Followers

Tuesday, November 16, 2010

Kung Kaya Mo Akong Mahalin 10

Chapter 10

-AN-

Wala namang naging usapan habang naglalakad kami papasok sa campus, papunta sa aking sasakyan.  Hindi ko kayang mag-initiate ng usapan dahil para na namang militar ang expression ng mukha nito.  Nakapasok na kami sa loob ng campus ng may tumawag sa kanyang pangalan at napahinto naman kami sa paglalakad malapit sa isang puno.
“KUYA YURI!!!” sigaw ng isang batang nasa kabilang kalsada.  Marahil kakilala ito ni Yuri dahil tumakbo ito sa direksyon namin.  Isa itong madungis na batang babae na parang nakita ko na.  “Kuya nung huling pasukan pakita nakita ah.  At saka may kasama ka pala ngayon” sabay turo nito sa akin.
“Oh Cathy! Halos isang buwan din kitang hindi nakita ah.  Kaibigan ko si AN.  Ang dumi dumi mo na namang bata ka.  Musta na?” bati nito  sa bata.  Kinuha nito ang panyo at pinahid sa marungis na mukha ng bata.  Parang magkapatid kung tingnan ang dalawa dahil sa inasal nito sa bata.
 “Wow kuya ang gwapo naman ng kaibigan mo.  Ipakilala mo naman ako” at ipinakilala ako ni Yuri sa bata.  “May kaibigan ka na pala ngayon?” parang tanga lang na tanong.  Kasasabi nga lang na kaibigan.  Wait, did I hear it right?  Parang kakilalang kakilala nito si Yuri at alam talaga nitong wala itong kaibigan. 
“Naku Kuya AN,” humarap naman ito sa akin  “Sa pagkakaalam ko ikaw pa lang ang unang kaibigan ni Kuya Yuri maliban sa akin at sa kanyang ina at ama.  Kaya alagaan mo si kuya ha?”
“Hay Cathy di ba sabi ko sa’yo wag kang masyadong maingay. Marami ng nangyari simula noong huli kitang nakita” natatawa naman nitong wika sa bata at ibinaling ang tingin sa akin.  “AN umuna ka na.  Matagal tagal ko na ring hindi nakita ang isang ito eh.  Babawi lang ako dito.”
Hindi pa ako nagsasalita pero bigla namang sumabat ulit ang bata, “Kuya AN, sama ka na lang sa amin.  Manlilibre kasi si Kuya Yuri.  Sige na!”
Magsasalita ulit ako ng bigla namang sumabat ulit si Yuri, “Naku Cathy ka!  Maraming gagawin yang si kuya AN mo. At saka mas mayaman pa yan sa akin kaya hindi na yan kailangang ilibre”  humarap naman ito sa akin na tila ba gusto na akong paalisin.
“Sige tara” parang gusto ko pang makita ang usapan ng dalawang ito.  “Wala rin naman akong gagawin.  Saan ka ba inililibre ng Kuya mo?” Parang naiinis naman ang itsura ni Yuri sa aking sinabi.  At least iba na ito sa normal nyang expression.
“Doon sa isang kainan diyan sa may pagkalabas ng school” tugon naman nito.  Wala nang nagawa si Yuri sa pamimilit ng bata kaya pumayag na rin itong sumama ako.  Pinauna ko na lang silang maglakad dahil hindi ko alam ang pupuntahan. 
Lumabas ulit kami ng campus at tinumbok ang isang karendirya, lampas sa apartment nina Keith, na never ko pang nakainan.  Habang naglalakad, nag-kakamustahan naman ang dalawa habang hawak ni Yuri ang kamay ni Cathy.  Ang gandang panoorin ng dalawa.  Parang magkapatid na sobrang tagal ng hindi nagkikita.  Pagkapasok sa karendirya, dumeretso na kami sa bilihan ng pagkain. 
“Sir ang tagal niyo na pong hindi nagawi dito ah.  At saka may kasama pa kayong iba maliban sa batang makulit na iyan”  nakangiting bati ng isang babaeng may katabaan kay Yuri.  Pumili si Yuri ng isang kanin, isang ulam at  dalawang dessert.  At pinapili na rin ako nito ng bibilhin.  Dahil medyo nagugutom na rin ako pumili ako ng isang kanin, ulam at dessert. 
Wala naman talaga akong balak magpalibre sa kanya kaya naman ako na sana ang magbabayad ng aming kinain.  Pero dahil mukhang naiwan ko pala ang wallet ko sa sasakyan, si Yuri na rin ang nakapagbayad.  Humingi na lang ako ng pasalamat sa kanya at nangakong babawi na sinagot naman nitong ‘huwag na’ at parang ayaw nito ang aking ideyang pagbawi.  Pagkatapos ay pumasok na rin kami sa loob at pinili ang lamesang medyo malayo sa counter.  Wala ring kumakain na iba bukod sa amin kaya komportable na rin ako kahit medyo mainit.   
Nang makaupo, ibinaba na ni Yuri ang pagkaing binili at pinaupo dito ang bata.  Kinuha naman nito ang isa sa dessert na binili at umupo na rin sa tabi ni Cathy.  Itatanong ko sana kung bakit dessert lang ang kakainin niya pero parang kahit si Cathy ay alam na ito kaya hindi na ako nakialam.  Ako naman ay pumuwesto sa upuan katapat ni Yuri.  Habang kumakain, nag-uusap ang dalawa ng kung anu-anong bagay ng maisipan kong magtanong sa bata.
“Cathy, paano kayo nagkakilala ni Yuri” napabaling naman ang tingin ng dalawa sa akin.
“Isang araw kasi may babaeng umapi sa akin” panimula nito.  “Nang hihingi lang naman ako ng pera para sana sa konting pangkain kasi gutum na gutom na rin ako.  Kaso parang nandidiri ung babae at pinagmumurang pinaalis ako.  Umiyak na lang ako dahil sa sinabi ng babae at sa gutom na rin.”  Kaya pala namumukhaan ko si Cathy.  Ito pala ung batang pinaiyak ni Katrina ng minsan.  Nanahimik na lang ako habang nagpatuloy ito.  “Nakita ako ni Kuyang umiiyak kaya nilapitan niya ako at tinanong kung bakit ako umiiyak.  Nang nalaman niyang nagugutom na ako, dinala niya ako dito at inilibreng kumain. Simula noon, lagi na akong inililibre ni kuya kaya naman love na love ko ito” ang nakangiting kwento nito.  Si Yuri naman ay iniiwas ang tingin sa akin na tila nahihiya sa kuwento ni Cathy.
Napahanga naman ako sa pagiging mabait nito.  Hindi ko akalain na may ganito pala itong side, malayo sa ipinapakita nito sa karamihan.  Tila may naalala naman si Cathy at humarap muli kay Yuri.
“Kuya naalala ko nga pala.  May binugbog ka nga na isang tambay na taga-amin?” parehas kaming nabigla ni Yuri sa tanong nito.  Hindi ko akalain na kaya palang mambugbog nito ng tambay.  Si Yuri naman ay umiling na parang hindi alam ang sinasabi ni Cathy.
“Ung snatcher?” si Cathy.  Parang may naalala si Yuri sa kanyang itsura. 
“Ah ayun ba!  Hindi naman malakas ung tama nun eh.  Para tinalapid ko lamang, bugbog agad?  At saka, paano mo naman nalaman yun?” parang wala lang kay Yuri ang sinabi niya.  Nagtataka naman ako dahil ang taong ni hindi marunong sumuntok ng tama ay makakabugbog!
“Narinig ko kasi ung usapan ng mga tambay sa amin.   May hapon raw na bumugbog sa kakosa nila. Ikaw lang naman ung hapon na alam kong dumadaan sa daanan na iyon eh” napalitan naman si Cathy ng pag-aalala.  “Kuya ingat ka, reresbakan ka raw noong mga iyon kapag nakita ka.”
“Kahit magsampu pa sila” parang nagbibirong wika ni Yuri.  Kahit ako ay nag-aalala sa kanyang sitwasyon pero nakangiti pa rin ito na parang hindi inaalala ang sinabi sa kanya ni Cathy. 
“Basta kuya huwag ka na munang dumaan sa daanang iyon para hindi ka nila mabalikan.  Patagalin tagalin mo muna hanggang mawala lang ang galit nila sa iyo” nag-aalala pa ring wika ni Cathy. 
“Ok sige. Hindi na muna ako maglalakad doon” mukhang nakahinga rin ng maluwag si Cathy sa sinabi ni Yuri.  “Pero alam mo ba Cathy dahil doon nagkaroon na rin ako ng bestfriend?” parang excited itong nagkuwento sa bata na tila wala ako sa harap niya. 
“Si Kuya AN?” tanong ng bata.
“Ah hindi siya” hindi naman inaalis nito ang tingin sa bata.  Pero tila natigilan naman ito sa pagkukwento ng maalala ako.
“Sige na kuya ikuwento mo na!” pangungulit ni Cathy ng mapansin nitong napatigil ito sa pagkukwento. 
“Ung tinulungan ko kasi dun sa snatcher, kaklase pala namin ni Kuya AN mo sa karate” tumingin naman ito sa akin na tila parang may gustong sabihin sa akin.  “Si Diana”  wika nito.  Hindi ko maalala ang pangalan niya pero sigurado akong babae kaya naman nagtaka ako.
“Huuuuy si Kuya!  Baka naman girlfriend ang sinasabi mo” pang-aasar naman ni Cathy.
“Ano ka ba naman Cathy?” tila nainis ito sa pang-aasar sa kanya ng bata. “Bestfriend ko yun.  Nagkataon kasing malapit lang pala ang inuuwian namin.  Wala rin siyang bestfriend kaya naman kami na ang naging magbestfriend” pagdepensa nito.  Medyo hindi convincing ang paliwanag nito.  Sa maikling panahon lang na iyon, bestfriend na agad sila.  Pagkatapos, si Yuri pa.  Ewan ko ba pero parang may kakaiba dito.
“Maganda ba kuya?” tanong pa rin nito kay Yuri.  “Basta kung maganda, ligawan mo na para magkaroon ka na ng girlfriend.  May gusto rin siguro yun sa iyo kaya pumayag na maging magbestfriend kayo” daig pa ako ng bata dahil may naisip agad itong dahilan.  Kung titingnan baka nga may gusto ung babae sa kanya kaya naman nakipagbestfriend ito sa kanya.  Hindi naman maipagkakaila na may itsura din ito kaya hindi na rin nakakapagtaka.  Ang tangi lang nakakapagtaka ay hindi pa pala ito nagkakagirlfriend base na rin sa sinabi ni Cathy.
                “Ikaw talagang bata ka.  Umatake na naman ang pagiging mahadera mo”  nakangiti na rin ito habang iiling-iling na lang sa mga sinabi sa kanya ni Cathy.  Napakaganda talagang pagmasdan ng ngiti nito na naging mas madalas noong magkita ang dalawa.
                Pagkatapos kumain, umalis na rin kami sa karinderya.  Nagpaalam na rin si Cathy sa amin at hinayaan na kaming bumalik sa campus para makauwi.  Natahimik na naman kami habang binabagtas ang daan patungo sa aking sasakyan.  Habang naglalakad, binasag ko na rin ang katahimikan ng maalala ko ung sinabi ni Cathy tungkol sa binugbog nito.    
                “Tingnan mo, kung naglakad ka pala ngayon baka nabugbog ka pa.  Mabuti makakasabay ka sa akin” pag-oopen ko sa aming usapan.
                Napaisip naman ito saglit bago muling nagsalita, “Salamat”.
                “Paano mo nga pala nabugbog iyon?  Naalala ko kasi sa karate natin na …” natigilan ako sa aking sasabihin.  Naalala ko na embarrassing ata un sa kanya dahil umiyak siya noon habang nagtatraining kami.
                “Na hindi ako marunong sumuntok?” medyo mataas na rin ang boses nito.  Parang naalala rin niya at mukhang naoffend ata.  “Tinalapid ko lang naman iyon nong nasa tapat ko na.  At saka hindi ko binugbog iyon, over lang ung pagkakasabi ni Cathy kanina”  naging malumanay muli ang kanyang boses. 
                “Sorry kung naoffend kita” paghingi ko ng tawad dahil sa aking sinabi. 
                “Naku wala yun.  Noong tumulo ang luha ko noon, hindi naman yun ung dahilan eh.  Me naalala lang ako kaya ako napaluha” sa malumanay na muli nitong wika. 
                Hindi na muli akong nagsalita dahil baka may masabi na naman akong ikainis niya.  Pagkarating sa kotse, pumuwesto na ako sa driver’s seat.  Nakatayo lamang ito sa may pinto ng pasahero at parang hindi nito alam ang gagawin.  Naalala ko ring, ni hindi nga pala ito marunong magcomputer kaya malamang hindi rin ito marunong magbukas ng kotse kaya naman ipinagbukas ko na lamang siya.  Habang nagdadrive, wala pa ring namagitang usapan sa amin hanggang dumating na lamang kami sa destinasyon.
                Ipinatabi na lang nito ang sasakyan ng makadating kami sa sakayan ng jeep.  Mukhang nafigure din nito kung paano magbukas ng sasakyan kaya naman hindi ko na siya ipinagbukas pa.  Pagkabukas ng pinto, humarap naman ito sa akin at muling nagsalita.
                “Salamat sa paghatid mo sa akin.” kasabay nito ay isang ngiting ngayon ko lamang nakita sa kanya.  Oo, nginitian na niya ako kanina nung ipinakilala ako ni Keith sa kanya pero mas maganda ang ngiti niya ngayon.  Hindi pilit at ang buo niyang mukha ay kasama sa pagngiti niya including his eyes.  Para akong nasa alapaap noon kaya naman nakalabas na siya ng sasakyan ay wala pa rin akong reaksyon. 
Umabot pa ang ilang segundo ng marealize kong nakaalis na pala siya.  Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya.  Gusto ko sanang lumabas para habulin siya para manghingi ulit ng tawad para kanina at para na rin magpaalam pero nasa alanganin ang aking sasakyan.  Kaya naman wala na akong nagawa kundi umalis na lamang sa lugar na iyon at tunguhin ang aking condo. 

-Yuri-

                Naiilang na talaga ako!
 Ayokong sumabay kay AN papuntang sakayan ng jeep at mas gugustuhin ko pang maglakad kesa sumabay sa kanya.  Pero dahil pinilit ako ni Keith at ayoko naman siyang ipahiya, kaya wala naman akong nagawa. 
Iba kasi ang epekto nito sa akin.  Noong una ko pa lang kasi siyang nakita sa may classroom, alam ko namang crush ko siya.  Ayoko namang may magawang bagay na magbubunyag ng aking pagkatao kaya naman hindi na ako nag-attempt kahit magsalita man lamang. 
Oo, crush ko rin naman si Keith.  Noong una ko lang din siyang nakita (noong nangangampanya) ay alam ko rin namang crush ko siya.  Pero ewan ko ba.  Hindi ko talaga siya maikumpara sa pagkacrush ko kay AN.  Katunayan nga nito ay kaya kong makipag-usap kay Keith na hindi ako mag-aaalala na may makahahalata ng aking pagkatao pero kay AN pakiramdam ko hindi ko kayang itago. 
Kaya nga ng sinabi nina Keith na kaibigan nila si AN at makikikain sa gagawin kong sushi at sashimi, natigilan talaga ako.  Ni hindi ko nga rin inattempt na makipagkamay sa kanya ng ipinakilala kami at idinahilan na lang ang malansang kamay dahil sa talaba. 
Nang nasa loob na kami ng campus, laking pasalamat ko sa Diyos ng makita kami ni Cathy. Matagal tagal ko na ring hindi ko nakikita ang batang ito kaya naman natuwa rin ako.  Isa pa, makakatakas din ako kay AN kaya naman makakahinga rin ako ng maluwag.
Si Cathy ay isang batang palaboy na nakita kong umiiyak ng tahimik sa isang park sa loob ng campus noong last semester.  Nasa isang upuan lamang ito at nakasalampak ang mukha nito sa sandalan ng upuan habang lumuluha.  Nang makita ko ito, para namang may kumurot sa aking puso kaya naman tinanong ko siya kung bakit siya umiiyak.  Ikinuwento naman nito na may babaeng umapi raw sa kanya noong nanghihingi ito ng limos pangkain.  Kaya naman hindi na ako nag-atubili pang dalhin ito sa isang kainan at pakainin sa isang karinderyang masarap ang pagkain dahil alam ko namang gutum na gutom na ito.
Hindi ako nagsisi sa ginawa ko dahil nalaman kong mabait na bata naman pala ito.  Makulit pero siya lang ang nagpapasaya sa akin sa campus ng time na iyon kaya naman nawili rin akong pakainin siya sa tuwing makikita ko siya.  Nalaman ko ring matalino at bibong bata rin ito at nag-aaral sa elementarya.  Pero namayapa na ang ina nito at ang ama naman nito ay lasenggo kaya naman minsan ay nagpapalaboylaboy ito para lamang me makain.  Hanga rin ako dito dahil nag-aaral ito na hindi humihingi ng tulong sa ama kaya naman nangako ako sa kanya na kahit papaano ay tutulong kahit sa pamamagitan ng pagpapakain.  Binibigyan ko rin siya ng pera minsan para naman may mabaon rin siya sa eskwelahan. 
Naikuwento ko rin si Cathy sa aking mga magulang.  Natuwa pa nga ito dahil kahit papaano ay nagkaroon na ako ng kaibigan sa campus na matagal tagal na rin nilang inuudyok.  Kaso, iba pa rin daw ang kaibigang kaedaran ko lang kaya naman hindi pa rin nila ako tinatantanan ng pang-uudyok. 
Pero para sa akin, si Cathy ay nakakabata kong kapatid kaya naman marami rin akong naikuwento sa kanya.  Kaso hindi ko naman sinabi ang totoo kong pagkatao dahil nag-aalangan ako baka malito pa ito lalo na’t masyado pa itong bata.  Kaya naman hindi ako tinatantanan nito sa pang-aasar sa mga babae hanggang sa ngayon.  Medyo napahiya rin ako sa idinaldal ni Cathy na si AN ang una kong kaibigan kaya naman sinasaway ko na rin ito.
Nang niyaya ko nang kumain si Cathy, desidido na talaga akong huwag sumabay kay AN.  Alam ko rin namang hindi siya kumakain sa ganoon kaya naman halos paalisin ko na rin siya.  Kaso, umandar na naman ang pagkamakulit ni Cathy kaya naman niyaya nito si AN na sumama sa amin.  Isa pa rin naman ito na makulit, na halos paalisin ko na, sumama rin sa amin at wala na akong nagawa. 
Noong nasa karinderya na kami, binalak ko talagang ako ang magbabayad ng sa amin ni Cathy at siya na ang bahala sa kanya.  Kaso, nang nakaorder na siya, napansin ko namang kapkap lang ito ng kapkap sa bulsa ng kung ano at naghinala na akong wala siyang dalang wallet kaya ako na ang nagprisintang magbayad.  Nangako pa ito na babawi sa akin dahil sa panlilibre ko pero sinabihan ko na ito na huwag na lang.  Ayoko na kasi magkaroon ng kaugnayan sa kanya kaya naman kahit makipagkaibigan ay ayaw ko!
Hindi ko tinuruan si Cathy na huwag magsalita habang kumakain kaya naman maingay pa rin ito.  Ito na rin kasi ang paraan namin na makapag-usap ng maayos at hindi naman ako kumakain ng marami kapag kasabay siya kaya naman nakakapagkuwentuhan kami.  Tinatanong ko si Cathy ng tungkol sa eskuwelahan ng bigla namang nagsalita si AN.  Hindi ko na lang din natapos ang itinatanong ko at parehas na lang kami ni Cathy na napatingin sa kanya.  Tinanong nito ang bata kung paano sila kami nagkakilala. 
Sinagot naman ito ni Cathy ng maayos.  Para namang may naalala si AN habang nagkukwento hanggang dumating si Cathy sa parteng pinapakain ko na siya palagi.  Para naman akong nahihiya sa kuwento dahil bukod sa may pagkaeksaherado ang boses nito, mayroon pa itong love love na tinatawag. 
Bigla naman akong nagulat ng biglang nagpalit ng topic si Cathy at ikinuwento ang pambubugbog ko raw sa tambay na taga-kanila.  Hindi ko talaga alam ang tinatanong niya kaya naman napailing ako.  Nang sinabi niyang ayun ung snatcher, naalala kong ito pala ung nakaengkuwentro ko noong Huwebes at sinabi sa kanyang hindi ko naman iyon binugbog.  Kung binugbog ko kasi iyon, baka sa hospital ang bagsak noon!
Alam ko namang nag-alala si Cathy sa akin kaya naman umoo na rin ako ng sinabihan niya akong huwag ng dumaan muna doon.  Alam ni Cathy ang kaalaman ko sa karate pero hindi pa naman niya ito nakikita ng personal kaya naman siguro nag-aalala pa rin siya sa akin. 
Pagkatapos kong mangako sa kanya, naalala ko naman ang aking bestfriend na si Diana kaya naman naexcite din akong magkuwento sa kanya.  Nang tinukoy ni Cathy si AN, humindi na ako at naalala kong andyan nga pala siya kaya naman hindi ko na sana muna ikukuwento sa kanya.  Makulit naman itong si Cathy at pilit na ipinakuwento sa akin. Wala na akong nagawa at ikinuwento ko na sa kanila si Diana.  As usual, inaasar na naman ako ni Cathy tungkol dun at todo saway ulit ako dahil nahihiya ako kay AN.
Pagkatapos kumain, namaalam na rin kami ni AN kay Cathy at tinungo ang sasakyan nito.  Sumubok naman itong magsimula ng kuwento tungkol sa pambubugbog ko daw dun sa snatcher.  Nagtanong pa nga ito sa akin ng tungkol sa kung paano ko ito binugbog na itinigil rin niya.  Itinuloy ko naman ito at medyo napataas ang aking boses hindi dahil sa naoffend ako kundi dahil sa naalala ko na naman si ama.  Sinagot ko siya at nilinaw na hindi ko talaga binugbog iyon.  Wala rin akong balak na ikuwento sa kanya ang tungkol sa aking training at baka hindi ko siya matantiya kapag may hindi ito magandang komento tungkol dito. 
Habang nasa sasakyan kami, napag-isip-isip kong parang nasobrahan ata ang aking nasabi kanina dahil ni hindi na rin ito nakapagsalita hanggang dumating kami sa babaan.  Kaya naman, naisipan kong magpasalamat sa kanya at bigyan siya ng aking pinakamagandang ngiti.  Medyo napahiya naman ako sa aking ginawi kaya naman nagmadali na akong umalis sa kanyang kotse at sumakay sa papaalis na jeep na hindi man lamang binalikan ng tingin ang kanyang kotse. 


 -------------------------------------
Author’s note:

                Kung sino pong may comment, reaction, and suggestion sa aking akda, mag-e-mail lang po kayo sa akin sa karatekid.stories@gmail.com.  

1 comment:

  1. dina ko nakapgcomment, kasi nalilibang ako sa pagbabasa. ayoko mabitin. hehe. now eto nagpahinga lang at kumain. basa na ulit. salamat.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails