Followers

Thursday, May 15, 2014

Starfish [Chapter 4]






Starfish

[Chapter 4]






By: crayon







****Renz****







1:03 pm, Thursday
June 19





Nagising ako sa tunog ng aking alarm clock, ramdam ko ang kirot ng aking ulo dahil sa magdamag na pag-inom. Nanunuyo din ang aking lalamunan at labis ang pagkauhaw ko sa malamig na tubig. Tinangka kong bumangon para kumuha ng tubig sa ref na nasa aking kwarto pero agad din akong napabalikwas dahil sa pagpintig ng aking sentido.




'Tanginang hangover to.', nausal ko sa aking sarili.



Sa tagal kong umiinom ay ngayon lang muli ako tinamaan ng ganitong katinding hangover. Palibhasa ay nawalan na naman ako ng kontrol kagabi at nagpakalunod ako sa alak. Malaki kasi ang naipatalo ko sa sugal kaya ibinuhos ko sa pag-inom ang aking inis.



Kasama kong naglalaro kagabi ng poker ang mga bago kong kabarkada. Mga taong nakilala ko sa mga bar nung mga panahong pilit kong kinakalimutan ang lungkot na aking nararamdaman.



Isang taon na rin halos mula ng umasa kong mamahalin akong muli ng aking matalik na kaibigan. Isang taon na mula ng huli akong naging tunay na masaya. Isang taon na ang lumipas mula ng gumuho ang aking mundo. Napakabilis ng panahon, hindi ko namalayang isang taon na pala akong miserable.



Akala ko noong isinuko ko na si Kyle kay Aki ay magagawa kong tanggapin at lampasan ang pagsubok na iyon pero nagkamali ako. Dahil hanggang ngayon nakadapa pa rin ako sa putikan na aking kinasasadlakan. Hindi pala talaga madali ang mag-move on. At sa realisasyong iyon ay lalo kong pinagsisisihan at pinanghihinayangan ang mga pagkakataong pinalampas ko.



Hindi ko din naman masisisi si Kyle sa mga nangyayari sa akin ngayon dahil labis ko pa din siyang mahal at di ko magawang magalit sa kanya. Kung may kasalanan man siya iyon ay ang pagiging totoo niya sa kanyang nararamdaman. Isa pa ay nararamdaman ko naman ang pagnanais niya na maging okay akong muli.



Tinupad din niya ang kanyang pangakong magiging matalik kong kaibigan. Lagi pa din kaming nagkakausap sa tawag,  text, o kaya ay sa chat. Kapag maluwag ang schedule niya sa trabaho ay niyaya niya pa din akong lumabas para kumain, magkape, o kaya ay uminom tulad ng dati naming ginagawa. 



Halos walang nagbago liban na lang sa limitasyon ko sa pagpapahayag o pagpapadama ko sa kanya ng aking pagmamahal. Ayaw kong lumayo sa akin si Kyle dahil sa pagpupumilit ko ng aking nararamdaman para sa kanya.



Natigil lamang ang aking pag-iisip ng tumunog ang aking cellphone. Nakita kong rumehistro ang isang text mula kay Kyle sa screen.




Kyle : Starfish???



Sa kabila ng sakit ng ulo ko ay di ko maiwasang mapangiti sa simpleng text ni Kyle. Sobra kong na-appreciate ang mga ganitong pagkakataon na kinakausap o tinetext ako ni Kyle na para bang walang di magandang nangyare sa amin. Nang mga sandaling iyon ay pansamantala kong nakakalimutan ang mga bagay na alam kong di na magiging akin.



Me: Bakit jellyfish? :)



Kyle: Kagigising mo lang no?



Me: Bakit mo alam?



Kyle: Nagsusumbong na naman sa akin si Gelo eh.



Me: Huwag mong pansinin yun.



Kyle: Asan ka ba kagabe?



Me: Sa bar lang kasama yung mga kabarkada ko.



Kyle: ok.



Agad namang napawi ang ngiti sa aking labi. Bwiset talaga kahit kelan si Gelo. Sobrang panira ng araw.



Hindi lingid sa kaalaman ng mga matagal ko ng kaibigan na nagkaroon ako ng mga bagong kabarkada sa mga bar na pinupuntuhan ko. Alam din nila ang mga bagay na ginagawa ko kasama ang mga ito. Maliban sa gabi-gabing pag-inom at pagsusugal ay nalulong din ako sa droga.



Tanda ko pa yung unang beses na tumikim ako nito. Nasa bahay kami ng isa sa mga bago kong kabarkada at nag-iinuman. Napansin nila ang pananahimik ko ng gabing iyon at nagpalusot lamang ako na marami lang akong pinoproblema ng mga panahong iyon. Hindi nila alam ang tungkol sa amin ni Kyle hanggang ngayon dahil hindi ko naman sinabi sa kanila ang sexual orientation ko.



Isa sa kanila ang nagmungkahi na may mainam daw siyang alam na pangtanggal lungkot at tinanong ako kung gusto ko raw subukan. Dahil sa kalasingan ay napa-oo na lamang ako. Nilabas niya ang dala niyang cocaine at isa-isa nang nagpakalango ang mga kainuman ko. Noong una ay tumanggi ako pero dahil sa pambubuyo ng mga kasama ko ay napilit din nila ako na subukan ito.



Iba ang epekto na dulot sa akin ng drogang iyon. Magaan ang aking pakiramdam at parang sa isang iglap ay nawalan ako ng pakialam sa mga bagay na gumugulo sa aking isipan.



Buhat noon ay nakakasama na nila ako sa mga session nila. Cocaine. Shabu. Ecstacy. Marijuana. Lahat yan ay nasubukan ko na. Madalas ding nauubos ang pera ko sa pagbili ng mga iyon sa aking ka tropa. Batid kong walang magandang maidudulot sa akin ang mga ginagawa ko pero mahirap tanggihan ang tukso ng pansamantalang saya ng mga ipinagbabawal na gamot.




Nang malaman nila Gelo at ng iba ko pang mga kaibigan ang ginagawa ko ay inulan ako ng sermon sa kanila. Alam kong kapakanan ko lamang ang iniisip nila kaya nila ako pinagsasabihan.



Madali para sa kanila ang tumutol sa mga ginagawa ko dahil hindi naman nila nararamdaman ang mga bagay na pinagdaraanan ko ngayon. Para wala nang maging anumang gulo sa pagitan namin ay pinili ko na lang na umiwas muna sa kanila. Hindi na ako gaanong nagpapakita sa tuwing may inuman kaming magkakaibigan. Mas pinili ko na lamang na uminom at makihalubilo sa mga bago kong kabarkada na hindi ako pinipigilan sa mga gusto kong gawin. Kapag sila ang kasama ko ay nakakalimutan ko ang mga problema ko kahit sandali.



Sa kabila ng mga nangyayare sa akin ay isang tao lamang ang tahimik na umuunawa sa aking sitwasyon. Si Kyle. Batid kong tutol din siya sa aking mga ginagawa pero kahit na minsan ay wala akong narinig na panghuhusga mula sa kanya.



Minsan ay sinasabihan niya ako na maghinay-hinay sa pag-inom at pagsusugal pero hindi pa nangyaring nag-away kami ng dahil doon. Ayaw kong pinag-uusapan namin ang mga bisyo ko dahil nakikita ko ang biglang paglungkot ng kanyang mga mata sa tuwing magkekwento ako sa mga ginagawa namin ng mga bago kong kaibigan. Kaya pilit kong iniiwasan ang paksang iyon sa tuwing kami ay magkasama.




Nang maramdaman ko ang unti-unting pagkawala ng sakit sa aking ulo ay pinasya ko ng lumabas ng aking kwarto para makapananghalian na ako. Habang pababa ako ng hagdan ay nakasalubong ko ang aking ina.



"Saan ka na naman nanggaling kagabe?", bungad nito sa akin. Agad naman akong nakaramdam ng pagkainis dahil sa panimula niyang tanong na nagpabalik ng kirot sa aking sentido.



"Gumala lang kasama yung mga kabarkada ko.", matabang kong sagot.



"Tinawagan ko si Kyle kagabi, wala daw kayong lakad.", galit na sagot ng aking ina.



"Hindi lang sila Kyle o si Gelo ang kabarkada ko.", pabalang kong tugon.



"Hindi ko na alam ang gagawin sa'yo Renz. Hindi ka makuha sa pakiusap.", tila maiiyak nang sabi sa akin ni mama. "Hindi na ikaw ang manager ng shop, i fire you. Ipapa-freeze ko din sa papa mo ang credit cards mo pati na ang mga account mo sa bangko. Pati yung kotse, hindi mo pwedeng gamitin."



"You can't do that!", sigaw ko.



"I sure can! Kung kinakailangan kong tanggalin lahat ng pinagkukuhanan mo ng pera para lang tumino ka, gagawin ko! Anak, hindi ko alam kung saan ako nagkulang.", nakita ko ang pagpatak ng luha ng aking ina.



"Fine, do what you want.", sagot ko saka dumiretso patungong kusina. Hindi ko kayang panuorin ang pag-iyak ni Mama ng dahil sa akin.



Hindi ko alam kung ano ang nalalaman niya sa mga bisyo ko. Siguradong alam niya ang gabi-gabi kong pag-inom dahil sa kadalasan kong pag-uwi ng wala sa oras. Marahil ay nagsususpetsa na din sya sa aking pagsusugal.



Ilang buwan na ang nakakaraan mula ng ibenta ko kay Mama ang shares ko sa shop namin para ipambayad ko sa naipatalo sa sugal at para ipambili din ng droga. Nagdahilan lamang ako na balak kong magbukas ng bagong business kaya kailangan ko ng kapital. Marahil ay umasa ang magulang ko na hudyat na iyon ng aking pagbabago. Pero hindi naman nangyaring nagbukas ako ng panibagong business, naubos ko lang din sa bisyo ang perang nakuha ko kay Mama. Hinayaan pa din ako ni Mama na manatili bilang manager ng pastry shop pero hindi ko na din halos magawa ang aking tungkulin dahil sa lagi akong lasing.





Ayaw ko naman pasamain talaga ang loob ng aking mga magulang lalo na ng aking ina. Nagkataon lang na wala akong ibang paraang alam para makatakas sa lungkot na nararamdaman ko.



Pariwara.



Yan na ang estado ng buhay ko ngayon. Mukhang malapit na din ako maging pulubi dahil hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera kapag tinotoo ni Mama yung banta niya sa akin kanina.



Pagdating sa kusina ay kinain ko lamang yung tirang baked mac na nakita ko sa ref. Medyo malamig pa ito pero pinagtyagaan ko na din. Matapos kumain ay bumalik ako sa kwarto ko para makaligo. Plano kong pumunta ng gym para magbuhat. Kahit na halos araw-araw akong umiinom ay sinisikap kong panatilihin pa din ang aking magandang katawan. 





-------------------





Ilang oras din akong nagpapawis sa gym bago ako nagpasyang umalis. Hindi ko alam kung saan ako pupunta.



Naisip kong tumambay kasama ang mga bagong barkada ko pero wala akong perang pang-inom o pang-sugal ngayon. Kung sila Gelo naman ang yayayain ko ay tiyak na sesermunan lang ako noon sa inuman. Napasimangot naman ako dahil sa aking mga naiisip.



Hindi ko namalayan na sa aking paglalakad ay narating ko ang simbahan na laging pinupuntahan nila Mama. Wala sa sariling napalakad ako sa loob.



Pinakiramdaman ko kung bigla na lang akong magiging abo nung makapasok ako sa simbahan. Parang kay tagal na kasi mula ng huli kong maisipan na magsimba. Pinili kong umupo sa may bandang harap ng simbahan. Wala masyadong tao sa loob ng simbahan ng mga oras na iyon. Pakiwari ko ay nakatingin sa akin ang mga rebulto ng anghel at santo. Parang hinuhusgahan ako sa mga mali kong ginagawa. 




Tatayo na sana ako para umalis dahil wala din naman akong balak na magdasal nang mapansin ko ang isang malungkot na mukhang nakatingin sa akin sa gitna ng altar. Nakadipa ang kanyang mga kamay, at dumurugo ang iba't-ibang parte ng kanyang katawan. May nakabaong pako sa magkabila niyang palad at mga paa. Halata ang paghihirap sa kanyang mukha habang malungkot na nakatingin sa akin. Halos nabura na sa alaala ko ang mukha ng lalaking ito.




Di ko namalayan ang pagtulo ng aking mga luha. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman basta ang alam ko ay gusto ko lamang umiyak ng mga sandaling iyon. Parang may kamay na humahagod sa aking likod at hinihikayat lang ako ng umiyak at ibuhos ang lahat ng kalungkutan ko. Parang sa unang pagkakataon ay may isang Taong tunay na nakakaunawa sa akin. Parang ngayon ko lang naramdaman kung gaano na ako kapagod.



"Hindi ko na po kaya.", wala sa sarili kong bulong habang humahagulgol.



Sa unang pagkakataon mula ng mawala sa akin si Kyle ay ngayon ko lamang binigyang laya ang aking sarili na umiyak ng ganito kalala.



Mahigit tatlumpong minuto din akong umiiyak. Hindi ko nagawa ang magdasal. Nakayuko lamang ako na humihikbi habang walang patid ang agos ng luha sa aking mga pisngi.



Muli akong nagtaas ng tingin at nakita ko muli ang mukha ng lalaking nakatingin pa din sa akin. Marahan akong tumayo at naglakad palabas ng simbahan.



"Kuya, bilin nyo na po itong tira naming sampaguita kahit limang piso lang po.", narinig kong sabi ng isang maliit na boses sa aking tabi. 



Noon ko lang napansin ang batang babae na nasa anim na taon na at ang akay nitong tatlong taong batang lalaki.



"Sige na kuya, pangkain lang po.", nagpapaawa nitong sabi. Nakita ko namang gula-gulanit na yung binebenta niyang isang pirasong sampaguita.



"Eh sira-sira na yang tinda mo eh, sino pang bibili niyan? Nasan ba ang magulang mo ha? Bakit hindi sila ang magtrabaho?", hindi ko alam kung bakit ko sinusungitan ang mga batang ito pero bigla akong nakaramdam ng pagkainis.




"Hindi ko nga po alam eh. Nung isang isang araw nagpunta kami dito nila mama, sabi niya hintayin lang daw namin siya dito. Bibili lang daw sya ng ice cream pero hanggang ngayon hindi pa sya bumabalik. Pero iintayin lang namin sya baka naligaw lang yun.", paliwanag nung batang babae.




"Ate, anggugutom na ko.", sabi nung batang lalaki na nakahawak sa palda ng ate niya.



"Sandali lang, kapag nabenta natin to. Makakabili na tayo ng candy. Di ba gusto mo yun?", paliwanag nung batang babae sa kapatid nya.



Mukhang totoo naman yung sinabi nung dalawang bata dahil medyo maayos ang kanilang pananamit kumpara sa ibang mga pulubi na nakita ko.



"Sige na kuya bilin mo na to, kahit tatlong piso na lang. Bibili ko lang candy yung kapatid ko. Hindi pa siya kumakain eh.", medyo naiiyak ng sabi nung bata.



"Tara, sumama na lang kayo sa bahay ko.", mungkahi ko sa bata dahil naawa naman ako sa kanila.



"Hindi po pwede eh baka biglang bumalik si Mama. Bilhin nyo na lang po itong sampaguita. Kahit dalawang piso na lang.", pagmamatigas ng bata.



"Hintayin nyo na lang ako dito."



Umalis ako at tinungo ang pinakamalapit na fastfood. Umorder ako ng dalawang chicken meal, dalawang burger, at dalawang ice cream. Pagbalik ko ay inabutan ko pa yung dalawang bata dun sa pinag-iwanan ko sa kanila.



Ipinakita ko yung dala kong pagkain at halata sa mukha nila ang saya at pagkasabik. 



"Kuya ang bait mo naman. Salamat dito ha!", hindi ko mapigilang mapangiti habang pinapanood ang magkapatid na maganang kumain.



"Gusto nyo dalin ko kayo sa ampunan para may tirahan kayo para di kayo nagugutom ng ganyan?", tanong ko sa batang babae.



"Huwag na po kuya, babalik din naman yung nanay namin.", muli naman akong nalungkot sa realisasyong mapupunta lang sa wala ang hiling ng batang ito.



Walang paalam naman akong tumayo at iniwang kumakain yung dalawa. Dinig ko ang sigaw nila ng pamamaalam at pasasalamat.







...to be cont'd...

18 comments:

  1. OMG...cry me like a river aku dito sa chapter na toh..sana marealize ni renz ang mga pinaggagawa nya sa sarili nya bagu masira ang bugay nya... life is too short.. thsnk you sa update.. god bless..

    Bruneiyuki214

    ReplyDelete
  2. Dear Crayon, salamat sa LSI 1&2 at pati na rin sa Starfish. In more ways than one, I find the characters and their struggles inspiring. Yung mga sinulat mo dito na yata pinakapaborito ko sa lahat, seriously. Impeccably written at obvious na matalino ang sumulat. Sana wag ka magsawa magsulat. Reach out ka naman sa mga readers mo, please. Thank you ulit. - Kris :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. thank you po for reading Kris, pasensya na if i dont usually comment back to my readers.. sakit ko na yun nun pa pero i always read your comment guys and i really appreciate your effort to praise my work thank you talaga.. enjoy reading starfish and God bless...

      Delete
  3. Na touch ako doon kay renz sa pag pasok sa simbahan ah.. :((

    ReplyDelete
    Replies
    1. thank you for always reading pjberdz... na-move din ako nung sinusulat ko yung part na yun... hindi ko lang muna masyado pinalala, masyado pa maaga para magpaiyak, hahaha :))

      Delete
    2. Hahahaha.. Welcome :) isa ka sa palagi kung inaabangan na mag UD eh... Adik na adik dati ka kyle at aki heheehe

      Delete
  4. Ang Bilis ng update... Hahahahaha

    ReplyDelete
  5. Naiyak ako dito ah! Thx.. crayon..

    ReplyDelete
  6. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  7. One very deep chapter. May laman at sense in building Renz character. Can't wait for the crossover sa iba pang characters ng Starfish! :)
    -dilos

    ReplyDelete
    Replies
    1. thank you for always leaving a comment dilos... wish you well.. :))

      Delete
  8. Goowd! Short chapter pero may laman. Good job author 😄
    -chris

    ReplyDelete
  9. Thanks for the update mr author, looking forward to the next one!

    Ben

    ReplyDelete
    Replies
    1. hello ben! thank you for being so active, hehehe... happy reading

      Delete
  10. haaayyyyy.. sobrang depressed naman si renz... kaloka.. thanks sa update!


    arejay kerisawa, Qatar

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails