Now Playing Chapter 5
Thunder
"Your voice
Was the soundtrack of my summer
Do you know your unlike any other?
You'll always be my Thunder.."
- Boys Like Girls, Thunder
-------
"Ano'ng gagawin mo kapag sinabi ko sa'yo... Na... G-gusto kita?"
-------
Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko. Tsk. Ano ba ito? Kaya lang, ayoko munang lagyan ng malisya ang sinasabi nitong pinsan ko. Hindi maaari.
"Oh talaga? Edi matutuwa, syempre pinsan kita. Ako rin naman eh, gusto kita. Ang bait mo kasi" ang alangan ngunit nakangiti kong tugon.
"Kuya, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Gusto kita - higit pa sa isang pinsan" ang sagot niya. Nakupo. Patay tayo diyan.
"Ah, eh, ganun ba? Ikaw naman, bunsoy. Kaya nga bunsoy ang tawag ko sa'yo, diba? Dahil ikaw ang bunso ko" ang paliwanag ko naman sa kanya. Wala na akong maisip na iba pang sabihin. Kahit dapat nagtatatalon ako sa tuwa dahil isang anghel (na naman?) ang nagpapahayag sa akin ng kanyang nararamdaman, hindi ito dapat.
"Kuya, nakikiusap ako sa'yo, 'wag mo naman akong gawing bata. 17 na ako, at alam ko ang sinasabi ko. Mahal na kita, kuya! Simula pa noon, noong una kitang nakita. Noong nagkaroon tayo ng family reunion. Ang saya saya ko nun dahil nagkalapit tayo. At simula noon, hinanap-hanap na kita, kuya. Kaya nga n'ung umamin ka na bisexual ka, labis talaga akong natuwa. Ang saya-saya ko n'un, kasi alam kong may pag-asa. Kuya, makinig ka. Mahal kita" ang mahabang turan niya. Hindi ito maaari. Ayokong masaktan. Pero mas ayaw ko ng nananakit. Mahirap ito. Pero hindi talaga maaari. Kailangang baliin ko ito. Kailangan.
"Erol, kung maaari sana, huwag mo lang dinggin ang sasabihin ko sa'yo. Pakinggan mo. Dahil ito ang dapat" ang sabi ko, sabay ng isang buntong-hininga. Matalinong bata si Erol, kaya alam kong sa mga salitang iyon pa lamang ay alam na niya ang mga bagay na maririnig palang niya mula sa akin. Bakas iyon sa kalungkutan ng kanyang mga mata.
"Sa itsura mo ngayon, mukhang nagkaka-intindihan na tayo. Una sa lahat, Erol, magpinsan tayo. Kahit pa sabihin mong bisexual ako, hindi sapat na dahilan iyon para makipag-relasyon ako sa isang lalaki. At pinsan ko pa. Kahit ganito ako, kahit marumi ang tingin sa akin at sa mga katulad ko ng madla na kung maka-asta ay parang walang kasalanan, hinding-hindi ko gagawin ang magnasa sa isang kapamilya. Sana maintindihan mo, na ang bagay na ito ang siyang magpapakumplika ng buhay mo. Isa pa, 17 ka pa lang. Kahit pa sabihin mong hindi ka na bata, mayroon pa ring natitirang kaunting kabataan sa iyo. Hinding-hindi ko nanakawin sa iyo ang kabataang dapat ay ini-enjoy mo." naputol ang sinasabi ko dahil nagsimula na siyang humagulgol. Ikinulong ko siya sa aking mga bisig, at doon ay ibinuhos niya ang kalungkutang sumasakal sa kanyang puso.
"Erol, iyang nararamdaman mo para sa akin, sigurado ka ba na pag-ibig iyan? Maaaring infatuation lang iyan, o kaya, dahil lang iyan sa pagiging sobrang malapit natin sa isa't isa, kaya hinahanap-hanap mo ang presensya ko. Alam kong nalulungkot ka, pero sinasabi ko sa iyo, mawawala rin iyan. Natural lang iyan sa mga teenager. Madalas napagkakamalan nilang pag-ibig ang simpleng atraksiyon lamang. Sa mga ganitong pagkakataon, dapat hindi lang ang puso, kundi maging ang iyong isipan ay pinapa-iral mo. May mga bagay na hindi natin saklaw, at ang pag-unawa lang dito ang tangi nating magagawa. Erol, mahal kita bilang pinsan, bilang isang nakababatang kapatid. At wala nang hihigit pa roon. Patawarin mo ako, Erol. Pero sana, 'wag kang lalayo sa akin. Mahalaga ka sa akin, bunsoy. At mahihirapan ako ng husto kapag lumayo ka sa akin" ang mahabang paliwanag ko. Nasasaktan ako sa mga nangyayari. Ang anghel na ito ay umiiyak sa aking harapan. Ang hirap. Sana hindi ako parusahan ng Diyos sa pagpapaluha sa isa sa kanyang mga anak.
"Kuya.." ang tanging nasabi niya. Sa pagitan ng kanyang pagluha't paghikbi nararamdaman ko ang pagkadurog ng kanyang puso. Sa loob ng maikling panahon, muli na naman akong dumurog ng puso. Hindi dahil sa ito ay nais kong gawin, kundi dahil sa ito ang dapat. Dapat.
"Tahan na, bunsoy ko. Nandito lang ako lagi para sa iyo. Tandaan mo, hinding-hindi ako mawawala sa iyo. Pangako" sabay paggawad ng halik sa kanyang noo.
Matagal kaming nanatili sa ganoong posisyon. Patuloy siya sa pag-iyak. Nararamdaman ko ang kalungkutan niya sa bawat paghingang ginagawa niya. Ang bunsoy ko.
-------
Ang saya ng buhay, ano? Paikot-ikot. Masasaktan ka, makakasakit ka. Magulo. Mahirap. Nakakawalang gana.
Kailan pa kaya mag-iiba ang mga senaryong nakikita ko?
Puro na lang mga luha.
Ang luha ng anghel na nakayakap sa akin.
At ang luha ng isang lalaking nasa salamin.
-------
Teka, ano'ng nangyari? Asan ako? Bakit - ah, alam ako na. Andito ako sa kwarto ni - ni Erol. Sa kwarto ni Erol? Oo nga pala, yung nangyari kagabi. Kung ganoon.. Nilingon ko ang anghel na nakayakap sa akin. Ang ganda niyang pagmasdan. Ang anghel na inalisan ko ng karapatang ibigin ang isang demonyong gaya ko. Nakakalungkot na ako ang magiging sanhi ng kanyang kabiguan. Ngunit mabuti na sa una pa lamang ay maayos na ang lahat. Babawi ako sa kanya.
"uhm.. Huh? Uh, g-goodmorning bunsoy!" ang nagulat kong bati. Nahuli niya kasi akong matamang nakatitig sa payapa niyang mukha. Nginitian ko siya. Wari ay nagulat pa siya sa aking presensya sa kanyang higaan. Dali dali naman akong nagpaliwanag.
"Nakatulog ka na habang nakayakap ka sa akin kagabi. Hindi naman ako maka-alis. Masyado kang mahigpit maka-kapit" ang nakangisi kong turan. Mula doon ay nakita ko kung paano namula ang kanyang pisngi. Anghel. Ngunit saglit lamang itong nanatili, dahil nakita ko mula sa kanyang mga mata ang panunumbalik sa kanya ng mga nangyari ng nagdaang gabi. Bigla siyang kumalas sa pagkaka-akap sa akin. Pero pinigilan ko iyon. Niyakap ko ulit siya pabalik sa akin.
"Bunsoy.. 'wag kang magagalit kay kuya, ha? Mahal na mahal kita.." ang sabi ko na nagsusumamo. Ayokong lumayo sa akin ang bunso ko.
"K-kuya.. Kasi.. Ang hirap. Ang hirap makatanggap ng rejection. Pero, sige kuya, para sa iyo, gagawin ko. Gan'un kita kam- Kuya kita eh." ang sabi niya. Alam ko ang nais niyang sabihin. Napaluha ako sa naging turan niya. Niyakap ko siya ulit. At hinalikan sa noo. Nakita kong dumadaloy na naman ang mga luha niya. Pinahid ko iyon, dahil ayokong nakikitang lumuluha ang aking anghel. Ayoko.
Matagal namayani ang katahimikan sa amin. Nagpapakiramdaman. Pero naglakas-loob akong magsalita. Gusto ko siyang maging masaya.
"Nga pala, bunsoy. Tutal bakasyon, Sabado naman, at sa Lunes pa ang simula ng OJT ko, gala tayo. Ipasyal mo naman ako dito sa Maynila. Alam ko kasi maraming mga pwedeng galaan dito. At isa pa, para alam ko na rin ang mga lugar-lugar dito. Baka mamaya niyan, maligaw pa ako. Hindi na makauwi ang gwapo mong kuya dito. Ano?" ang pilit kong pagpapagaan sa atmospera ng kwarto. Nagpaawa ako, nagpa-cute (pa-cute? adik talaga ako.). At hindi ako nabigo. Nakita kong sumilay ang mga ngiting inaasam kong makita. Langit.
"Oo ba! Basta, ikaw ang taya!" ang sabi ng mokong. 'Lang'ya. Great Edge. Great. Mapapagastos ka pa. Pero ok lang, at least masaya siya.
"Game!" ang sabi ko naman sa kanya, sabay hampas ng unan sa mukha niya. Pillow Fight!
"Waaahh kuya ang daya mo! Humanda ka! Eto'ng sa'yo! Uhhmm!"
At muling napuno ng halakhakan ang kwartong iyon.
Ang munti kong anghel ay nakangiti na rin sa akin.
-------
Pumayag naman sila tita Vivian at tito Oliver sa pag-gala namin. Mabuti na raw iyon para naman masanay daw ako sa lugar. Iba kasi dito kaysa sa probinsya. Mas malaki. Mas magulo. Wala namang kakaiba sa umagang ito maliban sa nagtatanong na tingin ni Aries, ang ngingiti-ngiting si Erol, at ang nagtatakang si Mikka. Hahaha.
-------
At iyon na nga ang nangyari. Maghapon kaming nagliwaliw sa MOA. Sa bookstore, sa Bench, kahit sa supermarket. Hehehe. Kumain ng paborito kong Lasagna at Garlic Bread, nanood ng sine, nagpa-ikot-ikot kami sa loob n'un. Ang saya. Pasensya na, inosente pa ako ng konti. Hahaha. Nakikita kong masaya si Erol. Pero si Aries naman tingin ng tingin sa akin. Hay nako. Isa pa nga pala ito. Naman.
Habang nasa Food Court kami, may isang babaeng tumawag ng aking pangalan.
"Edge! Edge!" ang malakas nitong tili. Hala, sino na naman ba ito? Nagtinginan ang mga tao. Teka, siya si -
"Hoy Mr. Edgar Chase Villegas! Ano ba? Isnabero ka na ha! Kainis ka!" ang pakunyaring pagmamaktol ng babaeng nasa harapan ko. Hindi ako maaaring magkamali. Ang kanyang kulay tsokolateng mata. Ang matangos niyang ilong, at ang mga labing kay sarap halikan. Ang kanyang mahaba at tuwid na kulay tsokolateng buhok. Ang kutis porselanang diwata. Ang engkantada sa aking puso.
Beatriz Villafuente.
"Bea?" ang hindi ko makapaniwalang tugon.
"It's about damn time that you remember my name, lover boy. Kamusta ka na?" ang tugon niyang nakangiti. Naku naman, hanggang ngayon natutulala pa rin ako sa kanya.
"Bea!" ang tanging nasabi ko. Dali-dali akong tumayo at niyakap siya ng mahigpit. Ang babaeng ito na siyang naging sandalan ko sa loob ng mahabang panahon, muling nagbalik.
"Edge.. " usal niya, at niyakap niya rin ako ng mahigpit. Ang saya ng pakiramdam ko na muling mayakap ang babaeng ito. Hinalikan niya ako sa pisngi.
"Kamusta ka na? Ang ganda mo pa rin. Kailan ka pa dumating? Sinong kasama mo? Saan ka tumutuloy ngayon?" ang sunud-sunod kong sabi.
"Woah, hinay-hinay lang, dear. Hahaha" ang sabi niyang napapantastikuhan sa akin.
-------
Si Beatriz Villafuente ay nakilala ko noong minsang napasali ako sa isang contest na ginanap sa ibang lugar noong high school. Dahil division level ang contest n'un, medyo mga kalapit na bayan ang mga kasali. Sa parehong lugar naman kami nag-mula, pero magkaiba ng school. Sa public school ako nanggaling, at siya naman ay sa private school. Dahil inilagay ang mga partisipantes ng mga school namin sa iisang kuwarto, doon nagsimula ang lahat.
Lunch break noon. Ang mga schoolmates kong lalaki ay nagbabangkaan tungkol sa mga babae mula sa kabilang school. Sa lahat ng nandoon, aminado kami na si Bea ang katangi-tangi. Maganda. Mestisa. Matalino. Wala nang hihingin pa.
Tumayo ako para kumuha ng inumin mula sa jug na dala ng school namin. Sakto namang dumaan din itong si Bea, at nagkabungguan kami. Agad agad ko naman siyang nasalo bago pa man siya napaupo sa sahig. Biglang tumahimik ang lahat. Nagkatitigan kami ng magandang babaeng ito ng matagal. Grabe, ang baboy na katulad ko (damulag pa ako dati) tinititigan ng isang magandang prinsesa. Hanggang sa sabay-sabay na naghiyawan ang lahat ng mga taong nasa kuwartong iyon, mapa teacher o estudyante. Isang malaking koro.
"Ayiii! Ang sweet! Kinikilig kami! Grabe!"
Alam kong namula ako nang mga sandaling iyon. Pero hindi ako natinag. Inalalayan ko siya upang makatayo ng maayos, at humingi ng pasensya.
"Wala, iyon, kasalanan ko rin naman eh. By the way, I'm Beatriz Villafuente. Bea for short" ang sabi niyang nakangiti sa akin. Parang umawit ang libo-libong anghel sa langit.
"E-Edgar Chase Villegas. Edge nalang." ang nauutal kong sabi. Habang nakikipagkamay ako sa kanya, hindi pa rin maawat ang lahat sa pangangantiyaw sa amin. Simula noon naging magkaibigan kami. Nagte-text, nagtatawagan. Minsan lalabas kaming dalawa. Alam ko noon gusto ko na siya. Pero nawala ang lahat ng kaligayahan ko nang ipakilala niya sa akin ang kanyang kasintahan. Wasak. Durog. Pero ayos na rin iyon para sa akin. Dahil mas maganda siguro kung magkaibigan nalang kami. At least, mas magtatagal kami sa gan'un.
Apat na taon na mula ng huli kaming magkita. Lumipad siya patungong London para magkolehiyo. At ngayon, nagbalik na siya.
-------
Ipinakilala ko si Bea sa aking mga pinsan. Nakita ko kung paano kuminang ang mga mata ni Aries sa diwatang nasa harapan niya. Hahaha. Pero hindi na rin nagtagal si Bea dahil hinahanap na raw siya ng mommy niya. Binigyan niya ako ng calling card, at isang halik sa pisngi.
"Bye for now, Eddy. Call me, will you? See you" ang sabi nito sabay kaway ng kamay. At tuluyan na siyang umalis.
-------
"Earth to Edge? Earth to Edge?" ang sabi ni Aries sa akin. Muli akong nanumbalik sa realidad.
"Tulaley si 'lover boy'" ang sabat ni Mikka. Namula ako. Pero napatingin ako kay Erol. Malungkot ang kanyang mga mata. Lumapit ako at niyakap siya. Nginitian silang lahat at sinabing
"Ang sarap ng Lasagna, no?"
-------
Bakit ka ba bumalik, Bea?
Sasaluhin mo na ba ang puso kong durog na?
O mananatili ka na lang bang isang bituin sa aking mga panaginip?
Hay. Naman.
-------
Pasado 8:00 na nang maka-uwi kami. Grabe, ang saya, kaya nga lang nakakapagod. Sa labas na kami naghapunan nila pinsan kaya hindi na kami kumain pagkadating. Naligo ulit ako matapos makapagpahinga ng kaunti. Nagsepilyo, nagpalit ng damit. Alam kong may kakausap sa akin ngayong gabi. Sa kuwarto kasi ni Aries ako dapat matulog. Eh kasi naman diba sa kuwarto ni Erol ako nakatulog. At alam ko rin na marami pa siyang itatanong. Kilalang-kilala niya talaga ako. Hay.
-------
"Edge.." ang panimula ni Aries. Heto na. Sa totoo lang, ayoko na sanang alalahanin pa eh. Kaya nga lang, alam kong dapat ko rin itong sabihin sa kanya. God knows siya ay isa sa iilang taong pinagkakatiwalaan ko ng lubos. Kumuha muna ako ng buwelo, at ikiniwento ang eksena namin ni Erol kagabi.
"Iyon ang dahilan kung bakit pakiramdam mo pinagti-trip-an ka namin. Sinabi kasi samin ni Erol ang tungkol sa bagay na iyon. Gumawa kami ng paraan ni Mikka para mapuno siya, at magawa niyang sabihin ang lahat sa iyo" ang paliwanag ni niya. Ngayon naiintindihan ko na. Pero ang pinaka-ayaw ko ay narito na.
"Hindi lang ito ang dapat mong sabihin sa akin, Edge" ang wika ni Aries.
Napa-iyak nalang ako. Niyakap niya ako at hinaplos ang aking likuran. Akala ko kaya kong pigilan ang sakit. Akala ko kaya ko pa ring magpanggap na ayos lang ang lahat. Para akong batang ninakawan ng kendi at dali-daling nagsumbong sa tatay niya. Ang sakit kasi. Sariwa pa sa ala-ala ko ang lahat. Nakakapanlumo. Ang hirap huminga. Dahil lang sa isang tao kaya nagkakaganito ako. Wala akong magawa kundi lumuha at magpaalipin sa kalungkutan.
Ngunit kailangan ko itong ilabas sa aking sistema, o ito ang lason na unti-unting sisira sa aking natitirang pagkatao.
At isinalaysay ko ang lahat-lahat.
-------
Ang sakit balikan ng mga pangyayaring dumurog sa nag-iisa mong puso. Nakakapanlumo. Para kang sinaksak ng paulit-ulit. Ang mga ala-alang hindi na dapat alalahanin ay nanumbalik ng walang patawad. Akala ko magiging manhid ako sa ganitong kalungkutan. Akala ko kakayanin kong mag-isa.
Akala ko, maloloko ko ang sarili kong nakalimutan ko na siya.
Hindi pa pala.
Mabuti nalang at nandiyan si Aries. Mabuti nalang at naiintindihan niya ang paghihirap ko.
Mabuti nalang at isinampal niya sa akin ang katotohanang hindi na ako dapat na mabuhay sa ilalim ng mga bagay na nagdadala sa akin sa kumunoy ng kahapon.
Mabuti nalang at may isang katulad niya sa buhay ko.
-------
Sa kanyang mga bisig, maaari kong tanggalin ang maskarang kumakain sa katauhan ko.
-------
Fast forward..
Naging masaya ang buong summer ko. In-enjoy ko ang bawat pagkakataong mayroon ako habang nasa Maynila ako. Nag-ji-gym ako kapag may oras. Natuto akong lalong mag-ayos ng sarili. Minsan dinadala ako ni Aries sa mga dermatologist. Parang siya ang bisexual at hindi ako. Hahaha. Pero wala akong naging reklamo. Paminsan-minsan ay nagkikita kami ni Bea. Lumalabas kami gaya ng dati. Nalaman ko na narito siya sa bansa para magbakasyon. Graduate na siya ng Business Administration sa isang sikat na unibersidad sa London. Sabi ko nga, sana dito nalang siya nag-aral kung gan'un lang din pala ang kurso na kinuha niya. Ang mommy naman daw kasi niya ang may gusto. Balik kulitan. Ngunit ilang araw pagkatapos ay muli na naman siyang nagpaalam sa akin. Pupunta daw siya ng Boracay. Nanghingi nalang ako ng pasalubong.
At isang halik, siyempre. Hahaha.
-------
Sa aking OJT, hindi naman ako nagkaroon ng problema. Madami akong mga bagong nakilala. Hanggang ngayon, nagugulat pa rin ako dahil marami-rami rin pala ang mga kalahi ko sa trabaho. At mas mukha pa silang lalaki kay Derek Ramsey. Hahaha. May nagpakita ng interes, pero deadma pa rin ako. Hindi puwede. Gusto ko munang maging single pansamantala.
Gusto ko munang maging malaya muli.
-------
May mga gabing umiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang anghel na dumurog ng puso ko, pero mabuti na rin at nandiyan ang mga taong masasandalan ko. Hindi nila ako hinayaang mag-isa sa kalungkutan ko.
Sa piling nila, hindi ko na kailangang magpalunod sa labis na sakit na dala ng isang nabigong pag-ibig.
-------
Maglalaro nalang ako ng Knight Tales: Land of Bitterness sa cellphone ko.
Hahahahaha.
-------
Natapos ko ang OJT nang maaga, kaya dalawang linggo bago matapos ang summer break, nagpasya akong bumalik ng Bataan. Siyempre, hindi mawawala ang iyakan. Si Mikka, halik ng halik sa akin. Si Erol naman, hinahagkan ko at inakap ng pagkahigpit-higpit.
"Tandaan mo, nandito lang ako lagi para sa iyo, ha? Ipangako mo na hindi ka magbabago, ikaw pa rin ang bunsoy ko" ang sabi ko sa kanya. Tango lang ang naisagot niya. At umiyak siya sa aking dibdib.
"Tol, mag-iingat ka ha? Sa lahat, ito lang ang masasabi ko - pag-isipan mo ang nais ng iyong damdamin, sundin mo ang mga nais ng iyong puso." ang matalinhagang wika ni Aries. Niyakap ko rin siya, at hinalikan niya ako sa pisngi.
At tuluyan na akong nagpaalam.
-------
At sa muli kong pagbabalik sa aking kasalukuyang buhay, ako ay naging mas mabuting tao. Mabuti pa kaysa sa kahapon.
At sa aking pagdating, magsisimula ang lahat.
-------
Sana nga lang, hindi na ako ulit masaktan.
[ITUTULOY]
Followers
Saturday, October 9, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
FOLLOW US
Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com
Disclaimer
All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.
No comments:
Post a Comment