Followers

Saturday, September 8, 2012

Bahay-bahayan [2]


By: Mikejuha

(Thanks to Joji for the image)

Tuwang-tuwa ang inay at itay noong nakarating na kami sa evacuation center. Napaiyak din ako dahil sa dinanas nila. Muntik-muntikan na raw pala silang mabagsakan ng mga puno ng niyog at kahoy. Bagamat wala silang naisalba sa aming mga manok at baboy, masaya pa rin kami na ligtas kaming lahat. Malaki rin ang pasasalamat ng aking mga magulang kay Manuel.


Akala ko ay ang pangyayaring iyon ang siyang maging simula sa tuloy-tuloy naming pagiging close ni Manuel.  Ngunit simula noong nanumbalik na ang normal na kalagayan ng aming sitio, napansin kong hindi na nagpapakita pa sa akin si Manuel. Hindi na rin siya dumadaan sa aming bahay. Hindi ko alam kung sinadya niya iyon o nagkataon lang na hindi siya dumadaan.

Naghintay pa rin ako.

Isang araw naglakad ako sa kalsada patungo sa palengke noong naaninag ko sa di kalayuan na makakasalubong ko si Manuel. Tuwang-tuwa ako kasi gusto ko na siyang kausapin at nasasabik na rin ako sa kanya.

Ngunit laking gulat ko noong imbes na tumuloy siya nang deretso upang magkasalubong kami, lumihis siya ng daan at nagmamadali. Tumakbo ako upang mahabol ko siya. Tinawag ko pa ang pangalan niya. Hindi siya lumingon.

Doon ko napagtanto na marahil ay sadyang iniiwasan niya ako. Sa gabing iyon, hindi ako dinalaw ng antok. At nabuo sa isip ko na puntahan na lang siya sa bahay nila. Tutal, sa pagkakataong iyon, alam ng lahat sa sitio namin na si Manuel ang nagligtas sa akin.

Naabutan ko sa harap ng kanilang barung-barong ang kanyang ina, nagwawalis. “Aling Mila... nand’yan po ba si M-manuel?” tanong ko.

“Ay... ikaw pala Junjun!” sambit ng ina ni Manuel. “Saglit lang at tatawagin ko.” Nilapitan niya ang pinto ng kanilang bahay at sumigaw, “Manuel! Manuel! Nandito si Junjun! Hinahanap ka!” at baling sa akin. “Sige Junjun, upo ka mua d’yan ha?” turo niya sa bangkong kawayan na nakapuwesto ng patagilid sa bungad ng kanilang hagdanan atsaka itinuloy ang pagwalis.

Tamang-tamang natapos ang inay niya sa pagwalis sa harap ng bahay, tumungo naman ito sa likod upang doon ipagpatuloy ang pagwalis. Siya ring paglabas ni Manuel, kamot-kamot pa ang ulo at halatang bagong gising. Naka-short pa rin siya, iyong short pa rin niya noong baha at kadalasan kong nakikitang suot niya. Nakahubad din ang pang-itaas niyang katawan. Siguro ay iyon talaga ang nakasanayan niya, palaging hubad ang dibdib.

Umupo siya sa dulo ng sahig kung saan ang bungad ng pintuan at itinukod ang dalawa niyang paa sa pangalawang pinakamataas na baitang ng kanilang hagdanang kawayan. “Bakit?” ang agad niyang tanong na parang hindi nasiyahang dinalaw ko siya.

“G-gusto ko lang magpasalamat sa iyo eh.” ang may pag-aalangan ko pang sabi.

“Hayaan mo na iyon. Tapos na iyon.” sagot naman niya.

Natahimik ako nang sandali. Para kasing iba ang tono ng kanyang pananalita. Maya-maya, “A-ayaw mo ba akong makita?” ang tanong ko.

“H-hindi naman sa ganoon. Basta... kung maaari, huwag kang pumarito sa amin.” at tumayo siya, bumalik na sa loob ng bahay. Parang nagdadabog.

Bigla naman akong nalungkot. Hindi ko kasi inaasahang ganoon ang reaksyon niya sa aking pagdalaw. At wala akong nagawa kundi ang umuwi, ang aking isip ay litong-lito kung ano ba talaga ang aking nagawa sa kanya.

Lumipas pa ang ilang linggo at iyon na talaga ang routine. Hindi na siya dumaan sa bahay namin, kapag nagkasalubong kami, lilihis siya upang hindi kami magkasalubong. Pati na rin sa pagpapakopra ng aking mga magulang sa aming niyogan ay hindi na rin daw niya tinatanggap.

Noong una ay tiniis ko ang lahat. Iniisip ko nab aka may problema lang iyong tao at sa kalaunan ay manumbalik rin ang nakagawian niyang pagdaan sa bahay naming. Ngunit sa paglipas pa ng ilang araw, para na akong nato-torture dahil ganoon pa rin siya, umiiwas. Parang napaka unfair naman kung sa kabila nang pagtulong niya sa akin ay bigla siyang magbago. Unfair din kung ang nangyari sa amin ang dahilan gayong pareho naman naming ginusto iyon. At kung may sama ng loob man siya sa akin, dapat ay sabihin niya upang klaro, makapag explain ako at kung ayaw niyang tanggapin ang explanation ko, at least alam ko kung ano ang ikinasasama ng loob niya.

Sabado ng umaga, dinalaw ko muli siya sa bahay nila. Ngunit wala raw siya doon sabi ng kanyang kapatid na babae. Nasa niyogan daw ng kalapit ng niyogan sa amin.

Dahil alam ko ang lugar, pinuntahan ko. Ngunit wala rin akong nakitang tao. Tatalikod na sana ako noong biglang may nalaglag na niyog, “Doon ka sa may kubo! Baka mahagip ka ng mga niyog!”

Si Manuel. Naroon pala siya sa taas isang puno ng niyog. At maya-maya muli ay may nalaglag, buko naman. “Hala ka...! Pagagalitan ka ng may-ari! Hindi pa nakokopra iyan ah!” sambit ko.

“Di ibawas niya sa bayadniya sa akin kung gusto niya!” sagot naman niya. At nakita kong bumaba na siya sa puno.

Dumeretso ako sa kubo na sinabi niya at naupo sa bangko na kahoy. Noong lumapit siya, dala-dala na niya ang apat na buko. Hinugot niya ang kanyang itak na nakalaylay sa gilid ng kanyang beywang, binutasan ang isang buko atsaka iniabot iyon sa akin. “Pasensya ka na, ito lang ang maibigay ko sa aking bisita...”

Napangiti naman ako habang tinaggap ang buko. Hindi ako nakakibo sa tuwa. Hindi ko kasi akalain na harapin niya ako at talagang nag-effort pa siya na pakainin ako ng buko. Tinungga ko ang sabaw noon at noong ibinaba ko na, kinuha niya ito asaka hinati. Gumawa rin siya ng pangkuskos at noong natapos, siya na rin ang nagkuskos ng laman.

Tahimik lang ako habang ginawa niya iyon. Pinagmasdan ko ang bawat galaw niya.

“Kain ka na” ang sambit niya noong natapos na siya sa pagkuskos at iniabot sa akin ang buko na nakuskos na ang laman.

“H-hindi ka na galit sa akin?” sambit ko noong tinanggap ko ang buko.

“Hindi naman talaga ako galit sa iyo eh. Ayaw ko lang...” hindi na niya itinuloy pa ang sasabihin.

“Ayaw mong ano?”

“Wala. Kalimutan mo na iyon.”

“Bakit mo ako iniiwasan?”

Tiningnan niya ako. Siguro naisip na kukulitin ko pa rin siya kapag di niya sasabihin ang dahilan. “Mahirap lang kami, may kaya kayo. Wala akong panahon sa mga kaibigan.” sabay yuko, binutasan ang isang buko at ininum ang sabaw.

“Ito naman kung makapagsalita akala mo napakayaman na namin. Atsaka ano naman ang masama kung makikipagkaibigan ako sa iyo?”

“Basta...”

Sa totoo lang hindi ako kuntento sa rason niya. Kukulitin ko pa sana siya noong bigla namang sumingit sa isip ko ang, “P-pasensya ka na sa nangyari sa atin ah?”

“Wala iyon.” ang maiksi rin niyang sagot habang hinati na ang buko atsaka gumawa ng panguskos.

“P-ara sa iyo wala. Pero para sa akin... mayroon.”

Bahagya siyang natigilan. “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong niya at nagpatuloy na sa paggawa ng panguskos at noong nakagawa na, sinimulan na niyang kuskusin ang buko.

Kinuha ko ang wallet sa aking bulsa atsaka ipinakita sa kanya ang litrato namin noong mga bata pa kami. “Kilala mo ang mga batang iyan?”

Kinuha niya sa aking kamay ang wallet ko at tiningnan ang litrato. “Ikaw ba to?” Turo niya sa batang mas maliit na ako. “Ang cute mo rin pala kahit noong bata ka pa.” ang sambit niya.

Napangiti ako. “Iyang kaakbayan ko, kilala mo ba siya?”

Hindi siya kumibo. Tiningnan ako sabay sara sa wallet at abot na ito sa akin. “Ako.” ang maiksing tugon niya. Parang hindi siya masyadong interesado. Itinuloy niya uli ang pagkuskos.

“Sabi ng inay... noong kinunan nila tayo sa litrato na iyan, nagbahay-bahayan raw tayo sa kuwarto ko – doon sa bahay namin.”

“Tapos?” patuloy pa rin siya sa kanyang ginawa na parang hindi interesado.

“Tapos ang sabi mo raw ay sa paglaki natin, ako na ang asawa mo...”

Napangiti siya ng hilaw. “Bata pa ako noon. Hindi ko alam ang aking pinagsasabi.”

“Sabagay... pero alam mo, noong sumama ako sa mga kaibigan kong nagpahula kay Aling Ditas noong isang linggo, nagpahula rin ako. At ang sabi niya na ang makatuluyan ko raw sa pag-ibig ay ang isang tao na nakasama ko sa isang litrato. At malalaman ko kung totoo ang hula niya kapag may bulaklak o isang tanim na ibibigay siya sa akin...”

Natawa siya nang malakas sabay sabing, “Kalokohan.” na para bang wala lang talaga itong epekto sa kanya. “Gusto mo pang kumain?” ang pag-abot uli niya sa akin sa isang kahati na buko. “Alam mo, pamparami raw ng tamod ang buko.” ang hirit niyang biro paglihis sa usapan.

Ngunit hindi ako natawa. Hindi ko rin tinaggap pa ang buko niya. Bigla akong nakadama ng lungkot sa sinabi niya. May nag-udyok sa isip ko na sabihin na lang ang aking naramdaman upang magkaalaman na at pagkatapos, magkalimutan na lang kung talagang wala siyang naramdaman. Kasi, lalaki naman talaga siya at baka respeto na lang niya sa akin ang makikipag-usap. Iyon siguro talaga ang tunay na dahilan. Nandidiri siya sa nangyari sa amin. At total din naman, nasabi ko na ang tungkol sa litrato at kung normal ang pag-iisip niya, maitanong niya sa sarili niya kung bakit ko itinago-tago iyon sa aking wallet.

“O bakit ka biglang nalungkot?” tanong niya.

“W-wala ba talagang epekto sa iyo ang nangyari sa atin?”

Pansin ko ang biglang pagseryoso ng mukha niya. “Bakit ano ba ang gusto mong sasabihin ko?”

At doon na ako napayuko, nahiya nakaramdam ng awa para sa sarili. Para bang may kung anong bagay na tumusok sa aking puso. “K-kasi... alam mo, simula noong ikinuwento ni inay ang bahay-bahayan natin, hindi na kita mabura pa sa akig isip. Lagi na lang kitang iniisip, hinahanap. At noong panahon na sinagip mo ako sa baha, at may nangyari sa atin... iyon ang pinakamasayang sandali na naranasan ko sa aking buhay. Lalo akong humanga sa iyo. Lalo pa akong nakaramdam ng pagmamahal sa iyo. M-mahal kita Manuel...” ang tuluyan ko nang pag-amin. At hindi ko namalayang tumulo na rin pala ang aking luha.

At sa sinabi kong iyon, parang nakita kong nabilaukan siya sa kanyang kinaing buko. Hindi siya nakaimik. Nag-isip. Maya-maya, nagsalita. “Mawawala rin iyang naramdaman mo. Ang mabuti pa ay umalis ka na lang siguro. Tatapusin ko na ang aking pag-akyat ng niyog.” Sabay tayo at talikod.

Ngunit imbes na umalis, nagsalita pa ako. “W-wala ka ba talagang naramdaman para sa akin, Manuel?”

Muling humarap siya sa akin. “May naramdaman man ako sa iyo o wala... hindi importante iyon. Kasi, paano ba maging tayo? Lalaki ka, lalaki rin ako. Puwede ba iyon? Si kaya tayo pagtatawanan ng mga tao? Lalaitin? At ako, naghahanapbuhay para sa aking ina at dalawang kapatid na nag-aaral pa. Ikaw, nag-aaral at kapag nagcollege ka na, pupunta ka sa Maynila o sa malalaking syudad. Ako ay maiiwan dito. Sa tingin mo ba ay may mangyayari? Wala...”

“Iyan lang ba ang problema mo?”

“Ang galing mo pala talaga ano?” ang sarcastic niyang sagot. “Talagang minamaliit mo ang pagkatao ko. Iyan lang... Oo, ito lang ang problema ko. Simple lang di ba? Pero alam mo ba kung paano kumayod upang makakain sa araw-araw ang aking inay at dalawang kapatid? Alam mo ba kung magkano ang kinikita ko kapag ang mga niyogan ninyong mga mayayaman ay inaakyat ko isa-isa at hinahakot ang mabibigat na bunga nito? Alam mo ba kung gaano kahirap ang magbilad ng katawan sa ilalim ng araw upang bungkalin ang mga lupa ninyo at makapagtanim ng mais o palay? Alam mo ba kung gaano kasakit ng kalooban na nakikitang ang mga dati kong ka-klase ay ga-graduate na ng high school samantalang ako ay nanatili sa lamang sa grade 4?”

At nakita ko na lang ang mga luhang pumatak sa kanyang mga mata na dali-dali din niyang pinahid ang mga ito. Halos hinid ko na napansin ang kanyang pagluha.

“Kaya kalimutan mo na ako Junjun. Hindi tayo nababagay. Ang problema mo ay pag-ibig. Ang problema ko ay kung paano makakain sa araw-araw. Mas malaki ang problema mo. Ang sa akin, simple lang.” Natahimik siya nang bahagya. “At kahit aminin ko man sa iyo na may naramdaman din ako, hindi ito nararapat. Hindi maari dahil iba ang mundo ko. Hanggang kailangan ako kailangan ng aking inay upang mabuhay ang pamilya namin, hanggang kailangan ako ng aking mga kapatid upang makapagtapos sila sa kanilang pag-aaral, hindi ako titigil sa pagtatrabaho para sa kanila.” dugtong niya.

Mistula akong sinampal nang maraming beses. Tama nga naman siya. Ang pinoproblema ko lang ay ang aking sarili; ang pinipintig ng aking puso. Ang problema niya ay kung paano bubuhayin ang sarili niya at ang kanyang mga mahal. Hindi ko inaashang sa likod ng kanyang kasipagan, pagkamatulungin, kabaitan, ay may iniinda rin pala siyang isang malaking pasanin.

“Pasensya na ah... Kinulit pa talaga kita. Hindi ko kasi alam.” Ang paghingi ko ng dispensa. Tumayo ako at niyakap siya. “Sorry...”

Niyakap niya rin ako. “Pasensya na rin, pinahirapan ko ang kalooban mo.”

At iyon... Halos dalawang minuto siguro kaming nagyakapan at noong nahimasmasan na, tinanong ko siya, “So... mahal mo rin ako?”

Ngumiti na siya, kinurot ang pisngi ko. “Ano iyan, nanlilgaw ka ba sa akin?”

“Ah... sasabihin na lang natin na oo, nanliligaw ako sa iyo. So, tayo na?”

“Aw... puwede namang pahirapan muna ang manliligaw, di ba?” sagot niyang biro.

“Ay daya... Sige ganito na lang. Ano ang nararamdaman mo para sa akin?”

“Iyong too?” sagot niyang tanong din.

“Hindi; iyong kasinungalingan!” ang biro naman ko sabay bawi rin ng, “Oo naman ah! Iyong totoo. Alangan namang iyong hindi totoo no? Nagtanong pa ako...”

“Ganito na lang. Sa bawat pagdaan ko sa bahay ninyo, kumakabog ang aking dibdib na hindi ko maintindihan. At palaging hinahanap kita. Palagi akong lumilingon sa bahay ninyo kung naroon ka ba. At kapag naroon ka, dederetso na ang tingin ko niyan sa harapan na kunyari ay wala akong nakitang tao sa bahay ninyo. Pa-cute ba...”

Natawa ako. Natuwa. “Ganoon?”

“At lalo na nooong isang beses na gumulong iyong bola mo sa harap ng kalabaw ko, masayang masaya ako... kasi alam ko, planted lang iyon.”

“Wahhh! Anong planted? Totoo iyon? Paano mo nasabing planted?”

“Nakita kaya kitang inilaglag mo ang bola habang nakatalikod ka.”

“Weeeh!” ang sambit ko na lang. Feeling nabuking ba at hindi na magawang lumusot.

“At may isang bagay pa na hindi ko malilimutan sa iyo.”

“Ano?”

“Unang halik. Unang pagtatalik...”

Napangiti ako. “Ako rin, iyon din ang una kong halik at pakikipagtalik...”

Tinitigan niya ako. Tahimik.

Tinitigan ko rin siya. “So, tayo na?” tanong ko uli.

“Hindi pa rin” sagot niya.

“Ay... bakit?”

“Hintayin mong ako ang manligaw sa iyo. At hindi sa panahong ito. Kapag dumating ang araw na nakapag-aral ka na sa malaking siyudad, nakatapos, nakakita ng maraming guwapo, ngunit sa kabila ng lahat ay ako pa rin ang babalikan mo at mahalin, diyan ko malalaman kung tunay mo nga akong mahal. At kapag nangyari iyan... Ako mismo ang manliligaw sa iyo. At tamang-tama rin dahil habang wala ka, magtatrabaho muna ako upang buhayin ang aking inay at papag-aralin ang aking dalawang kapatid. Maaring sa panahong iyon na natupad mo na ang iyong mga pangarap, baka nag-asawa na rin ang aking dalawang kapatid at kami na lang ni inay ang natitira sa aming barung-barong. Kapag nangyari iyan at dalawin mo ako sa aming barung-barong, alam ko na... handa ka na sa panliligaw ko.”

Niyakap ko siyang muli. “S-salamat...” sabay nakaw ko ng halik sa kanyang labi.

“Ay andaya! Ako dapat ang nagnakaw ng halik eh!”

“Sige na nga! Hala, nakaw na!” sambit ko. At hindi ko ginalaw ang aking mukha isinentro ko lang sa harap ng mukha niya. At ipinikit ko pa ang aking mga mata.

At iyon... naramdaman ko na lang ang paglapat ng aming mga labi.

At sa kubong iyon, muling nalasap namin ni Manuel ang sarap ng pagmamahal at sabay naming narating ang ruruk ng kaligayahan.

Noong nag-college na ako, sa malaking siyudad ako nag-aral. At tama nga ang sinabi ni Manuel. Sa aking pag-aaral, nakilala ko ang iba’t-ibang klaseng kaibigan at mga taong nagpapakilig din ng puso ko. May mga nagparamdam at lihim na nanligaw. Ngunit sa kanilang lahat, lamang pa rin si Manuel. Wala sila sa ipinakitang tatag, kabaitan, galing sa trabaho, sipag, at pagiging kuntento niya sa buhay. At hindi ako nagpadaig sa tukso. Sa isip ko, si Manuel lamang ang tao para sa akin. Kung si Manuel ay kayang magtiis para sa pamilya, kaya ko ring magtiis para sa kanya. “Ang problema ko ay kung paano bubuhayin ang pamilya ko; ang problema mo ay kung paano maangkin ang taong tinitibok ng puso mo. Kung kaya kong magtiis para sa mga mahal ko, dapat ay kaya mo ring magtiis para sa mahal mo... dahil ang tagumpay ko, ay siya ring tagumpay mo.” ang palagi niyang sinasabi.

At ang mga sinabing ito ni Manuel ay ang siyang naging inspirasyn ko. Siya ang nagpapasigla sa buhay ko, siya ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap.

Second year college na ako noong nabalitaan kong namatay ang kanyang inay. Atake sa puso. Umuwi ako, nag-absent ng dalawang araw upang damayan si Manuel. Sobrang lungkot din ang aking nadama gawa nang naging malapit rin sa akin ang kanyang ina. Naalala ko pa isang beses, tinangka kong akyatin ang isang kahoy na sa pinakadulo nito ay may kakaibang klase ng ligaw na orchid. Mahilig kasi ako sa orchids. Natuto akong mag-alaga nito dahil sa aking inay na mahilig din nito. Kaya kapag may nakita akong orchid, lalo na kapag kakaiba, hindi ko lulubayan ito hanggang hindi ko nakukuha.

“Junjun! Huwag kang umakyat. Ano ba ang pakay mo sa puno na iyan?” sigaw ng ina ni Manuel noong panahon na nakita niyang umakyat ako sa puno.

“Iyong orchid po...” turo ko sa orchid na namumulaklak na sa pinakamatas na sanga. “Kukunin ko po.”

“Ay... huwag mo nang pag-aksayahan ng panahon iyan. May orchid ako sa bahay, nakuha ni Manuel. Bibigyan kita. Huwag kang umakyat d’yan. Baka kung mapaano ka.” sambit niya.

At binigyan nga niya ako ng orchids. At kakaiba rin. Noong itinanim ko na ito sa taniman namin ng orchids, pati ang aking inay ay namangha sa ganda nito.

Isa iyon sa hindi ko malimutang eksena kung saan naappreciate ko ang kabaitan ng ina ni Manuel sa akin.

Third year ako noong nabalitaan ko naman na nakapag-asawa ng Canadian ang isa sa dalawang kapatid na babae ni Manuel. Ikinatutuwa ko ito dahil sa wakas, makakaahon na sila sa hirap at panahon na rin sigurong sarili naman ni Manuel ang kanyang intindihin. At hindi lang iyan, matutupad na rin siguro ang sinasabi niyang liligawan niya ako. “Kapag nangyari iyan... hindi ko na siya pahihirapan. Sasagutin ko na kaagad siya.” sa isip ko lang. 

Subalit, ang inaakala kong ikatutuwa ko ay siya rin palang maging mitsa upang hindi kami mgkaunawaan ni Manuel. Noong semestral break bago ang second semester ng huli kong taon sa college, napag-alaman kong inalok si Manuel ng kanyang brother-in-law na Canadian na doon na siya manarbaho sa Canada, sa kanyang plantation ng mga orange. At tinanggap ito ni Manuel.

“Akala ko ba ay maligaya ka na rito? Akala ko ba ay ito ang mundo mo?” ang tanong ko sa kanya noong kinausap ko siya. Pareho kaming nakaupo sa bangkong kawayan sa kubo ng niyogan kung saan ay siya ang nagsaka.

“Buong buhay ko Junjun... puro hirap ang aking naranasan. Siguro naman ay karapatan kong lumigaya rin, di ba? Oportunidad na itong kumatok sa aking pintuan... Atsaka may visa na rin ako. Sa darating na Marso ang aming pag-alis. Nakapagdesisyon na ako...”

Hindi agad ako nakakibo. Para bang na shocked talaga ako sa bilis ng mga pangyayari. Ni hindi man lang niya ako kinunsulta muna. Ang sakit. Parang “Ano ba to? Nalimutan na ba niya ang lahat ng mga ipinangako niya sa akin?” sa isip ko lang. “E, di s-sige. Kung iyan ang pasya mo, good luck na lang sa iyo. Babalik na lang ako sa boarding house ko at siguro, ito na ang huling pagkikita natin.” ang nasambit ko na lang sabay tayo at kinamayan siya.

Iniwanan ko siya na hindi ko man lang naipalabas ang aking saloobin. Iniwan ko siya na hindi nakita ang pagpatak ng aking mga luha. “Kaligayahan naman kasi niya iyon kung kaya... sino ba ako upang humadlang sa kanya” sa isip ko lang.

Dumating ang araw ng pag-alis ni Manuel. Hindi na talaga kami nagkita pa. Masakit ngunit pilit kong tinanggap ang masakit na katotohanang minsan pala, may mga taong sadyang magbabago ang isip, malilimutan ang mga pangako. Sa araw at mismong oras ng kanyang flight ay sinadya kong magtungo sa sea wall. Hapon iyon at palubog ang araw. Dala-dala ko ang ibinigay niya sa aking bato na kakaiba ang hitsura. Malapad ito, oblong na kasing laki ng itlog ng native na manok. Kakaiba kasi siya. Parang marble ngunit may iba’t-ibang kulay. Napulot daw niya ito sa tabi ng ilog. “Ala-ala ko para sa iyo...” ang sabi niya. “Kapag na-miss mo ako, kausapin mo siya, haplus-haplosin. Sa pamamagitan nito, mararamdaman ko ang iyong haplos at makakarating sa aking isip ang iyong pananabik sa akin.” ang sabi niya noong ibinigay niya ito sa akin.

Para akong tanga na hinaplos-haplos ito at kinakausap. Sa ibabaw mismo ng sementadong sea wall sa harap ng palubog at mamula-mulang araw, ibinulong ko ang aking panalangin na sana ay magtagumpay siya sa kung saan man siya mapadpad; na sana ay mahanap niya ang tagumapay sa kanyang mga pangarap. Imposible mang maging bahagi pa ako ng buhay niya, ipinapanalangin ko pa rin ang kanyang kaligayahan. “Paalam Manuel... sana ay sa iyong paglisan, dadalhin mo ang aking pagmamahal...” 

At sumingit din sa isip ko ang hula sa akin na ang makakatuluyan ko raw sa pag-ibig ang isang taong nasa litratong kasama ko at magbbigay sa akin ng bulaklak. Napatawa na lang ako ng hilaw. “Mga manghuhula talaga o... Kahit ano na lang ang puwedeng sabihin magkakapera lang...”

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Nanatili muna ako roon ng may tatlong minuto pa. Pinagmasdan ko ang maaliwalas na dagat, ang matiwasay na kapaligiran. Tahimik ang lahat, mistulang nakiramay ang kalikasan sa aking paghinagpis.

Natapos ang graduation. May honors akong natamo bilang “magna cum laude” sa aking kurso. Perpekto na sana ang lahat dahil sa pagtapos kong iyon na rin sana ang kasukdulan ng “pagtitiis” na sinabi ni Manuel. Nagtagumpay ako sa pagkamit ng mataas na marka sa klase, nagtagumpay rin ako sa sinabi niyang “pagtitiis” ko. Sobrang ironic nga lang dahil ang sinabi niyang tagumpay niya ay tagumpay ko rin, ngunit hindi pala. Ang tagumpay niya ay tagumpay niya lang; hindi ako kasali. Ang tagumpay ko naman... sa akin lang din. Pilit ko mang isudlong ang tagumpay ko sa tagumapy niya, hindi maaari dahil siya mismo ang tumanggal sa pagkasudlong ng mga ito. Wala akong magagawa.

Noong umuwi na ako sa aming sitio, dumeretso ako sa kubo na nakatayo kung saan ang niyogan na dating sinasaka ni Manuel. Imbes na sa bahay namin, pinili kong doon pumunta at doon unang i-presenta ko ang aking mga medalya at award na natanggap. Iyon kasi ang lugar kung saan palagi kaming nagtatagpo kapag ganoong dumadalaw ako sa kanya. Mahalaga ang lugar na iyon para sa akin. Sa lugar na iyon ay marami kaming pinagsaluhan. Ang kubong iyon ay ang naging tila katuparan sa bahay-bahayan na aming nilalaro noong kami ay kapwa paslit pa lamang. Sa kubong iyon kami nagluluto ng totoong pagkain. Sa kubong iyon pinupunasan ko ang kanyang pawis. Sa kubong iyon ko nalasap ang tamis ng kanyang pagmamahal.

Ngunit... ito rin pala ang lugar kung saan ko siya huling makita at makausap. Parang nananadya lang ang tadhana. Ang bahay-bahayan ay naging isang kubo kung saan halos totoo na sana ang lahat ngunit sa isang iglap lang, mistula ring isan gbulang naglaho ang kapareha kong kalaro sa bahay-bahayang iyon. “What an irony!” sa isip ko lang.

Noong nakarating na ako sa harap ng kubo, pinagmasdan ko ito at ang kanyang paligid. Tila isang talon sa aking isip ang biglang pagbuhos ng mga alalaala. “Halos walang ipinagbago...” sa isip ko lang. Naroon ang bangko kung saan palagi kaming umuupo. At pati na ang mga buko na hati na at wala nang laman, nakataob ang mga ito sa isang tabi. Halos ganoon pa rin ito simula noong huli kong nakita roon si Manuel. “Ganoon pa rin... maliban na lang sa isang taong nawala” bulong ko sa sarili.

Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga.

Uupo na sana ako sa bangko sa harap ng kubo noong biglang may nalaglag mula sa puno ng niyog na nasa mismong gilid lang ng kubo.

Tiningnan ko ang nasa itaas nito. At hindi ko pa man naaninag kung sino iyon, nagsalita na siya, “Lumayo-layo ka! Baka matamaan ka!”

“Si Manuel!” Sigaw ng utak ko. “Ikaw ba yan Man?” sigaw ko.

“Bakit? Ano ba sa palagay mo?” sagot niya.

Pakiramdam ko ay mawalan ako ng ulirat sa di inaasahang pangyayari. Parang lumundag-lundag ang aking puso sa matinding kagalakan. Parang hindi ako makahinga sa sobrang saya.

“Akala ko ba nasa Canada ka na?” ang tanong ko noong tuluyan na siyang nakababa at pinulot na niya ang mga bukong inilaglag niya.

“Narealize ko na naiwan pala dito ang kaligayahan ko. Ayaw kong pumunta sa Canada na hindi siya kasama.” Sabag bitiw ng nakakaklokong ngiti.

“Weeehh! Di nga?”

“Naalala ko kasi ang sinabi ko sa iyo... na ang tagumpay ko ay tagumpay mo rin. Kaya dapat, kasama kita sa tagumpay ko. At alam ko, nagtagumpay ka rin. At dapat... angkinin ko rin ang tagumpay na yan.”

Hindi na ako nakapagsalita pa. Niyakap ko na lang siya nang mahigpit atsaka hinalikan sa labi.

“At may regalo pala ako sa iyo...”

“Ano iyon?”

“Bago pumanaw ang inay, may sinabi siya sa akin.” sabay bukas sa pinto ng kubo, pumasok siya at may kinuha sa loob.

Nanatili akong nakatayo sa harap ng pintuan ng kubo, excited na naghintay kung ano ang ibibigay niyang regalo.

Noong lumabas na siya, ang kamay niya ay nasa kanyang likuran. “Naawa raw ang inay sa iyo noong nakita niyang pilit mong inakyat ang isang matayog na puno. Pinuntahan ko ito at tiningnan ang kung ano ba ang talaga iyong gusto mong akyatin doon.” at iniabot na niya sa akin ang kanyang regalo.

“Wooowwwwww! Nakuha mo ang orchids!!!” sigaw kong nagtatatalon na.

“Opppssss! Huwag muna!” sambit niya sabay layo rin ng kamay noong tangka ko itong kunin sa kanyang kamay.

“May isa pa akong sinabi.”

“A-ano?”

“Liligawan na kita...” atsaka pa niya ibinigay ito.

Napangiti na lang ako. At noong tiningnan ko siya, ang nasambit ko kaagad ay, “OO! OO!”

“Hindi pa nga ako nakapag ‘i love you’, OO na kaagad?” biro niya.

Sabay kaming nagtawanan.

At iyon... Nagyakapan kami, naghalikan na parang kami lang ang tao sa mundo at nagmamay-ari nito. At muli, inangkin naming ang bawat isa, pinagsaluhan namin ang tamis ng aming pagmamahalan.

Sa kasalukuyan, pino-proseso ko na ang aking visa para sa pagtungo sa Canada. Nag-apply kasi ako ng scholarship para sa MA studies doon at natanggap naman ako. Doon ako magpapatuloy sa pag-aaral habang si Manuel ay doon na rin magtatrabaho. Sinabi kasi niya sa kanyang kapatid na hindi siya pupunta roon kung hindi ako kasama. At pumayag naman ang asawang Canadian ng kanyang kapatid na hintayin daw ako at tutulungan nila. At dahil alam din nila ang aming relasyon, ang asawang Canadian ng kanyang kapatid din ang mismong nag-propose na magpakasal kami roon dahil legal naman daw ang pag-aasawa sa mga taong katulad naming nagmamahalan. At ang dagdag pa niya ay siya na raw ang bahalang tumulong sa amin upang mabigyan kaming dalawa ni Manuel ng Canadian citizenship. At madali lang daw ito sa Canada.

At kapag nagtagumpay kami sa plano naming ito sa Canada, doon kami magsimula; doon namin buuin ang aming mga pangarap bilang isang tunay na mag-asawa.

Ano pa ba ang mahihiling ko? May plano na kami at ang kailangan lang namin ay ang kaunting tiis at pagsasakripisyo. Iyan naman talaga ang tamang elemento upang magtagumpay. Sa buhay, walang instant na tagumpay. Kahit pa ang panalo sa lotto ay pinaghihirapan din; pinagsasakripisyuhan. Ang lahat ay dumaranans ng bagyo, baha, o kung ano mang pagsubok sa buhay. Ngunit kung matapang mong susuungin ang mga ito, malalampasan din ang lahat at hindi malayong makakamit din ang tagumpay. Lahat naman kasi ng tagumpay ay dumaraan sa pagtitiis, sa pagsubok, sa pagsasakripisyo, sa paniniwalang kaya mo, at sa paghintay na makita ang bunga ng iyong pagsisikap.

Bahay-bahayan. Dito nagsimula ang lahat...

Wakas.

10 comments:

  1. A happy ending...... luv ko to..... thanks for the story.... Really enjoyed reading.....Hehehe

    ReplyDelete
  2. too short... but too sweet :) and I love it :)
    you're still the best sir Mike :)

    ReplyDelete
  3. my gosh!!kahit kelan talaga ang galing mng magpaiyak mr author!T_T

    grabe ung emosyon na hinihingi ng story nato!simple ung mga salita pero ung nilalaman nun ang napakalalim!hays,,,tipong para kang aatakihin sa puso at sa sobrang kilig eh!haha..sobra husay talaga!naiiyak ako..haha

    super nice po talaga!^^

    -monty

    ReplyDelete
  4. my gosh!!kahit kelan talaga ang galing mng magpaiyak mr author!T_T

    grabe ung emosyon na hinihingi ng story nato!simple ung mga salita pero ung nilalaman nun ang napakalalim!hays,,,tipong para kang aatakihin sa puso at sa sobrang kilig eh!haha..sobra husay talaga!naiiyak ako..haha

    super nice po talaga!^^

    -monty

    ReplyDelete
  5. Very inspiring Sir, sana nga may mga taong tulad pa nila na isasakripisyo ang pansamantalang pagsasama para sa pangwalang-hanggang kaligayahan at pag-ibig...another BEST!

    /James Banning

    ReplyDelete
  6. Ganda ng Story.. What a true love...

    ReplyDelete
  7. Maganda ang story. Kahit n two chapters lang e sobrang kompleto ng kwento. Exciting peto hindi nakabitin. Well sana lang may talagang forever n gantang relasyon n sa hanggang pgtanda mgksama. Thanks author :)

    ReplyDelete
  8. Another great and overwhelming story na naman ang nagpaiyak, nagpaluha at nagpakilig sa lahat nang mga mambabasa sa mga kwento dito sa MSOB..._Dereck_

    ReplyDelete
  9. hai...grabehh ang aganda ng storya..sa totoo lang sex story ang trip kong basahin ..pero ito ang mas gusto kung basahin ng paulit ulit...kaka inspire at kakakilig ng storya

    ReplyDelete
  10. talagang ang pagibig ay mahiwaga. walang pinipili kung kanino titibok ang puso. thanks sa pagbahagi ng kwento.

    rhon.....

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails