Followers

Wednesday, October 24, 2012

Strange Love 05





Strange Love 05 
By Chris Li
Cover Photo By Erwin Joseph Fernandez


Hello po! Sorry sa matagal na update guys. Maraming salamat ulit sa mga masugid na nagbabasa ng aking kwento. Big thanks to Sir Mike for giving me the opportunity to post my stories here at MSOB. Maraming salamat din sa mga nagbigay ng comments at sa mga silent readers ko po.

Happy Reading, pacomment ulit ha? :)








---Jaime

“Kuya, I miss you…”


 Iyan ang mga salitang namutawi sa mga labi ni Mikael kani-kanina lang. Ang sarap pakinggan ngunit… nangamba ako, pagkatapos kong mapangiti sa tinuran ng aking kaibigan. Nangangamba ako dahil hindi ko maintindihan o ayaw kong tangapin sa sarili ko, na kinilig ako sa narinig ko. Sino ba namang lalaki ang tatablan ng ganun sa kapwa niya lalaki?


Tinignan kong muli si Mikael na mahimbing na natutulog habang inunan niya ang aking balikat. Ang isang kamay nito ay nakalingkis saking braso at ang isa naman ay nasa aking dibdib. Makita ko pa lang ang kanyang mukha ay agad napawi ang aking mga naiisip. Sinabi ko sa aking sarili na natural lang siguro iyon dahil mahalaga sa akin ang taong ito. Marahil natutuwa lang talaga ako at sa wakas may nagpapahalaga na sa akin.


Inihilig ko ang aking ulo sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay na nasa aking dibdib. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaan na lang ang bawat pangamba na malunod sa sayang aking nadarama kapag kasama ko ang taong ito.


---Mikael


            “Pano ako napunta rito? Ang alam ko eh sa salas ako natulog.”, takang tanong ko sa aking sarili. Naalimpungatan ako sa liwanag na nangagaling sa labas at nagulat na sa aking pag gising ay magkatabi na kami ni Kuya Jaime. Nag-sleep walk kaya ako at dito napadpad??


            Tatangalin ko na sana ang kamay namin sa pagkaka-hugpong na nasa kanyang dibdib. Ayoko kasing magising siya na ganito ang ayos namin, nakaka-ilang.Bigla itong gumalaw kaya naman natuliro ako at biglang ipinikit na lang ang aking mga mata. Nakiramdam ako kung gising na ito ngunit mas lalo kong ikinagulat ang sunod niyang ginawa.


            Humarap siya sa akin at bahagyang hinaplos ang aking mukha. Hindi ko alam kung saglit lang ito nagising at natulog nang muli. Hindi ko magawang imulat ang aking mga mata dahil nagaalala ako na malaman niyang gising na talaga ako.


            Ilang minuto rin kaming nasa ganoong ayos at pakiramdam ko tinititigan niya lang ako. Hindi ako makahinga ng maayos dahil sa lapit namin sa isa’t isa, idagdag mo pa ang pagwawala ng lintik kong puso. Gusto ko na imulat ang mga mata ko para masilayan o masaksihan kung talaga bang nakatingin ito sa akin ngunit inuunahan ako ng kaba.


“Maraming salamat ha… dumating ka sa buhay ko.”, pabulong niyang sinabi sa akin.


Diyos ko! Huwag naman sana ako namumula dahil talagang umakyat lahat ng dugo ko sa aking mukha. Ano ang ibig sabihin ng taong ito? Nagulat ako sa sinabi ni Kuya Jaime pero wala ding mapagsidlan ang galak ko sa sinabi niya. Tila matutunaw ako ng mga sandaling iyon.


            Hinaplos pa niyang muli ang aking mukha kaya naman yun na ang ginawa kong oportunidad para imulat na ang aking mata.


“K-kuya? P-paano ako napunta dito?”, bungad ko sa kanya.


“ Good Morning Mikael…”, sabay bitaw nito ng matamis na ngiti at hindi sinagot kaagad ang tanong ko. Bumangon ako at naupo na lang dahil nagha-hyperventilate na ko sa lapit ng aming mga mukha sa isa’t isa.


“Ginigising kita kanina sa salas eh. Pero grabe ka matulog parang mantika! Akala ko nga patay ka na eh, buti na lang humilik ka kaya nakahinga na ako ng maluwag! HAHAHAHA”


“Ah ganun Kuya!Hmp! ito ang bagay sayo… patay pala ha! Iyan isa pa, lokong ‘to.”, hinampas ko siya ng unan para itago ang mukha ko na sa tingin ko ay pulang-pula, may hinala kasi ako na binuhat niya ako papunta dito.


“Aray naman! Hindi na ito mabiro, kita mo na ngang hindi pa magaling pasa ko gusto mo na dagdagan.”, salita nito habang hawak hawak ang pisnging may pasa at sugat.


“Ay, sorry Kuya. P-patingin nga kung dumugo.”, at tinanggal ko ang kamay nito at binuksan ang gasa malapit sa kanyang mga labi.Marahan ko itong dinama ng aking daliri.


“Masakit pa Kuya?”, tumango lang ito sa akin.


“Sorry ha, ikaw kasi ang aga-aga nang-aasar ka. Tara Kuya, mag-almusal na tayo at pagkatapos lilinisin ko ulit yang sugat mo bago ako pumasok.Ok?”


“Ok.”, matipid nitong sagot sakin. Mukhang nagtatampo ito kasi hindi siya tumitingin sa akin. Pinabayaan ko na lang muna at baka lumala pa lalo kung kukulitin ko siya.


“Maghahanda lang ako ng makakain kuya ha. Sunod ka na lang, sorry po ulit.”, Tumango lang ulit ito at hindi pa rin nagsasalita. Wala na ko nagawa kundi umalis na nga at maghanda na at may pasok din ako.

---Jaime


“Jaime,hijo, kumain kang mabuti ha. ‘Wag kang mahihiya. Anak, abutan mo pa siya ng kanin at kakaunti ang kinuha.”, magiliw na salita akin ni Tita Jean, ina ni Mikael.


            Tuwang-tuwa ito nung malamang may bisita pala sila kagabi at nang malaman na ako iyon ay hindi na magkamayaw ito sa pag-asikaso sa akin. Natutuwa naman ako sa mainit na pagtanggap nito sa akin at pagpayag nito na makitira ako pansamantala sa kanila. Ngunit hindi ko maalis ang magtaka kung bakit tila kilalang kilala na ako nito at masaya na nakilala na niya ako sa wakas.


“Ah Tita, ok naman ito sa akin, busog na rin po ako eh.”, nahihiyang sagot ko sa kanya habang si Mikael ay iniaabot na sa akin ang kanin.


“Sige na bunso, ikaw na kumain nyan at may pasok ka pa.”, patukoy ko kay Mikael. Narinig kong parang natawa si Tita Jean nung marinig ang sinabi ko sa kanyang anak kaya medyo namula ako. Ewan ko ba at nahiya ako eh wala naman ako sinabing hindi maganda.


“Nay, bakit ka natawa dyan?”, tanong ni Mikael sa kanyang ina.


“Wala naman, maalalahanin pala itong si Jaime eh, JM.”, tugon ng kanyang ina.


“Naku Nay! Kung alam mo lang kung gaano katakaw yan si Kuya Jaime. Baka itago niyo ang mga kaldero natin dahil tiyak ubos yun. HAHAHA!”


“Ikaw na bata ka talaga, kahit pa ubusin pa ni Mikael ang laman ng ref natin ok lang. Alam ko naman na masaya kang…”


“NAY! N-nagmamadali na ako tama na muna kwentuhan natin at magsisipilyo na ako.”, pagputol nito sa sasabihin ni Tita Jean.


            Iniisip ko pa rin kung ano yung gustong sabihin ni Tita Jean kanina habang tinutulungan ko siya magligpit ng pinagkainan. Gusto ko man magtanong eh nahihiya din ako. Nagpumilit ako na lang ang maghuhugas ng pinggan at pwede na siyang gumayak para sa trabaho.


“Jaime, mauuna na akong umalis ha. Dito ka lang ba sa bahay o may pupuntahan ka?”, tanong ni Tita Jean habang inaayos ang gamit niya sa bag.


“Wala po akong klase Tita, mag-iingat po kayo sa daan.”


“Salamat, basta kung naisipan mong lumabas nariyan sa ibabaw yung susi ng bahay ha. Mag-iingat ka rin. Siya sige. JM! Anak, aalis na ako, naunahan pa kita, ang kupad mo kasi kumilos, bata ka!”


“Teka Nay, sabay na po tayo. Tapos na kaya ako. Ikaw kaya mabagal dyan, kanina pa ako naghihintay.”, biro ni Mikael sa kanyang ina.


            Nakaramdam ako nang inggit sa totoo lang. My parents did not  show me that kind of affection to me. Nakakatuwa silang tignan mag-ina, kung paano sila mag-biruan sa kabagalan ni Mikael kumilos hanggang sa paglalambing ni Mikael sa kanyang ina.


“Jaime, anak? Aalis na kami, may pagkain sa ref na pwede mong lutuin ha.”, bilin ni Tita Jean. Marahil nakita niyang lumalim ang aking pag-iisip at hindi ko namalayan na nasa pintuan na sila palabas.


“O-opo Tita, ingat kayo Mikael.”,sabay ngiti ko sa kanilang dalawa.


            Hindi ako tinugon ni Mikael noon, pero pinabayaan ko na lang baka nagmamadali na talaga ito at hindi na napansin ang sinabi ko. Ayun, naiwan na nga ako mag-isa. Tinungo ko ulit ang kwarto ni Mikael at humiga.


“Ano na ang gagawin ko ngayon? Wala akong gamit… Wala akong pera… Haaaay! Kakabugnot!”


Wala rin akong damit na maisuot, paano na lang ako papasok. Ayoko naman bumalik sa bahay dahil lang wala na akong pera, mag-mamalaki lang ang mahal kong ama sa akin. Ang ina ko naman, siguradong mananahimik lang at baka kampihan pa ang magaling niyang asawa. Kumukulo talaga ang dugo ko maisip lang ang aking ama.


Tumagilid ako sa pagkakahiga at naamoy ko ulit ang natural na amoy ni Mikael. Hindi ko alam kung bakit parang nagagayuma ako sa amoy niya. Yung tipong kapag naaamoy ko ito ay kumakalma ako, yung bang pakiramdam kapag umuuwi ka sa bahay niyo at mawawala na lahat ng pagod mo.


Naalala ko tuloy ang nangyari kanina habang narito kami magkatabi sa iisang higaan. Kung paano niya tinignan ang sugat ko kanina… paano niya hinaplos ang gilid ng aking mga labi. Ano ba talaga itong nararamdaman ko para sa kaibigan ko? Bakit kapag hinahawakan niya ako para akong nakukuryente pero nagugustuhan ko? Hinahanap-hanap ko ang bawat pag dampi ng aming mga balat. Gustong-gusto kong haplusin ang mukha niya at hindi ako nagsasawa titigan siya habang natutulog na parang kaya kong gawin yun buong araw.


Dahil nami-miss ko na ulit ang kaibigan ko, nagdesisyon akong bumangon at hintayin na lang siya sa school at sabayan siya umuwi. Bahala na, ayokong magmukmok dito at baka mabaliw pa ako kakaisip ng paraan.


Another complication, mas maliit ang mga damit ni Mikael sa akin kaya naman sobrang hapit nito sa akin. Ibinalik ko na lang ulit ang pantalon na suot ko kahapon at dali-daling umalis pagkatapos siguraduhing sarado ang buong bahay.


Syempre walang pera kaya nilakad ko mula sa bahay nila hangang sa school. Hindi naman ganun kalayo ang distansya nito, kaya siguro nilalakad lang din ito ni Mikael tuwing uwian. Nasa tapat na ako ng gate noon pero nahiya ako bigla sa ayos ko. Papasok na sana ako ng may tumawag sa akin.


“Jaime?? Is that you?”


-----Mikael


            Isa lang naman ang subject ko ngayon pero parang ang haba ng oras at gusto ko nang hatakin ito para makauwi na. Iniisip ko kung ano kaya ginagawa ni Jaime sa bahay at kung nakakain na kaya siya ngayon.


“Mr. Milan, could you please explain to us the significance of a primary key?”, nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip noon ng tinawag ako ng aming professor.


            Tinignan ako ng aking mga kaklase at naghihintay ng sagot. I stood up from my chair and look at my professor and said:


“ Primary key is essential for every records as this defines the uniqueness of a row in a database table. Also, primary key can act as a foreign key to another table which makes a relationship between entities.”


“Thank you Mr.Milan, next time please pay more attention to our discussion rather letting your mind off somewhere else, ok?”, mataray ngunit pabirong sabi sa akin ng aming guro.


“Yes Ma’am, I’m sorry.”, natawa ang mga kaklase ko sa akin kasi sumaludo pa ako habang sinasabi ang aking paumanhin.


Since nakinig na ako sa aming class discussion, tila bumilis na ang oras at natapos na ang litanya ng aming professor. Agad kong tinungo ang pintuan ng may tumawag sa akin.


“Mikael! Sandali lang, may balita ka ba kay pareng Jaime? Nag-aalala kasi si Mama sa kanya simula nung umalis sya sa amin eh.”, si Jun ang nagsalita.


“Uy Jun, kaw pala. Nandoon siya sa amin ngayon tara sabay na tayo pauwi para pagalitan mo din yung mokong na yun.”, sagot ko sa kanya.


“Bakit? Ano nanaman ginawa nun? Nakipag-away? Teka, paanong nasa inyo? Akala ko may tinutuluyan na siya bago siya umalis samin.”, sunod-sunod at takang-taka nitong tanong sa akin.


“Hala ang daming tanong? Kaya nga sumama ka sa akin at nang doon na natin pag-usapan at siya na mismo magkwento sa iyo. Tara na pre!”


“Hahahaha! Sabi ko nga eh, pakain ka Miks ha. Nagugutom na talaga ako kanina pa.”, pagbibiro pa nitong si Jun.


“Yun lang pala eh, basta ikaw mag-luto payag ako. Bilisan na  natin at gutom na rin ako. Ang kupad mo!”


“Weeeeeh!!! Nagsalita ang hari ng kakuparan!”


            Hay!! Wala na ko nasabi. Itong si Jun talaga sobrang hindi magpapatalo pagdating sa balyahan. Palaging may sagot at pambara kahit kanino.


“Maglalakad lang tayo?”, tanong niya ulit nung dire-diretso akong lumabas sa gate ng school.


“Oo. Bakit may problema?”, nakakunot kong sabi sa kanya. Iritable na ako kasi gusto ko nang makauwi, pero itong si Jun sobrang kulit ang daming landi sa buhay!


“Mangingitim ako pre, sayang ang kagwapuhan ko eh.”, sabay posing na parang may kumukuha ng litrato niya. “Gamitin na lang natin si Buknoy ko para mabilis.”, dagdag pa niya.


            Sumakay na nga kami kay “Buknoy”, pinangalan niya sa kanyang kotse, at tinuro kung saan ang daan papunta sa bahay. Bago pa man kami makarating eh nakiusap siyang bumili muna kami ng iba pang mga rekado at ipagluluto niya daw kami ng “Special Spaghetti” niya. Wala na ko nagawa dahil todo kulit nitong si Jun.


            Aside sa mga ingredients niya, bumili na rin kami ng mga chips, chocolates at kung ano ano pang pagkain – food trip and gusto ni Jun. Inip na inip na talaga ako ng mga oras na yun kasi sabik ko nang makita si Kuya Jaime at baka hindi pa yun kumakain.


“Bakit ka tahimik Mikael?”, seryosong tanong ni Jun habang binabagtas naming ang daan papuntang bahay.


“Wala naman, pagod lang siguro ako at gutom. Kaya siguraduhin mong masarap yang gagawin mo.”


“Ako pa! All you need to do pagdating natin ay umupo at mag-relax. Ako bahala sa inyo.”, masigla na ulit nitong sabi sa akin.


            Nakarating na kami sa bahay mga lagpas alas dos ng hapon. Nagtaka ako dahil naka-kandado ang pinto. Nag-alala ako kung bakit iniwan ni Kuya Jaime ang bahay. Agad ko itong binuksan at pinapasok si Jun.


“Mukhang umalis si Kuya Jaime, Jun. Paano yang mga pinamili mo?”, malungkot kong turan sa kaibigan ko.


“Eh di lulutuin pa din, at malamang pagkatapos ko magluto narito na rin si kolokoy. Hahaha”


            Sinimulan na nga ni Jun ang paghahanda ng mga kailangan sa kanyang lulutuin. Ako naman eh tumulong na rin sa paghihiwa ng mga ibang ingredients. Nagkukulitan pa rin naman kami ni Jun habang nagluluto subalit hindi ko magawang huwag mag-alala kung nasaan si Kuya Jaime. Wala man lang kahit note na magsabi siya kung saan siya pupunta, kargo kaya namin siya ng ina ko. Hindi rin naman namin siya matatawagan dahil walang natira sa gamit niya, saan ko nalang hahagilapin yung taong yun.


            Natapos na kami mag-luto pero wala pa rin si Kuya Jaime. Sa bawat oras na tumatakbo lalong tumitindi yung kaba sa aking dibdib. Yung pakiramdam na wala kang magawa kundi maghintay na lang. Hindi ko naman alam saan ang bahay nila para ma-check namin kung naroon ba siya. Isa pa ay pinipilit ko pa ding maging normal sa paningin ni Jun dahil baka mag-isip pa ng kung anu-ano dahil sa kinikilos ko.


Tok!Tok!Tok!


            Nabuhayan ako ng loob noong marinig kong may kumakatok. Mabilis pa sa alas kwarto kong tinungo ang pintuan para pag-buksan ang taong kanina ko pa kinasasabikang makita.


“JM, anak, pakitulungan mo nga ako dito sa bitbit ko. Oh, may bisita pala tayo eh. Nasaan si Jaime pala?” Palinga-linga nitong tinignan ang bahay mula sa pinto.


Disappointed. Akala ko si Kuya Jaime na ang dumating yun pala ay si Inay pala. Inabot ko ang kanyang mga dalahin at nag-mano.


“Nay, si Jun po, kaibigan rin po namin ni Kuya Jaime. May niluto pala kaming “special recipe” niya tamang-tama dating mo.”


“Magandang gabi po Tita. Mangangamusta lang po sana ako kay Jaime kasi nag-aalala po si Mama kung saan na po siya tumuloy buhat sa amin.”, magalang na pagbati ni Jun sa aking ina.


“Magandang gabi rin, hijo. Halika at pagsaluhan na natin yang inihanda niyo. Amoy pa lang talagang nakaka-gutom na. JM, tawagin mo na si Jaime para sabay-sabay na tayo at ng magkakwentuhan tayo ng mga kaibigan mo.”, masuyong salita ni Inay sa amin.


“Tita, wala pa po kasi si Jaime. Hindi po naming nadatnan pagdating naming rito.”, si Jun na ang sumagot. Tumingin si Inay sa akin parang may gustong sabihin pero piniling ipagpaliban muna kung ano man yun.


            Pinagsaluhan na nga naming ang niluto ni Jun para sa amin. To my surprise, it is really good pero hindi ko magawang kumain ng marami sa pag-aalala pa rin sa wala ko pang kaibigan. Masaya naman ang naging pagsasalo-salo naming pero may kulang nga lang para sa akin. Lumalim na rin ang gabi pero wala pa rin si Kuya Jaime at kailangan nang umuwi ni Jun.


“Tita Jean… Mikael, kailangan ko na umuwi. Inaantok na rin kasi ako eh. Paki-dagukan na lang para sakin si Jaime pagdating po niya.”, malokong pagpapaalam ni Jun sa amin. Binigyan ko na lang ito ng ngiti at nagpasalamat din sa kanyang niluto.


“Ingat ka hijo, babalik ka dito ha.”


“Sige po Tita, I will kapag meron po ulit kaming common time ng anak niyo po.” At pinaandar na nga niya si Buknoy at umalis na.


“Mikael? Ok ka lang ba anak? Kanina ka pa kasi matamlay.”, pagtatanong ni Inay pagpasok namin sa bahay.


“Wala po ito Inay. Pagod lang din po ito. Kayo Nay, dapat magpahinga na po kayo. Ako na po bahala magligpit…”


“At maghintay kay Jaime… Okay, ikaw na bahala. Huwag masyado mag-isip anak ha. Kung  nasaan man yun ngayon, I’m sure he is safe. Matutulog na ako ha, Good night anak ko…”, si Inay na mismo nagtuloy ng aking saloobin. Binigyan ako ng halik sa noo bago ito pumasok sa kanyang kwarto.


            Natapos na ko sa lahat ng dapat kong gawin pero wala pa ring Jaime na dumating. Pasado alas diyes na ng gabi ngunit ni anino niya hindi nagpakita. Namuo ang inis ko at tampo sa kanya. Bakit hindi man lang siya nag-paalam? Mahirap bang gawin yun? Sobrang urgent ba nung lakad niya para makalimutan magsabi man lang kahit sa kapirasong papel??


            Hindi ako mapakali, gusto kong lumabas at hanapin siya o doon sa kalsada maghintay ngunit hindi ko naman alam kung saan siya hahagilapin. Naisip kong tanungin si Jun ngunit baka tulog na ito ngayon at mag-alala din. Isa pa  sa kinalulungkot ko ay wala akong alam kung saan ba yung mga lugar na maari niyang puntahan katulad ng bahay nila.


            I felt really tired waiting and worrying sa kanya. Umupo ako sa aming hapag kainan at ipinatong ang aking ulo sa aking mga braso. Ipinikit ko ang aking mga mata na kanina pa din nangingilid sa luha dahil wala talaga ako magawa… sobrang nag-aalala sa taong yun na hindi man lang naisip na may mga tao siyang naiwan dito.


You! Selfish BEAST!!





...Itutuloy

           










4 comments:

  1. hala, cno kaya ung tumawag kay jaime? san kaya sya napunta? hmmmm

    ReplyDelete
  2. i like the story mr author :)...hindi nah mashadong nakaka lito hehehehe nxt chapter poh so excited na poh ako hehehhee keep up the good work poh<3

    marc:)

    ReplyDelete
  3. Wow. Next chapter please. There is really a good flow of story. It's really a different one. -_-

    ReplyDelete
  4. Wow nice...love ko talaga tong story na to..

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails