Chapter 8
-Yuri-
Sabado.
Simula ng
mamatay si ama, nangako na ang dalawa kong kapatid na pipilitin nilang makitulog
sa bahay ng Biyernes ng gabi kasama ang kanilang pamilya. Magkakasya naman kami dito sa tatlo nitong
kuwarto kung saan mag titig-isa kami habang ako ay kay ina tatabi.
Narealize siguro nila na walang kasiguraduhan ang buhay
ng tao katulad ng nangyari kay ama.
Hindi kasi sila masyadong nakakadalaw ng buhay pa si ama, kaya ng mawala
ito nagdesisyon silang mas pagandahin pa ang pagsasamasama namin lalo na’t wala
naman kaming kamag-anak. Ang alam namin,
sina ama at ina ay galing ng Japan at mas minabuting sa Pilipinas na manirahan. Hindi sila nagkukuwento ng tungkol sa aming
mga kamag-anak kaya wala talaga kaming kaalam-alam sa kanila.
Mas pinili pa nga nilang wag ituro sa akin ang Nihongo dahil
hindi naman daw ito kakailanganin.
Parehas na marunong ng Nihongo sina kuya at ate dahil ng dumating sa
Pilipinas sina ama, hindi pa marunong magtagalog si ina. Ipinanganak ako ng labing-anim na taon na
silang namamalagi sa bansa kaya eksperto na rin sa tagalog si ina. Tanging alam ko na lamang na salitang hapon
ay ang mga salitang ginagamit sa karate at aikido.
Dahil narito sina kuya, sabay –sabay kaming nag-ensayo. Si ate ay kasama namin ni ina habang
nagpapraktis ng aikido at si kuya naman ay kasama ang 12 year old niyang anak
na lalaki. Katulad ng nakagawian pagkatapos
mag-ensayo, sabay-sabay na rin kaming mag-aalmusal. Maaga na rin akong nagpaalam sa kanila para
makapunta na sa bahay ni Keith.
Nakakakalahati na rin ako sa biyahe sa jeep papunta sa
campus kung saan malapit ang apartment na aking pupuntahan, ng makinig kong
tumunog ang aking celfone. ‘Good morning
best. Punta ka na kina Keith?’ text sa akin ni Diana. Napangiti naman ako. Hindi kasi ako sanay na may ibang katext
maliban sa aking mga magulang kaya naman masaya ako. Mukhang nakahanap na talaga ako ng tunay na
kaibigan.
Noong makarating kami sa kanila noong Huwebes ng gabi,
ipinakilala nya ako sa kanyang mga magulang bilang bestfriend. Mayaman ang mga ito pero napakabababa ng
loob. Katulad ni Diana, mababait rin ang
mga ito. Inasikaso ako ng mabuti ng ina
nito habang kumakain at nang maikwento ni Diana ang nangyaring pagtulong ko sa
kanya, mas lalo pa silang natuwa. Nag-offer
pa nga ang mga ito ng pera para sa pagtulong sa anak pero mariin ko naman itong
tinanggihan. Pagkatapos magkwentuhan, hinatid
rin ako ni Diana gamit ang sarili nitong sasakyan.
Kinabukasan, pagkatapos ng aming mga klase, nagkita ulit
kami ni Diana. Nagmeryenda,
nagkuwentuhan at sabay na ring umuwi.
Halos lahat ng bagay tungkol sa akin ay naikwento ko na rin sa
kanya. Nagtaka pa nga siya kung bakit
hindi ko raw nakukuha ung lesson namin sa karate sa kung tutuusin baka nga raw mas
eksperto pa ako sa aming sensei. Sinabihan
ko siya na napakahirap magbago ng porma lalo na’t nasanay na ako sa aking
istilo at ikinuwento ko rin kung paano ako nag-adjust nang tinuruan ako ni ina
ng aikido.
Marami rin akong nalaman tungkol sa kanya. Kumukuha pala ito ng course na Chemistry at
nasa ikatlong taon na. Meron siyang
personal na sasakyan pero mas masarap raw ang magjeep kaya bihira lang nya
itong gamitin at hindi lang dahil sa akin katulad nang una nitong sinabi. Mas masarap raw kasing magtingin tingin sa
paligid kaysa naman sa magdrive mag-isa ng sasakyan. Marami rin itong mga kaibigan pero dahil uwian
rin ito katulad ko, hindi siya masyadong nagkakaroon ng oras sa mga ito kaya
wala siyang malapit na kaibigan. Kaya
naman natutuwa daw talaga siya na magkaroon ng kaibigan na malapit lang sa
kanila dahil magkakaroon na palagi siya ng kasabay sa pag-uwi. Dadalhin rin raw nya minsan ang sasakyan para
makapagjoyride din kami.
Pagkasagot kay Diana sa text, itinago ko na ang aking celfone
at napansin kong malapit na rin pala akong bumaba. Pagkababa ko sa jeep, sumakay pa ulit ako ng
isa pa papuntang campus at bumaba sa isang compound kung saan dun nakatira si
Keith. Halos katabi na ito ng gate ng
campus kaya pihadong sobrang mahal nito.
Hindi naman nakakapagtaka dahil narinig ko na rin na sobra rin namang
yaman nila kaya hindi sila nanghihinayang sa ibinabayad sa ganitong unit. Maganda kasi ang apartment building
nila. Bukod kasi sa mukha lagi itong
bago, sobrang malalaki pa ang mga unit nito na talaga namang masasabing
pangmayaman. Mayroon pa silang sariling
security guard na kung tutuusin ay hindi na kailangan dahil sobrang lapit na
rin nila sa gate ng campus na may sarili ring guard.
Pasado 7:30 am pa lang nang umaga ng dumating ako malapit
sa gate ng kanilang building. Nag-intay
pa ako ng mga ilang minuto at nang mga sampung minuto bago ang alas-otso, tinungo
ko na rin ang kanilang building. Pagdating
ko sa kanilang building, sinabihan ko ang kanilang guard na may appointment ako
kay Keith. Dahil nasabihan na rin ito at
nasa loob lang din daw ang aking hinahanap, tiningnan lang nito ang aking ID at
pinapunta sa unit ni Keith. Pagdating sa
pinto ng kanyang unit, kumatok na ako dito.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Apat.
Lima.
Nakakalimang attempt na ako sa pagkatok sa kanyang pinto. 8:10 am na rin kaya naman medyo nauubusan na
rin ako ng pasensya. Gusto ko na sanang
umuwi pero ang layu-layo pa ng aking pinang-galingan kaya naman ayokong
masayang ang aking oras at pamasahe. Sa
ikaanim kong attempt, halos suntukin ko na ang pintuan para katukin itong
lumabas. Napalakas siguro ito dahil
narinig kong may kumilos sa loob ng kanyang unit. Bago pa magbukas ang pinto ng kanyang unit,
narinig kong bumukas ang pinto ng unit katabi nito. Mukhang napalakas talaga ang aking katok
dahil kahit medyo malayo sa aking kinakatukan ay nabulahaw pa rin ito. Lumabas dito ang isang babaeng may katandaan
na at halatang mainit ang ulo nito.
“Sino ka ba at ang aga-aga ay parang kung sino kang
kumatok diyan?” ang pasigaw nitong turan.
Professor ko ito sa isang subject last semester kaya kilala ko ito. Medyo may katarayan talaga siya pero
napakagaling nitong magturo. Matandang
dalaga rin ito kaya siguro madali itong mairita. Isinuot nito ang kanyang salamin at muling
nagwika. “Oh Mr. De Leon ikaw pala yan. Kung hinahanap mo ay ung isa sa nakatira diyan, pihadong tulog pa yun kaya
mas makabubuting umuwi ka na lang.
Madaling araw na rin kasing umuwi ung mga iyon.”
Kilala rin ako
nitong professor na ito dahil sa dinami-dami ba naman ng kumukuha ng course
niya, iilan lang kaming nakapasa. Nakakuha
rin ako ng 1.25 dito, pinakamataas na marka na kanyang ibinigay sa buong
history ng kanyang pagtuturo. At last
semester, ako lang ang nakakuha nito.
“Sorry po Prof. Magpapaturo po
sana ako kay Keith.”
“Kay Keith!? Eh mas magaling ka pa dun ah. Tungkol saan naman iyang ipapaturo mo, kung
paano magpacute? Naku Yuri, wag mo ng subukan
dahil baka masira lang yang pag-aaral mo.”
ang inis pa rin nitong wika.
“Tungkol po sana sa computer” natigilan siya saglit. Mukhang nagtatanong na ang kanyang mga tingin
kaya naman muli na ulit akong nagsalita, “Hindi po kasi ako marunong
gumamit. Eh kapartner ko po siya sa
programming kaya po nag-offer po siyang turuan ako.”
Kilala ako nito.
Hindi ako lumalapit hangga’t hindi ko kailangan. Sa kanya nga na sobrang hirap lapitan eh
nagawa kong magconsult para sa course namin. Walang nag-aattempt magconsult sa kanya dahil
mas pipiliin pa raw ng estudyante nya na magpabagsak kaysa naman magconsult sa
kanya. Kilala rin ako nitong walang
kaibigan kaya medyo nagkasundo rin kami.
May pagka-introvert din kasi ang isang ito.
“Gusto mo sa akin ka na lang magpaturo? Halika, pasok ka sa loob” napalitan na ng awa
ang inis nitong pagtitig sa akin kanina.
“Naku maraming salamat po. Sigurado po ba kayo Prof? Hindi ko po kayo tatanggihan.” Maglalakad na sana ako patungo sa kabilang
unit ng biglang bumukas naman ang pinto na aking kinatukan. Lumabas ng pintuan si Keith na nakaboxer
shorts lang at may nakasabit na tuwalya sa balikat. Hinawakan nito ang aking braso at tulad noong
una, daglian ko ulit itong tinanggal.
Pero hindi ko na siya sinubukang sikuhin dahil hindi naman ako nabigla. Tumingin na lang siya kay Prof.
“Ma’am sorry po pero dito po mag-aaral si Yuri sa bahay”
nakangiting turan nito kay Prof. “Hayaan nyo naman po akong magfeeling matalino
kahit minsan lang” ang nagbibirong dagdag nito.
“Hay naku Keith. Sa susunod huwag mong pag-iintayin ang ibang
tao kapag may usapan kayo. Lalo na yang
si Mr. De Leon. Kanina ko pa yan nakita
dyan sa labas ng gate 7:30 pa lang” ang sermon nito kay Keith. Tumingin na lang sa akin si Keith na
tinanguan ko naman bilang pahiwatig na tama ang tinuran ni Prof. Humingi na rin ito ng paumanhin dito at
niyaya na rin ako sa loob.
Tiningnan ko na rin si Prof at namaalam na rin. Sa totoo lang, mas gusto ko na kung si Prof
ang magtuturo sa akin dahil tiyak kong makakapagconcentrate ako at
matututo. Medyo nakasundo ko na rin siya
kaya mas komportable na rin ako sa kanya.
Isa pa, sino ba namang baklang makakapagconcentrate kung makikita nito ang
magtuturo sa kanyang makisig na nakaboxers lang?! Pero dahil ayaw ko namang ipahiya ang bago
kong kaibigan kaya sumunod na lang ako sa kanya.
Sa loob ng apartment, tumambad sa akin ang kanilang
napakalaking salas. 2nd time
ko pa lamang pumasok sa ibang bahay bukod sa amin pero masasabi kong napakalaki
nito. Sobrang liit nito kung ikukumpara
sa salas ng bahay nina Diana pero halos kasing laki na ito ng floor area ng
bahay namin kasama ang mga kuwarto, ang dalawang dojo at pati na rin ang salas
namin. Kumpleto rin ito sa mga gamit
mula sa sofa, sa napakalaking flat screen na TV, mga tukador na may kung
anu-anong nakadisplay. Sa hula ko
mamahalin lahat ang mga ito na hindi na rin nakakapagtaka sa estado ng kanyang
buhay.
“Sorry kung kanina ka pa nag-iintay” paghingi nya ng
paumanhin. “Inumaga rin kasi kaming magbabarkada
kaya ngayon lang ako nagising.” As
usual, ang simpleng pagkainis ay hindi makikita sa akin. Kaya naman bumalik sa akin ang walang
ekspresyon kong mukha. Hindi makikita
dito ang pagkainis ko sa kanya sa hindi pagtupad sa napag-usapang oras, pagkamangha
sa kanyang bahay o ang pagngiti sa aking paghanga sa nakikitang kahubdan nya.
“Di ba magkaibigan na tayo?” ang kanyang naiwika nang
makita ang ekspresyon ng aking mukha. “Bumalik
na naman kasi yang itsura mo.” Tumingin
naman ako sa kanya at ikinunot ang noo bilang pahiwatig ma hindi ko siya
maintindihan. “Yung itsura mo kapag may
kaharap kang ibang tao. Yung walang
ekspresyon. Pwede mo namang ipakita sa
akin kung naiinis ka. Maiintindihan ko
naman. Mas lalo lang akong naguiguilty
dahil diyan sa itsura mo. Para kasing
hindi mo na ulit ako kilala.”
Natuwa naman ako sa sinabi niya. Talaga pa lang seryoso siya sa sinabi niya
noong isang araw. Dahil doon nawala na
rin ang pagkainis ko. Hindi ko rin
namalayan na nakangiti na pala ako nang bigla siyang magsalita.
“Oh bakit tatawa-tawa ka diyan? Me nakakatawa ba sa sinabi ko” ang may
pagtatampo pa nitong wika. Parang bata
pa itong nakatingin na may ‘puppy eyes’ pa.
Kaya naman hindi ko na rin napigilan at napatawa na rin ako ng
malakas. Mas lalo namang nangunot ang
noo nito kaya naman nagsalita na rin ako.
“Nakakatawa ka kasi. Para kang bata” hindi pa rin nawawala
ang pagkakunot ng noo nito. “Sa totoo
lang, nainis na rin ako sa iyo kanina. Hindi
mo lang nakikita sa itsura ko pero gusto na kitang bugbugin” ang nakangiti ko
pa ring dagdag. “Pero nang magsalita ka
tungkol sa itsura ko at kung paano mo sinabi iyon, nawala na rin ang inis ko. Akala ko rin kasi nagbibiro ka nung
makipagkaibigan ka sa akin kaya naman natuwa rin ako nang malaman kong seryoso
ka pala. Alam mo naman sigurong wala
akong kaibigan, di ba?”
“Ano ka ba naman? Ano bang mahihita ko sa iyo kung lolokohin
kita? Ni hindi mo nga ako matutulungan
sa exercises natin eh” alam ko namang dahil lang sa course kung bakit kami
magiging magkaibigan pero dapat nga ipagpasalamat ko pa ito. Ngumiti na rin ito at nagwika ulit ng, “Sige
liligo lang ako. Pagkatapos ko,
magsimula na tayo.”
“Teka, kumain
ka na ba?” umiling at nang magsasalita ito ay muli na lang ulit akong
nagwika. “Hindi pwede, kumain ka muna. Ayan kasi ang kabilinbilinan ni ina, huwag kakalimutan
ang almusal.”
“Kumain na lang
tayo sa labas bago tayo magsimula” ang muli nitong iwinika.
“Teka meron ka bang pwedeng maluto diyan?” tumango
naman ito. “Ipagluluto na lang kita
habang naliligo ka. Baka kasi matagalan
pa tayo kapag sa labas pa ikaw kumain. Bago
magtanghalian kasi ay kailangan ko nang umalis.”
Tila napaisip
naman ito sa aking sinabi. Pero makalipas
ang ilang sandali, dinala na rin ako nito sa kusina at itinuro sa akin ang mga
pagkain na pwedeng maluto, ang mga utensils na gagamitin sa pagluluto, at kung papaano
gagamitin ang kanyang high tech stove.
Meron rin naman silang bahaw na kanin kaya itinanong ko kung kumakain
siya ng fried rice at umoo rin siya.
Pagkapasok nya sa banyo upang maligo, sinimulan ko na ring magluto.
-Keith-
Tok, tok tok.
Nakarinig ako ng may kumakatok sa aming apartment. Dahil na rin sa inumaga na rin kaming umuwi
dahil sa gimik, hindi ko na inintindi ang kumakatok. Marahil ung tagapaglinis lang namin ito o
kaya ung security guard na magbibigay ng bills namin. Pwede namang pumasok ang aming tagalinis o
ilagay na lang nung guard ung bills namin sa aming pintuan. Nakatatlong attempt pa ito sa pagkatok pero
hindi ko pa rin ito pinansin.
T O K, T O K, T O K.
Napakalakas nang katok na para bang sinusuntok ang
pintuan. Medyo naiinis na ako sa
kumakatok nang naalala ko na pupunta nga pala dito si Yuri para magpaturo! Tiningnan ko agad ang orasan at nakita kong
8:10 AM na pala. Bigla naman akong
bumalikwas sa higaan, kinuha ang tuwalya at dali-daling naghilamos. Naglalakad ako papuntang pintuan ng marinig
kong kinakausap ni Yuri si Professor Marquez.
Nakinig ko na inaalok si Yuri ni Ma’am na siya na lang ang magtuturo sa
kanya. Nakinig ko ring pumayag si Yuri
na sa kanya magpaturo imbes na sa akin kaya naman dali-dali kong binuksan ang
pinto at hinawakan siya sa braso ng aktong pupunta na ito sa kabilang pintuan. Katulad ng una nitong reaksyon sa classroom,
tinanggal rin nito ang aking pagkakakapit.
Tiningnan ko naman si Ma’am para humingi ng
paumanhin. Biniro ko pa ito na ako na
lang ang magtuturo para naman magfeeling matalino kahit minsan. Hindi naman ito kumontra sa halip sinermunan
ako nito. Sinabi pa nito na kanina pa
nag-iintay si Yuri sa labas na nakumpirma ko rin sa kanyang pagtango. Nagpaalam na kami kay Ma’am at inaya ko nang
makapasok ng apartment si Yuri.
Pagkapasok sa loob, humingi agad ako ng tawad sa
nangyari. Napansin kong bumalik na naman
ang normal nitong ekspresyon at iniiwas ang tingin sa akin. Mailap na naman ito na parang noong
kinakampanya ko ang aking sarili noong nakaraang eleksyon. Kaya naman hindi ko napigilang tanungin siya
ng tungkol dito. Pagkatapos kong
magsalita, nakangiti na ito at nakatingin na rin sa akin. Parang gustong gusto kong makita ang
malaanghel nitong ngiti.
Mukhang natuwa naman ito sa aking sinabi at ipinagpatuloy
ko na lang ang aking pag-arte na parang nagtatampo sa kanyang pagngiti. Hindi naman ako nabigo dahil parang mas
naging mukha itong anghel sa kanyang pagtawa.
Ang sarap nitong panoorin habang tumatawa kaya naman ipinagpatuloy ko
ang aking pag-arte.
Nang mapansin nitong hindi nagbabago ang ekspresyon ng
aking mukha, nagpaliwanag na rin ito.
Nagsabi pa nga ito na gusto akong bugbugin na sa tingin ko ay parang niloloko
lang ako dahil sa laki ko ba namang ito at sa liit nya, imposible ata. Naalala ko rin ung sinabi ni AN na hindi nito
makuha ung routine sa pagsuntok sa karate kaya talagang imposible. May nasabi rin itong tungkol sa pagkawala
nito ng kaibigan kaya naman parang naawa rin ako sa kanya. Kinontra ko rin ito sa kanyang sinabing hindi
totoo ang aking pagkakaibigan sa kanya at hindi na rin pinigilan ang aking
pagngiti.
Nang maliligo na ako, tinanong ako nito kung kumain na
ba ako. Sasagot sana ako na ‘hindi ako nagbebreakfast’
pero bigla na ulit itong nagsalita na parang nabasa ang aking nasa isip. Sinabi nito ang kabilinbilinan raw ng kanyang
ina. Tumatak rin sa akin ang tawag niya
na ‘ina’ dahil hindi mo talaga makikita siya bilang Pilipino. Kung hindi nga magsasalita ito, masasabi mo talagang
hapones ito. Isa pa, bibihira na sa
Pilipino na tatawaging ‘ina’ang ina dahil kalimitan nakikinig ko ay ‘mama’,
‘mommy’, etc.
Nagsuggest naman akong sa labas na lamang kumain. Ngunit tinanong ako nito kung mayroon bang
pwedeng maluto at umoo na rin ako.
Palagi kasi kaming nag-iistock ng makakain para kahit kailan na magutom
kami, pwede kaming kumain. Sinabi ni
Yuri na ipagluluto na lang daw niya ako para hindi na kami lumabas at dahil nga
kailangan nyang umalis bago magtanghalian.
Nagtaka naman ako dahil akala ko ay magwhowhole day kami sa pagtututor
kaya naman natigilan rin ako saglit. Itinuro
ko lang sa kanya ang dapat malaman sa pagluluto at pumunta na rin ng banyo para
maligo.
Bago maligo, minadali kong ayusin ang aking
pinaghigaan. Sa kuwarto kasi kami
magtututoran dahil nandito ang aking desktop.
Minadali ko na ring maligo at magbihis.
Nagsuot lang ako ng walking shorts at kulay itim na sando.
Pagkalabas, nakita kong kausap nito ang aking housemate
at kaibigang si Luke. Tinatanong nito si
Yuri ng kung ano tungkol sa niluluto habang nakaharap sa may lutuan si Yuri na
may suot na apron at iniikot ang kanyang niluluto. Sinagot naman ito ni Yuri na parang
ibinibigay ang recipe ng kanyang ginagawa.
“Ehem. Ehem” ang aking pagtikhim para agawin ang
atensyon ng mga ito. Tumingin naman sa
akin si Luke habang si Yuri ay busy pa rin sa ginagawa nitong pagluluto.
“Kayo na ang bahala sa iinumin nyo. Ipinagpainit ko na lang kayo ng tubig. Malapit na itong matapos kaya ihanda nyo na
iyang lamesa.” Ang iwinika nito habang
nakatingin pa rin sa niluluto.
“Talagang focus na focus ka diyan sa ginagawa mo
ah” ang sinabi ko sa kanya. Nakita kong nakatapos na ito ng isang plato
at tinatapos na lang ang sa isa pang plato.
Umupo na rin ako sa dining table katapat ni Luke.
“Naku mahirap na at baka masunog pa ito. Hindi ko kasi tantya itong lutuan nyo kaya hindi
ko tinatanggal ang tingin ko dito” ang sagot nito sa aking sinabi. Mayamaya pa ay tinanggal na rin nya ang
niluluto sa frying pan at inilagay ito sa plato. Parehas nyang nilagyan sa ibabaw ng ketchup
ang dalawang plato na kanyang iniluto.
Nang mapansin kong parang nililinis na nya ang kanyang
pinaglutuan, nagsalita ulit ako “Luke, pare, para sa dalawa lang ang niluluto
ni Yuri eh. Kaya umalis ka na para hindi
ka maglaway diyan” ang nang-aasar kong wika kay Luke. Magsasalita sana ito ng biglang si Yuri na ang
nagsalita.
“Sa inyong dalawa yan.
Hindi na ako kakain. Kumain na
ako sa bahay bago pumunta dito.” ang
iwinika nito.
Parang nang-aasar pa si Luke at nagdagdag pa itong, “Pare,
naamoy ko kasing ang sarap ng niluluto niya kaya naman nagrequest na ako sa
kanyang ipagluto rin nya ako.”
“Teka, nagkakilala na ba kayo?” ang aking itinanong kay
Yuri. Humindi naman ito at nagsalita
ulit ako habang nakatingin naman kay Luke.
“Hindi ka ba nahihiya na sa hindi mo kakilala ka nagpapaluto” ngumisi na
rin ako bilang pandagdag asar sa aking sinabi.
Namula naman ito imbes na gumanti ng pang-aasar. Kitang kita pa naman dito dahil sa puti ng
balat nito. “At least not formally” ang
tangi nitong iwinika habang nakatingin sa sahig. Alam ko namang kilala niya si Yuri at si Yuri
ay kilala si Luke. Pero medyo may
pagkamahiyain si Luke kaya naman hindi ko ito kasing aktibo sa
extracurricular. Meron nga itong student
org pero bihira lang din itong tumambay doon kaya naman may pagkamahiyain pa
rin ito. Sa amin lamang naman ito nakikipag-asaran. Pero kapag pagkain ang pinag-uusapan, nawawala
ang hiya nito. Hindi halata dito dahil sumasama
naman ito sa amin sa paggygym. Kaya
hindi na ako nagtataka kung bakit nagpaluto ito kay Yuri at ngayon lang naisip
ang hiya.
Ipinakilala ko na lamang siya kay Yuri at nagkamay na
rin ang dalawa. Nginitian rin ito ni
Yuri bilang pagtanggap sa pakikipagkaibigan dito. Inihain na rin nito ang pagkain sa aming
tapat. Isa itong fried rice na ibinalot
sa scrambled egg. Simple lang kung
tutuusin pero para maperpektong hindi masisira ang itlog kapag ibinalot na sa
loob ang fried rice ay napakahirap gawin.
Napansin ko namang ang ginawa ni Yuri para kay Luke ay sobrang laki
samantalang ung sa akin ay medyo may kaliitan.
“Oh siya, kumain
na kayo bago pa lumamig ang niluto ko” kumuha
rin siya ng dalawang mug, nilagyan ng mainit na tubig at inilagay sa aming
tabi.
“Eh bakit ang dami ng kay Luke kumpara ng sa akin?” ang parang bata kong pagpuna sa dami ng
inihain nyang pagkain.
“Sinabi ko kay Yuri na hindi ka nagbebreakfast. Mapilit pa rin pero kaunti na lang ang
inihanda nya sa iyo. Kasi sabi raw ng
ina nya na hindi dapat nawawala ang breakfast sa pagkain. Kaya ayun, ung natirang
fried rice ginawa na lang nya para sa akin”
ang paliwanag ni Luke. Tumingin
naman ako kay Yuri at tumango naman ito bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Luke.
“Ikaw talaga basta pagkain hindi mo pinapalampas” at
natawa na ulit kaming tatlo.
“Wow ang
sarap!” sabay naming winika ni Luke. Ang
fried rice nya pala ay may halo pang spam, carrots at green peas. Hiniwa ang mga ito ng pinung-pino at inihalo
sa sinangag na kanin.
Mabilis naming naubos ang pagkain. “Omurice ‘to di ba?” ang tanong ni Luke kay Yuri pagkatapos kumain.
Tumango naman si Yuri at nagwika, “Oo parang ganon na
nga. Kaso may mga ingredients na hindi
ko pa naisama na wala dito sa inyo kaya hindi yan kompleto.”
“Hindi pa kompleto pero ang sarap na paano kaya kung
kompleto na” ang aking komento.
“Di ba Japanese
dish ito?” nagtanong ulit si Luke.
“Oo. Palagi kasi
yang niluluto ni ina kaya natutunan ko na din” sagot nito.
“Talaga! Hindi naman to niluluto ng mga Pinoy di ba?” si
Luke.
“Alam ko. Kasi mga
hapon ang aking mga magulang.” Si Yuri.
Nagtuluy-tuloy ang daloy ng usapan tungkol sa kanyang
mga magulang. Kaya naman pala mukhang
hapon ito, eh hapon naman pala talaga!
Nalaman ko ring hindi tinuruan ng Nihongo si Yuri ng mga ito dahil hindi
raw kailangan. Napansin kong hindi
masyadong kumikibo si Yuri tuwing nababanggit ang ama nito. Pagkatapos mag-usap, niyaya ko na itong
magsimula ng mag-aral habang si Luke na ang nagprisintang maglinis ng aming
pinagkainan.
Pumasok na rin kami sa kuwarto at nagsimula ko na rin
siyang turuan.
No comments:
Post a Comment