Followers

Monday, October 21, 2013

A Dilemma of Love: Chapter 23


Title: A Dilemma of Love
Author: Menalipo Ultramar
E-mail: menalipodeultramar@gmail.com




Rocco Nacino as CHONG
Yoon Shi Yoon as ALFONSE
Credits of the pictures used above goes to its owners.
You may contact me on the email address given above for any complaints or concerns.

------------------------------------------------------------------


Previous Chapter: Chapter 22
“Aregluhin niyo na lang, kaliit-liit na bagay…” Binalingan ng tingin ng may katabaang pulis si Christie.  Inirapan lamang siya nito at ikrinus ang kanyang mga braso…”Over my dead, oozing with sex appeal, body…” saka niya hinimas ang namumula niyang baba.
Nanatiling tahimik si Chong, datapwat hindi naitago sa kanyang mukha ang pigil na ngiti. Nakaupo siyang panatag at tuwid, halos magkadikit ang mga binti habang nakapatong dito ang pinagdikit niyang palad. Nasa tabi niya si Fonse na hanggang ngayon ay hindi pa rin mapakali.
“Magrereklamo ka talaga?”
Hinarap siyang muli ni Christie. “But of course. That’s my right as a citizen of this country!”
“Kahit na pwede ka rin niyang ireklamo?” Nanlaki ang mga mata ng kanyang kausap. “Ako na nga ‘tong sinuntok, ako pang maatraso, anong shit ‘yung manong?”
“Eh gumawa ka rin ng eskandalo kanina eh. Pasalamat nga kayo hindi na kayo inireklamo ng manager ng mall…”
Marahang pinisil ni Fonse ang balikat ni Chong at saka bumulong. “Chong, babayaran ko na lang… Tatawagin ko na lang si Ronnie sa labas. Inasikaso na rin niya ‘yung mga taong nagkumpulan at mga iilang kumuha ng video…”
Inilahad lamang paharap sa kanya ni Chong ang kanyang palad at saka humarap ang huli kay Christie ng nakangiti. Marahang inalis ni Fonse ang kanyang palad sa umupo ng tuwid. “Maari ba kitang kausapin?”
Tiningnan lamang siyang patagilid ni Christie, at saka ibinaling ang tingin sa pulis na parang natatakot. Nagpalipat-lipat naman sa kanilang dalawa ang sulyap ng pulis habang nag-aayos ng upo na parang naghahanda sa namumuong tensiyon.
Muling ngumiti si Chong. Inilabas niya sa kanyang bulsa ang cellphone nitong C1 ang model, a 50 peso bill, at ID nitong may lace mula sa isang call center company. Inilapag niya ang lahat ng iyon sa mesa.
Tiningnan lamang nila Christie, Fonse, at ng pulis ang lahat ng ginawa niya, tingin na may kasamang pagkunot ng noo.
Magiliw at nakangiting tiningnan ni Chong ang kaharap.
“Alam kong iniisip mong sasaktan kita uli. Pero I assure you na hindi ko na uli gagawin iyon. Kung papayag kang makipag-usap sa akin, tuluyan kong iiwan dito ang Company ID ko, cellphone ko, at pera ko. That was the only money I have, at wala pa akong ginawang maniobra sa phone ko. Wala pa ‘yang password at nandiyan pa rin ang SIM ko.”
Umayos ng upo si Christie habang inaalis ang pagkakakrus ng kanyang braso. Unti-unting nawala ang pandidilat ng kanyang mga mata.
“I want to apologize. Alam kong mali na sinuntok kita, in the first place, I should admit that I was the one who provoked you. Pero ginawa ko ‘yun HINDI dahil gusto kitang saktan, ginawa ko ‘yun para mapigilan ka. You might find it offending, pero alam kong hindi ka titigil kahit anong paki-usap ang gawin namin. Kung hindi ko ‘yun ginawa malamang nabugbog ka na ng kasama mo…”
Sa halip na mainsulto’y tila nabakas pa sa mukha ni Christie ang unawa. Nakakunot ang kilay niyang tiningnan si Chong hindi dahil sa siya’y naguguluhan, kundi dahil naiintindihan niya ang kaharap.
Lalong kumunot ang noo ng pulis habang si Fonse naman ay nagbaba ng tingin.
“…I just want you to hear my side of the story. We see every story in our own point of view, and we tend to tell it based on how we understand it. Gusto ko lang maintindihan mo kung bakit ko ginawa iyon.  Hindi ko inaasahan na pagkatapos mong marinig ang paliwanag ko ay iurong mo ang kung ano mang balak mong isampang kaso laban sa akin. Hindi ko ginagawa ang lahat ng ito para doon. Aminado akong nasaktan kita at para sa akin ay sapat na iyon para magsampa ka ng kaso laban sa akin.  Pero hinihiling ko sana bago mo ituloy ang lahat ay pakinggan mo muna ako. Pagkatapos nating mag-usap ay tatanggapin ko kung ano man ang magiging pasya mo, kahit na makulong ako…”
Biglang nagbaba ng tingin si Christie habang unti-unting kinakagat ang labi. “Okay lang ba kung dito na lang sa loob.” Saka niya itinuro ang makipot na hallway malapit sa banyo.
Nagmamadaling pumunta si Fonse papunta sa kanyang kotse. Gusto niyang siya ang magbukas ng pinto nito para kay Chong.
“No need to do that…” Natigilan si Fonse sa kanyang binabalak. Si Chong na ang pumihit ng pinto. Walang kahit ano mang mababanaag mula sa mukha ni Chong. Kung kanina’y napakaamo nitong hinarap si Christie, ngayon ay para itong mannequin.
Pagkatapos mag-usap ng dalawa ay bumalik si Christie na natatawa at may ngiti sa labi. Parang naging magkaibigan ang dalawa na parang hindi man lang siya sinuntok ni Chong. Hindi na rin niya itinuloy ang balak na magsampa ng kaso.
“Mga bakla nga naman…” nasabi na lamang ng pulis habang inaayos ang logbook at binubura ang ano mang detalye na dapat burahin matapos ‘bigyan’ nila Fonse.
Katulad ng pulis ay walang kaalam-alam si Fonse kung anong naging usapan ng dalawa at humantong sa ganoon ang lahat. Maski kahit anong pahaging mula kay Chong ay wala siyang nakuha, naging tahimik ito mula ng lumabas sa police station at duda rin siyang magsasabi ito ng kahit ano. Maski kay Christie ay wala rin siyang nakuha, pwera sa iilang salita na lalong nagpagulo sa isip niya.
“…Uy, ang swerte mo kay Chong…”
Tinangka niyang isukbit ang seatbelt ni Chong, ngunit naunahan siya nito. Sinulyapan niya ang mukha ng katabi. Walang siyang ibang napansin kundi ang mga malamlam at mapupungay niyang mata.
“I…have something…for you…” sabi niyang halatang bumubuwelo. Nanatiling nakatingin sa labas si Chong. Inilabas niya mula sa kanyang bulsa ang maliit na kahong nababalutan ng velvet na tela at binuksan.
Tumingin si Chong sa kahon. “…24 karat gold….” Kinilatis niya ito, maski ang pendant nitong initials ng pangalan nila, saka siya ngumiti.
Tila nabuhayan si Alfonse. “Tsaka binilhan din kita ng libro, andiyan ‘yung Para Kay B tsaka The Godfather. Sinamahan ko na rin ng ibang classics. Sigurado ako magugustuhan mo ‘yun…” Ininguso niya ang plastic sa tabi ng kanilang upuan.
Lalong nangiti si Chong. “Of course, hindi ko tatanggapin ‘tong mga ‘to…” Inilapag niya sa compartment sa harap ang maliit na kahon.
Sandaling natigilan si Fonse. Nakanganga niyang tinitigan ang kaharap na nananatiling panatag. “Can…can we talk?” Nag-aalangan niyang sinusian ang kanyang sasakayan. Umalingawngaw ang tunog ng makinang pumuno sa katahimikan sa loob ng sasakyan.
“Of course we would… That’s why I sat here. Otherwise, umupo sana ako sa likod.” Sandali niyang sinulyapan si Fonse. “…O di kaya hindi na ako sumakay dito…”
Walang ibang tunog na maririnig kundi ang langitgnit ng gulong at ng daan at ang marahang labas ng malamig na hangin mula sa air conditioner. Sa daan ay wala ng mga taong dumadaan. Maski ang mukha ni Chong na nakita ni Fonse sa repleksiyon ng salamin ay walang ni katiting na saya.
“Ihahatid na kita…”
Nanatiling nakasandal patigilid si Chong. “I advise na ‘wag na. Pagdududahan ka sa bahay niyo. Kawawa si Ronnie, siya lang ang sasalag sa lahat ng tanong…” Lumiit ang mga mata niya. “Mag-charge ka na…”
Tiningnan lamang niya si Fonse nang nagtataka.
“Sa tingin ko lowbat ka na. Your parents should be calling you by now…” Kinuha ni Fonse ang Iphone sa kanyang bulsa. Tinangka niya itong buksan, ngunit lumitaw ang paalalang kailangan na itong i-charge.
“…Eh bakit ka sumakay, kung hindi ka magpapahatid?”
Tiningnan siyang patagilid at pailalim ni Chong. “…Because we need to talk…”
Ikinambyo ni Fonse ang kanyang sasakyan sa tabi ng daan, malapit sa matataas na damo. Isinaksak niya sa outlet sa harapan ang kanyang cellphone. Halata ang pinong panginginig ng ilapag niya ito sa compartment.
“Let me explai…”
“Katulad ng sinabi ko kanina, I don’t need any explanation. In verbatim, I know EXACTLY what just happened there…”
Singkit man ang mga mata ni Fonse ay bakas pa rin dito ang lungkot, ang pagmamaka-awa. Wala siyang magawa kundi ituon ang mga matang iyon kay Chong.
“…Dahil sa hindi ako nagrereply sa mga text mo sa nagdaang isang buwan, tinotoo mo ‘yung panakot mong itetext mo si Christie at aayain mo siyang makipagdate sa’yo sa MOA. You didn’t even realize what you have done, but you send the text anyway. Then nagulat ka kasi nakita mo si Christie na pakendeng-kendeng at patumbling-tumbling papunta sa’yo sa loob ng mall. Saka mo naalalang nagtext ka pala sa kanya at naisip mong isang malaking kagaguhan ang ginawa mo. Tapos napasubo ka na. Kumain kayo sa isang Japanese resto, at duda akong nagkaron ng katahimikan ang ibang kumakain din noong oras na iyon. Pagkatapos niyong kumain, niyaya ka niyang magsine. At siyempre, dahil isa ka ring dakila pagdating sa ganyang larangan, alam mo na kung anong mangyayari sa loob ng sinehan. Hindi ko lang alam kung sabrohan ka ng buhay na octopus, o kung ano, pero umayaw ka. Kung hindi pa ako umawat, malamang nakaratay na ngayon sa ospital si Christie at comatose, o nakasuhan na kayo ng extortion at nasa diyaryo na ang mga pangalan niyo…” sarkastiko niyang sagot. Umirap siya, “…magdadagdag ka pa ng detalye?”
Bumuntung-hininga si Fonse. “Chong, hindi date ‘yun. Simula pa lang ng magkita kami, alam na niya iyon. Muntik ko na siyang masuntok dahil grabe siyang makapulupot sa akin. Sumama lang ako sa kanyang kumain dahil mukhang kailangan ko daw ng kausap…”
“Probably, nakita ko lang naman kasi kayo ng papalabas na kayo ng restaurant…” Nandidilat ang mga mata ni Chong, gayon pa ma’y hindi galit ang mababakas dito kundi sarkasmo. “At kung gayon nga, malamang hindi naging malinaw ‘yung mga bagay na nilinaw mo sa kanya…”
“Chong…I…I’m…” Lumuwag ang pagkakahawak ni Fonse sa manibela. Unti-unting niyang kinuyom ang kanyang palad.
“Of course, you should be…” Nakita niyang tumingin sa labas si Fonse at pinalo ng marahan ang manibela. “Pero kahit na hindi mo masabi, kahit na noo’y madali mong nasasabi ‘yang mga salitang iyan, okay lang sa akin. In the first place, kay Christie mo dapat sinasabi ‘yan. Hindi ko kailangan ng sorry dahil hindi ko kailangan ipamukha sa’yo na mali ka, dahil kahit na ipamukha ko sa’yong mali ka, nasa sa iyo pa rin titingnan mong mali ka at kung itatama mo ‘yung mali mo…”
“Bakit hindi mo ako diretsahin, galit ka ba?”
Biglang napangisi si Chong. “Anong klaseng tanong iyan?”
Ibinaling niyang muli ang mukha niyang bakas na ang pagka-irita. “Hindi ko kasi alam kung anong nararamdaman mo, kung anong iniisip mo eh. Hindi ko alam kung natutuwa ka, naiinis ka, nagagalit ka, nalulungkot ka, o kung meron ka nga ba talagang nararamdaman. Kanina, ang amo-amo mong kinakausap si Christie, tapos bigla wala kang imik. Tapos ngayon kinakausap mo akong parang alam mo lahat ng nangyari. You’re so sarcastic, alam mo ba iyon…” Tumataas ang boses ni Fonse, ngunit halata pa rin ang pagpipigil.
Ngumiti si Chong, ngumiti ng pilit. Ang kanina’y malamlam niyang mga mata’y marahan niyang ipinikit at saka siya huminga. “Kinausap ko ng maamo si Christie dahil kailangan ko siyang kausapin ng maamo. Dapat ko ba siyang kausapin ng galit kung nakiki-usap na ako sa tao. Hindi mo ba naisip ‘yun?”
Unti-unting nawala ang kanina’t lungkot sa mukha ni Fonse. “Wow, sorry naman po. Hindi naman po kasi ako singtalino niyo eh. Sorry naman po at mababa lang ang comprehension ko…” Ang sabi niya sa malambing na tono ngunit nandidilat na mga mata.
“Look who’s being sarcastic now.” Unti-unting ikrinus ni Chong ang kanyang mga braso. “Hindi mo kailangan ng 500 plus points ng IQ para maintindihan ‘yun. Pang-unawa lang ang kailangan para malaman mo ‘yun. At kahit sinong taong may lamang karne ang loob ng bungo nila, kayang umunawa, “ sabi niya sa kalmanteng boses.
“Can you please just cut your sarcasm. Just get straight to the point!” Halos pasigaw na sabi ni Fonse, kasabay nun pabalagbag na pagmuwestra ng kanyang kamay.
Natigilan si Chong, lalong humigpit ang pagkakayakap ng kanyang mga braso sa kanya. Saka niya inayos ang kanyang pagkaka-upo at humarap sa katabi. “Gusto mo talagang malaman kung anong nararamdaman ko?”
Tiningnan lamang siya ni Fonse. Lalong naningkit ang mga mata niyang karaniwang salamin ng saya.
“Katulad mo may nararamdaman din ako. At hindi ako natutuwa, hindi ako nalulungkot, at hindi rin ako naiinis. Nagmumukha lang na ganon dahil pinipigilan ko kung ano mang nararamdaman ko. At alam mo kung anong nararamdaman ko, nagagalit ako. Nagagalit ako hindi dahil nangaliwa ka, hindi dahil nakipagdate ka sa ibang tao, lalo na sa katulad pa niya. Hindi ako nagagalit dahil sa iniisip mo. Alam mo kung bakit ako nagagalit, nagagalit ako dahil napakababaw mo. Nagagalit ako dahil napakababaw ng tingin mo sa akin. Nagagalit ako dahil iniisip mong madadaan mo ako sa plano mong pagselosin ako. At nagagalit ako dahil napakababaw mo para GUMAMIT  pa ng ibang tao…” Saka siya umiling, at humingang malalim. Tila naubos ng pasigaw niyang boses ang kanyang hininga. “…Nagagalit ako dahil hanggang ngayon hindi mo pa rin ako kilala…”
“Shit naman…” Hinarap niya si Chong. Parehong bakas ang galit sa kanilang mga mukha. “…Hindi kita kilala? Paano kita makikilala? Paano kita makikilala kung lahat ng text ko, lahat ng messages ko, hindi mo sinasagot. Lahat ng aya ko ng date, inaayawan ko. At ginagawa mo lahat ng iyan sa loob ng isang buwan. Pakiramdam ko wala naman talagang namamagitan sa atin eh. Eh parang wala rin akong shota eh. Shit, Chong! Shit!”
Inilihis ni Chong ang kanyang tingin at saka huminga. “Alfonse nagtatrabaho ako. Nagtatrabaho ako kasi hindi ako mayamang katulad mo. Hindi ako nagtatrabaho para magkaroon ng pangload at makipagtext sa’yo, hindi rin para makapag-internet araw-araw at sagutin ang messages mo. OO, wala kaming internet connection. At mas lalong hindi ako nagtatrabaho para gumimik nang kasama ka! ‘Yung araw-araw kong ipangloload para sagutin ang mga walang kwenta mong panlalandi, mas gugustuhin ko pang itabi na lang sa ipon ko…” Humihigpit ang yapos ng kanyang mga palad sa kanyang hita. “…At alam mo, mukhang hindi naman karelasyon ang kailangan mo eh. Alam mo kung anong kailangan mo? Alila, alila  na mag-aalaga sa iyo, alilang magbababy sa’yo, na manlalambing sa’yo, na susubuan ka ng pagkain, na isesentro niya ‘yung buhay niya sa’yo. Eh kung ganon naman pala dapat naghanap ka na lang ng tao, binili mo siya at ginawa mo siyang alipin. Hindi lang nakasentro ang buhay mo sa akin, at ang buhay ko hindi lang umiikot sa buhay mo. May kanya-kanya rin tayong buhay na labas sa mga kalandian mo…”
Pinalo ng nakakuyom na palad ni Fonse ang manibela. “Tangina! Hindi ko naman hinihinging palagi mo akong samahan eh. Hindi ko naman gustong magdate tayo palagi eh. Minsan lang, kahit isang beses lang. Bakit kahit isang beses lang hindi mo maibigay?”
“My God! I was working at a call canter. Graveyard shift ako at day-off ko na lang ang pahinga ko. Isang araw lang ‘yun at ngayon ‘yun. Tapos gusto mong magdate tayo? Bangag ka ba?”
“Paano ko nga malalaman ‘yan eh hindi ka man nga nagrereply sa akin. Sana kahit pasabi lang na nagwowork ka sa call center diba. Eh meron ba, WALA DIBA?” Nakalahad sa kanyang kaharap ang dalawa niyang palad.
“Pero sana diba naisip mo man lang na wala akong load, na wala akong pera, na wala akong oras. Kahit hindi naman sa call center ang trabaho ko, kailangan ko pa rin ng pansariling oras. Gusto mo bang mangutang ako para lang makipagkita sa’yo? Gusto mo bang gamitin ko ‘yung cellphone ng nanay ko para makipaglandian sa’yo? Siguro ikaw nagagawa mo ‘yun, pero ako hindi…”
“Wow, dapat kasi binigyan mo man lang ako ng kakaunting IQ para naisip ko sana ‘yang mga iyan. At pasensiya ka na rin ah, kase napaka-imoral kong tao!” Napa-iling si Alfonse. “Siguro nga tama si Christie, tama siya na pinaglalaruan mo lang ako, na GINAGAGO mo lang ako!”
Tumaas ang kilay ni Chong. Tiningnan niyang patagilid ang kanyang katabi, at saka dahan-dahan at buong pag-iingat niyang isinunod ang kanyang ulo. Ibinuka niya ng dahan-dahan ang kanyang mga nakatikom na labi.  “Alam mo, tama talaga siya. Tama talaga si Christie na it takes one to know TWO, kahit na one talaga ‘yan. Kasi, alam mo, sa ating dalawa, ikaw ang mas eksperto sa panggagago. At hindi mo masasabing pangagagago lahat ng ginagawa ko, kung hindi mo alam ang lahat ng ginagawa ng mga nanggagago, na siyang gawain mo…” ngumiti siyang mistulang inaangilan si Fonse. “…Mas matatanggap ko pang sabihan mo akong NANGGAGAGO kung nagpapabili ako sa’yo ng mga mamahaling gamit, ng house and lot, at ng kung ano-anong pangmayamang SHIT! Tutal naman eh GINAGAGO kita sa tingin mo, edi ituloy-tuloy ko na...” Saka niya pinihit at binuksan ang pinto sa gilid niya.
Napalingon si Fonse. Naalis ang pagkakapatong ng kanyang ulo sa kanyang kamao.
Hinablot ni Chong ang plastic na gitna ng upuan at buong lakas niya itong itinapon sa damuhan.
Tinangkang pigilan ni Fonse ang kanyang mga braso ngunit siya’y nahuli. “ANONG GINAGAWA MO?” buong lakas niyang sigaw.
“GINAGAGO kita. Hindi ba’t GINAGAGO kita?” Nakangiting sagot ni Chong. Saka niya iniabot ang kanyang kamay sa compartment at inihagis ang kanyang bagay na naabot.
Lumulutang sa hangin ang hindi kaliitang kahon na nababalot ng velvet na tela. Dahil sa hindi kabigatan, lumapag ito ng malayo mula kila Chong.
“SHIT KA!!! Wala sa huwisyong iniumang ni Fonse ang kanyang nakakuyom na kamao kay Chong.
Hindi katulad ni Christie ay nanatili lamang si Chong. Nakatingin itong tuwid sa mga mata ni Fonse na humihingal habang nakapukol sa mukha niya ang kamao ng kaharap. “Hindi mo ituloy…” sabi niyang panatag habang kumukurap ng buong ingat.
Saka kumurap si Fonse. Paunti-unti hanggang sa bumilis, tila naguguluhan sa pangyayari. Kasabay nito ang pagbaba na kanyang kamao na unti-unting lumuluwag ang pagkakuyom. “I’m….I’m sorry…” ang sabi niyang nakayuko.
Napangisi si Chong. “Nasabi mo lang ‘yan dahil wala ka sa sarili mo…” Lumabas siya mula sa sasakyan at dahan-dahang isinara ang pinto ng sasakyan. Mula sa bintana’y nakita niya si Alfonse na nakayuko sa manibela at tila umiiyak. Bigla siyang yumuko at mabilis na naglakad.
Pilitin mang huwag umiyak ni Fonse ay hindi niya magawa. Namayani sa loob ng sasakyan ang pagsinghot at pagpunas niya ng uhog. Mahigpit niyang hawak ang manibela sa kanyang harap. Mula sa ilalim nito’y banaag ang iilang luhang tumulo mula sa kanyang mata.
“Ang lungkot mo…” Tumabi sa kanya ang may kaliitang lalaki, nakacheckered na polo, at may boses na halatang kinulang sa testosterone.
Nahimasmasan si Fonse. “Ha?” Bigla siyang napamasid sa paligid. Maingay. Maraming tao. Masaya. Nasa canteen siya, may pagkain sa harap niya, at kaharap niyang upuan lamang ang bakante.
“…Sabi ko ang lungkot mo?” Sabi ni Sir Villacruel bago sumubo
Napangisi siya. “Halata po ba masyado?”
Inirapan siya ng kausap. “Nakatulala ka kaya, tapos nakanganga…” Sandali siyang tumigil para lumunok. “…Nag-away kayo?”
Sinulyapan ni Fonse si Sir Villacruel, ngunit bigla rin niya itong iniiwas ng pababa.
“Anong nangyari?”
Tumingin siyang pailalim, parang batang nagmamaka-awa.
“Ah hindi pala, sino na lang ang may kasalanan?”
Tinuwid ni Fonse ang kanyang pagkaka-upo at aligagang sumagot. “…Siya…”
“Naku, I’m over that…” sumubo muli ng pagkain si Sir Villacruel habang umiirap.
Muling bumagsak ang mga balikat ni Fonse.
Napangisi ang kanyang kaharap.” Oh, bakit hindi ka mag-sorry…”
“Hindi daw niya kailangan ng sorry ko. Kahit daw sabihin kong sorry, sa akin pa rin daw magmumula ang realization na mali ako, at kung itatama ko ‘yung mali ko…”
“Alam mo hindi ko alam kung sasabihin kung swerte ka, o malas ka kay Chong…” Biglang nag-angat ng tingin si Fonse. “…Pero ang masasabi ko lang, may tama siya…”
“Eh anong gagawin ko…”
“Edi ipakita mo sa kanyang you’re sorry. Parang ‘I Love ‘You’ lang ‘yan, hindi lang sinasabi, ginagawa rin…”
Nakakunot ang mukha ni Fonse na tila nagtatanong.
“Ipakita mo sa kanyang narealize mo ‘yung mali mo, at gagawa ka ng hakbang para baguhin ‘yun. Pero first kailangan niyo munang mag-usap…”
Biglang siyang nagbaba ng tingin at inikot ang mga mata. “Eh, paano?”
Napabuntung hininga si Sir Villacruel. “Edi kausapin mo siya! Alfonse, maglunch ka muna, gutom lang iyan…”
Dali-daling umupo si Fonse sa kanyang upuan matapos gawin ang kanyang plano. Nag-ipit siya ng kulay pulang papel sa bag ni Chong na makikita niya sakaling kumuha siya ng gamit.
Chong,
Hindi ko alam kung bakit ko ‘to ginagawa. Kadalasan kasi ‘yung mga shota ko ang naghahabol sa akin. Hindi rin ako sanay na ginagawa ‘to, pero pakiramdam ko, kailangan at gusto ‘tong gawin.

Pwede bang mag-usap tayo sa likod ng Eng. Building? Doon sa may mga green na upuan, doon sa lugar kung saan mo ako sinigawan. Please, sige na…

I’m sorry…
 Alfonse

Pagkabasa nito’y tumayo si Chong at lumabas. Sinubukang aninagin ni Fonse ang gagawin niya habang nasa upuan upang hindi mahalata. Nakita niya itong nilamukos ang papel at itinapon ito sa basurahan.

Napa-upo na lamang siyang tila napakabigat ng katawan. Sinubukan niyang tingnan si Chong pagpakapasok, ngunit kahit isang sulyap ay hindi siya pinukulan. Naupo itong panatag, dahan-dahan, at buong pag-iingat. Pagkalingon niya sa kaliwa’y nakita niyang nakatingin sa kanya si Alfred habang nakasalumbaba. Nag-iwas ito ng tingin, na kanya namang ipinukol kay Chong, at saka nagbaba ng tingin at pabalagbag na naglipat ng pahina sa kanyang notebook.
Wala siyang aasahan. Kilala niya si Chong, o kilala niya ang bahagi ng pagkatao niya. Sa hindi malamang dahilan, alam niyang sa muli, sa malayuan na lamang niya uli masisilayan si Chong. Sa malayuan na lamang niya makikita ang mukha niya, habang sinusuklian ng ngiti ang pagbati ng nakararami, habang unti-unting nawawala ang ngiting iyon kung magtatagpo sila. Sa malayuan na lamang niya masasambit ang gusto niyang sabihin.
“Bakit mo ako gusto?” Naalala niya ang tanong ni Chong noong una siyang dinala nito sa mga sementong upuan na kulay luntian. Ipinadaan niya rito ang mga palad niyang naalala niyang nanginginig habang matamang tinitingnan ni Chong.
“Bakit mo ako gusto?”
“Bakit nga ba kita gusto?” saka siya napangisi. “Ma-pride ka, sobrang talino mo, halos malaman mo kung anong iniisip ko, nakapa-ilag mong tao, hindi ka naman kagwapuhang katulad ko, parang wala kang nararamdaman…” Biglang kumuyom ang mga palad niyang yinapayos ang sementong upuan. “…Parang wala kang puso…ang sama mo…”
“Pwede, walang mga dahilan na ‘Because  you made me smile everyday and you made me feel all the happiness in life there is,’ na ‘Because you showed me the real meaning of LOVE and you made me feel it,’ at lalo nang ‘Your presence in my life gave a new dimension to my existence.’ Ha, pwede?”
Napangiti siya. “Ano bang gusto mong dahilan? ‘You are my life,’ pwede na ba? Halos lahat ng babaeng niligawan ko, tinatanong ako ng ganyan. Kapag tinatanong nila ako, laging alam ko kung anong isasagot. Laging may handa akong panloko. Pero bakit sa’yo hindi ko alam ang isasagot. Hindi ba’t kapag binibigyan natin ng kahulugan ang isang bagay ay saka ito nawawalan ng kahulugan…”
Nag-aagaw na lila at ginto ang kulay ng langit. Dinadala ng malakas na ihip ng hangin ang ilang tuyong dahon at ang samyo ng nagdaang tag-init. Lumilitaw sa langit ang napakadaming bituin, datapwat hindi ganoon kaliwanag. Kung gaano kadami ang naglilitawang malamlam na bituin ay siya naming nadarama niyang kalungkutan.
Siya na lamang ang tanging naka-upo sa mga luntiang upuang iyon.
“…kunsabagay, iyon naman talaga ang gusto mo, ang mawalan lahat ng kahulugan…”
At ilang hakbang napaka-ingat ang bumasag sa katahimikan ng lugar na iyon. Nag-angat ng tingin si Fonse, at saka ngumiti ng mapait.
Tinitigan lamang siya ng lalaking nakatayo sa kanyang tabi. Saka ito kukurap ng dahan-dahan at napaka-ingat. Kahit anong ngiti’y walang mabakas sa kanyang mukha.
“Akala ko hindi ka na pupunta…”
Nanatailing nakatayo si Chong. “Hindi mo pa rin ako kilala…” At saka siya napangisi.
“Makikilala rin kita, kung papayagan mo lang ako…”
“…Kung gagawin iyon, hindi ko na mapipigilang mahulog sa’yo.”
“Sana mapatawad mo ako…I’m sorry…” Nagbaba siya ng tingin.
Ngumiti siyang pilit. “Hayaan mo na iyon. ‘Wag mo na lang uulitin sa iba…”
“Uulitin…sa iba…”  Bakas sa mukha ni Fonse ang pagtatanong.
Nagtama ang kanilang mga tingin. Ngumiti ng mapait si Chong.
Walang nagawa si Fonse kundi yumuko at pigilang tumulo ang kanyang mga luha.
Saka niya narinig ang langitngit ng mga yabag at mga tuyong dahon.
“…tapos na ang lahat…”
“Oh…” Nagitla si Fonse at nag-angat siya ng tingin. Nakatayo pa rin si Chong sa kanyang harap, tangan-tangan ang plastic ng mga librong itinapon niya mga isang buwan na ang nakalipas.
“Kunin mo na…” Ngumiti siya ng maaliwalas. Nanlalaki ang mga matang tiningnan lamang siya ni Fonse habang kinukuha ang mga plastic.
“Tsaka…” Binuksan niya ang kanyang gray na body bag at mula dito ay inilabas niya ang isang kahong nababalutan ng kulay pulang velvet. Binuksan niya ito. “..eto…”
Nasilaw si Fonse sa repleksiyon ng liwanag mula sa kwintas na iyon. Iyon ang kwintas na binili niya para kay Chong. Tiningnan niyang nagtataka si Chong, ngunit ningitian lamang siya nito.
Nagbaba ng tingin si Chong. “Hindi…Ginagawa ko ito hindi dahil gusto kong ipagpatuloy ang kung ano mang namamagitan sa atin. Ginagawa ko ito, kasi alam kong mali ako. Hindi ko dapat ginawa iyon. Siguro nga, kahit isang text, dapat nagreply ako sa iyo. Dapat hindi ako sumigaw, kahit ‘yun ang nararamdaman ko…” Natigilan siyang sandal. “Dapat hindi ko itinapon ang mga iyan… I’m sorry. I’m really sorry…”
Tiningnan lamang siya ni Fonse habang nagsasalita. Lumakas ang ihip ng hangin at unti-unting dumilim ang langit.
Inayos ni Chong ang kanyang bag at isinukbit itong mabuti. Tumalikod at sandaling tumigil. Pinipigilan niyang huwag bumuntung-hininga, ngunit hindi niya mapigilan.
Saka  niya nadama ang dantay ng isang kamay na yumayapos sa kanyang kanang kamay.
Nilingon niya ito. Una sa kanyang kamay, pangalawa sa humahawak sa kanyang nito.
Nakangiti ng maaliwalas si Fonse habang hawak niya ang kamay ni Chong. Ang mga mata niyang dati nang singkit ay lalong naingkit dahil sa tuwa. Sinuklian lamang niya ng pagtataka ang ngiti ni Fonse.
“Bakit? Six months na tayo diba? Pwede na tayong magholding hands…” Saka siya muling ngumiti ng buong saya.
Napangisi na lamang si Chong, marahang ngisi na galling sa puso. Tumabi siya kay Fonse, kinuha ang maliit na kahon at binuksan ito. “Alam mo palpak ‘yung pinagawa mo…”
Lalong nangiti si Fonse. “Bakit?”
Inangilan lamang siya ng katabi. “Hindi dapat ‘CF’…”
Kumunot ang noo ni Fonse. “Eh ano?”
“Dapat ‘FC’ – Feeling Close…” at saka siya humagikgik.
“Ah ganyan pala ang gusto mo ah…” Saka niya kiniliti si Chong.
“Edi gantihan…” Isunukbit naman niya kay Fonse ang kanyang braso at umaktong sasakalin siya.
Ang kanina’y tahimik na lugar ay napuno ng halaklak. Nakatunghay sa langit ang mga bituing kanina’y malamlam. Unti-unting kinakain ng dilim ang maliwanag na langit.
-----------------------------------------------------------------------
“Oh kamusta ang Chong ko…” saka inangkla ni Fonse ang kanyang braso sa leeg ng kausap.
Nanatiling nakayakap kay Chong ang kanyang mga braso. “Eto gustong manuntok…”
Dali-daling inalis ni Fonse ang kanyang braso mula sa leeg ng katabi.
Nilingon siyang nagtataka ni Chong at saka siya tiningnan ng patagilid. Nakita niya si Fonse na nanlalaki ang mga singkit na mata.  “Joke lang…” At unti-unti, sa mukha niya'y nabakas ang isang ngiti.
Napangiti si Fonse at nag-aalangan siyang lumapit muli kay Chong. Dahan-dahan niyang inilapit ang kanyang braso. Walang pag-angal na nagmula kay Chong. At tuluyan niya siyang inakbayan.

Nagpatuloy silang maglakad.

10 comments:

  1. wahahahahaha this story makes me crazy! hahaha

    ReplyDelete
  2. this story makes me crazy in love. hahaha update soon .pls

    ReplyDelete
  3. Gusto kong malaman ang point of view ni chong. Feeling ko mas kilig. Feeling ko malandi din tong c chong eh. Nagtatapang-tapangan lng sya.

    -hardname/

    ReplyDelete
  4. Sobrang galing. Kakaiba. Saludo ako sayo.


    -james :-)

    ReplyDelete
  5. cute cute cute tlaga nito I LOVE IT!!! SAN I POST ITO SA WATTPAD :))

    ReplyDelete
  6. Sana maraming magbasa nito para ganahan c author mag-update. :-(

    -james

    ReplyDelete
  7. Ang lalim ng love story na ito... Hahahaha. Pero napapaiyak parin ako...

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails