Palinga-linga si Alfonse habang naka-upo sa pulang sofa na
mayroong golden ornate details sa gilid. Tila isang respetadong hari ang upuan
na nang-aagaw ng atensiyon ng mga taong nagagawi sa napakalaki at puting silid
na iyon na naiilawan ng isang chandelier. Kabaligtaran sa gara at hinhin na
nasasalamin sa kwarto ay ang tila hindi niya mapakaling kamay na nakapatong sa
kanyang slacks na light cream, na siya ring kulay ng kanyang coat. Binabagayan
naman ng suit ang kanyang panloob na navy blue na dress shirt na may mga
detalye ng maliliit na puting tuldok. Kumikinang ang kanyang navy blue ding
necktie sa bawat paglingon niya sa likod. Kulay brown ang kanyang belt na
tinernuhan din ng brown leather niyang sapatos. Ang kanyang buhok naman ay
naka-clean cut na medyo kinulot ang mahabang bangs papuntang kanan.
“Ser! Ang gwapo niyo!!!” Ningitian lamang ni Fonse si Manang
Elsa. Kung karaniwang araw lamang ay baka
sinagot na niya ng pagmamayabang ang papuring iyon, pero hindi lamang
karaniwang araw iyon.
Muli siyang lumingon sa marangyang hagdan habang tinatapik-tapik
ang kanyang hita.
Lumabas mula sa kwarto sa kanang bahagi ng hagdan ang isang
lalaking may kaliitan at payat. Naka-vest itong may design ng leotard at
nakapang-ilalim ng polong kulay green. Naka-skinny jeans siya at heels na may
kaatasan. Maya-maya ay lumilingon siyang pakaliwa upang ilihis ang kanyang
bangs na tumatakip sa malaki niyang salamin na may makapal na frame.
Napatayo si Alfonse. “Okay na ba?” sabi niyang marahan,
kasabay nito ang pag-thumbs up niya.
Hindi sumagot ang lalaki. Ibinaba niya ang may kalakihang
kahon na dala niya at saka binuksan ang may kalakihan ring pinto ng kwarto ni
Fonse. Isang ring lalaking mas mataas sa kanya at posturang-postura ang lumabas.
Unti-unting lumaki ang mga singkit na mata ni Fonse kasabay
ng unti-unti ring pagbuka ng kanyang mga labi.
Naglakad pababa ng hagdan ang lalaking lumabas ng pinto. Dahan-dahan,
may pag-galang, at buong pag-iingat niyang inihahakbang ang kanyang paang
nasusuutan ng kumikinang na black leather shoes. Sa bawat hakbang niya’y
humuhulma ang kanyang hita sa itim niyang slacks, terno sa coat niyang kulay
black din. Kumikinang naman ng malamlam ang bow tie at ang lapel ng coat na
suot niya, gayon din ang waistcoat niyang ikinukubli ang ruched detail sa gitna
ng puting polo na suot niya. Ang kanyang buhok naman ay naka-push back na
bumagay sa eleganteng tuxedo.
“Tada! Presenting…” Ibinaba ng lalaking makulay ang kanyang
kamay ng nakataas. “What’s your name babe…este dear…I mean Mister?”
Ngumiti siya ng asiwa. “Chong…I’m Christopher Chong…”
“…Presenting Chong…” Saka siya pumalakpak ng marahan. “Ang
galing mo Mimi…” Itinaas ni Fonse ang kanyang kamay upang makipag-appear sa kanya. Asiwa at nag-aalangan niya itong
tinanggap.
“But of course!!!” Magaslaw niyang sagot. “Hindi naman ako
masyadong nahirapan. Gwapo naman talaga si Chong, eh…” saka niya binigyan ng
flying kiss ang huli.
Napangiting asiwa si Chong at umiling. “Cut the crap… Kung
alam mo lang…” sabi niyang ‘di gumagalaw ang mga labi. Maski si Fonse ay hindi
mapigilang mapangiti.
“O siya. I gotta get goin’. My sched’s so hectic…” Inilapat
niya sa kanyang noo ang likod ng kanyang palad. “I don’t know ha, pero ang dami
yatang induction parties ngayon…” saka siya humalakhak na pumuno sa napalaking
kwarto na iyon.Pinagbuksan siya ng pinto ni Manang Elsa at naglakad siya nang
pakendeng-kendeng.
Isinandal ni Fonse ang kanyang braso kay Chong. “Ang hina ng
pang-amoy ‘nun…”
Napangiti si Fonse. “Baka may sipon…”
“Achooo!!!” Napatakip ng ilong Mimi, habang si Manang Elsa
nama’y napa-atras habang naka-antabay sa pinto. “Excuse me…” Tuluyan siyang
lumabas sa pintuan habang binubulalas ng walang tinig ang ‘Call me, Chong’.
Napangiwi si Fonse. “Kursunada ka noon ah. Tsinansingan ka ba
noon? Magpapalit na ba akong ng stylist?”
Napahalakhak ng marahan si Chong. “Pakasigurado ka.
Nagpapataas lang iyon ng bayad…”
Nilingon niya ang katabi. “Ba, bakit naman hindi?” Inilapit
niya sa tainga ni Chong ang kanyang bibig. Nalalanghap niya ang samyo ng
pabango ni Chong na lalaking-lalaki. “…ang gwapo mo kaya. In fact, gusto na nga
kita eh…” ang sabi niya sa mababang boses na tila nang-aakit.
Biglang lumapat ang kamay ni Chong sa tiyan ni Fonse. Walang
nagawa ang huli kundi ngumiwi at pigil na umaray. “…Walang dalawang lalaki ang
nagsasabihan na gwapo ang isa’t isa…” Saka siya humakbang papalayo sa
nangungubang si Fonse.
“Naku Ser Chong, ang gwapo-gwapo niyo, para kayong artista…”
Humahangos na sabi ni Manang Elsa habang nakatutop sa kanyang dibdib ang
kanyang magkadikit na palad.
“Manang Elsa, Chong lang po, wala ng Sir… Oh di kaya ‘iho’ na
lang po…” Ngumiti ng asiwa si Chong. “At saka Manang, kailan po ba ang day-off
niyo? Sabihan po ninyo ako at ng masamahan ko kayong magpagawa ng salamin.”
Naglakad siya malapit sa sofa.
Ngumiti ng maaliwalas ang matanda. “Ikaw talaga iho, napakamapagbiro.
Nagsasabi akong tunay, bagay na bagay nga kayo ni Ser Alfonse eh…”
Biglang napalingon si Chong
ng nakataas ang kilay. Nanlalaki ang mga mata nitong inilipat ang tingin
kila Fonse at Manang Elsa.
Nakangiti nang buong inakbayan ni Fonse ang matanda. “OO,
alam na ni Manang Elsa. Nakaraang taon ko pa nasabi sa kanya…” Ngumiti uli ng
maaliwalas ang matanda.
Unti-unting nabakas sa mukha ni Chong ang hindi makilalang
ngiti o ngiwi, saka niya tiningnan si Fonse na parang nandidiri at nandidilat.
Pinisil ni Alfonse ang balikat ng katabi. “Ah manang, mauna
na po kami, baka malate na po kami sa party.” Kumalas siya sa pagkaka-akbay sa
matanda.
“Ah Ser, bilin po ni Ma’am na hanggang 7:30 lamang kayo sa
pupuntahan ninyo. Ipapasundo daw po kayo kay Ronnie at may pupuntahan pa daw po
kayong gadirings…” Malambing na sabi ni Manag Elsa.
“Gathering? Wala namang okasyon ngayon ah?” Nakakunot ang noo
ni Fonse habang inaayos ang tupi ng kanyang sleeves sa ilalim ng kanyang coat.
Napangiwi na lamang ang matanda. “Hindi ko po batid Ser. ‘Yun
lamang po ang bilin eh…”
Napahinto si Alfonse. “Ah sige po Manang, itetext ko na lang
po si Ronnie kung saan ako susunduin…” Hinarap niya si Chong at saka ngumiti ng
buo. Ngisi lamang ang isinukli ng kanyang katabi.
“Tabingi ‘yung bow tie mo…” Hinawakan niya sa dalawang braso
si Chong at saka inikot ang katabi paharap. Nakangiting inayos ni Fonse ang bow
tie at nag-angat ng tingin, habang nakangiti ng buo, dahilan upang lalong
maningkit ang mga singkit na niyang mata. “…Ayan…”
Inismiran siya ni Chong. “Akala mo naman hindi ko
nahahalatang nagpapa-cute ka…”
“Medyo lang naman…” Ngumiti muli siya ng buo. “ ‘Di ko
mapigilan eh. Ang gwapo ng katabi ko…” Muli niyang inilapit ang kanyang bibig
sa tainga ni Chong.
Umilag si Chong na parang nakikiliti sa ginagawa ni Fonse. “Kung
mukha talaga akong gwapo ngayon, NGAYON LANG ‘YAN. Kapag hinubad ko na ‘tong
tuxedo, ibalik ko sa’yo ito at guluhin ko ‘tong buhok ko, hindi mo na masasabi
‘yang salita na ‘yan…”
Ngumisi si Fonse. “Masasabi ko pa ring gwapo ka, basta
hubarin mo ‘yang tuxedo mo sa harapan ko.” Itinaas-baba niya ang kanyang
dalawang kilay.
“Sungalngal, gusto mo?”
“Joke lang, ‘di ka na mabiro. Pero ‘yang tuxedo, sa’yo na
‘yan…”
Tinaasan siya ng kilay ni Chong. “No way, ibabalik ko ito sa
iyo pagkatapos ng induction…”
“O sige na, kahit naman pilitin kita hindi ka papayag. Tsaka,
ang dami-daming suit sa dressing room, ‘yan pa’ng pinili mo…”
“Bagay ‘yang suot mo sa mga mapuputi, at kayumanggi ako. I’d
rather wear a tux na classic, kesa sa mga bagong trends na papalit-palit…” saka
niya inalis sa pagkakabutones ang kanyang coat.
“ ‘Wag mong alisin, mas magandang tingnan kapag nakabutones…”
“Mas gugustuhin ko pang makahinga ng maayos kaysa maging
kaaya-aya sa mata ng marami…” Ngunit muling isinukit ni Fonse ang butones ng
coat.
“ ‘Yung kwintas suot mo?”
Umirap si Chong. “Oo…” Tumingin siya sa kaharap. “Nasa
sapatos ko…”
Lumamlam ang tingin ni Fonse.
“Oo na, oo na, suot ko sa leeg…” Biglang nabakas ang
pagtatanong sa kanyang mukha ng makita niya ang ngiti ni Fonse. “Bakit ka
nakangiti ng ganyan?”
“Eh kase…” Tiningnan niya ang katabi ng nakangiting
pagkatamis-tamis. “…dahil sa kwintas, napakalapit ko na sa puso mo…”
Umasim ang mukha ni Chong. “ANG BADUY MO!!!”
“Ser…” medyo humihingal na sagot ni Ronnie. “Ser, wala po
‘yung itim na limousine…”
Napanganga si Fonse sa narinig. “Ha, ‘di ba sabi ko akong
gagamit nun…”
“Eh kaso kasi Ser hindi maka-angal si Toto kay Ser…” Natigil
si Ronnie. Sinapo na lamang niya ang kanyang ulo habang habang ‘di makatingin
ng maayos sa amo.
Namewang ng ‘di oras si Fonse habang umiiling. “Tayda…” Saka
niya naramdaman ang marahang kalabit sa kanyang balikat. Nilingon niya ito at
nakita niya si Chong , nakangiti at parang nag-dedemo na humingang malalim.
Huminga siyang biglaan. “Pasensiya, nakakabwisit ‘yung
kakambal ko eh…”
“Kahit hindi na limo, kahit anong available diyan, basta maihahatid
pa rin tayo sa event. ‘Yun naman ang essence ng lahat ng sasakyan. Kung wala, mag-jeep
na lang tayo. Wala naman tayong magagawa…” saka ningitian ni Chong si Fonse.
Unti-unting umaliwalas ang mukha ni Fonse. “Wala na bang
ibang sasakyan, Ronnie?”
Ilang saglit lamang ay dumating ang isang kulay puting van na
minamaneho ni Ronnie. Halata sa mukha ni Fonse ang pagkadismaya ngunit
ningitian lamang siya ni Chong.
“Alam mo, considering na nandoon si Alfred, parang ayaw ko ng
pumunta sa induction. Hindi rin natin magagawa ‘yung gusto nating gawin…”
Itinaas niyang muli ang kanyang dalawang kilay na parang may ibang
ipinahihiwatig.
“…Malamang, at kahit na wala doon si Alfred, hindi mo pa rin
magagawa ‘yung gusto mo dahil masusungalngal muna kita…” Aligagang napatingin
si Chong sa front mirror at nagtama ang paningin nila ni Ronnie. Halatang
napapangiti ang huli sa kanyang nakikita.
“Nilalambing ka lang, ‘di mo pa ako sakyan. Sige na, ‘wag na
tayong pumunta ng induction…”
“Huling taon na natin sa college, at huling induction night
na ‘yun na pwede nating puntahan, tapos inaaya mo pa akong huwag ‘yun siputin?”
Sumandal at ipinatong ni Fonse ang kanyang braso sa likod ng
upuan ng van. “Eh, diba sabi mo formalities at walang kwenta lang naman ang mga
induction parties. Wala namang gagawin doon kundi ipakilala ‘yung mga officers.
Sabi mo dapat ‘yung mga elected officers, nakikilala dahil sa mga magaganda
nilang nagagawa at hindi kabaligtaran na gumagawa sila ng magaganda dahil
kilala sila. Sabi mo pa nga…” Itinuwid niya ang kanyang tindig at umaktong
seryoso, “Hindi ko kailangang makita silang nanunumpa na gagawin nila ang
tungkulin nila, ang kailangan at ang gusto kong makita ay ang mga araw ng
ginagawa nila ang mga tungkulin nila…”
Napalingon si Chong. “…Oo nga, sinabi ko nga ‘yang mga ‘yan…”
Tinitigan lamang niya si Fonse na parang nahihiwagaan.
“Eh ba’t ka pupunta sa walang kwentang event?”
Napataas ng kilay si Chong. “For experience na rin, ma-eenjoy
mo rin ang induction parties basta magpakababaw ka lang. Hindi masamang
magpakababaw at some point in our lives, ‘wag lang madalas.”
“Eh kung magpapakababaw ka na rin naman, na napakadalang
mangyari, mas masisiyahan ka doon sa sinasabi kong pupuntahan natin…”
Kumunot ang noo ni Chong. “Eh saan ba tayo pupunta?”
Ngisi ang isinagot ni Fonse sa kanyang tanong.
---------------------------------------------------
“WWWWWOOOOOOWWWWWW!!!”
Ikinubli ng sigawan ng marami at masayang tugtuging bumabalot
sa paligid ang sigaw na iyon ni Chong. Humahangos
siyang pumunta sa tarangkahang puno na ng mga tao bago pa niya narating, walang
paki-alam sa kung gaano kagara ang suot niya. Sa mga mata niya’y kita ang
ning-ning at saya na hatid ng mga maliliwanag at makukulay na mga ilaw.
“Bilisan mo!!!” Ngunit hindi natinag si Alfonse.
Pangiti-ngiti siyang naglakad nang dahan-dahan habang nasa loob ng bulsa ang
kanyang dalawang kamay.
“Grabe ka naman, Enchanted Kingdom lang ‘yan no…”
Inirapan siya ni Chong. “First time ko kayang pumunta dito.
Mahirap lang ako, hindi ako kagaya mo na dito sa Enchanted nag-aalmusal at
naghahapunan…” Tuluyan niyang inalis sa pagkakabutones ang kanyang coat at saka
lalong binilisan ang kanyang paglalakad, diretso sa kumpulan ng mga tao.
Napangiti si Fonse sa kanyang nakikita, isang Chong na tila
isip-bata.
Napangiti siya dahil dalawang kilometro mula sa kanya ang
isang Chong na hindi kalkulado ang paligid, ngunit walang makikitang pag-aalala
sa kanyang mukha.
Napangiti siya sapagkat nakikita niya ang isang Chong na
walang bakas ng pagkukubli.
Ngunit unti-unting napawi ang ngiti sa labi niya ng makita
niyang nakisalo sa mag taong sasakay sa roller coaster si Chong.
“ ‘Wag na diyan…”ang sabi niyang parang batang nagdadabog.
“Adik ka ba? Dinala-dala mo ako dito, tapos pipigilan mo ako
kung saan ko gustong sumakay?” Unti-unting umuusad ang pila.
“Basta, delikado diyan, sa ferris wheel na lang…” Tila hindi
kalkulado ni Fonse ang paligid, at bakas sa mukha niya ang pag-aalala.
“Lahat ng rides dito delikado. At kung pipili lang ako ng
ligtas na sakyan, mas mabuti pang hindi na lang ako pumunta dito. Teka…” Biglang
siyang natigil. Dahan-dahan niyang ibinaling ang kanyang tinging pailalim sa
kasamang hindi alam kung sasama o aalis sa pila, “…Takot kang sumakay sa roller
coaster, ano?”
Nanlaki ang mga singkit na mata ni Fonse. “ANONG TAKOT? Hindi
ah, ba’t ako matatakot?” Ikrinus niya ang kanyang mga braso, tila may
itinatago, may ikinukubli.
Lumamlam ang mga mata ni Chong na parang nang-aasar. “Oh,
‘yun naman pala. Oh ba’t di ka na sumakay?” Saka siya ngumiti.
Hindi siya makatingin ng diretso sa kaharap. Dadalawang tao
na lamang at sila na ang sasakay sa roller coaster. Hindi maipinta ang mukha ni
Fonse. Sumenyas ang usher ng mga sasakay na lumapit na silang dalawa, ngunit
nanatiling nakatingin sa kanya si Chong habang nakangiti. Maya-maya ay kanyang
ibubuka ang kanyang bibig at saka ito isasara, kasabay ng pagbaba ng kanyang
tingin.
“SIGE SASAKAY NA ‘KO!!!” Paanas na wika ni Fonse.
“Oh kung susuka ka, sikapin mong ‘wag mapupunta sa akin ah…”
Humalakhak ng marahan si Chong habang ibinababa ng mga usher ang nagsisilbing
‘seatbelt’ ng ride.
Inangilan lamang siya ni Alfonse.
Ilang saglit pa ay umandar ang makina ng roller coaster.
Naging marahan ang simula ng pag-usad nito. Sigawan ang maririnig mula sa mga
nakasakay, kasama si Chong. “Woooooo!!!” Kung anong ingay ng kanyang katabi ay
siya namang tahimik ni Fonse, walang ekpresyon ang mukha ngunit tila
nanginginig habang nakahawak ng mahigpit sa kanyang kinakapitan.
“Lord, dyusko! Gusto ko
pang sumakay ng ferris wheel kasama ang gagong ‘to!!!”
Umusad ang roller coaster sa pataas na parte ng rail. Lalong
umingay ang mga nakasakay. May mga kamay na iwinawagayway sa paligid. Dahan-dahan,
unti-unti, katulad ng halos mapatid nang hininga ni Fonse.
“FONSE, KAYA MO PA
BA?” Kailangan nang sumigaw ni Chong dahil sa ingay ng makina at hiyawang
lalong lumakas ng marating nila ang pinakamataas na parte.
“KAYA KO PA!!! WALANG DAHILAN PARA ‘DI KO KAYANIN…” Buo man
ng tapang ang mga salitang iyon, nanatili namang hindi maipinta ang kanyang
mukha.
Napangisi si Chong.
At mabilis na dumausdos paibaba ang sinasakyan nila.
“WOOOOOOOO!!!!” May mga sumisigaw. May maduwal-duwal. May mga
humihiyaw. May hindi mapakali sa tuwa. May gustong umayaw at bumaba. May halos
atakihin sa puso sa galak. May tahimik na nakakapit at nakapikit, at si Alfonse
iyon.
“SUMIGAW KA!!!!” sigaw ni Chong.
“ANO?!?!”
“…SABI KO SUMIGAW KA!!!”
Isinawalang bahala iyon ni Fonse. Pumikit uli siya at lalong
hinigpitan ang kapit.
Muling napangiti si Chong.
Kinuha niya ang kanyang kamay ni Fonse at hinawakang
mahigpit.
Gulat na napatingin sa kanya si Fonse. Ngiti lamang ang
isinukli niya. “ ‘PAG TINULOY MO ‘YAN, MAUUTOT KA! BAKA NASA MENTAL KA NA BUKAS!
‘WAG MONG PIGILAN ‘YUNG NARARAMDAMAN MO! ‘WAG MONG KALABANIN! DAMHIN MO, GIVE
IN!!!” Marahas ang hampas ng hangin sa kanilang mga mukha kaya’t nagmistulang
bulong ang mga sinambit niyang iyon.
Patuloy na umaalingawngaw ang sigaw ng lahat ng nakasakay.
“SIGAW!!!” Pinisil niya nga kamay ni Fonse. “WOOOOOO!!!!”
“WAAAAAA!!!” Unti-unting napahinuhod si Fonse. Unti-unting
lumuwag ang kanyang pagkakakapit. Unti-unting nawala ang kanyang takot. Mas
lalo niyang nadama ang hampas ng hangin sa kanyang mukha, ang tulin ng
sinasakyan nila, at ang higpit ng hawak ni Chong sa kanyang kamay. Sinulyapan
niyang nakangiti si Chong, at nagtama ang kanilang mga tingin.
“ANG SAYA!!!”
“WOHOOOOO!!!”
“ANG SARAP!!!”
Karamihan sa mga sumakay ay bumaba ng masaya. May iilang
pagewang-gewang kung maglakad, may iilang maluha-luha. May isang masuka-suka,
at muli si Alfonse iyon.
Maluha-luha si Chong habang tumatawa. “Okay ka lang?”
Naglalakad na parang lasing ang kanyang kaharap papunta sa isang bench.
“Oo, okay lang…” Papikit-pikit niyang wika habang hinihimas
ang kanyang tiyan. “Ang saya-saya pa lang sumakay doon, ba’t ngayon ko lang
tri-ny…” Kapagdaka’y sumuka siya sa katabing halamanan.
Napahalakhak siyang marahan. “Sandali, bibili akong tubig…”
Napa-upong pagod si Fonse sa bench, halata sa mukha ang pangangasim.
Ini-abot niya ang bote ng mineral pagkatapos niyang buksan at
napapangiting tumabi sa lalaking nanghihina. “Hindi pala natatakot ah…”
Pagkatapos lumagok sa bote’y inipon ni Fonse ang kanyang lakas upang magsalita.
“Gago ka…” Hingal niyang sabi.
“I’ll take that as a compliment. Pero I think adventurous is
a more appropriate word. Pwede ring exhibitionist…” Nilingon niya ang katabi.
Nakita niya itong hinihingal habang nakatingin sa dalawang lalaking
magkaholding hands. Pumait ang ekspresyon sa kanyang mukha habang sinusundan
din ng tingin ang dalawang wala halos bahid ng pagkaberde. Natauhan lamang siya
nang maramdaman ang pangangalabit ni Fonse at ang unti-unting paggapang ng
palad ng huli sa kanyang kamay.
“Alam mo ba ang reaksiyon ko noong una akong makakita ng
naghoholding hands na lalaki…”
Patuloy na gumagapang ang palad ni Fonse sa kamay ni Chong.
“Ano?”
Napangiti si Chong. “Natawa ako…”
Natigil si Fonse.
“Sa MOA ‘yun. Palibot-libot tapos nakita ko sila. Hindi ko
maalala ‘yung itsura nila, tsaka ‘yung suot nila, patalikod ko kasi silang
nakita, tapos ‘yun. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang akong natawa.
Despite the fact na bakla rin ako, natawa pa ‘ko. Naisip ko, hindi ba dapat
naiingit ako, nagseselos, pero hindi ko naisip ‘yung mga iyon…”
Itinuwid ni Fonse ang kanyang pagkaka-upo. “So kapag ibinigay
ko itong regalo ko sa’yo, tatawa ka rin para sa akin…” saka siya humugot mula
sa loob ng kanyang coat.
“Wow, may bulsa…”
“Oo, customized eh…”
Mula sa panloob niyang bulsa’y hinugot niya ang isang librong
kulay puti at green na nahahati ng kulay-lila na banner. Ang pabalat nito’y
ingat-ingat na nababalutan ng plastic, kabaligtaran sa mga pahina nitong kulay
brown, ngunit hindi dahil sa kalumaan.
“Ba, buti buhay pa ‘yan. Ang tagal na niyang nasa’yo ah.” Kinuha
niya ang libro. “At halatang walang kagurlis-gurlis. Grabe, itinambak mo lang
talaga ito sa shelf mo ng isang taon?”
“Hindi ah…” Iniwas niya ang tingin sa kaharap. “Lagi ko
kayang binabasa ‘yan. Nagresearch nga
ako ng mga bagong trivia eh…”
Lumamlam ang mata ni Chong. “Wala ka na bang ibang baon na
joke…”
“O sige na, nung nakaraang bakasyon ko lang ‘yan nabasa.
Tapos nung mga nakaraang linggo ko lang naisip ‘yung regalo kong ‘yan sa’yo…”
Kumunot ang noo ni Chong, clueless sa kung anong sinasabi ni
Fonse. “Regalo?”
Nakuha ni Fonse ang pagtatanong sa mukha ng kaharap. “Buksan
mo kasi, lalo na doon sa may parteng naka-bookmark…” pa-anas niyang tugon.
Ibinaba ni Chong ang tingin sa libro. Hinanap niya ang
bookmark niyang nakaipit sa bandang dulo ng libro at dahan-dahan itong binuklat.
Sa kulay brown sa papel ay nakita niya ang kulay itim at pula na sulat kamay.
Pangiti-ngiti lamang si Fonse habang tinitingnan si Chong.
Did You Know?
…That Carl Alfonse Sy Santiago LOVES Christopher De Lara Chong…
Unti-unting siyang nag-angat ng tingin. Nakita niyang
pabaling-baling ang ulo ng kaharap habang pangiti-ngiting parang bata at
itinataas-baba ang kanang paa. “Happy Anniversary, Chong. Alam ko dapat noon ko
pa ‘to sinabi, pero alam kong hindi rin ako handa. Pero handa na ako ngayon at sigurado
na ako, kaya ko ng sabihin na mahal kita…” Tiningnan siya ni Fonse ng nakangiti.
“I Love You, Chong…”
Biglang umasim ang mukha ni Chong. “…Hindi ako natatawa,
hindi rin ako natutuwa… Nakokornihan ako…”
Biglang inagaw ni Fonse ang trivia book. “Wala ka talagang
puso. Kanina sabi mo sa ferris wheel, ‘wag kong pigilan ‘yung nararamdaman ko,
tapos ngayon, ginaganyan mo ‘ko. Adik ka talaga…”
Napangiti si Chong at saka nagbaba ng tingin. “Oo nga, sinabi
ko nga iyon…” Sa gilid ng kanyang mata’y natanaw niya ang mga kumikinang na
bituin sa langit. Pinagmasdan niya ang mga iyon.
Isang minutong katahimikan.
Pinagmasdan niya ang mga maliliit na ilaw sa kalangitan.
Walang kaulap-ulap ang gabing iyon. Pangiti-ngiti niyang tiningnan ang bawat
isa, habang nilalanghap ang malamig at palakas ng palakas na ihip ng hangin. “Ang gaganda nila,” sambit niya sa
sarili.
Dalawang minutong katahimikan.
Pinagmasdan ni Fonse ang lalaking naka-upo sa kanyang tabi.
Parang bata nakangiti sa langit ang lalaking iyon, ngunit wala siyang
paki-alam. Sa tanawing iyo’y mas nadarama niya ang tuwa at saya. Saka niya
ibabaling ang tingin sa langit, kasama ng mga kumukutikutitap na mga bituin. “Ang gaganda nila,” sambit niya sa sarili.
Tatlong minutong katahimikan.
Patuloy ang ikot ng mundo para sa lahat. May mga batang
umiiyak, may mga batang tumatawa. Patuloy ang tugtugan, patuloy ang saya. Ngunit
sa upuan nila Chong at Fonse ay tumigil ang lahat, nilalasap ang bawat
segundong nakatingin sa alapaap.
“Fonse…alam mo…” Nanatili siyang nakatingin sa langit. “…A
part of me doesn’t believe in love…” saka niya nilingon ang katabi. Nakatingin
lamang sa kanya si Alfonse nang may ngiti sa mukha, na sinuklian niya ng
pagkunot ng kilay.
“Wala ka ng makikitang violent reaction sa’kin. Sanay na
ako…”
Lalong napangiti si Chong at muling tumingin sa langit.
Sumandal si Alfonse sa upuan. “…Tuloy mo na…”
Humingang malalim si Chong, “…We were just very thrilled with
the concept. Napaka-pure. Napaka-immaculate. Napaka-ideal. Cheeks blushing. Hands
shaking. Hearts throbbing. Parang tumitigil ang mabilis na ikot ng mundo. Then
the next thing we know, there would be penile erection and redness of the
female genitalia, though itinatago natin dahil idinidikta ng tradisyon at
kultura natin na malalaswa ang mga iyon. But then, pasasaan pa’t mauuwi rin
iyon sa sex, lalo ngayong unti-unti na
ring nabubuwag ang imahe ng pag-ibig na ginawa ng ating mga ninuno at
pikit-mata nating patuloy na sinusundan…” Patuloy pa rin ang ingay na likha ng
carnival. “…Thrilled, thrilled and discombobulated. It was great a feeling that
we don’t know what to do about it. We tremble. We escape. Most of us give in to
it. We follow it blindly because we don’t understand it…”
Lumapit si Alfonse kay Chong. “So, sinasabi mo, wala naman
talagang love?”
“No, not really…” Lumingon siya sa katabi, “Napalabas ko bang
ganoon? Pero, hindi, there is love, the concept of love can be observed in
nature, so there is love undoubtedly. It’s just that, masyadong namangha ang
mga ninuno natin that they named it wrong…”
Kumunot ang kilay ni Fonse. “Eh ano dapat ang ipinangalan
nila?”
Napangiti siyang nakatingin sa langit. “…Need…Pangangailangan…”
Mula sa langit ay ibinaling ni Fonse ang kanyang tingin sa
katabi, tingin ng pag-aalala. “Eh ‘di ba, love is a need?”
“Yes…” Napangisi si Chong. “Love is a need, not LOVE is NEED.
We don’t see that love, itself is need. Parang love equals need,
interchangeable ‘yung dalawang terms. The nature of love is need…”
Nilingon ni Chong si Fonse at wala siyang nakita sa mukha ng
katabi kundi pagtatanong. “Magulo ba?”
“Oo eh…” sabi niyang
nagkakamot ng ulo
“Sigurado ka bang gusto mo talagang malaman?”
Ngumiti ng matamis ang kanyang katabi. “Oo. Gusto kong malaman
kung anong iniisip mo, gusto kong lalo kang makilala…”
Nahawa si Chong sa matamis na ngiting iyon. “Naalala mo noon
‘yung discussion natin sa Philosophy, na nature ng mga tao ang pumatay dahil
after all, mga hayop rin naman tayo?”
Tumango si Fonse.
“…Pero you know what, I actually don’t believe na nature
nating pumatay. Nature lang nating mga taong pumatay kapag threatened tayo, at
kapag threatened tayo, hindi naman tayo kaagad-agad na pumapatay.Hindi naman
talaga natin gustong pumatay, gusto lang nating ipagtanggol ang sarili natin. Pero
hindi ko rin naman sinasabing likas sa lahat ng tao ang kabutihan. I believed
we were neither good-natured nor evil-natured, pwera na lang kung ipakita mong
hindi. Pero hindi rin naman lahat ng tao hindi ganoon, iba-iba pa rin tayo ng
sitwasyon. Pero going back to love…” Tumigil siyang sandali. “…hindi ako
naniniwalang nature nating pumatay, pero I do believe na isa sa nature natin ay
magreproduce…”
Nilingon niya si Fonse. Nanatili itong nakatingin sa kanya
habang ang isang kamay ay nasa binti at ang isa naman ay nasa sandalan ng
bench.
“…Of course, kung kailangan nating magreproduce, kailangan
natin ng ibang tao para mafulfill ‘yun. Kailangan natin ng ibang tao para maisakatuparan
‘yung tungkulin nating magparami, hindi ‘yung tungkulin nating magmahal na
katulad na idinidikta ng kultura at tradisyon natin…”
Lumiit ang mga singkit na mata ni Fonse. “Eh ‘di ba, hindi
naman tayo nagrereproduce dahil gusto natin.”
“What do you mean?”
“Ah, parang, hindi naman natin sinasabing ‘Gusto kong
magka-anak, kailangan ko ng babae.’ Nakakahanap muna tayo ng babae bago natin
maisipang magka-anak…”
Nakanganga siyang tiningnan ni Chong habang kumukurap. “May
point ka…” Saka siya muling nag-isip. “Pero ganoon pa rin ‘yun eh, ‘Gusto ko
‘yung babae, kaya kailangan kong magka-anak sa kanya.’ Masgugutuhin mo man ‘yung
huli kaysa sa pangalawa, parehas pa ring umiikot sa sa’yo, parehas na umiikot
sa pangangailangan mo…”
Nakanguso si Fonse na tila bata.“Eh paano sa homosexual
relationships, gaya ng atin…”
Tiningnan siya ni Chong na nanlalaki ang mga mata. “Ang
galing na natatanong mo ‘yan na parang walang dapat ikahiya…”
Tumulis lalo ang kanyang nguso. “Eh ano naman ang dapat kong
ikahiya? Paano nga kung kagaya sa atin?”
“Malala na ‘to…” Napangiti na lamang siyang asiwa. “Eh kaya nga laro lang ‘yung karamihan
diba, kasi wala naman silang mahihita sa isa’t isa. Walang anak. Walang kasal. Walang
sariling pamilya. Anong pang-hahawakan nila? Alangan namang pera? Nauubos din
iyon. Mayroong nagkakalakas ng loob na suwagin ang sinasabi ng tradisyon,
moralidad, kultura, kalikasan at ng ibang tao. May ilang nagtatagumpay pero
kakaunti lang iyon, napakahina natin para suwagin lahat ng iyan, dahil kailangan
nating ibigin nila tayo…”
Kumurap ng dahan-dahan si Alfonse. “Chong…” Kinagat niya ang
kanyang labi na parang gustong pigilan ang sarili. “Bakit napaka-selfish ng
tingin mo sa love…”
Mula sa langit ay biglang napatingin siya sa katabi. Nakatuon
lamang sa kanya ang mga mata ni Alfonse na nagtatanong at puno ng sinseridad. Ibinabb
niya ang tingin mula dito habang pangiti-ngiti ng mapait. “Kase…ganoon ang
tingin ko sa bawat tao…”
Napakurap muli si Fonse.
Bumuntung-hininga si Chong. “Hindi nature ng mga tao ang
pumatay. ‘Yung reproduction, hindi naman sa lahat ng tao, oh pwede rin namang
nature nating lahat, pero itinatatwa at iniiwasan natin. Pero ang hindi
maitatanggi kahit kailan, kalikasan nating mga tao ang isipin muna ang sarili…”
Bumuka ang bibig ni Fonse, ngunit kaagad rin niya itong pinigilan
sa kung ano man ang bibigkasin.
“…Sabi ko diba, the
nature of love is need. Kaya tayo umiibig dahil napakahina natin. Kaya tayo
umiibig dahil kailangan natin ng makaka-agapay sa mundo, ng magtatanggol sa
atin. Kaya tayo umiibig dahil kailangan nating marinig sa ibang tao na maganda
tayo, na gwapo tayo. Kaya tayo umiibig dahil ayaw nating nag-iisa. Kaya tayo
umiibig dahil kailangan natin ng mag-aalaga sa atin. Kaya tayo umiibig dahil
marami tayong kakulangan. Kaya tayo umiibig dahil kailangang matanggap tayo ng
ibang tao. Kaya tayo umiibig dahil kailangan natin ng kasiguraduhan sa mundo. Kaya
tayo umiibig dahil kailangan nating magkaroon ng rason para mabuhay…” Hinarap
niya si Alfonse na nakangiti ng mapait. “…Umiibig tayo dahil hindi natin kayang
ibigin ang sarili natin…”
Napababa ng ng tingin ang kanyang kaharap.
“…You see, lahat ng
nasabi ko, kaya nating gawin para sa sarili natin. Pero hindi natin magawa. Love
is like doing someone else’s dirty job for them. At ang masaklap, halos lahat
ng tao, ‘yan ang hinahanap at patuloy na hinahanap hanggang kamatayan, and you
can’t give what you don’t have…”
Nag-angat ng tingin si Fonse. Nanatiling nakatingin sa mga
bituin si Chong.
“...Kaya siguro ang
dami ng naghihiwalay ngayon at ang daming failed relationships…” Humarap siya
kay Fonse nang nakangiti. “ ‘Yun, na-explain ko na. Ang pag-ibig ay pangangailangan.
Love is not a need, but love is need…”
Lalong lumamig ang simoy ng hanging humahampas sa kanilang
mga balat. Ganoon pa rin kasigla ang lugar, mailaw, maingay, masaya. Naghari
ang katahimikan sa upuan nila Chong at Fonse. Tanging langitngitan ng hangin at
mga tuyong dahon ang maririnig, at ang tibok ng kanilang mga panatag na puso. Nananatiling
nakatingin sa mga bituin si Chong, at ang mga mata ni Fonse any nakatuon sa
kanya.
“Chong, alam mo…” Sandali siyang tumigil. “…Hindi ko pa rin
maintindihan…”
Napatingin ang kanyang kaharap na nakakunot ang noo.
“Pero kahit na hindi ko maintindihan, isa lang masasabi ko…”
Napakurap si Chong.
“…Na kahit ano man ang itawag natin doon, kahit na ano man
ang dahilan para ma-inlove, kahit na ano man ang kahinatnan ng bawat relasyon,
kailangan pa rin nating magmahal. Sabi mo nga, kahit na anumang dahilan,
kalikasan pa rin natin iyon, at walang dahilan para tumigil magmahal…”
Matamang nakinig si Chong sa bawat salitang iyon.
“Oo, siguro nga marami ng nagkakahiwalay ngayon, pero meron
pa rin namang going strong. Tama ka sigurong selfish ang pag-ibig, pero siguro
sa umpisa lang. Habang tumatagal ang isang relasyon, saka natin maiisip na kaya
gusto natin ng alaga kasi galing sa taong mahal natin, na kaya gusto natin
‘yung rason natin sa buhay dahil galing sa taong mahal natin…” Tiningnan niya si Chong. “…na kaya gusto nating ‘yung love
dahil galing sa taong mahal natin…”
Kumurap si Chong, ang mga mata niya ay tila ngumingiti rin. Nagbaba
siya ng tingin, saka siya ngumiti na hindi nakikita ang mga ngipin ngunit hindi
isang ngisi. Tila puno ng saya, ibababa niya ang kanyang tingin at muling iaangat
itong patagilid kay Fonse.
“May itinatago ka…” Parang detective na sabi ni Fonse.Hinarap
siya Chong na puno ng pagtatanong. “…diba sabi mo dati, kapag nakangiti kang
hindi nakikita ang mga ngipin, ibig sabihin may itinatago ka…”
Napangiti muli si Chong. “Oh, nasabi ko ba ‘yun dati?”
Tiningnan niya ang katabi. “Gusto mong malaman kung anong itinatago ko?”
Lalong sumingkit ang mga ni Fonse ng siya’y ngumiting puno ng
saya. “Oo…”
Unti-unting lumapit si Chong kay Fonse, unti-unti niyang
inilapit ang kanyang mukha sa mukha ng kaharap. At nang halos magdikit na ang
kanilang mga ilong, ibinaling niya ang kanyang mga labi sa tainga ni Alfonse…
Binabaan niya ang kanyang tinig na tila nang-aakit. “Alam mo,
ma…”
“…Ma?”
“…Ma…” Unti-unting gumapang ang palad ni Chong sa kamay ni
Fonse.
Nagulat siya sa ginagawa ng kaharap. Gayunpama’y napapangiti
ang binata.
“…Mahal mo na ako?”
“…Mahalay ka talaga…”
Nanlaki ang mga mata ni Fonse. “Ano?”
Bumalik sa normal ang boses ni Chong. “ ‘Yung zipper mo
bukas…”
Napabalikwas si Alfonse at tiningnan ang kanyang zipper.
Nakita niya itong bukas.
Tumayo si Chong na tila nang-iinis, saka niya ikrinus ang
kanyang mga braso at dahan-dahang naglakad. “…Haha…”
Nabakas sa mukha ni Fonse ang pagkapahiya. Tumayo siya’t
hinabol ang nakakalayo nang si Chong. “Adik ka! Bakit ngayon mo lang sinabi!
Ang dami nang nakakita!”
----------------------------------------------------------------------
Bumababa mula sa van sila Chong at Fonse. Alas-otso pa lamang
ng gabi ngunit wala ng tao sa kalsada.
“Ang laki pala ng bahay niyo, ba’t di mo sinabi…”
Palinga-linga si Fone sa paligid. May kalakihan ang bahay sa likod ng gate kung
saan nakatayo si Chong. Gawa ito sa semento, may ikalawang palapag, at may
terasa.
Naaligaga si Chong, tila ‘di mapakaling nag-isip. “Ah,
pinatira lang kami ng tita ko dito…”
“Owwww…” Inayos ni Fonse ang kanyang tayo. “Sa lunes na lang
ah. Sayang wala tayong pictures, alam ko namang ayaw mo. SIge, enjoy the
weekends…”
Napangiti si Chong sa narinig. Ngunit biglang naglaho iyon sa
kanyang mukha. “Fonse…”
Lumingon ang binata. “Oh?”
Bakas sa mukha ni Chong ang kalituhan. “Uhm, sorry ah. Nalate
ka na sa family gathering niyo. Sorry uli…” Yumukod siya ng kaunti.
“Ano ka ba? Wala ‘yun. Ginusto ko rin namang malate…” Muling
tumalikod si Fonse.
Sinundan siya ng tingin ni Chong. Unti-unti niyang kinuyom
ang kanyang palad. Kagat-kagat niya ang kanyang mga labi. Nakatanghod pa rin sa
langit ang mga bituin.
“Fonse…”
Lumingon siyang muli ng nakangiti. Nilapitan niya ang
binatang naka-classic suit. Hinawakan niya sa dalawang braso ang binata. “Ano
‘yun? May sasabihin ka eh…”
Unti-unting nag-angat ng tingin si Chong. Nagtama ang kanilang
mga tingin. Tila nakangiti ang mga singkit na mata ni Fonse, habang puno ng
pag-aalala ang sa kanya. “…Fonse…”
Ngumiti lamang ang kanyang kaharap.
“…Fonse… Maghiwalay na tayo…”
-------------------------------------------------------
Abangan ang
HULING SAMPUNG KABANATA ng…
Sa Monday na lang po ang kasunod na chapter. Panam-nam po muna at napakahaba nito...XD
Owwwww excited na ako sa next chapter! Grabe extraordinary tong Story nato malam Sci Fi.
ReplyDeleteFirst! Bakit, bakit chong?
ReplyDeleteHahaha. Ang galing tlaga. Speechless
Grabe hangsakit naman
ReplyDeleteDon't be sad. Kaya nakikipaghiwalay si Chong dahil may guto siyang iwasan, may gusto siyang ayaw mangyari. Hulaan mo na lang kung ano...XD
DeleteLipo bat monday pa? Hehehe
ReplyDeleteOMG,.,bakit???????? iba talga isip ni chong,. haha., hindi mo talaga mabasa,., haha
ReplyDelete