Followers

Sunday, April 2, 2017

Loving You... Again Chapter 52 - Playground





  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin! Also kuya Peter!

Hi guys. Heto na po ang Chapter 52 gaya ng pinangako ko. Bukas ay Chapter 53, ang pre-emptive Battle of the Bands!










Chapter 52:
Playground













































Larson’s POV



          12 years ago…


          Sa parke na palagi naming pinupuntahan tuwing hapon, mag-isa lang si Ren na naglalaro, o naglalaro nga ba. Malungkot siya ngayon dahil wala siyang kalaro. Marami namang bata ang naglalaro sa palaruan, pero ni isa sa kanila ay hindi niya trip makipaglaro. Iyung mga kaibigan niya na si Allan, Keifer, at Harry ay wala ngayon. Si Allan kasi, tinamaan ng dengue. Kaya hayun! Nasa ospital kasama ang kaniyang Mama. Ako sana ang mag-volunteer na samahan si Allan sa ospital, pero hindi pumayag si Mama. Gusto niya na maiwan ako para sa business nila.



          Ehh, bakit nga pala ako nasa parke kung iniwan ako ni Mama para sa business niya? Ang sagot ay si Lars. Hinamon ko kasi siya na mahahalata siya ng mga katrabaho ko kapag nakipagpalit siya sa akin ng kahit isang araw. Tinanggap naman niya ang hamon ko. Kaya binigyan ko siya ng ilang impormasyon tungkol sa mga katrabaho ko, kung ano ang mga ginagawa namin, kung ano ang relasyon namin, ganito, ganyan, kaya nandito ako sa parke kasama si Ren. Kumusta na kaya si Lars? Nahalata na kaya siya ng mga katrabaho ko? Ang alam ko, nakita na siya ng mga katrabaho ko. Nagagaya kaya niya ang mga matatapang na tingin ko kapag kaharap ko ang mga katrabaho ko? Ang magaspang na pagsasalita ko kaya, kuhang-kuha kaya niya?



          Balik naman tayo kay Ren, ewan ko kung bakit hindi pumunta sila Keifer at Harry ngayon. Na-dengue kaya sila? Ahh, update. Malayo na sa hukay si Allan. Kailangan na muna nilang mag-stay sa ospital ng mga isang buong araw para obserbahan pa siya ng mga doktor doon, at pwede na siyang i-discharge.



          Tumayo na ako at lumapit kay Ren na nakaupo sa swing.



          “B-Bakit wala sila ngayon?” nakangusong tanong ni Ren. May luha pang tumakas sa isa sa mga mata niya.



          “Oh! Huwag kang malungkot.” Agad na pinunasan ko ang luha niya. “Baka busy lang sila ngayon kaya hindi sila nakapunta.”



          “Pero bakit naman lagi silang busy? Gusto ko silang makalaro.” Spoiled.



          “Kung kalaro lang ang hanap mo, bakit hindi iyung mga batang iyun?” Tinuro ko ang mga batang naglalaro. “Pwede ka naman makipaglaro sa kanila.”



          “Iyan kaya iyung mga bata na umaway sa akin noong isang araw. Ayoko silang kalaro.” Ooops! Nakalimutan siguro ni Lars na sabihin ang maliit na detalyeng iyun. Pero hindi naman malalaman ni Ren na ako si Kuya Larson niya.



          “Ako,” pagprisinta ko. “Tara, laro tayo. Ano ba ang gusto mong laro?”



          “Ayoko sa iyo Kuya. Malaki ka na ehh. Gusto kong kalaro ay sila Allan, Keifer, at Harry lang,” iling niya. Tunog spoiled pa.



          Hay! Bakit ba kasi doon sa tatlong bata lang gustong makipaglaro si Ren? Noong bata pa ako, kalaro ko lahat. Tapos kapag kasama ko si Lars, at ang laro namin ay tagu-taguan, kami iyung palaging hindi natataya dahil kapag nahuhuli si Lars, magkukunyari siya na si Larson. At kapag ako naman ang nahuli, magkukunyari ako na si Lars.



          Pinatunog ko ang aking dila. “Ren, huwag kang magsalita ng ganyan. Alam mo, hindi lang naman sa iyo umiikot ang mundo nila. May mga sariling buhay din ang mga taong iyun. Tsaka, isang araw, dalawang araw, marami na atang araw na nagdaan na hindi mo sila nakakalaro. Araw-araw, nagrereklamo ka. Pero dumarating naman ang araw na naglalaro kayo, hindi ba?” Napabuntong-hininga ako. “Alam mo, umuwi na lang kaya tayo. Malapit na ring gumabi, tsaka uuwi na si Tatay. Pag-uwi niya, maglalaro kayo ng baraha kasama si Nanay. Hindi ba gusto mo iyun?”



          Tumango-tango si Ren, pero nakasimangot pa rin. Tumalikod naman ako para pasakayin si Ren sa bandang likuran ko. At naglakad na kami pauwi.



          “Ren, kung papipiliin ka sa kanilang tatlo kung sino ang gusto mong kalaro palagi, sino ang pipiliin mo?” naitanong ko habang papalabas kami ng gate sa base.



          “Si Allan,” sagot niya. Napili mo pa ang gagong iyun?



          “Bakit naman?”



          “Hmm, cute kasi siya. Hindi ko naiiwasan na tumingin sa iba kapag kalaro ko siya. Iyung ganoon. Tsaka, napakasaya niyang kasama,” masayang paliwanag niya. “Hindi katulad nung dalawa?”



          “Sino? Sila Keifer at Harry? Bakit?” Ano kaya ang ibig sabihin ni Ren sa mga sinasabi niya? Huwag niyang sabihin na nagkagusto pa siya sa gagong si Allan?



          “Oo. Kung hindi mo kasi nakikita dahil kausap mo iyung nagbabantay sa kanila na ka-edad mo, nag-aaway sila.”



          “Ano naman ang pinag-aawayan nila?”



          “Ah, pinag-aawayan nila kung sino ang susunod na makikipaglaro sa akin, iyung pwesto na malapit sa akin, at kung saang parte naman kami ng playground maglalaro. Hindi ko alam kung bakit, pero maya’t maya ang pag-aaway nila. Nareresolba naman ang pag-aaway nila dahil hinahayaan na lang ni Keifer. Hindi ko maintindihan kung bakit. Pero si Allan talaga, iyun na nga. Nasabi ko na. Masaya siyang kalaro.” Humigpit ang pagkakapuluput ni Ren sa leeg ko at inaayos niya ang kaniyang paa.” Sana, pwede ko siyang pakasalan para maglalaro kami ng habang buhay.”



          Natawa na lang ako sa mga paliwanag ni Ren. “Hay, nako! Ren, huwag ka nga agad mag-isip ng ganyan. Alam mo ba kung ano talaga ang ibig sabihin ng salitang ‘kasal’?”



          “Alam ko kaya. Iyun iyung salita na magsasama kayo palagi ng taong gusto mo, habang buhay.”



          “So, gusto mo si Allan?”



          “Oo Kuya. Kung kailangan kong pakasalan si Allan para lang makasama siya ng habang buhay, bakit hindi?”



          Natawa ulit ako. “Ikaw talaga. Masyado ka pang bata para isipin na magpakasal. Maghintay ka muna ng mga ilang taon. At, huwag kang magkwento ng ganiyan kay Nanay at Tatay. Alam mo naman ang mga iyun. Ayaw nilang malaman na balak mo ng magpakasal dahil malulungkot sila.”



          “Kung ganoon, maghihintay ako. At kapag dumating na ang tamang panahon, sasabihin ko kay Nanay at Tatay na pakakasalan ko si Allan,” inosenteng sabi ni Ren.

          Kasama si Allan, hawak-hawak pa ang kamay ni Ren, pumasok ang dalawa sa likuran ng kotse. Binuksan ko naman ang bintana sa passenger’s seat dahil dumungaw si Joseph.



          “Ikaw na ang bahala diyan. Ikaw naman kasi iyung lehitimong gagawa ng bagay na ‘to,” prankang sabi ni Joseph sa akin.



          Tumango ako. “Magte-text ako kung aabutin kami ng hating-gabi. Balita ko kasi, trapik ngayon doon.”



          “Okay. Ingat kayo pauwi.” Dumungaw naman siya sa likurang bintana kung saan nakaupo si Ren. “Mag-iingat ka doon. Huwag kang lalayo sa kanila ha.”



          “Opo, Kuya Joseph,” wika ni Ren.



          Lumingon ako sa likuran ng sasakyan. “Nadala niyo na ba lahat ng mga kailangan ninyo? Wala ba kayong nakalimutan? Mag-check muna tayo bago lumarga.”



          Tiningnan ng dalawa ang kanilang mga bag.



          “Wala na,” sabi ni Allan. “Larga na tayo.”



          Kinawayan ni Ren si Joseph. “Bye Kuya Joseph. Alis na kami.”



          Pinaandar ko na ang sasakyan at nagsimula na ang byahe. Alas-tres ng hating-gabi ang oras ngayon, at papunta kami sa Mall of Asia. Dumating na naman ang araw na paborito ni Allan, at pati na rin kay Ren. At ang pupuntahan nila, isang convention.



          “Naaalala na ba niya?” naitanong ko kay Allan sa byahe habang umidlip si Ren.



          “Bakit ka nagtatanong sa akin? Bakit hindi ka nagtanong kila Joseph?” balik-tanong ni Allan sa akin.



          “Bakit naman ako magtatanong sa kanila?” sarkastikong tanong ko. “Kung maaalala ba ni Ren na hindi niya mga tunay na…” Napatingin ako sa labas at humugot ng buntong-hininga. “Sa tingin mo ba, sasabihin niya iyun sa kanila? Kanino kaya siya sa tingin mo makikipag-usap kapag nalaman na niya ang bagay na iyun?”



          Bumuga ng hangin si Allan. “Wala pa. Ang naaalala pa lang naman niya ay iyung, nakaraan namin.”



          “Nakaraan niyo lang? Iyung alaala niyo lang dalawa?”



          “Oo, iyung sa amin lang. Naaalala na niya iyung mga panahon na naglalaro kami doon sa base,” Kita ko sa head mirror ng sasakyan na hinawi ni Allan ang buhok ni Ren. “at wala ng iba, sa ngayon. I wonder kung naaalala na niya iyung nakaraan namin bago siya magkaganito.”



          “Ewan ko,” nasabi ko sa aking sarili.



          Medyo mainit na ang sikat ng araw nang nakarating na kami sa aming destinasyon. Nilibot ko muna ang venue ng pupuntahan ng dalawang ito. Nang nakita kong may pila, hinanap ko ang pinakadulo para doon na ibaba ang dalawa.



          “Andito na tayo,” sabi ko nang nakita ko na ang dulo ng pila. “Gisingin mo na si Ren.”



          Kita ko sa salamin na binigyan ng banayad na halik ni Allan si Ren. “Ren, gising na. Andito na tayo,” sabay sabi ni Allan.



          Maya-maya ay dahan-dahan na bumukas ang mga mata ni Ren. Kinusot-kusot niya ito at tumingin kay Allan.



          “Keifer?” rinig kong sinabi ni Ren. Kinusot ulit ni Ren ang kaniyang mga mata. “K-Kuya Allan. Ikaw pala iyan.”



          Nagulat si Allan nang binanggit ni Ren ang pangalan ni Keifer. Mukhang may ganitong pangyayari sa buhay ni Ren ang nagpapaalala sa kaniya kay Keifer.



          Pilit na ngumiti si Allan. “Ren, andito na tayo. Gumising ka na at pipila na tayo.”



          Nakita kong gumalaw na ang pila sa labas. “Gumagalaw na ang pila. Sa tingin ko, nagsisimula na iyung pupuntahan ninyo. Pumila na kayo,” sabi ko.



          “Tara na, Ren,” sabi ni Allan.



          Binuksan ni Allan ang pintuan at lumabas. Inabot niya ang kaniyang kamay kay Ren na kinuha naman nito.



          “Nandito na pala tayo? Excited na ako-” rinig kong sinabi ni Ren bago sumara ang pinto ng sasakyan.



          Mula sa loob ng sasakyan, kita kong ngumiti si Ren na nakatingin kay Allan. Si Allan naman ay nakangiti na din at walang-hiyang hinawakan ang kamay ni Ren habang naglalakad papunta sa pila. Pinagtinginan tuloy sila ng mga tao, pero balewala lang naman ang mga tingin na iyun para sa dalawa. Lalong-lalo na sa inosenteng kapatid ko na hindi alam kung ano ang ginagawa niya, pero mukhang masaya siya.



          Pinaandar ko na ulit ang sasakyan para i-park ito. Habang nagmamaneho, nakita ko sila Keifer, Gerard, at ang kahawak niya ng kamay na si Edmund. Nauuna si Keifer sa paglalakad, habang ang dalawa sa likod ay nag-uusap ng mga kung ano-anong bagay na hindi ko maririnig mula sa aking sasakyan. Mukhang hindi sinabi ni Keifer ang mga sinabi ko sa kaniya. Kung ganoon, ako na lang ang magsasabi.



          12 years ago…

          “Hi,” bati ng isang tao na hindi ko kilala, at kasama niya sila Harry at Keifer. Ito siguro ang sinasabi ni Lars na si Gerard. Nagsasalita din siya ng tagalog kapag ako ang kinakausap.



          ‘Hi,” hindi ko siguradong bati sa kaniya. “Gerard, right?”



          Natawa si Gerard. “Ano bang klaseng tanong iyan? Huwag mong sabihin na nakalimutan mo agad ako ng mga isang linggo na hindi tayo nagkita?” sabi niya sa akin. “Harry, Keifer.”



          Bumaling ako kay Ren. “Ano? Maglaro na kayong tatlo.”



          “Halika na Ren,” sabi ni Harry pagkahawak niya sa kamay ni Ren.



          Hinawakan din ni Keifer ang kamay ni Ren at sabay na silang tumakbo.



          “Pasensya na,” paghingi ko ng dispensa kay Gerard. “Nagbibiro lang naman ako kanina na, kunyari, hindi kita kilala. Siyempre, naaalala ko pa ang pangalan mo kahit isang linggo na tayong hindi nagkita.”



          Umupo sa tabi ko si Gerard. “Mukhang ang dialogue mo ay kabaligtaran sa mga sinasabi mo.”



          “Hindi, hindi,” pagtanggi ko. Ngayon pa lang naman kasi tayong dalawa na nagkita.

          Enjoy na enjoy ang dalawa habang nagpalipat-lipat sa mga stall ang dalawa para tumingin sa mga merchandise na binebenta sa event. Hindi naman magkandaugaga si Allan na ikwento niya kay Ren ang istorya ng isang palabas at ang paghihikayat niya dito na panoorin ito ni Ren. Tumango-tango naman si Ren at mukhang interesado talaga siya sa mga kwento ni Allan. Hmm, alam kaya ni Allan ang kiliti ni Ren pagdating sa mga ganitong bagay? Nag-e-expect pa naman ako na magsabi si Ren na mukhang boring ang ganito, boring ang ganyan?



          “Teka, ano naman iyun?” Tinuro ni Ren ang isang life-size stuffed toy, na isang character sa isang palabas na ang pangalan ay, Mr. Lion.



          “Life-size stuffed toy iyan,” mabilis na sagot ko sa tanong ni Ren.



          Binigyan naman ako ni Allan ng isang nagtatanong na tingin.



          “Alam ko. Pero ano ang pangalan niya?” tanong ni Ren.



          “Mr. Lio-” sagot ni Allan.



          “Mr. Sun,” mabilis na pagputol ko sa sinabi ni Allan. “Ang pangalan niya ay Mr. Sun. Kung tama ang pagkakaalala ko, siya ay isang multo na tinutulungan ang kaniyang tanging kaibigan, na makapunta sa araw. Pangarap kasi ng kaibigan niya na makapunta sa araw.” Mukha kasing araw iyung ulo nito. Iyung buhok kasi nito sa giild ng kanyang ulo ay patulis na tatsulok kaya mukha siyang araw.



          Naguluhan si Allan sa isinagot ko at napangiwi. Mukhang alam din niya ang kwento sa likod ni Mr. Lion.



          “Pero hindi ka makakapunta sa araw dahil mainit doon,” nagtatakang sabi ni Ren. “Bakit naman niya doon niya gustong pumunta?”



          Pinaikot ko ang aking paningin. “Ano ka ba? Pumunta siya sa araw nang gumabi na,” panloloko ko sa kaniya. “At tsaka, iyun ang gusto ng writer nung kwentong iyan. Medyo unrealistic, pero nagawa nga niya. Salamat sa kapangyarihan ng pagkakaibigan.”



          “Anong nangyayari?” basa ko sa galaw ng bibig ni Allan na walang boses.



          “Huwag ka ng magtanong at lumipat na tayo,” tugon ko na walang boses din na lumabas.



          “Baka naman ibang kwento ang sinasabi mo,” sabat ng isang boses sa likod ko. “Ang pangalan niya ay Mr. Lion.”



          Nilingon ng dalawa ang nagsalita. Ako naman ay kahit hindi na lumingon dahil kilala ko ang pinagmulan ng boses na iyun. Walang iba kung hindi si Keifer.



          Lumapit si Keifer sa amin. “Mukhang paborito mo pa rin ang mga leyon. Masaya akong hindi pa rin nagbabago ang gusto mo.”



          Lumapit si Keifer sa tindera na at naglabas ng pera mula sa kanyang pitaka. Tinuro nito ang malaking laruan na mukhang bibilhin niya. Mukhang sa kaniya galing iyung malaking leyon din sa bahay ni Ren, na mukhang hindi araw, na may camera sa mga mata nito.



          Pagkakuha niya ay binigay niya ito kay Ren. “Para sa iyo,” nakangiting sabi ni Keifer.



          Kukunin sana ito ni Ren nang pinigilan ni Allan ang kaniyang mga kamay. “Ren, hindi ba’t may malaki ka ng stuffed-toy doon sa kwarto mo?” tanong niya.



          “Ano ba ang kaso kung meron na siyang stuffed-toy na malaki? Napakalaki naman ng kwarto niya. At kung bibili pa ako ng isa, kasya pa rin naman iyun sa kwarto niya.”



          “Ayoko kasi ng mga bagay na mula sa iyo,” prangkang sabi ni Allan.



          “Ikaw iyun, Allan. Hindi si Ren.”



          “N-Nag-aaway ba kayong dalawa?” biglang tanong ni Ren.



          “Hindi,” sagot ng dalawa na medyo pagalit.



          “Look Allan, bakit hindi mo hayaan si Ren na magdesisyon kung gusto ba niya itong regalo ko or hindi? Hindi ko naman binibigay sa iyo ang stuffed-toy na ito. Kaya huwag kang makialam, pwede ba?” litanya ni Keifer.



          Humugot ng malalim na hininga si Allan. “Tama ka. Hindi mo binibigay sa akin ang stuffed-toy na iyan kaya dapat, hindi ako makialam. Pasensya na. Ren, gusto mo bang iyan kunin?”



          Walang emosyon na tiningnan ni Ren ang dalawa. Sa huli, kinuha niya ang laruan. Pero bago pa makaatras si Keifer, sinauli, or binigay ulit ni Ren ang laruan sa kaniya.



          “Keifer, salamat sa binigay mo sa akin. Tama ka, gusto ko ang mga leyon. A-At, gusto ko na magustuhan mo din sila. Kaya ibinibigay ko siya mula sa iyo bilang regalo,” paliwanag ni Ren.



          Nagulat ang dalawa sa sinabi ni Ren. Dahil siguro nanibago sila sa pag-uugali ni Ren. Dati kasi, noong mga bata pa kami, bumibili si Tatay ng mararaming laruan para sa aming tatlo. Kahit na hindi na kami bata ni Lars, binibilhan niya kami. So, kapag bumibili si Tatay, laging may isa sa mga laruan na binibili niya ay may design na leyon. Tapos, kunyari, ibibigay niya ang mga laruang ito sa amin ni Lars. Wala pang dalawang segundo, maririnig namin agad si Ren na magrereklamo dahil sa hindi ibinigay sa kaniya ang laruan. Tapos ang ugali niyang ito, nadala pa niya ng mga ilang taon na ang lumipas. Lalong-lalo na noong pinalayas ako sa amin, naririnig ko sa isa sa mga kwento ni Lars na ginawa na naman ni Tatay iyun kay Ren, at nagreklamo pa rin siya.



          “Salamat,” nakangiting wika ni Keifer habang kinukuha ang malaking stuffed-toy. “Lahat ng bagay na ibibigay mo sa akin, tatanggapin ko.”



          “Keifer, nandito ka lang pala,” wika ng isang boses na papalapit sa amin, na pagmamay-ari ni Edmund.



          Pumasok naman sa eksena si Gerard, na lumapit kay Edmund at hinawakan ang kaliwang kamay nito. Nang nagtapo ang paningin naming tatlo, napansin kong nagkakailangan kami.



          “Oi, nandito rin pala kayo,” masayahing sabi ko. Kunyari, masaya akong nakita sila.



          “Umm, hi Larson,” bati ni Edmund. “Hindi ko inaasahan na makita namin kayo dito sa loob ng convention.”



          “Kayo din. Hindi ko akalain na dito tayo magkikita-kita sa convention na ito.” Tiningnan ko ang kamay nilang magkahawak. “At, congratulatoins. Mukhang magsyota na kayong dalawa.” Shit! Napakadali talagang sabihin, pero napakasakit nito sa kalooban ko.



          “Yeah. S-Salamat, salamat.”



          “Edmund, Gerard, balik ako sa kotse. Ilalagay ko lang itong stuffed-toy sa kotse,” sabi ni Keifer.



          “Oo, sige.” Nagbigay si Edmund ng susi, na mukhang susi sa sasakyan niya.



          Sinipat ko ang pambisig na relo ko. Mag-alas-onse na pala ng umaga. “Guys, kumain na ba kayo?” tanong ko. “Kasi kung hindi pa, sabay na lang tayong kumain? Game ba kayo diyan?”



          Tumingin sila Gerard at Edmund kay Keifer.



          “Teka, bakit kayo nakatingin sa akin?!” pagalit na balik niya. “Oo na lang. Text niyo na lang ako kung saan tayo kakain.” Lumakad na siya paalis dala-dala ang malaking stuffed-toy na binigay ni Ren.



          “Narinig mo naman iyung tao. Oo daw,” sagot ni Edmund.



          “Okay. Tara na, Ren, Allan.”



          Nauna na ako na lumakad sa kanilang apat. Ayokong magpahuli, dapat ay mauna ako. Baka kung ano-ano pang bagay ang makita ko sa likuran.



          “Ren, saan mo pala gustong kumain?” rinig kong tanong ni Allan dito.



          “H-Hindi ko alam. Doon na lang tayo sa masarap,” sagot ni Ren. “Ikaw Allan, may alam ka bang masarap na pagkain dito?”



          “Pero, Ren, lahat naman ata ng pagkain para sa iyo ay masarap? Ahh! Alam ko na. Larson, sa dati tayo.”



          “Okay,” sabi ko.



          “T-Teka, excuse me. Saang dati ba iyan?” tanong ni Edmund.



          “Ahh! I-text mo kay Keifer na doon tayo kay ‘Manong’. Alam na niya iyan,” paliwanag ko.



          Pagkarating kila ‘Manong’, sakto naman na nadatnan namin ang kaibigan ni Ren na sila Nicko at Jonas. Palagay ko, doon din sila kakain. What a coincidence.



          “R-Ren, andito ka rin pala,” wika ni Jonas. “at may mga dagdag ka ng kasama.”



          “Kuya Jonas, Nicko, mabuti naman at nagkita tayo,” sabi ni Ren. “Dito ba kayo kakain? Bakit hindi tayo magsabay lahat?”



          “Pwede, pwede,” sagot ni Nicko. “Humanap na tayo ng pwesto.”



          At iyun nga, pagkatapos ng ilang pagpapakilala, batian, pagbabalik ni Keifer, doon na kami kumain kay ‘Manong’. Habang nagkikwentuhan ang magkakaibigan, hindi ko maiwasan na maging interesado sa pinag-uusapan nila Jonas. Narinig ko na kaya pala nandito silang dalawa ni Nicko dahil sa pumunta sila sa simbahan sa Baclaran, at nagdasal, nagpasalamat, dahil sa katatapos lang na pagsubok sa buhay nilang dalawa.



          “I’m sorry, pero saan nga ulit nakakulong iyang ‘Anthony’ na iyan?” tanong ko.



          “S-Sa Bilibid,” sagot ni Jonas. “Ibinalik na siya sa Bilibid matapos mahuli ng mga pulis.”



          Halos napatawa ako sa isinagot ng binata. “Sa Bilibid. Ha? Dapat magdasal na din kayo na hindi siya makahanap ng mga kaibigan sa loob ng kulungan na iyun.”



          Dahil sa ginawa ko, hindi ko maiwasan na makuha ang atensyon nina Gerard, na may sariling mundo kasama si Edmund, at ni Keifer.



          “Umm, change topic, change topic,” pamimilit ni Keifer.



          “Hoy, teka, teka, teka? Bakit mo papalitan ang usapan? May masama ba sa sinabi ko?” tanong ko dito habang tinataliman ko ng tingin.



          “Huwag mo ng sabihin ang tungkol sa kulungan na iyun,” basa ko sa galaw ng labi ni Keifer.



          “At bakit naman hindi? Teka, Nicko, Jonas, alam mo ba iyung mga kalokohan sa kulungan na iyun?” tanong ko naman dito.



          Matapos ang ilang segundo, umiling silang dalawa pahiwatig na wala silang alam.



          “At hindi nila alam iyun, Keifer. Hindi nila alam ang mga nalalaman ko, at ang nalalaman mo. Bilang mas nakakatanda sa inyo, dapat ay magbahagi ako ng aking mga nalalaman. Kasi kung hindi nila malalaman, aba, kailan pa? Kapag huli na ang lahat?”



          “B-Bakit? Ano po ba ang meron sa kulungan na iyun, Kuya Larson?” hindi siguradong tanong ni Nicko.



          “Magandang tanong, Nicko. Salamat sa pagtatanong.” Inayos ko ang aking upuan para tumapat sa kanilang dalawa ni Jonas. “Makinig kayong dalawa ng mabuti ha. So, ang tawag sa Bilibid ay Maximum Security Prison, tama ba?”



          Tumango ang dalawa.



          “Okay. So, iyang tawag na iyan sa Bilibid, isa iyan sa pinakamalaking biro sa bansa natin. You see, hindi naman totoo na ang seguridad sa Bilibid ay nasa maximum. Kasi, ganito iyung kulungan ng bilibid. Umm, for example ay iyung village na tinitirhan ninyo, pero mas masikip, at mas close sa isa’t isa. Tapos, may mga gwardya sa bawat perimeter, ganoon. Heto ang tanong, ano ang meron sa kulungan na iyun na wala dapat sila, na meron tayo? Clue, isa itong pisikal na bagay na dala-dala natin palagi. Dahil kung wala nito, hindi magiging madali ang buhay natin. Hindi tayo makakakain ng pagkain gamit nito at hindi tayo makakapunta dito.”



          “Pera,” sagot agad ni Ren.



          “Salamat sa pagsagot diyan Ren. Tama. Pera.” Kumuha ako ng benteng papel sa bulsa ko at inilabas ko. “Pera. Sa loob ng kulungan na iyun ay may mga pera ang mga preso doon. Ngayon, dahil may pera ako, saan ko kaya ito pwedeng gamitin? Maliban sa pagbili ng pagkain at mga bagay-bagay, ano pa? Saan pwedeng magamit ang pera?”



          “Sa mga pulis, para hindi higpitan ang pagbabantay sa iyo?” hindi naman siguradong sagot ni Ren.



          Napatingin ako kay Ren. “Ano kayang mga palabas ang pinapanood ninyo ni Joseph?” Bumalik ako sa dalawa. “Anyway, tama din si Ren. Pwedeng gamitin ang pera na iyun sa ganoong paraan. So, matatawag mo pa rin ba na ‘maximum security’ ang lugar na iyun kung may ganoong kalakaran sa kulungan na iyun?”



          “Larson, tama na iyan. Tinatakot mo sila,” pagpigil ni Gerard.



          “Tinatakot? Hindi, hindi ko sila tinatakot. Gusto ko lang ibahagi ang mga nalalaman ko sa mga taong ito na may ganoong kalakaran sa loob ng kulungan na iyun. At kung may ganoong kalakaran sa kulungan na iyun, hindi malayong makalabas ulit iyang Anthony na iyan doon."



          “Pero hindi iyan tama. Tumingin ka nga sa mga mata ni Nicko. Sa tingin mo ba, tama iyang ginagawa mo?”



          Napatingin ako sa mga mata ni Nicko. Nakikita ko sa mga mata niya na natatakot na siya dahil sa aking mga naririnig. Inalo naman siya ni Jonas.



          “Tama ako,” sagot ko sa tanong ni Gerard. “Tama ako, dahil tama ako. Kung ganoon Gerard, kung ikaw ang nasa posisyon ko, paano mo sila mababalaan nang hindi mo sila tinatakot? Paano ang paraan mo, naiintriga ako. Tatawag ka ba sa mga pulis sa Bilibid para ipabantay si Anthony? Magsusumbong sa nakakataas?”



          Hindi sumagot si Gerard at tumungo na lang.



          Humarap ako sa dalawang sinasabihan. “Humihingi ako ng tawad sa mga sinabi ko. Gusto ko lang na malaman ninyo na kung sino man iyang Anthony na iyan, siguradong babalik siya sa inyo. Kapag nakahanap siya ng mga tamang kaibigan sa loob, siguradong babalik siya sa inyo. Hindi ko intensyon na takutin kayo, ang sa akin lang ay ang malaman ninyo ang katotohanan.”



          “Okay lang Larson. Naiintindihan ko, at salamat sa tip,” sabi ni Jonas. “Siguro, ganyan naman talaga ang mga kontrabida. Matatalo mo sila sa isang yugto ng buhay mo, pero magbabalik ito para tibagin ka ulit. Kung hindi naman, baka sa ibang anyo. Pero isa lang ang sigurado. Hindi kami magpapatalo ni Nicko. Kung nakakalabas na nga siya sa kulungan na iyun at sinubukan na naman niya kami, handa akong hindi na siya makapabalik sa kulungan na iyun kahit kailan.”



          Napabaling si Nicko sa kapareha. “J-Jonas,” tanging salita na nasabi nito.



          Biglang tiningnan ni Jonas ang kaniyang relo sa bisig. “Oh! Napakabilis ng oras. Aalis na pala kami at babalik sa Rizal. Nicko, inaantay na tayo ni Lola. Umuwi na tayo?”



          Pinunasan ni Nicko ang ilang butil ng luha sa kaniyang mga mata. “Ahh! Oo, oo. Si Lola, hinihintay na pala tayo.”



          Tumayo na sila sa kanilang mga kinatatayuan.



          “Guys, salamat sa lahat. At sana, makita pa namin ulit kayo dito sa MOA sa susunod na taon,” paalam ni Jonas. “Mag-ingat kayong lahat.”



          “K-Kayo din po Kuya Jonas. Mag-ingat din po kayo,” tugon ni Ren na may kasamang kaway.



          “Yeah, mag-ingat kayo,” paalam din naming lahat sa magkapareha.



          Hindi ko nilubayan ng tingin ang magkapareha hanggang sa nawala na sila sa paningin ko. Ibinalik ko naman ang atensyon ko kila Allan na napakatahimik bigla. Ingay lang na nagmumula sa ibang tao ang maririnig noong mga oras na iyun. Hay! Kasalanan ko ito. Dapat siguro, matuto akong pagsabihan iyung dalawa sa ibang paraan. Gaya ng bibili muna kami ng ice cream, tapos saka ko na lang pagsasabihan si Jonas.



          Habang naghihintay ng kahit sinong magsasalita sa kanilang dalawa, biglang nag-vibrate ang phone ko. Tiningnan ko kung anong meron, at nalaman na text ito mula kay Alexis. Habang binabasa ang mensahe niya, nakita ko naman si Allan na kinukuha ang phone niya, at baka binabasa rin ni Allan ang parehong mensahe na binabasa ko.



          “Nagsisimula na iyung tournament ninyo,” mensahe ni Alexis.



          Nang magsasalita na sana ako, may kung ano naman mula kay Gerard ang tumunog. Palagay ko ay cellphone din niya, at isa ding alarm.



          “Kei, malapit na magsimula iyung tournament na sinasalihan mo,” pagpapaalala ni Gerard sa kaniya.



          “Huh? Ngayon na ba?” kunot-noong tanong ni Keifer at tiningnan din ata ang oras sa telepono.



          “Tournament? Anong tournament ang sinalihan mo?” tanong ni Allan dito. “Huwag mong sabihin iyung tournament sa…”



          “Allan, Allan, baka sa tournament mo, kasali din ata si Keifer? Iyun lang naman ang tournament sa lugar na iyun,” pagpapaalala ni Ren.



          Napangiti si Keifer. “Ahh? Kasali ka din pala doon? Hindi ka nakasali noong huling taon, hindi ba?”



          “Oo, hindi ako nakasali,” payak na sagot ni Allan. “Hindi pa kasi ako handa noon kaya hindi ako sumali. At tsaka gusto kong umuwing panalo.”



          “Sino naman ang kalaro mo? Sino iyung ka-sparring mo?”



          “Siyempre, iyung champion noong huling taon. Si Alexis. Sa shop, natatalo ko na siya palagi.”



          “Pinagbibigyan ka lang nun,” pang-aasar ko.



          Sumimangot ang ekspresyon ni Allan nang tumingin sa akin. Bahagya na lang akong napangiti. Mukha kasing nagpapa-impress siya kay Ren, at hindi ko alam kung na-appreciate ba ni Ren ang mga pinagsasasabi niya. Pero iyung sa parteng pinagbibigyan ni Alexis si Allan, nang-aasar na talaga ako. Kasi ba naman, iyung sa nilalaro nila Allan, alam na niya ang mga kailangang gawin. Well, salamat sa pagtuturo ni Alexis. Binalaan ko na siya na huwag niyang turuan si Allan. Ito namang best friend niya, turo lang ng turo. Hay! I guess, ganoon talaga kapag best friend mo? Hindi ba dapat ay magmurahan na lang sila hanggang sa matuto si Allan?



          “Kung iisa lang naman pala ang sinalihan ninyong tournament, bakit hindi na lang tayo magsabay na pumunta?” yaya ko.



          “Umm, huwag na lang,” mabilis na sagot ni Edmund. “Teka, ikaw Allan, baka gusto mong sumabay na sa kanila? Nagbabalak kasi kami ni Gerard na pumunta sa Manila Bay?”



          “At ano naman ang gagawin ninyo doon? Open space doon,” singit ko.



          “Oo, sasama ako sa kanila,” sagot ni Keifer. Tumingin naman ito ni Allan. “Iyun ay kung gusto ni Allan?”



          “Huwag kang mag-alala. Ako ang nagyayaya kaya hindi iyan magrereklamo. At tsaka mas marami, mas masaya,” paliwanag ko habang iniinom ang natitira sa aking drinks. “Tara na.”



          Nagsitayuan na kaming lahat at pumunta na sa aming mga sariling lakad.



Keifer’s POV



          Natapos na ang tournament na sinalihan namin ni Allan. At ang panalo sa tournament na iyun ay walang iba kung hindi si Alexis. Halos natalo na siya ni Allan dahil sa liit ba naman ng buhay niya, at iyun nga. Nabaligtad pa ni Alexis ang laban dahil naging kampante siya. Iyun ang sa tingin ko.



          Napabuntong-hininga na lang ako. Medyo malayo kasi ako na nakatayo sa tournament, pero kitang-kita ko ang mga nangyayari. Meron kasing monitor sa labas ng stall kaya nakikita ko. At isa pa, sinusubukan kong dumistansya kay Ren na nasa loob ng stall. Hindi ako makalapit, kanina pa. Kahit na magkasabay kami na pumunta dito, literal talaga na malayo siya sa akin. Inilalayo ba naman ni Allan. Naiinggit tuloy ako dahil sa ako dapat ang nasa tabi niya ngayon. Kung hindi lang dahil sa…



          “Keifer?” wika ng isang boses.



          Halos napatalon ako sa gulat nang narinig ang pamilyar na boses na tumatawag sa akin. Napabaling ako sa isang lalaki na mukhang kaparehas ko ng edad, may katamtamang taas, medyo mistiso, at halos maputi na ang balat dala siguro ng pamamalagi ng taong ito sa malamig na bansa. Siya ang best friend talaga ni Harry, at hindi ko na sasabihin na katulad ng pamilya namin, ganoon din ang mundo na ginagalawan ng taong ito. Si Ronnie Villaforte. Teka, medyo humaba ang buhok niya nang huli kaming nagkita.



          “Ikaw nga talaga iyan Keifer?” Agad naman akong niyakap ni Ronnie. Yumakap din ako pabalik.



          “Ronnie, long time no see!” Habang nakayakap ay nahagip ng aking mga paningin si Ren. Bigla akong kinabahan. Kaya pasimple kaming lumayo ni Ronnie sa kanila.



          “K-Kumusta ka na? Kumusta na sila Tito at Tita?” tanong ko. “At tsaka kailan ka pa nakabalik? Nandito na rin ba ang mga magulang mo?”



          “Okay lang naman sila,” sagot ni Ronnie. “Pero wala sila dito. Nandoon pa rin sila sa America.” Bigla namang nagpalit ang timpla ng mukha ni Ronnie. “Keifer, nabalitaan ko iyung nangyari sa pamilya ninyo. Pinatay daw kayong lahat ng isang hindi kilalang tao noong pumasok ang bagong taon. Bakit, nakaligtas ka? At kung nakaligtas ka, si Harry?”



          Hindi ko matingnan sa mata si Ronnie lalo na’t ako ang tao na pumatay sa kanilang lahat.



          “I see, hindi siya nakaligtas. I-Ikaw naman, kumusta ka na?”



          Humarap ako sa kaniya. “H-Hindi ako okay ngayon, sa totoo lang. Nararamdaman ko kasi na parang may sumusunod sa akin palagi,” sagot ko. “Kahit nga ang pakikipagkita sa iyo ay parang hindi okay. P-Pasensya na Ronnie.” Bigla akong lumakad paalis.



          “Keifer, sandali lang.” Hinawakan ni Ronnie ang kaliwang bisig ko. “Ano ang problema? Mag-usap naman tayo.”



          Humarap ulit ako sa kaniya. “Ronnie, delikado ka kapag nakipagkita sa akin. Pakiramdam ko kasi, may sumusunod sa akin. At kaya siguro ako iniwang buhay, at ni Gerard, ay para hanapin pa ang mga natitira sa pamilya namin na technically ay wala na. Maliban na lang kung ang pamilya na tinutukoy ay dahil sa negosyo.”



          “Then, lumapit siya sa akin at patayin niya ako. Kahit sino pa man siya, lalabanan ko siya,” matapang niyang sabi.



          “Kahit na. Ronnie, kahit na alam kong may ginagawang katarantaduhan ang pamilya ninyo, bilang isang kaibigan mo, ayoko rin naman na mapatay ka ng taong iyun dahil lang nakipagkita ka sa akin. Iyung pagkamatay ng pamilya ko, okay na siguro iyun. Baka sign na iyun para sa akin na mabuhay ng mapayapa. Kahit na hindi ko alam kung mabubuhay pa ako bukas.”



          Tuluyan na akong lumayo kay Ronnie. Baka mahalata pa ako na nagsisinungaling dahil ayon kay Harry, malakas daw ang pakiramdam niya. Lalo na kung nagsisinungaling daw siya, alam na alam ni Ronnie. Well, baka totoo, baka hindi. Baka kay Harry lang tumatalab ang pakiramdam ni Ronnie. Mukhang mas matagal pa ata na kilala ni Ronnie si Harry kesa sa akin.



          Bigla na lang akong napahinto matapos maalala sila Ren. Lumingon ako sa aking likuran kung nakatingin pa rin sa akin si Ronnie. Pero wala na siya sa kinatatayuan ko. Hinanap ko pa siya ng mabuti sa paligid, baka nakatingin lang siya sa mga stall at namimili, pero hindi ko siya nakita. Agad na bumalik ako sa stall kung nasaan ang tournament na sinalihan ko. Pagkabalik ko, wala na sila Ren. Umuwi na kaya? Ahh! Oo nga pala. Nanalo si Alexis sa tournament kanina. Kung ganoon, baka nasa isang lugar ang mga taong iyun at nagse-celebrate.



          Napahinga ako ng malalim. Mukhang napa-paranoid ako. Hindi naman siguro nakilala ni Ronnie si Ren, o ano. Kahit na halos magkatunog ang mga huling pangalan namin, hindi naman siguro hinahanap ng mga Villaforte si Ren. Ang pamilya ko lang ang naghahanap sa kaniya, tama?



Edmund’s POV



          Malakas ang ihip ng hangin habang naglalakad kami ni Gerard sa dalampasigan. Kulay orange ang liwanag na binibigay ng papalubog na araw sa lugar na iyun, at gustong-gusto iyun panoorin ng mga tao lalo na’t papalubog na ito. Habang naglalakad, marami kaming mga napag-usapan na tungkol sa aming dalawa. Gaya ng mga karanasan namin sa lugar na ito kasama ang mga magulang namin, mga nakakatuwang eksena sa buhay namin habang hindi kami nagkikita, at ang isa sa mga paborito ko ay ang pagsiwalat ni Gerard sa mga baho ng pulitiko sa bansa. Nako! Napakarami ng mga nalalaman ni Gerard. Lalo na daw sa mga Senador. May isa daw doon ay protector ng droga.



          “H-Hindi nga, protector siya?” gulat na tanong ko sa kaniya nang binanggit ni Gerard ang pangalan ng tinutukoy niyang Senador.



          “Oo,” payak niyang sabi. “Nakakagulat hindi ba? Sa labas, akala mo kung sinong tao na nilalabanan ang pagkalat ng droga, iyun pala ay isa rin pala siyang protektor.”



          Parang naalisan ako ng morale sa mga pinagsasasabi ni Gerard. Hindi kapani-paniwala ang mga pinagsasasabi niya, pero nakakasiguro akong totoo. Siyempre, nagtatrabaho si Gerard sa mga ganoong klaseng tao kaya marami siyang nalalaman.



          “N-Nakakagulat hindi ba? Ako nga din noon, nagulat ako nang nilapitan niya ang pamilya nila Harry para lang gawin ang bagay na iyun. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na ganoon siyang tao.”



          “Lahat naman siguro.” Humugot ako ng malalim na hininga. “Gerard, may balak ka bang isiwalat ang mga nalalaman mo sa mga tao? Ang ibig kong sabihin, lahat-lahat talaga?”



          “Wala akong balak. Hindi sa wala akong pakialam pero wala akong balak. Gulo lang ang idadala ng mga pagsisiwalat ko. Baka nga isang araw, hindi mo na ako kasamang naglalakad sa lugar na ito. Gusto mo ba iyun?”



          “H-Hindi naman sa ganoon. Kasi naman Gerard, may usap-usapan na tatakbo pa ang taong iyun as mas mataas na posisyon. Alam mo na. Presidente ng bansa. At mukhang sa mga takbo ng pangyayari ay baka manalo siya.”



          Napaisip siya saglit. “Hmm, doon na ako hindi papayag kapag dumating siya sa puntong ganoon. Ipapadala ko sa mga media iyung mga ebidensya ko sa taong iyun kapag pinayagan siya ng COMELEC na tumakbo. At huwag ka. Ang mga ebidensya ko ay napakalinaw. Siguradong babagsak siya kapag lumabas ang video na iyun.”



          Na-excite ako matapos malaman na may video pala siya. “T-Talaga? May video ka? Pwedeng panoorin natin?”



          “Oo,” nakangiting sagot niya. “kapag pumunta ka ulit sa bahay, panoorin nating dalawa. Siguradong mag-iiba talaga ang pagtingin mo sa taong iyun kapag nakita mo na siya na nakikipag-usap sa amin.”



          Nang napagod na kami sa paglalakad, nagpasya kami ni Edmund na okupahin ang isang bakanteng upuan doon at itinuloy ang diskusyon namin nang may isang tao na nahagip ang aking mga mata.



          “B-Bakit ka napatigil?” tanong ni Gerard. “M-May nakikinig ba sa atin?” Tiningnan din niya ang direksyon na tiningnan ko.



          “W-Wala naman,” pagtanggi ko. “Napatigil lang ako dahil akala ko, kilala ko iyung taong nasa likod mo kanina. Bigla ko kasing naalala iyung mga dati kong kaklase noong estudyante pa ako.”



          Humarap siya sa akin. “Ahh! Ganoon ba? Akala ko kung ano na.”



          Hinawi ko ang aking buhok bago magsalita. “Alam mo, kanina, napapansin ko iyung mga tingin ni Larson sa’yo. Sigurado ka bang si Lars iyung naka-relasyon mo noon, o baka si Larson iyun?”



          Binuka ni Gerard ang kaniyang labi pero tinikom niya ito. “Bakit mo naman naitanong iyan? Siyempre, sigurado akong si Lars ang nakarelasyon ko. Hindi mo ba alam na sa paningin ko, may para kayong ora na inilalabas, kayong mga or tayong mga kalalakihan. At iyung ora o pakiramdam na nakikita ko kay Larson, hindi naman katulad sa nakita ko kay Lars.”



          “Ehh bakit trip kang tingnan ni Larson habang kumakain tayo?”



          Nakatingin lang sa akin si Gerard habang hindi sinasagot ang aking tanong. Maya-maya ay nakakaloko na ang tingin niya.



          “Iyan ba ang mukha mo kapag nagseselos? Ang cute mo,” pang-aasar niya sa akin sabay pisil ng pisngi ko.



          “N-Nagseselos, h-hindi kaya!” irap ko.



          “Sus! Hindi pa siya aamin. Nagseselos ka.”



          “Hindi nga.”



          “Ehh di, bakit ba naiinis ka kapag nakatingin si Larson sa atin? Na-realize mo siguro na mas gwapo ba siya sa iyo o ano?”



          “Hindi ahh!” singhag ko. “Pagwapuhan lang naman pala ang labanan, siguradong panalo ako.”



          “Ewan ko lang,” mahinang sabi niya.



          Nainis ako. “Anong sabi mo? Ewan ko lang? So sa tingin mo, mas gwapo si Lars kesa sa akin, ganoon ba?”



          “Edmund, ewan ko lang kasi ewan ko lang. At wala akong sinasabi nae mas gwapo si Lars o Larson ksa sa iyo. At kung tatanungin mo ako kung sino ang mas gwapo sa inyong dalawa ni Lars, o si Larson, hindi ako sasagot. Dahil ako, naniniwala ako na may sari-sariling bersyon o depinisyon ang salitang gwapo sa iba’t ibang tao.” Luminga-linga si Gerard at tinuro ang isang couple na naghaharutan sa seaside. “Tingnan mo iyung mga taong iyun. Tingnan mo iyung lalaki, at tingnan mo iyung babae. Ano ang masasabi mo sa kanilang dalawa?”



          Ginawa ko ang sinabi niya at tumingin din. “Napakaswerte ng lalake dahil pinatulan siya ng babaeng iyan?” pahula kong sagot. “Sus! Baka naman hindi swerte ang lalake. Baka naman mayaman siya kaya pinatulan siya ng babae. Iyung mga ganoon.”



          Maya-maya ay may mga lumapit na mga tatlong bata sa mag-couple. Mukhang mag-asawa ang dalawang taong iyun at ang lumapit sa kanilang mga bata ay kanilang mga anak.



          “Pero may tatlong anak?” paasar na tanong ni Gerard. “Kung ibang babae lang iyan, baka kapag nagse-sex sila ng lalaking iyan, siguradong aayaw. Pero, iyung babae, mukhang mahal na mahal talaga siya. At sigurado ako na araw-araw, palagi niya iyang sinasabihan na napakagwapo ng asawa niya.”



          Sa sinasabi ni Gerard, bigla kong naalala ang pamilya Schoneberg. Oo, hindi nga gaano kagandahan si Madam Veronica, medyo eccentric kung manamit, pero mahal na mahal pa rin siya ni Sir Simon. At naririnig ko nga talaga si Sir Simon na sinasabihan si Madam Veronica kung gaano siya kaganda.



          Humugot ako ng buntong-hininga. “Okay. Okay, Gerard. Hindi natin pag-aawayan kung sino ang mas gwapo sa amin ni Larson.” Humarap ako sa kaniya at tumingin sa kaniyang mga mata. “Pero kasi, gaano ka naman kasigurado na baka isa sa mga Lars na nakasalamuha mo ay si Larson? Malay mo, loko-loko pa lang ang magkapatid na iyun at nagpapanggap na si Lars ay si Larson, at vice-versa.”



          Pinatunog niya ang kaniyang dila at umiling-iling. “Sinasabi ko na nga ba. Dapat kasi, hindi na lang tayo sumama kay Keifer papunta dito sa MOA. Alam mo naman iyun na kapag makita lang si Ren, hindi na niya bibitawan ang oppurtunity na sumama.”



          “Pero si Larson ang nagyaya, natatandaan mo?”



          Sa kalagitnaan ng pag-uusap namin, tumunog ang phone ni Gerard. Mukhang isang text message ang natanggap niya dahil sa pamilyar na tunog.



          Pagkakita sa mensahe ng kung sino, biglang nag-iba ang ihip ng hangin sa palibot ni Gerard. Iyung tipong may masamang balita ang inihatid sa kaniya. Pero kalmado niyang ibinalik ang phone sa kaniyang lalagyan at humugot ng buntong-hininga. Ano kaya ang nilalaman ng mensahe na iyun? Gusto ko sanang malaman, or hayaan ko na lang siya na mag-open sa akin.



          “Alam mo, pwede naman tayong umuwi. Bumalik na tayo sa Rizal at sulitin natin ang oras ng magkasama,” yaya niya sa akin. “Iwanan na natin si Keifer dito. Kaya naman siguro niyang bumalik doon ng mag-isa. At isa pa, may pasok ka pa bukas.” At hindi nga niya gustong i-share ang nilalaman ng mensahe na natanggap niya.



          “Sige, kung iyan ang gusto mo.”



          Tumayo ako sa kinauupuan at inabot ang kaniyang kamay. Nakangiti naman niyang inabot ang aking kamay at sabay na kaming umalis sa lugar na iyun.



Joseph’s POV



          Monday ng Holy Week…



          Parang gusto kong tumulong, parang hindi nang makita si Ren na hinihiwa ang mga Papaya. Kahit hindi na ako magtanong, alam ko ang ginagawa ni Ren. Nagluluto siya. Mukhang naaalala na niya na nagluluto siya para sa kaniyang sarili noong mga panahon na mag-isa siya sa bahay niya.



          “Ren, para sa sarili mo lang ba iyang niluluto mo?” tanong ko nang nahalata ko na pang-isahang taong pagkain ang niluluto niya.



          Tiningnan ni Ren ang mga hinanda niyang sangkap. “Ahh! Oo nga ano? Pang-isahan lang.” Binuksan naman niya ang ref at kumuha pa ng mga sangkap dito.



          Humugot ako ng malalim na hininga. Nakakabagot kapag laging ganito. Gusto kong lumabas ng bahay at gumala-gala muna. Kaya lang, walang magbabantay kay Ren kapag lumabas ako. Hay!



          Habang nagbabantay, biglang nag-vibrate ang phone ko. Nabuhayan naman ako ng loob matapos makita si Erika na nasa labas ng bahay at may dalang ilang bag. Pero dire-diretso na siyang pumasok sa loob.



          “Hello!” bati niya pagkapasok sa loob habang nirarampa ang kaniyang kasuotan. At biglang may naalala ako sa kaniyang kasuotan ngayon. Mukhang pang-tenyenta, teka…



          “Pwede ba sa susunod, huwag kang basta-basta pumasok sa bahay?” saway ko kay Erica.



          “Bakit? Bahay mo? Bahay mo?” pamimilosopong balik niya.



          “B-Bahay namin ito ni Joseph hindi ba?” walang alam na tugon ni Ren.



          Sinamaan ko ng tingin si Erika. Kahit na gustong-gusto kong sabihin kay Ren na siya lang naman talaga ang nakatira sa bahay na ito, wala pa akong go signal mula kay Mama. Kapag daw dumating sa punto na naaalala na ni Ren ang ilang mahahalagang parte ng buhay niya, gusto ni Mama na siya ang magsabi kay Ren.



          “Oo, alam ko iyun Ren. Bahay niyo naman talaga ito ni Joseph,” sabi ni Erika pero may halong pagka-sarcastic. “Siya nga pala. Ren, maganda ba ako sa suot kong ito? At bakit ka nga pala nagluluto? Pero huwag muna iyan ang sagutin mo. Maganda ba ako?” Tumayo ng tuwid si Erika at umikot para makita namin ang kabuuan ng suot niyang gown.



          “Maganda po kayo Ate Erika,” pure na komento ni Ren. Walang halong pang-iinis.



          “Hindi ako na-informed na naging Santa ka na pala. Wait, hindi ba dapat ay patay ka muna para maging Santa? Teka, Tita Cory, ikaw ba iyan?” natatawang pang-aasar ko.



          Pinalo ni Erika ang bisig ko.



          “Aray ko!”



          “Grabe naman itong si Joseph! Hindi naman. Well, candidate ako para sa susunod na maging Kapitana at Tenyente ng bayan na to. Isinali kasi ako ni Daddy. At kapag nabunot ako, magiging mukha ako ng simbahan ng mga isang taon. Kaya ganito ang suot ko.” Tuwang-tuwa na umikot pa si Erika.



          Inikot ko na lang ang aking paningin saka kinuha ang phone ko. “Hmm, matawagan nga ang kung sinong matawagan ko para makipagpustahan.”



          Huminto sa pag-ikot si Erika na may nagtatanong na tingin. “Bakit naman? Ano ang pagpupustahan mo?”



          “Pupusta lang naman ako na magsisisi ka na sumali ka pa sa tradisyon na iyan. Tiyak na sa unang linggo pa lang, aayaw ka na?”



          Hindi ko naman namalayan na nakapasok na si Mama sa bahay. Dali-dali naman akong tumayo para tulungan siya sa kaniyang mga binubuhat.



          “Aba! May bisita pala tayong Santa,” sabi agad ni Mama matapos makita si Erika. “Napakaganda mo naman Erika.”



          “Ay nako, Tita! Salamat sa papuri ninyo! Buti pa kayo at si Ren, alam na alam na napakaganda ko!” hinawi-hawi pa ni Erika ang buhok niya pakaliwa, pakanan, at inulit niya pa ito ng mga dalawang beses sabay pose.



          Inikot ko ang aking paningin. “At alam din namin ang salitang paghihirap. Erika, sigurado ka ba sa pinapasali sa iyo ng Daddy mo?" tanong ko habang inilalagay sa lamesa ang mga dalahi ni Mama. Bumalil na ako sa sala. “Kapag nabunot ka, wala ng balikan pa.”



          Nakita ni Mama si Ren na naghahain na ng pagkain sa mesa. “Ohh, teka, Ren, bakit naghahain ka na? At kanino ba galing ang mga pagkain na ito? Galing ba ito sa iyo Erika? Maraming salamat naman sa mga pagkain na ito.”



          “T-Tita, ang kagandahan ko lang po ang dala ko,” tugon ni Erika. “Iyung pagkain, hindi ko po alam.”



          Nagulat si Mama. “Ren, luto mo ito?” Nagtatakang tumingin sa akin si Mama.



          Nagkibit-balikat na lang ako. “Hindi ko na siya napigilan. Pagkababa na niya, may mga sangkap na siya na nakahanda bago ko pa napansin.”



          “Mama, Kuya Joseph, Ate Erika, kain na po tayo habang mainit pa,” yaya sa amin ni Ren.



          “Ahh! Saktong-sakto naman.” Umupo si Mama. “Pagod na pagod ako at mukhang wala na akong lakas na magluto. Joseph, mamaya, masahiin mo itong paa ko pati ang likod ko. At itong niluto mo Ren, matikman nga?”



          Kumuha ng sabaw si Ren at ibinigay ito kay Mama. Pagkakuha ni Mama ng kutsara, nakatingin lang sa kaniya si Ren at hinihintay ang sasabihin nito pagkatapos tikman ang luto niya. Halatang excited siya kung pasado ba o palpak ang ginawa niya. Ako naman ay inunahan na si Mama at tumikhim na ng isang kutsara sa sabaw. Pagkadampi ng sabaw sa aking dila, medyo napaso ang bibig ko. Pero ang pakiramdam ay hindi masakit. Parang kailangan na maramdaman ng dila ko ang anghang para masabing masarap ang sabaw.



          “Ay! Medyo maanghang. Pero hindi naman gaanong katindi. Ang sarap,” sabi ni Erika na tumikim na din sa sabaw.



          “Ang sarap,” salaysay naman ni Mama. “Pero kapag ako ang nagluto nito, mas masarap ito.” Hmm, agree ako diyan. May ginagamit kasing magic si Mama kapag nagluluto ng mga ganitong pagkain.



          Natuwa naman si Ren sa reaksyon ni Mama. “Talaga po?”



          “Hay! Ilang beses na akong pumupunta dito sa bahay mo nang mag-isa ka pa lang at masasabi kong masarap pa rin ang luto mo hanggang ngayon,” biglang sabi ni Erika.



          Napatigil naman si Erika matapos tingnan ko siya ng masama. Pangalawang beses na iyan na nadulas na siya sa araw na ito.



          “Tara! Kain na tayo! Nakakagutom,” pag-iiba ni Erika sa usapan.



          Umupo na kami sa aming mga pwesto. Mukhang hindi ata narinig ni Ren ang mga sinabi ni Erika.



          “Mama, sa Sunday, pwede ba tayo pumunta sa simbahan?” tanong ko. “Gusto ko kasing makita si Erika na maghirap kapag nabunot ang kaniyang pangalan.” Halos natatawa ako dahil sa naaalala ko ang mga tradisyon ng bayan na ito tuwing.



          Sinamaan ako ng tingin ni Erika at umirap.



          “Aba, siyempre naman. Lagi naman tayong pumupunta doon para manood,” tugon ni Mama. “Ren, baka naman gusto mong imbitahan ang ilan sa mga kaibigan mo na manood? Si Allan? Baka gusto niyang sumama?”



          “Mama, kahit hindi mo na pagsabihan iyan si Ren, pagkatapos nating kumain, tatawag iyan agad doon para yayain si Allan.”



          “Paano, may gusto iyan si Ren kay Allan,” gatong pa ni Erika.



          “Hoy, ano ba kayo?” saway ni Mama. “Huwag niyo namang asarin si Ren.” Biglang tumunog ang phone ni Mama. “Aba! Ang bilis mo naman tumawag. Nandito na kaagad sila Allan.”



          Nagulat kami ni Erika nang narinig namin ang mga yapak na papalapit sa hapag-kainan. Saktong-sakto, sila Allan nga ang pumapasok sa loob ng bahay.



          “Parang may kakaibang koneksyon talaga ang dalawang ito. Anong masasabi mo?” bulong sa akin ni Erika.



          “Ngayong nasabi mo na iyan, bigla akong nabwisit kung bakit ang dalawang ito ay nasasabi mong may kakaibang koneksyon. Ako kaya, kailan ako magkakaroon ng isang tao na may kakaibang koneksyon?” inis kong bulong.



          “Magandang gabi sa inyo!” bati ni Allan. Lumapit agad ito kay Ren at niyakap ito mula sa likod ng mahigpit ng mahigpit. Iyung parang matagal na matagal na silang hindi nagkita. Pota, nakakainis tingnan.



          “Allan,” naiirita ding saway ni Larson. “Magandang gabi sa inyo. Pasensya na kung nandito na naman kami, para guluhin ang buhay ninyo. May dala po kaming ice cream.”



          “Ahh! Salamat Larson. Ilagay niyo na lang sa ref para tumagal,” tugon ni Mama.



          “Allan, gusto mong tikman ang luto ko?” magiliw na tanong ni Ren.



          “Luto mo? Aba! Patikim nga!”



          Hindi halatang pwersahan na kinuha ni Allan ang kutsara na hawak ni Ren. Tapos ang sasabihin ni Allan na masarap ang luto ni Ren. Hmm, ito kaya ang purpose ng pagkakamali ko? Kanina kasi, naparami ang pagsaing ko ng kanin.



          “Ngayong nandito na rin lang kayo, kain kayo, kain,” yaya ni Mama. “Joseph, may kanin pa ba tayo?”



          “Sobra po ang naisaing ko kaya siguradong kasya para sa lahat,” sagot ko.



          Pumunta na sa kaniyang pwesto si Larson at umupo. “Erika, tama? Isa ka atang Santa sa suot na iyan. Kasali ka ba sa magiging mukha ng simbahan dito sa lugar natin?”



          “Oo, kasali iyan,” sagot ni Mama.



          Umismid si Larson. “Good luck,” mahinang saad niya.



          Nanlaki ang mata ni Erika habang kumakain. Naguguluhan siya kung insulto ba o papuri ang ginawa ni Larson. Ilang araw na lang Erika. Malalaman mo na kung ano ba ang meron sa sinalihan mo.



Allan’s POV



          Awang-awa ako kay Joseph nang sumilip ako sa kaniyang kwarto. Kasalukuyan kasi siyang nakahiga sa kaniyang kama dahil sa napakasama ng pakiramdam niya. Noong isang araw kasi ay tinamaan siya ng dengue.



          Nakahinga naman ako ng maluwag matapos marinig ang paliwanag ng Mama niya na pagaling na siya ayon sa doktor na tumingin sa kaniya. Si Ren naman ay ngumuso dahil sa mukhang hindi niya makakasama ngayon ang kaniyang foster family na lumabas para saksihan ang palabunutan na mangyayari sa plaza.



          “Ren, huwag ka ng ngumuso,” sabi ng Mama ni Joseph. “Pumunta ka na lang at ako na ang bahala sa Kuya Joseph mo.”



          “Pero maghihintay ako dito. Baka mamaya, magaling na magaling na si Kuya Joseph at pwede na siyang sumama sa atin sa labas?” pagdadahilan ni Ren.



          Bumuntong-hininga ang Mama ni Joseph. “Ren, huwag ng matigas ang ulo. Talagang hindi kami makakasama ni Joseph. At kung gagaling na agad ngayon ang Kuya Joseph mo, hindi ko rin siya papayagan na lumabas dahil kailangan niyang magpahinga. Mamaya ay kung ano pa ang mangyari sa kaniya kapag pinilit mo siya. Siguradong magkakasakit na naman si Kuya Joseph mo. Ano? Gusto mo ba iyun?”



          Tumungo si Ren. “Ayaw po,” tugon niya habang nilalaro ang kaniyang mga daliri. “Hindi po ba talaga kayo makakasama?”



          “Wala akong magagawa. Kailangan kong bantayan si Kuya Joseph mo. Basta, sumama ka na lang kay Allan at mag-enjoy ka. Tapos, pag-uwi mo, ikwento mo sa akin kung ano ang mga nangyari sa plaza. Ikwento mo din sa akin kung sino ang binunot, okay?”



          Nag-angat ng tingin si Ren at tumango-tango, pahiwatig na oo ang sagot niya. Ginulo naman ng Mama ni Joseph ang buhok ni Ren tsaka niyakap ito ng mahigpit.



          “Magpakabait ka doon. Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo ang Mama ni Allan, okay?” tanong ng Mama ni Joseph.



          “Okay po,” tugon ni Ren.



          Kumalas na ang dalawa. Pinauna naman ng Mama ni Joseph si Ren sa labas.



          “Allan, ikaw na ang bahala.”



          Ngumiti ako at tumango ng konti sabay naglakad na palabas.



          Habang papunta sa plaza, malungkot pa rin si Ren na nakatingin sa bintana. Teka, mukhang pamilyar ang senaryong ito noong pumunta kami noon sa pista ng Sto. Nino sa Cebu. Ewan ko kung bakit siya malungkot noon, pero gagawin ko ulit ang lahat para mawala ang lungkot sa kaniyang mga labi.



          Sa likuran ng sasakyan, kinuha ko ang helmet ni Mr. Lion at isinuot ito. Kinalabit ko naman si Ren para lumingon siya sa akin. Pero hindi bumaliktad ang lungkot sa kaniyang mga labi. Wait, hindi ganoon ka-effective si Mr. Lion? Magsalita kaya ako.



          “Hello Ren. Ako si Mr. Lion,” pagpapakilala ko kunyari sa aking sarili.



          “Allan, alam kong ikaw iyan,” walang emosyon niyang tugon.



          “Allan? Sinong Allan? Hindi ako si Allan. Ako si Mr. Lion! Ang hari ng kagubatan! Matakot ka sa akin Ren! Dahil sa kagubatan ko, lahat ay takot sa akin! Rawr!”



          Isa, dalawa, tatlo hindi pa rin tumalab ang ginawa ko. Apat, lima, anim, pina-escalate ko sa susunod na level ang ginawa ko. Pito, walo, siyam, pinatikim ko sa kaniya ang gigil ng isang leyong nagugutom. Ipinasok ko ang aking mga kamay sa loob ng shirt niya at kiniliti siya. Nagpakawala naman ng malakas na tawa si Ren at sinubukan akong pigilan o kilitiin. Pero talong-talo siya sa akin nang napahiga na siya at wala ng laban. Kaya tawa na lang siya ng tawa at nagmakaawa sa akin na tumigil na.



          “Hindi ako titigil hangga’t hindi ka ngumingiti. Sa kagubatan, ayokong may nakasimangot. Rawr!”



          Patuloy ko pa ring kiniliti si Ren at tawa siya ng tawa. “Oo na. Hindi na ako sisimangot. Huwag na kasi. Tama na,” pakiusap niya.



          Tinigil ko naman ang pagkiliti kay Ren at binangon siya. Pero makalipas ang ilang segundo, walang habas na kiniliti ko ulit siya hanggang sa mapagod ako at hinubad na ang helmet na suot ko. Napaka-init habang suot-suot ko ang helmet. Nakakahinga naman ako ng maayos pero mainit pala talaga kapag suot ko. Paano pa kaya kung pati iyung suot ni Mr. Lion at iyung kaniyang mga kamay?



          “Hoy, tama na ang harutan niyo diyan,” saway sa amin ni Larson na nagmamaneho. “Andito na tayo. At iyang helmet na iyan, siguraduhin mong hindi masisira iyan.”



          Marahan namang tinapik siya ni Mama sa bisig. “Hayaan mo na,” narinig kong sinabi ni Mama. “Ay! Larson, huminto tayo.”



          Huminto naman ang sasakyan.



          “Anak, cotton candy. Tara at bumili tayo."



          “Umm, Mama. Bumaba na kayo. Mukhang hindi na ako makakapasok pa papunta sa simbahan. Napakarami ng mga tao,” wika ni Larson.



          “Sige, tara na.”



          Bumaba na kami sa sasakyan. Umalis naman si Larson para hanapan ng parking lot ang sasakyan namin. Kami ni Ren ay patuloy sa paghaharutan habang bumibili ng cotton candy si Mama. Sinuot ko ulit ang helmet ni Mr. Lion at sinugod siya ng sinugod hanggang sa sigurado na akong mapapagod siya sa gabing ito.



          “Hay nako! Tama na iyan,” saway naman ni Mama. “Cotton candy para sa inyo.” Inabot ni Mama ang mga cotton candy namin.



          Hinubad ko ang helmet ni Mr. Lion. “Oo nga pala. Puntahan kaya natin si Erika at tingnan natin kung suot pa rin niya iyung gown na binili niya?” mungkahi ko habang kinakagat ang cotton candy. “Bigyan na rin natin siya ng moral support dahil sa mga mangyayari. Kapag mahal siya ng mahal na birhen, siguradong mabubunot ang kaniyang pangalan.”



          “Tara. Puntahan natin si Erika,” pagsang-ayon ni Ren.



          “Kayo na lang,” sabi ni Mama bago ko pa siya yayain. “Dito lang ako para antayin si Larson. Mag-ingat kayo. Dala niyo naman ang mga cellphone niya hindi ba?”



          Tumango kaming dalawa ni Ren at naglakad na papunta sa mga nagkukumpulang tao. Nang namalayan ko na nasa gitna kami ng mga nagkukumpulang tao, at masyadong mataas ang tyansa na mawala si Ren kapag nalingat ako, nagpasya akong hawakan ang kaniyang kamay. Nang halos naabot ko na ang kaniyang kamay, bigla naman siyang bumilis sa paglalakad dahilan para hindi ako umabot. At nawala na naman siya sa aking paningin gaya ng aking naisip. Shit! Naulit na naman?



          “Ren?! Ren?!” tawag ko sa kaniya. Pero mukhang hindi niya maririnig iyun dahil sa dami ng mga taong ito.



          Habang naghahanap, nakita ko si Daryll at ang mga kasama niya. Bigla akong nakahinga ng maluwag nang nakita ko si Ren na kasama nila. Dali-dali akong lumapit sa kanila at sa wakas, naabutan ko din si Ren.



          “Allan, andito ka pala,” wika ni Daryll. “Ikaw ba ang kasama nito ni Ren?”



          “Yeah, oo,” pagkumpirma ko. Agad kong hinawakan ang kamay ni Ren at pinaharap siya sa akin. “Ano ba naman iyan? Huwag ka nga na biglang nawawala sa paningin ko. Pag-aalahanin mo naman iyung mga magulang mo at magagalit sa akin si Joseph.”



          “Pasensya na,” paghingi ng tawad ni Ren. “Nakita ko kasi si Daryll. Gusto ko sanang siyang yayain na samahan niya tayo para puntahan si Erika.”



          “Sakto. Pupunta din kami doon,” sabi naman ng isang boses. “Tara, puntahan na natin si Erika.”



          “Ay! Allan, pinapakilala ko sa iyo iyung magiging bagong classmate ninyo sa school. Si Ronnie. Ronnie, si Allan,” pagpapakilala sa amin ni Daryll.



          “Ah! Talaga? Ito ba iyung Allan na pinakamatalino at iyung magaling din si basketball?”



          Naguluhan si Daryll sa sinabi ni Ronnie. “I-Ikaw din ba iyung Allan na nagba-basketball din?” Ngayon mo pa lang alam iyun?



          Inikot ni Franz ang kaniyang paningin. “Hay nako! Pasensya na Ronnie. Hindi alam ni Daryll iyun. Alam mo naman ang kaibigan mong ito, hindi interesado sa mga ganoong bagay.” Dahil sa iyo lang interesado si Daryll? At tama ba iyung narinig ko? Lalaking-lalaki ang boses ni Franz ngayon?



          “Yeah, ako din iyun,” pagkumpirma ko. Nakipagkamayan ako kay Ronnie. “Nice to meet you, Ronnie.” Pagkatapos makipagkamay, kaagad na hinawakan ko ang kamay ni Ren at baga bigla na namang mawala. Tumingin pa ako para makumpirma na kamay nga ni Ren ang nahawakan ko.



          “Ikaw din.” Napatingin siya sa helmet ni Mr. Lion na hawak ko sa isa ko pang kamay. “Sa iyo?”



          “Yeah, akin.”



          “Tara na Kuya Allan, Daryll, Franz. Puntahan na natin si Erika,” sabi ni Ren.



          Nagsimula na kaming maglakad.



          Binigyan naman ako ni Ronnie ng nagtatanong na tingin. “Kuya Allan? Mukha namang malapit ang mga edad ninyo.”



          “Ahh! May nangyari daw kasi kay Ren,” sabi ni Franz. “Kung hindi mo alam, may kakaiba kasing droga sa lugar namin na nakakapagpawala ng memorya. At isa si Ren sa mga nabiktima. At kaya tinatawag ni Ren na Kuya Allan, magsyota kasi sila.” Teka, Franz, ayoko na marinig ang mga salitang iyan mula sa iyung panlalakeng boses.



          Napatingin sa amin si Ronnie. “Ohh! Nakuha ko na.”



          “Pero hindi pa alam iyun ng publiko,” dagdag ko. “Kaya sana Ronnie, I trust you na hindi mo ipagkakalat ang sikretong relasyon namin.”



          “Ay! Huwag kang mag-alala. Hindi ninyo alam pero marami akong alam na sikreto tungkol kay Daryll.”



          Biglang na-intriga si Franz. “Talaga? Ano naman kaya iyun?” For the record, gusto kong malaman ninyo na hindi halatang pilit na pilit ang panlalaking boses ni Daryll. Talagang natural na lalaki. Hindi lang siguro ako sanay.



          “Franz,” nahihiyang sabi ni Daryll.



          “Mamaya, pagkatapos ng bunutan. Kita tayo kila Erika at sasabihin ko sa inyo,” natatawang sabi ni Ronnie.



          “Sige, sige. Gusto kong malaman iyan,” interesadong wika ni Ren.




ITUTULOY…

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails