Followers

Saturday, October 30, 2010

Kung Kaya Mo Akong Mahalin 5

Chapter 5

-Keith-

Sari-sari naman ang reaksyon ng aming classmates matapos marinig ng lahat ang sinabi ni Yuri.  Ang iba napa ‘O’ na lang.  Ang iba ay nagkikipag-usap sa katabi.  Ang iba pilit nilalabanan ang pagtawa.  Ang iba naman talagang napatawa na. 
Habang nakakarinig ako ng sarisaring reaksyon sa klase, hindi ko tinatanggal ang tingin sa mukha ni Yuri.  Umaasa at naghahanap ng sensyales na nagbibiro lamang siya.  Pero dahil sa normal niyang ekspresyon ang makikita dito, mukhang hindi nga siya nagbibiro.     
“That’s why sir I don’t want to force anybody to be my partner.  If I have an option not to have any, I choose it.  Kasi po kapag bumagsak ako, at least hindi naman po ako nakabigat kanino man.  I’m sure Mr. Sarmiento can find any group that will take him as a groupmate”  ang kanyang idinagdag.  
Talagang kakaiba ang taong ito.   Ewan ko, pero kung totoo man ang sinasabi nito, talagang mahihirapan kahit sinong maging kapartner niya.  Aba at may concern naman pala eh.  Idagdag pa na kahit mukha siyang grade conscious, eh wala siyang pakialam kahit bumagsak.     
“I am sorry for the assumption.  That was very insensitive of me.  But I will not let any group to have a member of more than two while there is a group with a single member.  Also, I will not let anyone from my class to accept failure even if the course hasn’t started yet” ang sagot ni Sir kay Yuri.  “If you want, you can visit my office during my consultation hours so we can do something about it.  And also, I’m sure your partner can teach you some basics regarding the use of computer” sabay tingin sa akin ni Sir ng may ngiting nakakaloko ulit.
Mukhang hindi pa naaalis ang inis ni Sir sa aking pagkalate at talagang isinasangkalan ako nito sa responsibilidad.  Kailangan ko talaga itong turuan kung hindi baka managot ako kay Sir.  Isa pa, mahirap na at baka ako lahat ang gumawa ng exercise namin.  Isisingit ko na lang ang mga lessons namin sa aking hectic sked.

Matapos ng ilang paalala at makuha ang aming class cards, dinismiss na rin kami.  Napansin ko namang akmang tatayo na si Yuri kaya’t pinigilan ko siya sa kanyang braso. 
Sa sandaling iyon, hindi ko maintindihan, pero nakaramdam ako ng mahinang kuryente na dumaloy sa aking sistema sa simpleng pagkakahawak lamang sa kanyang braso.  Hindi naman napakalaki pero masasabi mong may porma at napakatigas nito. 
Biglaan naman niyang inalis ito.  Akmang sisikuhin niya ako sa tagiliran ngunit ng tatama na ay bigla rin nyang inihinto.  Dahil sa kuryenteng dumaloy sa akin at sa kanyang instant reaction, ni hindi ko nagawang makakilos o makapagsalita.  Napako ako sa aking kinauupuan.
“Sorry sa reaction ko kung nagulat kita.  Ikaw naman kasi, huwag mo akong hahawakan ng basta basta.  Hindi kasi ako sanay ng hinahawakan” ang kanyang paghingi ng tawad sa nangyari. 
“Sorry rin kung nagulat kita.  Gusto lang sana kitang kausapin tungkol dun sa sinabi mo kanina.  Me klase ka pa ba?”  ang aking naitugon ng makabawi sa nangyaring pagkabigla.  Umiling siya bilang tugon sa huli kong tanong.  “Pwede ba tayong mag-usap tungkol dun? Alam mo naman na nasa student council ako, di ba?  Kaya gusto ko, maturuan na kita habang maluwag pa ang aking schedule.  Meryenda muna tayo habang nag-uusap.”
Lumabas siya ng silid na sinundan ko naman.  Nang nasa pasilyo na kami, nagtanong siya ng, “Dito na lang natin pag-usapan.  Hindi naman siguro matagal yun, di ba?”
“Huwag dito. Tingnan mo ang daming nakatingin”, pabulong kong wika sa kanya at idinako ang tingin sa mga estuyante sa pasilyo na nonood sa aming usapan.  Sino ba naman ang hindi makakapansin sa dalawang kilalang figure na nag-uusap sa pasilyo. 
Nagpakawala siya ng buntong hininga ng mapansin ang mga taong nakatingin at nag sabing, “Sige ikaw na ang bahala kung saan.”      
Tinungo naman namin ang aking sasakyan sa parking lot.  Naiintindihan naman nya na hindi kami makakapag-usap ng maayos kung sa malapit na canteen lang kaya pinili na lang nyang sumunod kung saan ko siya dadalhin. 
Nang akmang papasok na ako ng sasakyan, napansin kong hindi kumikilos si Yuri para buksan ang kabilang pintuan.  Siguro hindi pa siya nakakasakay sa kotse kaya hindi nya pa alam ang gagawin.  Kung computer nga hindi pa siya nakakahawak, malamang kotse rin.  Kaya naman tinungo ko ang kabilang pintuan ng sasakyan at pinagbuksan siya.  Nang makapasok, isinara ko ito at tinungo ang driver seat.  Pagkatapos, minaneho ko ang kotse papunta sa pinakamalapit na fast food restaurant. 

-Yuri-

                Walang patumpik-tumpik kong inamin sa aming instructor na hindi talaga ako marunong gumamit ng computer.  Parang pang-inis ko na rin ito kay Keith para sa sinabi niyang ako ang bahala sa exercises namin.  Pero ang pangunahin kong dahilan sa pag-amin ay para hindi ako makasagabal sa ibang tao lalo na’t wala akong kaalam-alam sa aming gagawin. 
                Wala akong pakialam sa mga ilang mapang-insultong tingin, tawa at usapan na nagaganap habang ako’y nagsasalita.  Sana nga pumayag na lang din si Sir sa aking mungkahi dahil ayoko rin namang mapalapit sa guwapong lalaking ito.  Pero ayaw talaga eh.  Mukhang nainis si Sir sa pagiging late nito, kaya parang ako na lang ang ginawang ‘parusa’.
                Nang dinismiss na kami, biglang hinawakan ako ni Keith sa braso.  Dahil sa pagkagulat, tinanggal ko ito at muntikan ko pa siyang masiko sa tagiliran.  Mukha siyang natigilan sa reaction ko kaya naman humingi na lang ako ng tawad dahil dun. 
                Nang nasa pasilyo na kami, napansin kong marami na ang nakatingin sa amin bago pa lamang ako magsalita.  Pero itinanong ko pa rin kung pwedeng dun na lang kami mag-usap dahil wala akong pakialam sa kanila.  Ngunit nahalata rin nya ang mga tingin kaya naman nang magmunkahi itong wag na doon ay pumayag na lang din ako. 
                Nang nasa tapat na kami ng kotse nya, hindi ko alam ang gagawin kaya naman tumayo na lang ako.  Pinagbuksan na lamang niya ako ng pintuan at hinayaang makaupo bago tinungo ang driver seat at nagmaneho.
                Dinala nya ako sa pinakamalapit na Jollibee sa campus.  Wala pa namang masyadong tao dun dahil alanganing oras pa ito sa gitna ng tanghalian at meryenda.  Naghanap kami ng lamesa kung saan makakapag-usap kami.  Nang makahanap, ibinaba ni Keith ang kanyang gamit at tinanong ako ng, “Anong gusto mong kainin?”
                “Burger na lang” ang akin na lang itinugon. 
                “Sige, dito ka lang ako na ang mag-oorder” ang sabi pa niya. 
Iniabot ko ang aking bayad para sa aking order pero tinugon nya lang ako ng “It’s my treat”.  Hindi ko na pinagpilitan dahil kung tutuusin hindi naman ako kakain dito kung hindi lang din sa kanya.
                Nang dumating siya dala ang order namin, niyaya na niya akong kumain.  Habang kumakain, may mga itinatanong siyang mga bagay  bagay pero hindi ko ito pinansin dahil sa bahay namin bawal kaming mag-usap habang kumakain.  Nang hindi ko sinagot ang kanyang mga tanong, pinili na lang din niyang manahimik.
                Mabilis ko namang naubos ang sa akin.  Nang mapansin nyang tapos na ako, sinubukan nya ulit akong tanungin ng, “Totoo ba yung sinabi mo kanina na hindi ka pa nakakahawak ng computer sa buong buhay mo?”
                Ngayon sinagot ko na siya ng, “Oo.  Simula pa ng pinanganak ako, hindi pa ako nakakahawak nun.”
                “Sorry sa reaction ko ha? Pero paano mo ginagawa ang mga paper sa ibang courses mo kung hindi ka nagcocomputer?” dagdag pa nyang tanong.
                “E di nagsusubmit ako ng handwritten reports” ang tangi ko lang tugon at napatango na lamang siya.  Natigilan at tila nahulog naman siya sa malalim na pag-iisip kaya nagsalita na ulit ako, “Eto lang ba ang pag-uusapan natin.  Dapat hindi mo na ako dinala dito.  Kung wala ka nang sasabihin, uuwi na ako.”
                “Sorry ulit.  May naisip lang ako” tugon niya.  “Hindi naman iyon ang pag-uusapan natin.  Iischedule lang naman natin kung kailan kita tu-tutor-an.  Gusto kong matapos agad ito hangga’t maaga pa at wala pang masyadong activities.”
                “Naku kung makakaabala ako sa iyo, wag mo na akong tutor-an.  Pupunta na lang ako kay Sir sa consultation hours nya para magpaturo”  ang nahihiya kong pagtangi sa kanyang offer dahil medyo naging mataray ako sa kanya. 
                “Eh hindi pa naman nagsasabi si Sir ng consultation hours.  Malamang next week pa nya ibigay ang schedule nya”, ang kanyang nasabi.  “Gusto ko sana before next meeting natin ay matuto ka kahit ung pinakabasic lang.  Alam mo na, baka pag-initan ulit ako nun.” 
                “Ok sige. Ako, kahit kailan pwede”, ang aking panimula.  “Basta wag lang sa oras ng klase at dapat hanggang 7pm lang tayo.  Malayo pa kasi ang inuuwian ko kaya ayaw kong masyadong gabihin.”
                “That’s fine.  Lagi rin naman akong my meeting sa mga org ko.  Ok lang ba kung sa week-end na kita turuan?  Sa Saturday, free ako nun.  May desktop computer ako kaya sa apartment ko na lang” at ibinigay nya ang address ng apartment nya. 
                “Ok.  Alam ko kung saan un.  Punta na lang ako diyan ng 8AM.  Sabihin mo na rin sa guard na pupunta ako para naman payagan akong pumasok sa compound.”  Ako na ang nagbigay ng oras para maaga kami at maaga rin akong makauwi.  Me tatapusin kasi ako sa bahay. 
Simula kasi ng nawala si ama, ako na rin ang pumalit sa kanyang gawaing bahay tulad ng pagkuha at pagsisibak ng kahoy na panluto.  Hindi talaga ako papayag na si ina ang gumawa nito dahil sa hirap ng trabahong ito.  Ngayong may pasok na, isang beses na lang akong mangahoy at mag-sibak kaya naman marami-rami rin ito.  Sinanay kasi kami na ang linggo ay araw ng pahinga kaya dapat wala kaming gagawing mabigat na trabaho sa araw na iyon.  Pero ayaw ko rin naman ipagwalang bahala ang pagtutor ni Keith sa akin kaya pumayag na ako. 
“Ok sige para marami tayong magawa.”  Akala niya ata mag-sstay ako sa kanila ng hanggang past lunch.  Sa Saturday ko na lang sasabihin na uuwi ako ng maaga. 
Naalala ko rin ang sinabi ni ina na magpakabait ako sa ibang tao para naman makahanap ako ng kaibigan.  “Sorry sa mga inasal ko kanina.  Ikaw na nga ang nag-eextend ng tulong sa akin ako pa ang may ganang magsuplado.  Sorry talaga”,  ang hingi ko ng patawad sa aking inasal kanina.  Hindi naman ako sanay talagang humingi ng tawad kaya sa tingin ko ay nag-init talaga ang pisngi ko sa pagkahiya. 
“Naku wala yun.  Ang cute mo pala kapag nagsosorry. Hahahaha…”  ang kanyang tugon.  Sa tingin ko mas lalong namula ang aking pisngi sa kanyang sagot pero pinilit kong ibalik ang aking normal na ekspresyon. 
Nang magpaalam ako para umuwi, sinabi nyang, “Sorry hindi ko sinasadya.  Kailangan mo na ba talagang umuwi?”  Tumango lamang ako. 
Iniabot naman nya ang kanyang kamay at nagsabing, “Friends?”
Kinuha ko naman ito at nakipagshake hands sa kanya at nagsabing, “Oo naman” at binigyan siya ng ngiting tanging sa magulang ko lang ipinapakita.  Natutuwa naman ako dahil kahit papaano ay may matatawag na rin akong kaibigan.  Natupad ko rin ang hinihiling nina ina.  Ang ikinakatakot ko lang eh baka layuan nya ako pagnalaman nyang isa akong bakla.  Sa guwapo naman nyang yan, tiyak kong aakalain nyang may pagnanasa ako sa kanya.  Ah basta, saka ko na lang iisipin kapag nalaman nya.
Ayaw ko rin namang magsinungaling sa aking magiging kaibigan pero tingin ko ito lang ang aking magagawa para kahit papaano ay matupad ko ang hiling nina ina at ama.  Isa pa, gusto ko rin naman kahit papaano magkaroon ng matatawag na kaibigan. 

Tuluyan na rin akong nagpaalam sa kanya.  Nag-alok pa nga siyang ihatid ako pero hindi ko na tinanggap dahil sobrang layo din naman ng sa amin.  Pumayag na rin siya at nagpaalam.  

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails