Followers

Tuesday, November 1, 2016

Loving You... Again Chapter 50 - Evil, Vile, Live




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin! Also kuya Peter... na nawawala at hindi na ata nagpo-post dito. Asaan na kayo? Paramdam naman kayo. :(

Long time no see ulit. Maraming salamat po sa patuloy na pagbabasa ng kwentong ito. Mukhang magtatagal pa ang kwento ng ilang taon, dahil sa bagal kong mag-update. Anyway, bukas ay may isa pang update ito. Wala akong masyadong masabi kaya heto na po ang Chapter 50!











Chapter 50:
Evil, Vile, Live


















































Edmund’s POV



          Manipulative. Iyun ang isang salita na unang pumasok sa utak ko matapos marinig ang buong kwento ni Gerard. Para magawa niya ang kaniyang buong plano, kinailangan niyang magmanipula ng ilang mga tao hanggang sa napalapit siya sa mga taong gusto niyang, tapusin. Sinabi niya na wala naman siyang personal na galit sa pamilya na pinagsisilbihan niya, hanggang sa napatay ng pamilyang ito ang pinakamamahal niya. Tsaka, hindi naman siya tatayo lang at hayaan na masayang mabuhay ang pamilyang ito. At nagawa na niya.



          “Nang nagawa mo na iyung paghihiganti mo, anong pakiramdam mo?” naitanong ko.



          Nilaro-laro ni Gerard ang straw at bahagyang ngumiti. “Siyempre, masaya. At isa pa, dahil sa ginawa ko, may nailigtas akong buhay. At habangbuhay na ang epektong iyun sa kaniya.”



          Oo, alam kong para din kay Ren ang ginagawa niya. Kaya lang, medyo nag-iba ang pagtingin ko sa kaniya. Napakasama niya. Pinatay niya ang lahat sa pamilya.



          “So, ano ang pakiramdam nung pati ang mga bata ay dinamay mo?” muli kong tanong.



          Hindi makapaniwala si Gerard sa mga sinabi ko at nanlaki ang kaniyang mga mata.



          “Siguro naman, isa o dalawa na kasapi sa buong pamilya nila ay may mga anak na bata pa? Pinatay mo din ba sila?”



          Ngumisi si Gerard. “Huwag kang mag-alala. Hindi pa sila patay. Nakakulong lang naman sila sa isang pasilidad, na hinanda ko para sa kanila.”



          “Para patayin?” malamig na tanong ko.



          “Hindi. Para mabuhay.”



          Nagulat ako na may tinira siyang mga bata. Pero bakit?



          “Aware naman ako na ang buong pamilya na pinatay ko ay may mga anak na bata pa lang. Siguro, dalawa o tatlo sila. Pero hindi ko sila dinamay dahil hindi naman dapat. Bata pa sila at kailangan naman siguro i-enjoy nila ang buhay, pero sa ibang paraan na. Kahit na siguro ay, gusto na nilang magpakamatay dahil sa isang madugong pangyayari na nasaksihan nila. At, alam mo ba na ang mga magulang nila ay child trafficker?”



          May isa pang bagay sana akong itatanong. Kaya lang, napansin ko na medyo sumasama na ang ikot ng pag-iisip ko. Gusto kong i-condemn si Gerard dahil sa mga ginagawa niya. Para itama ang isang pagkakamali ay gumawa siya ng isang pang pagkakamali? Sa addition, kapag ang isang negative integer ay dinagdagan ng isa pang negative integer, negative integer pa rin ang lalabas na sagot. Pero, kung bibigyan ko namam si Gerard ng isang napakalaking positive integer dahil sa ginawa niya lang naman iyun para kay Ren, then tama na iyun lahat?



          “Okay lang kung ang tingin mo sa akin ay isang napakasamang tao. I mean, napakasama naman talaga ng ginawa ko kahit baligtarin ko pa ang mundo. Okay lang kung ayaw mo na sa akin ngayon, matapos malaman ang mga bagay na ito.” Nagpakawala ng isang napakalungkot na mukha si Gerard at ibinaba niya ang kaniyang tingin.



          “Hindi naman sa ganoon.” Humugot ako ng malalim na hininga. “Ano lang kasi, kiniwento mo sana sa akin ng parte-parte. Inabot na kasi tayo ng gabi dahil sa haba ng kwento mo.”



          “Sir, magsasara na po ang shop,” sita sa amin ng waiter sa bandang counter.



          Tinanguan ko lang ang waiter. “Tara na. Ihahatid na kita. Masyadong overloaded ang utak ko sa mga naririnig ko.”



          Sa sasakyan ko, pauwi sa tinitirhan ni Gerard, napakatahimik naming dalawa. Kanina pa ang katahimikan naming ito. Kahit na katabi ko ngayon si Gerard, pakiramdam ko ay napakalayo niya. Kasalanan ko to. Akala ko, mapapalapit ako sa kaniya sa gabing ito dahil nga sa sasabihin niya sa akin ang katotohanan kung ano ba talaga ang kinalaman niya sa mga nangyayari kay Ren. Ngayong sinabi niya, pakiramdam ko ay dumidistansya na si Gerard sa akin. Kailangan bang may sabihin ako sa sitwasyong ito? Ano naman kaya? I love you ba ang tamang mga salita ngayon? Iyung si Lars kaya? Ano ang pakiramdam niya nang sinabi sa kaniya ni Gerard ang lahat-lahat?



          Habang nagmamaneho, inabot ko ng isa kong kamay ang kamay ni Gerard. Nang mahawakan ko ang kamay niya, nararamdaman ko ang panginginig nito. Panginginig na dahil sa takot, hindi dahil sa napakalamig sa loob ng sasakyan.



          “Gerard, natatakot ka ba na mawala ako sa iyo?” tanong ko.



          “Oo naman, natatakot ako,” sagot niya. “Sa mga bagay na sinabi ko sa iyo, pwede mo akong maipakulong. Baka bukas, magulat na lang ako na may mga pulis sa harapan ng pintuan ko.”



          “At kung huhulihin ka nila, sasama ka ba?”



          “Kung ano ang dapat, gagawin ko. Kung dapat ba akong sumama dahil sa aking mga ginawa, bakit hindi?”



          Narating na namin ang tirahan niya at hininto ko ang kotse. Nagkatinginan kami sa mata. Kinuha ko naman ang isa niyang kamay at hinawakan ito ang mga ito ng sabay, na para bang hinuhuli ko siya. Ramdam ko ang mga salitang binitawan niya. Ramdam ko na nagpapakatotoo na siya ngayon, at handa siya sa mga posibleng mangyari kinabukasan. Ramdam ko na ang magiging kapalaran niya ay nasa kamay ko lang. Kung biglang dedepensahan ni Gerard ang sarili niya para makatakas, mukhang hindi niya gagawin iyun. Bakit niya ginagawa sa akin ito?



          Binitawan ko ang mga kamay niya. “Andito na tayo,” sabi ko at iniwasan siya ng tingin. “Pumasok ka na sa loob at, mag-ingat sila sa iyo.”



          “So kailangan mo ba ng break mula sa akin ngayon?” tanong niya.



          “Parang, ganoon na nga,” hindi ko siguradong sagot. “Medyo kasi, mabibigat iyung mga nai-absorb ko at gusto kong magkaroon ng oras. Pwede ba?” Tiningnan ko siya sa mata.



          “Kung iyan ang gusto mo.” Lumabas ng kotse si Gerard. “Sa uulitin.”



          Tinanguan ko lang siya at nagmaneho na pauwi. Yeah, kailangan ko lang ng panahon para ma-digest iyun lahat. Ginusto ko at hiniling ko ito kaya dapat, maging responsable ako sa mga pinili kong aksyon sa relasyong ito.



          Hindi pa man ako nakakalayo, hininto ko ang sasakyan sa harapan ng isa pang sasakyan. Hindi man napansin ni Gerard, napansin ko na sinusundan siya ni Larson. Kanina pa siya sa mall umaaligid. Akala niya, hindi ko siya nakita, pero magaling kaya ako na hindi magpahalata na nakita siya.



          Parehas kaming bumaba sa sasakyan. Tiningnan ko naman siya mulo ulo hanggang talampakan. So, kamukha, o mas maganda sabihin na kakambal niya si Lars, at dito nahulog si Gerard.



          Natawa si Larson. “Akala ko ay hindi mo mapapansin.”



          “Yeah, pero napansin kita,” tugon ko.



          Umiling siya. “Hindi talaga ako magaling magtago, at hindi ako nagtatago. Ako sana kasi ang unang lalapit. Pero hindi ko akalain na nandoon ka pala.”



          “Bakit? Ano ba ang kailangan mo sa kaniya?” tanong ko.



          “Hmm, wala ka na doon. Sabihin na lang natin na, amin-amin na lang iyun,” payak na sagot niya.



          “Well, kung ano man iyun, siguradong alam ko na din ang mga bagay na iyun. Sinabi na sa akin ni Gerard ang lahat kung ano ang kinalaman niya sa buhay ni Ren. Sinabi rin niya sa akin na kasalanan niya talaga lahat kung bakit, nagkaganoon si Ren. Hindi kasi inaasahan ni Gerard na may ganoon palang hawak ang, pamilya Villaflores. Alam mo na. Isang droga na nagpapawala ng mga alaala. Sinabi niya sa akin na ginawa niya din iyun para kay Lars, iyung kakambal mo.”



          “Kung ganoon, ano ka sa kaniya?” tanong ni Larson.



          Hindi ako nakasagot. Hindi kasi ako sigurado kung ano nga ba ako para kay Gerard, ngayon. Ang ibig kong sabihin, dapat ko bang sabihin na nag-break lang kami pansamantala? Kasi, humingi lang naman ako ng space para i-absorb ang mga, mabibigat na sinabi niya sa akin. Gusto ko kasi na sa susunod na naming pagkikita, handa na ako sa kaniya. Handa na akong, tanggapin ang madilim na pagkatao ni Gerard. Dahil sa totoo lang talaga, hindi pa ako ganoon ka handa.



          “Wala ka na doon. Sabihin na lang natin na, amin-amin na lang iyun,” payak ko ding sagot.



          “Kung ganoon, wala na dapat tayong pag-usapan. Ayaw ko mag-share, ayaw mong mag-share, ano ang point ng pag-uusap na ito? Sinasayang lang natin ang ating panahon.” Oo nga.



          Humugot lang ako ng malalim na hininga at sumakay na sa kotse. Wala akong dapat ipag-alala kung may pag-uusapan sila. Siguro, nag-aalala lang si Larson para kay Ren kaya gusto niyang makipag-usap kay Gerard. Gusto niya sigurong makasiguro na wala ng banta sa buhay ni Ren.



Gerard’s POV



          Pagkapasok sa apartment, napaupo ako sa pinto. Sa isang segundo lang, pumasok lahat ang mga negatibo kong iniisip sa utak ko. Paano kung dahil sa kwento ko, biglang nagbago ang pananaw sa akin ni Edmund? Paano kung ayaw na niya akong makita? Paano kung ang sinabi ni Edmund na gusto niya ng panahon, ay ang ibig sabihin pala noon ay hindi na kami magkikita? Hindi ko kaya ito. Pakiramdam ko ay mababaliw ako. Parang katulad din ito noong nagtapat ako kay Lars tungkol sa sikreto ko. Iyun nga lang, tinanggap ako ni Lars sa kabila ng lahat. Ngayon, ano o ilan ang tyansa na tatanggapin pa rin ako ni Edmund? Hindi siya si Lars, kaya baka hindi na niya ako tanggapin.



          Binuksan ko ang ref ko at nilabas ang mga inuming nakakalasing. Kailangan kong uminom. Kailangan na kahit sa oras na ito, makalimutan ko man lang ang kabaliwan na ginawa ko. Sinabi ko nga kay Edmund ang lahat-lahat kung ano ba talaga ang kinalaman ko sa buhay ni Ren. Gaya ng kiniwento ko, ginawa ko ang lahat ng ito para kay Lars. Sa sobrang mahal ko siya, sinabi ko ang lahat-lahat sa akin, at ang lahat ng mga nalalaman ko. Dahil sa akin, nabigyan ko ng pagkakataon ang pamilya nila na makatakas noon sa Cebu. Pero nabalewala lang iyun nang nalaman ko mula kay Ren na patay na si Lars. Akala ko, nakaligtas si Lars at humiwalay lang siya kay Ren para maging ligtas sila pareho. Pero hindi pala. Wala na siya.



          Minsan naisip ko, hindi na dapat ako magsabi ng katotohanan sa ibang tao. Dapat ay manipulahin ko na lang sila, palagi. Isa, o dalawang beses na ata ako nagsabi ng katotohanan. Pero nauwi lang iyun sa kalungkutan, ko. Sa pagsabi ko ngayon ng katotohanan kay Edmund, may posibilidad na mawala siya sa akin. Wala na ba akong karapatan na sumaya? Palagi na lang ba akong malulungkot? Nakatadhana na ba sa akin ang palaging manloko ng ibang tao? Nakakapagod na. Mula sa ibabang rango ng pamilya Villaflores, pataas, hanggang ngayon. Nakakapagod ng manloko. Ayoko ng gawin ang bagay na ito. Nagsimula na akong magduda sa sarili ko. Totoo ba ang mga sinasabi ko, o hindi.



          Bigla na lang akong nagising sa pag-iisip nang may narinig akong kumatok sa pinto. Tumayo ako para lumapit sa pinto. Pero nahihirapan ako dahil umiikot ang paningin ko. Marami na ata akong nainom na alak. Sino kaya ang kumakatok? Si Kei kaya? Si Edmund, bumalik kaya?



          Bumagsak ako ng ilang beses bago makalapit sa pinto. Sa bawat bagsak, mas lalong lumalakas at bumibilis ang pagkatok nung taong nasa pinto. Ang sakit sa tenga ng ginagawa niya.



          “Hoy, kung sino ka man, magtigil ka nga!” sigaw ko.



          Matapos akong sumigaw, tumigil na ang pagkatok. Sinubukan ko ulit na ulit lumakad patungo sa pintuan, at naabot ko na ito. Dali-dali kong binuksan ang pinto para malaman ko kung sino sa dalawa ang naiisip kong kumakatok sa pintuan. Pero nadismaya lang ako matapos makita ang isang pamilyar na mukha. Hindi pala si Kei o si Edmund ang nasa pintuan. Si Larson lang, pala.



          “Ano na naman ang kailangan mo, Larson?” naiirita kong tanong. Tumalikod ako sa kaniya at iniwan siya sa pintuan. Bahala siya kung gusto niyang pumasok.



          “Ger, umiinom ka na naman,” nag-aalalang tugon niya.



          Hindi ako makapaniwalang humarap sa kaniya. Ang pagtawag niya sa akin ng ganoon, iisang tao lang ang nakakaalam na tumawag sa akin ng ganoon. Si Lars lang at wala ng iba. Teka? Anong kalokohan ito?



          “Hindi ba, patay ka na?” hindi makapaniwalang tanong ko. “Hoy, Larson, kung ikaw iyan, tigilan mo ang panloloko mo sa akin! Matagal ng patay si Lars! Sinabi sa akin mismo ni Ren kung paano siya namatay!”



          Lumapit sa akin si Larson at inilapit sa kaniya ang aking buong katawan. Pinilit kong magpumiglas sa hawak niya, kaya lang, napakalakas niya. At ilang segundo ang lumipas, naglapat ang mga labi namin. Hindi ako makapaniwala nang naglapat ang mga labi namin. Hindi rin ako makapaniwala na si Lars ang kaharap ko ngayon. Nakaramdam ako ng kapayapaan sa halik niya, halik na nagpapakalma sa aking naguguluhang sistema. Paano? Baka dahil, lasing na ako. Baka ang lahat ng ito ay isang panaginip na lang.



          Sa sumunod na eksenang nakita ko, nasa higaan na kaming dalawa at patuloy pa rin na naglapat ang aming mga labi. Naging malikot na ang mga kamay ni Lars at inaabot nito ang aking mga sensitibong parte, na siya lang ang nakakaalam. Ibinaba na rin niya ang paghalik sa aking leeg dahilan para mapaungol ako ng sensual sa ginagawa niya.



          Hindi ko alam kung panaginip ba iyun o katotohanan, basta hinagkan ko lang si Lars ng mahigpit. Ang sumunod na eksena ay binabayo na niya ako, habang hinahalikan ang aking likuran. Pagkatapos ay tumihaya naman. Parang totoo, para ring hindi. Hindi ko talaga alam.



          Kinabukasan, natagpuan ko ang sarili ko na nakahiga sa kwarto ko. Narinig ko na tumilaok na ang manok ng kapitbahay namin hudyat na umaga na. Agad ko naman inalala ang panaginip ko kagabi kasama si Lars. Imbes na matuwa, nalungkot lang ako. Kasi, sa panaginip na lang kasi namin magagawa ang ganoon. Kung pwede ngang kontrolin ang panaginip, araw-araw kong papanaginipan ko ang bagay na iyun. Bakit pa ba ako maghahanap ng iba? Pero magaling naman si Edmund though. Hah! Hindi naman ako sigurado kung babalik siya sa akin. Baka nga, hindi na!



          Bigla naman bumukas ang pintuan at niluwa nito si Kei.



          “So, may nalaman ka na bang bago sa hinahanap natin, o inubos mo ang oras mo sa paglalasing?” agad na tanong sa akin ni Kei. Ang bastos naman ng batang ito. Hindi ako binati pagkapasok niya sa kwarto ko. Hindi naman kami nakatira sa iisang apartment.



          “Good morning,” sarkastiko kong bati.



          Inalis ko ang kumot na nakatakip sa akin. Saka ko lang naman na-realize na nakahubad ako, at medyo nangangamoy pusit? At may kung anong malagkit na bagay sa tiyan ko. Hah! Pwede ako magkaroon ng orgasm sa panaginip lang?



          “Tinanggap ka pa rin ni Edmund. Mabuti,” payak na sabi ni Kei na walang malisyang tiningnan ang kabuuan ng aking katawan.



          “Hindi. Umuwi siya agad nang hinatid niya ako,” saad ko. Kinamot ko ang aking mga mata dahil may muta pa ako.



          “Ha? Nakipag-sex ka ba sa isang laruan?” May bagay na hinanap siya sa kwarto ko. “Wala akong dildo na nakikita. So ikaw ang nakipag-sex sa sarili mo?”



          “Ano? Hindi ko ginagawa iyun. Ahh!” Sinubukan kong bumangon at naramdaman na parang may nakabuka sa ibaba ko. “Weird.”



          “Alam mo, maghihintay na lang ako sa labas. Magbihis ka na muna at saka na ta’yo mag-usap.” Lumabas si Kei sa kwarto ko.



          Kinapa-kapa ko ang aking ibaba kung totoo ba ang nararamdaman kong ito. Weird. Mukhang totoo ang nasa ibaba ko. At ang ulo ko, medyo masakit. Baka hangover lang ito. Napakadami ko ba namang nainom na beer kagabi.



          Biglang may bagay na pumasok sa aking utak, at nagsimula akong maghanap ng kung anong bagay ang posible kayang pumasok sa akin, sa kwarto ko. Pero wala akong nakita kahit bote o cannister sa kwarto ko. Ang mga sapatos ko naman ay nakaayos at imposible naman na sapatos pa ang gamitin ko para sa aking sarili. Ang ibig kong sabihin, tigang lang naman ako at hindi baliw. Bakit ko naman gagawin ang bagay na iyun? Pero, weird. Nanaginip lang naman ako na ginagawa namin iyun ni Lars. Hindi bale na nga.



          Kinuha ko agad ang aking mga damit at nagbihis ng maayos. Pagkalabas ko, nadatnan ko si Kei na may nilalagay sa lamesa ko. Ahh! Nagluto siya ng almusal para sa aming dalawa. Isang mainit na kanin at ilang hotdog na may kasama pang mainit na kape.



          “Huwag mo akong ipagluto. Kaya kong ipagluto ang sarili ko,” sabi ko sa kaniya habang naglalakad papunta sa lababo para maghilamos.



          Binuksan ko ang gripo at pinasalo sa aking mga kamay ang tubig, tsaka binasa ang aking mukha. Napakalamig ng tubig na nagmula sa gripo.



          “Alam ko naman iyun, kahit na binayo ka ng binayo. Pero masakit ang ulo mo. Akala ko nandito si Edmund kagabi at, maaabutan ko siya. Mabuti na lang at nagluto ako para sa atin,” saad ni Kei habang inaayos ang mga kutsara’t tinidor.



          “Ano? Paano mo naman nasabi na bumalik si Edmund?” tanong ko habang pinupunasan ang aking mukha.



          “May narinig akong sasakyan na dumating kagabi, narinig kong bumukas ang isang pintuan na mukhang sa’yo pagkatapos,” salaysay pa niya. “Nangyari iyun habang umiinom ako ng malamig na tubig malapit sa pintuan.”



          Natawa ako sa kwento ni Kei. “Sure ka? Baka imahinasyon mo lang iyun.”



          Napaisip si Kei. “Baka nga. Pero, ewan! Gabi na iyun kaya hindi ko masyadong matandaan. Tara na at kumain na tayo.”



          Pagkatapos kumain ng agahan, niligpit ko ang aming pinagkainan. Pumunta naman ako sa kwarto para dalhin ang mga litrato, blueprints, at kung ano-ano pa. Muli naman akong umupo sa lamesa para i-discuss kay Kei ang ilang bagay.



          “Medyo naghukay-hukay ako, at nalaman ko na sa asawa ni gov iyung pinanggalingan ng ‘Amn’,” panimula ko. “Tapos, nag-imbestiga pa ako ng konti, at nalaman ko na ang mga transactions na ginagawa nila ay sa isa sa mga fishing pens nila sa Laguna de Bay.” Ibinigay ko kay Kei ang litrato ng fishing pen na pagmamay-ari ng mga Dominguez.



          Tiningnang mabuti ni Kei ang litrato. “Masyadong risky. Hindi tayo makakakuha ng ‘Amn’ nito,” komento niya.



          “Yeah. Hindi naman talaga tayo makakakuha ng ‘Amn’ kung bibiglain natin sila sa tubig. Hindi mo naman siguro iniisip na sumugod diyan.” Ibinigay ko sa kaniya ang isa pang litrato. “Ito naman ang warehouse na palagay ko’y laboratory nila. Hindi masyadong gwardyado noon, pero ngayon ay halos puno na ng gwardya. Kahit na gamitin pa natin ang gabi bilang advantage para sa atin, masyadong maliwanag ang lugar. Kaya kung may gagawin tayong kabaliwan diyan, siguradong mahuhuli tayo.”



          “Paano dumami bigla at tumaas ang seguridad sa warehouse na iyan?” tanong ni Kei.



          “Well, bago pa nabiktima si Ren nung ‘Amn’, may nauna ng pulis ang nabiktima.” Ipinakita ko naman ang litrato ng isang pulis. “Hula ko, mukhang limited edition lang talaga ang ‘Amn’ na ito at halos mahirap na gawin ulit. Medyo kasi tumaas ang presyo nung ‘Amn’ sa tuwing may bumibili dito.”



          “Tataas talaga lalong-lalo na kung effective talaga ang gamot. Pero, pwede naman natin gawin iyung nakasanayan natin hindi ba?”



          “Pwede naman. Kaya lang, magiging mas delikado na sa susunod. At walang kasiguraduhan na makukuha nga natin iyung bagay na kailangan natin. Meron lang tayong mga 20% para magtagumpay. May lima kasing posibleng pagtaguan iyung asawa ni gov. Ang una ay sa bahay nila mismo, pangalawa sa opisina ni gov, pangatlo ay sa laboratory nila, pang-apat ay sa floating house nila, at ang panglima ay nasa kaniya mismo.”



          “Ehh? Bakit hindi tayo sumugal? Malay mo naman, sa unang subok natin ay makuha natin agad, kung hindi naman sa una, sa pangalawa. Kung hindi naman sa pangalawa, sa pangatlo.”



          Humugot ako ng malalim na hininga. “Nagmana ka talaga sa magulang mo. Mahilig sumugal. Tanga ka ba? Imbes na tataas ang tyansa natin mula sa 20%, bababa ito kapag inisa-isa natin ang kanilang pinagtataguan ng listahan. Siguradong dadami ng dadami ang gwardya nung mga natitira kapag sumugod tayo. At isa pa, nasa loob tayo ng pamilya ni Harry noon kaya epektibo iyung ginawa natin. Kaya kailangan natin gumamit ng ibang paraan.”



          “At ano ang naisip mo?” tanong ni Kei.



          Ngumisi ako. “Gagamit tayo ng mga mersenaryo para gawin ang trabaho natin.”



          Naguluhan si Kei. “Mersenaryo? Paano?”



          “Magti-tip tayo sa mga kapulisan na may nangyayaring palitan sa floating house, at sa laboratory. Siyempre, ilang araw ay mamanmanan nila ang mga lugar na iyun ng mga ilang araw, saka gagawa sila ng mga aksyon.”



          Suminghag si Kei. “Talaga? May mapagkakatiwalaan ka na ba na contact sa kapulisan natin dito? Siyempre, iyung hindi kasamahan ni gov?” sarkastikong tanong ni Kei.



          “Siyempre, may napipisil na ako.” Ipinakita ko sa kaniya ang litrato ni Geoffrey. “Kilala mo ba ang taong ito?”



          Gumalaw bahagya ang mga mata ni Kei. “Si Officer Geoffrey?”



          “Oo. Si Officer Geoffrey. Siya ang bibigyan ko ng tip. Nalaman ko kasi na isa siya sa mga contact ni Mr. Schoneberg sa kapulisan. Nalaman ko din na nagdo-donate ng malaking halaga ng pera si Mr. Schoneberg sa kapulisan para lang makakuha ng kahit anong impormasyon tungkol sa ‘Amn’, at para mawala na ito sa sistema, siguro. Kaya sa tulong ng koneksyon ni Mr. Schoneberg, at dahil ‘Amn’ ang pinag-uusapan natin, tiyak na walang magagawa ang nakakataas sa kanila na ibigay kay Geoffrey ang kasong ito. At sa planong ito, tumaas ng 40%, assuming na makukuha ni Geoffrey ang listahan, or mga ‘Amn' mula sa isa sa mga lugar na iyun. Siyempre, iimbestigahan niya muna siguro ang listahan na makikita niya dahil magiging curious siya kung sino-sinong mga personalidad ang bumili ng ‘Amn’. Malapit na sa 50% iyun kaya okay lang. At isa pa, kung hindi naman makukuha ni Geoffrey ang listahan o ng mga ‘Amn', mas maganda. Hindi tayo talo. Tataas naman ng 33% na makukuha natin sa ibang lugar ang listahan o ng mga ‘Amn'. Pero isang beses lang ang tyansa natin sa tatlong lugar na iyun. Doon na tayo matatalo kapag wala tayong nakuha,” mahabang paliwanag ko.



          “Ahh! Ganoon pala. Bale iyung dalawang lugar ay hindi tayo ang maghahanap kung hindi ang mga pulis. Sa ganoon, hindi tataasan ng seguridad ang natitirang tatlo. Pero pagdating natin doon sa huling tatlo, siguradong maghihinala na si gov kung isa man doon sa tatlo ay pumalpak tayo.”



          “Mismo,” tango ko.



          “Okay. Handa na ba ang planong ito?” tanong pa ni Kei.



          “Oo naman. Ang gagawin ko na lang ay i-submit kay Geoffrey ang ilang ebidensya sa e-mail niya. At maghihintay tayo ng ilang araw. Kapag sabay na ni-raid nila ang dalawang lugar na iyun, tagumpay ang plano natin. At kapag nakuha pa ni Geoffrey ang listahan, mas maganda.”



          “Sige. Gawin na natin ang plano.”



          Pagkaalis ni Kei, inayos ko agad ang mga papeles ang litrato na sinalansan ko. Naramdaman ko na naman ang pananakit ng ibaba ko. Napaka-weird talaga. Totoo kaya ang panaginip kong iyun kagabi? Nakipag-sex ba talaga ako kay Lars?



Joseph’s POV



          Isang araw bago ang Valentine’s Day, kasalukuyan na nasa bahay ni Ren sila Paul, Aldred, Daryll at Jonas. Sisimulan na kasi nila na gayahin iyung cookies na ginawa noon ni Ren. Si Ren, at ako ay mga tagatingin lang sa ginagawa nila. Gusto kasi nila na turuan namin sila nang hindi sila tinuturuan mismo kung paano gawin iyung mga cookies. Ang ibig kong sabihin, pagsabihan sila kung tama ba ang ginagawa nila, o mali. Siyempre, iyung mga mahal sa buhay nila ang kakain at nakakahiya daw na hindi sila ang mismong gumawa ng mga cookies, na may pagmamahal. Hindi kasi uso ang ganoon para sa kanila na bumili na lang ng gawa na. Ika nga nila, it’s the thought that counts.



          “Iyun kaya ang dahilan kaya hindi ako ang napili ni Shrek noon? Paano kung ang gusto niya pala noon ay hindi isang pisikal na bagay na krus? Paano kung ibinigay ko noon pa ang aking katawan na may pisikal na krus?” naitanong ko sa aking sarili habang kasama ko si Ren na nagmamasid sa apat na kalalakihan kung paano nila ginagawa ang cookies.



          “Huwag kang magsalita ng ganyan,” saway sa akin ni Paul habang gumagawa. “Marinig ka ni Daryll, at magkakaroon ka ng book 3 na, hindi magiging maganda ang katapusan para sa’yo.”



          “Huwag kang mag-alala. Naririnig lang naman ako ni Daryll kapag sinabihan ko siyang tanga.”



          Pagalit na lumingon sa akin si Daryll. “Hoy Joseph, hindi ako tanga huh?” Sinasabi ko na nga ba narinig niya ako.



          “Ren, tama ba itong ginagawa ko?” tanong ni Aldred sa kaniya. Pinakita ni Aldred ang mga hindi pa nalulutong cookies. Handa na ang mga ito na ilagay sa oven.



          Tumango-tango si Ren. “Pero iyung kanina Kuya Aldred, bakit napakaraming bourbon ang nilagay mo? Hindi ba’t masama daw sa kalusugan ang sobrang alak?”



          Napakamot si Aldred sa ulo. “Kung nag-iisa ko lang na kainin ang mga to, masama talaga sa kalusugan to. Nakakasira ng atay. Pero dalawa naman kaming kakain nito kaya okay lang,” sagot niya. “Basta.”



          “Mukhang makakarami ka niyan Aldred. Baka mabuntis mo si Blue niyan,” pang-aasar ni Paul.



          “Oi, ikaw din Paul. Mamaya ay mabuntis mo din si Geo,” balik nito.



          “Sus! Okay lang si Geo doon. Hindi nga siya nahihiya. Si Blue lang ang nahihiya kapag sinasabihan na baka mabuntis. Tsaka Jonas, damihan mo na kaya ang alak na ilagay mo,” natatawang kwento ni Paul.



          “Ayoko nga. Gusto ko ay tamang-tama lang para kay Nicko,” sabi ni Jonas habang binibigyan na ng hugis ang ginagawang tsokolate.



          “Umm, ipapaalala ko lang na may bata dito?” Tinuro ko si Ren na distracted na pinapanood si Aldred. “Alam mo Aldred, huwag mo ng takutin si Ren. Maganda iyan. At least, hindi siya malapit sa akin ng mga isang metro.”



          “Yeah. Akala mo nga na ang lahat ng taong lumalapit sa iyo ay si Franz na may balak manyakin ka. Kaya binabatukan mo agad ang mga taong lalapit sa iyo,” natatawang sabi ni Paul. Sumeryoso naman bigla ang mukha niya. “Bigla ko ngayon naalala na medyo masakit pa rin iyung ginawa mo sa akin.”



          “Kasalanan mo iyun,” singhag ko. “Aware ka naman siguro kung gaano siya kalandi,” sabi ko kay Daryll na nakatingin ng seryoso sa akin.



          Isa-isa ng tiningnan ni Ren ang mga tsokolate na gawa nila. “Pwede na iyan,” sabi niya sa gawa ni Daryll. “pati na rin iyan,” sabi naman niya sa gawa ni Jonas. “at iyan,” at sabi niya sa gawa ni Paul.”



          “Okay. Nainitan na iyung oven kaya ipasok niyo na ang mga iyan,” sabi ko sa kanila.



          Isa-isa nilang ipinasok ang kanilang ginagawang tsokolate sa oven. Pagkatapos ay hinugasan nila ang kanilang mga kamay sa lababo. Si Ren naman ay ang nag-set kung ilang minuto gumagana ang oven.



          “Kuya Joseph, pwede ba akong tumikim ng kahit isa lang?” tanong ni Ren.



          “Hindi pwede,” pagtanggi ko. “Sabi ni Mama, bawal kang tumikim ng kahit isa. May alak iyan kaya bawal.”



          Lumungkot ang mukha ni Ren. Itinuon na lang niya ang atensyon sa oven na may malungkot na mukha.



          “Joseph, hayaan mo naman na tumikim si Ren ng isa. Pwede iyung ginawa ko. Hindi ako naglagay ng alak,” payak na sabi ni Jonas.



          Hindi ako makapaniwalang tiningnan si Jonas. “P-Pero nakita ng dalawang mga mata ko na-”



          “Joseph, mas maganda na isipin na langa niya na walang alak ang nilagay ko. Hayaan mo na gawin ng placebo effect ang kaniyang trabaho,” pabulong na pagputol pa niya.



          Inosenteng napangiti si Ren. “Talaga po Kuya Jonas? Pwede po akong kumain ng isa?”



          “Yeah. Pero isa lang. Alam mo naman kung sino dapat ang kasalo ko, pero exception ka dahil naging mabuti kang kaibigan sa akin.”



          “Sana ay hindi ako malagot sa ginagawa ninyo,” nasabi ko na lang.



          “Maghihintay lang kami sa sala.” Tatapikin pa sana ni Jonas ang balikat ko pero may naalala siguro at naglakad na lang patungo sa sala.



          “Kuya Joseph, napapansin ko po na hindi bumibisita si Kuya Allan. A-Ano po ba ang nangyari?” tanong na naman ni Ren.



          Umupo ako sa katabing upuan ni Ren at nakaharap ako sa kabilang direksyon. “Pinagalitan ko lang naman,” diretso ko. “May ginawang bad si Kuya Allan mo kaya pinagalitan ko. Ako naman, hindi ko alam na hindi na siya bibisita kapag pinagalitan ko.” Na sana ay matagal ko ng ginawa kung alam ko lang.



          “Bakit po?” panguso ng tanong ni Ren.



          Nagharap kami ni Ren. “Ren, alam mo naman na kakagaling mo lang sa isang sakit, nang bigla kang nawala sa amin ni Mama. Alam mo ba na noong nawala ka, lumindol ng buong araw dahil nag-aalala sa iyo si Mama? Pati ako, nag-aalala dahil hindi namin alam kung saan ka napunta. Pagkatapos, nang natagpuan ka na namin, heto ka. Walang maalala tungkol sa amin. Sana, maintindihan mo. Si Mama, may trabaho iyan para tustusan ang mga pangangailangan natin. Hindi naman kasi pwede na nasa tabi natin siya palagi. Ako naman, hindi mo palaging kasama. Iba’t ibang course kasi ang pinili natin. Kung tutuusin nga, ayaw ka ng palabasin ni Mama dahil baka kung ano na naman ang mangyari kapag nawala ka. At sa tingin mo ay kakayanin ito ni Mama kapag nawala ka ulit? Si Mama, hindi halata na nag-aalala siya sa iyo dahil tinatatagan niya ang loob niya para makaya niya ang bawat araw na hindi ka niya kasama. At gabi-gabi, pinagdadasal ka niya palagi na sana ay panatilihin ka niyang ligtas,” mahabang pagkikwento ko ng kasinungalingan, pero totoo iyung parteng nagdadasal si Mama para key Ren. “Well, hindi magiging epektibo ang dasal ni Mama kung walang aksyon.”



          Tumungo si Ren at hindi siya tumugon sa mga sinabi ko. Kahit hindi siya magsalita, alam kong malungkot siya dahil nga, hindi niya nakikita si Allan. Hay! Alam ko ang pakiramdam na iyan. Pero, iba ang kaso mo Ren. Sana nga talaga ay maintindihan mo.



          Humugot ako ng malalim na hininga. “Ano kaya kung gawan mo si Allan mo ng ganyan?" Sabay nguso doon sa niluluto namin sa oven. “Tsaka, kami ni Mama? Napakasarap mo pa naman gumawa niyan noon."



          “Talaga, Kuya Joseph?" excited na tanong ni Ren.



          Nagpakawala ako ng pilit na ngiti. “Pagbibigyan ko si Allan bukas dahil isa iyung espesyal na araw. Tsaka, hindi ko kayang makita ka na malungkot ng matagal." Kung hindi lang isang Schoneberg ang nakiusap kay Mama na gawin ang bagay na ito, kaya kitang tiisin.



          “Sige, sige. Gagawa na ako." Agad na kinuha niya ang mga kailangan na sangkap.



          “Huwag mo palang lagyan ng alak ha? At huwag masyadong matamis. Kung maaari din, magtira ka para sa akin," pagpapaalala ko. “Alam mo naman, si Mama, basta pagkain, lalamunin agad."



          “Joseph, sali ka sa laro namin!" sigaw ni Paul mula sa Game Room.



          “Kaya mo na siguro gawin iyung ginagawa nilang tsokolate hindi ba? Napakabilis mong matuto kasi."



          “Opo," tipid na tugon niya.



          Mukhang halos hindi ko na siya makausap kaya iniwan ko na siya sa kusina. Wala naman sigurong masama na mangyayari kung iwan ko siya sa kusina hindi ba?



Keifer's POV



          “Kaya ngayong Valentine's Day, kailangan magtrabaho tayo ngayon," anunsyo ni Katya sa amin, sa loob ng Journalism Club. “At heto ang mga suhestyon ko sa mga magiging article natin para sa December to February issue." Ipinaskil ni Katya sa whiteboard ang mga dapat na makikita sa gagawin namin.



          “Oh my God. Hindi ko namalayan na hindi na pala dito nag-aaral si Jasper," sabi ni Andrea matapos makita ang mga nakasulat sa whiteboard.



          “Kukunin ko iyung sa Music Club," pagboluntaryo ko doon sa isang gawain namin.



          “Ako sa Basketball Club", sabi naman ni Keith.



          “Travel," pagboluntaryo naman ni Martin. “Oi, Kei, nakita ko si Ren nitong nakaraang araw. Kinausap namin siya ni Alexa, pero parang hindi niya kami nakikilala. Alam mo ba kung ano ang nangyari doon?"



          Biglang sumingit si Alexa sa gilid ko. “Oo nga. Ano ang nangyari doon? Si Harry rin pala, asaan? Si Janice, asaan?"



          Itinaas ko ang aking dalawang kamay. “Ewan. Si Harry, umuwi na sa kanila. Si Janice naman, pina-annulled na ang kasal namin tapos umuwi na din sa kanila."



          “Good. So single ka na pala ngayon at ready to mingle," natatawang wika ni Martin. “Wala na ang mga problema mo."



          “Maliban na lang kay Allan," pagpapaalala ni Alexa.



          “Tss! Si Allan lang naman pala."



          “Si Allan lang naman pala. Si Allan lang naman pala na sumalo sa kaniya noong iniwan mo siya, si Allan lang naman pala na nakabakod sa kaniya," sabi ni Martin habang ginagaya ang paraan ko ng pagsasalita.



          “Maliit na problema lang ang mga iyun," sabi ko na puno ng kompyansa. “Bakuran pa niya iyun ng 24/7. Wala akong pakialam."



          “Wow! Confident! Good luck na lang sa'yo," wika ni Alexa na bumalik sa kaniyang pwesto.



          “Oo nga pala Martin. Ito iyung una ninyong Valentine's day kasama si Alexa. May plano ka na ba para sa araw na to?" tanong ko.



          “Valentine's Day? Bukas pa iyun hindi ba?" tugon ni Martin.



          Tiningnan ko ng mariin si Martin. “February 13 pa lang ang petsa sa utak mo? Martin, 14 na ngayon."



          “Martin," tawag ni Alexa dito.



          Tumingin kami ni Martin at nakita si Alexa na may hawak na isang maliit na cardboard. May mensahe na nakasulat dito.



          “Excited na ako sa surprise mo," basa ko sa mensahe.



          Nang tiningnan ko si Martin, namutla siya. Halatang wala siyang surprise kay Alexa dahil nakalimutan niya na February 14 ngayon. Siguro, nakalimutan niya dahil sa marami siyang ginagawa nitong mga nakaraang araw kasama si Alexa. Mga normal lang na gawain. Galing kasi sa isang conserbatibong pamilya si Alexa kaya imposibleng may extra. Alam naman iyun ni Martin at nirerespeto niya ito.



          “Tandaan mo na hindi pwedeng gawing Valentine’s gift ang sarili, o halik,” sabi ko kay Martin habang tinatapik ang kaniyang balikat saka tumayo para pumasok na sa klase.



          Ahh! Bigla ko tuloy naalala ang Valentine’s Day noong isang taon. Pero hindi ko pa kasama si Ren noon. Kahit, ngayon. Noong hindi pa pumasok ang ‘Amn’ sa mga plano namin, marami pa naman akong naisip kung ano ang gagawin ko kasama si Ren ngayong araw. Pero hindi ko na magagawa iyun. Tss! Mukhang sa susunod na taon na lang.



          Habang naglalakad papunta sa klase ko, naisip ko muna na puntahan ang klase ni Blue. Sakto at nadatnan ko naman siya na papasok ng classroom niya.



          “Blue,” tawag ko dito.



          Huminto siya sa paglalakad at humarap sa akin. “Keifer. May kailangan ka?” tanong niya.



          “Oo. Alam mo naman na galing ako sa Journalism Club hindi ba? Pupunta ako mamaya para sa interview nilang lahat. Kailangan kasi para sa school paper,” paliwanag ko.



          “Para ba talaga sa school paper or baka dahil gusto mo lang makita si Ren?”



          Nagulat ako sa sinabi niya. “Huh? Para makita si Ren? Hindi ahh. May asawa na ako,” maang ko.



          Inirapan ako ni Blue. “Huwag ka ng magkaila. Sinabi na sa akin ni Jonas na, annulled ang kasal ninyo ni Janice. Hindi ko alam kung ano ang mga nangyari, pero…” Hindi na niya alam ang mga susunod pa niyang sasabihin. “Okay. Magpapasabi na ako sa kanila.”



          “Sige, punta na ako sa klase ko.”



          Tinalikuran ko na si Blue at nagpatuloy na sa paglalakad. Hmm, ano kaya ang mga magaganda na relevant topic ang itanong ko sa kanila?



          Ilang minuto ang nakalipas, lunch break ko na. Pagkatapos kumain sa cafeteria, pumunta na ako sa Music Room para sa interview nila. Saktong-sakto naman at nandoon silang lahat, featuring Allan.



          “Good afternoon,” magalang na bati ko sa kanila. “So, handa na ba kayong lahat sa interview? Nakakain na ba kayo? Baka may isasagot kayong mali kapag hindi kayo nakakain.”



          “Hindi. Okay na silang lahat at nakakain na,” sagot ni Blue.



          Bago nagsimula ang kanilang interview, kinuhaan ko na muna silang apat ng litrato. Iyung litrato na normal lang na sa sobrang normal ay ayaw ngumiti ni Joseph. Ang dahilan niya, para ipakita sa kaniyang mga fans na, medyo seryoso siya. At isa pang litrato kasama ang kanilang mga instrumento, wacky, at isa pang litrato na dapat ay kasama sila Blue at Ren. Pero umangal bigla si Allan.



          “Kailangan pa ba iyun? Kailangan pa bang isama si Ren sa picture?” simpleng reklamo niya.



          “Allan, walang technology ang camera ko para kunin si Ren mula sa iyo,” sabi ko.



          Natawa naman sila Joseph at ang iba pa sa sinabi ko. Pumayag din kalaunan si Allan na magpakuha ng litrato si Ren, kasama ang iba pa. Nang natapos na ang picture taking, nagbigay na ako ng mga ilang katanungan sa kanila, na halos lahat ng tanong ay pinili ko sa Facebook, at ang iba naman ay personal na sa akin. Habang nagtatanong at sinasagot nila ako, pasulyap na tinitingnan ko si Ren at ngumingiti. Kinikindatan ko pa siya. Napansin naman iyun ni Allan kaya dini-distract niya si Ren mula sa akin.



          Nang natapos na ang interview, nagligpit na ako ng gamit at isa-isa na silang nagsialisan. Hinayaan nila ako na mapag-isa sa music room. Kailangan ko din kasi kunan ng litrato ang loob.



          Bumuntong-hininga ako matapos kumuha ng mga litrato. Medyo nasisiyahan ako dahil nakikita ko si Ren na buhay, at ngumingiti, kahit na hindi siya nakatingin habang nakangiti. Okay na iyun. May mga ibang pagkakataon pa naman ako. Hindi pa tapos ang lahat.



          Nang lumabas ako ng Music Room, nadatnan ko si Larson, ang kakambal ni Lars, sa labas. Nagulat ako dahil hindi ko inaasahan na makakasalubong ko siya sa eskwelahan. Medyo nakakatakot pa naman ang mga tingin niya dahil mukhang, seryoso siya. Hindi naman ako nagpatinag at sinabayan ko ang mga tingin niya. Habang tinitingnan siya, inaalala ko kung ano ang itsura ni Lars. Magkakambal nga talaga sila.



          “Ang tagal na nating hindi nagkita, Villaflores,” sabi ni Larson.



          Nagulat ako sa sinabi niya. Nagkwento ba si Gerard sa kaniya? Paano niya nalaman kung ano ang dati kong apelyido? Ang tono ng pananalita niya, parang kilalang-kilala niya ako. Hindi naman kaya…



          “Pwede bang malaman kung ano ang kailangan mo?” tanong ko. “Busy ako ngayon kaya kung pwede ay mamaya na lang tayo mag-usap.”



          “Ahh! Ganoon ba? Sige. Mamaya na lang. Susunduin na lang kita pagkatapos ng araw mo. Sa parking lot na kung saan hindi mo makakasabay si Ren. Alam mo naman siguro kung saan iyun hindi ba?”



          “Ayokong makasabay si Allan,” pagtanggi ko.



          “Huwag kang mag-alala. Hindi naman iyun sasakay sa sasakyan ko pauwi kapag mula dito sa school. Sa bahay ni Ren ko siya susunduin.”



          Tumango lang ako. Umalis naman siya sa paningin ko pagkatapos. Sana, mali ang iniisip ko.



Allan’s POV



          Nang natapos na araw, sumakay na kami ni Ren sa sasakyan niya pauwi. Mahigpit na hinahawakan ko ang kamay ni Ren para hindi ko talaga siya maiwala ngayon. Baka kapag may malalim na naman akong iniisip, bigla na lang siya mawala at, baka ito na rin ang huling beses ko na makalapit sa kaniya ng ganito.



          “Tabi diyan,” sabi ni Joseph na malakas akong tinulak papasok.



          Dahil sa pagtulak ni Joseph, hindi ko sinasadyang mailapit ang mukha ko kay Ren. Muntikan pa ngang maglapat ang mga labi namin.



          Gulat na gulat na nagkatinginan kami ni Ren. Kapwa hindi namin inaasahan ang pangyayaring ito. Gustong-gusto ko sana siyang nakawan ng halik, kaya lang ay pinanghahawakan ko ang sinasabi ko. Hindi ko siya hahalikan hangga’t hindi pa okay sa Mama ni Joseph. Well, nahalikan ko naman siya noon pa. Kaya lang, bata pa siya noon.



          Bigla na lang akong nagising sa pag-iisip nang biglang hilahin ako ni Joseph palayo sa kaniya. Nakahinga naman si Joseph matapos makita ata na hindi naglapat ang labi namin.



          “Umayos ka nga,” saway sa akin ni Joseph.



          “Ikaw kaya ang nagtulak sa akin,” asik ko.



          “Alam mo ba, Kuya Allan, may sumpresa ako sa'yo," sabi ni Ren nang umandar na ang sasakyan. Ako din. May sumpresa sana ako sa'yo sa araw na ito.



          Na-excite naman ako kung ano iyun. “Talaga? Ano naman iyun?" tanong ko.



          “Secret," malihim niyang tugon.



          “Wow! May pa-secret-secret ka ng nalalaman. Pwede ko bang hulaan kung ano iyun?"



          “Hindi pwede. Hindi fair para kay Mama. Wala naman siya sa school para tanungin ako kung ano iyung sumpresa ko," irap ni Ren. “Kaya, maghintay ka kung ano iyung sumpresa na iyun."



          “Sige. Maghihintay ako."



          Nang nakarating na kami sa bahay ni Ren, sakto naman na nakauwi na din ang Mama ni Joseph. Nagmadali na lumapit dito si Ren at yumakap.



          “Napakahigpit naman," sabi ng Mama ni Joseph.



          “Mama, huwag niyong pisatin si Ren," saway ni Joseph sabay halik sa pisngi ng kaniyang Mama at tumuloy na sa pangalawang palapag.



          “Magandang gabi po Mrs. Reyes," bati ko.



          “Allan, nandito ka," tugon ng Mama ni Joseph.



          “Mama, may sumpresa ako sa inyong dalawa ni Kuya Allan," wika ni Ren.



          Kitang-kita sa mukha ng Mama ni Joseph na nasisiyahan ito sa narinig kay Ren. “Talaga? Ano naman kaya iyun?"



          “Secret po iyun. Malalaman niyo po pagkatapos nating kumain. Gutom na gutom na po kasi ako."



          “Hmm, ano kaya ang sikretong iyan? Hala, umakyat na kayo at magbihis. Ihahanda ko na ang mesa. Okay?"



          Naglakad na papunta sa kwarto niya si Ren. Ibinaba ko naman ang aking mga gamit sa sofa at tumuloy sa kusina kung saan nandoon ang Mama ni Joseph at ihinahanda ang mesa.



          “Tutulong po ako," sabi ko.



          “Okay lang ba? Nakakahiya sa iyo," tugon ng Mama ni Joseph.



          “Okay lang po." Sinimulan ko na ang pag-aayos ng mesa. “Mrs. Reyes, gusto ko pong magpasalamat dahil sa pag-aalaga ninyo kay Ren."



          “Wala iyun," iling niya. “Ginagawa ko lang ang nararapat gawin ng isang, mabuting tao, at bilang isang tao na gustong magkaroon pa ng isa pang anak."



          “Alam po ba ito ng asawa ninyo?"



          “Ahh! Wala akong asawa. Single mom ako."



          “P-Pasensya na po," paghingi ko ng dispensa. “Hindi na po sana ako nagtanong."



          “Okay lang."



          “Kahanga-hanga po kayo. Napalaki po ninyo si Joseph ng, maayos. Pati na rin po si Ren."



          “Siyempre. Para turuan ng mabuti ang mga anak ko, hindi ko kailangan ang aking kabiyak para gawin ang bagay na iyun."



          “Alam ko po iyun. Ako din po, pinalaki lang ng mag-isa ng Mama ko."



          ”Asaan ang Papa mo?"



          “Sabi ni Mama, namatay daw siya bago ako ipinanganak."



          “Ikinalulungkot kong marinig iyan," paghingi ng Mama ni Joseph ng dispensa.



          “Pero siguro, buhay pa po naman siguro iyung Papa ni Joseph, hindi po ba?"



          “Mukhang, hindi na rin," iling niya.



          “Pasensya na po ulit," paghingi ko ulit ng dispensa. Ano ba iyan? Puro na lang paghingi ng dispensa ang ginagawa namin.



          “Alam niyo po, kung pwede lang, kami na po sana ni Mama ang mag-aalaga kay Ren. Kaya lang, wala rin siya dito sa Rizal. At, may history kami ni Ren. Kaya hindi pwede."



          “Talaga? Asaan ang Mama mo ngayon?" tanong niya.



          “Nasa Maynila siya para asikasuhin ang, una at pangalawang franchise ng negosyo namin. Bukas pa siya babalik."



          “Maganda iyun."



          Pagkatapos namin maghanda, sakto naman na dumating na sila Joseph at Ren at nagsimula na kaming kumain. Nang natapos na kami kumain, oras na ata para ipakita sa amin ni Ren ang sumpresa niya.



          “Ting!”



          Nagulat kami ng Mama ni Joseph nang narinig namin ang tunog ng isang microwave. Inilabas ni Joseph ang apat na cookies. Inilagay niya ang dalawa sa isang plato, at ang dalawa sa isa pa. Kinuha ni Ren ang mga plato at ibinigay ang bawat isa sa amin ng Mama ni Joseph.



          “Happy Valentine’s Day po sa inyo, Mama, Kuya Allan,” bati sa amin ni Ren. So, ito pala ang sumpresa sa amin ni Ren.



          “Aw! Ang sweet naman ng anak ko,” reaksyon ng Mama ni Joseph. “Thank you, Ren.”



          “Umm, iyung cookies niyo po, hindi ko po gawa iyan. Gawa iyan ni Kuya Joseph,” sabi ni Ren.



          “Talaga? Sige nga. Tikman nga natin ito Allan kung masarap ba ang mga cookies na ito?” yaya sa akin ng Mama ni Joseph.



          Mainit-init pa ang cookies na binigay sa amin ni Ren. Binigyan muna namin ito ng ilang ihip bago kumagat. Napakasarap.



          “Ang sarap-sarap!” bulalas ng Mama ni Joseph. “Joseph, sigurado ka bang ikaw talaga ang gumawa nito?”



          “Mama, hindi po nagsisinungaling ang mga bata,” nakangiting tugon ni Joseph. “Happy Valentine’s po, Mama. Mabuti at nagustuhan niyo iyan. Ginawa ko iyan ng may pagmamahal dahil mahal na mahal kayo. I love you. You love me.” Kinanta iyun ni Joseph na may kasamang kembot at bumubuo pa siya ng puso sa kaniyang ulo gamit ang kaniyang mga kamay.



          Natawa ang Mama niya. “Ikaw talaga! Tigilan mo nga iyan. Halika nga kayong dalawa at bibigyan ko kayo ng isang mahigpit na yakap.



          Lumapit ang dalawa sa, Mama nila at niyakap sila nito. Binigyan pa sila ng tig-iisang halik sa pisngi. Hay! Na-miss ko tuloy ang Mama ko habang pinapanood sila. Sana naman, agahan ni Mama ang pag-uwi.



          Kumalas si Ren sa pagkakayakap sa kanila. “Kuya Allan, may problema po ba? Hindi po ba masarap ang cookies na ginawa ko para sa iyo?”



          “H-Hindi sa ganoon. Napakasarap nga ehh.” Kumagat pa ulit ako sa cookies na luto ni Ren.



          Naubos agad ng Mama ni Joseph ang cookies na ginawa ng kanyang anak. Agad na niyang nililigpit ang aming mga pinagkainan, kahit na hindi ko pa nga nauubos ang isang cookies ni Ren. Siyempre, ninanamnam ko ang pagkakataon na makakain ng gawa ni Ren, for the first time.



          “Ren, sa labas muna kayo ni Kuya Allan mo. Magliligpit na ako,” sabi ng Mama ni Joseph.



          “Tara. Mag-usap tayo sa labas,” sabi ko at hinawakan ko ang kamay ni Ren, habang ang isa ay sa platito ng cookies.



          “Allan, ang mga hindi pwede at pwede,” pagpapaalala sa akin ni Joseph.



          Pumunta na kami sa likuran ng bahay. Pinagpatuloy ko na ang pagkain sa cookies dahil napakasarap talaga nito, at napakatamis. Gusto kong kumain ng mga sampu pa nito kung pwede.



          “Allan, magkwento ka nga sa akin kung, ano ba ang meron sa ating dalawa noon?” tanong ni Ren. “Noong nagkalapit kasi tayo kanina, bigla kong naalala ang kaparehas na senaryo sa ating dalawa. Naramdaman ko na bumibilis ang tibok ng puso ko. At kasabay noon, pakiramdam ko ay kailangan kitang itulak dahil, naiinis ako sa iyo? Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan.”



          Humugot ako ng buntong-hininga. “Well, ang totoo niyan kasi, hindi tayo ganoon ka-close, until recently. Ayaw mo kasi sa akin dahil sa ugali ko. Alam mo iyun?”



          “Ayaw ko sa iyo?”



          “Teka, napapansin mo ba ang seating arrangement natin sa klase? Si Geo, ikaw, ako, si Alexis?”



          “Ano naman ang meron doon?”



          Umayos ako ng upo sa bakal na upuan paharap sa kaniya. “Ganito kasi iyun. Ikaw Ren, alam mo naman na matalinong-matalino ka. Kaya, ako naman na walang alam, kumokopya sa iyo.”



          “Kumokopya ka sa akin? Hindi ba masama iyun? Hindi ba pandaraya iyun?” sunod-sunod niyang tanong.



          Napakamot ako sa ulo. “Oo, oo, pandaraya nga iyung ginagawa ko. Pero ginagawa mo iyun dahil, gusto mo. Ang ibig kong sabihin, dahil kailangan. Kasi nga, bina-blackmail kita,” diretso kong sagot.



          “A-Ako? Blackmail? Ano naman iyun?”



          “Isang bagay na ayaw na ayaw mong makuha. Ang mapansin ng kahit sino man.”



          Napaisip si Ren sa mga sinabi ko. “Kaya pala. Kaya ayaw mo akong kausapin sa school, madalang ko lang kausapin si Geo, ahh! Si Mama. Sinabi ni Mama na hindi daw ako magpapansin sa tao. Kaya kahit i-perfect iyung isang quiz natin noong isang araw, hindi pwede.”



          “Eksakto.”



          “P-Pero hindi ko maintindihan. Matagal na tayong magkakilala. At naaalala ko pa noong nasa palaruan tayo, nakikipaglaro ka pa sa akin. At masayang-masaya tayong dalawa. Ano ang nangyari pagkatapos noon? Bakit, inaasar mo ako?”



          Kumagat ako sa cookies na gawa niya. “Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkahiwalay tayo. Hindi na tayo nagkita ng mga ilang taon, at noong nagkita na tayo ulit, hindi kita agad nakilala dahil malaki ang naging pagbabago mo. At ganoon din ako kaya hindi mo ako nakilala. Tapos, nitong nakaraan, nalaman na natin ang katotohanan ng isa’t isa.”



          Nagkatiningnan lang kami ni Ren matapos akong magpaliwanag. Gusto kong makita kung may epekto ba ang mga sinabi ko sa kaniya. Gusto kong makita kung may naaalala siya sa mga nangyari nitong taon tungkol sa aming dalawa. Naaalala na niya ang mga nangyari noong mga bata kami kaya siguro naman, iyung mga nangyari nitong taon ay maalala niya.



          “Sabihin mo nga sa akin Ren. Ano nga ang tawag mo sa akin noon? Naaalala mo na ba?” tanong ko.



          Umiling si Ren.



          “Gusto mo ng clue? Tinatawag mo ako sa aking apelyido?”



          Banayad na umihip ang hangin sa likod-bahay. Nakatulala lang si Ren sa akin habang inaalala ang sagot sa aking tanong. Nagsimula ng gumalaw ang kaniyang labi ng bahagya pero walang boses ang lumalabas.



          “Kuya Villaflores,” sagot niya.



          Napangiti ako matapos marinig ang sagot niya. “Tama ka. Kuya Villaflores ang tawag mo sa akin.”



Keifer’s POV



          Nang natapos na ang mga gagawin ko ngayong araw, pumunta ako sa parking lot na sinasabi ni Larson at nadatnan ko nga siya doon. Sumakay naman ako at dinala niya ako sa isang kainan. Sa isang pangmayaman na kainan na pagmamay-ari ng mga Bourbon.



          “Ayos lang ba ako na kasama mo ako dito?” tanong ko.



          “Huh?”



          “Ang ibig kong sabihin, nakapang-uniporme ako. Pwede ba ako dito?”



          Tiningnan ni Larson ang kabuuan ko. “Ayos ka lang naman. Tsaka hindi mahigpit sa dress code ang restaurant na ito,” tugon niya.



          Umupo lang ako sa isa sa mga upuan na tinuro niya. Pagkatapos ay umorder kami ng kakainin namin.



          “Oo nga pala. Hindi pa pala ako nagpapakilala sa iyo.” Panimula ni Larson habang pinupunasan niya ang kaniyang kamay gamit ang isang panyo. “Ang pangalan ko ay Larson Mercer. Nice to meet you.”



          “Keifer Salvador,” tipid na pagpapakilala ko sa aking sarili.



          “I see. Nag-iba ka nga talaga ng apelyido. Matalinong desisyon. Kahit siguro isang batang paslit na ikinahihiya ang kaniyang mga magulang, mag-iisip din na palitan ang kaniyang apelyido,” natatawang sabi niya.



          “Ganoon din ba ang kaso mo?” tanong ko.



          “Well, oo at hindi,” irap niya. “Ako lang naman ang taong may ginawang masama sa kaniyang kapatid noon.”



          Dumating na ang inorder naming mga pagkain.



          “Ahh! Tamang-tama. Kumain muna tayo bago mag-usap. Nagugutom na ako. Mag-usap tayo habang kumakain ng dessert, pwede ba?” tanong niya.



          Sinunod ko ang sinabi niya at kumain kaming dalawa ng matiwasay. Habang kumakain, hindi kami nag-iimikang dalawa. Kaya sinusubukan ko ngayong basahin ang iniisip niya. Pero hindi ko magawa. Ngayon ko lang naman kasi nakasalamuha ang taong ito kaya hindi ko malalaman agad. Pero nakatitiyak ako na ang pag-uusap na ito ay may kinalaman kay Ren.



          Ilang minuto ang lumipas, natapos na kaming kumain. Nagkaroon muna ng saglit na katahimikan nang natapos na namin ang aming mga pagkain. Nakatingin lang sa akin si Larson at gumalaw lang nang nakita na ang waiter na hinahainan na kami ng dessert.



          Humugot muna ng isang malalim na hininga si Larson. “Unang-una sa lahat, nagpapasalamat ako dahil sa mga ginagawa mo para kay Ren. Kaya lang, kung iniisip mo na ako ang magre-reward sa iyo kay Ren, hindi ko gagawin iyun.”



          “Kahit kailan, hindi ko iniisip na gagawin mong gantimpala si Ren matapos ang ginawa ko,” tugon ko. “Kinakapatid mo ngayon si Allan, na may gusto din kay Ren, kaya, hindi mo gagawin iyun. Mga, ilang taon din siguro nang naging kapatid mo si Allan kaya may pinagsamahan naman kayo, kahit papaano?”



          Natawa si Larson. “Tama ka. May pinagsamahan kami. Pero hindi ako ang tipo ng tao na makikialam sa love life ng aking, well, sabihin na natin ng mga kapatid ko. Kaya huwag kang mag-alala. Hindi kita inimbitahan dito para lang sabihin na layuan mo ang kapatid ko. Naparito lang naman ako upang pasalamatan ka sa mga bagay na, ginawa mo, lalong-lalo na para kay Allan.” Kumuha ng kutsara si Larson at ibinaon ito sa cake para sumubo ng isa.



          “Para kay Allan? Nagkakamali ka. Wala akong bagay na ginawa para kay Allan.”



          “So, hindi pa pala sinabi ni, Gerard sa iyo?”



          Nagtaka ako sa sinabi niya. “Alin ang hindi sinasabi ni Gerard sa akin?”



          “Okay. Hindi mo pala, alam. Hayaan mo na paliwanagin kita sa ilang simpleng salita. Umm, natatandaan mo ba iyung bastardo sa pamilya ninyong tatlo? Maliban sa’yo, at kay Harry, may isa pa hindi ba? Ano nga ang pangalan nung isa pa?"



          Napaisip ako sa sinasabi ni Larson. Oo nga pala. Hindi binanggit sa akin ni Gerard kung ano ang pangalan nung bastardo ni Lolo. Basta ang direksyon lang niya sa akin ay patayin ito mula sa malayo. Pagkatapos noon, hindi na ako nagtanong kay Gerard kung ano ang pangalan nung taong iyun. Patay na siya, ano pa ang silbi na alamin ko iyun. Pero, teka? Bakit alam ni Larson ang bagay na iyun? Bakit alam niya ang tungkol sa bastardo ni Lolo?



          “Hindi ko alam. Pagkatapos nung bagay na pinagawa sa akin ni Gerard, hindi na ako nagtanong,” matapat na sagot ko.



          “Ahh! Kaya pala hindi mo alam.” Sumipsip saglit si Larson sa kaniyang iniinom na ice tea. “Ang pangalan nung bastardo ng Lolo mo ay Allan. At ang Allan na iyun ay ang kilala mo lang naman na Allan.”



          Nagulat ako sa rebelasyon ni Larson. “Kung ganoon, sino ang pinatay ko noon?”



          “Isang tao na kaedad mo, na handa lang naman na mamatay,” sagot ni Larson. “Bale, bystander na handang mamatay?” Nakapatay ako ng isang inosente?



          Napatayo ako sa aking upuan. “Ikaw ba ang may kagagawan noon?”



          “Kung magagalit ka lang din sa akin dahil sa may inosente kang pinatay, bakit hindi mo tanungin si Gerard? After all, siya lang naman ang nagplano noon. At tsaka tinulungan niya lang naman si Allan na makakalas sa pamilya mo.”



          Nagpasya na akong umalis. Napatigil lang ako nang may sinabi pa si Larson sa akin.



          “Oo nga pala. Kung uuwi ka, pakisabi kay Gerard ang pasasalamat ko sa mga ginawa niya. Napakalaking ginhawa ang ginawa niya para sa magulang ni Allan,” huling mga salita na narinig ko kay Larson.



          Dali-dali akong naglakad para kumuha ng masasakyan pauwi. Hindi ako makapaniwala na nakapatay ako ng isang inosente.



          Tumunog bigla ang phone ko. Tinatawagan ako ni Gerard.



          “Hello?”



          “Magmadali ka,” panimula niya. “Umuwi ka agad sa apartment at kumuha ka ng ilang gamit. Tapos, pumunta ka sa lugar na sasabihin ko sa’yo. Hawak ni Geoffrey ang listahan na kailangan natin.”



          Ibinaba agad ni Gerard ang telepono. Madali kong ginawa ang pinapagawa niya, at pumunta sa lugar kung saan makikita ko ang mobile ni Geoffrey, ayon sa mga prediksyon ni Gerard. Mabuti na lang ay may ilang contact siya sa kulungan kung saan nalaman niya agad na nakalaya daw si Anthony, ang kontrabida naman sa buhay ni Nicko. Kaya alam na ni Gerard kung saan dadaan ang mobile ni Geoffrey.



          Nang dumaan na ang mobile ni Geoffrey, binaril ko ang likurang gulong nito dahilan para sumabog ang gulong ng sasakyan. Gaya nang inaasahan, bumaba si Geoffrey sa kotse para siyasatin ang likod. Habang busy siya, tahimik na lumapit ako sa likuran niya saka umatake. Agad na nakasalag si Geoffrey sa ginawa ko at gumanti siya ng isang tadyak sa aking tiyan. Natamaan ako dahilan para lumayo muna sa kaniya ng mga ilang metro. Gaya nga ng inaasahan ko sa pulis na nag-eensayo talaga ng mabuti. Wala sigurong panama sa kaniya ang ilang mga goons ng pamilya namin.



          “Lakas ng trip nito!” inis niyang saad.



          Sa galaw ng kaniyang kamay, nalaman ko na bubunot siya ng baril. Kaya dali-dali akong lumapit sa kaniya para sipain ang baril mula sa kaniyang kamay. Sinundan ko naman ang atake ko ng isang suntok pero nasalag ulit niya. Gamit ang dalawang brasong pinansalag niya, tinulak niya ang kamao ko at mabilis niyang nakuha ang batuta na nakalagay sa kanan niya at itinutok sa akin. Tumigil ako sa pag-atake para pag-isipan kung ano ang susunod kong gagawin habang siya ay nakatingin sa akin. Hangga’t maaari, ayokong saktan si Geoffrey ngayon dahil lang sa nasa kaniya ang listahan na hinahanap ko. Isang inosente ang napatay ko, hindi ko, kahit kailan matatanggap iyun.



          Nang tinapos ko noon ang buong miyembro ng pamilya nila Harry, may ilang mga bata ang natira. And edad nila ay hindi hihigit sa sampu, at hindi pa nila alam ang maitim na lihim na tinatago ng kanilang pamilya sa kanila. Wala silang alam, kaya hindi ko sila pinatay. Pero nag-aalala ako. Kilala ko pa naman ang mga kamag-anak ko, kahit na hindi ko nakasama ang mga pinsan kong iyun. Tiyak na maghihiganti sila sa akin dahil sa ginawa ko hanggang nabubuhay pa sila. At kung magpapatuloy sila sa ganoon, wala akong magagawa kung hindi ang patayin na lang sila. Kaya nag-isip ako ng paraan kung paano solusyunan ang problemang iyun. At ang solusyun na iyun ay ang ‘Amn'.



          “Mukhang magaling ka makipagsuntukan. Halata sa kilos mo na bihasa ka,” pagpuri niya sa akin. Kahit ikaw.



          “Salamat,” tugon ko. “Pero maiiwasan naman natin ito kung tutulungan mo ako sa aking hinahanap.”



          “May hinahanap ka? At ano naman? Tiyak, wala ako noon.”



          “Huwag kang magsinungaling sa akin. Alam kong nasa kamay mo ang listahan ng mga taong bumili ng ‘Amn’. Kailangan ko iyun, pakiusap. Ibigay mo na iyun sa akin.”



          “Pasensya na. Pero wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo,” pagtanggi niya.



          “Kung ganoon, wala akong magagawa,” Binunot ko ang baril na nasa isa sa mga bulsa ko at itinutok sa kaniya. “kung hindi ang kunin sa iyo ang hinahanap ko ng sapilitan.”



          “Oooops! Teka lang.” Dahan-dahan na ibinaba ni Geoffrey ang kaniyang batuta at itinaas ang dalawang niyang kamay. “Suko na ako.”



          “Kung ganoon, ibibigay mo na ba sa akin ang listahan?”



          “Oo na. Ibibigay ko na ito sa iyo. Pero wala sa akin ang listahan.” Sinenyasan niya ang kaniyang mobile. “Nasa loob ito ng mobile. Kunin mo kung gusto mo.” Mukhang alam ko na kung ano ang binabalak niya.



          “Ano ako, tanga?” Itinutok ko ang baril sa sasakyan at bumalik kay Geoffrey. “Ikaw ang kumuha.”



          “Mas lalo naman na hindi ako tanga. Baka mamaya, habang kinukuha ko ang listahan na sinasabi mo, barilin mo ako sa likod. Mas maganda na mabaril sa harap, kesa sa likod.”



          Humugot ako ng isang malalim na hininga. “Oo nga pala. Bakit hindi ko iyun naisip na meron pala ako nun?” Bahala na. Tutal, 50/50 na sigurado si Gerard na nasa kaniya ang listahan. Medyo mataas na iyun.



          Dahan-dahan na lumapit ako at binunot ang isa ko pang baril sa isa kong bulsa. Binaril ko si Geoffrey sa dibdib at nangisay-ngisay siya. Matapos ang pangingisay, nawalan na siya ng malay.



          “May stun gun pala ako,” sabi ko sa walang malay na katawan ni Geoffrey.



          Nagmadali akong pumunta sa mobile niya. Mabuti na lang at hindi pa ito locked.



          Hinanap ko sa mobile ang listahan na hawak niya. Wala akong nakita maliban lang sa ilang piraso ng condom. Kumuha ako ng isa, pero kahit kailan, hindi pala ako gumagamit nito. Si Ren lang naman kasi ang gagawan ko ng ganoon kaya bakit pa ba ako gagamit ng condom?



          Habang wala pang malay si Geoffrey, hinanap ko naman ang listahan sa kaniya. Nakita ko nga ito pero hindi na ito nakalagay sa isang notebook gaya ng sinasabi ni Gerard. Hindi bale na. Hindi naman importante ang notebook na iyun. Itong kapirasong papel lang na may mga nakasulat na pangalan ng mga bumili ng ‘Amn’.



          Binilang ko kung ilan ang tao na nakasulat sa listahan. Apat. Sakto para sa mga kamag-anak ko. Ngayon, ang gagawin ko na lang ay mag-isip kung paano makukuha ang ‘Amn’ mula sa apat na taong ito.



          Bago umalis, ipinasok ko ang walang-malay na katawan ni Geoffrey sa mobile. Pagkatapos ay tinawagan ko na muna ang mga kasamahan niya para respondihan siya.



Gerard’s POV



          Nang pauwi na ako sa apartment, nadatnan ko ang sasakyan ni Edmund sa tapat. Bumaba siya nang nakita niya ako. Nakaayos na naman ang kaniyang buhok, at napakapormal na naman ng kaniyang pananamit. May dala siyang ilang bulaklak, tsokolate, burger at fries na mula sa isang sikat na food chain.



          “Hindi ko alam kung ano ba ang gusto mo,” sabi niya. “at gusto kong gamitin ang araw na ito para tanungin ka.”



          Lumapit ako sa kaniya para kunin ang isang burger na nasa plastik niya. Pero napahinto ako nang may napansin akong kakaiba. Napakarami niyang binili. Teka, napakarami ng binili niya?



          “Hindi sa hindi ako concern kung marami kang pera o ano. Pero hindi ba, wala kang trabaho para bumili ng ganito?” tanong ko. Tumingin ako sa hawak niyang bulaklak at fries pati sa imported na tsokolate na binili niya. “Kahit na sabihin natin na marami kang ipon, hindi magandang sayangin ang pera mo sa mga ganitong bagay.”



          Ngumiti sa akin si Edmund. “Ahh! Tungkol diyan, pinababalik na ako ni Sir Simon sa trabaho. Nag-retire na kasi iyung matanda naming mayor doma, kaya ako ang papalit sa posisyon niya.”



          Natuwa ako sa ibinalita niya. “Magandang balita iyan.” Pinagpatuloy ko ang pagkuha ng burger sa plastik na hawak niya. “Pumasok ka.” Naglakad ako papunta sa apartment ko.



          Sumunod siya sa akin habang hawak-hawak niya ang kaniyang mga dala. “Kumusta ka pala?” tanong niya.



          “Mabuti,” tipid na sagot ko.



          “Ahh! Nabalitaan ko na may operasyon ang mga pulis noong isang araw sa isang lugar. Sabi sa balita, isang misteryosong gamot daw ang ginagawa sa labaratoryong iyun. Naisip ko na ang misteryosong gamot na iyun ay ‘Amn’. Kaya lang, shabu lang daw ang nakuha ng mga pulis. Iyun na daw ang misteryosong gamot na ginagawa doon.”



          “Nabalitaan ko iyun,” sabi ko habang binubuksan ang pintuan.



          Nang pumasok na kami sa apartment, umupo agad ako sa sofa. Inilagay naman ni Edmund ang mga dalahin niya sa mesa.



          “Siguro, naialis na nila ang mga ‘Amn’ sa lugar na iyun noong nalaman na nila na magsasagawa ng raid ang mga pulis. Napakatalinong mga pusher. Ikaw Gerard, may alam ka ba sa ‘Amn’?” Kumuha si Gerard ng fries at umupo sa tabi ko.



          Napatigil ako sa tanong niya. Hindi ko alam kung nangangalap ba ng impormasyon si Edmund kung ano ang mga nalalaman ko at sasabihin niya ito sa mga pulis, o sinusubok niya ako. Bakit naman kaya? Ito ba ang idea niya ng, date? Hindi kaya nagkamali lang siya ng pagtanong? Pero kahit na. Tatapatin ko siya. Pagkatapos, bahala na.



          “Noong hindi pa namin naisasagawa ang plano naming pagpatay sa buong pamilya ni Keifer, nalaman ko na bumili itong asawa ng boss namin sa isang kilalang tao dito sa lugar niyo. Bumili siya matapos mabalitaan na natapos ang gamot. At iyun ang bagay na itinurok ng boss namin kay Ren,” paliwanag ko.



          Parang nagising si Edmund sa pagkakatulog. “Ahh! Pasensya na.” Napakamot siya sa likuran ng kaniyang ulo at nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha. “Hindi dapat, hindi dapat ako nagtanong ng bagay na ito sa iyo.”



          “Okay lang. Kahit ano pa ang tanong mo, matapat kitang sasagutin. Ganoon-”



          “Kasi ang pagpapakita mo ng pagmamahal sa taong gusto mo,” pagputol niya sa akin. “Ahh! Alam ko iyun. Pero, maglihim ka naman kaya ng konti sa akin. Kahit na sabihin nating mahal mo ako, paano ka makakasiguro na ganoon din ako sa iyo? Paano ka nakakasiguro na hindi ko sasabihin sa mga otoridad ang mga nalalaman ko sa iyo?”



          “Wala na akong pakialam doon, Edmund. Kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos nito, masaya na ako. Nagawa ko na ang kailangan kong gawin,” ngiti ko.



          Ngumiwi si Edmund. “Kung makapagsalita ka, parang ang natitirang bagay na lang dito sa mundo ay ang mamatay ka. H-Huwag ka naman ganiyan.”



          Nakatingin lang ako sa kaniya habang sinasabi ng isip ko ang mga salitang ito. Ganoon na nga. Kung mamatay man ako ngayon, wala na talaga akong pakialam. Kung isumbong niya ako, wala akong pakialam. Kung makulong man ako ngayon, wala akong pakialam. Wala na talaga akong pakialam.



          “Nandito pa ako, Gerard,” sabi ni Edmund. “Ako ang gawin mong rason ngayon. Oo, medyo nag-iba ang pagtingin ko sa iyo dahil sa mga sinabi mo sa akin. Oo, masama nga para sa iba, or mabuti para kay Ren, pero hindi ako ang magsasabi kung tama ba o mali ba iyung mga ginawa mo. Hindi ko naman mabubura sa iyun sa parte ng buhay mo. Kaya wala akong magagawa kung hindi tanggapin lahat iyun.”



          “So ang sinasabi mo, sumusugal ka sa isang katulad ko na nagmamanipula ng tao?”



          “Kung ang tingin mo sa ginagawa ko ay sugal, sugal na kung sugal. At tsaka, tapos na ang kailangan mong gawin. Hindi mo na kailangan magmanipula ng tao.” Niyakap ako ni Edmund. “Kaya pwede ba? Gawin mo akong rason sa buhay mo para mabuhay, ngayon mismo? Mahal kita Gerard.”



          Sa mga sinabi ni Edmund, naalala ko si Lars na sinabi ang mga salitang iyun. Minahal talaga ako ni Lars noon. At, ganoon din si Edmund. Tinatanggap ako ni Lars nang nalaman niya ang masamang katotohanan, tinanggap din ako ni Edmund nang nalaman niya ang mas madilim ko pang katotohanan. Hindi ko talaga inaasahan na tatanggapin pa niya ako sa kabila ng lahat. Noong sinaksak ko ba siya, sa puso ko ba siya natamaan? Kaya ba nagkakaganito siya?



          Noong unang panahon, isang bida sa kwento ang umibig sa isang kaaway. Nang nalaman ng kaaway ang tunay na siya, minahal niya ito sa kabila ng lahat. Isang bagay na hindi magagawa ng kahit sino man. At lumipas ng panahon, ang inibig ng bida ito ay namatay. Ang mga kakampi ng bidang ito ang pumatay sa kaniyang minamahal. Kinimkim niya ito sa loob niya at sumumpa na ipaghihiganti niya ang kaniyang minamahal. Habang sinasagawa ang plano, ang bida ay nagmanipula ng mga tao para magtagumpay siya, kasama ng isa niyang kakampi na may kapareha ding hangarin. Sa kanyang mga ginawa na masama, isang hindi inaasahang inosente ang nadamay, isang inosente na minsan din siyang minahal. Mamamatay dapat ito sa kaniyang mga kamay, pero binuhay niya ito. At ang taong ito nang minsan niyang pinatay at minahal, nang nakatakas sa bingit ng kamatayan, binalak niyang malaman kung ano ang ginagawa ng bida. Binalak niyang alamin ang kadiliman sa puso nito. At nalaman nga niya ito. Lumayo mula sa kaniya ng ilang araw ang taong ito, at nang bumalik, tinanggap niya ang kadiliman ng bida, at nagpalitan sila ng salita.



          Niyakap ko din si Edmund ng mahigpit. “Mahal din kita, Edmund.”



Larson's POV



          Noong unang panahon, isang bida sa kwento ang umibig sa isang kaaway. Nang nalaman ng kaaway ang tunay na siya, minahal niya ito sa kabila ng lahat. Isang bagay na hindi magagawa ng kahit sino man. At lumipas ng panahon, ang inibig ng bida ito ay namatay, dahil iyun ang sa tingin niya.



ITUTULOY...

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails