mga index cards na naglalaman ng kanyang outline para sa isang event ng council bukas kung saan siya ang magbibigay ng welcome remarks. Binuksan niya ang kanyang cabinet at doon ko nakita ang isang half-body mirror. Doon ay ngumiti ito na miya mo ay talaga ngang maraming tao ang nasa harapan niya roon at nagsimulang magsalita.

“Thank you, Ms. Layug for that wonderful introduction. Good afternoon, everyone! Today, we are gathered here to celebrate the dedication to service of one of, if not, the most instrumental people to the people we are today: our teachers… Fuck, parang may mali,” frustrated niyang sambit sa sarili bago mapailing at i-klaro ang lalamunan.

Makalaon ay nagsimula muling ito.

“Good afternoon, everyone! Today, we will honor our teachers who have become… Shit, masyadong straight to the point,” naiinis nitong puna sa kanyang pangalawang attempt. All the while ay parang nasa sarili lamang niyang mundo ito, ni hindi lamang niya ina-acknowledge na may ibang tao sa kwarto. Kumbaga ay napaka-focused niya sa kanyang mga ginagawa. Kaya naman pala sobrang galing nito magdeliver ng mga speeches niya—may pagkaperfectionist pala talaga ito.

“Good afternoon, everyone! It is an honor for me to welcome everyone of you to this very special event. I have no doubt that all of us had been touched by our teachers at least once in our lives… Wait, parang sexual harassment naman. Ugh, tangina!” sita nito sa sarili. At noong makita ko na kung gaano ito ka-frustrated ay nagpasya na akong tulungan ito.

“Isaac?” maingat kong tawag rito. Agad naman siyang napabalikwas sa akin.

“Yes? Masyado na ba akong maingay? Sorry, ha. Pero winarningan naman kita…” paghingi nito ng pasensya na agad ko namang pinabulaanan.

“No, hindi iyon. Hmm, hindi naman sa gusto kong makialam and I am not the best sa mga speeches pero pwede ba akong magsuggest? Kanina ko pa napapansin kasi na kanina ka pa frustrated,” pagpapaliwanag ko. Panandaliang napaisip ito at umupo sa kama niya.

“Yes, marami lang talagang gumugulong bagay sa akin lately,” pagsuko niya. “So anong maisu-suggest mo?” tanong nito bago ko pa man siya matanong tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa kanya.

“Kasi, pakiramdam ko lang ha… masyadong pilit? Forced? Parang pilit mong ginagawang pormal kaya ka nahihirapan pero hindi naman talaga kailangan?” sagot ko sa kanya. “Huh? Eh formal event ‘yon, and teachers ‘yung mga paparangalan…” pagrarason nito na siya ko naman agad ikinlaro. “No, ang ibig sabihin ko, huwag ka masyadong magfocus diyan sa outline mo. Masyado ka kasing nagiging dependent diyan, eh kaya kapag nagkakamali ka sobrang naiinis ka. I’ve seen you give talks na I don’t think rehearsed, and in my opinion, mas gusto ko ‘yung delivery mo kapag ganoon ka. Hindi mukhang formal, plastic… I am not saying na plastic ka, but you get my point, right? Mas maganda kasi kung mas natural, personal, mas galing sa puso imbes na rehearsed… Iyon lang naman, at kung hindi mo susundin iyong suggestion ko, I am fine with that. Gusto ko lang naman makatulong,” pagtatapos ko.

Panandalian akong tiningnan nito bago magsalita.

“Sa tingin mo talaga ganoon?” paniniguro nito. Walang bahid ng galit dito, kundi tanging curiosity lamang para sa isasagot ko.

“Yes. You’re a great leader, Isaac. Maraming tao ang tumitingala sa iyo kaya huwag ka masyadong ma-rattle dahil lang sa isang speech. Let yourself out, be comfortable. Masyado ka kasing uptight,” pahayag ko.

“Wow, Kyle. Ni minsan wala pang nagsasabi sa akin ng ganyan. Puro papuri o complements lang lagi natatanggap ko… this is really something. Salamat,” taos-puso nitong pasasalamat na siyang ikinatuwa ko rin. “Buti na lang ikaw roommate ko. Tingin ko ang dami ko pang matututunan sa iyo. Salamat ulit, ha?” ngiting sabi niya sa akin.

“Sus, parang iyon lang,” pagdismiss ko rito.

Ewan ko, pero I felt a certain kind of satisfaction after helping him out. Hindi dahil siguro sa nakatulong ako, pero dahil… nakita ko ang isang side niya na hindi ko pa nakikita noon. Si Isaac na yata ang isa sa mga pinaka-perpektong tao sa mga mata ko. Hindi man siya iyong tipikal na gwapo o boy-next-door, itong ayos niya lagi na mukhang kagalang-kagalang o karespe-respeto ang nagdadala ng appeal niya. Napakalinis at napakabango niya sa mata. Idagdag mo pa ang talino niya, ugali, at dedikasyon sa service.

I never thought I’d see the day na frustrated ito sa isang napakasimpleng bagay—isang speech. Simple, dahil para sa taong katulad niya ay sanay na sanay na ito kaya naman hindi ko akalain kung gaano niya pinepressure ang sarili niya tungkol dito. Kaya na rin ako siguro nakaramdam ng ibang klaseng satisfaction dahil ang isang taong ganoong taas sa paningin ko ay sinabing may natutunan siya sa akin. Hindi ko mapigilang hindi mapangiti dahil sa narinig kong iyon.

“Bukas na iyong event for teachers, no? Sa audi?” pagklaro ko dito. Nang datnan kong muli ito ay nakita kong abala ito sa pagkalikot ng kanyang cellphone.

“Yup,” sagot niya.

“Sige, dadaan ako. Titingnan ko ‘yung magiging speech mo,” sabi ko sa kanya.

“Wow, pressure naman,” alangang sabi niya.

“Sus, just be yourself. Kaya mo ‘yon,” pag-encourage ko sa kanya.

“Thanks!” wala sa loob nitong sabi. Tiningnan ko ito dahil nagtaka ako sa biglang pagkawala ng sigla sa tono ng pananalita niya. Doon ko nakitang nakatapat ang cellphone niya sa tainga niya at tila naghihintay ng sasagot sa kabilang linya.

“Babe,” pambungad niya sa kanyang nobya, at doon ay wala sa sarili ko na lamang tinune-out ang naging usapan nila at imbes ay sinubukan kong gumawa ng tulog.

--

“I bought you guys breakfast,” pambungad sa amin ni Marco nang sumunod na araw. Nagkausap kaming lima na magkikita na lamang muna sa canteen sa loob ng building namin bago magsimula ang unang klase namin. Noong una ay medyo nagulat pa ako sa pagdating niya ngunit nang maalala kong pumayag na akong simulan muli ang aming pagkakaibigan ay ayos na rin naman sa akin. Sadyang naninibago lang ulit siguro ako sa nagbalik niyang presensya sa buhay ko.

Inilatag niya ang kanya-kanyang lalagyan ng hotcakes at mga kape mula sa isang fast food chain. “Pwede bang kainin ‘yan dito?” tanong ni Luke. Medyo napapansin ko rin na medyo naging kampante na rin ito sa presensya ni Marco ngunit hindi pa rin mawawaglit ang pagiging maingat at protective nito sa akin na siyang ikinagpapasalamat ko.

“Wala pa namang tao. I think okay lang naman,” sagot nito kay Luke.

“Ito namang si Luke ang aga-aga meron agad. Thanks, Marco!” ngiting pagpapasalamat ni Janine na siyang ginaya rin ni Benj.

“Jans, samahan mo naman ako mamaya sa audi. Event for teachers,” baling ko kay Janine na siyang busy sa pagtitimpla ng kape nilang dalawa ni Benj. “Sure, beh. Bakit?” tanong niya. “Ah eh… papanoorin ko kasi si Isaac. Nangako akong pupunta,” sagot ko rito. At the mention of his name, biglang nabuhayan ang kanina pang inaantok na gaga.

“Ooh! Anong meron kay crushie?” pang-aasar nito na siyang ikinasisi ko. Bakit ko nga ba sinabi pa ito sa kanya? Alam ko namang aasarin lamang ko ng babaeng ‘to. “Roommates kasi kami,” mahinang sagot ko.

“Tangina! Di nga? Oh my God! Oh my God!” eksaheradang reaksyon nito.

“Lagot ka kay Ethan,” bulong na pang-aasar ni Luke na siya rin namang matigilan nang marealize niya ang nasabi niya. “Sorry,” agad naman nitong pambawi.

“Okay lang,” pagdismiss ko sa kanya.

“Wait lang, beh. So roommates talaga kayo ni Isaac San Andres? As in ‘yung Isaac na SC President? ‘Yung Isaac na matagal mo ng crush? ‘Yung Isaac na palaging pinagseselosan ni E—“ pagdadada niya nang bigla itong matigilan.

“Kain ka na lang, babe. Iyang bibig mo na naman, ayaw magpapigil,” sambit ni Benj matapos pasakan ng pancake ang bibig ng girlfriend niya.

“Sama na kamning lahat. Pakilala mo naman ako sa crush mo,” seryosong banggit ni Marco na siyang dahilan para mapatingin ako sa kinauupuan niya. “Why are you suddenly interested?” hindi ko mapigilang tanong ko rito. “Gusto ko lang malaman kung nagbago ba ang taste mo,” simpleng sagot niya kaya naman hindi ko alam kung nagbibiro ba ito o seryoso siya.

“Last time I checked, gusto mo ‘yung mga lalaking-lalaki, ‘yung boy-next-door… like me,” dagdag pa nito na siyang dahilan para mairapan ko ito. “Wow, ang hangin naman natin. Gwapong-gwapo sa sarili,” balik ko dito na siyang tinawanan na lang niya. “Bakit? Hindi ka na ba naggwapuhan sa akin?” tanong niya na siyang ikinatigil ko.

Hindi ko maiwasang hindi pagmasdan ang mukha niya. Tatlong taon na rin naman ang nakalipas pero hindi pa rin nawawala ang angking kakisigan niya. Ang mapupungay niyang mata, ang maamo niyang mukha, ang maputi niyang kutis na sigurado akong namana niya sa Spanish father niya… those three years have been kind to him dahil kahit kaunti ay hindi nawala ang charm niya at imbes ay nadagdagan pa ito.

“Speechless ka na naman! Uy!” si Marco.

“Ah, ewan ko sa’yo!” asar na pahayag ko na lang sa kanya na siyang sinagot nito sa pamamagitan ng paghagikgik.

--

Matapos ang klase namin ay dumiretso kaming lima sa auditorium sa loob ng college building namin. May mangilan-ngilan na ring mga tao ang nasa loob pero nakahanap pa rin naman kami ng magandang pwesto sa may unahang bahagi ng audi. Sa aisle kong napiling umupo. Katabi ko si Marco na siyang katabi ni Luke na siyang katabi ng dalawang magnobyo.

“Nilalamig ka ba?” mahinang tanong sa akin ni Marco. “Hmm, medyo. Bakit?” tanong ko rito. Kinuha niya ang bag niya at doon ay inilabas ang isang plastic bag at inabot sa akin. “Ano ‘to?” tanong ko sa kanya. “Pasalubong ko sa’yo galing London. Sorry nakalimutan kong ibigay sa’yo kahapon,” paliwanag niya. “Thanks,” pagpapasalamat ko rito bago ko ilabas ang kung anumang bagay ang nasa loob ng plastic bag.

“Nagustuhan mo ba? Alam kong paborito mo ‘yan,” ngiting tanong niya sa akin. For once ay hindi ako makapagsalita. Tinintingnan ko lamang ang The Flash na hoodie na nakalatag sa harap ko.

Tangina.

“Ahh ehh… Marco, salamat dito,” nauutal-utal kong sagot rito.

Napabuntong-hininga ito.

“You don’t like it. You don’t have to lie,” pahayag niya na halatang-halata ang pagkawala ng sigla sa boses niya.

“No, no! It’s just that… tumigil na ako sa pagcollect nito since… uhm, nevermind—“

“Since umalis ako. I get it. Sorry. Heto na naman kasi ako, padalos-dalos, nagmamadali, naga-assume na pagbalik ko rito na parang walang nagbago, na hindi ka nagbago. Okay lang, Kyle,” sabi ni Marco na wala akong maisagot.

Para naman matigil na ang pagtatampo nito ay sinuot ko na lamang ang hoodie na binigay niya na siyang nakapagpangiti rito.

“Happy?” tanong ko.

“Super!” ngiting sagot niya.

“Shhh, magsisimula na,” saway ni Luke rito kaya naman itinuon ko na ang atensyon ko sa may entablado. Isang babae, na narecognize kong estudyante rin ang umakyat sa stage at binati lahat ng nasa audience.

“Good morning, everyone! I am Ria Layug, your host for this afternoon! Before we officially begin, I’d like to request Mr. Isaac San Andres, the hottest and nicest Student Council President of the College of Science, to deliver his welcome address,” panimulang bati niya na siyang sinundan ng isang masigabong palakpakan mula sa audience. Hindi ko rin naman mapigilang hindi mapapalakpak nang magsimulang umakyat si Isaac sa stage at pumunta sa may podium.

“Oh, so you’re into the clean, good boy type,” komento ni Marco nang makita niya ang hitsura ni Isaac na siyang hindi ko na lamang muna pinansin.

Nagbigay ng isang pormal na ngiti si Isaac sa audience bago nagsimulang magsalita.

“Thank you, Ms. Layug for that wonderful yet unconventional introduction. Good afternoon, everyone: students, faculty, and staff. We are gathered here today to honor some of the most special people that have crossed our lives,” panimula niya. Panandalian itong natigilan na tila ba may hinahanap. Nang magtama ang tingin namin ay tila ba nagliwanag ang mga mata nito at muling huminga bago siya magpatuloy. Napansin kong binaligtad niya ang papel na naglalaman ng speech niya at tuluyang tumingin sa crowd.

Imagination ko lang siguro, sabi ko sa sarili ko.

“I remember way back when I was still in Elementary. Grade two siguro ako noon. My parents are not around as much as I want them to be kaya naman I was forced to be independent at an early age. PE day iyon and before going to school I used to ask my lola to tie my shoelaces for me. I always reminded her to tie my shoes really tight so they won’t get loose. I admit it, grade two na ako pero hindi pa rin ako marunong magtali ng sarili kong sapatos. Lame, right?” pahayag niya na siyang nakapagpatawa ng ilang mga tao sa crowd.

“So ayun na nga, natanggal iyong pagkakatali ng sapatos ko. PE time na and my shoelaces were loose. I refused to go out of the classroom. Naiinis ako kasi I won’t be able to play with my classmates, so I cried. I was a kid back then and the only way I knew how to deal with my problems that time was to cry,” panandalian itong natigilan bago nagpatuloy sa pagkkwento.

“I was probably crying so loud because my adviser came into our classroom and asked me what was wrong. I told her that I couldn’t play PE because I can’t tie my shoes to save my own life. Hiyang-hiya ako noon, I thought that she would just laugh or make fun of me, but she did otherwise. Instead of tying my shoes for me, she taught me how to do it step-by-step, in such a way that I would learn it easily and quickly. She then told me that crying won’t solve anything, that sometimes, we need to ask help in order to solve our problems.

“She is just one of the many teachers that have made such a huge impact to me, to us. I know that what we will be doing today to honor them won’t be enough to compensate for all the patience, the sacrifices they have given for us to learn. Aside from the knowledge they shared, it was these valuable lessons about life that make these individuals so special. Parang mga magulang na rin natin sila kasi hindi lang nila ginagawa ang mga trabaho nila pero inaalagaan rin nila tayo. To all teachers, I salute you!” Akala ko tapos na siya sa kanyang speech ngunit hindi ko inaasahang titingnan niya ako.

“Before I end this speech, I would just like to thank one special person. He may not be a teacher by profession, but he has taught me a valuable lesson yesterday, and I am sure that we can also learn from his insights: perfection is immaterial if what you’re doing does not come from the heart. I know that my speech today may be too informal, but these teachers, these very special people deserve something that comes from the heart, which is the exact reason why I did this.

Once again, Happy Teachers’ Day and enjoy the rest of the afternoon!” pagtatapos niya bago magpalakpakan at maghiyawan lahat ng tao sa loob ng auditorium – maliban sa akin.

To say that I was shocked is a big understatement, but I couldn’t help but smile on the little gesture he did for me. Hindi ko akalaing ang isang simpleng advice ko ay magkakaroon ng ganoong kalaking impact kay Isaac. Doon ko rin nakita kung gaano niya pinagpapahalagahan lahat ng bagay na kanyang natututunan na siyang lubusan kong ikinatuwa.

Isang ngiti ang binigay niya sa akin na siya kong sinuklian ng isang thumbs up bago ito tuluyang bumaba ng stage.

--
Naging successful naman ang event ng student council at matapos noon ay lumabas na kaming lahat para umuwi. Nagkausap pa kaming lima kung gusto ba namin kumain na lamang ng dinner ng sabay-sabay na siya namang sinang-ayunan ng lahat. Papalabas na sana kami ng building nang biglang may tumawag sa pangalan ko.

“Kyle!” sigaw ng isang boses mula sa likod ko na siya agad ko namang nakilala.

“Isaac! Ang ganda ng speech mo!” ngiting bati ko sa kanya. Nagulat naman ako nang bigla ako nitong yakapin. Talagang natigilan ako dahil unang beses niya iyong gawin sa akin at talaga namang hindi ko inaasahang mangyayari iyon.

“Grabe, thank you talaga! Sobrang kinakabahan ako, pero noong nakita kita sa audience, I just abandoned my outline and went with my gut gaya ng sabi mo! Maganda naman kinalabasan! Ang daming bumabati sa akin. Thank you talaga!” galak na galak na sabi niya. “Oo na, oo na. Parang simpleng bagay lang, eh,” simpleng balik ko sa kanya dahil speechless pa rin ako gawa ng pagyakap niya sa akin.

“So saan ka na? Uwi ka na ba? Sabay na tayo!” yaya niya sa akin.

“Uhm, magdinner kasi kami. Nga pala, Isaac… kilala mo naman si Luke, Janine at Benj. Heto si Marco, bagong lipat dito. Kababata ko,” pagpapakilala niya.

“Hi! Isaac,” bati niya rito na siyang tinugunan naman ni Marco ng isang ngiti.

“Marco,” simpleng bati niya. Matapos noon ay bumaling muli si Isaac sa akin.

“So I’ll see you later na lang sa dorm?” tanong niya. And for some reason ay naunahan ng bibig ko ang utak ko. “Sabay ka na lang sa’min magdinner,” sambit ko. Hindi ko rin alam kung bakit pero medyo nakonsensya naman ako na magdidinner siya mag-isa. Granted, hindi niya ka-close ang barkada ko ay niyaya ko pa rin ito. I am sure na okay lang naman iyon sa kanila.

“Okay lang ba?” nahihiyang tanong niya.

“Sus, oo naman noh! Gusto rin namin iyon para makilala ka pa namin!” pagsagot ni Janine para sa akin.

“Yes, sama ka. Para naman mas makilala pa namin. Gusto ko rin makilala special people sa buhay ni Kyle,” makahulugang pahayag ni Marco na siyang ikinakunot na lamang ng noo ko.


11 comments:

  1. Yehey first read. Exciting to. Gosh!

    ReplyDelete
  2. I was patiently waiting for this update... Sana nxt update ontime na hehehehe

    ReplyDelete
  3. Thanks sa bilis na update author..........
    First time ko magcomment... you know what basta go lang ng go... here lang me mga silent readers mo.....
    Hehe -JA143- here

    ReplyDelete
  4. Lagi akong excited basahin tong story na to.

    -hardname-

    ReplyDelete
  5. My god ganda talaga ng story na to. Simple pero it makes me feel interested with this story. Update po agad please hehehe keep it up po

    ReplyDelete
  6. Yes magsisimula bagong love story ni kyle pero pano na si Luke Hindi parin aamin sa nararamdaman niyang pagmamahal ky kyle

    ReplyDelete
  7. oh my god ang gwpo ni issac team kylessac aq and team marlu.....

    ReplyDelete
  8. Excited much para sa next update nito! Plz make it quick mr. Author. Hihi.. Thanks.

    ReplyDelete
  9. Paupdate na po soon.

    -Zedd

    ReplyDelete
  10. Kelan nxt update nito? Can't wait for the next chap. na! Hehe..
    - Zedd

    ReplyDelete
  11. salamat sa update, mas gusto kona si isaac para kay kyle, everyday pa magkasama sa dorm, kaya posibleng makagustuhan.

    Bharu

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails