Followers

Monday, April 21, 2014

Fated Encounter 2


CHAPTER TWO

PAGKATAPOS MAKAPAG-ORDER ni Mack ay sabay na silang naghanap nito ng mapupwestuhan. Pinaki-usapan rin nito ang babae na ibigay na lang sa kanila ang order nila. Agad namang pumayag ang babae kahit hindi ganoon ang patakaran sa karinderya. Dapat kasi ay hihintayin nila iyon pero hindi iyon ang nangyari. Siguro, sa gwapo ng humingi dito ng pabor ay pumayag na rin ang babae. Halata naman kasi sa mukha nito ang paghanga kay Mack. At ang lalaki ay alam kung paano gamitin ang charm nito.
            Dahil sa oras ng tanghalian ay hindi naging madali ang maghanap ng mesa na hindi okupado. Nang makita ni Mack ang paalis na kostumer ay hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya papunta doon. Sa dulong bahagi iyon at hindi agad mapapansin. Nagulat man siya ay hindi na niya iyon ipinahalata. Ang saya sa pakiramdam ang mahawakan ang kamay ng isang gwapong lalaki.
            Walang-wala pa siya sa sarili. Hanggang ngayon ay inaaalala pa rin niya kung saan nahulog ang wallet niya. Bakit ba kasi sa dami ng tao na pwedeng dapuan ng kamalasan ay isa siya doon?
            Napatingin siya sa kamay na hawak ni Mack. Ang tanging pakunswelo niya sa mga nangyari ay ang pagkakakilala kay Mack. Kahit na hindi naging maganda ang umpisa nila ay tinulungan pa rin siya nito. Ang hirap kayang gumalaw kapag walang pera. Oo, aaminin niya na simple lang ang problema niya pero sa mga katulad niya na walang pera ay malaki iyon. Sa perang nasa pitaka niya nakasalalay ang buhay niya. Iyon ang gagamitin niya para makauwi sa kanila at para makakain siya.
            Hahanapin niya iyon mamaya. Pagkatapos nilang kumain ni Mack. Hindi naman kasi siya sanay na nakadepende sa iba, lalo na kay Mack. Lalo na, kahit masasabing magkaibigan na sila ay estranghero pa rin ito. Hindi niya alam kung saan nawala ang wallet niya. Magbabakasakali siya na mahahanap pa niya iyon.
            Bumuntung-hininga siya. Malaki ang pasasalamat niya sa lalaking nakahawak ngayon sa kamay niya. Kung wala ito ngayon ay baka sa kangkongan na siya pupulutin. Kahit tatlong taon na siya sa Manila ay hindi siya sanay. Hindi siya palalabas ng bahay. Kung lumalabas man siya ay sa palengke lang ang tuloy niya. Kapag inuutusan siya ng lola niya.
            Para makasigurado na makakauwi siya ay kakapalan na niya ang mukha niya. Mangungutang siya kay Mack ng isang daan. Pwede naman niyang tawagan ang lola niya o kaya ay mag-text dito ngunit hindi niya iyon gagawin. Ayaw niyang mamroblema ito sa kanya.
            Umupo siya sa binakanteng upuan ng dalawang lalaking umalis. Umupo si Mack sa katabing upuan.
            "Okay ka lang?" tanong ni Mack
            "Mukha ba akong okay," matamlay na sabi niya.
            "Hindi." Ito na rin ang sumagot sa sarili nitong tanong. "Don't worry. Ako ang bahala sa `yo. Hindi kita pababayaan. Kung nag-aalala ka na hindi ka makakuwi, I'm willing to drive you home. I can also lend some small amount of money to you. `Yon ay kung ayaw mong magpahatid sa `kin pauwi."
            Kung may Good Samaritan award ay ibibigay niya iyon kay Mack. He is really thankful to him.
            "Saan ka pala nakatira?"
            "Sa Caloocan. Sa North Caloocan."
            "Talaga. Same way lang pala tayo. Sa Fairview ako nakatira.
            "Ganoon ba," aniya. "Pasensya ka na pala sa inasal ko kanina. Pero tama naman ako, `di ba? Hindi naman talaga normal sa isang tao ang makipag-usap sa hindi niya kilala. Iyon nga ang tinuturo sa mga bata para hindi makidnap."
            He heard him chuckled. "Yeah. Tama ka naman. Pero hindi na tayo bata. Kung may mangyayari man, alam na natin kung paano natin ipagtatanggol ang sarili natin."
            "Tama ka rin."
            Humarap siya dito. He decided to introduce his self formally to him. Kahit alam na nito ang pangalan niya ay magpapakilala pa rin siya, sa mabuting paraan.
            "Vinnezer Ilagan ang pangalan ko. Twenty one years old. Kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Panganay sa limang magkakapatid. Nakatira ako ngayon sa lola ko. At probinsyano-na ako. And I'm gay."
            "Nice introduction. Baka gusto mong dagdagan kung ano ang status mo ngayon. If you are single and ready to mingle. Or taken and not ready to mingle."
            Napangiti siya sa sinabi nito. May dating iyon sa kanya ngunit binalewala na lamang niya. Ayaw niyang umasa ng kung anu-ano.
            "I'm single but not ready to mingle."
            Lihim siyang napailing sa kanyang sagot.
            Tumango-tango ito. "Really."
            "Oo. Ayokong maghanap ng boyfriend," sabi niya.
            Hindi niya nabakasan ng pagkagulat si Mack sa sinabi niya. gusto niyang magpakatotoo dito.
            Inaamin niya na sa mga hindi nakakakilala sa kanya ay iisipin ng mga ito sa lalaking-lalaki siya. Ngunit kapag naging malapit sa kanya at makilala siya nang lubusan ay malalaman ng mga ito kung ano ba talaga siya. Hindi lang talaga halata ang kabaklaan niya.
             Gusto niyang maging totoo kay Mack dahil may pakiramdam siya na magiging kaibigan niya ito. Pakiramdam niya ay magkakaroon sila ng mas malalim na ugnayan.
            "As I thought," anito."I'm bisexual."
            Nagulat siya sa sinabi nito. Bisexual ito? Ang ganitong kagwapo ay bisexual.
            Nakakagulat pero ano bang bago. Karamihan naman na gwapong lalaki ngayon ay lalaking gwapo rin ang hanap.
            Hindi niya iyon inakala na bisexual ito. Kaya pala wala lang dito ang hawakan ang kamay niya kanina. Napangiti siya.
            "Bakit ka nakangiti?" usisa nito.
            "Wala naman. Ang gwapo mo. Alam mo ba `yon?"
            Nahihiyang ngumiti ito. "Salamat sa papuri."
            "Walang anuman," sabi niya.
            Natutuwa siya kay Mack. Proud siya sa pag-amin nito sa kanya kahit na bago pa lang silang magkakilala. Sana lang, pagkatapos nito ay magkaroon pa sila ng ugnayan kahit na hindi na sila nito magkita.
            Dumating ang order nila. Itinuon niya ang atensyon sa pagkain. Ganundin si Mack. Ngunit napansin niya may pagka-alangan sa kilos nito habang kumakain. Hindi na lang niya iyon pinansin. Sobra na siyang gutom. He savored the food. Nakadama siya ng kaginhawaan pagkatapos kumain. Busog na busog siya.
            Pagkatapos nilang kumain ay saglit silang nagpahinga. Um-order pa ito ng halo-halo na hindi niya tinanggihan. Kanina pa siya naiinitan dala ng init ng panahon at ng suot niya.
            "Maraming salamat sa pagkain," pasasalamat niya dito. "Salamat sa `yo, naka-survive ako."
            "It's nothing. Ako nga ang dapat magpasalamat sa `yo. Thanks for the company, Nezer. Nag-enjoy ako ng masyado sa presensiya mo. Thanks for making me smile."
            "Sus. Ginawa mo pa akong clown."
            Sinipat niya ang relong pambisig. One thirty na ng hapon. Napasarap ng masyado ang pakikipag-usap niya dito at hindi niya napansin ang oras.
            "May pupuntahan ka ba?" tanong nito.
            "Wala naman. Bakit mo naitanong?"
            "Tiningnan mo kasi ang relo mo."
            "Ah `yon ba. Hindi naman." Bigla tuloy siyang nahiya. Napansin pala nito ang ginawa niyang pagsipat sa relong pambisig niya.
            "Gusto mong mamasyal?"
            "Hindi na." Kahit na gustuhin man niyang mamasyal kasama ito ay hindi na maaari. Totoong wala na siyang ibang pupuntahan dahil dapat ay diretso uwi na siya pero naabutan siya ng kamalasan.
            "Okay. Kung wala ka nang pupuntahan, magsabi ka lang. Ihahatid na kita sa inyo."
            Bigla siyang nahiya. Paano ba niya dito sasabihin na hindi na siya magpapahatid at mangungutang na lang siya ng pera.
            "Eh.. Mack, kung hindi nakakahiya baka pwede akong mangutang sa `yo ng isang daan. Hindi na ako magpapahatid sa `yo kasi hahanapin ko pa `yong pitaka ko. Magbabakasakali ako na makikita ko pa `yon."
            "Sinabi ko sa `yo na ihahatid kita, `di ba?"
            "Oo nga sinabi mo ngang ihahatid mo ako pero `wag na lang. Masyado na kitang maaabala kung paghihintayin pa kita."
            "I'm not a promise breaker, Nezer. I'll stand to my promise. Ihahatid kita. Sasamahan na rin kita sa paghahanap ng pitaka mo."
            Nagulat siya sa pagpiprisinta nito.
            "Hindi ba nakakahiya?"
            "Hindi. I'm always free and available."
            Sa pandinig niya ay tila may ibang kahulugan ang sinabi nitong iyon.
            "Sigurado ka?" paniniyak niya. "Baka kasi masyado na akong nakaka-abala sa `yo. Wala ka bang ibang lakad?"
            "Kagaya nga ng sinabi ko. I'm always free and available. Sasamahan kita.Kanina nakakahiya, ngayon naman nakaka-abala. Hindi ka nakakahiyang tulungan at lalong hindi ka abala. Ako naman ang nag-offer sa `yo ng tulong. At hindi ka naman namilit."
            "Ikaw ang bahala. Kakikilala palang natin. Baka sabihin mo sinasamantala ko ang kabaitan mo. At saka isa pa hindi pa tayo magkaibigan."
            Lihim niyang minura ang sarili sa sinabi. Halatang-halata na gusto siyang maging kaibigan ni Mack at ganoon rin siya pero nagpapaka-ipokrita siya.
            Ngumiti ito saka umiling-iling. "Hindi pa ba pwedeng maging dahilan ang panlilibre ko sa `yo at ang pag-offer ko ng tulong para maging magkaibigan tayo?" May bahid ng lungkot ang pagkakasabi nito niyon. Bigla tuloy siyang na-curious. May pinagdadaanan ba ang lalaking ito at masyadong eager magkaroon ng kaibigan? Saka sa hitsura ni Mack at sa katayuan nito sa buhay ay duda siya na wala itong kaibigan. Bakit gusto nito na makipag-kaibigan sa isang estranghero na wala pa ngang dalawang oras nito nakakausap?
            "May pinagdadaanan ka ba?" prangkang pag-uusisa niya.
            Nag-iwas ito ng tingin. Confirmed. Sa reaksyon nito ay may pinagdadaanan nga ang lalaki. Brokenhearted? Family problem? O ibang problema.
            "`Pag sinabi ko bang may problema ako pwede na kitang maging kaibigan? Pwede ba kitang samahan na hanapin ang pitaka mo?"
            "Biro lang. Magkaibigan na tayo. Tagapagligtas kaya kita. Pasensya ka na kung masyado akong maarte. Hindi lang talaga ako sanay na kinakaibigan ng mga kagaya mo. Alam mo `yun, silent type akong tao, ata? Pero paminsan-minsan lang iyon. Tulad ngayon, madaldal ako. I'm also a wallflower. Bihira akong mapansin dahil sa isang sulok lang ako palagi, nagmamasid ng kung anu-ano."
            "That's nice to hear. Then it's settled. Magkaibigan na tayo. What about the second one? Payag ka bang samahan kita na hanapin ang pitaka mo? I'm just killing my time here. Ayoko pang umuwi. Ayokong makita ang awa sa mata ng mga nakakakilala sa `kin dahil sa pinagdadaanan ko."
            "Ano ba ang pinagdadaanan mo?"
            "Brokenhearted ako."
            "Brokenhearted. Sa lalaki o babae?"
            "Sa lalaki," malungkot na sagot nito.
            "Ano bang nangyari? Pwede mong ikwento sa `kin. Iyon ay kung gusto mo."
            "Not now. Ayokong maalala pa iyon. Maybe some other time. When I'm ready." May kinuha ito sa bulsa nito. Ang cellphone nito iyon. "Can I get your number?"
            Agad naman niyang binigay ang cellphone number niya.
            "Salamat. So, getting your cellphone number, only mean one thing. Magiging textmate na tayo. Asahan mo rin na hindi ito ang last nating pagkikita. Madadagdagan pa ito. Once, twice, thrice or many times. Hindi ako sure. Basta makakaasa ka na magkikita pa tayong muli."
            Napangiti siya sabay ng pag-iling. "Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa `yo. Masyado kang advance kung mag-isip, Mack. Basta ang alam ko, mukhang hindi nga ito ang huli nating pagkikita. Palagay ko rin, magiging parte ka ng buhay ko. Saka gusto naman talaga kitang maging kaibigan. Masaya kaya magkaroon ng gwapo at mayaman na kaibigan. May trophy ka na, may manlilibre pa sa `yo."
            Tumawa ito. Tawa na nagbigay ng kasiyahan sa puso niya. Maya-maya ay natigilan ito nang mapansin na nakatitig siya dito. "Bakit? Bakit ka nakatitig?"
            "Wala naman," nakangiting sabi niya. "Tumawa ka lang. Lalo kang nagiging gwapo kapag ginagawa mo `yon. Forget your sorrows, Mack. Time heals. `Wag mong masyadong alalahanin ang taong nang-iwan sa `yo. May darating pa, maniwala ka lang."
            "Tama ka. May darating pa. Malay mo ikaw na `yon. Kaya pala tayo nagkita dahil ikaw ang muling magpapasaya sa sugatang puso ko. Baka ikaw rin ang bumuo ulit nito," sabi nito, sabay turo sa tapat ng kaliwang dibdib nito.
            Nag-iwas siya ng tingin. Yumuko siya. Pakiramdam niya ay namula nang bongga ang pisngi niya sa sinabi nito. Masyadong mabulaklak ang bibig ni Mack. May bahagi ng pagkatao niya na nagsasabi ng sana. Ngunit kalahati niyon ay komokontra. Love is not his thing. Hindi iyon para sa kanya. He hated complications. Lalo na at komplikado ang pagkatao niya. Tiyak niya na kapag sumabak siya sa isang relasyon ay mas magiging komplikado lang ang lahat. At iyon ang ayaw niyang mangyari.
            Maya-maya ay natigilan siya. Ang layo na pala ng naiisip niya. Palipad hangin pa lang `yon bruha. `Wag kang assuming. `Wag kang fast-forward. Masyado ka naman.
            Napailing na lamang siya. May punto ang sinabi ng sarili niya.


HINDI NATULOY ANG PAGSAMA ni Mack kay Vin sa lugar na pinuntahan niya para hanapin ang pitaka niya. May tumawag kasi kay Mack at nalaman niya na kapatid nito iyon nang sabihin nito. Kahit ayaw nitong iwanan siya ay nagpumilit siya na puntahan nito ang kapatid nito. Mukha kasing mahalaga ang pinag-usapan ng dalawa at nakita rin niya kung paano kumunot ang noon ni Mack kasabay ng pag-aalala habang kausap nito ang kapatid. Kahit na anong tanggi ni Mack na iwanan siya ay siya pa rin ang nanaig. Nakinig sa kanya ang lalaki. Kaya in the end, solo flight siya ngayon. Bago umalis si Mack ay binigay sa kanya nito ang inutang niya na isang daan piso. Nagbilin rin ang lalaki na maghintay siya sa tawag nito at text. Tumango na lang siya bilang pagtugon kasabay ng kiming ngiti. Mack is too good to be true. Nagtatanong tuloy siya sa sarili kung bakit iniwanan ito ng ex nito. Wala nang hahanapin pa sa lalaki. Kay Mack na ang lahat. Gwapo, mayaman, mabait, thoughtful and generous. Idagdag pa na masayahin ito. Grabe. Wala pang isang araw pero alam na alam mo na agad ang katangin ni Mack. Ikaw na. Ikaw na ang magaling sumuri sa katauhan ng isang tao.
            Napailing na lang siya. Bakit nitong mga nakaraang araw ay nawiwili siya na kausapin ang sarili? Epekto ba ito ng walang ibang magawa kundi ang tumunganga? Hindi na niya sinagot ang sariling katanungan. Nagsimula siyang maghanap sa lugar na pinuntahan niya.
            Una niyang pinuntahan ang lugar kung saan niya nabunggo si Mack. Tumingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makita at makontento sa paghahanap ay nagpasya siya na tumulak sa susunod niyang destinasyon. At iyon ay sa CR ng agency na pinag-intebyuhan niya. Paalis na sana siya nang makita niya ang paparating na lalaki. The guy is handsome. Bagay sa kagwapuhan nito ang suot nitong salamin na hindi nahuhulog dahil sa tangos ng ilong nito. His nerdy look give him his striking appeal. The guy looked mysteriously handsome. Nang makalapit ito sa kanya ay napakunot ang noo niya. Kilala niya ang lalaki. Ito ang kasabay niya sa interview kanina. Ito rin ang tinitingnan niya kanina, habang nasa agency siya. At kausap niya habang naghihintay sila sa ibang aplikante na nauna sa kanila. Kung third to the last siya ito ang secod to the last. Si Nicasio Zamora o Nick ang lalaki. 
            "Nakita rin kita," bungad nito sa kanya nang makalapit.
            "Bakit?" takang tanong niya.
            May kinuha ito sa bulsa nito. "Ikaw `to, hindi ba?" tanong nito sabay lahad ng hawak nito na picture. One by one picture niya iyon. Kuha n'ung may kahabaan pa ang buhok niya. Abot hanggang mata at makapal. Iyon ang kaisa-isang picture niya sa loob ng pitaka niyang nawawala.
            "Ako nga `yan," excited niyang sabi. Nawala ang kunot sa kanyang noo at napalitan ng kaaya-ayang ngiti. Mukhang may pag-asa na makuha niya nang buo ang pitaka niya. Looking at Nick, mukhang hindi naman ito katulad ng iba na kapag nakapulot ng pitaka ay aangkinin.
            "Saan mo `yan nakuha, mister?"
            "Call me Nick, Vin. Parang hindi tayo nag-usap kanina," anito, nakangiti.
            "Okay. I'm just testing you. Akala ko hindi mo na ako kilala," sagot niya. Natatawa.
            "That's impossible. Makakalimutan ko ba ang hitsura mo at ang kabaitan mo."
            "Malay ko sa `yo," pag-iwas niya. Pakiramdam niya ay mauulit ang nangyari sa pagitan nila ni Mack. "Saan mo nakuha `yan? Ikaw ba ang nakakuha ng wallet ko?" ulit niya sa tanong.
            Nick smiled apologetically. "I'm sorry. Hindi ako ang nakakuha ng wallet mo. Nakita ko lang `tong picture mo sa labas ng building ng agency. Na-curious ako kaya kinuha ko. Hindi pa ako sigurado kong ikaw kasi mahaba ang buhok mo dito."
            Kinuha niya ang hawak nitong picture. Ngumiti siya kahit nakadama siya ng lungkot at disappointment.
            May kinuha si Nick sa bulsa nito, ulit. Ang pitaka niya iyon.
            "Nang makita ko `yan na picture mo sunod kong nakuha itong pitaka mo sa hindi kalayuan. Pasensya ka na, Vinnezzer, kung sana hindi ako natagalan sa loob ng CR baka ako ang nakakuha ng wallet mo."
            "Hindi mo kailangan na mag-sorry. Thank you, Nick. Kahit hindi nabalik `yong pera atleast itong pitaka `ko nakabalik. May sentimental value kasi sa `kin `to."
            "Ah, ganoon ba. Paano ka ngayon niyan makakauwi? Wala kang pera. Gusto mong sumabay sa `kin. Ililibre kita ng pamasahe. One way naman tayo, `di ba?"
            Tumango siya. Nakatira siya sa Caloocan ganundin ito. Mas mauuna nga lang itong bababa kaysa sa kanya.
            "Sige. Sabay na tayo. Gusto ko rin ng may kasabay. `Wag mo na `kong ilibre. May pera na ako, nangutang ako sa isang kaibigan."
            "Really. Akala ko wala kang kaibigan dito? Except for the two girls and two gays."
            Lihim siyang natawa sa sarili. It's just ironic. Kanina ayaw niyang makipag-usap kay Mack dahil sa isa itong estranghero at dahilan niya ay hindi dapat nakikipag-usap sa hindi mo kilala. Pero kay Nick ay nakipag-kwentuhan siya kahit kakikilala pa lang rin nila. Siguro dahil na rin sa tensyonado siya kanina bago ang interview kaya naging madaldal siya at nagkwento ng kung anu-ano kahit hindi kailangan. Si Nick ay naging tagapa-kinig lang at nagkwento rin ng tungkol sa sarili nito ngunit pahapyaw lang. Nichollo Zamora ang totoong pangalan nito. Panganay sa tatlong magkakapatid na pulos lalaki. Graduate ng BSHRM. Single pero may nililigawan. Kung siya ay full time ang gustong trabaho ito naman ay part time lang. Gusto nitong gugulin ang summer vacation nito sa pagtatrabaho upang may sarili itong pera. Ka-edad niya ito. Okay sa kanya ang presensya nito dahil kahit sinabi niyang parte siya ng third sex ay hindi naging bayolente ang reaksyon nito. Simpleng 'okay' at 'walang masama sa pagiging bakla' ang sinabi nito. Kaya magaan ang loob niya kay Nick.
            "Tara. Alis na tayo," pagyayaya ni Nick. Nagulat siya nang akbayan siya nito. Saglit siyang natigilan. Nag-isip kung tatanggalin ang pagkaka-akbay nito sa kanya o hindi. He choose not to. Hindi niya dapat bigyan ng malisya ang pag-akbay nito. Ngunit naiilang siya. Hindi siya sanay. Kaya ang ginawa niya ay pasimple siyang yumuko at nagkunwaring inayos ang tali ng suot niyang itim na rubber shoes. There! Nakaalis siya sa pag-akbay nito.
            Kahit na parte siya ng third sex ay hindi siya sanay na may umaakbay sa kanya o kaya ang humahawak sa kamay niya. Kadalasan, ang mga kausap niya ay ang dalawang kaibigan niya na beki at minsan ay ang dalawang kaibigan niya na babae kapag nagkikita-kita sila.
            Nag-iwas siya ng tingin kay Nick nang mapansin niya na matiim itong nakatitig sa kanya.

            "Tara na. Kailangan na nating umalis para maaga tayong makauwi."

3 comments:

  1. Cute...dalawa na ang manliligaw niya.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kuya Alfred of T.O. salamat sa pag-comment. May darating pa pong isa at malalaman mo na kung sino ang partner niya. ^^

      Delete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails