Followers

Tuesday, November 5, 2013

Kung Kaya Mo Akong Mahalin 14


Salamat po sa pagsubaybay at sa patience sa paghihintay.  Sana magustuhan niyo po ang chapter.  Comment, suggestion or violent reaction?  Comment lang po dito o e-mail po niyo ako sa karatekid.stories@gmail.com.  



Chapter 14

  

-AN-



“Alexis, anong kailangan n’yo sa ‘kin?” ang walang ekspresyong tanong ni Yuri habang hawak ang braso ni Diana at nakatingin sa mata ng kausap.  Napansin kong marahang itinutulak nito si Diana patalikod.  Nang magkatapat na kami ni Diana, binitiwan na rin niya ito.  Napaisip naman ako kung para saan ang ginawa niya. 

Si Alexis Madrid, halos kasing tangkad at kasing katawan ko rin, ay ang head ng fraternity na counterpart ng sorority ni Katrina.  Nang maalala ko kung sino iyon, kakaibang takot ang aking naramdaman.  Kilala kasi ang fraternity nila sa bayolente nilang mga miyembro at nangunguna na nga dito ang taong kaharap namin.  Hindi sila pumapayag na naaagrabyado ang kanilang mga miyembro kaya sa tuwing mangyayari yun, nababalitaan na lang namin ang mga gulong sa kanila nagmumula.  At sa tingin ko, narito sila para ipaghiganti ang isa nilang miyembro, si Katrina.  Mataas rin kasi ang posisyon ni Katrina sa sorority nito kaya talagang hindi nila mapapalampas kung may aagrabyado dito.  Pero ang akala talaga ni Katrina ay si Yuri ang nagreveal ng kanyang pagtataksil sa akin kaya siguro nais nila itong gantihan.     

Binigyan ko rin ng panandaliang tingin ang mga lalaking nakapaligid sa amin.  Halos kasing tangkad ko lang ang mga ito pero higit na malaki ang katawan nila kaysa sa akin.  Mukhang nasobrahan sa pagbubuhat sa gym kaya nakakatakot talaga ang itsura nila.  Ung parang mga palaka.  Namumukhaan ko rin ang iba na bumabati kay Katrina tuwing nakakasalubong namin sila.  Napansin ko na mayroon ring sukbit sa likod ang tatlo sa unahan kasama na si Alex.  Sa pagkakahula ko, arnis iyon.  Normal na sa ilang mga estudyante sa campus ang may dala nito dahil mayroon ring PE na arnis lang ang itinuturo.          

“First name basis ah! Alex feeling close sa iyo oh” wika ng isang nasa aking tabihan.  Tiningnan ko ito at nagbigay lang ito ng nakakalokong ngiti.  Gusto ko na itong sugurin ng suntok pero nakiramdam muna ako sa paligid.    

“Baka type ka niyan kaya ganyan” sabi naman ng isang nasa banda ni Diana.  Nagtawanan pa ang mga ito habang ang mukha naman ni Alex ay nakatingin kay Yuri. 

“Yu, ang tagal na nating hindi nag-usap ah” si Alex habang nakangiti ng nakakaloko kay Yuri.  Teka, ‘Yu’ lang talaga ang tawag nito kay Yuri?  “Sa pagkakatanda ko Grade 6 pa tayo noon.  Malas mo lang, ganitong sitwasyon pa tayo nagkaharap.”  Napatingin naman kami ni Diana kay Yuri.

“Alex, kaklase mo ba siya ng elementary?” tanong ng lalaking ilang dipa ang layo sa kanyang kaliwa at tumango naman si Alex.

“Dapat sinabi mo agad para hindi ka na namin isinama” wika naman ng lalaking ilang dipa ang layo sa kanyang kanan.

“Alam niyo naman na bilang head, ako dapat ang gaganti, di ba?” wika ni Alex sa mga kasama.  “And besides, never ko naman yang naging kaibigan” tumigil siya saglit bago muling nagsalita.  “Oh mas tamang sabihing, wala naman yang kaibigan.  Kilala lang namin yan na ang pangalan ay ‘Yu’” nakangiti pa rin ito ng nakakaloko kay Yuri.    

“Anong bang problema mo?  Eh, hindi ko naman kayo ginugulo ah” wika ni Yuri.  Hindi pa rin nagbabago ang ekpresyon ng mukha.  Walang mababanaag na pagkatakot.  Maglalakad sana ako para pumunta sa unahan ni Yuri pero pinigilan lang ako ng isang kamay nito. 

Habang busy sa pag-uusap ang mga nakapaligid sa amin, may sinabi naman si Yuri na sobrang hina na kami lang na medyo malapit sa kanya ang makakarinig. 

“D’, sabihin mo nga ang dalawang dapat gawin sa ganitong sitwasyon.  AN, gawin mo ang sasabihin ni D’” nakatingin pa rin si Yuri sa mga lalaki sa unahan.  Hindi ko maintindihan pero pakiramdam ko kailangan kong sundin ang sinasabi nito. 

“Huwag tanggalin ang tingin sa kalaban, ianticipate ang galaw at gumawa ng hakbang base sa igagalaw nila” humarap naman ito sa lalaking pinakamalapit sa kanya.  Naguguluhan man, sinunod ko na lang ang ginawa ni Diana ng walang tanong-tanong.  Humarap din ako sa lalaking malapit sa akin.  “At tumakbo pag may pagkakataon.”

“Good Kohei” nakangiting wika ni Yuri kay Diana.  ‘Kohei’ ang tawag niya kay Diana?  Hindi na ako nagtanong pa dahil sa aming sitwasyon.  “Kukunin ko ang atensyon nila.  Pag nasa akin na lahat ang kanilang atensyon, sa akin kayo tumingin.  Itataas ko ang aking kamay ng ganito, at tumakbo kayong dalawa hanggang sa kaya nyo”  pabulong pero awtoritado nitong wika.  Itinaas rin nito ang kamay bilang pagpapakita sa kanyang magiging senyales sa aming pagtakbo.

“Eh gago naman pala ito oh” wika ng lalaking nasa kanan ni Alex.  “Niloloko lang tayo” marahil napikon ito sa pagtaas ng kamay ni Yuri habang nakangiti.

“May sayad na ata ang bakla” wika naman ng lalaking nasa kaliwa ni Alex. 

“Yuri, sumama ka na lang sa amin para hindi ka masyadong masaktan” wika ni Alex.

“Sige.  Sasama ako basta hayaan nyo lang ang dalawang ito” wika muli ni Yuri.  Bumalik muli siya sa walang ekspresyon nitong mukha.

“Yuri, kaya mo ba sila?” mahinang tanong ni Diana.  “Ang alam ko, Grade 2 ka pa noong may huling makalaban kang ganang karami.”  

“Kaya ko yan” confident nitong sabi.  “Isa pa, pantanggal stress na rin” bumalik muli ang ngiti nito sa labi.  Hindi ko alam kung saan nakahanap ng lakas ng loob ito para ngumiti at sabihin ang mga salitang iyon.  Walang takot akong makapa sa kanya kahit nasa ganito na kaming sitwasyon. 

“Tigre, anong sinasabi mo diyan” komento ng lalaking nasa tapat ni Diana.  Tila may naalala naman ito at muling nagpatuloy sa pagsasalita.  “Hindi ba ito ung nanabunot kay Kat?” wika nito habang nakangiti rin ng nakakaloko.  Hindi naman natinag sa pagkakatitig si Diana.

“Oo nga” sagot ng isa.  “Isama kaya natin” nakangiti rin ito ng nakakaloko.

“Hindi ba, ako naman dapat ang gantihan niyo?” wika ko naman.  “Ako na lang ang isama nyo.  Walang kasalanan dito si Yuri at Diana.”

“Wow, pabayani ka pa diyan ah” wika ng lalaki sa aking tapat.  “May gusto ka siguro sa baklang ito, no?”

“Gustuhin man namin pero ang sabi ni Katrina ay huwag ka raw dalhin” wika ni Alex.  “Pero kung mapilit ka, isasama ka na rin namin.  Itong babae naman, isasama ko na rin para ang mga sis na ang bahala sa kanya.”  Hindi ko maiwasang matakot sa kahihinatnan naming tatlo.

“Ako lang naman ang kailangan niyo, di ba?” wika ni Yuri.  “Ako na ang isama nyo.”

“Hindi, ako na ang isama nyo.  Magpapaliwanag ako kay Katrina” wika ko naman.  Nagsisisi ako kung bakit ba hindi ko nilinaw ang mga pangyayari sa kanya.      

“Ang gulo niyo” sigaw ni Alex.  “Para walang gulo, isasama ko na lang kayong tatlo.”  Inutusan naman nito ang mga alalay, “sige, dalhin na yang mga yan."  Nagsimula ng kumilos ang apat ng biglang sumigaw si Yuri. 

“SIGE. SUBUKAN NYO NG MAKITA NYO ANG HINAHANAP NYO” sigaw ni Yuri.  Napatigil naman at napaurong sa paglalakad ang apat sa pagkagulat.  Hindi nila siguro akalain na sisigaw ito, ganoong kalmadong kalmado lamang ito kanina.  Unang pagkakataon ko siyang marinig ng ganoon.    

Kahit ako at si Diana ay nagulat rin.  Napatingin rin kami sa mukha ni Yuri at isang nakakatakot na itsura ang makikita dito.  Ang walang ekspresyon nitong itsura ay napalitan ng mabalasik na tingin.  Tikom ang bibig nito pero mahahalata ang pagngangalit ng kanyang mga ngipin.  Marahil dahil sa nakita, kinuha ng tatlo ang arnis sa kanilang mga likod.  Mukhang masyadong palaban kasi ang itsura nito. 

Hinawakan naman ni Diana ang braso ni Yuri at mahinang nagwika, “Kalma.  Baka makapatay ka.”  Marahil naintindihan ito ni Yuri dahil huminga ito ng malalim at muling bumalik ang walang emosyon nitong ekspresyon. 

Ilang beses nagpalipat lipat ang tingin ko sa dalawa.  Hindi ko maintindihan kung anong pinag-uusapan ng mga ito.  Makapatay?  Eh kami nga ung nasa delikadong sitwasyon dito ah.

“Salamat D’” mahinang wika muli ni Yuri.  “Basta pag sumignal ako, tumakbo na kayo ha?”  Sumagot na lang kami ni Diana ng mahinang ‘oo’ kahit hindi ko talaga maintindihan ang pangyayari. 

“Mukhang hindi naman sasama yang mga yan” wika ng nakabawi sa pagkabiglang si Alex.  “Sige, kung ayaw nyong sumama, wala na akong magagawa kundi pilitin kayo.”  Nakalabas na rin ang arnis nito pero humakbang siya patalikod para siguro bigyang daan ang mga kasama sa gagawin. 

“Kapag ginamit nyo yang arnis, dapat handa rin kayo sa sakit na kapalit ng paggamit niyan” pagbabanta ni Yuri. 

“Hindi mo siguro naiintindihan ang sitwasyon mo, ano? Bakla” wika muli ng isang nasa kanan ni Alex.  Nagtawanan na muli ang magkakasama. 

Panandalian ko ring tiningnan ang paligid.  Nakakita ako ng ilang estudyanteng malayo sa lugar namin.  Nakatingin lang sila mula doon.  Kahit agaw atensyon kasi ang eksena, walang maglakas-loob na lumapit dahil mukhang takot sila sa fraternity ng mga ito.  Sana naman, maisipan ng mga itong tulungan kami. 

“Sige, kunin na yang mga iyan” wika muli ni Alex at ipinako ko na muli ang tingin sa lalaking nasa harap ko.            

Nagsimula ng lumapit ang lalaking nasa aking tapat ng bigla na lang kaming makarinig ng isang napakalakas na ungol na galing sa isang taong nasasaktan.  Parehas kaming napatingin ng lalaki sa harap ko sa sumisigaw.

Hawak ni Yuri ang kamay (na may arnis) ng lalaking sumisigaw.  Nasa likod siya ng lalaki habang ang lalaki naman ay nakayuko at umuungol sa sakit.  Nang mapansin niya ang isa pang lalaking (may hawak na dalawang arnis) susugod sa kanya, siniko (ng may kasama pang malakas na ‘KIYAAAAAAAA’) nito sa likod nang lalaking namimilipit sa sakit hanggang sa matumba ito sa pagkakayuko.  Sumubsob ito sa lupa.  Dali-dali namang lumayo si Yuri para dumistansya sa lalaking may hawak ng dalawang arnis.

“Alam mo ba kung anong disadvantage ng may arnis?” tanong ni Yuri na tila isang gurong naglelecture sa lalaking ngayon ay kaharap niya.

“Yabang mo naman.  Nasuwertihan mo lang si Ton-ton, akala mo kung sino kang eksperto” wika naman ng lalaking kaharap nito.  Si Alex, lahat ng mga kasama nito at kami ni Diana ay sa kanila na rin nakatingin habang ang isang pinatumba ni Yuri ay namimilipit pa rin sa sakit.           

“Mahina sila sa close combat” habang nagsasalita ito ay bigla naman itong lumapit sa lalaking kaharap nito ngayon. 

Nang mapansin ng lalaki si Yuri, inihambalos nito ang isang arnis.  Nagside-step naman si Yuri at naiwasan niya ang palo mula sa arnis.  Muling ipinalo ng lalaki ang arnis na nasa kabilang kamay nito pero inilagan rin ito ni Yuri sa pamamagitan ng pagyuko.  Nakayukong lumapit pa si Yuri sa lalaki at binigyan ito ng suntok sa sikmura.  Mukhang hindi naman masyadong ininda ng lalaki ang suntok at umaktong gaganti.  Pero dahil hawak niya ang arnis, hindi rin naman siya nakagalaw ng maayos dahil sa sobrang lapit na ni Yuri.  Dinagdagan pa ni Yuri ng rising uppercut (gamit ang kaliwang kamay mula sa pagkakayuko) na tumama sa baba ng lalaki.  Sinundan pa niya ito ng suntok sa ilong na naging dahilan para mabitiwan nito ang arnis, humawak sa mukha at lumuhod sa sakit.  May pulang likido ang dumaloy mula sa ilong nitong tinamaan ng suntok. 

Nang makita ito ng dalawang kasama (ung nasa aking tapat at kay Diana), lumapit na rin ito sa kinaroroonan ni Yuri.  Isa sa harap at isa sa likod habang si Alex ay nag-oobserba lamang sa tatlo. 

Nang mapansin ni Yuri na sa kanya na ang atensyon ng dalawa, itinaas na nito ang kamay.  Hindi ko agad nakuha senyales nito dahil na rin sa mga pangyayari kaya naman kinailangan pa ni Diana na hilahin ako bago kami tumakbo.

Nakakailang hakbang pa lang kami para magsimulang tumakbo ng biglang makarinig kami ng napakalakas na “ARAAAAAAAAAAYY”.  Dahil sa narinig, hindi namin naiwasan ni Dianang tumigil at tingnan ang sumigaw.  Hawak ni Yuri ang lalaking nasa harap ko lamang kanina sa likod habang nakaharap silang dalawa sa isa pang lalaki. 

Tumingin naman si Yuri sa akin, itinulak ang lalaking hawak papunta sa isa pa at tumakbo ito sa aming direksyon.  

“AN, SA TABI MO” sigaw ni Yuri habang itinuturo nito ang isang direksyon.  Tumingin ako sa direksyong iyon at nakita ko si Alex.  Hindi ko napansin na humabol pala si Alex sa amin ng magsimula kaming tumakbo. 

Nakataas ang arnis nito gamit ang dalawang kamay.  Dahil alam kong ipapalo ito sa akin, umupo at yumuko ako hawak ng dalawang kamay ang ulo na nakatingin sa lupa para humanda sa impact ng arnis.  Napapikit din ako dahil alam kong masasaktan ako. 

BLAGGGGGGGGGGG! 

Narinig kong may tinamaan ang arnis.  Wala naman akong naramdamang sakit kaya iminulat ko ang aking mga mata.  Dahan-dahan kong itinaas ang aking ulo para tingnan ang nangyari at parang tumigil saglit ang oras sa aking nakita. 

Tumambad sa akin ang malapad na dibdib ni Yuri.  Nakayuko ito habang bahagyang nakataas ang dalawang kamay.  Mula sa aking anggulo, nakita ko rin ang arnis na medyo lumampas pa sa kanyang balikat.  Sinalo niya ung tama ng arnis na para sana sa akin?  Bakit niya ginawa yun?  Ayos lang ba siya?  Ito ang mga tanong na tumatakbo sa aking isip sa posisyon naming iyon.  Dahil sa pagkabigla, walang tinig ang lumabas sa aking bibig.  Nakapaling din ang ulo nito sa isang direksyon at tinitingnan nito sa gilid ng kanyang mata si Alex.  Walang mababakas na sakit sa mukha nito.         

Dahan-dahang tumayo si Yuri mula sa pagkakayuko.  Hinarap nito si Alex habang ang huli ay hindi maipinta ang mukha sa pagkatakot sa kaharap.  Parang nafreeze rin si Alex sa naganap dahil ng tumayo si Yuri, nabitiwan at nahulog na rin ang arnis na inihampas nito. 

“Alam mo, mas malakas pang humampas ng arnis ang pamangkin ko sa iyo” mahinahong wika ni Yuri habang ito’y dahan-dahang lumalapit kay Alex.  Si Alex naman ay dahan-dahan na ring umaatras.  “Pero katulad nga ng sinabi ko kanina, dapat handa ka sa sakit kapalit ng paggamit niyan.”   

Nagpatuloy sa paglalakad si Yuri at muli itong nagsalita, “Alam mo ba kung bakit ako nilalayuan ng kaklase natin sa elementary lalong lalo na sina Tristan, Michael, Mark, Baste at Luis” tanong nito kay Alex na tanging iling lang ang sinagot.  “Kasi noong Grade 2 kami, binugbog at ipinadala ko silang lima sa ospital.”

Bigla namang lumapit si Yuri, tumalon at nagspinning roundhouse kick habang sumisigaw ng “KIYAAAAAAAA”.  Dumaan ang sipa ni Yuri sa ibabaw ng ulo ni Alex.  Hindi naman siya tinamaan pero dahil sa pagkabigla, napaluhod na lamang ito at natulala.  Tiningnan naman ito ni Yuri at muling nagsalita, “sa susunod, hindi na ako magkakamali na ipatama yan.  Kaya huwag mo na kaming guguluhin kung hindi, baka sa ospital ka pa pulutin.”     

Pagkatapos magsalita ni Yuri, nakarinig kami ng palakpakan mula sa iilang taong nanood sa amin.  Hindi ko man lamang napansin na nakalapit na pala ang mga ito.  Napansin ko rin si sensei na nakamasid at pumapalakpak rin.  Kasabay ng mahinang palakpakan ay may dumating ring mga pulis para rumesponde sa kaguluhan.  Marahil, isa sa mga nanood ay tumawag nito. 

“Ok ka lang ba?” tanong ni Diana kay Yuri nang nilapitan niya ito.  Lumapit na rin ako para tingnan ang kalagayan ni Yuri. 

“Ok lang ako.  Totoo ung sinabi ko kanina na mas malakas pa ang palo sa kanya ng pamangkin ko”  wika naman nito.  Wala akong masabi dahil naguguluhan pa rin ako.   



Isinama naman kaming lahat na nadamay sa gulo ng mga pulis sa presinto.  Si sensei ay sumama rin para tumayo sanang testigo sa pangyayari. 

Sa presinto, ipinagpilitan ni Yuri na huwag nang magsampa pa ng reklamo laban sa mga fratmen na humarang sa amin kahit malakas ang ebidensya sa mga ito.  Huwag na raw dahil naturuan na naman ng leksyon ang mga ito.  Nagrequest pa nga ito na ipacheck up na lamang ang mga nabalian niya sa hospital.  Hindi na rin kami kumontra ni Diana sa desisyong iyon ni Yuri. 

Walang tigil sa paghingi ng tawad sina Alex sa amin lalo na kay Yuri.  Inamin ng mga ito na kaya nila ginawa iyon ay dahil sa pakiusap ni Katrina. Sinabi ko rin sa kanila na hindi naman talaga si Yuri ang dahilan kung bakit kami naghiwalay.  Ipinakita ko rin sa mga ito ang picture ni Katrina na may kahalikan na iba na ikinagulat rin nila.  Ang paliwanag daw kasi ni Katrina ay nadaan raw ako sa udyok ni Yuri kaya si Yuri daw talaga ang kanilang gagantihan.  Ngayon, mukhang si Katrina pa ang malilintikan sa kanilang samahan dahil na rin sa ginawa nitong pagsisinungaling.  Pero nakiusap muli si Yuri sa kanila na hayaan na lamang si Katrina tutal hindi naman daw siya masyadong nasaktan.  Nagtaka nga kami kung bakit si Yuri ang pagantihan ni Katrina pero nagpaliwanag ito na marahil dahil sa nakita niya ito ilang linggo na ang nakakaraan na may ibang kahalikan.  Hindi ko na itinanong kung bakit hindi niya sinabi sa akin dahil alam ko na rin ang sagot.  Si Diana ang nagtanong sa kanya kung bakit hindi niya sinabi pero sinagot siya nito na pinagbantaan siya  nito at natakot ito para kay Diana.    

Dinala na ng patrol car sa hospital ang lahat ng mga fratmen na nasaktan ni Yuri kasama ang isang fratmen na hindi nasaktan para magbantay.  Si Alex ay naiwan sa presinto at sabay-sabay na kaming lumabas mula dito.  Saglit na kinausap ng sarilinan ni sensei si Yuri habang nasa presinto. 

“Uuna na ako sa inyo at may kailangan pa akong gawin” wika ni sensei.  “Diana at AN kung pwede kayong umattend sa Huwebes, pumunta kayo.  Kung pwede niyo ring sabihan ang mga kaklase niyo, papuntahin nyo rin.  Panoorin nyo ang exam ni Yuri” nakangiti ito at dali-daling umalis mula doon.  Napatingin kami ni Diana kay Yuri para sana magtanong kung bakit kailangan pa naming manood.  Wari naintindihan naman nito ang itatanong namin kaya nag salita na ito. 

“Ibang exam na lang daw ang ibibigay niya” wika nito.  Nakangiti ito na parang natutuwa sa ibibigay sa kanyang exam.  Ang ganda talaga niyang ngumiti.    

“Bakit masaya ka diyan?” tanong ni Diana ng makita si Yuri.  “Anong klaseng exam ba ang ibibigay sa iyo?”

“Nabawasan lang kasi ang alalahanin ko” wika nito.  “Sa Huwebes mo na lang malalaman ung ipapaexam ni sensei” nakangiti pa rin ito.

“Salamat nga pala sa pagsangga mo sa arnis kanina” binasag ko na ang aking katahimikan.

“Ok lang yun” wika ni Yuri.  “Di naman masyadong masakit.”

“Sorry talaga doon sa kanina” nahihiyang wika ni Alex.  “Kung hindi kami nagpadalos-dalos wala na sanang nangyaring gulo.”

“Ok na sabi yun eh” wika ni Yuri dahil kanina pa nanghihingi ang mga ito ng tawad.  “Dapat nga magpasalamat pa ako.  Dahil kasi doon naiba ung exam na ibibigay sa akin ni sensei sa Thursday.”

“Tulungan kita sa exam mo?” tanong ko kay Yuri.  Kung kanina sigurado akong dapat kong tulungan si Yuri, ngayon at nakita ko ang ginawa niya sa mga fratman, hindi na ako sigurado.  Parang ang galing niya kasi sa martial arts kahit mali-mali siya sa aming drills sa karate.  Gusto ko sanang tanungin kung saan niya iyon natutunan pero hindi muna siguro ngayon.     

“Hindi na kailangan” maikling sagot ni Yuri. 

Habang naglalakad kami, tinanong naman ni Diana si Alex.  “Kaklase mo pala si Yuri?”

“Oo” sagot ni Alex.  “Simula noong lumipat kami sa kanila ng Grade 4 hanggang sa gumaradweyt kami ng elementary, magkaklase kami.  Yu’ nga lang ang tawag sa kanya noon eh.”  Tila may naalala naman si Diana sa ekspresyon nito.

“Eh di ikaw pala ang sinasabi ni Yuring …………” hindi na naituloy ni Diana ang sasabihin nito dahil tinakpan na ni Yuri ang bibig nito.

“Anong sinabi ni Yu?” nakangiting wika ni Alex.  Nakakatawa naman kasi ang dalawa habang pinipigilan ni Yuri si Dianang magsalita.  Nakawala naman si Diana sa pagkakatakip ng bibig at sumagot.

“Transferee sa kanila noong Grade 4 siya” parang inulit lang niya ang sinabi kanina ni Alex. 

“Ayun nga ung sinabi ko, di ba?” wika muli ni Alex at nagtawanan na nga kami.  Si Yuri naman ay walang reaksyon at parang namumula pa sa pagkapahiya.  Bakit kaya siya nahihiya?

Nang dumating na kami sa sakayan ng jeep, nagsalita na muli si Yuri.  “Dito na ako sasakay.”

“Sabay na ako tutal same jeep lang naman ang sasakyan natin” wika ni Alex.  Kakaibang pakiramdam ang idinulot nito sa akin.  Parehas ito noong binubulungan ni Kuya Kurt si Yuri.  Pero dahil wala naman akong dalang sasakyan, hindi ko ito maalok na ihatid kaya naman wala akong magawa. 

“Diana, sabay ka na sa amin” wika ni Yuri.

“Kailangan ko pang pumunta kina honey eh.  AN, tara kina Luke” hinila na ako ni Diana papuntang kabilang kalsada.  “May sasabihin kasi ako sa inyo” ano kaya ang sasabihin nitong si Diana.  “Yuri, enjoy ka ha.  Alex, ikaw na ang bahala diyan” pasigaw nitong wika kay Yuri ng nasa kabila na kami ng kalsada.  Sumakay na rin sina Yuri at Alex ng jeep habang si Alex ay nakangiti at si Yuri ay nakasimangot sa mga sinabi ni Diana.  Natawa naman si Diana sa reaksyong iyon ni Yuri.



“Bakit ganoon ang mukha noon?” tanong ko kay Diana ng makasakay na rin kami ng jeep papuntang apartment nina Luke.  Bibihira lang kasi magpakita ng emosyon si Yuri at ung pagsimangot niya kanina ay ngayon ko lang talaga nakita.    

“Naaasar kasi” natatawa pa ring sagot ni Diana.  “Ung Alex kasing iyon ang unang crush ni Yuri.”

“Talaga?” mahina kong tugon kay Diana.  Parang nanlumo kasi ako sa narinig.   

“Noon niya nalaman na bakla siya” tugon ni Diana habang nakatingin sa bintana ng jeep.  “Nalaman rin naman ng ama at ina niya pero sinabihan lang siya ng mga ito na huwag magpahalata.  Kaya ayun, hanggang ngayon ganoon pa rin siya kumilos at kahit kailan raw hindi siya gagaya sa ibang bakla na daig pang magdamit sa tunay na babae.”    

“Matagal mo na bang alam na bakla siya?” tanong ko muli. 

“Oo” tugon nito.  “Simula ng tinulungan niya ako doon sa snatcher, naikwento niya lahat sa akin at naging magbestfriend nga kami.”  Naalala ko ang sinabi ni Cathy dati about sa binugbog nitong snatcher. 

“Saan niya natutunan yung kanina?  Bakit ang galing niyang makipaglaban?” tanong ko muli.

“Ang mga magulang niya ang nagturo sa kanya” tugon ni Diana.  “Noong panahon na naglalaro tayo, tinetrain na siya ng kanyang mga magulang ng dalawang martial arts.  Kaya ngayon, 2nd degree blackbelt na siya ng isang istilo ng karate, ang ‘Kyokushin’ at 3rd degree blackbelt na siya ng aikido.  Kaya ganoon siyang kumilos ay dahil na rin sa self-control na itinuturo sa mga martial arts na iyon.  Kaya naman mali-mali siya sa ating karate ay dahil hindi iyon ang istilo niya.”

Naliwanagan na rin ang lahat.  Kaya pala kahit bakla siya ay ganoon ang pag-uugali niya.  Kaya pala lagi siyang nacocorrect ni sensei sa karate.  Kaya pala kaydali lang niya napatumba ung mga fratman kanina.  Kaya pala laging ganoon ang ekspresyon ng kanyang mukha.  Malaki talaga ang epekto ng paraan ng pagpapalaki sa personalidad ng isang tao.  Hindi ko tuloy maintindihan kung dapat ba akong humanga o maawa kay Yuri dahil dun.  Hindi niya kasi maipakita ang kanyang tunay na katauhan ng dahil sa pagpapalaki sa kanya hindi katulad ng ibang mga bakla na nakikita ko dito sa aming campus. 



Dumating kaming dalawa ni Diana sa apartment nina Luke.  Naabutan namin doon sina Keith at Luke na parang nag-iintay sa aming pagdating.  Medyo nagulat pa nga sila ng ako’y kanilang makita.  Itinanong nila kung bakit andoon ako pero sinabi ko sa kanilang dinala ako ni Diana doon.  Ikinuwento rin namin sa kanila ang mga pangyayari kaya medyo natagalan rin kami sa pagdating.  Kahit sila ay naguluhan kung paano kinaya ni Yuri ang limang sobra ang laki sa kanya pero hindi na ipinaalam ni Diana ang background ni Yuri. 

“Gusto ko sana kayong makausap na dalawa, AN at Keith, tungkol sa aking bestfriend” panimula ni Diana at tinabihan naman siya ni Luke.  “Tutal, matatapos na ang semester, pwede bang huwag niyo ng lalapitan ang aking bestfriend kahit kailan?”  Napamaang kami ni Keith sa sinabi ni Diana.

“Bakit?” tanong ko.  Wala namang katagang lumabas sa bibig ni Keith.

“Anong bakit?” galit na wika ni Diana.  “Ano bang ginawa niyo ng malaman niyong bakla si Yuri?  Iniwan niyo siya.  Mga wala kayong kwentang kaibigan.  Alam niyo ba, simula noon, hindi ko na muling nakitang ngumiti man lamang ang bestfriend ko.  Hindi na rin nagbago ang ekspresyon ng mukha niya.  Hindi niya lamang sinasabi pero alam kong mas higit siyang nasaktan noong iwanan siya ng mga itinuring niyang kaibigan kaysa sa pang-aalispusta sa kanya ng ibang tao.  Kaya’t hangga’t maari huwag niyo na siyang lalapitan pa.”

“Hindi ko naman siya iniwan” wika ko.  “Ganoon na naman talaga kami matagal na.”

“Pero alam mo bang itinuring ka rin niyang kaibigan?” galit na tanong ni Diana sa akin.  Hindi na ito nag-intay ng sagot at nagpatuloy na sa pagsasalita.  “Ilang beses ka niyang ikinuwento sa akin noong magkasama kayo.  Kaso, hindi mo na siya kinausap noong sunod na araw na magkita kayo.  Alam mo naman siguro na hindi siya ang tipong unang lalapit para makipag-usap, ano?  Siguro masyado ka ngang sikat para pansinin pa si Yuri.  Siguro nga hindi mo siya iniwan ng malaman mong bakla siya, pero simula pa lamang iniwan mo na siya.”

“At ikaw Keith” baling ni Diana kay Keith.  Tulala naman ang huli habang tinitingnan si Diana na nangingilid na rin ang luha.  “Ikaw pa naman ang itinuturing niyang pinakaunang kaibigan.  Alam mo kung gaano kabigat ang pinagdadaanan ni Yuri higit kanino man.  Alam mong kamamatay lamang ng ama niya” nagulat ako sa sinabi ni Diana.  “Alam mo kung paano siya magkimkim ng mga problema.  Pero ng malaman mong bakla siya, daig niya pa ang dinapuan ng sakit dahil hindi mo man lamang magawang makipag-usap sa kanya.  Para ka ring ama niya na biglang naglaho sa kanya.  Ang resulta, dumagdag ka pa sa hinanakit na hindi niya mailabas.  Alam mo bang kanina ay muntik pa siyang makapatay at sigurado akong kung makakapatay siya ay isa ka sa malaking dahilan noon.” 

“Kamamatay lamang ng ama niya?” hindi ko mapigilang tanong kay Diana.

“Oo, bago magsimula ngayong semestre” tuluyan na ring tumulo ang luha ni Diana habang inaalo na rin siya ni Luke.  “Kaya nga, huwag na kayong makikipagkita pa sa kanya dahil alam ko pag nakita niya lang kayo ay masasaktan lamang siya.  Mabuti nga kahit papaano nakita ko na siyang ngumiti kanina.  Hayaan nyo na lang na tuluyan niya kayong makalimutan.  Lalo na ngayong may bagong problema na naman siya.”

“Anong ibig sabihin mo hon?” tanong ni Luke.

“Simula ng mamatay ang ama ni Yuri, wala ng naghahanap-buhay sa kanila” sagot nito.  “Si tita naman medyo matanda na rin kaya nahihirapan na ring humanap ng trabaho.  Hindi rin naman maipasok nina mama at papa si tita dahil ang business namin ay nasa Manila.  Masyado rin naman silang mapride para bigyan namin sila ng tulong na walang kapalit.  Kaya sa bakasyon, mapipilitan na ring magtrabaho si Yuri para buhayin ang pamilya niya.  Baka nga hindi pa ito makapasok next semester dahil doon.”



-Yuri-



Kung anu-ano na ang mga itinanong ni Alex sa akin tungkol sa aking sarili simula ng sumakay kami sa jeep pauwi.  Kahit magkaklase kami ng elementary, hindi naman ako halos nakikipag-usap sa ibang bata kaya simula ng sumakay kami sa jeep, daig pa namin ang bagong magkakilala dahil sa takbo ng aming usapan.  Kahit si Alex (na sobrang gwapo at hunk material pa rin hanggang ngayon) ang una kong crush, hindi naman ako naiilang sa kanya.  Marahil dahil alam na niyang bakla ako at kahit papaano kampante na rin akong hindi na niya ako mabubuko.  Isa pa, palagi naman siyang nagbibiro kaya napapatawa niya talaga ako.  Hindi rin mapatid ang paghingi nito ng patawad sa kanyang gagawin sanang pambubugbog sa akin.      

Itinanong niya kung paano ko sila nakaya ganoong lima silang sobra ang laki kumpara sa akin.  Hindi na siya nagulat nang malaman niyang black belter na ako ng karate.  Itinanong niya sa akin kung saan ako nagkarate dahil gusto raw rin niyang mag-aral pero sinabi ko sa kanyang si ama lamang ang nagturo sa akin.  Sinabi ko sa kanya na kung talagang interesado siya, pumunta na lamang siya sa dojo ng kapatid ko para doon mag-aral.  Nagpapasama pa ito sa akin pero sinabi ko sa kanyang ihahatid ko na lamang siya doon dahil hindi naman talaga ako pumupunta doon.  Hiningi niya ang celfone number ko para raw macontact niya ako kung sakaling tutuloy nga siya.        

“Friends?” itinaas nito ang kamay upang makipagkamay sa akin.  Naalala kong bigla si Keith sa kanyang ginawa kaya hindi agad akong nakapagreact.  Ito kasi ang naging gesture ni Keith sa akin ng makipagkaibigan ito kaya natigilan ako.

“Ayaw mo ba?” naglulungkut-lungkotan pero halata namang natatawa na wika ni Alex.  Dahil dito, natawa na rin ako at kinuha ang kamay niya.

“Friends” tugon ko dito bago ako tuluyang bumaba at iwan siya sa jeep.  Bumaba ako sa jeep ng may ngiti sa labi.



“Anak, masaya ka yata ah” wika ni ina ng makapasok na ako sa loob ng bahay.  “Mamaya mo na yan ikuwento pagkakain.”  Pagkabihis sa aking pambahay, kumain na rin kami ni ina. 

Pagkakain at habang hinuhugasan ang pinggan, ikinuwento ko kay ina ang magagandang pangyayari ngayong araw.  Ikinuwento ko ung tungkol sa nangyaring panghaharang sa amin nina Diana.  Ikinuwento ko rin ung sobra kong pagkagalit kanina na kung hindi pa ako pinigilan ni Diana ay hindi ako kakalma. 

“Anak, alam mong ayaw na ayaw namin ng tatay mo na gagamitin mo ang iyong alam sa ibang tao” wika ni ina pagkatapos kong ikuwento ung aking ginawa sa nangharang.  “Pero kapag ganoon na ang sitwasyon, eh wala ka na talagang magagawa kundi lumaban.  Pero kontrolin mo ang iyong galit dahil alam mo namang pwede kang makapatay gamit lamang ang iyong mga kamay.  Tandaan mo, hindi mo na maibabalik pa ang buhay ng tao at dadalhin mo sa iyong hukay ang pagsisisi.”  Sumang-ayon na lang ako kay ina pagkatapos niyang sabihin iyon.  Totoo naman kasi ang sinasabi ni ina. 

Ikinuwento ko rin kay ina ang pagkakaroon ng mabuting idinulot nang aking pakikipag-away.  Sinabi ko sa kanyang ang delikado kong subject ngayon, ang PE, ay sigurado ko ng ipapasa.  Sinabi kasi sa akin ni sensei na maghanda na lang ako ng apat na kata (tatlong may sandata at isang wala) at kumite (‘sparring’) laban sa pinakasenior belt ng karate club ng campus.  Ito ay matapos niya akong makitang makipaglaban at makumpirma na hindi ako basta-bastang karetista lang.  Siyempre naman pumayag na ako dahil alam kong magagawa ko ang ipapagawa ni sensei ng tama.  Itinanong ko pa kung mayroon siyang nunchaku at arnis at sumagot naman ito na ‘oo’ kaya hiniram ko na lang para hindi masyadong marami ang aking dala sa Huwebes.  Dadalhin ko na lang ang isa sa katana (‘espada ng Japan) na narito sa aming bahay para sa isa ko pang sandata na gagamitin sa kata. 

Ikinuwento ko rin kay ina ang tungkol sa pinuno ng nangharang sa amin na si Alex.  Sinabi ko na ito ang pinakauna kong crush na naging kaklase ko ng elementary.  Sinabi niyang ipagpatuloy ko raw ang pakikipagkaibigan dito dahil kahit papaano ay napapangiti raw ako nito na hindi raw niya nakita sa akin simula ng aking birthday.  Itinanong pa niya kung may nararamdaman pa raw ako rito pero sinabi kong wala naman kahit hanggang ngayon ay gwapo pa rin ito.  Tanging pakikipagkaibigan lang talaga ang intensyon ko dito. 

Ikinuwento ko rin ang tungkol kay AN.  Sinabi kong parang kakaiba ang ikinikilos nito.  Una, lumapit na ulit ito sa amin ni Diana sa aming puwesto sa PE.  Pangalawa, hindi nito dinala ang sasakyan at nakisabay sa aming paglalakad.  Pangatlo, parang hindi nito maalis ang pagkakatitig sa akin.  Pang-apat, ang pag-alok nito sa pagtututor sa akin para sa aking practical exam sa PE. Hindi pa rito kasama ang nangyari kahapong pakikipagbreak nito sa kanyang girlfriend sa aking harapan at pag-aya nito sa aking magmeryenda na hindi pa niya ginawa.  Biniro ako ni ina na baka nagkakagusto na ito sa akin na mariin ko ring tinanggihan dahil alam ko naman na totoo itong lalaki at hindi papatol sa baklang tulad ko.  Inisip ko na lang na baka gusto nitong makipagkaibigan sa akin na kung totoo nga ay magiging panandalian lang dahil hindi na rin naman kami magkikita pagkatapos ng semestre na ito.      



Kinabukasan, katulad ng karaniwan kong ginagawa ay pumasok ako sa aking mga subject.  Pagpasok ko pa lamang sa building, nakaramdam na ako ng mga matang nakatuon sa akin at parang bumalik ung unang araw na nalaman nila na bakla ako.  Mayroon ring lumalapit para makipag-usap pero katulad ng karaniwan kong ginagawa, lumalayo na ako bago pa ito mangyari.

Dahil huling linggo na rin at karamihan ng aking course ay tapos ng magprefinal exam, wala na rin kaming halos ginagawa kapag nasa silid kami.  Sa isa kong course, habang nag-iintay sa aming professor ay hindi ko maiwasang malapitan ng iba pang estudyante at mayroong naglakas loob na magtanong sa akin.

“Totoo bang binugbog mo ung mga miyembro ng fraternity ni Alex?” tanong ng isa kong kaklaseng babae.  Nagsilapitan na rin ang iba ko pang kaklase para na rin siguro makinig sa pinag-uusapan namin.  Napabuntung-hininga na lamang ako dahil sa bilis ng pagkalat ng balita.  Morning class pa lamang kami at kagabi lang nangyari iyon kaya naman kahit papaano ay nagulat ako sa bilis ng pagkalat ng balita.

“Hindi ko binugbog iyon, ipinagtanggol ko lang ung mga kaibigan ko” ang aking walang intres na sagot.  Pero kahit walang intres ang aking pagsagot, may nagtanong pa rin sa akin at talagang gustong malaman ng mga ito ang nangyari.  Kaya naman napilitan na rin akong ikuwento ng bahagya ang mga nangyari.  Buti na lamang at dumating ang aming prof at natigil ang aming usapan.

Para maiwasan na rin ang pakikipag-usap, pumunta ako ng saktong-oras sa computer room para sa aming practical exam sa laboratory ng programming.  Hindi kami magkikita ni Keith dahil second batch sila ng mag-eexam.  Pero bago magsimula ang exam, may sinabi muna si Engr. Ramoso.

“Class, please do not forget to pass your project on Friday” ang announcement ni Engr.  “There will be a presentation for the project on 1 pm.  Tell your partner about this.  As I always say, the project is a group effort so both partners should present it.” 

Napakamot ako sa ulo dahil kailangan ko pa palang kausapin si Keith ng tungkol doon.  Ako lamang ang gagawa ng project namin pero kailangan pa pala ng participation ni Keith para sa presentation.  Itetext ko na lamang siguro siya bukas pagkatapos kong gawin ang project.  Masama pa rin ang loob ko sa kanya pero hindi naman siguro dapat makompromiso ang kanyang pag-aaral para doon.  Pero kung hindi siya sasagot, bahala na siya sa buhay niya.  Medyo nasimulan ko na naman ang aming project pero kailangan ko pang makigamit ng computer bukas sa computer room, pagkatapos ng aking karate, para tapusin ito.  Gagawa pa rin ako ng presentation para doon na hindi ko pa rin nasisimulan.              

Pagkatapos ng exam, gusto ko na sana siyang makausap para sa presentation sa Friday.  Medyo nadalian naman ako sa exam pero ng matapos ako ay ubos na rin ang time at halos malapit na ring mag-start ang second batch ng mag-eexam.  Kaya naman kahit nakita ko si Keith ay hindi ko na nagawa na kausapin siya dahil doon.  Mukhang mag-reresort na lang ako sa pagtetext sa kanya.   



Huwebes.  Araw ng aking practical exam sa PE. Dahil wala na rin kaming klase sa iba kong course, hapon na rin ako pumunta ng campus at dumeretso sa building namin sa PE.  Sinabihan ko si ina na tiyak gagabihin ako dahil kailangan ko pang tapusin ang aming project sa programming at hindi na niya kailangan pang-intayin ako.  Nagdala na lang din ako ng pagkain para sa dinner para derederetso ang aking paggawa ng project.  Pinagdala rin ako ni ina ng first-aid kit (bandage, alcohol at bulak) para raw sa aking kumite mamaya.  Sinabi kong hindi na kailangan pero ipinilit pa rin ni ina at mabuti na raw ang sigurado.  Dinala ko na rin ang aking buong uniform na ginagamit sa training sa karate at ang pinakapaborito kong katana na aking gagamitin mamaya sa exam.

Pagdating sa building, nagbihis na agad ako at dumeretso sa rubber mat na nakalatag sa basketball court.  Pag dating sa lugar, pinagtinginan na rin ako ng mga tao doon.  Mukhang nagtaka rin sila kung ano ang dala kong mahabang bagay.  Marami-rami na rin akong nakita kabilang na si Diana na katabi si Luke, ilang mga kaklase ko sa karate at sa ibang course, ilang miyembro ng karate club (nakacomplete uniform kasi sila), pati si Alex at ung ilang nangharang sa amin na may benda pa ang kamay, at ilang mga mukhang hindi ko pa nakikita.  Medyo naiilang ako dahil ang dami palang manonood pero dapat ko pa ring pagbutihin dahil ito na rin ang aking magiging huling chance para pumasa.  Ibinigay ko na rin ang aking bag kay Diana. 

Nilapitan rin ako ni Alex, binati at sinabing manonood siya ng aking exam.  Nginitian ko ito at sinabing sana ay masayahan siya sa mapapanood niya.  Namaalam na rin ako sa kanya para simulan ang warm-up exercise.  Ilang sandali habang isstretching ako, nakita ko si Keith na nasa malayo sa kinaroroonan ng rubber mat na malapit sa pinto ng gym.  Nakita ko rin sa kabilang dako, malayo sa karamihan si AN.  Ilang saglit pa ay dumating na rin si sensei para masimulan na ang aking exam.  

32 comments:

  1. nabitin ako hehehe... ganda tlg kakaiba.. ty


    marc

    ReplyDelete
  2. update kana po bitin eh pero sulit ganda talaga d talaga ako ng sisi na subaybayan to ang ganda ng story


    Franz

    ReplyDelete
  3. the best talaga ang story .. di tulad ng ibang story na malilibog ! pa add naman po sa fb j.m.c mateo .ty

    ReplyDelete
  4. wow! nakakabitin ng todo ang kabanatang ito. sobrang ganda, naaliw ako, promis. mukang biglang gumanda ang career ni yuri s campus ah. bidang-bida na ang arrive nya! sino kaya kay keith at AN ang tutulong kay yuri para makapagpatuloy ng pagaral sa susunod na pasukan. Yung nanay kaya ni yuri ang tutulungang makapagtrabaho? Malamang baka Interpreter or visor sa japanese restaurant. thanks sa update.

    bharu

    ReplyDelete
  5. Ganda ng story... nxt chap pls.


    Boholano blogger

    ReplyDelete
  6. Great but hanging chapter...
    Hope the next chapter will be posted in no time soon.

    ReplyDelete
  7. go yuri gulatin mo silang lahat.... thank yousa update

    sugarspun214

    ReplyDelete
  8. i cant wait for the nxt chapter..exciting. go yuri go.

    ReplyDelete
  9. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  10. Waaaaa bitin!!! Pero super worth it ang paghihintay! Hahaha di ko mapigilang pagsusuntukin yung unan sa kilig kay alex at yuri! At naiinis kay kieth at AN!!! Hahahaha

    ReplyDelete
  11. Yeah'!

    Next chapter na po please'



    ×× ace ××

    ReplyDelete
  12. Nakakaiyak yung Sermon part ni Diana..... Anu nga ba nararamdaman ni Keith? Hahaha

    ReplyDelete
  13. hi po......i really love the story........

    palagi ko inaabangan ang pag post mo ng sunod na chapter...

    can't wait for the next chapter po...

    thanksssssss...

    joe....

    ReplyDelete
  14. hayz bitin... Pero sobrang ganda tlaga nito, tnx po s update...

    ReplyDelete
  15. .very nice chapter.detailed ung mga events.lalo ung nangyaring gulo.nkkaexcite :-D npaluha pa q sa kinwento ni diana kila AN. ;-( keep up the g0od work mr author. Sna mbilis ung next update.
    -wicked dwight

    ReplyDelete
  16. FIRST!!!

    . . . updated na po Author,ganda ganda ng story nyo,di na ako makapag-intay sa mangyayari kala Yuri, AN at Keith... ^_^

    ReplyDelete
  17. Nice one!!,, thanks sa update!!

    ReplyDelete
  18. Nice one!!,, thanks sa update!!

    ReplyDelete
  19. nice one karated kid, nakakaexcite, hay nakakaexcite sino kaya ang makakatuluya nya, weew, karate din sports ko pero ang inabot ko lang e brown belt, advance kata, saka kumite, gusto ko sanang ituloy pero mukang back to yellow or worst white belt ako, next chapter na po.

    ReplyDelete
  20. Aha . Nauna ata ako magCOMMENT . Binalikan ko saglit yong chapter 13 . Dko na po kasi MAALALA Kung ano na nangyari d2 . Dami ko po kasing binasa ahaha . :D gonna read this . Thanks po sa UPDATE :))

    Labyou :))

    - Eyriel

    ReplyDelete
  21. very nice..exciting for the nxt chapter..

    ReplyDelete
  22. Talagang pinag-isipan pati movements sa karate may idea. This is one of the best stories I had ever read in this blog. Please update faster kc mejo natagalan for this chapter. Tnx author for this very interesting story...

    ReplyDelete
  23. Asan na kasunodddddddd!!!!!! galing ni author.... AYLABIT

    ReplyDelete
  24. bitin. next capter agad heheh :p

    ReplyDelete
  25. Go Yuri!!!!Go team AN-YURI!!!!galing po ng kwento mo kuya karatekid!Kudos!

    ReplyDelete
  26. very intense ang chapter na ito. nice one author!

    ReplyDelete
  27. Bitinnn sobra hehehe

    Nga nga si An at Keith sa nalalaman nila about kay Yuri...

    ReplyDelete
  28. wahhhhhh....
    namiss ko tuloy pumasok sa Aikido ..
    at dahil dyan papasok ako pag may taym, haha,XD
    nice story poXD
    -Dino

    ReplyDelete
  29. I just realized na ung love team nila is AN-YUri it's like Anyare !

    ReplyDelete
  30. ang tagal naman po ng update. kelan po kasunod? salamat

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails