Salamat po kay Sir Mike Juha for the opportunity na maging contributor dito sa MSOB. Sana po ay ma-enjoy nyo po ang kwentong ito, gaya ng kwento ng mga writers dito sa MSOB. Thanks po talaga, Sir.
Anyway, this story is first posted on BOL. This is an ongoing series about Edgar Chase Villegas' graduating life.
Disclaimer: Ang lahat ng inyong mababasa ay ginawa lamang sa pamamagitan ng file manager at notepad ng cellphone ko, at ginawa ko ito habang nagsa-sound trip. Ang mga pangalan at pangyayari sa mga kuwentong ito ay likha lamang mula sa malikot kong isipan, at ang anumang pagkakatulad ng mga nabanggit sa tunay na buhay ay hindi sinasadya, nagkataon lang. Ang mga lugar ay sadyang nilagyan ng asterisk (*) upang itago ang tunay na pangalan nito, kasi hinalaw ko iyan sa pamayanang kinalakihan ko. Opo, dito sa amin. At hindi pa ako OUT! Kaya, nag-iingat lang. Hahaha. Sige na po, at enjoy lang. BTW, ako nga po pala ay isang Certified Cliffhanger. Sorry.
-------
Now Playing Chapter 1
My Happy Ending
"You were everything, everything that I wanted
We were meant to be, supposed to be, but we lost it
All of the memories so close to me just fade away
All this time you were pretending
So much for my happy ending.."
- Avril Lavigne, My Happy Ending
-------
Nanginginig ako sa sobrang galit.
Hindi ko alam ang gagawin ko nang bumulaga sa akin ang tagpong iyon. Masakit. Nakakapanlambot. Nakakamatay na kadiliman. Hindi ko kaya. Hindi ko alam kung saan ko hinugot ang lakas para lumayo sa lugar na iyon. Ngunit nagawa ko. At habang humahakbang ako palayo, kasabay nito ang unti-unting pagkadurog ng aking puso. Pinipigilan ko ang pagdaloy ng mapait na luha na nagbabadyang kumawala sa kanilang kristal na kulungan. At parang eksena sa pelikula, muling nanumbalik ang lahat ng mga ala-alang iniingatan. Ngunit ang lahat ng mga ala-alang iyon pati na rin ang mga pangakong binitiwan ay wala na. Wala nang lahat.
----------
"Edge, ayos ka lang ba? May problema ba tayo, iho? Pansin ko kasi, medyo tahimik ka" ang sabi ni Tito Giovan.
"Ayos lang po tito, medyo pagod lang po siguro ako. Sa byahe, I guess" ang naging tugon ko.
----------
Ako nga pala si Edgar Chase Villegas, o mas kilala sa tawag na Edge. Sa edad kong 20, ako ay may taas na 5'7", maputi, may malamlam na mata na animo'y laging nangungusap, may matangos na ilong, at may mga labi na parang labi ng isang bata, dahil ito ay kulay pink. Cute? Ayaw na ayaw ko na tintawag akong cute. Pero mas madalas sa hindi, cute daw talaga ako (ampf! >,< ). Dati ay mataba ako, ngunit dala na rin ng adolescence pati ng mga pagbabago ng lahat ng mga bagay na nakapaligid sa akin, naging concious ako sa aking katawan. Ang dating matabang walang kaibigan, ngayon isa na sa mga campus crushes. Hehe. Pero kahit na ganon, mas pinili ko ang magkaroon ng low profile sa school. Oo nga pala, nag-aaral ako sa isang unibersidad dito sa ****** sa kursong Electronics and Communications Engineering. Branch ito ng isang unibersidad sa Maynila na may pinakamababang tuition fee sa SouthEast Asia (oh ano, nahulaan nyo ba? Secret na yung branch). Marahil alam nyo na na ito ay kwento ng buhay ko, o isang maliit na parte ng buhay ko na nais kong ibahagi sa inyo. Kakaiba kasi ang buhay ko eh. Magulo. Mahirap. Lagi akong alipin ng kalungkutan, takot, paranoia, pagdududa, at pangamba. Kasi, ako ay isang bisexual. Hindi ako bakla na tinatawag ang sarili na bisexual. Ako ay bisexual na, as in. Chickboy. Pwede sa chicks, pwede sa boys. Hahaha. Ang hirap, lalo na kung pinipilit mong magtago sa isang maskara. Pero kahit na ganoon, ay kinaya ko. Kinaya ko ang lahat.
----------
"Ano ba naman kasi ang ginagawa ng batang iyon, ang tagal namang bumaba. Naku, teka, matawag nga't baka napano na iyon" ang pagsabat ni Tita Tessa sa aming usapan. Dali dali itong tumayo at tinungo ang kwarto ni Micco. Ang kwartong nais ko nang ibaon sa limot. Ang piping saksi sa mga pangyayaring dumurog ng aking puso.
----------
Si Micco, o Michael Francis Aldana ay ang kasintahan ko. Oo, boyfriend ko. Siya ay 20, 5'8", maputi, matangos ang ilong, may mga matang mapang akit at may kulay na gray (may lahi kasi sila, half Canadian, half Pinoy kasi si tito Giovan), may biloy sa magkabilang pisngi, at may mga labing kissable talaga. Mga labing akala ko ay akin lamang. Siya ang kauna-unahang lalaking naging kasintahan ko. Noong maghiwalay kami ni Charie (last gf ko), parang nawala ako sa sarili. Minahal ko siya ng husto, kahit na long distance ang relationship namin. Ngunit gumuho ang mundo ko ng malaman ko na buntis siya. Natural, hindi ako ang ama. Long distance nga ang relasyon namin diba? Nahirapan akong mag move-on. Nagmukmok ako halos araw araw, makalimutan lang siya. Isang araw inaya ako ng isang kaibigan na lumabas at sumali sa isang eyeball na in-organize ng mga miyembro ng isang community site. Dahil pagod na din ako magmukmok, sumama ako sa kanya. Akala ko mabo-bore lang ako. Pero hindi ko inaasahan na magiging masaya pala ang araw ko. Doon kami nagkakilala ni Micco. Mabait siya, masarap kausap. Kasi naman, GWAPO ang mokong. Hehe. Nagtaka pa nga ako eh, akala ko snobbish siya. Astigin kasi ang porma niya. Pero nagkapalagayang loob kami. At naging magkaibigan. Alam ko na bi din siya, pero hindi ako nag-expect ng kahit ano pang mas higit sa friendship mula sa kanya. Hindi ko rin balak na makipagrelasyon sa kapwa ko noon. Kuntento na kasi ako sa pakiramdam na hindi ako nag-iisa. Pero hindi ko iaasahan na mahuhulog pala ako sa kanya. At ganun din siya sa akin. Paano namin nalaman na may feelings na kami sa isa't isa?
Minsan ay napagdesisyonan namin na pumunta sa isang night club sa kalapit na siyudad. Sayaw, alak, harutan, alak, babae, alak, lalake, alak. Iyan ang ginawa ko. Habang may kasayaw akong lalaki na bi din, naramdaman ko na may humawak sa aking braso at hinatak ako paalis sa dance floor. Si Micco pala.
"Woi Mics? Teka, sa'n mo ako dadalin?" ang tanong ko sa kanya. Hindi siya sumagot, bagkus lalong hinigpitan ang hawak sa braso ko.
"Teka Micco ano ba, nasasaktan ako! Micco!" ang medyo napalakas ko na sabi. Pero parang wala pa rin siyang narinig. At bago ko pa namalayan, nasa loob na kami ng kotse niya.
"Micco? Teka, ano bang problema mo?" ang iritado kong pag-uusisa. Pero wala parin. Binuhay niya ang makina ng kotse at saka ito pinaandar.
"Micco?" ang nasambit ko. Umaandar na ang kotse. Muli ay nagtanong ako.
"Micco ano ba? Ayoko pang umuwi. Pwede ba ha, ano bang drama ito?" ngunit wala talaga siyang imik. Ang mukha niya ay madilim at pawang galit na galit.
"Tang'na namang buhay ito oh! Nagtatanong ka, pero hindi ka sinasagot. Okay, sige, alam ko namang tatanga tanga ako. Pero please lang, respeto naman oh. Kung ayaw mong magsalita, fine. Ihinto mo ang kotse at bababa ako. Mag-usap nalang tayo kapag bumalik na ang katinuan mo" ang pagalit kong turan. At bigla naman siyang sumagot
"Para ano, makipaglandian ka 'dun sa gagong 'yon? Mukha namang nag-e-enjoy ka sa pakikipagsipsipan ng mukha sa kanya..." at bago pa niya madugtungan ang sinasabi niya, biglang tumama ang kamao ko sa kanang pisngi niya. Mabilis naman niyang naipreno ang kotse, at huminto kami sa gitna ng daan.
"Anong kagaguhan ba ang pinagsasabi mo? Anong pakialam mo sa ginagawa ko? Diba ganun din naman ang ginagawa mo sa mga babaeng nakakandong sayo? Tang'na, ano bang karapatan ang mayroon ka sa akin? Ha? Ano ka, BOYFRIEND ko? Gago!" pagalit at halos mangiyak-ngiyak kong pagsabat. Ano nga bang karapatan niya sa akin? Wala naman, diba? Sinubukan kong tanggalin ang seatbelt na nakakabit sa akin dahil gusto kong bumaba ng kotse. Nasu-suffocate ako sa atmosphere sa loob ng kotse niya. Pero bago ko pa magawa iyon, hinawakan niya ang balikat ko at hinatak ako palapit sa kanya. Niyakap niya ako ng mahigpit, at napa-iyak nalang ako sa kanyang dibdib.
"Ano ba kasing problema mo? Sabihin mo sakin? Bakit ba nagagalit ka? Dahil ba 'dun sa babaeng kahalikan ko kanina? Type mo ba 'yon? O dahil sa.."
"Ssshhh, I'm sorry, I'm sorry" usal niya.
Nang mapakalma nya ako, bumalik siya sa pagmamaneho. Wala kaming imikan habang bumabyahe. Sa kanila kami nagpalipas ng gabi. Nang nakahiga na kami, bigla siyang nagsalita
"Nagseselos ako."
"Ha?" ang nasambit ko, na hindi ko maintindihan ang nais niyang iparating.
"Nagseselos ako sa lalaking kasayaw mo kanina. Kung maka haplos at akap sa'yo akala mo pag-aari ka niya" ang sabi niya na ikinagulo ng isip ko.
"Na-nagseselos ka? Sa k-kanya? Bakit?" halos mautal kong sabi.
"Kahit kailan talaga manhid ka." ang sabi niya, bakas ang lungkot sa mga boses niya.
"Hindi talaga kita maintindihan Mics" ang sabi kong naguguluhan pa rin, kahit may maliit na ideyang nabuo sa utak ko. Ayokong mag-assume.
Pagkatapos ng isang malalim na buntong hininga, nagsalita uli siya.
"Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko Edge. Sa simula pa lang, magaan na ang loob ko sa iyo. Akala ko, dahil sa talagang pareho lang tayo sa ilang mga bagay. Pero hindi pala iyon dahil do'n" at naramdaman ko ang pagpihit niya ng pwesto paharap sa akin.
"Masaya ako kapag kasama ka. Kapag nagte-text ka, pakiramdam ko buo na ang araw ko. Weird, pero ganu'n talaga. Dumating na rin sa point na kapag may ibang taong lumalapit sa'yo, lalo na kapag lalaki, at umaakbay sa'yo, ginagawa ko ang makakaya ko para pigilan ang sarili kong sapakin ang lalaking iyon. Ang hirap, lalo na kapag kasama mo ang iba mo pang mga kaibigan. Close ka talaga sa kanila. Naiingit ako kapag niyayakap ka nila, kapag humahalik sila sa'yo. Nakakainis, pero wala akong magawa. Wala akong karapatan sa'yo. At habang lumilipas ang mga araw, nalulunod ako sa katotohanang ikaw ay mahalaga na sa akin. Akala ko hanggang d'un nalang iyon. Puwede namang maging magkaibigan lang ang dalawang bisexual na lalaki diba? Ngunit ngayon, napagtanto ko na.. Na.. M.. Mahal na kita..."
Nagulantang ang pagkatao ko sa mga narinig ko mula sa kanya. Hindi ako makapagsalita. Hindi ako makagalaw. Blangko. Ngunit nang marinig ko ang mahina niyang paghikbi, muli akong bumalik sa realidad. Bumangon ako at binuksan ang lamp shade na nasa gilid ng kama. Baka kasi nananaginip lang ako. Ngunit nang makita ko ang kanyang mga mata,nalaman ko ang katotohanang hindi ko mapaniwalaan.
Niyakap ko siya ng mahigpit. At sa pagkakadikit ng aming mga katawan, naramdaman ko ang isang bagay na ni sa hinagap ay hindi ko akalaing nabubuhay pa sa akin - ang pakiramdam ng umibig. Ito na ba iyon? Ang pakiramdam na ayaw kong matapos ang saglit na sandaling magkayakap kami, ang pakiramdam na mainit sa aking puso, ang pakiramdam ng ligtas at kapayapaan sa kanyang mga bisig? Marahil ito na nga. Nang kumalas siya sa pagkakayakap, nakita ko ang kanyang mga matang may nais iparating sa akin, ang mga matang nagsasabi ng kanyang tunay na saloobin at tunay na damdamin. Mga matang nagtatanong, at umaasa sa posibilidad ng umuusbong na pag-ibig. Bakas pa rin dito ang kalungkutan, ngunit hindi ko hinayaan na magtagal iyon. Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi, at sa unang pagkakataon, naganap ang una naming halik.
----------
Nandito ako ngayong gabi dahil dapat ay ise-celebrate namin ang aming 2nd year anniversary. Dapat.
Narinig ko ang malalakas na yabag ng mga paang pababa sa kahoy na hagdanan. Alam kong siya na ito. At alam ko ring nakasunod sa kanya si Benji, ang talipandas. Napahinto si tita Tess sa pag-akyat at nagsalita
"Iho ano ba? Kanina pa dito si Edge, ang tagal..." hindi na naituloy ni tita ang kanyang sinasabi dahil nilampasan siya ni Micco. Nagsalita ito
"Edge, teka mag-usap tayo, please?"
Sakto namang dumating si kuya
Elton, ang nakatatandang kapatid na lalaki ni Micco. Bumati ito
"Woi Edge, bunsoy! Kamus..." naputol din ang sinasabi nito. Nandun din si ate Janine, ang ate ni Micco na nakatingin lang sa amin, may halong pagkagulat at pagtataka sa mga mata.
"Edge..." ang tanging nasambit ni Micco dahil agad ko iyong pinutol at sinabing
"Pumunta lang ako ngayon dahil may gusto akong sabihin" ang panimula ko habang ang mga kamao ko ay nakatikom, halos mamuti na dahil sa higpit ng pagkakatikom ko dito. Inipon ko ang galit na nararamdaman ko. Ngunit wala talaga akong lakas na saktan siya. Ang mala-anghel niyang mukha ay hindi ko kayang lapastanganin. Hindi ko kaya.
"Simula ngayong gabi, wala na tayo."
[ITUTULOY]
Followers
Saturday, October 9, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
No comments:
Post a Comment