Followers

Saturday, November 13, 2010

Untitled [10]

by: bx_35
e-mail address/YM ID: bx_35@yahoo.com
blog: xxbndikxx.wordpress.com





Chapter 10 – Celebrations


“Bakit ba ang dami nating problema? Mali ba itong pinasok natin?” tanong ko kay Ethan.

“Bry, huwag mong isipin na mga problema yon, mga challenges yon. Maagang binigay sa atin ang mga yon para i-test tayo kung kaya natin ituloy ang relasyong ito kahit na pareho pa tayong nangangapa. Basta isipin mo na makakayanan natin lahat, basta magkasama tayo. Sa ngayon, enjoy muna tayo” sabi ni Ethan.

Lumipas pa ang mga araw sa relasyon namin, kagaya ng dati, madalas pa rin akong pumunta sa kanila, kung minsan ay inaabot pa ako ng ilang araw bago umuwi sa amin. Pero pag-uwi ko, sisiguraduhin kong babawi ako sa pamilya at mga pinsan ko.

Limang buwan ng relasyon na puno ng challenges na nalalagpasan at pinipilit maging masaya pagkatapos, pilit na pinaglaban ang relasyon sa tadhana at mga taong nakapalibot sa amin. Ano kaya ang mangyayari sa susunod na limang buwan, gaano kaya kami katagal, aabot ba kami ng limang taon? Gaano pa kabigat ang mga darating na challenges at gaano pa kasaya ang naghihintay na kulitan namin sa kwarto niya, sa jeep, sa bus, sa mall, sa palengke, sa daan, sa pagbagsak ng ulan, sa pagligo sa swimming pool, sa office, sa mundo.

First Christmas, December 2006 – siempre di ko pinagpalit kay Ethan ito, sa pagkakataon ito mas pinili ko ang pamilya ko. Magkahiwalay kaming nag-celebrate ng Noche Buena kasama ang mga pamilya namin. Hapon na ng magkita kami ni Ethan, pasyal sa mall, nood ng sine, at dinner sa fastfood. Sa kanila ako natulog, pinagusapan namin iyon na kailangan magkasama kami sa gabi ng 25 Dec. Wala kaming naibigay na regalo sa bawat isa kasi kulang sa budget at walang oras para bumili, sapat na iyon magkasama kaming sa araw ng Pasko.

First New Year, January 2007 – 31 Dec, hapon, nagpunta ako kina Ethan, gusto ko kasi makita kung paano ang paghahanda nila sa New Year at para matakasan ko rin ang pagtulong sa mga tita ko na nagluluto. Naglalaro ng tong-its ang mga magkakapatid pagdating ko kina Ethan, inisip ko, yun siguro ang paghahanda nila sa Bagong Taon, he he. Nang nagsawa si Ethan, binigay niya sa akin ang baraha nya na ikinatuwa ng mga kapatid niya kasi siguradong talo na naman ako sa kanila. Maya-maya pa ay sinamahan na ng tagay ng alak ang bawat pag-ikot ng baraha. Makalipas ang ilang oras, natapos din kaming maglaro, di na namin kaya dahil sa kalasingan.

Bagsak ako dahil sa sobrang kalasingan, alam kong nag-alala si Ethan kasi kailangan maka-uwi ako, hindi ako pwedeng mawala sa selebrasyon ng Bagong Taon sa amin, nagsisilbi ring Family Reunion namin iyon. Gusto ni Ethan na kasama ko siyang magdiwang pero pilit pa rin niya akong ginising para maka-uwi ako.

“Adik, Happy New Year, hik, hik” bati ko kay Ethan.

“Wala pa, mamaya pa lang” sabi ni Ethan.

“Pa-kisshh nga, hindi ko kasi na kasi magagawa mamaya, hik, hik” request ko sa kanya.

“Ayoko nga, amoy alak ka” pagtanggi ni Ethan.

“Sige na naman, pleashhhh” pangungulit ko sa kanya, pero nagmatigas siya, hindi talaga siya nagpahalik.

“Ayoko nga, tara na hatid na kita sa kanto para maka-uwi ka na, mukhang ok ka na” sabi ni Ethan.

“I love you, masaya ako na naging parte ka ng buhay ko, sana huwag mo akong bitawan. Happy New Year” bati ko ulit sa kanya, ng medyo nahimasmasan na ako.

“Paano ka ba makaka-uwi niyan, alas otso na, baka mahirapan ka ng sumakay ng jeep, tapos lasing ka pa” sabi ni Ethan.

“Adik, naglalambing lang ako, sige na uwi na ako kahit di mo ako hinalikan” sabi ko kay Ethan.

“I love you, salamat din sa pagdating sa buhay ko, sana huwag ka ring bibitiw. Pero di pa rin kita hahalikan, amoy alak ka pa rin. Bukas na lang” bati ni Ethan.

Makalipas ang ilang minutong paghihintay ng jeep at makalipas ang maraming pag-ikot ng gulong ng jeep ay naka-uwi rin ako at umasa ako na mawawala ang amoy ng alak sa dami ng candy at chewing gum na nginuya ko habang nag-bibiyahe ako.

12:00 AM 01 January 2006 – sa gitna ng malakas na ingay na likha ng mga paputok, pinakawalan ko rin ng wish ko sa taong iyon. “Stronger relationship with Ethan and good health for my family”. Bago ako humarap sa salo-salo namin, tinawagan ko muna si Ethan para mabati ko siya ng “Manigong Bagong Taon” at binalita na nahalata sa amin na naka-inom ako, pero di na nila pinansin iyon.

Kagaya noong Pasko, hapon na ng magkita kami ni Ethan, pasyal sa mall, nood ng sine. At siempre di namin palalagpasin ang unang gabi ng taon na hindi kami magkasama. Pagdating sa kanila ay kumain muna kami at nakipag-kwentuhan sa magulang at kapatid niya. Masaya ako kasi ramdam ko na tanggap nila ako, parang parte na rin ako ng pamilya. Kahit wala akong regalo sa kanila ngayong Bagong Taon, pinangako ko sa sarili ko na gagawa ako ng paraan para makatulong ako sa kanila. Wala na naman kaming regalo ni Ethan sa isa’t isa, kagaya ng dati, walang oras bumili at kulang ang budget. Masaya na rin kami na magkasama kaming mag-celebrate ng Bagong Taon. Sa loob ng kwarto niya, nakisabay kami sa pahabol na putukan sa labas.

Birthday ni Ethan – excited ako, ito ang unang pagkakataon na magkasama naming ipagdiwang ang kaarawan niya.

“12:00 AM na, Happy Birthday” text ko kay Ethan.

“Salamat” reply niya.

Tawanan.

“Adik ka talaga, magkatabi lang tayo ti-text mo pa ako” sabay yakap sa akin ni Ethan.

“Bakit nag reply ka? Kahit na magkasama tayo ngayon sa kwarto mo, gusto ko ako ang unang mag-text sa’yo. Happy Birthday” muli kong bati kay Ethan.

“Sorry kung napagatos ka dahil sa birthday ko, ayaw ko naman maghanda pero nagpumilit ang mga kaibigan ko na pumunta dito” sabi ni Ethan.

“Ok lang iyon, buti na lang at hindi kita nabili ng regalo kaya may gagastusin tayo para sa handa mo” sabi ko sa kanya.

“Sige na, matulog na nga tayo, kailangang maaga pa tayong gigising mamaya para magluto” si Ethan.

Si Ethan. 24 years old, 5’8” ang taas, di mataba di rin payat, maputi, medyo manipis ang buhok, kulay brown ang mata. Masasabi kong gwapo siya kasi kahit yung mga kabarkada niyang lalaki dati ay nagkagusto sa kanya. Pinatibay siya ng mga paghihirap nila sa buhay, sa kanilang mga magkakapatid siya ang may malaking naitutulong sa magulang niya. Madiskarte, mabait, alam kung ano ang mga salitang ilalabas sa bibig niya.

Nag-leave ako sa trabaho para masamahan ko si Ethan sa pagluluto sa handa niya. Lunch time ng nagsidatingan ang mga kaibigan ni Ethan. Normal na yung kwentuhan at kumustahan sa kanila. Siempre hindi ako close sa kanila kaya matapos akong ipakilala, sinamahan ko na lang manood ng TV ang mga pamangkin niya at tumulong sa nanay niya sa kusina. Kahit na umalis na ang mga bisita niya, hindi na rin namin nagawang lumabas dahil sa sobrang pagod.

“Salamat” sabi ni Ethan.

“Para saan?” tanong ko.

“Para sa pag-asikaso sa kaarawan ko, ibang saya naman ang naramdaman ko” sabi ni Ethan.

“Tagay mo na yan” sabay abot ng baso ng beer kay Ethan.


First Baguio trip, first week of March 2006

“May surprise ako” sabi ko kay Ethan.

“Ano?” tanong niya sa akin.

“Pikit ka muna” paki-usap ko kay Ethan.

“Sige” sabay pikit sa mata niya.

“Punta tayo ng Baguio next week” sabi ko.

“Adik, huwag ka nang magbiro ng ganyan, alam ko naman na matatagalan pa bago tayo makapunta doon kasi kulang ang budget natin” sabi ni Ethan, habang nakapikit pa rin mga mata niya.

“Seryoso, pupunta tayo, naka-ipon ako dahil sunod-sunod ang incentives namin kaya may pang-gastos tayo. Naka-usap ko na rin ang pinsan ko at sa kanila tayo tutuloy, instead sa transient, para maka-tipid” paliwanag ko kay Ethan.

“Totoo, di ka nagbibiro?” tanong ni Ethan.

“Oo, buksan mo na ang mga mata mo para mabasa mo mga text ng pinsan ko” medyo asar na ako sa kanya.

“Salamat. Sa wakas, makaka-punta rin tayo ng Baguio, sige subukan ko ring mag-diskarte ng pera para may magamit tayo in case of emergency” sabi ni Ethan.

Huwebes ng madaling araw ng umalis kami kina Ethan, 10 minutes lang nakarating na kami sa bus station ng Five Star. Sa bus, hindi kami natulog kahit na inaantok kami, gusto kasi namin makita ang dinadaanan namin. Kapag konti lang ang tao sa bus, hindi maiiwasan kulitan namin at nakawan ng halik, sa labi, sa pisngi, sa leeg, sa kamay, sa tenga, sa noo. Makalipas ang apat na oras, nakarating din kami sa Baguio.

“Ate Pepper, si Ethan, Ethan si Ate Pepper” pagpapakilala ko sa kanila habang nasa bus station kami.

“Kanina ka pa ba naghihintay?” tanong ko sa pinsan ko.

“Hindi, kadarating ko lang din. Tara na, siguradong pagod kayo sa biyahe” yaya ni ate Pepper sa amin.

Nag-taxi kami papunta sa kanila. Habang nagpapahinga kami sa kwarto niya, naghanda naman ng makakain ang pinsan ko. After lunch na ng lumabas kami, para kaming mga bata na pinasyal sa Mines View, Burnham Park at Botanical Garden.

“Bry, iwanan ko muna kayo dito, may kailangan akong puntahan” sabi ni Ate Pepper.

“Ok, walang problema” sabi ko sa pinsan ko.

“Sige, kita na lang tayo mamaya sa SM Baguio, basta text ko na lang kayo. After dito, punta na lang kayo ng Session Road, maraming booths doon. Sige una na ako” paalam ng pinsan ko.

Pagka-alis pa lang ng pinsan ko, biglang yumakap si Ethan sa akin.

“Ano ka ba, ang daming tao dito, siguradong may makakakita” sabi ko kay Ethan.

“Bakit, hindi naman nila tayo kilala, wala akong pakialam sa kanila” sabi ni Ethan.

Hindi napigilan ng kapal ng tao sa Baguio Public Market ang kulitan at lambingan namin. Naghabulan kami sa gitna ng vegetable section, magkahawak kamay na tumitingin sa mga paninda nilang silver, magka-akbay habang bumibili ng peanut brittle, at nagkikilitian habang namamangha sa mga kaka-ibang disenyo ng mga key chains at ibang novelty items.

Nang nagsawa na kami sa palengke, nagpunta naman kami sa Session Road. Nilibot namin lahat ng stalls na nakatayo sa gitna at magkabilang gilid ng Session Road. Ang daming mga booths, merong nagtitinda ng damit, gamit sa bahay, pabango, key chains ulit, sumbrero, real estate, CD, ukay-ukay, t-shirts, native dress, silver ulit, appliances, at kung ano-ano pa, pero isa ang ang naka-agaw ng atensyon namin, street foods at kung ano ano pang pagkain.

Food trip. Banana que, pizza, nachos, hotdog on stick, mani, chicken burger, softdrinks, BBQ, pasta, buko pandan, beef burger, salad, peanut brittle, ice cream sa tinapay, puto, tokneneng, isaw, pancit guisado, one day old chick, tacos, empanada, mamon, fried chicken, adidas, kornik, kamote que, mashed potato, cheese burger, sweet corn, buko, tortillas, hotdog in bun, dirty ice cream, palitaw, ang dami, lahat ata ng nadaanan naming booth na nagbebenta ng pagkain ang naka-order kami, pero laglag din ang lahat ng kinain namin kasi dalawang beses namin inikot ang kahabaan ng Session Road.

Gabi nang magkita kami nina Ate Pepper sa SM Baguio, doon na rin kami nag dinner. Ayaw naman nilang mag-bar kaya inikot namin ulit ang kahabaan ng Session Road, nang mapagod ay nagpasya na kaming umuwi.

“Bry, kunin ko lang ang ibang gamit ko. Lock niyo na lang ang pinto pag-alis ko” sabi ni Ate Pepper.

“Sige, matutulog na rin kami pagkatapos, napagod kami” sabi ko sa pinsan ko.

Pagkalabas pa lang ng pinsan ko, ni-lock na ni Ethan ang pinto at kaagad siyang tumabi sa akin.

“Bry, salamat ulit. Di pa rin ako makapaniwala na nasa Baguio tayo” sabi ni Ethan.

“Adik, naka-ilang ikot na tayo sa Session Road, di ka pa rin naniniwalang nasa Baguio nga tayo” biro ko kay Ethan.

Hindi kami kaagad nakatulog ni Ethan kahit na sobrang pagod na kami. Nagkwentuhan muna kami at binalikan ang mga nangyari sa amin sa araw na iyon, at inisip kung paano masusulit ang susunod na araw. Sa kalagitnaan ng kwentuhan at lamig na dulot ng klima, bigla kaming nakaramdam ng init, init na dala ng bawat halik at yakap. May nangyari.

Kinabukasan, dinala kami ng pinsan ko sa Strawberry Field. Parang bata kami ng Ethan na namangha sa lugar, parehong unang beses na nakapunta kami doon. Di namin nagawang maghabulan kasi nandoon ang pinsan ko. Nang nagsawa kami sa kakatingin sa mga tanim, bumalik ulit kami ng bayan para bumili ng pasalubong at pumunta na kami ng bus station.

“Ate, alis na kami, maraming salamat sa tulong” sabi ko sa pinsan ko.

“Ok lang iyon, masaya nga ako kasi pinasyalan nyo ako dito. Kumusta mo na lang ako kay lola, sa mga tita at mga pinsan natin” sabi ng pinsan ko.

“Ate, sana magkita ulit tayo, maraming salamat din” sabi ni Ethan sa pinsan ko.

Sumakay na kami ng bus at tuluyang nilisan ang Baguio, pero ang dalawang araw na kulitan, tawanan, kwentuhan, pasyalan, food trip, pag-ikot sa Session Road, paglibot sa SM Baguio, pagdungaw sa Mines View, pag-ayaw sa pagsakay ng bangka sa Burnham Park, pagtingin sa mga natitirang tamin na bulaklak sa Botanical Garden, kulitan sa kwarto ng pinsan ko, pagligo ng napakalamig na tubig, pagkamangha sa matigas na mantika, pagdaan sa isang float na kasali sa parada, window shopping sa mga iba’t ibang produkto sa gawa sa strawberry, pagtawag sa mga kakilala namin na nandoon, unexpected na pagkikita ng mga nakaklase ko noong highschool, ang lahat ng nangyari sa amin doon, di namin malilimutan at dadalhin namin iyon pagsakay namin ng bus kasama ng mga bitbit naming pasalubong.

No comments:

Post a Comment

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails