Click here to read Enchanted: Broken (First Book)
Click here to catch Child of the Light on WattPad
Follow me on WattPad. Search for PeterJDC. Thank you!
Chapter 2
Nagising si Ivan na masakit ang katawan, malamang dahil sa matinding workout noong nakaraang gabi. Pagkatapos niyang mag-unat-unat ay binuksan niya ang kanyang tablet at sinilip ang kanyang Facebook. Marami mang notifications ay ang galing sa isang tao lang ang nais niyang makita. Subalit hindi pa rin nirereactivate ng taong ito ang kanyang account. Sandali siyang naghimutok at nilapag din ang tablet sa side table katabi ng isang bagay na noon niya lang nakita. Isang bagay na nagpakunot sa kanyang noo.
Nagtaka siya dahil wala naman siyang naalala na naglagay siya ng ganoong uri ng makinis na bato sa mesa sa gilid ng higaan bago matulog. Ngunit hindi kinain ng pagtatakang iyon ang kanyang mga minuto.
Nadismaya siyang nang malamang lampas sampung oras pala siyang nakatulog matapos tingnan ang kanyang relos. Agad niyang kinuha ang kanyang telepono at nagdial.
“Clark, kamusta diyan?” Hinintay niyang sumagot ang kabila. “Okay, sige. Pupunta ako diyan after lunch.”
Matapos ang maikling pag-uusap nila sa telepono ng katiwala sa tindahan ay naligo na ito at lumabas ng kwarto na nakabihis. Binati naman siya ni Manang Jean. Pagkatapos mananghalian sa bahay ay umalis na si Ivan at dumiretso sa kanyang tindahan. Nang makarating doon ay nag-usap sila ng kanyang assistant na si Clark at pagkatapos ay nagcheck ng supplies ang dalawa. Pagkatapos ay nilista nila ang mga kailangang iorder sa kanilang suppliers, mga pangkaraniwan nilang gawain na inaabot din ng buong araw.
Nagring ang telepono niya. “Georgia, napatawag ka?”
“Namimiss na kita, hon. Pwede ba kita puntahan?” sagot ng nasa kabilang linya.
“Dito pa ako sa store, eh. Medyo busy.”
“Talaga? Pwede ba kita puntahan diyan?”
“Bakit?”
“Miss na nga kita.”
“Di ba magkasama tayo kahapon.”
“Kahapon naman ‘yun.”
“Busy pa kasi ako.”
“Hon, naman eh.” Naglalambing ang boses sa kabilang linya.
“Sige, sige. Give me 30 minutes.” Bumuntong hininga na lang si Ivan.
“Possessive girlfriend, boss?” nakangiting tanong ni Clark kay Ivan.
“Oo, eh. Mahirap talaga maging pogi. Hinahabol habol,” nakangiting saad ni Ivan.
“Naks! Grabe ka, boss. Pang-ilan na ba ‘yan in 2 months?”
“Huy, ‘wag ka maingay. Baka may makarinig, ano na lang isipin. Tsaka pangalawa pa lang.”
“Panglima na yata ‘yan na dinala mo dito, eh.”
Ngumiti na lang si Ivan. “Clark, aalis na ako. Kayo na bahala dito ha.”
“Okay, boss, enjoy your date na lang.”
Pagkapasok ni Ivan sa kotse niya ay nakatanggap siya ng text mula sa babaeng kanina ay kausap sa telepono. Nasa isang parke daw ito.
Habang nasa daan ay malalim na nag-iisip ang binata. Minsan ay napapatingin ito bigla sa katabing seat at napapangiti ngunit napapatingin din sa malayo pagkatapos. Biglang sinapo ng binata ang kanyang noo, bumuntong-hininga, at umiling. Hininto niya ang kotse sa isang parking space malapit sa lugar na pagtatagpuan nila ng babae.
Pagkalabas na pagkalabas niya sa kotse ay agad na may babaeng pumulupot sa kanya at sinibasib siya ng halik. Matingkad ang kulay ng buhok nitong mahaba. Nakaitim na sleeveless ito at maikling shorts at flats. Makapal ang make-up ng babae.
“Sabik na sabik ka sa akin ha,” pilyong saad ni Ivan.
“Oo, hon, sobra. Miss na miss na kita. Bakit hindi ka nagtetext kagabi? Nakakatampo,” saad ng babae na sumimangot ngunit nakapulupot pa ang kamay sa leeg ng binata.
“Busy kasi, eh. So, sa’n tayo?”
“Kahit saan basta kasama ka,” saad ng babae na pinulupot ang kanyang braso sa bisig ng binata.
“Hindi ka masyadong touchy ha,” nakangiting saad ni Ivan.
“Kasi naman, eh.”
“Pabebe ka naman.”
“Hon?” Hinalikan ni Georgia ang binata.
Hindi maintindihan ni Ivan pero naaasiwa siya sa ginagawa ng babaeng hindi niya maintindihan kung girlfriend ba niya o ano. “Di ba two weeks pa lang tayo?”
“Mag girlfriend-boyfriend?”
“Magkakilala?”
“Pareho na rin ‘yun. Bakit?” saad ng dalaga na nagpapacute.
“Di ba masyado naman yatang mabilis?”
“2015 na, hon. Ganon talaga.”
Biglang natahimik si Ivan. Tumatakbo sa isipan nito ang mga ginagawa niya nitong huling dalawang buwan.
“Hon, bakit ang tahimik mo na?”
“Wala. May iniisip lang.”
“Ang future natin?”
Natawa si Ivan.
“Hon, kain tayo ng fish balls.”
“Gutom ka ba?”
“Sige na.”
“Dapat nagdadiet ka na.”
“Bakit?”
“Yang bilbil mo, o.”
“Hon, naman eh. Baby fat yan.”
“Sige na nga.” Habang naglalakad patungo sa nagbebenta ng fish balls ay may napansin si Ivan sa di kalayuan.
Ang pamilyar na taong iyon. Ang pamilyar na galaw ng katawan nito. Ang pamilyar na pilantik ng mga kamay niya. May hawak itong fish balls at matulin na nagparoo’t parito na tila may hinahanap. Kinabahan si Ivan, ngunit napangiti ito. Bigla siyang nakaramdam ng kalabit. Habang kinakabahang nakangiti dahil sa nakita ay napalingon ito sa makulit na kasama.
“Hon, bakit tayo huminto?” tanong ni Georgia.
Hindi sumagot si Ivan. Nang linguning muli ang binatang pamilyar di sinasadyang nagtama ang kanilang mga tingin. Nakita niyang natulala ito. Nakita niyang namumula ang mga mata ng binatang nasa di kalayuan. Nakita niyang napaatras ito at umiba ng tingin at pagkatapos ay mabilis na naglakad papalayo.
Kumakalas si Ivan sa pagkakapulupot ni Georgia, ngunit kinabig siya ng dalaga.
“Teka, sa’n ka pupunta, hon?”
“Teka,” saad ni Ivan na inalis ang kamay ng dalaga.
“Bibili pa tayo ng fish balls!” Hinigpitan ni Georgia ang kapit sa braso ng binata.
“Sandali lang!” Napalakas ang tulak ni Ivan sa babae. Pagkatapos ay tinakbo nito ang daang tinahak ni Errol. Nang lumiko siya ay nakita niya itong tumatakbo papalabas ng parke. Nang makalabas siya ng parke ay lumingon siya sa kaliwa’t kanan at pagkuwa’y napansin niyang nakasakay na ng dyip ang hinahabol.
Hinabol ng kanyang tingin ang sasakyang iyon at ang sakay nito na mabilis nang lumayo. Nakita ni Ivan na umiiyak si Errol habang nakatingin sa kanya. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman. Tila may pinupunit sa loob ng kanyang dibdib habang minamasdan ang tuluyang paglayo ng dyip hanggang sa lumiko ito at mawala sa kanyang paningin.
Matamlay na naglakad pabalik sa kasamang dalaga si Ivan. Nakapamulsa, nakayuko, sumisinghot.
“Hon, umiiyak ka ba?” tanong ng babae.
Umiling si Ivan. “Hindi.”
“Ba’t namumula ang mata mo?”
“Wala ‘to.”
“Sige na, bili na tayo ng fish balls.”
Dahil sa pagkatuliro ay hindi rumirehistro sa kanyang wisyo ang pangungulit ng kasama. Bagkus ang bawat tunog na binibigkas nito ay tila isang malakas na pagkalampag sa kanyang pandinig. “Ang kulit mo!”
“Ba’t ka nagagalit?”
Nabigla si Ivan sa pagtaas ng boses ng babae. “Shut up! Okay! Kanina pa ako naririndi sa iyo!”
“Ha? Ba’t ka sumisigaw!”
“Just shut up!”
“Ano?”
“Aalis na ako!” sigaw ni Ivan.
“Hon, ano’ng nangyayari sa’yo?”
“I don’t like you! Hindi kita gusto!” sigaw ni Ivan.
“Ano? Matapos mo akong ikama, ganyan na lang?”
“Babayaran na lang kita.” Isang malutong na sampal ang natamo ni Ivan matapos sambitin ang linyang iyon.
“Gago ka pala eh!” sigaw ng babae.
Ngumisi si Ivan habang hawak ang nasampal na pisngi. “Bye!” Tumakbo na siya papunta sa kanyang kotse. Narinig niyang hinabol siya ng babae, ngunit di na niya ito nilingon.
Chapter 3
Pinagtitinginan ng mga pasahero ang isang binatang nakaupo sa gilid na ang pantalong suot ay nababasa ng mga patak ng luha. Walang pakialam si Errol na napapansin ng ibang pasahero ang kanyang pag-iyak. Wala siyang pakialam na nakatingin sa kanya ang mga tao. Wala siyang pakialam kung ano ang itsura niya habang umiiyak. Hindi niya kayang itago ang sakit na nararamdaman ngayon. Nangungulila siya sa kalinga ng isang kaibigan. Gusto niyang may makausap. Gusto niyang may mahingahan.
Bumaba siya malapit sa simbahan ng Quiapo. Pinagmasdan niya ang lumang simbahan at humanga sa arkitektura nito. Iilang beses pa lamang siyang nakapasok dito. Hindi yata lalagpas sa limang beses. Lagi niya itong nadadaanan kapag bumibisita siya sa bahay ng dati niyang matalik na kaibigan. Ngayon ay tila tinatawag siya ng simbahan upang sumamba, upang kausapin ang Diyos na sa tingin niya ay ang tanging nilalang na makikinig sa kanya.
Nang pumasok si Errol ay ramdam niya ang payapang atmospera sa loob ng simbahan at dinig niya ang misa ng pari. May mangilan-ngilang nasa loob at nagdadasal. Tahimik siyang naglakad sa gitna ng simbahan hanggang makarating sa gitna at umupo. Habang nagmimisa ang pari ay lumilipad ang kanyang isipan.
Naalala niya ang itsura ni Ivan kanina. Masaya siya kasama ang magandang babaeng iyon. Siya marahil ang dahilan kung bakit hindi na siya pinupuntahan ng dating kaibigan. Siya marahil ang dahilan kng bakit hindi na nagpaparamdam si Ivan sa kanya.
Nakangiti siya habang hinayaang pumatak ang luha mula sa mata nito. Kung masaya si Ivan ay dapat masaya na rin siya para dito. Iyon nga. Dapat maging masaya siya para sa kanya. Kahit papaano naman ay naging mabuti sa kanya ang binata. Ngunit hindi niya maikubli ang sakit. Kahit ilang beses niyang ipagsiksikan sa kanyang utak na wala siyang karapatang masaktan ay hindi pa rin niya mapigilan na maramdaman ang sakit na iyon.
Natapos ang misa at wala sa wisyong naglakad ang binata papalabas ng simbahan. Naisip niyang pumanhik sa Carriedo. Laging masikip at matao ang buong kalyeng ito. Maraming mga tiangge. Maraming mga nagtitinda ng kung anu-ano. Nasa kalagitnaan na ng masikip at mataong kalyeng iyon si Errol nang huminto siya sa tapat ng isang tindahan ng mga damit.
“Aling Sol!” Ngumiti siya sa isang may edad at matabang babae na nag-aayos ng kanyang mga paninda.
“Oy! Errol!” Binungad siya ng isang ale na abala sa pag-aayos ng mga nakasabit na damit. “Naparito ka?”
“Nangangamusta lang po.”
“Ito tumataba. Si Erik ba hinahanap mo?”
“Ay, opo, siya po sana ang pakay ko.”
“Hindi pumarito. Baka nasa bahay. Matagal ka nang hindi dumadalaw sa bahay.” Ngumiti ito sa kanya. “Kamusta ka na?”
“Okay lang po.” Yumuko si Errol habang nagsasabit si Aling Sol ng mga damit sa itaas. “Inaasikaso na po ba ni Erik ang pag-aabroad niya?”
“Ewan ko ba diyan sa batang ‘yan. Urong-sulong.” Tumawa nang payak si Aling Sol. “Pasensiya ka na ha. Medyo busy ngayon kasi Biyernes.”
“Okay lang po.” Tumabi si Errol dahil may pumasok na kostumer na inasikaso ni Aling Sol.
“Nako, anak. Pasensiya ka na hindi kita masyadong maaasikaso pag andito tayo sa tiangge.”
“Okay lang po, Aling Sol. Baka nakakadistorbo po ako.”
“Pasensiya ka na, iho. Puntahan mo na lang si Erik sa bahay.” Ngumiti si Sol kay Errol.
“Sige po. Salamat!”
Nang makarating sa simpleng bahay ng kaibigan ay nadatnan niya ang kapatid nitong nanonood ng tv.
“Hi, Kuya Errol!” bati sa kanya ng dalagita.
“Hi, Rose! Andiyan ba si Kuya Erik mo.”
“Ay, hindi ko po napansin kasi kararating ko lang. Pasukin niyo na lang po sa kwarto.”
“Talaga? Baka tulog.”
“Sige na po. ‘Yon po ang kwarto niya.” Tinuro ni Rose ang kwarto ng kanyang kuya.
“Okay, sige. Salamat.” Tinungo ni Errol ang pintuan ni Erik at kumatok. Walang sumagot. Kaya naman ay pinihit niya ang doorknob nito. Pagkabukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang madilim na kwartong walang tao. Hinanap niya ang switch ng ilaw at pinindot ito.
Makalat ang kwarto ni Erik na amoy tuyong pawis. Nagkalat ang iilang damit at mga lumang sapatos na kung saan saan nakalagay. Nasa isang mesa ang mga gamit niya sa pagtuturo. Sa gilid ng kama ay may mga dumbbells at mga plates na hindi nakakabit. Sa isang sulok ay nakita niya ang boxing gloves. Sa ibabaw ng aparador ay nakapatong ang iilang tropeyong galing sa napanalunan ni Erik sa mga patimpalak sa pagtakbo at karate. Medyo may alikabok ang mga ito.
Dumako ang tingin ni Errol sa itim na sinturon na nakasabit lang sa pako sa dingding. Hindi man lang pina-frame ni Erik ang black belt niya sa karate. Naalala niya kung gaano kasaya si Erik nang matanggap ang sinturong iyon. Inimbita niya si Errol noon na samahan siya sa maliit na handaan. Umuwi din si Errol noon pagkatapos kumain dahil alam niyang mag-iinuman sila ng barkada niya.
Ngayon lang siya nakapasok sa kwarto ng kaibigan. Habang ginagala niya ang tingin ay nakita niya ang makinis na bato na kulay pula sa kama ng binata. Bigla niyang naalala niya ang batong nasa bulsa ni Bryan kaninang tanghali. Maya-maya pa ay nakita niya ang isang garapong puno ng mga makukulay na bato. Malamang doon galing ang pulang bato. Kaya naman agad niya itong kinuha at hinulog sa garapon.
Dumako ang tingin niya sa isang litrato sa tabi ng garapon, isang litratong nagpangiti sa kanya. Hinawakan niya ito at tiningnan nang malapitan. Litrato nila ito ni Erik noong unang taon nila sa kolehiyo. Masaya sila tingnan sa larawang iyon. May mga alaalang bumalik, ngunit pinagkibit-balikat na lang niya ang mga ito.
Dahil wala si Erik ay lumabas na siya ng kwarto. “Rose, wala siya, eh. Sige alis na ako.”
“Baka umalis lang, kuya. Hindi mo ba siya hihintayin?”
“Hindi na. Baka busy siya, maabala ko pa.” Ngumiti si Errol kay Rose. Sa isip niya ay baka magkasama sila ni Shanice.
“Alam ba niya, kuya, na pupunta ka dito? Sandali itetext ko,” saad ni Rose.
“Ay ‘wag na! Aalis na rin ako. Salamat, Rose.”
“Sige po, kuya. Ingat ka.”
Chapter 4
“O, naparito ka?”
“Tita Celia, nandiyan po ba si Errol?”
“Tuloy ka.”
Dinig ni Ivan ang walang tonong boses ni Aling Celia na nakakapanibago. Tumuloy naman siya sa munting tahanang iyon.
“Upo ka,” saad ni Aling Celia. “Gusto mo ba ng maiinom?”
Hindi alam ni Ivan kung tatango o hihindi. Nakita niyang pumunta ito ng refrigerator nila at kumuha ng bote ng soft drinks. Binuksan ito ng ale at inilapag sa tapat niya.
“Wala pa si Errol. Bakit mo siya hinahanap?” seryosong tanong ni Aling Celia.
“Nakita ko kasi siya kanina sa park na mag-isa. Nung lapitan ko tumakbo at sumakay ng dyip. Naisip ko na baka umuwi na siya.”
“Ganon ba?”
Dinig ni Ivan ang malalim na buntong-hininga ng nanay ni Errol. Nahihiya siyang tingnan ito ng diretso. Sa tono ng pananalita ni Aling Celia ay tila galit ito sa kanya.
“Alam mo, nitong mga huling linggo, napapansin kong nag-iba ‘yang anak ko. Laging tulala. Pag umaalis, ginagabi. Minsan umuwi ‘yan ng madaling araw na basa at madungis.”
“Po?” Nagulat si Ivan sa narinig na pag-uwi ni Errol na basa at madumi. “Ano po nangyari sa kanya?”
“Hindi ko alam. Ang sabi niya naaksidente daw siya.”
Hindi alam ni Ivan ang isasagot.
“Alam mo, Ivan. Ayaw ko mapariwara ‘yang anak ko na ‘yan.” Nababasag ang boses ni Aling Celia. “Mahal na mahal ko yan.”
Yumuko si Ivan. Nararamdaman niya ang pag-anghang ng kanyang mga mata.
“Di ba nag-usap tayo noon? Ang sabi ko ‘wag mong paasahin ang anak ko,” saad ni Aling Celia na naluluha. “Masakit sa akin na nakikitang ganyan ang anak ko.”
“Tita, sorry po!” Hinila ni Ivan ang mga kwelyo upang ipahid sa kanyang mga mata.
“Pero hindi naman kita masisisi. Lalaki ka, eh. Siguro kasalanan din ng anak ko kasi alam naman niya sa simula’t simula na...”
Walang naisagot si Ivan. Yumuko lang siya at hiyaang umanghang ang mga mata.
“Alam mo, pagkatapos ninyong magdate noon, masayang masaya ‘yon,” saad ni Celia na napaiba ng tingin at napangiti. “Sabi niya, ‘nay, first time na may date ako sa Valentine’s Day.’ Tuwang tuwa ako para sa kanya noon.” Pinahiran ni Celia ang mga mata. “Kasi kahit papaano ay naranasan din niya ang ganoon. Pero alam mo, sana hindi mo na pinaabot sa doon.”
Tahimik lang na nakikinig si Ivan.
“Sana naging tunay na kaibigan ka na lang. Sana hindi mo na lang siya masyadong pinag-ukulan ng atensiyon.”
“Sorry po, tita. Kaya pumunta ako dito kasi gusto ko siya makita, kamustahin.”
“Sa tingin ko, iho, mas makakabuti kung hindi na kayo magkita. Kilala ko ‘yong anak ko. Kahit nandito ‘yon, hindi ka no’n kakausapin.”
“Tita, pag dumating siya, pakisabi po dumaan ako.”
“Sige na at baka dumating na si Gary.”
“Sige po.”
Matapos ang sandaling pag-uusap nila ng ina ni Errol ay tumigil siya sa bahay ng nakakatandang pinsan.
“Ate Liz, namimiss ko siya,” saad ni Ivan na malungkot ang mukha.
“Yan, yan! Sabi ko na nga ba in love ka sa kanya, eh,” saad ni Liz habang inaayos ang kanyang maluwang na damit pambahay.
“Kanina nakita ko siya sa park habang kasama ko si Georgia.”
“Yung parang timang na ‘yun? Yuck, wala ka bang taste?”
“Ate, kasi...”
“Ete kese...”
“Ate naman.”
“Pang-ilan mo na ‘yun in two months?”
Umiba ng tingin ang binata.
“Look at you, Ivan.” Tumawa si Liz. “What have you been doing to yourself?”
“Bakit, pumangit na ba ako?”
“Hindi naman. But you look unusual.”
“What do you mean?”
“I don’t know if you noticed it, pero parang nawala ‘yung tingkad sa mukha mo.”
“Ate, ano’ng gagawin ko?”
“Hindi ko alam. As if naman susundin mo ang sasabihin ko.”
“Nakokonsensiya ako.”
“Mabuti naman kung gano’n.”
“So, ano naman ang nangyari kanina sa park?”
“Nakita ko siya. Nagkatinginan kami. Tapos tumakbo siya. Hinabol ko.”
“Cinematic.” Ngumisi si Liz. “Tapos?”
“Sumakay siya ng jeep. Hindi ko na nahabol.”
“Akala ko mag-aalala San Chai ka ng Meteor Garden. Dao Ming Ze!” Kunyaring tumatakbo sa pwesto si Liz at pagkatapos ay tumawa.
“Pumunta ako sa bahay nila. Mukhang galit ‘yung mama niya sa akin.”
“Natural. Ikaw ba naman inetchos-etchos mo ‘yung anak niya tapos bigla ka lang mawawala.”
Sinapo ni Ivan ang kanyang mukha. “Ate, ano ba itong ginawa ko?”
“Kausapin mo na lang.”
“Ano’ng sasabihin ko?”
“Sabihin mo na gago ka,” kaswal na saad ni Liz habang binubuksan ang kanyang smartphone.
Napapahimutok si Ivan habang iniisip na naging mas masahol pa siya kay Erik sa ginawa niya kay Errol. Naalala niya noong sabihin niya sa kanya na siya na ang papalit kay Erik at nasa tabi lang siya nito. Ngunit naduwag si Ivan na harapin ang sariling damdamin. “Ate, hindi ko alam ang gagawin ko.”
“Ang sabi ko sa iyo noon, kung hindi mo siya mahal o hindi mo siya kayang mahalin, ‘wag mong paasahin. Hindi ko sinabing layuan mo na lang nang ganon-ganon.”
“Natatakot kasi ako.”
“Sa kanya o sa sarili mo?”
Umiba ng tingin si Ivan.
“So, to cope with your self-denial, you fucked at least 3 girls in two months?”
“Natatakot akong maging bakla, ate.”
Nag-eye roll lang si Liz. “I guess, his best friend felt the same way. You both dated girls para barako pa rin dating niyo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“You’re denying your true feelings.”
Yumuko si Ivan. “Straight ako.”
“Yeah, right. But who cares? The girls you’re getting laid with?”
“Ate, si Errol, naaawa ako sa kanya.”
“It’s too late. Nasaktan mo na siya.”
“What am I going to do?”
“I don’t know. Fixing relationships isn’t my forte. Sumulat ka na lang kay Dr. Margie Holmes.”
“Nalilito ako.”
“The damage has been done, Ivan. Maski ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung ako ang nasa posisyon mo. Alam ba ni Erik that you didn’t keep your end of the agreement?”
Umiling si Ivan. “Nangako ako kay Erik, pero hindi ko nagampanan.”
“Kasi duwag ka. Masyado kang concerned sa pagkalalaki mo. Putang-inang pagiging straight ‘yan.”
“Ate, babae ka ba talaga?”
“Huh?” Umirap si Liz.
“Yung mga lumalabas kasi sa bibig mo minsan... Mas matakaw ka pa minsan sa akin magmura.”
“Ngayon ko lang nalamang may kinalaman pala ang gender sa pagmumura.”
Sandaling katahimikan.
“Ikaw, pa’no pag nainlove ka sa isang babae. Ano gagawin mo?”
“Eh di, kakausapin ko. Magliligawan kami. Kung gusto din niya ako, eh, di kami na. Kung ayaw, eh, di move on.”
“Hindi ka ba matatakot sa sasabihin ng tao?”
“Bakit, ‘yung ibang tao ba gagastos para sa amin?”
“Walang kupas talaga pagkapilosopo mo!”
“I’m just saying. Since when do we really give a shit about what people say? Look at you. How many times had you defied your father’s wishes before he died?”
“Tapos na ‘yun. ‘Wag mo ng ungkatin.”
“My point is, why are you suddenly worried about what other people think? Where’s the carefree guy? Where’s the guy who used to give zero fucks about everything?”
Bumuntong-hininga si Ivan. “Gusto ko siya kausapin.”
“Pa’no?”
“Aabangan ko siya sa bahay nila ngayong gabi.” Kinuha ni Ivan ang kanyang cellphone. Pinatay niya ito at tinanggal ang battery. Tinanggal niya ang sim at pinutol ito.
“What are you doing?” tanong ni Liz na nagtataka.
“Para di na ako makontak nung mga babae.”
“Ilang beses ka na nagpalit ng number ah. Kaya di ka makontak, eh.”
“Last na ‘to.”
Chapter 5
Habang naglalakad ay tumigil si Errol sa tapat ng estatwa ni Arsenio Lacson nakatalikod sa lumang gusali ng isang bangko. Makikinig kaya ang batong iskulturang ito sa kanya kapag kinausap niya ito?
Maraming mga tao ang nagpalakad-lakad sa paligid ng gabing ito. Maya-maya pa ay naisip ni Errol si Manny. Kamusta na kaya siya? Tinawagan niya ito.
“Te!” sigaw ni Manny sa kabilang linya.
“Sir Manny!” Masaya si Errol na lumusot ang kanyang tawag.
“Napatawag ka? Alam ko na.”
“Ano?”
“Di ka na virgin, ‘no?”
“Sira! Sir Manny, namimiss kita.”
“Juice ko, teh. Parang magkapatid na tayo.”
“Baliw. Kailangan ko kasi ng kausap.”
“Ay, nag-eemote ang friend ko? Tungkol na naman ba ‘yan sa lagay ng iyong babasaging puso?”
“Oo, eh.”
“Kamusta si Ivan?”
“Hindi ko alam. Pero kanina...” Nababasag ang boses ni Errol.
“Umiiyak ka ba?”
“Okay lang ako.”
“Lagi ka namang ganyan, Manang Errol, eh. Kesyo okay ka lang kahit durog na durog na ang puso mo. Dapat kasi nilagyan mo ‘yan ng warning na ‘Fragile! Please handle with care.’ Ganern!”
“Nakita ko siya kanina sa park. May kasama siyang magandang babae. Mukhang masaya sila.”
“Ano gusto mo? Sabunutan ko sa bulbol ang babaeng ‘yan?”
Natawa si Errol kahit na umiiyak. “Loko-loko! Pero sana sinabi sa akin ni Ivan na ganon... Hindi naman ako magagalit.”
“Sabi ko kasi sa’yo noon na sunggaban mo na. Pavirgin ka kasi. Ayan, iniwan ka tuloy at naghanap ng kepyas.”
“Manny naman, eh.”
“Ateng, may mga ganung mga lalaki talaga. Hay! Ilang beses na akong naetchos ng mga ganyang keme. Kunyari nagpapasweet. Dalawa lang ‘yan, ineetchos ka lang, pinagtitripan, ganon, o kaya naman pera lang ang habol sa’yo. Since mayaman naman ‘yang Ivan, malamang dun siya sa una.”
Bumuntong-hininga si Errol. Baka nga. Sabagay palabiro naman talaga si Ivan. Noon nga madalas niyang maisip na baka pinagtitripan lang siya nito. Ang mga pang-aakit niya, ang mga pagiging maaalalahanin niya, baka trip niya lang. Baka bored lang siya noong mga panahong iyon. Baka ginawa lang siyang pampalipas-oras habang wala pa siyang nobya. “Sabagay. Siguro tama ka.”
“Pero hayaan mo, te. May makakatagpo ka pa. Hayaan mo na iyang Ivan na ‘yan. Pakasaya siya sa putang kiki na ‘yan.”
“Grabe ‘yang bunganga mo, ha.” Natawa si Errol. “Kakagaling ko lang kina Erik.”
“Ay, binisita si ex?”
“Kailangan ko kasi ng makakausap.”
“Tapos? Nagkausap kayo?”
“Wala siya dun. Malamang kasama si Shanice. Okay na rin siguro na hindi ko siya nakausap. Mas mainam na rin. Ayoko na rin abalahin ‘yun. Oy, wag mo na lang sabihin ito kay Erik, ha.”
“Bakit ayaw mong malaman ni Papa Erik?”
“Narealize ko ngayon na may iba na talaga silang buhay. Ayoko na sila abalahin. Si Erik masaya na siya kasama si Shanice. Basta ‘wag mo na ipapaalam, ha. Lagot ka sa akin pag tsinismis mo.”
“O siya. As you wish, manang Errol. Kawawa ka naman. Dapat ipa-insure mo na ‘yang puso mo, te.”
“Sira! Pwede ba ‘yun?”
“Ewan. Magtanong ka sa Caritas. Nakakainis ka naman. Lungkot-lungkutan ang peg mo. Di ko tuloy makwento na dadalawin ako dito ng jowa kong kano.”
“Talaga?” Kahit papaano ay natuwa rin si Errol para sa kaibigan.
“Oo! Teh, I’m so excited.”
“Buti ka pa.”
“Ay, hayaan mo. Sinabihan ko siya na if may single siyang kaibigan na hot, isama niya.”
“Loko-loko.”
“Para naman meron ka rin.”
“Alam mo naman di ba na pag-in love ako, wala akong naiisip na iba?”
“Arte mo talagang manang ka. Sige pakalunod ka sa love na ‘yan para dun sa Ivan. Umaasa ka pa ba?”
“Hindi na... Oo... Eh, basta!”
“Nakuuuu, naiimbyerna na ako sa mga ganyan mong keme. Baka ikaw ang sabunutan ko sa bulbol pagbalik ko diyan!” sigaw ni Manny sa kabilang linya.
“Nagtrim ako.”
“Ay, ganon?”
“Te, ano’ng gagawin ko?”
“Tawag ka kay Papa Jack.”
“Bwisit ka talaga kausap.” Natawa si Errol.
“Ngayon ka pa. Di ba hindi ka na kinakausap, hindi na tumatawag, hindi na pumupunta sa bahay niyo, hindi na makontak? Nako, ibig sabihin ayaw ka ng makita. Kaya ikaw, teh, please lang, magmove on ka na. Wala kang trophy sa kakaemote mo diyan.”
“Kinakalimutan ko na naman siya kaya lang hindi madali. Tapos kanina nakita ko pa talaga. Hindi naman sinasadya. Sumikip bigla ang dibdib ko.”
“Nako, leche! Sumikip dibdib mo? Dapat pumunta ka sa emergency room.”
“Baliw!”
“Ikaw kasi malalim ka mahulog, ‘no? Eh, noong dumating ‘yang Ivan parang hindi ka pa nga talaga naka move on kay Papa Erik.”
“Pero tama ka. Dapat pilitin ko na ang sarili ko magmove on.”
“Ay nako! Makipagdate ka kasi. Meet new people. Ay, hoy! Nga pala. Bakit wala ka na sa Facebook?”
“Dineactivate ko ang account ko.”
“Nakuuu, ‘yang mga keme mo talagang ganyan. Sige na at nag-iinuman kami ng barkada ko.”
“Barkada talaga? ‘Yung totoo?”
“Okay, sige na, mga boylets ko na.”
“Kaya nauubos ang pera mo.”
“May kwarta padala naman, eh.”
“Manny, magbago ka na.”
“Che! Sige na. Ingat ka diyan.”
“Ikaw ang mag-ingat. Salamat.” Natapos ang kanilang maikling pag-uusap na nakangiti si Errol. Kahit paano ay naibsan ang kanyang nararamdaman.
Nang ibulsa ni Errol ang telepono ay bigla siyang ginulantang ng malakas na dagundong. Bigla siyang napaangat ng tingin sa kalangitan. Matalim ang mga kidlat. May bagyo pa yata.
Biglang lumakas ang hangin at napakapit si Errol sa paa ng estatwa. Halos tangayin si Errol ng malakas na hangin, ngunit kumapit siya ng husto sa paanan ng estatwa ni Arsenio Lacson. Laking hilakbot ng binata nang tamaan ng kidlat ang estatwa at nabasag ito at tumilapon siya sa semento.
Tumigil ang hangin. Ngunit pinalitan ito ng malakas na buhos ng ulan. Agad niyang nakita ang pagragasa ng tubig at pagpanic ng mga taong tumatakbo patungo sa mga katabing gusali upang sumilong. Habang naglalakad si Errol ay mabilis na tumaas ang tubig hanggang sa abot leeg niya na ito.
“Hoy, boy! Boy!”
Naramdaman ni Errol na may tumapik sa kanya habang hinahabol niya ang paghinga. Agad siyang tumingala ng tingin. Limang tao ang nakapaligid sa kanya.
“Okay ka lang?” tanong ng isang may edad na lalaki.
Nagulat si Errol. Ginala niya ang tingin sa paligid. Tuyo ang semento. Nilingon niya ang estatwa. Buo ito. Tumingala siya. Maliwanag ang kalangitan. May naaaninag siyang iilang bituin. Habang mabilis na pinuproseso sa kanyang utak ang kakatwang karanasan ay nawindang siya sa mga tapik at boses sa kanyang paligid.
“Boy, may epilepsy ka ba?” tanong ng isang may edad na babae.
“Okay na ako. Sige, salamat po.” Mabilis na tumayo si Errol at mabilis na umalis sa lugar na iyon. “Pahamak talaga itong walang kwentang powers na ito,” bulong niya sa sarili.
Alas nwebe na nang makarating si Errol sa kalye nila. Hindi maaalis sa isip niya ang kakaibag karanasan sa plaza kanina. Naalala niya ang matanda at ang sinabi nitong isa siyang manghuhula. Nahihiwagaan si Errol, ngunit wala siyang maisip na paliwanag maliban sa nababaliw na siya.
Nang malapit na siya sa bahay nila ay napansin niya ang isang pamilyar na sasakyan. Patuloy siyang naglakad. Akmang bubuksan niya na ang kanilang gate nang may humawak sa balikat niya. Nilingon niya ito at ngumiti. “Naparito ka?” Nakita niya ang seryoso nitong tingin sa kanya. Natigilan si Errol.
“Kamusta na?”
Hindi niya malaman kung gaano katagal niyang tinitigan ang mukhang iyon. “Okay lang ako, Ivan. Ba’t ka naparito?”
“Gusto kita makita.” Nakatitig din si Ivan sa kanya. “Ba’t ka tumakbo kanina?”
“Ah, eh, kasi may nakaligtaan ako kaya nagmamadali akong umalis.”
“Ba’t umiiyak ka sa loob ng jeep?”
Nagtataka si Errol kung bakit masuyo ang boses ni Ivan. Nawala ang masigla nitong kilos. “Ah, baka napuwing lang ako kanina. Oy, bagay kayo nung babae kanina ha.” Pinilit ni Errol na ngumiti at pasiglahin ang boses kahit tila pinupunit ang kanyang dibdib.
“Wala ‘yun. Makulit lang ‘yun.”
“Sige, Ivan. Papasok na ako. Pagod kasi ako.”
“Teka, sa’n ka nanggaling? Bakit ginabi ka?”
“Galing ako kina Erik, pero wala rin siya dun. Naisipan kong mamasyal.”
“Di ba hindi mo naman ugaling umuwi ng ganito kagabi?”
“Kailangan ko din kasi malibang.” Ngumisi nang pilit si Errol.
“Errol,” seryosong saad ni Ivan, “okay ka lang ba?”
“Okay lang ako.” Tumawa nang pilit si Errol. “Ano ka ba? Ang weird mo.” Nagulat si Errol nang bigla siyang yakapin ni Ivan. Napapikit si Errol. Pinipigilan niya ang kanyang emosyon.
“Namiss kita,” mahinang saad ni Ivan.
May kung anong apoy ang nag-alab sa loob ng dibdib ni Errol, ngunit ayaw niyang mapasong muli. Pinigilan niya ang damdamin. Subalit hindi niya napigilan ang kanyang mga luha. Marami siyang katanungan. Gusto niyang magtanong kung bakit biglang hindi nagparamdam ito. Gusto niyang magtanong kung bakit bigla siyang lumamig. Gusto niyang magtanong kung bakit bigla siyang naparito. Ngunit napagtanto ni Errol na tila ay alam na niya ang sagot sa mga tanong. Tinulak ni Errol si Ivan, ngunit hinigpitan nito ang pagyakap sa kanya. “Ah, Ivan, hindi ako makahinga.”
“Hindi mo ba ako namimiss?” Dahan-dahang kinalas ni Ivan ang sarili.
Hindi alam ni Errol ang isasagot. Yumuko na lang siya. Pinahid niya ang kanyang mga pisngi at umangat ng tingin kay Ivan. Nagulat siya nang makita ang namamasang mga mata ng kaharap. Ang mga tingin sa kanya ni Ivan ay tila may pinapahiwatig na hindi niya maintindihan. “Bakit ka naluluha?”
“Ikaw, bakit ka umiiyak?” tanong din ni Ivan sa mababa at masuyo nitong boses.
Pinilit ni Errol na ngumiti habang iniisip ang mga akmang sasabihin. “Bakit bigla ka na lang nawala?”
Suminghot si Ivan. “Andito na ako.”
“Andito ka nga ba?”
Natigilan si Ivan. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Ivan” -- gumagaralgal ang boses ni Errol -- “Sorry.”
“Sorry saan?”
“Bakla lang kasi ako.” Nakita ni Errol na nakatingin lang si Ivan sa kanya. “Hindi ko sinasadya na...” Naramdaman ni Errol na pinisil ni Ivan ang kanyang balikat. “Sige, papasok na ako.”
“Errol...”
“Ivan, okay na. Naiintindihan ko na ang papel ko sa buhay mo. Salamat. ‘Wag kang mag-alala. Hindi na kita aabalahin.” Bubuksan na niya ang gate nang hawakan siya ni Ivan.
“Sandali.”
“Ivan, umuwi ka na.”
“Errol... Sandali lang naman.”
“Ivan, sige na. Baka hanapin ka na nung kasama mo kanina. Ang ganda pa naman nun. Bagay kayo. Good night.” Agad na binuksan ni Errol ang gate, pumasok, at sinarado ito. Doon ay hindi na niya napigilan ang tahimik niyang pag-iyak na ayaw niyang iparinig kahit na kanino.
Habang kinakalma ni Errol ang sarili ay tumunog ang kanyang cellphone.
Salamat sa update. Lalong naging excitinxg cbawat episode. Talke care.
ReplyDeleteAwww. Ang sakit sa puso ng update na ito. Haha. Walang kupas ka Author! Nice update! Update ka na agad ulet. Hahaha. Excited nako sa mga susunod pang kabanata. Isa na lang yung hindi pa narereveal na hahawak ng bato. Si Cindy kaya yun? Well. Aabangan ko na lang. Salamat sa update! :) :)
ReplyDeleteWew. Salamat sa pagupdate sir author :)
ReplyDeleteNung nakita ko yung picture ni lola nidora parang bigla ko nalang naimagine na may tumunog na busina ng truck ng basura hahaha leche!
-jcorpz
Tubig ba yung bato ni Ivan? Kasi parang mas feel ko na Air yung mapunta kay Cindy.
ReplyDeleteHaays, kaabang abang! Nice work as always Sir!
ReplyDeleteHindi ko muna sasagutin ang mga tanong para walang spoiler. Basta, abangan niyo na lang ang mga susunod na kabanata. Pero kung may mga hindi kayo maintindihan, feel free to ask. Add niyo ako sa WattPad (PeterJDC) kung may WattPad account kayo. I hope you're enjoying your weekend.
ReplyDeleteWala pa ba update... huhuu
ReplyDeleteSilent reader. Here. This is my fist comment since I read book 1,, mama #ENCANTADIA pals ang storie nito eh. Hahahaha KUDUS AUTHOR. GOD BLESS
ReplyDelete