Followers

Sunday, July 31, 2016

Loving You... Again Chapter 45 - Keep Your Friends Close, And Enemies Closer




  



Author's note...

Hello ulit guys. Andito na naman ako haha. Unang-una sa lahat po ulit, nagpapasalamat ulit ako sa mga may-ari ng blog, sir Michael at kay sir Ponse sa mga kaibigan kong CO-Author na sila kuya Carlos, kuya Rye, kuya Jace and... kuya Alvin! Also kuya Peter! :D

Hi, kumusta po? Long-time no post na naman. Pasensya na po at hindi ako nakapagpost. Busy na naman ako dahil may isa pa akong bagay na sinusulat, pero hindi siya M2M. Ewan ko kung may nagbabasa pa rin nito, pero tatapusin ko ito hanggang sa huli.

Anyway, iyung isa pa na sinusulat ko ay rip-off ng Supernatural na sikat na sikat sa America. Although may halong politika nga lang dahil ginawa ko iyun sa kasagsagan ng eleksyon.

Well guys, pasensya na talaga at natagalan. Pero bukas, ipo-post ko na iyung katapusan ng unang kwento ni Aulric, then bukas ng bukas, ipo-post ko na iyung unang chapter sa pangalawang kwento ni Ren.

Salamat po sa paghihintay, nandito na ang Chapter 45.

Hey, alam niyo ba kung bakit nag-post ako ngayon? :D 











Chapter 45:
Keep Your Friends Close, And Enemies Closer






























































Geoffrey’s POV



          “Samantala, nagkaroon ng barilan na nangyari sa gymnasium ng Bourbon Brother’s University. Habang nagtatanghal ang mga estudyante para sa isang Valentine’s Day Special, bigla na lang namatay ang mga ilaw at nakarinig naman ang ilang mga estudyante ng tatlong putok ng baril. Pagkabalik ng ilaw ay isang lalaki ang nakabulagta sa stage na kinilala na si-”



          “At nakapuntos ng 3 points si Terrence…”



          “Luke, bakit mo nilipat ang channel?” inis kong wika sa kaniya na nasa harapan ko. Hindi ko namalayan na nasa kaniya ang remote ng TV.



          “Pasensya na. Basketball na kasi. Ngayon ko lang namalayan,” pagdadahilan niya.



          “Ehh, nanonood pa nga ako ng balita tapos bigla mong ililipat?”



          “Ano ka ba? Napanood mo na iyun kanina pa. Hindi ka ba nagsasawa?”



          “Bagong balita ang pinapanood ko. Tsaka, baka…” Humugot na lang ako ng buntong-hininga. “Hindi bale na lang. Mapapanood ko naman iyan mamaya.”



          Muling itinuon ko ang aking ginagawang pananaliksik sa journal na nakuha ko mula sa isang hindi-ko-masasabing-successful-at-hindi-ko-din-masasabing-palpak na raid sa isang bodega ng mga droga. Hindi ko masasabing successful, dahil hindi namin nahuli ang utak sa likod ng mga droga na nasabat namin sa warehouse. Nahuli nga namin ang mga tauhan, pero may isang tao na biglang itinumba ang mga nahuli namin. Hindi ko masasabing palpak, dahil may interesante akong bagay na nakuha sa raid. Isang journal, at iyung mga nasabat naming droga.



          Mga ilang oras ko na ring binabasa ang journal na nakuha ko. Marami akong bagay na hindi maintindihan dahil gumagamit ang may-ari ng journal na ito ng mga salitang teknikal, pero maraming bagay din ako na nalaman tungkol sa bagong droga na kumakalat.



Journal Entry No. 1



          “Wow! Hindi ako makapaniwala sa mga nangyayari ngayong araw. Mayroon akong bagay na natanggap mula sa isang hindi kilalang tao. Isang parcel ng mga hindi ko alam na kemikal, ilang pera na nagkakahalaga ng mahigit dalawang bilyon, at isang sulat. Ayon sa sulat, isa daw itong kemikal na theoretically, pwede daw makagawa ng pambihirang epekto sa tao na malimutan niya ang lahat-lahat sa kaniya. Gaya ng, amnesia, pero hindi marunong magsalita, hindi marunong sumulat, sa madaling sabi ay parang naging isang baby ulit. Iyung mga bata na ngawa lang ng ngawa ang alam. Pero sabi sa sulat, ang kemikal na ito ay hindi pa perpekto dahil daw napakadelikado nito kapag na-consume ng tao. Mawawalan nga siya ng alaala, pero mamamatay siya ilang minuto o oras matapos gamitin ang kemikal na ito. Kaya kailangan daw ang isang matalinong kagaya ko na humanap ng paraan para hindi mamatay ang sino mang tao na gagamit ng gamot na ito. Bakit naman ayaw pa nila patayin? Hindi ba’t mas maganda na iyun kesa naman buhay pa? Pero, gagawin ko ito. Gagawin ko ang hiling ng taong nagpadala sa akin nito dahil makakatanggap daw ako ng malaking salapi kapag nagawa ko ang gusto niya. Okay. Oras na para magtrabaho. Oo nga pala. Kailangan mag-isip ako ng ipapangalan ko sa kemikal na pinadala sa akin. Ano kaya kung ‘Amn’? Maganda kaya iyun? ‘Amn’ mula sa salitang ‘amnesia’ na kinalimutan na ang ‘esia’.”



Journal Entry No. 136



          “Eureka! May interesante akong nalaman sa kemikal na ito. May bagay akong nilagay sa ecstasy kasama ang ‘Amn’, na ginawa kong, parang pills, o tabletas. Nang ipinasubok ko ito sa aking mga daga, naging mahalay ang dalawa at mukhang inuubos nila ang katas ng isa’t isa. So far, wala pang namamatay sa kanilang dalawa, pero hindi ko pa alam kung kapwa malilimutan nila ang ginagawa nila ngayon, o kung magiging parang baby sila ulit. Siguro ay umuwi na muna ako sa bahay para naman makapagpahinga ako saglit dahil hindi ko namamalayan na ilang araw na pala akong hindi natutulog. Bukod pa riyan, may appointment pa ako bukas kaya kailangan ay maging mukhang mas healthy ako sa aking pasyente kesa ako ang magmukhang may sakit, hindi ba? Napaka-ironic naman kasi kung magkaganoon. Naging doktor pa ako kung mukha namang ako ang sakitin. Kailangan pa naman na healthy kaming mga doktor.”



Journal Entry No. 137



          “Hindi ito maaari! Hindi ito maaari! Saka ko lang napagtanto na maling gamot ang binigay ko sa aking pasyente. Ibinigay ko sa kaniya ang tabletas na naglalaman ng ‘Amn’ at Ecstasy. Pati na rin iyung isang bagay na nilagay ko kasama ng dalawa, na nakalimutan ko kung ano iyun, pero hindi muna mahalaga iyun. Ang epekto pala ng bagay na iyun ay, iyun nga. Magiging mahalay ang sinomang makakainom, pero makakalimutan ng uminom kung ano ba talaga ang nangyari habang nasa impluwensya sila ng droga. Nako! Magiging malaking problema ito kapag nagamit iyun ng aking pasyente. Sana naman ay hindi pa niya nagamit ang kahit isang tabletas. Tumawag na ako sa pasyente kong ito na puntahan agad ako dahil maling gamot ang naibigay ko sa kaniya. Ang tanga ko talaga! Bakit kasi halos magkaparehas ng container ang nilagyan ko ng mga tabletas na pampatulog, at ng tabletas ng ‘Amn’? Kailangan ay maghanap ako ng bagong lagayan at doon ilagay ang tabletas ng ‘Amn’.”



Journal Entry No. 138



          “Nakakahinga na ako ngayon ng maluwag. Mabuti naman at hindi pa nagamit ng pasyente kong ito ang mga tabletas. Mabuti na lang talaga, mabuti na lang talaga. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin matandaan kung ano ang bagay na nilagay ko kasama ng ecstasy at ng ‘Amn’. Nang sinubukan kong suriin ang tabletas, tanging ecstasy at ang ‘Amn’ lang ang nakita ko. Biglang nawala ang bagay na nilagay ko kasama ng dalawa. Hmm, ano kaya iyun? Dapat ay mahanap ko na ang bagay na iyun. Patuloy pa rin kasi nagpapadala ng pera ang misteryosong tao na nagpadala sa akin nito, pero hindi na kasama ang kemikal na ‘Amn’. Marahil ay, limited edition lang ang kemikal na ito? Hindi ko alam. Pero kailangan ay magmadali ako. Malapit na kasing maubos ang ‘Amn’. Mukhang makakagawa ako ng limampu, o walompu? Hindi ko alam. Kailangang magmadali.”



Journal Entry No. 840



          “Sa wakas, nagawa ko din! Nalaman ko na ang mga perpektong sangkap para mawala ang isang side-effects ng ‘Amn’ sa mga tao! At iyun ay ang hindi mamatay! Yes! Nagawa ko! Matapos ang ilang araw na pagpupuyat at paghihirap, ilang daga na nagsakripisyo nagawa ko na din sa wakas! Pero, hindi ako nakaabot sa pansarili kong kota. Sampu lang ang nagawa ko, at siyam na lang dahil binigay ko ito sa aking benefactor na nag-sponsor sa akin. Mahirap ito. Hindi ko tanggap na sampu lang ang nagawa ko. Bakit ba kasi mukhang imposible na paramihin ang bagay na ito? Siguro ay kailangan kong mahalin ang presyo ng drogang ito. Tutal naman, garantisadong makakalimutan talaga ng iinom ang lahat-lahat sa kaniya. Kailangan ko ng ibenta ito.”



Journal Entry No. 850



          “Ngayong araw, bumili ang Pamilya Villaflores ng isang droga. Kahit na napakamahal ng offer ko sa kanila, kinagat pa rin nila ang presyo. Mukhang kailangan na kailangan nila ang droga. Saan kaya nila gagamitin iyun? Pero wala na akong pakialam doon. Ang importante ay marami na akong pera. Mayaman na agad ako dahil sa drogang ito. Isang droga lang, limpak-limpak na pera na ang binigay sa akin. Hay! Sayang! Kung naparami ko sana ang drogang ito, o kung nalaman ko agad kung ano ang kailangan idagdag sa ‘Amn’ para hindi mamatay ang taong makakainom nito.”



Journal Entry No. 853



          “Ngayong araw, may resulta na ako sa ginagawa kong antidote ng ‘Amn’. Pero sa kasamaang palad, walang resulta. Mukhang ang bagay na ito ay hindi ka na talaga makakalingon sa pinanggalingan mo. Pero babalik ka talaga kung saan ka nanggaling, sa pagiging bata. Teka? Tama ba ang mga sinabi kong iyun? Anyway, napakasaya ko dahil siguradong walang antidote ang ‘Amn’. Bili na kayo ng ‘Amn’! Mahal, pero garantisadong makakalimutan talaga nila kung sino sila! ‘Amn’ tablet, bili na!”



Journal Entry No. 855



          “Ilang araw, o buwan na ang nakakalipas, pero, wala parin akong balita sa pamilya Vlilaflores. Nagamit na kaya nila ang gamot? Hmm, interesado ako kung kanino nila ginamit at, naging epektibo ba ang gamot? Baka kasi pumalpak ang produkto kong iyun. Sayang naman ang binayad nila kung ganoon. Ayoko pa naman na ibalik na ang pera na binigay nila sa akin dahil kailangan iyun ng pamilya ko. Pero kung hindi pa sila tumatawag, at wala akong natatanggap na reklamo mula sa kanila, baka naman naging epektibo talaga ang binigay ko sa kanila? Bibili pa kaya sila ng iba pa?”



Journal Entry No. 877



          “Isang kagimbal-gimbal na balita ang aking natanggap. Noong pumunta ang mga tauhan ko sa lugar ng mga Villaflores sa Laguna, wala na ang mansyon nila. Sinunog ito, kasama na rin ang mga kamag-anak ng pamilya Villaflores, bata, o matanda, lahat-lahat, wala na din. Ayon sa tauhan ng pamilya Villaflores, na ngayong ay nagkawatak-watak na, habang nagsama-sama ang buong pamilya Villaflores, inutusan daw sila ng boss nila na magsaya muna sa malayo at bumalik na lang kinabukasan. Sinabi pa daw ng boss nila na kasama nila ang kanilang mga pinakamagagaling na bodyguard nila kaya huwag na silang mag-alala. Kaya tuwang-tuwa naman ang mga tauhan nila sa sinabi ng boss nila, at sinunod ito. Pero nang pabalik na sila ng mansyon, tinutupok na ng apoy ang mansyon, kasama din ang mga labi ng lahat ng miyembro ng pamilya nila. Nakakumpol-kumpol daw sa Dining Hall, at mukhang doon daw muna sinimulan ang sunog bago kumalat ito sa buong mansyon nila. Walang nakakaalam kung ano ba talaga ang nangyari, basta ang alam nila ay brutal na pinagpapapapatay ang bawat kasapi ng pamilya. Wala daw nakaligtas, kahit isa. At iyun ang hudyat ng pagbagsak ng pamilya Villaflores. Nag-aalala ako. Paano kung, kami ang isunod ng kung sinong may gawa ng bagay na iyun? May listahan kaya siya ng mga pamilya na kailangan niyang sunugin ang buong kasapi ng isang pamilya? At tsaka, ano kaya talaga ang dahilan kaya bumili ang pamilya nila ng ‘Amn’ sa akin? Tinatanong ko si Hilda, ayaw naman niyang sabihin kung bakit. Basta, sikreto daw ng pamilya nila iyun. Hmmpp, kaya lang, paano ko na malalaman? Pati siya ay sunog na din at, patay na.”



Journal Entry No. 860



          “Hindi ito maaari! Hindi ito maaari! May isang pulis na nakaalam tungkol sa droga ko! At para hindi siya makapagsalita, wala akong nagawa kung hindi ipinaturok sa kaniya ang isa sa mga gamot! Shit! Nakakainis! Kung nalaman ko lang sana na undercover agent ang pulis na iyun, hindi sana ako mababawasan ng isang tabletas! Sayang! Kailangan na mabawi ko ang nasayang na tabletas! Ngayon, may limang tabletas na lang ang natitira. Ahh! Tama! Tataasan ko ang presyo ng ‘Amn’ para mabawi ko ang mga nawala sa akin!”




          At iyun ang huli niyang entry sa journal. Hmm, napaka-useful naman ng ilang mga impormasyon na nakalap ko. Unang-una, may pitong tabletas ng ‘Amn’ ang nasa sistema. Kung may gumamit ng isa sa mga ito ay malalaman siguro namin. Siyempre, mame-media ito dahil biglang naging baby ang isang ginoo, o ang isang ginang. At, walang paraan para maibaligtad ang pagkawala ng memorya. Tanging tradisyonal na paraan na lang ang magagawa mo na walang kasiguraduhan. Dapat talaga, mahuli namin ito kung sino man ang mga may hawak ng ‘Amn’.



          Nang iniligpit ko na ang journal, tumunog ang phone ko. Isa itong tawag mula sa isang, importanteng tao. Si Mr. Simon Schoneberg.



          Kasama ang phone, naghanap muna ako ng isang pribadong lugar para mag-usap.



          “Hello po, Mr. Schoneberg?” bati ko.



          “Officer Geoffrey, mabuti naman at sinagot mo ang tawag ko,” wika ng matanda sa kabilang linya. Rinig kong bumuntong-hininga ito. “Kumusta ang pinapagawa ko sa iyo? May resulta na ba? Narinig kong naging successful ang raid ninyo, pero namatay naman ang inyong mga posibleng lead.”



          Napakamot ako sa aking ulo at hinawi ko ang aking buhok. “Opo. Totoo po iyun. Pero may mga ilang bagay pa rin po akong nalaman. Hindi rin naman po palpak ang raid.”



          Mukhang napalunok ang matanda sa kabilang linya. “Ano iyun?”



          “Unang-una sa lahat, maraming salamat po sa pag-sponsor sa amin ng mga makabagong armas, at kung ano-ano pa sa aming mga pulis.  Napakalaking tulong po ng ginawa niyo kahit na alam kong parang bawal,” panimula ko.



          “Walang anuman. Pero, Officer Geoffrey, pakiusap. Huwag ka ng magpaligoy-ligoy pa dahil medyo tight ang schedule ko,” medyo naiiritang tugon ni Mr. Schoneberg.



          “Yeah. Opo. Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa. Iyun nga, sa latest naming raid, nalaman po namin na doon ginagawa ang drogang nainom ni Ren kaya nawala ang kanyang mga alaala. At, ayon po sa nabasa kong journal, hindi na po mababaligtad ang pagkawala ng memorya niya. Permanente na po iyun, gaya ng isa naming kasamahan na bumalik sa pagiging baby ang ugali. Pasensya na po Mr. Schoneberg. Mukhang sa tradisyonal na paraan lang po ang inyong solusyon para maibalik ang mga alaala ni Ren.”



          Natahimik ang kabilang linya. Hindi na ako nag-usisa kung andyan pa ba siya, narinig ba niya ang mga sinabi ko, o choppy ba ako. Pero kung narinig nga niya, sigurado akong nasasaktan si Mr. Schoneberg sa mga nangyayari sa anak-anakan niya. Nararamdaman ko na kaya ang sakit, kahit na hindi pa nangyayari ang mga bagay na ito kay Christian.



          “Pero ayon po sa journal na nabasa ko, hindi magawang paramihin ng doktor na ito ang pangunahing sangkap ng droga. Ayon sa journal, iyung benefactor ng doktor ay isang beses lang siya pinadalhan ng pangunahing sangkap, at mukhang mahirap itong makuha. Hindi ko nga lang po alam kung ano ang sangkap na ito, pero siguro naman po ay magkakaroon ng resulta ang mga doktor na sinasaliksik ang bagay na ito hindi po ba?” pampalubag-loob na dagdag ko.



          “I see,” mapait na wika nito. “Mukhang wala na akong magagawa. Good job, Officer Geoffrey. Salamat sa serbisyo mo. Inaasahan kong patuloy mo pa ring gampanan ang iyong trabaho. Kasabay nito, patuloy pa rin akong magpapadala ng donasyon sa inyong kapulisan para mahuli natin ang mga taong may hawak ng mga drogang ito, once and for all. Good night.”



          Hindi na ako nakapagpaalam pa kay Mr. Schoneberg dahil sa ibinaba niya agad ang kanyang telepono. At tsaka para pagsabihan din siya na tigilan na niya ang magbigay ng donasyon sa amin para lang maging maganda ang baril namin. Modern na kaya ang mga gamit naming baril. Baka sa mga donasyon na ibigay niya, bigla na lang maging laser ang baril namin.



          “Geoffrey, pinapatawag ka na ni Inspector,” tawag sa akin ni Luke.



          Tumango na lang ako kay Luke. Isinarado ko ang journal at dinala ito kasama ko. Kasama si Luke, pumasok kami sa opisina ni Police Superintendent Arrie. Naabutan namin ito na nag-aayos ng mga papeles sa kaniyang mesa.



          Si Police Superintendent Arrie, medyo matanda na ang edad, at mahahalata mo sa mga medalyang nakasabit sa uniporme niya na marami siyang, award, obviously. Pero…



          Bago muna nagsalita, sumaludo na muna kami. Pagkatapos ay pinaupo na kami sa magkabilang upuan.



          “Superintendent Arrie, heto nga po pala ang sinasabi kong nakita ko nang bumalik ako sa pinangyarihan ng raid,” panimula ko. Maingat na inilagay ko ang journal sa mesa niya at dahan-dahang itinulak ito papunta sa kaniya. “Nang binasa ko po ito, naglalaman siyang ng ilang mga impormasyon sa development ng ‘Amn’.”



          Nanlaki ang mga mata ni Luke nang tumingin sa akin. Wari’y sinasabi niya kung bakit sinabi ko kung bakit binasa ko ang journal. Nagkibit lang ako ng balikat. Curious ako kaya babasahin ko talaga. Tsaka, wala naman akong protocol o batas na nilabag sa pagbabasa lang nung journal.



          Kinuha ni Superintendent Arrie ang journal, binuklat, at mukhang binasa din ang nilalaman nito. Humugot siya ng buntong-hininga, at dahan-dahan na nilipat-lipat ang mga pahina ng journal.



          “Nabasa mo na ba ito lahat?” tanong pa nito sa akin.



          “Nabasa ko na po lahat,” matapat na sagot ko. Wala kasi akong magawa kaya binasa ko na.



          “Kung ganoon, may mga ibang bagay ba na nabanggit ang journal na ito? Gaya ng mga pangalan?”



          “Pasensya na po, Superintendent Arrie. Wala po akong mga pangalan ng tao na nabasa. Kung gusto niyo po, tanungin niyo po iyung taong nagpunit nung ilang mga pahina ng journal, kung napapansin po ninyo.”



          Natigil si Superintendent Arrie nang nililipat-lipat ang pahina ng journal, at mukhang nakita na niya ang isang pahina na pinunit. “Good job, Geoffrey.” Inilagay nito ang journal sa kaniyang aparador na nasa ilalim ng kanyang mesa. “Ipapadala ko na ang journal na ito sa Department of Health, at baka may malaman silang bago tungkol sa bagong drogang ito. Tsaka tungkol pala sa bagay na tinatanong mo, wala daw talagang mahanap sa sample ng dugo na pinapadala mo.”



          Nadismaya ako sa aking narinig. Ang tinutukoy ni Superintendent Arrie, may pinadala kasi akong blood sample ni Ren, na biktima ng ‘Amn’, pero gaya ng nauna naming pinadala, wala din silang nakita.



          “Paano kaya natin masusugpo ang drogang iyan?” naitanong ni Luke sa kaniyang sarili.



          “Hindi ko alam iyan, Luke,” sagot ni Superintendent Arrie. “Pero isang bagay lang ang sinisigurado ko. Pili lang ang mga, sa tingin ko’y, magiging posibleng biktima ng drogang ito. Una, tanging mga mayayaman lang ang magiging target. Ano naman kasi ang makukuha nila kapag sa mahihirap nila ito gagamitin? Kaya kung sino man sa inyo ang may kilalang mayaman, pagsabihan niyo na. Balaan niyo sila sa kumakalat na bagong drogang ito.”



          Tumunog ang telepono ni Superintendent Arrie. Humugot siya ng malalim na hininga at sinenyasan kami na umalis na. Sumaludo muna kami ni Luke at lumabas na ng opisina.



          Pagkalabas sa opisina, luminga-linga muna si Luke at pinatigil ako.



          “Anong ginawa mo?” bulong nito sa akin.



          “Ibinigay ang journal. Iyun lang,” sagot ko. “May iba pa ba akong dapat ibigay sa kaniya?”



          Tiningnan ako ng mariin ni Luke. “May tinatago ka.” Hindi siya naniniwala sa sinasabi ko. Umiling-iling pa siya na parang, alam niya ang iniisip ko. Pero, totoo naman kasi.



          Inikot ko na lang ang aking paningin. “Oo. May tinatago nga ako. Iyung mga bumili ng gamot ay mga kilalang tao dito sa lugar natin. At hulaan mo kung sino ang isa doon?” bulong ko.



          “Si Superintendent?” hula niya.



          “Hindi. Pero kaibigan, o kakilala pa niya, marahil.”



          Nagpatuloy na kaming naglakad at bumalik sa aming lamesa. Gaya ng sinabi ko, totoo ang sinasabi ni Luke. May tinatago ako. Ang totoo, ako ang nagpunit ng isang parte sa journal kung saan makikita dito ang mga bumili ng ‘Amn’. Kasama na rito ay ang anak ni Superintendent Arrie.



          “Teka, Geoffrey, makinig ka,” pang-aaburido ni Luke. “Iyung hinuli mo ohh!” Tinuro ni Luke ang TV at itinuon naming lahat ang atensyon dito.



          “Isang preso ang nakatakas mula sa Bilibid. Kasabay ng riot na naganap sa Bilibid kanina ay siya ding naging pagkakataon ng preso na si Anthony Alcantara. Ayon sa mga pulis na nagbantay sa Bilibid, misteryosong nawala umano ang nasabing preso mula sa kulungan nito at hindi na mahanap sa buong compound ng Bilibid.”



          “Anong nangyari sa bilibid? Nagkaroon lang ng riot, biglang naging hi-tech sila sa loob na halos nagkaroon na agad si Anthony Alcantara ng teleportation pad?” pagalit na reaksyon ko. Mukhang alam ko naman kasi ang nangyari. Misteryoso daw na nawawala. Magic?



          “Mukhang may koneksyon pa rin siya dito sa labas. Kaya siguro nakatakas pa,” komento ni Luke. “Dapat Geoffrey, puntahan mo na iyung biniktima niyang, kapatid ba iyun, o pinsan niya? Mabuti ng mawarningan na natin sila at baka bumalik dito iyang taong iyan sa atin.” Umalis na si Luke at pumunta sa opisina ni Superintendent.



          Pagkaraan ng ilang segundo, tumayo na ako at pumunta sa aking mobile. Kailangan ay mabalaan ko iyung Jonas na iyun. Wala pa naman akong numero nung taong iyun.



          Habang nagmamaneho, bigla akong nakarinig ng isang pagsabog. Biglang huminto ang aking mobile. Letche! Mukhang sumabog ang gulong ng mobile!



          Inis na bumaba ako sa mobile at tiningnan ang gulong sa likuran ng mobile. Tama nga ang hinala ko. Sumabog nga ang gulong.



          Bigla akong nakarinig ng kaluskos, at isang pigura ang umatake mula sa aking likod. Agad na nakasalag ako sa pagsuntok ng taong ito at gumanti ng isang tadyak sa tiyan nito. Natamaan ko ang tiyan niya at lumayo sa akin ng ilang metro. Pero hindi ito nasaktan. Bale wala ang tadyak kong iyun? Magnanakaw? Isa kaya itong bagong modus operandi?



          “Lakas ng loob nito!” inis kong sabi. Badtrip!



          Agad na binunot ko ang aking baril. Pero bago pa ako makatutok, nasipa ito nung tao at nabitawan ko ang aking baril. Sinubukan ulit ng tao ito na sumuntok sa tiyan ko, pero nasalag ko ito. Tinulak ko ang kamao ng taong ito, at mabilis naman na kinuha ang aking batuta. Tumigil naman gumalaw ang taong ito, habang ako naman ay sinusubukan maaninag ang mukha niya para malaman kung sino siya. Wala akong makita, maliban lang sa kanyang mga mata. Mukhang nakatakip ang buong mukha niya.



          “Mukhang magaling ka makipagsuntukan. Halata sa kilos mo na bihasa ka,” pagpuri ko sa taong ito. Kung makikipagsabayan ako sa taong ito, tiyak na matatalo ako.



          “Salamat,” tugon niya, pero ang boses ay medyo kakaiba. “Pero maiiwasan naman natin ito kung tutulungan mo ako sa aking hinahanap.”



          “May hinahanap ka? At ano naman? Tiyak, wala ako noon.”



          “Huwag kang magsinungaling sa akin. Alam kong nasa kamay mo ang listahan ng mga taong bumili ng ‘Amn’. Kailangan ko iyun, pakiusap. Ibigay mo na iyun sa akin.” Ang listahan ng mga bumili ng ‘Amn’.



          “Pasensya na. Pero wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo,” pagtanggi ko. Ano naman ang kailangan niya sa listahan na iyun?



          “Kung ganoon, wala akong magagawa,” May binunot ang taong ito mula sa kaniyang bulsa at itinutok ito sa akin. “kung hindi ang kunin sa iyo ng sapilitan.” May baril siya.



          Kinabahan ako sa pagtutok ng baril niya sa akin. Ano ang gagawin ko? Halata naman na walang laban ang batuta sa isang baril. Pero bahala na.



          “Oooops! Teka lang.” Dahan-dahan na ibinaba ko ang aking batuta at itinaas ang aking dalawang kamay. “Suko na ako.”



          “Kung ganoon, ibibigay mo na ba sa akin ang listahan?”



          “Oo na. Ibibigay ko na ito sa iyo. Pero wala sa akin ang listahan.” Sinenyasan ko ang aking mobile. “Nasa loob ito ng mobile. Kunin mo kung gusto mo.”



          “Ano ako, tanga?” Itinutok ng taong ito ang baril sa sasakyan, at bumalik sa akin. “Ikaw ang kumuha.”



          “Mas lalo naman na hindi ako tanga. Baka mamaya, habang kinukuha ko ang listahan na sinasabi mo, barilin mo ako sa likod. Mas maganda na mabaril sa harap, kesa sa likod.”



          Humugot ang taong ito ng isang malalim na hininga. “Oo nga pala. Bakit hindi ko iyun naisip na meron pala ako nun?” Anong pinagsasasabi niya?



          Habang lumapit sa akin, may isa pang bagay na kinuha ang taong ito mula sa bulsa niya. Bigla na lang ako nakaramdam ng kuryente mula sa aking katawan, at nawalan na ako ng malay.



Zafe’s POV



          “Hindi ako ang may kasalanan. Hindi. Huwag.”



          Minulat ko ang aking mga mata nang narinig ko ang isang pamilyar na boses sa aking pagtulog. Naramdaman ko din na gumagalaw ang kama na aking hinihigaan. Pagkatingin ko sa gilid ko, si Aulric lang pala iyun, at binabangungot siya. Hanggang dito ba naman?



          Kinabig ko siya papalapit sa akin at niyakap ng mahigpit. “Aulric, nandito ako. Hindi mo iyun kasalanan. Wala kang ginawa,” pakonswelo ko sa kaniya. “Gising na. Hindi iyun totoo. Masamang bangungot lang iyun.”



          Lagi na siyang ganito simula nang may nangyari, isang buwan na ang nakakalipas. Nagsasalita sa kalagitnaan ng gabi, at nagpupumiglas siya na animo’y may pumipigil sa kaniyang paggalaw. Hindi ko alam kung paano nangyari ang mga bagay na iyun sa amin. Kasalanan nga ba ni Aulric, o ako ang may kasalanan? Pero paano nga iyun nangyari? Hindi ko alam na nalaman iyun ng mga magulang ko.



          「1 month ago…



          Pagkabukas ng ilaw, agad na pinuntahan ko ang stage kung saan, sa tingin ko, narinig kong nagmula ang mga putok ng baril. Nag-aalala ako. Nadinig nga ang dasal ko na sana ay hindi matuloy ang kissing scene nila ni Colette, pero hindi sa ganitong paraan. Putok ng baril? May natamaan kaya?



          Natigilan ako nang nakita si Aulric na nakaluhod at nakatingin siya sa nakahandusay na lalaki. Nakahinga ako ng maluwag nang makita siya.



          “Aulric, okay ka lang? May tama ka ba?” usisa ko agad sa kaniya pagkalapit.



          “Okay lang ako. Wala akong tama,” mabilis niyang tugon. “Pero itong lalaki, meron. Tulungan mo ako, buhatin mo siya.”



          “Okay.”



          Dali-dali kong kinuha ang lalaki at binuhat ko siya papalabas ng gym.



          Pagkapasok ng group leader nila Aulric sa ambulansya, nakahinga ako ng maluwag at nag-alay ng mabilis na dasal. Sana makaligtas ang lalaking iyun na tinamaan ng baril.



          “Aulric, anak!” naiiyak na sigaw ni Tita Ems matapos makita si Aulric. Agad na niyakap niya ito. “Mabuti naman at walang nangyaring masama sa iyo. Nag-alala ako matapos marinig na may nangyaring barilan sa school ninyo!”



          “Ayos lang po ako, Nanay. Salamat,” tugon ni Aulric sabay sinagot ang yakap na Tita Ems.



          “Nakita mo ba ang may gawa nito doon sa tao? Ikaw ba ang target?” tanong naman ni Sir Henry na nasa likod ni Tita Ems.



          Kumalas sa pagkakayakap si Aulric kay Tita Ems. “H-Hindi po ako sigurado Tito Henry. H-Hindi ko po lubusang alam kung ano ang nangyari.”



          “Aulric. Mabuti naman at ayos ka lang,” tawag sa kaniya ni Jin at ito naman ang yumakap sa kaniya. Kumalas naman ito agad sa kaniya. Pwede ba?



          “Aulric, ikaw ang malapit doon sa biktima, tama? Pwede bang magbigay ka ng iyong testamento sa pulis para masimulan na ang imbestigasyon?” pakiusap ni Sir Louie.



          “Opo. Magbibigay na agad ako.”



          “Henry, Emma, hiramin ko lang ang anak ninyo saglit,” paalam nito sa dalawa. “Aulric, sumunod ka sa akin.” Dinala ni Sir Louie si Aulric kasama niya.



          “Sasama ako,” dagdag naman ni Tita Ems at sumama sila kay Aulric kasama si Sir Henry.



          “Diyos ko! Ano ba ang nangyayari sa mundo natin ngayon? Bakit may nagbabarilan sa araw ng mga puso?” mareklamong tanong ni Shai na nagmula sa gilid ng ambulansya kasama si Ricky. “Hindi naman siguro si Aulric ang target nung bumaril hindi ba?”



          “Since hindi naman si Aulric ang nabaril, mukhang hindi naman siguro siya ang balak patayin ngayon,” paliwanag ko. Hanggang may pumasok na ideya sa utak ko. “Maliban na lang kung may balak talagang maghiganti sa kaniya. Asaan nga pala si Sharina?” Hinanap ko si Sharina sa mga nagkukumpulang tao pero hindi ko ito nakita.



          “Teka, teka, teka,” pagpigil ni Jin na hinarangan ang aking dinadaanan. “Bakit si Sharina ang hinahanap mo? Wala siya dito. Maaga siyang umuwi sa mansyon namin para matulog.”



          “Well, kung nasa mansyon man siya, o nasa eskwelahang ito, pwede naman siguro siyang umupa ng hired killer para patayin si Aulric,” nagagalit kong wika. “Asaan siya? Siguradong siya ang may pakana ng lahat ng ito?”



          “Zafe, huminahon ka nga,” saway ni Ricky. “Hindi naman namatay si Aulric, ni hindi nga siya ang pinatay ng kung sinong tao iyung bumaril. Tsaka huwag mo naman ibintang ang lahat kay Sharina. Lahat na lang ba ng mga masasamang bagay na nangyayari sa inyo, si Sharina na ang may kasalanan?”



          Pinandilatan ko ng mata si Ricky dahil sa sinabi niya. “So kumakampi ka na ngayon kay Sharina?”



          “Zafe, hindi ko kinakampihan si Sharina. Ang sinasabi ko lang, pwede bang kumalma ka? Kung ano-ano na kasi ang naiisip mo sa mga nangyari.”



          Inunat-unat ko ang aking ulo at huminga ng malalim, mga tatlong beses. “Okay. Hihinahon ako ngayon. Pero sa oras lang na malaman ko talaga na si Sharina ang may pakana sa bagay na ito, humanda talaga siya sa akin.”



          Humiwalay na ako sa kanila para sundan si Aulric kung saan man sila pumunta. Nang narinig ko talaga ang putok ng baril kanina, bumilis bigla ang tibok ng puso ko. Lalo na’t napakadilim at wala akong bagay na makita maliban lang sa naririnig kong mga putok ng baril. Kahit sa dilim, nakikita ko kung paano natamaan si Aulric at pilit na iwinawaksi ko iyun sa aking isipan. Mabuti na lang talaga at walang nangyaring masama sa kaniya. Pero dapat ko ba talagang sabihin ang mga bagay na ito ngayon?」



Aulric’s POV



          「1 month ago…



          Humugot ako ng buntong-hininga nang marating na namin ang tamang panahon upang maghalikan kami, ayon sa kwento. Habang papalapit kami sa isa’t isa, kasabay nito ay ang pagtugtog ng isang romantikong musika. Hindi ko nga lang alam kung anong kanta ang ginamit, basta romantiko ito sa tenga ng mga manonood. Hmmpphh! Babawi talaga ako kay Zafe pagkatapos ng eksenang ito? Siguradong magseselos talaga iyun dahil hinalikan ko ang ex niya.



          Nang nakalapit na kami sa isa’t isa, kapwa na nagpakawala kami ng ngiti sa labi, at nagyakapan. Kunyari pa ay sabik na sabik kami sa yakap ng isa’t isa, dahil iyun ang nakasaad sa kwento.



          Humiwalay si Colette sa akin ngunit ang kanyang mga kamay ay nakahawak pa rin sa aking balikat at ang isa nama’y tinutulay niya sa aking mukha. “Mahal na mahal rin kita,” kunyaring pagko-confess ni Colette sa akin, ayon sa kwento ng dula.



          Napalunok ako nang tiningnan ko ang labi niya na kulay pula. Heto na. Ang moment na maglalapat ang aming labi, ayon sa kwento, nang biglang namatay lahat ang ilaw sa lugar. Teka, kasali pa ba ito sa kwento?



          “Ano iyun?” nagtatakang tanong ni Colette at luminga-linga pa sa lugar. “Kasama ba ito sa kwento? Tapos na ba iyung scene?”



          “Ewan,” kibit ko ng balikat. Baka pinapa-cut na ng kung sino ang scene natin dahil hindi maganda? Biruin mo, iyung ex ng syota mo, hahalikan mo sa labi? Tapos syota mo pa iyung ex niya?



          Maya-maya ay narinig namin ang usapan ng mga tao na nagtatanong kung ano din ang nangyayari ngayon. Hanggang sa makarinig kami ng tatlong putok ng baril. Nakarinig ako ng tilian ng mga babae, ganoon din si Colette na agad akong niyakap. Pagkayakap niya sa akin ay dumapa kami.



          “Oh my God, oh my God! Ano ang nangyayari?!” hysterical na tanong niya.



          Hindi ko masagot ang tanong niya. Kahit ako ay hindi din alam kung ano talaga ang nangyayari. Basta ang ginawa lang namin ay dumapa. Pero habang nakadapa kami, may naaaninag akong bagay na gumagalaw sa dilim. Hindi ko alam kung ano iyun, pero hindi na ako nag-usisa pa. Baka kung ano ang mangyari dito kay Colette kapag nag-usisa pa ako.



          Maya-maya ay bumalik na ang ilaw. Parehas kami ni Colette na nakahinga ng maluwag. Habang ginagala ang aking tingin sa mga nagtatakbuhang estudyante palabas ng gym, may nakita naman akong tao na nakahandusay sa stage, hindi kalayuan mula sa amin ni Colette.



          “Aaaaahhhhh!” napakatinis na sigaw ni Colette nang nakita din niya ang nakahandusay sa stage. “Oh my God! Sino iyun, Aulric?! Sino iyun?! Patay na ba iyung taong iyun?!” Medyo nanginginig-nginig pa siya at nagpa-panic.



          “Huwag mo ng alalahanin iyan,” alog ko sa kaniya para humarap siya sa akin at ituon ang buong atensyon niya. “Lumabas ka na kasama ng mga tao papalabas, at huwag na huwag kang lilingon dito. Okay? Naiintindihan mo ba ako?”



          Tanging tango lang ang sinagot niya. Bumilis din ang paghinga niya.



          Binitawan ko siya at bahagyang itinulak sa direksyon na dadaanan niya palabas. “Dali, dali, dali!” taboy ko sa kaniya.



          Lumabas na siya palabas ng stage. Lumapit naman ako sa nakahandusay na tao at siniyasat kung buhay pa siya. Nilagay ko ang dalawang daliri ko sa leeg niya. May pulso pa, buhay pa ang taong ito.



          Nang nalaman kong may pulso siya, nalaman ko naman na ang taong nakahandusay na ito ay ang group leader namin. Hindi ito maaari.



          “Aulric, okay ka lang? May tama ka ba?” usisa agad ni Zafe sa akin. Na nasa tabi ko na pala siya.」



          “Aulric, Aulric,” tawag sa akin ng isang boses na nagpagising sa akin.



          “B-Bakit? May sinasabi ka?” tanong ko kay Zafe na mukhang kanina pa ako kinakausap. “Pasensya na. Hindi ko, napakinggan ang mga sinasabi mo.” Umiwas ako sa tingin niya at tumingin sa dalampasigan. Bakit ba bumalik sa isipan ko ang nangyaring iyun?



          “Alam mo, nag-aalala na talaga ako kapag iniwan kita,” wika niya. “Wala ka naman kasing kasalanan sa nangyari. Ni hindi mo nga alam kung ano ba talaga ang nangyari, at paano nga ba nangyari ang bagay na iyun?”



          “Iniisip ko ngayon Zafe, paano kung may isa pa akong katauhan pero hindi ko lang alam ngayon?” Tumingin ako sa kaniya at nakita kong umiling siya.



          “Kung iyang sinasabi mong may iba ka pang katauhan, parehas akong nag-e-enjoy  sa inyong dalawa." Maloko pa niya akong tiningnan.



          Tiningnan ko siya ng masama. Anong ibig sabihin niya sa sinabi niyang iyun?



          “Hay, nako! Pwede ba? Nasa Boracay tayo ngayon. Bakasyon natin ngayon at, buwan natin ito ngayon.” Hinawakan niya ang mga kamay ko na may pagsuyo. “Kaya dinala kita dito para kahit paano ay makalimutan mo ang mga bagay na nangyari nitong mga nakaraang araw, gusto mo naman na isama pa sila sa bakasyon natin.”



          “It will be kasi nasa reyalidad tayo. Hindi ko naman basta-basta matatakasan ang mga problema ko,” tugon ko.



          “But still, Aulric, ang bakasyon na ito, it’s all about us only. At tandaan mo, hindi lang ikaw ang may problema dahil sa nangyari. Pati ako.” Ay! Oo nga pala.



          Nag-iwas ako ng tingin at umiling. “Pasensya na. Sanay lang ako na ako lang ang may problema.” Humarap ulit ako sa kaniya. “Pero kasi, alam kong, kapag ako talaga, wala akong pakialam. Pero, meron akong pakialam sa kanila. Halos itinuring ko silang pamilya dahil, natatagalan nila ako. Oo, isa, o dalawang tao ang nawala, pero parang hindi na kami buo. At naaapektuhan na kaming lahat.”



          Mula sa kabilang-dulo ng mesa, tumabi si Zafe sa akin at hinawakan niya ang aking mga kamay at hinaplos-haplos. “Naiintindihan ko. Pero Aulric, iyung ginawa mo ba, o kung ikaw nga ba talaga ang gumawa, walang bang kapatawaran iyun? Iniisip mo ba na hindi na sila babalik sa iyo dahil lang doon? Aulric, magtiwala ka sa akin. Babalik din sila, kapag handa na sila. Kaya please, Aulric. Pwede, huwag mong ipakita sa akin ang pinakamahina mong side sa akin, gaya nang ginawa mo kanina? Nakita ko na iyun dati noong akala mo na makukulong ka. At ayokong makita ko ang side mong iyun kasi nalulungkot din ako.”



          Hindi ako nakasagot. Mukha ba talagang, nasa pinakamahina akong side kanina? Peste! Hindi talaga ako ito kung ganoon. Nagiging, mahina na ako nang nagkaroon lang ako ng mga kaibigan. Nakakainis.



          「1 month ago…



           Napakasaklap ng nangyari sa group leader namin dahil namatay siya nang dumating sa ospital. Hindi na daw kinaya ng mga emergency responders, dahil natamaan ng bumaril ang mga pinakamahahalagang parte sa kaniya.



          Pero habang nakatayo sa gitna ng dilim na iyun, kasama si Colette, parang ako sana ang papatayin ng taong, bumaril sa group leader namin. Nasa, harap lang namin iyun ni Colette. Pero, paano naman matatamaan ang group leader namin kung nasa likuran siya? Pinuntahan kaya siya mismo ng bumaril? May night vision ba siya para makakita sa dilim? O baka guni-guni ko lang iyun. Hay nako! Kung ano-ano na ang naiisip ko. Palagi ko na lang iniisip na may taong magtatangka ng buhay ko. Pero wala nga ba?



          “Paano kaya kung ako ang target nung taong bumaril noon? Paano kung, ako iyung namatay?” wala sa sarili kong tanong habang nakatingin sa bintana ng library. Kasalukuyang kasama ko si Shai na nag-aaral para sa huling exam namin.



          “Hay! Pwede ba?!” singhag niya. “Saka, ayon naman sa mga pulis, hindi talaga ikaw ang target. May inutangan palang shabu iyung group leader niyo noon, kaya siguro itinumba.”



          “Talaga?”



          Rinig kong humugot si Shai ng malalim na hininga. “Hay! Ano ka ba? Mag-aral ka na lang kaya diyan?”



          “Pero napag-aralan ko na ito sa bahay ng mga ilang beses. Kung tatanungin mo ako ngayon, masasagot ko iyan lahat.”



          “Wow, ikaw na ang matalino.” Mukhang sinarado niya ang hawak niyang libro at kinuha ang mga libro na pinag-aaralan ko. “Sige, sagutin mo nga ang mga itatatong ko?”



          Nagkaroon kami ng konting Q and A ni Shai tungkol sa mga napag-aralan ko. At walang sala na nasagot ko itong lahat.



          “Hindi ba? Nasagot ko lahat,” wika ko pero hindi sa nagyayabang na tono.



          “Ganito na lang? Bakit hindi mo pag-aralan ang mga subject para sa susunod na taon?” mungkahi niya.



          “May mga ganoong libro sila Tito Henry sa bahay,” iling ko. “Napag-aralan ko na din lahat iyun. Kahit mag-masteral ako ngayon at kumuha ng exam, masasagot ko na ang mga iyun.” Ibinaling ko ang tingin sa kaniya. Sasabihin niya na mayabang ako. Sasabihin niya na mayabang ako.



          “Ang yabang mo,” simangot niya. Sabi ko na nga ba.



          Dumaan ulit ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Nagpatuloy ulit siya sa ginagawang pag-aaral habang ako naman ay nakatingin sa bintana at, iniisip pa rin ang mga nangyayari nitong nakaraang araw. Sabi ni Tito Henry, nagiging delikado na ang lugar namin dahil sa napakaraming kaso ng krimen. Kaya kung pwede, umuwi daw ako bago magsimula ang pangalawang balita sa gabi. Kailangan pa naman daw na present ako sa kasal nila bago ako tuluyang mawala sa mundo. At nag-aalala din daw si Nanay sa akin. Wow, concern siya sa kaligtasan ko. Pero sa relasyon namin ni Zafe, palagi pa rin naming pinag-aawayan.



          “Gusto mong lumabas tayo at manood ng sine?” yaya ni Shai na binasag ang aming katahimikan.



          “Tinatamad akong lumabas ngayon. Medyo mainit sa labas kaya dito na lang ako sa library,” pagtanggi ko habang nakatingin pa rin sa bintana.



          “Pero kapag nakatunganga ka naman diyan, maiisip at maiisip mo iyung nangyari noong Valentine’s Day. Bakit ba kasi gusto mo na ikaw ang target nung bumaril doon sa group leader ninyo? Gusto talagang mamatay? Ahh! Alam ko na. Gusto mong may malaman na bago?”



          “Hindi ako interesado,” malamig ko pa ring tugon.



          “Napakasakit naman nitong magsalita. Sige na. Kahit magkunyari ka lang para sa akin,” pakiusap niya.



          “Hindi ako magaling magkunyari.”



          “Ehh, di makinig ka na lang.”



          “Sige nga. Ano ba iyun?” paghahamon ko sa kaniya at ibinaling ang tingin sa kaniya. Pag ito, hindi interesanteng topic, hindi ko na siya pagsasalitain.



          “Gusto mo ba malaman kung bakit, ako ang umurong sa engangement namin ni Andrew at hindi siya?” tanong niya. Teka, ang alam ko lang ay para makalayas sa pamilya niya? Iyun iyung rason niya hindi ba?



          “Bakit nga ba?” tanong ko.



          “Umm, alam mo kasi, ampon si Andrew. At mahal na mahal niya ang magulang niya kaya gusto niyang matuloy ang kasal. Pero dahil sa ayoko naman sa kaniya at hindi ko siya gusto, at hindi ko naman mahal ang magulang ko kaya ako ang umurong sa engagement,” paliwanag ni Shai. “Tapos, binantaaan pa siya ng mga magulang ko na kapag umurong sa kasal namin, ibubunyag ng mga magulang ko na ampon lang pala si Andrew, at hindi siya pwedeng maging tagapagmana ng kompanya nila.”



          “Tche! Napakaliit naman ng problema nila.”



          “Ano ka ba? Iyung pamiya kasi nila Andrew, mahalaga na sariling laman at dugo nila ang mamamahala sa kompanya nila.”



          “Teka, hindi ba, Education ang kinukuha ni Andrew?”



          “Tuwing summer, kumukuha siya ng Business Management.”



          Dumaan ulit ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Ibinalik ko ulit ang atensyon ko sa pag-aaral. Tumunog naman ang phone ko at binasa niya ito. Petsa ito sa paparating na kasal ni Nanay, at Tito Henry.



          “Oo nga pala. Sa katapusan na ang kasal nila Nanay at Tito Henry. Huwag ka ng pumunta,” diretsong sabi ko.



          “Pupunta ako, natural,” nakangiting tugon ni Shai.



          Inikot ko na lang ang aking paningin. Siguro, kung medyo seryoso akong magsalita habang sinasabi ang mga bagay na iyun, baka hindi pupunta si Shai. Pero, letse! Hindi natitinag.



          Bumukas naman ang pintuan ng library. Pumasok si Zafe at Ricky, saka lumapit sa amin.



          “Shai, tara na?” rinig kong malambing na tanong ni Ricky sa kapareha.



          Tumango si Shai at humarap sa amin. “Mauna na kami,” paalam niya sa amin.



          Nang umalis na sila, lumabas na din kami sa library at naglakad-lakad sa hallway. Oo nga pala. May kailangan pala akong gawin.



          “Nasa bahay ba ang mga magulang mo?” tanong ko kay Zafe.



          “Oo,” agad niyang sagot. Medyo lumiwanag ang kanyang mga mata. “Bakit mo naman naitanong? May gusto ka bang gawin bago tayo umuwi?”



          “Oo, may gusto akong gawin.” Tiningnan ko siya na may inis sa aking mga mata. “Gusto ko kasi na personal kong ibigay ang mga imbitasyon nila para sa kasal nila Nanay at Tito Henry.”



          Mas lalong nagliwanag ang kanyang mukha. “Ohh? Talaga? M-Magandang senyales iyan.” Hmm, mukhang ako lang ata ang may ibang iniisip ngayon.



          “Mukha nga. Kaya pagkatapos ng klase natin, samahan mo ako sa inyo at ibibigay ko ang imbitasyon sa kanila, personally.”



          “Okay. Gusto mo, sa bahay ka na rin kumain,” yaya pa niya. “Pagkatapos, bonding naman tayo. Manood tayo ng mga, kung anong-anong papanoorin ko.”



          “Okay. Tara na. Punta na tayo sa susunod nating klase,” pagpayag ko.



          Ilang araw ang nakalipas, ikinasal na si Nanay, at si Tito Henry. Kasalukuyang nasa reception kami ng kasal, sa likod ng bahay ni Tito Henry. Abalang-abala naman kami ni Derek na mag-entertain sa aming mga bisita. Medyo marami ang mga bisita dahil maraming kaibigan si Derek, at marami ding kaibigan ang mga magulang ng mga kaibigan ni Derek na pumunta din. Ang mga bisita ko naman ay, ¼ lang sa dami ng bisita niya, habang ang kay Nanay ay ang ilan sa aming mga kapitbahay. Dapat, hindi na sila inimbita pa.



          Kumusta naman ako? Medyo happy. Sa wakas, natagpuan na ni Tito Henry, este, Tatay Henry, at ni Nanay ang isa’t isa. Hindi ko maitago ang aking saya para kay Nanay. Gusto ko kasing maging masaya siya sa kaniyang mga natitirang buhay. Hindi na puro hirap at pasakit lang.



          Nang natapos na ang ilang programa sa reception, nasa iisang upuan na kami ni Zafe, kasama ang aming mga pamilya. Sa simula, napakatahimik nilang lahat. Ayaw magsalita, ayaw nilang makipag-usap sa isa’t isa. Hanggang sa, naglandian kami ni Zafe sa harapan nila. Kapwa naman na pinigilan kami ng aming mga magulang, kahit na ang pangalan lang namin ang kanilang tinatawag. Nang tumigil kami, nagsimula na silang magbatian sa isa’t isa, nagkamustahan, nagbigay ng regalo ang mga magulang ni Zafe, at nag-usap tungkol sa mga tao mula sa kanilang nakaraan. For a moment, na out-of-place kaming mga anak sa usapan. Kaya nagpaalam na kami ni Zafe, at ni Derek sa aming mga magulang para makausap namin ang aming mga kaibigan.



          “No, wait,” pagpigil sa amin ni Tatay Henry. “Aulric, pwedeng mag-usap tayo saglit. Privately.” Tiningnan nito si Zafe na nakahawak sa aking kamay. Pero hindi gaya ng pagtingin niya noon na may halong, galit.



          Binitiwan ako ni Zafe at sumenyas na kausapin ang bago kong Tatay. Ngumiti naman ako at sinundan si Tatay Henry na nauna ng lumakad.



          “May problema pa rin po ba?” tanong ko nang huminto siya sa kusina.



          “Wala naman,” iling niya. “Kasi, ngayong araw na ito, ibibigay ko ang blessing ko sa inyo ni Zafe.” Humugot siya ng malalim na hininga. “At kahit na ibibigay ko ngayon ang blessings ko, may pag-aalangan pa rin ako kung tama ba o hindi ang ginagawa ko.



          “Kung ganoon, pwede naman pong, huwag niyo na lang ibigay at magkakaroon tayo ng problema sa hinaharap,” sarkastiko kong tugon. “Mas maganda na iyun kesa pilitin ko po kayo, hindi ba?”



          Hinawakan ni Tatay Henry ang aking mga balikat. “Pero, kailangan, Aulric. Ayoko naman na lumayo ang loob mo sa akin, dahil sa plastik akong magbigay ng blessings sa inyong dalawa. Ang sa akin lang kasi, hindi pa rin ako tuluyang nagtitiwala sa mga magulang niya. Kahit nga ngayon na kinakausap ko silang mag-asawa, nakikita ko pa rin iyung mga ngiti nila, iyung pagiging smooth talker nila sa akin, iyung mga gestures nila, iyung mga ugali bago nila ako traydorin. Hindi ko talaga kahit kailan makakalimutan ang mga bagay na iyun. Kaya, Aulric, ibibigay ko ang blessing ko sa inyong dalawa ni Zafe. Pero, ipangako mo sa akin na magiging maingat ka.”



          Hindi na lang ako umimik sa sinabi sa akin ni Tatay Henry. Niyakap ko na lang siya at ipinaramdam sa kaniya na masaya ako sa naging desisyon niya, kahit na ayaw niya talaga sa pamilya ni Zafe.



          Ang saya-saya, no? Pero kapag ganito, pakiramdam ko, may masama na namang mangyayari. At dumating nga ang masama na naman ulit na pangyayari?



          Pagkatapos kong makuha ang mga pirma na kailangan ko para sa clearance ko, pinatawag ako ni Shai sa likuran ng eskwelahan. Bakit naman kaya? Madalas na pinapatawag niya ako sa library para mag-usap. Pero bakit naman sa likuran pa ng eskwelahan?



          Nang nakarating ako sa likuran ng eskwelahan, hindi si Shai ang nadatnan ko, kung hindi si Andrew. Lumapit ako dito na mukhang ako talaga ang hinihintay niya. Pero ang mga tingin sa akin ni Andrew, kakaiba.



          “Asaan si Shai?” tanong ko sa kaniya. Luminga-linga ako at baka paparating na din siya.



          “Hindi siya makakarating dito,” sagot sa akin ni Andrew.



          “Ganoon ba? Aalis na ako.” Iniwas ko ang tingin niya at nagmamadaling umalis.



          “Sandali,” sabi ni Andrew para tumigil ako.



          Tumigil nga ako pero hindi ako humarap sa kaniya. Mukhang napakasama ng mood ni Andrew. Ayokong makipag-usap sa mga tao kapag ganoon.



          “Ang totoo niyan, galit na galit si Shai sa iyo kaya wala siya dito. Gusto ka kasi niyang tanungin tungkol sa isang bagay. Pero, pinigilan ko siya at nagpasyang ako na lang ang magtatanong.” Si Shai, galit sa akin? Ano naman ang dahilan?



          “At ang tanong? Ano iyun?” tanong ko nang hindi humaharap kay Andrew.



          “S-Sinabi mo ba kay Zafe ang sikreto ko sa kaniya?” nag-aalangan niyang tanong.



          “Ha!” natatawang nasabi ko. “Bakit ko naman sasabihin ang isang sikreto na makakasira sa pamilya mo? Sige nga? Hindi naman ako ganoon kasama para gawin ang bagay na iyun.” Napaharap ako kay Andrew. “Sandali lang. Huwag mong sabihin na nalaman na ng magulang ni Zafe ang sikreto ng pamilya ninyo, at ginamit na ang bagay na ito laban sa iyo? At ngayong nalaman na ng pamilya niya, naglalaro na ba tayo ng laro ng sisihan?”



          “Hindi, Aulric. Gusto ko lang malaman kung sino ang naging dahilan kaya kumalat ang sikretong ito.  At-” Inilagan ni Andrew ang mga tingin ko. “Tama! Pagsabihan siya, at sisihin siya. Aulric, hindi kasi dapat talaga malaman ito ng mga magulang ni Zafe. Pero sa hindi ko malamang dahilan, nalaman nila. Sino?! Sino ang nagsabi sa kanila at paano nangyari ito?! Ang mga magulang ko, namomorblema na ngayon kung ano ang gagawin.”



          “At problema ko na din iyun, hindi ba? Bakit kailangan kong madamay sa problema ninyo?” Wala sa sarili kong sabi. “Dahil ba magkakaibigan tayo kaya kailangan ko din madamay sa problema mo? At ngayong naghihinala ka na sinabi ko si Zafe iyang sikreto ninyo, at sinabi naman ni Zafe sa mga magulang niya, gusto niyong mamorblema din ako? Bakit pa? Baka gusto niyo na rin na ako ang mag-solve sa mga problema mo?”



          Parang binuhusan din ako ng malamig na tubig sa sinabi ko. Hindi. Hindi dapat ganito ang mga sinasabi ko. Mali, hindi dapat iyun ang mga sinabi ko. Pero huli na. Ang mga tingin ni Andrew sa akin, hindi siya makapaniwala sa aking sinasabi.



          Tatawagan ko pa sana siya, kaya lang, tumalikod siya at umalis. Mali! Hindi dapat ganoon ang sinabi mo! Bakit ba ganoon ang sinabi ko?!



          Madaling umalis ako sa lugar na iyun at kinuha ang aking phone. Sinusubukan kong tawagin si Zafe para malaman kung nasaan siya. Habang naglalakad, nakarinig ako ng sigawan sa hindi kalayuan ng corridor. May mga tao na nagkakagulo kaya lumapit na ako. Si Zafe pala at si Ricky na nagsusuntukan.



          “Tama na!” sigaw ko sa dalawa nang pumagitna ako.



          Matagumpay ko naman na napaghiwalay ang dalawa. Pero galit na galit talaga si Ricky na halos sugurin na naman si Zafe. Mabuti na lang at pinigilan siya ng mga tao.



          Dinuro kaming dalawa ni Ricky. “Mag-sama-sama kayo!” Pagkatapos ay umalis.



          Umalis na din ang mga tao dahil sa wala na iyung gulong hinahanap nila. Siniyasat ko naman si Zafe kung okay lang siya. Mukhang hindi pa naman napuruhan ang kanyang gwapong mukha.



          “Ano ba ang nangyari doon?” tanong ko.



          “Pinagbintangan niya ako na kinalat ang sikreto ni Andrew,” singhag ni Zafe. “Sinabi ko na wala akong alam. Nagising na lang ako na nalaman ng mga magulang ko ang bagay na iyun.”」



          Bumalik ako bigla sa kasalukuyan. Nakatingin kay Zafe, habang nakatingin siya sa labas ng bintana. Wala man sinasabi sa akin si Zafe, nakikita ko sa kaniya na apektado siya sa mga nangyayari. Ang best friend din niya, hindi na sila nag-uusap dahil sa nangyari.



          “Zafe,” tawag ko sa kaniya. “mas maganda kung umuwi na tayo.”



          Nilingon niya ako. “Huwag. Dito muna tayo,” masiglang pagtutol niya niya. “May mga bagay pa tayong hindi nasusubukan noong huling punta natin. Gawin na natin iyun ngayon.” Pero ang totoo ay tinatago niya ang kanyang kalungkutan.



          “Pero, magiging masaya ba tayong dalawa kung parehas naman tayong,” Nag-iwas ako ng tingin. “may pinag-dadaanan?”



          “Malalampasan natin ito.” Lumapit siya at niyakap ako. “Kung tunay natin silang mga kaibigan, babalik sila sa atin. Hindi naman kasi palagi na hindi nag-aaway ang magkakaibigan. Minsan, nagkakatampuhan tayo ng konti. Pero mawawala din iyun. Alam mo ba na nalampasan nila Andrew ang problema nila? Napatunayan na nilang tunay talaga nilang anak si Andrew. At balang araw, magmamana ng kompanya nila.”



          Nagulat ako at humiwalay kay Zafe. “Ha? Paano nangyari iyun?”



          “Ewan ko. Pero mas maganda na ganoon, hindi ba, Aulric? Kaya huwag na tayong mag-alala sa kanila. Sooner or later, babalik sila sa atin. Magpapatawad, at magiging magkakaibigan ulit. Kaya Aulric, huwag na muna tayong umalis. Huwag mo na muna silang isipin. Sa atin mo ituon ang atensyon mo,” paliwanag niya.



          Niyakap ko ulit siya, pero may pwersa iyung pagkakayakap ko. Napahiga naman siya sa kama lakas ng aking pagkakatulak sa kaniya. Parang nawala ang mabigat na pakiramdam ko dahil sa ibinalita niya sa akin. Mabuti na lang at naayos ni Andrew ang problema niya.



          Naramdaman ko ang mainit na kamay ni Zafe sa aking buhok. Hinahaplos niya ang aking buhok.



          “Magiging maayos din ang lahat,” bulong niya.



          “Oo,” tugon ko. “Sana nga.”



          Kapag nagkita ulit kami ni Andrew, hihingi agad ako ng tawad sa mga sinabi ko. Kung sinabi ko na ang totoo ng diretso sa kaniya, baka siguro ay hindi siya nagalit sa akin. Pero hindi ganoon ang nangyari. Bakit kasi bigla akong lumamig noong mga araw na iyun? Sana nga, maayos na itong gusot namin. At kung sino man ang nagpakalat sa sikreto namin ni Shai, na wala akong alam kung sino, humanda siya sa akin.



          Pero sino kaya ang nakaalam bigla sa sikretong iyun? Kami-kami lang naman ang may literal na may alam, ni hindi ako nagkikwento sa ibang tao.



ITUTULOY…

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails