Followers

Thursday, October 14, 2010

Untitled [5]

by: bx_35
e-mail address/YM ID: bx_35@yahoo.com

Chapter 5 – Problem, problem

Kahit na halos araw-araw kaming nagkikita ni Ethan, gusto ko pa rin na lagi kaming may load para anytime makapag-text kami. Parang wallet na walang laman ang cellphone namin kapag walang load. Dumating ang oras na di nakakapag-load si Ethan kaya ako na rin ang naglo-load sa kanya. Unlimited text kaya sulit naman ang pambili ko ng load. Noong una ay bumili ako ng load sa tindahan, pero noong simulan ng tita ko ang sideline niyang pagbebenta ng load, sa kanya na ako kumukuha kahit na utang, nagbabayad naman ako kapag sahod ko.

“Bry, naka-usap ko ang tita ko, mukhang lumalaki na ang utang mo sa kanya dahil sa load. Dalawang number daw ang pinapa-load mo lagi sa kanya” sabi ng nanay ko.

“Nay naman, binabayaran naman sa akin ni Ethan yung mga load na iyon kapag nagkikita kami” paliwanag ko sa nanay ko.

“Kilala kita, ayaw ko lang sana na magkaroon ka ng problema tungkol dito. At isa pa, napapansin ng mga tita mo na lagi daw kayo magkasama. Tapos ang laki na rin daw ng bill mo sa landline at isang number lang ang madalas mong tawagan” pagpapatuloy ng nanay ko.

“Nay, hindi ko naman pinapabayaan ang mga utang ko sa kanila. Lahat naman ay binabayaran ko kapag nakukuha ko ang sahod ko” sagot ko sa nanay ko.

“Oo nga, andoon na ako, kaya lang nanghihinayang lang kami sa nagagastos mo dahil sa load at pagtawag sa landline. Bakit kailangan ka pang gumastos ng ganoon kalaki kung lagi mo naman kayong nagkikita?” sabi ng nanay ko.

Hindi na ako sumagot sa nanay ko, alam ko walang magandang patutunguhan ang usapan namin kahit na magpaliwanag at magbigay ng ebidensiya sa kanya. Bata pa lang kasi ako ay di na ako sumasagot sa mga magulang ko kahit na alam kong tama ako. Ewan, bakit ganoon sila, di ako binibigyan ng pagkakataon na magpaliwanag, kung meron man, ipipilit pa rin nila ang sa kanila, kaya bakit kailangan ko pang magpagod at magsayang ng laway kung una pa lang ay alam ko ng wala rin akong mapapala.

Kung tutuusin, tama nga naman ang nanay ko, kung nilalaan ko sa ibang bagay ang ginagastos ko sa pag-load at pagtawag kay Ethan, sana ang dami ko ng nabiling Pokemon cards, t-shirts at kung ano-anong gamit. Pero doon ako masaya, masaya ako sa bawat text at tawag ko kay Ethan kaya ako gumagastos ng ganoon. Simula noon ay di na ako nagpaload pa sa tita ko, lumipat ako sa tindahan sa may kanto namin.



“Bro, nag-usap kami ng nanay ko, napansin nila na malaki na ang gastos ko sa load at bill sa landline. Sabi ko sa kanila na binabayaran mo sa akin ang bawat pinapadala kong load sa’yo” text ko kay Ethan.

“Alam mo, tama naman sila. Ako nga rin nahihiya na sa iyo kasi ang laki na ng gastos mo dahil sa akin. Yan tuloy, parang nahihiya na akong pumunta sa inyo” reply ni Ethan.

“Huwag mong isipin yon, hindi naman ganoon kalaking problema yon para maging dahilan ng hindi mo pagpunta ulit sa amin” paliwanag ko kay Ethan.

Naging madalang ang pagpunta ni Ethan sa amin, kahit na maki-usap ako sa kanya ay hindi pa rin siya pupunta dahil sa sobrang hiya sa magulang ko. Kaya simula noon ay mas dumalas pa ang pagpunta ko sa kanila. Noon una ay medyo ok pa, pero ng mapansin kong halos araw-araw na akong nasa kanila, yumuyuko na lang ako pagpasok pa lang sa gate nila tanda na nahihiya ako. Pero ganoon pa man, nilakasan ko pa rin ang look ko, makasama ko lang siya.

“Bro, ok lang ba talaga na lagi akong nagpupunta dito, nahihiya na rin kasi ako sa inyo dahil halos araw-araw na nila ako nakikita” sabi ko kay Ethan.

“Walang problema yon, masaya nga ako kasi di na natin kailangan lumabas para magkasama tayo, dito walang gastos. At mas gusto ko naman na dito tayo nagkikita, di katulad sa inyo, mabigat na ang loob ko, wala pa tayong privacy” sagot ni Ethan.

“Sabagay tama ka, may kwarto nga ako pero di naman natin ma-solo, kahit na may bisita ako ay pumapasok din ang magulang ko. Buti dito, di ka talaga pinapakialaman ng mga magulang at kapatid mo, kahit buong araw kang magkulong dito” sabi ko kay Ethan.

“Ganyan talaga sila, kahit na wala ka dito, madalas ay nagkukulong din ako sa kwarto, wala naman kasing pwedeng mapaglibangan dito sa bahay” si Ethan.

“Kaya lang may problema ako, eh. Ang sama ng tingin sa akin ng mga kapitbahay niyo kapag nakikita na akong dumadaan, kaya madalas ay nakayuko na lang ako kapag naglalakad, tapos nahihiya na rin ako sa inyo kasi lagi mo akong kinukulong dito, kapag kainan dito rin sa loob, siempre gusto ko rin sana na makaharap ang mga magulang at kapatid mo” reklamo ko kay Ethan.

“Alam mo, pabayaan mo na lang ang mga kapitbahay namin, likas na sa kanila ang pagka-tsismosa at hindi lang naman sa iyo nangyayari yan. Pagdating naman dito sa bahay, ewan ko bakit ayaw kita lumabas, natatakot ako na baka may mangyaring masama sa iyo atleast dito sa loob ng kwarto ko, safe ka” paliwanag ni Ethan.

“Ang weird naman, anong palagay mo sa bahay ninyo, kahit anong oras ay pwedeng bumagsak?” pabiro kong sagot kay Ethan.

“Hindi naman sa ganoon, basta gusto ko na lagi ka lang dito sa loob ng kwarto, ok wala ng tanong, he he” sabi ni Ethan

“Noon ba madalas rin bang magpunta dito ang mga kaibigan mo?” tanong ko kay Ethan.

“Hindi naman, madalang lang kaya lang hindi naman sila sabay-sabay kung pumunta, parang ikaw pa lang ang nakagawa ng ganito na halos araw-araw ay nandito” pabirong sagot ni Ethan. “At madalas kapag inabutan na sila ng hapunan, sila na ang nagbibigay ng pambili namin ng pagkain” pagpapatuloy ni Ethan.

Bigla akong natahimik sa huling sinabi ni Ethan. Oo nga, bahit hindi ko naiisip na magbigay ng pambili ng pagkain kay Ethan. Akala ko kasi ok lang sa kanya, di naman siya nagrereklamo kahit na madalas ay naririnig ko silang nag-uusap ng nanay niya kung ano na naman at kung saan sila kukuha ng makakain. Kaya pala lagi kaming kumakain sa loob ng kwarto ay ayaw niyang makita ko ang sitwasyon ng magulang at mga kapatid niya. Simula noon ay kina-usap ko si Ethan na magbibigay ako ng pambili ng pagkain sa kanya, noong una ay tumanggi siya, pero ng wala na siyang choice, pumayag na rin.




“Bro, pwede mo ba akong puntahan sa bahay, Linggo naman ngayon at wala akong kasama, wala naman makakakita sa iyo” text ko kay Ethan.

“Alam mo naman na nahihiya pa akong pumunta sa inyo, kapag nakita kasi ako dyan baka magkaroon na naman ng problema, mas maganda na ang umiwas” reply ni Ethan.

“Sige na punta ka na dito, walang magiging problema kasi may lakad sila at late na sila makaka-uwi” pangungulit ko kay Ethan.

“Ok, sige pupunta na ako dyan, basta siguraduhin mong walang tao at sunduin mo rin ako sa kanto” pagsang-ayon ni Ethan.

Pagkatapos noon ay natulog muna ako at naghabilin sa nanay ko na gisingin nila ako bago sila umalis kasi may gagawin ako. Ginising naman nila ako bago sila umalis at naghintay ng ilang minuto bago ako nagpunta sa kanto para sunduin si Ethan.

“Ano ang dala mo?” tanong ko kay Ethan sabay turo sa dala niyang paperbag.

“Extrang t-shirt” sagot ni Ethan.

“Bakit, may lakad ka ba pagkatapos mo dito?” tanong ko ulit kay Ethan.

“Oo. Sasama ako sa office niyo, di ba wala ka naman kasama sa duty mo. Masama kasi ang kutob ko at ayokong may mangyaring masama sa’yo kaya gusto kitang bantayan magdamag” paliwanag ni Ethan.

“Sige na nga, wala naman sigurong magiging problema kung isasama kita” pagpawag ko sa alok ni Ethan.

Natapos ang araw na iyon, naka-alis na kami ng bahay bago pa naka-uwi ang magulang at kapatid ko, kaya hindi nila nakita si Ethan. Pagdating naman sa office ay nagpa-alam ako sa kasama ko kung pwedeng samahan ako ni Ethan sa duty kasi ilang gabi na akong naiinip. Pumayag naman siya at sinabing wala naman magiging problema at mas maganda nga iyon kasi may kasama ako buong gabi. Yon ang unang pagkakataon na nakasama ko si Ethan sa trabaho ko.



Minsan ay kinausap ako ng isa kong tita tungkol sa pagbili ko ng desktop computer, alam kasi nila na matagal ko ng gustong magkaroon non.

“Bry, nga pala, di ba gusto mong bumili ng computer? Nag-alok kasi ang kaibigan ko na gamitin ang credit card niya, sayang daw kasi ang points na makukuha niya, na-refer kita sa kanya” bungad ng tita ko.

“Ayaw ko, gusto ko kasi cash kong bayaran kung bibili ako ng computer, matatagalan nga lang pero atleast wala akong iniisip na utang” paliwanag ko sa tita ko.

“Hay naku, kilala ka namin, siguradong matatagalan talaga kapag nag-ipon ka pa ng pambili mo, alam namin kung paano ka humawak ng pera, kaya sige na i-grab mo na ang offer para magka-roon ka na ng computer” pangungulit ng tita ko.

“Sige na nga, wala na rin akong magagawa at sabagay tama ka, he he” pagsang-ayon ko sa tita ko.

Ganoon nga ang nangyari, bumili ako ng computer gamit ang credit card ng kaibigan ng tita ko. Ang usapan namin ay anim na buwan ko huhulugan kasi ayaw kong isang taon, masyadong matagal ang pagbabayad.

Ang saya ko noon, matagal ko na talagang pangarap na magka-computer. Susunod na gusto ko sana ang magka-internet connection, kaya lang di na kaya ng budget ko, medyo malaki kasi yung hulog sa pagbayad sa computer kada buwan. Ang importante, may computer na ako.



Lumipas ang mga araw, ganoon pa rin, halos araw-araw pa rin ako pumupunta kina Ethan, kung hindi naman ako maka-punta ay magka-text at tawagan kami. Di ko naman masulit ang paggamit sa computer kasi nga wala naman akong internet connection.

“Nay, alis po muna ako” paalam ko sa nanay ko.

“Saan na naman ang punta mo?” tanong ng nanay ko.

“Pupuntahan ko po mga kaibigan ko, tapos diretso na ako sa trabaho mamayang gabi” paliwanag ko sa kanya.

“Napapansin ko kasi na lagi na lang ang alis mo, nag-aalala lang kami sa iyo, baka magkasakit ka na naman dahil kulang ka sa pahinga” sabi ng nanay ko.

“Huwag kayo mag-alala sa akin, kaya ko pa naman at magpapahinga rin ako kapag hindi ko na kaya” sagot ko sa nanay ko.

Alam kong hindi naniniwala sa akin ang nanay ko kasi alam niya na kina Ethan ako lagi nagpupunta kahit na hindi ko sinasabi sa kanila. Ewan ko nga ba, aaminin ko na nagsasawa na rin ako na laging ganoon, lagi na lang akong nagsisinungaling sa amin kapag umaalis ako ng maaga at sa tingin ng mga tsismosang kapitbahay nina Ethan, pero gusto ko talaga makasama si Ethan.



Isang araw ay muli akong kina-usap ng mga magulang ko.

“Bryan, anak, may hihingiin sana kaming pabor ng nanay mo sa iyo” pasimula ng tatay ko.

“Ano po iyon?” tanong ko naman sa kanila.

“Meron kasi kaming kailangan bayaran na utang, matagal na iyon at naninigil na sila. Sa katunayan nga ay nakasangla ang titulo ng lupa natin. Nahihiya man kami sa’yo pero sana ikaw na ang magbayad doon, tutal sa iyo rin naman mapupunta itong lupa at bahay balang araw” paki-usap ng tatay ko

“Magkano po ang kailangang bayaran?” tanong ko ulit sa tatay ko.

“Di ko na rin alam, kasi malaki na rin interest, kausapin mo na lang ang tita mo kasi siya ang may kakilala sa pinag-utangan namin” sabi ng tatay ko.

“Paano po yung computer? Kung babayaran ko iyon baka wala ng matira sa sahod ko” tanong ko sa tatay ko.

“Yon nga, kami na ang magbabayad sa computer, kaya naman namin bayaran yon, ang paki-usap namin ay mabayaran mo sana ang utang namin para makuha na rin ang titulo ng lupa” paliwanag ng nanay ko.

“Sige po, kung makakatulong naman ako bakit hindi. Huwag po kayo mag-alala, ako na ang kaka-usap sa tita ko” pagsang-ayon ko sa mga magulang ko.

Noong araw ding iyon ay naka-usap ko ang tita ko at sinabing medyo malaking halaga pa ang kailangan kong bayaran. Mabait naman daw yung tao at pwedeng kausapin na bawasan ang bayad sa interest. Pero kahit na bawasan pa iyon, alam kong malaki ang mawawala sa sahod ko buwan-buwan.

Hindi naman labag sa loob ko na tulungan ang mga magulang ko, nagkataon na wrong timing siguro. Isang taon pa lang ako sa trabaho, ilang buwan din akong project hire dati kaya di ganoon kalaki ang sahod ko. Napupunta halos sa pamasahe at pagkain ang sweldo ko, kung may naibibigay ako sa amin, konti lang, wala na ngang natitira sa akin. Dalawang buwan pa nga lang akong regular sa trabaho ko, ngayon ko pa lang sana mae-enjoy ang pagtanggap ng sweldo, tapos ganoon pa ang mangyayari.

Kailangan mag-isip kung paano ako makakatakas sa mga problemang ito. Habang nakatutok na naman ako sa Pokemon kasama ang mga pinsan ko, biglang pinalabas ni Pikachu ang kanyang electric shock, at nasindihan din ang bombilya na nasa taas ng ulo ko. Eto na, magandang ideya na naman.







No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails