Authors note:
Halloween month is approaching. Here's a piece I made way back 2011, so some scenes are based on some subject of the past, such as the defunct show, Wowowee of ABS-CBN. All events and ideas stated in the story is my personal belief. If you have other ideas of heaven and religious belief that is opposite to mine, it is not my intention to oppose yours.
The photo used in this story is not mine. CTTO.
Also by gMore Bacarro...
Midnight Blue
Endorsed To Love
JoyRide
Mag aalas tres na ng madaling araw ng nagkayayaan ang
barkada na magsiuwi na. Medyo umiikot na ang paningin ko dahil medyo naparami
ang inom, nagpumilit parin akong umuwi kahit hindi na ko pinapayagan ni Luigi,
hindi lang dahil sa naparami na ang inom ko kundi dahil medyo malayu-layo ang
uuwian ko at bukod pa sa wala akong kasabay pauwi, tanging ako lang ang naiiba
ang daan na tatahakin.
Mga ilang minuto din akong naghintay ng sasakyan, bibihira
na ang dumadaang jeep sa mga ganung oras. Kumaway nalang si Luigi na iiling
iling ng papalayo na ang sinakyan kong jeep.
Uumupo ako sa may bandang harapan, at isinandal ang ulo sa
may headrest ng upuan ng driver.
Nagagapi na ng antok ang aking katawan ng bigla akong umalog sa kinauupuan ng
mapadaan sa isang hump ang sinasakyan
ko.
“Manong, konting ingat naman” saway ko na medyo pautal na
dahil sa antok at kalasingan.
“Pasensya na boy, hindi ko napansin yung hump” hinging paumanhin niya, sabay ng
paghinto dahil may sasakay na pasahero.
Sumakay ang isang babae at isang lalake na sa biglang tingin
ay alam mong magkasintahan, tulad ko ay hlatang nakainom din ang dalawa.
Iginawi ko ang tingin sa mga pasahero, anim lahat pang pito
ako. Isang matandang lalaki na siguro’y nasa edad kwarenta pataas ang nakaupo
sa may bandang pintuan, nagiisip ako kung saan galing ang lalaking ito at
inabot na ng ganitong oras. Isang nurse ang nakaupo sa tabi nito, alam kong
nurse dahil nakauniform ito, at may tangang itim na libro, tila wala sa
sariling nakatulala at mugto ang mga mata, sinulyapan ko siya ng may pagtataka.
Sa tabi niya umupo ang kaninang magkasintahang kasasakay lang.
Mula sa kinauupuan ko naman ay nakaupo sa aking tabi ang
isang lalaki, matangkad at gwapo, at nasasagap ng aking ilong ang matapang nitong
pabango. Sa bandang pintuan naman ay isang ale na nakapikit at nakasandal, wari
ko ay natutulog.
Muli kong ipinikit ang aking mga mata ng humintong muli ang
jeep. Naramdaman kong umusog papalayo ang katabi kong lalaki at ang pagupo ng
isa pang pasahero, hindi ko na iminulat ang aking mga mata dahil sumasakit
narin ang aking ulo.
Wari’y naalimungatan ako ng maramdaman kong tila
nagkakagulo, may sari saring boses akong naririnig na hindi pa naipoproseso ng
aking utak dahil sa kalasingan.
“Walang gagawa ng masama kung ayaw niyong unahin ko kayo!
Pag may tumakas babarilin ko.” bigla kong iminulat ang aking mga mata ng
marinig ko ang boses na iyon.
Tila nawala ang kalasingan ko ng makita kong nakatutok ang
isang baril sa mga pasaherong nadoon, sa aking tabi ay isang lalaking naka
jacket ang may hawak ng baril, tanging sa akin lamang hindi nakatutok dahil
akoy nasa tabi nito.
“Walang mangyayaring masama kung susundin niyo lamang ang
gusto ko.” Sigaw ng lalaki, “lahat ng pera, alahas pati celphone niyo, ilagay
niyo sa plastik na to…ikaw, kolektahin mo!” utos nito sa lalaking katabi ko
kanina bago siya sumakay.
Napagtanto kong nakatigil pala ang jeep na sinasakyan naming
sa isang madilim na kanto. Pilit kong hinuhuli ang mga mata ng holdaper, hindi
ako takot sa baril, marahil ay dahil sa bata pa ako ay nakakakita at nakahawak
na ako ng mga ganung bagay. Hinahanap ko ang kaba sa aking dibdib ngunit
marahil sa epekto ng alak ay tila ba wala lang sa akin ang nangyayari.
Iniabot ng lalaki ang plastic na pinagkolektahan ng mga
gamit, limingon sakin ang holdaper at sinenyasang kunin ko iniaabot ng lalaki, kalmadong
inabot ko iyon at hindi ko napigilang itaas ang aking kilay na wari ba
nagtatanong kung ano ang gagawin ko doon.
“Ibigay mo sa driber,..oy ikaw, lahat ng pera ilagay mo
d’yan sa supot…” utos nito sa driver, tulad ko ay kalmado lang ding sinunod
nito ang utos niya.
Nababanaag ko ang takot sa mga mata ng lahat ng pasahero,
ang ale sa may pintuan ay tila ba gusto ng tumakbo ngunit pinipigilan lang ang
sarili, sa nerbyos ay naluluha ito. Ang matandang lalaki sa tapat nito ay tila
nagiisip kung papaano niya maagaw ang baril na hawak ng holdaper, ngunit
sadyang malayo ito sa kinauupuan namin. Ang nurse ay tila humuhugot ng lakas sa
librong hawak dahil yakap yakap niya ito. Samantalang mahigpit din ang yakap ng
babae sa kanyang kasintahan at pilit itinatago ang mukha na tila ba na pag
ginawa niya iyon ay maglalaho bigla ang holdaper, nakayapos din ang lalaki na
wari ay pinoprotektahan ang babae.
Palipat lipat ang baril sa pagkakatutok sa lalaking katabi
ko kanina, na sa gwapo nitong mukha ay nababanaag din ang takot, at sa mga
pasaherong naroroon. Manaka naka ay inililipat nito ang baril sa driver at kung
minsan ay sa mukha ko. Magkalapit lang kami ng holdaper, na sa maling galaw ko
lang ay maaaring ako ang uunahing barilin.
Habang iniaabot ng briver sa akin ang plastic na naglalaman
ng pera at mga gamit ng mga pasahero ay natanaw ko ang paparating na head
light. Nabuhayan ako ng loob ng sa di kalayuan napansin kong isa itong patrol car.
“Dalian
mo, ilagay mo ang mga gamit mo sa pastik.” Utos nito sa akin, wala itong kaalam
alam na papalapit na ang sasakyan.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng aking loob
ng walang anu ano’y bigla kong inagaw ang baril na hawak nito, nagpambuno kami
at sa paligid ay dinig ko ang sigawan, at ang hindi matatatwang sirena ng patrol car.
Mabilis ang mga pangyayari, naramdaman ko na lamang na
ginapi ako ng kanyang lakas at ang paghampas ng matigas na bagay sa aking ulo,
at bago ako nawalan ng ulirat ay isang malakas na putok ang pumailanlang.
----
Iminulat ko ang aking mga mata, at ramdam ang sakit sa aking
ulo, nawala ang aking kalasingan, kinapa ko ang aking noo at naramdaman ko
maiinit na likido na umaagos mula rito, sa lumilinaw kong mga mata, ay
napagmasadan ko dugo sa aking mga palad.
Pinilit kong tumayo, at laking pasalamat ko ng tumigil na
ang pagagos ng dugo mula sa ulo ko na napukpok, nakapagtataka ito dahil alam
kong matagal bago huminto ang pagdurugo pag sa ulo ang nasugatan.
Lumabas ako ng jeep at nakita ko ang papalayong patrol,
nakatayo ang mga pasahero at ang driver na nakatanaw sa papalayong patrol.
“Kawawa naman siya,” dinig kong bigkas ng driver. Nainis ako
ng marinig ko iyon, bakit naawa pa ang driver sa holdaper na iyon, at isa pang
kinaiinisan ko ay ang hindi pagdala sa akin sa hospital. Mabuti na lamang at
huminto na ang pagdurugo ng aking sugat.
“Sa tingin mo patay na kaya yon?” tanong ng matandang lalaki
sa nurse na katabi nito kanina, may mga bakas ng dugo sa puting uniporme nito.
“Hindi ako doctor…pero alam kong malala ang tama niya,
n-napuruhan siya.” Umiiling iling ang nurse, at tila ba gusto nitong maiyak.
May kung anong kirot akong naramdaman ng marinig ko ang
tinurang iyon ng nurse, ang putok na iyon ay marahil galing sa mga pulis, na
kung nagging mabagal lang ang kanilang responde ay maaring ako ang nabaril at
napatay ng holdaper.
“Halina kayo, ihahatid ko kayo sa kung saan man kayo
pupunta, tutal wala namang sumama sa inyo sa presinto ay hayaan niyo nalang na
ihatid ko kayo” pagmamagandang loob ng driver.
Imbes na makisali sa umpukan ay umikot ako sa may harap ng
jeep at pumasok, naupo ako sa passenger seat at hinintay na makasakay lahat ngf
pasahero, ilang saglit pa ay pumasok na rin ang driver, natigilan ito pagkakita
sa akin, sa mga mata ay ang dagling pagtataka, iginawi nito ang mga mata sa
natutuyong dugo sa aking noo.
“Bakit nandito kapa anak?” tanong nito habang papasok at
umupo.
“Okay lang ako manong…tara
joyride na tayo, ako na huli niyong ihatid.” Wala sa sariling sagot ko, tuluyan
ng wala ang kanina ay pagkaantok at ang kalasingan ko.
“Sige, joyride tayo anak…” umiling iling na sagot ng driver.
---
Nakausad na ang jeep at bahagyang nakakalayo ngunit dama
parin ang tension sa loob. Ang mga pasahero ay tila nagkukumpulan sa may bandang
pinto ng jeep, nakita kong magkahawak kamay pa ang babaeng may kasintahan at
ang aleng umiiyak parin dahil sa takot.
Lumiko ang ang jeep
sa isang eskinita at huminto sa tapat ng isang apartment, dinig ko ang
pagpapasalamat ng matandang lalaki at bumaba ito.
Umandar na muli ang dyip, nagtanong ako ng may pagtataka sa
driver.
“Paano mo nalaman na doon bababa ang mama eh hindi ko naman
narinig na sinabi niya kung saan siya nakatira?”
Ngumiti lamang ang driver at inabot nito ang built in cd
player ng kanyang sasakyan
“Soundtrip muna tayo para masaya ang iyong joyride” pinindot
nito ang play button at pumailanlang ang matamis na melodya sa kanyang
sasakyan.
Ngumiti lang din ako at nawala sa isip ko ang tanong ko
kanina.
“Ano nga po pala ang pangalan niyo?”
“Lando, pwede mo akong tawaging ‘tay Lando.” Inginuso nito
ang naksulat sa may bubong ng kanyang dyip sa bandang taas lang niyang nakaupo.
Tatay Lando
Iginawi ko ang tingin sa aking uluhan ng mabasa ko ang
nakasulat din doon, Nanay Edith sa
aking kuryusidad ay nilingon ko kabuuan ng dyip at sa bubong nito ay nakasulat
ang iba’t ibang pangalan Jhon Michael,
Edisha, Raffael, Christine, Pat-pat, Jeff, Bantay…bahagyang tumaas ang
kilay ko ng mabasa ko ang huling pangalan.
“Bantay?”
“Ahahaha…si bunso kasi, gusto niya nakasulat din si bantay.”
Nakatawang sagot ni ‘tay Lando. Doon ko
napagtanto na ang mga pangalang iyon ay mga pangalan ng kanyang mga anak.
“Malaki pala ang pamilya niyo ano ho?”
“Oo, at sa awa ng Diyos masaya at nakakaraos naman
kami…mabuti na lamang at nabawi ko ang kinita ko sa holdaper na ‘yon, di sana walang pang saing si
misis.” Anitong inginuso ang pangalang nasa uluhan ko.
“Hindi ba kayo nahihirapan… anim ang anak niyo.”
“Kung minsan oo, pero pag umuuwi ako nararamdaman ko mga
yakap ng mga anak ko nawawala lahat ng hirap…isa pa tulong tulong naman kami.
Si misis nagtitinda sa palengke, yung panganay ko may trabaho na din, at yung
panganay naghahanap na din ng mapapasukan…”
“Mahirap maghanap ng trabaho ngayon…ako nga hanggang ngayon
tambay padin.”
“Yan ang mahirap sa gobyerno natin…mas inuuna pa nila ang
pangungurakot bago ang problemang dinaranas ng bansa natin.” Umiiling iling na
sabi nito.
“Tama po kayo, kawawa ang mga tulad naming…ang iba pa
pinagsasamantalahan ang pangangailan natin ng trabaho…haisss..” napbuntong
hininga ako.
“Sabagay, hindi magiging Pilipinas ito kung hindi ganon…”
pagak na natawa si ‘tay Lando. “Kaya dumarami ang holdaper eh.” Inabot nito ang
pamunas at pinunasan ang windshield ng kanyang dyip upang makita ang daan dahil
nanlalabo ito dahil sa tila nagpapawis ito, tila may hamog na laging
nagpapalabo dito, nagtataka ako dahil maalinsangan naman ang panahon.
Hinintay kong matapos siya sa ginagawa bago ako nagsalita.
“Hmmm ‘tay Lando, ilang beses naba kayong nahoholdap?”
“Pangalawa ngayung gabi, buti na lamang naibalik sakin ang
kinita ko, pero…” kusang binitin nito ang sasabihin at tumingin lang sa akin ng
makahulugan.
Magtatanong pa sana
ako ng ihinto niyang muli ang dyip at bumaba ang magkasintahan, sandaling
naghintay si Mang Lando at sumakay muli ang lalaki pagkatapos nitong ihatid
hanggang makapasok ang babaeng kasintahan sa loob ng gate ng kanilang bahay.
“Ang galling, paano niyo uli nalaman na dito bababa ang
babae at hinintay niyo pa ang lalaki, eh wala naman akong naririnig na sinabi
nilang dalawa?” nagtatakang tanong ko kay Mang Lando.
Ngumiti ito at kinindatan ako, “Nag eenjoy kaba sa Joyride
mo anak? Kahit hindi mo sabihin sa akin kung saan ka pupunta eh maihahatid kita
sa bahay niyo…” tiningnan niya ako na tila ba nanloloko…
Sineryoso ko ang tinuran nito dahil nagtataka din ako kung
bakit at kung papaano niya naihatid ang dalawang pasahero gayung halos hindi
nagsasalita ang mga ito.
“May madjik ka ata eh” sagot kong sinakyan ang pagbibiro
nito.
“Ahahaha..hindi naman anak, may kakayahan lang ako na naiiba
sa karamihan.”
“Anong kakayahan. ‘tay Lando?”
“Nababasa ko ang iniisip ng mga taong nasa paligid ko.”
Nangingiti itong sumagot at tumingin sa akin.
“Huh? Di nga ‘tay? Seryoso ka?” hindi makapaniwalang tanong
ko.
Tumawa lamang ito, at sumilip sa kanyang rear view mirror.
“Sige nga tay ano iniisip ko?” naghahamong turan ko.
“Iyon nga ang problema ko kanina pa, hindi kita mabasa…”
nakangiti parin ito ngunit kita ko sa kanyang mga mata ang tila lihim na siya
lamang ang nakakaalam.
“O e pano moko ihahatid kung hindi mo naman pala nababasa
ang isip ko?” tila may pagmamayabang na tanong ko “Hmmm..sige, sila na lang…”
lumingon ako sa mga pasahero, “…yung unang dalawang bumaba, bukod sa alam mo
kung saan sila bababa ano pa ang iniisip nila?”
“Makulit ka din ano? Kapareho mo ang bunso ko…sige, yung
unang lalaking matanda alam mo bang ang iniisip kanina bago ang kaguluhan?
Iniisip niya ay ang paghihinala sa kanyang misis?”
“Paghihinala?”
“Oo, naghihinala siya na may kalaguyo ang kanyang
misis…nakakatawa nga kung bakit ganon ang tao kung minsan, kung kalian
tumatanda na tsaka pa sila nagkakaganoon…”
“Malay mo may pinaghuhugutan siya sa kanyang hinala…” tanong
ko.
“Anak, ang tao matagal na sa kanyang kamalayan ang
paghihinala…nasa sa atin kung papaano natin gapiin ito, isa pa sa tingin mo ba
tatagal ang relasyon nila ng ganon kung niloloko lamang siya ng kanyang misis?”
“Eh bakit siya naghihinala?”
“Ibabalik ko sayo ang tanong anak, bakit maghihinala ang
isang tao ng mga bagay na hindi pa niya nakikitaan ng pruweba?”
“Siguro dahil…” natigilan ako “..siguro dahil siya mismo ang
gumagawa nito?” wala sa sariling sinagot ko ang sariling tanong, “kaya lang
naman naghihinala ng masama ang isang tao sa kapwa nila ay dahil malamang sa
hindi ay sila mismo ang gumagawa ng mga bagay na kahina hinala.”
Natawa na lamang si Mang Lando, ngunit hindi ako sigurado
kung umaayon siya sa sagot ko.
“Eh yung babaeng kakababa kanina, yung jowa nung lalaking
‘yon?” nginuso ko sa rear view mirror
ang lalaki.
“Ah yun ba, alam mo ba kung ano ang iniisip niya habang
nagkakagulo kanina? Gusto niyang ipagtapat sa kanyang kasintahan na ang matalik
na kaibigan nito ang tunay niyang mahal…” umiling iling si Mang Lando,
“…iniisip niya na bago siya mamatay ay kailanganag maipagtapat niya…ngunit alam
mo kung ano ang mas nakakatuwa?” ngumiti si Mang Lando na tila ba may isang
lihim na gusto niya isiwalat, inabot nitong muli ang pamunas at pinunasan ang
nagpapawis na windshield habang nagsasalita “…ang nakakatuwa ay ang iniisip ng
lalaking iyan, na ipagtatanggol niya ang babaeng mahal niya at handa niyang
ialay ang buhay hindi para sa ikaliligaya ng sarili…kundi para sa dlawang taong
mahalaga sa buhay niya.”
Napatingin ako kay Mang Lando, “Anong ibig mong sabihin
‘tay?”
“Ang misteryo nga naman ng buhay hindi ba, anak? Kapag
nanganganib o kapag kaharap mo na ang kamatayan bumabalik at bumabalik ka pa
din sa kung saan ang matuwid. Oo ang unang instinct ng tao ay ang iligtas ang
sarili, ngunit habang tumatagal ay ang kaligayahan ng kanilang mga mahal ang
iniisip. Alam ng lalaking iyan na ang tunay na mahal ng kanyang kasintahan ay
ang kanyang matalik na kaibigan, at hindi ba nakakatuwang isipin na handa
niyang ialay ang buhay para sa babaeng minamahal at ang matalik na kaibigan? At
ang babae, alam man niyang masasaktan ang lalaking nagmamahal sa kanya, at
masakit man sa kanya ay handa niyang tanggapin ang anumang kaparusahan sa
pagtatapat na gagawin niya. Sa huli ay ginusto niyang itama ang mga
pagkakamali.”
Mahaba ang naging paliwanag ni Mang Lando, aaminin ko
nahirapan ang utak ko sa pagiintindi ng kanyang mga sinabi.
Tumigil ang dyip at bumaba ang lalaki, lumingon ako at sa
aking puso ay ang pagkahabag.
“Wag kang maawa anak, iyan talaga ang katotohanan sa buhay.
Tanggap na ng lalaking iyan ang kahihinatnan ng kanyang relasyon,
nakapagdesisyon na siya. At huwag kang magalala, kaya may nawawala sa ating
buhay ay dahil may darating na mas higit pa sa nawala sa atin, isang tao o
bagay na makapagpapasabi sa’tin ng pagpapasalamat kung bakit nawala ang mga
bagay na dati’y naging atin. May mas lamaking plano ang nasa itaas.”
Napangiti na lamang ako sa tinuran ni Mang Lando, hindi ko
lubos maisip kung papaanong nakakabuti sa isang tao ang nawalan.
Narinig kong pagak na natawa si Mang Lando at tumingin ng
makahulugan sa akin.
“Tingnan mo ang nurse na iyon,” nguso niya, lumingon ako sa
nurse na hanggang ngayon ay yakap yakap parin ang libong hawak “…nawalan din
siya ng minamahal, ngunit hindi tulad ng lalaking iyon may pagmamahal na
naisukli sa kanya.”
“Mabuti pa pala siya, nakaranas siya ng pagmamahal sa
babaeng minamahal niya.”
Narinig kong muli ang pagak na tawa ni Mang Lando, “May mga
pagmamahal na hindi pa lubusang natatanggap ng lipunan…ang ipinagtataka ko
lang, bakit kailangan pang itatwa kung parepareho lang naman tayo ng hanap,”
tiningnan ako ng makahulugan ni Mang Lando, “…hindi bat pagmamahal ang hanap
nating lahat? Ikaw anak nasubukan mo na bang magmahal?”
Sasagot na sana ako ng biglang napapreno si Mang Lando dahil
sa biglaang pagtawid ng isang asong askal, napasinghap ang ale at napausal ng
dasal, tumalsik ang hawak na libro ng nurse at dumausdos paharap, nabuksan ang
balat nito at sa unang pahina ay nakasulat ang mga katagang “Endorsed to Love”. dinampot niya ito,
at pilit kong hinuli ang mga mata nito, nakita ko ang lungkot ngunit tila
tumagos lamang sa akin ang kanyang mga tingin. Kakausapin ko sana siya ng umalulong ang asong muntik
masagasaan, kinilabutan ako at napalingon sa asong tila may kung anong nakikita
sa loob ng dyip.
Pinaandar muli ni Mang Lando ang dyip at kita sa kanyang
mukha ang lungkot at umiling iling “Sadyang napakahiwaga ng buhay…ah eh anak,
nageenjoy ka naman ba sa iyong joyride?” makahulugang bigkas nito.
“Oo naman po,” nangingiting wika ko, “medyo kinilabutan lang
ako dun sa aso, nakakatakot…para bang ditto pa sa dyip nakatingin.”
“Bakit ka natatakot, hindi naman sila nananakit?”
“Anong ibig niyong sabihin…?” napamaang ako at kinilabutang
muli ng mapagtanto ko ang kanyang ibig sabihin. “…ibig niyong sabihin, m-may…”
Huminto ang dyip at bumaba ang lalaking nurse, nilingon
niyang muli ang nakaputing lalaking bumababa sa dyip, tangan parin nito ang
itim na libro na tila ba doon siya humuhugot ng lakas.
“Napakadakila ng pagibig niya…” bulong ko at itinuon kong
muli ang tingin kay Mang Lando na abala sa pagpupunas ng wind shield.
“Balik tayo sa usapan ‘tay Lando ano ang ibig niyong sabihin
kanina?’
“Marami sa kanila ang
hindi alam ay patay na sila…” panimula ni Mang Lando at muli ay pinaandar ang
dyip “ang iba ay sadyang ayaw lang na umalis pa ditto sa lupa dahil mayroon pa
silang gusting gawin.”
“Nakakakilabot naman kayo ‘tay Lando, pano nyo naman nalaman
yun…?”
Ngumiti lamang ito.
“Hanep naman kayo, bukod sa nakakabasa kayo ng isip ay
nakakakita pa kayo ng multo?” pabirong sabi ko.
“Hindi lang nakakakita anak, nakakausap ko pa sila, madalas
ay sila mismo ang gumagawa ng paraan para makausap ko.”
“Ganun ba, pero bakit may mga taong nakakakita rin pero
hindi kinakausap?”
“Parang buhay din sila anak, gayung bukas ang kanilang mga
mata at tenga ay nakikita at naririnig lamang nila ang mga bagay na gusto
nilang makita o marinig, at alam mong nandyan sila sa paligid kapag
nararamdaman mo ang kilabot at lumalamig ang paligid mo.” lumingon siya sa akin
na tila ba may gusto pang sabihin.
“Ang labo naman ‘tay, pano yun?” putol ko.
“Katulad din sila ng ibang buhay na tao na nabubuhay sa
pagkukunwari o kasinungalingan. Gayung alam nilang patay na sila ay hindi nila
tanggap iyon at patuloy silang nagkukunwaring nabibilang parin sila dito sa
ibabaw ng lupa…at pag nagtagal tuluyan nilang makakalimutang patay na sila at
nanatili silang palaboy sa mundo ng Kalagitnaan, kung saan dito ay nakikita
lamang nila ang gustong makita, at naririnig lamang nila ang gustong marinig o
nararamdaman nila ang gusto lang nilang maramdaman.”
Saglit akong natahimik at pinagmasdan si Mang Lando na pinupunasang
muli ang wind shield.
“Tama ba ang pagkakaintindi ko ‘tay, na sadyang ang
pagtanggap sa katotohanan ang siyang nagpapalaya sayo? Sabagay may mga taong
kahit nakikita mong masaya sa mga panlabas nilang kaanyuan ay may mga
itinatagong lungkot o hinanakit sa mundo, na sa paghubad lamang sa maskarang
kanilang suot ay doon makikita ang tunay na sila, at mananatili sila sa
kulungang gawa ng kanilang pagkukunwari at mananatiling nakatabing sa kanilang
mga mata ang maskarang kanilang suot kaya hindi nila mahanap ang daan tungo sa
kanilang tunay na kaligayahan…tama ba ako ‘tay?” mahaba kong paliwanag.
Tumingin sakin si Mang Lando…natutop ko ang aking bigbig ng
makita kong duguan ang damit nito.
“A-anong…? O-Okay lang kayo…?”
Napakunot ang noo niya at ibinaba ang tingin sa kanyang
damit.
“A eto ba, ngayon mo lang nakita…” saglit itong natigilan at
tinitigan ako ng makahulugan, “…nakuha ko ang mantsang ito ng binuhat ko yung
nabaril kanina.” paliwanag nito.
“G-Ganun ba,” ngunit bakit parang hindi ko napansin mula
kanina, “…a eh, kumusta naman y-yung h-holdaper…napatay ba siya? Dinig ko yung
nurse kanina…”
Tumingin siyang muli at nakita ko ang lungkot sa mga mata
niya.
“Y-yung nabaril…” paliwanag ko, “yung holdaper…yung nabaril,
sa tingin niyo ho buhay pa yun? Mabuti na lamang at dumating ang mga pulis…pag
nagkataon baka ako na ang binaril niya.”
Sa halip na sumagot ay inihinto ni Mang Lando ang dyip sa
isang squatters area, sumilip siya sa
nanlalabong rear view mirror at
hinintay na makababa ang lalaking katabi ko kanina.
Napalingon din ako, at muli ay bumalik sa isip ko ang
usapang hulaan sa iniisip ng mga pasahero.
“O ‘tay, bumaba na yung pogi hindi ko pa natatanong kung ano
ang iniisip niya” lingon ko kay Mang Lando.
“Sa tingin mo may asawa na ang lalaking iyon?” balik tanong
niya sa akin.
“Mukha pa naman syang bata at sa porma mukhang binatang
binata pa…” sagot kong tila ba naamoy muli ang samyo ng pabango ng lalaking
iyon.
“Maporma siya at mukhang mamahalin diba anak?”
“Oo nga po eh…” natigilan ako ng may napagtanto ako.
“Di ba?” makahulugang ngumiti siya sa akin na naintindihan
ang aking iniisip, “kailangan ng lalaking iyon ang ganda ng katawan at ganda ng
kasuotan…dahil sa mundo niya iyon ang puhunan.”
Napalingon ako sa lugar na binabaan ng lalaki, at kita sa
lugar na iyon ang isang patotoo na hindi talaga pantay ang estado ng bawat tao.
“Kasalanan ba ang maging mahirap?” wala sa sariling tanong
ko.
“Kapag sinabi ko bang oo ay nabigyan ko ng rason ang trabaho
ng lalaking iyon?” balik tanong ni Mang Lando, na ngayon ay nasasanay nako sa
paraan ng kanyang pagsagot “..at pag sinabing kong hindi, may magagawa kaba o
ang gobyerno…o tayo, upang gawing pantay pantay ang lahat?” pagpapatuloy nito.
Hindi ako nakasagot dahil nagtatalo ang isip ko sa kung alin
nga ba dahilan kung bakit may mayaman at kung bakit may mahirap.
Sa hindi ko pagsagot ay ipinagpatuloy ni Mang Lando ang mga
sagot patanong.
“…kung hindi siya maghuhubad para sa iba’t ibang uri ng
taong nananamantala sa kanyang ka-wala-an may ipapakain kaya siya sa kanyang
magina, may pambili ba siya ng gatas ng kanyang sanggol na anak? Kung hindi
niya titiisin ang pagsasalaula sa kanyang katawan marahil ay mamatay siya at
ang kanyang mga mahal sa buhay na dilat ang mga mata…alin ba ang mas nanaisin
ng isang tao, ang sirain ang sariling buhay o tanggalin ang sariling dignidad
kapalit ay buhay ng mga taong mahal niya, o ang mabuhay ng tuwid sa mga mata ng
tao kapalit ay ang pagtitiis na makita ang mga mahal niya na unti uti ginagapi
ng kamatayan? Sa mga tulad niya, tanging pagkain sa hapag ang nagbibigay lakas
upang ipagpatuloy ang pagsuong sa mga pagsubok na kinakaharap nila araw araw.”
“Ngunit hindi ba kasalanan maging sa mata ng Diyos ang
kanyang ginagawa, bakit hindi siya magsikap at maghanap ng disenteng trabaho,
mukha naman siyang malakas.” tanong ko.
“Nakita mo kung saan siya nakatira anak diba, sa tingin mo
nakapag aral ba siya? At hindi ba ikaw na rin ang nagsabing mahirap makahanap
ng trabaho…sa isang tulad mong nakapag aral…maswerte ang mga tulad niya na
tinatanggap parin sa kabila ng pagiging mangmang at mahirap, ngunit siya…alam
mo bang habang nagkakagulo kanina, inisip niya na sana sya na lang ang nabaril
at napatay upang makatakas na siya sa sumpang ipinagkaloob sa kanya mula
pagsilang…ang sumpa ng pagiging mahirap, ngunit kanina…” tumigil siya saglit at
sumilay ang malungkot na ngiti “ngunit kanina bago siya bumaba, alam mo bang
lubus lubos ang pasasalamat niya sa Diyos at buhay pa siya upang maiabot niya
sa kanyang maybahay ang gatas ng kanyang anak?”
Pilit iniintindi ng utak ko ang mga sinabing iyon ni Mang
Lando, at nasagot ang tanong ko kanina, na namatay nga ang nabaril na holdaper.
“Ano nga ba ang maituturing na kasalanan sa mata ng Diyos?”
tanong na nagpabalik sa akin sa malalim na pagiisip, napatingin ako kay Mang
Lando na inaabot ang pamunas.
Sinagot ko siya kung ano ang obvious na sagot “Kung ano ang maga nakasulat sa Bible?”
Pagak siyang tumawa, “Kung ganon…kasalanan ang ginagawa ng
lalaking iyon, ganun ba yon anak?” tanong niyang may ngiti parin, “..at lugmok
din sa kasalanan lahat ng mga taong pumatol sa kanya…kung ganon nawalan ng
rason ang lahat, kasalan ang maghanap ng ipapakain sa iyong pamilya sa paraang
pagsasalaula sa iyong katawan, at kasalanan ang maghanap ng panandaliang aliw o
panandaliang pagmamahal na sa mga tulad niya mo lang mahahanap…at ang lahat sa
pagmamahal lang din nagsimula…kung ganon kasalanan nga ang magmahal…”
“A-Alam mong hindi yan ang ibig kong sabihin ‘tay” ani kong
napaamang sa kasagutan niya, ngunit aaminin kong may kung pwersa ang nagtutulak
sa akin upang tanggapin ang katotohanang iyon.
“Ahahaha…” muli ang pagak niyang tawa, “…alam ko anak,
maging ako ay hindi naniniwala sa mga sinabi ko, ngunit kung minsan mahirap
lang intindihin ang batas na sumasakop sa ating buhay.
“Ang kasalanan ay gawa ng kasamaan.” sagot ko na naguguluhan
padin at pilit na binibigyan ng rason ang mga katagang narinig ko.
“Hindi ako naniniwala sa kasamaan” sagot ni Mang Lando,
tuwid at tila ba nagsasabi lang ng kanyang pangalan.
“Kung ganon hindi rin kayo naniniwala sa kasalanan?”
“Isa ang mahirap intindihin ng bawat isa sa atin… na walang
batayan ang kasamaan, na wala ang kasamaan kung nandiyan ang pagmamahal.
Tandaan mo anak, walang sariling ‘pagkatao’ ang dilim…hindi ito kusang
dumarating, nagkakaroon lamang nito kapag nawala ang isang bagay, kapag nawala
ang liwanag doon lamang nagkakaroon ng dilim. Walang kusa, hanggat nariyan ang
liwanag, hanggat hindi inaaalis o hanggat hindi nawawala hindi at hindi
kailanman darating ang dilim…hanggat may pagmamahal, walang kasamaan at kapag
wala ang kasamaan wala ding kasalanan ang isisilang sa mundo”
Tagos ang mga katagang iyon ni Mang Lando, walang pagkukusa ang kasamaan…natahimik
ako at pilit iniintindi kung bakit nararanasan padin ang kasaman.
“Kung ganon ‘tay, may rason kung bakit tayo hinoldap?”
“Dapat kaawaan ang mgat taong gumagawa ng kasamaan, hindi
dahil alam nating walng pagmamahal sa kanilang puso kundi dahil wala silang
makitang liwanag sa kanilang buhay, wala silang mahanap na pagmamahal sa gitna
ng dilim ng kanilang pagkatao…ikaw anak, kaya mo bang magmahal ng taong masama,
kapag pinatay ka o pinatay ng taong iyon ang mahal mo sa buhay… handa mu bang
ibigay ang kahit gakatiting na liwanang ng iyong pagmamahal sa kanya? Mahirap
hindi ba…kahit kung iisipin mo kaya sila nawalan ng liwanag ay dahil kinuha din
ito ng iba sa kanila…pinagkaitan, ninakawan…”
“Kung ganon ‘tay, e di wala palang katapusan ang mga
kasalanan…halimbawang ako ang inagawan ng ‘liwanag’…” may diin ang bigkas ko,
“…maari rin kayang matulad ako sa kanila?”
“Likas na sa tao ang paghihiganti…instint ba tawag don? Instinct
na ng tao ang huwag malamangan at ang
lumamang at kung minsan doon nagmumula ang walang hanggang cycle ng kasamaan…nasa sa iyo kung kayang mong labanan ang
makahayop na instinct na ‘yon, dahil kahit ang pinakamaliit na bagay
na panlalamang na ginawa mo sa kapwa mo ay sapat na iyon upang manakaw ang
liwanag na siyang bumubuhay sa kanilang pagkatao.”
“Hanep ‘tay ang lalim…” palatak ko, at dagling nagisip ng
malalim na tanong, aaminin kong nageenjoy ako sa usapan namin habang nagjo joyride “kung ganon naman pala…e saan
naggaling ang instinct? Parang hindi
naman ata pwedeng nagging likas na ito sa isang tao mula pagkapanganak?”
“Parang tinanong mo ako kung saan nanggaling Diyos? Kung ang
lahat ay nanggaling sa Kanya o gawa Niya…saan naman Siya nanggaling, sino ang
gumawa sa Kanya?”
Natameme ako sa sagot niya, hindi ko sukat akalain na ang
mamang driver na ito ay may likas na talino sa pilosopiya o teolohiya.
Inihinto niya ang dyip, hindi ko na nilingon ang aleng
bumaba dahil busy ang utak ko sa
paghanap ng sagot sa katanungan niya.
“Naniniwala ba kayo sa Diyos?” tanong ko ng nakababa na ang
ale at muling napaandar ang dyip.
“Sino ba ang Diyos na tinutukoy mo, ang anak ang ispirutu
santo o ang ama?” balik tanong niyang muli. “…o ang mga sandamakmak na santong
nakapaligid sa atin?”
Muli ay tila nadismaya ako kay Mang Lando, dahil parang
palalo na ang kanyang katalinuhan at maging ang paniniwala ko ay kinukwestyon.
Hindi ako kumibo, at itinuon ko ang paningin sa harap…parang
ayoko ng pagusapan pa ang topic na iyon.
“Ang aleng ‘yon, ayaw mo bang malaman kung ano ang iniisip
niya?” tumingin siya sa akin na nakangisi.
“Bago nagkagulo, nagdarasal siya n asana ay palarin siyang
makapasok sa Wowowee, yung sa tv?”
pagpapatuloy niya.
Sa sinabi niyang iyon ay nakuha ang atensyon ko.
“…o kaya kahit hindi siya makapasok ay maiabot man lang niya
ang sulat niya kay Willie, umaasang
mapagdamutan siya nito ng pampagamot sa maliit pa niyang anak na mamatay na sa
ospital? Nakakatawa na nakakaawa diba, ang nagagawa ng pera para sa mga
mahihirap na tulad ko. Parang si Willie na
lang ang natititrang pagasa, pumila ka lang may 500 kana, pag sinuwerteng
nakapasok may 5000 kana at kapag nanalo pwedeng milyonaryo kana…” dinig kong
muli ang pagpalatak nito.
“Kung minsan nga naiinis ako dun, kasi nanghihiya siya at
malakas magtrip…siguro dahil alam niyang kailangan ng pera niya.” himutok ko.
“Ayan na naman tayo anak, kung ako mas gugustuhin ko rin ang
pumila at magbakasakali kaysa kumalam ang sikmura at maghintay sa mga panagko
ng gobyerno, at least siya, hubaran ka man niya ng respeto o dangal may
naiaabot naman sayo at nakakatulong kahit papano.”
Hindi nako kumibo dahil ayokong makipagtalo ng dahil lamang
kay Willie basta hindi ko siya gusto.
“Mabalik tayo dun sa ale…kumusta na ang anak niya?” tanong
ko upang maibaling ang topic naming
mula kay Willie.
“Bata pa at walang muwang, ngunit sobra na ang paghihirap ang
nararanasan niya…” tumigil ito saglit at bumuntung hininga, “kung minsan ang
paghihirap at pasakit ng mga batang walang muwang at inosente ang isa sa mga
dahilan kung bakit pinagdududahan natin kung meron ba talagang Diyos, kung
bakit ang wala pang kasalanang musmos ay kailangan maghirap at mamatay ng maaga…mahirap
intindihin kung meron nga bang mas malaking plano Siyang nakalaan at ginusto
Niya na kitilin ang buhay ng musmos na iyon.”
May punto siya, sapol ang mga nakatatak ng paniniwala sa
aking utak at puso. Bakit nga ba pag may nangyayaring hindi maganda ay lagi
nating sinasabi na may mas malaking plano
ang Diyos kung bakit nangyari iyon, ngunit sadyang mahirap intindihin kung ano
ang planong iyong..at sa tulad ng halimbawang sinabi ni Mang Lando ano ang mas
malaking plano ang nakalaan sa pagbawi niya sa buhay ng isang musmos sa
pamamagitan pa ng unti unting pagpapahirap dito, bakit hindi pa kunin ng wala
ng sakit pang maramdaman tutal inosente at wala pa siyang muwang sa kamunduhan.
“At least hindi na
niya kailangan danasin ang hirap ng buhay, ang mas mahabang torture habang nandirito ka pa sa
mundong ito…magiging masaya siya sa langit kapiling ng Maylikha.” sagot kong
pilit ipinagtatanggol ang paniniwala.
“Tama ka, masaya na siya sa langit niya…”
“Mahirap atang paniwalaan na ang taong hindi naniniwala sa
Diyos ay naniniwala sa langit?” putol ko sa mga sasabihin pa niya, nakasilip
ako ng butas sa argumento nito.
“Sinabi ko bang hindi ako naniniwala sa Diyos, anak?”
tinitigan ni Mang Lando “…naniniwala ako sa hangin kahit hindi ko ito nakikita,
naniniwala ako sa talino kahit hindi ko ito kayang gapiin…at kung ang naging
basehan mo ay ang hindi ko paniniwala sa kasamaan na siyang nagpapatunay na may
Diyos upang itoy gapiin, naniniwala naman ako sa apoy na kahit kalian ay hindi
namamatay at hindi nananakaw na siyang pagmumulan ng liwanag kapag lahat na ng
puso ay nabalot ng dilim...at kung hindi ko man maipaliwanag sayo kung saan
nanggaling ang apoy na ito, siguro…iyon ang Diyos ko, isang nilalang na basta
nadoon na lang at walang sinuman, maging Siya, ang may alam kung saan man Siya
nagsimula.”
“Wala din naman palang pinagkaiba ang mga Diyos natin.”
Sagot ko na tila nabunutan ng tinik, dahil nalaman kong halos pareho lang pala
kami ng Diyos na pinaniniwalaan.
“Siguro nga anak, dahil nagsisimba din naman ako at
pinapakinggan ko ang mga turo
Niya at pilit namumuhay ayon sa Kanyang mga turo at aral.”
bumuntung hininga siya at nagpatuloy, “ang kaibahan lang siguro, hindi ko
iniaasa sa Kanya o kaya ay isinusumbat ang mga nangyayari sa buhay ko…dahil
alam kong lahat ng mga ginagawa ko, at lahat ng nangyayari sa akin mabuti man o
masama ay sarili kong kagagawan. Bagkus ay nagsisilbi siyang pinagkukuhanan ko
ng ‘liwanag’ sa tuwing nababalot o aandap andap na ang apoy ng aking pagkatao.”
“Kung ganon, hindi ka naniniwala sa mas malaking plano o greater plan ng Diyos k-ko, na nakalaan
sayo sa tuwing may mg apinagdadaanan ka.?” susog ko.
“Hinde…dahil alam kong nangyari ang mga bagay na iyon ayon
sa pagkakamali ko mismo, ang tanging nagbibigay sa akin ng lakas ng loob ay ang
walang kamatayang ‘liwanag’ na nanggagaling sa Kanya, ang kanyang mga aral, ang
kanyang mga halimbawa na nakikita at nababasa ko sa Biblia. Na ang susunod na hakbang ay wala sa mga kamay Niya bagkus
ay sa sarili kong pagsisiskap at sariling pagpaplano ay muli akong makabangon.”
Napangiti ako ng lihim, dahil sa mga sinabi nito napagalaman
kong hindi halos nagkakaiba ang aming mga Diyos, ang sa kanya ay may bahid ng
pagkapraktikal ang sakin ay may pag ka … natigilan ako at nagdesisyong itanong
ang pumasok sa isip ko.
“So hindi kayo
naniniwala sa mga himala, …yung paglalakd sa tubig…yung pagbuhay sa patay…”
“Manggagamot si Hesus anak, hindi siya tulad ng sa mga perya
na madyikero…” napatawa itong muli “marahil ay mababatukan mo ako kung
sasabihin kong hindi ako naniniwalang naglakad siya sa tubig… ngunit tulad ng
sinabi ko, manggagamot siya at ginagamot niya ang bawat kudlit ng kadiliman sa
ating mga puso.”
Hindi na ako nangahas na magtanong pang muli.
“Ano ang persepsyon mo sa langit?” tanong ni Mang Lando,
habang pinupunasan niya ang windshield
at ang rearview mirror.
“Masaya…” wala sa sariling sagot ko, “tulad ng sinabi ko
kanina, ang batang anak nung ale…at least
nandoon na siya sa lugar na puno ng saya at tuwa, kapiling ng Maylikha.”
“E di naniniwala ka din na ang impyerno ay puno ng
naglalagablab na apoy at kumukulong asupre?” sa tanong palang na iyon ay
kinilabutan na ako.
“Opo” matipid kong sagot.
“Ako dim u tatanungin kung ano ang langit ko?”
“Ang langit sa akin ay wala sa itaas at wala din sa baba ang
impyerno…” pagpapatuloy nito na hindi na hinintay ang tanong ko.
“Ang langit at ang impyerno ay nasa bawat utak ng tao…kapag
namatay ka, hanggat hindi nabubura ang pagmamahal o pagkamuhi sayo ng mga taong
iniwan mo doon ay mamalagi ka. Hanggat buhay ka sa alaala ng mga nagmamahal
sayo, at iniisip nila na ikaw ay nasa mabuti nang kalagayan…iyon ang langit mo.
At habang patuloy ang pagkamuhi sayo ng mga naapi mo at hindi ka pa
napapatawad, hanggat buhay ang iyong alaala sa mapait nilang karanasan
sayo…doon ang impyerno mo.”
“Ibig niyong sabihin ang langit at impyerno ay nagagawa ng
mga taong iniwan mo? Ayun ba ang dahilan kung bakit may multo?”
Ngumiti lamang si Mang Lando, at nakita ko ang paghanga sa
kanyang mga mata.
“Ngunit hindi lahat ng bumabalik ay dahil sa mayroon pa
silang hindi nagagawa, ang iba ay dahil hindi pa nila alam na kailangan na
nilang pumunta sa langit na alam kong puno ng saya…isa pa anak, hindi ako
naniniwala sa walang hanggang impyerno…ang poot at hinanakit sa puso ay
nawawala rin lalo na sa tulong ng ‘Diyos’ natin. Langit lamang ang
magpasawalang hanggan…at darating araw na magkikita din tayo doon, at sana dala ko parin ang
dyip ko para makapag joyride tayo uli.”
“Umuwi kana anak, magpahinga kana…tapos na ang Joyride.”
Ngumiti si mang Lando at nakita kong muli ang lungkot na
lagi ay nakasilay sa kanyang mga mata sa tuwing akoy kanyang tinititigan.
Bumaba ako sa jeep at
hinintay na makaalis si Mang Lando, sinulyapan niya akong muli at kumaway.
Nawala na sa paningin ko ang sasakyan at tinungo ko ang
tarangkahan ng bahay na nagtataka parin kung papaanong naihatid ako ni Mang
Lando gayung hindi ko sinasabi kung saan ako nakatira…totoo kayang nakakabasa
siya ng isip?
Bumuntung hininga akong pumasok sa nakabukas naming gate.
Sinulyapan ko ang bahay at nagtaka kung bakit nakabukas ang
ilaw sa loob, nakalimutan kayang isara ito ni nanay, excited akong naglakad patungo sa pinto upang ikwento sa aking ina
ang karanasan ko sa jeep at ang joyride naming ni Mang Lando.
Nasa harap nako ng bahay ng mapansin kong may naguusap sa
loob at ang hindi maitatangging tunog ng paghikbi, dinig ko iyon sa bahagyang
nakabukas na pinto.
“Pasensya na misis...ginawa naming ang lahat ngunit sadyang
napuruhan siya.” Tinig ng isang lalaki.
“Heto po ang mga gamit ng inyong anak, at eto po ang address
ng hospital kung saan naroroon ang b-bangkay niya.”
Itinulak ko ng buong lakas ang pinto, at tumambad sa akin
ang dalawang pulis at ang aking inay na hilam ng luha.
Sabay sabay na napalingon sa kinaroroonan ko ang mga tao sa
loob…ilang segundong nakatingin sila sa pinto at ang tila ba nagtataka. Ilang
sandali pa ay nagkatinginan ang dalawang pulis at napalakas ang hagulgol ng
aking ina.
“Inay…ano ang ibig sabihin nito…Inay!” sigaw ko ngunit tila
bingi ang mga tao sa loob.
“Misis nakikiramay po kami…” mahinhing tinapik ng isang
pulis ang balikat ng aking ina, at mabilis nilang tinungo ang pinto, may mga
matang tumatagos sa akin…umalis ako sa dinaraanan nila kasabay ng tila bombang
katotohanang bumulaga sa akin.
Isang nakatutulig na
putok ang pumailanlang…
…ang holdaper.
…ang dugo…ang alulong
ng aso…
“…alam kong malala ang
tama niya, n-napuruhan siya…” parang narinig kong muli ang tinuran ng nurse.
At ang mga salita ni
Mang Lando…
“…gayung bukas ang
kanilang mga mata at tenga ay nakikita at naririnig lamang nila ang mga bagay
na gusto nilang makita o marinig, at alam mong nandyan sila sa paligid kapag
nararamdaman mo ang kilabot at lumalamig ang paligid mo.”
“…lumalamig ang
paligid mo…”
…ang wind shield, ang
rear view…nagpapawis.
…malamig…
May kung anong bikig sa aking lalamunan ang
namuo ngunit walang luhang sumilay, at walang boses na lumabas, nanlulumo akong
pinagmamasdan ang aking nananaghoy na ina.
Mula sa aking likuran
ay naramdaman ko ang mainit na pagdaloy ng dugo, tila sumisirit at ang hapdi ay
kinakain ang aking ulirat…
Isang bala…mula sa
holdaper.
“…nakikita at
naririnig lamang nila ang mga bagay na gusto nilang makita o marinig…”
“…ang iba ay naririto
dahil hindi nila alam na patay na sila…”
Isang nakatutulig na
putok ang pumailanlang…
Binalot ng dilim ang
aking paningin, at ang sakit mula sa
aking sugat ay hindi ko na makayanan…tinatakasan
na ako ng aking ulirat.
Mula sa itaas ay may
isang nakasisilaw na liwang, papalapit at habang lumalapit ito ay naiibsan ang
sakit na aking nadarama, palapit ng palapit…nakakaigaya, at napupuno ang puso
ko ng kakaibang ligaya… ng walang hanggang pagmamahal.
…pag-big.
Bago ako tinangay ng
kakaibang ligayang hatid ng liwanag na iyon ay muli kong narinig ang mga huling
katagang binigkas ni Mang Lando.
“Umuwi kana anak,
magpahinga kana…tapos na ang Joyride.”
…tapos na ang Joyride.
----
end
Comments and suggestions to improve my writing is highly appreciated. :0