Followers

Monday, September 30, 2013

DATI 3


By Aparador Prince


DATI – Part 3

Nakarating na si Arran sa harap ng condo ni Uno. Hinanap pa niya sa bag niya ang susi ng unit nito, minsan na kasing binigyan ni Uno ng duplicate si Arran, madalas din naman kasi itong magpunta sa condo niya.

Tumatango at ngumingiti lang siya sa mga staff na nakakasalubong niya. Nakilala na rin nila si Arran sa madalas na pagpunta nito, ngunit barkada lang ang pakilala ni Uno sa kanya. Naiintindihan naman ni Arran na kailangan din protektahan ni Uno ang reputasyon nito.

Tinungo niya ang elevator at dumirecho ng 8th floor. Habang lulan siya ng elevator ay bigla lang niyang naalala na dapat pala siyang magpaalam muna kay Uno, naisip niyang hindi magandang ugali ang basta na lang papasok sa bahay ng ibang tao. Tiningnan niya ang cell phone niya ngunit wala itong signal na nasasagap.

“Badtrip naman.” Mahinang usal ni Arran habang naglalakad papunta sa unit ni Uno. Dahan dahan niyang pinihit ang door knob matapos susian ang pinto. “Uno?” tawag niya, ngunit walang sumasagot. Siguro may pinuntahang event, naisip niya.

Naglakad siya papasok, napansin niya ang mga nakakalat na mga damit sa sala. Sinimulang pulutin ni Arran ang mga damit nang mapansin niyang maliit ang isang polo shirt na nadampot niya. Sa taas na 5’11” at sa gym-fit na katawan ni Uno, malabong magkasya ang XS na damit sa kanya.

Agad na binitawan ni Arran ang mga damit at umakyat sa kwarto ni Uno. Tama ang hinala niya nang buksan ang pinto – si Uno, hubo’t hubad at may kalingkisang ibang lalaki.

Tila napako siya sa kinatatayuan niya, habang ang dalawa sa kwarto ay dagling nagbihis. Agad siyang nilapitan ni Uno kahit nakaunderwear pa at bahagyang itinulak. “Bakit kasi hindi ka nagsabing pupunta ka? Ni hindi ka kumatok!” pagalit na saad nito kay Arran.

Lalong natameme si Arran. Hindi niya ine-expect na siya pa ang lalabas na masama sa sitwasyong ito. “I came here hoping to have a companion. It looks like you have one already.” Naramdaman niyang unti-unting pumapatak na ang luha sa mata niya. “I-I’m leaving.” Mahinang sabi ni Arran at dali-daling naglakad palabas ng kwarto.

Hinabol siya ni Uno at hinawakan sa balikat. “I’m sorry, Arran. Natukso lang ako. Forgive me, please. Hindi na mauulit.” Malungkot na pakiusap ni Uno. Nanatiling nakatalikod si Arran, hindi kumikilos.

“Hindi na talaga mauulit. And you know what?” Unti-unti siyang humarap kay Uno. Umaapaw sa mata ang mga luha. “You’re a jerk. A big, friggin jerk!” sigaw niya at itinulak ang matangkad na lalaki palayo sa kanya.

“Arran- “

Arran’s lips were forming a bitter smile while looking at Uno. “You know it’s over.” At isinara niya ang pinto ng condo.

Tumakbo na si Arran pabalik ng elevator. Ayaw niyang makita pa siya ng ibang tao na umiiyak, ayaw niyang makita ng ibang tao ang kahinaan niya. Ayaw niyang kaawaan siya ng iba dahil dito.

Nakayuko siyang lumabas ng building at dumirecho kay Brownie. Sa loob ng kotse na niya ibinuhos ang sama ng loob na nararamdaman.

“Peste naman ‘tong buhay na to! Peste kayong lahat!” tangis niya habang iniuuntog ang ulo sa manibela ng sasakyan. Kahit na halos nanlalabo pa ang mata niya sa pag-iyak ay sinubukan na ni Arran na mag-maniobra ng sasakyan sa parking lot.

Habang paakyat ang sasakyan mula sa basement ay wala sa sariling tinanggal ni Arran ang paa mula sa brake ng sasakyan. Sa isang iglap, dumulas si Brownie pababa ng Basement 1 bago tuluyang tumama sa isang parte ng dingding ng parking lot.

Tumama ang ulo ni Arran sa headrest ng sasakyan bago tumama naman sa manibela. Lalong nanlalabo ang paningin ni Arran. May mga taong palapit sa kanya, nagsisigawan… Pero manhid na siya, manhid na sa lahat ng bagay…

Nagising si Arran sa isang kwarto ng ospital, habang nagbabasa ng magazine ang kanyang ina sa isang sofa malapit sa kama. Nang mapansin ni Rina na gising na ang kanyang anak ay dali-dali niya itong pinuntahan, labis na nag-aalala.

“Anak, may masakit ba sa’yo? Diyos ko, anong nangyari?” nagpapanic na tanong ng kanyang ina.

“Okay lang ako mommy. Aksidente lang.” matipid na tugon ni Arran. Luminga-linga siya sa kwarto. “Buti hindi mo isinama si Ashley.” dugtong niya.

“Ayaw na niyang sumama. Ashley said she feels guilty about what she did.” Paliwanag ng ina habang patuloy na tinitingnan ang kalagayan ng anak. Inalalayan niyang makaupo si Arran.

“Serves her right.”

“Arran – “

Napatingin si Arran sa kanyang ina. Bakas sa mata ni Rina na iniisip niya ang naudlot na usapan nila ni Arran bago ito umalis ng bahay kahapon. Umiling na lamang ang binata, “Not now, mom. Ayokong pag-usapan.”

Ginagap ni Rina ang palad ng anak. “Tell me if you’re ready to talk, anak. I’m willing to listen. Teka, nagugutom o nauuhaw ka ba? May kailangan ka?” Sunod-sunod ang tanong ni Rina kay Arran nang mapansin na tumahimik ito. Nirespeto na lamang niya ang desisyon ng anak na huwag na munang pag-usapan ang tungkol sa mga litrato.

Tumango na lang si Arran at lumabas na ang kanyang ina upang bumili ng makakain. Sinamantala naman niya ang pagkakataon para makatawag sa opisina at magfile ng leave. Pinayagan naman siya ng boss niya at sinabing magpagaling upang makabalik sa trabaho as soon as possible.

Nagsagawa ang doctor ng mga tests upang masigurong walang nabaling buto o internal hemorrhage kay Arran. Matapos nito ay pinayagan na siyang i-discharge.

Tahimik lamang si Arran at ang kanyang ina habang nagmamaneho ng sasakyan pauwi sa bahay nila. Hindi alam ni Rina kung ano ang dapat sabihin sa anak na matagal nang natutong maging independent. Siya na lamang ang nagpumilit na tumira sa bahay si Arran dahil nagbabalak na itong bumukod sa kanilang dalawa ni Ashley.

“Si Brownie pala?” putol ni Arran sa pag-iisip ng kanyang ina habang nagmamaneho.

“Nasa shop, matatagalan pa daw bago maayos.” Tugon naman ni Rina na nakatutok sa daan. Sadyang binagalan lamang niya ang takbo ng sasakyan, nangangambang na-trauma ang anak sa aksidenteng nangyari.

Tumango lamang si Arran at muling tumahimik, wari’y nag-iisip. “Gusto kong bumalik sa Laguna.” Ang sunod niyang sinabi pagkatapos.

“Sige, magpagaling ka tapos pupunta tayo ‘dun.”

“Gusto ko sana mamaya na.”

“Pero anak, di ka pa magaling – “

“I need time to think things over, mom. Masyadong maraming nangyari lately. Sa atin, sa akin.” Mahinahong paliwanag ni Arran. Tiningnan siya ni Rina saglit, at tumango.

“Kung ‘yan ang gusto mo, sige. Kaso wala kang tutuluyan doon.”

“Baka may motel, if not hotels or inns. Doon muna ako for a couple of days. A week, tops” Pagpupumilit ni Arran. Talagang hindi na siya mapipigilan sa desisyon niya. Dalawampung taon na ang nakalipas mula nang huli siyang nakapunta sa Laguna, dahil ginugol niya ang panahon niya sa trabaho.

“Kung iyan ang desisyon mo…”

------------------------------------------------------------------------------------------------------

Kakatapos lang manuod ng TV nila Ran-ran at Biboy sa kwarto ng huli. Tuwang-tuwa sila habang pinapanuod ang Jetman, ang bagong superhero series ng Channel 13. Matapos ang palabas ay agad na silang nagkuwentuhan mula sa napanuod nila.

“Sino ang mas magaling, Bioman o Jetman?” tanong ni Biboy kay Ran-ran habang parehong nakaupo sa kama.

“Syempre ang Jetman!” masayang pahayag naman ni Ran-ran. “Ang galing-galing nila, may tumbling pa sila bago suntukin yung kalaban!” dugtong pa niya. Bigla siyang tumayo at sumuntok sa ere. Sinubukan din niyang mag-tumbling ngunit bumagsak lamang siya sa kama at saka tumawa ng malakas.

“Hindi ah, mas magaling ang Bioman! Iba-iba yung gamit nila; may espada, may pana… Yung Jetman puro baril saka espada lang.” pagtanggi naman ni Biboy. Mula sa pagkakahiga ni Ran-ran ay tinulungan niyang bumangon ito.

“Pero ang Jetman, may pakpak! Yung Bioman, wala. Edi mas magaling ang Jetman!” kontra naman ni Ran-ran. Kinuha niya ang mga punda ng unan ni Biboy at ginawang parang pakpak. Ikinampay niya ang mga braso habang gumagawa ng tunog ng paglipad.

“May robot naman na kasama yung Bioman, si Peebo saka may Bio Robo pa sila. Walang ganun sa Jetman, Commander lang ang meron sila. Tao yun! Matatalo ang tao sa robot.” Tumayo na rin si Biboy, hindi magpapatalo sa kaibigan.

“Tatlo kaya ang robot ng Jetman! Si Jet Icarus!” patuloy na sumuntok si Ran-ran sa hangin. “Si Jet Garuda! Garuda Claw!” kumalmot-kalmot naman siya na parang ibon. Saglit siyang tumigil, ngunit umarteng parang boksingero. “Tapos si Tetra Boy! Nagiging bazooka pa si Tetra Boy! Talo na ang Bioman mo!” ang malakas na sigaw ni Ran-ran habang nakapameywang at tumatawa ng malakas, naniniwalang nanalo siya kasama ang Jetman niya.

“Teka, ang daya mo naman eh. Mas magaling ang Bioman kahit walang robot.”

“Ows. Namatay nga yung isang Yellow Four! Ibig sabihin, mahina sila.”

“Hindi ah! Pinrotektahan lang niya yung ibang Bioman kasi uubusin ni Psygorn yung Bio Particles nila! Ibig sabihin, matapang si Yellow Four! Ikaw nga Ran-ran, umiyak ka nung namatay si Yellow 4!” si Biboy ang nagmuwestra ng pagbaril kay Yellow Four na katulad sa palabas.

“Bakit, ikaw naman din ah?” Umupo na si Ran-ran, halatang napagod sa ginawang paglilikot sa kama. Umupo na rin si Biboy pagkatapos. Nagtinginan na lang ang dalawang bata, pilit na hinahabol ang hininga.

“Ran-ran, paano kung may Bio Particles din tayo? Anong gagawin natin?” seryosong tanong ni Biboy sa kalaro.

“Edi syempre, magiging Bioman tayo!” sagot naman ni Ran-ran at itinaas ang dalawang kamay, ngunit bigla siyang napaisip. “Kaso mas gusto ko pa rin ang Jetman eh. Ayoko ng Bioman, baka mabaril din ako ni Psygorn tapos mamatay ako.”

“Eh di itutulak kita para di ka matamaan.” Nakangiting sabi ni Biboy. Itinulak nga niya si Ran-ran ngunit mahina lang.

Biglang nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Ran-ran, napuno ng pag-aalala para sa kalaro. “Ngek! Paano kapag ikaw ang natamaan nung baril ni Psygorn? Edi namatay ka din katulad ni Yellow Four?”

“Ayos lang yun, may susunod na Yellow Four naman eh. At saka, ikaw nga ang palaging nililigtas ko kapag ayaw mo ng ulam nyo sa bahay. Kaya ako dapat ang hero mo, kasi hindi kita hahayaang masaktan ng mga kalaban at kahit mga gulay.”

Nginitian ni Ran-ran si Biboy, at muling nagpakita ang dalawang biloy nito sa pisngi. “Ay, oo nga. Sige, mas magaling na ang Bioman. Kasi baka pag natalo sila, hindi mo na ako pakainin dito sa bahay nyo.”

“Pareho na lang magaling ang Jetman saka Bioman, kasi baka hindi ka na makipaglaro sa akin kapag natalo ang Jetman.” Napangiti na rin si Biboy. Nagkasundo na ang dalawang bata kung sino ang mas magaling sa mga superhero.

Bigla na namang tumayo si Ran-ran at nagsimulang tumalon sa kama. Sinabayan na rin ni Biboy ang kaibigan sa pagtalon, magkahawak ang kanilang mga kamay upang alalayan ang isa’t isa para hindi sila malaglag sa kama.

“Pero mas magaling ka sa kanila, Biboy! Kasi ikaw ang hero ko!” sigaw ni Ran-ran habang lalong tinataasan ang pagtalon sa sobrang tuwa.

10 comments:

  1. nakakabitin n nmn. dami kasing eksena. may pang matanda at pangbata. hehe. thanks po s update. tama po kayo, di dapat minamadali ang pagsusulat para mapaganda ang istorya. baka nga nagre-research pa kayo para mapaganda lalo.

    rhon

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi rhon, salamat sa patuloy na pagbabasa. ayoko lang din kasi nung magtatanong yung readers na "anong nangyari? nagjump ata yung kwento" mga ganyan after reading a chapter.

      di naman totally nagreresearch, marami dyan sa mga 90s reference ko e naexperience ko lang din, inaalala ko lang kung ano yung mga yun.

      Delete
  2. thanks for the update

    ReplyDelete
    Replies
    1. no prob kuya anon, regular naman ang pag update ko ng kwento. ayokong madisappoint ang readers, lalo na at first story ko to dito sa MSOB.

      Nakakaoverwhelm yung responses nyo dito kaya naman talagang pinagbubutihan ko ang pagsusulat. Sana lang nag-eenjoy din kayo :)

      Delete
  3. Replies
    1. wag na mainis ferds, at least something better's coming :)

      Delete
  4. Thanks for the update..ok lang yun kahit matagal basta worth it basahin....what I love this most is yung mga palabas nung araw nababangit napapangiti tuloy ako...anjan na ang bioman...sana ma ipasok din cla maskman hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. gagawin ko namang regular ang update. para di kayo bitin. hehe :)

      nakakatuwa naman kasi ang 90s, sarap magreminisce.

      Delete
  5. nice story.. love it!! morreeeeee!!!

    -arejay kerisawa

    ReplyDelete
    Replies
    1. arejay salamat :) mas gaganda ang story pramis. stay tuned. hehe

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails