by: bx_35
e-mail address/YM ID: bx_35@yahoo.com
Totoong kwento. Totoong buhay. Pangalan, pinalitan. Kaibigan. Kabarkada. College. Subjects. Case studies. Student Council. Jeep. Yosi. Bus. Baguio. Birthday. Alak. Tambay. Trabaho. Pasta. Beerhouse. Bagsak. Pangasinan. Taiwan. Palabok. Isaw. Fastfood. Roadtrip. Chat. Dubai. Hospital. Call Center. Text. Chat. Unlimited Call. Libro. Sine. Cell Phone. Graduation. Hawakan. Pamilya. Hirap. Balik. Sinungaling. Computer. Sweldo. Palengke. Swimming Pool. Takot. Ewan. Bahala na. Eto na.
Chapter 1 – Multiple Choice
A. Student Council
B. Girlfriend
C. Barkada
Studies, given na yan, kahit na alin sa tatlo ang piliin ko, di ko papabayaan ang pag-aaral ko. Di naman sa pagmamayabang sana unahan naman ako ng klase namin kahit na di ko gaanong sineseryoso ang pag-aaral. Tama na sa akin ang maintindihan ang lecture ng mga profs, tama ng mapasa ko ang bawat quiz at exam, tama ng makakuha ako ng class card na may nakasulat na di bababa sa 2.5. Ano bang makukuha ko kung seseryosohin ko ang pag-aaral, isa ngang prof namin ang nagsabi sa amin na hindi naman kami kaagad makukuha sa trabaho kapag nag-discuss kami ng Data Flow Diagram kapag na-interview, di sapat na basehan ang karunungan sa Gantt Chart para sa promotion at ang Flow Chart para ma-increase ang sahod. Ano ba ang maitutulong sa trabaho kung maruno kang mag-martsa kagaya ng ginagawa sa ROTC? Yun lang, sapat na sa akin na maintindihan ko ang bawat turo nila.
Naka-upo ako sa may gilid ng building namin, tambayan ko yon, doon ako nagpupunta kapag gusto ko ma-relax, ang dami kasing dumadaan na mga estudyanteng nagtsismisan papunta sa klase nila, tamang-tama na pampakalma sa utak ko. Isip pa rin, A, B, C. Ang hirap. Kahit anong piliin ko may mapapala naman akong mabuti, di naman ako malulugi, kaya lang dapat isa lang.
“Bryan, tara nood tayo ng sine, may bago na namang palabas” yaya ni Rico sa akin.
“Sige, kailanga ko rin ma-relax, sobrang pressured” pagpayag ko sa imbitasyon niya.
Si Rico, ang kaibigan ko na ka-birthday ko pa. Matanda siya ng isang taon sa akin. Ewan, bakit gusto kong nakikisama sa mga ka-birthday ko. Pareho kaming isip bata, kung ako parang 12 years old mag-isip siya mas magandang maki-usap ka sa 5 years old na bata.
2003, 3rd year college kami noon, siya halos ang madalas kong kasamang manood ng sine, past time namin iyon, magkasundo kami sa panood ng R-rated na mga pelikula. Noong taon na iyon, kasagsagan ng ganoong klaseng pelikula. Di na namin kailangan magpunta sa mga mumurahin at lumang sine kasi pinapalabas na rin sa mall yon, sakto di ako mahahalata ng ibang estudyante na ganoon klaseng pelikula ang pinapanood namin. Libangan lang namin iyon pero alam ko na kahit ilang R-rated pang pelikula ang panoorin namin, babalik at babalik pa rin ako sa pag-iisip, kailangan may time limit kasi.
Isa lang ang kailangan kong piliin, di ako pwedeng pumili ng dalawa kasi di ko kakayanin. Siempre di ko naman kailangan i-give up ang studies ko para mag focus sa tatlo.
Choices
A. Student Council
First year college pa lang, active na ako sa mga student organizations, salamat na lang sa kaklase ko na nag-trip sa akin. Election noon ng org namin, tahimik akong naka-upo sa isang sulok at bigla ko na lang siyang narinig na nominate ako, siempre supportive ang mga classmates ko kaya nanalo ako. Doon nagsimula ang lahat. Next school year, tatanggi na sana ako kaya lang no choice, kahit anong pilit kong iwas, malakas pa rin ang tawag sa akin ng pagsali ko sa student org. Kaya napasubo na, at bawat taon ay tumataas ang posisyon ko, at eto na nga last year ko sa college at nominated pa ako as President ng Student Council ng college namin. Alam ko malaking responsibilidad yon at kulang pa ang experience ko, may oras pang umurong pero di ko pa rin maalis sa choices ko, iniisip ko, kung papalarin ako malaki ang maitutulong sa akin, makikilala ako, dadami ang makikilala ko, exposure with responsibility, at kung ano-ano pa.
Last year sa college, last chance para mag-excel sa Student Council.
B. Girlfriend
Irregular student siya na naiisipang mag-enrol ng Philippine History sa klase namin. Nung nakita ko siya, sabi ko sa sarili ko: “Pwede siya, sana maging kami. This time di na ako magiging torpe”. Kaya lang narinig pala ako ng katabi ko, sabi niya sa akin “Sige brads, kaya mo yan, susuportahan kita. Alam ko naman kung gaano ka katorpe”. Si Caloy, kaibigan ko simula high school, isa siya sa mga saksi ku gaano ka torpe pagdating sa mga babae. Noong high school kasi, kahit paano ay merong naka-crush sa akin from lower years. Alam rin niya kung paano ako namili kung sino ang liligawan ko at alam niya rin na talagang torpe ako kaya wala akong niligawan noon. Natapos ang high school na single ako. After graduation, niyaya niya ako lumabas, habang kwentuhan kami, biglang umandar ang pagka-supportive niya sa akin, sabi niya: “Brads, nag-aalala lang ako sa’yo, kung bokya ka noong high school, baka bumawi ka naman ngayon college. Kung dumugin ka ulit ng mga babae, hinay-hinay ka lang, baka mapahamak ka”. Ewan, tumatak sa akin yong sinabi niya, kaya simula noon pinangako ko sa sarili ko na mas dadagdagan ko pa ang resperto ko sa mga babae, ayoko silang saktan. Weird, nagsimula akong tumaba noong first year college at pinabayaan ko lang yon, nagpabaya ako physically at sinabi ko ulit sa sarili ko na mas maganda na itong ganito, siguro wala ng babae na ma-attract sa akin. At alam ko, kung darating ang taong magmamahal sa akin, tatanggapin niya ako, kahit ano pa ang hitsura ko.
Ako ang gumawa ng first move, nagpakilala ako doon sa girl, Missy ang pangalan niya. Naging open ako sa mga kabarkada ko about my feelings for her, meron natuwa kasi sa wakas meron ng babae na nagpatibok ng puso ko, pero meron din against her, kasi di ko daw siya deserve. Lagi akong tumatabi sa kanya sa klase namin, inalam ko ang class schedule niya at laging hinahatid sa labas ng university kapag tapos na ang klase niya. Basta, alam ko in-love ako sa kanya.
“Missy, pwede bang mang-istorbo, may sasabihin sana ako sa’yo” isang gabi na tinawagan ko siya.
“Ano yon?” tanong niya sa akin.
“Pwede bang manligaw?” lakas loob kong sinabi sa kanya.
Tahimik. Bilisan ang sagot, sayang ang load.
“Pwede bang friends muna tayo? I like you, gusto kong ituloy ito, pero alam ko na magiging komplikado ang buhay mo kasi alam ko naman na di mo ako deserve” sagot niya sa akin.
“Ah ok. Sige usap ulit tayo bukas. Maraming salamat sa oras. Bye” ang malungkot na paalam ko sa kanya.
Di ako sumuko, alam ko may pag-asa pa ako sa kanya. Tinuloy ang pagiging friends namin at minsan ay kinukulit ko pa rin siya, alam kong nilalabanan lang niya ang feelings niya kasi daw mas magiging masaya ako kung di namin itutuloy yung friendship namin into relationship. Nirespeto ko ang desisyon niya at muli, pinabayaan niya akong sunod ng sunod sa kanya.
Mga sandaling di ko malilimutan na kasama siya:
- Valentine’s day – gabi na pero nakatambay lang kami sa labas ng building sa school. Ako, kasama ko ang mga kabarkada kong babae, mas isa lang akong lalake. Sa kabilang table, andoon si Missy, kasama ang mga kabarkada niyang mga sigang lalake na irregular din, mag-isa lang siyang babae
- Ordinary day – nag lunch kaming dalawa, sa pinakamalapit na carinderia, pag ka serve ng pagkain namin, lumipat siya ng pwesto at tumabi sa akin, ayaw daw niyang makita ko siya kung paano kumain.
- Ordinary night – katatapos ng klase niya, hinintay ko talaga siya sa labas ng room nila para ihatid sa kanila, kaya lang pagdating namin sa paradahan ng jeep, tumanggi na siyang magpahatid sa kanila
Mahal ko siya. Kaya isa pa rin siya sa mga choices ko.
C. Barkada
Simula pa lang ng college, halos babae na ang mga kasama ko. Kinse kami sa grupo, tatlo lang kaming lalake. Noong una ay ayaw ko sanang sumali sa kanila, kasi mas sanay ako na lalake ang kasama ko at naiilang talaga ako na babae ang mga kasama, pero no choice ako, ilang lang kaming lalake sa buong klase. Pero pagdaan ng oras, na realize ko na maganda rin palang kasama ang mga babae sa barkada, maalaga, at madalas di na namin kailangan bumili ng ulam kapag lunch kasi sobra pa ang tira nilang ulam para sa aming tatlong lalake, rice at extra rice lang ang binibili namin noon.
Nasa kalagitnaan ako ng pagpili between Student Council at kay Missy ng sumingit pa ang isang choice. Yung isa sa mga kabarkada kong lalake si Randolph, last year na ng college ay lumipat siya ng grupo, puro lalake. Nagkakalilala sila sa isang subject at naging close na sila simula noon. Kilala ko naman sila at lagi nila akong sinasama sa lakad nila, pero tumanggi muna ako noon kasi nga busy pa akong pumipili. Gusto ko talagang sumama sa mga lakad nila, kasi na miss ko na mga lalake ang kasama kapag gimik, pero di ko rin maiwanan ang mga kabarkada kong babae, kasi alam ko na kung sasama ako sa bagong boyband, mababawasan naman ang oras ko sa girlband. Kahit paano ayaw ko silang iwan kasi napamahal na ako sa kanila, tatlong taon ko na rin silang kasama.
Nasa grupong yon si Ethan, ewan unang pagkakilala pa lang niya sa akin ay magagaan na ang loob ko sa kanya. Kapag nagkikita kami ay lagi naman siyang namamansin, kaya lang walang chance na makipagkwentuhan sa kanya kasi nga meron siyang ibang kasama. Sa buong grupo nila, silang dalawa ni Randolph ang laging magkasama kaya kapag naisipan ni Randolph na bisitahin kaming dati niyang ka grupo ay madalas kasama niya si Ethan. Alam ko na gumagawa ng paraan si Ethan para makipagkwentuhan sa akin pero kung minsan ako ang umiiwas o kaya naman ay uunahan ako ng mga kabarkada kong babae na kausapin siya. Minsan ay nag-text siya sa akin, nangungumusta pero di ako nag-reply. Weird nga, ang nasa isip ko noon kung sakali mang mag reply ako, baka maging close kami at iwanan niya si Randolph. Ewan, yun ang unang pumasok sa utak ko kaya di ako nag reply. Di naman siya nangulit. Ayaw ko lang manira ng friendship nila, yon siguro. Weird na kung weird, pero wala na akong magagawa, nangyari na iyon.
Trip lang, kaya gusto ko silang isama sa choice ko.
Makalipas ang ilang araw, naka pili rin ako. Sagot ko, letter A.
Yap, kahit na alam kong hindi ako handa ay tinuloy ko ang pagtakbo sa Student Council at sinuwerte naman akong nanalo. Doon ko na-realize na iba pala kapag andoon na, sobrang busy talaga at kung minsan ay kailangan mag absent sa mga klase para mag attend ng kung ano-anong meeting. Pero lahat ng pagod at exposure, sulit.
Si Missy, noong una nakakasama ko pa rin siya, akala nga ng iba siya ang First Lady ko. Pero siya na rin ang nagkusang humiwalay kasi iniisip pa rin niya na baka makasira siya sa pagiging politiko ko at ako naman, kahit anong gawin ko, di ko na siya mahabol, kailangan kasi ang presence ko sa Socials ng ibang colleges. Makalipas ang ilang buwan, nabalitaan ko na lang na may boyfriend na siya, kaya sumuko na rin ako. Sinubukan kong maghanap ng iba, yung isang kasama namin sa Council, ang saya niyang kasama, siya lang ang sinayaw ko ng sweet noong Socials namin na nakapukaw ng pansin sa Faculty namin. Pero bokya pa rin sa bandang huli, at sinisi pa ako ng mga kasama kong officers na hindi daw ako nagpatulong sa kanila, basta na lang ako lumusob.
Yung mga lalake, madalas nila akong niyayaya kapag may lakad sila, pero madalas di ako nakakasama, at sa pagkaka-alam ko, wala akong nasamahan kahit isa sa lakad nila. Inggit ako sa kanila noon kasi na miss ko ang magdamagang uminom at matulog kung saan nakipag-inuman. Ngayon kasi di basta-basta ang pag-inom, dapat kahit na iinom, mukhang respetado pa rin. Kaya ayun, pagkatapos namin mag-attend ng Socials ng mga kasama kong officers, sa isang sikat na convenience store sa may high way ang tambayan namin. Kung minsan ay nakakasabay pa namin uminom doon ang iba naming faculty.
Enjoy naman ang naging college life ko, kahit na maraming naging problema, naka-survive pa rin. Enjoy kasama ang mga kabarkada kong mga babae, kahit na di kami sabay-sabay nag graduate kasi meron silang naiwanang subjects. Nagresign sa Student Council dahil sa isang malaking problema. Nasubukan kung paano ma-discriminate ng mga tao. Masayang malaman na ang mga tunay na kaibigan ay handa kang saluhin kapag bumagsak ka. Naranasan kung paano iwan ng mga inaakalang mga kaibigan. Nahiyang pumasok dahil alam kong malaking kasalanan ang nagawa ko sa College namin. Nalaman ko rin na mabait ang Dean namin at tinulungan niya akong malusutan ang problema ko. Nagpuntang Baguio noong last sembreak para mag-enjoy kahit na wala akong pera. Napasa lahat ng mga subjects ko. Nag-enjoy sa pag-gawa ng case studies. Naka-limang 3.0 na grade sa buong college. Nakakuha ng isang class card na 1.0 ang nakasulat na grade. Salitang kaming mag-absent ng Prof namin sa Eng101. Nagkapera dahil siningil ko ang mga kaklase ko para gawin ang mga programs nila. Bumisita sa Student Council offices ng ibang colleges. Nakipag-meeting kasama ang pinakamataas na opisyal ng university. Maglakad sa hallway na babatiin na lang ng mga kapwa estudyante. Matalo sa Intrams ang college namin pero inunahan pa namin mag-celebrate ng victory party ang nanalong college. Pero ang pinaka-gusto ko, noong graduation, kahit huli na ng mangarap akong maging Cum Laude, pero bumawi naman ako noong pagkababa ko sa stage pagkakuha ng Diploma ko, lahat ng dinaanan kong mga Faculty ay kinamayan ako. Tuwang-tuwa naman ang tatay ko sa nakita at sinabi sa akin na para daw akong nanalo sa kung saan-saan na kinakamayan ng mga dinaanan ko.
College life. Komplikado. Masaya. Certified Graduate, year 2004.
Two weeks after ng graduation, kaagad akong nakakita ng trabaho sa isang malaking kumpanya malapit sa lugar namin. Kahit na gusto ko munang magpahinga after ng graduation, tinanggap ko pa rin kasi mas excited pa rin akong magtrabaho. Naging swerte ako kasi kahit na project hire lang ako ay natulungan ako ng boss ko para maging regular sa trabaho. Di ko namalayan ang oras, mahigit isang taon na pala ako sa trabaho ko.
Year 2005. Certified single pa rin. Birthday wish ko, sana magkaroon na ako ng karelasyon, gusto kong subukan.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
No comments:
Post a Comment