Followers

Monday, October 29, 2012

A Dilemma of Love: Chapter 6

Title: A Dilemma of Love
Author: Menalipo Ultramar
Email: condenadoka123@yahoo.com


----------------------------------------------------------------------


Unang-una sa lahat, maraming salamat sa mga tumugon sa pamamalimos ko ng comments XD. (Naawa naman ako sa sarili ko) Maraming salamat sa inyon lahat. Parte ko ang hindi naniniwala sa pagkakasunod-sunod, pero ayaw ko rin namang iwan kayong hindi namemention, kaya ayon na sa kung sinong unang nagkomment ah. Maraming salamat kina...

1.Nico
2.Anonymous
3. MARK13
4.ramy from qatar
5._alejojohn
6. _mjap
7.jhay_jhay16
8. foxriver
9.Anonymous
10. robertmendoza94@yahoo.com
11. riley delima
12. Anonymous
13. Sa lahat ng commentless readers...
14. AT KAY KUYA MIKE!!!! THANK YOU PO TALAGA

Bilang na bilang kayo ng mga kamay ko XD. Pero reading alone your comments makes me write. Kaya naman ako nagsulat, higit sa lahat, eh para marinig. HIndi lang para maglahad ng mga kwento ng buhay, kundi para maibahagi ko kung ano ang mga nasa isip ko (Pa-deep XD)

Gusto ko sanang gumawa ng Halloween special, kaso late na rin eh. Baka magkaroon ng Nochebuene scene sa horror story. Tsaka hilaw pa yung kwento, kaya siguro next year na lang. Yun ay kung meron pa nga.

May nag-aask ng character model. Pero malabo naman may magvolunteer. Pwede na ba sila Steven Silva at Rocco Nacino ( Ambisyoso)?

Nakaquota na akong tatlong chapters, sa second week of November na yata ang update nito...
----------------------------------------------------------------------
“There is always some madness in love. But there is also always some reason in madness.”
-Friedrich Nietzsche
----------------------------------------------------------------------
“HINDI PWEDENG WALA!!! PAANO MO SOSOLUSYUNAN ANG ISANG BAGAY NANG HINDI MO NALALAMAN ANG DAHILAN!!!
Halata sa boses niya ang galit, ang sobrang galit. Wala siyang pakialam kahit na may makarinig sa isinigaw niyang iyon, wala siyang pakialam kahit na malaman ng tao na may hindi kami pagkaka-unawaan. At ang huli...
...Wala siyang paki kahit na isang gwapong katulad ko ang sinisigawan niya...
Talagang nawalan na siya ng pasensya. Kitang-kita mo yun sa panggagalaiti ng halos namumula niyang mukha, bakas na bakas mo sa kanyang mga labi at sa nakakunot niyang noo at mga kilay, damang-dama mo sa matalas, nakakatakot, at nag-aapoy niyang tingin.
Pero, teka. Tama ba iyong pagkakarinig ko na isinigaw niya?
“Sandali, Chong...anong...sosolusyunan?” ang nag-aalangan kong naitanong sa kanya. Hindi ako sigurado kung iyan nga ba yung sinabi niya, nangibabaw kasi sa akin ang takot at gulat nung bigla siyang sumigaw.
Saka siya pumikit ng dahan-dahan, ng may paggalang, ng may buong pag-iingat. Huminga siya ng sobrang lalim habang muling pinaghawak ang kanyang dalawang kamay na naipukpok niya sa mesa ng sumigaw siya. Maski ako nakadama ng kapayapaan sa ginawa niyang iyon, parang may dumaan na anghel sa aking harapan dahil doon.
At muli na naman niyang itinuon sa akin ang mga mata niyang salamin ng kapanatagan, ng mga mata niyang sinlamig ng yelo...
...Nasa harap ko na naman ngayon ang Chong na sumisira ng utak ko araw-araw...
“Kapag nagpatuloy kang ganito, mababago ang buhay mo. Kapag hindi mo tinigilan ‘yang nararamdaman mo sa akin, magigising ka na lang isang araw na hindi mo na kilala ang sarili mo. Kapag hindi ka nagpapigil sa kahibangan mo, mamalayan mo na lang ang sarili mong nagsisi dahil namalayan mong ang daming nawala sa iyo...” Para siyang isang magulang na pinapagalitan ang kanyang anak. Kung kanina halos kainin niya ako ng buo, ngayon puno ng pag-aalala ang tinig niya...
...Hindi ko nga lang alam kung nag-aalala siya para sa akin o para sa sarili niya...
Hindi ko pa rin siya masagot. Nanatili akong nakayuko matapos niya akong sigawan. Yung eyeballs ko lang ang gumagalaw kapag tinitingnan siya, at dalawa lang ang direksiyon na pinupuntahan niyon: taas o baba. Gustuhin ko mang sumagot sa kanya, alam ko naman ang pupuntahan nun eh, pwedeng yuyuko na lang ako habang kinakatwiranan niyang mali ako, o pwede ring mabalitang may nakitang chop-chop na katawan ng isang gwapong lalaki malapit sa campus.
“Baka naipagkakamali mo lang sa selos ‘yang nararamdaman mo sa akin dahil lagi kong kasama si Jenilyn? Baka inaakala mo mayaman ako at may mahuhuthot ka sa akin kasi ang refined ng kilos ko? Baka naman...baka naman desperado ka lang talagang makapasa ng Civil Engineering at naghahanap ka lang ng isang taong lagi mong makukuhanan ng mga sagot sa assignments, sa quizzes, sa exams at sobrang pagiging desperado mo, parang pakiramdam mo nagkagusto ka na sa akin? O ‘di kaya, dahil nasabi mo na rin sa akin na hindi ka close sa tatay mo, eh naghahanap ka lang ng father figure at ako lang ang nakikita mong pwedeng tumulong sa ‘yo kung nahihirapan ka sa buhay mo at kung kailangan mo ng advices? O ‘di naman kaya, gusto mo lang talagang makuha ang lahat ng bagay dito sa mundo at hindi mo lang matanggap na hindi kita kinakausap, na naiiwasan kita, na nasisikil kita, na halos isampal ko sa mukha mo na katulad ka lang rin ng ibang tao dito sa campus, na lang hindi ikaw ang nag-iisang may itsura sa mundo? Baka na naman, gusto mo lang talagang subukang makipagrelasyon sa kapwa mo lalaki, wala lang gusto mo lang talagang subukan, something different, libog, experience?” Unti-unti na namang nawawala ang kalmanteng Chong. Dinig na dinig sa boses niya ang kalituhan, ang pagkabalisa, ang takot habang hinahanapan niya ng sagot ang tanong na siya mismo ang nagbigay sa akin.
Ang igsi at ang simple ng tanong niya, pero nakapagbigay siya ng maraming posibleng sagot. Hanep...
Hanep sa liit ang utak ko.
“Chong, sandali, wala talaga, wala eh. Kung meron mang dahilan ‘to, katulad ng ipinipilit mo, hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Oo, gusto kita, ‘yun lang ang alam ko. Kung bakit, kailan nagsimula, papaano, hindi ko alam. Ni hindi ko nga alam kung bakit sa lahat ng tao, eh ikaw pa, sa’yo pang lalaki rin. Paano mo ba malalaman kung papaano, kung kailan, kung bakit?” Wala naman talaga eh. Siguro pasakalye nga lang talaga nung sinabi kong walang dahilan ang pagkakagusto ko sa kanya, dahil kailangan ko lang talaga siyang sagutin ng mga oras na iyon, pero alam ko mismo sa loob ko na wala talaga akong maibibigay na dahilan sa kanya. Maibibigay mo ba sa kanyang dahilan na gusto ko siya kasi bumibilis ang tibok ng puso ko kapag nandiyan siya? Na kapag tinitingnan ko siya ng palihim ay may takot at tuwang nag-aagawan sa puso ko? Kakagatin ba niyang dahilan na hindi ako mapakali kapag magkakasalubong kami sa hallway? Hindi, baka mamaya bigla na lang niya akong pugutan ng ulo...
...Teka, ‘yung ulo ba sa taas, o ‘yung ulo ba sa baba?
Naughty.
“Lecheng hormones ‘yan, oo...”
“Huh?”
“So, tinatanggap mo na talagang magiging BAKLA ka?”
Nagpanting ang tenga ko. ANONG BAKLA? PAANO AKO MAGIGING BAKLA? LALAKING-LALAKI AKONG TINGNAN, MAGIGING BAKLA AKO! SIYA NGA ‘TONG BAKLA TAPOS IPAPASA NIYA SA GWAPONG KATULAD KO!
Tiningnan ko siya nang nakakunot ang noo at kilay. Lalong lumiit ang mga singkit kong mata dahil sa narinig ko. Gusto ko siyang sigawan, gusto kong isigaw sa harap niya na hindi ako baklang katulad niya, gusto kong isigaw sa harap niya na naririndi na ako mga pinaggagagawa niya at sa kakasabi niyang bakla ako.
Pero nakita ko sa pailalaim na sulyap ng kanyang malamlam na mga mata ang purong pag-aalala, ang katapatan, ang kainosentihan. Walang halong pang-uuyam, walang panunuya, walang pang-iinsulto.
Biglang nawala ang bakas ng galit sa mukha ko. Biglang nawala ang angas ko.
“Chong, sandali lang, bakit naman ako magiging bakla? Eh lalaki ako, straight na lalaki...” ang nasagot ko na lang sa kanya sa boses na parang nanlalambing at nanghihina. Kung bakit ganoon ang tono ng boses ko, hindi ko alam. Dapat galit ako eh! Bwisit talaga ‘tong Chong na ‘to.
"AH, lalaki pala. Kaya pala nagkagusto ka sa akin. Kaya pala nagkagusto ka sa kapwa mo lalaki kasi straight ka..." ang sarkastikong sagot niya sa akin.
Oo nga pala. Inamin ko na sa kanya na gusto ko siya. At hindi ko lang sa kanya sinabi, halos ipinagsigawan ko pa sa buong campus. Galing...
"Pwede ba, Carl. Tigilan mo na yung kakaclaim mo na kesyo straight ka, na kesyo lalaki ka, at kung ano-ano pa. It just doesn't make any sense. Saang lupalop ka ng mundo makakita ng STRAIGHT na LALAKING magkakagusto sa kapwa niya LALAKI?" Talagang diniinan niya ang mga salitang straight at lalaki. Talagang gusto niyang ipamukha sa akin hindi ako pangkaraniwang lalaki, na may kakaiba sa akin, na mali ang tingin ko sa sarili ko.
HINDI PWEDE!!! LALAKI 'TO, PRE!!! LALAKI' TO!!!
"Hindi pa rin Chong, lalaki ako. Kahit naman sa mga magkakarelasyon na kapwa lalaki, may itinuturing pa ring lalaki at babae. At yung mga bakla ang nagsisilbing babae sa relasyon nila, kasi, babae naman talaga sila, babae sila sa paningin nila at sa paningin ng karelasyon nila. Kaya papaano ako magiging bakla? Kasi, kahit naman maging magkarelasyon tayo, ikaw naman ang..." Natigilan ako, at saka ko lang naisip kung ano ang mga pinagsasasabi ko...
...Para ko na ring inaming gusto kong makarelasyon si Chong...
Nalintikan na.
Napapikit na lang siya sa mga nasabi ko. Siguro nahalata niya yung totoong laman ng sinabi ko, na gusto ko siyang maging akin. Teka, tanggalin mo yung 'siguro', nahalata talaga niya. Ano ba namang bagay ang makakalusot dito kay Chong, si Chong na halos ang simple mong paghinga ay mabibigyan niya ng isandaang dahilan. Patay kang bata ka! Kung hindi ba naman kasi ubod ng daldal, taena!
"Ang kitid Carl, napakakitid. Kapag ang isang lalaki nagkagusto sa isang bakla, maski siya isa nang bakla dahil nakikita niya sa kapwa niya lalaki ang mga bagay na dapat ay nakikita lamang niya sa mga babae. Ngayon, tutal nasabi mo na rin na maski sa mga homosexual relationships, eh mayroon pa ring itinuturing na lalaki at babae, edi parang sinabi mo na rin na isang lalaki at isang babae lang ang dapat magkarelasyon. Ang isang bakla kahit na anong bihis ang gawin niya, kahit na anong operation ang pagdaanan niya, kahit na anong arte ang gawin niya, ipinanganak pa rin siyang lalaki. At paano mo ituturing na babae ang isang lalaki, papaano? See, ang lakas ng loob mong sabihin sa akin na gusto mo ako, ang lakas ng loob mong aminin dito pa sa mismong harap ko na gusto mo akong makarelasyon, ni hindi mo nga matanggap 'yang mga bagay na iyan. Ni hindi mo matanggap sa sarili mo na ang pagpapatuloy ng mga ginagawa mo, eh pagtanggap na rin na isa kang bakla..."
Wala na lang akong nagawa kundi yumuko at iiwas ang tingin ko mula sa kanya. Lagi naman eh, 'yun na yata ang specialty ko. Wala akong nagawa kundi itago ang mukha ko mula sa kanya, ang mukha kong salamin ng mabigat na nararamdaman ko sa aking puso. Ganoon ba kasarado ang utak ko para sa mga ganitong bagay? Bakit ko nararanasan ang ganitong mga bagay? At higit sa lahat...
Bakit sa lahat ng tao sa mundo, sa kapwa lalaki ko pa mararanasan 'tong mga 'to?
Parang sasabog na ang utak at dibdib ko.Taydana, ka-gwapo kong lalaki, tapos lalaki rin pala ang hahanapin ko! Shit!
"Carl, kapag umibig ka sa kapwa mo lalaki, dapat ihanda mo na ang sarili mong talikuran ang dati mong mundo. Sa ganitong klase ng pag-ibig, sa iisang taong ipaglalaban mo, hindi lang iisa, hindi lang lilimang tao ang mawawala sa iyo. Hindi lang mga magulang mo, hindi lang ang pamilya mo, hindi lang ang mga kaibigan mo ang tatalikod sa inyo. Tatalikuran ka ng mundo. O sige, tanggalin natin yung exaggeration, may mga tao pa ring susuporta sa iyo. Pero matatabunan ang mga taong iyon, ng mga taong iyon na mabibilang mo lamang sa iisa mong kamay, matatabunan sila ng mga pang-uuyam at pang-iinsulto ng mga taong tumalikod sa iyo. Mayaman kayo diba, hindi mo ba naiisip na baka tanggalan ka ng inheritance kapag nalaman 'tong pinaggagagawa mo? May mga kalandian ka ngayon diba, hindi mo ba naiisip kung anong magiging reaksiyon ng mga babaeng ito kapag nalaman nilang may nakarelasyon kang bakla? Idagdag mo pa 'yung possibility na mag-fail yung relationship mo sa isang bakla. Makakaya mo ba 'yung marka na iiwan nun sa'yo habambuhay? I bet, no. Makakaya mo bang ipagpalit ang lahat ng bagay na iyan para lang MAKAPILING ang iniibig mong lalaki? Hindi diba. Maski nga yata sagutin ang tanong na 'yan ng 'hindi' eh hindi mo kaya, kasi napaka-brusko mo, napaka-immature mo, at napakaselfish mo..."
Tama nga siguro siya. Parang sarili ko lang ang iniisip ko masyado, ni hindi ko inisip ang nararamdaman ng ibang tao, ang nararamdaman ni Chong. Masyado akong napalagay na lahat sila eh makukuha ng ngiti ko. Hindi ko inisip na may sarili ring damdamin ang mga taong gusto kong makuha, hindi pumasok sa isip ko na bukod sa itsura ko, wala rin akong ipinagka-iba sa kanila. Pare-parehas lang kaming mga tao, pare-parehas na may sariling isip, pare-parehas na may sariling puso.
“Kung ikaw hindi mo masagot ang tanong na iyan, ako, sasabihin ko mismo sa harap mo ang sagot ko. HINDI. Hindi ko kayang tanggapin ang lahat ng iyan. At nalalaman ngayon ng bibig ko na sinasabi ko ang mga salitang iyan. Kaya ko ‘yang isigaw sa harap ng maraming tao nang hindi nauutal, nang hindi magtatago pagkatapos, nang hindi magkukunwaring hindi ako ang nagsalita ng mga iyan. Kaya pwede lubayan mo na ako. Tigilan mo na ‘yung pagpapakababa mo sa sarili mo para lang mapansin kita, dahil habang lalo mo ‘yung ginagawa, mas tumitindi ‘yung kagustuhan kong iwasan ka, mas sumisidhi ‘yung pagnanasa kong saktan ka, lalo ko lang gusto sungalngalin ‘yang pagmumukha mo!”
“Teka, Chong, ang O.A. mo naman! Nasabi ko lang sa iyo na gusto kita, kung ano-ano nang pinag-iisip mo. Gusto lang naman kita ah, ‘yun lang iyon. Hindi ibig sabihin nun na ikaw na ‘yung gusto kong makasama habambuhay. Gusto lang kita!”
Tama naman ako eh. Napaka-overacting talaga ng taong ito. Inamin ko lang sa kanya na gusto ko siya, kung ano-ano na ang nilitanya niya. Kesyo ganyan, kesyo ganoon. Para siyang tanga. Akala naman niya nabawasan ang buhay niya noong inamin kong gusto ko siya. Pasalamat pa nga siya at nagkagusto ang isang gwapong katulad ko sa katulad niyang hindi naman kapansin-pansin ang itsura. Akala mo kung sinong pinagkakaguluhan at sawa na sa atensiyon ng tao. Akala mo naman kung sinong hindi ganoon kadaling tanggalin sa isipan at hindi ganoon kadaling kalimutan...
...Pero, hindi nga ba...
Minsan ‘yan talaga ang downside ng pagiging matalino eh, para ka nang nababaliw. Napaka-overacting, napaka-overthinking, napaka-paranoid.
Nakakabanas.
“Ah, OO NGA NAMAN. Napaka-O.A. ko nga naman talaga. Hindi nga naman ibig sabihin na gusto mo ako, eh, guguluhin mo na ang buhay ko. Napaka-overthinking ko nga naman no, Carl. Kaya pala, kaya pala maski si Sir Villacruel kinotsaba mo para lang maging magkagroup tayo, para lang makasama mo ako, at para isampal lang sa mukha ko na gusto mo lang ako. Wala nga naman akong dapat ipag-alala, kasi normal na gawain lang ng bawat normal na tao ang pakialaman ang mga gamit ng mga taong hindi niya lubusang kilala. Ang galing no, susubukan ko ngang magpakonsulta sa psychiatrist as soon as possible. Napaka-paranoid ko na nga pala, no, Carl.”
Tama. May tama siya.Tamang-tama. Sa sobrang tama, para akong tinamaan ng bulalakaw sa ulo.
“Sige, sabihin mo sa akin mismo ngayon na wala akong dapat ipag-alala. Sige, sabihin mo mismo ngayon sa harap ko na gusto mo lang ako. Ipagduldulan mo ngayon na napaka-overacting ko, na napaka-overthinking ko, at napaka-paranoid ko...” ang sabi niya sa papigil at kalmanteng paraan. Pero sa likod ng kapayapaan niyang iyon, nagtatago ang sarkasmo, ang naka-iinsultong sarkasmo.
“Sandali, Chong, mali ka ng iniisiip, hindi ako ‘yung may kagustuhan na maging magka-group tayo. Si Sir Villacruel yung may pakana nun...”
“Ah, talaga. Eh bakit hindi mo pinigilan? Bakit hindi mo sinabihan na hindi na niya kailangan pang mag-abalang babaan ang sarili niya sa pag-iisip ng paraan para mapaglapit tayong dalawa? Bakit hindi mo pinilit na hindi na niya kailangan pang maki-alam sa mga ganitong bagay? At alam mo Carl, alam ko ang sagot, alam na alam ko. Kasi sa loob-loob mo, gusto mo rin yung ginawa niya. Kasi sa loob-loob mo, hinihiling mo rin yung bagay na ‘yun. Kasi napaka-epal mo at gusto mong maski ang tahimik kong buhay eh guluhin mo. Hindi ba...”
Nanliit na naman ako dahil sa mga sinabi niya. Para akong limang-taong gulang na batang walang magawa kundi yumuko at umiyak na lang sa isang sulok dahil may nagawa siyang kasalanan sa kanyang magulang. At kahit na naisin ng bata na iyon na sumagot at ipagtanggol ang sarili niya, alam niyang wala siyang laban dahil sa salita lamang ng magulang niya, tapos na ang lahat. Mistula akong naghina sa mga oras na iyon. Parang nailarawan niya sa halos tatlong minuto niyang pagsasalita ang eksaktong nararamdaman ko. Para lang akong isang manual na binasa niya noong mga oras na iyon.
“...tama ako Carl?”
Wala talaga akong lusot sa taong ito.
Nanatili na lamang akong tahimik. Wala naman akong magagawa eh. Alangan namang isipin ko ang susunod niyang sasabihin o gagawin, hindi ko kaya ‘yun, at hindi ko alam kung bakit. Kung siya nagagawa niya iyon  ng napakadali na parang humihinga lang, ako, kailangan ko pa yata siyang kalimutan para matutunan iyon. Parang isang maskarang kulay itim ang nakikita ko sa tuwing titingin ako sa kanya, walang emosyon, walang damdamin, parang isang estatwang ni kalungkutan ay wala sa mukha.
“Well, here is the thing Carl, here’s the CLEAR THING. Nachachallenge lang kita. Nakakita ka lang sa akin ng katapat. Hindi mo lang talaga matanggap na hindi mo ako mapa-amo, na hindi mo ako mapasuko, na iba ako sa lahat ng taong nakilala mo. Well, that’s life. You cannot please everyone as I cannot please everyone also. Nalilito ka lang sa nararamdaman mo. Infatuation lang ‘yan, mawawala rin. At kung hindi ‘yan mawawala, kailangan pa rin niyang mawala. Pwede naman kitang tulungan eh. Pwede tayong pumunta sa guidance counselor ng campus, so they can talk with your parents. I know they’ll understand. Kung ayaw mo nun, edi mag-girlfriend ka, yung seryosong girlfriend. Upon doing that, marerealize mo na lang na lalaki ka pala talaga. Ngayon, kung hindi iyon ang dahilan at ang gusto mo talaga ay maging karelasyon ako just for the sake of having fun and just for the experience of having sex with a gay, I cannot and I will not help you with that. Oo, bakla ako, at sa mga katulad kong tinatalukuran ng mundo, respeto lang isa sa mapanghahawakan ko. At hindi ko isasakripisyo ang respeto ko sa aking sarili para sa isang bagay na alam kong hindi at hindi kailanman magtatagal. Well, either way, you are only left with two choices...”
“CHONG!!!”
Bigla kong inangat ang aking ulo at sinuri kung kaninong tinig iyon.
Si Jenilyn.
Saka tumayo si Chong at isinukbit ang kanyang body bag sa kanyang kanang balikat. Itinukod niya ang kanyang magkahiwalay na kamay sa mesa, habang inilalapit ang kanyang mukha sa aking harapan.
“It is either you go insane, or you get over with it...” ang sabi niya sa mahinahon na paraan.
Pagkatapos noon ay umalis siya. Para niya akong iniwan sa kawalan. Oo, exaggeration nga siguro, pero ‘yun ang eksaktong nararamdaman ko. Parang akong nanghihina. Parang unti-unti akong nawawalan ng lakas. Parang gumuguho ang mundo ko. Wala akong nagawa kundi tumingin sa kawalan.
Tama si Chong na kakaiba nga siya sa lahat ng taong nakikilala ko. Tama si Chong na gusto ko siyang makasama. Tama si Chong na gusto kong makuha ang atensiyon niya. Tama, tama siya sa lahat, pwera sa isang parte. Hindi lang dalawa ang pagpipilian ko, kundi tatlo. Oo, pwede akong mabaliw kapag ipinagpatuloy ko ang kahibangan kong ito. Oo, pwede kong tanggapin na lang ang lahat ng bagay na ito at ipagpatuloy ang buhay. Pero may nakakalimutan siyang isang bagay na maaari kong pagpilian...
...ANG MAGING KAMI...
-----------------------------------------------------------------
Napakaganda ng Pangasinan.
Napakaganda ng dagat. Napakaganda ng tubig. Napakaganda ng mga bundok. Napakaganda ng hangin. Napakagandang damhin ng simoy ng hangin. Napakagandang languyin ng karagatan. Napakaganda ng mga luntiang puno. Napakaganda ng mga seashells, ng mga talangka, ng mga alimango na nakikita namin sa tabing dagat. Ganda, sobrang ganda. Napakaganda.
Pero sa pagitan namin ni Chong, mukhang walang magandang mangyayari.
Hanep.
Kapag pumupunta ako sa isang station, pasimple namang aalis si Chong. Ni hindi kami nagkaroon ng chance na mag-usap, o kahit magngitian man lang. Kunsabagay, kailan ba naman tumawa ang taong ito. Eh kapag lagi ko siyang nakikita, lagi siyang naka-poker face, laging walang reaksiyon sa mukha niya.
Pero mali ako, dahil tawa siya ng tawa ngayon.
Kinakausap niya lahat ng mga tao kada station, tinatanong kung anong mga readings, kung tapos na ba sila, kung tama ba ‘yung pagkalevel ng instrument. Ginagawa niya iyon sa lahat ng grupo, pwera lang sa grupo namin nila Fred. Habang siya eh tawa ng tawa habang kasama niya ‘yung mga kagroup niya, ako naman halos puti na lang ng mata ko ang makita dahil sa kakatingin ko sa kanya nang pagilid. Ni hindi ko nga alam, minsan nakatingin na pala sa akin si Fred. Nakatingin siya sa akin, habang nakatingin ako kay Chong. Tapos makikita ko na lang siyang nakunot ang noo. Puta! Baka makahalata siya! Anong gagawin ko? Gusto ko nang tumigil pero hindi ko magawa...
Dumating ang unang araw at unang gabi, dumating silang walang magandang nangyayari sa pagitan namin ni Chong.
Nagswimming sila ni Jenilyn. Putik! Ang sarap kumain ng putik! Parang nagseselos ako habang nagbabatuhan sila ng basang buhangin kasama ‘yung mga orihinal niyang kagroup. Parang gusto ko ako na lang ‘yung kabatuhan niya, kahit na isang truck ‘yung ibato niya sa akin at halos ipakain na niya sa akin ‘yung basang buhangin.
Ngayon, alam ko nang kay Jenilyn ako nagseselos, dahil kasama niya si Chong...
Kailangang mahinto ‘to! Taydana! Eh bakit kailangan mahinto! Basta, kailangan nitong mahinto!
“Jenilyn, wag ka nang lalangoy ah, malalim doon sa parte na ‘yun...” ang sabi ko kay Jenilyn. Halos lahat na kasi nung mga talagang kagroup ni Chong eh nakalublob na sa tubig, sila na lang ni Chong ang nasa dalampasigan. Talagang ‘yun ang sinabi ko kay Jenilyn, talagang mga salita ng pag-aalala. Nag-aalala kay Jenilyn, dahil magandang babae siya at napakaganda niya para malunod siya. Pero higit sa lahat, gusto ko ring mag-alala si Chong, gusto ko siyang mag-alala sa selos.
Pero fail, epic fail. Lumusob na si Jenilyn sa dagat habang nasa dalampasigan naman si Chong, walang reaksiyon, walang pag-aalala, parang hawak niya ang mundo.
Kailangan ko na siguro talagang tumigil. Parang nakakapagod na. Parang ako na lang palagi. Parang ako na lang ang laging nahihirapan, ako na lang ang laging natuturete, ako na lang ang laging napapahiya. Kung para sa akin, halos katumbas ng buhay ko ang ginagawa ko, para sa kanya, wala lang. Walang magbabago ke may gusto man o wala akong gusto sa kanya. Haaayyy. Buntung hininga. Ayoko na. Sawa na ako...
Pero kaya ko ba talagang gawin ‘yun? Kaya ko ba talagang talikuran ang lecheng nararamdaman ko para kay Chong?
Dumating ang huli naming gabi sa Pangasinan...
...At mukhang dumating na rin ang hinihintay kong gabi...
Dahil nga sa huli na naming gabi, syempre hindi mawawala ang inuman. ‘Yung mga prof pa nga ‘yung nag-organize nun eh, akalain mo. Pero okay lang, toma din ‘yun. Kailangan ko ring makalimot...
Halos mag-aalas dose na nang makita ko si Chong sa may dalampasigan nang nag-iisa. Ni hindi man siya natakot kahit na ‘yung bilog lang na buwan ang tanging ilaw niya. Wala namang kakaiba, lagi naman siyang ganoon, lagi siyang nasa dalampasigan. Umaga, tanghali, gabi, nasa dalampasigan. Hindi ko alam kung bakit hindi siya natatakot, eh parang pugad ng alien activities ‘yung dalampasigan kapag gabi. Kunsabagay, hindi naman malayong alien ‘tong taong ‘to. Sa sobrang dami na nang pagpapacute na ginawa ko sa kanya at sa patulay pa rin niyang pagsikil, malamang di nga siya tao.
Teka, ano naman ang gagawin ko? Pupuntahan ko siya sa dalampasigan? Diba sabi ko, tama na? Hindi pa talaga ako pagod no? Hindi pa talaga ako nagsawa? Ayaw nga sa akin ng tao, pagpipilitan ko ang sarili mo. Ayaw niya sa ‘kin, fine, ayaw ko rin sa kanya. Hindi dapat pinag-aaksayahan ng oras ang mga katulad niya. Andyan naman si Jenilyn, edi sunggaban ko. Kahit may boyfriend, ahasin ko, basta makalimutan ko lang ‘yang taong iyan! Taydana niya! Bumalik ka na sa spaceship niyo! Akala mo habambuhay akong maghahabol sa iyo! Ha, in your face! Masyado akong gwapo para gawin ‘yun...
...pero kung gusto mo namang lapitan siya, bakit hindi...
Tinabihan ko siya sa buhanginan. Pero hindi ako masyadong lumapit, baka mamaya bigla niyang hugutin ang ulo ko at ilublob ako sa dagat. Mahirap na.  Kaya medyo lumayo ako sa kanya.
Kakausapin kaya ako ng taong ito? Malay ko, bahala na...
Isang minutong katahimikan.
Nanatili siyang nakatingala sa mga bituin, parang sinusuri niya bawat bituin na makita niya. Mukha ngang alien ‘tong tao na ito. Pero ang cute niyang tingnan, parang nagsasalita pa nga siya sa sarili niya eh. Para siyang bata na halos kakabukas  pa lang ng isip para sa mga hiwaga ng mundo.
Dalawang minutong katahimikan.
Nahawa na rin ako sa ginagawa niya, napatingin na rin ako sa langit. Napakaganda. Ngayon alam ko na kung bakit siya laging nasa dalampasigan. Kada bituin may kanya-kanyang kinang. Idagdag mo pa ‘yung liwanag ng bilog na bilog na buwan. Hindi ko alam kung bakit, pero nawala ang takot ko, ang takot kong magkaroon ng alien activity doon. Napalitan ito ng saya, saya sa mga nakikita ko. Kung tutuusin nakikita mo rin naman ‘yun sa bahay. Hindi ko alam kung bakit, pero parang iba ang mga bituin ngayon...
Siguro dahil kasama ko si Chong...
Tatlong minutong katahimikan.
“May itatanong ka ba sa akin?” ang biglang pagbasag ni Chong sa katahimikan.
Nagulat ako, lagi naman eh. Hindi ko inaakalang siya pa ang mag-iinitiate ng conversation namin. Siya pa na halos iwasan ako sa buong pamamalagi namin sa Pangasinan. Ano bang itatanong ko sa taong ito? Tanong na hindi siya maiinsulto, tanong na hindi mabribring-up ‘yung lahat ng nangyari sa amin, tanong na mapapangiti ko siya. Teka, may ganoon ba para sa tanong ito, eh parang alam na rin niya lahat. Hindi naman pwedeng tanungin ko siya tungkol sa Surveying. Napakaromantic nun at kaya talaga ng utak ko.
Nanatili na lang akong tahimik.
“Edi, ako na lang ang magtatanong. Okay lang ba?” ang sabi niya sa boses na para kong nakatatandang kapatid, na parang magulang, parang may konting lambing.
Ano na naman ang mahiwagang nakain ng taong ito?
“Ah, sige. Okay lang. Basta...’wag lang ‘yung nakakagulat tsaka nakakainsulto...”
“Haha...” Bigla siyang tumawa. Buong pagtawa. Parang tawa ng taong niloko ng mundo. Nakakatakot talaga ‘tong tao na to, hindi mo alam kung anong tumatakbo sa isip...
“...Pasensiya ka na nga pala kung naging masama ako sa’yo nung mga nakaraan araw. Sorry talaga....” ang sambit niya habang nakatingin sa dalampasigan.
“Pabayaan mo na ‘yun...” Habang siya ay nakatingin sa kawalan, hindi naman ako nagsawang tingnan ang kanyang mukha.
“Sorry nga...”
“Okay na nga. Kalimutan na lang natin...”
“Sorry ulit...”
“Oo nga...”
“Oh, pwede na akong magtanong?”
“Oo, kanina pa...”
Saka siya tumingin sa akin ng nakakunot ang noo, na parang nagtatanong. Sinabayan pa niya iyon ng sulyap na napaka-amo, mistulang batang nanghihingi ng candy, mistulang namamalimos. Ngayon ko lang siya nakitang ganon. Napaka-amo. Mukhang eto na nga ‘yun. Ito na talaga ang hinihintay ko...
“Bakit ang landi ninyong mga lalaki?”
Parang may UFO na dumaan sa harap namin. Eto na naman siya sa mga kakaiba niyang mga tanong.
“I mean, oo, lalaki rin naman ako, pero aminado naman akong bakla ako. Well normal naman talaga sa mga lalaking maging flirt, evident rin naman ‘yung ganoong behavior sa mga primates kapag naghahanap ng mate. Pero bakit kayo, napakalandi niyo, to the point na pati kapwa niyo lalaki eh nilalandi niyo?” ang tanong niyang walang halong pang-iinsulto, walang pang-uuyam, no pun intended.
Nanatili na lang akong tahimik. Tiningnan ko na lang siyang parang nagtatanong din.
“Tsaka bakit habang lalo kitang sinasaktan, lalo kang lumalapit? Sadista ka ba? Hindi ka ba talaga nagahasa noong bata ka?”
Nanatili na lang akong tahimik. Habang nagtatanong siya, may mga lumalabas ding taong sa isipan ko. Ganito ba talaga ‘tong tao na ito. Kakaiba, talagang kakaiba.
Nanatili na lang akong tahimik. Tahimik, habang siya ay tinitigan akong puno ng katapatang naghahanap ng sagot.
“Kunsabagay, bakit ko nga naman itinatanong sa ‘tong mga bagay na ito...”
Biglang nawala ang bakas ng pagtatanong sa aking mukha. Nang-iinsulto ba siya? Porket matalino siya, gaganun-ganunin lang niya ako. Bwisit talaga siya. Pasalamat siya, gusto ko siya, at hindi ko siya masapak. Tiningnan ko na lang siya na puno ng pagtatanong, na puno ng pagbabanta, na puno ng inis.
“’Wag mo akong tingnan ng ganyan, hindi ko naman sinasabing bobo ka. Ang sinasabi ko lang, mas may alam ako sa’yo..”
Edi, sige. ‘Yun naman pala eh. Linawan mo kasi sa susunod. Teka, eh parang nag-iinsulto pa rin siya noon eh.
“Tsaka anong karapatan kong insultuhin ka, eh achiever ka rin namang katulad ko. Achiever na nakakapasa na lang ngayong college...”
Good, kundi baka bumalik na siya sa spaceship niya...
“Nung sinabi mo bang gusto mo ako, ibig sabihin ba noon eh gusto mo akong makarelasyon?”
Nagulat ako, lagi naman, lagi at lagi na lang. Pero iba ‘to, ibang tanong ‘to. Tanong na walang pang-iinsulto, tanong na walang panggagago, tanong na masasagot ko.
“Ah, ah...” saka ko napagtanto na hindi pala ganoon ‘yun kadali. Ang pagsagot sa tunay na nararamdaman ko eh ang pag-iwan ko sa dating ako, ang pagtanggap sa ano mang maaaring mangyari, at pag-amin na mali ako ng pagkakakilala sa sarili ko.
“Oo no...” siya na ang sumagot sa sarili niyang tanong, pero parang ang sagot niya rin ang gusto lumabas mula sa bibig ko.
“Hati eh, parang oo na parang hindi...” ang sagot ko sa kanya. Hati naman talaga ang nararamdaman ko, pero alam kong isa sa dalawa ang mas nakakalamang.
“Pero mas nakalalamang ‘yung oo...” Hanep, kuha niya, kuha talaga niya.
Hindi ako sumagot, hindi ako tumango, hindi ko alam kung bakit. May naghihilahan sa puso ko eh. Tindi. Hindi ko maipaliwanag.
 “Haaaayyy...” Dinig na dinig ko ang kanyang buntong hininga, parang nanghihinayang. Hindi ko alam, siguro parehas lang sila ni Sir Villacruel ng sasabihin sa akin, na kesyo kailangan kong tigilan ‘to, na mahirap ‘to, at kung ano-ano pa. Ayoko ko nang marinig uli, pero anong magagawa ko kung sasabihin niyang muli yung nga iyon? Wala naman, yuyuko lang ako, yuyuko at tatahimik. Pero bakit nga ba hindi tumatak sa isipan ko ‘yung mga sinasabi nila. Hindi, alam na alam ko eh. Halos kabisado ko na nga dahil paulit-ulit lang nilang sinasabi ang mga ito. Pero bakit hindi ko magawa? Bakit? Ano bang masyadong mahirap kung lulubayan ko si Chong? Ano bang masyadong mahirap kung hahayaan ko na lang ‘tong nararamdaman ko? Ano bang masyadong mahirap kung tatanggapin kong hindi magiging akin si Chong?
Wala akong nagawa kundi laruin ang pinong buhangin sa aking tabi...
“Oh, edi...tayo na...”
Napatingin ako sa kanya at saka ko rin nakita ang nakatuon niyang ulo sa akin. Sinabi niya iyon nang panatag, nang kalmante, nang hindi nauutal, parang he really means it. Taydana, ano na naman ‘to?
“...Ser...yoso...ka...ba....?”
“Hindi kita ganoong kaclose, para biruin kita...” Nabilaukan naman ako. Kung hindi kami ganoon kaclose, eh bakit gusto niya maging kami na. Labo talaga ng taong ito.
“Ayaw mo yata eh, edi ‘wag...” saka siya akmang tatayo...
“Sandali...” saka ko hinawakan ang kanyang kamay. Akala ko magpupumiglas siya, pero hindi niya ginawa. Mukhang sinaniban ang taong ito. Ibang Chong na naman ang nasa harapan ko. Isang Chong na walang katiting na bangis, isang Chong na hindi nakakatakot, isang Chong na maamo. Mukhang eto na ‘yun! Bumigay na talaga si Chong sa akin! Sabi ko na nga ba eh, wala talagang makakahindi sa ‘yo! Sa sobrang gwapo kong ito, walang makakasikil sa iyo! Hanep, ang gwapo ko! At higit sa lahat...
MAPAPASAAKIN NA SI CHONG!!!
Saka siya muling umupo sa buhanginan...
“Pero sa limang kondisyon...”
Nabilaukan ako.
“Ha? Hindi ba parang ang dami naman noon?”
“Edi, break na tayo? Duration of the relationship: 3 minutes...” ang sabi niyang parang hawak niya ang sagot ko, sinabayan pa niya iyon ng pailalaim na tingin.
“Hindi ka naman mabiro. Sige, ano ‘yung mga iyon?”
“Unang-una, hindi ka makakakuha sa akin ng kahit anong uri ng sagot sa assignments, sa quizzes, at sa mga major examinations. At sa pag-gamit ko ng saliting ‘uri’, I meant written and oral. Pwede kitang tulungan kung papaano sagutin ‘yung mga problems kapag assignment o ‘di kaya group work, pero hindi ‘yun pwede sa quizzes at examinations. And take note, ang sinabi ko eh ‘kung papaano sagutin’....”
“Ako  ka ba naman, sabi mo may konti rin akong utak. Tingin mo talaga kaya ako nangungulit sa iyo palagi kasi manghuhuthot lang ako sa iyo ng sagot...”
“Medyo...” ang sabi niya sa parang nag-uuyam sa boses. Sinabi pa niya iyon sa patagilid na mukha, habang nakikita ‘yung neck line niya.
Nabilaukan ako.
“Pangalawa, hindi ka pwede magkaroon ng kahit anong uri ng romantic relationship na labas ng sa atin. Mali, I doubt kung magiging romantic ‘tong relationship natin. Uhmm, erotic? Hindi rin. Uhmm, relationship na lang. In short, hindi ka pwedeng mangaliwa. Hindi ka pwedeng magkaroon ng straight relationships at gay relationships. Maski bromance hindi rin pwede. You must understand na among the five, I give the most importance to this condition. Well, itong second tsaka third conditon and talagang delikado. Kunsagabay, mukhang malabo naman ‘yung gay relationship tsaka ‘yung bromance, kaya ‘yung straight relationship na lang ang mukhang magiging major concern natin...”
Teka, nagseselos ba itong taong ito sa mga babaeng nakapaligid sa akin?
“...Isa lang sa tatlo ang maganap, tapos na tayong dalawa...” saka siya uli tumingin sa dalampasigan.
Napaka-possessive naman ng taong ito. Masyadong mapang-angkin, masyadong agresibo, mas lalong nakaka-excite.
Gusto ko sana siyang aluhin na hindi ako magloloko sa kanya, dahil siya lang ang tanging laman ng aking puso. Hindi ko ‘yun magagawa sa kanya, dahil siya lang ang nakakapagpaligaya sa akin. Gusto ko sana siyang yakapin, para sabihin sa kanyan hindi niya kailangan magselos para sa mga babaing nakapaligid sa akin, dahil nasa kanya lang ang mga mata ko. Gusto ko sana siyang halikan, para pawiin ang pangambang nararamdaman niya.
Unti-unti akong lumapit sa kanya. Pakaladkad kong iniurong aking katawan papunta sa kanya, at habang iniuunat ko na ang aking maga kamay upang yakapin siya...
“Walang yakapan, walang holding hands, walang halikan, walang dikitan ng balat, walang encounters na lalagpas ng public zone...”
“Ha?”
“...At walang sexual intercourse...” saka siya tumingin sa akin ng patagilid at nang may mababang kilay.
Nasa harap ko na naman ang Chong na palagi akong tinitikis, ang Chong na palagi akong pinapahiya, ang Chong na umaming may gusto siya sa akin.
“’Yan ang pangatlo kong kondisyon...”
Ngumiti siya nang hindi nakikita ang kanyang mga ngipin, na parang nang-iinsulto, parang namamahiya.
“Edi sinong unang sumuko?”
Hindi siya nagsalita.
“Sinong nakasikil kanino?”
Walang salitang lumabas mula sa bibig niya.
“Ang gwapo mo Fonse, SOBRANG GWAPO MO...”

7 comments:

  1. Waah!! Panalo ang chapter na 'to! Kinabahan, nainis, nanghinayang at kinilig ako hahaha!

    Mahal na mahal ni Chong si Fonse. He's very wise yet mysterious talaga (nagkaroon ba sya ng kakaibang karanasan when he was young?). I love his idea of putting boundaries between them. Para makasigurado sya na hindi lang "lust" at "pride" ang umiiral kay Fonse...

    (CHONG means LOVE hehehehe)

    Kay Fonse naman, parang hindi pa 100% ang pagmamahal nya kay Chong. Yung tipong hindi pa nya kayang manindigan kasi nasa idendity crisis sya. But with those conditions, he will be challenged... Let's see how far he can go....


    Rating: 11/10 (sana mas mabalis ang update hehehe).

    Steven Silva and Rocco Nacino??? Hmmmm... saka na lang yan hehehe



    P.S: KAPAMPANGAN ka ba author?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hindi po ako Kapampangan...bakit po?

      Delete
  2. Waah!! Panalo ang chapter na 'to! Kinabahan, nainis, nanghinayang at kinilig ako hahaha!

    Mahal na mahal ni Chong si Fonse. He's very wise yet mysterious talaga (nagkaroon ba sya ng kakaibang karanasan when he was young?). I love his idea of putting boundaries between them. Para makasigurado sya na hindi lang "lust" at "pride" ang umiiral kay Fonse...

    (CHONG means LOVE hehehehe)

    Kay Fonse naman, parang hindi pa 100% ang pagmamahal nya kay Chong. Yung tipong hindi pa nya kayang manindigan kasi nasa idendity crisis sya. But with those conditions, he will be challenged... Let's see how far he can go....


    Rating: 11/10 (sana mas mabalis ang update hehehe).

    Steven Silva and Rocco Nacino??? Hmmmm... saka na lang yan hehehe



    P.S: KAPAMPANGAN ka ba author?

    ReplyDelete
  3. ibang level talaga talaga utak ni Chong..kahit may sagot si Fonse supalpal pa rin hihi..

    but i really think mahal nga nya si Fonse..gusto lang nyang magpakatottoo si Fonse..and the way i see it,dinidisiplina din nya si Fonse kasi gwapo nga,na di komo gwapo lahat makukuha lang sa isang iglap,yung walang kahirap hirap..nice chapter Mr.Author..next na po :))

    ReplyDelete
  4. Natawa naman ako sa huling banat ng story mo,hahaha...

    patay kang fonse ka,sa sobrang gwapo mo ikaw ang na-under,how romantic,hahaha x)

    ReplyDelete
  5. Ang galing.. ang ganda ng story... hehehe

    ReplyDelete
  6. Nice..may bago na naman akong susundan na story..

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails