Followers

Saturday, October 12, 2013

DATI 6


by aparadorprince


Author’s Note:

                Gusto kong magpasalamat sa MSOB at Sir Mike Juha for letting me publish this work. Salamat din sa mga readers, I’m doing my best para mapaganda ang istorya na to J Stay tuned, things are getting exciting.

-aparadorprince

DATI – Part 6

Tatlong araw na siyang nananatili sa bahay nila Robert. At dalawang araw na rin yatang inaasar nito si Arran. Lahat kasi ng niluluto ng binata ay puro gulay. Pakbet, Chopsuey, Ginisang Upo, Tortang Talong. Kaya naman napipilitan siya na lumabas at kumain sa carinderia, o ang bumili ng de-lata. Nagsasawa na rin siya sa lasa ng meat loaf at corned beef pero mas mabuti na iyon kaysa ang pagkain ng gulay.

Nakaupo siya ngayon at nanananghalian. Spanish sardines ang ulam ni Arran samantalang Ginisang Patola naman ang kay Robert. Nakatingin lamang ang binata sa kanya habang abala siya sa pagkain ng de-latang binili niya. Na-conscious naman si Arran at tumingin din kay Robert.

“May problema ka?” sakrastikong tanong niya. Hindi agad umimik si Robert at patuloy na tiningnan siya, tila pinag-aaralan ang mukha nito. Lalo tuloy siyang nailang, kaya itinutok na lamang niya ang tingin sa plato at nagsimula ulit kumain.

“Bakit ba kasi hindi ka kumakain ng gulay?” tanong ni Robert. Medyo naasiwa si Arran kapag tinatanong siya ng ibang tao tungkol dito , at marami din siyang naiisip na paliwanag. Bakit may taong ayaw kumain ng karne? Bakit may mga babaeng mahilig mag-DOTa? Bakit may mga lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki? Masyado nating pinag-uukulan ng panahon ang mga sagot sa mga tanong na hindi naman makakaapekto sa personal na buhay natin. Hindi dapat tayo mambasag ng trip ng iba, naisip niya ngunit mas piniling iba ang sabihin, malamang hindi kasi magugustuhan ng masungit na may-ari ng bahay ang nasa isip niya.

Nilunok muna niya ang kinakain at tumikhim. “Alam mo, kung kakain lang ako ng gulay, sana ipinanganak na lang akong rabbit.” Matipid niyang sagot bago ipagpatuloy ang pagkain. Medyo nawawalan siya ng gana dahil wala namang kulay ang kinakain niya. Dagdagan mo pa ng mokong na kaharap niya. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing magsisimula na siyang kumain ay sumasabay si Robert sa kanya, kaya naaasiwa siya rito. Hindi rin naman sila masyadong nagkikibuan, maliban na lamang sa mga ganitong pagkakataon na tila ba trip na trip nitong asarin siya.

“Ikaw Rob, dapat naging rabbit ka na lang.” dagdag pa nito na ikinasimangot ng kaharap.

Nakarinig ang dalawa ng mga katok. Agad namang pinagbuksan ni Nanay Luisa ang pinto. “Oh Kristine, ikaw pala. Pasok ka. Robert, nandito si Kristine.” Ang tawag ng matanda. Tumingin lamang si Arran sa may pinto upang makita ang bisita. Nanatili naman si Robert sa upuan, at ipinagpatuloy ang pagkain.

“Robert. Bumibisita si Kristine, may dalang pagkain.” Tawag ulit ni Nanay Luisa. Uy, sakto! May pagkain! Ang naisip agad ni Arran at napangiti. Medyo makapal man ang mukha niya, ngunit umaasa siyang bibigyan din siya ng parte ng pagkain, kung hindi man si Robert ay si Nanay Luisa ang magbibigay sa kanya. Napansin niya kasing sinusuheto naman ng matanda ang mokong kapag sumosobra na ang gaspang ng ugali nito.

Ngunit nagulat si Arran sa tinuran ni Robert. “Sabihin mo umalis na siya.” Maikling sagot ni Robert bago sumubo at ngumuya ng pagkain. Sumimangot naman si Arran sa kaharap. “Ang sungit mo.” Komento niya bago siya tumayo at puntahan ang bisita.

Isang babaeng kaunti lang ang tangkad sa kanya, maganda, medyo payat at maputi. O maputla, sa isip ni Arran. Nakangiti at pansin mo agad ang maikling damit at medyo makapal na make-up. Boysen ba ang gamit nitong foundation? Dagdag pa niya sa isipan.

Ngumiti lamang ang babae sa kanya, kaya tumugon din siya ng ngiti. “Hi.” Maikling bati ni Arran.

“Arran, siya si Kristine. Kalaro n’yo rin ni Robert yan dati.” Ang pagpapakilala ni Nanay Luisa. Nakita ni Arran na lalong nagulat ang dalaga sa sinabi ng matanda. “Talaga? Wow, ang laki ng pinagbago mo. Dati ang taba-taba mo ah! Umiinom ka ba ng Biguerlai?” dere-derechong salita ni Kristine na ikinagulat niya. Di rin naiwasang mapikon ni Arran sa komento ng babae.

“Nag-gym at nag-aral ako ng kickboxing.” Sagot niya bago pinilit na ngumiti. Baka gusto mong sipain ko yang pagmumukha mo. Dagdag pa ng isip niya. Mas magaspang pa yata ang ugali ni Kristine kaysa kay Robert. Hindi niya alam kung kanino siya mas maiirita.

Tumango lamang si Kristine, nakaplaster pa rin ang ngiti sa mukha niya. Lalo lang naalibadbaran si Arran dito.

“Siya nga pala Nanay Luisa, nagdala po ako ng menudo. Marami po kasing niluto si Nanay kaya naisipan ko pong dalhan kayo at si… Robert.” Turan ni Kristine at tila kinilig pa nang sabihin ang pangalan ni Robert.

Hitad na to, tuloy pa rin ng utak niya. Hindi na niya mapigilang magkomento ngunit sayang naman ang ulam na dala niya. Karne din ‘yun. “Nasa dining area siya, kumakain. Pasok ka.” Tugon ni Arran bago nagpatiunang maglakad. Sayang ang pagkain, pigilan mo ang sarili mo, paalala niya sa sarili habang naglalakad. Tumingin lamang si Robert sa kanya at lalong bumusangot ang mukha nang makitang kasunod niya si Kristine. Si Nanay Luisa naman ay lumabas upang kunin ang mga sinampay na damit.

Nang mapansin ni Kristine ang nakaupong binata ay nagmadali itong maglakad, at nabunggo pa si Arran nito. “Hi Robert, may dala akong ulam.” Agad niyang bati habang nilalapag ang mangkok na dala. “Naku, gulay na naman yang kinakain mo. Dapat kumakain ka rin ng karne paminsan-minsan.” Dugtong pa nito, hinawakan ang braso ng binata. Pilit namang iniaalis ni Robert ang pagkakahawak ni Kristine sa kanya. Tila naaalibadbaran.

Bumalik na si Arran sa kanyang upuan at napalunok ng tingnan ang dalang pagkain ng bisita. Mukha naman talagang masarap ito kaysa sa walang kulay niyang kinakain. Nais na niya sanang sumandok ng menudo ngunit parang hindi naman yatang basta-basta niyang gagawin ito.

“Hindi mo ba titikman, Robert?” ang malambing na tanong ni Kristine. Napailing na lamang si Arran sa dalawang kaharap. Pilit na pinipigil ang pagtawa. Ang landi talaga, ang hindi niya maiwasang maisip.

Sumandok si Robert ng menudo at kumain. Tila nag-aabang naman si Kristine sa magiging reaksyon ng binata. “Masarap ba?”, ang hindi matiis na tanong nito. Tumango lamang si Robert pagkatapos lunukin ang ulam. “Ayos lang, masarap naman.”

Lalong lumuwang ang ngiti ni Kristine sa narinig. “Talaga? Buti naman at nagustuhan mo. Alam mo niluto ko talaga yan para sa’yo. Tingnan mo, nagkasugat-sugat pa nga daliri ko sa paghiwa ng carrots.” Walang prenong kwento ni Kristine, ipinapakita pa ang mga kamay niyang may band-aid sa hinlalaki. Ngunit nang tingnan ni Arran si Robert ay mukhang hindi naman siya interesado sa kwento ng dalaga, hindi man lang tinitingnan ito. Hindi tuloy malaman ni Arran kung maiirita siya sa gaspang ng ugali ni Robert, o matatawa dahil pareho lang sila ng pagkairita kay Kristine.

Ilang saglit na tahimik ang tatlo; si Arran dahil pinagmamasdan lamang ang dalawa, si Robert dahil nananatiling tahimik at tipid lamang kung sumagot, at si Kristine dahil mukhang nauubusan na siya ng dapat sabihin. Parang nakaramdam ng pagiging out-of-place ng huli, kaya naman nagpaalam na ito,at sinabing babalikan na lamang ang mangkok na dala.

Nagpaalam din naman si Arran, ngunit hindi pa rin kumikibo si Robert hanggang sa tuluyan nang makaalis si Kristine. Nang narinig nilang nagsara ang pintuan ay isang malakas na buntong-hininga ang pinawalan ni Robert. “Sa wakas.” Nasabi na lamang niya. Itinulak niya ang mangkok papalapit kay Arran. “Kainin mo na ‘yan, hindi ba gusto mo ng karne?” dugtong pa nito.

Tila pumalakpak naman ang tenga ni Arran sa narinig. Agad siyang kumuha ng menudo at inilagay sa kanyang plato. Sinimulan na rin niyang kainin ito. Masarap naman ang ulam, lalo na para sa isang tulad niya na ang pagluluto ng hotdog at pancit canton lamang ang alam. Tiningnan lang niya si Robert, tahimik pa rin ito ngunit napansin niyang mas relax na siya kumpara kaninang nandito si Kristine.

“I think she likes you.” Komento niya habang ngumunguya ng pagkain. “Maliwanag pa sa sikat ng araw.”

“She just likes the chase. She got married a year ago.” Matipid pa ring sagot ni Robert. Naintindihan na ni Arran ang lahat, kaya naman pala uncomfortable si Robert. “Maalat iyang niluto niya.” Dagdag pa nito.

Umiling si Arran. “Okay naman ang lasa. Saka hindi naman ako marunong magluto kaya hangga’t maayos ang lasa eh pwede na sa akin.” Ngumiti siya, ang kaharap naman niyang nakatingin pa rin lamang sa kanya habang nagsasalita.
Inubos na ni Robert ang laman ng kanyang plato at naghintay. Dali-dali namang inubos din ni Arran ang pagkain niya bago sila nagligpit ng pinagkainan. Nagprisinta na siya na na maghugas ng pinggan ngunit pinigilan siya ni Robert. Hindi na rin siya pumalag rito.

Nagsimula nang siyang maglakad papuntang sala nang marinig niya si Robert. “Arran…”

Lumingon naman siya at nakitang nakatingin ang binata sa kanya, may sabon na ang kamay. “Ano ‘yun?” tanong niya.

“Make sure that you’ll eat what I’ll prepare for dinner later.”

Napakamot si Arran ng ulo. Sana naman hindi na gulay ang lutuin ng mokong na ‘to. “Ano nga ba kasi ang lulutuin mo?” tanong niya.

“Lumpia.”

Mapapangiti na sana si Arran ngunit mayroon pa siyang isang nais liwanagin. “Gulay?”

Ngumiti lamang si Robert sa kanya. “Shanghai.”. Agad niyang ipinagpatuloy ang paghuhugas ng pinggan nang makita nitong ngumiti din si Arran. “Finally.” Komento niya bago nagpatuloy ng paglalakad papuntang sala.

Hindi niya alam kung bakit siya ngumiti din. Dahil ba hindi na gulay ang ulam, o dahil nakakahawa ang ngiti ni Robert. Napasandal na lamang siya sa sofa habang pilit na inaalis sa isipan ang  tanong ng isip niya.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Kakatapos lamang maglaro ng Snakes and Ladders nila Biboy, Ran-ran at Tin-tin. Panalo si Ran-ran at huli namang nakatapos ng maze si Biboy, tila hindi interesado sa laro. Lalo na nang dalawa silang naiwanan ni Tin-tin na naglalaro nito. Nagpaalam na si Tin-tin sa dalawa pagkatapos dahil narinig na niya ang tawag ng kanyang nanay.

Lumapit si Biboy sa kalaro nang makaalis si Tin-tin. “Huwag mo na siyang yayayaing maglaro ha?” pag-uulit ng tanong nito sa kanya. Napakamot na lamang ng ulo si Ran-ran, apat na beses na kasing sinasabi ni Biboy sa kanya ito.

“Oo na sabi eh.” Naiinis na sagot niya.

“Peksman?”

“Oo, peksman. Cross my heart, hope to die.”

Period, no erase na ‘yan ha.” Ngumiti na si Biboy pagkatapos mangako ng kalaro. Nagsimula na nilang ligpitin ang board ng Snakes and Ladders. Napatingin si Biboy sa kalaro nang bigla itong kumanta. “Aking ina, mahal kong ina…”

Napangiti si Biboy sa narinig na theme song ng Remi at sumabay sa kaibigan.

“Pagmamahal mo, aking ina.
 Yakap mo sa akin, hinahanap ko.
Init ng pag-ibig, kumot ng bunso…”

Biglang tumigil si Ran-ran sa pagkanta. Tiningnan lamang niya ang kalaro at napakamot ng ulo. “Nakalimutan ko yung kasunod.” Sabi niya.

Huminga ng malalim si Biboy at ipinagpatuloy ang pagkanta.

“Sa gitna ng pagkakahimbing,
Yakap mo ang gigising…”

Nakatingin lang sa kanya si Ran-ran, at pagkatapos niyang kumanta ay pumalakpak ito. “Kailangan ko pang kabisaduhin yung kanta. Ang ganda eh.” Tumayo na sila upang ibalik ang kahon ng Snakes and Ladders sa estante.

Akmang aabutin na ni Biboy ang Shaider action figure na nakapatong malapit din sa TV nang bigla siyang may maalala.

“Yung Tamagochi mo pala?” nakangising tanong nito kay Ran-ran. Ngumiti din ang kaibigan. “Tara!” masiglang saad niya. Hinawakan niya si Biboy sa kamay at hinila paakyat ng kwarto niya. Kinuha ni Ran-ran ang Tamagochi mula sa kanyang trolley bag.

“Tingnan mo, Biboy. Hindi na itlog yung Tamagochi.” Pagmamalaki niya sa kalaro. Agad namang lumapit si Biboy upang tingnan nga ang Tamagochi. “Wow, oo nga! Aso pala yang pet mo, Ran-ran. Anong pangalan niyan?” tanong ng namamanghang si Biboy.

Natigilan si Ran-ran at napaisip. Sa sobrang excited kasi niya nang makita ang laman ng itlog ay tila nawala sa isipan niyang pangalanan ito. “Wala palang pangalan yung Tamagochi ko. Ano kaya ang maganda.”

“Eh ‘di Biboy!” mabilis na suhestiyon ng kalaro. Kumunot naman ang noo ni Ran-ran sa narinig. “Nge! Hindi ka naman aso eh. Dapat yung parang pangalan na talaga ng aso.” Sagot niya habang tinitingnan ang pixilated na alagang naglalakad. Lumapit naman si Biboy sa kalaro, at tiningnan din ang Tamagochi. Saglit din silang tahimik habang nag-iisip ng pangalan.

“Alam ko na.” ang basag ni Biboy sa katahimikan nilang dalawa. Tiningnan lamang siya ng nakababatang kaibigan.

                Ngumiti si Biboy, dahilan upang ngumiti na rin ang kalaro. “Brownie.”

“Wow, maganda nga. Kahit hindi naman brown ang kulay niya.” Sagot ni Ran-ran, habang nakatingin pa rin sa kalaro. “Pero okay na ‘yun. Brownie na ang pangalan niya mula ngayon, at ako ang daddy niya.” Masayang sabi ni Ran-ran, ngunit agad din itong napawi.

“Bakit?”, tanong ni Biboy sa kalaro. Hindi din niya alam kung bakit biglang natigilan si Ran-ran at tila nag-iisip pa.

Suminghot si Ran-ran. “Wala kasing mommy si Brownie…” ang malungkot na sabi niya. Tumahimik din si Biboy, at maya-maya ay mayroong magandang ideya siyang naisip.

“Alam ko na, dalawa na lang tayong daddy niya.” Suhestiyon nito. Napakunot ang noo ni Ran-ran. “Pwede ba ‘yun?”

Ngumisi lamang si Biboy at sinubukang ipaliwanag sa kalaro. “Oo naman. Kahit walang mommy si Brownie, dapat masaya kasi dalawa naman ang daddy niya na makikipaglaro sa kanya.”

Maya-maya ay napangiti na rin si Ran-ran at tumango. “O sige payag na ako. Ang galing mo Biboy!” Tumingin siya kay Brownie at nagsalita na parang naiintindihan siya ng Tamagochi. “Brownie, kaming dalawa ni Biboy ang magiging daddy mo mula ngayon. Diba Biboy?” tanong niya. Ngumiti lang ulit si Biboy at tumango-tango.

Matagal-tagal din silang nakipaglaro kay Brownie, at ipinahiram na ni Ran-ran kay Biboy ang Tamagochi habang humiga na siya sa kanyang kama. Maya-maya ay nakatulog na si Ran-ran kaya naisipan na rin ni Biboy na patulugin si Brownie. Isinilid ulit nito ang Tamagochi sa bag at humiga kalapit ang kalaro. Bilin kasi ng mommy ni Ran-ran na matulog sila sa tanghali, at ayaw din niyang tumangkad kaysa sa kanya ang kaibigan.

Mahimbing na nagsiesta ang dalawa hanggang alas-kuwatro ng hapon.

19 comments:

  1. nubeyen kung pwede lang hilahin kaagad ang martes gagawin ko para lang mabasa ko ang next update nito, thank you ang galing mo darling!

    sugarangitawagmosaakin

    ReplyDelete
  2. Hahaha nag eenjoy tlaga aq d2 sa kwento na to,, kaso bitin lagi,, heheh

    Nice one mr.author,,

    Hello sa mga batang 90's jan heheh relate aq d2

    -Hyacin

    ReplyDelete
    Replies
    1. thanks hyacin. ngayon ka lang nagcomment ah. haha

      sus kapag hindi bitin yung kwento edi hindi nyo aabangan. salamat sa pagbabasa! :)

      Delete
  3. hongondo gondo tologo..
    kesems nekekebetems. eklems nems chepterms ems.

    ^^,

    ReplyDelete
    Replies
    1. meeklems bems? welems pegems keyems yens..

      thanks :)

      Delete
  4. senems bekems merens nems kesenems. betems ekems ems.
    ^^,

    ganda!

    teka, base tong istorya dun sa kanta ni Sam na "Dati"?

    ReplyDelete
    Replies
    1. yun ang naging inspiration ko sa pagsusulat nyan. astig kasi yung nagsulat nung "Dati" - sila Thyro and Yumi. Haha

      Delete
  5. Mga batang 90's Labas na hahahaha
    Na mis ko c Remy :) this generation wala na atang ganyang palabas na may mga moral values like remy, sarah, ceddie, nilo, romeo, julio at julia...sarap mag reminisce :))
    Kaway mga batang 90's !!!

    Thanks author...more !

    ReplyDelete
    Replies
    1. yung tipong masaya yung buong umaga kasi puro cartoons. tapos pag gabi cartoons pa rin, o kaya mga masked heroes. wee :)

      Delete
  6. thanks sa updtae. enjoy naman ako kahit maigsi ang kwento.

    0309

    ReplyDelete
    Replies
    1. mukha lang maiksi kasi dalawang kwento yung nakalagay sa isang chapter ;) hihihi

      Delete
  7. Selos si Robert kay TinTin kasi kinain ni Arran ang dala nitong ulam. Kaya ipagluluto na rin niya si Arran ng makakain nito. hehehe. like it.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha hindi mo din naman masisisi si Arran kasi nga puro gulay niluluto ni Robert. Yan tuloy. Salamat sa pagbabasa Jasper!

      Delete
  8. Ang ganda ng kwento! Nakakaintriga lang kasi bakit di cla magkakilala?! Anong nangyari? Hmmmm.

    Nakakamiss ung mga shows and games nung 90s. Isa sa mga proud na batang 90s!

    -hardname-

    ReplyDelete
    Replies
    1. hi hardname. masasagot din ng kwento soon enough. abangan

      ay nako, bigla nga akong nagdownload ng app sa android na parang tamagochi. pixels pixels pa yung pet ganyan. hahaha

      Delete
  9. Ipopost na ang part 7 ng DATI mamaya! WEE

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails