Followers

Saturday, May 3, 2014

Starfish [Chapter 1]





Starfish
[Chapter1]




By: crayon






****Kyle****




9:30 pm, Friday
June 13






Ang buhay parang isang mahabang roller coaster ride. Madaming biglang taas at biglang baba, minsan hindi ka makasabay sa bilis nito gusto mo na lang na tumigil at magpahinga. Pero katulad ng taong nakasakay sa roller coaster wala ka namang kontrol sa mga mangyayari, kahit ilang beses ka mang sumigaw hindi ito basta na lang titigil para sayo. Ilang beses mo mang i-anticipate ang biglang pagtaas at pagbaba ay hindi mo pa din mapipigilan ang overwhelming na pakiramdam.



Sa ilang beses ko ng pagsakay sa roller coaster, sa napakaraming ups and downs ng buhay ko, isa lang ang natutunan ko. Laging may dahilan para ngumiti. Nakakatakot ang isang mahabang roller coaster ride pero sa tagal ng pagsakay mo matutunan mo ding mag-enjoy. Masasanay ka ng madapa at bumangon. At mas masaya gawin ang lahat ng ito kung may kasama kang sisigaw sa bawat liko ng iyong daan, mas kakayanin mo ang bawat pagbagsak kung may nakahawak sa kamay mo, at mas exciting ang bawat pag-akyat kung may kasama kang tumatawa.



Kakatapos ko lang kumain ng hapunan at tahimik kong nililigpit ang aking pinagkainan. Nakakapagod ang maghapong trabaho sa opisina pero hindi pa ako maaaring matulog dahil may kailangan pa akong gawin.



Tuluyan na akong umalis sa kumpanya nila Aki at may sampung buwan na din akong empleyado sa bagong kumpanyang pinagtatrabahuhan ko dito sa Mckinley Hills sa Taguig. Masaya naman ako sa trabaho ko bilang isang Statistician, mabait naman ang mga kasama ko at maganda din ang pasahod ng kumpanya. 



Nanatili pa rin kaming magkaibigan ni Sam at nakakasama namin siya minsan ni Aki kumain sa labas. Kinasal na siya sa kanyang partner limang buwan na ang nakakalipas at pareho kaming kasama ni Aki sa mga naging abay.



Kasabay ng pagkakaroon ng bagong trabaho ay nakahanap din ako ng condo unit na maaari kong tirhan sa may Bonifacio Global City. Gamit ang perang naipon ko at sa tulong na din nila mama, na naawa sa akin kung mag-uuwian ako mula Taguig hanggang Bulacan araw-araw, ay nabili ko ang unit na iyon. Kung tutuusin ay masyadong malaki para sa isang tao ang unit na nakuha ko. May living room, kitchen, dining, dalawang banyo, at dalawang kwarto ang unit. Ayon kay mama ay okay na din daw iyon para kung sakaling maisipan nilang pumunta para bisitahin ako ay may matulugan sila. Fully furnished naman na ang unit kaya hindi na din ako namroblema sa mga gamit. May queen-size bed ang dalawang kwarto at mga built-in closet. Centralized din ang buong unit. May 32" inch LED tv at sofa na sa living room. May ref na din at dining table sa kusina. Nang lumipat ako roon ay binilhan din ako nila mama ng karagdagan pang gamit na kakailanganin ko.



May sampung buwan na din ako dito at masasabi kong masarap sa pakiramdam na may sarili kang bahay. Though once o twice a month ay umuuwi pa din ako sa amin sa Bulacan para makasama ang pamilya ko.



Mag-isa lamang ako dito sa unit ko. Hindi na ako kumuha pa ng kasambahay dahil sanay naman akong mamuhay mag-isa since college. Ako na ang naglilinis at nagluluto, kadalasan ay nagpapa-laundry lamang ako ng maruruming damit. Hindi rin naman ako nalulungkot dahil madalas naman akong bisitahin dito ni Aki.



Hindi ko mapigilang mapangiti nang maisip ko ang aking boyfriend. Hanggang sa mga sandaling kasing ito ay hindi ako makapaniwala na sa wakas ay kami na nga ni Aki. Kapag binabalikan ko ang mga malulungkot na alaala namin ay parang isang dekada na ang lumipas mula ng mangyari ang mga iyon. Natabunan na kasi ng mga masasayang alaala namin ang mga malulungkot na tagpong iyon ng aming buhay.



Nakakatuwang hanggang ngayon ay pakiramdam ko nililigawan pa din ako ni Aki dahil sa araw-araw niyang pagpapakilig sa akin. Minsan nga pakiramdam ko ay wala akong nagagawa para sa kanya bilang isang boyfriend dahil mas madalas na siya ang nagpapasaya sa akin. Nang minsan ko itong mabanggit sa kanya sinabi niya na okay lang naman daw at hindi ko raw alam kung gaano ko siya napapasaya sa araw-araw.



Katulad ng ibang relasyon ay nagkakaroon din kami ng tampuhan pero wala pa kaming malalang pag-aaway. Kadalasan ay nagkakatampuhan kami dahil sa minsanan kong pagiging isip bata. Sa mga pagkakataong ganoon ay ako na mismo ang humihingi sa kanya ng sorry. Sa palagay ko kasi ay importante sa isang relasyon ang magpakumbaba at umamin kung ikaw nga ang may kasalanan sa isang bagay.



Nang matapos kong hugasan ang aking pinagkainan ay tinungo ko ang isa sa dalawang kwarto sa aking unit na nagsisilbing study room ko. Hilig ko ang pagbabasa kahit noong highschool pa lamang kaya lahat ng novel books na mayroon ako noon ay dinala ko rito at nilagay sa isang shelf na binili ko. May isa ring mahogany table doon na nagsisilbing study table ko. Binuksan ko ang sound system sa kwartong iyon at hinayaang mapuno ng tunog ng boses ni Ed Sheeran ang buong silid.



Umupo ako sa swivel chair na nasa study table ko. Binuksan ko rin ang aking laptop at nag-log in sa aking skype at facebook account. Inilabas ko din ang aking mga pinamili kanina.



Friday the 13th ngayon pero katulad ng ibang 13th ng mga nakaraang buwan ay sumasakit ang ulo ko sa pag-iisip sa kung anong maaari kong iregalo kay Aki bukas. Every 14th kasi ang monthsary namin at para kaming mga teenagers na nage-exchange gift sa kanilang monthsary. Hindi rin naman pumapalya si Aki na bigyan ako ng regalo o surpresahin ako sa espesyal naming araw na iyon at nahihiya naman ako kung wala akong ibibigay o gagawin para sa kanya. Naisip ko din naman na since bago pa lang naman kami ay wala naman masama kung mag-regaluhan kami tuwing monthsary namin. At aaminin ko ding nag-eenjoy ako sa ginagawa naming ito dahil si Aki ang unang boyfriend ko. At sa ilang buwan naming pagsasama ay marami akong naging first na sa kanya ko lang naranasan kasama na doon ang exchange gift sa aming espesyal na araw.



Bukas ay eleven months na kaming mag-boyfriend ni Aki. Katulad ng nakasanayan ay naisipan ko siyang bilhan ng regalo, ang problema lang ay sa tuwing naiisip ko siyang regaluhan ay wala akong mapiling ibigay sa kanya. Ang hirap naman kasing isipan ng regalo ng isang iyon, parang nasa kanya na kasi ang lahat ng bagay na gusto niya na maaaring bilhin ng pera. Kadalasan nga ay pati si Lui ay binubulabog ko kapag wala na talaga akong maisip na ibigay kay Aki.



Dumaan ako sa mall kanina pagkagaling sa trabaho para bumili ng regalo. Nalibot ko ang buong SM Aura sa paghahanap pero wala akong maisip na ibigay kay Aki. Wala din naman kasi talaga siyang masyadong hilig sa mga materyal na bagay. Hindi naman sya nangongolekta ng watch katulad ko, hindi din sya mapili sa damit o sapatos kung ano lang ang maisipang isuot (kahit naman kasi basahan bumabagay sa kanya kapag suot nya) at bago naman lahat ng gadget na mayroon sya.



Napangiti na lamang ako ng buksan ang plastic ng National bookstore kung saan ako nakahanap ng maaaring ibigay sa kanya. Napagtanto ko kasi na kahit kailan ay hindi ko pa siya nagawan ng love letter o kaya card. Medyo old school at masyadong cheesy pero alam kong magugustahan ito ni Aki. Inaayos ko na ang mga gagamitin ko sa paggawa ng aking regalo ng mag-message sa akin si Aki sa Skype.



Ilang sandali lang ay bumungad na ang mukha ni Aki sa screen ng aking laptop. As usual gwapo pa din sya, makapal ang kilay, nakangiti ang mata na bagay na bagay sa prominent nyang panga. Matangos ang ilong, mapula ang labi na tinernuhan ng mapuputi at pantay na mga ngipin.



Nag-init naman agad ang aking mukha ng mapansing wala siyang pang-itaas. Kita kong medyo basa pa ang kanyang buhok at may butil pa ng tubig sa kanyang matipunong dibdib. Hot.



"Yung cam mo?", tanong ni Aki. Sinadya kong hindi buksan ang aking webcam dahil baka makita pa nya yung ginagawa kong surpresa para sa kanya. Sinuot ko yung headset ko para makapag-usap kami.



"Sira eh.", pagsisinungaling ko.



"Ha? Bakit?", taka nyang tanong dahil kahapon lamang ay magka-chat kami.



"Hindi ko nga alam eh. Kanina nga ka-chat ko si Lui ayaw gumana. Nun ko lang napansin. Eh ikaw bakit nakahubad ka???", medyo masungit kong tanong. Sinimulan ko na din ang magsulat doon sa card na binili ko kanina habang nakikipagkwentuhan kay Aki.



"Aakitin sana kita eh, kaso wala kang cam.", nakangisi nitong sabi na ikinatawa ko naman. Lagi kasi kaming nagtutuksuhan sa harapan ng camera lalo na kapag may katagalan kaming hindi nagkikita. Ewan ko ba pero parang hindi nauubos ang aming pagkasabik at pagnanasa sa isa't-isa.



"Haha dali sayaw na sir! Manunuod ako.", nakasanayan ko ng tawagin siyang sir na ikinaiinis niya minsan.



"Hmmp! Ayaw! Lugi ako, di naman kita nakikita.", pagmamaktol niya.



"Anong magagawa ko eh sa sira yung cam ko."



"Sayang naman, kakagaling ko pa naman sa gym. Tingnan mo oh!", pagmamayabang nya sabay pakita ng maumbok nyang muscle sa braso na alam kong pinang-aakit nya sa akin.



"Pwede ka namang sumayaw eh nakikita naman kita. Sige na sir, please...", wika ko sa pang-bedroom voice na tinig. Alam ko na kasi ang kiliti niya kapag ganitong magka-chat kami. Alam kong natu-turn on sya sa boses ko kapag ganito.



"Aaarrrggghhh!!! Ang daya mo Kyle!!! Pupunta na kasi ako dyan, please....", wika ni Aki sabay sabunot sa kanyang buhok na tila batang sumusuko sa pambubuyo ng mga kalaro. 



Isang linggo din kasi kaming hindi nagkita dahil kapwa kaming busy sa trabaho. Pareho kaming sabik sa isa't-isa kaya alam ko kung gaano ang pagnanais niya na makasama ako sa kama ngayong gabi. Kanina pa lamang ay kinukulit niya na ako na dito sya matutulog sa condo ngunit tumanggi ako dahil hindi ko magagawa yung card kapag nagkataon.



"Hahaha, hindi nga po pwede.", natatawa kong sagot kahit ako ay nasasabik na din sa kanya pero napagdesisyonan kong bukas na lang kami magkita.



"Arrrghhh, andaya mo... Miss na miss na nga kita eh.", malungkot niyang sabi habang nagpapaawa ang mukha. Lalo lamang siyang gumwapo sa kanyang ayos.



"May tinatapos pa nga po akong trabaho sir, gagahasain mo lang ako kapag pinapunta kita eh. Kailangan ko talagang tapusin to ngayon.", pag-uulit ko sa sinabi kong dahilan kanina ng kulitin niya ako sa text.



"Good boy po ako promise!", nakangisi niyang sagot sabay taas ng kanang kamay na parang nanunumpa.



"Sus, maniwala ako sayo. Ikaw pa? Eh nasa loob nga ang kulo mo eh.", pang-aasar ko sa kanya.



"Grabe ka, ipinagkakait mo sa akin yung mga marital rights ko.", naglungkot-lungkutan muli ang kanyang mukha.



"Haha tadyakan kaya kita. Kung anu-ano sinasabi mo. Kamayin mo na lang yan."



"Ayaw.", nakasimangot pa din nyang sabi. Bakit ba hindi magmukhang pangit ang isang ito? Tanong ko sa aking sarili. Para kasing kahit anong ekspresyon ng mukha ni Aki ay gwapo pa din sya.



"I love you Aki.", sinsero kong sabi para hindi na humaba pa ang kanyang nguso.



Bahagya naman syang ngumiti saka sumagot sa akin. "I love you too Kyle...", umakto pa syang humahalik sa cam na ikinatawa slash ikinakilig ko.



"Sige na, magsuot ka na ng t-shirt baka magka-pulmonya ka pa.", sandaling nawala sa harap ng camera si Aki. Pagbalik nito ay nakasuot na ito ng puting t-shirt na pantulog.



"Kumain ka na ba Kyle?", tanong ni Aki pagbalik niya. Isa ito sa pinakakinasisiya ko ang pagiging maaalalahanin at maalaga sa akin ni Aki.



"Oo, ikaw?"



"Nag-oats lang ako. Anong oras tayo magkikita bukas?", patungkol niya sa aming date.



"After lunch na, baka di ako magising ng maaga ee."



"Oooookaaaay.", sagot ni Aki habang naghihikab.



"Matulog ka na Aki, ilang gabe ka na ding puyat.", wika ko ng marinig ang kanyang hikab. Alam ko kasing tambak ang trabaho niya sa opisina ayon na din kay Sam.



"Eh ikaw?", alala nyang tanong.



"I'll sleep in a while, tapusin ko lang to."



"Hintayin na kita.", pagmamatigas nya.



"Wag na makulit, matulog ka na."



"Okay po. Goodnight Kyle. I love you.", wika ni Aki.



"Goodnight Aki ko. I love you too. Sleep well, i'll see you tomorrow.", paalam ko. Nakita ko namang ngumiti siya ng malapad saka muling humalik sa camera bago tuluyang nagpaalam.





-----------------





11:45 am, Saturday
June 14





"Saan tayo pupunta?", tanong ko kay Aki habang nagmamaneho ito sa kahabaan ng SLEX. Kahit na sinabi kong after lunch na kami aalis ay maaga pa din akong sinundo ni Aki sa aking condo. Medyo groggy pa ako nung pagbuksan ko siya ng pinto dahil napuyat din talaga ako sa paggawa nung regalo ko sa kanya. Hinayaan naman niya akong matulog ng ilang oras pa bago kami tuluyang umalis.



"Basta relax ka lang dyan.", magiliw na sagot ni Aki.



Wala akong ideya kung saan kami pupunta. Hindi naman kasi ako mapili sa lugar kung saan kami nagda-date kapag monthsary namin. Kanina ay sinuggest ko na dun na lamang kami kumain ni Aki sa restaurant na paborito naming kainan pero sabi niya ay may plano na daw siya kaya wala na akong nagawa.



"Nagugutom na ako eh.", pagmamaktol ko na parang bata.



"Gusto mo daan tayo drive thru?", alala niyang sagot.



"Ayaw, eh di hindi ako nakakain sa pupuntahan natin.", sagot ko.



"Haha, ang gulo mo din talaga noh? Matulog ka na lang muna.", payo sa akin ni Aki na natatawa sa mga pinagsasasabi ko.



"Gisingin mo na lang ako.", sinunod ko din ang payo ni Aki dahil napuyat din ako sa paggawa nung regalo ko sa kanya.



Mabilis naman akong dinalaw ng antok at ng gisingin ako ni Aki ay pasado alas dose na ng tanghali.



"Nagugutom na ako Aki.", parang bata kong sabi sa kanya habang kinukusot ko ang aking mata.



"Andito na tayo baba ka na.", nakangiti niyang sabi. Agad naman akong lumabas ng kotse at sandaling naguluhan sa nakikita sa aking paligid.



Pamilyar kasi sa akin ang kinaroroonan namin. Nang lumingon ako sa aking likod ay nakita ko ang pangalan ng lugar, Sizzlers. Noon ko lang nakumpirma na nasa Laguna nga kami, sa UPLB.



"Dito tayo kakain?", taka kong tanong habang nakaturo sa Sizzlers.



"Oo ayaw mo?", medyo alalang tanong ni Aki. 



"Have i told you how i love the way you surprise me each time we go on a date?", nakangiti kong saad sa lalaking nakatayo sa aking harap.



"No.", nakangisi niyang sagot.



"I love you Mr. Achilles Ross Del Valle and your silly surprises! And thank you for bringing me here.", buong puso kong sabi sa kanya.



"Anything for you Mr. Kyle Allen Quijano-Del Valle.", sagot naman niya sabay halik sa aking pisngi sa harap ng madla. Hindi ko naman mapigilang pamulahan ng pisngi sa kanyang ginawa pati na sa pagdadagdag ng apelyido niya sa pangalan ko na parang kasal na kami.



"Tara na! Nagugutom na ako.", sabay hila ko kay Aki sa kamay bago niya pa ako tuksuhin sa aking pagba-blush. Hawak kamay kaming umakyat ng restaurant patungo sa lugar na pina-reserve ni Aki.



Habang kumakain ay masaya kaming nag-uusap ni Aki. Lumulundag ang puso ko sa saya. Una ay dahil sa monthsary namin ngayon at masaya kaming kumakain ng magkasama. Pangalawa ay na-appreciate ko ang pagdadala sa akin ni Aki dito sa Laguna para kumain. Natatandaan ko kasing lagi ko sa kanyang nababanggit ang Sizzlers sa tuwing kumakain kami ng sisig dalawa. Ito kasi ang isa sa paborito kong kainan ng sisig noong nandito pa ako sa Laguna.



Nakakataba ng puso na laging yung mga bagay na nakakapagpasaya sa akin ang inuuna ni Aki bago ang kanyang sariling interes. Habang kumakain ay naisipan kong pasalamatan si Lord para don.



"Sarap?", tanong ko kay Aki habang magana niyang kinakain ang inorder nyang sisig.



"Uh-uhmm pero mas masarap ka pa din.", pilyo nyang sagot. Natawa naman ako dahil doon.



"Akala ko ba good boy ka?", naalala ko ang sinabi niya kagabi habang magka-chat kami.



"Kagabi lang yon. Eh hindi mo naman ako pinagbigyan kaya void na yung sinabi ko na yon. Humanda ka sa akin mamayang pag-uwi natin.", malisyoso nyang pagbabanta.



Titingnan mong tahimik at seryoso si Aki pero nasa loob ang kanyang kulo. Katulad ko ay mainit din siya pagdating sa kama. Napatunayan ko na ito noong unang beses kaming magtalik at hanggang noong maging kami ay hindi nabawasan ang init na iyon. Nakakatuwa lang na kapag nasa publiko kami ay trinatrato niya ako bilang isang babae na lagi niyang ginagalang at iniingatan pero kapag kaming dalawa na lang sa kwarto ay nag-iibang anyo siya. Napangiti naman ako sa aking iniisip.



"Anu namang nginingiti-ngiti mo dyan?", tanong ni Aki.



"Wala, na-excite lang ako mamayang gabi.", maloko kong sagot.



"Haha, kumain ka na lang muna mabuti para hindi ka mabilis sumuko.", pang-aasar ni Aki dahil hindi ko kasi talaga minsan matagalan ang stamina niya sa kama.



"Yabang mo."



"Biro lang, tapusin na natin yung pagkain natin para naman maipasyal mo ko dito."



Sinunod ko na lamang siya at nag-focus na lang ako sa pagkain.



Matapos kaming kumain ay humanap lang kami ng pagpa-parkan ng kotse nya at saka kami naglakad patungo ng campus. Hindi naman gaanong mainit para maglakad dahil natatakpan ng makakapal na ulap ang araw at malakas ang pag-ihip ng hangin ng araw na iyon.


Dumaan kami ni Aki sa may Raymundo para bumili ng proben na sikat na meryenda ng mga estudyante don. Dumaan din kami sa dati kong apartment na itinuro ko kay Aki.



"Bakit pala dito mo naisip pumunta? Eh dito kita unang pinaiyak.", tanong ko kay Aki habang naglalakad kami papasok ng campus. Hindi ko din kasi mapigilang mailang noong maalala ko na binisita ako ni Aki noon dito at pinagtabuyan ko sya.



"Ang arte mo kasi nun eh.", pagsusungit ni Aki na tinawanan ko lang.



"Gusto ko din naman makita kung saan ka nag-aral. Na-curious lang ako.", pagpapatuloy nya.



Tumahimik na lamang ako at dinala sya sa park ng campus. Katulad ng mga tipikal na Sabado sa Freedom park ay may mga pamilya nang nandoon at nagkakasiyahan. Bukas naman kasi sa publiko ang university kaya may mga pamilyang nagpi-picnic sa malawak na damuhan ng park. May mga bata ding nagpa-practice ng soccer at ilang mga taong nagjo-jogging sa paligid ng park.



Naupo kami ni Aki sa damuhan at pinanuod ang mga tao habang kumakain kami ng proben.



"I love you Kyle.", biglang sabi ni Aki matapos ang mahabang katahimikan.



"I love you too Aki.", dumikit akong lalo sa kanya at isinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Di ko alintana ang mga taong nandoon na maaaring pagtaasan kami ng kilay.



Naging masaya naman ang buong hapon namin ni Aki at bandang alas-singko ay nagpasya na kaming umuwi.



Pasado alas otso na kami dumating ni Aki sa condo ko dahil naipit kami sa trapik. Pagpasok namin ng condo ay agad ni-lock ni Aki ang pinto at hinila ako papunta sa aking kwarto.



"Grabe Aki, pwedeng magpahinga muna tayo?", pagtutol ko ng maisip ang mga bagay na gagawin namin ni Aki sa kwarto.



"Nakaupo ka lang naman sa kotse ah? Di ka pa nakapagpahinga non?", nakangising sagot ni Aki.



"Ganun ka talaga ka-atat? Pwede maligo muna?", natatawa kong sagot.



"Mabango ka pa naman eh.", sagot ni Aki sabay halik sa aking labi. Nang maghiwalay kami ay habol ang aking paghinga.



Tumigil sa paglalakad si Aki ng tumapat kami sa aking kwarto.



"Pikit ka muna Kyle.", wika ni Aki sa akin habang nakangiti ng malapad.



"Bakit?"



"Basta!"



"Bakit nga muna???"



"Basta nga. Dali na!", parang bata nitong pagpilit sa akin.



"Itatali mo ko no?!? Saka mo ko gagahasain?!?", nang-iinis kong pagmamatigas.



"Ang likot din talaga ng imahinasyon mo no? Pinapipikit lang naman kita eh."



"Rape! Security tulungan nyo ko!!! Rape!", nagbibiro kong sigaw.



"Hoy! Umayos ka nga baka isipin ng mga kapitbahay mo nira-rape talaga kita.", naa-alarma niyang pigil sa akin. Tumawa lang ako saka pumikit.



Naramdaman ko ang pagtakip niya sa aking mata ng kanyang kamay para siguruhing hindi ako naninilip. Narinig ko ang pagbukas ng aking kwarto at iginiya ako ni Aki papasok.



"Huwag ka munang didilat ah.", paalala ni Aki. Matyaga naman akong naghintay.



"Okay, one, two, three... Dilat na.", bulong sa akin ni Aki.



Nang idilat ko ang aking mata ay medyo madilim ang aking paligid. Napatingin ako sa pader sa paanan ng aking kama kung saan nagmumula ang asul na ilaw na nagbibigay ng bahagyang liwanag sa madilim na silid. Napanganga naman ako sa malaking aquarium na naka-set up na doon. May asul na ilaw na nagmumula dito kaya kita ko ang mapuputing bato sa ilalim ng babasaging aquarium, gayundin ang mga halaman at palamuti sa loob. Iba't ibang klase ng maliliit at makukulay na isda ang malikot na lumalangoy sa tubig. Nakita ko din yung alaga kong isda na si Neptune dahil siya ang pinakamalaki sa mga isdang naroon. Nakalagay lang ito dati sa isang bowl na nabili ko sa petshop.



"Waaahhhh!!!! Thank you Aki!!!!", hindi ko mapigilang mapayakap sa kanya dahil sobra kong nagustuhan yung regalo nya sa akin.



"Nagustuhan mo ba?", tanong nya.



"Oo sobra! Tyak masaya din si Neptune kasi may friends na din sya.", isa lang kasi yung isda kong iyon na nasa fishbowl lang dati. Ngayon ay may maganda na siyang aquarium kung saan mas malawak ang kanyang malalanguyan. Hilig ko ang pag-aalaga ng isda dahil natutuwa akong pagmasdan sila sa tubig. Binili ko si Neptune bilang tanda ng unang beses kong nag-snorkling kasama si Aki.



"Paano pala 'to napunta dito?", tanong ko nang ma-realize ko na maghapon nga pala kaming magkasama ni Aki kaya walang siyang pagkakataon na i-set up roon yung aquarium.



"Nakiusap ako kay Sam na samahan yung may-ari ng petshop na binilhan ko ng aquarium na iset-up dito yan. Pinahiram ko muna kay Sam yung susi ko.", paliwanag ni Aki. May susi kasi siya ng condo ko at ako rin ay may susi ng sarili niyang unit.



Nang maka-recover ako mula sa labis na pagkasorpresa sa bigay na regalo ni Aki ay saka ko lang naalala yung card na ginawa ko para sa kanya.



"Wait lang kukunin ko lang yung gift ko sayo.", sabi ko kay Aki saka lumabas ng kwarto.



Ilang sandali lang ay nakabalik din ako. Itinago ko sa aking likod yung regalo ko. Nakaramdam naman ako ng pangamba ng maisip na baka hindi magustuhan ni Aki yung ginawa ko.



"Anu yan?", tanong ni Aki nang nanatili lamang akong nakatayo sa harap nya at nagdadalawang isip kung ibibigay ko yung gawa kong card.



"Ha-happy m-monthsary.", medyo nauutal kong sabi habang inaabot yung regalo ko.



Halata ang pagtataka sa mga tingin sa akin ni Aki. Mukhang halatang-halata yung pagkahiya ko. Inabot niya naman yung regalo ko at agad pinunit yung gift wrap. 



"Photo Album?", nakangiting tanong ni Aki nang matanggal niya yung balot ng regalo ko.



"Scrapbook.", nahihiya kong bulong. Binuksan ko yung ilaw sa kwarto habang binubuksan ni Aki yung Scrapbook na ginawa ko. Umupo ako sa tabi niya sa kama.



"Ikaw may gawa nito?", tumango lang ako bilang sagot.



"Cheesy...", nang-iinis na sagot ni Aki. Medyo nalungkot naman ako kasi parang hindi niya nagustuhan yung surpresa ko.



"Akin na nga kung ayaw mo. Ibibili na lang kita ng watch bukas.", may lungkot at bahagyang pakainis kong sabi sa kanya. Sinubukan ko namang hilahin mula sa kanya yung Scrapbook pero agad niya akong pinigilan.



"Teka nga. Hindi ko pa nga nakikita eh, saka wala naman akong sinabing ayaw ko.", angal ni Aki ng subukan ko uling kunin yung tinitingnan niya.



Maliban kasi sa card ay gumawa din ako ng scrapbook. Nag-print ako ng mga naipon naming larawan ni Aki sa nakalipas na dalawang taon at pinagsama-sama iyon sa ginawa kong scrapbook. So highschool.



Maya-maya ay narinig ko ang hagikgik ni Aki habang minamasdan ang mga larawan at caption na nilagay ko sa scrapbook. Kuntento ko naman siyang pinagmasdan habang nakangiti ang kanyang mga mata at nakangisi ang kanyang bibig. Mukhang nagugustuhan naman niya ang kanyang mga nakikita sa scrapbook. Natigil lamang ang panonood ko sa kanya ng muli siyang magsalita.



"Ano to?"




...to be cont'd...




Author's Note:



As promised, eto na yug unang chapter ng story ni Renz... Apat na days po ang pagitan ng mga updates okay? Salamat po sa pagbasa... Comments and suggestions are very appreciated...


-----crayon

12 comments:

  1. Nagbabalik si sir Crayon!!!! Ayyytt gusto ko ito! Sa wakas may babasahin na naman ako! :)))) Na-miss ko na sila Aki at Kyle! :D ~Ken

    ReplyDelete
  2. Namiss ko c aki at kyle. May bago na namang aabangan.

    -hardname-

    ReplyDelete
  3. basta crayon abangan ang mga twist dito, maganda talaga

    ReplyDelete
  4. Awwww! Nakakakilig at nakakataba ng puso!
    -dilos

    ReplyDelete
  5. welcome back author.. ganda.. :)

    ReplyDelete
  6. I've been waiting for this for so long! I really missed Kyle, Aki and Renz. Looking forward for the next chapter. God Bless you mr author!

    Ben

    ReplyDelete
  7. pagkabasa ko pa lang ng starfish napa omg na ako, hehe. this is gonna be great.

    -kiko of sk

    ReplyDelete
  8. Anu po title nung naunang story about kay kyle and aki? D ko po kc makita. Tnx po.

    ReplyDelete
  9. crayon brat....ang bagong protege'

    ReplyDelete
  10. hhhaayyyy.. i love this... nice story! thanks! keep up the good work!


    arejay kerisawa, Qatar

    ReplyDelete
  11. My favorite author is FINALLY back!

    -In Dubio

    ReplyDelete
  12. YEES!!!!! i've been waiting this for months.
    Thank you crayon!

    -yuji-

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails