Followers

Saturday, March 10, 2018

Kuya Renan 25

By Michael Juha
getmybox@hotmail.com

Author's Note:
Dito sa MSOB Blog, ito na lang po ang puwede kong i-share. Chapter 26, 27 and 28 ay makikita po ninyo sa https://sweek.com/story-dashboard/138013,1400000162

Follow niyo po ako roon. The last 3 chaps ay kumpleto po doon.

Sorry for the inconvenience.

-Michael Juha

***


“M-maaari bang mag-usap tayo pagkatapos ng ating pananghalian? Tayong tatlo ni Renan.” ang sambit ni Ms. Clarissa na tiningnan si Jimjim. Alam ko na kung ano ang ibig niyang ipahiwatig. Ayaw niyang marinig ng bata ang kanyang ibubunyag.

Tumango ako.

Nang matapos ang pananghalian ay tinungo namin ang music room at doon kami nag-usap. Kaming tatlo lang ni Kuya Renan.

“Bugoy… patawarin mo ako dahil nagsinungaling ako sa iyo. Sana pagkatapos kong sabihin sa iyo ang lahat ay mapatawad mo pa rin ako.”

“A-ano po ba ang totoo?”

“Ako ang…” nahinto siya sandali gawa ng pagdaloy ng kanyang mga luha. Pinahid niya ito atsaka nagpatuloy sa pagsasalita. “A-ako ang bakla na kalaguyo ng iyong itay. Totoong kapatid ko ang iyong inay. Kaming dalawa lang ang magkapatid. Dahil isa akong bakla, hindi ko naramdaman na minahal ako ng aming mga magulang, lalo na ang aming itay. Palagi nilang pinupuri sa harap ko ang iyong inay at lahat na lang ng mga magagandang katangian ay nasa kanya. Masakit sa aking kalooban na palagi na lang akong kimukumpara sa kanya. At lalo na’t ipinadama pa nila sa akin na mas mahal nila ang iyong inay kaysa akin. Mabait ang iyong inay. Naawa siya sa akin. Ngunit sa loob-loob ko ay may pagdaramdam pa rin ako sa kanya at sa aming mga magulang. Lumayas ako sa amin. Nang isang beses ay nakita ko ang iyong inay na kasama ang iyong itay, isang guwapo at mayamang lalaki, mas lalo pa akong nainggit sa kanya. At nabuo sa aking isip ang isang plano. Aagawin ko ang iyong itay mula sa kanya. Nagpanggap ako na isang kliyente ng kumpanya niya. At nagtagumpay akong makuha ang loob ng iyong ama. Noong kabataan ko ay mukha akong babae at nag-damit babae rin, akala ng ama mo ay babae talaga ako. Nabighani siya sa akin. At habang nahuhulog na ang loob niya sa akin, siniraan ko ang iyong ina at ipinalabas na may iba siyang lalaki at ang bata sa kanyang sinapupunan, na ikaw, ay bunga ng kanyang pagtataksil. Hindi ito alam ny iyong inay at hindi rin niya alam na ako ang karibal niya sa pag-ibig sa iyong itay. Sa pagkakataong iyon ay hindi ako ako nagpakita sa iyong inay. Dahil matindi ang pangangailangan ko, pinanindigan ko ang lahat. Hindi ko na inisip ang mga taong nasagasaan ko. Hanggang isang araw ay nadiskubre ng iyong ama na bakla pala ako. Galit na galit siya sa akin. Pinalayas niya ako sa kanyang bahay. Gusto niyang hanapin ang iyong ina upang balikan siya. Nakiusap ako sa iyong ama na bigyan pa ako ng isang pagkakataon. Ngunit nagmatigas siya. Sa kaiisip ko kung ano ang gagawin ko upang hindi mapaalis sa bahay na iyon at hindi mawala sa akin ang karangyaan, naalala ko ang lihim na kuwarto sa basement. Ito iyong kuwarto kung saan ay isang beses, inikot ako ng iyong ama sa buong bahay. Nang itinuro niya iyon sa akin, biniro niya ako na ikulong doon kapag nagtaksil ako sa kanya. Nang maalala ko iyon, nilagyan ko ng pampatulog ang inumin niya. Nang nakatulog na siya…” nahinto na naman siya at humikbi. “…kinaladkad ko siya patungo sa basement hanggang sa lihim na lagusan. Nang narating ko na ang lihim na kuwarto, ikinadena ko siya sa loob noon, pinosasan at ikinandado… Simula noon ay idineklara kong wala na siya, umalis, hindi na nagpakita pa. Iyan ang sinabi ko sa mga tao. Nagpa-opera ako upang maging ganap na babae. Nagpagawa ako ng peke na Marriage certificate upang magamit ko ang apilyedo ng iyong ama at may karapatan na akong mamahala sa kanyang mga ari-arian.”

Hindi ako agad nakaimik sa pagkarinig sa kanyang kuwento. Mistulang may sumabog na isang malakas na bomba sa aking harapan at natulala na lang akong nakatitig sa kanya. Ni hindi ako makaiyak. Hindi ko alam kung ano ang gagawin sa sandaling iyon. “Nasaan po siya! Dalhin niyo po kami sa kanya! Gusto ko pong makita siya!” ang sigaw ko.

“Patawad… Bugoy. Ngunit kung hindi mo man ako mapapatawad, nakahanda akong harapin ang ano mang maging desisyon mo, ninyo ng ama mo.”

“Dalhin niyo po ako sa aking itay!!!” ang sigaw ko.

Dali-dali siyang tumayo at kahit nahihirapan sa paglalakad, giniyahan niya kami patungo sa basement.

Madilim ang hagdanan pababa sa basement. Tanging ang liwanag mula sa flashlight na dala ni Kuya Renan ang naggiya sa amin pababa. Nang nasa basement na kami, mistula itong isang parking area na makaka-accommodate ng nasa sampu hanggang labinlimang sasakyan. May dalawang hilera ng mga tig-aapat na poste sa gitna. Nakikita pa ang mga alikabok na nagsiliparan sa aming paglalakad, may mga sapot at bahay-gagamba sa mga sulok at poste. Ang paligid ay may amoy ng naghalong alikabok, kahalumigmigan, nakulong na hangin, panghi bunsod ng ihi at dumi ng daga. Iyon ang pinakaunang beses na nakita ko ang lugar na iyon ng bahay. Nakakatakot. Tila may mga matang nagmanman sa amin.

Nang inatasan ni Ms. Clarissa si Kuya Renan na itutok ang flashlight sa isang sulok na bahagyang natakpan ng kongkretong harang at poste, tinumbok iyon ni Ms. Clarissa. Nang naroon na kami, itinulak niya ang poste na akala namin ay mahigpit na nakakabit sa kongkretong palapag at bubong. Umusad ito dahilan upang lumantad ang isang makipot na lagusan na halos isang tao lang ang kasyang dumaan. Pinasok namin ito. May halos sampung metro rin ang kahabaan. Hanggang sa humantong kami sa isang kuwarto na kasing-laki ng kuwarto ng isang silid-aralan. Isang maliit na bombilya ang nagpailaw rito. Mabaho. Naghalo ang amoy ng dumi ng tao, ihi, at alikabok.

Doon namin nakita ang isang lalaking nakahubad at nakahiga sa isang kama. May kadena ang kanyang mga paa, at tanging pang-itaas na damit lang ang suot niya. Wala siyang saplot sa pang-ibabang katawan. Nagkalat ang mga pagkain na halos hindi ginalaw. May mga basyong bote ng tubig ding nagkalat at sa isang sulok ay nagkalat din ang dumi at ihi ng tao.

Kalunos-lunos ang kanyang sitwasyon. Payat na payat siya, mahaba ang balbas at buhok na gusut-gusot, at ang kanyang mukha ay tila nasa sesenta na kung titingnan.

Tiningnan niya kami nang matulis, bakas sa mukha ang takot at galit.

“Huwag mo muna siyang lapitan, Bugoy. Minsan ay nagiging mabagsik iyan siya baka mapahamak ka. Di ka niya kilala. Tumawag na lang tayo ng ambulansya at ipapasuri na lang muna natin siya sa doktor. ”Ang sambit ni Ms. Clarissa.

Dumating ang ambulansya na may kasamang mga paramedics. Sumama na rin kami ni Kuya Renan at Ms. Clarissa sa ospital kung saan dinala ang aking ama. Sa ospital ay pinaliguan nila siya at sinuri.

“Normal ang kanyang vital signs bagamat hintayin pa natin ang resulta ng kanyang blood tests, x-ray, at iba pang mga tests.” Ang sambit ng doktor

“M-mabuti naman po doktor kung ganoon.” Ang sagot ko.

Tiningnan ko si Ms. Clarissa na nasa likuran lang namin, halatang balisa at hindi umiimik. Hinayaan lang niya na kami ang haharap sa doktor.

“Subalit may problema tayo.” Ang dugtong ng doktor.

“A-ano po iyon doktor?” ang tanong ko. 

“Medyo apektado ang kanyang pag-iisip. Hindi siya makasagot nang maayos at parang wala siyang natatandaan sa mga pangyayari.”

“G-ganoon ppo ba? P-pero may lunas naman po ba ito, doktor?”

“I-assess muna natin ang condition niya, kung ano ba talaga ang cause nito, due to head injury ba o trauma sa nangyari sa kanya. Pagkatapos niyan, we will know what to do.” Ang sagot ng doktor.

Nang umalis na ang doktor, lumapit si Ms. Clarissa sa amin ni Kuya Renan. “Bugoy… babalik na ako ng bahay. Iimpake ko ang aking mga gamit at lilipat na ako ng tirahan…”

Hindi ko alam kung paano siya sasagutin sa kanyang sinabi. Sa loob-loob ko ay may galit akong nadarama. Ngunit sa kabaitan din na ipinamalas niya sa akin ay may awa rin akong naramdaman. Bagamat siya ang dahilan kung bakit nagkahiwalay ang aking ina at aking ama, siya rin ang dahilan upang muli kong mahanap ang aking ama. At malalim na rin ang aming pinagsamahan. Siya na ang kinikilala kong ina simula noong kinupkop niya ako at dahil kapatid siya ng aing inay, kadugo ko rin siya.

“Don’t worry, Bugoy. Kung sakaling gumaling na ang iyong ama at sasampahan niya ako ng kaso, hindi ko buburahin ang numero ko. Mako-contact mo pa rin ako, makakausap. Walang nagbago. Handa kong harapin ang ano mang parusa sa mga nagawa ko sa kanya, at sa nagawa ko sa iyo at sa iyong inay. Maipangako ko iyan sa iyo.”

Hindi ko siya sinagot. Ipinadama ko sa kanya ang aking galit. Ni hindi ko siya tiningnan. Maya-maya lang ay narinig ko ang pagbukas at pagsara ng pinto.

“Sana ay sinagot mo man lang siya, Bugoy. Nasaktan si Ms. Clarissa.” Ang sambit ni Kuya Renan.

“Masama pa ang kalooban ko, Kuya. Hindi ko pa kayang tanggapin ang ginawa niya na siyang dahilan ng lahat ng paghihirap ko at ng aking inay. Hindi ko alam kung paano ko siya mapapatawad.” Ang sagot ko.

“Naintindihan kita.” Ang sagot ni Kuya Renan.

Nang umuwi ako ay wala na si Ms. Clarissa. Nang tiningnan ko ang kanyang kuwarto, wala na ang mga gamit niya. Sa ibabaw ng mesa ay may mga envelopes akong nakita.

Isa-isang binuksan ko ang mga envelopes. Naglalaman it ong mga dokumento ng mga ari-arian at mga negosyo, ang lahat ay nakapangalan sa aking ama, Antonio Espanto. Sa isang envelope naman ay naroon ang adoption papers ko. Sa adoption paper, ang aking ama ay si Antonio Espanto at doon na ako nagulat, ang nakasulat na aking inay ay ang aking tunay na inay na namayapa na!

May kurot sa aking puso ang ginawa ni Ms. Clarissa sa paglagay pa rin niya sa pangalan ng aking ina sa aking adoption papers. Hindi ko namalayang dumaloy na pala ang aking mga luha habang hawak-hawak ko ang adoption papers. Malaking bagay iyon sa akin. Kahit isang simbolismo lang ang kapirasong papel na iyon, buo ang aking pamilya.

Idinampi ko iyon sa aking dibdib. “Nay… kung saan ka man naroon, natupad na ang aking pangarap na mabuo tayo ng itay. Kahit sa kapirasong papel na ito lang.” ang bulong ko sa aking sarili.

Nang nakita ko ang isang maliit na envelope sa na pinatungan ng mga dokumento, dinampot ko iyon. Hinugot ang laman na papel. Sulat-kamay ni Ms, Clarissa. “Dear Bugoy, marahil ay sa pagkabasa mo nito, narito na ako sa aking bagong tirahan. Nandito lang din ako sa Maynila. Sa sinabi ko na, hindi ako lalayo, handang humarap sa kung ano mang kahaharapin ko sa mga nagawa ko. Kapag nai-file na ang kaso laban sa akin, kusa na akong susuko at makipagtulungan sa mga awtoridad. Anyway, gusto kong manghingi muli sa inyo ng patawad. I deserve to be punished. Kahit siguro patayin ako ay hindi pa sapat ito sa mga pasakit na naibigay ko sa iyo, sa inyo ng iyong inay, at sa iyong itay. Handa na ako kung ano mang parusa ang ipapataw ng batas para sa akin. May isang bagay lang ako n asana ay paniwalaanm mo Bugoy, totoo ang ipinakita kong pagmamahal sa iyo. –Mommy Clarissa”

Tinupi ko ang kanyang sulat. Pinakawalan ko ang isang malalim na buntong-hininga.

Lumipas ang apat na araw, natuwa ako dahil ang sabi ng mga nurse ay nagsasalita na raw ang aking ama. Nakakausap na. Kitang-kita ang malaking pagbabago sa kanyang postura, lalo na’t ginupitan na siya, inahit ang kanyang balbas, at malinis na. Nanumbalik na rin ang natural niyang balat na may paka-mestiso.

Nang ako na ang kumausap, nagpakilala ako na ako ang kanyang anak. At laking tuwa ko nang natandaan pa niya ang pangalan ng aking inay. Kitang-kita ko ang tuwa sa kanyang mga mata. “A-anak kita?” ang tanong niya.

“O-opo. Opo. Daddy po kita.” Ang sagot ko rin.

“N-nasaan na ang iyong inay?”

At doon ko ikinuwento sa kanya ang lahat. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. “Ang sabi pa nga ng inay sa akin ay p-patay na po kayo.”

“Hindi ko siya masisisi. Malaki ang galit niya sa akin. Sana ay kung saan man siya naroon, napapatawad na niya ako.” Ang sagot ng aking ama.

Niyakap niya ako. Sinuklian ko rin ang kanyang yakap. Nagpalakpakan ang mga nurse. Sobrang saya ko sa araw na iyon. Sa wakas ay may ama na ako. Sa wakas ay maramdaman ko na rin ang pagmamahal ng isang ama.

Kinahapunan, dumalaw si Jake. Kitang-kita ko sa expression ng mukha ni Kuya Renan ang inis nang makita niya si Jake doon. “Ano ba ang ginawa ng hinayupak na tao na ito rito?” ang bulong sa akin ni Kuya Renan.

“Alam ko na ang nangyari sa pamilya mo Bugoy.” Ang sambit ni Jake sa akin.

“Hindi namin kailangan ang iyong pagbisita, pare.” Ang pagsingit naman ni Kuya Renan.

Tiningnan ni Jake si Kuya Renan. “Hindi mo alam ang kuwento ng aking pagdalaw dito, pare. Kaya huwag mo muna akong husgahan. Baka kapag nalaman mo ang totoo, ewan ko lang kung hindi ka mahiya sa sarili mo dahil sa mga pinagsasabi mo.”

“Huh!” ang expression ni Kuya Renan. “Bakit? Ano ba ang karapatan mo? Boyfriend mo ba si Bugoy?”

Hindi na sinagot pa ni Jake si Kuya Renan. Deretsong tinumbok niya ang gilid ng kama ng aking ama. “Pa… kilala mo pa ba ako? Ako si Jake ang anak mo. Matagal na kitang hinahanap, pa. Natandaan mo ang isang babaeng nagtatrabaho sa isang fastfood chain na nabundol mo at dinala mo sa ospital, ang pangalan ay Annabelle? Niligawan mo siya at may nangyari sa inyo. Heto po ang kwintas na ibinigay mo sa kanya…” ang sambit ni Jake sabay hugot sa isang kuwintas na crus, na may nakasulat na Antonio sa likod nito.

Nagkatinginan kami ni Kuya Renan. Hindi makapaniwala sa aming narinig.

Tinitigan ng aking ama ang kuwintas na ipinakita ni Jake sa kanya. Sinuri itong maigi. Maya-maya lang ay, “I-ikaw ang anak namin ni Annebelle?? Ang laki-laki mo na! Iniwanan ko nga siya nang sinabi niyang buntis siya dahil sa panahong iyon ay ayaw ko pa ng responsibilidad. Gusto ko pang makapagtapos ng pag-aaral noon.” ang sambit niya.

“Opo. Opo pa… ako nga po ang anak ninyo kay Annabelle.”

“Magkapatid kayo niyan?” ang bulong ni Kuya Renan habang itinuro si Jake.

“Di ko nga rin alam eh. Daddy ko pala ang matagal nang hinahanap niyang ama!”

Nakita na lang namin na nagyakapan sila sina Jake at ang aking ama. Mahigpit ang kanilang yakapan. Ramdam ang kasabikan nila sa isa’t-isa.

Lumabas kami ng kuwarto ni Kuya Renan. Gusto naming bigyan ng privacy sina Jake at ang aking ama. Nang lumabas nan g kuwarto si Jake, hinarap niya akong nakangiti. “Bunso kita… hindi ko akalain” ang sambit niya habang niyakap ako. At baling kay Kuya Renan, “Bayaw…” ang biro niya.

Nagtawanan na lang ang dalawa. Ang inis ni Kuya Renan kay Jake ay biglang napawi. “Hinid ko akalain pare!” ang sagot ni Kuya Renan na niyakap si Jake.

“Paano iyan. Mahigpit akong kuya. Dapat ay magpaalam ka sa akin sa tuwing idi-date mo ang bunso ko.”

“Aw sure iyan, ‘Kuya’” ang sagot naman ni Kuya Renan. Na tumatawa.

“At dapat ay chaperon ako palagi sa pagdi-date ninyo.”

“Kuya naman. Sa isang kama na nga kami natutulog, magcha-chaperon ka pa ba?”

“Sa gitna ninyo ako eh!”

Tawanan.

Tahimik. Tiningnan ako ni Jake. “Hindi ko talaga akalain na ang hinahanap kong ama ay ama mo rin pala, ‘Tol…”

“Oo nga eh. Akala ko kasi ay patay na talaga ang aking inay.” Ang sagot ko rin.

“Nagulat talaga ako. Pero masaya naman. Sino ba ang mag-aakala. Ikaw, masaya ka ba?”

“Syempre. May ama na ako, may bonus pang kuya!”

Maya-maya lang ay nag-ring ang cell phone ni Kuya Renan. Binuksan niya ito at pinakinggan. “Ano???! Pakiulit nga! Hindi ko maintindihan!” ang sigaw ni Kuya Renan na halatang balisa at nabahala.

Nakinig uli siya sa nagsasalita. At pagkatapos ay, “Saan? Saang ospital siya dinala?!!!” ang sigaw niya.

Nang sinagot na siya ng kabilang linya, agad nitong pinutol ang kanilang pag-uusap. “Si Ms. Clarissa ay tumalon daw mula sa rooftop ng kanyang apartment! At critical ang kanyang kalagayan!” ang sambit ni Kuya Renan. “Kailangan ko siyang puntahan,’Tol.”

Nagkatinginan kami ni Jake. Hindi ko alam kung samahan siya o hayaan na lang si Kuya Renan na siyang pumunta roon. Sa huli ay nanaig na hindi na ako sasama at hayaan na lang si Kuya Renan na tulungan si Ms. Clarissa.

Nang kaming dalawa na lang ni Jake ang naiwan, hinarap namin ang aming ama. Nakikipag-usap kami sa kanya. Masaya kaming tatlo habang nag-uusap. Halos nakarecover na siya at natandaan na rin niya ang lahat ng mga nangyari, kasama na roon ang mga alaala niya sa dalawang babaeng dmaan s buhay niya – ang aming mga ina.

“Gusto kong mag-file ng kaso kay Clarissa at gusto kong managot siya sa lahat nang ginawa niya sa akin.” Ang sambit ng aming ama.

Nagkatinginan kami ni Jake. “Pag-usapan na lang po natin ito Pa kapag nasa bahay na tayo at kasama ang inyong abugado.” Ang sambit ni Jake.

***

“Tol… medyo delikado ang lagay ni Ms. Clarissa. May bali ang kanyang paa, at nabagok din ang kanyang ulo sa semento. Na comatose siya, ‘Tol!” ang sambit ni Kuya Renan nang tinawagan niya ako sa telepono. Mistulang may tumusok sa aking puso sa pagkarinig sa balita. Tinablan ako ng awa. Siguro dahil talagang magkadugo kami at simula nang pumasok si Ms. Clarissa sa buhay ko, hindi ko siya nakitaan ng kahit katiting na bagay na maaari kong ikagalit sa kanya. Napakabait, maalaga, mapagmahal, at maaalalahanin siya sa akin. Malilban sa nakaraan niyang ginawa, wala siyang ginawang masama sa akin.

Agad kong sinabi kay Jake ang balita tungkol kay Ms. Clarissa. “Ano ang nararamdaman mo? Galit ka pa ba rin sa kanya?” ang tanong ko. “Kasi ako, naawa sa kanya. Totoong Tita ko siya at wala na siyang ibang kamag-anak pa. At sa kalagayan niya ngayon, kailangan niya ako.” Ang sabi ko.

“Ngayon na buhay pala ang ating ama at hindi niya pinatay taliwas sa aking akala, bukas ang isip ko na patawarin siya, ‘Tol. Puwede mo siyang puntahan at dalawin, okay lang na ako ang miiwan dito at magbantay sa ating ama.” Ang sagot ni Jake.

Dali dali kong tinungo ang ospital kung saan na-admit si Ms. Clarissa. Sinalubong ako ni Kuya Renan sa lobby pa lang ng ospital.

Nang naroon na ako sa loob ng kuwarto ni Ms. Clarissa sa nasabing ospital. Nakita ko siyang nakaratay sa ibabaw ng kama. May mga bendahe siya sa paa, may nakalagay na suhay sa kanyang leeg, at may mga tubong nakasaksak sa kanyang katawan. Nakapikit ang kanyang mga mata at may tubo ng oxygen sa kanyang ilong.

“Mom… gusto kong manghingi ng tawad dahil nag-iba ang trato ko sa iyo nang nalaman kong ikinulong mo ang aking ama. Ngunit naisip ko ngayon na mali ako. Kasi, naisip ko na kahit papaano, naging mabait naman po kayo sa akin. Noong mga panahon na kailangan ko ng suporta at tulong, nariyan po kayo, hindi ninyo ako pinabayaan. At tungkol naman po sa nangyari sa inyo ng inay, naramdaman ko po na napatawad ka na niya. Mabait ang inay at dito sa puso ko sigurado akong gusto niyang ipagpatuloy po ninyo ang buhay. Kagabi ay nanaginip po ako. May malaking baha raw po at inanod ako sa malakas na agos ng tubig. Akala ko ay mamatay na ako noon. Ngunit nasa pampang po kayo at hinablot ninyo ang aking braso. Pinilit niyo po akong sagipin. Ngunit sa kasamaang palad ay tinangay din po kayo sa malakas na agos. Kahit natangay kayo ay hindi niyo  po ako binitiwan. Bigla pong sumulpot ang inay at hinila ang braso ninyo. Nasagip kayo. At dahil hindi po ninyo ako binitiwan, pareho tayong nasagip. Sariwang-sariwa sa isip ko ang panaginip kong iyon. Dahil doon ay napagtanto ko na napatawad na po kayo ng inay. Alam niya na handa mong ibigay ang buhay ninyo para sa akin. Alam kong gusto niyang sa pagkawala niya, kayo po ang maging inay ko… Kaya napatawad na rin po kita. Magpagaling po kayo Mom… para nariyan pa rin po kayo para sa akin. Lumaban po kayo. Ipangako ko ppo sa inyo na aalagaan ko po kayo, na ang pagmamahal ko sa aking inay ay ipapadama ko rin po sa inyo. Mom… pamilya pa rin po tayo. Lumaban po kayo...” ang sinabi ko sa kanya.

Pagkatapos kong sabihin iyon, nakita ko sa mga mata ni Ms. Clarissa ang pagdaloy ng mga luha. “Nakakarinig siya!” Ang sambit ko sa nurse na nagulat din nang makita ang mga luha ni Ms. Clarissa.

Hinawakan ko ang kanyang kamay. “Basta Mom… magpagaling po kayo. Nandito lang po ako.” Pinahid ko ang mga luha sa kanyang mga mata.

Maya-maya ay may napansin ako sa loob ng kuwarto. Ang katulong namin sa bahay, si Elvira. “Ba’t nandito ka?” ang tanong ko.

“S-sumama na po ako kay Ma’am Sir. Naawa kasi ako sa kanya. Siya kasi ang tumulong sa akin noong nangangailangan ako. At dahil wala naman akong pamilya, sa kanya na ako sasama. Ayokong iwanan siya. Malaki po ang utang na loob ko sa kanya. Itinuring ko na rin po siyang pamilya. Sobrang bait po niya sa amin. Dalawa po kaming sumama kay Ms. Clarissa. Ang isa ay ang secretary niya, si Norma. Kilala mo rin po siya. Nasa apartment siya ngayon dahil may mga inasikaso. Kahit saan po si Ma’am magtungo, sasama po kami sa kanya. Hindi po namin siya iiwan.”

Napangiti ako sa kanyang sinabi. “S-salamat at nariyan pa rin kayo para sa kanya. Wala tayong iwanan.” Ang sambit ko.

“Walang iwanan po, Sir.” Ang sagot naman niya.

“S-saan pala si Mom kumukuha ng pambayad sa apartment?” ang tanong ko.

“May mga negosyo po si Ma’am na sarili niya, Sir. May saloon po siya, at apat ang branches nito. May dalawang branches din po siya ng franchise ng isang sikat na fastfood chain.”

“Ah... mabuti naman.”

Kahit paano ay naibsan ang pag-alala ko kay Ms. Clarissa tungkol sa kanyang pangkabuhayan. Sabagay, napakagaling niya sa business. Ang narinig ko pa nga sa mga tauhan sa negosyo, si Ms. Clarissa raw ang talagang nagpalago nito at naging doble-doble or triple pa ang pagtaas ng capitalization at profit ng negosyo ng aking ama, at mas dumami pa ang clients, customers, at output. Mas nakilala pa. Hindi niya nilustay ang ari-arian at negosyo ng aking ama.

Sa nangyaring pagka-ospital nina Ms. Clarissa at ng aking ama, ay naging mahirap ang kalagayan namin ni Kuya Renan. Iyong time management. Dahil dalawa ang aming pasyente, palipat-lipat kami ng assignment, at nariyan pa si Jimjim na nag-aaral. Mabuti na lang at naroon si Jake na sa pagkakataong iyon ay walang trabaho kaya full time siya sa aking ama.

Lumipas pa ang isang linggo, nakauwi rin ng bahay ang aking ama. Ang sabi ng doktor ay nakarecover na raw siya at puwede nang sa bahay ipagpatuloy ang kanyang recovery. Kitang-kita naman din ito sa kanyang pangangatawan at pananalita. Bagamat payat pa rin siya ngunit malakas na. Normal na rin ang kanyang pagkain. Nagsimula na siyang mag-exercise, kinakausap na rin niya ang mga tauhan ng mga negosyo niya. Updated na siya sa mga kaganapan sa negosyo. Lumabas na rin ang natural niyang pananalita, iyong malakas na boses, dumadagundong, may bahid na awtoridad kapag nagsasalita.

“Tol... paano kung magtanong ang daddy mo tungkol sa akin, sa amin ni Jimjim? Anong isasagot natin kung sino kami?” ang tanong ni Kuya Renan sa akin habang nasa kuwarto kami.

“Ako ang bahala ah.” Ang sagot ko.

“Kaya ba nating sabihin na magkasintahan tayo? Open kaya siya sa ating relasyon?”

“Sa palagay ko naman ay okay siguro siya.”

“Sa palagay mo lang. Paano kung hindi?”

“Huwag ka ngang mag-isip ng negative, Kuya. Gradual lang siguro muna ang approach natin. Iyong pahiwatig lang muna, paramdam.”

“P-parang hindi kasi maganda ang vibration na nararamdaman ko sa kanya, eh.”

“Basta huwag kang mag-alala, Kuya. Ako ang bahala.” Ang paniguro ko.

Isang araw habang kumakain kami ng pananghalian. Napag-usapan namin si Ms. Clarissa. Sabi ng aking ama ay sasampahan niya siya ng kaso bagamat pinag-aralan pa ng kanyang mga abugado. Alam na rin niya na na-comatose si Ms. Clarissa. “She deserves it. Dapat nga ay pagdusahan niya ang kanyang kademonyohang ginawa. More than 10 years akong nakakulong, nagdusa. I almost gave up and killed myself sa kuwartong iyon ng basement. Dapat nga ay ikulong din siya roon” Ang sambit niya.

Hindi na kami kumibo. Sasabihin ko sanang huwag na lang ituloy ang kaso dahil nagsisi naman si Ms. Clarissa at malaki ang pinsala nito sa katawan ngunit wala akong lakas na sabihin iyon sa kanya. Siguro, dahil sa ginawa ni Ms. Clarissa, mas malaki ang pinsala noon sa kanya kaysa sa akin at sa amin ng inay.

“Oo nga pala, simula nang dumating ako rito sa bahay, napansin kong kasama natin palagi si Renan at ang kanyang anak. Ano ba ang relasyon ni Renan sa atin? Kaano-ano ba natin siya?” ang tanong ng aking ama.

Doon na kumalampag ng malakas ang aking dibdib. Nagkatinginan kaming tatlo ni Kuya Renan at Jake. Wala kaming maisagot. Parang gusto kong tapusin na agad ang aking pagkain.

“Ikaw Jake, wala ka bang napansin?”

“T-tungkol saan po Pa?”

“Call me Dad. Para pareho kayo ng tawag sa akin ni Levi.” Ang sambit niya. Ayaw niya akong tawaging Bugoy. Badoy daw kasi ito at tunog tambay.

“O-opo Dad.” Ang sagot ni Jake.

“Sa kanilang dalawa ni Renan at Levi?” ang giit niya sa tanong.

Tiningan ni Jake si Kuya Renan at ako, iyong tingin na tila may iniiwasan, halos hindi makatingin ng deretso. “W-wala naman po.” Ang sagot niya.

“Bakit si Renan ay doon natutulog sa kuwarto ni Levi?” ang tanong uli niya.

“Eh...” ang sambit ni Kuya Renan na sasagot na sana.

“G-gusto ko lang siyang doon matutulog sa kuwarto ko, Dad.” Ang pagsingit ko.

“I’m really confused. I’ll go back to my first question. Kaano-ano ba natin si Renan?”

“Eh... k-kapitbahay ko po siya sa probinsya, Dad. Nang namatay ang inay, sila na ang nag-alaga sa akin. T-totoong kuya po ang turing ko sa kanya. M-malaki po ang utang na loob ko sa kanya. Bago namatay ang inay, siya ang kinausap ng inay na huwag daw akong pabayaan.”

“Ah... kung ganoon ay may utang tayo sa kanya?”

“P-parang ganoon na nga, Dad.” Ang sagot ko.

“Magkano ba ang dapat naming bayaran sa iyo, Renan?” ang sambit niya kay Kuya Renan.

Ramdam ko naman ang pagkagulat ni Kuya Renan sa tanong na iyon. Tila nabilaukan siya sa pagkarinig noon. “W-wala naman po. K-kahit naman siguro kung sino ay gagawin ang pagtulong kay Bug... L-Levi sa situwasyon niyang iyon.” Ang sagot ni Kuya Renan na halatang naiilang o kinabahan.

“Hindi. Dapat ay bayaran kita upang wala kang masabi sa pag-alaga mo kay Levi. At isa pa, you are not part of this family. I don’t trust unrelated people to be in my house, having to eat on the same table with me. I have to give you money para makapagsimula ka somewhere else, manirahan sa sarili mong bahay o pamilya. You bring your kid with you.”

Sa pagkarining ko noon ay tila nag-freeze ang lahat nang nakapaligid sa akin. Tila biglang huminto ang aking paghinga. Nahinto ako sa pagkain at lihim kong tiningnan si Kuya Renan na ang tanging nagawa ay ang yumuko na lamang at hininto ang kanyang pagkain. Nang tiningnan ko si Jimjim, tila naintindihan nito ang sakit na naramdaman ng kanyang ama. Dahil magkatabi lang sila, huminto na rin sa pagkain si Jimjim at mangiyakngiyak na tinitigan ang mukha ng ama.

Mistulang tinadtad ang aking puso lalo na sa pagkakita sa mukha ni Jimjim. Napakabata pa niya para makarinig ng ganoong masasakit na salita. Napamusmos pa niya para masaksihan kung paano minaliit ng ibang tao ang kanyang itay.

Ilang segundo na nakayuko lang si Kuya Renan. Tila nag-isip o pinahabaan pa ang pasensya. Marahil kung ako iyong nakarinig ng ganoon, nagsiunahan nang maglaglagan ang aking mga luha sa tindi ng sakit ng mga salitang binitiwan ng aking ama. Pati si Jake ay natulala rin, hindi makapagsalita at nanatiling nakayuko na tila hiyang-hiya sa sinabi ng aming ama.

Maya-maya ay nagsalita si Kuya Renan. “If you may excuse me...” sabay tayo. Tumayo na rin si Jimjim na animoy naintindihan ang mga pangyayari. Hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama at binuntutan ito.

“Excuse me po.” Ang sambit ko rin habang susundan ko sana si Kuya Renan na noon ay timumbok ang aming kuwarto.

Nakatayo na ako at handa ko nang tumalikod sa hapang-kainan nang, “Tapusin mo ang pagkain mo, Levi! Hindi magandang talikuran ang pagkain nang hindi pa natatapos! At lalo nang ayokong tinatalikuran ako habang kumakain!” ang sigaw ng aking ama.

Gulat na gulat ako sa aking narinig. Halos manginginig ako sa takot sa lakas ng kanyang pagsigaw. At wala akong nagawa kundi ang bumalik sa upuan at itinuloy ang pagkain, nagmamadali at nang matapos, “T-tapos na po ako, D-dad...” ang sambit ko.

“Hintayin mong matapos ako at ang Kuya Jake mo!” ang sagot niya.

“Tapos na ako, Dad.” Ang sambit din ni Jake na alam kong nakisimpatiya lang sa akin.

“Pwes, hindi pa ako tapos. Maghintay kayo.”

“Nanatili na lang kaming nakaupo ni Jake at hinintay siyang matapos.

“K-kuya... pasensya na sa sinabi ng aking ama.” Ang sabi ko kay Kuya Renan na noon ay nagsimula nang mag-empake.

“Okay lang, Babe. Totoo naman ang sinabi niya. Hindi ako bahagi ng pamilyang ito. Kaya aalis na lang kami ni Jimjim.”

“Hindi na ba maaaring magbago pa ang isip mo, Kuya?”

“Hindi ako ang dapat na tanungin mo niyan, Babe. Ang Daddy mo. Pero ayokong tanungin mo siya dahil tama naman siya. Baka isipin din niya na kapit-tuko ako sa pagtira rito. Huwag kang mag-alala dahil magkikita pa rin naman tayo.”

“S-saan naman kayo tutungo?”

“Bahala na. Dederetso muna ako sa hospital, kay Ms. Clarissa. Kung puwedeng doon na muna ako sa kanila ay doon ako titira. Pero kung hindi naman, maghanap ako ng kahit kuwarto lang muna.”

Habang nag-iimpake si Kuya Renan, hindi kumikibo si Jimjim. Sobrang awa ang nadarama ko para sa bata. Tila hindi pa niya lubos maintindihan kung bakit sila aalis. Nakakaawang tingnan ang malungkot niyang mukha.

“K-kuya... hindi na tayo magkikita?” ang tanong niya sa akin.

“Syempre, magkikita pa.”

“B-bakit po kami pinaalis ng lolo?”

Mistulang may bumara sa aking lalamunan sa kanyang tanong. “Eh... hindi naman pinaalis. N-nag-usap lang sina papa mo na maghanap ng ibang bahay pansamantala.”

“Gusto naman po ni Papa rito eh. Masaya naman po siya rito, eh. At ako, masaya rin po dito.”

Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. Kinarga ko ang bata. “Oo nga. Pero may mga bagay na hindi mo pa maintindihan sa ngayon. Pero balang araw, paglaki mo ay maintindihan mo rin. Atsaka kapag saan kayo pupunta ay dadalaw din naman ako eh. Araw-araw.”

“Promise po ah?!”

“Oo promise.”

“O siya, aalis na kami. Mag bye kiss ka na sa Kuya Bugoy mo.”

Nagkiss si Jimjim sa akin. “Ipahatid ko kayo sa driver kuya.” Ang sambit ko.

“Huwag na. Hayaan mong tumayo ako sa sarili kong mga paa sa harap ng daddy mo. Alam mo ang ibig kong sabihin.”

Umalis sina Kuya Renan sa mismong oras din na iyon. Wala akong nagawa kundi ang pagmasdan sila sa may gate habang sumasakay sila sa taxi. Nang nasa loob na sila, hindi ko malimutan ang malungkot na mukha ni Jimjim habang nakatingin siya sa akin at kumaway. Mistulang isang sirang plakang pabalik-balik na tumutugtog sa aking isip ang inosente niyang tanong na tila isang sibat din na tumusok sa aking puso. “Bakit pinaalis kami ng lolo???”

(Ituutloy)

Note: Ang Chapters 26, 27 at 28 (Last Part) ay mababasa lang sa isang site po. If you want to know kung anong site, you may join the secret FB group para malaman. Look for me sa fb - Michaek Juha Full.

Maraming salamat po.

-Michael Juha.

6 comments:

  1. hello po. di ko mahanap part 26, 27 and 28 po ng kuya renan. sana po mapost dito huhuhu

    ReplyDelete
  2. Bakit kasi hindi pa ipost dito ang mga chapters

    ReplyDelete
  3. Dipo nag work yung link. Waahh!
    Papano ko po mabasa yung last 3 chapters?

    ReplyDelete
  4. Got it. Thank you po. Will follow back.
    Ganda ng story na to. Salamat sa pag share.

    ReplyDelete
  5. May link po s taas kung nasan ung succeeding chapters. Pag click nio po lalabas the page could not be found, click nio lng po ung search tapos itype nio ung title.

    ReplyDelete

FOLLOW US

Follow us in
- Friendster: www.friendster.com/msob
- Twitter: twitter.com/msoblue
- Facebook

Add michaelshadesofblue as your friend in facebook, friendster, and twitter: juha.michael@gmail.com

Disclaimer

All images and videos in this site are copyrights of their respective owners and "MSOB" claims no credit unless otherwise acknowledged. If you own the rights to any of the images or videos and do not wish them to appear on this site please, contact us at getmybox@hotmail.com and the items in question will be promptly removed.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails