Followers

Tuesday, May 7, 2013

Mahal Mo Ba Ako? - 10


Chapter 10 – Ang Tanong

            “Ignis, mahal mo ba ako?” tanong ng isang taong kinakainisan ko.

Tinignan ko ang mukha niya na napakaamo at nagsusumamo ng pagmamahal?(weh)

"Ano? Ignis?" tanong niyang muli at umakbay pa sa akin.

“Ah...Eh...Kwan...” sagot kong natutulilihan.

            “Ay teka! Nangyari na ba ito? Deja vu ba ang tawag dun? Hindi ko pa rin siya sinasagot ng oo o hindi sa tinatanong niya. Kainis! Nananaginip na naman ako,” sa isip ko. Alam ko na may mangyayaring kakaiba at makikita ko na lamang ang sarili ko na nalaglag na naman sa kama ko. Hinintay ko tumunog yung cellphone ko, o sampalin ako ng malakas ng landlady ko pero wala talaga. Any minute now alam ko magigising ako at ako’y nagising nga sa pagmumuni-muni sa pisil niya sa aking braso at nagwika.

            “Hoy!”

            “Kadiri ka, Rey,” ang nasambit ko.

            Bigla siyang bumitaw sa pagkaka-akbay sa akin at lumakad na palayo sa akin hanggang maabutan niya si Kuya Joey.

            “Kuya Joey, mahal mo ba ako?” sapat na lakas ang tanong niya para marinig ko.

            “Oo naman” sagot ni Kuya Joey.

            Lumingon siya sa akin na nakangiti at nagsalita ng, “Yan! Kami na. Bleh!”

            Kumunot na naman ang noo ko at iniisip kung ano tumira ba ng katol ‘tong Mokong na ito at kung ano-ano na naman ang trip sa buhay. Binilisan ko na lang ang lakad ko para makasabay ko si John. Nung sabay na kami naglalakad ay tumingin siya sa akin na may kahulugan ang mga mata ngunit saglit lamang. Nang makalabas ng kami ng school ay pumara kami ng dalawang taxi.  Lima lang kasi yung kasya kaya sama-sama kami nila Sir Greg, Kuya Alvin, Kuya Joey, at Rey. Yung iba sa kabilang taxi na. Sa mall lang naman ang punta namin lahat para makapamasyal na din ng konti tutal wala namang pasok kinabukasan.

            Habang nasa taxi kami ay sinabi ni Kuya Alvin kay Rey na sa Jollibee kami kakain na ikinaaburido naman ni Mokong. Ayon sa kanya ay hindi daw siya kumakain doon. Sabi na lang ni Sir Greg na tutal sa mall naman ang tungo namin dun na lang daw siya mamili kasi madami namang kakainan doon.

            Pagdating namin sa mall, naglalakad na kami papuntang food court na inayawan na naman ni Rey. Nagsimula na naman ako mainis dahil sa kaartehan ng Mokong na ito. Nagsisimula na kasing mag-rambulan ang mga bulate ko sa tiyan. Naglakad-lakad na nga lang kami para makahanap ng kakainin.

            “Tara, sa KFC na lang tayo,” sabi ni Kuya Alvin.

            “Ayaw ko sa KFC eh. Mahal na konti pa yung serving,” ang mahinang sabi sa sarili ko.

            “Wag daw sa KFC. Ayaw ni Ignis eh,” biglang sabi ni Rey na hindi ko alam kung paanong nasa likod ko. The last time I checked kasi sa unahan siya naglalakad kasabay si Kuya Alvin.

            “Chowking, ok na ba sa inyong dalawa iyon?” tanong ni Kuya Alvin.

            “Walang problema Kuya basta wag lang sa KFC,” sagot ko na lang. Tumango na lamang si Rey.

            “Bakit pala ayaw mo sa KFC, Ignis?” tanong ni Rey.

            “Kapag kasi napapanood ko yung patalastas nila as in ang dami ng serving nila pero noong kapag kumakain naman kami ang konti lang pala. Para kasing niloloko nila yung mga tao,” paliwanag ko. (Disclaimer: This is my opinion. Nagsasaad lang po ako ng saloobin. Hindi ko po intension na siraan ang nasabing kumpanya at kanilang mga produkto. Humihingi po ako ng paumanhin kung mayroon akong nasaktan sa aking opinion.)

            “Ganun ba? Di bale sa iba naman na daw tayo kakain,” sabi na lang niya sabay ngiti.

            Pagpasok sa Chowking, minsanang order na lang kami para sabay-sabay din ang dating ng pagkain. Halos puro kwentuhan at tawanan lang ang naganap. Kung gusto mong kumain ng matino dapat handa ka na baka biglang lumabas sa ilong yung inumin mo. Buti kung tubig o soda lang eh pano pag kanin ang lumabas. Ok na yun kesa naman yung ulam. Nasa kalagitnaan ng dinner daw ay nagkwento si Sir Greg.

            “Alam nyo bang may kambal si Alvin? Namatay iyon bago sila mag-college,” panimula niya.

            Dahil dito ay nagkwento na si Kuya Alvin. Nagkataon pala na nag-swimming silang magkakaibigan kasama yung kakambal niya after graduation. Dahil nga sa kabataan may dala silang alak. Nalasing daw yung kakambal niya pero naligo pa din sa dagat. Nagkataon naman na biglang nag-high tide at hindi yun marunong lumangoy katulad nila at di na nila nailigtas. Nalunod yung kakambal ni Kuya Alvin.

            “Sayang wala ako dun. Magaling ako lumangoy sana nailigtas ko iyong kambal mo kuya,” pambibida na naman ni Rey.

            “Di pa naman kilala noon eh,” sagot ni Kuya Alvin.

            “Nakakalungkot naman. May kambal din ako at di ko alam kung papano mabuhay na wala siya. Syempre sabay kami lumaki tsaka lahat ginagawa namin ng magkasama,” paghahayag ni Ate Cherry.

            “May kambal ka din?” bulalas ni John. Tumango lang si Ate.

            “Di bale matagal naman na iyon at tanggap ko na yung nangyari. Kahit na maalala ko iyon, hindi na ako nalulungkot kasi alam ko naman na maligaya na siya kung nasaan na siya ngayon,” sabi ni Kuya Alvin.

            “Kaya kayo, alagaan nyo mga kapatid ninyo. Kapatid na ang turing ko sa inyo kaya sana Kuya na lang ang itawag ninyo sa akin tutal wala naman ni isa sa inyo ang tunay kong estudyante,” si Sir/Kuya Greg sabay tawa. Mula nga ng araw na iyon Kuya na ang tawag namin sa kanya.

            Mas lalo kaming magkakalapit sa isa’t isa pagkatapos ng gabing iyon. Di na masyado ang ilangan namin. Pagkatapos ng hapunan na nakapagpasakit sa aming mga tiyan hindi dahil sa dami ng kinain kundi sa hangin na naipon katatawa ay nagpasiya na kaming umuwi. Sana lang idighay na lang namin yung hangin na iyon at wag sa kabilang butas ang daan. Past ten na din ng gabi iyon.
           
            Wala na kaming masakyang jeep ng ganoong oras kaya kanya-kanyang taxi ang kinuha ng pare-parehong inuuwian. Si Kuya Alvin at Rey ang una nila pinasakay dahil sila ang pinakamalayo. Si Kuya Greg, John, Ate Cherry, at Edward ang sumunod kasi iisang street lang naman sila. Kami ni Jim ang dapat magkasama dahil daanan naman yung boarding house namin kung magta-taxi kami pero nangulit siyang maglakad.

            “Lakad na lang tayo, Ignis. Malapit lang naman yung uuwian mo,” si Jim.

            Napaisip ako. Kung sabagay makakatipid nga naman ako. “Sige,” sabi ko na lang.

            Mga ilang hakbang pa lang kami, “Ignis,” tawag ni Jim. Di man lang marunong gumalang itong batang ito samantalang mas matanda naman ako sa kanya ng isang taon.

            “Ano yun?” medyo naiinis na ako.
           
            “Ignis, mahal mo ba ako?” tanong ng isang taong kinakainisan ko.

Tinignan ko ang mukha niya na napakaamo at nagsusumamo ng pagmamahal?(weh)

"Ano? Ignis?" tanong niyang muli at umakbay pa sa akin.

            Saktong may taxi na walang sakay ang dumaan kaya pinara ko. “Tara Jim. Sakay na tayo,” sabi ko na lang sa kanya.

            Sumakay naman yung bata pero sa loob ng taxi ay tahimik na kaming dalawa. Sinabi niya kung saan ang punta ng taxi at idaan na lang kung saan ang boarding house ko. Nakatingin lang ako sa labas ng bintana at ganun din naman siya. Maririnig mo ang malalim na paghinga niya.
            Nung tumapat yung taxi sa tinitirhan ko ay siya na din ang nagpahinto. Humugot ako ng pera pambayad at iniabot iyon sa kanya na siya namang tinanggihan. Nung nakababa na ako bigla na lang niya sinabi sa akin, “Alam ko na-weirdohan ka sa tanong ko pero sana pag-isipan mo.” Kumaway na siya tanda ng pagpapaalam.

            Tumuloy ako sa kwarto ko. Tahimik ang buong paligid. Humiga ako sa kama at sinubukan matulog ngunit di ko iyon magawa. Iniisip ko ang mga nangyari sa nakalipas na ilang oras. Dati-rati pag may bumabagabag sa utak ko ay mabilis akong makatulog pero parang lumayas ang antok at wala yatang balak pang bumalik. Bawat sandaling lumilipas ay parang oras sa tagal. Ipinipikit ko ang aking mga mata ngunit buhay na buhay ang aking diwa. Kahit na sarili kong kama at bahay ay animo namamahay ako dahil sad alas ng pagbalikwas ko sa kama. Di ko pa rin mawari kung bakit nga ba nila itinanong iyon. Pilit kong inaalala ang panaginip ko kung kaninong mukha ba iyon ngunit hindi ako nagtatagumpay.

            Dala na rin siguro ng pagod hindi ko namalayan na ginapi na pala ako at nahimbing na sa wakas.

<><><><><><><><><><><><><><><><><> 

            “Ignis, mahal mo ba ako?” tanong ng isang taong kinakainisan ko.

Tinignan ko ang mukha niya na napakaamo at nagsusumamo ng pagmamahal?(weh)

"Ano? Ignis?" tanong niyang muli at umakbay pa sa akin.

            “Punyeta ka! Sino ka ba kasi?” sigaw ko. Hindi ko pa din maaninag ang kanyang mukha at nagagalit na ako.

<><><><><><><><><><><><><><><><><> 
--------- Itutuloy

4 comments:

  1. Hala, napakamisteryoso naman ng tanong na to ang kung sinu-sino na lang ang nagtatanong sayo.

    Ahrael

    ReplyDelete
  2. Hahahaha nhilo ata ako hehehe next n po salamat,,salamt

    ReplyDelete
  3. Hahahaha nhilo ata ako hehehe next n po salamat,,salamt

    ReplyDelete
  4. Punyetang kwentong 'ro.... 'Tol.... Kwento ba 'to? o katol lang... lahat na lang nag-tatanong.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails