Followers

Monday, June 17, 2013

Nang Lumuhod si Father (Chapter 4) by: Joemar Ancheta



Rhon

Alden

Chapter 4
            Lahat na ng bahagi ng simbahan at kumbento ay pinuntahan ko. Naikot ko na nga ang buong paligid ngunit hindi ko siya mahanap. Nilapitan ko si tito na nagpapahangin sa silong ng mangga.
“Oh, hindi ka nakipagsaya sa party ni Aris kagabi. Ta’s late ka naman nagising. Anong nangyari?” tanong ni tito.
Umupo ako sa ginawa ni Aris na upuang yari sa pinutol na sanga ng kahoy.
“Wala ako sa mood tito eh. Sa’n si Father?” tanong ko. Pero ang talagang gusto kong tanungin ay kung nasaan si Aris.
“Umalis na sila. Sarap kasi ng tulog mo kaya hindi ka na ginising ni Aris. Pero may iniwan yata siyang sulat sa harap ng kuwarto mo. Hanapin mo kung sa’n niya dun nilagay.”
Hindi ako nakasagot. Nagulat ako. Parang biglang nanghina ako at naramdaman ko ang bahagyang pamamawis ng noo at panlalamig ng mga kamay ko.
“Umalis na sila?” wala sa sariling tanong ko.
“Oo. Akala ko ba nagpaalam sa iyo na sa Manila na siya mag-aaral. Kinuha na siya ni Father Greg para dun na siya mag-college.”
Hindi ko na hinintay pa na magsalita si tito. Tumalikod ako. Hindi na din ako nagsalita dahil alam kong maririnig lang niya ang garalgal kong boses. Mabilis kong tinungo ang kuwarto ko. Hayan na naman ang mabilis na pagbagsag ng aking mga luha. Napakasakit ng pakiramdam ko. Umiiyak ako. Iyak ng iniwan, iyak ng taong sawi.
Nakita ko ang sulat niya doon sa tabi ng sapatos ko sa gilid ng pintuan ng kuwarto ko. May kahabaan iyon at malaman. May pangako, tagos sa isip at puso. Ngunit tuloy lang ang pagluha ko hanggang naging iyak at nang di mapigilan ay nauwi sa matinding hagulgol.
Bhie,
            Hindi ko alam kung paano sisimulan ang sulat kong ito. Hindi ko din alam kung bibigyan mo ng pansin dahil baka hindi mo lang din babasahin. Hindi na ako matutulog. Dito ko na lang ibubuhos lahat ang natitirang oras ko hanggang mag-umaga. Paano ko ba sisimulan ito? Pasensiya na, hindi kasi talaga ako sanay magsulat pero siguro kailangan kong pagbutihin kasi hindi mo naman na ako gustong kausapin.
            Kailan ba kita unang napansin? Kailan ba kita unang pinangarap na sana maging akin? Nang dumating kayo dito sa kumbento nakaramdam na ako ng kakaiba sa’yo. Hindi ko alam kung humanga lang ako sa kaputian mo, sa mamula-mula mong pisngi lalo na kung nasisikatan ng araw at likas na mapula mong mga labi na parang napakasarap kagat-kagatin. Basta ang alam ko, gusto kita.
            Nang pinilit ako ni Father Greg na lumipat na sa Maynila para doon tapusin ang aking pag-aaral ay kinausap ko siyang dito na lang muna ako hanggang matapos ko ang high school para mas malinis ang records ko bago sumunod sa kaniya. Ngunit ang totoo no’n ay hindi kita maiwan. Walang kasiguraduhang magugustuhan mo ako o magiging tayo lalo pa’t hindi ko din naman pansin ang pagiging alanganin mo. Nangangapa ako sa tunay mong pagkatao. Ngunit lagi kong hinihiling na sana bakla ka na lang, na sana mapansin mo ako kahit mahirap lang ako, na sana hindi ka namimili ng makakaibigan at mamahalin kahit hamak na tiga-linis at utusan lang sa kumbento at simbahan.
            Nang ikaw mismo ang lumapit na nakipagkamay at nakipagkilala sa akin ay alam kong iba ka sa mga nakilala kong mayayaman. Hindi nga ako nagkamali. Sa tuwing naglalaro tayo ng basketball, sa tuwing naghahabulan tayo diyan sa garden sa mga gabing maliwanag ang buwan at sa tuwing sabay tayo kumakain tuwing recess ay lihim akong nasisiyahan. Kahit aksidenteng dumadampi lang ang katawan mo sa katawan ko ay nagbibigay na iyon sa akin ng hindi maipaliwanag na kakuntentuhan. At alam kong hindi lang simpleng paghanga ang nararamdaman ko, mahal kita at mamahalin pa rin kita kahit hindi mo pa iyon alam.
            Mananatili sa alaala ko ang mga umagang nakapatagal kong paghihintay sa iyo tuwing papasok tayo, sa tanghaling inaakbayan kita pauwi para mananghalian at sa hapong masaya nating binabagtas ang daan na puro biruan at tawanan. Hindi mo alam kung paano mo binuo ang buhay ko. Alam kong hindi mo pansin lahat ng iyon dahil siguro, ang alam mo bahagi lang iyon ng trabaho ko bilang katiwala sa simbahan at kumbento ngunit ginagawa ko ang lahat ng iyon dahil mahal kita. Hindi naman ako yaya mo dito kaya kung tutuusin wala na sana akong pakialam pa sa pagpasok at pag-uwi mo.
            Hindi mo alam pero panakaw kitang pinagmamasdan kapag kumakain tayo at magkakaharap. Hindi ko alam kung nahuhuli ako ng tito mo na laging nakatitig sa iyo ngunit sigurado akong hindi mo iyon napapansin. Mas abala ka kasi sa iyong pagkain. Sa tuwing may misa. Hindi sa pari ako nakatingin kundi sa’yo. Bumibilis ang tibok ng aking puso kapag aksidenteng nasusulyapan mo ako at kikindatan sabay bigay sa iyong nakakabighaning ngiti. Kumpleto na ang araw ng Linggo ko no’n. Sinasadya kong magdilig ng halaman kapag alam kong nasa garden ka at nagrerepaso dahil sapat na sa aking natatanaw kita at sandali mo akong kakausapin tungkol sa mga pinag-aaralan naming nasa 4th year. Paulit-ulit lang naman ang mga tinatanong mo sa akin…”Mahirap ba ang Physics?” “Ano ang mas mahirap pag-aralan, World History o Economics?” “Anong kaibahan ng Geometry sa Trigonometry?” “Mabait ba ang adviser ninyo?”… yung  huling tanong madali ko lang sagutin. Yung tatlong nauna, nangangamote ako. Hindi naman ako kasintalino mo para sana ganun ko lang kabilis masagot ang mga tinatanong mo. Sana kahit di ako kasinghusay mo, napansin mo ding ginawan ko ng paraan para masagot ko ang mga tinatanong mo. Hindi ko nga lang alam kung tama ako.
            Kapag mahimbing kang natutulog doon sa silong nga mangga tuwing tanghali ng Sabado ay pinagmamasdan ko ang hubad mong katawan. Napakinis at napakaputi na binagayan ng pinong balbon mo sa dibdib at tiyan. Nangangatog ang tuhod kong pigilan ang aking sarili na halikan ang namumula mong mga labi. Para kang anghel na natutulog. Walang kaalam-alam na may isang tao sa paligid mong hinahangad na mahalin mo. Napakaguwapo mo kasi sa paningin ko. Napapabuntong-hininga na lang ako at makuntentong natatanaw kita kahit hindi man nahahawakan.
            Hanggang isang umaga sumabay ka ng pagligo. Ayaw sana kitang payagang pumasok dahil baka hindi ko makontrol ang sarili ko. Inisip ko, paano kung tuluyan akong bibigay kung nakita na kitang hubad sa harapan ko. Ngunit dahil mapilit ka, pinapasok kita. Siguro napansin mong pagkapasok mo pa lang, tinigasan na ako. Kasi, hindi ka pa man nakakapasok, hindi ka pa man nakahubad sa harapan ko, napaglaruan na kita sa isip ko. Ngunit nang nahuli kong  napako ang tingin mo sa galit kong ari. Alam ko, sigurado na ako noon na kalahi kita. Parang lalong gumaan ang loob ko sa’yo. Parang nasiguro ko na hindi mapupunta sa wala ang matagal ko nang kinikimkim na pag-ibig sa iyo. Ngunit hindi ko alam na ganoon pala kasakit kung naririnig mo sa taong mahal mo ang katotohanan. Nang sinabihan mo ako ng “bakla”, alam ko namang iyon nga ako pero kahit kailan naman hindi ako umakto bilang bakla sa iyo at sa ibang tao. Kaya sobrang sakit nun sa akin lalo na sa taong mahal ko pa galing. Bakit kaya ganoon? Bakit minsan masakit tanggapin kung ano ang totoo?
            Sinadya ko talagang ipamukha sa iyo noon na nagkamali ka sa tingin mo sa akin. Na hindi ako bakla. Pero nakita ko na sobrang apektado ka. Kahit hindi mo iyon sabihin sa akin alam ko, nababasa ko sa mata at kilos mo na nasasaktan ka sa mga ginawa ko noong araw na iyon. At dahil doon, batid kong mahal mo ako. Sobrang saya ko noon kung alam mo lang. Lalo na nang pumasok ka sa kuwarto ko. Alam na alam ko na, nakuha ko na din ang matagal ko ng pinapangarap. Nasa harap ko na noon ang taong gusto kong mahalin habang-buhay.

Mga bata pa tayo ngayon, alam ko ‘yun, marami pang puwedeng mangyari ngunit hindi ko nakikita sa iba ang buhay ko. Sa iyo ko nakikita ang kinabukasan ko. Gusto kong tumanda kasama ka.
            Matagal ko ng gustong sabihing mahal kita. Kahit noong pagkatapos na pagkatapos may mangyari sa atin ngunit natatakot akong ma-reject. Baka nga libog lang ang lahat sa iyo. Natatakot ako na baka gusto mo lang magkaroon ng karanasan. Paano kung naguguluhan ka lang sa iyong pagkatao at dahil ako lang naman ang naroon na puwede mong pagbabalingan ng iyong munting exploration?
            Sa tuwing mag-isa akong pumupunta sa talon, doon ko naisisigaw kung gaano kita kamahal. Ngunit naisip ko, konting panahon na lang aalis na ako. Gusto ko sanang bago lumayo sa iyo ng tuluyan ay malaman mo kung gaano kita kamahal. Kung sakaling hindi mo ako matatanggap at mas matimbang sa iyo ang paglingkod sa Diyos ay maihahanda ko ang aking sarili at tanggapin ang pagkatalo. Sino ba naman ako para harangan ang pangarap mo at ng pamilya ninyo? Sino pa naman ako para makipagkompetensiya sa Diyos sa pagmamahal mo? Pero kung ikaw talaga ay akin, kung mahal mo din ako, sana patawarin ako ng Diyos kung aagawin kita sa kaniya. Kung kasalanan man ang lahat ng ito, handa kong pagdusahan lahat sa oras na ibabalik ko na ang buhay ko sa Kaniya. Mas mainam nang masaya ako na kasama ka sa lupa kaysa sa mapunta ako sa langit at nagsisising hindi ko nagawang ipaglaban at mahalin ka.
            Ngunit nang sinabi mong mahal mo din ako ay tuluyan ko nang hinabi at binuo ang pangarap kong makasama ka. Buo na noon ang loob kong ipaglalaban ka at kahit gaano kahirap o katindi pa ang mga pagsubok na kahaharapin ko tungo sa tagumpay ay hindi kita basta-basta isusuko. Ikaw lang bhie ang alam kong kasangga ko sa mundo. Ikaw na lang ang dahilan ng aking pagsisikap at pagpupursigi. Ikaw ang inspirasyon ko.
            Inaamin ko sa iyo bhie, bago mo ako nakilala ay sadlak na ako sa kahirapan at kasalanan. Hawak na ako ng mapang-aping lipunan at patuloy na ginagamit ng ibang mapagsamantala ang aking kahinaan. Ngunit babangon ako bhie. Pangako ko ‘yan sa iyo. Babaguhin ko ang buhay ko. Gusto kong magbago ang tingin mo sa akin. Hindi ako habang buhay magpapagamit sa makamundong pagnanasa ng ibang tao. Iyon ang masakit sa akin sa ngayon, wala akong kawala. Gusto kong makaahon. Hanggang ngayon tinatanong ko parin ang sarili ko kung paanong may mga namumuno sa pagdarasal at pagsamba na sila mismo ang gumagawa ng kasalanan? Gustung-gusto ko na makatakas sa napasok kong ito bhie.  Binuksan mo ang isip ko. Tama ka, kung talagang ayaw ko ito, may mga iba pang paraan. Subukan kong hanapin ang mga iba ko pang options sa buhay. Gagawin ko ito bhie dahil mahal na mahal kita.
Aalis na muna ako. Hindi na tayo nakapag-usap ng matino. Hindi na kita nayakap o nahalikan. Hindi mo na ako napatawad. Hindi mo ako nabigyan ng pagkakataon. Aalis ako bhie pero iwan ko ang puso ko sa iyo. Sana darating yung araw na mapatawad mo na ako. Sana muling mahanap mo ako puso mo. Lagi mo sanang iisiping hindi kita kailanman kakalimutan. Iiwan ko sa iyo ang isang pangako. Magbabago ako. Darating ang araw, iiwan ko si Father Greg. Alam kong bayad na bayad na ako sa lahat ng mga utang ko sa kaniya. Maipagmamalaki mo din ako bhie.
                Kung darating ang araw na gusto mo akong makita, kung darating ang panahong kaya mo na akong tanggapin kahit sino pa ako sa nakaraan ko, alam mo na kung saan mo ako pupuntahan. Naroon lang ako sa lugar na ipinangako ko sa iyo. Doon mo ako mahahanap. Ipapangako ko sa iyong hihintayin kita doon. Gagawin ko ang lahat para makuha ko ang lugar na iyon. Hihintayin kita doon bhie, pangako ko ‘yan sa’yo. At kahit galit ka sa akin, gusto kong malaman mo na ikaw lang ang pinangarap kong makasama habang buhay. Hihintayin kita.
                Paalam muna sa ngayon ngunit ang paalam kong ito ay hindi habampanahon. Magkikita pa tayong muli.
                                                                                                                                              Aris
Tulala ako nang mabasa ang sulat na iyon. Muli akong nahiga sa kama ko. Pakiramdam ko kasi nanghihina ako. Kinuha ko ang unan at doon ko isinigaw ang sakit ng loob ko. Sana di na lang ako nagmatigas kagabi. Sa kaniya umikot ang buhay ko ngunit hindi ko alam kung kailan ang takdang panahon na muling madugtungan ang sinimulan naming pag-iibigan. Hanggang saan ako dadalhin ng pag-ibig kong ito? Kailan kami uli magkikita? Napakaraming tanong na nag-iwan ng sugat sa bubot kong damdamin. Ngunit alam ko, madami pang pagsubok na kailangan kong pagdaanan.                 
Nang nawala si Aris sa buhay ko ay naging malungkot na ang bawat araw na dumating. Bihira nang masilayan ang ngiti sa aking mukha. Lagi akong nawawala sa sarili. Tuliro at lagi ko siyang iniisip at hinahanap. Ilang gabi din akong hindi makatulog lalo na kung nadadaanan ko ang kaniyang naging kuwarto. Umiiyak ako sa madaling araw kung napapanaginipan ko siya at ang tanging pumapasok sa aking balintataw ay siya. Nakayakap sa akin habang hinahalikan niya ang aking tainga na parang paulit-ulit kong naririnig ang paanas niyang sinasabi na “Tulog ka lang baby ko…tulog ka lang…lav yu!”
Mag-isa ako sa buong bakasyon at nakakaramdam lang ako ng kaginhawaan sa tuwing pumupunta ako sa lugar na saksi ng mga dalisay naming pangako sa isa’t isa. May kalayuan man ang maliit na talon na iyon ay pilit kong pinupuntahan. Nagkakasugat man ang aking mga binti at braso dahil sa matatalas na dahon ng mga damo ay hindi ko inaalintana dahil ang pagpunta sa lugar na iyon ang tanging nakapaggagaan sa aking kalooban. Naisisigaw ko doon ang pag-ibig ko kay Aris. Nakakapagsalita ako ng mag-isa. Nababalikan ng alaala ang malaya naming paglangoy. Doon ay parang buhay na buhay siya sa aking pangarap. Parang dama ko ang init ng kaniyang mga halik. Parang nakikita ko siyang tumatawa at sa pagpikit ng aking mga mata ay parang dama ko ang masuyo niyang paghaplos sa hubad kong katawan at ang mahigpit niyang yakap. Kung sa pagpunta ko sa lugar na iyon ang tanging paraan para maibsan ang bigat ng aking dinadala ay hindi ko kailanman alintana ang pagod at hirap.
Dumating muli ang pasukan at nasa huling taon na din ako ng High school. Dalawang buwan na ang nakaraan mula nang iniwan ako ni Aris ngunit ni isang sulat ay wala akong natanggap mula sa kaniya. Tinatamaan parin ako ng biglang pagkalungkot sa tuwing maliligo ako sa umaga o kapag uwian sa tanghali at hapon na di ko natatanaw ang Aris na naghihintay sa silong ng puno. Napapabuntong hininga ako para kahit papaano ay maibsan ang bigat na aking nararamdaman. Namimiss ko na siya. Sobrang miss na miss. Sadya ngang natapos na ang panahong iyon. Kailangan ko ng harapin ang ngayon at ang tanging alam kong paraan para maipaabot sa kaniya ang pagmamahal ko ay ang aking mga dasal. Gabi-gabi ko siyang ipinagdadasal. Alam kong hindi siya pababayaan ng Diyos.
Dumating ang pasko. Hinahanap ko pa din siya. Umaasa na sana magkasama kami tulad ng nakaraang pasko. Masaya kami noong nagkakasama pagkatapos ng simbang gabi. Ako kasi ang sacristan ng tito ko at siya naman ay isa sa mga choir. Sabi niya, pampagulo lang daw ang boses niya kasi hindi naman kasi talaga kagandahan ang boses niya. Gusto lang kasi namin na nandoon kaming dalawa sa simbahan. Panakaw na nagtititigan. Patagong nagkikindatan at nagngingitian. Kailan kaya mauulit iyon? Siyam na buwan ko na siyang hindi nakikita. Siyam na buwan palang pala ngunit parang ilang taon na ang nagdaan. Iisa ang wish ko noon na gift mula kay Jesus. Sana magkita at magkasama kami ng taong mahal ko. Pagkatapos kasi ng pasko luluwas na ako ng Manila para sa bahay naman ako magbabagong taon. Patapos na noon ang simbang gabi. Huling simbang gabi na at nawawalan na ako ng pag-asa na matupad ang dinadalangin ko. Naguguluhan din ako kung pagbibigyan ako ng Diyos dahil marami ang nagsasabing bawal ang magmahalan ang dalawang pareho ng kasarian. Ngunit kahit sa kanila ito’y kasalanan, iyon pa din ang hinihiling ko’t ipinagdadasal. Wala naman kasi akong ibang mahihiling pa kundi ang muli sana naming pagkikita.
Natapos na ang simbang gabi. Bukas pasko na. Kumain lang ako kasama ng mga kaibigan ni tito, mga choir, mga kasamahan sa simbahan at iba pang dumalo sa kaunting salu-salo. Lahat may ngiti sa labi. Gusto ko din sanang makisaya ngunit laging bumabalik sa isip ko si Aris. Maalala ko noong nakaraang pasko, gutum na gutom na ako pero dahil marami pang kumukuha ng pagkain at hindi ako makasingit ay siya ang kumuha ng pagkain ko. Malas nga lang dahil nang iaabot na sana niya sa akin ay saka naman siya nabangga ng dalawang batang naghaharutan. Natapon ang pagkain kaya wala kaming magawa kundi pumila na lang muli para makakuha ng aming makakain. Namimiss ko na siya. Namimiss ko na mga yakap niya at halik.
Dahil wala naman akong gana makipagsayahan pa ay minabuti kong magpaalam kay tito para matulog na lamang.
“Okey ka lang? Namimiss mo ba sila sa bahay ninyo?”  Halata kasi ni tito ang pananamlay ko. Napapansin kong panay ang lingon niya sa akin.
“Opo.” Pagsisinungaling ko. Namimiss ko naman talaga sina mama, papa at mga kapatid ko ngunit hindi katulad ng pagkakamiss ko kay Aris. At saka sa 27 naman magkakasama na kami muli ng pamilya ko ngunit si Aris, hindi ko alam kung kailan at kung may posibilidad pang magkikita kaming muli.
Nang humiga ako at pumikit, si Aris parin ang iniisip ko. Naiinis na nga ako sa sarili ko kung bakit ayaw niyang matanggal sa akin balintataw. Pero dahil kahit anong gawin ko ay mukha pa din niya ang parang nakikita ko kaya nang pumikit ako ay hinayaan kong balikan ang mga masasayang araw na kasama siya. Naniniwala kasi ako na kung sino ang laman ng utak mo bago ka tuluyang makatulog ay siya ang mapapanaginipan mo. Kahit man lang sana sa panaginip kami magkasama sa pasko. Desperado na akong makita siya at kung mapanaginipan ko siya ay para na ding natupad ang hiling kong makasama ko siya sa araw ng pasko. Hanggang sa tuluyan na akong iginupo ng mahimbing na pagkakatulog.
“Merry Christmas baby ko.”
Bulong lang iyon sa aking tainga ngunit sapat na iyon para magising ako. Dama ko ang mainit niyang hininga. Ang kaniyang yakap ay nakadagdag ng init para maibsan ang nararamdaman kong ginaw hatid ng malamig na simoy ng hangin. Alam kong panaginip lang ang lahat kaya ayaw kong magising. Gusto kong ituloy ang pagtulog. Ayaw kong maputol ng ganoon kabilis ang lahat.
“Miss na miss na miss na kita baby ko. Sige lang, matulog ka lang.” kasabay no’n ng mainit na halik sa aking labi.
Totoo na yata ito. Hindi na ako nananaginip lang. Kaya kahit nagdadalawang isip akong buksan ang aking mga mata ay ginawa ko. At parang tumigil ang pagtibok ng aking puso at sandaling nahinto ang aking paghinga dahil sa sobrang gulat ko na unti-unting napalitan ng saya.
READ THE COMPLETE STORY IN THE AUTHOR'S BLOG: http://joemarancheta.blogspot.com/

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails