Followers

Saturday, December 29, 2018

Loving You... Again Chapter 67 - Unplanned Plans





  



Author's note...



Disclaimer: Hindi ko po original characters sila Joseph, Paul, Blue, at kung sino man po ang mga character sa story ni Kuya Bluerose. Siyempre, ang credit pa rin ay sa gumawa nila. Pati na rin po pala iyung mga kanta.


Heto na po ang Chapter 67!







Book 1: | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 | 10 | 11 | 12 | 13 | 14 | 15 | 16 17 | 18 | 19 | 20 | 21 | 22 | 23 |


Book 2: | 24 | 25 | 26 | 27 | 28 | 29 | 30 | 31 | 32 | 33 | 34 | 35 | 36 |
 
37 38 | 39 | 40 | 41 | 42 | 43 | 44 | 45 | 46 |


Book 3:
47 | 48 | 49 | 50 | 51 | 52 | 53 54 | 55 | 56 | 57 | 58 | 59 | 60 |
61 | 62 | 63 | 64 | 65 | 66 |

















Chapter 67:
Unplanned Plans






































Larson's POV




          Maraming bisita ang dumalo sa birthday party ni Tita Veronica. Kung hindi lang malinaw ang mata ko, iisipin ko na nasa maling party ako. Akala ko nga, Halloween party ang napuntahan ko, habang tirik na tirik ang araw. Napakapambihira kasi ng kasuotan ngayon ni Tita. At base sa mga sinasabi ng mga anak niya, dapat ay hindi ko daw pintasan ang kasuotan niya.




          Napakalaki ng venue ng party at nasa malawak na likod-bahay kami ng mansion. Nagtayo sila ng malaki at maraming tolda dito. Meron din naman sa loob ng mansyon pero karamihan sa mga pagkain at inumin ay nandito sa labas.




          Sa isang lamesa naman ng party na inukupa namin, mag-isang nakaupo si Mama habang dahan-dahan na iniinom niya ang kaniyang inumin. Bago ang lahat ng ito, biglang nakipaghiwalay ang boyfriend ni Mama. Nagulat ako sa bilis ng mga pangyayari. Noong isang araw, nag-text si Mama na masaya siya dahil pinasaya siya ni, hindi ko na alam ang pangalan niya dahil hindi siya karapat-dapat na tandaan. Hindi pa alam ni Allan ang bagay na ito dahil busy siya sa sitwasyon ni Ren.




          Umupo ako sa likuran ni Mama habang may dalang inumin sa kamay. Hindi niya ako mapapansin habang pinapakiramdaman naming dalawa ang simoy ng hangin. Medyo mainit ngayong araw pero salamat sa malaking tolda, at sa malaki ang open space ng mansyon, nakakadaloy ng maayos ang hangin.




          Inikot ni Mama ang paningin nang naramdaman niya na may tao sa likod nita. Nagulat naman ito nang nakita akong nakaupo sa kabilang dulo.




          “Hay nako! Kakagulat ka naman Larson!" natatawang wika ni Mama. Inilagay ni Mama ang isang kamay niya sa puso para kumalma. Mabilis magulat si Mama.




          “Iniisip mo pa rin iyung ex mo?" tanong ko agad habang uminom ng konti sa baso na hawak ko. Lumipat ako sa mesa ni Mama.




          “Ahh!" Tumango si Mama. “Hindi lang kasi ako makapaniwala. I mean, matatanda na kami Larson. Tapos, ganito pa ang nangyari. Nahuli ko siya sa kwarto na may kahalikan na babaeng, mas bata pa sa akin. Alam mo, nakita ko talaga. Pero huminto at nagbakasakali na itutulak ni Jude iyung babae, pero hindi. Nagpatuloy sila. At sa puntong iyun, nagpakita ako para malaman nila na, hi! Nanonood ako sa inyo." May mga butil ng luha ang namuo sa mata ni Mama pero kaagad niyang pinunasan ito.




          Pinatunog ko ang aking dila. “Mga lalake talaga."




          “Hoy, lalaki ka din kaya," natatawang pagpapaalala ni Mama.




          “Ano ka 'Ma? Sa tingin mo, kaming mga ‘lalaki', hindi ligtas sa ganyan? Meron pa ring mga nang-aahas, or maa-ahas. Ewan ko lang sa mga ‘babae' kung ganoon." Ine-emphasize ko iyung mga kasarian para malaman ni Mama na iba ang ibig kong sabihin. “Pero, buti at pinakawalan mo agad iyun 'Ma. Mahirap na kapag umasa ka pa na magkakabalikan pa kayo. Tsaka paano iyung business? Kayong dalawa ang may-ari nun, hindi ba?"




          “Ay! Hindi ko na problema iyun. Kanina lang, ibinigay sa akin lahat ni Jude ang pagmamay-ari sa business natin sa Maynila."




          Nagulat ako sa sinasabi ni Mama. “T-Talaga? Wow. Ganoon ganoon lang? Tsaka umalis na siya?"




          “Yeah. Kaya ako na ang may-ari ng building na iyun. By the way, ang businesss ay, gaya ng plano ko, computer shop, at courier service."




          “At ang pangalan ng mga business niyo?"




          “Huh?" Nakuha agad ni Mama ang ibig kong itanong. “Ay! Hindi namin ipinangalan sa pangalan namin."




          Naginhawaan ako sa nalaman ko. “Hah! Buti naman. Mahirap makapag-move on kapag ang pangalan ng business mo ay pangalan niyong dalawa, tapos maghihiwalay kayo." Humugot ako ng buntong-hininga. “Huwag kang mag-alala, Mama. Makakahanap ka din ng lalaki na para sa iyo," ngiti ko.




          “Salamat Larson. Pero, parang ayoko ng maghanap. What if, wala talaga akong soulmate? What if, iyung matandang hukluban talaga ang soulmate ko?"




          Nanginig ako saglit sa sinasabi ni Mama. “Nako, Mama. Ipapaalala ko lang na pinapatay natin iyung mga anak nung matandang hukluban na iyun para maging ligtas tayo sa kanila."




          “Alam ko iyun Larson." Inilagay ni Mama ang hawak na baso sa lamesa at umupo ng maayos. “Pero ipapaalala ko sa iyo, hindi naman masamang tao ‘sa akin' iyung matandang hukluban na iyun."




          “Ipapaalala ko rin po ba na drug lord din po iyung matandang hukluban na iyun?" tanong ko.




          Tiningnan ko si Mama na sasagot pa sana, pero hindi niya itinuloy. Napansin ko naman na wala ng laman ang baso ni Mama kaya ginamit ko ang pagkakataong iyun para maiba ang usapan namin, kahit papaano. Napansin ko naman ang waiter sa likod ni Mama.




          “Waiter," tawag ko dito habang pinatunog ang aking mga daliri.




          Tumingin sa direksyon namin ang waiter na may hawak na, wine ba iyun? Kaaga-aga.




          Lumapit ito sa amin at inalam ang kailangan ko.




          “Ano po iyun?" tanong nito.




          “Pa-refill ng juice." Kinuha ko ang walang laman na baso ni Mama saka nilagay ito sa tray ng waiter.




          “Okay po." Umalis agad ito para kumuha ng juice.




          “And speaking of masamang tao," patuloy ko habang nakatingin kay Mama. Humugot ako ng malalim na hininga. “naalala ko na ganoon din tayo. Muntikan ko na makalimutan na hindi pala masama ang pumatay. In a sense, pare-parehas lang tayo, masasamang tao."




          “Pero kasalanan ba natin iyun?" tanong ni Mama. “Mga kati sila sa katawan natin. Siyempre, kailangan natin kamutin iyun para mawala. At, hindi naman natin pinatay mismo iyung matanda. Alam mo ba na..."




          Natigil si Mama sa pagsasalita nang dumating ang waiter na dala ang inumin. Nginitian lang nito ni Mama at nagpatuloy sa pagsasalita nang nakalayo na ang waiter.




          “Alam mo ba na pera din niya iyung pinangbayad ko para sa trabaho na iyun?"




          Patay ko lang na tiningnan si Mama na para bang hindi ko alam ang sinasabi niya. “Alam ko iyun, Mama. Technically, wala ka naman sariling pera noon kasi, galing sa kaniya lahat."




          “Yeah. Galing sa kaniya iyun lahat. At alam mo ba ang kondisyon niya para sa perang ibinibigay niya? Mabuhay ako at ang anak ko ng mapayapa."




          Ibinaba ko ang tingin sa hindi inaasahang sinasabi ni Mama. Yeah, alam ko ang pinanggagalingan ni Mama noon. Pero iyung kinikwento niya ngayon ay hindi ko alam.




          “Kung iyun ay hindi pagmamahal, ewan ko lang." Humugot ng malalim na hininga si Mama. “Hay! Iba talaga kapag tumatanda. Saka mo lang maiintindihan ang mga bagay na ganoon, kapag huli na ang lahat." Napangiti si Mama saka uminom sa napunong baso ng juice.




          Inaamin ko, bias ako dahil siya ang ama nung mga taong pumatay sa mga magulang ko. Pero sumasang-ayon ako kay Mama. Kung hindi pag-ibig iyun, hindi ko din alam kung ano iyun. Siguro nga, minahal talaga siya ng matandang iyun. Heck, baka nga soulmate talaga silang dalawa. Nagkataon lang na mahilig sa ‘A minor' iyung tao. Pero jokes aside, sino ba talaga ang nakakaalam? Inuuod na iyung lalaking iyun.




          “Tsaka bakit pa ako maghahanap ng lalaki kung nandyan naman ang mga anak ko, 'di ba?" Tiningnan ako ni Mama na puno ng pagmamahal.




          “Yuck, Mama! Kadiri ka. Hindi po ako mahilig sa incest," biro ko.




          Kumunot ang noo ni Mama. Akmang itatapon niya ang laman ng baso sa akin nang tumigil siya.




          “Ikaw! Parehas kayo ni Allan. Ang sasama ninyo." Nagsalubong ang dalawang kilay niya sa galit.




          Bigla naman nag-iba ang background music ng party. Tirik na tirik ang araw pero iyung mellow na music ang pinapatugtog. Teka nga, pang-gabi lang ba iyung mga tugtog na ganoon?




          May mga ilang matatanda ang sumayaw sa gitna ng malaking tolda. Karamihan ay mag-asawa. Walang mga young couple kasi ine-entertain nila Daryll iyung mga tao sa loob sa pamamagitan ng mga game consoles, na meron na sila ngayon. Kanina, nakita ko sila na naglaro ng patintero.




          Anyway, tumayo ako sa upuan ko at lumapit kay Mama. Yumuko naman ako ng konti tsaka inilahad ang aking kamay.




          “Mama? Pwede ba kitang maisayaw?" tanong ko sa kaniya.




          Nanlaki ang mata ni Mama. “Larson, hindi ka marunong sumayaw pagkaka-alam ko."




          Natawa na lang ako. “Alam ko. Pero alam ko kung paano."




          “Magkaiba ang alam sa marunong."




          “Ay Mama! Give me a chance. Hindi niyo alam, baka marunong pala ako. Turuan niyo ako ng ilang steps at marunong na agad ako. Pramis."




          Bumigay na lang si Mama at ibinaba ang hawak na inumin. “Hay! Sige na nga." Kinuha niya ang aking kamay saka tumayo.




          Pumunta din kami sa gitna ng tolda at sumali sa mga tao na naroon. Tinuruan ako ni Mama ng basics, kung saan ang posisyon ng kamay, steps, hanggang sa nakuha ko na kung paano.




          “Ang bilis mo naman matuto," puri ni Mama.




          Sumayaw kami ng sumayaw ni Mama hanggang sa natapos na ang musika. Sakto na pagkatapos ng musika ay dumating ang pamilyar na sasakyan ni Edmund. Tumingin din si Mama kung saan ako nakatingin. Nang nakita ko ang tao, humugot lang ako ng malalim na hininga.




          “Sana naman ay magandang balita ang dala niya ngayon," wika ni Mama. Binitawan niya ang aking kamay. “Tawagin mo na si Allan."




          Tumango lang ako at pumasok sa loob ng mansyon. Nang narating ko ang kwartong tinutulugan ni Ren, binuksan ko lang ng bahagya ang pintuan. Kita ko naman sa repleksyon ng salamin sa sulok na nakalapat ang mga labi nila. Iyung likuran lang ni Allan ang nakikita ko pero nahuhulaan ko kung ano ang nangyayari. Sinusulit na ni Allan ang bawat sandali habang nagdadasal na sana ay hindi iyun ang huling halik na pagsasaluhan nila, o ninanakaw niya sa walang kaalam-alam na si Ren.




          Malawak na binuksan ko ang pintuan para malaman na nila na nandoon ako. Kaagad naman na nilingon ako ni Allan.




          “Ren, hinahanap ka ni Tita Veronica," sabi ko at bahagyang ngumiti habang nagsasalita. “Tulungan mo siyang magdamit ng tama." Gusto kong tumawa dahil dalawang beses akong, nagsinungaling.




          Kaagad na bumangon si Ren. “Tara, Kuya Allan," sabay hila kay Allan.




          “Umm, sasama mo si Kuya Allan sa akin," dagdag ko.




          Tumingin sa kaniya si Ren na mukhang magtatanong pa kung bakit.




          “May pag-uusapan kami nila Edmund," tuloy ko. “Huwag kang mag-alala. Hindi kami magtatagal."




          Ibinalik ni Ren ang tingin kay Allan.




          Hinawakan ni Allan ang kaniyang pulsuhan at idinampi ang labi niya doon. “Pumunta ka na kay Tita Veronica mo at susunod ako. Pagandahin mo si Tita ha?"




          “Okay," nguso ni Ren. Pero nang lumabas na siya ng kwarto ay masaya itong umalis.




          “Tara," nasabi ko na lang saka lumabas ng kwarto.




          Nang lumabas ako ng kwarto, naabutan ko pa rin sa paningin si Ren na dahan-dahan na nawawala. Pumunta siya sa kwarto ni Tita Veronica dahil akala niya ay nandoon ito. Nasa baba siya at nakikipag-usap sa mga bisita.




          “Anong problema?" tanong sa akin ni Allan matapos huminto.




          Bahagya lang akong lumingon. “Nasa opisina sila ni Mr. Schoneberg. Alam mo na kung saan iyun. Gusto kong makasama ang ‘kapatid' ko."




          Tahimik na tumango si Allan at naglakad sa opisina ni Mr. Schoneberg. Naglakad naman ako sa salungat na direksyon, kung saan ang kwarto ng mag-asawa. Nang narating ko ang kwarto ay naabutan ko na kumatok ng ilang beses si Ren, at ng ilang beses pa, at ng ilang beses pa.




          “Ren, wala diyan si Tita," kuha ko ng atensyon niya.




          Nilingon ako ni Ren na kumunot ang noo. “A-Akala ko ba ay nagpapalit na siya ng damit?"




          Huminto ako sa gilid niya at bahagyang tumawa. “Ginawa niyo na iyun kanina pa. Sinabi mo pa nga na ang ganda-ganda ni Tita Veronica sa suot niya ngayon."




          Napaisip si Ren kung ginawa niya nga ba iyun. “Ahh! Oo nga pala." Ang totoo, hindi nila ginawa iyun. Niloloko ko lang siya.




          “Halika. Tara sa baba. Nasa baba si Tita at nakikipag-usap sa mga bisita." Nilahad ko ang aking kamay.




          Kinuha ni Ren ang aking kamay. Dahan-dahan na lumakad kami papunta sa lokasyon ni Tita Veronica. Habang magkahawak ang kamay ay sumisigaw ang aking utak. Sabihin sa kaniya ang totoo bago pa mahuli ang lahat. Sabihin sa kaniya na mahal ko siya dahil ako naman talaga ang kuya niya. Patawarin na si Ren dahil sa nangyari. Ilang taon na ba na nangyari ang insidente na iyun? Mga sampu na ata, o higit pa.




          “Alam mo Kuya Larson, naaalala ko itong moment na ito. Kaya lang ay hindi sa lugar na ito," wika ni Ren. “Papunta tayo sa isang palaruan at naglaro tayong dalawa."




          Nagbalik naman ang utak ko sa senaryong sinasabi ni Ren. Naaalala ko din ang pangyayaring iyun. Iyun ay sa mga panahon na wala sa magkabilang-panig ang available kaya ako iyung nakipaglaro.




          “Nagkakamali ka. Baka naman si Kuya Joseph mo iyun?"




          Bahagya akong nasaktan sa aking sinasabi. Parte ng pagkatao ko ay gustong sabihin ang totoo, pero malaking parte ng pagkatao ko ay ayaw dahil sa mga pinag-usapan namin ni Mr. Schoneberg. Sasabihin din namin kay Ren ang totoo. Pero ngayon, kailangan na ba? Hindi ko pa alam ang resulta. At kapag ang resulta ay hindi ginawa ng ‘Amn', siguradong gulo lang ang dadalhin nito. Ano kasi, iyung ngayong Ren ay hindi pa kaya mamuhay mag-isa, gaya ng dati. Madisiplina si Ren dati kaya kinaya nito na mamuhay doon sa bahay ‘namin'.




          Bakas sa mukha ni Ren na hindi siya naniniwala sa sinasabi ko. Pero hindi na lang siya nagkumento tungkol doon.




          Pagkababa ay nadatnan namin si Tita Veronica na tinanggap ang isang pamilyar na bisita. Si Ronnie na nakabihis at may dalang regalo.




          “Ay! Salamat hijo," sabi ni Tita pagkatanggap ng regalo.




          “Pasensya na po at hindi po makakadalo ang mga magulang ko ngayon," paghingi ng tawad ni Ronnie. “Busy po sila ngayon. Hayaan niyo po at sa susunod na taon ay babawi po sila. O baka isa sa mga araw na ito ay bisitahin nila kayo."




          “Ay! Okay lang. It's the thought that counts naman," ngiti ni Tita. “Kain ka hijo. Nasa backyard iyung catering."




          Gumala ng tingin si Ronnie at napansin niya kami.




          “Ren, Larson," tawag nito sa amin.




          “Hello," bati ni Ren.




          Tahimik na tumango ako para at least, hindi masabihan na isnabero.




          Binitawan ni Ren ang aking kamay at bumaba agad.




          “Dahan-dahan," pagpapaalala ko dito, kahit na mukhang mabilis pero maingat naman siyang bumaba. Sumunod naman ako.




          “Mabuti at pumunta ka," natutuwang sabi ni Ren. “Nandito si Kuya Allan, tsaka si Daryll at Jasper, naglalaro ng xbox. Tara laro tayo."




          “Ren, pakainin mo muna iyung tao bago kayo maglaro. Gutom ka ba hijo?" tanong ni Tita Veronica na bumaling kay Ronnie. Bumaling naman ulit ito kay Ren. “Teka Ren, kakagising mo lang hindi ba? Kumain ka na muna."




          “Tamang-tama. Sabay na tayong kumain," deklara ko.




          “Tara-tara!" excited na sabi ni Ren.




          Kinuha niya agad ang aming mga kamay at naglakad papunta sa likod. Muntikan naman kaming matumba dahil sa ginawa niya pero nakuha namin agad ang aming balanse.




          Sa likuran, hindi ko maiwasan na mapansin ang mga tingin ni Ronnie habang kumakain. At palipat-lipat ito kay Ren, then sa akin, then kay Mama, then kay Ren ulit, and the cycle goes on and on.




          “Okay ka lang ba Ronnie?" tanong ko agad matapos isubo ang isang kutsara ng kanin na may sauce ng menudo. Ngumuya ako habang nakatingin sa kaniya.




          Ibinaba ni Ronnie ang mga kubyertos at sinalubong ang aking tingin. “Wala naman," iling niya. “Ano lang kasi..." Napakagat siya sa kaniyang sariling ibabang labi. “...frustrated ako. Alam mo iyung pakiramdam na tama ka pero iba iyung sinasabi ng mga tao." Uminom siya ng juice.




          “Gaya ng?"




          “Sa tingin ko ay magkapatid talaga kayo," diin na naman ni Ronnie. Alam kong totoo iyun pero bakit hinuhukay niya ang usapang ito?




          “Iyan nga din ang sinasabi ko, Ronnie!" ismid ni Mama. “Baka nga naipagpalit ng mga doktor sa ospital si Ren at Allan."




          Nagsalubong ang dalawang kilay ni Ronnie. “May ganoong insidente? Sa ospital?" tanong niya na para bang ngayon lang niya nalaman na may ganoong nangyayari sa mundo.




          “Oo naman," sagot ko. “Pero Mama, paano kung si Ren talaga ang kapatid ko at nagkatuluyan sila ni Allan, incest kaya iyun?"




          Naging blanko ang ekspresyon ni Mama. “Napaka-komplikadong tanong naman iyan," ngiwi niya. “Siyempre, in a sense, hindi naman sila magkadugo. At kung si Ren nga talaga ang anak ko, paano naman si Allan? Pagkakaalam ko, wala ng magulang si Ren kaya..." Kumumpas na lang si Mama. Mukhang ang mensahe niya ay hindi niya alam ang sasabihin.




          Sa mga ganitong sitwasyon sanay na sanay na si Mama sa pagsisinungaling. Kasi alam na niya ang kaniyang sasabihin. At bahala na ako kung paano konektahin ang mga sinasabi niya, at bahala naman siya kung paano konektahin ang mga sinasabi ko. Teamwork ba?




          “Pero Tita, kayo ni Allan, magkahawig," punto ni Ronnie. “Kaya sigurado po akong anak niyo siya. Pero si Larson at Ren..."




          Natahimik siya at muling nag-isip. Nanatiling kalmado ako sa mga sitwasyon na ganito, kahit si Mama. Hindi dapat siya bigyan ng dahilan para magsuspetsa.




          “Ren, tingnan mo nga si Larson. Magkamukha kayo hindi ba?" tawag ni Ronnie sa atensyon nito.




          Tumigil sa pagkain si Ren at nakipagtitigan sa akin. Matagal siyang nag-isip sabay umiling.




          “Parang hindi naman," nguso niya sabay harap kay Ronnie. “Si Ronnie talaga, kung ano-ano ang sinasabi."




          “Pero kayo ni Joseph na magkapatid, hindi kayo magkamukha," punto na naman ni Ronnie.




          “Dahil ampon siya ni Mama," diretsong sagot niya.




          Nagulat kami ni Ronnie sa sinabi ni Ren. Aba! Nagsisinungaling si Ren? Iyun ba ang idinahilan ni Joseph sa kaniya kaya hindi sila magkamukha? Pero kapani-paniwala ha.




          “Si Mama naman, kaya hindi ko na siya kahawig dahil tumaba na siya."




          Napainom ako ng juice at namangha sa mga dahilan na sinasabi ng mag-ina. Mukhang tama ang desisyon ni Mr. Schoneberg na sila ang mag-alaga kay Ren.




          Inobserbahan ko si Ronnie kung may mga itatanong pa ba siya. Pero nakuntento siya sa sagot ni Ren at muling ininom ang juice hanggang sa maubos.




          Ilang subo ang lumipas ay ibinaba na ni Mama ang kaniyang kubyertos hanggang sa may nakita siya mula sa malayo. “Si Mareng Karina at iyung asawa niya, nandito. Makikipagtsikahan lang ako sa kaniya," excited na paalam ni Mama.




          Pagkapunas ng labi ni Mama ay tumayo agad siya at lumakad papunta kay Tita Karina. Hindi ko naman maiwasan na hanapin si Kurt kung kasama nila. Pero last update ko sa shop, nandoon pa rin siya at naglalaro kasama si Alexis.




          “Tagal naman ni Kuya Allan," simangot ni Ren. “Tara Ronnie. Makipaglaro na tayo sa loob."




          Madaling inubos ni Ren ang pagkain sa kaniyang plato. Tungga sa tubig sabay takbo papunta sa loob ng mansyon.




          “Oi, hintay lang," sabay habol nito kay Ren.




          Muntikan na akong magsalita at sabihin kay Ren na mag-ingat siya. Baka maghinala na naman si Ronnie at ayokong mangyari iyun.




          Naramdaman kong nag-vibrate ang phone ko. Humugot ako ng malalim na hininga at tiningnan kung anong meron sa phone ko. Isang text galing sa isang hindi kilalang number.




          “Sigurado ka ba na walang kinalaman si Gerard sa pagkamatay ni Mang Luke?" basa ko sa mensahe.




          Nanlaki ang mata ko sa nabasa ko. Si Gerard? May kinalaman sa pagkamatay ni Mang Luke? At kanino galing ang mensaheng ito?




          Ibinalik ko ang phone ko sa aking bulsa at pumunta sa harapang parking lot. Sumakay ako sa kotse at nagmaneho papunta sa bahay ni Gerard.




Allan's POV




          Nang naghiwalay na kami ni Larson, tumungo na ako sa opisina ni Mr. Schoneberg. Napakabigat ng bawat hakbang ko habang papalapit ako sa opisina. Punyeta! Allan! Lakad, pasok, magiging okay lang ang lahat. Positibong balita ang matatanggap mo ngayon, positibong balita lang ang matatanggap mo ngayon.




          Humugot ako ng malalim na hininga at pumasok na sa opisina. Sa loob, naabutan ko ang Mama ni Joseph at siya mismo, at si Mr. Schoneberg na mukhang kanina pa naglalakad-lakad sa loob.




          “Sit down, sit down," turo ni Mr. Schoneberg sa isang upuan matapos akong makita. Umupo din siya sa kaniyang upuan.




          Umupo naman ako sa upuan na itinuro ni Mr. Schoneberg. Shit! Bigla akong nahawa sa ginagawa ni Mr. Schoneberg kanina at hindi na rin ako mapakali. Ito ba naman kasi itong si Edmund. Pinaghihintay kami ng matagal.




          Gumala naman ang isip ko sa mga posibilidad kung bakit matagal si Edmund. Una, dahil alam na niya na matagal pang mabubuhay si Ren. Pangalawa ay dahil sa hindi niya kaya na ihatid sa amin ang masamang balita. Ugh! Asaan ka na ba Edmund?




          Makalipas ang ilang minuto, sa wakas at dumating na rin ang taong hinihintay namin. Pumasok si Edmund sa kwarto na may blankong ekspresyon. Sinuri ko ang ekspresyon sa mukha ni Edmund at baka may leak ako sa magiging isasagot niya. Sa kasamaang palad, hindi ko mabasa ang ekspresyon ng mukha niya sa likod ng blanko niyang ekspresyon. Usually, may makikita kang palatandaan sa blankong ekspresyon, kahit gaano pa ito ka-blanko. Mukhang kailangan kong maghintay kung kailan siya magsasalita.




          Tumayo si Edmund at may narinig akong drum roll sa utak ko. Sa tingin ko naman, straight to the point ang isasagot ni Ronnie. Hindi kailangan magpaliwanag o ano, scientific explanation, hindi ko kailangan iyun! Kailangan kong malaman kung mabubuhay ba siya o hindi.




          “It was a heart attack. Iyun ang ikinamatay nung pulis," straight to the point na sabi ni Edmund.




          Biglang nagliwanag ang aking paligid. Bigla akong naging masaya para kay Ren. Mabubuhay pa siya ng matagal at matutupad pa niya ang kaniyang mga pangarap, hindi ko nga lang alam kung ano ang mga pangarap niya sa hinaharap.




          Nagpaliwanag pa si Edmund kung bakit daw heart attack ang ikinamatay nung pulis. Nagpaliwanag din siya kung bakit walang kinalaman ang ‘Amn' sa pagkamatay ng pulis pero hindi na ako nakinig sa mga eksplanasyon niya at lumabas ng kwarto.




          Hinanap ko si Ren sa likuran ng mansyon kung saan siguro siya pupunta, dahil hindi pa siya kumakain ng tanghalian. Pero hindi ko siya naabutan doon maliban lang kay Mama na nakikipag-usap kay Tita Karina. Pumasok naman ako sala kung saan siguro ang susunod na destinasyon ni Ren. Iyun ang plano niya sa araw na ito. Makikipaglaro kila Daryll sa sala dahil may mga console na dito sa mansyon.




          Muli, hindi ko na naman siya nadatnan. Iyung magkapatid lang, si Franz, at ilan pa nilang lalaking pinsan ang aking nadatnan. Iyung ibang pinsan nila ay nakaupo sa sahig habang ang iba ay nasa sofa. Huh? Asaan si Ren?




          “Jasper? Dumaan ba dito si Ren?" tanong ko dito habang nakatingin sa mga pinsan nila na nakaupo, baka isa doon si Ren at hindi ko lang nakita.




          “Hindi pa siya dumaan dito," sagot ni Jasper na nakaupo sa sahig at hawak ang isang controller sa kamay.




          Umalis ako sa sala at naghanap sa buong mansyon. Pinuntahan ko ang mga lugar na posible niyang pinuntahan, tapos balik ulit sa sala. Umalis ulit ako doon at hinalughog na ang mga lugar na pwede kong puntahan. Ngayon naman ay hinanap ko na din si Larson dahil kasama niya ito. Baka nakikipaglaro lang sa akin si Ren ng tagu-taguan.




          Pagkabalik ko sa sala na iyun sa pangatlong pagkakataon, bigla na akong kinabahan. Kinuha ko ang phone ko saka tinawagan ang cellphone ni Ren. Matagal itong nag-ring. Hindi ugali ni Ren na matagal ipa-ring ang kaniyang phone, ngayon.




          Kinabahan na talaga ako ng husto. Tinawagan ko naman ngayon ang phone ni Larson. Pagka-ring ay ibinaba niya agad ito. Galit ba siya sa akin? Bakit niya ibinaba agad?




          Sinubukan ko ulit siyang tawagan pero hindi na daw ma-reach ang phone niya. Baka pinatay na niya ito at ayaw niyang magpaistorbo.




          Sa sulok ng aking paningin, nakita ko si Keifer na pumasok sa sala at halatang wala siya sa mood. Nagsalubong naman ang dalawa niyang kilay nang nakatingin siya sa akin.




          “Anong problema mo?" tanong niya. “Asaan pala si Ren?'




          Hindi ako nakasagot. Ni nagsalita ay nahihiya ako. Naiwala ko siya, o sa tingin ko. Naiwala ko siya, naiwala ko siya!




          “Shit, Allan!" sigaw ni Keifer na kaagad lumabas.




          Napatingin naman sa akin ang lahat ng tao sa kwartong iyun.




          “Anong problema nun?" tanong sa akin ni Jasper na mukhang nakipagpalit na sa isa sa mga pinsan niya.




          Sinundan ko si Keifer sa labas at nakita siya na binubuksan ang sasakyan ni Edmund.




          “Keifer, sasama ako," sabi ko habang hinahabol siya.




          Nakita kong may pinindot siya sa sasakyan kaya binuksan niya ang mga pintuan nito. Nang ini-start niya ito ay narinig kong nag-ingay ang gulong bago ko isinara ang pintuan. Ang isang kamay niya sa nasa manibela at ang isa ay may hinahalungkat sa isang kompartment ng sasakyan. Nang malapit na kami sa entrada ay nakita kong may sinasabi ang gwardya doon. Pinipigilan niya kaming lumabas sa mansyon kaya huminto kami.




          Hindi ko naman napansin na may inilabas na baril si Keifer sa isa sa mga kompartment ng sasakyan. Binuksan niya ang bintana na malapit sa kaniya at dumungaw dito saka binaril ang gwardya. Hindi gwardya mismo kung hindi ang aspalto. Ilang metro lang siguro ang layo at tatamaan na iyung gwardya.




          “Buksan niyo ang gate kung mahal mo pa ang buhay mo!" sigaw ni Keifer na galit na galit.




          Natakot ang gwardya kaya kaagad nitong binuksan ang gate. Halos hindi pa bukas ang gate, at hindi pa siguro kasya ang sasakyan namin na makalusot pero kaagad na pinaandar ito ni Keifer. Wala akong naramdaman na kung ano kaya ibig sabihin ay hindi sumabit sa bakal na gate ang sasakyan.




          “Teka, teka," sabi ko nang biglang may naisip ang utak ko. “Paano kung-"




          “Shut up, Allan!" pagputol ni Keifer. “Habang hinahatid ako papunta sa mansyon, nakita ko ang sasakyan ni Ronnie palabas. Wala ng ibang eksplanasyon kung bakit hindi mo mahanap si Ren."




          “Ehh, si Ronnie lang pala. Ano ang problema? Baka pumunta lang sila sa bahay nito para maglaro ng console nila? Baka papunta sila sa bahay ni Ren?"




          “Kahit isang segundo lang na mag-isa si Ren sa taong iyun, hindi ko siya pagbibigyan! Hindi ligtas para kay Ren. At least, iyun ang sa tingin ko. Kaya tumahimik ka dahil..." Natahimik si Keifer at tumingin sa akin. “kasalanan mo ito kapag may nangyaring masama sa kaniya."




          Humugot ako ng malalim na hininga at tumingin sa malayo. Sa entrada ng village ay may nakikita akong ilaw na kulay asul at pula. Fuck!




Edmund's POV




          Matapos ang mahabang paliwanag kila Mr. Schoneberg, sa Mama ni Joseph na ngayon ay nagpapasalamat na sa mga santo, at si Joseph mismo, nagulat kami nang may isang tauhan namin ang pumasok sa kwartong iyun.




          “Sir Edmund, na-karnap po ang kotse ninyo," sabi nito.




          “What?"




          Niluwa naman ng pinto si Mang Gardu. “Pina-notify ko na iyung mga guards sa labasan. Haharangin nila ang sasakyan at papuputukan kung kinakailangan para huminto."




          “Wait, anong nangyayari? At sino ang kumarnap?" tanong ni Sir Simon.




          “Iyung isa po sa mga guest ninyo-"




          “'Pa," si Jasper na niluwa din ng pintuan. “si Keifer at Allan ang tao sa kotse na iyun. Nawawala po si Ren sa mansyon mismo."




          Bigla akong kinabahan sa mga nangyayari. Hindi na nga siya mamamatay, mawawala na naman siya sa amin?




          “Mang Gardu hayaan niyo silang umalis!" pasigaw ko na utos dito kahit na mas mataas ito sa akin. Pero kahit ganoon, kaagad naman itong nagradyo sa labas na palampasin ang nakarnap na kotse.




          “Iyung CCTV, ay fuck!" mura ko matapos maalala ang itinuro ni Gerard na may grace period para mapanood mo ulit ang mga nangyari kanina.




          “Nakalampas na iyung kotse mo," report ni Mang Gardu sa akin.




          Tumango lang ako. Pero ang totoo, hindi na ako nakikinig. May mga instruction naman na bimibigay si Sir Simon sa mga tauhan namin sa baba dahil daw nagkakagulo ang mga tao nang nakarinig sila ng putok ng baril. Teka, si Gerard. Kailangan ko siyang tawagan?




          Tatawagan ko na sana si Gerard nang narinig kong may sinasabi si Sir Simon tungkol sa mga pulis. Magpapatalaga siya ng checkpoint sa buong Rizal para mahanap agad si Ren kung saka-sakali. Tama bang desisyon iyun kung meron silang mga kakampi sa pulis? Ay! Bahala na. Kailangan kong tawagan si Gerard.




          Tinawagan ko si Gerard. Nag-ring ito ng ilang minuto pero walang sumasagot. Hindi maaari!




          “Edmund, saan ka pupunta?!" rinig kong sigaw ni Mang Gardu matapos lumabas ng kwarto.




Gerard's POV




          Awtomatiko akong nagising matapos may maramdaman sa paligid ko. Kasalukuyan akong nakahiga sa kwarto, at naka-boxers lang habang pinapakiramdaman ang paligid. Napakatahimik ng apartment kasi naka-soundproof iyung mga pader? Pero kahit ganoon, nararamdaman ko na may pumasok sa aking bahay. Parang may magnanakaw sa apartment ko. At hindi lang isang magnanakaw ang nararamdaman ko. Dalawa? Tatlo? Hindi ako sigurado.




          Dahan-dahan akong bumangon sa kama at tumingin sa ilalim na parte ng pintuan. Iyung ilaw ng sala sa labas, hinahayaan ko lang na bukas palagi. Pero sa hindi ko malaman na dahilan, wala akong nakikitang ilaw. Hindi naman brownout dahil naririnig ko ang pag-andar ng aircon sa kwarto. Tsaka walang ibang source ng ilaw sa labas dahil sinasara ko ang mga bintana. More like, may mga bintana sa apartment pero hindi ko binubuksan.




          Inayos ko ang aking higaan para magmukhang may humihiga pa rin sa kama. Dahan-dahan at dali-dali akong nagtago sa aparador kung saan kasya ako. Kinuha ko ang baril na nakatago dito at bahagya na hinayaang bukas para makita ko ang mga mangyayari.




          Nang biglang bumukas ang pintuan ng kwarto ko, pinaputukan agad ito ng mga tao. Mga tatlong tao na may hawak na handgun na, naka-silencer para hindi malaman ng mga tao sa labas na may pinapatay silang tao. Sa kasamaang palad, tanging balahibo at cotton lang ang lumilipad sa ere nang binaril nila ang kama. Overkill. Naka-soundproof ang apartment.




          Tumigil na sila nang napagtanto nila na baka patay na iyung binabaril nila. Pero lumabas na ako mula sa aking pinagtataguan at pinadala sa langit ang dalawa. Hindi ko naman mapadala sa langit ang pangatlo dahil nakatakas agad ito sa paningin ko. Nasa pinakalikod siya kaya nagkaroon siya ng oras para tumakbo.




          Wala akong nagawa kung hindi habulin siya. Nang nakalabas na ako, nagulat ako saglit nang itinaas niya ang kaniyang baril at itinutok ito sa akin. Itinaas ko pa rin iyung sa akin para itutok sa kaniya. Nang halos sabay namin pinitik ang gatilyo ng mga baril namin, hindi pumutok iyung sa kaniya. Sa halip, iyung sa akin ang pumutok at isang tama lang ay dumiretso na siya sa langit, o sa impyerno, hindi ko alam. Hay nako! Kasalanan nila iyan. Inubos nila kasi ang bala ng baril nila sa akin sa higaan. At sa kaalaman ko sa baril, sigurado akong wala na silang bala pagkatapos. Nag-panic na siguro siya kaya hindi na niya nagawang maglagay ng bala.




          Nang nakahinga na ako ng maluwag, nagkaroon ulit ako ng masamang pakiramdam na meron pang tao sa bahay ko. Mula sa dilim ay may isang pigura ang umatake sa likuran ko. Nasalag ko agad ito sa oras at papuputukin ko sana ang hawak kong baril para matapos na ang lahat. Pero kung gaano naman ako kabilis nakasalag ay siya ding bilis niya para maka-recover at disarmahan ako. Natapon ang baril sa kung saang parte ng apartment kaya wala na akong nagawa kung hindi makipag-close quarter combat.




          Habang nilalabanan ang tao ay mabilis kong nalaman na isang babae ang kaharap ko. Napakahina ng kaniyang mga binibitawang suntok at tadyak pero napakadelikado ng mga pinupunterya niyang parte. Kaya ko sanang tapusin ito gamit ang aking lakas pero tanging pagsalag lang ang nagagawa ko dahil sa bilis naman niyang umatake.




          Ilang beses siyang bumagsak at ganoon din ako hanggang sa makahanap ako ng pagkakataon para sipain siya sa sikmura. Tumumba naman siya at dumikit sa pader dahil sa impact. Imbes na tuluyan siya ay hinanap ko ang baril ko at nakita ko agad ito sa sahig. Nang kinuha ko ito ay itinutok ko ito sa kalaban ko pero nagulat ako nang naka-recover na pala siya at tumakbo papalapit sa akin saka nag-backflip. Sa ginawa niya ay natamaan ang aking kamay na hawak ang baril at nabitawan na naman ito ng kamay ko.




          Habang sinubukan ko na agad gumanti, hindi ko napansin na nahawakan ng kaniyang kamay ang sahig at nakuha agad niya ang balanse habang nakatayo gamit ang kaniyang kamay. Gamit ang kaniyang binti ay hinawakan niya ang aking ulo at itinilapon ako nito sa sahig. Unang tumama ang likod pero sapat na iyun para masaktan ang aking buong katawan. Kaagad naman niyang ni-lock ang aking mga kamay at sinakal ako ng kaniyang mga paa. Sinubukan kong lumaban at huminga pero hindi ko magawa. Dahan-dahan ay nawawalan ako ng malay. Ito na siguro ang katapusan ko.




Larson's POV




          Nang nakarating ako sa lugar nila Gerard, nagulat ako nang may mga van ng pulis at ambulansya na naka-park malapit dito. Kaagad na bumaba ako para alamin kung ano ang nangyayari. Naabutan ko ang mga pulis na may binibitbit na bangkay. May mga tama ng baril sa ulo ang mga taong ito.




          “Manong, ano po ang nangyari dito?" tanong ko sa lalaking nasa harap ko.




          “Mga magnanakaw ata. Nakita kong pumasok sila sa isang apartment. Kaya tumawag agad ako ng pulis," paliwanag nito.




          “Buti nga lang at iyung kay Gerard iyung pinasok nila. May baril iyung tao kaya malas lang nila," komento ng babae sa tabi ko. “Pero si Gerard, wala siya sa loob."




          Na-alarma ako at sinubukang pumasok sa maliit na compound ng bahay. Papunta sa apartment nila ay hinarangan naman ako ni Officer Geoffrey.




          “Anong nangyari?" tanong ko dito agad.




          Pinandilatan naman ako nito. “Hi Larson. Okay lang naman ako. Bawal ka dito," sarkastikong sabi nito kahit na hindi naman kami close. Ugh! Kasalanan ko naman dahil hindi ko siya binati.




          “Magandang umaga. Anong nangyari kay Gerard?" sarkastikong sabi ng utak ko.




          “Kailangan ba kitang batiin bago kita tanungin tungkol sa taong nawawala sa apartment na iyan?" seryosong tanong ko.




          Sa likod ng balikat niya, dumungaw si Christian na may hawak na maliit na notebook. Tumalikod naman si Geoffrey nang narinig niya ang mga yapak na papalapit sa kaniya. Hinarap niya ang pulis.




          “Tapos ka na?" rinig kong tanong ni Geoffrey.




          “Oo." Tiningnan ni Christian ang hawak na notebook. “Hindi pa nga lang tapos ito dahil nawawala iyung may-ari ng bahay. May ideya ako kung ano at paano ang nangyari. At ang nakakagulat pa nito ay ang dami ng mga baril na nakatago sa loob ng apartment."




          “Lisensyado ba lahat?"




          Tumingin muna sa akin si Christian saka yumuko at umiling. Mahirap ito. Kahit na may or mga taong gumawa ng masama kay Gerard at nadepensahan niya ang kaniyang sarili, hindi makakaligtas sa mga pulis ang mga bagay na illegal, gaya ng hindi lisensyado na baril. Kakasuhan siya ng pulis, pero hindi mahalaga iyun. Nawawala ai Gerard.




          Lumingon naman ako sa likod nang may mga mabibilis na yapak ang papalapit sa amin. Nakita ko si Edmund na huminto at nanlaki ang mata matapos magpang-abot ang mga tingin namin. Tumingin naman ito kila Geoffrey at Christian pero bumalik ulit ang mga tingin niya sa akin. Iyung para bang hindi niya alam kung sino ang unang kakausapin. Mukhang may gusto siyang sabihin sa aming lahat na naroon.




          Tinuro niya muna ako. “Nawawala si Ren," sabi nito sabay turo naman kila Geoffrey. “Ano ang nangyari kay Gerard?"




          Nagulat kaming lahat sa sinasabi niya. Parehas kami ni Geoffrey na gustong magsalita pero napapahinto kami sa tuwing binubuka ang aming mga bibig. Saka lang na-register ng utak ko ang nangyari. Konektado ang dalawang insidenteng ito.




          “Mukhang may dumukot-"




          Bago pa tapusin ni Christian ang sinasbi niya, umalis na agad ako sa lugar na iyun. At pumunta sa kotse. Kailangan may gawin ako. Hindi na ako basta tatayo lang at manonood.




Allan's POV




          Nang nasa tapat na kami ng guardhouse sa isang sabdibisyon, tumawag si Larson sa akin.




          “Buti at kinuha mo na ang phone mo," naiinis kong sagot sa phone.




          “Asaan ka ngayon? Anong ginagawa mo?" tanong nito.




           Tumingin ako sa harapan. “Mukhang pupuntahan namin iyung bahay ni Ronnie ngayon. Kasama ko si Keifer."




          “Hindi lang basta pupuntahan. Susugurin ko na para mabawi ko si Ren," sabi ni Keifer habang nagmamaneho.




          Rinig kong humugot ng malalim na hininga si Larson. “Allan, sabihin mo kay Keifer na nawawala si Gerard. At tanungin mo siya kung anong tulong ang pwede kong gawin."




          Ipinasa ko ang sinabi ni Larson sa kaniya.




          “Gusto ko magkaroon ng blackout ng CCTV sa village," tugon ni Keifer. “Kaya niya ba iyun?"




          “Oo. Nandito na ako sa shop." Mukhang narinig ni Larson ang sinabi ni Keifer. “Bigyan mo ako ng ilang minuto para makapaghanda. Medyo mahirap ang pinapagawa mo kung buong village."




          Ipinasa ko ulit ang sinabi ni Larson nang bigla kaming huminto. Alam kong ilang hakbang at nasa bahay na kami ni Ronnie.




          “Nagbago na ang isip ko," sabi ni Keifer na naglabas ulit ng baril mula sa isang compartment ng sasakyan. “Gusto kong mabura lahat ang feed ng CCTV. Iyung tipong hindi na mare-recover ng mga technician nila."




          Nilagay ko sa speaker mode ang phone.




          “Burahin?" nagulat na sabi ni Larson. “M-mas mahirap iyan. Maghintay ka lang ng ilang minuto at-"




          “Hindi na ako maghihintay Larson!" putol ni Keifer na ikinasa na ang baril. “Malaki ang nawala sa akin dahil sa paghihintay. Ang mabuting gawin mo ay gawin ang mga dapat mong gawin. At ikaw Allan," Tumingin siya akin sa akin. “dito ka lang. Maliban na lang kung alam mo kung paano humawak ng baril."




          Hindi na lang ako nakaimik nang bumaba na siya ng sasakyan. Pagkalabas pa lang ng isang tao mula sa bahay ni Ronnie ay kitang-kita ko na tumama sa ulo ang unang putok ng baril. Mas lalo akong natigil nang mapagtanto ko ang malaking pagkakaiba namin ni Keifer. Kayang-kaya niyang protektahan si Ren, hindi katulad ko na walang magawa kung hindi ang maupo sa sasakyan. Hanggang dito lang ba ako? Hindi ko ba mahihigitan si Keifer?




Keifer's POV




          Wala na akong maisip kung hindi patayin ang lahat ng tao sa loob ng bahay ni Ronnie. Bawat taong magpakita ay pinapadala ko sa kabilang buhay. Maliban lang sa mga inosenteng utusan na naroon.




          Hinalughog ko ang lugar matapos masiguro na wala na ang mga tauhan ni Ronnie sa bahay. Nang nahimasmasan ako mula sa gusto ng isipan ko na pumatay ng pumatay, saka ko lang napagtanto na wala ang mga hinahanap ko sa bahay na ito. Ako naman ang nakawala kay Ren.




          “Shit!"




          Hinalughog ko ulit ang bahay kung may mga impormasyon na magtuturo sa akin kung saan dadalhin ni Ronnie si Ren. Pero wala akong nakuha.




          Lumabas na ako ng mansyon na iyun matapos maisip na may papuntang mga pulis sa lugar na iyun. Sumakay ako sa sasakyan at pinaandar ko na agad ito palabas ng village na iyun.




          “Wala si Ren sa loob?" tanong ni Allan.




          Umiling lang ako. “Kung saan dinala si Ronnie, siguradong hindi na siguro sa bahay na iyun."




          “Keifer, I'm sorry," paghingi niya ng tawad. “Nasa opisina ako at hinihintay sa resulta mula kay Edmund kung mamamatay na ba si Ren o hindi?"




          “Mabubuhay ba siya?" tanong ko agad.




          “Oo."




          Nakahinga ako ng maluwag. “Mabuti. At least, mabubuhay pa iyung mga pinsan ko, o pamangkin mo?"




          “Pamangkin ko?"




          “Buhay pa sila." Tiningnan niya ako saglit. “I mean, come on. Bata lang ang mga iyun, walang alam sa mundong ginagalawan ng mga magulang natin. Pero kahit ganoon, tinurukan ko sila ng ‘Amn' para makalimutan nila iyung nangyari. Noong narinig ko na baka ikamamatay nila iyung ‘Amn', halos gumuho ang mundo ko. Akala ko, pinatay ko din ang mga pinsan ko."




          Tumango lang si Allan. “Ngayon, ano na ang gagawin natin?"




          Gaya nga ng inaasahan, may mobile ng pulis ang mabilis na rumesponde sa bahay ni Ronnie. Sasagot pa sana ako nang tumawag sa phone si Jonas. Isasagot ko pa naman kay Allan ang pinakaayaw kong salita. Ang maghintay.




          “Hello Jonas. Balita?" bati ko na para bang walang nangyayaring masama ngayong araw.




          Tumunog naman ang phone ni Allan saka pinakita niya sa akin kung anong meron. Nagawa na ni Larson ang parte niya.




          Sa kabilang linya naman, naririnig kong hinahabol ni Jonas ang kaniyang hininga. At pakiramdam ko'y palakad-lakad siya. Nararamdaman kong may maririnig akong hindi maganda.




          “Umm, Keifer," sagot niya. “Pasensya na. Pero kasi, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kaya ikaw ang una kong natawagan."




          “Ano ang problema?"




          “S-Si Anthony. Dinukot si Nicko habang nagdya-jogging ito."




          Nasapo ko ang aking ulo. Napakasama ng timing nito. May dalawang magkakaibang problema na hindi ko alam kung konektado o hindi. Iyung pagkawala ni Ren at Gerard, siguradong-sigurado ako na konektado iyun.




          Hindi ako makapagsalita dahil hindi ko alam ang gagawin. Nag-iisip ako kung ano ba ang magagawa ko bilang kaibigan niya. Iyung hindi insensitive dahil hindi ko magawang mag-panic sa naririnig ko na masamang balita mula kay Jonas. Ahh! Alam ko na.




          “Okay. Buti at naitawag mo sa akin," kalmadong sabi ko. “Pasensya na kung hindi ko magawang magulat o ano dahil may problema din kami ngayon. Dinukot si Ren at si Gerard, iyung classmate nila Allan."




          Biglang kumalma ang hininga ni Jonas. “Ohh! Kayo din."




          “Ganito ang gawin mo. Tumawag ka ngayon sa mga pulis. I-report mo iyung nangyari kay Nicko pero huwag iyung sa amin. Pumunta ka sa bahay ni Allan. Alam mo naman siguro kung saan nakatira si Blue. Nasa tapat ng bahay nila iyung bahay ni Allan," panuto ko. Ibinaba ko ang phone at tumingin kay Allan. “Sabihin mo kay Larson na doon tayo magkita-kita sa bahay ninyo. Hahanapin natin iyung mga kakilala natin na nawawala." Inilagay ko ulit sa tenga ang phone at tumingin sa daan.




          Tumango naman si Allan at nag-text.




          “Okay. Gagawin ko iyan. Pero paano akong-"




          “No. Tumigil ka," pagputol ko sa sasabihin ni Jonas. “Hindi natin pag-uusapan ang paano. Okay? Nakakadagdag iyan ng stress sa ulo dahil hindi lang ako ang narito. Si Allan din. Baka maisip din namin ang parehas na senaryo ng naiisip mo. At mamaya sa bahay nila Allan, marami tayo kaya, kalma lang. Maging malakas tayo para mga minamahal natin. Stay positive." Ramdam ko ang mabilis na tibok ng puso ko dahil nagsisinungaling ako. Hindi ko magawa ang aking sinasabi. Nag-iisip na din ako ng masamang senaryo sa kakahintay.




          “Okay, okay. Salamat Keifer." Ibinaba na ni Jonas ang phone.




          Sa bahay ni Larson, ginagawa namin ang lahat para mai-track kahit papaano sila Ren at Gerard. Sa kasamaang palad, hindi namin nagawa dahil either patay ang phone nila o sinira, hindi ko alam. Nandoon ang lahat maliban kay Madam Veronica na walang kaalam-alam sa mga nangyayari, sinabi na lang namin na napagod si Ren at nagpapahinga na. Iyung magkapatid na Schoneberg, nagpaabot si Jasper ng isang good luck by the way, useless pero thoughtful. Na-appreciate ko iyun. Si Joseph at ang Mama niya, umuwi na at baka may hindi mangyaring maganda sa kalusugan ng Mama ni Joseph.




          Nag-assume na ako na nakalabas na sila ng Rizal, kahit na nagpa-checkpoint na si Mr. Schoneberg sa buong lugar. Pwede naman nilang bayaran ang mga pulis on the spot. At ilang oras na simula nang dinukot sila. Wala pa ring mga tao na tumatawag sa amin o ano.




          “Huh!" sabi ko sa aking sarili. May nanalo na sa tanga-tangang kidnapping award.




          “Larson, pa-check nga ng location na ito?" tanong ko tsaka pinakita ang display ng laptop sa kaniya.




          Tumingin saglit si Larson saka nagtipa sa laptop niya. Kitang-kita ko lang sa screen ang salitang ‘NASA' habang ginagawa niya iyun. Then iyung buong earth, then iyung buong Asia, buong Pilipinas, buong Rizal, at pababa pa. Nagulat ako. Akala ko kasi, maglalabas siya ng CCTV feed sa mga dinaanan nitong CCTV. Bakit pala kami nahihirapan na hanapin si Ren kung meron pala kaming ganito?




          Anyway, nahanap ko kaagad iyung lokasyon ni Nicko dahil may ginagamit siyang app sa phone para i-track iyung progress niya. Sa palagay ko, ilang kilometro na ba ang nalakad niya, iyung mga ganoong application na pang-excersice. At dahil kailangan online, naka-turn on iyung GPS hahang naglalakad siya. Dahil hindi magagawa ng phone na sabihin sa kaniya kung ilang kilometro ang nalakad niya kung offline ito. Kailangan lagi ng tulong ng mga app na ganoon gaya ng sattelite na nasa labas ng daigdig?




          Pinatay na ni Larson ang feed saka bumalik sa paghahanap kila Ren at Larson. Tatanungin ko nga siya kung bakit hindi niya hanapin sila sa ganoong paraan.




          “Jonas, ano," tawag ko dito na nakaupo sa sofa. Kumuha ako ng papel at ballpen saka sinulat ang lokasyon nila at ang model ng sasakyan. Nakita ko pa sa monitor ni Larson ang modelo ng sasakyan. Nakakatakot.




          Tumayo si Jonas at lumapit sa akin. “Ano iyun?"




          Binigay ko ang papel sa kaniya. “Sabihin mo sa pulis na anonymous tip. Tsaka kadadaan lang sa checkpoint doon sa timog-kanluran."




          “Wow!" Nagulat si Jonas habang hawak ang papel. “Paano?"




          Nagkibit-balikat ako. “Hindi ata alam ni Anthony kung paano gumagana ang mga cellphone ngayon? Hindi ba matagal na siya sa kulungan?" biro ko. “Anyway, good luck."




          “Salamat talaga. Babawi talaga ako sa iyo."




          “Alis na. Bago pa mahuli ang lahat," taboy ko dito.




          Kita kong ngumiti si Jonas nang lumabas ito ng kwarto. Tumingin naman ako kay Larson.




           “Lumabas na sila ng Rizal," una ni Larson sa sasabihin ko. “Hindi ko na abot ang labas ng Rizal dahil hanggang Rizal lang ako."




          “Hinak mo iyung satellite ng NASA ngayon ngayon lang," turo ko sa laptop niya.




          Pinandilatan ako ng mata ni Larson. “Nakalimutan mo bang pagmamay-ari ng gobyerno ng Amerika ang NASA? At may security system sa loob na, tine-trace iyung mga taong naka-access sa satellite nila. At kapag na-trace tayo, hindi ko alam kung anong mangyayari at ayokong malaman iyun kung ano. Malaking krimen ang ginagawa ko kanina dahil kahit mismo iyung mga tao sa bansa nila ay hindi alam na may ganitong features ang satellite nila. Pero pera nila iyung ginagamit para magawa ang satellite na iyun," mahabang paliwanag niya.




          Hindi na ako makasagot sa mga puntong tinuturo ni Larson. Oo, masusundan namin si Ren. Pero patay naman kami sa mga namumuno nung bansa. Hanggang crime family lang ako.




          “May ideya ka ba kung bakit dinadala nila si Ren pa-norte?" tanong ni Larson.




          Nag-isip ako. “Kung alam ni Ronnie ang kabuuang halaga ni Ren, hindi niya ito papatayin," sagot ko. “Bukod pa roon, hindi ko na alam. Ang naiisip ko lang ay baka ipuslit nila si Ren palabas ng bansa. Either sa barko, o sa eroplano."




          Nagsalubong ang kilay ni Larson. “Pero alam ba ni Ronnie ang ‘alam' mo?" muli na naman niyang tanong.




          “Dinukot na niya nga si Ren, hindi ba? Malamang." Humugot ako ng malalim na hininga. “Alam niya." Pero paano naman niya nalaman? Si Gerard kaya?




          “Hindi ko gusto ang takbo ng mga nangyayari at ang mga naririnig ko mula sa inyo," wika ni Mr. Schoneberg sa medyo mataas na boses, at nasa harap na namin. Naglakad-lakad ito sa harap namin. “Kailangan may gawin tayo. Pakiramdam ko, mawawala na siya sa atin ngayon ng, habang buhay."




          “Sir, huwag po kayong magsalita ng ganyan," sabat ni Edmund na nakaupo sa sofa.




          Natigil saglit si Mr. Schoneberg at tiningnan si Edmund. Ilang segundong lumipas ay naglakad ulit ito. Nararamdaman ko din ang nararamdaman ni Sir Simon. Pero ang mga dapat naming gawin ay masyadong magrande at maingay. Pwede namin ipa-check lahat ang mga lalabas ng bansa, pero hindi ako tiwala na may mangyayari doon dahil sasampalin lang naman nila ng pera ang mga bantay. Ang kailangan namin ay isang lokasyon para siguradong makukuha namin si Ren.




          Pumasok sa sala ang Mama ni Allan. “Mga hijo, Mr. Schoneberg, pwede po bang kumain na muna tayo? Ilang oras na lang at maghahating-gabi na. Hindi pa kayo nakakapag-hapunan. Allan, kumain ka na muna. Keifer, Larson, kumain kayo at baka magkaroon kayo ng ideya para mahanap si Ren."




          Ipinikit ko ang aking mata. “Walang ibang ideya akong naiisip para mahanap si Ren," deklara ko. “Wala talaga. Wala dahil," Itinuro ko ang laptop ni Larson. “masyadong mabigat ang kabayaran kapag ginawa namin iyung ideya ko kay Larson."




          “Anong sinasabi mo?!" Napatayo si Allan sa pang-isahang sofa na inuupuan niya. “Ibinalik mo sa amin si Ren nang isang beses. Kaya mong gawin iyun. Ngayon ka pa ba susuko?!" Nagpapaka-supportive ka pero wala kang alam.




          Galit na napatayo ako sa inuupuan ko. “Ibang usapan iyun Allan! Iyung nangyari kay Ren noong una, gumana iyun dahil kilala namin iyung mga tao. Alam din namin iyung mga gagawin nila kaya naibalik ko si Ren. Si Ronnie?! Hindi ko kilala! Kaya nga sinasabi ko, magbantay kayo kay Ronnie!"




          “Si Larson ang huling taong malapit kay Ren," kalmadong turo niya.




          Nanlaki ang mata ni Larson at napatayo. “Woi! Ano ito?! Sisihan?! So ako ang may kasalanan?!"




          Napailing akong tumingin kay Larson at lumipat ang galit ko sa kaniya. “Bakit hindi mo isakripisyo ang sarili mo para sa kapatid mo? Nandyan ka lang pala sa tabi, hindi ka pala nagpaparamdam. May paraan ka para mahanap si Ren. Tutal, kasalanan mo naman pala na nakidnap si Ren ni Ronnie."




          “Tarantado ka!" sigaw niya at isang kamao ang dumampi sa pisngi ko.




          Biglang nagkagulo sa bahay. Nagalit si Larson sa aming lahat dahil sinisisi namin siya ni Allan. Nagsuntukan kami hanggang sa awatin kami ng mga matatanda. Si Larson kay Edmund, at ako ni Mr. Schoneberg.




          “Tama na!" sigaw ni Mr. Schoneberg.




          Napatingin ako sa gilid at may idinura. May isang ngipin ang lumabas mula dito. Napakalakas ng suntok ni Larson kaya may isang ngipin o dalawa na natanggal.




          “Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa inyo ni Ren noon," mapait na wika ko. “Pero please, Larson. I'm sure, may paraan pa. Matalino kayo ni Ren hindi ba?"




          “Alam ko iyun, Keifer! Kaya lang, may pangarap ako. At sinira iyun ni Ren noong una. Sinakripisyo ko ang sarili ko sa pamilya namin para mawala ang sakit na nararamdaman ng Nanay ko. At ngayon, magsasakripisyo na naman ako para sa kaniya?! At ano ang kapalit, nasa likod na ako ng rehas?! Buti sana kung rehas na bakal, at sa sarili pa nating bansa. Pero hindi ganoon ang aabutin ko! Makukulong ako sa rehas na gawa ng ibang bansa!" duro ni Larson sa lupa. “Sa rehas na hindi ko na matutupad ang mga pangarap ko!"




          Nararamdaman ko na ang sakit ng aking bibig habang nagsasalita. Palagay ko'y lumalabas na ang dugo mula sa natanggal na ngipin.




          “So magiging makasarili ka para sa pangarap mo? Kaya mo bang tingnan ang Mama mo ngayon dahil gusto mong sagipin ang pangarap mo?" Inilahad ko ang kamay sa Mama niya na naiiyak. “Paano naman si Allan?" Inilahad ko naman ang kamay ko kay Allan. “Kaya mo ba siyang tingnan kinabukasan kapag nawala na sa amin si Ren ng tuluyan?"




          Tiningnan ni Larson ang mga taong binanggit ko. Pero ang mas matagal ay sa Mama ni Allan. Mukhang nagtatanong ang mga mata niya habang nakatingin dito.




          “Pasensya na, Mama," paghingi niya ng tawad. “Sana intindihin niyo ang gusto ko. Hindi ko gagawin ang pagkakamali ko sa pangalawang pagkakataon. Hindi niyo din naman ako tunay na anak. Kaya okay lang na aalis na lang ako sa bahay na ito."




          Hindi ako makapaniwala nang pumasok si Larson ng kwarto niya. Sumunod naman ang Mama ni Allan na tinatawag siya.




          “Larson, huwag kang umalis," pakiusap ng Mama ni Allan.




          Hindi ako makagalaw noong mga panahon na iyun. Talagang naiwala na namin si Ren ng tuluyan. Kung makikita pa namin siya, hindi na namin Alam. Isang pagkakamali lang at nagbago ang lahat. Isang lingat lang ng isa sa amin, naiwala na namin siya ng tuluyan. Wala ng pag-asa.




          Inayos ko ang aking sarili at iniligpit ang aking mga gamit. Pagkatapos ay pumunta ako sa sasakyan na kinarnap ko mula kay Edmund. Bago makalabas ng bahay ay narinig ko siya na gusto niyang kunin ang susi na kinuha ko. Pero dire-diretso lang ako sa sasakyan at nagmaneho. Naiwala na namin si Ren. Hindi na namin siya maibabalik pa.




ITUTULOY...




1 comment:

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails