Followers

Sunday, February 7, 2016

Enchanted (Book 2): Child of the Light - Chapter 1

Synopsis: Si Errol na ang susunod na tagaingat ng mga hiyas. Subalit paano niya gagampanan ang tungkulin gayong bukod sa kanyang alinlangan sa katotohanan ng mga isinaad ng kanyang lolo ay may pinagdadaanan din siyang problemang personal? Sa paglakas ng pwersa ni Cassandra ay nagbabadya ang isang delubyong kailangang pigilan nina Melchor at Errol sa abot ng kanilang makakaya. May puwang pa ba ang pag-ibig sa malagim na landas na kailangang tahakin ng huli?


















Chapter 1

Huling linggo na ng Abril ay wala pa ring natatanggap si Errol na sagot mula sa mga inaplayan. Nagdesisyon na itong hindi na magrenew ng kontrata sa paaralang pinagtuturuan. Halos mag-iisang buwan na ring walang kataka-takang mga pangyayari. Hindi na rin nakita ni Errol ang matanda. Hindi ito nagpapakita. Iniisip niya kung ano ang nangyari dito. Minsan sumasagi sa isip ang kakatwang pangyayari noong gabing iyon. 

Tuluyan nang naputol ang ugnayan nila ni Ivan. Hindi na ito sumasagot. Dalawang beses ay tinawagan niya ang numero nito para sana mangumusta. Unattended na ang kabilang linya. Nalulungkot man ay tuloy ang buhay para sa binata. Hindi man maintindihan ang naging turing sa kanya ng binatang bumihag sa puso niya noon ay naisip niyang hindi na rin importante na balik-balikan ang maikling tamis na iyon. 

Palakad-lakad si Errol sa kalye bitbit ang kanyang bag. Pawisan na siya dahil sa paghahanap ng trabaho. Sa di kalayuan ay tanaw niya ang mga naglalakihang gusali. Habang nag-aabang ng dyip ay nagring ang telepono nito. Tiningnan niya ang numero. Hindi pamilyar ito. Sinagot niya ang tawag. Binaba ni Errol ang telepono na nakangiti. Pagkatapos ay sumakay ito ng dyip.

Bumaba si Errol sa isang restaurant. Anim na daan na lang ang pera niya. Kinakabahan siya dahil alam niyang sosyal ang lugar. Umupo siya sa isang bakanteng mesa. 

“Sir, ano po’ng order natin?” tanong ng babaeng waiter na nakangiti.

“Ah, eh,” saad ni Errol na pinahid ng panyo ang kanyang pawisang noo. “May hinihintay pa kasi ako, miss.”

“Okay, sir.” Umalis na ang waitress.

Lumipas ang sampung minuto, dalawampung minuto. Wala pa rin ang babaeng katagpo ni Errol. Kanina niya pa napapansin na tinititigan siya ng waitress. 

“Oh! There you are.”

Umangat ng tingin si Errol at nakita ang pamilyar na mukha. “Ate” -- biglang niyang naalala na human resource manager pala ito -- “Ma’am Cindy, hello po.”

“Hi!” masiglang bati nito. “Kanina ka pa ba?”

“Hindi pa naman po.” Nagsinungaling si Errol.

“Kamusta na?” tanong ni Cindy.

“Okay lang po.”

“I saw your resume sa files namin. Hindi ko alam nag-apply ka pala. Bakit hindi mo ako tinext o tinawagan?”

“Nakakahiya po kasi.”

“Ito naman.” Sumenyas si Cindy sa waitress na lumapit kaagad dala ang menu. Tinanong nito si Errol kung ano gusto nito.

“Ah, eh...” Natigilan si Errol dahil ang mamahal ng mga pagkain. Pinagpawisan ang binata habang binabasa ang menu at ang presyo ng karamihan sa mga entries. Bigla niyang naramdaman ang pagtapik sa kanya ni Cindy.

“Don’t worry,” saad ni Cindy. “Ako magbabayad.”

“Nakakahiya naman po.”

“Nope! Ako nag-imbita sa’yo dito. By the way, may makakasama tayo ngayon, ha. Dadating kasi boyfriend ko. Okay lang naman, di ba?”

“Ay, wala pong problema. Okay na okay po.”

“Teka, so wala ka ng job ngayon?”

“Wala na po kasi hindi na po ako magrerenew sa school na pinagturuan ko.”

“Bakit?”

“Gusto ko kasi talaga magtrabaho sa laboratoryo.”

“Right timing ka! Maraming nagresign na empleyado sa laboratory at factories namin. We need new employees. Actually, you’re already hired.”

Nanlaki ang mata ni Errol. “Talaga po?”

Tumango si Cindy. “We need intelligent people like you.”

“Bakit po maraming nagresign?”

“Hay, alam mo na. ‘Yung iba gustong mag-abroad para kumita ng mas malaki. Hindi ka naman aalis kaagad, di ba?”

“Hindi po. Maraming salamat po!” Tuwang tuwa si Errol sa narinig. “Wala na po bang interview?”

“Ako ang HR manager. Nako, kita ko naman ang records mo. Pwede ka na mag-umpisa bukas. Ay, Sabado nga pala bukas. How about Monday?”

“Okay po. Marami pong salamat!” Sa wakas matutupad na rin ang pangarap niya na makapagtrabaho sa laboratoryo. Matutuwa ang mga magulang niya. 

“So, bale. Sa Lunes puntahan mo ako sa opisina. Alam mo na naman ang address ng building. Hanapin mo ang Hedgeworth Pharmaceuticals office. Then look for me, Cindy Gatchalian.”

Tumango si Errol. Maya-maya pa nakita niya ang isang pamilyar na lalaki na tinungo ang kanilang mesa. Humalik ito kay Cindy.

“Hi babe!” saad ng lalaki.

“Babe,” saad ni Cindy dito, “do you remember Errol?”

Nakita ni Errol na ngumiti ang lalaki sa kanya. Bahagya siyang ngumiti dito. 

Hinila ni Bryan ang upuan upang umupo dito nang -- “Aray!” Bigla itong napadukot sa bulsa niya. Isang bato. “Tangina, may nagtitrip talaga sa’kin!”

Natawa naman sina Errol at Cindy habang nilalapag ni Bryan ang bato sa mesa. Kulay kayumanggi ang bato na makintab. 

“Baka may nagsuksok sa bulsa mo na di mo napapansin, babe,” saad ni Cindy dito.

“Di ko alam, eh. Wala naman ‘to kanina sa sasakyan.”

“Ows, baka kung saan-saan ka na naman nagsususuot.”

“Babe, good boy na to-its!” Humalik nang mabilis si Bryan sa pisngi ng nobya at binaling ang tingin kay Errol. “Kamusta na kayo nung ka-date mo nung Valentine’s?” diretsong tanong ni Bryan.

“Oo, kamusta na kayo?” singit din ni Cindy.

Natigilan si Errol. Hindi niya inaasahan na tatanungin siya ng ganoon. “Busy po siya, eh.” Hindi mapigilan ni Errol na maramdaman ang kirot sa dibdib.

“Okay ka lang ba?” 

“Ha? Ah, eh, okay lang naman ako.”

“Parang nalungkot ka bigla, eh,” nakangising saad ni Bryan. “Namimiss mo siya, ‘no?”

Pinilit ni Errol na matawa. “Hindi naman.”

“Are you all right?”

Biglang nakaramdam si Errol ng tila pagbara ng kanyang lalamunan. Sumisikip ang kanyang lalamunan na tila hindi siya makapagsalita. Maanghang din ang pakiramdam niya sa kanyang mga mata. Maya-maya pa ay naramdaman niya na niyugyog ni Cindy ang balikat. 

“It’s okay,” malumanay na saad ni Cindy.

Pinilit ni Errol na tumawa. “Kasi hindi na siya nagpaparamdam.”

“Bakit?” tanong ni Cindy.

“Hindi ko alam, ma’am.”

“You can call me ate pag wala tayo sa office.” Bumalik si Cindy sa pagkakaupo. “Ano ba’ng nangyari? Nag-away ba kayo?”

“Hindi ko alam. Bigla na lang kasing parang hindi na siya nagpaparamdam.”

“Gusto mo bugbugin ko ‘yun?” singit ni Bryan.

“Huy” -- hinampas ni Cindy ang nobyo -- “tumigil ka nga.”

“Teka, bakit ba emotional ka? Are you...” Di matapos si Cindy ang sasabihin.

Yumuko si Errol. Di niya alam kung paano sasagutin ang tanong.

“Mahal mo ba siya?” mahinahong tanong ni Cindy.

Sandaling hindi umimik si Errol. Pagkatapos ng ilang segundo ay tumango ito. Oo nga. Bakit pa ba niya ikakaila? Mahal niya si Ivan. Hindi naman siya magkakaganito kung wala lang ito sa kanya.

“Bro, ayaw mo ba sa girls? Sayang ka,” saad ni Bryan. Bigla itong napaaray at lumingon kay Cindy. “Babe, ba’t mo’ko kinurot?”

Pinandilatan naman ng babae ang nobyo. “Nagtatanong pa ng ganyan, eh,” mahina niyang saad.

Napangiti na lang si Errol sa magkasintahan.

“Kelan siya tumigil sa pagpaparamdam?” tanong ni Cindy.

Nakita ni Errol ang pag-aalala sa mukha ng bagong kaibigan at boss na rin. “Mahigit isang buwan na rin.”

“Di ba parang sweet kayo nun?” tanong ni Bryan.

“Di ko alam. Baka napagtripan niya lang ako. Baka bored lang siya noon kaya ako ‘yung kinukulit niya.” Hindi namalayan ni Errol ang pagtulo ng luha. Bakit nga ba talaga bigla na lang nawala si Ivan? May nagawa ba siya. Walang maalala ang binata na nagawang hindi kanais-nais kay Ivan.

Kumuha ng tissue si Cindy mula sa kanyang bag at iniabot kay Errol. “Here.”

Tinanggap ni Errol ang tissue at pinahid ito sa mga mata. “Nakakahiya. Nagdrama pa ako dito.”

“Okay lang ‘yan, bro. Sus, wala ‘yan sa drama namin ni Cindy two months ago,” natatawang saad ni Bryan. “Aray! Babe!” Hinihimas ni Bryan ang tagiliran habang pinandidilatan siya ng nobya nito

“Alam ko naman na straight siya. Kahit na naglalambing siya dati, alam ko ‘yung papel ko sa buhay niya.” Pinupunasan ni Errol ang mga mata. “Okay lang naman kung magka-girlfriend siya. Alam ko naman na dadating din siya dun. Pero sana hindi man lang siya biglang naglaho.”

“Gago pala ‘yang Ivan na ‘yan. Gusto mo, bro, upakan ko ‘yan? Pag nakita ko ‘yan ... Araaaaay! Babe naman, eh!”

Natatawa si Errol habang pinupunasan ang mga pisngi. 

“Hayaan mo na ‘yun. Ganun talaga ang buhay. May mga umaalis, pero hayaan mo, may darating din,” saad ni Cindy.

“Yaan mo, bro. Lalasingin ko ‘yung kaibigan ko at irereto ko sa’yo,” saad ni Bryan na biglang lumingon kay Cindy at hinawakan ang mga daliri nito. “Oops! Akala mo, babe, di kita mahuhuli this time ha.”

Kahit papano ay napapawi ang lungkot na nararamdaman niya dahil sa galak ng mga kaharap. Hindi niya inakala na ang lalaking nambastos sa kanya noon ay magiging karamay niya kahit paano sa oras na ito. May mga bago na siyang kaibigan. 

Biglang niyang naalala si Manny, ang masayahing iyon. Pagkatapos ng semestre ay umuwi ito ng kanilang probinsiya. Madalang na din itong magtext. Babalik daw siya sa susunod na semestre. Ngunit dahil mag-iiba na ng propesyon si Errol ay hindi na sila magkikita. Namimiss ni Errol ang pagkamasayahin nito.

Pagkatapos kumain nina Errol ay umalis na sila. Hinatid ni Bryan si Cindy sa tapat ng mataas na gusaling iyon. Bago bumaba si Cindy ng sasakyan ay sinabihan nito si Errol na doon sa gusaling iyon siya pupunta sa darating na lunes. Nang makababa si Cindy ay nag-usap sina Bryan at Errol, ngunit matipid ang mga sagot ng huli bunga ng pagkamahiyain nito. 

Walang maintindihan si Errol sa mga pinagsasasabi ni Bryan na kinukwento ang mga hilig nito. Nakikinig na lang si Errol at tumatango. Sumasagi sa isipan niya ang noo’y paghatid-sundo sa kanya ni Ivan at ang kakulitan nito. Napakaikli lang talaga ng binigay sa kanilang oras ng pagkakataon. Halos isang buwan lang sila naging magkaibigan ni Ivan. Pagkatapos ay tila tinuldukan na ito ng tadhana. 

Binaba ni Bryan si Errol sa isang malaking mall. Nagpasalamat si Errol sa bagong kaibigan. Naglakad-lakad si Errol sa mall. Wala naman talaga siyang bibilhin, ngunit naisip niyang magliwaliw na muna habang hindi pa siya abala sa magiging trabaho niya. 

Napaupo siya sa isang bakanteng upuan. Sa kabilang upuan ay kita niya ang dalawang lalaking nakaupo. Ang isang lalaki ay matipuno. Ang isa ay mas payat ng kaunti. Sa tingin niya ay may seryoso silang pinag-uusapan, ngunit may kakaiba sa turingan nila. Masyadong malapit ang kanilang mga katawan sa isa’t-isa. Maya-maya pa ay hinawakan ng matipunong lalaki ang kamay ng isa at nakapikit na hinalikan nito ang kasama. 

Natulala si Errol sa nakita habang unti-unting umusbong ang inggit na naramdaman. Kailan kaya niya mararanasan ang mahalikan? Mabuti pa sila, hindi sila nahihiyang ihayag ang kanilang damdamin. Nakita niyang tumayo ang dalawa at magkahawak-kamay na umalis sa lugar. Nakangiti si Errol na sinundan ng tingin ang mga iyon habang siya’y naiwang bumubuntong-hininga. 

Sumagi sa isip ni Errol si Erik. Noong nasa kolehiyo pa sila ay inasam niya na sana pwede maging sila. Minsan ay nagpapantasya siya na hinahalikan siya ni Erik, na naglalakad sila sa koridors ng paaralan na magkahawak-kamay, na lumalabas silang magkasama. Ngunit ang lahat ng iyon ay nanatili sa imahinasyon ni Errol kung saan malaya niyang nagagawa ang mga nais. Bukod sa pamamasyal nila noon na parang magbarkada, hindi na lumalim pa ang kanilang pagkakaibigan. Napangiti si Errol habang naaalala ang noo’y matalik na kaibigan na nitong huling dalawang buwan ay hindi na nagpapakita o nagpaparamdam sa kanya. 

Sumagi rin sa isip ni Errol si Ivan, ang lalaking inakala niyang tatangayin siya sa kabiguang dulot ng kanyang naunsyaming pag-ibig para kay Erik. Ngunit gaya ni Erik ay nawala rin si Ivan. Ang hindi lang maintindihan ng binata ay kumbakit wala man lang siyang narinig dito. Naiintindihan niya kahit papano si Erik dahil naipaliwanag niya dito na nais niyang lumayo sa kanila ni Shanice, at sa tingin ni Errol ay kusa na ngang lumayo si Erik para hindi na siya mahirapan. Ngunit ang paglayo ni Ivan ay hindi niya maintindihan. Bawat gabi ay iniisip ni Errol kung ano ang nagawa niya at biglang lumamig ito sa kanya? Ni minsan ay hindi naman niya ito binastos o pinagsamantalahan.

Dahil gustong libangin ni Errol ang sarili ay napagpasyahan nitong manood ng sine. Ngunit dahil lumilipad ang kanyang diwa ay natapos ang pelikula na wala siyang naintindihan. Lumabas siya ng mall na tila wala sa sarili at sumakay ng dyip at tumigil sa isang parke. Umupo siya sa isang upuan at tiningnan ang mga taong dumadaan. Mababa na ang araw. 

Dinama niya ang preskong hangin na tumatama sa kanyang balat. Nang maging komportable ay kinuha niya ang binabasang nobela mula sa kanyang bag at sa lilim ng puno ito’y kanyang binuklat. Sa gitna ng pag-iisa at kalungkutan ay tanging mga nobelang binabasa na lamang ang nagbibigay kulay sa makulimlim na buhay ng binatang sawi.

“Kamusta ka na, apo?”

Napalingon si Errol sa pinanggalingan ng boses. Nakaupo sa tabi niya ang matanda. Di niya napansin kung saan ito nanggaling. “Manong! Lo?”

Nakatingin sa malayo ang matanda. “Hanggang ngayon ba nagdududa ka pa rin na ako ang iyong lolo?”

“Lo, kasi hindi naman talaga kita nakita kahit noong bata pa ako. Malay ko ba kung impostor o con artist ka lang.” Sinarado ni Errol ang binabasang libro.

“Kung sabagay. Pero hindi na rin importante malamang kung naniniwala kang ako ang iyong lolo o hindi. May mga mas mahahalagang bagay.” Namamaos pa rin ang boses ng matanda.

“Tuturuan niyo na ako ng magic tricks?” nakangiting tanong ni Errol.

“Hindi natuturo ang mga talentong iyon.” 

“Ang damot niyo naman.” Ngunit biglang naramdaman ni Errol ang pagbatok ng matanda sa kanya.

“Wag mong pagsalitaan ang lolo ng ganyan!”

“Sorry po, lo.”

“Bakit malungkot ka?”

“Ako?” Umirap si Errol.

“Malungkot ka, apo. Nakikita ko sa iyong mga mata.”

“Hindi niyo na po kailangan malaman.”

“Nagiging malungkot ang mga tao dahil hindi nila ginagamit ang kanilang puso.”

“Wow, lolo. Love guru ka pala ha. Pero kaya nga ako malungkot kasi ginamit ko ang puso ko, eh.”

“Hayaan mo. Sasaya ka rin. Ang buhay naman ay parang gulong. Hindi lahat ng oras masaya, ngunit hindi rin lahat ng oras malungkot.”

“Ilang beses ko na yan narinig, lo. Wala bang bagong sayings?”

“Dapat ka ng magsanay, apo.”

“Magsanay saan, lo? Tuturuan mo na ako ng magic tricks?”

“Ikaw ang susunod na tagaingat. Kapag nawala ako, ikaw na ang magiging tagapagbantay sa mga hiyas.”

“Di ba nalusaw na ang mga bato, parang nag-evaporate na? Pa’no ko pa babantayan ang mga ‘yun?”

“Sasanib na ang mga bato sa mga nakatakdang humawak sa kapangyarihan ng mga ito. Gayunpaman ako at ikaw pa rin ang pakikinggan ng esensiya ng mga ito.”

“Ano ba ‘yang sinasabi ninyo? Hindi ko maintindihan.”

“Maiintindihan mo rin ang lahat sa takdang panahon, at ang takdang panahon ay malapit na.”

“Lo, baka sa’n niyo na naman ako dalhin ha. Alam niyo muntik na akong mapahamak nung nakaraan, tapos hiyang-hiya akong sumakay ng dyip pauwi sa amin! Buti na lang wala ng tao dun sa plaza. Tapos pinagalitan pa ako ni nanay. Pa’no naman kasi, ang dumi-dumi ko pagkauwi ko. Akala niya napariwara na ako. Akala niya nayurakan na ang puri kong kapuri-puri.” Natawa siya nang malakas sa mga nasabi, ngunit parang hindi siya pinansin ng kanyang lolo na tumayo lang at humakbang paroon. 

“Errol, apo...” 

“Ano, lo?”

“Galing tayo sa angkan ng mga salamangkero. Ang ilan sa atin ay nakatadhanang bantayan ang apat na hiyas ng mga elemento.”

“Lo, nalipasan ba kayo ng gutom?”

“At ikaw ang susunod na tagaingat. Kinilala ka na ng mga hiyas.”

Walang maintindihan si Errol sa mga narinig. “Lo, adik ba kayo dati?”

“Tayong mga tagaingat ay may taglay na kakayahang kontrolin ang liwanag.” Binuksan ni Melchor ang palad at umusbong ang munting liwanag. 

“Lo, ituro mo sa akin ang trick na ‘yan!” 

Hindi pinansin ni Melchor ang kanyang mga sinasabi. “Kaya rin nating bumigkas ng mga orasyon.”

“Yung rhyming? Lo, wala po akong ganyang ability. Kulelat ako sa balagtasan,” saad ni Errol na kinukumpas-kumpas ang kamay ngunit walang ilaw na lumalabas. “Lolo, ha. Niloloko niyo ako.”

“Lalabas lang ang mga kakayahan mo bilang tagaingat kapag nawala na ako. At malapit na dumating ang araw na iyon, apo.”

“Lo, gaya-gaya ka sa pagiging emo ko ngayon ha.”

“Ngunit bilang mga kabilang sa angkan ng mga hukluban, may mga taglay tayong kakayahan maliban sa mga kakayahang taglay natin bilang mga tagaingat.”

“Lo, wala talaga akong naiintindihan sa mga sinasabi ninyo.” Napakamot si Errol sa ulo.

“Kagaya ko. Kaya kong magpalipat-lipat ng lugar sa isang iglap. Kaya ko ring gumawa ng mga ilusyon. Malamang iba ang iyong mga taglay na kakayahan. Wala ka pa bang mga kakaibang karanasan?”

“Natanong niyo na ‘yan, lo, noon. Maliban sa pagiging brokenhearted, wala pa naman akong kakaibang karanasan.

“Noong nasa gubat tayo, sinabi mong nakita mo na ang lugar na iyon at nakita mo na rin ang kubo. Sinabi mong napanaginipan mo ang mga ito.” 

Natigilan si Errol. Oo nga. “So, ano’ng ibig sabihin nun?”

“Maaaring gaya ng kapatid ko, ikaw ay isa ring tagakita.”

“Ano, lo? Kapatid ninyo?”

Tumango si Melchor.

“Bakit walang nababanggit si nanay na may kapatid pala kayo, lo?”

“Dahil hindi naman niya nakita si Magda --”

“May lola pa pala ako.”

“Maagang humiwalay sa amin itong kapatid ko at namuhay kasama ang kanyang katipan.”

“Ah, okay.” Mukhang hindi rin interesado si Errol sa kwento. “Ano nga pala yung, ano yun, taga...?”

“Tagakita. Isa kang manghuhula.”

“Ngee!” Natawa si Errol.

“Lo, hindi ko pangarap maging Madam Auring.”

“Errol, may kailangan ka pang malaman.” Lumingon ang matanda sa apo.

“Yes, lolo, I’m listening.”

“Sa lalong madaling panahon ay lisanin mo na ang iyong tahanan.”

“Ho?” 

“Magiging mahirap ang mga susunod na buwan. Magiging mapanganib. Maaaring mailagay mo sa panganib ang pamilya mo kapag nanatili ka sa tahanan ninyo.”

“Bakit? Ano ba kasi ginawa niyo, lo? Isoli niyo na lang yung mga bato dun sa mga lalaki.”

Bumalik sa pagkakaupo si Melchor at lumingon kay Errol. “Marahil mahirap para sa iyo na intindihin ang mga bagay-bagay. Pero sa pagdaan ng panahon ay maiintindihan mo rin ang lahat.”

“Lo, kumain na ba kayo? Baka gutom lang ‘yan. Baka kung san niyo na naman ako dalhin. Ipapahamak niyo na naman ako, eh! Teka, ibibili ko kayo ng fish balls. T’saka, lo, gusto niyo punta kayo sa bahay para makaligo naman kayo at makabihis?” Ngumiti lang sa kanya ang matanda. Hindi na niya ito nginitian at tinungo na ang nagbebenta ng fish balls sa di kalayuan at bumili ng limang sticks. 

Nang bumalik siya sa kanilang inupuan ng matanda ay wala na ito. “Lo! Lo, nasaan kayo?” Hinanap ni Errol ang matanda ngunit nawala na ito. “Pa’no na ‘to? Sinong uubos ng fish balls?”

Habang naglalakad-lakad si Errol na hawak ang fish balls ay di sinasadyang may nakita siyang pamilyar na mukha na masayang naglalakad kasama ang isang magandang binibini. Walang anu-ano’y biglang napalingon sa direksiyon niya ang tinitingnan. Natulala si Errol. Biglang sumikip ang kanyang dibdib at ang kanyang lalamunan. At dahil ayaw niyang sakluban siya ng matinding emosyon sa pook na iyon ay agad siyang naglakad papalayo. Binilisan niya ang kanyang mga hakbang. Nang makakita ng basurahan ay tinapon niya doon ang fish balls. 

Agad siyang sumakay ng dyip pagkalabas na pagkalabas niya ng parke. Habang umaandar ang dyip ay nakita niyang tumatakbo ang taong iyon papalabas ng parke. Lumingon-lingon ito hanggang sa magtama ulit ang kanilang mga tingin. Tumatangis si Errol habang nakikita niyang papaliit ang anyo ng taong iyon habang pabilis nang pabilis ang pag-andar ng dyip na sinasakyan.


itutuloy

4 comments:

  1. So kay Bryan ang earth? Ang ganda talaga ng story mo idol. XD

    ReplyDelete
  2. Sabi na nga ba eh... isa si bryan sa apat... hehe. Ngayon ko lang nabasa ng buo yung book1... pero excited na ko sa kasunod na chapter

    Isa pa sa hula ko is si Marie or si Cindy. Tapos si Manny or si Shan.

    ReplyDelete
  3. Medyo bitin but thanks sa update. Take care. God Bless.

    ReplyDelete
  4. Naabutan ko rin! Thanks po sa nakapa gandang story!

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails