ROOFTOP TEASER: ANTIPATIKONG RAKISTA
By: Tin Fabian
Alam mo thoughtful si God, hindi man lahat
ng gusto ko ay pinagbibigyan nya, hindi naman siya nakakalimot na bigyan ako ng
mga right set of people na aalalay sa buhay ko sa mga oras na kaylanganin ko
sila. Pero ang hinding hindi ko makakalimutan at lubos na ipinagpapasalamat sa
kanya ay yung time na nakilala kita at pagkakataon na maging parte ka ng buhay
ko.
Eric, natatandaan mo pa ba noong una tayong
magkita? Nakaupo ka non at binabasa mo ang favorite mong libro, ngayong naalala
ko, hindi ko parin pala alam kung ano ang title ng librong yon.
Naniniwala ako sa tadhana Eric, naniniwala
ako na hindi basta bata nag-krus ang ating mga landas.
Eric kung nasan ka man ngayon... gusto kong
malaman mo na naghihitay parin ako... sa rooftop... kung saan sinumulan nating
mangarap para sa isa’t isa.
Art
Art Dizon
Eric,
natatandaan ko pa ang unang araw na nagkita tayo. Kahit na labing pitong taon
na ang nakalilipas, nakakatuwang isipin na parang kaylan lang nangyari ang
lahat.
August 4, 1996
habang ang buong pilipinas ay naghahanda at nagaabang na masungkit ng
boksingerong si Mansueto “Onyok” Velasco ang kauna-unahang gintong medalya ng
Pilipinas sa Olympics, laban sa bulgariang boksingero na si Danel Petrov, ako
naman ay daig pa ang nanalo sa lotto, hindi kay Onyok, pero dahil sa wakas,
pagkatapos ng 3 buwan na pakikipagkulitan at pagmamakaawa, napapayag ko narin
ang aking mga magulang na sa Maynila na humanap ng mapapasukang trabaho.
Katatapos ko
palang noon ng kursong Fine Arts major in Advertising sa isang state college
malapit sa aming lugar. Hilig ko talaga ang designing lalo na ang advertising, wala
naman sa pamilya namin ang magaling magdrawing o kaya naman nasa idustriya ng
advertising, pero siguro kakambal lang talaga ng pangalan kong “Art” ang
pagkahilig ko dito, simula pagkabata kasi kinakitaan na ako ng mga magulang ko
ng interest dito, nakakatawa nga eh.., minsan kinukwento nila sakin na mas
pinapanood ko pa daw ang mga commercials kesa sa totoong palabas sa TV at
madalas pag nagpupunta kami ng palengke o kaya naman ng mall sa bayan, mahilig
akong mangolekta ng mga brochures o pamplets. Di rin nakakaligtas sakin ang mga
clippings sa dyaryo lalo na pag nagandahan ako sa concept o kaya naman sa design.
Naging
supportive naman ang mga magulang at mga kapatid ko sa ginusto kong kurso, kaya
kahit kapos kami sa pera, pinag-aral parin nila ako sa kabila ng pagiging magastos
na kurso ng Fine Arts.
Hindi naman ako
nagpabaya sa pagaaral at dahil narin gustong gusto ko ang pinagaaralan, naging
suma cummlaude ako ng aming batch. Pero kasabay ng pag-graduate ay ang
katotohanan na hindi ko makakamit ang mga pangarap ko kung magpapatuloy akong
mag stay sa probinsya. Walang opurtunidad para sakin dito, Oo meron mga small
time design firm sa aming lugar at marami ding mga naghahanap ng graphic artist
na kadalasan gumagawa ng mga invitation o kaya naman streamers. Pero mataas ang
pangarap ko, gusto kong magtrabaho sa isang sikat na Advertising Agency at
makagawa ng mga magagandang ads ng mga sikat na brands.
Alam kong kung
pakikingan mo ito tiyak na matatawa ka sakin Eric, pero anong magagawa ko, eto
ang pangarap ko, at kung hindi dahil dito, hindi tayo pagtatagpuin ng tadhana.
Kaya naman nabuo
ang desisyon ko na makipagsapalaran sa Maynila. Pakiramdam ko kasi mas
malalapit ako sa mga pangarap ko kapag nakarating na ako doon, katulad ni Mark
Lenin, ang nagiisa kong best friend sa probinsia.
1st Year college
palang kami noon ng magdesisyon ang kanyang mga magulang na lumipat ng maynila,
syempre nakakalungkot, kaso ganon talaga eh. Pero hindi naman natapos doon ang aming
pagkakaybigan, madalas ay nagsusulatan kami sa isa’t isa, pag bakasyon o merong
special na araw tulad ng birthdays, fiesta o kaya naman pag trip nya lang,
umuuwi sya sa probinsya. hindi sya
nakalimot Eric.
Pero ang labis
na pinagsisisihan ko ay hindi ko nagawang mapagtapat ang nararamdamang pagibig
para sa kanya bago siya umalis ng aming bayan. Noong time kasi na’yon, sariwa
pa sakin ang mga ala-ala ni Jason, ang lalaking lubos na nagpatibok ng puso at
minahal ko ng sobra-sobra.
Eric, alam mo
naman ang lahat lahat sakin diba? Kahit na ang aking totoong pagkatao. Oo, nerd
ako kung titignan, malapad at malaking eyeglasses, naka pumadang buhok, daig ko
pa nga si Jose Rizal sa ayos ng buhok eh, sa unang tingin hindi mo aakalain, pero ang
totoo, ibang ang preference ko pagdating sa pagibig, sabihin na nating hindi
siya common, na kokonti lang ang nakakaintindi.
Anyway pumayag
sya na sunduin ako sa bus station sa Manila at ihatid sa bahay ng Tita ko na
pansamantala kong tutuluyan habang naghahanap ng murang apartment na
malilipatan, nag alok din si Mark Lenin na sa kanila nalang ako pansamantalang
tumuloy dahil mag-isa lang naman siya sa tinutuluyang condo, pero hindi na ako
pumayag dahil narin siguro sa hiya at isa pa, bilin ni Tatay na doon ako kina
Tita manuluyan muna para narin sa ikakapanatag ng loob nya.
Kung dati lagi
kong pinipilit ang sariling bumangon pagkatapos ng mahabang tulog, noong araw
na’yon kusang bumangon ang excited kong katawan, dali dali kong inayos ang
pinagtulugan, naghilamos, at nagsipilyo. Napalingon ako sa aninag ng araw na
pilit pumapasok sa bintana, medyo madilim sa loob ng aking kwarto kaya dali
dali kong binuksan ang mga ito, nagliwanag ang buong kwarto, napatigil panandalian,
nakita ko kasi ang mga naka empake kong mga gamit, ngayon lang nagiging totoo
sakin ang lahat, ang totoo medyo nalulungkot din ako sa pagalis ko, ma mimiss
ko ng sobra sobra etong kwarto ko at hindi ko alam kung kailan ako makakabalik
sa lugar na’to.
Magdadrama pa
sana ako ng biglang may kumatok sa pinto.
“Art! Art!
Gising ka na ba?” si Ate Apple ang panganay saming magkakapatid. “Meron kang
tawag, long distance, si Mark Lenin.” Duktong nya.
Dali dali kong pinagbuksan
si Ate Apple...
“Talaga ate?”
Excited kong salubong.
“Oo!” sagot
naman ni Ate Apple sabay bigay ng wireless phone sakin.
“Hello Best!” excited
kong bungad.
“Best! Happy
Morning!” sagot naman sa kabilang linya.
“Happy Morning
Best! Napatawag ka?”
“Confirm ko lang
kung tuloy ka ngayon.”
“Oo naman Best!
Tuloy na tuloy!”
“Hehehe Halata
nga, sige hintayin nalang kita sa Isarog bus station ng 8pm, papasok na kasi
akong work ngayon, see you tonight!”
“Wow best
workaholic ka talaga 6 palang ng umaga!”
“Loko! traffic
kasi kaya kailangan maaga akong pumapasok, basta hihintayin nalang kita sa bus
station kung magkaproblema pwede mo akong tawagan sa opisina, alam mo naman
number sa office right?”
“Opo kaso
nakakahiya, bakit kasi hindi ka pa bumili ng pager para dun nalang ako
mag-memessage sayo!”
“Best, alam mo
namang kasisimula ko pala sa work di ko pa kayang bumili ng ganyang mga bagay”
Kilalang kilala
ko itong si Bestfriend Mark Lenin, ang totoo hindi lang talaga mahilig si Best
sa mga ganong klaseng mga gadgets, kung tutuusin sa yaman ng kanyang mga
magulang easy lang na makukuha nya ito pareho kasing nagtatrabaho bilang doctor
sa isang sikat na hospital sa Maynila ang mga magulang ni bestfriend.
“O sya sige
Best, baka ma late ka pa mamayang gabi nalang ah!” paalam ko sa kanya.
“Oo naman Best,
dinner muna tayo then hatid kita sa bahay ng Tita mo”
“Sige, ingat
Best!”
“Ikaw din Best,
ingat!”
Nang naputol ang
linya mas dumaloy ang excitement sa dugo ko, di ko maiwasang ngumiti na parang
baliw, doon ko naman napansin na katabi ko pa pala si Ate Apple.
“ARU! Ano kaya
ang pinagusapan nila bunso at besfriend nya at abot hanggang tengga ang ngiti ngayon!”
panunukso nito habang kinukurot ang pisngi ko.
“ATE! MASAKIT!”
saway ko “Syempre! Susunduin nya ako dun sa bus station sa Manila, malamang
excited ako!” sarkastiko kong sagot kay Ate.
“O sya sige,
nakahanda na ang almusal, tatawagin ko nalang sina Ate Bon at Ate Potchie mo,
mauna ka na, nandoon na sina Mama at Papa.”
“Sige po Ate”
akmang aalis na sana ako ng biglang...
“Art sandali..”
dali daling naglabas ng pera si Ate Apple mula sa kanyang wallet at dahan
dahang nilagay sa bulsa ng aking panjama.
“O eto bunso,
pandagdag, pagpasensyahan mo na medyo matumal kasi sa pagtitinda ng mga gulay,
hayaan mo papadalhan pa kita pag nakalwag luwag”
“Naku Ate! Hindi
ka na dapat nagabala, binigyan narin ako kagabi nila Mama at Papa saka sobra
sobra na ang nagastos nyo maituloy ko lang ang plano kong ito, nahihiya narin
ako pati si Diana pinagbili nyo”
Eric, kung ang
ibang bata merong mga alagang aso o pusang kinalakihan, sakin naman isang
kalabaw... si Diana.
“O magdadrama ka
na naman, naaalala mo na naman si Diana, hayaan mo na, si Mang Eddie lang naman
ang bumili para sa sakahan nya, isa pa sabi naman ni Mang Eddie pwede mo doon
dalawin si Diana.”
“Nakakamiss lang
kasi Ate”
“Aruuu! E iiwan
mo nga kami dito eh! Masanay ka na!” “Sige magalmusal ka na.”
Sabay sabay kaming nag almusal noong araw
nayon, si Papa walang bukang bibig kung di ang pangalan ni Onyok at kung gano ka
liyamado ito sa laban, si Mama naman walang tigil sa kabibilin tungkol sa mga
dapat kong gawin pag nasa Manila na, si Ate Apple naman mga tips kung pano
kumuha ng trabaho, at ang dalawa ko pang kapatid na sina Ate Bon at Ate
Potchie, walang tigil sa pangiinis sakin at pagsabing wala na silang kukulitin
pag nawala ako.
Matapos
mag-agahan, dahil naka impake narin naman ako, inihatid na ako ng aking pamilya
sa Bus Station.
“Ang daming
tao!” sabi ni Ate Bon pagkababa sa sasakyan.
“O, anak basta
pag dating mo doon trabaho muna, wala munang girlfriend girlfriend!” si Mama
“Aba! Eh
pagbabawalan mo ang anak nating mag girlfriend eh ka gwapo nitong anak natin!”
si Papa
“Oo! Kaso kung
papalitan nya lang salamin nyang napakakapal at aalisin tong sobrang outdated
na buhok na laging naka pumada!” biro ni Ate Potchie habang ginugulo ang buhok
ko.
“Basta anak
kahit ilang girlfriend pa yan, kahit nga bigyan mo na ako ng apo pagbalik mo
mas maganda!” dagdag na biro ni Papa sakin.
“Pete! Tumigil
ka! Bata pa iyang si Art!” saway ni Mama kay Papa.
“Wag kang
magalala Mama, good boy yang si Art, diba Art!” si Ate Apple sabay kindat
sakin.
Ang totoo Eric
noong time na iyon, hindi pa alam ng pamilya ko ang tunay kong kasarian o
preference pagdating sa pakikipag relasyon, siguro kung me nakakahalata man o
alam na talaga kung sino ako, si Ate Apple yon, pero hindi nya ako tinanong,
lagi nyang sinasabi na kung ano man ang gusto kong sabihin sa kanya,
maiintindihan nya. Pero ako ang hindi pa handa, siguro hiya narin kaya mas
pinili kong manahimik, kahit sa loob loob ko gusto kong pagsigawan ng bading
ako, na lalaki ang gusto ko.
“O pano anak,
aalis na kami, kaylangan naming habulin ng mga kapatid mo yung paninda natin
para bukas, kung mamaya pa namin pupuntahan baka hindi na kami pansinin dahil
nanonood na ng laban ni Onyok!” biro ni Mama, pero bakas na mukha nya ang
pagkalungkot pero pinipilit nitong mag-biro.
Isa-isang
yumakap at nagpaalam ang aking mga kapatid at magulang, nagulat nalang ako na
ako nalang magisa kasama ang mga bagahe ko. Nakaalis na sila Mama. Eric doon ko
naramdaman ang matinding lungkot at takot, kung kanina sobrang excited ko,
noong mga panahong iyon, kabaligtaran ang naramdaman ko.
Tumawag ako ng
isang kargador para tulungan akong ipasok sa waiting area ang mga bagahe ko.
Dahil punong puno ang bus station, napunta ako sa dulong upuan sa waiting area.
Mainit at
siksikan sa waiting area lahat nagkakagulo, me mga taong nagkukwentuhan at mga
guard na pilit sinasaway ang mga pasaway na pasahero.
Matapos kong
ayusin ang mga gamit at naging komportable sa kinauupuan, doon ko na naramdaman
agad ang pagka-homesick. Di paman nakakalipas ang isang oras namimiss ko na ang
mga magulang at kapatid ko. Finally,
parang sampal na bumalik sakin ang lahat, nagsimula ng magbago ang buhay ko,
mula sa pagiging dependent, isa na ako ngayong independent....
Pilit kong
pinakalma ang sarili ko, kahit nangingilid na ang mga luha ko pilit kong inaliw
ang sarili sa pamamagitan ng pagmamasid sa paligid. Pilit tinatanong ang sarili
na ang mga tao sa loob ng bus station nayon, katulad ko ay may mga kanya
kanyang dahilan kung bakit pinili nilang umalis saming probisya.
Magmo-moment pa
sana ako ng me isang lalaking dumaan sa harap ko. Dahil sa liit ng pagitan ng
mga bangko sa waiting area pilit niyang siniksik ang sarili para makarating sa
bakanteng upuan na nasa tabi ko lang.
Di ko na sana
siya titignan at papadaanin nalang sana ng biglang nagsalita ito.
“Excuse
me...” suyo ng lalaki.
Di ko alam pero
merong kakaiba sa boses nito na nakaagaw ng atension ko at napatingin ako.
Isang
matangangkad na lalaki na naka black na leather jacket at gitarang sakbit
sakbit sa kanyang likuran, kikilatisin ko pa sana ito ng bigla itong pumihit
patalikod sa akin at hindi sinasadyang tumama ang gilid ng kanyang gitara sa mukha
ko.
Dahil sa lakas
ng impact ng gitara niya sa mukha ko, panandalian akong natulala nang...
“Shit!” sigaw ko
ng mapasing dumudugo ang aking labi, dahil katabi lang ng kinauupuan ko ang
restroom, dali dali akong pumunta dito sapo sapo ang dugong tumatagas sa labi
ko.
Kahit mahapdi
dali dali kong tinapat ang labi ko sa tubig na lumalabas sa gripo, takot ako sa
dugo Eric, kaya naman nung mga oras na iyon parang hihimatayin na ako.
Matapos ang
walang katapusang ilang minuto, tumigil
na sa pagdurugo ang labi ko, dali dali akong kumuha ng tissue at dinampi ito sa
sugat. Tinignan ko ang aking sarili sa salamin, namamaga ang labi ko, mukha
nakong wasted. Dun na kumulo ang dugo ko, kaya naman dali dali akong lumabas sa
restroom at tinumbok ang dati kong upuan kung saan katabi ang lalaking
nakabunggo saking labi.
Pero laking
gulat ko ng nakita ko ang lalaki ng komportable sa pagkakaupo nya habang
nagbabasa ng libro, hindi man lang nag effort na sundan ako para humingi man
lang ng sorry.
Pero ang
pagkainis ay napalitan agad ng pagkamangha, doon ko napansin ang buong itchura
at kakaiba nitong porma.
Astig, mala Bon
Jovi ang buhok nito sa haba, maputi at masasabi mong matangkad kahit na nakaupo
ito, di ko din maiwasang isipin na isa siyang musikero dahil sa dala dala
nitong gitara (na tumama sakin) na nakalagay sa isang black sleeve na punong puno
ng sticker sign na peace.
All black ang
porma nito, black leather jacket matching with black shirt na may nakasulat na “Talk
to the Hand”, skinny jeans, studded bracelet, merong tunnel earing at black
eyeliner. Kung iisipin mo hindi siya yung usual na lagi mong nakikita, siguro
sa TV pwede pa, para kasi siyang member ng isang heavy metal band at puting
face paint nalang ang idagdag mo... isa na siya sa international band na KISS.
Pero sa kabila
ng lahat, kitang kita parin dito ang pagka magandang lalaki nito, parang kahit
anong gawin niyang ayos eh gwapo parin. Yung tipong maiintimidate ka kapag
sinubukan mong lapitan at kausapin ito, na ikaw ang magmumukhang pulubi pag
pinagtapat kayo.
Eric... iyon ang
una kong impression sayo... antipatikong rakista.
--- Full Chapter Premier this
January 1, 2014 here at MSOB ---
Pano kung isang araw magkrus ang ladas ng dalawang
magkaibang mundo. Si Art, isang designer, introvert, nerd, at may pusong babae.
Si Eric, isang aspiring rockstar, extrovert at straigth. Pero sa kabila ng
kanilang mga pagkakaiba at panahon kung saan tahasang kinukundena ang pagiging
isang bakla, nagawa parin nilang maging matalik na magkaybigan na handang
ipaglaban ang kaligayan ng isa’t isa ano man ang mangyari.
Susubukin ng panahon at hamon ng buhay, isang
pagkakaybigang walang hanggan, sa lugar kung saan hawak at natatanaw nila ang
buong mundo... Rooftop.
Hi kuya Ponse im an avid reader of yours may I know po your website/blogsite where you post stories..thank u
ReplyDeleteNice nicw nice! Bukas na ito can't wait. Hihi for sure magtatranaform sin ang character nu art db can't wait na mag mature at mag grow sila sa story! Kudos!
ReplyDeleteNasan na po ung chapter 1? 11:59pm ba ipopost? Hehehhe
ReplyDelete