Followers

Sunday, September 1, 2013

Sulat Sa Buhangin (Short Story)

By: Mikejuha
Email: getmybox@hotmail.com
Fb: getmybox@yahoo.com


Mahilig akong magtambay sa dalampasigan. Nasa isang isla kasi ang aming tahanan. Simula nang ako ay isinilang, ang lugar na iyon na ang aking mundo. Doon na ako namulat sa buhay. At mahal na mahal ko ang lugar naming iyon. Para sa akin, ang baybayin at dagat nito ay ang pinakamagandang tanawin ng kalikasan. Lalo na kapag ganyang malapit nang magtakip-silim, nakasanayan kong magtambay sa baybayin, maupo sa dalampasigan at pagmasdana ang paglubog ng araw. At kapag ganyang nasa ganoong oras na, ramdaman ko na ang lamig ng simoy ng preskong hangin na humahampas sa aking balat. At sa mapayapang dagat at puting buhangin, dagdagan pa sa mamumula-mulang kulay ng langit sanhi ng paglubog ng araw, mistulang isang paraiso ang aming lugar.

Dahil nasa harap lang ng aming bahay ang dagat, halos araw-araw rin akong naroon sa dalampasigan. Kadalasan, pinapalipas ko lang ang oras. Minsan naman ay maliligong mag-isa. At ang paborito kong ginagawa roon at nag-iisa ay ang pagsusulat sa buhangin. Kapag ganyang wala akong kausap, ang mga bagay-bagay sa aking buhay ay aking isinusulat, lalo na kapag nalulungkot ako. Sa pagsusulat ko sa buhangin ay naiibsan ang bigat ng aking kalooban. At kapag masaya naman ako, mistula akong isang paslit na tuwang-tuwa sa mga alon na mag-uunahang abutin ang dalampasigan upang burahin ang mga isinusulat rito.

Ngunit kung gaano kaganda ang aming lugar, tila kabaligtaran naman ang aking buhay; isa ako sa mga tinaguriang babae na nakulong sa katawan ng isang lalaki. At sa larangan ng pag-ibig, alam kong talo ako.

Si Basti, ang pinakauna kong pag-ibig. Kapitbahay namin siya, at kababata ko. Nang nag-aral kami sa elementarya, classmate kami niyan. Sa aming isla ay may maliit na eskuwelahan. Bagamat hanggang grade six lang, natapos namin ang pag-aaral doon at nang mag high school na kami, ipinagpatuloy namin ang pag-aaral sa pinakamalapit na barangay ng karatig-lungsod, na natatawid nang may mahigit isang oras sa bangka. Doon, nagpatuloy kami sa aming pag-aaral.

Matalik kaming magkaibigan ni Basti. Siguro dahil wala siyang choice. Kasi ba naman, kaming dalawa lang ang talagang interesadong magpatuloy sa pag-aaral hanggang sa high school. Iyong iba naming mga ka-klase ay ayaw nang mag-aral. Gusto nila, magtrabaho na lang sa laot, sa pagiging mangingisda. Ang iba ay nagpunta sa mga syudad. Mahihirap lang kasi ang mga tao sa amin kaya ang mga anak nila ay gusto nang magkaroon ng sariling kita na siyang itulong naman sa mga magulang nila. Kaya dahil kami ni Basti ang nagsipag na makatapos ng high school, para rin kaming magkapatid, kundi man ay mag-syota na halos oras-oras sa araw-araw na pagpasok namin sa paaralan, kaming dalawa palagi ang magkasama. At sikat din kami sa aming isla dahil kami rin ni Basti ang mga matatalino sa aming paaralan. At proud sa amin ang aming mga barangay officials kasi raw, kami ang magpapaunlad sa aming isla pagdating ng araw na makatapos kami ng pag-aaral.

Ako naman, porket asal babae, ako ang taga-handa ng mga baon namin, taga-dala ng uniporme, tuwalya. Kahit mga extrang t-shirt namin, ako rin ang tagadala lalo na kapag ganyang mainit at pinapawisan kami, may kapalit kaming maisusuot. At lalo na si Basti na naglalaro palagi ng basketball. Minsan pa nga, pati ang t-shirt niyang basa, ako na rin ang magdadala noon sa bahay kasi, ako rin ang taga-laba, isasali ko sa paglalaba ng mga labahin naming ang mga damit niya. Sa pagpasok naman naming, si Basti ang tagadala ng mga aklat, notebooks, projects, pagkain at mga baon, at kung anu-ano pang mabibigat na dadalhin.

Noon pa man ay alam na ni Basti na may pusong-babae ako. Nakikita kasi ito sa aking kilos at napapansin sa aking pananalita at paggalaw. Ngunit ang nagutushan ko lang sa kanya ay wala siyang pakialam. Kahit na ang sarili naming mga kapitbahay, mga kaibigan sa isla at pati na ang mga kaklase namin sa eskuwelahan ay tinutukso kami, idinadaan lamang ni Basti ang lahat sa tawa. Hindi siya naapektuhan, hindi siya nagkaroon ng kyeme sa pagiging malapit sa akin.

Kahit nga ang inay ko ay nakikiloko rin kay Basti. Paano, nakikita niyang sweet na sweet sa akin si Basti. Lagi akong dinadalaw, minsan iniimbitahang doon kakain sa kanila kahit walang okasyon, at kapag may kung anu-anong bagay o pagkain na mayroon siya o sila sa bahay nila, binibigyan ako niyan. At lalo na, nakikita ng inay ang paglalaba ko sa mga damit ni Basti.

“Basti, kung magkakatuluyan kayo ni Julie…” July kasi ang pangalan ko ngunit dahil kilos babae nga, Julie ang tawag sa akin ng inay, “Ok lang sa akin. Matutuwa pa ako.” Ang biro ng inay kay Basti isang beses na naglalaba kami at si Basti naman ay naroon sa harap ko, hinintay akong matapos dahil magpatulong na gawin ang project namin.

“Inay naman eh! Nakakahiya kay Basti!” ang pagmamaktol ko pa. Syempre, naiinis ako kasi wala naman sa isip ko ang ganoon. Atsaka ano ba iyan, “mayroon ba talagang lalaki at bakla na nagkatuluyan?” sa isip ko lang. Pero, siguro sadyang totoo ngang matinik ang instinct ng mga ina. Marahil ay nakikita ng inay na sa ka-sweetan ni Basti sa akin ay hindi malayong hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya.

Tiningnan ko si Basti na ngingiti-ngiti lang, nakatingin sa akin at iginuri-guri ang kamay sa hinahawakang kahoy. Hindi ko lang alam kung ano ang nasa isip niya.

“Hmmm. Anak, kung si Basti, botong-boto ako. Kahit ang itay mo, walang tutol kapag si Basti ang magkatuluyan mo. Ano ba ang problema kay Basti? May hitsura, matangkad, mabait, matalino...” At baling kay Basti, “Di ba Basti?”

Tinangnan ko si Basti na lalo pang lumaki ang ngiti at tila namumula na ang mukha.

“Inay naman ehhhh! Arrgggghhh!” ang sigaw ko na sa sobrang pagkainis ang labada ko ay halos ihambalos ko na lang sa palanggana. At tutulis na ang nguso ko niyan, hindi na iimik sa sobrang inis.

Iyan ang aking inay. Tanggap naman niya ang aking pagkatao at pati ang itay ko ay kahit hindi nagsasalita, ramdam kong wala siyang tutol kung ano man ang gusto kong gawin sa buhay. At hindi lang iyan, inamin talaga sa akin ng inay isang beses na sinabi daw sa kanya ng inay ni Basti na kapag ako ang makatuluyan ni ng anak nilang si Basti, wala rin daw silang tutol. At ang itay pa nito ang magtayo ng kubo para sa amin ni Basti sa tabi ng bahay nila. Pero, hindi ko na ito sineryoso. Ang alam ko, lokohan at biruan lamang ang mga salitang lumalabas sa bibig ng mga tao kapag kami ni Basti ang pinag-uusapan.

Si Basti naman, wala lang sa kanya ang mga ganoong biro. Tuloy naisip kong “Ano ba ‘to? Abnoy yata itong tao na to? Imbes siya na lalaki ang magalit na ini-rireto sa bakla, ako itong nagagalit at siya ay nakikitawa pa na parang gago! Baliktad!”

Minsan sa eskuwelahan, may isang grupo ng kalalakihang nambully sa akin. Sinisigawan ako ng bakla, bading, abnormal, at ginagaya ang paglalakad at pagsasalita ko. Hanggang ang isa sa kanila ay lumapit sa akin at sinambunutan ako.

Nakita ni Basti ang lahat. Galit na galit siyang nagtatakbo palapit sa kinaroroonan ko, “Mga tol…magsuntukan na lang tayo. Ako ang harapin ninyo!” sigaw ni Basti sa kanila.

Nagtawanan silang lahat at ang sabi ng isa, iyong nanambunot sa akin, “Jowa mo ano?”

At doon sinunggaban ni Basti ang kuwelyo ng estudyanteng nagsalita sabay bitiw ng isang malakas na suntok sa mukha. At ang sunod na nangyari ay karambola. Isa, laban sa apat. At nakita ko na ang dugong tumagos sa ilong ni Basti, ganoon din ang mga kalaban niya at ang isa ay lugmok sa lupa sa lakas ng tadyak sa kanya habang patuloy pa rin ang kanilang pagsusuntukan. Hanggang sa isa-isang nagtatakbuhan ang mga kalaban ni Basti. “Mga duwag!” ang pahabol na sigaw ni Basti.

Nang humarap sa akin si Basti, kitang-kita ko ang dugo sa kanyang ilong, at putok ang kanyang labi. Hindi ko alam ang gagawin. Natulala na lang ako samantalang siya ay nanggalaiti pa rin sa galit.

Dinala ko siya sa may gripo sa likod ng eskuwelahan kung saan naroon ang mga plot namin na taniman ng mga petsay. Pinaupo ko siya sa bangkong kahoy sa lilim ng punong mangga habang kinuha ko naman mula sa aking bag ang dala-dala kong hand towel at binasa ko iyon.

“Arekoppppp!!!” ang daing niya nang lumapat ang basang hand towel sa kanyang mukha sa paglilinis ko sa dugo.

“Ikaw kasi… pinatulan mo pa sila.” Ang paninisi ko pa sa kanya.

“Bakit papayag ba akong apihin ka nila?”

“H-hindi naman ako nasaktan eh.” Ang pangangatuwiran ko pa.

“Anong hindi? Nakita ko kayang hinablot ang buhok mo!”

Hindi na lang ako umimik. Totoo naman kasi.

“Sabi ng iyong inay sa akin ay hindi raw kita pababayaan. Kaya hindi ako papayag na saktan ka kahit ninuman. Kahit mabugbog man ako, kahit patayin man nila ako sa suntok, gagawin ko iyan, huwag ka lang masaktan.”

Maluha-luha ako sa sinabi na iyon ni Basti. First year high school kami noon, labing dalawang taong gulang lang at walang kamuwang-muwang ang puso sa larangan ng pag-ibig. Doon nagsimula ang lihim na paghanga ko sa kanya.

Ewan kung in-love ba ako. Ang alam ko lang ay nalulungkot ako kapag hindi ko siya nakikita, hindi nakakasama, lalo na kapag ganyang walang pasok. Pero kapag kasama ko naman siya, sobrang saya ko. Iyon bang feeling na secured na secured ka; na tila walang kahit sino man ang maaaring mang-api sa iyo dahil may isang lalaking dedepensa sa iyo, at walang kahit anong malas na sisira sa iyong araw dahil kahit masasadlak ka sa isang mahirap na sitwasyon, magiging maayos din ang lahat dahil nandyan siya na gagawin ang makakaya upang hindi ka mapahamak.

Ngunit inililihim ko ang naramdaman ko. Una, hindi ko naman kasi alam kung ano iyong nagpatuliro sa aking isip, kung bakit ako kinikilig kapag ganyang kasama siya, kausap siya, kapag inaakbayan ako, o iyong simpleng kunin niya sa kamay ko kapag may kung anu-anong gamit na bitbit ako habang naglalakad kami. Sa sarili ko, baka naghanap lamang ako ng pagmamahal ng isang kapatid na lalaki dahil nag-iisa lang akong anak. Kaya siguro nasasabik ako palagi sa kanya.

Atsaka, kung talagang pagmamahal nga ang naramdaman ko para kay Basti, alam ko ring hindi maaaring mangyaring magiging kami dahil si Basti ay alam ko, isang lalaki. At kung sakali mang darating ang puntong maghanap na siya ng katuwang sa buhay, sigurado akong babae ang hahanapin niya, hindi isang bakla na katulad ko.

Iyan ang nakakalitong naramdaman ko kay Basti. Ngunit tiniis ko pa rin ang lahat. Sa loob-loob ko ko, kapag pilit kong iwinaglit ang naramdaman kong iyon para sa kanya, mawawala rin ito. Mapapagod ang isip ko, magiging manhid, mauumay.

Hanggang sa umabot kami sa third year high school. Ngunit taliwas sa inaakala ko, hindi ako naumay sa kanya. Hindi nawawala ang naramdaman ko. Hindi nagiging manhid ang puso ko. Bagkus patindi pa nang patindi ang naramdaman ko para sa kanya.

“Ang ganda ni Rose no?” ang sambit niya sa akin isang araw nang nakasakay na kami sa pumpboat pauwi sa isla. Si Rose kasi ay transferee ng eskuwelahan at sa araw na iyon lang pumasok.

Mistulang tinusok ang puso ko sa aking narinig. Iyon bang ang panakakinatatakutan mong araw ay dumating nang bigla at hindi mo namalayan; na hindi ka handa. At tila madudurog ang puso mo sa tindi ng sakit. “C-crush mo ba siya?” ang tanong ko, hindi ipinahalatang nasaktan ako.

“Oo eh…”

“E di… ligawan mo siya. 15 years old ka na kaya, puwede na.” ang sambit ko pilit na pinalakas ang sarili bagamat ang dibdib ko ay halos sasabog na sa sobrang hinanakit.

“Sana papayag siya.”

At sa sagot niyang iyon, hindi ko na napigilan ang mga luhang bumagsak sa aking mga mata. Inilingon ko na lang ang aking paningin malayo sa kanya at lihim kong pinahid nang patago ang aking mga luha sabay sagot ng “Malay natin…” at hindi na ako nagsalita pa.

Doon ko napagtanto na umibig nga ako kay Basti. Kasi, sa isip ko, kung kapatid lang ang turing ko sa kanya, hindi naman siguro manggalaiti sa pagtutol ang aking kalooban kung may napupusuan ang isang kapatid.

Sa gabing iyon ay hindi ako dalawin ng antok. Nag-iiyak ako at nagagalit sa aking sarili kung bakit ko pa naramdaman ang ganoon kay Basti.

Iyon ang simula ng aking kalbaryo.

Kinabukasan, tumungo ako sa dalampasigan. Dating gawi, iyong magmumuni-muni ako, nangangarap na sana ay naging isang ganap na babae na lang ako at si Basti nga ang aking mahal at liligawan niya ako. At sa ganoong sitwasyon na botong-boto ang inay at itay ko sa kanya, wala na sanang problema ang lahat. Wala na akong nagawa kundi ang umiyak nang umiyak.

Nang napagod na ako sa kaiiyak, tumayo ako ay isinulat sa buhangin ang, “Malungkot ako… Bakit naging ganito ang buhay ko? Bakit naging ganito ang pagkatao ko? Sana naging buhangin na lang ako, o dalampasigan, o dagat…” At kapag nabubura ng mga alon ang aking mga isinusulat, uulitin ko ito. 

Tapos, isinulat ko naman ang “I Love You, Basti!” at kagaya ng nauna, paulit-ulit ko rin itong isinulat habang ang mga alon naman ay tila nag-uunahang burahin ang isinulat ko.

Hanggang sa napagod ako at naupo sa isang puno ng natumbang niyog at pinagmasdan ang unti-unting pagbura ng mga alon sa huling isinulat ko sa buhangin.

Simula noon, pilit kong iwinaksi sa aking isip si Basti. Kahit sa eskuwelahan, kapag kainan na, hindi ko na siyan hinihintay pa. Mauna na akong kakain at kapag dumating na siya, ibigay ko na lang sa kanya ang kanyang baon. Ako kasi ang tagatago ng baon namin. Siya ang nagdadala nito habang naglalakbay kami patungo sa eskuwelahan at kapag nasa school na, ako na ang magtatago. Ako rin ang maghugas sa lagayan ng pagkain at ulam.

“Ay hindi ka pa kumain Basti! Buti naman kasi hindi pa rin ako kumain eh!” ang biglang pagdating naman ng Rose na tumabi pa talaga kay Basti, dala-dala ang masasarap na pagkaing nabili sa canteen. Ang mga baon lang kasi naming ulam ni Basti ay kadalasan piniritong isda o iyong pinaksiw kundi man ay tuyo at bagoong na nakabalot pa sa dahon ng saging. At kamayan kami kapag kumain.

“Eh… s-sige. S-sabay na tayo.” Ang sagot naman ni Basti.

“Share tayo ng ulam ha?”

“Ay nakakahiya… tuyo lang ang ulam namin ngayon.”

“Ayos lang iyan. Masarap nga ang tuyo eh.” At nang mapansin ako ni Rose na walan gimik sa isang tabi, “Si Julie kumain na ba?”

“Sige… sige kayo na lang. Tapos na ako eh. Pupunta pa ako sa library.” Ang pangangatuwiran ko na lang sabay tayo at umalis na mabigat ang kalooban.

Ang sakit. Sobra. Parang sa punto pa lang na iyon ay nawalan na ako ng ganang mag-aral.

“Ano ba ang nangyari sa iyo, Julie! Kanina sa tanghalian, nauna kang kumain, at sa laro ko naman, wala ka sa basketbolan” ang sambit ni Basti nang nahanap niya ako sa likod ng eskuwelahan, sa may garden plots namin. Doon kasi ako nagmumuni-muni dahil walang tao. Hindi rin kasi ako nanuod ng basketball gawa ng naroon din si Rose at tila nagpapakitang gilas pa siya sa babae.

Nakahubad siya pang-itaas gawa nang katatapos pa lamang nilang maglaro ng basketball. Kapag ganoon kasi, dapat ay nasa gilid lang ako ng court, nakamasid sa laro nila at kapag natapos, lalapitan na niya ako at itatanong sa akin kung maganda ba ang laro niya, kung nagustuhan ko ang mga shoots at layout niya at ako naman ay parang gago na pupuriin siya. At habang masaya kaming nagkukuwentuhan, kunin niya ang t-shirt niya, o t-shirt ko na nasa bag upang iyon ang isuot niya habang ibigay sa akin ang basa niyang suot at ilalagay ko naman ito sa plastik upang isali sa mga labahan ko sa bahay. Minsan din, magpapapunas pa siya ng kanyang likod bago magsuot ng damit. “Akin na nga ang t-shirt?!” ang padabog na sambit niya sabay abot sa aking bag. Ibinigay rin niya sa akin ang kanyang basang t-shirt.

Wala na rin akong imik. Ano ba ang sasabihin ko. Isinilid ko na lang sa plastic ang kanyang basang t-shirt at hinawakan ko naman ang bag na inabot na niya matapos makuha ang t-shirt na nandoon at isinuot niya.

At kahit sa pagsakay na namin ng pumpboat nang umuwi na kami pabalik sa isla, hindi na rin ako tumabi pa sa kanya. Gulong-gulo ang isip ko. Iyon bang sa kaloob-looban mo ay sabik kang makatabi siya, makausap ngunit ang isip mo ay tumututol at naiinis sa iyong sarili dahil nasaktan ka kung bakit iyan ang naramdaman mo para sa kanya at lalo na, hayan… may crush pa siyang babae at alam mong lalo ka lang masaktan dahil talo ka, hindi kayo maaaring magkatuluyan.

Nang dumaong na ang pumpboat sa isla, doon na niya ako tinanong. Dire-diretso na sana ako sa bahay nang hinawakan niya ang aking kamay. “Puwede ba tayong mag-usap?”

Nagulat man, huminto ako. “A-ano ba ang pag-uusapan natin?”

“Ikaw. Bakit ibang-iba ka na?”

“Ano ba ang ipinagbago ko?”

“Hali ka nga rito…” habang hinatak niya ako patungo sa isang lilim ng kahoy at pinaupo niya ako sa isang bangko. “Ikaw… hindi ka naman ganyan dati eh. Bakit ngayon ni ayaw mong makipag-usap sa akin? Bakit hindi ka na sumasabay sa akin sa pagkain? Bakit hindi ka na nanunuod sa paglalaro ko ng basketball?”

“Iyan lang ba ang pinoproblema mo?”

“Julie naman… may nagawa ba akong kasalanan sa iyo? Magsalita ka naman o. Ayaw ko nang ganito. Sabihin mo naman kung may nagawa akong kasalanan. Mag sorry ako. Please.”

Tila naantig din ang puso ko sa inasta niyang iyon. Mabait naman talaga si Basti. Ngunit ano ba ang sasabihin ko? Hindi naman puwedeng sabihin kong dahil mahal ko siya at nagseselos ako kung kaya ay hindi ko maintindihan ang aking sarili. “W-wala. Ano ka ba. May problema lang ako.” Ang sagot ko na lang.

“May problema ka? Bakit hindi ko alam? Di ba lahat ng problema mo sinasabi mo naman sa akin. At ako, di ba sinasabi ko rin naman sa iyo ang mga problema ko? Di ba sabi ko sa iyo, tayo ang magkakampi? Bakit hindi mo masabi iyan sa akin? Ano ba iyan? At ano ba ang kaibahan ng problema mo dati sa problema mo ngayon?”

“Eh…” ang nasambit ko lang. Totoo naman kasing sinabi niyang magkakampi kami at magtulungan sa lahat ng mga problema. “S-sasabihin ko rin naman sa iyo eh. P-pero hindi pa ngayon Basti.”

“O sige… pero ayaw na ayaw kong iiwasan mo ako. Puwede ba? Kagaya pa rin tayo ng dati. Palagi pa rin tayong nagsasama, sabay na kumain, sinasamahan sa basketball court. Puwede ba?”

“B-baka hindi na…”

Pansin ko kaagad ang pagsimangot ng kanyang mukha. “Ang labo naman nito! Ano ba talaga ang problema mo? Tangina magagalit na ako sa iyo nito eh!”

“E di magalit ka.”

At iyon, tumalikod na siyang nagdadabog. “Ang labo!”

Alam ko, nagtampo sa akin si Basti. Simula kasi noon, hindi na rin niya ako inimik. Kanya-kanya na kami ng dala ng aming mga gamit. At para kaming hindi magkakilala. Kapag ganyang nagkasabay kami sa pagsakay sa pumpboat, iiwas siya sa akin. At sa eskuwelahan naman, hindi na kami nagsasabay sa pagkain. Minsan nag-iisa siya, minsan, si Rose ang kasama niya.

Ang saklap. Iyong mga nakagawian namin ay hinahanap-hanap ko. Iyong kuwentuhan namin, harutan, iyong pagpapahid ko sa likod niya kapag ganyang tapos na siyang maglaro ng basketball, iyong paglalaba ko sa damit niya, iyong pagdadala niya sa mga gamit namin, at iyong pagpoprotekta niya sa akin. At ang masaklap pa, ay kapag nakikita kong nag-uusap sila ni Rose na tila ang saya-saya nilang dalawa. Lalo na kapag ganyang humahagalpak talaga ang ingay ng mga tawa nila. Nakakainggit. Hindi ko tuloy maiwasan na makapag-isip ng masama; na sana ay hindi na lang ako isinilang o di kaya ay sana bulag at bingi na lang ako upang hindi ko makita at marinig ang kasayahan nila. Parang feeling ko ay sinadya nilang inggitin ako.

Hanggang sa dumating ang araw ng graduation. Wala pa rin kaming batian ni Basti. Isang napakalaki at napakahalagang pangyayari sa aming buhay ngunit ang aking best friend ay hindi ako binati, hindi ko rin maaaring batiin dahil sa sakit na dulot ng aking damdamin. Ewan, sadyang malalim lang siguro ang sugat na dulot ng pagmamahal ko sa kanya. At imbes na sumali sa munting salo-salo ng inihanda ng aking mga magulang, kumain lang ako sandali kasama sila atsaka nagpaalam na pumunta ng dalampasigan upang doon ay maligo. Ngunit ang tunay na pakay ko talaga ay ang magmuni-muni, umiyak, makalimot. Doon, halos ilunod ko na ang aking sarili sa dagat sa matinding lungkot. At habang naliligo ako, dinig ko naman ang ingay ng tawanan at kuwentuhan sa banda ng bahay nina Basti. Siyempre, may selebrasyon din sila, may mga bisita. Valedictorian kaya si Basti. Sa isip ko lang, siguro ang saya-saya ni Basti sa sandaling iyon. Nakatapos na nga siya at nakuha ang pinakamataas na honors, may Rose pa siya sa buhay niya.

Mitulang sinaksak ng maraming beses ang aking puso. Napakasaklap talaga kung magbiro ang tadhana. Ako na bakla na nga, ako pa itong talunan. Ang lahat ng tagumpay ay naroon kay Basti. Panalo na nga siya sa top honors, panalo pa rin siya sa pag-ibig.

Sa gabing iyon, wala akong ginawa kundi ang umiyak nang umiyak.

Sa pagdaan ng ilang araw, napag-alaman kong ipagpatuloy daw ni Basti ang pag-aaral sa isang unibersidad sa karating na syudad. Mas malayo siya kaysa paaralan namin noong high school at kung kaya ay magbo-boarding house daw siya roon at paminsan-minsan na lang ang pag-uwi. Lalo naman akong nalungkot. Ako kasi ay hindi makapagpatuloy ng pag-aaral gawa ng walang pera ang aking mga magulang upang itustos sa aking pag-aaral. Bagamat ako ang first honorable mention sa graduating class namin, one-fourth lang ang scholarship na matatanggap ko. At hindi pa rin kaya ng aking mga magulang ang gastusin. Hindi kagaya ni Basti na valedictorian, buo ang scholarship niya. Kaya lalo pa akong nalungkot. Bigo na nga ako sa pag-ibig, hanggang high school din lang ang aking matatapos.

Ilang araw na lang at aalis na si Basti upang mag-aral na sa College. Tumungo uli ako sa dalampasigan. Lungkot na lungkot ako at kagaya ng dati, ipinapalabas ko ang aking saloobin sa pag-iyak, pagmumuni-muni, at pagsusulat sa buhangin. Mga alas tres na sa hapon iyon, walang katao-tao sa dalampasigan. Sinariwa ko ang mga tagpong kapag naabutan ako ni Basti doon at nagsusulat, nakikisulat na rin siya. Hanggang sa magiging sagutan na ang aming mga isinusulat sa buhangin.

“Ano ang tawag sa taong walang mata?” ang minsan ay isinulat niya sa buhangin.

Sinagot ko, “May ganoon ba?”

Siya, “Mayroon!”

Ako, “Ano?”

Siya, “E, di abnoy! Abnormal.” Sabay tawa nang malakas.

Natawa na rin ako. Hindi dahil sa biro niya kundi ang naalala kong minsan ay tinawag ko siyang abnoy nang nagalit ako. At simula noon, abnoy na ang tawag ko sa kanya kapag naiinis ako sa kanya. Inis na inis siya kapag ganoong ina-abnoy ko siya. Pero hindi naman niya ako sinasaktan. Never ko pang naalala na sinaktan ako ni Basti. Kahit sa pananalita, wala akong naalala na inaway niya ako o pinapagalitan. Kahit nagagalit ako sa kanya, tahimik lang siya at kapag sa tingin niya ay hindi na ako galit, saka lang siya magsasalita, at siya pa itong manghingi ng sorry.

Ako naman ang nagsulat. “Ano ang tawag sa gagambang nakatihaya sa lupa?”

“Ano?” sagot niya sa sulat sa buhangin.

“E di patay na gagamba! May gagamba bang nakatihaya?” ako naman ang tawa nang tawa sa kanya

Tumingin siya sa akin. Hindi ipinahalatang natawa siya sa biro ko. Siya naman ang nagsulat. “Ano ang tawag sa taong sagot nang sagot sa tanong ko?”

Ako, “Maganda!”

Napalingon siya sa akin at tinitigan ako sabay bitiw ng nakakaloko at nang-iinis na ngiti.

“Bakit? Mali ba ang sagot ko?” Sambit ko

“Hmm. Pag-iisipan ko.” Sagot niya at nagsulat na naman. “Ano ang tawag sa taong nagsulat ngayon?”

At doon ko na siya sinagot ng pang-aasar, “Abnoy!” sabay tawa at karipas ng takbo.

Doon na niya ako hinabol. Todo takbo ko upang hindi niya maabutan. Ngunit sadyang sanay sa pisikal na gawain at mabilis siyang tumakbo kung kaya ay naabutan din niya ako. At nang nahablot niya ang aking kamay, nagpagulong-gulong kami sa dalamapasigan, tila dalawang magkasintahan na pag-aari ang mundo. Nang napagod na, hindi na ako gumalaw, nakatihaya habang nakapatong naman siya sa aking katawan. “Ano sinong abnoy? Sinong Abnoy?” ang tanong niya.

“Ikaw”

At habang ila-lock niya ang katawan ko sa bibgat niya, walang humpay niya akong kikilitiin. Alam niya kasing iyon ang weakness ko. Lalo na sa kilikili ko. Magsisigaw na ako niyan, magtatawa nang malakas. Hanggang sa ang isasagot ko na ay, “Ayoko na! Ayoko na Bastiiiii! Hahahahahahahaha!”

“Sino ngayon ang abnoy?” tanong niya uli bago niya ako pakawalan.

“A-ako! Ako na ang abnoy!!!”

At iyon, tititigan niya ako na tila ba lalamunin niya ang buo kong pagkatao sa kanyang pagtitig. Kung hindi nga lang nakakahiya at nakakatakot, parang gusto ko nang hablutin ang ulo niya upang maglapat ang aming mga labi at sisiilin ko siya ng halik. Ngunit hanggang doon na lang iyon. Magpi-freeze lang kami ng ilang saglit magtitigan at pakawalan din niya ako.

Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. Tila isang pelikula ang pagflashback ng mga masasayang tagpong iyon ng aking alaala.

Tumayo ako at naisipang magsulat sa buhangin, “Basti… mami-miss kita. I Love You very very much!”

Paulit-ulit ko itong sinusulat habang paulit-ulit din ang pagbura ng mga alon sa mga isinusulat kong iyon. Nang napagod na ako, naisipang kong gumawa ng malaking sulat sa buhangin, nilaliman ko pa ang pag-ukit nito. “BASTI… MAMI-MISS KITA. I LOVE YOU VERY, VERY MUCH!”

At dahil malaki siya, hinayaan ko na lang ito sa dalampasigan. Sa isip ko ay mabubura rin naman ito ng mga alon. Umuwi na ako.

Kinagabihan, laking gulat ko nang tinawag ako ng inay. “Julie! Lumabas ka d’yan! Narito si Basti!”

Nagulat naman ako. Di ko kasi akalain na hanapin pa niya ako. Ramdam ko ang malakas na pagkabog ng aking dibdib. Nang nasa bungad na ako ng aming bahay, nakita ko kaagad si Basti na nakatayo roon nakaharap sa akin, ang mukha ay seryoso, tila galit.

“Halika…” ang sambit niya habang tinumbok ang dalampasigan.

Nag-atubili man ang isip, binuntutan ko siya.

Nang nakarating na kami sa baybayin, itunuro niya sa akin ang buhangin. “Ano iyan…?”

Laking gulat ko naman sa aking nakita. Ang isinulat kong “Basti… mami-miss kita. I Love you very, very much!” ay naroon pa rin. Nalimutan kong nagsimula na pala ang low-tide ng sandaling sinulat ko ang mga iyon kung kaya ay hindi na nabura ng mga alon.

“Eh… A-ano ba iyan? Hindi ko mababasa?” ang pagkukunyari ko habang hindi naman magkamayaw ang utak ko sa matinding kahihiyan.

“Hindi mo nababasa? Pwes babasahin ko para sa iyo, ‘Basti… mami-miss kita. I Love you very, very much’ Ano tama ba?”

“Ewan ko sa iyo!” ang sigaw ko. “At iyan lang ba ang dahilan kung bakit mo ako dinala rito? Upang basahin sa akin iyang mga nakasulat sa buhangin na iyan?”

“Di ba ikaw lang naman ang mahilig magsulat sa buhangin dito?”

“Ay malay ko ba kung mayroon na ring ibang natuto at nagkagustong magsulat!” ang mataray kong sagot.

“Di ba ikaw lang naman ang nagpupunta sa bahaging ito ng dalampasigan?”

“Aba’y malay natin kung may mga nagkagusto na ring iba! Bakit, pag-aari ko ba ang bahagi ng dalampasigang ito? Sa akin ba talaga nakapangalan iyan?”

Aalis na sana ako nang bigla niyang hinawakan ang aking panga at inilapit iyon sa mukha niya. Halos magdikit na ang aming mga mukha. “Sabihin mo nga ang totoo, Julie. Mahal mo ba ako?”

“Ano ba Basti! Nasasaktan ako!” ang sigaw ko sabay kalas sa pagkahawak niya sa aking panga. At Tumalikod ako nagmamadaling umalis.

Nakailang hakbang na ako mula sa kanya nang, “Hindi mo lang ba basahin ang sagot ko sa sulat mo sa buhangin?”

Bigla akong napatigil. Humarap muli ako sa kanya.

Hawak-hawak ang isang sanga ng kahoy, nakayuko siya at nagsusulat sa buhangin.

Hinintay kong matapos ang sinulat. Nang matapos na, saka ko binasa, “Kung aaminin mong ikaw ang nagsulat sa buhangin, hindi na ako tutuloy pa sa pag-aaral.”

Napatitig na lang ako sa kanya. Sobrang nagulat talaga ako sa aking nabasa, nagtanong ang isip ng, “Bakit?”

“Ano… aaminin mo ba?” ang tanong niya.

Malakas ang udyok ng utak ko na aminin na lang ang lahat. Subalit bigla ring sumingit sa aking utak si Rose at ang pagiging close nila sa isa’t-isa. Kaya ang ginawa ko ay bigalang tumalikod na lamang sabay sabi, “Ang kulit mo! Hindi ako iyon!” at tuloy-tuloy na nagtatakbo na ako palayo sa dalampasigan.

Araw ng pag-alis ni Basti. Hindi na ako mapakali. Alam ko, kapag nakaalis na siya, malamang na matagal pa siyang bumalik sa isla. Pakiwari ay sasabog ang aking dibdib sa sobrang lungkot.

“Julie! Nasa pumpboat na si Basti! Ipinakisuyong puntahn mo siya at aminin mo raw iyong ginawa mo sa dalampasigan para huwag siyang umalis na masama ang loob sa iyo!” ang sigaw ni inay na nasa labas ng bahay. At bigla ring ibinaba ang boses na tila naintriga sa sinabi, umakyat sa hagdanan at nilapitan ako na nakaupo lamang sa harap ng mesa, “Ano nga ba pala ang ginawa mo sa dalampasigan???”

“Wala ah! Naligo lang ako doon, hindi niya ako nakita.”

“O e… ganoon naman pala. Hala, puntahan mo at ilang minuto na lang, aalis na ang pumpboat, hindi mo na siya maaabutan! Dali!”

Sa totoo lang, hindi ko alam ang gagawin. May naghihilahan sa loob ng aking isip kung pupunta pa ba, pagmasdan ang paglayo ng pumpboat habang damhin ang sakit ng paglayo niya o hayaan na lang na lang siyang lumayo.

Ngunit nanaig pa rin ang kasabikan kong makita siya at kahit sa huling sandali ay masabi ko ang katotohanan.

Dali-dali akong tumakbo patungo sa dalampasigan kung saan naroon ang pumpboat. Subalit nakaalis na pala ito at malayo-layo na ito mula sa dalampasigan. Kumaway ako nang kumaway.

Nakita kong may kumaway din na pasahero ng pumpboat. Alam ko, si Basti iyon. “Basti!!! Ako ang nagsulat sa buhangin!!!” ang malakas kong sigaw na halos puputok ang aking baga at lalamunan sa lakas ng aking pagsigaw. At sinabayan ko pa iyon ng pagturo ko sa sarili upang kahit hindi niya marinig, malaman niyang ako.

“Ano???” ang tila may narinig kong sagot. Malayo na kasi sila at hindi ko na alam kung tama ang narinig ko.

At sumigaw pa rin ako. “Ako ang nagsulat sa buhangin!!!” Iyon na ang huling na sigaw ko.

Akmang tatalikod na sana ako upang bumalik sa bahay nang may narinig naman akong nagsisigawan. Nilingon ko ang dagat. At doon ko nakitang ang nagsisigawan pala ay ang mga pasahero nito, ang lahat ay nakatingin sa isang taong lumalangoy patungo sa dalampasigan.

Tila nakakabingi ang kalampag ng aking dibdin nang maaninag ko sa malayo kung sino ang taong iyon. “S-si Basti!!!”

Para akong maluha-luha sa ginawa na iyon ni Basti na halos hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan habang pinagmasdan siyang lumangoy palapit sa akin. At nang nakaahon na siya sa dagat at naglakad na patungo sa akin, basang-basa at kitang-kita ko pa ang basa ring strap ng kanyang knapsack na nakalamiting sa kanyang likod. Hindi ko na napigilan pa ang pagpatak ng aking mga luha.

“Hi…” ang sambit niyang seryoso ang mukha.

“H-hi…” sagot ko rin.

Yumuko siya. Gumawa ng sulat sa buhangin gamit ang kanyang daliri. “Mahal din kita Julie… hindi na ako tutuloy pa. Magsama na tayo rito sa isla.”

Napangiti ako. Siguro, iyon na ang pinakamasarap na salitang nabasa ko. “P-paano si Rose?” sambit ko.

“Si Rose? Bakit si Rose?” ang sagot din niya.

“Di ba girlfriend mo siya?”

“Sinong may sabi?”

“Ako. Di ba crush mo siya?”

“Oo. Di ba maganda naman talaga siya? Ikaw ba hindi nagandahan sa kanya?”

“N-nagandahan...”

“O, e di... crush mo rin siya. Niligawan mo ba siya?”

“H-hindi.”

E, di pareho tayo. Hindi natin siya niligawan.”

Napatitig na lang ako sa kanya.

“May boyfriend si Rose, Julie at anak rin ng family friend nila. At arranged ang relasyon nila pati ang pagpapakasal nila kapag nagtapos na sa pag-aaral. Pareho kasing intsik ang mga magulang nila. Pero mahal niya ang boyfriend niya...”

Yumuko ako at kinumpirma ang isinigaw ko sa kanya sa dalampasigan, “Ako nga ang nagsulat sa buhangin. At ano naman ang drama mo? Bakit ka pa lumangoy, puwede namang bumalik ang bangka at ihatid ka sa dalampasigan?” tapos nakangiting tiningnan ko siya. Iyong ngiting may bahid na pang-aasar.

Natawa siya. Yumuko at nagsulat muli sa buhangin, “Ano ang tawag mo sa taong sagot nang sagot sa tanong ko?”

Sagot ko, “Maganda.”

Sulat uli niya, “Ano ang tawag mo sa taong nagsusulat ng tanong?”

“Abnoy!”

At doon na kami naghahabulan… hanggang sa naabutan niya ako at nagpagulong-gulong kami sa buhanginan. “Sino ang Abnoy?!”

“Ikaw!”

At katakot-takot na kiliti ang pinakawalan niya sa akin hanggang sa ako na mismo ang sumigaw ng “Ayoko na Bastiiii! Ayoko naaaa! Hahahahahahaha!”

“Hindi iyan ang gusto kong marinig, Hindi iyan…” sambit niya habang patuloy pa rin ang pagkilit sa akin.

“Sige… Ako na ang Abnoy! Ako na ang Abnoyyyyy!”

At doon na siya nahinto. Tinitigan niya ako.

Nagtitigan kami. Sa isip ko inukit ang mga detalye at anyo ng kanyang mukha, makikinis na balat, ang kanyang tila nangungusap ng mga mata, ang makakapal na kilay, ang matangos na ilong, ang mga mapupulang labing tila nanunukso. Noon ko lang napagmasdang maigi ang kanyang mukha. Pati ang maliit na peklat sa kanyang noo na ayon sa kanyang kuwento ay sanhi ng pagkauntog niya sa bato habang duma-dive sa isang malalim na bahagi ng dagat ay noon ka rin napansin.

“Kung ikaw ang Abnoy, ano naman ako?” tanong niyang pagbasag sa katahimikan, ang boses ay halos pabulong na habang nakapatong pa rin sa aking katawan, ang kanyang mga mata ay tila nangungusap, dinig na dinig ko pa ang habol-habol naming paghinga.

“G-guwapo…” sagot ko ring pabulong.

At pagkatapos kong banggitin iyon, naalimpungatan ko na lang ang paglapat ng aming mga labi. Naghalikan kami. Mapusok, nag-aalab, sabik na sabik sa isa’t-isa na tila wala nang bukas pang darating.

At sa gitna ng dilim, una kong nalasap ang sarap ng pagmamahal ni Basti. Doon, sabay naming pinakawalan ang nag-aalab at nag-uumapaw na pagnanasa namin sa isa’t-isa.

J

9 comments:

  1. Wow ang cute ng story :)
    More plss

    ReplyDelete
  2. kakakilig naman. dapat pagpatuloy mo pag-aaral para s future nyo diba.

    rhon

    ReplyDelete
  3. Ang cute neto! Napa-smile naman ako.

    Ahrael

    ReplyDelete
  4. Kung ganito lang kasimple ang mga male-to-male relationships... pero hindi.

    ReplyDelete
  5. "ang cute.. ang sarap lang magmahal..."

    ReplyDelete
  6. It has simple, has a nice setting and a sweet ending.

    If Basti did continue his studies, that would've made the story longer and more complex (that is, if the author wanted it to be detailed. HAHAHA) and hence, no longer a short story. Also, it was said that Basti's parents fully support them and that the father of Basti will be the one to take care of the matters on the construction of their house if they'd end up together. So I guess their future from that point is okay already and add to the fact that July/Juelie's parents are both okay with them being together.

    The story really did make me smile. :) It was simple, not too short (though some authors take the term "short story" literally as it is), not too complex and can easily be visualized by one's imagination.

    GREAT JOB MR. AUTHOR! MORE! :)
    GO LANG NG GO!

    - Jay!:)

    ReplyDelete
  7. wow.... napadaan ako dito hehehe...

    ganda.... ^^

    ReplyDelete
  8. Bakit putol?
    Nabasa ko na ito,.nagkaanak si baste at naputol yung paa nya.
    Tapos naging succesful si jullie particular sa kanilang isla,.and nagkatuluyan din sila
    Ni basti sa huli..Ganun yung nabasa ko.

    ..breaille lance

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails