Followers

Saturday, June 1, 2013

Love. Sex. Insecurity. [Chapter 19]



Love. Sex. Insecurity.
[Chapter 19]



By: Crayon







****Kyle****




6:18 pm, Wednesday
June 13





First day of school, first day ng dapat ay pagbabago ko ngunit lahat ng planong iyon ay nasira ng makilala ko ang instructor ko sa first subject ko. Ngayon naman ay may hambog na asungot ang sunod ng sunod sa akin. 


"Hoy tumigil ka nga muna para makapag-usap tayo ng maayos!", wika sa akin ni Lui.


"Hindi ako nagpunta dito para tumanga at makipagkwentuhan sayo.", masungit kong sabi sa kanya habang patuloy ako sa pagtakbo. Naiinis ako dahil kanina niya pa ako kinukulit. Ang inaasam kong relaxation habang nagjojogging ay hindi nangyari dahil sa ingay ng bwiset na ito.


"Bakit ba ang sungit mo at ayaw mo kong kausapin ha?", naiinis na din niyang sagot. Kapal talaga ng mukha, akala mo kung sinung santo na kailangan kong kausapin oras na iutos niya.


"Ang baho kasi ng hininga mo!", malakas kong sabi sa kanya para lalo siyang mainis. Pinamulahan na naman siya ng mukha at lumutang ang kakaiba niya kakyutan sa tuwing napapahiya.


"Sobra ka, foul na yun ah.", parang bata niyang reklamo sa akin.  "Hindi mo ba alam na binibili ng Armani ang laway ko para ilagay sa pabango nila.", hindi talaga mawawala ang kayabangan ng isang to kahit anong sabihin ko sa kanya.


Nilakasan ko na lamang ang volume ng aking cellphone para hindi ko marinig ang mga walang kwentang bagay na sinasabi niya.


Naka-isang ikot pa ako sa oval bago ako nagpasyang umupo sa damuhan at magpahinga. Habol ang aking hininga habang nakaupo sa damuhan. Medyo madilim na din sa paligid dahil pasado alas sais na din ng hapon. 


Wala pang ilang segundo ay umupo sa tabi ko si Lui. Inabot niya sa akin ang isang bote ng gatorade. Hindi na ako tumanggi dahil nauuhaw na din talaga ako at nakalimutan ko din bumili ng tubig bago nagsimulang tumakbo.


"Next time na tatakbo ka ng ganoon, magdadala ka ng maiinom. Pwede kang magpass out sa ginawa mo.", mahina niyang sabi habang pinapanood akong uminom mula sa bote ng gatorade. Nakakahiya man ay naubos kong agad ang laman ng bote. Inalok niya ang kanyang inumin ngunit tinanggihan ko na iyon.


Nanatili lamang ako sa aking pwesto at pinanood ang isa-isang pag-alis ng mga tao sa aking paligid. Nakakabigla ding hindi nag-iingay ang aking katabi, tila kasi mula ng magsimula kaming tumakbo ay wala ng tigil ang bibig nito sa pangungulit sa akin.


"Bad breath ba talaga ako?", seryoso niyang tanong sa akin. Hindi ko na napigilang bumunghalit ng tawa. Halos maiyak ako katatawa dahil sa tanong niya, di ko lubos maisip na seseryosohin niya ang sinabi ko. Nang tingnan ko siya ay nakatingin lang siya ng masama sa akin. 


"Nagto-tooth brush ka ba every after meal?", natatawa ko pa ding tanong sa kanya.


"Lakas mo mang-trip no!? Eh ikaw tong may tinga sa ngipin.", sagot niya sa akin. Bigla naman akong na-concious sa sinabe niya. Agad ko namang kinapa ng aking dila kung mayroon ngang tinga ngunit wala naman akong nasalat.


"Wala naman eh.", sabi ko pagtapos.


"Meron kaya, ayan oh!", wika niya sabay turo sa aking ngipin.


Napilitan akong kunin ang aking panyo para maka-paninga ng maayos. Ginamit ko din ang camera ng aking cellphone para makita kung nasaan ang sinasabi ni Lui na tinga. Maya-maya ay nakarinig ako ng pigil na pagtawa sa aking gilid, nang lingunin ko siya ay nakaplaster sa mukha niya ang malapad na ngiti. 


"Bwiset ka talagang asungot ka!", sigaw ko sa kanya sabay hampas ng plastik na bote ng gatorade sa kanyang balikat.


"Hahaha gumaganti lang ako no.", tatawa-tawa pa din niyang sabi sa akin.


"Ewan ko sayo.", masungit kong sabi sa kanya at saka nagsimulang maglakad paalis ng oval. Narinig ko pa ang pagtawa niya habang bumubuntot sa aking likod.


"Hoy saan ka na pupunta?", tanong niya sa akin ng abutan ako.
"Uuwi ka na agad? Hindi pa nga tayo nakakapagkwentuhan eh."


"Wala naman akong dapat ikwento sayo eh."


"Sa akin ba wala kang gustong malaman?", napatingin ako sa kanya dahil sa aking narinig. Para kasing timang ang isang to.


"Naka-damo ka ba? Wag ka nga masyadong feeling close."


"Grabe ka talaga. Nagbibiro lang naman, kanina mo pa kasi ako 
sinusungitan.", reklamo niya sa akin.


"Ang kulit mo kasi."


"Namiss lang naman kita. Tara, magdinner na lang muna tayo bago ka umuwi.", yaya niya sa akin.


"Hindi ko dala yung wallet ko, iniwan ko sa apartment ko.", sagot ko sa kanya.


"Lilibre na lang kita madami naman akong pera eh.", nakangisi niyang sabi.


"Yun naman pala eh, madame kang pera. Bakit hindi mo i-try magpa-check up sa psychiatrist? May mali sa takbo ng utak mo eh."


"OA ka, tara na kasi. Hindi naman kita lulubayan hanggang hindi ka sumasama sa akin kaya wag na natin pahirapan ang isa't-isa.", nakangiti niyang pagbabanta sa akin.





-----------






Wala na nga akong nagawa kundi ang sumama sa hambog na to. Mukha kasing seseryosohin niya ang banta na hindi ako lulubayan hanggang hindi ako sumasama sa kanya. 


Nakarating kame sa Tresto, isa sa mga dating paborito kong kainan na lugar sa elbi (UPLB), Lola Linda's pa ang pangalan ng lugar dati. Matapos nilang i-renovate ang lugar ay lalong nagkaroon ito ng class at magandang ambiance.


"Anung gusto mo?", tanong niya sa akin habang nakatingin ako sa menu.


"Tuna and cheese omelette.", iyon kasi ang paborito kong kainin dito noon. Simpleng itlog, cheese at flakes in oil na tuna na kapag dito niluto ay nag-iiba ang lasa. Hindi ko alam kung ano ang nilalagay nila pero hindi ko talaga magawang gayahin ang lasa ng omelette nila.


"Okay, kuya sa akin chicken salpicao. Dalawang iced tea tsaka, mango crepe. Pero mamaya mo na i-serve yung crepe.", sabi ni Lui sa waiter. 


Hinugot ko ang yosi ko mula sa aking bulsa at nagsindi ng isang stick habang hinihintay namin ang inorder naming pagkain.


"Matagal ka na bang nagyoyosi?", tanong sa akin ni Lui.


"Oo."


"Itigil mo na yan, hindi bagay sayo. Mas bagay sayo yung mukhang inosente lang.", nakangiti niyang sabi sa akin.


"In time i will. Pero hindi ngayon.", naisip ko kasi ang dami ng aking pinagdaraanan at ayaw ko muna magpaalam sa usok na minsang nagbibigay sa akin ng relaxation.


"Ok, basta promise mo ha titigil ka din.", di ko mapigilang tingnan siya. Hindi ko kasi nagugustuhan ang mga kinikilos niya.


"So kamusta ka na?", seryoso niyang tanong sa akin.


"Ok naman. Fortunately, nakakalakad pa naman.", sarkastiko kong sagot sa kanya.


"Galit ka pa din ba dahil doon? Hindi ko naman talaga sinasadya eh.", malungkot niyang sabi.


"Wala naman akong sinabing galit ako."


"Eh bakit lagi kang masungit?"


"I hate your guts.", diretsa kong sabi.


"Ganun ba?", halatang napahiya siya sa aking sinabi. Medyo nakonsensya naman ako.


"Wag ka na lang kasi masyado makulit, magkakasundo tayo.", sabi ko na lang sa kanya para gumaan ang pakiramdam niya. Hindi naman ako nabigo dahil ngumiti siya ng bahagya.


Ilang minuto din kaming natahimik hanggang sa dumating ang inorder naming pagkain. Medyo naging awkward ang sitwasyon, lalo ko tuloy pinagsisihan ang nasabi ko sa kanya.


"So what are you doing here again?", tanong ko na lang sa kanya habang kumakain para mawala ang awkwardness.


"Ah, kumukuha ako ng master's degree. Ikaw?"


"Finishing my bachelor's degree."


"Anung course?"


"Statistics."


"Wow. Ilang sem ka pa?"


"Tatlo."


"Sabay pala tayo matatapos eh.", nakangiti niya ng sabi.


"Hmmm.",naubusan na ako ng sasabihin.


"San ka nakatira dito?"


"Dyan lang sa may Raymundo."


"Pasensya ka na kung makulit ako ha. Namiss lang kita."


"Bakit mo naman ako mamimiss? Were not that close."


"Masama ba? Sabi mo kasi noon magtetext ka sakin kapag nagka-cellphone ka na. Hindi naman nangyare yon, inaantay ko kaya ang text mo."


"Pasensya na naiwala ko kasi yung papel na pinagsulatan mo ng number."


"Ok lang yon kasi fate brought me to you again.", sabi niya sabay pakita ng isang malapad na ngiti.


Hindi na ako nakasagot sa sinabi niya. Una dahil nabighani ako sa ganda ng mga ngipin niya, pangalawa hindi ko alam ang dapat na reaksyon sa sinabi niya. Tinapos ko na lamang ang aking pagkain.


Matapos kumain ay inimbita niya pa akong uminom ngunit tumanggi na ako. Hinatid niya na lang ako sa aking apartment.








****Aki****





7:45 pm, Wednesday
June 13





Nilalamon na ako ng lungkot. Hindi ko alam kung saan ako nagkamali o kung saan ako nagkulang. Masisiraan na ako ng bait dahil di ko na alam ang dapat kong gawin. Ilang linggo na akong hindi kinakausap ni Kyle. Hindi niya sinasagot ang mga text at tawag ko.


Now, i'm desperate. I am driving along Nlex, pupuntahan ko na siya sa bahay niya. Wala akong pakialam kung haharapin niya ako o hindi. All i want is to see him and be able to talk to him.


Natatandaan ko pa naman ang address niya mula noong huli kong punta. Makalipas ang halos kwarenta minutos ay narating ko din ang bahay nila.


"Tao po. Kyle?", sigaw ko habang kumakatok ako sa gate ng bahay nila. Nakailang tawag din ako bago may nagbukas ng gate.


"Ay iho! Napadalaw ka halika pasok.", bungad sa akin ni Tita Geleene.


"Tita, magandang gabi po.", sagot ko sabay mano. "Pasensya na po at gabing-gabi na eh nang-iistorbo pa ako.", paumanhin ko sa ginang.


"Diyos ko, wala iyon. Welcome na welcome dito ang mga kaibigan ng anak ko kahit anong oras.", nakatawang sabi ni Tita.


"Salamat po kung ganoon. Tatanung ko lang po sana kung nandyan si Kyle."


"Wala iho, hindi ba kayo nagkakausap pa ng anak ko?"


"Hindi nga po eh, hindi ko kasi siya makontak sa number niya."


"Ganun ba? Nagpunta na kasi si Kyle sa Laguna, tinutuloy niya ang kanyang pag-aaral doon."


"Ah, mabuti naman po kung ganun.", sabi ko na lang kahit na para akong sinasakal ng lungkot sa nalaman.


"Bata talagang iyon oo, hindi man lang ata nagpaalam ng maayos sa mga kaibigan niya. Mayroon ka ba noong bagong number niya?"


"Wala po eh."


"Sige tatawagan ko si Kyle para masabihan na i-text ka. Medyo nagmadali din kasi siyang bumalik ng Laguna. Excited ata."


"Maraming salamat po."


"Wala iyon iho, pasensya ka na din sa anak ko ha."


"Wala pong kaso iyon. Sige po mauna na po ako. Baka po magpapahinga na kayo naistorbo ko pa kayo."


"Sige, sasabihan ko na lang ang anak ko na balitaan ka. Nag-abala ka pa tuloy pumunta rito. Makakatikim talaga sa akin yung batang iyon.", nakangiting wika ng Mama ni Kyle.


"Hehehe, ayos lang po iyon. Sige po tita, good night po.", paalam ko sa ginang.


"Good night din iho. Ingat ka sa pagdri-drive mo."


Pumasok na ako sa aking kotse at kumaway ng pamamaalam kay Tita Geleene.


Habang daan ay iniisip ko ang susunod na gagawin. Nasa Uplb na si Kyle. Alam kong malaki ang campus na iyon pero wala akong pakialam. Handa ko siyang hanapin. Magfifile muna ako ng leave sa opisina. Pinayuhan din naman ako ng aking boss na magpahinga na muna bilang reward sa aking pagtatrabaho sa Davao.


I need to fix things. Hindi ako susuko. Hindi ngayon.







...to be cont'd...

1 comment:

  1. Yikes. UPLB! saya lang dahil alam ko ang mga lugar na ito. :D

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails