Followers

Saturday, May 24, 2014

Starfish [Chapter 6]




Starfish
[Chapter 6]


By: crayon




****Kyle****


8:23 pm, Saturday
June 21



Dahil bigla akong nakaramdam ng pagkagutom ay inaya ko na si Aki na bumaba para kumain. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko. Iba pa rin talaga sa pakiramdam ang isiping tanggap ka ng pamilya mo sa kabila ng kaibahan mo.


Sa mga katulad ko kasi ay hindi lahat ng pag-amin ay maganda ang kinakalabasan, may mga itinatakwil, may nga binubugbog, may mga pinapalayas, may mga pinapandirihan, at kung anu-ano pa. Kaya kahit kailan ay hindi naging madali ang umamin lalo na sa sariling pamilya.


Kaya ngayong natanggap na ako ng pamilya ko sisikapin kong maging proud pa rin sila sa akin kahit na iba kaysa sa nakasanayan ang landas na pinili kong tahakin.


Hawak kamay kami ni Aki habang pababa ng hagdan. Alam kong araw-araw kong ipagpapasalamat sa Diyos na siya ang pinagkaloob sa akin bilang isang kapareha. Wala na akong mahihiling pa pagdating kay Aki. 


"Okay ka lang?", tanong ni Aki ng mapansin ang pananahimik ko.


"Oo naman, sobrang happy lang.", sagot ko.


"Wow ang sweet naman! Naiinggit ako!", natigil kami ni Aki sa tili ng nakababata kong kapatid na babae.


"Magtapos ka muna sa pag-aaral mo bago ka mainggit sa amin! Nasan pala yung grades mo last sem?", pagsusunget ko sa kapatid kong si Camille. Simula kasi nung magkatrabaho na ako ay ako na ang nagpapabaon sa kanya sa eskwela bilang tulong na din kela Mama. Naalala ko din bigla yung pagtiling ginawa niya kanina nung pagbuksan kami nito ng pinto.


"Grabe ka kuya, maganda naman ang mga grades ko ah! Tsaka isang sem na lang naman ako.", depensa naman nito.


"Lubayan nyo na nga ang ate nyo. Tara na dito anak at kumain na kayo.", pang-aasar pa ni Papa.


"Ewan ko senyo! Ako na naman napagtulungan nyo!", hinila ko na lang si Aki patungo sa dining para makakain na kami.


Nang makaupo kami ay nagsimula na kaming kumain lahat. Todo asikaso naman sila Mama kay Aki na ikinatuwa ko dahil ramdam ko lalo na tanggap nila kami.


"Anak ano nga ba ang trabaho mo? Magkasama ba kayo ni Kyle sa work?", tanong ni Papa kay Aki. Bahagya naman akong kinabahan dahil hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa magulang ko yung mga di magnada naming pinagdaanan ni Aki.


"Hindi po Papa, magkaiba na po kami ng work ni Kyle. Nag-work po ako as CEO sa isang accounting firm sa Makati, assistant ko po dati si Kyle.", sagot naman ni Aki.


"Kuya bigatin pala ang boyfriend mo eh! Wala ka bang kapatid na lalaki kuya?", hirit ng kapatid kong si Camille.


"Lumubay ka nga Camille. Mag-focus ka muna sa pag-aaral mo.", suway ni Mama sa aking kapatid. "Anak, magkasama na ba kayo ni Aki sa iisang bubong?"


"Hindi po.", tipid kong sagot.


"Mabuti naman, alam mo namang conservative tayo.", biro ni Mama na tinawanan naman ng kanyang kabiyak.


"Aki, kelan mo ba kasi pakakasalan tong panganay ko?", sunod na pang-aalaska ni Papa. Ako na naman ang napagtripan ng pamilya ko.


"Pa!!! Kung anu-anong pinag-iisip nyo!", reklamo ko.


"Aba syempre kelangan naming makasiguro na pananagutan ka ni Aki. Ikaw pa naman ang una naming dalaga.", nagtawanan ang lahat sa komento ni Papa. Maging ako ay napapangiti sa kakulitan ng mga magulang ko.


"Si Kyle po kasi pakipot pa Papa eh.", pagsusumbong ni Aki. Binigyan ko naman siya ng isang masamang tingin, at lalong lumakas ang tawanan sa lamesa.


Naging masaya naman ang buong gabi namin sa bahay. Matapos kumain ay nagpaalam na ang dalawang kapatid ko dahil may gagawin pa raw sila sa kani-kanilang kwarto. Kami naman nila Aki at Mama ay nagkape muna sa may terrace ng bahay. Walang tigil ang pang-uusisa sa amin ng mga magulang ko. Nang mapagod ay saka lamang nila kami hinayaan na magpahinga.


"Pasensya ka na kela Mama ha?", paumanhin ko kay Aki nang mapag-isa kami sa kwarto ko.


"Hindi ok lang, masaya nga eh.", wika ni Aki habang nagbibihis.


"Mukha ngang nag-enjoy ka, sumasali ka pa sa pang-iinis nila sa akin kanina eh." Natawa naman si Aki at saka ako niyakap. Ramdam ko ang init ng kanyang katawan at yakap.


"Natutuwa lang naman ako kasi okay na tayo sa kanila.", bulong ni Aki habang hinahalikan ako sa puno ng aking tenga.


"Hoy! Mr. Del Valle, anu yang ginagawa mo?", natatawa kong sabi dahil nakikiliti ako habang bumababa ang kanyang halik sa aking leeg.


"Ayaw mo ba?", mapanukso niyang tanong sa akin.


"Maliligo pa ako eh.", pilit kong pag-angal dahil nadadala na din ako sa kanyang mga halik.


"So ayaw mo ngang ituloy ko?", panunudyo niya.


"Baka kasi mabaho na ako.", halos pabulong na ang pagtutol ko.


"Lagi ka namang mabango para sa akin eh.", sagot ni Aki habang kabilang parte naman ng aking leeg ang kanyang hinahalikan.


"Okay.", yun lamang ang nasabi ko at iginiya ko na ang kanyang ulo patungo sa aking mukha. Nagtagpo ang aming mga labi at iyon ang simula ng maalab naming pagmamahalan sa magdamag.




****Lui****


9:23 am, Sunday
June 22



Hindi naging maganda ang simula ng araw ko ngayon. Kung tutuusin ay hindi na naging maganda ang bawat araw ko buhat nang makipag-date ako sa babaeng iyon. Hindi ko alam kung anong nagawa ko at minamalas ako ng ganito. Ito na ata ang karma ko sa lahat ng pagbubulakbol na ginagawa ko noon.


Jane Dizon. Pakiwari ko ay may sakit sa utak ang babaeng iyon. Siya ang nagpapahirap lalo sa sitwasyon ko ngayon. Tandang-tanda ko pa ang kanyang magandang mukha at maalindog na katawan. Naaalala ko rin kung paano siyang nainis at nagwalk-out dun sa date namin. Buong akala ko ay okay na, akala ko ay hindi ko na siya makikita pang muli pero mali ako.


Kinabukasan, matapos ang date namin ni Jane, ay masayang ibinabalita ng aking mga magulang na natuwa raw sa akin si Jane at gusto ako nito. Hindi agad iyon na-proseso ng utak ko dahil sa pagkabigla. May pagka-bi polar ata ang babaeng iyon.


Mas lalo pang pinalala ng aking mga magulang ang sitwasyon ng imungkahi ng mga ito na ma-engage na kami ni Jane na sinang-ayunan naman ng pamilya ni Jane. Hindi ko lubos maintindihan kung ano ang tumatakbo sa utak ng mga matatanda sa panahon ngayon. Kakakilala pa lamang namin ni Jane at ni hindi nga ako tinanong kung gusto ko ang babaeng iyon tapos ang lakas ng loob nilang magkasundo sa engagement na para bang sila ang ikakasal.


Labis ang aking pagkainis mula ng dumating ang balitang iyon. Halos araw-araw akong nakikipagtalo sa aking mga magulang dahil sa pagdedesisyon nila para sa akin. Pakiramdam ko ay isa akong robot na kinokontrol nila para masiguro ang magandang kalagayan ng kumpanya nila. Sa kabila ng aking pagtutol ay matigas ang paninindigan ng aking mga magulang na makasal na ako sa lalong madaling panahon.


At ang bwiset na engagement na iyan ang dahilan kung bakit ko kelangan gumising ng napakaaga ngayong araw. Ngayon kasi nakatakdang mag-usap ang mga magulang namin ni Jane tungkol sa detalye ng engagement. Gusto ni Mama nandoon kami ni Jane para raw makapagshare ako ng inputs ko kahit na salungat sa aking kagustuhan ang ginagawa nila.


Napilitan akong magmukhang presentable dahil na rin sa pangingialam ng aking ina. Nagpatawag pa talaga ito ng hair stylist sa bahay para wala akong choice kundi pagupitan ang pang-ermitanyo kong buhok. Pinaahitan din ako ng balbas at bigote para magmukha naman daw akong malinis. Si Mama pa mismo ang namili ng damit na aking susuotin para hindi ko magawang pagmukhaing baduy ang sarili.


Lahat ng iyon ay nakakadagdag lamang sa tinitimpi kong inis, isama pa ang mahigit isang oras na naming paghihintay sa pamilya ng babaeng iyon. Hindi pa kami makakain ng almusal dahil isang oras ng mahigit na late ang pamilya ni Jane. Ang usapan kasi ay sa bahay sila mag-breakfast at pagkatapos noon ay saka pag-uusapan ang detalye ng engagement.


Halos mag-aalas diyes na nang dumating ang pamilya Dizon.


"Pasensya na Mr. and Mrs. Salviejo kung ngayon lang kami.", bungad ng matandang si Mr. Dizon. Kilala ko ito dahil may ilang beses ko na itong nakasama sa meeting ng kumpanya.


"Wala iyon, Mr. Dizon. Nagka-problema ba kayo sa pagpunta rito?", tanong ng aking ina.


"Oo eh, biglaan kasing sumama ang pakiramdam ng aking anak na si Jane nung paalis na kami. Siniguro muna naming maayos na ang kanyang kalagayan bago kami tumungo rito.", paliwanag ng ginang na nasa tabi ni Mr. Dizon. Sa tingin ko ay dito nakuha ni Jane ang features ng kanyang mukha.


"Ganoon ba? Nakakalungkot naman pala, sana ay bumuti na ang pakiramdam ni Jane. Kanina pa naman siya hinahantay nitong binata ko.", biglang turo sa akin ni Mama. Tinanguan ko lamang ang mag-asawang Dizon at hindi nagsalita. Nakita ko ang bahagyang pagsama ng tingin sa akin ng aking ina pero di ko ito pinansin.


"Oh siya, halika na sa dining at nang makakain na tayong lahat. Hindi masarap ang pagkain kapag lumamig.", imbita ni Papa.


Pinauna ko na ang mga nakakatanda na tumungo sa dining room. Umupo ako sa pinakamalayong dulo ng lamesa. Hangga't maaari ay wala akong nais na kausapin sa kanila. Tahimik lamang akong kumakain habang sila Papa at Mr. Dizon ay nag-uusap tungkol sa takbo ng kani-kanilang mga negosyo. Si Mama naman at ang asawa ni Mr Dizon ay nag-uusap tungkol sa mga gawain ng kani-kanilang simbahan.


Sa kabila ng pagkagutom ay mabilis akong nawalan ng gana sa pagkain lalo na nung marinig kong mapunta ang paksa ng pag-uusap ng apat na matanda sa gagawing engagement. Kanina ko pa gustong mag-walk out pero alam kong pipigilan lamang ako nila Papa kapag ginawa ko iyon. Ayaw ko namang mapahiya sila sa kanilang bisita o mabastos.


Tahimik lamang akong nakayuko at tinitiis ang mga naririnig ko. Sa tuwing tatanungin nila ako ng aking opinyon ay walang gana lamang akong tumatango o di kaya ay sumasagot ng okay sa bawat mungkahi nila. Sa isang iglap ay naramdaman kong muli ang kalungkutan na nararamdaman ko nung bata pa ako. Pakiramdam ko ay estranghero ako sa mga taong kaharap ko sa lamesa.


Napagdesisyunan nilang sa darating na Disyembre gawin ang engagement para magkaroon naman daw kami ng panahon ni Jane na magkakilanlan pa. Matapos ang isang taon ay saka nila paplanuhin ang kasal para sa amin. Halata ang saya sa mukha ng bawat isa maliban sa akin. Nang hindi ako makatiis ay nagpaalam na akong papanhik sa aking kwarto. Pumayag naman sila Mama dahil tapos naman na ang pag-uusap tungkol sa engagement.


Nang makapasok ako sa aking kwarto ay napahiga ako sa aking kama. Wala naman akong ginawa ng buong umaga pero pagod na pagod ang aking pakiramdam.


Napadako ang aking tingin sa shelf sa aking kwarto. Tumayo ako at kinuha ang paborito kong laruan na naka-display. May ilang taon ko na rin pinuno ng kung anu-anong bagay na importante sa akin ang shelf na iyon. Kasama na roon ang laruang kotse na ibinigay sa akin ng mga magulang ko. Isa iyong pulang kotse, natatandaan ko ang pangako nila sa akin na ibibili nila ako ng ganoong kotse kapag marunong na akong mag-drive. Mula noon ay nahilig na ako sa kotse. Naitabi ko ang laruang ito dahil isa ito sa mga laruang labis kong iningatan mula pagkabata.


Nahiga akong muli sa kama habang pinagmamasdan ko ang laruang iyon. Napakaraming alaala at pangako ang isinisimbolo ng kotseng iyon para sa akin. Hindi ko na namalayan ang pagdaloy ng luha sa aking pisngi habang nag-iisip. Kinulong ko sa aking mga palad ang laruan kong iyon at pinilit na makatulog.



Nagising ako ay pasado alas sais na ng gabi. Lumabas ako ng kwarto para maghapunan pero kapansin-pansin ang katahimikan sa bahay.


"Ate nasan sila Papa?", tanong ko sa katulong na naghahain sa akin ng pagkain.


"Nagpunta po sila sa bahay nila Mr. Dizon, hindi na po kayo pinagising eh, mga alas diyes na daw po sila makakabalik.", sagot ng aming kasambahay. Lihim naman akong nagpasalamat dahil hindi na nila ako hinila pa sa lakad na iyon. Tiyak na maiinis lamang ako sa mga bagay na maririnig ko.


Mabilis kong tinapos ang pagkain at tinungo ang aking kwarto. Agad kong nilabas ang aking maleta sa aking closet.  Kanina lamang nabuo ang desisyon ko na umalis na sa bahay. Ilang araw ko din itong pinag-isipan, hindi ko lamng itinutuloy sa pag-asang magising sa kahibangan ang aking mga magulang. Dahil sa mukhang malayong mangyari ang nais ko ay mabuti nang umalis ako kesa makasal ako sa taong hindi ko gusto. Agad kong inayos ang aking mga gamit na dadalhin. Pinagkasya ko ang mga damit ko at personal na gamit sa aking maleta. Isinama ko na din ang toy car na kanina kong hawak.


"San ka pupunta anak?", nagulat ako sa biglang pagsasalita ng tao sa likod ko. Sa pagmamadali ay hindi ko na namalayan ang biglang pagpasok ni Manang Osa sa aking kwarto.


"Hindi ko pa po alam Nanay, basta malayo dito okay na ako.", malungkot kong sagot sa taong tunay na nagpalaki sa akin. Si Manang Osa ang tumayong magulang ko nung mga panahon na mas inuuna ng aking mga magulang ang trabaho kaysa sa sarili nilang anak kaya nanay na din ang turing ko dito.


"Sigurado ka ba sa gagawin mo anak?", malungkot nitong tanong habang umuupo sa paanan ng aking kama.


"Opo, wala na naman sa matinong pag-iisip sila Mama eh. Bumabalik na naman yung sakit nila noon pa.", hindi lingid kay Manang Osa ang tampo ko sa aking mga magulang nung bata pa ako. Batid din niya ang pagtutol ko sa ginagawa nilang pakikialam sa akin ngayon.


"Naiintindihan kita anak, mali man ang ginagawa mo ay hindi kita magawang pigilan kasi alam kong hindinka magiging masaya kung susunod ka lang sa agos dito sa bahay. Alam mong anak na ang turing ko sayo, kaya gusto ko lagi kang masaya.", pagpapagaan ng ginang sa aking kalooban.


"Mabuti pa nga po kayo Nay naiisip ninyo yung mga ganyang bagay. Hindi ko maisip kung anong tumatakbo sa utak nila Mama at ganito na lang sila sa akin.", paglalabas ko ng sama ng loob sa matanda.


"Pagpasensyahan mo na lang sila. Susubukan ko silang kausapin, sana lang ay makinig sila. Alam mo naman ang ugali ng mga iyon. Pero sayo ako nag-aalala anak, kaya mo ba ang gagawin mo?"


"Malaki na po ako Nanay.", tipid kong sagot.


"Anak, iba ang malaki na o matanda na sa kaya mo na. Hindi ka sanay sa hirap eh, nung bata ka nga nagkakandaiyak ka kapag sobra kang naiinitan eh.", natawa naman ako sa sinabi ni Manang sa akin.


"Kayo talaga Nanay oh, bine-baby nyo na naman ako. Kakayanin ko po yan, wala ba kayong tiwala sa akin?", sagot ko para mapanatag ang loob ng aking kausap.


"Basta kapag nahihirapan ka na, wag ka mag-atubiling tumawag o magtext sa akin ha? Nasa sa iyo naman ang number ko di ba?",paalala nito.


"Opo, maraming salamat po.", sagot ko. Tumaya si Manang Osa at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap.


"Oh eto idagdag mo na sa baon mo, wala naman akong pinagkakagastusan eh.", sabi ni Manang habang inaabot sa akin ang perang alam kong inipon niya.


"Nay, wag na po. Gamitin nyo na lang yan sa sarili niyo, may ipon naman po ako na hindi nagagalaw nila Mama kaya okay lang ako. Tulungan nyo na lang po akong pagkasyahin tong iba ko pang damit dito sa backpack ko, baka abutan pa ako nila Mama.", muli naman akong niyakap ng aking nanay-nanayan saka ako tinulungan na mag-impake.


Nang matapos makapag-ayos ay inihatid ako ni Manang Osa sa gate. Bahagya pa itong naiyak ng magpaalam na ako. Bago pa ako madala sa pag-iyak ni Manang Osa ay naglakad na ako palabas ng aming village.


Hindi ko sigurado kung saan ako pupunta o kung anong mangyayare sa akin sa mga susunod na araw pero parang biglang gumaan ang pakiramdam ko ng makaalis ako sa aming bahay.


...to be cont'd...

7 comments:

  1. nice.. update na po ulit.. sobrang bitin

    ReplyDelete
  2. The way you end each Starfish chapter Crayon reminds me of how you masterfully wrote LSI. Ang galing. Like wow. Sana meron ka ring sariling page/nlog where we can go and reread LSI, Me and My Saturdays and Starfish - I mean only with all your works. You go, Crayon! Keep inspiring us! - Kris :)

    ReplyDelete
  3. I wonder kung paano magtatagpo ang landas ni Renz and Lui? Haha. Just popped out inside my mind. Although, I'm not sure if it's Renz and Lui who'll meet in this story. Aki and Kyle are happy in each others arms, how about Renz?

    ReplyDelete
  4. Thats what I have on my mind. Pareho silang problematic. Good solution, Renz & Lui.

    ReplyDelete
  5. Excited na ako kung pano magkikita cna renz and lui.

    -hardname-

    ReplyDelete
  6. Will be waiting for the next chapter! Loving your writing style as always. So good. Keep up and cheers! ~Ken

    ReplyDelete
  7. thanks for the update...



    -kiko

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails