Followers

Monday, October 28, 2013

Kung Kaya Mo Akong Mahalin 12


Eto na yung Part 12 (PinakaLatest) yung Part 13 eh yung Author na mismo ang magpoPost dito sa MSOB. Nabasa kasi namin ang mga Comments nyo. Hintayin nyo na laang yung Author na iPost ang Part 13 (Meron na at IpoPost na laang pero I Decided na yung Author na si KarateKid will do the Honor).  Alam kong matagal nyo itong hinintay. Wala nang hihirit pa. 

Chapter 12

-Keith-

                Nagising si Yuri sa paghinto ng sasakyan sa bahay nina Luke.  Mag-aalas sais na ng gabi.  Nagdesisyon kasi si Luke na bumaba upang ipakilala si Diana ng personal sa pamilya nito.  Nagwika naman ang mga itong susunod na lamang sila tutal halos magkapitbahay na naman kami.  Ako na ang magdadrive ng sasakyan hanggang sa bahay namin.  Hindi ko na sana papalipatin si Yuri upang ituloy nito ang pagtulog pero sinabi naman nitong recharged na siya at hindi na rin siya makakabalik sa pagtulog kaya nagkusa na itong lumipat sa unahang bahagi ng sasakyan.
                Nang nasa unahan na siya, mukhang nakita nito ang sarili sa salamin dahil pinunasan nito ang medyo basa pa rin nitong mukha ng dahil sa luha.  Gustong gusto ko na siyang tanungin tungkol sa kanyang sitwasyon pero alam ko namang hindi ito magsasalita kaya sinarili ko na lang muna.  Ayaw ko ring lumungkot ito kapag napag-usapan ang tungkol sa kanyang ama.  Pero tingin ko, naalala rin niya ang kanyang panaginip dahil bumalik na naman ang walang ekspresyon nitong mukha. Ilang sandali pa, narating na rin namin ang aking bahay. 


                Ngayon pa lang ulit ako nakauwi simula ng magsimula ang first sem kaya medyo nanibago ako.  Madami rin akong ginawa noong sembreak kaya ni dumalaw ay hindi ko nagawa.  Mas lalo pang dumagdag dito ang mga dekorasyon at kung anu-anong karagdagan sa garden kung saan gaganapin ang aking party.  Mayroong mga bilog na lamesa para sa uupuan ng mga guest.    Mayroon ring dalawang long table kung saan nakalagay ang mga kakainin ng mga dadalo.  Buffet style kasi ang kainan.  Nagtayo rin ng mini bar sa isang sulok nito para na rin sa mga alcoholic drinks na iinumin ng mga guest. 
Wala pa namang mga taong dadalo kaya naman inaya ko muna si Yuri, dala ang bag nilang naglalaman ng kanilang gamit pamalit, sa loob ng bahay.  8pm pa naman kasi ang party.  Ipapakita ko sana ang guest room na tutuluyan niya hanggang maisip kong sa kuwarto ko na lamang siya pastayin.  Mayroon naman kaming limang guestroom sa bahay at ipapagamit ko sana ang dalawa para kay Yuri at Diana pero dahil gusto kong makasama siya ng matagal (matagal-tagal din kasing walang klase dahil bakasyon at walang dahilan para kami ay magkita) kaya naman nagdahilan na lang ako sa kanya na hindi handa ang ibang guestroom kaya doon siya matutulog sa aking kuwarto.  Si Diana na lamang ang pagagamitin ko ng guestroom dahil alam kong hindi papayag si Yuring maiwan siya doong mag-isa.  Hindi naman ito nagreklamo at umoo na lang.    
Hanggang ngayon, wala pa rin itong katagang sinasabi simula ng bumaba kami sa sasakyan.  Alam kong nahihiya ito dahil bago ang environment na kanyang pinuntahan.  Gusto ko siyang maging komportable sa bahay kaya naman kinakausap ko ito ng tungkol sa aking pamilya.  Habang naglalakad patungo sa aking kwarto, nakasalubong naman namin ang aking kuya.  Kalalabas lamang nito sa sariling kuwarto ng makita kami.    
“Happy birthday dear brother” wika nito.  “Ngayon ko lang ata nakita yang kasama mo, ah?  Hapon ba siya?” patungkol nito kay Yuri.
“Thanks kuya” ako muli.  “Ito nga pala si Yuri, kaibigan ko.  Siya ang dahilan kung bakit ang taas ng exam ko sa midterms.  Tinuruan niya kasi ako sa exam.  Taga-doon lang siya sa malapit sa campus namin kaya dito siya matutulog ngayong gabi.”
“Yuri, ito nga pala ang ubod ng yabang kong kuya na si Kurt” nagkamay naman ang dalawa bilang tanda ng pagkakakilala.  Binigyan naman ni Yuri si kuya ng tipid na ngiti.  “Graduate yan ng accounting at isa na yang CPA.  Pero tinetrain na yan nina Papa na magmanage ng aming mga kompanya.”
“Oh kuya, kelan ka pa dumating?  Sabi ni Mama, nasa Cebu ka raw?” tanong ko muli sa aking kapatid. 
“Kanina lang.  Dumaan lang ako sa condo then dumeretso na rin ako dito.  Hindi ko naman palalampasin ang birthday mo” pahayag nito sa akin.  Itinuon naman nito ang atensyon kay Yuri at muling nagwika, “Ang tahimik naman niyang kaibigan mo.  Parang hindi niya naiintindihan ang pinag-uusapan natin ah.  So, hapon nga siya?”
Tiningnan ko naman ang mukha ni Yuri upang malaman ang reaksyon nito sa sinabi ni kuya.  Pero suot nito ang blangkong ekspresyon na karaniwang nakikita ko sa campus.  Dahil dito mukha talagang hindi nito naiintindihan ang pinag-uusapan namin kahit binanggit siya ng aking kapatid.  Kahit kinausap ko na ito kanina ng tagalog, wala naman itong reaksyon kaya para talagang hindi niya ako naintindihan.
“Hindi at oo.  Hindi dahil naiintindihan niya loud and clear ang mga sinasabi mo.  At oo kasi hapon naman talaga yan.  Dito na sa Pilipinas lumaki kaya naman tagalog talaga ang salita niya” tugon ko.  “Nahihiya lamang ‘yan kaya ganyan.  Batiin mo siya kuya.  Birthday rin pala niya ngayon.”  Binati naman nito si Yuri na sinagot rin nito ng simpleng salamat.  Pagkatapos noon, namaalam na rin kami sa kanya upang tunguhin ang aking silid.
Katulad ng lagi kong nadadatnan kapag umuuwi, maayos naman ang aking silid.  Tinanong ko naman si Yuri kung nagugutom na siya.  Mamaya pa kasi ang kainan kaya baka nagugutom na ito. Maikling sagot na hindi lamang ang itinugon nito. 
Dahil may dalawang oras pa naman bago magsimula ang party, sinabi ko na lamang na mahiga muna para makaidlip.  Pero tumanggi na rin ito dahil ika nga niya, sapat na ang kanyang tulog sa sasakyan.  Tinanong ko pa siya kung gusto niyang maglaro sa computer, pero tumanggi rin ito.  Binuksan ko na lamang ang TV na nasa aking kuwarto para may mapaglibangan naman siya.  Ako kasi ay kailangan pang magwash-up dahil magpapalit pa ako ng damit para sa party.  Namaalam na ako sa kanya at tinungo ang CR na nasa aking silid.
Habang nasa CR, hindi pa rin mawaglit sa isip ko ang taong nasa labas lamang ng aking silid.  Kahit kasi ang lapit-lapit niya, napakatipid naman ng mga salita nito na parang may iniisip na malalim na bagay.  Ni hindi ko nakikita sa kanya ang mga ngiti nitong una na niyang naibigay sa akin.  Marahil dahil lamang ito sa kanyang panaginip habang kami ay nasa sasakyan kaya naman pinapalipas ko muna iyon upang hindi siya malungkot sa araw ng aming kaarawan.  Siya kasi ang taong hindi magsasabi ng problema kaya hindi ko kayang mag-open ng usapan ng tungkol doon. 
Hindi pa ako nakakakalahati sa paliligo ng biglang tinawag ni Yuri ang aking atensyon.  Nagwika ito na inaaya siya ni Kuya Kurt na gumala sa aming bahay upang ipakita ang mga bahagi nito.  Mukhang magandang ideya yun para kahit papaano mawala na rin ang kanyang iniisip.  Gusto ko sanang ako na ang gagawa noon, pero alam ko namang masayang kasama si kuya kaya naman pumayag na ako.  Kilala ko ang aking kapatid na nakakasundo ang kahit sinong tao kaya naman sa tingin ko kahit si Yuri ay makakasundo rin nito.  Sinagot ko na lang siya ng “Cge.  Mag-iingat ka diyan sa kapatid ko ha?  Nangangain yan ng tao!”  Alam ko naman kasing nakadungaw lang ito sa pinto ng aking silid.  Nakarinig naman ako ng tawanan mula sa silid, mga yabag at pagsara ng pintuan kaya alam kong nakalabas na siya. 
Ipinagpatuloy ko naman ang paliligo habang iniisip ko pa rin ang mga bagay tungkol kay Yuri.  Pumasok sa aking isipan, ang ina ni Yuri.  Hindi ko kasi akalaing magsasalita ito ng tagalog, kahit medyo bakwit, dahil na rin sa itsura nito.   Bumalik rin ang naging usapan namin nina Diana tungkol sa ama nito.  Kung sa akin siguro nangyari iyon, marahil nag-LOA na ako ngayong semester.  Naiisip ko rin ang mga mabubuting katangian ni Yuri hanggang sa matapos na akong mag-wash up.  Mag-iisang oras na pala akong nasa banyo habang naliligo! 
Sumilip naman ako sa loob ng silid pero walang Yuri akong nakita.  Marahil na libang na rin ito kasama ang aking kapatid.  Dali-dali naman akong nagbihis nang aking susuotin pagkalabas ng CR.  Pumili ako ng long sleeve at slacks para naman presentable ako sa mga guest sa aking party. 

Agad akong lumabas ng kuwarto at nilinga-linga ang paligid upang hanapin si Yuri. Halos malibot ko na ang buong second floor pero ni anino ng aking kapatid ay hindi ko makita.  Gusto ko sanang puntahan sa third floor pero tingin ko naman ay wala ang mga un doon kaya bumaba na ako.  Puro kuwarto lang naman kasi dun.  Hinanap ko rin sila sa buong first floor.  Sa living room, kitchen, library pati na rin sa mga CR pero hindi ko pa rin sila makita.  Nagdesisyon akong pumunta sa garden upang mag baka sakali. Hindi pa nagsisimula ang party pero tingin ko andun na sila.    
Paglabas ko sa garden, marami na pala akong nagdatingang guest.  May mga ilang kamag-anak at kaibigan na akong nakita, at sa tuwing makikita nila ako ay binabati naman ako ng mga ito.  Siyempre, wala akong choice kundi pasalamatan at makipagkumustahan sa kanila habang ako naman ay lilinga-linga sa paligid.  Nakita ko rin sina Karl, Andre, at si Luke kasama si Diana sa isang grupo. 
“Pare, happy birthday!” sabay-sabay bati ng apat.
“Pre’, medyo malalate daw si AN kaya sorry raw” si Andre.
“Mga pre’, nakita nyo ba si Yuri?” tanong ko sa kanila. Ni hindi pa ako nagpasalamat sa pagbati nila dahil hindi ako mapakali.
“Di ba kasama mo siyang pumunta dito?” nakakunot-noo namang balik-tanong ni Diana sa akin.
“Oo” tugon ko kay Diana.  “Kaso ng naliligo ako, itinour naman siya ni Kuya Kurt sa bahay.  Kanina ko pa nga sila hinahanap pero hindi ko pa nakikita.  Sige tingnan tingnan ko muna sa paligid.”  Hindi ko na sila inintay na sumagot at nilisan na rin ang kanilang grupo. 
Babalik na sana ako sa loob ng bahay upang ipagpatuloy ang paghahanap ng makita naman ako ng grupo nina Mama na nakaupo sa isang round table.  Kasama nito sina Papa, ilan kong tito at tita, pati na rin ang business partners ni Papa.  Sa katabing bahagi naman ng kanilang lamesa ay ang grupo naman ng aming magpipinsan kasama na ang kambal kong kapatid na sina Kian at Kianna na 3 years na mas bata sa akin.  Habang papunta sa lamesa ni Mama, hinahanap ko rin sa grupo nila si Kuya Kurt pero hindi ko pa rin ito makita.
“Son, happy birthday” sabay na bati ni Mama at Papa.  Bumati rin sa akin ang mga taong nakaupo sa lamesa pati na rin ang aking mga kapatid at pinsan sa kabilang lamesa. 
“Thank you” pasasalamat ko sa kanila.  Ayaw ko muna sanang makipag-usap sa kanila dahil gusto ko nang makita si Yuri.  Nilapitan naman ako ni Mama para personal na makausap.
“Are you looking for someone?” tanong ni Mama.  “Kanina pa kitang nakikitang palinga-linga diyan ah.”
“Have you seen kuya?” tanong ko na kay Mama.
“You must be looking for your friend and not your kuya” sagot nito.  “Kurt introduced your friend to us.  He looks very shy.  But I tell you Keith, I like him for teaching you stuffs that makes you top in the class.  I know you are intelligent as him.”  Wow mukhang pati un ay nakwento na rin ni Kuya sa kanila. 
“So kuya already introduced him to you.  Do you know where they go?” tanong kong muli.
“Kurt told us that he will bring Yuri to his favorite place” alam ko na kung saan iyon.  Doon yun sa rooftop ng aming bahay kung saan madalas magpahangin si Kuya.  Namaalam na rin ako sa kanilang lahat at tinungo ang parteng iyon ng bahay.

Pagdating doon, nakita ko ang dalawa na nakaupo sa isang bench doon.  Tahimik ang mga ito habang ang mga tingin ay nasa malayong lugar.  Si kuya sa langit, si Yuri naman ay sa over-looking na kabuuan ng buong subdivision.  Malamig na ang simoy ng hangin dahil na rin magpapasko kaya naman talaga namang masarap magrelax sa lugar na iyon.  Wala kasing hindi makakapagrelax sa lugar lalo na’t bukod sa tahimik, nagpalagay rin dito si mama ng garden!  Ang buong rooftop ay may manipis na lupa na natatakluban ng bermuda grass.  Marami ding potted na halaman dito katulad ng mga palms, iba’t ibang klase ng bulaklak at mga sarisaring herbs na ginagamit sa panluto.  Mayroon kaming gardener na nagmamaintain ng aming buong garden, kasama na ito, kaya naman napapanatili ang magandang ayos ng mga halaman.
Mukhang hindi nila ako napansing  dumating dahil hindi naman nila ako nilingon.  Tatawagin ko na sana sila pero nagdesisyon na lang akong lumapit para gulatin sila.  Gusto kong makita ang reaksyon ni Yuri kapag nagugulat.  Habang naglalakad ng tahimik mula sa kanilang tagiliran, hindi ko maiwasang humanga sa kanyang mukha.  Singkit na mga mata, perpektong hubog ng mukha, katamtamang ilong at kissable lips na talagang mapapahanga kahit sinong makakita.  Idagdag pa dito ang ayos nito na talaga namang nagpalabas sa kanyang kakisigan.  Pagdating sa kanilang likuran, pumuwesto ako sa likod ng bench at biglang sumigaw ng, “HOYYYYYYYYYYY.”
Nakita ko ang matinding pagkagulat ni Kuya.  Napaliyad kasi ito sa kanyang kinauupuan at napasigaw ng “WAAAAAAH”.  Tawa ako ng tawa dahil hanggang ngayon pala ay masyado pa rin itong magugulatin.  Kahit napakalaking tao nito, matangkad pa siguro siya sa akin ng mga 3 inches, ay obvious naman ang reaksiyon nito tuwing nagugulat.  Para tuloy itong bakla kung makasigaw kaya naman alaga namin itong magkakapatid na gulatin. 
Sa kabilang dako naman, kahit tawa ako ng tawa sa reaksiyon ng aking kapatid, hindi naman matanggal ang tingin ko kay Yuri.  Kung si kuya ay sobrang gulat, si Yuri na parang bata sa tabi ni kuya, ay wala man lamang reaksyon sa aking ginawa!  Humarap lamang ito sa akin pagkatapos ko silang gulatin. 
“Hanggang ngayon talaga ang sarap mo pa ring gulatin” wika ko sa aking kuya habang tumatawa.    
“Gago ka talagang bata ka!  Hindi kita bibigyan ng regalo” tila napahiya naman ito dahil sa reaksyon lalo’t andito rin si Yuri sa kanyang tabi.  Nakangiti rin ito dahil sa nakitang reaksiyon ng aking kapatid.  “Mukhang hindi ka nagulat ah!” wika naman nito kay Yuri.
“Oo.  Napansin ko na siya pagdating pa lang niya.  May iniisip lang ako kaya hindi ko na tiningnan” kamot-ulong sagot nito sa aking kapatid.  Wow, ang lakas naman ng pakiramdam nito.  Habang palapit ako sa kanila, sa kanya lang nakapako ang aking tingin kaya talagang ipinagtataka ko kung kailan niya ako napansin.  Hindi naman kasi nagbabago ang ekspresyon ng kanyang mukha habang sa malayo nakatingin. 
“Isa ka pa rin naman” tila nagtatampo nitong wika kay Yuri.  “Alam mo na palang andiyan, sinabi mo sana para naman hindi na ako nagulat.   Hindi rin kita bibigyan ng regalo.”  Nakasimangot pa ito habang nagsasalita.  Pagkatapos niyang magsalita, tumawa na rin ito.  Tumawa na rin ng tuluyan si Yuri at sabaysabay kaming nagtawanan.  Inaya ko na sila sa baba para makapagsimula na ang party. 

Naghiwalay-hiwalay kaming tatlo sa baba.  Si kuya pumunta sa grupo ng aming magpipinsan, si Yuri sa grupo nina Diana at ako naman ay sa grupo nina Mama para maabisuhan na itong magsimula na ang party.  Wala namang program kaya pumunta na ako sa may mini-stage para pasalamatan ang lahat ng dumalo sa aking kaarawan.  Ipinakilala ko na rin ang bandang magpeperform para pasayahin ang lahat ng dumalo habang kumakain.  Nagbigay na rin ako ng senyales na pwede ng simulan ang kainan.
Pagkagaling sa stage, nakita ko na rin ang aking kasintahang si Tania.  Inaya ko siya kina mama para ipakilala.  Doon na rin nila ako pinakain sa kanilang lamesa kasama ni Tania at hindi na ako makatanggi kahit ang gusto ko talaga ay sa grupo nina Yuri makisama.  Tinitingnan tingnan ko na lang siya mula sa aking upuan habang kumakain.  Mukhang masaya naman ito dahil ilang beses ko na rin itong nakitang nakangiti. 
Sa gitna ng kainan, dumating naman si AN kasama ang ubod ng ganda at seksi nitong kasintahan na si Katrina.  Pinuntahan nila ang aking kinalalagyan at binati.  Pagkatapos ng kumustahan, inalok ko na itong kumain na pinaunlakan rin naman nila.  Pagkakuha ng pagkain, pumunta na rin ang dalawa sa grupo nina Yuri. 
Pagkatapos kong kumain, nilisan ko naman ang aking upuan para kumustahin ang mga guest. Si Tania ay naiwan sa lamesa habang kausap ni mama.  Dahil may kinuhang photographer si Mama, kasabay ng pagkumusta ko sa bawat lamesa ay kasabay na rin ang pagtatake ng pictures.  Dumaan rin ako sa lamesa nina Yuri upang kumustahin sila, pero dahil busy ako sa pag-eentertain ng mga guest, nagpapicture lang din ako at umalis na rin. 
Pagsapit ng mga alas-nuwebe ay nadaanan ko na ang lahat ng lamesa at tinungo ang table nina Yuri.  Inaya ko na rin dito si Tania upang pormal na ipakilala sa grupo.  Nakipagkamay naman ang aking mga kaibigan kasama na rin sina Yuri at Diana at tinanguan lamang siya ni Katrina.  Bigla namang pumasok sa aking isipan na si Tania nga pala ang babaeng minsan nitong inaway (na hindi alam ni AN) kaya marahil cold ang pakikitungo ng dalawa sa isa’t isa. 

Matagal-tagal naman kaming nag-uusap hanggang maisipan ng grupo ang usual naming ginagawa kapag may mga ganitong pagtitipon, ang TRUTH OR DRINK.  May papaikuting bote kung saan ang matatapatan ng bibig ng bote ay tatanungin ng natapat sa puwitan ng bote.  Katulad lang naman ito ng normal na truth or consequence na ang kaibahan lamang ay ang consequence.  Iinom lang naman ang pipili ng DRINK ng isang shot ng pinakamatapang na inumin na available sa okasyon.  Itinanong naman namin sa bartender kung ano ang available at sumagot naman ito ng Long Island Iced Tea raw.  Isang klase ng mixed drink na kahit ako, na bihasa na sa inuman, ay hindi makakatatlong shot.   
Wala na namang nagpeperform sa stage at marami-rami na rin naman ang nakauwi kaya naman naisipan na namin na imbitahin ang lahat ng natitira sa party.  Sumali ang aking kuya (gusto sana ni Kian pero pinigilan siya ni Mama dahil underage pa raw ito), ang karamihan ng aking mga orgmates, ang aking malalapit na kaibigan, ang aming mga girlfriends at si Yuri (nakita ko ang nakakunot nitong mukha habang kausap ni Diana).  Hindi na sumali ang matatanda dahil mayroon naman silang sariling grupo kung saan kanina pang nagsimula ang inuman.
Bumilog na kami at nagkanya-kanyang puwesto.  Medyo marami rin kami kaya naman sa lawn na kaming nagsiupo lahat.  Magpapadala na lang kami ng drinks sa mga waiter kapag may pumili ng DRINK.  Sina Karl, Andre at Luke ay pumuwesto naman sa halos katapatan namin.  Katabi ni Luke si Diana, na katabi naman ni Yuri, na tinabihan na rin ng aking kuya.  Ewan ko ba, pero parang nakakaramdam naman ako ng selos habang nakikita ko ang paglalapit ng aking kapatid at ni Yuri.  Higit pa ito sa aking nararamdaman sa tuwing nakikita kong magkasama sila ni Diana. Wala naman akong magawa kaya naman sinarili ko na lang muna.  Katabi ko naman sa aking kaliwa si Tania, sa aking kanan si AN na katabi rin si Katrina.  Medyo nag-alala rin ako kay Yuri dahil hindi naman ito sanay sa inuman na tulad na lang nang sinasabi nito.  Siguro kapag naman natikman nito ang inumin, marahil mag-truth na rin siya para naman hindi siya masyadong malasing.
Nagsimula ang laro namin.  Noong una, karamihan ng pinipili ng mga naglalaro ay DRINK.  Halos lahat naman ay natatapatan ng bibig ng bote kaya naman halos lahat ay natikman ang sobrang hard naming inumin.  Matapos makadalawang shot ang karamihan, nagsimula na ring piliin ang truth na mga natatapat sa bibig ng bote.  Samu’t saring mga katanungan naman ang lumalabas sa truth.  Kalimitan lang naman ay tungkol sa crush o love pero paminsan minsan ay  may kabastusan na rin.  Okay lang naman iyon dahil mature na naman kaming mag-isip kahit papaano.
Habang nagpapatuloy ang laro, mariin ko namang inoobserbahan si Yuri.  Mali ang una kong akalang mag-tutruth na lang ito kapag natikman ang inumin.  Sa halip, lumipas ang apat na beses na natatapat ang bibig ng bote sa kanyang panay DRINK lang ang pinipili nito.  Kaya naman natapos ang ikaapat nitong pag-inom na pulang pula ang mukha nito.  Nakayuko na lamang siya habang nakaupo at halatang nakapikit na rin.  Makailang beses namang hinihimas ni Diana at ng aking kapatid ang likod nito at kinakausap.  Kahit hindi ko marinig ang kanilang usapan, (dahil sa ingay ng aming laro) alam ko namang tinatanong lang nila ito ng kung okay lang ba ito.  Nakikita ko namang tumatango tango lang ito na marahil nagsasabing okay lang siya.
Ipinaikot na nang huling nagtanong ang bote at natapat na naman ang bibig nito kay Yuri na ang puwetan ay sa akin.  Ibig sabihin, kailangan ko siyang tanungin.  Kinalabit naman siya ng aking kapatid upang ipaalam na siya ang tatanungin.  Hiniling ko talagang huwag na siyang mag-DRINK dahil alam kong sobra na siyang lasing.  Tatanungin ko lang siya ng simpleng tanong at patutulugin na rin dahil alam ko namang maaga itong matulog sa kanilang bahay.  Past 10pm na rin kaya marahil inaantok na ito hindi lang dahil sa alak kundi dahil malalim na ang gabi para sa kanya. 
“TRUTH or DRINK” ang aking tanong.  Mariin namang nakatingin ang lahat ng naglalaro, pati na rin ang waiter at bartender sa kanya dahil siya lamang naman ang naka-apat na shot ng inuming iyon. 
“DRINK” mabilis pero nakayuko pa rin nitong sagot.  Nagulat ang lahat sa kanyang sagot.  Kahit kasi halata na ang kanyang pagkalasing dahil sa ininom, nakuha pa rin nitong mag-DRINK.  Pinilit naman ito ni Diana na magtruth na lang pero hindi talaga ito papatalo.  Kaya naman hinatiran na lang ito ng waiter ng inumin na mabilis rin nitong ininom. 
Bumalik ito sa kanyang puwesto pagka-inom habang ang lahat ng mata ay nasa kanya.  Hinahagod naman ni kuya ang likod nito.  Hindi ko kayang magselos sa pagkakataong iyon dahil alam kong higit na kailangan ni Yuri ang kasama.  Sinabihan ko na si Yuri na ihahatid ko na siya sa kuwarto upang makatulog na.  Pinigilan naman ako ng aking mga orgmates pati na rin ng kasintahan ni AN na hayaan na lang daw ito.  Tutal, mukhang nag-eenjoy naman si Yuri.  Si kuya naman ay waring tinanong na rin si Yuri pero mukhang sinagot lang din nito si kuya ng okay lang siya.  Kaya naman nagpatuloy ang laro.
Pinaikot ko na rin ang bote hanggang tumigil na muli ito.  Laking gulat ng lahat dahil kay Yuri na naman tumapat ang bibig nito.  Muling naibalik ang lahat ng mata sa kanya.  May mga nagkomentong ang malas naman niya.  Mayroong tila naexcite rin sa kanyang isasagot. Meron din namang nag-aalala ang itsura para sa kanya.
“TRUTH or DRINK” malakas at agaw atensyon boses ng nagtanong.  Wala kasing nakapansin na ang natapatan pala ng puwit ng bote ay si Katrina!  Medyo natakot ako noong una dahil alam kong galit ito kay Yuri.  Pero naalala ko rin naman ang sinabi ni Yuri at AN na nagkaayos na ang dalawa sa klase kaya naman panandalian ring nawala ang aking takot.  Tinapik naman uli si Yuri ni kuya.  Si Diana naman ay kinakausap ito ng kung ano. 
“TRUTH or DRINK” iritadong balik tanong ni Katrina.  “Hello, we don’t have all night here.” 
Matapos makausap ni Diana, ilang sandali pa ay sumagot na itong muli.  “TRUTTHHHHHH…..” sigaw nito sa lasing na lasing nitong tono.
Lahat ng mata ay nakatingin kay Yuri ng oras na ‘yun.  Halatang iniiwasan kasi nito ang truth kaya naman gustong malaman ng lahat kung anong isasagot nito sa magiging tanong ni Katrina, kahit ano pa yun.  Panandalian ko namang nabigyan ng pansin si Katrina at hindi ko nagustuhan ang aking nakita.  Nakangisi kasi ito na parang isang demonyo sa itsura.  Pero dahil wala namang nakatingin sa kanya, ako lang ata ang nakapansin noon.  Kahit kasi si AN na kasintahan nito ay kay Yuri rin nakatingin.
“I didn’t expect you that answer” wika nito.  Huminto ito saglit na tila nag-isip ng sasabihin bago muling nagsalita.  “Tell us a secret.”
“Pa-english-english ka pa diyan, eh nasa Pilipinas naman tayo” wika ng lasing na si Yuri.  Nagtawanan naman ang lahat sa kanyang tinuran.  Bumalik naman ang tingin ko kay Katrina at nakita ko ang galit sa mukha nito.  Marahil dahil sa pagkapahiya.  “Ulitin mo nga.  Hindi ko naintindihan.”   Nagsasalita siyang nakayuko pa rin habang hinihimas pa rin ni kuya ang kanyang likod. 
Si Diana naman ay napatingin kay Katrina pagkatapos nitong magtanong at bumaling na muli kay Yuri pagkatapos nitong magsalita.  “Yuri, matulog ka na.  Keith, saan ba ang gagamitin naming kuwarto?  Ihahatid ko na kasi siya doon para makatulog na” nag-aalalang wika nito.  Parang ayaw niyang sagutin ni Yuri ang tanong ni Katrina dahil sa pagmamadali nito.
“NO” sigaw  ni Katrina.  “Dapat sagutin niya muna ang tanong bago siya matulog.  Unfair naman yun sa lahat ng nandito” mas lalo tuloy akong nainis sa kanyang pamimilit na sagutin ni Yuri ang tanong. 
Tatayo na sana ako para alalayan na si Yuri sa aking kuwarto na bigla naman uli itong nagsalita, “Ano nga kasi iyong tanong mo?  Hindi ko kasi maintindihan ung English mo” akala ko tulog na ito pero parang nakikinig pa pala ito sa aming usapan.  Mahinang nagtawanan muli ang lahat dahil sa pangalawang pagkakataon, ipinahiya muli siya ni Yuri.
“Magsabi ka sa amin ng sekreto mo” inis na sigaw ni Katrina.  Tinagalog na rin niya ito.  Nakatingin kaming lahat sa sasabihin ni Yuri.
 Nagsalita na muli ito sa inaantok nitong boses.  “Sekreto?”  napatigil naman ito na tila iniisip ang sasabihin bago muling nagsalita sa mahinang tinig.  “Bakla ako.”
“Anooo??????” karamihan ng nandun ay tila hindi narinig ang sinabi ni Yuri.
“BAKLA AKOOOOOO” sigaw nito bago siya tuluyang napahiga sa pagkakaupo.

-Yuri-

                3 AM.  Katulad ng nakagawian, gising na ako.  Bigla naman akong umupo pagkamulat ko ng mata.  Ang hindi ko inaasahan ay ang mararamdaman ko sa aking biglaang kilos.  Umikot ang aking paligid at sumakit ang aking ulo.  Dahil sa sama ng pakiramdam, napilitan akong bumalik sa pagkakahiga.
                Pagkahiga, saka ko lang naalala na wala pala ako sa sariling bahay!  Nakahiga ako sa kamang napakasarap higaan at tumingin sa kisame.  Umiikot ang aking paningin at parang tinutusok ng isang libong karayom ang aking utak habang pilit na inaalala ang mga nangyari kagabi. 
Dumalo nga pala ako sa party ni Keith at dito na rin sa bahay nila nakatulog katulad ng napag-usapan.  Kahit talagang inayawan ko, napasali pa rin ako sa kanilang larong TRUTH or DRINK dala na rin ng pamimilit ni Diana at ng kuya ni Keith na si Kurt.  Pero dahil pinalaki akong hindi nagsisinungaling at dahil ayaw ko namang ibunyag ang aking tunay na katauhan sa maraming tao, napilitan akong DRINK ang piliin sa tuwing mapapatapat sa akin ang bote.  Binalaan ako nila Diana na huwag sosobra dahil masyado raw matapang ang inumin lalo na’t hindi ako sanay sa inuman pero dahil sa prinsipyo, hindi talaga ako sumagot ng TRUTH. 
Pinilit kong alalahanin ang nangyari sa laro pero ang huli ko lang natatandaan ay pagkatapos kong uminom ng ikatlong shot.  Hindi ko alam, pero baka doon na ako nakatulog at dinala na lang nila ako dito sa silid.
                Mga ilang minuto pa ay humupa rin ang pag-ikot ng aking paningin.  Inilibot ko naman ang tingin sa paligid at nagulat pa ako sa aking nakitang katabi.  Dito rin pala natulog si Diana!  Akala ko pa naman sa silid ni Keith ako matutulog tulad ng sinabi nito.  Pero mukhang sa isa sa guest room kami tumuloy dahil narito si Diana.  Nakapagpalit na rin siya ng pantulog dahil hindi na niya suot ang kanyang damit na ginamit sa party kagabi.  Ang ikinataka ko pa ay pumayag silang magkasama kami sa isang silid.  Pinansin ko rin ang aking ayos.  Suot ko pa rin ang damit at pantalon na ginamit kagabi.  May nagluwag lang ng mga butones ng pang-itaas at belt upang  maging komportable ang aking pagtulog.
                Kahit masama ang pakiramdam, napagpasyahan ko pa ring magtraining.  Simula pa kasi noong bata pa ako, hindi ako hinahayaan ng aking mga magulang na humiga kahit mayroon akong sakit tulad ng lagnat.  Naniniwala silang kapag may sakit, mas kailangang magtraining para mas mapadali ang paggaling.  Dahan dahan na rin akong umupo.  Inilibot kong muli ang tingin sa paligid at aking nakita ang bag na naglalaman ng aming mga gamit ni Diana.  Napagpasyahan ko rin munang maligo para kahit papaano ay mawala ang amoy ng alak at init na lumalabas sa aking balat.  Kumuha ako ng gamit sa bag at tumuloy sa banyo na nasa loob ng silid kahit medyo nahihilo pa at masakit ang ulo.        
                Ilang minuto lang ay natapos na rin akong maligo.  Nagbihis na rin ako sa loob ng banyo dahil nasa loob naman ng kuwarto si Diana.  Hindi ko naman dala ang aking damit sa pagtetraining kaya nagsuot na lang ako ng aking dalang short na pambahay at puting t-shirt.  Paglabas ko sa banyo, mahimbing pa ring natutulog si Diana sa kama kaya hindi ko na siya inabala kahit Martes ngayon at araw ng aming training sa aikido.  Malamang napuyat ito kagabi. 

                Sumilip ako sa labas ng kwarto mula sa pintuan at tiningnan ang paligid.  Dahil inilibot na rin ako ni Kuya Kurt sa bahay, namukhaan kong nasa ikatlong palapag kami ng kanilang bahay.  Doon na lang ako magtetraining sa kanilang garden sa pinakataas na bahagi ng bahay.  Isa kasi ito sa lugar na pumasok sa aking isipan na magandang pagtrainingan noong dalhin ako dun ni Kuya.  Tahimik at walang makakadiskubre sa akin basta-basta.
                Malapit na ako sa hagdanan patungo sa ibabang bahagi ng bahay ng aking maalala na hindi pa pala ako umiinom ng tubig.  Isa kasi ito sa aking nakasanayan sa pagkagising sa umaga pero dahil medyo masakit pa ang aking ulo, hindi ko na naalala.  Nagplano akong bumaba at pumunta muna sa kitchen para uminom na lang muna ng tubig.  Bukas naman ang mga ilaw sa bahay kaya naman madali ko ring napuntahan ang kusina. 
                Bago pa pumasok ng kusina, napansin kong may tao sa kusina.  Babalik na sana ako dahil sa kahihiyan pero tingin ko napansin na rin ako noon kaya naman tumuloy na rin ako.  Mahirap ng paghinalaan na may masama akong intensyon kaya hindi ako nagpakita sa kanya.         
                “Good morning po Mr. Sarmiento” bati ko sa tatay ni Keith.  Nakaupo lang ito sa kitchen table, umiinom ng kape habang mariing nakatingin sa akin na wari’y nang iistima.   
                “Good morning din hijo” balik bati nito.  Nakangiti na rin.  “Ang aga mo ah.  At mukhang bagong paligo ka na.  Hindi ka ba nalasing kagabi?”   
                “Sanay na po kasi akong ganitong oras magising” tugon ko.  “Hindi ko po alam kung nalasing ako kasi kagabi lang naman po ako napainom ng alak.  Pero pagkatapos ko pong makatatlong inom doon sa laro namin, wala na po akong matandaan” kakamot-kamot sa ulong sagot ko sa kanya.
                “Tatlo???” tila nagulat na tanong nito.  “You must be talking about the kid’s usual game.  Wow ang lakas mo as a starter.  Ako nga hindi ko kayang makadalawa sa tapang noon eh.”
                Pumasok naman ang ina nina Keith na pupungas-pungas at naghihikab pa.  “Wow ang aga mo Yuri ah!  Hindi ka ba nalasing kagabi?” bungad nito sa may pintuan ng kusina.  Napatawa naman ang tatay ni Keith dahil kaparehas lang ang tanong nito sa tanong niya.  Sinabi na rin nito dito ang sinabi ko kanya. 
                “Wala ka bang hang-over” tanong ni Mrs. Sarmiento.  “Tumulog ka na ulit para mawala yan.”  Ang sakit ng ulo ko ngayon ang tinatawag siguro niyang hang-over.
                “Medyo masakit po ang ulo” tugon kong muli.  “Pero tinuruan po ako nina ama na kahit masama ang pakiramdam, hindi po dapat hihiga-higa kung kaya ko naman.”
                “Kakaiba naman ang magulang mo” tugon naman ni Mr. Sarmiento.  “Masyadong disiplinado.  Parang tatay ko rin.”  Napangiti ito na tila naalala ang ama.
                “Gusto mo ng coffee?  Ikukuha kita” si Mrs. Sarmiento muli.
                 “Naku huwag na po” nakangiti kong sagot.  “Tubig lang po ang nakasanayan kong inumin kapag umaga.”  Kumuha na rin ako ng tubig mula sa gripo at ininom ng isang tungga.  Nagsalita pa nga ang mga ito na sa water dispenser na lang kumuha pero dahil nakakuha na ako ng tubig, ayaw ko namang masayang iyon kaya ininom ko na rin.  Wala namang kakaibang lasa akong natikman kaya kumuha pa ulit ako ng isang baso at muling tinungga. 
Kumuha naman si Mrs. Sarmiento ng kape mula sa isang lalagyan na may lamang black coffee at umupo sa tabi ng asawa.  Ayoko namang lumabas na bastos kaya nagdesisyon akong huwag munang umalis sa kusina.  Pinaupo rin ako ng ina ni Keith sa upuan katapat nila.
Tinanong naman ako ng mga ito ng tungkol kay Keith.  Kinamusta nito ang anak at muling nagpasalamat sa pagtututor ko dito na naging dahilan upang makakuha ito ng mataas na grade sa exam.  Pagkatapos ng tungkol sa anak, napag-usapan rin namin ang tungkol naman sa aking mga magulang.  Naikwento ko sa kanilang namayapa na ang aking ama bago mag-simula ang semestre.  Humingi naman ang mga ito ng paumanhin dahil sa pagpapaalala nila pero sinabi ko sa kanilang okay na ako. 
Ikinuwento ko rin ang tungkol sa aming pinag-mulan.  Halos nasabi ko na ang lahat ng alam ko tungkol sa aming pinagmulan habang ang mga ito naman ay parang hindi makapaniwala sa lahat ng narinig.  Naikwento ko rin ang aming pamumuhay at nagkomento ang ina nito na halos parehas lang pala ang aming dinanas.  Mahirap rin daw ang mga ito at namatay rin daw ang ama nito bago siya gumaradweyt ng college.  Nakapagtrabaho lang siya sa kumpanya ng lolo ni Keith kung saan doon sila nag kakilala ni Mr. Sarmiento at nagkaibigan.  Napakabait ng mga ito dahil nagpaalala pa na kung mayroon silang maitutulong sa akin, ay magsabi lang daw ako.
Mag-aalas kwatro na ng madaling araw ng matapos ang aming usapan.  Kailangan na raw kasi nilang gumayak dahil may pupuntahan daw silang mag-asawa na related sa kanilang business.  Nagpaalam pa ako sa kanila kung pwedeng magpapawis doon sa may garden nila sa itaas.  Pumayag naman ang mga ito at nagwika pang feel at home.  Tinungo ko naman ang garden sa itaas ng medyo wala na rin ang sakit ng aking ulo.  Nagwarm-up na rin ako pagdating doon.
Kagaya ng nakasanayan, nagtraining ako ng para sa aikido.  First time kong magtraining mag-isa para dito dahil si ina, minsan si ate at nitong mga nakaraang araw ay pati si Diana, ang lagi kong kabuddy.  Pero dahil saulo ko na ang aming mga routines, hindi na ako nahirapan para dito.  Nag-kata na lang ako at dahil wala naman akong kasparring, mas nadagdagan ang oras ko sa pagkakata.  Mga dalawang oras mula ng magsimula akong magtraining, nagcooldown na ako at tinungo muli ang aming silid ni Diana.
Pagpasok ko sa silid, sakto namang nakasalubong kong palabas si Diana na tila nag-aalala.  Mukhang nakahinga naman ito ng maluwag ng makita ako at muling bumalik sa loob ng aming tinulugan.  Sumunod na rin ako sa loob.
“Nagtraining ka ba?” tanong nito ng mapansin ang mga butil ng pawis sa aking noo.
“Oo.  Dun sa garden sa itaas” sagot ko.  “Gigisingin sana kita kaso tulog na tulog ka kaya naman hinayaan na lang kita.” 
“Hindi ba masakit ang ulo mo?” tanong muli nito.  Hindi ko maintindihan pero parang nag-aalala ito para sa akin.
“Kaunti na lang” sagot ko muli.  “Kanina talaga, nahihilo pa ako.”
“Ano bang huli mong natatandaan kagabi?” tanong na nito sa nag-aalala nitong tono.
“Over ka naman.  Daig mo pa si ina kung mag-alala” biro kong sagot dito.  Nandilat naman siya na tila nagpapahiwatig na hindi siya nakikipagbiruan at sagutin ko na lang ang tanong sa kanya.  “Uhm, siguro hanggang noong ikatlo kong inom dun sa laro natin.  Mukhang nakatulog na ata ako kaya hindi ko na namalayan.”
“Anong ikatlo?” takang tanong nito.  “Eh nakalimang shot ka nga.”
“ANO?” balik kong tanong sa kanya. 
“Hindi mo ba natatandaan, nakalimang shot ka” takang tanong muli nito.  “Sabi ko sa iyo, mag-TRUTH ka na pero hindi ka nakikinig.”
“Eh alam mo namang hindi ako nagsisinungaling di ba?” medyo iritado na rin ako sa dami ng tanong nito tungkol kagabi.  “Eh kung magtanong ung mga yun ng crush ko o kaya ng sikreto, eh di nalaman na ng lahat kung ano ako.”
“Fine” napabuntung-hininga naman ito sa tinuran.  “Eh di hindi mo naaalala na nag-TRUTH ka pala kagabi?”
“Ano?” hindi ako makapaniwala.  “NagTRUTH ako?” wala kasi akong matandaan.
“Oo.  At ang nagtanong sa iyo ay si Katrina” si Diana muli.  Mas lalo akong kinabahan sa aking narinig.  Alam ko rin kasing may kinikimkim itong galit sa akin.
“Anong itinanong niya?” nag-aalala kong tanong kay Diana.
“Ano raw ang sikreto mo” si Diana muli.  Lumakas ang kabog ng aking dibdib.  Hindi ko alam ang aking isinagot pero nagkaideya na ako kung ano un.
“Anong sinabi ko?” mahina kong tanong.  Parang bumigat muli ang aking pakiramdam.  Parang nagbalik ang hilo at sakit ng ulo na aking nararamdaman pagkagising ko kanina. 
“Hindi lang sabi, sumigaw ka pa ng” hindi na rin maipinta ang itsura nito dahil sa pag-aalala  “‘BAKLA AKO’”.

-------------------
Author’s note:
                Kung sino pong may comment, reaction, and suggestion sa aking akda, mag-e-mail lang po kayo sa akin sa karatekid.stories@gmail.com.  Salamat po sa pagsubaybay.  

12 comments:

  1. Salamat naman KarateKid at lumipat kana dito sa MSOB :-) Salamat din ng madami Ponse hahahaha hayy ang saya ko at may karugtong na ito :)))

    ReplyDelete
  2. omg! I've been waiting for this.. next chapter please.. :)

    ReplyDelete
  3. kawawa naman yuri.. ipost m na ung chapter 13.. bitin!

    ReplyDelete
  4. Grabe, kay tagal kong hinintay ang chapter na to! Ano kayang mangyayari ngayong alam na bakla sya? Hmmm. Next chapter please.

    -hardname-

    ReplyDelete
  5. Ayun!!!! buti at may kopya dito,ang tagal kong hinintay ang kasunod nito. Grabe.,excited na ko sa next chapter :D

    ReplyDelete
  6. One of the best stories in this blog! Bawi po sana ung writer sa update!

    ReplyDelete
  7. Gawd. Minarathon ko lahat ng chapters dito! Grabe astig! Mahilig pa naman ako sa Japanese stuff, kaya medyo nakakarelate! Post na next chapter please!

    ReplyDelete
  8. hay! salamat at nabasa kona rin ang part 12.. grabe ang tagal kong hinintay yun ah!
    kay yuri ano na ang mangyayari at nalaman na nila na bakla siya?

    ReplyDelete
  9. Salamat nmann dto ka MSOB ka lumipat sa BOL 2 months na wala pang updates...
    Mas type ko ngayon ang pag kakasulat nawala na yung mga POV

    Excited na ko sa next chapter :))

    ReplyDelete
  10. post na po ung nxt chap... aip ang ganda na

    npa

    ReplyDelete
  11. ano na ngayari bkit la pa ung nxt chapter???? pls namn po paki post na po

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails